Martes, Enero 21, 2020

ANG TUNAY NA BIBLE CHRISTIANS: Reflection for the 3rd Sunday in Ordinary Time Year A - January 26, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE and BIBLE SUNDAY

Sa darating na Linggo ay ipagdiriwang na natin ang National Bible Sunday.  Bakit nga ba mahalaga ang Biblia sa ating mga Kristiyano?  Ano ba ang ibig sabihin ng Biblia at para saan ba ito?  May isang lola na nagbabasa ng Biblia at habang siya ay nagbabasa ay pinagmamasdan siya ng kanyang apo. Manghang-mangha ang bata sa panood sa kanya.  Lumapit ito at nagtanong: "Lola, alam ko na po ang ibig sabihin ng Biblia!"  Tuwang-tuwa ang matanda at nagtanong: "Ano, yon apo?" Sagot ng bata: "Ang kahulugan ng BIBLE ay nasa limang titik nito: Basic Information Before Leaving Earth! Kailan ka aalis sa mundong ito lola?"  May punto naman talaga si apo... na dapat ay mabasa nating lahat ang Biblia bago natin lisanin ang mundong ito.  Kung ang Biblia ay "basic information" nararapat lang na gawin itong requirement sa isang Kristiyano bago siya "papasukin" sa kaharian ng langit.  Bakit ko nasasabi ito?  Sapagkat marami sa ating mga Kristiyano ang hindi nakikita ang kahalagahan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos.  Kung mayroon mang libro sa buong mundo na bestseller ay walang iba kung hindi ang Bibilia.  Kahit saan bookstore ka magpunta ay may section na kung saan ay nakapatong ang libro ng Biblia.  Nakakalungkot lang na katulad ng ibang libro ay madali natin itong pagsawaan at hinahayaan na lamang natin na inaalikabok sa estante!  Kung mahalaga ay dapat masagot natin ang mga katanungang ito:  Ano nga ba ang Biblia? Paano nga ba ang tamang pagbasa at pag-intindi nito?  Saan ba dapat ginagamit ito?  Noong nakaraang mga taon ay may isang mambabatas na ginamit ang Biblia bilang patunay na pinapayagan daw ng Diyos ang death penalty sapagkat ang Anak Niya mismo, na si Jesus, ay nahatulan ng death penalty.  Tama ba ang ganitong pag-iisip?  Sa totoo lang kahit sa lohika (logic) ay hindi ko makita ang kawastuhan ng ganitong pangangatwiran! Kumbaga sa boksing ay isang malaking sablay na suntok ang kanyang binitiwan na sa halip na kalaban ay ang referee ang tinamaan!  Ano ba ang dapat isaalang-alang sa pagbasa ng Biblia?   "May isang "Bible Christian" na mahilig gamitin ang Bibliya upang malaman kung ano ang gusto ng Diyos sa kanya lalo na sa paglutas sa kanyang mga prolema. Minsan ay nalugi ang kanyang negosyo at katulad ng kanyang nakaugalian ay sumangguni siya sa Biblia. Kinuha niya ito at nakapikit na binuksan ang pahina. Laking pagkagulat niya ng bumungad sa kanya ang Mateo 27:5 na nagsasabing: "Lumabas si Hudas at nagbigti!". Natakot siya at tinanong ang Panginoon: "Panginoon, ito ba ang nais mong gawin ko? At sinubukan niyang maghanap uli. Habang nakapikit ay muli niyang binuksan ang Bibliya at ang kanyang hintuturo ay tumapat sa Lukas 10:37 na ang sabi: "Humayo ka't gayon din ang gawin mo."Halos himatayin na siya sa takot nang muli niyang buksan ang Banal na Aklat. Ang bumungad sa kanyang talata: Juan 13:27"Kung ano ang iyong kailangang gawin, gawin mo na agad!" At alam n'yo na marahil ang kasunod... nagpakamatay siya!  Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store. Hindi lang ito naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS!  Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan.  Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Jesus sa atin sa kasalukuyang panahon. Ito ay ang pangangaral ni Jesus na naisulat upang ating basahin, pagnilayan at kapulutan ng aral sa ating pamumuhay bilang mga tagasunod niya.  Dito dapat tayo humuhugot ng lakas sa ating kahinaan.  Dito dapat tayo kumukuha ng pag-asa sa lahat ng kabiguan.  Dito dapat tayo kumukuha ng pasasalamat sa lahat ng biyayang patuloy na ipiangkakaloob ng Diyos sa atin.  Dito dapat tayo kumukuha ng paggabay upang maihatid tayo sa ating kaligtasan.  Kaya't isang malaking pagsasayang ang ating ginagawa kung hindi natin ito binubuksan at binabasa.  May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung may tiyaga akong magsayang ng maraming oras sa pagbabasa ng mga pocketbooks o Wattpad para sa mga techi, bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi ko matagalang basahin? Ang sabi nga nila: Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan! Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Tandaan natin na sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Diyos. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya? Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong isinasabuhay ba nila ito? Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa!  Basahin, pagnilayan at isabuhay! Ito ang paraan upang matawag na mga tunay na "Bible Christians".  Tatlong paraan upang maging buhay ang Salita ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay.  Sa taong ito ng Ekumenismo at Pakikipag-usap sa Iba't ibang Pananampalataya at Mamamayang  Katutubo ay magandang kumuha tayo ng inspirasyon sa Salita ng Diyos upang ipalaganap ang pagkakakisa at pag-uunawaan.  Huwag sanang gamitin ang Salita ng Diyos sa pagkakawatak-watak at pag-alipusta sa ibang pananampalataya o paniniwala.  Ang layunin ni Jesus ay upang pag-isahin tayo... "That they may be one!"  Ito ang panalangin ni Jesus sa Ama at sana ay maging panalangin din ng bawat isa sa atin habang pinapalalim natin ang ating pagmamahal sa Salita ng Diyos.

Biyernes, Enero 17, 2020

SA KAMAY NG TO. NINO: Reflection for the Feast of Sto. Nino Year A - January 19, 2020 - YEAR OF ECUMESNISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

Ang Kapisthan ng Sto. Niño ay tinatawag din na "Holy Childhood Day!"  Hindi "ibang Jesus" ang ating pinagdiriwang bagkus ito rin ang Jesus na naghirap, namatay at muling nabuhay ngunit bago mangyari ito ay dumaan muna sa kanyang pagkabata o pagiging "Niño."  Katulad ng debosyon sa Itim na Nazareno, ang Sto. Nino ay debosyong napalapit sa puso nating mga Pilipino.  Kung iiisipin natin ay nararapat lang sapagkat ang ating pananampalatayang Kristiyano, bilang mga Pilipino, ay naka-ugat sa Sto.  Nino.  Sa katunayan, ito ang unang imaheng ating tinanggap sa mga misyonero unan dumaong sa ating isla.  Sa susunod na taon ay ipagdiriwang na natin ang ika-500 taon ng ating pagiging Kristiyanong Katolikong bansa!   Ang Kapistahan ng Sto. Nino ay hindi lang para sa mga bata.  Ito rin ay para sa ating lahat na minsan ng dumaan sa ating pagkabata o childhood.  Inaanyayahan tayo ng kapistahang ito na "maging tulad ng isang bata."  Bakit? Ano bang meron sa isang bata?  May kuwento ng isang batang nagdarasal sa simbahan at humihingi ng bisikleta sa Diyos.  Ito ang paulit-ulit na binbanggit niya: "Lord,  bigyan mo naman ako ng bike." Kinabukasan wala siyang natanggap na bisekleta. Kaya nagdasal na naman siya at paulit-ulit na humihingi ng bike.  Pero wala pa rin siyang natanggap.  Kinabukasan napansin ng pari na nawawala ang estatwa ni Mama Mary.  Nakita niya ang isang sulat na nakalagay sa altar.  Ito ang nakasaad sa sulat: "Lord, kung gusto mo pang makita ang nanay mo, ibigay mo sa akin ang bike ko!"  Napakapayak mag-isip ng bata. Simple. Walang pakeme-keme.  Direct to the point!  Puwede rin nating sabihing siya ay tapat at totoo sa kanyang sarili.  Ngunit sa kabila nito ay nakikita rin natin ang kanyang kakulangan at kawalang kakayahan. Sabi ng isang kanta: "Batang-bata ako nalalaman ko 'to. Inaamin ko rin na kulang ang aking nalalaman at nauunawaan..."  Ang dalawang katangiang ito ang ating magandang pagnilayan sa kapistahang ito.  Ito rin ang nais ni Jesus na tularan natin sa isang bata.  Una ang kanyang kakulangan at kawalang kakayahan ay hindi isang kahinaan.  Bagkus ito pa nga ang nagpapatingkad sa isang katangiang dapat taglayin ng isang kristiyano.. ang pagtitiwala.  Ang kalakasan ng isang bata ay ang kanyang pagtitiwala sa kanyang mga magulang.  Pansinin ninyo kapag ang isang bata ay nawalay sa kanyang ina. Siguradong iiyak siya at hindi siya titigil hanggat hindi nakikita ang kanyang nanay.  Ito rin dapat ang maramdaman nating mga kristiyano kapag nalalayo ang ating kalooban sa Diyos!  At araw-araw ay dapat na ipinapahayag natin ang ating pagtitiwala sa Kanya at inaamin natin ang pangangailangan natin sa Kanya sapagkat Siya ang ating lakas sa sandali ng ating kahinaan.  Pangalawa ay ang pagiging tapat at totoo sa ating sarili.  Ang isang bata ay madaling umamin sa kanyang pagkakamali.  Ang matatanda ay laging "denial" sa kanilang mga pagkukulang.  Lagi nilang makikita ang kamalian ng iba ngunit hindi ang kanilang mga sarili.  Ang isang kristiyano ay tinatawag sa katapatan at pagiging totoo sa kanyang "identity" bilang alagad ni Kristo.  Hindi puwede ang "doble-karang kristiyano" sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at pakikitungo sa kapwa.  Hindi puwedeng ang dinarasal sa Simbahan ay kabaliktaran ng inaasal natin sa labas.  Nawa ang Kapistahan ng Sto. Niño ay magtulak sa ating umasa sa Diyos at maging tapat sa Kanya.  Saksi tayo sa mga nangyari nitong nakaraang araw.  Ang pagputok ng bukang taal ay totoong nagbigay ng pahirap sa marami nating kababayan.  Marami ngayon ang walang tahanan at ari-arian.  Marami ang lugmok sa kahirapan at walang kasigurahan ang pamumuhay.  Ngunit ang pangyayaring ito ay nagbigay daan din upang lumabas ang malasakit at galing ng ating mga kababayan.  Marami ang nagsasakrisiyo ngayon at nag-aabot ng tulong sa mga nabiktima ng trahedyang ito.  Kahit sa mga nabiktima ng pagsabog ng bulkan ay kahanga-hanga ang kanilang katatagan.  "In all these ashes, we will rise! The Lord is with us!"  Ang debosyon sa Sto. Nino ay makapagbibigay sa atin ng lakas upang muli nating ibalik ang ating malakas na pagtitiwala sa Diyos sa gitna ng hirap at dalamhati.  Huwag tayong matakot tumulomg at magbahagi.  Ang sabi nga ng isang post sa FB na nakita ko: "As we grow older, you will discover that you have two hands, one for helping yourself, the other for helping others."  Kapag tayo ay nagbibigay, bagamat nabubutasan ang ating bulsa, ay napupuno naman ng kagalakan ang ating puso kaya't ipagpatuloy natin ang pagpapakita ng kabutihan sa ating kapwa. Tandaan nating lahat tayo ay minsan nang dumaan sa ating pagkabata. Ngunit hindi dahilan ang ating pagiging matanda upang hindi na isabuhay ang mga magagandang katangian ng isang bata.  Sa katunayan, lahat tayo ay bata sa mata ng Diyos.  Lahat tayo ay NIÑO na nangangailangan ng Kanyang gabay at pagkalinga.  Sama-sama tayo, bilang isang bayan, na muling bumangon sa pamamagitan ng pagdamay sa ating kapwa.  "We rise by lifting others!"  Tandaan lang natin na tayong lahat ay nasa kamay ng Sto. Nino.  Hindi Niya tayo pababayaan.


Maligayang Kapistahan ng Sto. Niño sa ating lahat! VIVA PIT SEÑOR!

Sabado, Enero 11, 2020

KATOLIKO BA SI JESUS? : Reflection for the Feast of the Lord's Baptism Year A - January 12, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Minsan ay may batang lumapit sa akin at nagtanong:  "Father, si Jesus ba ay "Katoliko?"  Napaisip tuloy ako ng di oras! Ayawkong magkamali ng sagor kaya't tinanong ko na lang siya: "Bakit mo naman naitanong yun?"  Sagot ng bata: "Kasi po nabasa ko sa Bibiliya na bininyagan din s'ya... Ibig sabihin naging Katoliko s'ya!"  At doon ko natintdihan na marahil ay nalito siya sa Sakramento ng biyag na kanyang tinanggap at sa binyag na tinaggap ni Jesus kay Juan Baustista.  Sinabi ko sa kanya na magkaiba ang binyag na tinaggap ni Jesus sa ating binyag na tinanggap noong tayo ay naging Katolikong Kristiyano.  Sa katunayan ay hindi naman kinakailangang magpabinyag si Jesus kay Juan Baustista sapagkat ang binyag na ibinibigay ni Juan ay ang binyag para sa pagsisisi ng kasalanan.  Alam naman nating walang kasalanan si Jesus!  Kahit si Juan ay batid ito kaya nga't ang sabi niya "Ako po ang dapat na binyagan ninyo, at kayo ang pa ang lumalapit sa akin!"  Ang ating binyag sa kabilang dako ay totoong nag-aalis din ng kasalanan ngunti ito ay isang "Sakramento" na itinatag ni Jesus upang tayo ay maging mga anak ng Diyos at maging kabahagi ng "Pamilyang Kristiyano Katoliko" na kung saan ay si Jesus ang ulo at tayo ang nagiging bahagi ng kanyang katawan.  Ngunit sino nga ba ang dapat na binibinyagan? Isang katolikong matandang mayamang babae ang lumapit sa pari at nagtanong kung maari bang binyagan ang kanyang alagang aso. Napasigaw ang pari na ang sabi: "Ginang, ang binyag ay ibinibigay lamang sa tao at hindi sa hayop! Hindi maaring binyagan ang alaga mong aso!" Sagot ng matanda: "Ay ganoon po ba Father, sayang magdodonate pa naman sana ako ng isang milyong piso para sa simbahan. Hindi na bale, d'yan ko na lang siya sa simbahan ng Aglipay pabibinyagan!" sabay talikod. Panghabol naman ang pari at sinabing: "Ginang, bumalik ka... ba't di mo sinabing Katoliko ang aso mo!!!" Ano nga ba ang kahulugan ng binyag para sa ating mga Kristiyano? Bagamat may malaking pagkakaiba ang Binyag na tinanggap natin sa Binyag na ibinigay kay Jesus ni Juan Bautista ay makakakitaan natin ito ng parehong aral. Ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ay tinatawag na ikalawang Epipanya sapagkat dito ay muling ipinakilala ni Jesus ang tungkol sa kanyang sarili. Kung sa unang Epipanya ay ipinahayag Niyang Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan sa ikalawang Epipanya ay ipinakilala niya ang kanyang "identity" bilang "Anak na kinalulugdan ng Diyos" na nakiisa sa ating abang kalagayan. Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang. misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos. Ano ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama. Ang pangakong ito ay iniatang sa atin sa pamamagitan ng atng mga magulang at ninong at ninang noong tayo ay biniyagan sapagkat wala pa tayong kakahayan para gawin ito.  Ngunit ngayong may sapat na tayong pag-iisip ay inaako na natin sa ating sarili ang mga pangakong ito.  Sa katunayan ay sinasariwa natin ito lalo na sa Kapanahunan ng Pasko ng Pagkabuhay o Easter.  Ikalawa, na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at banal.  Magagawa natin ito sa simpleng paraan ng pagiging "mabubuting Kristiyano at tapat na mamamayan!"  Lagi nating sundin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng ating mga pagpili at mging maging mabubuti tayong miyembro ng lipunan na handang manindigan sa katarungan at namumuhay na mabuti na isinasalang-alang palagi ang pagtulong sa nangangailangan.  Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpaka-kristiyano.  Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan.  Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba. Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano... Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo, lubos na kinalulugdan ng Ama!

Sabado, Enero 4, 2020

ANG MGA TUNAY NA PANTAS (Resposted): Reflection for the Solemnity of the Epiphany Year A - January 5, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Ngayon ay ang dakilang kapistahan ng EPIPANYA o ang Pagpapakita ng Panginoon.  May ilang bansa na tinatawag itong "The Second Christmas."  Dito kasi nila ginagawa ang pagbibigayan ng mga regalo bilang pag-alala sa paghahandog ng regalo ng mga pantas sa sanggol na Jesus.  Para sa ating mga Katoliko, ito ang huling linggo ng pagdiriwang ng Kapaskuhan.  Kaya nga't hindi pa rin natatapos ang pagbibigayan ng regalo o aguinaldo.  At dahil ito ang Kapistahan ng Epipanya o Pagpapakita, nararapat lang na magpakita na ang mga nagtatagong mga ninong at ninang sa kanilang mga inaanak.  Maawa naman kayo sa kanila! hehehe... May tatlong ipinapakita ang kapistahang ito.  Una sa lahat, ito ay pagpapakita na si Jesus ang tagapagligtas ng lahat maging ng mga hentil.  Ang sabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso: "sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Hesus."  Ang mga pantas ay nagmula sa silangan, ibig sabihin ay hindi sila mga Hudyo.  Ipinapakita ng kapistahang ito na si Jesus ay tagapagligtas ng lahat.  Ikalawaipinakita nito kung sino si Jesus sa pamamagitan ng kanilang tatlong handog na ginto, kamanyang at mira.  Ang ginto ay kumakatawan sa pagkahari ni Jesus, ang kamanyang ay sa kanyang pagka-Diyos at ang mira ay sa kanyang pagiging tao. Ikatloipinapakita ng kapistahang ito na ang pagmamahal ay nabibigyang katuturan sa pamamagitan ng PAGBIBIGAY.  Ang Diyos ang unang nagpakita nito nang ibinigay Niya sa atin ang Kanyang bugtong na Anak at ang anak na ito ang nagbigay naman sa atin ng kanyang walang hanggang pagmamahal sa pag-aalay ng Kanyang buhay sa krus bilang pagsunod sa kalooban ng Kanyang Ama. Sa mga susunod na araw ay ipagdiriwang natin ang TRASLACION ng Poong Nazareno.  Ito rin ay nagpapakita ng matinding deboyon nating mga Pilipino at kung paano natin ipinagkakatiwala ang ating buhay sa Panginoong naghirap at nagpasan ng krus.  Kung ating pagninilayan ang imahe ng Poong Nazareno ay makikita natin ang pagkahari ni Jesus. Ipinapakita ito  ng kanyang maringal na kasuotan. Makikita rin natin ang kanyang pagka-Diyos at pagkatao sa kanyang mukhang naghihirap ngunit may nakapaligid namang sinag na nagpapakita ng kanyang kabanalan.  Ngunit higit sa lahat ay mababakas natin sa imahe ng Poong Nazareno ang kanyang malaking pagmamahal sa ating lahat at ang pagmamahal na ito ay walang itinatangi.  Ang kanyang paghihirap ay para sa lahat!   Ang lagi kong lang na ipinaaalala sa mga mamamasan o mga deboto ng Nazareno ay ito: na hindi tayo ang nagbubuhat kay Jesus, sa halip tayo ang binubuhat niya!  Sa pagpasok natin sa Bagong Taon ay kilalanin natin si Jesus bilang hari ng ating buhay at hayaan nating buhatin niya ang ating mga paghihirap at suliranin.   Subukan nating hanapin Siya lalo na sa mga hindi magandang pangyayari ng ating buhay.  Ang tunay na mga taong pantas ay ang handang maghanap at kumilala sa kanya bilang kanyang HARI.   "Wise men still seek Him!"  

Lunes, Disyembre 30, 2019

LABAS MALAS, PASOK BUENAS SA 2020: Reflection for the Solemnity of Mary Mother of God and New Years Day. Year A - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Isang mapayapa at mapagpalang bagong taon sa inyong lahat! Ang pagpasok ng taong 2020 ay dapat magdulot sa atin ng pag-asa sa kabila ng marami nating alalahanin sa buhay. Ano sa palagay mo? Susuwertehin ka ba sa taong ito?  Kaya siguro marami sa atin ang ginagawa ang lahat ng paraan para magpapasok ng suwerte. Nariyan na ang pagbuo ng 12 prutas na bilog. Sigurado akong marami nyan sa inyong lamesa kagabi sa pagpalit ng taon. Pero dapat nating tandaan, Hindi mga prutas ang mag-aakyat ng blessings sa buhay mo.  Ang makapagbibigay ng blessings sa buhay mo ay si Jesus lamang at wala ng iba! Nariyan na ang pagbili ng tikoy! Para daw mas malagkit ang kapit ng swerte! Nariyan na ang pagsusuot ng damit na kulay pula at siyempre ng polka-dots na sumisimbolo sa pera. Mas maraming polka-dots mas maraming pera ang makukuha. Nariyan na ang pagpapaputok upang itaboy ang malas at masasamang maaring mangyari sa bagong taon. Bagamat alam natin na hindi ang ingay ng mga paputok ang magpapalayas sa “mga demonyo” ng ating buhay kundi ang taimtim na pananalangin sa Diyos at madalas na pagtanggap ng mga sakramento lalo na ang Eukaristiya at pagkukupisal at pag-iwas sa kasalanan maliit man o malaki. Pero may payo si "Manang" sa isang text na aking natanggap tungkol sa paghahanda para di malasin ang taon: “Para di malasin ang New Year, huwag mong isali sa handa ang bilog na prutas na may itim na buto tulad ng pakwan, chico, papaya at iba pa. Huwag ka rin maghanda ng ice cream para di matunaw ang swerte at higit sa lahat huwag maghanda ng ulam na galing sa hayop na may apat na paa gaya ng baboy, baka, kambing at baka tumakbo ang swerte. Huwag din maghanda ng isda at laman dagat at baka malunod ang swerte. Huwag din maghanda ng may pakpak tulad ng manok o pabo at baka lumipad ang swerte. Huwag ka na kayang maghanda at matulog ka na lang! Happy New Year!” Masama bang sumunod sa mga pamahiing ito? Hindi naman siguro basta't hindi namin kalilimutan na ang kapalaran ng tao ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin kundi sa matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. At dito ay ibinibigay sa atin ang Mahal na Birheng Maria upang ating maging huwaran. Kaya marahil ang unang araw ng taon ay laging nakatuon sa pagdiriwang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos. Tinamaan ng suwerte ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos! Walang ng suwerteng hihigit pa dito! Ngunit hindi ito ang talagang kadakilaan ni Maria. Nang may nagsabi kay Jesus habang siya ay nagtuturo: "Mapalad ang sinapupunang nagluwal sa iyo!" Ngunit agad niya itong itinama at sinabi "Mas mapalad ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos!" At sino ba sa lahat ng nilikha ang naging masunurin sa kalooban ng Diyos maliban sa Mahal na Birheng Maria? Mga kapatid, ang kapalaran natin sa bagong taong ito ay nakasalalay sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos kaya't nararapat lamang na katulad ni Maria ay maging masunirin tayo sa Kanya. Lagi naman natin itong dinarasal "... sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit..." Sapat lamang na isabuhay natin ito ng may pananalig.  At ano ang kalooban ng Diyos para sa atin?  Simple lang, ang maging mabuti ayon sa ating katayuan sa buhay... mga tatay na mabuti sa kanilang asawa at mga anak, mga anak na mabuti sa kanilang magulang, mga kapatid na mabuti sa kanilang kapatid, mga kaibigan na mabuti sa kanilang barkada!  At sa Taong ito ng Ekumenismo at Pakikipag-usap sa iba’t ibang Pananampalataya at Mamamayang katutubo ay pairalin natin ang kabutihan ng puso.  Ang mensahe nga ng ating Santo Papang si Pope Francis ay “Do good even if others are not!”  Ibig sabihin ay maging mabuti tayo sa lahat at walang itinatangi ang ating paggawa ng mabuti kahit na sa ma taong gumagawa ng masama sa atin.  Sa paggawa ng kabutihan ay maiging maligaya tayo at laging magiging “good vibes” ang ating buhay na siyang nagpapasok ng tunay na suwerte! Kaya't huwag nating ipagsapalaran sa mga pamahiin ang ating bukas. Kung tutularan lamang natin ang Mahal na Birhen at sasabihin din nating "mangyari nawa sa aking ayon sa wika mo..." sigurado akog LALABAS ANG MALAS AT PAPASOK ANG BUWENAS!

Sabado, Disyembre 28, 2019

SUSMARYOSEP (reposted): Reflection for the Feast of Holy Family Year A - December 29, 2019 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Lahat tayo ay tumanggap ng isang mahalagang regalo noong araw ng Pasko.  Siya ay ang "Emmanuel", ang Diyos na sumasaatin  Pinili ng Diyos na isilang sa isang pamilya at ang pamilyang ito ay tinawag nating BANAL NA PAMILYA nina Jesus, Maria at Jose. Alam n'yo bang parating nating nababanggit ang Banal na Mag-anak sa hindi makabulahan at walang kapararakang bagay.  "SUSMARYOSEP!" Kalimitan nating naririnig at ginagamit ang mga katagang ito kapag tayo ay nagugulat. Alam ba ninyong ito ay hango sa tatlong banal na pangalan nina JeSUS MARia at JOSEPH? Kaya nga kung minsan nakakalungkot na nawawalan na ng tamang paggalang ang paggamit ng salitang ito.  Minsan sa isang religion class ay nagtuturo ang isang madre: "Mga bata, alam ba ninyong tayong lahat ay nilikha ng Diyos? Galing tayo sa Kanya!" Sagot ang isang bata, "Sister, ang sabi po ng nanay ko ay galing daw tayo sa unggoy!" "Iho", sagot ni sister, "hindi natin pinag-uusapan ang pamilya mo dito!"   Papayag ka bang ang pamilya mo ay galing sa unggoy? Pero ito ang nangyayari ngayon... "INUUNGGOY" ang pamilya! Hindi na nabibigyan ng sapat na respeto ang karapatan at dignidad nito.  Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay kaya napayagan ang RH Bill. Ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin.  Nariyan na rin ang pisikal at emosyonal na pang-aabuso sa mga miyembro ng pamilya.  At higit sa lahat napipinto na ang pagpapawalang bisa sa kasal ng mag-asawa sa pamamagitan ng DIVORCE.  Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya!  Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL.  Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi.   Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago.  Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO." Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito.  Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya.  Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA.  Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga.  Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya.  May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA.  Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga.  Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang.  Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA!  At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN.  "The family that prays together, stays together!"  Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL.  Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban.  Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan.  Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig  ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA!

ANG SORPRESA NG DIYOS (Reposted) : Christmas Day - December 25, 2019 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Nakatangap ka na ba ng regalo ngayong Pasko?  Binuksan mo na ba?  Ako, mamaya pa magbubukas ng mga regalo ko bago mag-alas dose kasi gusto ko ng may "element of surprise" sa pagbubukas ng aking mga Christmas gifts!  Hindi ba nakakasurpresa ang magbukas ka ng gift na pagkaganda-ganda ng pagkakabalot at pagkatapos ang tatambad sa 'yo ay isang dosenang "Good Morning Towel?"  Hindi mo alam kung matutuwa ka o maiinis ka sa nagbigay! Yan ang napapala ng mahilig sa "surprise".  Ngunit kahit ano pa man, gusto pa rin natin ang nasosorpresa tayo sa ating ginagawa at ito ay walang pinipiling katayuan sa buhay  May kuwento ng isang tatay na may sakit na kanser ang tinanong ng kanyang anak: "Ita'y anong gusto mong gawin sa 'yo pag namatay ka na? Gusto mo bang ilibing sa lupa o i-cremate ka na lang?"  sumagot ang matanda, "Bahala ka na anak?  I-surprise mo na na lang ako!" hehehe...  Ang lupet di ba? Mamamatay na lang "surprise" pa rin ang gusto!  Minsa na rin tayong sinurpresa ng Diyos.  Mahigit dalawang libong taon na ang nakararaan n,g surpresahin Niya tayo sa pagsusugo ng Kanyang bugtong na Anak.  "For God so love the world that He gave His only begotten Son..."   At ang dahilan ay sapagkat minahal Niya ang mundo. Minahal Niya tayong lahat.  Isa itong malaking surpresa sapagkat sinong mag-aakalang ang Diyos mismo ang gagawa ng paraan upang muling itali ang napatid Niyang relasyon sa tao.  Ang Pasko ay ang pagbibigay ng malaking surpresa ng Diyos sa tao!  At ito nga ang ipinahayag ni San Juan sa pasimula ng kanyang Ebanghelyo:  "Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos... Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin."  Ang Salita na Diyos ay nagkatawang-tao.  Mahirap maunawaan ang katotohanang ito!  Mahirap matarok ng ating karaniwang pag-iisip ang ginawang ito  ng Diyos.  May kuwento na minsan ay may lalaking nagdasal sa Panginoon sapagkat nagkandamamatay ang kanyang mga alagang baboy.  Ito pa naman ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya kaya't nagsumamo siya sa Diyos na iligtas ang kanyang mga baboy sa kamatayan.  Sumagot naman ang Diyos at sinabing: "Sige, bukas na bukas din ay gagaling ang iyong mga alagang baboy ngunit may isang kundisyon, bukas pagkagising mo ay makikita mo ang iyong sarili sa kulungan ng mga baboy.  Kasama ka nilang kakain, matutulog at magpapagulong-gulong sa kanilang dumi, sa madaling salita... magiging baboy ka rin!"  Napaisip ang lalaki at pagkatapos ng ilang sandali ay nagdasal:  "Lord, kunin mo na lang ang mga baboy ko!" hehehe... Ikaw kaya ang malagay sa kanyang sitwasyon, papayag ka ba na maging baboy?  Kung ating iisipin ang tao at baboy ay parehong hayop.  Mas mataas lang ang tao sapagkat siya ay hayop na nag-iisip! Tanggalin mo ang kanyang kakayahang mag-isip at mag-aasal hayop siya!  Kaya nga't hindi ganun ka-imposible ang tao na "magkatawang-baboy.  Ngunit ang Diyos na maging tao ay hindi saklaw ng tamang pag-iisip.  Paanong ang MANLILIKHA ay ibaba ang kanyang sarili at magiging isang nilikha?  Tanging Diyos lang ang may kakayahang gumawa ng ganyan.  Tayo rin ay ninanais ng Diyos na maging "surpresa" sa ating kapwa ngayong panahon ng Kapaskuhan.  Bakit hindi mo subukang kausapin ang mga miyembro ng iyong pamilya na matagal mo ng hindi kinikibo? Sorpresa yan!  Bakit hindi mo subukang magpatawad kahit na hindi ikaw ang mali. Masusurpresa ang kagalit mo!  Bakit hindi mo tanggalin ang pag-iinom, pagsusugal, o ang anumang bisyong taglay mo?  Sigurado ako, masusurpresa ang pamilya mo sa iyo!  Nawa ang Paskong ito ang maging daan upang matularan natin ang surpresang ibinigay ng Diyos sa atin.  Gawin nating makatotohanan ang pagsasabuhay ng ating pagiging Kristiyano at magugulat na lang tayo na wala tayong kamalay-malay na nasurpresa na pala tayo ni Kristo!

Sabado, Disyembre 21, 2019

KATAPATAN SA DIYOS: Reflection for the 4th Sunday of Advent Year A - December 22, 2019: YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Naniniwala ka ba sa panaginip?  May mga nagsasabing totoo ang panaginip at maaring mangyari sa ating buhay.  Sa iba naman ito ay kabaliktaran ng mangyayari.  Totoo nga kaya ang panaginip?  Dapat ba nating paniwalaan ito?  May kuwento ng isang batang laging nananaginip at nagkakatotoo ang kanyang mga panaginip sa loob lamang ng dalawampu't apat na oras pagkatapos niyang magising. Alam ito ng kanyang mga magulang at sa kanilang palagay ay isa itong "extraordinary gift" sa kanilang anak.  Minsan nanaginip ang bata at sumisigaw ng "Lolo... lolo...."  Narinig ito ng kanyang ama kaya't natakot sya sa maaring mangyari.  Kinabukasan ay nakatanggap sila ng tawag sa telepono... patay na si Lolo.  Pagkatapos ng isang linggo ay muling nanaginip ang bata at sumigaw uli: "Lola... lola!"  Kinabukasan ay muli silang nakatanggap ng tawag na pumanaw na ang kanilang lola.  Wala pang isang linggo ay muling nanaginip ang bata: "Daddy! Daddy!"  Kinilabutan ang tatay!  Kinabukasan ay kabadong-kabado siya sa puwedeng mangyari sa kanya.  Ngunit lumipas ang dalawampu't apat na oras ay wala namang nangyari sa kanya kaya't masaya niya itong ibinalita sa kanyang misis!  "Dear, magsaya tayo! Wag kang malungkot! Buhay pa ako!"  Ngunti malungkot na sinabi ng babae na: "Mahal, namatay ang driver natin kagabi! Wala na tayong driver!"  O di ba? Kung minsan ay totoo ang panaginip.  Ito ang nangyari kay Jose ng managinip siya isang gabi pagkatapos niyang magdesisyon na hiwalayan ng tahimik si Maria sapagkat nagdadalantao na ito ng kanyang naratnan.  Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa s'yang taong matuwid ay ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria kayat nagdesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik.  Ang parusa kasi sa babeng nahuling nakikiapid ay kamatayan!  Katulad ng sino mang lalaki, si Jose ay may pangarap sa buhay. Pangarap niya marahil ang magtayo ng pamilya. Isa siyang taong matuwid at alam ang kanyang gusto sa buhay. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina!  Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos.  Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari.  Maraming pagsubok tayo sa buhay na hinaharap at kalimitan ay hindi ito naayon sa ating plano. Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabaho, nasunugan ka ng bahay, namatayan ka ng mahal sa buhay ay mga halimbawa ng kakaibang plano ng Diyos na totoong mahirap unawain at tanggapin.  Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Tandaan mo, ang Diyos ay lubos na nagtitiwala sa iyo tulad ng pagtitiwalang ipinamalas Niya kay Jose.  "Believe in  God who believes in you!"  Tatlong tulog na lang at Pasko na!  Sa katunayan ay nasindihan na ang pang-apat na kandila sa ating Korona ng Adbiyento.  Tunay ngang malapit na ang Pasko at nararapat lang na maging "Merry" ang ating "Christmas!"  May dahilan upang tayo ay magsaya sapagkat una ay tinanggap natin noong unang Pasko ang pinakamahalagang "regalo"  na walang iba kundi si Jesus mismo, ang Diyos na sumasaatin.  Pangalawa, ang dala ni Jesus sa kanyang muling pagdating sa wakas ng panahon ay "kaligtasan" para sa mga nanatiling tapat sa kanya!  Habang hinihintay natin ang pagdating na ito "sa wakas ng panahon" ay tinatawagan tayong tanggapin siya sa araw-araw na pagdating niya sa ating puso.  Kung paanong naging tapat ang Diyos sa tao ay gayundin naman, inaasahan niya ang ating matiyagang katapatan laong-lalo na sa mga pagkakataong hindi nasusunod ang mga plano natin.  Gayahin natin si San Jose na nanatiling tapat sa Diyos sa kabila ng maraming katanungan sa mga mahiwagang pangyayari ng kanyang buhay. Tunay nga na ang  Pasko ay pagdiriwang ng katapatan ng Diyos sa tao at ang sagot na katapatan ng tao sa Diyos.

Sabado, Disyembre 14, 2019

ANG SORBETERO NG PASKO: Reflection for 3rd Sunday of Advent Year A - December 15, 2019 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

Sa lahat ng Simbahan ngayong Linggo ay sisindihan ang kandilang kulay "pink" ng Korona ng Adbiyento. Sumasagisag sa kaligayahang ating nadarama dahil papalapit na ang pagdiriwang ng Pasko. Ang tawag sa pagdiriwang natin ngayon ay "Gaudete Sunday". Ibig sabihin ay "Magsaya!" Ano nga ba ang nagbibigay sa atin ng kaligayahan tuwing Pasko? May isang sorbetero na lubos na kinagigigiliwan ng mga bata dahil sa kanyang masarap na ice cream. Ngunit higit sa ice cream ay ang kanyang pagkamasayahin, magaling siyang mag-entertain sa mga batang kanyang suki! Minsan sinabi n'ya sa kanila: "Alam n'yo bang ako'y magikero? Kayang kong gawin ang lahat ng nais n'yo! " Sabi ng mga bata: "Sige nga po... bigyan n'yo nga kami ng maraming-maraming ice cream na hindi nauubos?" Nalungkot ang sorbetero. Sa isang iglap ay naglaho s'ya at nakita ng mga bata ang napakaraming supply ng ice cream sa kanilang harapan. Masayang-masaya sila! Nakalimutan ang sorbetero. Ngunit pagkatapos ng ilang araw ay nalungkot muli sila... parang may kulang! Hanggang isang araw ay may nakita silang matandang lalaki na malungkot na nakaupo sa daan. "Bakit po kayo malungkot? Sino po kayo?" Biglang may nilabas sa kanyang bulsa ang lalaki, isang maliit na "bell" at pinatunog ito. Laking pagkatuwa ng mga bata. Nagbalik sa kanila ang sorbetero! At doon nila naunawaan na ang nagpapasaya sa kanila ay hindi ang ice cream kundi ang sorbetero! Si Jesus ang sorbetero ng Pasko! Akala natin ang mga ice cream ang nagpapasaya sa Pasko! Masarap na Noche Buena, bagong sapatos at damit, regalo, Christmas party, dekorasyon... Pero lahat ng ito ay parang ice cream na matutunaw! Ang tunay na nagbibigay ng kaligayahan sa Pasko ay ang sorbetero... si Hesus! Siya ang "reason of the season!" May Pasko sapagkat may Diyos na nagmahal sa atin ng lubos at ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo'y iligtas sa pagkakaalipin sa kasalanan! Nakakalungkot sapagkat marami sa atin ang nakakalimot sa pagtanggap sa Kanya. Naiiwan tayo sa mga "ice cream" na natutunaw!  Tandaan natin na ang Adbiyento ay ang agarang paghahanda natin sa pagdating ng Panginoon sa ating piling.  At dahil diyan tayo ay naghihintay.  Ngunit ito ay paghihintay na hindi tulad ng isang taong bibitayin na nasa death row. Nakakatakot na paghihintay iyon! Hindi rin ito paghihintay na tulad ng isang taong tumaya sa lotto na walang kasiguruhan kung siya ba ay mananalo o hindi.  Ang Adbiyento ay hindi nakakatakot at walang kasiguruhang paghihintay.  Bagkus ito ay masayang paghihintay sapagkat ang darating ay ang Panginoon at ang kanyang dala-dala ay kaligtasan! Kaya nga't may kasamang saya at galak ang ating paghihintay sa Panginoong darating at ito ang isinasagisag ng kulay pink o rosas na kandila na ating sinidihan sa ating Korona ng Adbiyento.  Ang kaligtasang dala ng Panginoon ang siyang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kagalakan. Katulad ng mga unang Kristiyano, ang dinarasal natin ay "MARANATHA!" Halina Jesus sa aming piling! May galak nating kinasasabikan ang muling pagdating ng Panginoon.  Ang kagalakang ito ay ang ipinahayag ni Propeta Isaias: "Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi... paghaharian sila ng kalgayahan.  Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman."  Ito rin ang tandang ibinigay ni Jesus sa mga alagad ni Juan Bautista ng suguin sila upang itanong kung sya na nga ba ang hinihintay nilang Mesiyas.  Si Jesus ang "sorbetero' ng Pasko na siyang dahilan ng ating pagiging masaya sa panahon ng Kapaskuhan.  Huwag natin Siyang isantabi sa araw ng Kapaskuhan at palitan Siya ng mga makamundong kasiyahan.  Ngayong "Gaudete Sunday", hinihikayat tayong pag-isipan kung ano ba ang tunay na nagpapaligaya sa atin sa Pasko. Siyam na araw na lang at Pasko na... baka nasa pagkain "ice cream" pa lang nakatuon ang iyong paghahanda.  Panahon na upang bigyan mo naman ng ng pansin ang "sorbetero ng Pasko" sa iyong buhay!

Biyernes, Disyembre 6, 2019

ANG PAGKATOK NG DIYOS SA ATING PUSO: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year A - December 8, 2019 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

Ang literal na ibig sabihin ng Adbiyento ay "pagdating".  Dahil may darating nararapat lang na tayo ay maghintay at maghanda.  Kaya nga ito rin ay nangangahukugan ng "paghahanda".  Sino ang pinaghahandaan natin sa panahon ng Adbiyento?  Walang iba kundi si Jesus.  Si Jesus ay matagal ng dumating.  Ito ay ginugunita natin taon-taon sa pagdiriwan ng kapaskuhan na kung saan ay binibigayan nating parangal ang kanyang pagkakatawang-tao.  Dahil dito ang Adbiyento ay paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko.  Ngunit si Jesus ay nangako rin ng kanyang muling pagbabalik na kung saan ay dadalhin niya tayo sa buhay na walang hanggan at ito rin ay dapat nating paghandaan.  Kaya nga't ang Adbiyento rin ay paghahanda sa kanyang muling pagbabalik.  Sa gitna ng kanyang unang pagdating at huling pagdating ay may tinatawag tayong MAHIWAGANG PAGDATING.  Kailan at saan ito nangyayari?  May kuwento ng isang sikat na pintor na gumawa ng isang obra.  Ang kanyang painting ay hango sa Aklat ng Pahayag na kung saan ay makikita si Jesus na kumakatok sa isang pintuan.  Napakagaling ng kanyang pagkakaguhit.  Nakakamangha sapagkat parang naririnig mo ang dahan-dahang pagkatok ni Jesus sa pinto.  Ngunit may isang batang pumuna sa kanyang obra. "Mamang pintor.... bakit walang door knob ang pintuan? "  Napangiti ang pintor at sinabing "Sinadya ko yan! Sapagkat, kakaiba ang pintuang ito.  Ang door knob ay wala sa labas kundi nasa loob!"  "Meganun?" laking pagtataka ng bata.  "Ano ang tawag sa pintuan iyan?" Sumagot ang pintor: "Ang tawag diyan iho ay ang pintuan ng puso ng tao!  Ang Diyos patuloy na kumakatok sa puso natin ngunit tayo lang ang puwedeng magbukas at magpatuloy sa kanya.  Ang door knob ng puso natin ay nabubuksan lamang sa loob kung gugustuhin natin."  Ito rin ang ginagawa ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral. Kinakatok niya ang puso ng mga Hudyo na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan at ihanda nila ng tuwid na daraanan ang Panginoon.  Ito ang isinisigaw ni Juan Baustista sa ilang: "Magpanibagong-buhay kayo. Malapit ng dumating ang kaharian ng Diyos... Ngayon pa'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punongkahoy." Wag sana tayong padala sa malaking kasinungalingang ibinubulong sa atin ng demonyo na mahaba pa ang ating buhay... na marami pa tayong oras! Mas mabuti na lagi tayong handa. Baka bukas hindi na tayo magising. Baka yung kinain natin ay huling hapunan na. Walang makapagsasabi. Ngunit 'wag sanang takot ang mgtulak sa atin sa pagbabalik- loob. Tandaan natin, ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... ang nais Niya ay atin Siyang mahalin! Tatalikuran ko ang aking masamang pag-uugali dahil mahal ko ang Diyos. Mabubuhay ako ng mabuti dahil mahal ko Siya!  Ito ang pagbabagong-loob na kinalulugdan N'ya.  Ito ang pagkatok ng Diyos sa ating mga puso. Kaya ang Adbiyento ngayon ay nagkaroo ng pangatlong pakahulugan:  Ito ay ang agarang pagtugon sa pagtawag ng Diyos na magbalik-loob at magbagong buhay.  Ang pagbabagong ito ay isang METANOIA.  Ibig sabihin, ito ay tuloy-tuloy na pagbabago ng isip, ng puso at ng uri ng ating pamumuhay!  Ang pagtuwid ng landas ay nangangahulugan ng pagsasaayos ng ating luma at magulong pamumuhay.  Ito ay pagtanggal ng ating masamang pag-uugali at pagpupuno ng ating pagkukulang sa ating kapwa.  Ang metanoia ay nangangahulugan ng bagong pag-uugali!  Si Jesus ay araw-araw na kumakatok sa ating puso. Ang "pagkatok"ng Diyos ay dumarating sa mga sandaling hindi natin inaasahan at sa mga taong hindi natin inaakala kaya't lagi dapat tayong handa.  Maaari Siyang dumating sa pagkatao ng isang kaibigan o kaaway.  Maari siyang dumating sa mga mahihirap at nangangailangan.  Maari siyang dumating sa tinig ng mga taong kulang sa pag-aaruga at napapabayaan. Ngayon ay ang "Taon ng Ekumenismo, Pakikipag-usap sa Iba't ibang Pananampalataya at Mamamayang Katutubo".  Ito ay bahagi ng ating paghahanda para sa ika-500 daang taong anibersaryo ng ating Pananampalatayang Katoliko.  Inaanyayahan tayo ng Simbahan na buksan ang ating puso sa pakikipag-usap at pagtanggap sa ating mga kapatid na nasa ibang pananampalataya at ibang paniniwala.  Ito ay sapagkat and Diyos ay maari ring manahan sa kanila.  Sa halip na pagkakaiba ay tingnan natin ang ating pagkakatulad upang ating silang tanggapin at mahalin.  Si Jesus ay kumakatok ngayon sa ating puso... pagbubuksan mo ba siya?  Ito ang panawagan ng ikalawang Linggo ng  Adbiyento:
Paghandaan natin ang daraanan ng Panginon! Pagbuksan natin siya at huwag saraduhan ang pintuan ng ating puso.