Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Hulyo 31, 2009
Reflection: 18th Sunday in Ordinary Time Year B - Aug. 2, 2009: MGA BUTIHING PASTOL
Mayroong kuwento na minsan daw sa labas ng pintuan ng langit ay naghihintay na tawagin ang isang pari kasama ang kanyang mga parokyano. Asang-asa ang pari na siya ang unang tatawagin sapagkat siya "daw" ang pinakabanal sa lahat. Unang tinawag ang babaeng nagtitinda ng sampaguita sa labas ng gate ng Simbahan. Tahimik lang ang pari. "Di bale, siguro naman, ako na ang susunod!" Laking pagkagulat niya nang ang sunod na tinawag ay ang matandang manang na laging nagtitirik ng kandila sa estatwa ng Mahal na Birhen. "Aba, di na ata makatarungan ito. Nalagpasan na naman ako!" At lalong nag-init ang pari nang biglang tinawag ang kanyang sakristan! Bigla siyang sumingit sa pila at sinabi: "San Pedro, hindi ata tama ang ginagawa ninyo! Bakit ako nauunahan ng mga parokyano ko? Ano ba ang ginawa nila at dapat silang mauna sa akin?" "Simple lang", sagot ni San Pedro... "Pinagdasal ka nila!" hehe... Ngayon ang araw ng mga Kura Paroko. Sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Juan Maria Vianney ay inaalala natin sila. Ipinagdarasal natin na sana sila ay matulad sa ating Mabuting Pastol na si Jesus. Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang mga taong labis ang paghahangad na muling makita si Jesus pagkatapos ng mahimala niyang pagpaparami ng tinapay. Bagamat "materyal na kadahilan," ang nagbunsod sa kanila upang hanapin si Jesus ay naroon pa rin ang katotohanan na para silang mga tupang walang pastol na nangangailangan ng pagkalinga. Kaya nga nais ni Jesus na palalimin nila ang kanilang pag-intindi sa kanya. "Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan." May mga sandali din ba sa aking buhay na hinahanap ko rin ang Panginoon? O baka naman sa sobrang kaabalahan ko sa makamundong bagay ay di ko na pansin ang pangangailangan sa Kanya? Ang mga Kura-Paroko ay nabigyan ng mahalagang responsibilad na gabayan at ihatid ang kanyang kawan sa "pastulang mainam." Hindi mangyayari ito kung walang pakikiisa ng bawat tupang kanyang ginagabayan. Tungkulin nilang ihatid tayo kay Kristo bilang mga nakababatang pastol. Ngunit tungkulin di nating ipagdasal sila upang sila ay mahubog ayon sa puso ng ating butihing Pastol na si Jesus.
Biyernes, Hulyo 24, 2009
Reflection: 17th Sunday in Ordinary Time Year - July 26, 2009: WALANG KUWENTA!
Sumagi na ba sa isip mo na wala kang kuwenta? Walang silbi? Wag' kang malungkot, may pakinabang ka pa rin. Puwede kang gawing "masamang halimbawa!" hehehe.. "Limang tinapay... dalawang isda... galing sa isang bata." Limang tinapay at dalawang isda para sa maihigit kumulang na limang libong madla. Ang Panginoon nga naman... mapagbiro! Sinabihan niya ang mga alagad na paupuin ang mga tao. Sumunod naman sila... kahit marahil nagtataka kung ano ang gagawin niya. At nangyari ang isang himala. Nakakain ang lahat at may labis pa... Ito naman talaga ang "modus operandi" ng Diyos kapag nais Niyang ipadama sa tao ang Kanyang kapangyarihan. Gumagamit Siya ng maliliit... mahihina... walang kwenta! Upang ipakita na sa Kanya lamang nagmumula ang kapangyarihan! Kung minsan, nanonood ako ng balita sa telebisyon. Nakita ko ang paghihirap ng napakaraming tao. Nitong nakaraang mga araw mga taong biktima ng karahasan ng digmaan . Minsan naman, mga taong nasalanta ng bagyo at ibang kalamidad. May mga tao rin akong nakitang namamatay sa gutom dala ng kahirapan. Lagi kong tinatanong ang aking sarili... "anung magagawa ko para sa kanila?" Ako'y isang karaniwang mamamayan... maliit... mahina... walang kwenta! Tandaan mo ang modus operandi ng Diyos. Isang katulad mo ang paborito Niyang gamitin! Kaya wag ka lang manood sa isang tabi... may magagawa ka! Simulan mo silang isama sa iyong panalangin. Pairalin mo ang pagkukusa sa pagtulong sa mga nangangailangan. Iwasan mo ang pagiging makasarili sa halip pairalin mo ang pagiging mapagbigay... Tandaan mo tayong lahat ay parang "limang tinapay at dalawang isda… Walang kuwenta ngunit may malaking magagawa!
Sabado, Hulyo 18, 2009
Reflection: 16th Sunday in Ordinary Time Year B - Jully 19, 2009: REST WITH THE LORD
"Pare, Linggo ngayon... magsimba ka naman!" Sabi ng kumpare nya sa kanya. "Hmmp...! Dami kong gagawin, mga anak at misis ko na lang!" Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: "Simba tayo bukas ha?" Ang kanyang sagot: "Hmmmp...! Ang misis at ang mga anak ko na lang! Me pupuntahan pa ako." Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura paroko: "Anak, Linggo bukas. Magsimba ka." Sagot n'ya: "Padre, wala naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Hmmmp! Ang misis at ang mga anak ko na lang!" Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi ni San Pedro: "Pamilya Dimagiba... pasok sa loob!" Nang s'ya na ang papasok ay hinarang sya ni San Pedro. "Oooops... san ang punta mo?" "Sa loob! Kasama ng pamilya ko!" Sagot n'ya. Sabi ni San Pedro" "Hmmmp... ang misis at anak mo na lang!" Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan ng mahalagang aral: Walang oras ang Diyos para sa mga taong walang oras sa kanya! Marami tayong ginagawa araw-araw. Kinakailangan nating magtrabaho para kumita. Kinakailangan nating mag-aral. Kinakailangan nating gawin ang mga gawain sa bahay. Ngunit hindi naman tayo parang mga makina sa pabrika na 24 na oras kung magtrabaho. Hindi naman tayo katulad ng 7-11 store na walang pahinga. Kailangan din nating pahingahin ang katawan... ang pag-iisip ang kaluluwa. Naramdaman ito ni Hesus para sa kanyang mga alagad. Nakita niya ang kanilang kapaguran sa walang humpay na pagtratrabaho kaya nga sinabi niya sa kanila na “Magtungo kayo sa isang ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Ang araw ng Linggo ay Araw ng Pamamahinga. Ngunit ito ay hidi nangangahulugan ng pagtulog buong araw o kaya naman ay pagasasayang ng oras sa Mall o mga lugar pasyalan. Bilang isang Kristiyano na nagpapahalaga sa araw na ito bilang Araw ng Muling Pagkabuhay ki Kristo, ang Linggo ay araw ng pamamahinga kasama ang Panginoon. Ito ay "day of rest with the Lord. Kaya nga tayo ay nagsisimba. Tayo ay sama-samang nagdarasal, nagpupuri, nagpapasalamat at sumasamba sa Kanya sa araw na ito. Sana ay hindi dahilan ang "nawalan tayo ng oras" para sa Kanya. Hindi naman nawawala ang oras! Bagkus nagpapatuloy pa nga ito... 24 hours a day, 7 days a week. Ibig sabihin 168 hours sa isang Linggo ay mayroon tayo. Ang 167 bigay ng Diyos para sa iyo! Bahala ka kung paano gamitin ito. Ngunit ang isang oras ay nais niyang ilaan natin sa pamamahinga kasama Siya! Naibibigay mo ba ito ng buo sa kanya?
Sabado, Hulyo 11, 2009
Reflection: 15th Sunday in Ordinary Time Year B - July 12, 2009: TRAVEL LIGHT!
Ang sobrang pagnanasa sa mga materyal na bagay ay delikado! Minsan may paring ang tanging masamang hilig ay magkamal ng salapi, pera at datung! Kahit ano ay gagawin niya basta lamang magkaroon ng pera. Minsan ay sumali siya sa isang "promo" o palaro ng mga advertising companies. May pacontest noon ang isang sikat na "softdrink: simple lang... bumili ka lang ng softdrink, tanggalin mo ang tansan (takip) at buuin mo ang number 1,2,3! Presto! Panalo ka ng limpak-limpak na salapi! Mukahang tinamaan siya ng suwerte sapagkat sa unang bili pa lamang niya ng softdrink e nakuha niya ang number 3. Bumili uli siya at nakuha naman niya ang number 1. Isa na lang... ngunit iyon na ata ang katapusan ng kanyang swerte: ayaw lumabas ng number 2. Nakaubos na sya ng maraming softdrinks. Umabot na ng isang case ang nabili niya... wala pa rin ang number 2. Umuwi sya sa parokyang dismaya. May lumapit na isang lalaki at sinabi sa kanya: "Father puwede po bang magkumpisal..." Ang pari, kahit na medyo dismaya ay sumagot: "Ano yon anak... sabihin mo..." "Father, meron po akong number 2!" Nanlaki ang mata ng pari at sinabi: "Ha??? Talaga? Akin na lang!" Delikado ang sobarang pagnanasa sa mga bagay na makamundo! Isa sa mga malaking tukso ng ating panahon ay ang magnasa at magkamal ng mga materyal na bagay... salapi, gadgets, ari-arian at marami pang iba. Ang ebanghelyo ngayon ay nagsasabi sa atin kung paano tayo dapat mamuhay bilang mga tagasunod ni Kristo: "Travel light!" Isang prinsipyong sinusundan ng mga mahilig maglakbay. Hindi mo kailangan ang maraming dala-dalahin! Ang buhay ay sinasabi nating isa ring paglalakbay. Lahat tayo ay patungo sa kaharian ng Diyos. At ito ang habilin sa atin ni Hesus: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.” Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin na mabuhay na simple o payak! Hindi ko sinasalungat ang progresso ng makabagong panahon. Kailangan natin ng pag-unlad! Salamat sa Diyos at naimbento ang computers, cellphones, at iba bang hi-tech na gadgets na nagpapadali sa ating buhay. Ngunit kung ang "cellphone" ay nagiging kapalit ng ating "physical presence" sa ating pamilya ay may mali ata! Kung ang computer ay ginagamit upang magpakalat ng kalaswaan... hindi ata tama! Kung ang pera ay nagiging dahilan upang mapabayaan ang pamilya... dapat nating pag-isipan muli ang ating ginagawa. Ang mga materyal na bagay ay dapat mapabuti ang ating pamumuhay at hindi makasira nito. Masyado nang kumplikado ang buhay natin ngayon kaya't huwang na nating paguluhin pa. Maraming nang nagiging pabigat at sagabal sa ating paglalakbay. Iwanan natin ito at sa halip ay pairalin natin ang ating pananalig sa Diyos! Ito ang "kabanalan sa makabagong panahon"... ang mabuhay na maka-Diyos sa maka-mundong paligid na ating ginagalawan!
Sabado, Hulyo 4, 2009
Reflection: 14th Sunday in Ordinary Time Year B - July 5, 2009: PAGKILALA KAY KRISTO
Lumang joke na natanggap ko sa isang text: May magtxtmate na nagdesisyong mag-eyeball. Excited na excited ang dalawa sa gagawing pagkikita sa unang pagkakataon. Nagtext si lalaki: "Hi! xited n me na mkita k. Suot k ng green shirt at me naman red. ktakits tau sa jolibee tondo bukas ng 8pm!" Sagot ng babae: "cge, ktakits. xited n rin me." Kinabukasan, alas otso ng gabi sa jolibee, dumating ang lalaki na naka-blue na shirt at nakita n'ya ang isang pangit na babaeng naka-green. Nilapitan siya ng babae at nagtanong: "Excuse me, ikaw ba ang katextmate ko?" Sagot si lalaki: "Haller...! Naka-red ba ako? ha?!!" hehe... Anung feeling mo kung ikaw 'yun? Masakit ang ma-reject! Mas masakit kung ang gumagawa nito ay mga taong kilala mo. Ito mismo ang naranasan ni Hesus nang sinubukan n'yang mangaral sa kanyang bayan. Tandaan natin na si Hesus ay tanyag na bago pa siya mangaral sa kanyang bayang pinanggalingan. Marami na ang humahanga sa kanyang katalinuhan at galing. Kaya't marahil ay inaasahan niyang mainit din siyang tatanggapin ng kanyang mga kababayan. Ngunit nagkamali siya. Nang marinig siyang mangaral ng kanyang kababayan ay hindi sila makapaniwala sa kanyang katalinuhan. Ang tanong pa nga nila ay: "Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At hindi nila siya tinanggap. Kaya't malungkot din ang naging sagot ni Hesus sa kanila. "Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon... Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya." Kung minsan tayo rin ay nahaharap sa ganitong sitwasyon. Mahilig nating ipahiya si Hesus. Sa mga pagkakataong hindi natin pinangangatawanan ang pagiging Kristiyano at kung minsan ay ikinakahiya pa nga natin ito ay ipinapadama natin ang ating hindi pagtanggap sa kanya. Dyahe ba para sa iyo ang mag-antanda ng krus sa jolibee, o kaya naman ay sa loob ng jeep? Nahihiya ka bang pagsabihan ang kaklase mong nandaraya sa exam? O kaya naman ay ang katrabaho mong patulog-tulog sa oras ng trabaho? Nahihiya ka bang yayain ang mga kasama mo sa bahay para magsimba? Mag-isip-isip ka... baka katulad ka rin nila na hindi nakakakilala sa Kanya. Baka isa ka rin na ayaw kumilala sa Kanya bilang Panginoon...
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)