Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Hulyo 24, 2009
Reflection: 17th Sunday in Ordinary Time Year - July 26, 2009: WALANG KUWENTA!
Sumagi na ba sa isip mo na wala kang kuwenta? Walang silbi? Wag' kang malungkot, may pakinabang ka pa rin. Puwede kang gawing "masamang halimbawa!" hehehe.. "Limang tinapay... dalawang isda... galing sa isang bata." Limang tinapay at dalawang isda para sa maihigit kumulang na limang libong madla. Ang Panginoon nga naman... mapagbiro! Sinabihan niya ang mga alagad na paupuin ang mga tao. Sumunod naman sila... kahit marahil nagtataka kung ano ang gagawin niya. At nangyari ang isang himala. Nakakain ang lahat at may labis pa... Ito naman talaga ang "modus operandi" ng Diyos kapag nais Niyang ipadama sa tao ang Kanyang kapangyarihan. Gumagamit Siya ng maliliit... mahihina... walang kwenta! Upang ipakita na sa Kanya lamang nagmumula ang kapangyarihan! Kung minsan, nanonood ako ng balita sa telebisyon. Nakita ko ang paghihirap ng napakaraming tao. Nitong nakaraang mga araw mga taong biktima ng karahasan ng digmaan . Minsan naman, mga taong nasalanta ng bagyo at ibang kalamidad. May mga tao rin akong nakitang namamatay sa gutom dala ng kahirapan. Lagi kong tinatanong ang aking sarili... "anung magagawa ko para sa kanila?" Ako'y isang karaniwang mamamayan... maliit... mahina... walang kwenta! Tandaan mo ang modus operandi ng Diyos. Isang katulad mo ang paborito Niyang gamitin! Kaya wag ka lang manood sa isang tabi... may magagawa ka! Simulan mo silang isama sa iyong panalangin. Pairalin mo ang pagkukusa sa pagtulong sa mga nangangailangan. Iwasan mo ang pagiging makasarili sa halip pairalin mo ang pagiging mapagbigay... Tandaan mo tayong lahat ay parang "limang tinapay at dalawang isda… Walang kuwenta ngunit may malaking magagawa!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento