Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 4, 2009
Reflection: 14th Sunday in Ordinary Time Year B - July 5, 2009: PAGKILALA KAY KRISTO
Lumang joke na natanggap ko sa isang text: May magtxtmate na nagdesisyong mag-eyeball. Excited na excited ang dalawa sa gagawing pagkikita sa unang pagkakataon. Nagtext si lalaki: "Hi! xited n me na mkita k. Suot k ng green shirt at me naman red. ktakits tau sa jolibee tondo bukas ng 8pm!" Sagot ng babae: "cge, ktakits. xited n rin me." Kinabukasan, alas otso ng gabi sa jolibee, dumating ang lalaki na naka-blue na shirt at nakita n'ya ang isang pangit na babaeng naka-green. Nilapitan siya ng babae at nagtanong: "Excuse me, ikaw ba ang katextmate ko?" Sagot si lalaki: "Haller...! Naka-red ba ako? ha?!!" hehe... Anung feeling mo kung ikaw 'yun? Masakit ang ma-reject! Mas masakit kung ang gumagawa nito ay mga taong kilala mo. Ito mismo ang naranasan ni Hesus nang sinubukan n'yang mangaral sa kanyang bayan. Tandaan natin na si Hesus ay tanyag na bago pa siya mangaral sa kanyang bayang pinanggalingan. Marami na ang humahanga sa kanyang katalinuhan at galing. Kaya't marahil ay inaasahan niyang mainit din siyang tatanggapin ng kanyang mga kababayan. Ngunit nagkamali siya. Nang marinig siyang mangaral ng kanyang kababayan ay hindi sila makapaniwala sa kanyang katalinuhan. Ang tanong pa nga nila ay: "Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At hindi nila siya tinanggap. Kaya't malungkot din ang naging sagot ni Hesus sa kanila. "Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon... Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya." Kung minsan tayo rin ay nahaharap sa ganitong sitwasyon. Mahilig nating ipahiya si Hesus. Sa mga pagkakataong hindi natin pinangangatawanan ang pagiging Kristiyano at kung minsan ay ikinakahiya pa nga natin ito ay ipinapadama natin ang ating hindi pagtanggap sa kanya. Dyahe ba para sa iyo ang mag-antanda ng krus sa jolibee, o kaya naman ay sa loob ng jeep? Nahihiya ka bang pagsabihan ang kaklase mong nandaraya sa exam? O kaya naman ay ang katrabaho mong patulog-tulog sa oras ng trabaho? Nahihiya ka bang yayain ang mga kasama mo sa bahay para magsimba? Mag-isip-isip ka... baka katulad ka rin nila na hindi nakakakilala sa Kanya. Baka isa ka rin na ayaw kumilala sa Kanya bilang Panginoon...
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento