Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 18, 2009
Reflection: 16th Sunday in Ordinary Time Year B - Jully 19, 2009: REST WITH THE LORD
"Pare, Linggo ngayon... magsimba ka naman!" Sabi ng kumpare nya sa kanya. "Hmmp...! Dami kong gagawin, mga anak at misis ko na lang!" Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: "Simba tayo bukas ha?" Ang kanyang sagot: "Hmmmp...! Ang misis at ang mga anak ko na lang! Me pupuntahan pa ako." Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura paroko: "Anak, Linggo bukas. Magsimba ka." Sagot n'ya: "Padre, wala naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Hmmmp! Ang misis at ang mga anak ko na lang!" Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi ni San Pedro: "Pamilya Dimagiba... pasok sa loob!" Nang s'ya na ang papasok ay hinarang sya ni San Pedro. "Oooops... san ang punta mo?" "Sa loob! Kasama ng pamilya ko!" Sagot n'ya. Sabi ni San Pedro" "Hmmmp... ang misis at anak mo na lang!" Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan ng mahalagang aral: Walang oras ang Diyos para sa mga taong walang oras sa kanya! Marami tayong ginagawa araw-araw. Kinakailangan nating magtrabaho para kumita. Kinakailangan nating mag-aral. Kinakailangan nating gawin ang mga gawain sa bahay. Ngunit hindi naman tayo parang mga makina sa pabrika na 24 na oras kung magtrabaho. Hindi naman tayo katulad ng 7-11 store na walang pahinga. Kailangan din nating pahingahin ang katawan... ang pag-iisip ang kaluluwa. Naramdaman ito ni Hesus para sa kanyang mga alagad. Nakita niya ang kanilang kapaguran sa walang humpay na pagtratrabaho kaya nga sinabi niya sa kanila na “Magtungo kayo sa isang ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Ang araw ng Linggo ay Araw ng Pamamahinga. Ngunit ito ay hidi nangangahulugan ng pagtulog buong araw o kaya naman ay pagasasayang ng oras sa Mall o mga lugar pasyalan. Bilang isang Kristiyano na nagpapahalaga sa araw na ito bilang Araw ng Muling Pagkabuhay ki Kristo, ang Linggo ay araw ng pamamahinga kasama ang Panginoon. Ito ay "day of rest with the Lord. Kaya nga tayo ay nagsisimba. Tayo ay sama-samang nagdarasal, nagpupuri, nagpapasalamat at sumasamba sa Kanya sa araw na ito. Sana ay hindi dahilan ang "nawalan tayo ng oras" para sa Kanya. Hindi naman nawawala ang oras! Bagkus nagpapatuloy pa nga ito... 24 hours a day, 7 days a week. Ibig sabihin 168 hours sa isang Linggo ay mayroon tayo. Ang 167 bigay ng Diyos para sa iyo! Bahala ka kung paano gamitin ito. Ngunit ang isang oras ay nais niyang ilaan natin sa pamamahinga kasama Siya! Naibibigay mo ba ito ng buo sa kanya?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento