Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 11, 2009
Reflection: 15th Sunday in Ordinary Time Year B - July 12, 2009: TRAVEL LIGHT!
Ang sobrang pagnanasa sa mga materyal na bagay ay delikado! Minsan may paring ang tanging masamang hilig ay magkamal ng salapi, pera at datung! Kahit ano ay gagawin niya basta lamang magkaroon ng pera. Minsan ay sumali siya sa isang "promo" o palaro ng mga advertising companies. May pacontest noon ang isang sikat na "softdrink: simple lang... bumili ka lang ng softdrink, tanggalin mo ang tansan (takip) at buuin mo ang number 1,2,3! Presto! Panalo ka ng limpak-limpak na salapi! Mukahang tinamaan siya ng suwerte sapagkat sa unang bili pa lamang niya ng softdrink e nakuha niya ang number 3. Bumili uli siya at nakuha naman niya ang number 1. Isa na lang... ngunit iyon na ata ang katapusan ng kanyang swerte: ayaw lumabas ng number 2. Nakaubos na sya ng maraming softdrinks. Umabot na ng isang case ang nabili niya... wala pa rin ang number 2. Umuwi sya sa parokyang dismaya. May lumapit na isang lalaki at sinabi sa kanya: "Father puwede po bang magkumpisal..." Ang pari, kahit na medyo dismaya ay sumagot: "Ano yon anak... sabihin mo..." "Father, meron po akong number 2!" Nanlaki ang mata ng pari at sinabi: "Ha??? Talaga? Akin na lang!" Delikado ang sobarang pagnanasa sa mga bagay na makamundo! Isa sa mga malaking tukso ng ating panahon ay ang magnasa at magkamal ng mga materyal na bagay... salapi, gadgets, ari-arian at marami pang iba. Ang ebanghelyo ngayon ay nagsasabi sa atin kung paano tayo dapat mamuhay bilang mga tagasunod ni Kristo: "Travel light!" Isang prinsipyong sinusundan ng mga mahilig maglakbay. Hindi mo kailangan ang maraming dala-dalahin! Ang buhay ay sinasabi nating isa ring paglalakbay. Lahat tayo ay patungo sa kaharian ng Diyos. At ito ang habilin sa atin ni Hesus: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.” Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin na mabuhay na simple o payak! Hindi ko sinasalungat ang progresso ng makabagong panahon. Kailangan natin ng pag-unlad! Salamat sa Diyos at naimbento ang computers, cellphones, at iba bang hi-tech na gadgets na nagpapadali sa ating buhay. Ngunit kung ang "cellphone" ay nagiging kapalit ng ating "physical presence" sa ating pamilya ay may mali ata! Kung ang computer ay ginagamit upang magpakalat ng kalaswaan... hindi ata tama! Kung ang pera ay nagiging dahilan upang mapabayaan ang pamilya... dapat nating pag-isipan muli ang ating ginagawa. Ang mga materyal na bagay ay dapat mapabuti ang ating pamumuhay at hindi makasira nito. Masyado nang kumplikado ang buhay natin ngayon kaya't huwang na nating paguluhin pa. Maraming nang nagiging pabigat at sagabal sa ating paglalakbay. Iwanan natin ito at sa halip ay pairalin natin ang ating pananalig sa Diyos! Ito ang "kabanalan sa makabagong panahon"... ang mabuhay na maka-Diyos sa maka-mundong paligid na ating ginagalawan!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento