Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Hulyo 31, 2009
Reflection: 18th Sunday in Ordinary Time Year B - Aug. 2, 2009: MGA BUTIHING PASTOL
Mayroong kuwento na minsan daw sa labas ng pintuan ng langit ay naghihintay na tawagin ang isang pari kasama ang kanyang mga parokyano. Asang-asa ang pari na siya ang unang tatawagin sapagkat siya "daw" ang pinakabanal sa lahat. Unang tinawag ang babaeng nagtitinda ng sampaguita sa labas ng gate ng Simbahan. Tahimik lang ang pari. "Di bale, siguro naman, ako na ang susunod!" Laking pagkagulat niya nang ang sunod na tinawag ay ang matandang manang na laging nagtitirik ng kandila sa estatwa ng Mahal na Birhen. "Aba, di na ata makatarungan ito. Nalagpasan na naman ako!" At lalong nag-init ang pari nang biglang tinawag ang kanyang sakristan! Bigla siyang sumingit sa pila at sinabi: "San Pedro, hindi ata tama ang ginagawa ninyo! Bakit ako nauunahan ng mga parokyano ko? Ano ba ang ginawa nila at dapat silang mauna sa akin?" "Simple lang", sagot ni San Pedro... "Pinagdasal ka nila!" hehe... Ngayon ang araw ng mga Kura Paroko. Sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Juan Maria Vianney ay inaalala natin sila. Ipinagdarasal natin na sana sila ay matulad sa ating Mabuting Pastol na si Jesus. Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang mga taong labis ang paghahangad na muling makita si Jesus pagkatapos ng mahimala niyang pagpaparami ng tinapay. Bagamat "materyal na kadahilan," ang nagbunsod sa kanila upang hanapin si Jesus ay naroon pa rin ang katotohanan na para silang mga tupang walang pastol na nangangailangan ng pagkalinga. Kaya nga nais ni Jesus na palalimin nila ang kanilang pag-intindi sa kanya. "Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan." May mga sandali din ba sa aking buhay na hinahanap ko rin ang Panginoon? O baka naman sa sobrang kaabalahan ko sa makamundong bagay ay di ko na pansin ang pangangailangan sa Kanya? Ang mga Kura-Paroko ay nabigyan ng mahalagang responsibilad na gabayan at ihatid ang kanyang kawan sa "pastulang mainam." Hindi mangyayari ito kung walang pakikiisa ng bawat tupang kanyang ginagabayan. Tungkulin nilang ihatid tayo kay Kristo bilang mga nakababatang pastol. Ngunit tungkulin di nating ipagdasal sila upang sila ay mahubog ayon sa puso ng ating butihing Pastol na si Jesus.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento