Sabado, Disyembre 26, 2015

PAMILYANG MARANGAL AT BANAL: Reflection for The Feast of the Holy Family Year C - December 27 2015 - JUBILEE OF MERCY & YEAR OF THE EUCHARIST AND FAMILY

"SUSMARYOSEP!" Kalimitan nating naririnig na ginagamit ang mga katagang ito ng mga matatanda kapag sila ay nagugulat. Alam ba ninyong ito ay hango sa tatlong banal na pangalan nina JeSUS MARia at JOSEPH?  Kaya nga kung minsan nakakalungkot na nawawalan na ng tamang paggalang ang paggamit ng katagang ito.  Ngunit hindi natin masisisi ang mga matatanda sa paggamit ng katagang ito.  Sa katunayan, mapapaSUSMARYOSEP ka sa katayuan ngayon ng ating mga pamilya. Minsan sa isang religion class ay nagtuturo ang isang madre: "Mga bata, alam ba ninyong tayong lahat ay nilikha ng Diyos? Galing tayo sa Kanya!" Sagot ang isang batang pangit, "Sister, ang sabi po ng nanay ko ay galing daw tayo sa unggoy!" "Iho", sagot ni sis, "hindi natin pinag-uusapan ang pamilya mo dito!" Papayag ka bang ang pamilya mo ay galing sa unggoy? Pero ito ang nangyayari ngayon... "INUUNGGOY" ang pamilya! Hindi na nabibigyan ng sapat na respeto ang karapatan nito. Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay... ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin. Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya!  Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL.  Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi.   Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago.  Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO."  Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito.  Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya.  Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA.  Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga.  Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya.  May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA.  Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga.  Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang.  Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA!  At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN.  "The family that prays together, stays together!"  Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL.  Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban.  Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan.  Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig  ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA!  Ngayon ay Taon din ng Eukaristiya at Pamilya kasabay ng Yubileo ng Awa.  Nagpapaalala ito sa atin na ang kabanalan ng Pamilya ay kung ito ay naka-ugnay sa Eukaristiya.  Ang tawag din natin sa Eukaristiya ay "Communion"... Tayo at ang ating mga pamilya ay pinag-iisa ni Jesus sa pamamagitan ng pagtanggap sa Banal na Sakramento ng sama-sama.  The family that prays together... love each other... stays together!

Biyernes, Disyembre 25, 2015

ANG SALITANG NAGKATAWANG TAO... MUKHA NG AWA NG DIYOS: Reflection for Christmas Day Year C - December 25, 2015 - JUBILEE YEAR OF MERCY

Maligayang Pagkakatawang-tao ng "Verbo" sa inyong lahat!  Kakaibang pagbati di ba? Nakakasawa na kasi ang pagbating "Maligayang Pasko" o "Merry Christmas!"  Kaya't ibahin naman natin "for a change" ika nga!  Ngunit kung ating titingnan ay ito naman talaga ang kahulugan ng Pasko.  Ang pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos na ang tawag din natin ay "the mystery of Incarnation."  Sa Misa ng araw tuwing Pasko ay laging ipinaalala sa atin ng Ebanghelyo ang katotohanang ito. "Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos... Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin."  Ito ang pahayag ni San Juan sa pasimula ng kanyang Ebanghelyo.  Ang Salita na Diyos ay nagkatawang-tao.  Mahirap maunawaan ang katotohanang ito!  May kuwento na minsan ay may lalaking nagdasal sa Panginoon sapagkat nagkandamamatay ang kanyang mga alagang baboy.  Ito pa naman ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya kaya't nagsumamo siya sa Diyos na iligtas ang kanyang mga baboy sa kamatayan.  Sumagot naman ang Diyos at sinabing: "Sige, bukas na bukas din ay gagaling ang iyong mga alagang baboy ngunit may isang kundisyon, bukas pagkagising mo ay makikita mo ang iyong sarili sa kulungan ng mga baboy.  Kasama ka nilang kakain, matutulog at magpapagulong-gulong sa kanilang dumi, sa madaling salita... magiging baboy ka rin!"  Napaisip ang lalaki at pagkatapos ng ilang sandali ay nagdasal:  "Lord, kunin mo na lang ang mga baboy ko!" hehehe... Ikaw kaya ang malagay sa kanyang sitwasyon, papayag ka ba na maging baboy?  Kung ating iisipin ang tao at baboy ay parehong hayop.  Mas mataas lang ang tao sapagkat siya ay hayop na nag-iisip! Tanggalin mo ang kanyang kakayahang mag-isip at mag-aasal hayop siya!  Kaya nga't hindi ganun ka-imposible ang tao na magiging baboy.  Ngunti ang Diyos na maging tao ay hindi saklaw ng tamang pag-iisip.  Paanong ang MANLILIKHA ay ibaba ang kanyang sarili at magiging isang nilikha?  Tanging Diyos lang ang makapag-isip ng ganyan!  Bakit ninais ng Diyos na maging isang nilikha sa kabila ng kanyang kadakilaan?  Ang sabi ni San Juan ay ito... "Gayon na lamang ang PAG-IBIG ng DIYOS sa mundo kaya't ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak."  (Jn 3:16)  Kung gayon ay ito ang dahilan ng paggiging nilikha ng Diyos:  dahil sa laki ng pagmamahal Niya sa ating mga makasalanan!  Mga kapatid tuwing Pasko ay ipinaaalala ng Diyos sa atin ang kanyang dakilang regalo: ang kanyang bugtong na anak... si Jesus na nagkatawang-tao!  Ano naman ang regalo ko sa kanya?  Kung ang Diyos ay nagsakripisyo para sa akin ay nararapat lang siguro na ako rin ay magsakripisyo para Kanya.  Ang kanyang katapatan ay dapat ko ring suklian ng katapatan, ang kanyang pagmamahal ng aking pagmamahal.  May nagawa na ba akong kabutihan sa aking kapwa ngayong Pasko?  Naglaan ba ako ng oras sa aking pamilya upang makapiling sila ngayong Kapaskuhan?  Binati ko na ba ang mga taong may sama ako ng loob? Nagpatawad na ba ako sa mga nagkasala sa akin?  Ang Salitang nagkatawang-tao ay humahamon sa atin na gawin nating makatotohan ang ating pagmamahal.  Ipakita sa gawa ang pagkakatawang-tao ng Salita! At ngayon ngang Taon ng Jubileyo ng Awa ay may pagkakataon tayong gawing "incarnate" ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Kanyang awa.  Ang Salitang nagkatawang-tao na nasa katauhan ng Sanggol na isinilang sa Bethlehem ang mukha ng AWA NG DIYOS.  Hingin natin na sana tayo rin ay maging "mukha ng Kanyang Awa" sa ating kapwa.  "Merciful like the Father" ang tema ng Taon ng Jubileyo ng Awa. Ang bawat isa sa atin ay tinatawagang maging katulad ni Jesus.. ang MUKHA NG AWA NG AMA.

Linggo, Disyembre 20, 2015

AMBASSADORS OF MERCY AND JOY (Revised & Reposted) : Reflection for 4th Sunday of Advent Year C - December 20, 2015

Ano ba ang kaibahan ng MILAGRO sa MISTERYO?  Kapag nabuntis ang babaeng kuwarenta anyos (80 years old) ang tawag ay MILAGRO.  Pero kapag nabuntis naman ang disiotso anyos (18 years old) na dalaga, ang tawag ay MISTERYO! hehehe... Sa ating Ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Adbiyento ay narinig natin ang pagtatagpo ng isang milagro at isang misteryo.  Ang pagkabuntis ni Elizabeth, sa kabila ng kanyang katadaan ay isang milagro para sa kanyang mga kamag-anak, kapitbahay at kakilala.  Ang pagdadalantao ni Maria ay naman ay balot ng misteryo para sa kanyang asawang si Jose.   Ano ang nangyari ng magtapo ang milagro at misteryo?  Isang kaligayahang hindi maipaliwanag ang naghari kay Elizabeth kaya't kanyang naibulalas: "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!"  Banal na kaligayahan ang dala ni Maria sa pagbisita niya sa kanyang pinsan.  Sa katunayan maging ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabeth ay naglulukso sa tuwa ng madama ang presensiya ng Panginoon.  Tayong lahat din, bilang mga Kristiyano, tinatawag na maging tagapagdala ng kaligayahan sa ating kapwa.  Tayo ay dapat maging "Ambassadors of Joy" sa mga taong ating nakakatagpo araw-araw.  Naghahatid ka ba ng kaligayahan sa mga kasama mo sa bahay?  O baka naman sa halip na kaligayahan ay dahilan ka pa ng pag-aalitan at hindi pagkakaunawaan sa iyong pamilya?  Ano ang dating mo sa mga taong nakakasalimuha mo araw-araw? Napapangiti mo ba sila o napapasimangot sila sa tuwing makakasalubong mo?  Ang tagapagdala ng kaligayahan ay dapat lang na maging tagapaghatid din ng pag-asa!  Pag-asa sa mga taong nalulumbay, pag-asa sa mga taong nabibigatan sa buhay, pag-asa sa mga taong biktima ng kahirapan at kasalatan!  Nitong nakaraaang mga araw ay saksi tayo sa maraming taong naghirap dala ng bagyong Nona.  Kung minsan naitatanong ko sa aking sarili ang kahalagahan ng pagbibigay ng relief goods na kung titingnan ay kakarampot lang naman at hindi naman talaga ganoon kalaki ang halaga, simpleng bigas, delata, noodles, tubig, kumot at damit.  Ngunit naunawaan ko na hindi lang "relief goods" ang natatanggap nila.  Kasama ng mga ito ay ang PAG-ASA na dala-dala ng mga taong nagbabahagi ng kanilang oras at ng kanilang kaunting nakayanan para sa kanilang nangangailangan.  Ang dala-dala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ay ang PAG-ASA ng sanlibutang nasadlak sa kadiliman.  Pag-asa na nagbibigay ng tunay na KALIGAYAHAN!  Magiging masaya ang ating Pasko kung dadalhin din natin si Kristo sa iba.  Ngunit si Maria ay hindi lang Ambassador of Joy sa kanyang pinsang si Isabel, siya rin ay Ambassador of Mercy.  Ang AWA na ipinakita ng Diyos kay Isabel ay sapat na upang magpatunay na ang Diyos ay hindi nagpapabaya sa atin.  Patuloy ang pagpapakita ng kanyang awa sa ating lahat.  At ngayon ngang Jubilee Year of Mercy ay isang magandang pagkakataon upang maibaghagi din natin ang Kanyang Awa sa ating kapwa.  "Merciful like the Father" ang tema ng jubileyo.  Nawa ay matulad tayo kay Jesus na naging tagapagdala ng BANAL NA AWA ng Diyos Ama.  Dalhin rin natin ang AWA NI KRISTO sa iba.

Sabado, Disyembre 12, 2015

MAGALAK : Reflection for 3rd Sunday of Advent Year C - December 13, 2015 - JUBILEE YEAR OF MERCY & YEAR OF THE EUCHARIST and FAMILY

Ang kulay ng Adbiyento ay lila o violet na makikita natin sa mga kandila ng Korona ng Adbiyento. Ngunit kapansin-pansin ang nag-iisang rosas na kandila na ating sinindihan ngayong ikatlong Linggo ng Adbiyento.  Ang tawag sa Linggong ito ay "Gaudete Sunday" na ibig sabihin ay "Rejoice!" o magsaya!  Ang kulay ng Kuwaresma ay violet rin ngunit iba ito sa kulay ng Adbiyento.  Totoong tulad ng Kuwaresma, ang kulay lila ng Adbiyento ay nangangahulugan ng pagbabalik-loob ngunit ang kandilang kulay rosas ay nagsasabi sa ating may kagalakang taglay ang panahong ito.  Masaya tayo sapagkat papalapit na ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoon.  Masaya tayo sapagkat si Siya ay darating muli tulad ng Kanyang ipinangako.  Ngunit paano bang maging masaya ang isang Kristiyano?  Minsan, sa isang klase ng "homiletics" (kung saan ay pinag-aaralan naming mga pari kung paano magbigay ng homily o sermon sa misa) ay sinabi ng isang propesor. "Kapag kayo'y nagtuturo tungkol sa langit, hayaan ninyong magliwanag ang inyong mga mukha! Ipakita ninyong kayo ay masaya! Kung kayo naman ay nagtuturo tungkol sa impiyerno... ay sapat na ang pagmumukha ninyo ngayon! hehehe... Ano ba ang pagmumukha mo ngayon? Langit ba o impiyerno? May ilang nagsasabing ang relihiyon daw natin ay isang "malungkot na relihiyon." Kapag naging seryosong Kristiyano ka raw ay marami na ang bawal na dapat mong iwasan. Bawal na ang alak, babae, sugal at iba pang masasamang bisyo! Totoo nga naman! Kung seryoso ka sa pagiging Kristiyano mo ay dapat mong iwanan at iwasan ang mga ito. Pero hindi ibig sabihin na dapat kang maging malungkot! Ang sinasabing kasiyahan na dulot ng mga bisyo at makamundong bagay ay panandalian lamang.  Kaya nga't kung tunay na kaligayahan ang hanap mo ay hindi mo matatagpuan sa mga inaalok sa iyo ng mundo. Ang tunay na kaligayahan ay sa Diyos lamang matatagpuan. Kaya nga't ang panawagan sa ikatlong Linggo ng ating paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ay: "Magalak kayong lagi sa Panginoon!" Ang kasiyahan ng Pasko ay wala sa magagarang dekorasyon, masarap na noche buena o maingay na pagdiriwang. Ang kasiyahan ng Pasko ay matatagpuan lamang kay Kristo! Kaya't wag kang mangamba kung labindalawang araw na lang ay wala pang laman ang iyong bulsa. 'Wag kang matakot kung wala ka pa ring regalong naihahanda. Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay!" Ano ba dapat ang dahilan ng hindi natin pagkabalisa? Sinagot ito ni Propera Zofonias sa unang pagbasa: “Huwag kang matakot, Sion; huwag manghina ang iyong loob. Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos..." At ano ang dapat nating gawin upang maipakitang ang Diyos nga ay nasa ating piliing? Maipapapakita natin ito sa paggawa ng kabutihan at pamumuhay na makatarungan. Mamuhay tayo bilang mga tunay na Kristiyano. Pangatawanan natin ang pagtataglay ng pangalan ni Kristo. Praktikal ang mga salitang binitawan ni Hesus sa Ebanghelyo: “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin... Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo!" Dito nakasasalalay ang tunay na kasiyahan ng Pasko. May isang text akong natanggap: "Sa mga friends ko na hindi umiinom, nagyoyosi, nagbibisyo. Mabubuhay kang malungkot. Patay na kaming lahat... buhay ka pa! " Hindi naman ganoon kasaklap ang mabuhay ng mabuti . Ang masayang pamumuhay ay wala sa gawaing masasama. Ang masayang pamumuhay ay pamumuhay kasama ni Kristo! Kaya nga ang panawagan sa atin: "Magalak kayong lagi sa Panginoon, inuulit ko, MAGALAK KAYO!"

Sabado, Disyembre 5, 2015

ANG MAHIWAGANG PAGDATING: Reflection for the 2nd Sunday of Advent Year C - December 6, 2015 - Year of the Eucharist & Family - Jubilee Year of Mercy

Ang Adbiyento na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nangangahulugan din ng "paghihintay." Hinihintay natin si Jesus darating sa ating piling.  Si Jesus ay dumating na noong "unang Pasko".  Si Jesus ay darating muli sa "wakas ng panahon" upang husgahan ang ating naging buhay.  Ngunit sa gitna ng unang pagdating at muling pagdating ni Jesus ay ang kanyang "mahiwagang pagdating" araw-araw na nangangailangan ng ating palagiang pagtanggap.  Pagtanggap sapagkat ang Adbiyento ay hindi lamang ang ating paghihintay kay Kristong darating. Ito rin ay ang paghihintay ng Diyos sa atin. Hinihintay ng Diyos ang ating pagbabalik-loob.  Kaya nga ito ang panawagan ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral: "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong kasalanan..."  Ngunit anong uring pagsisisi ang nais niyang gawin natin?  Sa mga pananalita ni Propeta Isaias ito ay "tambakan ang bawat lambak.. tibagin ang bawat burol at bundok."  Ano ba ang ibig sabihin ng tambakan ang bawat lambak?  Sa ating buhay ay ito ang maraming pagkukulang na dapat nating punuin.  Maaaring ito ay pagkukulang natin sa Diyos tulad ng hindi natin pagdarasal o hindi pagbibigay halaga sa ating buhay espirituwal.  Maaring ito ay ang ating kakulangan sa ating pagmamahal sa ating pamilya at mga mahal sa buhay.  Maaring ito rin ay ang ating kakulangan sa ating pagpapahalaga sa ating sarili tulad ng pagkakalulon sa bisyo o kaya naman ay pagpapabaya sa ating kalusugan.  Ano naman ang pagtitibag ng bundok at burol ng ating buhay?  Kung ang lambak ay ang ating mga kakulangan, ang bundok at burol naman ay ang ating mga kalabisan sa buhay.  Unang-una ito ay tumutukoy sa ating "kayabangan" na dapat nating supilin at tanggalin.  At isang tanda ng kayabangan ay ang "pagmumura".  Ang taong "palamura" ay taong mayabang sapagkat kapag minumura natin ang isang tao ay ipinapakita nating mas mataas tayo sa kanya at kayang-kaya natin siyang kutyain.  Kaya nga ang pagmumura ay wala dapat sa bokabularyo nating mga Kristiyano sapagkat ito ay hindi kinakikitaan ng kababang-loob bagkus ito ay nagpapakita ng pagmamataas sa sarili.  Nakakalungkot na may mga taong kinasanayan na ang mga maling pag-uugali at hindi na nakikita ang kamalian ng mga ito tulad ng pagmumura, pambabastos, pambababae, pananakit sa kapwa at pagpatay. Alam nilang mali ngunit pinapanigan pa nila.  Nakakalungkot sapagkat ibinababa nito ang antas ng ating pagkatao!  Marami pang kalabisan sa buhay na dapat nating tanggalin.  Kaya nga ang panawagan ng tinig na sumisigaw sa ilang ay "Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon... tuwirin ang daang liko-liko at patagain ang daang bako-bako."  Ibig lamang sabihin sa atin nito na ayusin natin ang ating buhay.  Ito ang pinakamagandang paghahandang magagawa natin para sa "mahiwagang pagdating" ni Jesus sa ating piling.  Handa na ba tayong tanggapin siya?

Sabado, Nobyembre 28, 2015

UNANG PANAHON, TAMANG PANAHON AT WAKAS NG PANAHON: Reflection for 1st Sunday of Advent - Year C - November 29, 2015 - Year of the Eucharist

Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay inilalaan nating panahon para "paghandaan" ang pagdating ni Jesus.  Tatlong uri ang pagdating na ito na na nag-aanyaya sa ating maghanda:  Una ay ang kanyang unang pagdating noong UNANG PANAHON na Siya ay nagkatawang tao na ginugunita natin tuwing araw ng Pasko.  Ikalawa ay ang kanyang patuloy na pagdating sa ating piling sa misteryosong paraan katulad ng pagtanggap natin ng mga Sakramento at paggawa ng kabutihan sa kapwa na kung saan ay nagbibigay Siya sa atin ng TAMANG PANAHON upang atin siyang makatagpo.   At ikatlo ay ang kanyang muling pagdating sa WAKAS NG PANAHON na hindi natin alam kung kailan ang araw at oras at sa pagdating na ito ay huhusgahan Niya tayo ayon sa kabutihan o kasamaang ating ipinakita noong tayo ay nabubuhay pa.  Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas" labang bilang paggunita sa "unang panahon": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party.  Marahil ay kailangan din naman ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan ngunit hindi lang ito ang dapat na paghahanda para sa isang masaya at makahulugang pagdating ng Panginoon.  Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin. Si San Pablo ay nagpapaalala sa atin: "Kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus."Sa Ebanghelyo naman ay pinapaalalahanan tayo ni Hesus: "Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa TAMANG PANAHON na kung saan ay hindi tayo nagpapabaya at walang ginagawa.  Kaya nga sa paghahandang ito ay hinihimok tayong tanggalin ang ating masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso!  Ang Taon ng Eukaristiya at Jubilee Year of Mercy ay nag-aanyaya sa 'tin ng tatlong uri ng paghahanda ayon sa Kanyang tatlong uri ng pagdating; Una, ay ang "muling pagtanggap" kay Jesus na una na nating tinanggap noong tayo ay bininyagan. Ikawala ay ang "bukas-pusong pagtanggap" sa kanyang araw-araw na pagdating sa ating piling.  At pangatlo ay ang ating "handang pagtanggap" na kung saan ay susulitin Niya tayo sa ating mga ginawang kabutihan o kasamaan.  Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Hindi tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Nararapat lang sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo nating pagninilayan ang katangi-tanging presensiya ni Jesus sa ating buhay. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating simbahan bagkus magsilbing paalala sa atin na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Ang pagbubukas ng Taon ng Eukaristiya ay nagpapaalala sa atin ng tahimik ngunit araw-araw na pagdating ni Jesus sa ating piling.  Tanggapin natin Siya ng may pagpapakumbaba at pagpapasalamat at nawa ay makita't pahalagahan rin natin Siya sa Kanyang presensiya sa Kanyang katawan, ang SIMBAHAN, na kung saan ay nabibigyan tayo ng pagkakataong tumanggap sa Kanya sa pamamagitan ng pagpapakita ng awa at malasakit sa ating mga kapatid na kapus-palad at mahihirap.  Gunitain natin at ipagdiwang ang UNANG PANAHON, tanggapin ang ibinibigay Niya sa ating TAMANG PANAHON, at salubungin natin Siya ng may pag-asa sa WAKAS NG PANAHON.  Halina Jesus, manatili ka sa aming piling!

Sabado, Nobyembre 21, 2015

ANG HARING-LINGKOD: Reflection for the Solemnity of Christ the King Year B - November 22, 2015 - END OF YEAR OF THE POOR

Natapos na rin ang apat na araw ng APEC na ang sabi nga ng marami ay talaga namang nakaAPECto ng malaki sa buhay nating mga Pilipino.  Kilala tayo sa ating katangiang mapagpasensiya o mapagtimpi.  Subok na tayo sa maraming hirap dala man ito ng kalikasan o kagagawan na rin nating mga tao. Ngunit ang lahat ng pagtitimpi ay may hangganan.  Ang pagtitiis ng hirap ay mayroon ding katapusan.  At iyan ang ating nasaksihan sa ilan nating mga kababayan na hindi naitago ang kanilang saloobin sa apat na araw na kalbaryo na kanilang pilit na pinasan.  Kaya naman di natin masisisi ang ilan nating kababayan na ginawa na namang katatawanan ang ilang karakter sa makasaysayang pagpupulong.  Nariyan na ang mala-BAE na pagsikat ng dalawang kinatawan na mula sa bansang Mexico at Canada.  Sa katunayan hinalintulad pa sila sa dalawang animae character na mala-prinsipe ang pagmumukha. Samantalang ang ating Pangulo, dala marahil ng pagkainis ng marami sa matinding hirap na kanilang dinanas dahil sa trapik at paglalakad ng halos 10 kilometro dahil sa mga isinarang daan, ay hinalintulad sa sikat ng MINION character!  Ngunti sa kabila nito, hindi pa rin natin maikakaila na mahahalagang tao ang bumisita sa ating bansa at marahil kaya siguro ganun na lamang kalaki ang paghahandang ginawa ng ating pamahalaan.  Ikaw nga naman ang bisitahin ng ilang presidente ng mga ilang naglalakihan at kilalang bansa.  Hanggang ngayon ay naroroon pa rin ang makaharing pagtrato sa mga taong ito na handa nating isakripisyo ang lahat para lamang maibigay ang maharlikang pagtrato sa kanila. Noong panahon pa naman ni Jesus ang hari ay hinahangaan, iginagalang, sinusunod, pinagpipitagan ng kanyang mga nasasakupan.  Ngunit hindi ito ang nais na iparating ni Jesus tungkol sa kanyang pagiging hari.  Sa Ebanghelyo, nang si Hesus ay kinausap ni Pilato, ang itinanong sa kanya ay: "Ikaw ba ang hari ng mga Judio?" Hindi nagpatumpik-tumpik si Hesus at nilinaw pa niya ang kanyang uri ng pagiging hari: “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” Malinaw na hindi ang makamundong uri ang paghahari ni Hesus. Kung susuriin pa nga nating mabuti ay masasabi nating ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng isang pinunong-lingkod O "servant-leader" sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Sa mundo ang hari ay pinaglilingkuran. Si Hesus bilang hari ay naglilingkod! Sa mundo ang hari ay iginagalang at pinagpipitagan. Si Hesus bilang hari ay nilapastangan at pinahirapan. Sa mundo ang hari ay sinusunod. Si Hesus bilang hari ay winalang bahala ng kanyang mga kababayan. Kapag pinararangalan natin si Hesus bilang Kristong Hari ay sinasabi nating tayo rin bilang kanyang nasasakupan ay dapat maging "servant-leader" na kung saan ang kadikalaan ay wala sa bigat ng ating posisyon o pag-aari ngunit nasa kadakilaan ng isang tunay na paglilingkod. Ito'y isang magandang paala-ala sa ating lahat lalong lalo na sa mga taong nagnanais na namang mamuno sa ating lipunan sa darating na eleksiyon.  Ang tunay na pinuno ay naglilingkod sa kanyang nasasakupan.  Siya dapat ay isang SERVANT muna bago hiranging LEADER.  Hindi ang hiranging leader muna at saka pa lang maglilingkod.  Si Jesus ang ating huwaran na dumating sa mundo hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod.  Ang respeto ay naibibigay natin sa ating mga pinuno kung kinakikitaan natin sila ng saloobing maglingkod at maging alipin ng lahat.   Ito rin ay totoo sa ating buhay pamilya.  Ang mga magulang na tunay na naglilingkod sa kanilang mga anak ay ang tunay na nakatatanggap ng paggalang mula sa mga anak nila.  Hindi nila kinakailangang ipagdiinan ang kanilang awtoridad bilang magulang sa kanilang mga anak upang pasunurin sila sapagkat sa kanilang paglilingkod ay kinakikitaan sila ng tunay na paghahandog ng sarili.  Ipanalangin natin ang isa't isa na sa ating pang-araw-araw na buhay ay maisapuso natin ang paglilingkod ni Jesus, ang ating SERVANT KING.  Sa pagtatapos ng Taon ng mga Dukha ay maipagpatuloy nawa natin ang ating paglilingkod sa mga mahihirap.  Si Jesus, ang ating HARI ay muling darating upang tayo'y sulitin kung may nagawa ba tayong pagtulong at paglilingkod sa ating mga dukhang kapatid.  Mabuhay si KRISTONG HARI!  



ta

Sabado, Nobyembre 14, 2015

WAKAS NG PANAHON at TAMANG PANAHON: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year B - November 25, 2015 - YEAR OF THE POOR

Kailan nga ba ang pagdating ng "wakas ng panahon?"  Katulad din ba ito ng "sa tamang panahon" na walang makapagsasabi kung kailan?  Marami sa atin ay natatakot sa pagdating ng "wakas ng panahon."  Bakit nga ba natin ito kinatatakutan?  Tunay nga bang nakakatakot ang "katapusan?"    Sa isang malaking mall na kung saan ay dagsa ang mga tao dahil sa papalapit na Pasko ay bigla na lamang may sumigaw.  Isang taong nakadamit na kakaiba at may karatulang hawak-hawak na nakalagay na "The end of the world is near!"  Sumisigaw siya ng malakas na "KATAPUSAN NA! KATAPUSAN NA!"  Nang bigla na lamang may sumagot ng: "TANGA! KINSENAS PA LANG!"  Kita na ninyo... hindi lahat ng KATAPUSAN ay kinatatakutan.  May KATAPUSAN na kinapapanabikan!  Hindi ang "katapusan" dahil sa hinihintay na suweldo ang tinutukoy ko.  Sa ating mga kristiyano ang katapusan o wakas ng panahon ay hindi dapat katakutan kundi bagkus ay dapat pa nga nating kapanabikan.  Sa katunayan ang mga unang Kristiyano ay atat na atat na sa pagsapit ng katapusan ng panahon.  Ang kanilang parating sinasambit ay "MARANATHA!" na ang ibig sabihin ay "Halina, Hesus! Halina!" Ang kanilang akala ay agaran ang kanyang pagdating kaya marami sa kanila ang nagbenta ng kanilang ari-arian at hindi na nagtrabaho. Ngunit itinama ni San Pablo ang ganitong pag-iisip.  Hindi ganito ang inaasahan ng ating Panginoon na uri ng paghahanda. Nakakatakot ang wakas ng panahon  kung mali ang ating paghahanda at lalo na siguro kung hindi tayo naghahanda. Ano ba ang tamang paghahanda sa "wakas ng panahon?"  Una, tanggalin natin ang masamang pag-uugali at kung kinakailang dumulog sa kumpisal ay gawin natin ito. Walang hihigit pang mainam na paghahanda sa pagkakaroon ng isang malinis na puso.  Ikalawa, gawin nating makatotohanan ang ating mga panalangin at pagsisimba sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan at pagtulong sa mga nangangailangan lalong-lalo na sa mga mahihirap.  Magtatapos na ang "Taon ng mga Mahihirap" o "Year of the Poor",  may nagawa na ba akong pagtulong sa kanila?  Wag nating idahilang mahirap din tayo.  Para kay St. Theresa of Calcutta, hindi kinakailangang malaki ang pagtulong ang sabi niya: "Kung hindi mo kayang magpakain sa isangdaang katao, kaya mo naman siguro ang isa!"  Kaya nga't tama ang sinabi ng Simbahan na walang taong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba.  Hindi naman natatapos sa Year of the Poor ang ating pagtulong sa kapwa.  Araw-araw ay may pagkakataon tayong gumawa ng maliit na kabutihan para sa ating mga kapatid na mahihirap.  Sa ating Ebanghelyo ay nagbabala ang Paningoon sa darating na "katapusan", hindi upang takutin tayo, kundi bagkus ay upang tulungan tayong maghanda sa pagdating ng araw na ito. Totoo, walang nakakaalam ng araw, oras at lugar kung saan ito mangyayari. Hindi na mahalaga kung kailan at saan.  Sa ating pananampalataya ay ipinahahayag natin ang WAKAS NG PANAHON.  Sa katunayan ay lagi nating sinasabi sa Misa na "Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay!  SI KRISTO'Y BABALIK SA WAKAS NG PANAHON!  Ibig sabihin, naniniwala tayo na may tinatawag na katapusan ng mundo at naniniwala rin tayo na may Diyos na makatarungan at mapagmahal na hindi tayo pababayaan sa araw na ito.  Ang WAKAS NG PANAHON ay parating pa lang... Ang TAMANG PANAHON ay ngayon na!  Kumilos tayo ngayon at paghandaan ang kanyang pagdating!

Sabado, Nobyembre 7, 2015

PAGBIBIGAY: Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year B - November 8, 2015 - YEAR OF THE POOR

Lahat ba ng pagbibigay ay pagakakawang-gawa?  Minsan may isang pulubi na nagdarasal sa likod ng simbahan. Siya ay umiiyak at humihingi ng tulong sa Diyos. "Panginoon, sana  naman po ay bigyan mo ako ng limandaang piso upang ipambili ng gamot sa aking amang may sakit.  Mahal na mahal ko po siya.  Huwang Mo sana kaming pabayaan!"  Narinig siya ng isang pulis na nagkataong nagdarasal din sa likod.  Naawa ang pulis sa kanya at dumukot ng pera sa kanyang wallet.  Nagkataong dalawang daan lang ang kanyang cash sa wallet ngunit minabuti niyang ibigay na rin ito sa pag-iisip na kahit papaano ay makakatulong din sa kaawa-awang bata.  Laking gulat ng bata ng iniabot sa kanya ng pulis ang dalawang daang piso.  Tiningnan niya ang pulis mula ulo hanggang paa at muling nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po. Ang bilis niyo namang sumagot, parang 'Express-padala!'  Pero sana next time, 'wag n'yo sanang ipaabot kay mamang pulis.  Ayun, nagkulang tuloy ng tatlong daan!"  hehehe...  Bakit nga ba kapag may nagbigay sa atin ay agad-agad nating tinitingnan kung sino ang nagbigay?  Kasi nga naman hindi lahat ng pagbibigay ay tunay na pagkakawang-gawa!  Tandaan natin na hindi nasusukat ng laki ng halagang ibinigay ang kabutihan ng taong nag-abot nito. Tingnan ninyo ang ibang pulitiko, malapit na naman ang eleksiyon, siguradong marami ang magpapamudmod ng pera.  Ang intensiyon nila ay hindi para makatulong kundi upang makabili ng boto ng mga taong mahihirap. At saan ba nanggaling ang perang ipinamimigay nila?  Hindi ba sa buwis din ng mga mahihirap?  O kaya naman, dahil malapit na naman ang Pasko, marami na naman ang magpapakain sa mga bata, mamimigay ng nga laruan at ibang kagamitan, mamimigay ng pera.  Ang tanong ano ba ang kanilang ibinibigay?  Baka naman "mumo" lang ng kanilang kayamanan.  Baka naman mga damit, gamit o damit na pinaglumaan na halos hindi na magamit ng taong tatanggap.  Ibig sabihin, hindi lahat ng pagtulong ay pagkakawang-gawa!  Ano ba ang tunay na pagbibigay?  May sagot si Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo.  Bakit kinalugdan ni Jesus ang babaeng dukhang balo sa talinhaga?  “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”  Ang tunay na pagbibigay ay nanggagaling hindi sa kamay kundi sa puso!  Hindi ang laki ng halaga kundi ang laki ng puso ang sukatan ng tunay na pagbibigay!  Ito ay ipinakita mismo ni Jesus ng ibinigay Niya ang kanyang sarili sa krus upang mailigtas tayong mga makasalanan.  Ito ay patuloy niyang ipinapakita sa bawat pagdiriwang ng Eukaristiya na kung saan sa anyong tinapay at alak ay ibinibigay ni Jesus ang Kanyang sarili sa atin bilang pagkain ng ating kaluluwa.  Ito'y patuloy niyang ipinadarama sa atin sa pamamagitan ng maraming taong taos sa puso ang pagtulong sa mga mahihirap.  Taos sa puso ba ang aking pagbibigay?  Mararamdaman natin ito kung may kahalong sakit ang ating ginawang pagtulong sapagkat ang tunay na pagbibigay ay may kasamang sakripisyo.  Masasaktan ka kung tunay kang nagbibigay sapagkat may nawawala sa iyo sa bawat pagbibigay mo.  At dahil ang pagbibigay ay isang sakripisyo, ito ay nagpapaging-banal sa mga taong naghahandog nito.  Bakit hndi mo subukang taos-pusong magbigay?  Pagbibigay ng oras sa iyong asawa at mga anak, paglalaan ng oras ng mga anak para sa kanilang magulang, pagtulong sa isang kaibigang may problema, ay ilan lamang sa pagbibigay na hindi nangangailangan ng salapi.  At bakit hindi, kung mayroon kang kakayahan, tumulong ka sa mga mahihirap o nasalanta ng kalamidad, makibahagi sa mga proyekto ng Simbahan para sa mahihirap. Mag-abuloy sa simbahan.  Napakaraming paraan para makatulong sa kapwang nangangailangan. Kailan ka huling nagbigay na nasaktan ka dahil may ibinahagi ka na nagmumula sa iyong sarili?  Magandang pagnilayan natin ito. Baka mababaw pa rin ang ating motibo sa pagtulong. Baka kailangan pa ring salain ang ating motibasyon at intensiyon kapag tayo'y nagbibigay. Ang sabi nga ni Mother Teresa ng Calcutta na tinaguriang "living saint" noong siya ay nabubuhay pa, "We love and love until it hurts... until we realize and feel that there is no more hurt but love..."  Malapit na nating tapusin ang Taon ng mga Dukha.  Marahil isang magandang tanong sa ating pagninilay ay; "May naibigay na ba ako na nagmula sa aking sarili para sa mga mahihirap?" Walang masama kung isusulat mo ang kanilang pangalan at ialay mo sa Panginoon ang listahan ng mga taong natulungan mo ngayong Taon ng mga Dukha.  Sa pagtatapos ng Taon ng mga Dukha ay bubuksan naman natin ang Jubilee Year of Mercy na kung saan ay hahamunin tayong maging instrumento ng habag at awa ng Diyos para sa lahat.  Nawa ay mapukaw ang ating damdamin sa isang tunay at taos pusong pagbibigay.  Pagbibigay na hindi naghihintay ng kapalit. Pagbibigay na walang panunumbat at panghuhusga.  Pagbibigay na nagpapahayag ng awa at pagmamahal ng Diyos sa ating lahat. 

Sabado, Oktubre 31, 2015

UNDAS... UNang natoDAS! : Reflection for ALL SAINTS' DAY - November 1, 2015

Araw na naman ng UNDAS!  May nagsabi sa akin na ang ibig sabihin daw ng salitang ay UNDAS ay ito.. . UNang natoDAS!  Sa araw na ito inaalala natin silang mga "unang natodas" sa atin! May sense naman di ba? hehehe... Bakit nga ba November 1 ang nakagawian nating pagdalaw sa sementeryo gayung ang November 1 ay ARAW NG MGA SANTO?  Bakit ito ang araw na "UNDAS" kung tawagin?  Di ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2?  Hindi ko mahanapan ng siyentpiko o historikal na paliwanag ngunit kung titingnan natin ang "psyche" ng mga Plilipino ay marahil mauunawaan natin ito. Tayong mga Pilipino ay may pagka-switik! Sigurista kung tawagin. Kung makakaisa, mang-iisa! Ayaw nating naargabyado o natatalo. Gusto natin, laging nakalalamang... nakasisiguro.  Kaya siguro mas pinili natin ang November 1 sa paggunita sa ating mga yumao ay sapagkat nais natin na ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay ay sigurado ng maluwalhati sa "buhay sa kabila!"  Nais natin na ligtas sila at masayang nagtatamasa ng gantimpala ng Panginoon, Nais nating kasama na sila sa kalipunan ng mga Banal o mga Santo.  Kapistahan ngayon ng lahat ng mga banal sa langit. Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa. Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?" Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na marahil marami sa kanila ay hindi natin kilalaa. Sila ang mga "unsung heroes" ng ating Simbahan na naging tapat at nag-alay ng kanilang buhay para kay Kristo.  Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Sila ang mga "mapapalad" na tinukoy ni Jesus sa Ebanghelyo.  Marahil sa mata ng mundo sila ang mga aba, nagugutom, tumatangis, inuusig, inaapi. Ngunit sa mata ng Diyos, sila ang tinuturing Niyang "mapapalad" sapagkat noong sila ay nabubuhay pa ay lubos ang kanilang pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos.  Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal!  Kaya nga't ang kapistahang ito ay hindi lamang para sa kanila.  Sa katunayan, ito ay para sa atin.  Tayo ang nangangailangan ng kanilang panalangin.  Tayo ang nangangailangan ng kanilang inspirasyon upang matulad tayo sa kanila at isang araw ay mapabilang din sa hanay ng mga banal.  Sikapin nating magpakabuti habang tayo ay naririto pa sa lupa.  Ang kasalanan ang hadlang sa ating pagiging banal.  Sa tuwing tayo ay gumagawa ng kasalanan ay nalilihis tayo sa pagtawag ng Diyos na maging banal.  Ang kabanalan ay pagtawag para sa lahat.  Akuin natin ang pagiging banal.  Isabuhay natin ang mga aral ni Kristo. Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti at balang araw ay makakamit din natin ang gantikmala ng kalangitan.  Sana balang araw ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor na nagsasabing tayo ay "NASA ITAAS!"

Sabado, Oktubre 24, 2015

SA TAMANG PANAHON : Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year B - October 25, 2015 - YEAR OF THE POOR

Nasubaybayan mo ba kahapon ang pagdating ng "Tamang Panahon?"  Kung isa ka sa mga pumuno sa World's largest arena, ang Philippine Arena, o kaya naman ay naging kabilang ka sa maraming "Team Bahay" o "Team Abroad" na sumubaybay sa telebisyon o live streaming ng internet, o kaya naman ay kabilang sa world breaking tweets na 39.5 million... congratulations!  Naging bahagi ka ng ating kasaysayan!  Sigurado akong magiging bukang bibig ng maraming Pilipino ang katagang.. SA TAMANG PANAHON!  Kung sabagay, marami naman talaga sa atin ang nakakarelate sa katagang ito.  Sino ba ang ayaw yumaman... sa tamang panahon?  Sino ba ang ayaw makita ang ang kanyang dream partner... sa tamang panahon?  Sino ba ang ayaw guminhawa ang buhay... sa tamang panahon? Lahat tayo nagnanais na lumigaya... SA TAMANG PANAHON!  Libreng mangarap.  Libreng umasa. Darating din sa atin ang TAMANG PANAHON.  At ito nga ang kuwento ng bulag na si Bartimeo, anak ni Timeo na asawa ni... Timea? Walang binangit sa Bibliya ang pangalan ng asawa niya!  Marahil, masaklap ang naging buhay ni Bartimeo.  Sino bang bulag ang ayaw mabiyayang muling makakita.  Nagkaroon ng liwanag ang "tamang panahon" ni Bartimeo ng marinig niyang dumarating ni Jesus.  Marahil ay narinig na niya ang maraming himalang ginawa ni Jesus tulad ng pagpapalakad sa mga pilay at pagpapalayas ng masasamang espiritu.  At bakit nga naman hindi? Baka ito na nga ang TAMANG PANAHONG matagal na niyang hinihintay.  Kaya ganun na lang ang pagsigaw ni Bartimeo upang mapansin siya ni Jesus.  Kahit natabunan siya ng maraming tao hindi naging hadlang sa kanya ang kanyang kapansanan.  "Jesus, anak ni David... maawa ka sa akin!"  Ang katagang "Anak ni David" ay tumutukoy sa kanilang hinihintay na Mesiyas o tagapagligtas.  Narinig ito ni Jesus at ipinatawag niya si Bartimeo.  Nang marinig ni Bartimeong ipinapatawag siya ni Jesus ay agad-agad siyang tumayo at itinapon ang kanyang balabal.  Ang balabal ang huling pag-aaring taglay ng isang taong mahirap.  Kailangan niya ito bilang panlaban sa lamig ng gabi.  Ngunit sapagkat kumbinsido si Bartimeong ito na ang TAMANG PANAHON para sa kanya ay itinapon na niya ang kanyang balabal sapagkat alam niyang mapapanauli ni Jesus ang kanyang paningin. Katulad ni Bartimeo, tayong lahat din ay inaanyayahan ni Jesus na maging matatag, matiyaga at masipag sapagkat makakatagpo rin natin siya SA TAMANG PANAHON.  Sa katanayan ay maraming pagkakataong nakikipagtagpo ang Diyos sa atin ngunit hindi natin o ayaw nating makita ang kanyang presensiya.  Marahil ay umaasa tayo ng isang himala o isang kakaibang karanasan na kung saan ay tatagpuin tayo ng Diyos ngunit hindi ito ang kanyang karaniwang paraan.  Ang Diyos, nakakatagpo natin sa karaniwang pangyayari sa ating buhay.  Ang TAMANG PANAHON ay laging nasa atin sapagkat ang Diyos ay laging nakikipag-usap sa atin sa maraming taong nakakatagpo natin araw-araw.  Ang nararapat lang nating gawin ay gamitin ang pagkakataon.  Sa Latin ang tawag dito ay "carpe diem" o seize the day sa ingles.  Ang ibig sabihin lang nito ay huwag nating sayangin ang mga pagkakataong nasa ating harapan.  Si Jesus ay patuloy na nagpaparamdam sa atin sa ating mga magulang, sa ating mga kapatid, sa ating mga kaibigan o maging sa ating mga kaaway.  Katulad ni Bartimeo, huwag tayong magsayang ng sandali. Ang himala ay nangyayari kung buo ang ating pagtitiwala na ipagkakaloob sa atin ng Diyos sa tamang panahon ang ating inaasamasam na kahilingan.  Kaya maniwala tayo sa Kanyang kapangyarihan, magtiwala tayo sa kanyang mapagmalasakit na pagmamahal at sumunod tayo sa kanyang kalooban.  Sa ganitong paraan hindi malayong makakamit natin ang ating mga pinapangarap.  At higit sa lahat, makakamit natin ang gantimpalang nakalaan sa atin dahil sa pamumuhay natin na mabuti at ayon sa kanyang kalooban.  Ngunit ang lahat nang ito ay mangyayari Kanyang oras... SA TAMANG PANAHON!

Sabado, Oktubre 17, 2015

ANG MISYONERO NI KRISTO: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time - Year B - October 18, 2015 - YEAR OF THE POOR

Ngayon ang Linggo ng Misyong Pandaigdig o World Mission Sunday na kung saan ay inaalala natin ang mga kapatid nating nagpapalaganap at nagpapatotoo sa Mabuting Balita ni Kristo sa labas ng ating bansa.  Nagpapasalamat tayo sa kanilang sakripisyo at pag-aalay ng sarili sa "paglilingkod"  lalong-lalo na sa mga dukha at napapabayaan.  Dalawa ang kinikilalang Patron ng Misyon. Una, ay si San Francisco Xavier, isang paring Heswita na nagpakita na kakaibang sipag at dedikasyon sa pamamagitan ng paglalakbay sa malalayong lupain.  Nangaral siya at maraming nahikayat sa ating pananampalatayang Katoliko at ginugol niya ang kanyang buhay hanggang sa huli niyang hininga sa pagpapalaganap ng kanyng Mabuting Balita.  Ang pangalawa naman ay Santa Teresita ng Batang Jesus.  Hindi siya kasing sigasig ni San Francisco na naglakbay sa maraming bansa.  Sa katunayan ay nakakulong lamang siya sa apat na sulok ng kanilang kumbento, ngunit sa kanyang pag-iisa ay mas marami pa siyang kaluluwang nakatagpo at naihatid kay Kristo sa pamamagitan ng kanyang sakripisyo at panalangin. Marahil ay sinadya ng Simbahan na ideklara siyang Patron ng Misyon upang ipaalala sa atin na tayong lahat ay MISYONERO!  Katulad nga ng sinabi ng banal na Santo Papa Juan Pablo II, "Ang mamatay para sa pananampalataya ay pagtawag lamang para sa ilan, ngunit ang ISABUHAY ang pananampalataya ay pagtawag sa LAHAT!"  Ibig sabihin, kahit sino ay maaring magpatotoo kay Kristo. Kahit sino ay MISYONERO.  Isang hindi ko makakalimutang tagpo bago mamatay ang nanay ko ay noong araw na siya ay nagdedeliryo.  Kapag nagdedeliryo ang isang tao ay kakaiba ang kanyang mga nakikita at sinasabi.  Kung minsan ay nakakakita sila ng ibang pangitain.  May ganoon ding nakita si nanay ngunit nagulat ako ng tinanong ko siya kung ano ang kanyang ginagawa sapagkat parang mayroon siyang hinihimas at hinahawakan.  Ang sabi niya sa akin, "nagluluto ako... nagluluto ako ng bangus!"  Tapos hihilahin niya ang kumot niya at sasabihing "magtitiklop ako ng mga damit.  Maraming dapat itiklop!"  Hanggang sa kanyang pagdidiliryo si nanay ay abala sa gawaing bahay... paglilingkod pa rin ang iniisip!  At ito nga ang ipinapahayag ng ating pagbasa ngayon, na ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod.  Walang maipagmamalaki si nanay.  HIndi siya nakatapos ng pag-aaral.  Hindi siya marunong gumamit ng cellphone.  Ni hindi niya nga alam gamitin ang remote control ng telebisyon namin. Sa mata ng mundo ay wala siyang alam.  Ang alam niya lang gawin ay magluto, maglaba, maglinis ng bahay, mag-alaga sa amin... ngunit doon ko nakita ang kanyang kadakilaan.  "Ang sino man sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod.  At sino mang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat."  Ito ang pagiging misyonero ni nanay.  Ito ang pagiging misyonero na maari nating gawin.  Ito ang pagiging misyonero na nais ni Jesus para sa atin.  Siya na naparito "hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod" at nag-alay ng kanyang buhay para sa lahat ay nag-aanyaya sa atin  magsakripisyo rin para sa ating kapwa.  Mas pinatingkad pa ito ngayong pagdiriwang ng Taon ng Mga Dukha na dapat nating pagtuunan ng pansin ang mga taong mahihirap at sinasantabi ng ating lipunan.  Ang biyaya ng paglilingkod ay "kadakilaan"  ngunit kadakilaan hindi sa mata ng tao kundi sa mata ng Diyos.  Ang luklukang pinaparangap ng magkapatid na Santiago at Juan ay para sa mga "pinaghandaan."  Ito ay para sa mga taong ang buhay ay inilaan sa paglilingkod.  Mabuhay ka Mama!  Isa kang TUNAY NA MISYONERO NI KRISTO!  

Linggo, Oktubre 4, 2015

#PrayTogetherStayTogether : Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year B - October 4, 2015 - YEAR OF THE POOR

Kasabay ng pagsikat ng "Kalye-serye" at maging laman ito ng social media nitong nakaraang mga araw ay naganap din ang makasaysayang pagdalaw ng Santo Papa sa bansang Amerika.  Isa sa mga mahalagang kaganapan dito ay ang pagdaraos ng "World Meeting of Families" sa Philadelphia na kung saan ay binigyang diin ang temang: "Love is Our Mission: The Family Fully Alive!"  Ano nga ba ang nagbibigay buhay sa pamilya?  Ano nga ba ang ugat ng misyon ng pagmamahalan sa loob ng tahanan?  Masasagot natin ang mga katanungang ito kung muli nating babalikan ang orihinal na plano ng Diyos sa pagtatatag ng pamilya.  Sa tuwing ako ay nagkakasal ay lagi kong itinatanong sa mga mag-asawa ang dahilan kung bakit nila pinili ang isa't isa?  Ang karaniwang sagot na aking natatanggap ay sapagkat "mahal namin ang isa't isa!"  Wala naming mali sa kasagutang ito ngunit kung mas malalim nating susuriin ang tanong ay parang may kulang sa mga matatamis na salitang ALDUB YOU at MAALDEN kita!  Kung ating tatanungin ang maraming mag-asawang matagal ng nagsasama ay sasabihin nilang hindi sapat ang pagmamahal sa isang matibay na relasyon.  Ang pag-ibig ay maaring magbago.  Ang init ng pagmamahal ay maaring manlamig sa paglipas ng panahon. Ngunit may katotohanan na forever na mananatili at ito ay ang paniniwala ng mag-asawa na sila ay ibinigay ng Diyos sa isa't isa!  Ang sabi nga ng kantang pinasikat ng Kalye-serye ay... GOD GAVE ME YOU!" Ito ang plano ng Diyos para sa mag-asawa, na sila ay pag-isahin sa kanilang pagsasama at walang maaaring makapaghiwalay sa pagsasamang ito.  Ito ang sinabi ni Jesus ng tanungin siya kung maaring hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa: "Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa."  At para tuldukan ang usapin ng paghihiwalay ay nagbigay siya ng BABALA sa atin: "Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”  Kaya nga't matigas ang paninidigan ng Simbahan kapag usapin ng divorce ang pinagtatalunan.  Sapagkat ang Kasal o pagtataling-puso ng lalaki at babae ay imbensiyon ng Diyos at hindi ng tao.  Walang karapatan ang taong baguhin ang isang sagradong bagay na itinatag ng Diyos.  Kaya nga ito ay tinatawag din ng Simbahang sakramento na ibig sabihin ay banal.  Kaya gayon na lamang ang paala-ala ng Simbahan sa mga may nais na pasukin ang Sakramentong ito.  Sa panahon na lahat ay minamadali ay pinapaalalahanan tayong gamitin ang isip at talino sa pagpapasiya.  Dapat kilalaning mabuti ng magkasintahan ang isa't isa.  Ano nga ba ang paalala ni Lola Nidora tungkol para sa magsing-ibig ngayon? "Mas maganda ang mga bagay na pinagtitiyagaan at dumarating sa tamang panahon.  Tandaan ninyong lahat, masarap umibig, masarap ang inspirasyon, huwag lang minamadali.  Lahat ng bagay, nasa tamang panahon!"  At para naman sa mga nagsasama nang kasal, laging sanang pakaisipin ng mag-asawa na kung ang Diyos ang nagbuklod sa kanila, ay hindi sila pababayaan ng Diyos sa mga problemang kanilang kinakaharap.  Kaya nga't napakahalga ang pagtitiwala sa Diyos na nagbuklod sa kanila. Ang problema ay kapag nakalimot na ang mag-asawa sa Diyos at hindi na sila nagdarasal ng magkasama. Ang sabi nga ng isang nabasa kong quote ay: "The couple that prays together stays together!" Maganda sigurong tanungin ng mga mag-asawa kung ang Diyos ba ay kasama pa nila sa kanilang pagsasama?  Tanggapin natin ang masakit na katotohanan na marami sa mga mag-asawa ngayon ay hindi nagdarasal o nagsisimba ng sabay!  At nawala na rin sa kanilang pag-iisip ang Diyos na nagbuklod sa kanila.  Ipagdasal natin ang Pamilyang Pilipino upang mapanumbalik ang kanilang pananampalataya sa Diyos.  Ngayong buwan ng Santo Rosaryo ay magandang simulan muli ng mga miyembro ng pamilya ang pagdarasal ng sama-sama.  Tandaan natin ang kasabihang: That family that prays together... hindi lang stays together!  Mas malalim pa ang mangyayari... they will love each other!  Para mapaalalahanan tayo gamitin natin ang hashtag #PraytogetherStayTogether!

Linggo, Setyembre 27, 2015

#ALDUBOurMissionisLove : REFLECTION FOR 26th SUNDAY IN ORDINARY TIME Year B - September 27, 2015 - YEAR OF THE POOR

Hindi mapagkakailang laman ng mga balita sa telebisyon, radyo at internet ang inaabangang kaganapan sa kasaysayan ngayon.  Hindi ALDUB ang tinutukoy ko! hehehe... ( Bagamat ito marahil ang agad na sumagi sa isip ng marami sa inyo!)  Ang tinutukoy ko ay ang pagdalaw ng Santo Papa sa Amerika!  Pagkatapos ng mahabang panahon ay muling dinalaw ng Santo Papa ang "Land of the Free" Katulad ng kanyang pagdalaw dito sa atin sa Pilipinas, sigurado akong muling mapag-aalab nito ang pananampalataya ng mga Kristiyano sa lugar na kung saan ay pinaghaharian ng materyalismo, konsumerismo at liberalismo ang kalakhan ng populasyon ngunit nagsasabing sila ay bayang "nagtitiwala sa Diyos." Ito rin ay biyaya sa mga Katoliko sa bansang iyon na bagamat hindi ganoon kalaki ang kanilang bilang ay nagsusumikap pa ring maging "lebadura" sa pagpapalaganap ng mga turo at aral ng Simbahan lalong lalo na sa usapin ng moralidad at katarungang panlipunan.  Ano nga ba ang ibig sabihin ng pagiging "Katoliko" sa kasalukuyang panahon ngayon?  Ano nga ba ang ibig sabihin pag sinabing Katoliko ka? Sabi raw nila... tayong mga Katoliko ay may "katok" na "liko" pa! Papayag ka ba? May mga ilan-ilan sa atin na nagsasasabing sila ay "Katoliko-sarado," ano ang ibig sabihin n'yon?  Maraming Katoliko ang binansagang KBL sapagkat makikita mo lang sila sa simbahan sa tatlong sandali ng kanilang buhay: sa kasal, binyag at libing.  Ano ba ang kahulugan ng ating pagiging "katoliko?"   Isang mayamang matandang biyuda ang lumapit sa pari at hiniling na misahan ang kanyang namatay na alagang aso sapagkat mahal na mahal niya ito at itinuturing na tunay n'yang anak.  Tumanggi ang pari at sinabing hindi maaaring alayan ng misa ang isang hayop. "Ganoon po ba Father, sayang... Sampung libo pa naman ang iaalay kong donasyon para sa Misa . Di bale, d'yan na lang sa kabilang simbahan ng Aglipay ko siya pamimisahan." Biglang napasigaw ang pari: "Misis... hindi puwede yan!!! Isa kang Katoliko kaya't Katoliko rin dapat ang aso mo!  Tara! Misahan na natin siya!  hehehe...  Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang "Katoliko" na nakakabit sa ating pangalang Kristiyano? Makikita ba ito sa Bibiliya? Kung si Bro. Eli ang tatanungin, ang sagot ay hindi! Hindi naman kasi tagalog ang salitang Katoliko. Ito ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay "universal" o para sa lahat!  Sapagkat malakas ang ating paninindigan na ang kaligtasan ay ibinigay ni Kristo ay para sa lahat... Kristiyano ka man o hindi. Ang langit ay hindi lamang para sa ilang grupo katulad ng pag-aangking ginagawa ng ibang sekta na sila lamang ang maliligtas. Bagamat hindi tahasang makikita sa Bibliya ang salitang Katoliko, makikita naman natin ang "pangkalahatang" pananaw na walang pinipili ang gawaing mabuti at kalugod-lugod sa Diyos.  Sa unang pagbasa at Ebanghelyo makikita natin ang tema na ang biyaya ng Diyos ay malaya niyang ibinibigay kahit kanino. Ang sabi ni Moises ng may nagprotestang mayroong nangangaral na hindi naman nila kasama sa grupo: "Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat ng Israelita at mapuspos sila ng espiritu ng Panginoon.” Sa Ebanghelyo ay ganito rin ang winika ni Hesus ng ibalita ni Juan na may gumagamit ng kanyang pangalan sa pagpapalayas ng demonyo: “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin." Hindi ba't napakabuti ng Diyos? Napakalawak ng Kanyang pagmamahal at pang-unawa. Ang kanyang kaligtasang handog ay walang pinipili! Para sa lahat! "KATOLIKO!"  At ito ay sa kadahilanang ang pag-ibig ng Diyos ay para sa lahat!  Wala iyang itinatangi sa kanyang pagmamahal.  Ang pag-aalay ng kanyang buhay ay para sa lahat!  
Sana ay ganito rin tayo sa ating pagpapakita ng pagmamahal sa iba... walang pinipili! Ang magmahal ay para sa lahat! Hindi lang para sa mga kaibig-ibig pero sa mga kapos sa pag-ibig! Hindi lang para sa mga kaibigan pero para rin sa mga kaaway. Nawa maging bukas ang ating isipan at puso sa pagtanggap sa iba at sa pagpapakita ng ating pagmamahal sa kanila. May pinipili ba ang pag-ibig mo? Kung gayon isang kang certified na "katok na liko pa!" Magmahal ka ng walang kinikilingan at hinihintay na kapalit at magiging karapat-dapat ka sa pangalan mo... KATOLIKO! Ngayong Taon ng mga Dukha ay may pagkakataon tayong ipakita ang ating pagiging Katoliko sa paglingap sa mga mahihirap at nangangailangan.  Kung paanong walang itinatangi ang Diyos sa Kanyang pagmamahal, maipakita rin sana natin ito sa pagtulong sa ating mga kapatid na lubos na nangangailangan.  Lumalapit na tayo sa katapusan ng Year of the Poor, baka wala pa tayong mahirap na natulungan.  Tandaan natin na ito ay misyon nating lahat bilang mga Kristiyano.  Misyon nating ipalaganap ang pag-ibig ni Kristo.  Kung gagamitin ko ang hashtag na nakita ko sa twitter:  #ALDUBOurMissionisLove!

Biyernes, Setyembre 18, 2015

KADAKILAAN at PAGPAPAKUMBABA: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year B - September 20, 2015 - YEAR OF THE POOR & SEASON OF CREATION

Sino ba ang mga matatawag nating sikat ngayon? Hindi kinakailangang matulad ka sa tambalang Aldub, Katniel o Jadine para tawagin kang sikat! Lalo namang di mo kinakailangang mag-astang mala "Pastillas Girl" para mapansin ka ng marami.  Hindi kinakailangang hirangin kang "Pambansang Bae" para hangaan at sambahin ka ng mga tao.  Saan nga ba nakasalalay ang ating kasikatan at kadakilaan?  Sa mga nag-aakalang sa kagandahan o kasikatan nakasalalay ang kadakilaan, pakinggan ninyo ang kuwentong ito: May isang ligaw na bulaklak sa kabukiran na masyadong mataas ang pagtingin sa kanyang sarili.  Lagi niyang nilalait ang mga damong nakapaligid sa kanya. "Kayong mga nagpapangitang mga damo, bakit hindi kayo tumulad sa akin? Maganda, makulay, at higit sa lahat... mabango!"  Napapailing lamang ang mga damo na nagsasabing, "Wag kang masyadong mayabang! Darating ang araw na iisa lang ang ating patutunguhan.  Lilipas din ang kagandahan mo!"  At dumating nga ang araw na iyon.  Isang pulutong ng mga baka nanginain sa bukid t sinuyod ang malawak na damuhan.  Walang pintawad ang mga gutom na hayop maging ang mga ligaw na bulaklak ay pinatulan.  Naramdaman ng palalong bulaklak na siya ay nginunguya ng dahan-dahan. Pumasok siya sa isang madilim na lagusan, at ramdam niya ang unti-unti niyang pagdaloy sa madilim na "tunnel" na tinatawag nating esophagus.  Bigla niyang naramdam ang kanyang pagkalagkit at unti-unting pagkatunaw.  Nagpatuloy siya sa paglalakbay hanggang mabanaagan niya ang isang animoy ilaw na nagmumula sa isang lagusan.  Unti-unti siyang dinadala dito at habang unti-unti siyang lumalabas sa butas ay napansin niyang umaalingasaw ang kanyang amoy.  Hanggang bigla na lamang siyang bumagsak sa lupa bilang isang tumpok na dumi ng baka.  Naglapitan ang mga langaw at pinagpiyestahan siya narinig niyang muli ang sinabi ng nilalait n'yang pangit na damo, "Kita mo na na, sabi ko naman sa 'yo... iisa lang ang ating patutunguhan!"  Totoo nga namang walang katuturan ang lahat, maging ito man ay kagandahan, katalinunan, angking kakayahan, kapangyarihan o maging kayamanan. "Vanity of vanities, everything is vanity!" sabi nga sa aklat ng Eclesiastes (Ec 1:1)  Kaya nga ang sukatan ng mundo sa pagiging dakila ay isang malaking kasinungalingan!  Mayaman man tayo o mahirap, may kapangyarihan o mahina, may angking kagandahan man o wala, iisa lang ang ating patutunguhan!  Kung gayon ay saan ngayon nakasalalay ang tunay na kadakilaan?  Maliwanag ang paalala sa atin ng Panginoon: “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”  (Mk 9:35)  Hindi pa rin matanggap ng mga alagad na si Jesus, ang kanilang kinikilalang dakilang pinuno ay maghihirap at mamamatay sa kamay ng mga matatanda ng bayan.  Hindi pa rin nila matanggal sa kanilang isipan ang isang Mesiyas na marangya!  Upang mas lubos nilang maunawaan ay ginamit ni Jesus ang imahe ng isang bata na sa kanilang kultura noong panahong iyon ay mababa ang katayuan sa lipunan. Larawan ang isang bata ng kababang-loob at kapayakan ng pamumuhay.  At ito ang nais ni Jesus na matutunan ng kanyang mga alagad: Ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod ng may pagpapakumbaba!  Kaya nga ito rin ay paalaala para sa ating lahat na iwaksi ang kayabangan at kapalaluan.  Kapag tayo ay puno ng kayabangan ay mas lalo tayong nagiging makasarili at mapanlait sa kapwa. At dahil dito ay hindi natin nakikita ang kabutihan ng iba at sa halip na makatulong ay nakasisira pa tayo ng buhay nila.  Ang mga taong mapagkumbaba ay maraming bunga samantalang ang taong mayabang ay wala!  Masdan ninyo ang uhay ng mga palay sa bukid.  Ang mga uhay na may palay ay nakayuko at mababa samantalang ang mga walang palay ay nakatayo at matayog.  Mag-ingat tayo at baka katulad tayo ng mga uhay na nakatayo at matuwid  ang tingin sa sarili ngunit wala namang maipagmamalaking bunga!  Ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod.  Ang tunay na kasikatan ay nasa pagpapakumbaba! 

Sa PANAHON NG PAGLIKHA o Season of Creation, pinapaalalahanan tayo ng Panginoon na tayo ay ginawang katiwala ng Diyos upang alagaan at pagyamanin ang Kanyang mga nilikha.  Hindi tayo ang nagmamay-ari ng mundo.  Tayo ay tagapag-alaga lamang nito.  Ito ay ipinagkatiwala ng Diyos sa atin. 'Wag tayong maging mayayabang na nag-aastang pag-aari natin ang mundo kaya't puwede natin itong abusuhin at pagsamantalahan ito.  Tayo ay tinawag Niya upang Kanyang maging abang lingkod at magpahalaga, mag-aruga at mamuno sa Kanyang mga nilikha.  Dito nakasalalay ang ating kadakilaan at dito rin natin dinadakila ang Diyos na ating Manlilikha... ang pagiging responsableng tagapangasiwa ng sangnilikha!

Sabado, Setyembre 12, 2015

BIDANG KONTRABIDA: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year B - September 13, 2014 - YEAR OF THE POOR

Ngayon ay araw ng mga lolo at lola natin. Kung meron tayong araw ng pagpaparangal sa ating mga nanay at tatay, may araw din tayong inilalaan para pasalamatan ang ating mga "Lola Nidora, Tidora at Tinidora."  Pasalamatan natin sila sapagkat hindi natin alam kung hanggang kailan pa natin sila makakapiling.  Huwag nating sabihing pasasalamatan ko na lang sila  "sa tamang panahon" sapagkat baka hindi na dumating ang araw na iyon.  Sa mga fans ng "Kalye-Serye", kinaaaliwan natin ang character ni Lola Nidora bagama't kontrabida ang kanyang dating.  Hindi natural sa ating mga Pilipino ang kaaliwan ang kontrabida.  Sa ating panonood ng pelikula o teleserye ay nakasanayan na nating ang bida ang palaging panalo sa huli!  Ayaw natin ang bidang naaargabyado at kinakawawa. Kaya nga kapag namatay ang bida sa katapusan ng palabas ay madalas nating sabihing "pangit ang ending"... malungkot sapagkat "namatay ang bida!"  Isipin mo na lang ang ending ng Kalye-Serye na nagtagumpay ang nais ni Lola Nidora na hindi magkita si Alden at Yayadub, sadness di ba?  Ayaw nating nanalo ang kontrabida at natatalo ang bida.  Ayaw nating ang bida ay nasasaktan.  Hindi tayo sanay na siya'y maghihirap at nabibigo sa huli.  Kaya nga patok si FPJ sa ating mga Plipino kasi sa lahat ng pelikula niya ay siya ang panalo. Ang bida hindi dapat nasasaktan at kung masaktan man, ang BIDA HINDI DAPAT MAMATAY!  Ganito ang ating natunghayan sa Ebanghelyo. Ginawang "bida" ni Pedro si Hesus ng tanungin niya sila kung "sino ba siya sa mga tao." Ibinigay ni Pedro ang tamang kasagutan: "Ikaw ang Kristo!" Ngunit nang marinig mismo ni Pedro sa bibig ni Hesus na siya bilang bida ay maghihirap, itatakwil ng mga pinuno ng bayan at mamamatay ay agad niyang pinagsabihan si Hesus. Hindi niya matanggap na ang kanyang bida ay mamamatay! Dahil dito ay napagwikaan siya ni Hesus: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao." Hindi ba't kung minsan ay ganito rin tayo mag-isip tungkol sa Diyos? Sino ba ang Diyos para sa atin? Para sa marami ang ating Diyos ay ang "Diyos ng kaginhawaan!" Ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kaunlaran sa pamumuhay. OK ang Diyos kapag maganda ang takbo ng ating buhay. Ayaw natin ang "Diyos ng kahirapan!" Kaya nga't kapag nakaramdam na tayo ng kaunting kahirapan sa buhay ay nagbabago na ating pagtingin Diyos. Ang ating mga "aleluya" at "praise the Lord" ay napapalitan ng "Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako ginaganito?" Tandaan natin: Ang ating Diyos ay hindi lang Diyos ng kaginhawaan ngunit Siya rin ay Diyos ng kahirapan! Kung ang ating Diyos mismo ay dumaan sa paghihirap, dapat tayo rin ay handang magbata ng anumang kahirapan sa buhay... matuto tayong magpasan ng ating mga "krus." Kaya nga't ibinigay niya ang kundisyon sa mga nagnanais na maging kanyang alagad: "Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin." Paano ko ba tinatanggap ang mga paghihirap na dumarating sa aking buhay? Isa rin ba ako sa mga ayaw makaramdam ng sakit at paghihirap? May mga taong tinatawag nating "pabigat" sa atin, paano ko sila "binubuhat?" Minsan ay may lalaking umuwi sa kanilang bahay. Ang una niyang ginawa ay hanapin ang kanyang asawa. Nang makita niya ito ay agad-agad niya itong bihuhat at isinayaw. Nagulat tuloy ang babae at nagtanong: "Dear, anong nangyari sa iyo? Hindi ko naman birthday. Lalo namang hindi natin anniversary. Anung nakain mo?" Ang sagot ng lalaki: "Kasi dear... nagsimba ako kanina at tinamaan ako sa sinabi ng pari. Ang sabi niya: ang dapat daw na alagad ni Hesus ay matutong magbuhat ng kanyang krus!"  Sino ba ang mga pabigat sa buhay ko? Sino ba ang mga kontrabida nating itinuturing.  Marahil ang asawa kong lasenggo, sugarol at babaero. Siguro ang kapatid kong mabisyo. Siguro ang anak kong pabaya sa pag-aaral at puro barkada at tropa ang pinagkakaabalahan.  Siguro ang kapitbahay kong walang ginawa kundi ang magtsismis at manghimasok sa buhay ng iba. Siguro ang kaibigan kong traidor at manghuhuthot! Siguro ang teacher kong laging naninigaw at hindi marunong magturo... napakarami nating tinuturing na pabigat sa ating buhay. Sana ay ganito ang ating maging panalangin: "Panginoon, hindi ko pinagdarasal na tanggalin mo ang mga pabigat na ito sa aking buhay, bagkus bigyan mo ako ng lakas upang mabuhat ko sila ng may pagmamahal..." Sa ganitong paraan, kapag nagtanong si Jesus sa atin ng "Sino ako para sa iyo?" ay masasagot natin Siya ng "Panginoon, ikaw ang Kristo! Ikaw ang BIDA NG BUHAY KO!"

Sabado, Setyembre 5, 2015

EFFATA! :Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year B - September 6, 2015 - YEAR OF THE POOR - SEASON OF CREATION

Saan ba nakasalalay ang pananampalataya mo? Napakarami nating paniniwala na kung titingnan ay wala sa lugar o kung di naman ay wala sa tamang hulog. Halimbawa, isang basketball player na mag-aantanda ng krus bago i-shoot ang bola sa free throw line at pag di pumasok magmumurang malutong, isang deboto ng Poong Nazareno na hindi mawawala sa prusisyon ngunit patuloy pa rin sa pagsusugal at paglalasing, isang nanay na ipinamamanhik sa paring buhusan ng tubig ang kanyang sanggol sapagkat ibabiyahe daw papuntang probinsiya ngunit ayaw namang pabinyagan ang bata sapagkat wala pa raw panghanda! May isang kuwento para sa mga taong ang pananampalataya ay natatali lamang sa panlabas na pagpapakita nito. "Isang batang retarded na pipi at bingi ang umakyat sa isang mataas na puno ng niyog. Nakita siya ng maraming tao at pilit siyang pinabababa sa pangambang siya ay mahulog. Ngunit ayaw bumaba ng bata. Tumawag sila ng tulong sa mga baranggay tanod pero bale wala lang bata. Tinawag na nila ang kapitan ng baranggay ngunit nagmistulang tanga lamang ang kapitan... ayaw bumaba ng bata. Nagkataong napadaan ang parish priest ng lugar. "Father, kayo na nga ang magpababa. Baka sa inyo sumunod." Napilitang sumunod ang pari. Lumapit sa puno. Tumingala sa itaas at iwinasiwas ang kamay na tila nagbabasbas sabay bulong ng ilang salita. Agad-agad ay bumaba ang bata. Laking gulat ng mga tao at manghang-mangha sa pari. "Ang galing mo talaga ni Father! Isa kang taong banal! Binasbasan lang ang bata napasunod na!" Tugon ng pari: "Anung binasbasan? Sinenyasan ko lang ang bata ng ganito, ikaw baba o putol puno... baba o putol puno!" Sabay pakrus na iwinasiwas ang kamay!  hehehe. Kung minsan ay masyado tayong natatali sa panlabas na ritwal ng ating pananampalataya. Kung minsan ay may lumalapit sa akin na mga estudyanteng pinababasbasan ang kanilang lapis na gagamitin sa exam. Akala ata nila na kapag binasbasan ang kanilang panulat ay hindi na sila magkakamali sa pagsusulit. Manghang-mangha tayo kapag naipagkakaloob sa atin ang ating kahilingan ngunit ayaw naman nating kilalanin ang Diyos na pinagmumulan ng lahat ng biyaya.  Para tayong mga Hudyo na manghang-mangha sa kapangyarihan ni Jesus na nagpanauli ng pandinig ng isang bingi ngunit hindi naman nakilala kung sino Siya. Nakita nila ang ritwal na pagpasok ng daliri ni Jesus sa tainga at ang paglura at paghipo sa dila ng bingi ngunit hindi naman naintindihan ang ipinahihiwatig nito. Kaya nga ang sigaw ni Jesus ay "Effata!" Ibig sabihin ay "Mabuksan!" Hindi lamang ito para sa taong bingi ngunit ito rin ay para sa mga Hudyong nakapaligid sa Kanya. Nais ni Jesus na buksan ang kanilang mga pag-iisip at makitang Siya ang katuparan ng sinasabi ng mga propeta sa Lumang Tipan katulad ng panandang ibinigay ni Propeta Isaias sa pagdating ng Mesias, "Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi; katulad ng usa, ang pilay lulundag, aawit sa galak ang mga pipi." Nakilala ba Siya ng mga tao bilang Mesiyas? Hindi! Ipinagkalat lamang nila ang nangyari ngunit hindi ang kanyang pagdating sa kanilang piling bilang Panginoon. Mag-ingat din tayo sa ating pagiging Kristiyano. Baka katulad rin tayo ng mga Hudyong ang pagkilala kay Jesus ay panlabas lamang at nananatili pa ring mga pipi at bingi sa pagtanggap sa Kanya bilang ating Tagapagligtas. Mas masaklap ang lagay ng taong nakakarinig ngunit bingi naman sa panawagan ni Jesus na manindigan sa katotohanan at mamuhay na banal. Kasing saklap din ang lagay ng mga taong nakapagsasalita ngunit iba ang kanilang isinasagawa sa kanilang ipinahahayag! Mamuhay tayong tapat bilang mga Krisitiyano. Buksan natin ang ating puso at isipan sa mga aral ni Jesus na makikita sa Bibliya at ipinapaliwanag naman sa atin sa mga turo ng Simbahan. Isabuhay nating ang tunay na "Effata!"  Ngayong Taon ng mga Dukha o Year of the Poor ay hilingin din natin sa Panginoon na buksan ang tainga ng ating puso upang makita ang pangangailangan ng ating mga kapatid na mga mahihirap. Huwag tayong magbingi-bingihan sa kanilang pagdaing.  Hindi naman kinakailangang malaki ang ating pagtulong na gagawin.  Sabi nga ng Pondo ng Pinoy: "Anumang maliit, basta't malimit ay patungong langit!"  Gawin nating malimit ang pagtulong at paggawa ng kabutihan.  Hilingin din natin ang biyayang maging bukas ang tainga ng ating puso sa "daing ng ating inang kalikasan".  Sa buwang ito ay pinagdiriwang din natin ang Panahon ng Paglikha o Season of Creation.  Laganap ang pagsasamantala sa ating Inang Kalikasan sapagkat marami ang nagbibingi-bingihan at nagwawalang bahala na patuloy na nasasaktan ang ating mundo at maaring masira ito kung hindi natin pakikinggan ang panawagang alagaan natin ang mga nilikha ng Diyos.  Ang ating panalangin tulad din ng panalangin ni Jesus... EFFATA!

Sabado, Agosto 29, 2015

PABEBE EVERYWHERE!: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year B - August 30, 2015 - YEAR OF THE POOR

Talagang laganap na ang pabebe mode ngayon! PABEBE EVERYWHERE!  Mapabata o matanda, lalaki o babae, may kaya man o wala, ay maaring mag pabebe mode!  Kahit nga relihiyon ay pinasukan na rin nito.  Ano ang sinasabi ng mga grupong nagrarally sa Edsa: "Wag kayong mangengelam sa 'min!  Wag n'yong panghimasukan ang relihiyon namin! Itigil n'yo na ang pag-iimbistiga sa aming simbahan!"  O di ba pabebe lang ang peg ng mga taong yon? Isama pa natin ang mga trapong pulitikong nagsasamantala sa sitwasyon at nagpapabebe rin sa kanilang pagsimpatya kahit alam nilang hindi tama ang nangyayari.  Kaawa-awa naman ang "relihiyon."  Ginagamit ng mga "taong pabebe" upang isulong ang kanilang baluktot na paniniwala!  Linawin nga natin ang ibig sabihin ng salitang relihiyon.  Ang relihiyon ay mas malawak pa sa ating nakasanayang pag-intindi na ito ay ang ating simbahang kinabibilangan.  Kung titingnan natin sa ethymological meaning nito, ang relihiyon ay tumutukoy sa "pagtataling muli" ng naputol na relasyon ng Diyos at tao. (re= uli +  ligare= to tie).  Kaya nga masasabi rin natin na ito ay ang ating personal na pakikipag-ugayan sa Diyos.  Kung ating pagbabasehan ang ating mga pagbasa ngayon ang relihiyon ay hindi lang pagsisimb o pagdarasal. Ang tunay na relihiyon ay wala sa panlabas na pagpapapakita ngunit nasa panloob na paniniwala at pagsasabuhay nito. Ano ang sabi ni Hesus tungkol sa mga Pariseo? “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat: ‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal." Paano ko ba ipinapakita ang pagiging Kristiyano? Baka naman natatali lang ako sa mga ritwal na panlabas na pagsamba at nakakalimutan ko ang higit na mahalaga? Mahalaga ang pagrorosaryo, pagsama sa prusisyon, pagdedebosyon sa mga santo, pagsisimba tuwing Linggo. Ngunit dapat nating tandaan na hindi lamang ito ang ibig sabihin ng relihiyon. May mas mahalagang hinihingi si Hesus sa atin. Ang sabi nga ng isang sikat na mangangaral na obispo: "Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse... ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad matatawag na Kristiyano." Hindi sapagkat nagsimba ka ay Kristiyano ka na! Hindi garantiya ang litanya ng mga debosyon, ang paulit na ulit na pagsambit ng panalangin, ang araw-araw na pagtitirik ng mga kandila kung ang lumalabas naman sa ating bibig ay paglapastangan sa kapwa, masasamang salita, paninira, paghuhusga sa kamalian ng iba. Hindi mali ang mga gawaing ito ngunit 'wag nating akaling sapat na ito upang tayo ay maging mga banal na kristiyano.  Tandaan natin ang kabanalan ay hindi lamang personal na pagpapakabuti, ang tunay na kabanalan ay dapat ibinabahagi.  Sikapin nating magpakatotoo sa ating pagiging Kristiyano! Unawain natin at sundin ng matapat ang mga utos ng Diyos, pakikinig na may pagkilos ang tunay na pagpapakita na tayo ay sumusunod sa Kanya. Ang sabi nga ni apostol Santiago: "Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili."   Kaya wag tayong maging mga Kristiyanong pabebe! Huwag maging mapag-imbabaw sa ating pananampalataya.  Walang pabebe sa mga taong pinaghaharian ng Diyos.  Walang lugar ang mga pabebe sa kaharian ng langit!

Linggo, Agosto 23, 2015

BABALA (hindi ASAWA ni BABALU) : Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year B - August 21, 2015 - YEAR OF THE POOR

Ano nga ba ang pagkakaiba ng tao sa hayop?  Ang sabi ng pilisopiya sa kung sino ang tao ay siya raw ay isang "rational animal," isang hayop na may pag-iisip.  Nag-iisip nga ba ang hayop?  Hindi ba't "instinct" ang meron ito?  Kapag ang isang pusa ay nagutom ay maghahanap siya ng pagkain kahit sa basurahan.  Ang aso ay mangangagat kapag nakanti mo ang kanyang mga bagong silang na tuta.  Ang ahas na "nacorner" sa isang sulok ay manunuklaw.  Ito ay sapagkat ang hayop ay pinapakilos ng instinkto.  Ang tao rin ay may "animal instinct" sapagkat ito ay bahagi ng kanyang pagiging "animal" ngunit mas malaki ang bahagi ng kanyang pagiging "rational" o nag-iisip sapagkat ang tao ay pinagkalooban ng Diyos ng kalayaan.  Dahil malaya ang tao ay hindi agad-agad siyang kumikilos o gumagawa ng desisyon.  Ginagamit niya ang kanyang isip at dahil dito ay napag-iisipan niya ang kanyang gagawing desisyon o pagpili.  Kaya nga ang kalayaan ay ang nagpapaiba sa atin sa mga hayop sapagkat ito ang nagbibigay sa atin ng pagkakataong mag-isip kung tama ba o mali ang ating gagawing desisyon.  Hindi lang ito ang pagpili ng tama o mali.  Para sa ating mga Kristiyano ang kalayaan ay ang pagpili natin ng tama sa mali.  Ibig sabihin ay malaya tayong gumawa ng tama.  Hindi tayong malayang gumawa ng makasasama sa ating kapwa at sa ating sarili sapagkat ang tunay na kalayaan para sa ating mga Kristiyano ay ang pagpili kay Kristo!  Kaya nga sa ating mga pagbasa ngayon ay makikita natin ang isang BABALA!  (Hindi asawa ni Babalu!)  Ang babala ay PAALA-ALA sa atin tungkol sa ating pagiging mga alagad ni Kristo.  Una, sa ating pagbasa ay pinaalalahanan ni Joshue ang mga Israelita na dapat na maging matalino sila pagpili at ipahayag ang kanilang katapatan sa Panginoon. "Ngunit ako at ang aking angkan ay sa Panginoon lamang maglilingkod." Ikalawa, sa Ebanghelyo ay tinanong naman ni Jesus ang mga alagad kung iiwan din ba nila siya. Ito ay naitanong ng Panginoon ng isa-isang mag-alisan ang kanyang mga tagasunod sapagkat hindi nila matanggap ang mga aral na kanyang binitawan tungkol sa "Pagkain na bumaba mula sa langit."  Ang mga ito ay BABALA o PAALAALA sa mga alagad na sa kanya lamang matatagpuan ang buhay na walang-hanggan.  Noong tayo ay bininyagan ay pinili rin natin si Kristo.  Ipinahayag natin, sa pamamagitan ng pananampalataya ng ating mga magulang at ninong at ninang, ang ating pagtalikod sa kasalanan at ang ating katapatan kay Kristo at sa Simbahan.  Ang ating ginagawang pagpili araw-araw ay sumasalamin sa ating ipinahayag na pananampalataya. Ugaliin nating piliin ang tama at totoo.  Iwaksi natin ang gawaing masama at mamuhay ng naaayon sa kalooban ng Diyos.  Ang pagtupad natin sa ating mga tungkulin bilang anak, magulang,  kaibigan,  mag-aaral, trabahador, kasapi ng Simbahan o tagapaglingkod sa lipunan ay laging hihingi sa atin ng katapatan kay Kristo. Nawa ay isapuso natin ang katapatan sa kanya tulad ng katapatang ipinahayag ni Pedro: "Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan."

Sabado, Agosto 15, 2015

EAT AND LIVE : Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year B - August 16, 2015 - 200th BIRTHDAY OF DON BOSCO

Ika-16 ng Agosto, taong 1815, eksaktong dalawandaang taon ng nakaraan ay isinilang si San Juan Bosco, ang itinuturing na "ama at guro ng mga kabataan."  Para sa ating mga nasasakupan ng parokya ni San Juan Bosco at sa lahat ng mga lugar na pinamamahalaan ng mga pari at madreng Salesyano, ang araw na ito ay isang malaking pagdiriwang.  Sino ba sa atin ang makakaabot pa sa susunod na isandaang taon?  Marahil ay wala na sa atin ang buhay pa maliban kung mayroon sa atin ang tinatawag na immortal.  Kaya nga karapat-dapat lang na ipagdiwang ang araw na ito bilang parangal at pasasalamat sa ating patron at sa "Patron ng mga Kabataan".  At kapag sinabi nating pagdiriwang ay hindi mawawala sa atin ang kainan!  Lalo na tayong mga Pilipino, ang pagkain ay bahagi na ng ating kultura. Halos lahat ng pagdiriwang natin ay may kainan: binyag, kasal, blessing ng bahay, fiesta at di mabilang na mga okasyon malaki man o maliit. Kahit nga ang huling lamay ng patay ay hindi rin pinapatawad, dapat may bonggang kainan! Kung ito ay mahalaga para sa atin nararapat lamang na ito ay ating bigyan ng kaukulang pansin. Alam mo bang kakaibang nangyayari kapag ikaw ay kumakain? Ang pagkain ay isang "psychomotor activity" kaya't marahil ay hindi natin lubos na pinag-iisipan kapag ating ginagawa. Subo lang tayo ng subo. Lunok lang ng lunok. Kain lang ng kain. Kaya tuloy, palaki tayo ng palaki, palapad ng palapad, pataba ng pataba.  May parang "magic" na nangyayari sa tuwing tayo'y kumakain. Nagiging kabahagi natin ang ating kinakain. Pinapasok natin sa ating katawan ang isang bagay na patay at binibigyan natin ito ng buhay! Kaya nga kung nais mong maging malusog ang iyong pangangatawan ay dapat na masusustanyang pagkain ang kainin mo sapagkat nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain! Alam marahil ni Hesus ang prinsipyong ito kaya't ginamit niya ang simpleng halimbawa ng pagkain upang iparating ang kahalagahan ng pakikiisa sa kanya. “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Sa unang pagkarining ay parang kahibangan ang sinasabi ni Hesus. Sa katunayan, marami ang hindi nakaintindi sa kanya. Maging sa panig ng kanyang mga tagasunod ay may umalis at tumiwalag dahil sa bigat ng kanyang mga pananalita. Para nga namang kanibalismo ang nais niyang ituro sa kanila: "Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya." Ngunit alam nating hindi ito ang kanyang pakahulugan. Mapalad tayo sapagkat ngayon ay alam nating ang Sakramentto ng Eukaristiya ang kanyang tinutukoy. Tunay na katawan at dugo ni Hesus ang tinatanggap natin sa Eukaristiya at hindi lang simbolismo. Kaya nga't kung naniniwala tayo sa prinsipyong "nagiging kabahagi natin ang ating kinakain" ay dapat maunawaan natin ang ibig sabihin ng pananahan ni Hesus sa atin bilang Kristiyano. Sa tuwing tinatanggap ko si Hesus sa Banal na Komunyon, naniniwala ba akong nagiging kabahagi ko Siya? Ako ba'y nagiging mas mapagkumbaba, mas mapagpatawad, mas maalalahanin, mas matulungin sa aking kapwa? Marahil ay "marami pa tayong kakaining bigas" sa pagiging tunay na Kristiyano. Ngunit ang lahat ay nagsisimula sa unang subo. Maniwala tayo na ang ating tinatanggap sa Banal na Komunyon ay ang TUNAY NA KATAWAN ni KRISTO! Tanggapin natin siya at magkakamit tayo ng "buhay na walang hanggan!" Hindi ibig sabihing mabubuhay tayo magpakailanman. Ang buhay na walang hanggan ay ang "Buhay-Diyos" na ating tinatanggap kapag nanatili tayo kay Jesus. Isang buhay na masaya, mapayapa, walang inaalala sa kabila ng maraming kaguluhan at alalahanin sa buhay. Kaya nga sa pagtanggap natin sa katawan ni Jesus sa Banal na Misa, hindi tayo "eat and die!" Sa halip "we EAT AND LIVE!"  Kung mayroon mang naipamana si Don Bosco sa kanyang mga kabataan patungkol sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya, ito ay walang iba kundi ang malimit na pagtanggap sa Banal na Komunyon.  Para kay San Juan Bosco ang malimit na pagtanggap ng Komunyon ay "pakpak" na makapaghahatid sa atin sa langit.  Sa araw na ito ng kanyang ika-200 taon ng kanyang kapanganakan ay gawin nating regalo sa kanya ang malimit na pagtanggap ng komunyon at ipangako nating magiging karapat-dapat sa ating malimit na pagtanggap sa katawan ni Kristo.