Ano nga ba ang pagkakaiba ng tao sa hayop? Ang sabi ng pilisopiya sa kung sino ang tao ay siya raw ay isang "rational animal," isang hayop na may pag-iisip. Nag-iisip nga ba ang hayop? Hindi ba't "instinct" ang meron ito? Kapag ang isang pusa ay nagutom ay maghahanap siya ng pagkain kahit sa basurahan. Ang aso ay mangangagat kapag nakanti mo ang kanyang mga bagong silang na tuta. Ang ahas na "nacorner" sa isang sulok ay manunuklaw. Ito ay sapagkat ang hayop ay pinapakilos ng instinkto. Ang tao rin ay may "animal instinct" sapagkat ito ay bahagi ng kanyang pagiging "animal" ngunit mas malaki ang bahagi ng kanyang pagiging "rational" o nag-iisip sapagkat ang tao ay pinagkalooban ng Diyos ng kalayaan. Dahil malaya ang tao ay hindi agad-agad siyang kumikilos o gumagawa ng desisyon. Ginagamit niya ang kanyang isip at dahil dito ay napag-iisipan niya ang kanyang gagawing desisyon o pagpili. Kaya nga ang kalayaan ay ang nagpapaiba sa atin sa mga hayop sapagkat ito ang nagbibigay sa atin ng pagkakataong mag-isip kung tama ba o mali ang ating gagawing desisyon. Hindi lang ito ang pagpili ng tama o mali. Para sa ating mga Kristiyano ang kalayaan ay ang pagpili natin ng tama sa mali. Ibig sabihin ay malaya tayong gumawa ng tama. Hindi tayong malayang gumawa ng makasasama sa ating kapwa at sa ating sarili sapagkat ang tunay na kalayaan para sa ating mga Kristiyano ay ang pagpili kay Kristo! Kaya nga sa ating mga pagbasa ngayon ay makikita natin ang isang
BABALA! (Hindi asawa ni Babalu!) Ang babala ay
PAALA-ALA sa atin tungkol sa ating pagiging mga alagad ni Kristo. Una, sa ating pagbasa ay pinaalalahanan ni Joshue ang mga Israelita na dapat na maging matalino sila pagpili at ipahayag ang kanilang katapatan sa Panginoon.
"Ngunit ako at ang aking angkan ay sa Panginoon lamang maglilingkod." Ikalawa, sa Ebanghelyo ay tinanong naman ni Jesus ang mga alagad kung iiwan din ba nila siya. Ito ay naitanong ng Panginoon ng isa-isang mag-alisan ang kanyang mga tagasunod sapagkat hindi nila matanggap ang mga aral na kanyang binitawan tungkol sa "Pagkain na bumaba mula sa langit." Ang mga ito ay BABALA o PAALAALA sa mga alagad na sa kanya lamang matatagpuan ang buhay na walang-hanggan. Noong tayo ay bininyagan ay pinili rin natin si Kristo. Ipinahayag natin, sa pamamagitan ng pananampalataya ng ating mga magulang at ninong at ninang, ang ating pagtalikod sa kasalanan at ang ating katapatan kay Kristo at sa Simbahan. Ang ating ginagawang pagpili araw-araw ay sumasalamin sa ating ipinahayag na pananampalataya. Ugaliin nating piliin ang tama at totoo. Iwaksi natin ang gawaing masama at mamuhay ng naaayon sa kalooban ng Diyos. Ang pagtupad natin sa ating mga tungkulin bilang anak, magulang, kaibigan, mag-aaral, trabahador, kasapi ng Simbahan o tagapaglingkod sa lipunan ay laging hihingi sa atin ng katapatan kay Kristo. Nawa ay isapuso natin ang katapatan sa kanya tulad ng katapatang ipinahayag ni Pedro:
"Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento