Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 29, 2015
PABEBE EVERYWHERE!: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year B - August 30, 2015 - YEAR OF THE POOR
Talagang laganap na ang pabebe mode ngayon! PABEBE EVERYWHERE! Mapabata o matanda, lalaki o babae, may kaya man o wala, ay maaring mag pabebe mode! Kahit nga relihiyon ay pinasukan na rin nito. Ano ang sinasabi ng mga grupong nagrarally sa Edsa: "Wag kayong mangengelam sa 'min! Wag n'yong panghimasukan ang relihiyon namin! Itigil n'yo na ang pag-iimbistiga sa aming simbahan!" O di ba pabebe lang ang peg ng mga taong yon? Isama pa natin ang mga trapong pulitikong nagsasamantala sa sitwasyon at nagpapabebe rin sa kanilang pagsimpatya kahit alam nilang hindi tama ang nangyayari. Kaawa-awa naman ang "relihiyon." Ginagamit ng mga "taong pabebe" upang isulong ang kanilang baluktot na paniniwala! Linawin nga natin ang ibig sabihin ng salitang relihiyon. Ang relihiyon ay mas malawak pa sa ating nakasanayang pag-intindi na ito ay ang ating simbahang kinabibilangan. Kung titingnan natin sa ethymological meaning nito, ang relihiyon ay tumutukoy sa "pagtataling muli" ng naputol na relasyon ng Diyos at tao. (re= uli + ligare= to tie). Kaya nga masasabi rin natin na ito ay ang ating personal na pakikipag-ugayan sa Diyos. Kung ating pagbabasehan ang ating mga pagbasa ngayon ang relihiyon ay hindi lang pagsisimb o pagdarasal. Ang tunay na relihiyon ay wala sa panlabas na pagpapapakita ngunit nasa panloob na paniniwala at pagsasabuhay nito. Ano ang sabi ni Hesus tungkol sa mga Pariseo? “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat: ‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal." Paano ko ba ipinapakita ang pagiging Kristiyano? Baka naman natatali lang ako sa mga ritwal na panlabas na pagsamba at nakakalimutan ko ang higit na mahalaga? Mahalaga ang pagrorosaryo, pagsama sa prusisyon, pagdedebosyon sa mga santo, pagsisimba tuwing Linggo. Ngunit dapat nating tandaan na hindi lamang ito ang ibig sabihin ng relihiyon. May mas mahalagang hinihingi si Hesus sa atin. Ang sabi nga ng isang sikat na mangangaral na obispo: "Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse... ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad matatawag na Kristiyano." Hindi sapagkat nagsimba ka ay Kristiyano ka na! Hindi garantiya ang litanya ng mga debosyon, ang paulit na ulit na pagsambit ng panalangin, ang araw-araw na pagtitirik ng mga kandila kung ang lumalabas naman sa ating bibig ay paglapastangan sa kapwa, masasamang salita, paninira, paghuhusga sa kamalian ng iba. Hindi mali ang mga gawaing ito ngunit 'wag nating akaling sapat na ito upang tayo ay maging mga banal na kristiyano. Tandaan natin ang kabanalan ay hindi lamang personal na pagpapakabuti, ang tunay na kabanalan ay dapat ibinabahagi. Sikapin nating magpakatotoo sa ating pagiging Kristiyano! Unawain natin at sundin ng matapat ang mga utos ng Diyos, pakikinig na may pagkilos ang tunay na pagpapakita na tayo ay sumusunod sa Kanya. Ang sabi nga ni apostol Santiago: "Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili." Kaya wag tayong maging mga Kristiyanong pabebe! Huwag maging mapag-imbabaw sa ating pananampalataya. Walang pabebe sa mga taong pinaghaharian ng Diyos. Walang lugar ang mga pabebe sa kaharian ng langit!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento