Sa pagkauso ng "selfie" ay nauso ang maraming uri at kakaibang paggamit ng camera. Sa katunayan ay hindi na lang ang mga tao ang kinukunan ngayon ng picture. Isa sa kinahuhumalingan ngayon ay ang pagkuha ng litrato o pagpipicture ng pagkain bago simulan ang kainan. Ang tawag din dito ay "food selfie". Bakit nga ba kinakailangang kunan ng picture ang isang pagkain bago ito lantakan? Noong una ay hindi ko makuha ang "logic" kung bakit ito ginagawa bukod sa pagpapasikat o pagyayabang. Ngunit kinalaunan ay naintindihan kong isa itong paraan upang mapanatili ang ala-ala ng isang magandang karanasan na dala ng pagkaing pinagsaluhan. Ano nga ba ang kadahilanan kung bakit tayo kumakain? May kuwento ng isang
batang lumapit sa kanyang tatay na abalang-abala sa trabaho. "Tatay
laro tayo!" Sabi ng bata sa kanyang tatay na abala sa trabaho. "Hindi
muna ngayon anak marami akong ginagawa." "Anung ginagawa mo?"
"Nagtratrabaho." "E bakit ka nagtratrabaho?" Pakulit na tanong ng anak.
"Para yumaman tayo." "E bakit gusto mong yumaman tayo?" Tanong uli ng
anak. "Para marami tayong pera." Sagot ng tatay na medyo nakukulitan na.
"E bakit gusto nyong magkapera?" Nagtaas na ng boses ang tatay: "Para
may makain tayo!" Tanong uli ang anak: "E bakit tayo dapat kumain?"
Sumigaw na ang tatay: "Para di tayo magutom!" Tumahimik sandali ang bata
at pagkatapos ay sinabi: "Tatay... hindi po ako nagugutom! Laro tayo!" Ang pinakaunang dahilan ay upang matugunan ang pagkagutom ng ating katawan. Bagamat
hindi gutom ang bata sa pagkain, may pagkagutom pa rin siyang nadarama!
Ang pagkagutom ay hindi lang pisikal. May pagkagutom ding espirituwal
tulad ng pagkagutom sa katotohanan at justisya, pagkagutom sa
kapayapaan, pagkagutom sa pagmamahal... Ngunit ang higit sa lahat ng
pagkagutom ay ang "pagkagutom sa Diyos." Batid ni Hesus ang pagkagutom
na ito kaya't inialok niya ang kanyang sarili upang maging pagkaing
nagbibigay buhay! "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa
langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang
pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Anung ibig pakahulugan ni Jesus na ang tatatanggap ng pagkaing ito ay
"mabubuhay magpakailanman?" Hiindi ito nangangahulugang "walang
pagkamatay!" Ang mabuhay magpakailanman ay nangangahulagan ng
pakikibahagi sa "buhay ng Diyos!" Isang buhay na sa kabila ng
kalungkutan ay may kasiyahan, sa kabila ng pagkabigo ay may pag-asa, sa
kabila ng pagkadapa ay may pagbangon! Marahil ito ang kinakailangan ng
ating maraming kababayan ngayon. Ito ang kailangan nating mga
Pilipinong lagi na lamang ginugupo ng kahirapan at trahedya. Kailangan
natin ang "buhay-Diyos!" Sa ating paglalakbay sa buhay na kung saan ay
mas marami ang hirap sa ginhawa, ay tanging ang Diyos lamang ang maari
nating sandalan at maging sandigan. Ikalawang dahilan kung bakit tayo kumakain ay upang makapagbigay sa atin pagkakataong magsama-sama at mapalakas hindi lamang ang ating katawan kundi ang bigkis ng ating pagkakaisa. "The family that eats together... stays together!" Kaya nga ang Sakramento ng Eukaristia ay dapat magpaalala sa atin na tayo ay sama-samang nagkakaisa sa iisang pagkaing ating pinagsasaluhan... ang katawan ni Kristo.
Ang Eukaristiya rin ay komunyon o
pakikiisa. Ito ay pakikiisa sa ating kapwa na dumaranas ng paghihirap.
Damayan natin ang kanilang pangangailan. Ibahagi natin kung ano ang
meron tayo at huwag tayong magdalawang isip sa pagtulong sa kanila lalo na ngayong Taon ng mga Dukha.
Walang taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong ng iba at
wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng
iba. Ito ang ibig sabihin na maging buhay kang "Eukaristiya" ka sa kapwa
mo. Subukan mong magbigay at mararanasan mo ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng "Katawan ni Kristo." Hindi natin kinakailangang mag"food-selfie" upang mapaalalahan tayo nito. Sapat na ang Sakramento ng Eukaristia upang magpaalala sa atin na si Jesus ang Tinapay ng Buhay na katugunan sa pagkagutom ng sanlubutan. Sapat ng paalala upang hindi natin makalimutang tayo rin ay biyaya ng Eukaristiya para sa isa't isa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento