Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 1, 2015
ANG MGA MABUBUTING PASTOL : Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time - Year B - YEAR OF THE POOR - LINGGO NG MGA KURA-PAROKO
Sa araw na ito ay ating inaalala at ipinapanalangin ang lahat ng mga pari lalong lalo na ang mga kura-paroko sa pagdiriwang ng "Vianney Sunday". Si St. John Mary Vianney ang tinanghal na patron ng mga kura-paroko at kinalaunan, ng lahat ng mga pari, dahil sa kanyang katangiang kinakikitaan ng pagiging isang "mabuting pastol". Kaya nga't mahalang ipagdasal natin sila ngayong araw na ito. Bakit? Mayroong kuwento na minsan daw sa
labas ng pintuan ng langit ay naghihintay na tawagin ang isang pari
kasama ang kanyang mga parokyano. Asang-asa ang pari na siya ang unang
tatawagin sapagkat siya "daw" ang pinakabanal sa lahat. Unang tinawag
ang babaeng nagtitinda ng sampaguita sa labas ng gate ng Simbahan.
Tahimik lang ang pari. "Di bale, siguro naman, ako na ang susunod!"
Laking pagkagulat niya nang ang sunod na tinawag ay ang matandang manang
na laging nagtitirik ng kandila sa estatwa ng Mahal na Birhen. "Aba, di
na ata makatarungan ito. Nalagpasan na naman ako!" At lalong nag-init
ang pari nang biglang tinawag ang kanyang sakristan! Bigla siyang
sumingit sa pila at sinabi: "San Pedro, hindi ata tama ang ginagawa
ninyo! Bakit ako nauunahan ng mga parokyano ko? Ano ba ang ginawa nila
at dapat silang mauna sa akin?" "Simple lang", sagot ni San Pedro...
"Pinagdasal ka nila!" hehe... Ngayon ay mas higit akong naniniwala na talagang kinakailangan nating ipagdasal ang ating mga "pastol", ang ating mga pari. Sa August 4 pa ang kapistan ni St. Vianney ngunit ang Linggong pinakamalapit dito ang ginagawang pagdiriwang upang mas maraming tao ang makapag-alay ng kanilang panalangin para sa mga pari. Inaalala
at pinagdarasal natin ang mga paring nangangalaga sa ating parokya.
Ipinagdarasal natin na sana sila ay matulad sa ating Mabuting Pastol na
si Jesus. Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang mga taong labis ang
paghahangad na muling makita si Jesus pagkatapos ng mahimala niyang
pagpaparami ng tinapay. Bagamat "materyal na kadahilan," ang nagbunsod
sa kanila upang hanapin si Jesus ay naroon pa rin ang katotohanan na
para silang mga tupang walang pastol na nangangailangan ng pagkalinga.
Kaya nga nais ni Jesus na palalimin nila ang kanilang pag-intindi sa
kanya. "Gumawa kayo, hindi upang
magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi
nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan." May mga
sandali din ba sa aking buhay na hinahanap ko rin ang Panginoon? O baka
naman sa sobrang kaabalahan ko sa mga makamundong bagay ay di ko na pansin
ang pangangailangan sa Diyos? Ang mga Kura-Paroko ay nabigyan ng
mahalagang responsibilad na ipaalala sa atin ang mga bagay na ito. Hindi mangyayari ito kung walang pakikiisa ng bawat
tupang kanyang ginagabayan. Tungkulin nilang ihatid tayo kay Kristo
bilang mga nakababatang pastol. Ngunit tungkulin di nating ipagdasal
sila upang sila ay mahubog ayon sa puso ng ating butihing Pastol na si
Jesus. Ipagdasal natin sila sa paggabay sa kanilang kawan tungo sa isang
mabuting pamumuhay! Marami ang mga bumabatikos sa kanila dahil sa kanilang pannindigan lalo na sa
mga kasalukuyang isyu ng same sex marriage, divorce, contraceptives, dahil sa kanilang paninindigan sa turo ng
Simbahan na tapat nilang ipinapahayag sa kanilang nasasakupan. Hindi
sila mabubuting pastol kung hindi nila ito gagawin. Ipagdasal din natin
ang isa't isa na maging bukas sana ang ating isipan kapag itinuturo sa ating ang mga utos ng Simbahan.
Iba man ang ating pananaw, hindi man tayo sa sang-ayon dahil sa iba ang
takbo ng ating pag-iisip, at taliwas man ang ating paniniwala sa
usaping ito, ay manaig pa rin sana ang ating pagsunod sa kalooban ng Diyos na ipinapahayag sa atin ng mga turo ng Simbahan.
Walang ibang layunin ang Simbahan kundi upang ihatid tayo sa "pastulang
mainam." Nawa ay maging mabubuti tayong kawan sa pamumuno ng ating mga
butihing pastol.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento