Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 29, 2015
PABEBE EVERYWHERE!: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year B - August 30, 2015 - YEAR OF THE POOR
Talagang laganap na ang pabebe mode ngayon! PABEBE EVERYWHERE! Mapabata o matanda, lalaki o babae, may kaya man o wala, ay maaring mag pabebe mode! Kahit nga relihiyon ay pinasukan na rin nito. Ano ang sinasabi ng mga grupong nagrarally sa Edsa: "Wag kayong mangengelam sa 'min! Wag n'yong panghimasukan ang relihiyon namin! Itigil n'yo na ang pag-iimbistiga sa aming simbahan!" O di ba pabebe lang ang peg ng mga taong yon? Isama pa natin ang mga trapong pulitikong nagsasamantala sa sitwasyon at nagpapabebe rin sa kanilang pagsimpatya kahit alam nilang hindi tama ang nangyayari. Kaawa-awa naman ang "relihiyon." Ginagamit ng mga "taong pabebe" upang isulong ang kanilang baluktot na paniniwala! Linawin nga natin ang ibig sabihin ng salitang relihiyon. Ang relihiyon ay mas malawak pa sa ating nakasanayang pag-intindi na ito ay ang ating simbahang kinabibilangan. Kung titingnan natin sa ethymological meaning nito, ang relihiyon ay tumutukoy sa "pagtataling muli" ng naputol na relasyon ng Diyos at tao. (re= uli + ligare= to tie). Kaya nga masasabi rin natin na ito ay ang ating personal na pakikipag-ugayan sa Diyos. Kung ating pagbabasehan ang ating mga pagbasa ngayon ang relihiyon ay hindi lang pagsisimb o pagdarasal. Ang tunay na relihiyon ay wala sa panlabas na pagpapapakita ngunit nasa panloob na paniniwala at pagsasabuhay nito. Ano ang sabi ni Hesus tungkol sa mga Pariseo? “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat: ‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal." Paano ko ba ipinapakita ang pagiging Kristiyano? Baka naman natatali lang ako sa mga ritwal na panlabas na pagsamba at nakakalimutan ko ang higit na mahalaga? Mahalaga ang pagrorosaryo, pagsama sa prusisyon, pagdedebosyon sa mga santo, pagsisimba tuwing Linggo. Ngunit dapat nating tandaan na hindi lamang ito ang ibig sabihin ng relihiyon. May mas mahalagang hinihingi si Hesus sa atin. Ang sabi nga ng isang sikat na mangangaral na obispo: "Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse... ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad matatawag na Kristiyano." Hindi sapagkat nagsimba ka ay Kristiyano ka na! Hindi garantiya ang litanya ng mga debosyon, ang paulit na ulit na pagsambit ng panalangin, ang araw-araw na pagtitirik ng mga kandila kung ang lumalabas naman sa ating bibig ay paglapastangan sa kapwa, masasamang salita, paninira, paghuhusga sa kamalian ng iba. Hindi mali ang mga gawaing ito ngunit 'wag nating akaling sapat na ito upang tayo ay maging mga banal na kristiyano. Tandaan natin ang kabanalan ay hindi lamang personal na pagpapakabuti, ang tunay na kabanalan ay dapat ibinabahagi. Sikapin nating magpakatotoo sa ating pagiging Kristiyano! Unawain natin at sundin ng matapat ang mga utos ng Diyos, pakikinig na may pagkilos ang tunay na pagpapakita na tayo ay sumusunod sa Kanya. Ang sabi nga ni apostol Santiago: "Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili." Kaya wag tayong maging mga Kristiyanong pabebe! Huwag maging mapag-imbabaw sa ating pananampalataya. Walang pabebe sa mga taong pinaghaharian ng Diyos. Walang lugar ang mga pabebe sa kaharian ng langit!
Linggo, Agosto 23, 2015
BABALA (hindi ASAWA ni BABALU) : Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year B - August 21, 2015 - YEAR OF THE POOR
Sabado, Agosto 15, 2015
EAT AND LIVE : Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year B - August 16, 2015 - 200th BIRTHDAY OF DON BOSCO
Ika-16 ng Agosto, taong 1815, eksaktong dalawandaang taon ng nakaraan ay isinilang si San Juan Bosco, ang itinuturing na "ama at guro ng mga kabataan." Para sa ating mga nasasakupan ng parokya ni San Juan Bosco at sa lahat ng mga lugar na pinamamahalaan ng mga pari at madreng Salesyano, ang araw na ito ay isang malaking pagdiriwang. Sino ba sa atin ang makakaabot pa sa susunod na isandaang taon? Marahil ay wala na sa atin ang buhay pa maliban kung mayroon sa atin ang tinatawag na immortal. Kaya nga karapat-dapat lang na ipagdiwang ang araw na ito bilang parangal at pasasalamat sa ating patron at sa "Patron ng mga Kabataan". At kapag sinabi nating pagdiriwang ay hindi mawawala sa atin ang kainan! Lalo na
tayong mga Pilipino, ang pagkain ay bahagi na ng ating kultura. Halos
lahat ng pagdiriwang natin ay may kainan: binyag, kasal, blessing ng
bahay, fiesta at di mabilang na mga okasyon malaki man o maliit. Kahit
nga ang huling lamay ng patay ay hindi rin pinapatawad, dapat may
bonggang kainan! Kung ito ay mahalaga para sa atin nararapat lamang na
ito ay ating bigyan ng kaukulang pansin. Alam mo bang kakaibang
nangyayari kapag ikaw ay kumakain? Ang pagkain ay isang "psychomotor activity"
kaya't marahil ay hindi natin lubos na pinag-iisipan kapag ating
ginagawa. Subo lang tayo ng subo. Lunok lang ng lunok. Kain lang ng
kain. Kaya tuloy, palaki tayo ng palaki, palapad ng palapad, pataba ng
pataba. May parang "magic" na nangyayari sa tuwing tayo'y kumakain. Nagiging kabahagi natin ang ating kinakain. Pinapasok natin sa ating katawan ang isang bagay na patay at binibigyan natin ito ng buhay! Kaya nga kung nais mong maging malusog ang iyong pangangatawan ay dapat na masusustanyang pagkain ang kainin mo sapagkat nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain! Alam
marahil ni Hesus ang prinsipyong ito kaya't ginamit niya ang simpleng
halimbawa ng pagkain upang iparating ang kahalagahan ng pakikiisa sa
kanya. “Ako ang pagkaing
nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang
sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng
sanlibutan ay ang aking laman.”
Sa unang pagkarining ay parang kahibangan ang sinasabi ni Hesus. Sa
katunayan, marami ang hindi nakaintindi sa kanya. Maging sa panig ng
kanyang mga tagasunod ay may umalis at tumiwalag dahil sa bigat ng
kanyang mga pananalita. Para nga namang kanibalismo ang nais niyang
ituro sa kanila: "Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya."
Ngunit alam nating hindi ito ang kanyang pakahulugan. Mapalad tayo
sapagkat ngayon ay alam nating ang Sakramentto ng Eukaristiya ang
kanyang tinutukoy. Tunay na katawan at dugo ni Hesus ang tinatanggap
natin sa Eukaristiya at hindi lang simbolismo. Kaya nga't kung
naniniwala tayo sa prinsipyong "nagiging kabahagi natin ang ating
kinakain" ay dapat maunawaan natin ang ibig sabihin ng pananahan ni
Hesus sa atin bilang Kristiyano. Sa tuwing tinatanggap ko si Hesus sa
Banal na Komunyon, naniniwala ba akong nagiging kabahagi ko Siya? Ako
ba'y nagiging mas mapagkumbaba, mas mapagpatawad, mas maalalahanin, mas
matulungin sa aking kapwa? Marahil ay "marami pa tayong kakaining bigas"
sa pagiging tunay na Kristiyano. Ngunit ang lahat ay nagsisimula sa
unang subo. Maniwala tayo na ang ating tinatanggap sa Banal na Komunyon
ay ang TUNAY NA KATAWAN ni KRISTO! Tanggapin natin siya at magkakamit
tayo ng "buhay na walang hanggan!" Hindi ibig sabihing mabubuhay tayo
magpakailanman. Ang buhay na walang hanggan ay ang "Buhay-Diyos" na
ating tinatanggap kapag nanatili tayo kay Jesus. Isang buhay na masaya,
mapayapa, walang inaalala sa kabila ng maraming kaguluhan at alalahanin
sa buhay. Kaya nga sa pagtanggap natin sa katawan ni Jesus sa Banal na
Misa, hindi tayo "eat and die!" Sa halip "we EAT AND LIVE!" Kung mayroon mang naipamana si Don Bosco sa kanyang mga kabataan patungkol sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya, ito ay walang iba kundi ang malimit na pagtanggap sa Banal na Komunyon. Para kay San Juan Bosco ang malimit na pagtanggap ng Komunyon ay "pakpak" na makapaghahatid sa atin sa langit. Sa araw na ito ng kanyang ika-200 taon ng kanyang kapanganakan ay gawin nating regalo sa kanya ang malimit na pagtanggap ng komunyon at ipangako nating magiging karapat-dapat sa ating malimit na pagtanggap sa katawan ni Kristo.
Sabado, Agosto 8, 2015
FOOD-SELFIE : Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year B - August 9, 2015 - YEAR OF THE POOR
Sa pagkauso ng "selfie" ay nauso ang maraming uri at kakaibang paggamit ng camera. Sa katunayan ay hindi na lang ang mga tao ang kinukunan ngayon ng picture. Isa sa kinahuhumalingan ngayon ay ang pagkuha ng litrato o pagpipicture ng pagkain bago simulan ang kainan. Ang tawag din dito ay "food selfie". Bakit nga ba kinakailangang kunan ng picture ang isang pagkain bago ito lantakan? Noong una ay hindi ko makuha ang "logic" kung bakit ito ginagawa bukod sa pagpapasikat o pagyayabang. Ngunit kinalaunan ay naintindihan kong isa itong paraan upang mapanatili ang ala-ala ng isang magandang karanasan na dala ng pagkaing pinagsaluhan. Ano nga ba ang kadahilanan kung bakit tayo kumakain? May kuwento ng isang
batang lumapit sa kanyang tatay na abalang-abala sa trabaho. "Tatay
laro tayo!" Sabi ng bata sa kanyang tatay na abala sa trabaho. "Hindi
muna ngayon anak marami akong ginagawa." "Anung ginagawa mo?"
"Nagtratrabaho." "E bakit ka nagtratrabaho?" Pakulit na tanong ng anak.
"Para yumaman tayo." "E bakit gusto mong yumaman tayo?" Tanong uli ng
anak. "Para marami tayong pera." Sagot ng tatay na medyo nakukulitan na.
"E bakit gusto nyong magkapera?" Nagtaas na ng boses ang tatay: "Para
may makain tayo!" Tanong uli ang anak: "E bakit tayo dapat kumain?"
Sumigaw na ang tatay: "Para di tayo magutom!" Tumahimik sandali ang bata
at pagkatapos ay sinabi: "Tatay... hindi po ako nagugutom! Laro tayo!" Ang pinakaunang dahilan ay upang matugunan ang pagkagutom ng ating katawan. Bagamat
hindi gutom ang bata sa pagkain, may pagkagutom pa rin siyang nadarama!
Ang pagkagutom ay hindi lang pisikal. May pagkagutom ding espirituwal
tulad ng pagkagutom sa katotohanan at justisya, pagkagutom sa
kapayapaan, pagkagutom sa pagmamahal... Ngunit ang higit sa lahat ng
pagkagutom ay ang "pagkagutom sa Diyos." Batid ni Hesus ang pagkagutom
na ito kaya't inialok niya ang kanyang sarili upang maging pagkaing
nagbibigay buhay! "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa
langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang
pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Anung ibig pakahulugan ni Jesus na ang tatatanggap ng pagkaing ito ay
"mabubuhay magpakailanman?" Hiindi ito nangangahulugang "walang
pagkamatay!" Ang mabuhay magpakailanman ay nangangahulagan ng
pakikibahagi sa "buhay ng Diyos!" Isang buhay na sa kabila ng
kalungkutan ay may kasiyahan, sa kabila ng pagkabigo ay may pag-asa, sa
kabila ng pagkadapa ay may pagbangon! Marahil ito ang kinakailangan ng
ating maraming kababayan ngayon. Ito ang kailangan nating mga
Pilipinong lagi na lamang ginugupo ng kahirapan at trahedya. Kailangan
natin ang "buhay-Diyos!" Sa ating paglalakbay sa buhay na kung saan ay
mas marami ang hirap sa ginhawa, ay tanging ang Diyos lamang ang maari
nating sandalan at maging sandigan. Ikalawang dahilan kung bakit tayo kumakain ay upang makapagbigay sa atin pagkakataong magsama-sama at mapalakas hindi lamang ang ating katawan kundi ang bigkis ng ating pagkakaisa. "The family that eats together... stays together!" Kaya nga ang Sakramento ng Eukaristia ay dapat magpaalala sa atin na tayo ay sama-samang nagkakaisa sa iisang pagkaing ating pinagsasaluhan... ang katawan ni Kristo.
Ang Eukaristiya rin ay komunyon o pakikiisa. Ito ay pakikiisa sa ating kapwa na dumaranas ng paghihirap. Damayan natin ang kanilang pangangailan. Ibahagi natin kung ano ang meron tayo at huwag tayong magdalawang isip sa pagtulong sa kanila lalo na ngayong Taon ng mga Dukha. Walang taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong ng iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba. Ito ang ibig sabihin na maging buhay kang "Eukaristiya" ka sa kapwa mo. Subukan mong magbigay at mararanasan mo ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng "Katawan ni Kristo." Hindi natin kinakailangang mag"food-selfie" upang mapaalalahan tayo nito. Sapat na ang Sakramento ng Eukaristia upang magpaalala sa atin na si Jesus ang Tinapay ng Buhay na katugunan sa pagkagutom ng sanlubutan. Sapat ng paalala upang hindi natin makalimutang tayo rin ay biyaya ng Eukaristiya para sa isa't isa.
Ang Eukaristiya rin ay komunyon o pakikiisa. Ito ay pakikiisa sa ating kapwa na dumaranas ng paghihirap. Damayan natin ang kanilang pangangailan. Ibahagi natin kung ano ang meron tayo at huwag tayong magdalawang isip sa pagtulong sa kanila lalo na ngayong Taon ng mga Dukha. Walang taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong ng iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba. Ito ang ibig sabihin na maging buhay kang "Eukaristiya" ka sa kapwa mo. Subukan mong magbigay at mararanasan mo ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng "Katawan ni Kristo." Hindi natin kinakailangang mag"food-selfie" upang mapaalalahan tayo nito. Sapat na ang Sakramento ng Eukaristia upang magpaalala sa atin na si Jesus ang Tinapay ng Buhay na katugunan sa pagkagutom ng sanlubutan. Sapat ng paalala upang hindi natin makalimutang tayo rin ay biyaya ng Eukaristiya para sa isa't isa.
Sabado, Agosto 1, 2015
ANG MGA MABUBUTING PASTOL : Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time - Year B - YEAR OF THE POOR - LINGGO NG MGA KURA-PAROKO
Sa araw na ito ay ating inaalala at ipinapanalangin ang lahat ng mga pari lalong lalo na ang mga kura-paroko sa pagdiriwang ng "Vianney Sunday". Si St. John Mary Vianney ang tinanghal na patron ng mga kura-paroko at kinalaunan, ng lahat ng mga pari, dahil sa kanyang katangiang kinakikitaan ng pagiging isang "mabuting pastol". Kaya nga't mahalang ipagdasal natin sila ngayong araw na ito. Bakit? Mayroong kuwento na minsan daw sa
labas ng pintuan ng langit ay naghihintay na tawagin ang isang pari
kasama ang kanyang mga parokyano. Asang-asa ang pari na siya ang unang
tatawagin sapagkat siya "daw" ang pinakabanal sa lahat. Unang tinawag
ang babaeng nagtitinda ng sampaguita sa labas ng gate ng Simbahan.
Tahimik lang ang pari. "Di bale, siguro naman, ako na ang susunod!"
Laking pagkagulat niya nang ang sunod na tinawag ay ang matandang manang
na laging nagtitirik ng kandila sa estatwa ng Mahal na Birhen. "Aba, di
na ata makatarungan ito. Nalagpasan na naman ako!" At lalong nag-init
ang pari nang biglang tinawag ang kanyang sakristan! Bigla siyang
sumingit sa pila at sinabi: "San Pedro, hindi ata tama ang ginagawa
ninyo! Bakit ako nauunahan ng mga parokyano ko? Ano ba ang ginawa nila
at dapat silang mauna sa akin?" "Simple lang", sagot ni San Pedro...
"Pinagdasal ka nila!" hehe... Ngayon ay mas higit akong naniniwala na talagang kinakailangan nating ipagdasal ang ating mga "pastol", ang ating mga pari. Sa August 4 pa ang kapistan ni St. Vianney ngunit ang Linggong pinakamalapit dito ang ginagawang pagdiriwang upang mas maraming tao ang makapag-alay ng kanilang panalangin para sa mga pari. Inaalala
at pinagdarasal natin ang mga paring nangangalaga sa ating parokya.
Ipinagdarasal natin na sana sila ay matulad sa ating Mabuting Pastol na
si Jesus. Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang mga taong labis ang
paghahangad na muling makita si Jesus pagkatapos ng mahimala niyang
pagpaparami ng tinapay. Bagamat "materyal na kadahilan," ang nagbunsod
sa kanila upang hanapin si Jesus ay naroon pa rin ang katotohanan na
para silang mga tupang walang pastol na nangangailangan ng pagkalinga.
Kaya nga nais ni Jesus na palalimin nila ang kanilang pag-intindi sa
kanya. "Gumawa kayo, hindi upang
magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi
nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan." May mga
sandali din ba sa aking buhay na hinahanap ko rin ang Panginoon? O baka
naman sa sobrang kaabalahan ko sa mga makamundong bagay ay di ko na pansin
ang pangangailangan sa Diyos? Ang mga Kura-Paroko ay nabigyan ng
mahalagang responsibilad na ipaalala sa atin ang mga bagay na ito. Hindi mangyayari ito kung walang pakikiisa ng bawat
tupang kanyang ginagabayan. Tungkulin nilang ihatid tayo kay Kristo
bilang mga nakababatang pastol. Ngunit tungkulin di nating ipagdasal
sila upang sila ay mahubog ayon sa puso ng ating butihing Pastol na si
Jesus. Ipagdasal natin sila sa paggabay sa kanilang kawan tungo sa isang
mabuting pamumuhay! Marami ang mga bumabatikos sa kanila dahil sa kanilang pannindigan lalo na sa
mga kasalukuyang isyu ng same sex marriage, divorce, contraceptives, dahil sa kanilang paninindigan sa turo ng
Simbahan na tapat nilang ipinapahayag sa kanilang nasasakupan. Hindi
sila mabubuting pastol kung hindi nila ito gagawin. Ipagdasal din natin
ang isa't isa na maging bukas sana ang ating isipan kapag itinuturo sa ating ang mga utos ng Simbahan.
Iba man ang ating pananaw, hindi man tayo sa sang-ayon dahil sa iba ang
takbo ng ating pag-iisip, at taliwas man ang ating paniniwala sa
usaping ito, ay manaig pa rin sana ang ating pagsunod sa kalooban ng Diyos na ipinapahayag sa atin ng mga turo ng Simbahan.
Walang ibang layunin ang Simbahan kundi upang ihatid tayo sa "pastulang
mainam." Nawa ay maging mabubuti tayong kawan sa pamumuno ng ating mga
butihing pastol.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)