Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Disyembre 29, 2018
KAPAMILYA AT KAPUSO NG PASKO: Reflection for The Feast of Holy Family Year C - December 30, 2018 - YEAR OF THE YOUTH
Ksapistahan ngayon ng Banal na Mag-anak nina Jesus, Maria at Jose. Sa panahon ng Kapaskuhan ay magandang ipinagdiriwang natin ang kapistahang ito bilang paalaala sa atin na ang Diyos ay hindi lang naging “Emmanuel” o “Diyos na sumasaatin” ngunit pinili niya rin na mabuhay sa isang mag-anak at maging “kapamilya” natin. Kung siansabi ng Bibliya na ang “Diyos ay pag-ibig” at kung ang Diyos ay bahagi ng ating pamilya ay masasabi nating ang Pamilya din ay pag-ibig... FAMILY IS LOVE! Nasaan ka noong araw ng Pakso? Kasama mo bang nagdiwang ang iyong pamilya? O baka naman kasama ka ng mga kaibigan mo? Baka naman kasama kng iba at nakalimutan mong umuwi sa iyong pamilya at ipadama ang PUSO NG PASKO... ang Diyos ng pag-ibig! Nagiging kapamliya at kapuso natin ang Diyos kung ang pamilya ay nabubuhay na MARANGAL AT BANAL. Ang pamilya mo ba ay marangal at banal? SUSMARYOSEP! Bulalas marahil ng marami. Paano magiging marangal at banal ang pamilya ngayon e dumadaan na nga ito sa matinding krisis! Ang dami ng dysfunctional family at dahil dito ay dysfunctional children! "SUSMARYOSEP!" Kalimitan nating naririnig na ginagamit ang mga katagang ito ng mga matatanda kapag sila ay nagugulat. Alam ba ninyong ito ay hango sa tatlong banal na pangalan nina JeSUS MARia at JOSEPH? Kaya nga kung minsan nakakalungkot na nawawalan na ng tamang paggalang ang paggamit ng katagang ito. Ngunit hindi natin masisisi ang mga matatanda sa paggamit ng katagang ito. Sa katunayan, mapapaSUSMARYOSEP ka nga sa katayuan ngayon ng ating mga pamilya. Minsan sa isang religion class ay nagtuturo ang isang madre: "Mga bata, alam ba ninyong tayong lahat ay nilikha ng Diyos? Galing tayo sa Kanya!" Sagot ang isang batang pangit, "Sister, ang sabi po ng nanay ko ay galing daw tayo sa unggoy!" "Iho", sagot ni sis, "hindi natin pinag-uusapan ang pamilya mo dito!" Papayag ka bang ang pamilya mo ay galing sa unggoy? Pero ito ang nangyayari ngayon... "INUUNGGOY" ang pamilya! Hindi na nabibigyan ng sapat na respeto ang karapatan nito. Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay... ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin. Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya! Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL. Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi. Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago. Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO." Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito. Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya. Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA. Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga. Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya. May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA. Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga. Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang. Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA! At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN. "The family that prays together, stays together!" Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL. Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban. Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan. Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA! Ngayon ay Taon din ng Mga Kabataan . Ipanalangin natin na sana ay maibalik muli ng bawat pamilya ang pagpapahalaga sa kanilang mga anak. Nawa ay maging daan ang kabataan upang muling maibalik ang pamilya na nakasentro kay Kristo The family that prays together... love each other... stays together!
Sabado, Disyembre 22, 2018
AMBASSADORS OF HOPE AND JOY: Reflection for the 4th Sunday of Advent Year C - December 23, 2018 - YEAR OF THE YOUTH
Ano ba ang kaibahan ng MILAGRO sa MISTERYO? Kapag nabuntis ang babaeng kuwarenta anyos (80 years old) ang tawag ay MILAGRO. Pero kapag nabuntis naman ang katorse anyos (14 years old) na dalaga, ang tawag ay MISTERYO! hehehe... Sa ating Ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Adbiyento ay narinig natin ang pagtatagpo ng isang milagro at isang misteryo. Ang pagkabuntis ni Elizabeth, sa kabila ng kanyang katadaan ay isang milagro para sa kanyang mga kamag-anak, kapitbahay at kakilala. Ang pagdadalantao ni Maria ay naman ay balot ng misteryo para sa kanyang asawang si Jose. Ano ang nangyari ng magtapo ang milagro at misteryo? Isang kaligayahang hindi maipaliwanag ang naghari kay Elizabeth kaya't kanyang naibulalas: "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!" Banal na kaligayahan ang dala ni Maria sa pagbisita niya sa kanyang pinsan. Sa katunayan maging ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabeth ay naglulukso sa tuwa ng madama ang presensiya ng Panginoon. Tayong lahat din, bilang mga Kristiyano, tinatawag na maging tagapagdala ng kaligayahan sa ating kapwa. Tayo ay dapat maging "Ambassadors of Joy" sa mga taong ating nakakatagpo araw-araw. Naghahatid ka ba ng kaligayahan sa mga kasama mo sa bahay? O baka naman sa halip na kaligayahan ay dahilan ka pa ng pag-aalitan at hindi pagkakaunawaan sa iyong pamilya? Ano ang dating mo sa mga taong nakakasalimuha mo araw-araw? Napapangiti mo ba sila o napapasimangot sila sa tuwing makakasalubong mo? Naaalala ko ang sabi ng aming propesor sa homiletics noong kami ay nag-aaral pa bilang paghahanda sa papari. Ang homiletics ay isang semester na kurso upang turuan kami ng tamang pagbibigay ng homiliya o sermon sa Misa. Ang sabi niya sa amin: "Kapag kayo ay nangangaral tungkol sa langit, ay hayaan ninyong maliwanag ang inyong mga mukha. Kung tungkol naman sa impiyerno ang pinapangaral ninyo ay puwede na ang inyong mga mukha ngayon!" Tingnan mo nga ang mukha mo sa salamin kung ano ang pinapangaral mo sa iyong kapwa? Langit ba o impiyerno? Hindi madali ang magbigay sapagkat ito ay nangangahulugan ng sakripisyo. Ibig sabihin sa bawat pagbibigay mo ay dapat may nararamdaman kang sakit sapagkat may nawawala sapat sa iyo. Alam natin ang kasabihang, "it is better to give than to receive!" May nagsabi sa aking motto daw ito ng mga boksingero. Pero hindi lang naman siguro sila. Ito dapat ay motto ng isang Kristiyano. Hindi lang siguro "better" but "harder!" Mas mahirap naman naman talaga ang magbigay kasya tumganggap ngunit ito ang ibig sabihin ng pagtulad kay Kristo. Christian life is a life of giving. Christian life is a life of service! Katulad ni Mariang taus-pusong naglingkod sa kanyang pinsang si Santa Isabel. Ang tagapagdala ng kaligayahan ay dapat lang na maging tagapaghatid din ng pag-asa! Pag-asa sa mga taong nalulumbay, pag-asa sa mga taong nabibigatan sa buhay, pag-asa sa mga taong biktima ng kahirapan at kasalatan! Natutuwa ako sa sagot ng ating bagong koronang Miss Universe na si Catriona Gray. Ang sagot niya sa panguling tanong ay nagtataglay ng isa mesahe ng pag-asa lalo na para sa ating mundong sadlak sa kahirapan at kasamaan: "I work a lot in the slums of Tondo, Manila and the life there is poor and very sad. And I’ve always taught to myself to look for the beauty of it and look in the beauty of the faces of the children and to be grateful. And I will bring this aspect as a Miss Universe to see situations with a silver lining and to assess where I could give something, where I could provide something as a spokesperson. And this I think if I can teach people to be grateful, we can have an amazing world where negativity could not grow and foster and children will have smile on their faces." May mga kritikong netizens na nagsabing isa na naman itong romantacized answer. Ngunit sa aking palagay ay ito naman talaga ang magagawa nating mga karaniwang tao upang matugunan ang kahirapan sa ating paligid: maging tagapagdala tayo ng PAG-ASA. Kung may pag-asa ang tao ay magiging masaya siya sa kanyang buhay kahit na araw-araw siyang nakararanas ng hirap at sakit. Ang dala-dala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ay ang PAG-ASA ng sanlibutang nasadlak sa kadiliman. Pag-asa na nagbibigay ng tunay na KALIGAYAHAN! Magiging masaya ang ating Pasko kung dadalhin din natin si Kristo sa iba.
Sabado, Disyembre 15, 2018
KAGALAKAN SA PAGHIHINTAY: Reflection for 3rd Sunday of Advent Year C - December 16, 2018 - YEAR OF THE YOUTH
Ang kulay ng Adbiyento ay lila o violet na makikita natin sa mga kandila ng Korona ng Adbiyento. Ngunit kapansin-pansin ang nag-iisang rosas na kandila na ating sinindihan ngayong ikatlong Linggo ng Adbiyento. Ang tawag sa Linggong ito ay "Gaudete Sunday" na ibig sabihin ay "Rejoice!" o magsaya! Ang kulay ng Kuwaresma ay violet rin ngunit iba ito sa kulay ng Adbiyento. Totoong tulad ng Kuwaresma, ang kulay lila ng Adbiyento ay nangangahulugan ng pagbabalik-loob ngunit ang kandilang kulay rosas ay nagsasabi sa ating may kagalakang taglay ang panahong ito. Masaya tayo sapagkat papalapit na ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoon. Masaya tayo sapagkat si Siya ay darating muli tulad ng Kanyang ipinangako. Ngunit paano bang maging masaya ang isang Kristiyano? Minsan, sa isang klase ng "homiletics" (kung saan ay pinag-aaralan naming mga pari kung paano magbigay ng homily o sermon sa misa) ay sinabi ng isang propesor. "Kapag kayo'y nagtuturo tungkol sa langit, hayaan ninyong magliwanag ang inyong mga mukha! Ipakita ninyong kayo ay masaya! Kung kayo naman ay nagtuturo tungkol sa impiyerno... ay sapat na ang pagmumukha ninyo ngayon! hehehe... Ano ba ang pagmumukha mo ngayon? Langit ba o impiyerno? May ilang nagsasabing ang relihiyon daw natin ay isang "malungkot na relihiyon." Kapag naging seryosong Kristiyano ka raw ay marami na ang bawal na dapat mong iwasan. Bawal na ang alak, babae, sugal at iba pang masasamang bisyo! Totoo nga naman! Kung seryoso ka sa pagiging Kristiyano mo ay dapat mong iwanan at iwasan ang mga ito. Pero hindi ibig sabihin na dapat kang maging malungkot! Ang sinasabing kasiyahan na dulot ng mga bisyo at makamundong bagay ay panandalian lamang. Kaya nga't kung tunay na kaligayahan ang hanap mo ay hindi mo matatagpuan sa mga inaalok sa iyo ng mundo. Ang tunay na kaligayahan ay sa Diyos lamang matatagpuan. Kaya nga't ang panawagan sa ikatlong Linggo ng ating paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ay: "Magalak kayong lagi sa Panginoon!" Ang kasiyahan ng Pasko ay wala sa magagarang dekorasyon, masarap na noche buena o maingay na pagdiriwang. Ang kasiyahan ng Pasko ay matatagpuan lamang kay Kristo! Kaya't wag kang mangamba kung labindalawang araw na lang ay wala pang laman ang iyong bulsa. 'Wag kang matakot kung wala ka pa ring regalong naihahanda. Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay!" Ano ba dapat ang dahilan ng hindi natin pagkabalisa? Sinagot ito ni Propera Zofonias sa unang pagbasa: “Huwag kang matakot, Sion; huwag manghina ang iyong loob. Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos..." At ano ang dapat nating gawin upang maipakitang ang Diyos nga ay nasa ating piliing? Maipapapakita natin ito sa paggawa ng kabutihan at pamumuhay na makatarungan. Mamuhay tayo bilang mga tunay na Kristiyano. Pangatawanan natin ang pagtataglay ng pangalan ni Kristo. Praktikal ang mga salitang binitawan ni Juan Bautista ng siya ay tanungin ng mga taong lumapit sa kanya kung paano paraan ng pagbabalik-loob sa Diyos ang maari nilang gawin sa Ebanghelyo: “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin... Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo!" Dito nakasasalalay ang tunay na kasiyahan ng Pasko. May isang text akong natanggap: "Sa mga friends ko na hindi umiinom, nagyoyosi, nagbibisyo. Mabubuhay kang malungkot. Patay na kaming lahat... buhay ka pa! " Hindi naman ganoon kasaklap ang mabuhay ng mabuti . Ang masayang pamumuhay ay wala sa gawaing masasama. Ang masayang pamumuhay ay pamumuhay kasama ni Kristo! Kaya nga ang panawagan sa atin: "Magalak kayong lagi sa Panginoon, inuulit ko, MAGALAK KAYO!" Ngayong bagong taong ito ng Simbahan ay sinisimulan din natin ang Year of the Youth. Sa mga mukha ng mga kabataan ay makikita natin ang mukha ng kaligayahan. Ipagdasal natin na sana ay makuha nila ang tunay na puso ng kagalakan na walang iba kundi si Kristo. Siya ang makapagbibigay ng tunay na kaligayahan sa atin. Ipanalangin natin na nawa ang ating mga kabataan ay higit pang mapalapit kay Kristo at sa Simbahang Kanyang itinatag. Ipanalangin na maging daan sila ng pagbabago sa Simbahan upang maging Simbahang punong-puno ng buhay at kagalakan.
Sabado, Disyembre 8, 2018
IHANDA ANG DARAANAN NG PANGINOON: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year C - December 9, 2018 - YEAR OF THE YOUTH
Ang Adbiyento na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nangangahulugan din ng "paghihintay." Hinihintay natin si Jesus darating sa ating piling. Si Jesus ay dumating na noong "unang Pasko". Si Jesus ay darating muli sa "wakas ng panahon" upang husgahan ang ating naging buhay. Ngunit sa gitna ng unang pagdating at muling pagdating ni Jesus ay ang kanyang "mahiwagang pagdating" araw-araw na nangangailangan ng ating palagiang pagtanggap. Pagtanggap sapagkat ang Adbiyento ay hindi lamang ang ating paghihintay kay Kristong darating. Ito rin ay ang paghihintay ng Diyos sa atin. Hinihintay ng Diyos ang ating pagbabalik-loob. Kaya nga ito ang panawagan ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral: "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong kasalanan..." Ngunit anong uring pagsisisi ang nais niyang gawin natin? Sa mga pananalita ni Propeta Isaias ito ay "tambakan ang bawat lambak.. tibagin ang bawat burol at bundok." Ano ba ang ibig sabihin ng tambakan ang bawat lambak? Sa ating buhay ay ito ang maraming pagkukulang na dapat nating punuin. Maaaring ito ay pagkukulang natin sa Diyos tulad ng hindi natin pagdarasal o hindi pagbibigay halaga sa ating buhay espirituwal. Maaring ito ay ang ating kakulangan sa ating pagmamahal sa ating pamilya at mga mahal sa buhay. Maaring ito rin ay ang ating kakulangan sa ating pagpapahalaga sa ating sarili tulad ng pagkakalulon sa bisyo o kaya naman ay pagpapabaya sa ating kalusugan. Ano naman ang pagtitibag ng bundok at burol ng ating buhay? Kung ang lambak ay ang ating mga kakulangan, ang bundok at burol naman ay ang ating mga kalabisan sa buhay. Unang-una ito ay tumutukoy sa ating "kayabangan" na dapat nating supilin at tanggalin. At isang tanda ng kayabangan ay ang "pagmumura". Ang taong "palamura" ay taong mayabang sapagkat kapag minumura natin ang isang tao ay ipinapakita nating mas mataas tayo sa kanya at kayang-kaya natin siyang kutyain. Kaya nga ang pagmumura ay wala dapat sa bokabularyo nating mga Kristiyano sapagkat ito ay hindi kinakikitaan ng kababang-loob bagkus ito ay nagpapakita ng pagmamataas sa sarili. Nakakalungkot na may mga kristiyanong kinasanayan na ang mga maling pag-uugali at hindi na nakikita ang kamalian ng mga ito tulad ng pagmumura, pambabastos, pambababae, pananakit sa kapwa at pagpatay. Alam nilang mali ngunit pinapanigan pa nila. Nakakalungkot sapagkat ibinababa nito ang antas ng ating pagkatao! Ngayong Taon ng Mga Kabataan ay marami rin tayong dapat ayusin sa ating pagkatao at pakikitungo sa kanila. Mga lamabak ng pagkukulang tulad ng ating pagpapabaya at hindi pagpapahalaga sa kanila. Ang kawalan ng oras natin sa ating mga anak, ang hindi natin pagbibigay ng atensiyon at pagmamahal ay ilan lamang sa mga ito. Gayundin ay hinahamon tayong magpakumbaba sa kanilang harapan. Patagin ang burol ng kayabangan at itaas natin ang kanilang dignidad at pagpapahalaga sa sarili. Marami pang kalabisan sa buhay na dapat nating tanggalin tulad ng mga masamang halimbawa na ating ipinapakita sa kanila. Kaya nga ang panawagan ng tinig na sumisigaw sa ilang ay "Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon... tuwirin ang daang liko-liko at patagain ang daang bako-bako." Ibig lamang sabihin sa atin nito na ayusin natin ang ating buhay. Ito ang pinakamagandang paghahandang magagawa natin para sa "mahiwagang pagdating" ni Jesus sa ating piling. Handa na ba tayong tanggapin siya?
Sabado, Disyembre 1, 2018
PAGDATING SA TAMANG PANAHON: Reflection for 1st Sunday of Advent Year C - December 2, 2018 - YEAR OF THE YOUTH
Ngayon ay sinisimulan natin ang Panahon ng Adbiyento. Excited ka na ba? Dalawampu't tatlong araw na lang ay Pasko na! Baka hanggang ngayon ay naghihingalo pa rin ang laman ng ating mga pitaka at nangangamba tayong matuluyan ng mawalan ito ng hininga pagdating ng Pasko. Pero ito ba ang dapat nating bigyang pansin sa ating paghahanda sa Kapaskuhan? Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay inilalaan nating panahon para "paghandaan" ang pagdating ni Jesus. Tatlong uri ang pagdating na ito na na nag-aanyaya sa ating maghanda: Una ay ang kanyang unang pagdating noong UNANG PANAHON na Siya ay nagkatawang tao na ginugunita natin tuwing araw ng Pasko. Ikalawa ay ang kanyang patuloy na pagdating sa ating piling sa misteryosong paraan katulad ng pagtanggap natin ng mga Sakramento at paggawa ng kabutihan sa kapwa na kung saan ay nagbibigay Siya sa atin ng TAMANG PANAHON upang atin siyang makatagpo. At ikatlo ay ang kanyang muling pagdating sa WAKAS NG PANAHON na hindi natin alam kung kailan ang araw at oras at sa pagdating na ito ay huhusgahan Niya tayo ayon sa kabutihan o kasamaang ating ipinakita noong tayo ay nabubuhay pa. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas" labang bilang paggunita sa "unang panahon": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party. Marahil ay kailangan din naman ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan ngunit hindi lang ito ang dapat na paghahanda para sa isang masaya at makahulugang pagdating ng Panginoon. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin. Si San Pablo ay nagpapaalala sa atin: "Kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus."Sa Ebanghelyo naman ay pinapaalalahanan tayo ni Hesus: "Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa TAMANG PANAHON na kung saan ay hindi tayo nagpapabaya at walang ginagawa. Kaya nga sa paghahandang ito ay hinihimok tayong tanggalin ang ating masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Ang Taon ng Eukaristiya at Jubilee Year of Mercy ay nag-aanyaya sa 'tin ng tatlong uri ng paghahanda ayon sa Kanyang tatlong uri ng pagdating; Una, ay ang "muling pagtanggap" kay Jesus na una na nating tinanggap noong tayo ay bininyagan. Ikawala ay ang "bukas-pusong pagtanggap" sa kanyang araw-araw na pagdating sa ating piling. At pangatlo ay ang ating "handang pagtanggap" na kung saan ay susulitin Niya tayo sa ating mga ginawang kabutihan o kasamaan. Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Hindi tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Nararapat lang sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo nating pagninilayan ang katangi-tanging presensiya ni Jesus sa ating buhay. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating simbahan bagkus magsilbing paalala sa atin na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Sa araw ding ito ay sinisimulan din natin ang Year of the Youth o Ang Taon ng Mga Kabataan bilang paghahanda ng Simbahan sa Pilipinas sa pagdiriwang ng ika-500 Taon ng Kristiyanismo. Pahalagahan natin ang mga kabataan ng ating Simbahan at nawa'y matulad tayo sa kanilang kapayakan at kapakumbabaan upang tayo ay pagharian ng Diyos habang tayo ay nabubuhay dito sa lupa. Gunitain natin at ipagdiwang ang UNANG PANAHON, tanggapin ang ibinibigay Niya sa ating TAMANG PANAHON, at salubungin natin Siya ng may pag-asa sa WAKAS NG PANAHON. Halina Jesus, manatili ka sa aming piling!
Biyernes, Nobyembre 23, 2018
ANG PAGHARIAN NI KRISTO: Reflection for the Solemnity of Christ the King Year B - November 25, 2018: YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Kapistahan ngayon ni Kristong Hari. Si Jesukristo ay pinahahayag natin bilang "hari ng sanlibutan" at "hari ng ating buhay." Ang kapistahang ito ay itinalaga ni Pope Pius XI noong 1925 sapagkat ang sekularismo o makamundong pag-iisip ay unti-unting kinakain ang kulturang "maka-Diyos" at sinisira ang pananampalatayang itinatag kay Kristo. Kaya nga't ang kapistahang ito ay nangangahulugan ng ating pagpapasakop at pagtalima sa paghahari ni Kristo. Sino nga ba ang mga kinikilala nating hari? Sila ba na mga tanyag, kilala at hinahanganan natin ay matatawag nating hari? Si Michael Jackson ay tinanghal bilang "King of Pop Music". Si Dolphy ay kilala bilang "King of Comedy". Si FPJ ay pinarangalan din ng titulong "Hari ng Pelikulang Pilipino." Ang hari noong unang panahon ay hinahangaan, iginagalang, sinusunod, pinagpipitagan ng kanyang mga nasasakupan. Kaya nga sila ang mga taong may tatlong "K": Kasikatan, Kayamanan at Kapangyarihan! Sa Ebanghelyo, nang si Hesus ay kinausap ni Pilato, ang itinanong sa kanya ay: "Ikaw ba ang hari ng mga Judio?" Hindi nagpatumpik-tumpik si Hesus at nilinaw pa niya ang kanyang uri ng pagiging hari: “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” Malinaw na hindi ang makamundong uri ang paghahari ni Hesus... "Ito ang dahilan kung
bakit ako ipinanganak at naparito
sa sanlibutan: upang magsalita
tungkol sa katotohanan. Nakikinig
sa aking tinig ang sinumang nasa
katotohanan."
Ano sinasabi sa atin ni Jesus tungkol sa kanyang paghahari? Una, ito ay ang PAGHAHARI NG KATOTOHAN. Ito ay ang kabaliktaran ng ibig sabihin ng salitang diablo o "Diabulos" sa wikang Griego na ang ibig sabihin ay "siyang nagwawatak-watak" o "mapanira". Kaya nga ang paglaganap ng "fakenews" ay masasabi nating gawa ng diablo! Dahil sa mali at mapanirang balita, nagkakawatak-watak ang mga tao at sinisira ang pagkakaugnayan ng bawat isa! Mag-ingat tayo na huwag tangkilin at higit sa lahat ay wag magpakalat ng "fakenews" lalo na sa socia media na kung saan ay maraming tao ang ating maakay sa kamalian. Dahil d'yan ay nagiging kampon tayo ng "hari ng kasinungalian at kadiliman!" Maging mapanuri tayo sa ating naririnig, binabasa o pinapanood. Sundin natin ang sinasbi ng ating budhi na kung totoong matuwid ay laging ituturo sa atin ang katotohanan at hindi kamalian. Tandaan natin na ang paghahari ni Kristo ay "paghahari ng katotohanan!" Ikalawa, ang pagiging hari ni Jesus ay taliwas sa makamundong paghahari. Ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng isang pinunong-lingkod O "servant-leader" sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Sa mundo ang hari ay pinaglilingkuran. Si Hesus bilang hari ay naglilingkod! Sa mundo ang hari ay iginagalang at pinagpipitagan. Si Hesus bilang hari ay nilapastangan at pinahirapan. Sa mundo ang hari ay sinusunod. Si Hesus bilang hari ay winalang bahala ng kanyang mga kababayan. Kapag pinararangalan natin si Hesus bilang Kristong Hari ay sinasabi nating tayo rin bilang kanyang nasasakupan ay dapat maging "servant-leader" na kung saan ang kadikalaan ay wala sa bigat ng ating posisyon, pag-aari o kapangyarihan ngunit nasa kadakilaan ng isang tunay na paglilingkod. Huwag tayong masiraan ng loob kung ang ating pagpapakabuti ay hindi umaani ng papuri o "recognition". Huwang ring sasama ang ating loob kung palaging tayo na lamang ang naglilingkod samantalang ang karamihan ay nagpapakarasap sa kanilang buhay! Huwag tayong magagalit kung ang ating mga nasasakupan ay ayaw sumunod sa atin. Ang tunay na paglilingkod ay mapagkumbaba, hindi naghahanap ng kapalit o nagbibigay ng kundisyon. Higit sa lahat ang tunay na paglilingkod ay hindi makasarili! Sa pagtatapos ng Year of the Clergy and Consecrated Persons, nawa ay makita natin si Jesus sa bawat taong nakakatagpo lalong lalo na sa mga mahihirap at nangangailangan. Hilingin natin ay Jesus na maghari Siya sa ating puso at maisabuhay natin ang Kanyang paghahari. MABUHAY SI KRISTONG ATING HARI!
Ano sinasabi sa atin ni Jesus tungkol sa kanyang paghahari? Una, ito ay ang PAGHAHARI NG KATOTOHAN. Ito ay ang kabaliktaran ng ibig sabihin ng salitang diablo o "Diabulos" sa wikang Griego na ang ibig sabihin ay "siyang nagwawatak-watak" o "mapanira". Kaya nga ang paglaganap ng "fakenews" ay masasabi nating gawa ng diablo! Dahil sa mali at mapanirang balita, nagkakawatak-watak ang mga tao at sinisira ang pagkakaugnayan ng bawat isa! Mag-ingat tayo na huwag tangkilin at higit sa lahat ay wag magpakalat ng "fakenews" lalo na sa socia media na kung saan ay maraming tao ang ating maakay sa kamalian. Dahil d'yan ay nagiging kampon tayo ng "hari ng kasinungalian at kadiliman!" Maging mapanuri tayo sa ating naririnig, binabasa o pinapanood. Sundin natin ang sinasbi ng ating budhi na kung totoong matuwid ay laging ituturo sa atin ang katotohanan at hindi kamalian. Tandaan natin na ang paghahari ni Kristo ay "paghahari ng katotohanan!" Ikalawa, ang pagiging hari ni Jesus ay taliwas sa makamundong paghahari. Ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng isang pinunong-lingkod O "servant-leader" sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Sa mundo ang hari ay pinaglilingkuran. Si Hesus bilang hari ay naglilingkod! Sa mundo ang hari ay iginagalang at pinagpipitagan. Si Hesus bilang hari ay nilapastangan at pinahirapan. Sa mundo ang hari ay sinusunod. Si Hesus bilang hari ay winalang bahala ng kanyang mga kababayan. Kapag pinararangalan natin si Hesus bilang Kristong Hari ay sinasabi nating tayo rin bilang kanyang nasasakupan ay dapat maging "servant-leader" na kung saan ang kadikalaan ay wala sa bigat ng ating posisyon, pag-aari o kapangyarihan ngunit nasa kadakilaan ng isang tunay na paglilingkod. Huwag tayong masiraan ng loob kung ang ating pagpapakabuti ay hindi umaani ng papuri o "recognition". Huwang ring sasama ang ating loob kung palaging tayo na lamang ang naglilingkod samantalang ang karamihan ay nagpapakarasap sa kanilang buhay! Huwag tayong magagalit kung ang ating mga nasasakupan ay ayaw sumunod sa atin. Ang tunay na paglilingkod ay mapagkumbaba, hindi naghahanap ng kapalit o nagbibigay ng kundisyon. Higit sa lahat ang tunay na paglilingkod ay hindi makasarili! Sa pagtatapos ng Year of the Clergy and Consecrated Persons, nawa ay makita natin si Jesus sa bawat taong nakakatagpo lalong lalo na sa mga mahihirap at nangangailangan. Hilingin natin ay Jesus na maghari Siya sa ating puso at maisabuhay natin ang Kanyang paghahari. MABUHAY SI KRISTONG ATING HARI!
Sabado, Nobyembre 17, 2018
ANG WAKAS NG PANAHON AT ANG TAMANG PANAHON: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year B - Year of the Clergy and Consecrated Persons
Sabado, Nobyembre 3, 2018
PAG-ALALA SA PATAY... PAGMAMAHAL SA BUHAY: Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time - Year B - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Martes, Oktubre 30, 2018
UNDAS:Pag-alala... Paalala - REFLECTION FOR ALL SAINTS DAY & ALL SOULS DAY - November 1 - 2, 2018 - Year B - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Bumisita na ba kayo sa inyong mga patay noong araw ng UNDAS? Kung hindi ay 'wag kayong mag-alala sapagkat hi-tech na ang ating panahon ngayon. Maari ninyo silang i-text. Just text DALAW send to 2366 at presto... sila mismo ang dadalaw sa inyo! hehe. Me options pa 'yan: PRESS 1: hihilahin ka sa paa, PRESS 2: hahawakan ng malamig na kamay sa pisngi, PRESS 3: isasama ka sa kabilang buhay! hehehe... Katulad ng inaasahan, dagsa na naman ang tao sa sementeryo. Patunay lamang na mas marami ang gustong sila na lang ang dumalaw kaysa sila ang dalawin! Bakit nga ba November 1 ang nakagawian nating pagdalaw sa sementeryo gayung ang November 1 ay ARAW NG MGA SANTO? Bakit ito ang araw na "UNDAS" kung tawagin? May nagsabi sa akin na ang ibig sabihin daw ng salitang ay UNDAS ay ito.. . UNang natoDAS! Sa araw na ito inaalala natin silang mga "unang natodas" sa atin! May sense naman di ba? hehehe... Siyempre, joke lang ito. Ang UNDAS ay nagmula sa salitang kastilang UNDRAS na ang ibig sabihin ay "respect for the dead" o pagbibigay galang sa mga patay. Pero bakit ang pagdalaw at "pagbibigay galang" sa mga patay ay November 1 natin ginagawa? Di ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2? Hindi ko mahanapan ng siyentpiko o historikal na paliwanag ngunit kung titingnan natin ang "psyche" ng mga Plilipino ay marahil mauunawaan natin ito. Tayong mga Pilipino ay may pagka-switik! Sigurista kung tawagin. Kung makakaisa, mang-iisa! Ayaw nating naargabyado o natatalo. Gusto natin, laging nakalalamang... nakasisiguro. Kaya siguro mas pinili natin ang November 1 sa paggunita sa ating mga yumao ay sapagkat nais natin na ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay ay sigurado ng maluwalhati sa "buhay sa kabila!" Nais natin na ligtas sila at masayang nagtatamasa ng gantimpala ng Panginoon, Nais nating kasama na sila sa kalipunan ng mga Banal o mga Santo. Hindi naman masama ang maniguro kung titingnan natin. Ngunit sana ay hindi ito dahilan upang hindi na natin sila alalahanin. Kailangan pa rin nila ang ating panalangin sapagkat naniniwala tayo na ang ating mga dasal ay malaki ang maiututulong upang mapunuan anuman ang mga pagkukulang nila dito sa lupa noong sila ay nabubuhay pa. Naniniwala tayo sa doktrina ng "Communuion of Saints" o "Kalipunan ng mga Banal". Dito makikita natin ang ugnayan nating mga tao sa mga kapatid nating naroroon na sa kabilang buhay, sila man ay nasa piling na ng Panginoon kasama ang mga banal o sila man ay naghihintay pang mapabilang dito. Ayon sa ating paniniwala, tayong mga nabubuhay pa ay maaaring mag-alay ng panalangin para sa mga yumao na na nasa "purgatoryo" na kung saan ay dinadalisay ang katayuan ng kanilang kaluluwa upang maging karapat-dapat sa pagharap sa Panginoon. Kapag narating na nila ang antas na sila ay karapat-dapat, sila ay dadalhin na ng Panginoon sa kanyang tabi at sila naman ang mag-aalay ng panalangin para sa ating nabubuhay upang tulungan tayong makibaka at mamuhay na banal. Bagama't hindi matatagpuan sa Banal na Kasulatan ang salitang "Kalipunan ng mga Banal" ito naman ay sang-ayon sa mga turo ni Kristo. Ang ating Ebanghelyo ay nagsasabi sa atin ng kalooban ng Diyos: "huwag mawala ang kahit isa sa mga ibinigay Niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw!" Ang kalooban ng Diyos ay pagbuklurin bilang isang kalipunan ang mga sumasampalataya sa Kanya at dalhin sila sa kanyang kaharian. Ang araw ng UNDAS ay hindi lang pag-alala kundi ito rin ay isang paalala sa atin. Ang pagdiriwang ng Araw ng mga Yumao ay nag-aanyaya sa ating pahalagahan ang buhay na bigay sa atin ng Panginoon. Ang ating buhay ay regalo na galing sa Diyos at ito rin ang ibabaalik nating regalo sa Kanya. Mamuhay tayo ng marangal at banal habang tayo ay binibigyan pa ng pagkakataong manatili dito sa lupa. Ang ating mga yumao ay nagbibigay sa atn ng aral na laging maging handa anumang araw tayo susulitin ng Panginnon. Magsilbing paalala sa atin ang panalanging binibigkas sa pagbabasbas ng mga yumao: "Sa paraiso, magkikita-kitang muli tayo. Samahan ka ng mga santo. Kahit na may nauuna, tayo rin ay magsasama upang lagi tayong lumigaya sa piling ng Diyos Ama..."
Sabado, Oktubre 20, 2018
MISYONERO NI KRISTO (Reposted and Revised) : Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year B - October 21, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Ngayon ang Linggo ng Misyong Pandaigdig o World Mission Sunday na kung saan ay inaalala natin ang mga kapatid nating nagpapalaganap at nagpapatotoo sa Mabuting Balita ni Kristo sa labas ng ating bansa. Nagpapasalamat tayo sa kanilang sakripisyo at pag-aalay ng sarili sa "paglilingkod" lalong-lalo na sa mga dukha at napapabayaan. Dalawa ang kinikilalang Patron ng Misyon. Una, ay si San Francisco Xavier, isang paring Heswita na nagpakita na kakaibang sipag at dedikasyon sa pamamagitan ng paglalakbay sa malalayong lupain. Nangaral siya at maraming nahikayat sa ating pananampalatayang Katoliko at ginugol niya ang kanyang buhay hanggang sa huli niyang hininga sa pagpapalaganap ng kanyng Mabuting Balita. Ang pangalawa naman ay Santa Teresita ng Batang Jesus. Hindi siya kasing sigasig ni San Francisco na naglakbay sa maraming bansa. Sa katunayan ay nakakulong lamang siya sa apat na sulok ng kanilang kumbento, ngunit sa kanyang pag-iisa ay mas marami pa siyang kaluluwang nakatagpo at naihatid kay Kristo sa pamamagitan ng kanyang sakripisyo at panalangin. Marahil ay sinadya ng Simbahan na ideklara siyang Patron ng Misyon upang ipaalala sa atin na tayong lahat ay MISYONERO! Katulad nga ng sinabi ng banal na Santo Papa Juan Pablo II, "Ang mamatay para sa pananampalataya ay pagtawag lamang para sa ilan, ngunit ang ISABUHAY ang pananampalataya ay pagtawag sa LAHAT!" Ibig sabihin, kahit sino ay maaring magpatotoo kay Kristo. Kahit sino ay MISYONERO. Isang hindi ko makakalimutang tagpo bago mamatay ang nanay ko ay noong araw na siya ay nagdedeliryo. Ikatlong taon na mula noong siya ay lumisan sa mundong ito. Kapag nagdedeliryo ang isang tao ay kakaiba ang kanyang mga nakikita at sinasabi. Kung minsan ay nakakakita sila ng ibang pangitain. May ganoon ding nakita si nanay ngunit nagulat ako ng tinanong ko siya kung ano ang kanyang ginagawa sapagkat parang mayroon siyang hinihimas at hinahawakan. Ang sabi niya sa akin, "nagluluto ako... nagluluto ako ng bangus!" Tapos hihilahin niya ang kumot niya at sasabihing "magtitiklop ako ng mga damit. Maraming dapat itiklop!" Hanggang sa kanyang pagdidiliryo si nanay ay abala sa gawaing bahay... paglilingkod pa rin ang iniisip! At ito nga ang ipinapahayag ng ating pagbasa ngayon, na ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod. Walang maipagmamalaki si nanay. Hindi siya nakatapos ng pag-aaral. Hindi siya marunong gumamit ng cellphone. Ni hindi niya nga alam gamitin ang remote control ng telebisyon namin. Sa mata ng mundo ay wala siyang alam. Ang alam niya lang gawin ay magluto, maglaba, maglinis ng bahay, mag-alaga sa amin... ngunit doon ko nakita ang kanyang kadakilaan. "Ang sino man sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sino mang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat." Ito ang pagiging misyonero ni nanay. Ito ang pagiging misyonero na maari nating gawin. Ito ang pagiging misyonero na nais ni Jesus para sa atin. Siya na naparito "hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod" at nag-alay ng kanyang buhay para sa lahat ay nag-aanyaya sa atin magsakripisyo rin para sa ating kapwa. Mas pinatingkad pa ito ngayong pagdiriwang ng Year of the Clergy and Consecrated Persons na dapat nating pagtuunan ng pansin ang paglilingkod sa mga taong mahihirap at sinasantabi ng ating lipunan. Ang biyaya ng paglilingkod ay "kadakilaan" ngunit kadakilaan hindi sa mata ng tao kundi sa mata ng Diyos. Ang luklukang pinaparangap ng magkapatid na Santiago at Juan ay para sa mga "pinaghandaan." Ito ay para sa mga taong ang buhay ay inilaan sa paglilingkod. Katulad ni nanay! Katulad ng mga taong patuoy na nag-aalay ng kanilang sarili para sa iba. Katulad ng mga misyonerong ang buhay ay buong-buong inialay para kay Kristo!
Sabado, Oktubre 13, 2018
GUSTO KO HAPPY KA! : Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year B - October 14, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Masaya ka ba sa buhay mo ngayon? Hindi naman siguro masamang tanungin natin ang ating sarili sapagkat dito nakasalalay ang kahulugan at kabuluhan ng ating buhay. Ito ang ninanais ng marami sa atin, ang maging masaya! At ito rin ang gusto ng marami sa atin para sa ating mga minamahal sa buhay: "Gusto ko... HAPPY KA!" Lalo na sa ating mga Pilipino na sadlak sa kahirapan ang buhay, dala ng pagtaas ng inflation rate at dahil d'yan ay ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, ay nais nating maging maligaya at makaranas kahit man lang saglit na kaginhawaan! Kaya nga patok sa atin ang mga "malls" at "shopping centers" kasi kahit paano ay naiibsan ang ating problema sa maikling oras ng paggala kahit wala namang bibilhin. Pagmasdan mo ang mga nakakasulubong mo, halos lahat nakangiti, parang may mga pera sila; sa totoo lang marami sa kanila palakad-lakad, patingin-tingin, pahawak-hawak sa mga damit, tapos iiwang magulo hindi naman pala bibili. At kitang-kita rin ito sa haba ng mga taong pumipila upang tumaya sa "ultra lotto" na umabot na ng mahigit isang bilyon ang premyo! Ikaw, anung gagawin mo kapag nanalo ka ng isang bilyon sa lotto? May isang kuwento na minsan daw ay may isang lola ang walang kaalam-alam na nanalo s'ya sa ultra-lotto ng isang bilyong piso. Ang problema ng kanyang mga kasambahay ay kung paano nila ito sasabihin sa kanya sa kadahilanang may sakit siya sa puso at matanda na! Naisip nilang imbitahan ang kanilang kura-paroko dahil kaibigang matalik ito ng kanilang lola at isa pa ay matagal din siyang naglingkod sa simbahan bilang isang Legion of Mary. Hiniling nila sa pari na s'ya na ang magbukas ng balita sa kanilang lola sa maingat na paraan na hindi niya ikabibigla. Sumangayon naman ang pari at isang gabi ay dumalaw ang pari sa bahay at kinausap ang matanda: "Lola, kamusta na ang lagay ninyo?" Sagot ng matanda: "Mabuti naman po padre..." At nagkuwentuhan sila ng matagal. Nang mapansin ng pari na nalilibang na at relax na ang matanda ay tinanong niya ito: "Lola, kung sakaling manalo kayo ng isang bilyon sa lotto... anung gagawin ninyo sa pera?" "Aba padre," sabi ni lola, "kung ako ang mananalo ng isanf bilyon ay ibibigay ko ang kalahati sa Simbahan." Nang marinig ito ng pari ay inatake siya sa puso at namatay! hehehe... Mahirap din nga naman ang sobrang kasiyahan! Nakamamatay! "Paano nga ba ako magiging tunay na masaya?" Tanong din ito ng binatang mayaman sa ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito. "Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Ang pakahulugan ng "buhay na walang hanggan" kung isasalin sa ating modernong pananalita ay "kaligayahan". Mabuting tao ang lalaki. Sa katunayan sinabi sa Ebanghelyo na siya ay masunurin sa batas at walang inaargabyadong tao. Nalugod si Hesus sa kanya. Tiningnan siya ng magiliw at may paghanga. Ngunit may nakita pang kulang si Jesus sa kanya. "Gusto mong lumigaya, ipagbili mo lahat ng ari-arian mo, ibigay mo sa mahihirap at sumunod ka sa akin..." Nagulat ang lalaki sa kundisyon ni Jesus sapagkat sya'y mayaman. Malungkot ang katapusan ng pagtatagpong iyon. Tumalikod na malungkot ang binata at wala ng narinig pa tungkol sa kanya. Saan ba nakasalalay ang ating kaligayahan? Sa kayamanan ba? Sa pagiging masunurin ba sa batas ng Diyos? Sa pagiging "masunuring Kristiyano" ba? Ang sagot ni Hesus: pagtalikod sa lahat ng mga sagabal sa ating pagsunod sa Kanya! Hindi Niya sinasabing kawawa ang mayayaman dahil marami silang kayamanan. Ang kanyang nais bigyang diin ay wala dapat maging hadlang sa pagnanais nating sumunod sa kanya. Hindi lang para sa mayayaman ito sapagkat kahit ang mahirap man ay maari ring matali sa mga materyal na bagay sa simpleng maling pagnanasa sa mga ito. Ang nais niyang sabihin ay alam dapat natin ang ating pinahahalagahan sa buhay. Ang kayamanan o ari-arian ay hindi dapat inuuna sa ating pagmamahal sa Diyos at kapwa. Ang Diyos pa rin dapat ang una sa ating buhay. Ang pagtupad sa Kanyang kalooban ang dapat nating pinahahalagahan sa lahat. Sa katunayan, ang ating sarili ang dapat na pinakahuli sa lahat. "I am third" ang sabi ng isang estudyante ng tanungin siya tungkol sa kanyang motto sa buhay. "Anung ibig sabihin nun sabi ng kanyang guro. "Sir, ito po ang nagpapaalala sa 'kin ng dapat kong pahalagahan sa aking buhay: God first, others second, I am third." Ito ang magbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan. Ito ang "Gospel of Joy" ng isang tagasunod ni Kristo. Dito siya magiging tunay na buhay. Kahit na sa mga hindi mabuting pangyayari sa buhay ay makikita niyang ito pa rin ay biyaya ng Diyos na "blessing in disguise" sapagkat alam niyang lahat ay dahil sa malaking pagmamahal Niya. Nais ng Diyos na masaya tayong lahat sa ating buhay. Nais niyang maligaya tayong kristiyano. Pahalagahan natin Siya ng higit sa lahat at magiging masaya tayo sa ating buhay. Dahil ang gusto niya ay HAPPY tayong lahat!
Linggo, Oktubre 7, 2018
#PrayTogetherStayTogether: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year B - October 7, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERONS
Ang buwan ng Oktubre ay buwang ng pandaigdigang Misyon o World Mission na kung saan ay pinaalalahanan tayo na ang bawat isa sa atin "misyonero." Sa katunayan ay sinimulan natin ito sa Kapistahan ni Santa Teresita ng Batang Jesus na kinilalang Patron ng Misyon bagaman hindi siya nakalabas ng kumbento upang ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo. Ang pagiging misyonero ay dalawang uri. May mga tinawag upang ipalaganap ang Mabuting Balita sa ibang panig ng mundo. May mga misyonero ring tinawag upang isabuhay ang mensahe ni Kristo sa lugar na kanyang ginagalawan. Marami sa atin ang nabibilang sa ikalawang uri at tinatawag tayong magpalaganap ng Mabuting Balita ni Kristo sa pamamagitan ng araw-araw na pagsaksi sa ating pananampalataya. At ano ba ang pinakamaliit na institusyon na ating kinabibilangan? Walang iba kundi ang PAMILYA. Ano nga ba ang misyon natin sa pamilya? Ang misyong ito ay nakabatay sa huling habilin ni Jesus sa ating lahat bago niya tayo lisanin: "Magmahalan kayo!" At ano naman ang ugat ng misyon ng pagmamahalan sa loob ng tahanan? Masasagot natin ang mga katanungang ito kung muli nating babalikan ang orihinal na plano ng Diyos sa pagtatatag ng pamilya. Sa tuwing ako ay nagkakasal ay lagi kong itinatanong sa mga mag-asawa ang dahilan kung bakit nila pinili ang isa't isa? Ang karaniwang sagot na aking natatanggap ay sapagkat "mahal namin ang isa't isa!" Wala naming mali sa kasagutang ito ngunit kung mas malalim nating susuriin ang tanong ay parang may kulang sa mga matatamis na salitang "Dahil mahal ko siya." Ngunit kung ating tatanungin ang maraming mag-asawang matagal ng nagsasama ay sasabihin nilang hindi sapat ang pagmamahal sa isang matibay na relasyon. Ang pag-ibig ay maaring magbago. Ang init ng pagmamahal ay maaring manlamig sa paglipas ng panahon. Ngunit ang katotohanan na forever mananatili ito ay ang paniniwala ng mag-asawa na sila ay itinalaga ng Diyos sa isa't isa! Ito ang plano ng Diyos para sa mag-asawa, na sila ay pag-isahin sa kanilang pagsasama at walang maaaring makapaghiwalay sa pagsasamang ito. Ito ang sinabi ni Jesus ng tanungin siya kung maaring hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa: "Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa." At para tuldukan ang usapin ng paghihiwalay ay nagbigay siya ng paalala sa atin: "Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Kaya nga't matatag ang paninidigan ng Simbahan kapag usapin ng divorce ang pinagtatalunan. Sapagkat ang Kasal o pagtataling-puso ng lalaki at babae ay imbensiyon ng Diyos at hindi ng tao. Walang karapatan ang taong baguhin ang isang sagradong bagay na itinatag ng Diyos. Kaya nga ito ay tinatawag din ng Simbahang sakramento na ibig sabihin ay banal. Kaya gayon na lamang ang paala-ala ng Simbahan sa mga may nais na pasukin ang Sakramentong ito. Sa panahon na lahat ay minamadali ay pinapaalalahanan tayong gamitin ang isip talino at oras sa pagpapasiya. Dapat kilalaning mabuti ng magkasintahan ang isa't isa. Ano nga ba ang paalala ni Lola Nidora tungkol para sa magsing-ibig ngayon? "Mas maganda ang mga bagay na pinagtitiyagaan at dumarating sa tamang panahon. Tandaan ninyong lahat, masarap umibig, masarap ang inspirasyon, huwag lang minamadali. Lahat ng bagay, nasa tamang panahon!" At para naman sa mga nagsasama nang kasal, laging sanang pakaisipin ng mag-asawa na kung ang Diyos ang nagbuklod sa kanila, ay hindi sila pababayaan ng Diyos sa mga problemang kanilang kinakaharap. Kaya nga't napakahalga ang pagtitiwala sa Diyos na nagbuklod sa kanila. Ang problema ay kapag nakalimot na ang mag-asawa sa Diyos at hindi na sila nagdarasal ng magkasama. Ang sabi nga ng isang nabasa kong quote ay: "The couple that prays together stays together!" Maganda sigurong tanungin ng mga mag-asawa kung ang Diyos ba ay kasama pa nila sa kanilang pagsasama? Tanggapin natin ang masakit na katotohanan na marami sa mga mag-asawa ngayon ay hindi na nagdarasal o nagsisimba ng sabay! At nawala na rin sa kanilang pag-iisip ang Diyos na nagbuklod sa kanila. Ipagdasal natin ang Pamilyang Pilipino upang mapanumbalik ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Ang Oktubre rin ay ang buwan ng Santo Rosaryo at ngayong buwan ng Santo Rosaryo ay magandang simulan muli ng mga miyembro ng pamilya ang pagdarasal ng sama-sama. Ang paalala ng Rosary Family Crusade ay "The family that prays together... pero hindi lang stays together! Mas malalim pa ang mangyayari... they will love each other! Para mapaalalahanan tayo gamitin natin ang hashtag #PraytogetherStayTogether!
Sabado, Setyembre 29, 2018
KATOK NA LIKO PA: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year B - October 1, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Ano nga ba ang ibig sabihin pag sinabing Katoliko ka? Sabi raw nila... tayong mga Katoliko ay may "katok" na "liko" pa! Papayag ka ba? May mga ilan-ilan sa atin na nagsasasabing sila ay "Katoliko-sarado," ano ang ibig sabihin n'yon? Maraming Katoliko ang binansagang KBL sapagkat makikita mo lang sila sa simbahan sa tatlong sandali ng kanilang buhay: sa kasal, binyag at libing. Ano ba ang kahulugan ng ating pagiging "katoliko?" Isang mayamang matandang biyuda ang lumapit sa pari at hiniling na misahan ang kanyang namatay na alagang pusa sapagkat mahal na mahal niya ito at itinuturing na tunay n'yang anak. Tumanggi ang pari at sinabing hindi maaaring alayan ng misa ang isang hayop. "Ganoon po ba Father, sayang... Sampung libo pa naman ang iaalay kong donasyon para sa Misa . Di bale, d'yan na lang sa kabilang simbahan ng Aglipay ko siya pamimisahan." Biglang napasigaw ang pari: "Misis... hindi puwede yan!!! Isa kang Katoliko kaya't Katoliko rin dapat ang pusa mo! Tara na! Misahan na natin siya! hehehe... Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang "Katoliko" na nakakabit sa ating pangalang Kristiyano? Makikita ba ito sa Bibiliya? Kung si Bro. Eli ang tatanungin, ang sagot ay hindi! Hindi naman kasi tagalog ang salitang Katoliko. Ito ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay "universal" o para sa lahat! Sapagkat malakas ang ating paninindigan na ang kaligtasan ay ibinigay ni Kristo ay para sa lahat... Kristiyano ka man o hindi. Ang langit ay hindi lamang para sa ilang grupo katulad ng pag-aangking ginagawa ng ibang sekta na sila lamang ang maliligtas. Bagamat hindi tahasang makikita sa Bibliya ang salitang Katoliko, makikita naman natin ang "pangkalahatang" pananaw na walang pinipili ang gawaing mabuti at kalugod-lugod sa Diyos. Sa unang pagbasa at Ebanghelyo makikita natin ang tema na ang biyaya ng Diyos ay malaya niyang ibinibigay kahit kanino. Ang sabi ni Moises ng may nagprotestang mayroong nangangaral na hindi naman nila kasama sa grupo: "Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat ng Israelita at mapuspos sila ng espiritu ng Panginoon.” Sa Ebanghelyo ay ganito rin ang winika ni Hesus nang ibalita ni Juan na may gumagamit ng kanyang pangalan sa pagpapalayas ng demonyo: “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin." Hindi ba't napakabuti ng Diyos? Napakalawak ng Kanyang pagmamahal at pang-unawa. Ang kanyang kaligtasang handog ay walang pinipili! Para sa lahat! "KATOLIKO!" Sana ganito rin tayo sa ating pagpapakita ng pagmamahal sa iba... walang pinipili! Ang magmahal ay para sa lahat! Hindi lang para sa mga kaibig-ibig pero sa mga kapos sa pag-ibig! Hindi lang para sa mga kaibigan pero para rin sa mga kaaway. Nawa maging bukas ang ating isipan at puso sa pagtanggap sa iba at sa pagpapakita ng ating pagmamahal sa kanila. May pinipili ba ang pag-ibig mo? Kung gayon isang kang certified na "katok na liko pa!" Magmahal ka ng walang kinikilingan at hinihintay na kapalit at magiging karapat-dapat ka sa pangalan mo... KATOLIKO!
Sabado, Setyembre 22, 2018
KADAKILAAN SA PAGLILINGKOD: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year B - September 23, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS - NATIONAL LAITY WEEK
Sino ba ang masasabi nating taong dakila? Saan ba nakasalalay ang kadakilaan ng isang tao? Sa mga nag-aakalang sa kagandahan o kasikatan nakasalalay ang kadakilaan, pakinggan ninyo ang kuwentong ito: May isang ligaw na bulaklak sa kabukiran na masyadong mataas ang pagtingin sa kanyang sarili. Lagi niyang nilalait ang mga damong nakapaligid sa kanya. "Kayong mga nagpapangitang mga damo, bakit hindi kayo tumulad sa akin? Maganda, makulay, at higit sa lahat... mabango!" Napapailing lamang ang mga damo na nagsasabing, "Wag kang masyadong mayabang! Darating ang araw na iisa lang ang ating patutunguhan. Lilipas din ang kagandahan mo!" At dumating nga ang araw na iyon. Isang pulutong ng mga baka nanginain sa bukid t sinuyod ang malawak na damuhan. Walang pintawad ang mga gutom na hayop maging ang mga ligaw na bulaklak ay pinatulan. Naramdaman ng palalong bulaklak na siya ay nginunguya ng dahan-dahan. Pumasok siya sa isang madilim na lagusan, at ramdam niya ang unti-unti niyang pagdaloy sa madilim na "tunnel" na tinatawag nating esophagus. Bigla niyang naramdam ang kanyang pagkalagkit at unti-unting pagkatunaw. Nagpatuloy siya sa paglalakbay hanggang mabanaagan niya ang isang animoy ilaw na na nagmumula sa isang lagusan. Unti-unti siyang dinadala dito at habang unti-unti siyang lumalabas sa butas ay napansin niyang umaalingasaw ang kanyang amoy. Hanggang bigla na lamang siyang bumagsak sa lupa bilang isang tumpok na tae. Naglapitan ang mga langaw at pinagpiyestahan siya narinig niya sa kanyang mga katabing tae na, "Kita mo na na, sabi ko naman sa 'yo... iisa lang ang ating patutunguhan!" Totoo nga namang walang katuturan ang lahat, maging ito man ay kagandahan, katalinunan, angking kakayahan, kapangyarihan o maging kayamanan. "Vanity of vanities, everything is vanity!" sabi nga sa aklat ng Eclesiastes (Ec 1:1) Kaya nga ang sukatan ng mundo sa pagiging dakila ay isang malaking kasinungalingan! Mayaman man tayo o mahirap, may kapangyarihan o mahina, may angking kagandahan man o wala, iisa lang ang ating patutunguhan! Kung gayon ay saan ngayon nakasalalay ang tunay na kadakilaan? Maliwanag ang paalala sa atin ng Panginoon: “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” (Mk 9:35) Hindi pa rin matanggap ng mga alagad na si Jesus, ang kanilang kinikilalang dakilang pinuno ay maghihirap at mamamatay sa kamay ng mga matatanda ng bayan. Hindi pa rin nila matanggal sa kanilang isipan ang isang Mesiyas na marangya! Upang mas lubos nilang maunawaan ay ginamit ni Jesus ang imahe ng isang bata na sa kanilang kultura noong panahong iyon ay mababa ang katayuan sa lipunan. Larawan ang isang bata ng kababang-loob at kapayakan ng pamumuhay. At ito ang nais ni Jesus na matutunan ng kanyang mga alagad: Ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod ng may pagpapakumbaba! Kaya nga ito rin ay paalaa para sa ating lahat na iwaksi ang kayabangan at kapalaluan. Kapag tayo ay puno ng kayabangan ay mas lalo tayong nagiging makasarili at mapanlait sa kapwa. At dahil dito ay hindi natin nakikita ang kabutihan ng iba at sa halip na makatulong ay nakasisira pa tayo ng buhay nila. Ang mga taong mapagkumbaba ay maraming bunga samantalang ang taong mayabang ay wala! Masdan ninyo ang uhay ng mga palay sa bukid. Ang mga uhay na may palay ay nakayuko at mababa samantalang ang mga walang palay ay nakatayo at matayog. Mag-ingat tayo at baka katulad tayo ng mga uhay na nakatayo at matuwid ang tingin sa sarili. Ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod. Ang tunay na kasikatan ay nasa pagpapakumbaba! Ngayong Year of the Clergy and Consecrated Persons ang panawagan ng ating Inang Simbahan ay "paglilingkod at hindi paglingkuran." Hindi lang ito para sa aming mga pari at mga taong konsegrado. Ito rin ay para sa lahat sapagkat tayo'y nakibahagi sa pagkapari ni Kristo noong tayo ay bininyagan. Sa katunayan ay ipinagdiriwang natin ngayong Linggo ang Pambansang Araw ng mga Layko o "National Laity Week." Paigtingin natin ang responsibilidad ng bawat isa upang ang bawat Layko ay maging magigiting na misyonero sa kasalukuyang panahon na kung saan ang Simbahan ay dumaraan sa matinding krisis at paninira ng mga taong hindi nakakaunawa sa tunay na misyon nito. Ang pagtugon sa panawagan ni Jesus sa paglilingkod ay ang sukatan sa kadakilaan ng isang Kristiyano. Nawa ay maging kapwa lingkod tayo sa isa't isa!
Sabado, Setyembre 15, 2018
ANG BIDA NG BUHAY KO: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year B - September 16, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Sa panonood ng pelikula ay nakasanayan na nating ang bida ang palaging panalo sa huli! Ayaw natin ang bidang naaargabyado, kinakawawa at mamatay. Kaya nga kapag namatay ang bida sa katapusan ng palabas ay madalas nating sabihing "pangit ang ending"... malungkot sapagkat "namatay ang bida!" Isipin mo na lang ang ending ng "ANG PROBINSIYANO" kung mamamatay si Cardo? KILL JOY hindi ba? Kaya nga siguro magtatagal pa ito ng mahigit sampung taon, hanggang uugod-ugod na ang mga tauhan ng tele-serye at buhay pa rin si Cardo! Kasi ang bida ay hindi nasasaktan, hindi naghihirap at hindi-mamataymatay! Kaya nga isang alamat para sa atin si FPJ sa ating pelikulang Plipino sapagkat sa lahat ng pelikula niya ay siya ang panalo. Ang bida hindi dapat nasasaktan at kung masaktan man, ang BIDA HINDI DAPAT MAMATAY! Ganito ang ating natunghayan sa Ebanghelyo. Ginawang "bida" ni Pedro si Hesus ng tanungin niya sila kung "sino ba siya sa mga tao." Ibinigay ni Pedro ang tamang kasagutan: "Ikaw ang Kristo!" Ngunit nang marinig mismo ni Pedro sa bibig ni Hesus na siya bilang bida ay maghihirap, itatakwil ng mga pinuno ng bayan at mamamatay ay agad niyang pinagsabihan si Hesus. Hindi niya matanggap na ang kanyang bida ay mamamatay! Dahil dito ay napagwikaan siya ni Hesus: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao." Hindi ba't kung minsan ay ganito rin tayo mag-isip tungkol sa Diyos? Sino ba ang Diyos para sa atin? Para sa marami ang ating Diyos ay ang "Diyos ng kaginhawaan!" Ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kaunlaran sa pamumuhay. OK ang Diyos kapag maganda ang takbo ng ating buhay. Ayaw natin ang "Diyos ng kahirapan!" Kaya nga't kapag nakaramdam na tayo ng kaunting kahirapan sa buhay ay nagbabago na ating pagtingin Diyos. Ang ating mga "aleluya" at "praise the Lord" ay napapalitan ng "Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako ginaganito?" Tandaan natin: Ang ating Diyos ay hindi lang Diyos ng kaginhawaan ngunit Siya rin ay Diyos ng kahirapan! Kung ang ating Diyos mismo ay dumaan sa paghihirap, dapat tayo rin ay handang magbata ng anumang kahirapan sa buhay... matuto tayong magpasan ng ating mga "krus." Kaya nga't ibinigay niya ang kundisyon sa mga nagnanais na maging kanyang alagad: "Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin." Paano ko ba tinatanggap ang mga paghihirap na dumarating sa aking buhay? Isa rin ba ako sa mga ayaw makaramdam ng sakit at paghihirap? May mga taong tinatawag nating "pabigat" sa atin, paano ko sila "binubuhat?" Minsan ay may lalaking umuwi sa kanilang bahay. Ang una niyang ginawa ay hanapin ang kanyang asawa. Nang makita niya ito ay agad-agad niya itong bihuhat at isinayaw. Nagulat tuloy ang babae at nagtanong: "Dear, anong nangyari sa iyo? Hindi ko naman birthday. Lalo namang hindi natin anniversary. Anung nakain mo?" Ang sagot ng lalaki: "Kasi dear... nagsimba ako kanina at tinamaan ako sa sinabi ng pari. Ang sabi niya: ang dapat daw na alagad ni Hesus ay matutong magbuhat ng kanyang krus!" Meganun??? Sino ba ang mga pabigat sa buhay ko? Marahil ang asawa kong lasenggo, sugarol at babaero. Siguro ang kapatid kong mabisyo. Siguro ang anak kong pabaya sa pag-aaral. Siguro ang kapitbahay kong walang ginawa kundi ang magtsismis at manghimasok sa buhay ng iba. Siguro ang kaibigan kong traidor at manghuhuthot! Siguro ang teacher kong laging naninigaw at hindi marunong magturo... napakarami nating tinuturing na pabigat sa ating buhay. Sana ay ganito ang ating maging panalangin: "Panginoon, hindi ko pinagdarasal na tanggalin mo ang mga pabigat na ito sa aking buhay, bagkus bigyan mo ako ng lakas upang mabuhat ko sila ng may pagmamahal..." Sa ganitong paraan, kapag nagtanong si Jesus sa atin ng "Sino ako para sa iyo?" ay masasagot natin Siya ng "Panginoon, ikaw ang Kristo! Ikaw ang BIDA NG BUHAY KO!"
Biyernes, Setyembre 7, 2018
LISTENING HEART: Reflection for 23rd Sunday on Ordinary Time Year B - September 9, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Saan ba nakasalalay ang pananampalataya mo? Napakarami nating paniniwala na kung titingnan ay wala sa lugar o kung di naman ay wala sa tamang hulog. Halimbawa, isang basketball player na mag-aantanda ng krus bago i-shoot ang bola sa free throw line at kapag nagmintis magmumura ng malutong pa sa Lapid's Chicharon! O kaya naman ay isang deboto ng Poong Nazareno na hindi mawawala sa Traslacion ngunit patuloy pa rin sa pagsusugal at paglalasing. O isang nanay na ipinamamanhik sa paring buhusan ng tubig ang kanyang sanggol sapagkat ibabiyahe daw papuntang probinsiya ngunit ayaw namang pabinyagan ang bata sapagkat wala pa raw panghanda! May isang kuwento para sa mga taong ang pananampalataya ay natatali lamang sa panlabas na pagpapakita nito. "Isang batang retarded na pipi at bingi ang umakyat sa isang mataas na puno ng niyog. Nakita siya ng maraming tao at pilit siyang pinabababa sa pangambang siya ay mahulog. Ngunit ayaw bumaba ng bata. Tumawag sila ng tulong sa mga baranggay tanod pero bale wala lang bata. Tinawag na nila ang kapitan ng baranggay ngunit nagmistulang tanga lamang ang kapitan... ayaw bumaba ng bata. Nagkataong napadaan ang parish priest ng lugar. "Father, kayo na nga ang magpababa. Baka sa inyo sumunod." Napilitang sumunod ang pari. Lumapit sa puno. Tumingala sa itaas at iwinasiwas ang kamay na tila nagbabasbas sabay bulong ng ilang salita. Agad-agad ay bumaba ang bata. Laking gulat ng mga tao at manghang-mangha sa pari. "Ang galing mo talaga ni Father! Isa kang taong banal! Binasbasan lang ang bata napasunod na!" Tugon ng pari: "Anung binasbasan? Sinenyasan ko lang ang bata ng ganito, ikaw baba o putol puno... baba o putol puno!" Habang pakrus na iwinasiwas ang kamay! hehehe. Kung minsan ay masyado tayong natatali sa panlabas na ritwal ng ating pananampalataya. Kung minsan ay may lumalapit sa akin na mga estudyanteng pinababasbasan ang kanilang lapis na gagamitin sa exam tapos hindi naman nag-aral ng mabuti. Akala ata nila na kapag binasbasan ang kanilang panulat ay hindi na sila magkakamali sa pagsusulit. Manghang-mangha tayo kapag naipagkakaloob sa atin ang ating kahilingan ngunit ayaw naman nating kilalanin ang Diyos na pinagmumulan ng lahat ng biyaya. Para tayong mga Hudyo na manghang-mangha sa kapangyarihan ni Jesus na nagpanauli ng pandinig ng isang bingi ngunit hindi naman nakilala kung sino Siya. Nakita nila ang ritwal na pagpasok ng daliri ni Jesus sa tainga at ang paglura at paghipo sa dila ng bingi ngunit hindi naman naintindihan ang ipinahihiwatig nito. Kaya nga ang sigaw ni Jesus ay "Effata!" Ibig sabihin ay "Mabuksan!" Hindi lamang ito para sa taong bingi ngunit ito rin ay para sa mga Hudyong nakapaligid sa Kanya. Nais ni Jesus na buksan ang kanilang mga pag-iisip at makitang Siya ang katuparan ng sinasabi ng mga propeta sa Lumang Tipan katulad ng panandang ibinigay ni Propeta Isaias sa pagdating ng Mesias, "Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi; katulad ng usa, ang pilay lulundag, aawit sa galak ang mga pipi." Nakilala ba Siya ng mga tao bilang Mesiyas? Hindi! Ipinagkalat lamang nila ang nangyari ngunit hindi ang kanyang pagdating sa kanilang piling bilang Panginoon. Mag-ingat din tayo sa ating pagiging Kristiyano. Baka katulad rin tayo ng mga Hudyong ang pagkilala kay Jesus ay panlabas lamang at nananatili pa ring mga pipi at bingi sa pagtanggap sa Kanya bilang ating Tagapagligtas. Mas masaklap ang lagay ng taong nakakarinig ngunit bingi naman sa panawagan ni Jesus na manindigan sa katotohanan at mamuhay na banal. Kasing saklap din ang lagay ng mga taong nakapagsasalita ngunit iba ang kanilang isinasagawa sa kanilang ipinahahayag! Mamuhay tayong tapat bilang mga Krisitiyano. Buksan natin ang ating puso at isipan sa mga aral ni Jesus na makikita sa Bibliya at ipinapaliwanag naman sa atin sa mga turo ng Simbahan. Isabuhay nating ang tunay na "Effata!" Ngayong Year of the Clergy and Consecrated Persons ang panawagan ng ating Inang Simbahan ay "paglilingkod at hindi paglingkuran." Hindi lang ito para sa aming mga pari at mga taong konsegrado. Ito rin ay para sa lahat sapagkat tayo'y nakibahagi sa pagkapari ni Kristo noong tayo ay bininyagan. Ibig sabihin tayo rin ay dapat magpakita ng paglilingkod lalong-lalo na sa mga kapatid nating mga dukha at lubos na nangangailangan. Hilingin din natin sa Panginoon na buksan ang tainga ng ating puso upang makita ang pangangailangan ng ating mga kapatid na mga mahihirap. Kung ating titingnan ay hugis puso ang ating tainga. Kapag piangkabit mo ang kanan at kaliwang tainga mo ay magkakaroon ka ng hugis puso. Sa katunayan sa gitna ng salitang HEART ay mayroong EAR. Kaya pala mayroong salitang LISTENING HEART sapagkat ang ginagamit natin sa tunay na pakikinig ay ang ating puso! Gamitin natin ang ating puso sa pkikinig sa mga hinanaing ng ating mga kapatid na mahihirap. Huwag tayong magbingi-bingihan sa kanilang pagdaing. Hindi naman kinakailangang malaki ang ating pagtulong na gagawin. Sabi nga ng Pondo ng Pinoy: "Anumang magaling, kahit na maliit, kapag ginagawa ng malimit ay patungong langit!" Gawin nating malimit ang pagtulong at paggawa ng kabutihan. Hilingin din natin ang biyayang maging bukas ang tainga ng ating puso sa at ang ating panalangin ay matulad din sa panalangin ni Jesus upang buksan ito... EFFATA!
Huwebes, Setyembre 6, 2018
KAPANGANAKAN NG INA, KATAPATAN NG AMA: Reflection for the Feast of the Birth of the Blessed Virgin Mary - September 8, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria. Bilang isang "bayang sumisinta kay Maria" ay hindi natin maisasantabi ang pagdiriwang na ito. Nakababatid na ang tunay na debosyon kay Maria ay dapat maghatid sa atin kay Jesus, naglalaan pa rin tayo ng pagkakataon upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan. Paano nga ba naging September 8 ang kanyang kaarawan? Simple lang. Daanin ko sa isang kuwento ang sagot: "May isang turistang Amerikano ang sumakay ng bus papuntang Macabebe, Pampanga. Medyo nainip siya sa haba ng biyahe kaya tinanong ang kundoktor: "Hey Dude, how long to Makebaybe?" Ang pagkaintindi ng kundoktor ay "how long to make a baby", kaya tinawanan niya ang Amerikano. Natural, napikon ang Kano at sinigawan ang kundoktor: "Hey! You don't laugh at me! I'm asking you a serious question: "how long to Makebaybe?" Pagalit na sumagot ang kundoktor: "Ahhhh... don't you shouting at me ha? I'm no ignorant. Ok, I will tell you... it's nine months to "make a baby!" Napatalon sa kinauupuan ang kano, "Nine months??? Gosh... it's too far!" hehehe... Ang sagot sa tanong ko kanina kung bakit Sept. 8 natin ipinagdiriwang ang birthday ni Mama Mary ay ito... wala sa historical o theological explanation ang kasagutan. Ang sagot ko lang ay katulad ng sagot ng kundoktor: "Nine months to make a baby." Bilangin mo mula Dec. 8, ang araw ng kalinislinisang paglilihi kay Maria (Immaculate Conception) hanggang Sept. 8, ang kanyang kapanganakan, at makikita mong siyam na buwan ang haba noon! Hindi naman mahalaga ang eksaktong petsa ng kapanganakan ng Mahal ng Birhen. Ang mahalaga ay isinilang siya bilang tao dito sa lupa upang mabigyang daan ang katuparan ang plano ng Diyos. Ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birhen ay dapat magpaalala sa atin ng kagandahang loob at katapatan ng Diyos. Sa simula palang na nagkasala ang tao ay ninais na ng Diyos na sagipin ang tao sa pagkakasala. Napakahabang paghahanda ang nangyari. Kasing haba ng tala-angkanan na nakasulat sa Ebanghelyo ni Mateo. Mahabang panahon ang hinintay ng sangkatauhan, ngunit sa gayunpaman ay hindi tinalikuran ng Diyos ang kanyang pangako. Pinili niya ang isang babaeng taga-Nazaret upang maging ina ng Kanyang Anak. Lubos ang kabutihan at katapatan ng Diyos. Ang Diyos ay laging tapat sa atin. Sa kabila ng ating araw-araw na pagtalikod at paglimot sa kanya ay tuloy pa rin ang alok Niyang kaligtasan. Pinahahalagahan ko ba ito? O baka naman, binabalewala ko lang ang Kanyang kabutihan sa patuloy na paggawa ng kasalanan at pagpapairal ng masamang pag-uugali. Ang kapistahan ngayon ay nagpapaalala sa atin na seryosohin ang ating pagsunod kay Kristo. Dapat ay may masusi rin tayong pagpaplano ng ating mga dapat gawin upang maging ganap ang ating pagiging Kristiyano. Kung ang Diyos nga ay pinaghandaang mabuti ang Kanyang planong kaligtasan ay dapat tayo rin, may mga hakbangin at layunin upang ipakita ng seryoso tayo sa kahulugan ating bautismo. Ang kapanganakan ng Mahal na Birhen ay hindi lang dapat magpaalala sa atin ng katapan ng Diyos. Dapat ito rin ay magtulak sa ating maging tapat at radikal sa ating pagsunod kay Kristo. O Maria... tulungan mo kaming maging tapat na katulad mo... Maligayang kaarawan sa iyo aming Ina!
Sabado, Setyembre 1, 2018
PROUD TO BE CATHOLIC: Reflection for the 22nd Sunday in Ordinary Time Year B - September 2, 2018 - YER OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Paano ba nasusukat ang pagiging relihiyoso ng isang tao? Sapagkat nagsisimba ba ang isang katoliko -ay maituturing na siyang relihiyoso? May nakakatuwang kuwento ang makasasagot nito. Nakagawian na ni "Pepeng Mandurukot" ang dumaan sa Simbahan ng Quiapo at magdasal sa kanyang paboritong patrong Poong Nazareno pagkatapos ng maghapong pagtratrabaho. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng matalas na mata! Nakadukot ako ng cellphone sa katabi ko kanina sa bus na walang kahirap-hirap!" Bigla siyang may narinig na mahiwagang tinig: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulat siya sa sagot na kanyang tinanggap. Hindi niya ito gaanong binigyang pansin. Kinabukasan pagkatapos ng kanyang "trabaho" ay muli siyang dumaan sa simbahan. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng mabilis na kamay at paa. Hindi ako inabutan ng pulis na humahabol sa akin!" Muling lumabas ang mahiwagang tinig na ang wika: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulumihanan si Pepe at sa puntong ito ay di na napigilang magtanong. "Panginoon, ikaw ba yan? Anung ibig sabihin mong mapalad ako?" At sumagot ang tinig: "Mapalad ka Pepe at mabigat itong krus na pasan-pasan ko. Kung hindi ay ibinalibag ko na ito sa iyo!" hehehe... Marahil ay kuwento lamang ito ngunit may inihahatid sa ating mahalagang aral: Ang tunay na relihiyon ay wala sa panlabas na pagpapapakita ngunit nasa panloob na paniniwala at panlabas na pagsasabuhay nito. Linawin nga natin ang ibig sabihin ng salitang relihiyon. Ang relihiyon ay mas malawak pa sa ating nakasanayang pag-intindi na ito na ang ating simbahang kinabibilangan. Halimbawa, ako ay kabilang sa relihiyong Kristiyano Katoliko. Siya ay kabilang sa relihiyong Muslim. Kung titingnan natin sa ethymological meaning nito, ang relihiyon ay tumutukoy sa "pagtataling muli" ng naputol na relasyon ng Diyos at tao. (Ang ibig sabihin ng "re" ay muli, at ang "ligare" naman ay itali. Kung pagdurugtungin ay "italing muli". ) Kaya nga masasabi rin natin na ito ay ang ating personal na pakikipag-ugayan sa Diyos. Kung ating pagbabasehan ang ating mga pagbasa ngayon ang relihiyon ay hindi lang pagsisimba o pagdarasal. Hindi lamang ito natatali sa mga ritwal o panlabas na pagpapahyag ng ating pananampalataya. Ano ang sabi ni Hesus tungkol sa mga Pariseo? “ Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat: ‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal." Paano ko ba ipinapakita ang pagiging Kristiyano? Baka naman natatali lang ako sa mga ritwal na panlabas na pagsamba at nakakalimutan ko ang higit na mahalaga? Mahalaga ang pagrorosaryo, pagsama sa prusisyon, pagdedebosyon sa mga santo, pagsisimba tuwing Linggo. Mahalaga ang mga ito, lalo na ang pagsisimba sapagkat ito dapat ang magbigay sa atin ng motibasyon upang lumago sa ating pananampalataya. Ngunit dapat nating tandaan na hindi lamang ito ang ibig sabihin ng relihiyon. May mas mahalagang hinihingi si Hesus sa atin. Ang sabi nga ng isang sikat na mangangaral na obispo: "Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse... ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad matatawag na Kristiyano." Hindi sapagkat nagsimba ka ay Kristiyano ka na! Hindi garantiya ang litanya ng mga debosyon, ang paulit na ulit na pagsambit ng panalangin, ang araw-araw na pagtitirik ng mga kandila kung ang lumalabas naman sa ating bibig ay paglapastangan sa kapwa, masasamang salita, paninira, paghuhusga sa kamalian ng iba. Tandaan natin ang kabanalan ay hindi lamang personal na pagpapakabuti. Ang tunay na kabanalan ay dapat ibinabahagi. Sikapin nating magpakatotoo sa ating pagiging Kristiyano! Unawain natin at sundin ng matapat ang mga utos ng Diyos. Pakikinig na may pagkilos ang tunay na pagpapakita na tayo ay sumusunod sa Kanya. Ang sabi nga ni apostol Santiago: "Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili." Kaya wag tayong maging mga Kristiyanong Doble-kara! Huwag maging mapag-imbabaw sa ating pananampalataya tulad ng mga Pariseo. Mag-ingat tayo sa huwad na pagsasabuhay ng relihiyon. Upang sa sandali mang may magtanong sa iyo kung ano ang relihiyon mo ay masasabi mong: Ako ay KATOLIKO na nagsasabuhay ng aking pananampalataya! I am a Catholic and I am proud of it!
Sabado, Agosto 25, 2018
AMEN! SUNDIN ANG LOOB MO: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year B - August 26, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Bakit nga ba ganoon? Bakit parang pinipili natin ang gusto nating maintindihan? Bakit namimili ang ating tenga sa mga gusto lamang nating marinig? Bakit maraming Katoliko ang sumasalungat sa aral ng Simbahan tungkol sa death penalty, abortion, contraception, live-in, same-sex marriages, at marami pang usapin tungkol sa moralidad? Bakit may mga Katolikong hindi sumasang-ayon kapag ipinaglalaban ng Simbahan ang karapatang pantao para sa mga taong mahihirap at walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili? Kasi nga ay hindi ito sang-ayon sa kanilang gusto. Para sa kanila ay panghihimasok ito sa kanilang personal na buhay! May kuwento ng isang pari na nagbibigay ng homiliya at nangangaral siya tungkol sa sampung utos ng Diyos. "Huwag kang papatay!" ma-emosyong sigaw ng pari. Bigla na lamang may sumagot ng "AMEN, Father! AMEN!" Ginanahan ang pari at nagpatuloy, "Wag kang magnanakaw!"AMEN! Father! Masama talaga ang magnakaw!", sigaw muli ng parehong lalaki. Mas lalo pang ginanahan ang pari at isinigaw: "Wag kang makikiapid at 'wag mong pagnasahan ang di mo asawa!" Sa puntong ito ay biglang sinabi ng lalaki, "Aba! Father... dahan-dahan ka sa pagsasalita mo! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ng may buhay! Pabayaan mo na lang kami!" Totoong mahirap maintindihan ang pag-iisip ng Diyos. At kung mahirap maintindihan ang Kanyang pag-iisip ay mas lalong mahirap isabuhay ang Kanyang kalooban. Nang sabihin ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Buhay at ang kumakain ng Kanyang laman at uminom ng Kanyang dugo ang magkakamit ng buhay na walang hanggan ay marami sa kanyang mga tagasunod ang tumiwalag sa Kanya. Marami ang hindi na sumunod at nagsabing "Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?" Ngunit hindi nagpatinag si Jesus o binawi man ang Kanyang mga binitiwang salita. At ang tanging tanong Niya sa mga alagad ay "Dahil ba rito’y tatalikuran na ninyo ako?" Sa mga pagkakataong nalalagay tayo sa pag-aalinlangan at kinakalaban ng ating pag-iisip ang "pag-iisip ng Diyos", sana ay masabi rin natin ang mga salitang binitiwan ni Pedro: “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan!" Ang buhay na walang hanggan ang katumbas ng tunay na kaligayahan at kapayapaan ng pag-iisip tuwing sinusunod natin ang kalooban ng Diyos. Maisabatas man ang panukalang divorce, same sex marriage o kahit death penalty ay hindi pa rin ito naayon sa kalooban at utos ng Diyos, at dahil diyan ay hindi pa rin mararanasan ng tao ang kaligayahan at kapayapaan ng kanyang pag-iisip. Tanging si Jesus lamang ang "Daan. Katotohanan, at Buhay!" At tanging ang katotohanan lamang ang maaring magpalaya sa atin. Hindi masama ang magduda. Hindi kasalanan ang mag-alinlangan sapagkat ito ang paraan upang marating natin ang katotohanan. Ang kinakailangan natin ay "bukas na pag-iisip" at mas malawak na pananaw na pinaghaharian ng kalooban ng Diyos. Sa mga sandaling pinangungunahan tayo ng pag-aalinlangan at hindi matanggap ng ating kalooban ang aral at turo ng Diyos na matapat namang ipinapahayag ng Simbahan ay ipahayag natin ang ating pananampalataya sa Diyos at sabihin nating: "Sundin ang loob Mo, dito sa lupa kapara ng sa langit!" Ang taong tunay na malaya ay ang taong sumusunod sa Kanyang kalooban! Ang pagpapahayag ng AMEN ay pagpapahayag ng ating paninindigan sa ating sinasampalatayan. "Oo, naniniwala ako. Oo nananalig ako!" Nawa ay maisapuso natin ang pagsasabi nito sa tuwing humaharap tayo sa pag-aalinlangan at sa tuwing sumasalungat ang ating pag-iisip sa kalooban ng Diyos na pinapahayag sa atin ng ating Inang Simbahan.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)