Sabado, Mayo 30, 2020

ANG BANAL NA IBON: Reflection for the Solemnity of Pentecost Year A - May 31, 2020 - YEAR OF ECUMENISM / EASTER SEASON

Ngayon ay ang dakilang kapistahan ng Banal na Espiritu.  Paano nga ba natin mailalarawan ang ikatlong Persona ng Banal na Santatlo?  Madaling bigyan ng paglalarawan ang Diyos Ama at ang Diyos Anak, ngunit hindi ata ganito kadali kapag ang pinag-uusapan na natin ay ang Banal na Espiritu.  Di tulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan.  Nariyan na ang simbolo ng hangin tulad ng ating narinig sa unang pagbasa, ang dilang apoy na nanahan sa ulo ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, ang tila kalapati o ibon na lumabas mula sa langit ng mabinyagan si Jesus sa ilog ng Jordan.  Ang hangin o hininga ay simbolo ng buhay. Ang apoy ay simbolo naman ng init at ningas ng pagmamahal.  Ano naman ang sinisimbolo ng ibon o kalapati? 

Isang paring misyonero na galing Ireland na nakapag-aral ng kaunting tagalog ang naupo sa kumpisalan. Sapagkat kapos ang kanyang bokabularyong nalalaman sa Tagalog ay nagdala siya ng maliit na Tagalog-English Dictionary saka-sakali mang meron siyang salitang hundi maintindihan. Maayos namang naidaos ang unang oras ng kumpisal. Naintindihan niya ang mga kasalanan at nakapagbigay pa siya ng payo. Bigla na lamang may nagkumpisal ng ganito: "Father, patawarin po ninyo ako; ako'y nagkasala. Nagnakaw po ako... yung biyenan ko minura ko... At Father, mayroon po akong ipagtatapat: mayroon po akong "kulasisi" (kabit o babaeng kinakasma ha hindi asawa}. Biglang napaisip ang pari, "What is "kulasisi?" Binuksan niya ang kanyang pocket dictionary at tiningnan: "Kulasisi: noun, a little bird, good for pet." Sabi ng pari: "Magaling, magaling... ilan ang kulasisi mo?" Sagot naman ng nagulat na lalaki: "E...e dalawa po padre!" "Kung ganon, ibigay mo sa akin ang isa ha? Ako na ang mag-aalaga! 

Ang ibon na kulasising binabanggit sa kuwento ay simbolo ng paghihiwalay o pagwasak ng kapayapaan sa pagsasama.  Ibang-iba ang simbolo ng "Banal na Ibon" sa Banal na Kasulatan,  Ang ibon o kalapati ay sumasagisag sa pagkakaisa sapagkat ito ang tagapaghatid ng pag-asa at kapayapaan.  Kaya nga ang simbolo ay dapat nagpapakita ng katotohanang ipinapahayag nito sapagkat kung hindi ay magmimistulang "peke" o katawa-tawa ang ipapahayag nito.  Halimbawa ay ang mga fake news na naglipana sa social media.  Mayroong isang dating blog posting na humihingi ng panalangin sa  para sa ating mga sundalong lumalaban sa Marawi, ngunit ang larawan namang kasama nito ay mga sundalo ng "Honduras".  Hindi ba katawa-tawa ito?  Lalo na't ang paliwanag ay isa raw itong "symbolism."  Hindi maaring maging symbolism ang ganung maling paglalarawan sapagkat mali ang katotohanang ipinapakita nito.

Isang napapanahong simbolismo ng Banal na Espiritu ay ang kalapati na simbolo rin ng pag-asa.  Sa mga kaganapang nangyayari ngayon sa ating bansa ay marahil ito ang pinakamimithi nating inaasam, ang mapanumbalik ang kaayusan at buhayin muli ang pag-asa sa puso ng bawat mamamayan.  Ang takot na dala ng pandemiang COVID-19 ay patuloy na nagbibigay ng agam-agam sa atin kung talaga bang ligtas ng lumabas ng ating mga tahanan.  Hindi sapagkat ibinababa na sa GCQ ang maraming lugar sa ating bansa ay makakapante na ang kalooban.  Tandaan natin na nandyan pa rin ang pademia sa ating paligid kaya't kinakailangan pa rin ang ibayong pag-iingat,  Kaya nga't ang biyaya ng Banal na Espiritu ay kinakailangan ng bawat isa sa atin upang mapayapa natin ang ating mga puso, bigyan tayo ng karunungan upang makapagdesisyon ng mabuti at punuin ito ng pag-asa na pasasaan ba ay malalagpasan din natin ang pandemyang ito. 

Ang kapayapaang kaloob ng Banal na Espritu at katulad ndin ng kapayapaang  ay tulad din ng kapayapaan ibinigay ng Panginoong Jesus sa mga alagad na humilom sa kanilang pusong puno ng takot at pangamba.  "Sumainyo ang kapayapaan!"  ang bati ni Jesus sa mga alagad noong siya ay magpakita sa kanila.  Pagkatapos ay hiningahan sila at sinabing "tanggapin ninyo ang Espiritu Santo!"  Ang Espiriung bigay sa atin ni Jesus ay nagdadala ng kapayapaan sa ating puso.  Ito rin ang nagbibigay daan sa pagkakaisa katulad ng nangyari sa unang pagbasa na pinag-isa ng Espiritu Santo ang pagkakaintindi ng mga tao sa pangangaral ni Pedro bagamat sila ay nagmula sa iba't ibang lupain.

Ito rin ang Espritung nag-uugnay sa atin bilang isang katawan ni Kristo bagama't iba't iba ang kanyang mga biyayang kaloob sa atin.  Wag tayong matakot tumawag sa Banal na Espritu upang pagbuklurin niya ang ating pagkakanya-kanya na naghihiwalay sa atin sa isa't isa.  Hingin natin ang biyayang maging instrumento ng kanyang kapayapaan at pagmamahal upang humilom sa ating sarili, sa ating pamilya, sa ating komunidad na kinabibilangan at sa ating bayang sinisira ng pagkamakasarili, galit at pagkamuhi sa kapwa.  Hayaan nating ang simbolong dala ng Banal na Espiritu na kapayapaan, pagkakaisa at pag-asa ay talagang mabigyang buhay at maibahagi natin sa iba.

"Halina Banal na Espritu, hilumin mo ang aming mga puso at bigyan ng katatagan upang umasa at magtiwala sa iyong walang hanggang pagmamahal!

Sabado, Mayo 23, 2020

MAKABAGONG KOMUNIKASYON: Reflection for the Solemnity of the Ascencion Year A - May 23, 2020 - EASTER SEASON - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE - WORLD COMMUNICATION SUNDAY

Ngayong panahon ng pandemic na dala ng COVID-19 virus ay nabigyan ng pagkakataon ang Simbahan upang ipakita sa mundo na maaari palang gamitin ang makabagong teknolohiya tulad ng internet upang patuloy na maipahayag ang Mabuting Balita ng Panginoong Jesukristo.  Karaniwan na ngayon ang mga live streaming Mass na kung saan ay maaring makabahagi sa pagdiriwang ng Santa Misa ang isang pamilya kahit na sila ay nakalockdown o forced quarantine sa kanilang tahananan.  May mga on-line retreats, religious formations, at iba pang pagtitipon na maaaring samahan ng isang mananampalataya kung nais niyang palalimin ang kanyang buhay kristiyano.  Ano nga ba ang nagagawa ng mga makabagong komunikasyon sa atin? Hanggang saan nga ba ang kayang maabot nito?  May kuwento tungkol sa mag-amang katutubo na nakatira sa gitna ng kagubatan: 

Katutubo 1: Mag-ingat ka s 'yong babaybayin na daan dahil ito'y mapanganib. Kunin mo itong gamot para sa kagat ng ahas baka sakaling ika'y makagat. Kunin mo itong isang bote ng hamog dahil ito'y nakakatanggal ng uhaw at gutom. Dalhin mo ang balaraw na ito ng ating mga ninuno upang maprotektahan ka laban sa mga mababangis na hayop. Natatandaan mo pa ba ang mga sinabi ko?  

Katutubo 2: Opo ama... basta, pm mo na lang ako if ever! 

Katutubo 1: Ok basta video call me pag feel mo na lost ka. huh?" 

Iba na nga talaga ang nagagawa ng makabagong teknolohiya lalo na sa aspeto ng komunikasyon. Kahit, mga tao sa liblib na lugar ay nabibiyayaan na nito. Karaniwan nang makakita ka ng "cell phones" at "computers" kahit sa mga bundok at malalayong isla. Tunay na pinaliliit ng makabagong komunikasyon ang ating mundong ginagalawan.  Ang Kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ang siya ring pinili ng Simbahan upang ipagdiwang ang "Linggo ng Komunikasyong Pandaigdig".

Naaakma sapagkat nang si Jesus ay umakyat sa langit, ay iniwang niya sa mga alagad ang utos na: "Humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa."  Isinagawa ito noong una sa pamamagitan ng pagpapasa-pasa ng aral ni Hesus (tinatawag din nating tradisyon) sa pamamagitan ng pangangaral at pagsusulat.  Sa kasalukuyan ay ipinagpapatuloy pa rin ang mga ito sa mga makabagong pamamaraan ng pakikipagtalastasan: internet, video broadcast, live streaming,  tv and radio; cable, tele-conferencing, etc...

Bagama't makabago, mawawalan ng saysay ang mga ito kung hindi kapani-paniwala ang mga nagpapahayag. Kaya nga't kasama ng utos ni Jesus ay ang pagiging kanyang mga buhay na saksi!  Ang pinaka-epektibo pa ring pamamaraan ng komunikasyon ay ang "pagiging mga totoong saksi ni Kristo!"  Sabi sa turo ng Simbahan: "Ang mga tao ngayon ay higit na naniniwala sa mga saksi kaysa mga guro. At kung sakali mang maniwala sila sa mga guro ay sapagkat sila ay mga saksi!"  Ang pagiging saksi ay naipapakita sa ating pananalita at pagkilos. Pagpili sa tama at pagtalikod sa masasamang gawain, pagsasabi ng totoo at pag-iwas sa kasinungalingan, pagbibigay ng mabuting halimbawa sa iba sa halip na manirang puri...

Marami tayong maaring gawin upang maipahayag ng makatotohanan ang utos ni Jesus. Gamitin natin ng tama ang mga makabagong paraaan ng komunikasyon upang ikalat ang Mabuting Balita ni Hesus!  Kahit simpleng text o maikling message posting sa fb, tweeter, instagram, o anumang uri ng social media, ay makakatulong upang maipalaganap ang Kaharian ng Diyos.  Tandaan natin na tayo ngayon ang mga buhay na saksi ni Kristo!  Sa panahong ito ng pandemic ay mas maging aktibo pa tayo at buhay na buhay sa social media.  Iparamdam natin ang pagmamahal ni Kristo lalong-lalo na sa mga kapatid nating nawawalan na ng pag-asa at umaandap-andap na ang ilaw ng pananampalataya.  Ipahayag natin, lalong-lalo na sa pamamagitan ng ating pagsaksi sa araw-araw nating pamumuhay, ang katotohanang dala ng kanyang Muling Pagkabuhay.  Mabuhay tayong marangal at banal bilang kanyang mga sinugo bago siya umakyat sa kalangitan.  Higit sa lahat ay isapuso natin ang katuparan ng kanyang pangako na kasama niya tayo hanggang sa wakas ng panahon!  

Linggo, Mayo 17, 2020

PAGSUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS: Reflection for 6th Sunday of Easter - Year A - May 17, 2020 - EASTER SEASON - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Ngayong umiiral ang community quarantine sa maraming lugar ng ating bansa, ito man ay modified, enhanced o general, ay kapansin-pansin ang paglamig ng maraming katoliko sa ating pananampalataya.  Totoo, mas naging malikhain ang Simbahan sa paggamit ng makabagong pamamaraaan upang maihatid ang Mabuting Balita tulad ng mga live streaming na Santa Misa sa internet, ay marami naman ang hindi nakikibahagi rito.  Maraming kadahilanan tulad ng kakulangan sa mga internet connections o kawalan ng kaalaman sa paggamit nito ngunit hindi pa rin natin maikakaila na marami ang may maling pag-intindi sa pagsasabuhay ng pananampalataya at kung bakit ba natin ginagawa ito.

Paano mo malalaman kung tunay ang iyong pagsunod sa mga utos ng Diyos?  Tanungin mo ang iyong sarili... Bakit ka nagsisimba tuwing Linggo?  Marahil sasabihin ng iba ay sapagkat takot silang malabag ang ikatlong utos ng Diyos.  Ang iba naman marahil ay sapagkat may karampatang kapalit ang pagpapakabuti; may langit na naghihintay sa mga sumusunod ng kanyang utos. Tama ba o mali ang ganitong mga dahilan? 

Mayroong isang kuwento na minsan daw ay may isang taong nakakita sa isang anghel na may dalang sulo sa isang kamay at isang timbang tubig naman sa isa. Tinanong niya ang anghel kung para saan ito. Ito ang sagot ng anghel: "Sa pamamagitan ng sulo ay susunugin ko ang mga "mansiyon" sa langit at sa pamamagitan naman ng tubig ay bubuhusan at pupuksain ko ang apoy ng impiyerno. At makikita natin kung sino talaga ang taong nagmamahal sa Diyos!" Ito ang mensaheng nais ipahiwatig ng anghel: Marami sa ating mga Kristiyano ang sumusunod lang sa utos ng Diyos sapagkat takot sila sa "apoy" o parusa ng impiyerno o kaya naman ay sapagkat nais nilang manirahan sa "mansiyon ng langit." 

Kakaunti ang nakapagsasabing "sumusunod ako sa utos dahil mahal ko ang Diyos!" Sa Ebanghelyo ay malinaw ang mga salitang binitiwan ni Hesus: "Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos!" Mali ang pagsunod ng dahil sa takot at mali rin ang pagsunod dahil may hinihintay na kapalit. Ang tunay na pagsunod sa utos ng Diyos ay sapagkat mahal natin Siya. Walang takot. Walang hinihintay na kapalit. Ibig sabihin, nagsisimba ka hindi sapagkat takot kang magkaroon ng kasalanang mortal. Matulungin ka sa mahihirap hindi sapagkat may hinihintay kang gantimpala sa langit. Umiiwas ka sa masamang gawain hindi sapakat takot kang mapa-impiyerno! Nagpapakabuti ka sapagkat MAHAL MO ANG DIYOS! 

Hindi madali ang magkaroon ng ganitong pananaw at pag-iisip. Kaya nga ipinangako ni Hesus ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo, ang Patnubay na ipinangako ni Hesus, ang s'yang tutulong sa atin upang masunod natin ng may pagmamahal ang Kanyang mga utos. Ang Banal na Espiritu ang Syang dadalisay sa ating mga adhikain at pagnanais na maging mabuti.  Hingin natin ang Kanyang pamamagitan upang paglinawin ang ating mga isipan kung bakit ba tayo nagpapakabuti at umiiwas sa paggawa ng masama.  Tandaan natin na ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... mas nais Niyang Siya'y ating mahalin.  

Martes, Mayo 12, 2020

THANK YOU LORD FOR THE GIFT OF LIFE! : Special Reflection for My 53rd Birthday - May 13, 2020 - EASTER SEASON

May kinagawian ka bang ritwal pagkagising mo sa umaga?  Ano ang una mong ginagawa pagdilat ng iyong mga mata?  Bukod sa pagsisipilyo ng ngipin, o paghihilamos ng malamig na tubig sa iyong mukha, o kaya naman ay pag-upo sa... alam n'yo na siguro kung saan... sa kama! hehehe... Bakit? Saan ba ang iniisip ninyo? hehehe...   Ano ang una mong ginagawa pagbalikwas sa iyong kama?  Noong kami ay nasa seminaryo pa, kapag tumunog na ang "bell" na hudyat ng aming paggising, ang aming brother assistant ay nakatayo na sa gitna ng dormitoryo at papalakpak siya ng malakas sabay sigaw ng:  "Let us bless the Lord!"  at sasagot naman kami ng "Thanks be to God!"  Sabay takbo sa shower room para maghilamos o maligo.  Tumatak sa isip ko ang ritwal na ito at masasabi kong nadala ko hanggang ngayon.  Hindi na marahil pasigaw pero kahit pabulong ay sinasabi kong:  "Salamat sa Diyos!" "Deo gracias!" "Thanks be to God!" 

Dapat lang siguro tayong magpasalamat sa Diyos sa pagkakaloob uli sa atin ng pagkakataong mabuhay.  Kanina pagkagising natin ay sigurado akong may ilan sa ating hindi na nakadilat at tumigil na sa paghinga. Pero ikaw.... ako... buhay pa tayo!  Kaya kanina pagkadilat ng aking mata ay agad sinabi kong:  "Thank you Lord! Salamat sa pagbibigay sa akin ng limampu't tatlong taon na buhay!"  Ngunit kasabay nito ay naisip ko rin na isang taon na naman ang nalagas sa akin at naglalapit na naman sa aking kamatayan!  Ito naman talaga ang katotohanan na mahirap tanggapin:  na ang bawat pagdiriwang ng ating BIRTHDAY ay naglalapit sa ating DEATH DAY.  Sa bawat kaarawan ay paglapit natin sa ating kamatayan! 

Dapat nating tanggapin na lahat tayo ay mamamatay!  Naalala ko noong ako ay bata pa at nakikinig sa homiliya ng isang pari.  Tinanong niya kami kung paano ba kami makapupunta sa langit.  Siyempre, ang sagot namin ay maging mabait at gumawa ng kabutihan sa iba, magsimba at sumunod sa mga utos ng Diyos.  Ngunit sinigawan kami ng matandang pari at sinabing "Mali!!! Dapat muna kayong mamatay!"  Oo nga naman, paano ka makapupunta sa langit kung hindi ka mamamatay?  Ang pagpunta sa langit ay nangangahulugan ng paglipat sa kabilang buhay.  Ngunit hindi natural sa atin na pag-isipan ang "buhay sa kabila."  Ayaw nating mamatay... nakakatakot!  Ngunit kung pag-iisipan lamang natin ang ating katapusan ay marahil, marami tayong maitatama na pagkakamali sa ating buhay. "Begin with the end in mind!"  Ang sabi ni Stephen Covey sa librong 7 Habit of Highly Effective People.  At ano ba ang katapusan natin?  Hindi kamatayan!  Sabi ng turo ng lumang katesismo: "Tayo ay nilikha ng Diyos upang makapiling niyang masaya sa kalangitan!"  Ang ating katapusan ay ang manatili sa piling ng Diyos magpakailanman! 

Sa ating Ebanghelyong binasa ngayon ay walong ulit binanggit ang salitang "REMAIN".  Sabi ng aming propesor sa Banal na Kasulatan ay kapag nabanggit ng paulit-ulit ang isang salita ay nangangahulugang mahalaga ito.  Ang pananatili kay Kristo ay ang dapat na buhay ng isang Kristiyano.  Inako ni Jesus ang pagiging puno ng ubas upang ipakita ang kahalagahan ng ating pananatili sa Kanya. "Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana..."  Tayong mga "sanga" ay naiugnay kay Jesus sa pamamagitan ng ating Binyag na kung saan tayo ay naging kabahagi ng Katawan ni Kristo. Tayo ay nananatili sa Kanya sa pamamagaitan ng ating buhay panalangin at pagtanggap ng mga Sakramento.  At namumunga ang ating buhay Kristiyano sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa na naipapakita sa gawa! 

Kung minsan ay nangangailangan ito ng pagpuputol ng ilang sanga o "trimming" upang lalo pang dumami ang bunga.  Sa ating buhay, ito ang maramng pagsubok na ipinadadala ng Diyos sa atin na kapag ating napagtagumpayan ay nagbibigay sa atin ng biyaya at maraming pagpapala. Isang halimbawa na rito ang nararanasan nating paghihirap ngayon na dala ng virus na COVID 19.  Marahil marami sa atin ang nasasagad na ang pasensiya, nauubos na ang lakas ng katawan at pag-iisip, naglalaho na ang pag-asa!  Ngunit ang lahat ng ito ay "paglilinis" o "pagpuputol" sa mga mga sanga na dapat pagdaanan upang mas maalalim pa natin ang ating pananatili sa Panginoon.  Tunay nga ang salitang binitawan Niya:  "Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo ay hiwalay sa akin."  

Sa pagdiriwang ng aking kaarawan ay isa lang ang wish ko.... na sana ay manatili tayong lahat sa pag-ibig ng Panginoon.  Bigyan pa niya ng mas mahabang pasensiya at habaan pa ang pisi ng ating pagtitimpi sa mga panahong ito ng pagsubok.  Na sana ay makita pa rin natin ang kamay ng pagpapala ng Panginoon na umaagapay sa atin at ang kanyang pusong nagmamahal na umaakap sa atin.  Ipagdiwang natin ang kanyang buhay na kaloob hindi lamang tuwing kaarawan natin.  Ito ay regalo na bigay niya sa atin at ibinabalik lang natin sa pamamagitan ng pamumuhay na mabuti.  Our life is a gift from God and how we live our life is our gift to God!"  Manatili tayo sa kanya at mamunga! 


Sabado, Mayo 9, 2020

ANG SIGURADONG DAAN: Reflection for 5th Sunday of Easter Year A - May 10, 2020 - EASTER SEASON - MOTHERS' DAY - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Isang kuwento para sa Mother’s Day: May isang nanay na lubos ang pagmamahal sa kanyang anak na dalaga. Isang gabi, nakita ng nanay ang kanyang anak na subsob ang ulo sa pag-aaral. Halos alas dos na ng madaling araw ay bukas pa rin ang ilaw ng kwarto ng anak sapagkat aninag ito sa ilalim ng pintuan. Kaya’t nagdesisyon siyang kumatok at pangaralan ang anak: “Anak, matulog ka na. Madaling araw na.” Tiningnan siya ng masama ng anak at sinabi: “Nanay, sino ang nag-aaral, ikaw o ako?” “Ikaw...” tulalang sagot ng magulang. “Ako naman pala e! Matulog na kayo!” Paaburidong sagot ng anak. Napahiya ang nanay na bumalik sa kanyang silid. Iyon ang UNANG GABI... Kinabukasan, ginabi ng uwi ang anak. Nagparty sila ng kanyang barkada pagkatapos ng exam. Labis na namang nag-alala ang nanay. Hindi natulog. Hinintay ang anak. Naglabas ng maraming plantsahin at hinarang sa may pintuan ng bahay. Alas dos ng umaga, dumating ang anak. Nagulat siya ng makita ang nanay na nagplaplantsa pa ng damit sa ganung oras. Tinanong ito: “Nanay, ba’t di ka pa natutulog? Umaga na.” Nakasimangot na sagot ng nanay: “Bakit? Sino ba ang namamalantsa ikaw o ako?” “Kayo po” sagot ng anak. “Ganun naman pala eh! Matulog ka na!” Sagot ng nanay na may pagmamalaking nakaganti rin siya. ‘Yon ang IKALAWANG GABI... Kinabukasan, nang ika-apat na gabi... uuups! Alam kong iniisip ninyo? IKATLO PA LANG! Pero sino ba ang nagkukuwento? Ikaw o ako? Kaya making ka na lang! Hehe... 

Ang mga natatanging ina nga naman... hindi mawawala sa kanila ang “ malapit na pagkakaugnay” sa kanilang mga anak. Nariyan na ang pag-aalala, pagkatakot, pagkainis, pagkagalit kapag nawalay sa kanila ng matagal ang kanilang mga anak. Siguro sapagkat noong bago pa tayo ipanganak ay iisang “umbilical cord” ang nag-uugnay sa atin sa kanila. Kaya nga mayroon din tayong tinatawag na “maternal instinct” na kung saan ay may kakaibang pakiramdam ang nanay kapag nalalagay sa kapahamakan ang kanyang anak.   

Tulad din ito ng "malapit na pagkakaugnay" ni Jesus sa kanyang Ama.  Kaya nga sa ating ebanghelyo ay narinig nating sinabi ni Jesus: "Believe in me that I am in the Father and the Father is in me..."  Kaya nga ayaw ni Jesus na tayo ay mabalisa sa ating buhay bagkus ay magtiwala tayo sa kanya.  "Do not let your hearts be troubled.  You have faith in God; have faith also in me."  Marami sa atin ang nababalisa sa buhay sapagkat ang daan na ating tinatahak sa paghahanap ng kaligayahan at kasigurahan sa buhay ay mali.  

Taliwas sa itinuturo ng mundo na ang daan sa kaligayahan ay nasa kayamanan, salapi, katanyagan, kasarapan sa buhay. Si Hesus bilang "daan" ay nagpakita sa atin na ang tunay na kaligayahan ay nasa pagtitiis ng hirap, pagpapakumbaba, pagsasakripisyo.  Ang tanging hinihingi Niya sa atin ay malakas na pananampalataya.  Sinasabihan Niya tayong "manalig" sapagkat ang daan patungo sa kapahamakan ay napakalawak. Walang hirap. Pa-easy-easy! Papetiks-petiks! Samantalang ang daan patungo sa langit ay mahirap!  Puno ng pagtitiis!  May kasamang pag-uusig at pagkamatay sa sarili!  Madaling magsinungaling mas mahirap magsabi ng totoo.  Madaling magnakaw, mas mahirap magtrabaho. Madaling mag-cheat sa exam mas mahirap mag-aral. Madaling magcomputer games mas mahirap gumawa ng homework sa school. 

Ngayong nasasadlak tayo sa matinding krisis dala ng virus na COVID 19 ay napakadali ang umasa sa tulong ng iba.  Magandang makita na maraming mabubuting kamay ang nagpapaabot ng tulong upang matugunan ang pangangailangan ng mga naghihirap nating mga kapatid.  Ngunit dapat nating isaalang alang na dapat nating maramdaman ang mga sakripisyong ginagawa ng iba para sa atin.  Kaya nga ang mga paghihirap na dala ng mga pagbabawal upang mabawasan ang pagkalat ng virus ay dapat muna sigurong tiisin at pagtiyagaan ng marami sa atin.  Mahirap ang daan.  Kailangan ng disiplina sa sarili.  Kailangan ng sakrispisyo ng bawat isa.  Ngunit ang pagsunod dito ay magdadala sa atin sa siguradong kaligtasan!

Hindi madali ang daang ipinatatahak sa atin. Mahirap man ay hindi naman tayo magkakamali kung si Hesus ang daan na ating tatahakin sapagkat Siya lang naman talaga ang ating "SIGURADONG DAAN" tungo sa ating kaligtasan!  Sa kanya lamang nagmumula ang GANAP NA KATOTOHANAN na ating minimithi. At higit sa lahat siya lang ang makapagbibigay ng BUHAY NA WALANG HANGGAN sa mga nagnanais magkamit nito!



Sabado, Mayo 2, 2020

MGA MISTERYOSONG PASTOL: Reflection for 4th Sunday of Easter Year A - May 3, 2020 - EASTER SEASON

Ang ika-4 na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay tinatawag na Linggo ng Mabuting Pastol o Good Shepherd Sunday.   Araw din ito ng pagdiriwang ng  57th World Day of Prayer for Vocations na kung saan ay ipinagdarasal natin ang ating bokasyon o pagtawag ng Diyos at ang pagtawag ng mga nagnanais na sumunod sa yapak ng ating Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagiging pagpapari o ng pagiging isang relihiyoso o relihiyosa. 

Sa ating Ebanghelyo ay makikita natin kung papaano siya nakikilala ng kanyang mga tupa at paano niya pinagmamalasikatan ang mga ito.  Handa siyang magsakripisyo sa kanyang tupa at maging "pintuan" sa pamamagitan ng paglagi sa bukana ng kulungan upang mapangalagaan sila mula sa mga magnanakaw at tulisan.  Ganoon na lamang ang kanyang malasakit para sa kanyang kawan!  Ngunit upang maipagpatuloy niya ang pagpapastol sa kanyang kawan ay nagtalaga siya ng mga alagad, ang mga apostol upang pamunuan ang kanyang itinatag na Simbahan.  At gayundin naman, itong mga apostol ay nagtalaga ng kanilang mga kahalili - ang mga obispo at ang mga obipo naman ay nagtalaga ng kanyang makakatulong sa misyong ibinigay ng Simbahan, ang mga nakatalaga sa gawing paglilingkod tulag ng mga pari at mga relihiyoso.  
Ngunit marami sa atin ang nahihiwagahan pa rin sa kanilang patawag.  Hindi nila maintindihan kung bakit nila kinakailangan iwanan ang gawi ng mundo sa pagsunod kay Kristo.  Sino nga ba itong mga "Misteryosong mga alagad na ito" sa ating piling?  Pakinggan ninyo ang kuwentong ito. 

May isang pari na naisipang magpunta sa Boracay para naman makapagrelax sa dami ng kanyang trabaho sa parokya. Para hindi siya makilala ay naisipan niyang magdisguise. Nagsuot siya ng summer outfit para hindi siya makilalang pari. Laking pagkagulat niya ng may bumati sa kanya habang siya ay naglalakad sa malapulburong buhangin ng Boracay. "Good morning Father!" Bati ng dalawang balangkinitang babae na nakangiti. Bigla syang napayuko at nagtaka kung papaano siya nakilala. Kinabukasn, nagsuot na siya ng shades at malapad na sumbrero. Habang naglalakad siya sa beach ay nasalubong na naman niya ang dalawang babae na ngayon ay naka-two piece bathing suit at pangiti uli siyang binati. "Good morning Father!" Namula na naman ang pari at sapagkat labis na ang pagtataka kung paano siya nakilala ng dalawa kaya't nilapitan n'ya ito at tinanong: "Mga miss, paano ninyo ako nakilalang pari sa suot kong ito?" Sagot ng isa: "Hihihi... ikaw naman Fadz parang di tayo magkakilala. Ako si Sister Maricor at ito naman si Sister Cely, nagmimisa ka kaya sa aming kumbento!" Ngek! hehehe...

Ang mga pari, isama na rin natin ang mga lay brothers at madre, ay tao rin naman.  Kaya't wag kayong magtataka kung makakakita kayo ng paring nanonood ng sine, kumakain sa restaurant, namamasyal sa malls at nagsiswimming sa Boracay... kinakareer ang Facebook, naglalaro ng ML o pinapatulan ang OMG, at bakit hindi... nagTITIKTOK!  Mga tao din naman sila!  May karapatan din namang mag-enjoy at magrelax sa buhay!  Kaya nga siguro dahil sa kanilang pagiging tunay na tao ay lagi tayong pinapaalalahanang ipagdasal natin sila.  Ang ika-apat na Linggo ng Mulling Pagkabuhay ay laging inilalaan upang ipanalangin ang ating mga kaparian at ang mga may bokasyon sa pagpapari at pagiging relihiyoso o relihiyosa.  

Aminin natin na unti-unti ay nagiging extinct na ang kanilang lahi. Kakaunti na lamang ang sumusunod sa yapak ni Jesus. Kakaunti na lamang ang handang maglaan ng buhay para sa paglilingkod sa Sambayanan ng Diyos. Si Jesus ang Mabuting Pastol ngunit ang pag-aalaga kanyang kawan ay iniwan niya sa kanyang mga alagad at sa kanilang mga kahalili. Dahil dito ito ay isang pagtawag na nangangailangan ng katapatan at sakripisyo.  Ipagdasal natin silang mga sumunod sa pagtawag ni Kristo sa halip na siraan natin at gawing paksa ng tsismisan ang kanilang buhay. Suportahan natin sila kahit na simpleng pagpapakita ng pasasalamat sa pamamagitan ng pagbati kapag nasasalubong natin sila. Higit sa lahat,  huwag sana tayong maging hadlang kapag may mga anak tayo na nais magpari o magmadre. Hindi tayo ninanakawan ng Diyos ng Anak bagkus mas pinagpapala pa nga ang pamilya kapag nabiyayaan ito ng bokasyon ng pagpapari o pagiging relihiyoso / relihiyosa.  Sabi ni San Juan Bosco: "The greatest gift that God can give to a family is a son-priest!" 

Naalala ko noong ako ay nasa second year high school at nadama ang pagtawag sa pagpapari ang unang sumagi sa isip ko ay paano na ang pamilya ko? Paano na ang "career" na pinpangarap ko?  Very promising pa naman ang pag-aaral ko mula elementary hanggang pumasok ako ng highschool.  Paano na ang mga friendships ko? Paano na ang crush ko?  "Haaay ang daming dapat isangtabi! Ang daming dapat i-let go!"  Pero naisip ko na bigay ito lahat ng Diyos sa akin at hindi naman Niya kukuning muli ang Kanyang ibinigay.  At wala akong dahilang maging maramot sapagkat lahat ay biyaya na bigay Niya sa akin.  Kaya nasabi ko "Let go... let God!" Bahala na S'ya kung ano ang nais Niyang gawin sa akin. At ang sumunod nito ay naging bahagi na ng isang kasaysayan  na Siya ang nagsulat! 

Kayat sa Linggong ito ng "Mabuting Pastol" ay alalahanin natin ang matinding pangangailangan ng mundo ng mga kabataang nais ilaan ang sarili sa paglilingkod bilang mga alagad ng Panginoon sa pagpapari at pagiging relihiyoso o relihiyosa. Isama na rin natin ang ating mga Obispo, pari at madreng matagal nang naglilingkod sa Panginoon na biyayaan pa sila ng katatagan at kasiyahan sa pag-aalay ng kanilang buhay para sa iba. Ngayong nasasadlak tayo sa krisis na dala ng COVID-19, makikita natin silang naglilingkod sa mga on-line masses o religious services. May mga direktang naglilingkod sa mga frontliners at mga taong naaapektuhan ng virus na ito sa pamamagitan ng simpleng paghahatid ng pagkain o pag-organize ng mga charitable works para sa kanila.  Kitang-kita natin sa mga panahong ito ang malasakit ng isang "Mabuting Pastol" na handang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga tupa.

Ngunit tandaan natin na sila ay mga tao rin naman.  Sila ay napapagod din at pinanghihinaan ng loob.  Sila ay mga tao rin na nagkakamali, nalulungkot, pinanghihinaan ng loob. Ipagdasal natin sila. Tandaan natin na sila'y hinirang ng Diyos. Hinarang silang maging "Mabutbuing Pastol" ayon sa puso ng  Mabuting Pastol na ating Panginoong Hesus.