Sabado, Enero 30, 2021

PANANAMPALATAYANG BUHAY NI SAN JUAN BOSCO: Reflection for the Feast of St. John Bosco, Father and Teacher of Youth - January 31, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Masusing proseso ang pinagdaraanan ng isang tao upang tanghaling santo.  Dumaraan sa butas ng karayom ang isang kandidato bago niya makamit ang korona ng kabanalan. Kasama na rito ang mga pagharang ng mga "devil's advocates" (mga piniling obispo o mga experto) na hahanapan ng kakulangan at kamalian ang kandidato at maghahayag ng kanilang pagtutol.  Isa sa mga inilatag na pagtutol kay Don Bosco ay ito:  "Kailan nagdasal si Don Bosco?  Masyado siyang abala sa kanyang mga kabataan kaya't marahil ay wala na siyang oras para magdasal!"  Ang katanungang ito ay sinagot din ng isang katanungan: "Kailan hindi nagdasal si Don Bosco?"  Tama nga naman sapagkat para kay Don Bosco ang lahat ng kanyang gawain para sa mga kabataan ay isang malaking panalangin na bawat sandali ay iniaalay niya sa Diyos!  Ang pananampalataya ni San Juan Bosco ay hindi lamang niya ipinakita sa dami at haba ng kanyang mga panalangin ngunit higit sa lahat ito ay ipinhayag niya sa matapat at masusing pagtupad sa kalooban ng Diyos.  

Sa pagdiriwang ng Kapistahan ni San Juan Bosco ay inaanyayahan tayong panibaguhin, palalimin at isabuhay ang ating pananampalataya.  Ang pananampalataya ay hindi lang paniniwala at pagtitiwala. Higit sa lahat ito ay PAGSUNOD sa kalooban ng Diyos.  Hindi lang ito paniniwala na may Diyos na makapangyarihan na kayang gawin ang lahat para sa atin.  Hindi lang ito pagtitiwala o sentimiyentong pang-unawa na tayo ay mahal ng Diyos at hindi Niya tayo pababayaan.  Ito ay pagsunod na sa kabila ng kakulangan ng ating pang-unawa ay sinasabi nating "maganap nawa sa akin ayon sa kalooban Mo!" 

Ito ang pananampalatayang buhay na ipinakita ni San Juan Bosco sapul pa sa kanyang pagkabata nang una niyang matanggap ang kanyang misyon na maging Ama at Guro ng mga Kabataan sa pamamagitan ng isang panaginip noong siya ay siyam na taong gulang.  Ito'y isang buhay na pananampalatayang nagtulak sa kanya na sa kabila ng kahirapan ay maari siyang maging pari at magsimula ng kamangha-manghang gawain para sa mga kabataan.  Ito ang buhay na pananampalatayang nagbigay daan upang itatag niya ang Kongregasyon ng mga Salesianong Pari at Madre at mga samahang laiko upang maging kanyang katuwang sa pag-aaruga sa mga kabataan.  Ang pananampalatayang ito ay parang maliit na batong ipinukol sa tahimik na tubig nr isang lawa na gumawa ng "ripple effect" hanggang sa nagmistulang malalaking alon sa karagatan.  

Ang pananampalataya ni San Juan Bosco ay gumawa ng malaking "impact" sa mundo ng mga kabataan kaya nga't tama ang ang titulong ibinigay sa kanyang ng Inang Simbahan bilang "Ama at Guro ng Mga Kabataan."  Ganito rin ba katatag ang aking pananampalataya?  Baka naman mababaw ang aking pananampalataya na katulad ng mga "Katoliko-Sarado" na sara na ang isipan dahil sa mga tradisyong kanilang kinagisnan at mga ritwal na nakasanayan at hindi na matanggap ang anumang pagbabago upang mas lalo pang mapalalim ang kanilang papanalig sa Diyos? 

Ngayong pagdiriwang ng ika-500 Taon ng Anibersaryo ng ating Pananampalatayang Kristiyano sa ating Bansa, ay hingin natin sa Diyos ang biyaya na magkaroon ng pananampalatayang tulad ng kay San Juan Bosco, isang malalim at praktikal na pananampalataya na nakatuon sa langit ngunit nakatapak sa lupa... pananampalatayang hindi lang isinasaip o isinasapuso ngunit higit sa lahat... ISINASABUHAY.

 "O San Juan Bosco, guro at ama ng mga kabataan, bigyan mo kami ng bukas na isipan.  Bigyan mo kami ng pananampalatayang buhay na laging handang sumunod sa kalooban mo. At pagkatapos ng aming paglalakbay dito sa lupa kami'y hintayin mo sa kalangitan.."

Biyernes, Enero 22, 2021

TUNAY NA BIBLE CHRISTIAN: Reflection for the 3rd Sunday in Ordinary Time Year B - January 24, 2021 - NATIONAL BIBLE SUNDAY - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ang ikatlo na Linggo sa Karaniwang Panahon ay inilalaan ngayon ng ating Simbahan para sa pagdiriwang ng National Bible Sunday o Pambansang Linggo ng Bibliya.  Sa katunayan ang buong buwan ng Enero ay naideklara na bilang Bible Month para sa buong bansa noong Enero 5, 2017 sa pamamagitan ng Proclamation Number 124. Batid natin ang kahalagan ng Salita ng Diyos sa ating buhay kristiyano.  Nagsisilbing ilaw ito upang gabayan ang ating paglalakbay sa mundong ibabaw.  Kaya nga't nararapat lang sigurong ating pahalagahan ang Salita ng Diyos sa ating buhay.  May mga taong ang tawag sa kanilang sa sarili ay "Bible Christians" ngunit nakikita naman nating hindi naaayon sa Salita ng Diyos ang uri ng kanilang pamumuhay.  Nakakalungkot lang na nagagamit ang Salita ng Diyos sa pag-aalipusta ng kapwa na may ibang paniniwala.  Sa halip na pagkakaisa ay pagkakawatak-watak ang idinudulot nito.  Ano ba talaga ang Bibliya at paano ba ito dapat basahin? Ano ba ang tamang paggamit nito para sa ating buhay Kristiyano?   

Minsan, sa isang Bible Study Group na binubuo ng mga bata ay nagtanong ang kanilang guro.  "Pedro, halimbawang nakita mo ang mas bata mong kapatid na nangungupit ng pera sa wallet ng inyong tatay anong sasabihin mo sa kanyang gamit ang Salita ng Diyos?"  Sumagot si Pedro: "Pastor, ipapaalala ko po sa kanya ang Deuteronomio 5:16 na nagsasabing: "Huwag kang magnanakaw!"  "Magaling!" sabi ng Pastor.  "Ikaw naman Pablo, halimbawang makita mong nag-aaway ang iyong dalawang kaibigan, paano mo gagamitin ang Salita ng Diyos para pagkasunduin sila?" tanong ni Pastor.  "Aba, e sasabihin ko po sa kanila ang Mateo 5:3 na nagsasabing: "Ibigin mo ang iyong kaaway!" "Magaling! paghanga ng Pastor.  "Ikaw naman Juan, halimbawang makita mo ang dalawa mong kalaro na may tangan-tangang pusa sa magkabilang paa at pilit na hinihila sa magkasalungat na direksiyon, anung sasabihin mo sa kanila gamit ang Salita ng Diyos?"  Sumagot si Juan: "Pastor, sasabihin ko po ang nakasaad sa Mateo 19:6... "Ang pinagsama ng Diyos 'wag paghiwalayin ng tao!"  

Mukhang mali ata ang pagkakagamit ng Salita ng Diyos ni Juan.  Ang Mateo 19:6 ay binanggit ni Jesus upang pahalagahan ang pagbubuklod ng Diyos sa mag-asawang ikinasal at hindi sa isang pusang pinag-aagawan ng dalawang bata.  "Always read the text in context!"  Ito ang turo sa amin ng aming propesor sa pag-aaral ng Bibliya.  Sapagkat ang Bibliya ay hindi karaniwang libro.  Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller"  na libro sa National Books Store na naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay.  Lalong lalo na, ang Bibliya ay hindi "science book" na magpapaliwanag sa atin ng paglikha ng mundo o ng lagay ng panahon at parating na mga kalamidad.  

Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS!  Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan.  Maari rin nating sabihin na ang Bibliya ay ang "Love Letter" ng Diyos sa atin na nagpapahayag ng kanyang pagmamahal sa kabila ng ating pagiging hindi karapat-dapat.  

Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus sa Galilea ng buong sigasig pagkatapos na dakpin si Juan Baustista.  Ang buod ng kanyang pangangaral ay: "Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo at talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito!"  Ang Bibliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon.  Kung paanong Siya ay naglibot at nagpahayag ng "mabuting balita" sa mga Hudyo, Siya rin ay patuloy na nagpapahayag ng parehong "mabuting balita ng kaligtasan" na ibinigay niya sa atin. Ang "mabuting balitang" ito ay unang pinagpasa-pasahan sa pamamagitan ng salita o pangangaral, na ang tawag din natin "oral tradition", ngunit kinalaunan ay isinulat ng kanyang mga alagad, na tinatawag ding "written tradition".  upang mapangalagaan ang katotohanan nito at upang mas malawak pang maipamahagi ito sa mga tao.  

Mapalad tayo sapagkat ang mayroon tayo ngayon ay ang naisayos ng mga aklat ng Salita ng Diyos.  Ang Simbahan ang unang nagsikap na pagsama-samahin ang mga ito, bigyan ng patunay ang pagiging makatotohanan nito at sabihing isinulat ang mga ito sa inspirasyon ng Espiritu Santo.  Kaya dapat lang nating pahalagahan ang "Mga Aklat" na ito.  May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung me tiyaga akong tapusin ang mga pocketbooks o magbabad sa "wattpad",  bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi ko matagalang basahin? Ang sabi nga nila: "Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan!" 

Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya!  Maglaan tayo ng oras para dito. Kapag tayo ay nagdarasal, tayo ay nakikipag-usap sa Diyos. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin.  Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya?  Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong... isinasabuhay ba nila ito?  Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa at sa kaluluwa ng iba!  

At panghuli, subukan din nating ibahagi ang Salita ng Diyos sa ating kapwa.  Ito ang ating pagiging misyonero sa ating maliit na paraan.  Sa ika-500 Taon ng Pagdiriwang ng Anibersaryo ng ating bansa ay hinihikayat tayong magbahagi.  "We are gifted to give."  Naipahayag sa atin ang Mabuting Balita.  Taas noo nating sinasabing tayo lamang ang Kristiyanong bansa sa Timong-Kanlurang Asia.  Tayo lamang ang nabibiyaan nito.  Kaya't malaki rin ang inaasahan sa ating magbahagi ng mabuting balita ni Kristo.  Ang pananampalatayang mayroon tayo ay regalong galing sa Diyos, at ito rin ang regalong nais Niyang ibahagi natin sa iba.  Kung maraming oras tayong kayang sayangin sa mga walang kuwentang bagay o mga gawain na hindi naman talaga mahalaga, bakit hindi natin gugulin ang ating oras sa pagbabasa ng Salita ng Diyos at pagbabahagi nito.  Sa panahon ngayon na kung saan ay maunlad na ang teknolohiya ay dapat nating isabay ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos.  Gamitin natin ang mga makabagong paraan tulad ng internet at social media upang mas marami pa ang marating ng Kanyang Mabuting Balita.  Basahin, pagnilayan, isabuhay at ipamahagi natin ang Salita ng Diyos!  Ito ang dapat gawin ng isang tunay na Bible Christian.  

Sabado, Enero 16, 2021

SA KAMAY NG STO. NINO: Reflection for the Feast of Sto. Nino Year B - January 17, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ang Kapisthan ng Sto. Niño ay tinatawag din na "Holy Childhood Day!"  Hindi "ibang Jesus" ang ating pinagdiriwang bagkus ito rin ang Jesus na naghirap, namatay at muling nabuhay ngunit bago mangyari ito ay dumaan muna sa kanyang pagkabata o pagiging "Niño."  Katulad ng debosyon sa Itim na Nazareno, ang Sto. Nino ay debosyong napakalapit sa puso nating mga Pilipino.  Kung iiisipin natin ay nararapat lang sapagkat ang ating pananampalatayang Kristiyano, bilang mga Pilipino, ay naka-ugat sa Sto.  Nino.  Sa katunayan, ito ang unang imaheng ating tinanggap sa mga misyonero noong unang dumaong sa ating isla.  Nalalapit na tayo sa pagdiriwang ng ika-500 taong anibersayo ng ating pagiging Kristiyanong Katolikong bansa at kasama nito ay ang pag-alala sa pagbibigay sa atin ng imaheng ito ng Banal na Sanggol.  Ngunit isaisip sana natin na ng Kapistahan ng Sto. Nino ay hindi lang para sa mga bata.  Ito rin ay para sa ating lahat na minsan ng dumaan sa ating pagkabata o childhood.  Inaanyayahan tayo ng kapistahang ito na "maging tulad ng isang bata."  Bakit? Ano bang meron sa isang bata?  

May kuwento ng isang batang nagdarasal sa simbahan at humihingi ng bisikleta sa Diyos.  Ito ang paulit-ulit na binbanggit niya: "Lord,  bigyan mo naman ako ng bike." Kinabukasan wala siyang natanggap na bisekleta. Kaya nagdasal na naman siya at paulit-ulit na humihingi ng bike.  Pero wala pa rin siyang natanggap.  Kinabukasan napansin ng pari na nawawala ang estatwa ni Mama Mary.  Nakita niya ang isang sulat na nakalagay sa altar.  Ito ang nakasaad sa sulat: "Lord, kung gusto mo pang makita ang nanay mo, ibigay mo sa akin ang bike ko!"  Napakapayak mag-isip ng bata. Simple. Walang pakeme-keme.  Direct to the point!  Puwede rin nating sabihing siya ay tapat at totoo sa kanyang sarili.  Ngunit sa kabila nito ay nakikita rin natin ang kanyang kakulangan at kawalang kakayahan. Sabi ng isang kanta: "Batang-bata ako nalalaman ko 'to. Inaamin ko rin na kulang ang aking nalalaman at nauunawaan..." 

Ang dalawang katangiang ito ang ating magandang pagnilayan sa kapistahang ito.  Ito rin ang nais ni Jesus na tularan natin sa isang bata.  Ang sabi nga niya sa Ebanghelyong ating binasa:  "Ito ang tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya."  Kaya't nais ni Jesus na matulad tayo sa mga bata.  Ano ang ibig sabihin nito?  Ano bang mayroon ang bata na dapat nating matularan?  Ang mga bata ay may taglay na kakulangan at katapatan sa kanilang mga sarli. 

Una ang kanilang KAKULANGAN at kawalang kakayahan ay hindi isang kahinaan.  Bagkus ito pa nga ang nagpapatingkad sa isang katangiang dapat taglayin ng isang kristiyano, ang PAGTITIWALA.  Ang kalakasan ng isang bata ay ang kanyang pagtitiwala sa kanyang mga magulang.  Pansinin ninyo kapag ang isang bata ay nawalay sa kanyang ina. Siguradong iiyak siya at hindi siya titigil hanggat hindi nakikita ang kanyang nanay.  Ito rin dapat ang maramdaman nating mga kristiyano kapag nalalayo ang ating kalooban sa Diyos!  At araw-araw ay dapat na ipinapahayag natin ang ating pagtitiwala sa Kanya at inaamin natin ang pangangailangan natin sa Kanya sapagkat Siya ang ating lakas sa sandali ng ating kahinaan.  

Pangalawa ay ang KATAPATAN at pagiging totoo sa sarili.  Ang isang bata ay madaling umamin sa kanyang pagkakamali.  Ang matatanda ay laging "in denial" sa kanilang mga pagkukulang.  Lagi nilang makikita ang kamalian ng iba ngunit hindi ang kanilang mga sarili.  Ang isang kristiyano ay tinatawag sa katapatan at pagiging totoo sa kanyang "identity" bilang alagad ni Kristo.  Hindi puwede ang "doble-karang kristiyano" sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at pakikitungo sa kapwa.  Hindi puwedeng ang dinarasal sa Simbahan ay kabaliktaran ng inaasal natin sa labas.  Nawa ang Kapistahan ng Sto. Niño ay magtulak sa ating umasa sa Diyos at maging tapat sa Kanya.  

Saksi tayo sa mga nangyari nitong nakaraang taon. Hindi lang pandemiyang dala ng COVID19 ang nagpahirap sa atin.  Tinamaan din tayo ng mga bagyo, pagbaha at paglindol.  Marami ngayon ang walang tahanan at ari-arian.  Marami ang lugmok sa kahirapan at walang kasigurahan ang pamumuhay.  Ngunit ang pangyayaring ito ay nagbigay daan din upang lumabas ang malasakit at kabutihan ng ating mga kababayan.  Marami ang nagsasakrisiyo ngayon at patuloy ang pagtulong sa mga nangangailangan.  Ang debosyon sa Sto. Nino ay makapagbibigay sa atin ng lakas upang muli nating ibalik ang ating malakas na pagtitiwala sa Diyos sa gitna ng hirap at dalamhati.  Huwag tayong matakot tumulong at magbahagi.  Ang sabi nga ng isang post sa FB na nakita ko: "As we grow older, you will discover that you have two hands, one for helping yourself, the other for helping others."  At tandaan natin na kapag tayo ay nagbibigay, bagamat nabubutasan ang ating bulsa, ay napupuno naman ng kagalakan ang ating puso kaya't ipagpatuloy natin ang pagpapakita ng kabutihan sa ating kapwa. 

Tandaan nating lahat tayo ay minsan nang dumaan sa ating pagkabata. Ngunit hindi dahilan ang ating pagiging matanda upang hindi na isabuhay ang mga magagandang katangian taglay nila.  Sa katunayan, lahat tayo ay bata sa mata ng Diyos.  Lahat tayo ay NIÑO na nangangailangan ng Kanyang gabay at pagkalinga.  Tandaan lang natin na tayong lahat ay nasa kamay ng Sto. Nino.  Hindi Niya tayo pababayaan.

Maligayang Kapistahan ng Sto. Niño sa ating lahat! VIVA PIT SEÑOR!

Biyernes, Enero 8, 2021

ANAK NA KINALULUGDAN NG DIYOS - Reflection for the Feast of the Lord's Baptism Year B - January 10, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Minsan ay may batang lumapit sa akin at nagtanong:  "Father, si Jesus ba ay "Katoliko?"  Napaisip tuloy ako ng di oras! Ayaw kong magkamali ng sagot kaya't tinanong ko na lang siya: "Bakit mo naman naitanong yun?"  Sagot ng bata: "Kasi po nabasa ko sa Bibiliya na bininyagan din s'ya... Ibig sabihin naging Katoliko s'ya!"  At doon ko natintdihan na marahil ay nalito siya sa Sakramento ng binyag na kanyang tinanggap at sa binyag na tinaggap ni Jesus kay Juan Baustista.  

Sinabi ko sa kanya na magkaiba ang binyag na tinaggap ni Jesus sa ating binyag na tinanggap noong tayo ay naging Katolikong Kristiyano.  Sa katunayan ay hindi naman kinakailangang magpabinyag si Jesus kay Juan Baustista sapagkat ang binyag na ibinibigay ni Juan ay ang binyag para sa pagsisisi ng kasalanan.  Alam naman nating walang kasalanan si Jesus!  Kahit si Juan ay batid ito kaya nga't ang sabi niya "Ako po ang dapat na binyagan ninyo, at kayo ang pa ang lumalapit sa akin!"  Ang ating binyag sa kabilang dako ay totoong nag-aalis din ng kasalanan ngunit ito ay isang "Sakramento" na itinatag ni Jesus upang tayo ay maging mga anak ng Diyos at maging kabahagi ng "Pamilyang Kristiyano Katoliko" na kung saan ay si Jesus ang ulo at tayo ang nagiging bahagi ng kanyang katawan.  Ngunit sino nga ba ang dapat na binibinyagan? 

Isang katolikong matandang mayamang babae ang lumapit sa pari at nagtanong kung maari bang binyagan ang kanyang alagang aso. Napasigaw ang pari na ang sabi: "Ginang, ang binyag ay ibinibigay lamang sa tao at hindi sa hayop! Hindi maaring binyagan ang alaga mong aso!" Sagot ng matanda: "Ay ganoon po ba Father, sayang magdodonate pa naman sana ako ng isang milyong piso para sa simbahan. Hindi na bale, d'yan ko na lang siya sa simbahan ng Aglipay pabibinyagan!" sabay talikod. Panghabol naman ang pari at sinabing: "Ginang, bumalik ka... ba't di mo sinabing Katoliko ang aso mo!!!" 

Ano nga ba ang kahulugan ng binyag para sa ating mga Kristiyano? Bagamat may malaking pagkakaiba ang Binyag na tinanggap natin sa Binyag na ibinigay kay Jesus ni Juan Bautista ay makakakitaan natin ito ng parehong aral. Ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ay tinatawag na ikalawang Epipanya sapagkat dito ay muling ipinakilala ni Jesus ang tungkol sa kanyang sarili. Kung sa unang Epipanya ay ipinahayag Niyang Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan sa ikalawang Epipanya ay ipinakilala niya ang kanyang "identity" bilang "Anak na kinalulugdan ng Diyos" na nakiisa sa ating abang kalagayan. Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang. misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos

Ano naman ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama. Ang pangakong ito ay iniatang sa atin sa pamamagitan ng ating mga magulang at ninong at ninang noong tayo ay biniyagan sapagkat wala pa tayong kakahayan para gawin ito.  Ngunit ngayong may sapat na tayong pag-iisip ay inaako na natin sa ating sarili ang mga pangakong ito.  Sa katunayan ay sinasariwa natin ito lalo na sa Kapanahunan ng Pasko ng Pagkabuhay o Easter.  Ikalawa, na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at banal.  Magagawa natin ito sa simpleng paraan ng pagiging "mabubuting Kristiyano at tapat na mamamayan!"  Lagi nating sundin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng ating mga pagpili at maging maging mabubuti tayong miyembro ng lipunan na handang manindigan sa katarungan at namumuhay na mabuti na isinasalang-alang palagi ang pagtulong sa nangangailangan.  Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpaka-kristiyano.  Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan.  Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba.

Sa madaling salita ay masasabi nating "isinusugo tayo ng Diyos sa isang misyon" noong tinanggap natin ang Sakramento ng Binyag.  At ngayong taong ito na ipagdiriwang natin ang ika-500 Anibersaryo ng ating Pananampalatayang Kristiyano sa ating bansa, ay pinaaalalahan tayo sa temang dala nito:  YEAR OF MISSIO AD GENTES - Taon ng Misyon sa Mga Bansa  na tayong lahat ay misyonero.  Ibig sabihin ay may pananagutang dala-dala ang binyag na ating tinanggap at may kaukulan itong responsibilidad.  Muli nating panibaguhain ang pagsasabuhay ng kahulugan ng ating binyag bilang mga Kristiyano.  Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano... Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo... lubos na kinalulugdan ng Ama!


Sabado, Enero 2, 2021

GIFTED TO GIVE: Reflection for the Solemnity of the Epiphany Year B - January 3, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ngayon ay ang dakilang kapistahan ng EPIPANYA o ang Pagpapakita ng Panginoon.  May ilang bansa na tinatawag itong "The Second Christmas."  Dito kasi nila ginagawa ang pagbibigayan ng mga regalo bilang pag-alala sa paghahandog ng regalo ng mga pantas sa sanggol na Jesus.  Para sa ating mga Katoliko, ito ang huling linggo ng pagdiriwang ng Kapaskuhan.  Kaya nga't hindi pa rin natatapos ang pagdiriwang ng Pasko!  Nakatanggap ka ba ng regalo noong nakaraang Pasko?  Kung hindi ay huwag kang malungkot.  May kasabihan tayong "huli man daw at magaling ay maihahabol pa rin!"  Kapatid, puwede ka pang mabigyan ng regalo ngayon sapagkat ngayon nga ang tinatawag nating  "Ikalawang Pasko." Puwede mo pa ring habulin ang ninong at ninang mo na tinaguan ka o kaya naman ay ginagamit na palusot ang pandemya at sinasabing bawal kang lumabas ng bahay at magpunta sa kanila. Sabihin mo sa kanila: "Ninong, Ninang... hindi man ako makalabas ng bahay dahil bawal ngang maglibot ang mga bata, puwede mo namang i-GCASH O PAYMAYA ang aguinaldo ko! Kung gusto mo may paraan, kung ayaw mo may dahilan!"  Pero mag-ingat din tayong lahat sa pagtanggap ng regalo.  Ang nakabalot na regalo kung minsan ay punong-puno ng sorpresa!

May kuwento ng isang kura paroko na niregaluhan ng kanyang mga parokyano. Dahil sa liit ng kanyang parokya ay halos kilala niya lahat ang mga tao at ang mga kabuhayan nila. May isang batang lumapit na may bitbit na kahon na ang pamilya ay may "bake shop". Sabi ng pari: "Ah, alam ko yang dala-dala mo... cake yan 'no?" Sagot ng bata: "Ang galing mo Father, pano mo nahulaan?" "Obvious ba? e may bakeshop kaya kayo?" Sagot sa kanya ng pari. Lumapit ang ikawalang bata na may dala ring regalo na ang pamilya naman ay may pagawaan ng sapatos. "Alam ko yang regalo mo... sapatos yan!" Sabi ng pari. Laking gulat ng bata at tanong sa pari: "Pano mo nalaman Father?" "Obvious ba? May pagawaan kayo ng sapatos di ba? hehehe" Patawang sagot ng pari. Lumapit ang isa pang bata na may dalang kahon na medyo basa pa ang ilalim. May tindahan sila ng mga alak. Sabi ng pari: "Alam ko yan... alak yan." Hinipo ang basang bahagi ng kahon at tinikman. "Aha! Champagne ito... maasim!" Sabi ng pari. "Hindi po padre!" Sabi ng bata. "Mompo?" "Hindi rin po!" "E, ano ito...?" Sagot ng nakangiting bata: "Tuta po!"  Kaya nga sa susunod na pagtanggap ng regalo, ay buksan mo muna at tingnan kung ano ang nasa loob bago mo tikman! hehehe...

Ngunit kung titingnan natin ay kakaiba ang pagbibigayan ng regalo sa Pasko. Ang karaniwang paraan ay tayo ang nagreregalo sa may birthday. Ngunit sa pagdiriwang ng Pasko, ang may birthday ang nagbibigay ng regalo... tayo ang tumatanggap! Ang Epipanya ay nagsasabi sa atin na may Diyos na nagbigay ng dakilang regalo sa atin nang ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayong lahat ay maligtas!  Ito ang dakilang pagpapahayag ng Diyos ng kanyang pag-ibig sa atin.  Kaya nga ang tawag natin dito ay EPIPANYA.  

Kaya nga ang tamang pagbati ay HAPPY EPIPHANY at hindi Happy Three Kings!  Kahit saan mo kasi tingnan ay maling-mali ang pagbating ito.  Una, hindi naman sila talaga HARI. Wala naman binanggit sa Ebanghelyo ni San Mateo na mga hari ang bumisita kay Jesus.  Ang sabi sa Ebanghelyo, sila ay mga PANTAS, mga taong matatalino at may kakaibang kaalaman sa siyensya. Ikalawa,  hindi sila TATLO.  Wala namang binanggit na bilang ng mga pantas si San Mateo.  Ang sinabi ni San Mateo ay may tatlong regalong inihandog ang mga pantas nang matagpuan ang sanggol na Jesus sa sabsaban. Ikatlo, ay parang hindi angkop ang salitang HAPPY sa mga nangyayari sa atin ngayon.  Mukhang hindi na masasaya ang mukha ng iba sa atin!  Marahil  naubos na ang pera noong nakaraang Pasko at Bagong Taon! hehe.  Hindi masaya sapagkat nandyan pa rin ang pangamba ng COVID19.  Ang tamang pagbati pa rin ay MERRY CHRISTMAS dahil hindi pa naman tapos ang Pasko o kaya ay HAPPY EPIPHANY!

Kung ang pagbati natin ay Happy Epiphany o Maligayang Pagpapakita, ang tanong ay ano ba ang ipinapakita sa atin ng Kapistahang ito?  Una sa lahat, ito ay pagpapakita na si Jesus ang tagapagligtas ng lahat maging ng mga hentil.  Ang sabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso: "sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Hesus."  Ang mga pantas ay nagmula sa silangan, ibig sabihin ay hindi sila mga Hudyo.  Ipinapakita ng kapistahang ito na si Jesus ay tagapagligtas ng lahat.  Ikalawaipinakita nito kung sino si Jesus sa pamamagitan ng kanilang tatlong handog na ginto, kamanyang at mira.  Ang ginto ay kumakatawan sa pagkahari ni Jesus, ang kamanyang ay sa kanyang pagka-Diyos at ang mira ay sa kanyang pagiging tao. Ikatloipinapakita ng kapistahang ito na ang pagmamahal ay nabibigyang katuturan sa pamamagitan ng PAGBIBIGAY.  Ang mga tunay na  WISE MEN ay ang mga taong nakakaunawa na "sila rin ay mga regalo!"  We are gifts and WE ARE GIFTED TO GIVE!  Sa katunayan, ang ating buhay ay regalo na nagmula sa Diyos at kung paano natin ito isinabuhay ay ang ito naman ang regalong ibabalik natin sa Kanya.  Tanungin natin ang ating sarili: "Ang buhay ko ba ngayon ay masasabi kong kalulugod na handog sa Diyos?"  

Ang slogan ng taong 2021, ang ika-500 Anibersaryo ng Pagsisimula ng ating Pananampalatayang Kristiyano ay "We are Gifted to Give!"  Hinahamon tayo ng ating Inang Simbahan na maging mapagbigay sa lahat!  Walang pinipili ang Diyos! Lahat ay nais Niyang maligtas. Ang kaligtasan ay alok Niya para sa lahat.  Sana, tayo rin ay maging mas "Katoliko" sa ating pagbibigay.  Para sa lahat!  Walang pinipili. Walang itinatangi.  

May magandang ginawa ang mga pantas pagkatapos nilang makita ang sanggol at pagbawalan ng anghel sa panaginip, nag-iba sila ng landas. Hindi sila bumalik kay Herodes. Marahil oras na, na tulad ng mga pantas, na talikuran natin ang DATING DAAN at tahakin ang BAGONG DAAN! Huwag na nating balikan ang malawak na daan ng masasamang pag-uugali at pilitin nating tahakin ang daang makitid ng pagbabagong-buhay! Ang kaligtasang regalo ni Jesus ay para lamang sa mga "wais" tulad ng mga "wise men.  At ang mga tunay na "WISE MEN" ay tuloy-tuloy sa "paghahanap" sa Kanya.  "Wise men still seek Him."  Araw-araw nating hanapin ang Diyos sa ating buhay.