Sabado, Pebrero 27, 2021

GLORY IN THE CROSS: Reflection for 2nd Sunday of Lent Year B - February 28, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Sabi sa isang text na aking natanggap: "NO PAIN, NO GAIN! NO GUTS, NO GLORY! NO ID, NO ENTRY!" Sa mga malalim mag-isip, marahil ang tanong ay "Ano'ng connect?"  Ang  "No pain, no gain" ay mantra ng mga atleta.  Ang "No guts, no glory" ay sigaw naman ng mga sundalo.  Ang "No ID no entry" ay para naman sa mga... security guard?  Hindi. Kung ating pagninilayang mabuti, ito ay para sa ating mga Kristiyano.  Bakit?  Ano ba ang dapat na ID o identification nating mga Kristiyano para makapasok sa pintuan ng langit? 

May kwento ng isang batang nakakita ng "pupa" na malapit ng maging paru-paro na nakasabit sa isang puno. Tamang-tamang nakita niya ang unti-unting paglabas ng tila isang uod sa kinalalagyan nitong cocoon. Nakita ng bata ang hirap na hirap na pagpupumilit nitong lumabas. Sa sobrang habag nito ay kumuha siya ng gunting at ginupit ang pupa. Nakalabas naman ang kaawa-awang nilalang ngunit sa laking pagkadismaya niya ay isang "malnourished na paro-paro" ang kanyang nakita na hindi halos maibukas ang di pa kumpletong pakpak.  Hindi naunawaan ng bata na kinakailangan talaga nitong maghirap sa paglabas upang makakuha ng kinakailangang "fluids" sa katawan at magamit ito upang magkaroon ng isang malakas at magandang pakpak upang maging isang ganap na paruparo.

Ang ID ng isang Kristiyano para makapasok sa pintuan ng langit ay katulad din ng ID na ginamit ni Jesus para makamit ang kaluwalhatian ng pagkabuhay... ang KRUS NG PAGPAPAKASAKIT AT PAGHIHIRAP. Kaya nga sa panahon ng Kuwaresma ay nakikibahagi tayo sa paghihirap ni Jesus.  Sa panahong ito ay hinihikayat tayong pagnilayan ang tinatawag na "Passion of the Cross".  Sa katunayan, isang debosyon na dinarasal tuwing sa panahon ng Kuwaresma ay ang "Daan ng Krus".  Sapagkat ito ang daan na piniling tahakin ni Jesus.  Sa katunayan ay maari namang iligtas ni Jesus ang tao sa paraang mas madali at walang paghihirap.  Pero bakit niya pinili ang mahirap at masakit na paraan?  Ito ay upang ipaalam sa atin ang laki ng kanyang pagmamahal na hindi kailanman mapapantayan at mababayaran.  Ngunit alam naman nating hindi nagtapos sa paghihirap at kamatayan ang pag-aalay ni Jesus ng buhay, ito ay magbibigay daan sa kanyang kaluwalhatian... ang kanyang muling pagkabuhay!

Ang Ebanghelyo sa tuwing ikalawang Linggo ng Kuwaresma ay tungkol sa "Pagbabagong Anyo ni Jesus" na nasaksihan ng kanyang tatlong piling alagad na sina Pedro, Santiago at Juan noong sila ay dinala ni Jesus sa bundok ng Tabor.  Sa anung kadahilanan sila dinala ni Jesus?  May layunin si Jesus kung bakit sila isinama.  May mensahe siyang nais ipabatid sa kanila upang maunawaan nila kung sino ba talaga siya at kung ano ang dapat niyang maging misyon. "Guro, mabuti pa'y dumito na tayo!" ang sabi ni Pedro pagkatapos niyang makita ang pagbabagong anyo ni Jesus. Marahil ay manghang-mangha si Pedro sa kanayang nasaksihan at ayaw na n'yang magising sa pagkamangha. Ngunit pagkatapos ng pangitain ay bumaba uli sila sa bundok upang harapin ni Jesus ang Kanyang paghihirap at kamatayan. Kailangan N'yang daanan muna ang daan ng Krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay. 

Bakit kinakailangan masaksihan ng mga alagad ang pagbabagong anyo ni Jesus?  Batid na ni Jesus ang kanyang daang tatahakin upang masunod ang kalooban ng kanyang Ama ngunit hindi ng kanyang mga alagad.  Ang "Daan ng Krus" na pinili ni Jesus na tahakin ay siguradong magpapahina sa kanilang kalooban.  Kaya't minabuti ng Panginoon na bigyan sila ng sulyap ng kaluwalhatiang mayroon siya.  Ang kanyang pagbabagong-anyo at ang paglabas sa kanyang tabi ng dalawang dakilang tao ng Lumang Tipan si Moises at si Elijah, ay sapat ng patunay upang mapasigla at mapalakas ang puso ng mga alagad sa sandaling masaksihan nila ang paghihirap ni Jesus.  May kaluwalhatian sa kanyang pagbabagong-anyo, ngunit bago makamit ito ay dapat munang tahakin ni Jesus ang "Daan ng Krus" na inilatag sa kanya ng kanyang Ama.  

Ito rin ang daan na nais ni Jesus na ating tahakin. 'Wag nating ayawan ang mga paghihirap na ibinibigay ng Diyos sa atin. Ito ay ang mga krus na dapat nating pasanin araw-araw kung nais nating makasama si Jesus. May kaluwalhatiang naghihintay tulad ng ipinaranas ni Jesus sa mga alagad ngunit hindi nito tinatanggal ang mga kahirapang dapat nating harapin.  Magsakripisyo tayo sa matapat na pagtupad ng ating mga tungkulin ito man ay maliit o malaki. "Sacrum facere" ang pinagmulan ng salitang "sacrifice".  Dalawang salitang Latin na ang ibig sabihin ay "to make holy" o gawing banal.  Tandaan natin  na sa tuwing tayo ay gumagawa ng sakripisyo ay nagiging banal tayo.  Ibig sabihin ang paghihirap na dala ng ating pagtratrabaho, pag-aaral o simpleng pagtupad ng ating mga  gawaing bahay ay maaring magpabanal o magpabuti sa atin.

Ang pagbibigay din ay nangangahulugan ng paggawa ng sakripisyo.  Bakit?  Sapagkat sa tuwing tayo ay nagbabahagi ng kung anung mayroon tayo ay may nawawala sa atin.  Kaya nga ang kawang-gawa sa panahon ng Kuwaresma ay isang uri ng pagbabanal para sa atin.  Kasama ng malalim na panalangin at pag-aayuno o abstinensiya, ang kawangga ay maaring maging daan natin sa kabanalan.  Kaya nga may dapat patunguhan ang ating mga sakripisyo at iyon ay walang iba kundi ang pagtulong o pagkakawang-gawa sa ating kapwa.  Tangkilikin natin ang "Alay-Kapwa" na ating isinasabuhay tuwing panahon ng Kuwaresma ng sa gayon ay magiging mas makatotohanan ang pagdarasal at pagsasakripisyo na ating gagawin.

Sa araw na ito ay pinagsuot tayo ng kasuotang kulay puti.  Bahagi ito ng katekesis na nais ibigay sa atin ng Simbahan para sa ika-limangdaang anibersaryo ng ating pananampalatayang Kristiyano dito sa Pilipinas.  Nais bigyang diin nito ang "kaluwalhatian" at "karangalang" ating tinanggap noong tayo ay bininyagan.  Kung paanong si Jesus ay nagbagong anyo at "nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti" ay gayun din ang nangyari noong tayo ay bininyagan.  Tinaggap natin ang dakilang karangalan bilang mga anak ng Diyos na siyang sinasagisag ng puting damit na isinuot natin.  At ang hamon sa atin ay panatilihin nating malinis at walang bahid dungis ang karangalang ito.  

Ang sabi ni San Pablo: "If we died with Christ, we believe that we shall also rise with him!"   Ang "Daan ng Krus" ay ang ID na dapat ay suot-suot natin kung nais nating makapasok sa pintuan ng langit kasama ng "puting kasuotan" o karangalan ng isang pagiging anak ng Diyos.  Ngayon maiintindihan na natin kung bakit ko sinabing NO PAIN, NO GAIN. NO GUTS, NO GLORY. NO ID, NO ENTRY!

Sabado, Pebrero 20, 2021

PAGTATAGUMPAY SA TUKSO: Reflection for 1st Sunday of Lent Year B - February 21, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Sinimulan natin noong nakaraang Miyerkules ng Abo ang ating apatnapung araw na paglalakbay sa panahon ng Kuwaresma o ang ating Lenten Journey.  Ano ba ang Kuwaresma? Ang Kuwaresma ay ang apatnapung araw na paghahanda natin para sa pagdiriwang ng Misteryo Paskuwa ni Jesus: ang kanyang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay.  Ngunit hindi lang ito mga araw ng paghahanda.  Ito rin ay mga araw ng pagdidisiplina sa ating sarili sapagkat "malakas ang ating kalaban".  Sa katanuyan ang Kuwaresma ay maaring tawaging "taunang pagsasanay sa pagiging mabuting kristiyano."  Pansinin na sa Panahon ng Kuwaresma tayo ay hinihikayat na magdasal, mag-ayuno at magkawangga.  Sinasanay natin ang ating mga sarili sa tatlong gawaing ito upang mailayo natin ang ating sarili sa kasalanan at nang sa gayon ay mapalapit naman tayo sa Diyos.  Hindi ba't ito ang ibig sabihin ng pagiging mabuting Kristiyano?  Pagtatakwil sa kasalanan at pagsampalataya sa Diyos na siyang ipinangako natin sa binyag.  Ano bang malakas na kalaban ang ating pinaghahandaan?  Walang iba kundi ang TUKSO ng demonyo na mahirap tanggihan o labanan kapag ito ay nasa atin ng harapan.

May kuwento na minsan ay may isang lalaki na nagdiwang ng kanyang kaarawan.  Laking gulat niya na pagkagising niya sa umaga ay walang bumati sa kanya.  Walang pagbati mula sa kanyang asawa at mga anak.  Parang isang ordinaryong umaga lang ang nangyari... abala ang nanay sa paghahanda ng agahan at nagmamadali ang mga anak sa pagpasok sa eskwela.  Maging sa pagpasok niya sa opisina ay tila walang nakaalala ng kanyang kaarawan. Mula sa security guard hanggang sa kanyang mga kaibigan ay walang bumati sa kanya. Kaya't gayun na lamang ang kanyang pagkalungkot.  Mabuti na lang at bago matapos ang araw ay nilapitan siya ng kanyang maganda at batang-batang sekretarya at mapanghalinang bumati ng "Happy birthday sir...!"  At sinundan pa ng panunuksong "Sir, mamya magcelebrate tayo ng birthday sa apartment ko!"  Medyo kinabahan siya ngunit dahil sa sobrang lungkot ay pumayag din s'ya.  Pagdating sa apartment ay laking gulat niya sapagkat parang nakahanda na ang lahat. Malamig ang aircon, nakadimlights ang kuwarto, may red wine sa tabi ng sofa.  "Sir maghintay ka lang ng kaunti ha? Magpapalit lang ako ng mas kumportableng danit."  Lalong kinabhan ang lalaki.  Hindi niya alam ang kanyang gagawin.  Paglipas ng nga labinlimang minuto biglang bumukas ang mga ilaw at lumiwanag ang paligid.  Sabay labas ng mga taong nagtatago at sumigaw ng "HAPPY BIRTHDAY!!!"  Naroon pala ang kanyang asawa, mga anak, mga katrabaho at kaibigan.  Laking gulat nila ng makita ang lalaki na wala ng suot na pantalon at damit! hehehe...  

Ang tao talaga, madaling bumigay sa tukso!  Likas sa tukso ang lumapit. Lalapit at lalapit ito sa atin hanggang mahalina niya tayo sa paggawa ng kasalanan.  Kaya nga't mali ang sinasabi ng kantang "O tukso layuan mo ako!" sapagkat kailanman ay hindi lumalayo ang tukso sa atin.  Sa halip tayo ang dapat na lumayo dito!  Tama nga ang kasabihang "Kung ayaw mong SUNDAN ng TUKSO, wag kang UMARTE na parang INTERISADO!"

Si Hesus nga na anak na ng Diyos ay nilapitan din ng tukso.  Ang malaking pagkakaiba lang ni Hesus sa atin ay alam niya kung paano labanan at pagtagumpayan ang tukso. Dalawang paraan ang ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma para mapagtagumpayan ang tukso: ang PANALANGIN at PAG-AAYUNO.  Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita! Apatnapung araw at gabi ang ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno. Ang panunukso ng diablo ay nangyari nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus. Ngunit sa kahinaan ng kanyang katawan ay naroon naman ang kalakasan ng kanyang espiritu na pinatatag ng panalangin at pag-aayuno.  

Tayo rin ay pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga oras na tayo ay mahina.  Ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno o paggawa ng sakripisyo tulad ng ginawa ni Jesus.  Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin natin ang ating buhay panalangin at sanayin natin ang ating sarili sa paggawa ng mga sakripisyo.  Tapatin natin ang ating mga sarili at tanungin: "Ilang oras ba ang ginugugol ko sa pagdarasal sa isang araw?"  Magugulat tayo na kakaunti kung ikukumpara natin sa ibang gawain ang ginugugol natin sa pagdarasal.  At lalo na siguro ang paggawa ng sakrispisyo dahil hindi natural sa ating pagkatao ang hanapin ang kahirapan at yakapin ito.  Mas nais natin ang buhay na masaya, magaang at maaliwalas!   Tingnan natin dalawang gawaing ito:

Una ay ang pagdarasal.  Ito ay ang paglalaan natin ng oras para sa Diyos.  Sa pagdarasal ay binibigyan natin ang Diyos ng puwang sa ating maabalang pamumuhay.  Ano ang parating dahilan natin paghindi tayo nakapagsimba? "Nawalan po ako ng oras sa dami ng aking ginagawa!" Ngunit kung iisipin ay hindi naman dapat tayo nawawalan ng oras para sa pagdarasal sapagkat hindi naman nababawasan ang ating ginagawa magsimba man tayo o hindi.  Ang problema marahil ay ang ating "priorities" o pinahahalagahan sa buhay.  Kung talagang mahalaga sa  'yo ang panalangin ay maglalaan ka ng oras para dito. Ang panalangin ay hindi lamang pakikipag-usap sa Diyos. Ito rin ay pakikinig sa Kanya. Madalas kapay ag nagdarasal tayo ay tayo parati ang nagsasalita. Bakit hindi naman nating subukang ang Diyos ang magsasalita sa atin? Magandang ugaliin na sa maraming kaabalahan natin sa buhay ay binibigyan natin Siya ng puwang para mangusap sa atin.

Pangalawa ay pag-aayuno na isang paraan ng pagsasakripisyo. Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan.  Hindi kinakailangang malaki: simpleng pagbawas sa  mga bagay na nakapagbibigay sa atin ng kasarapan sa buhay tulad ng pagkain, libangan, hilig o bisyo. Kapag gumagawa tayo ng pag-aayuno o abstinensiya ay tinatanggihan natin ang kasarapan ng katawan at dahil d'yan ay napapalakas ang ating kaluluwa.  Ngunit hin lang nito napapalakas ang ating kaluluwa, nagiging banal din tayo kapag tayo ay gumagawa ng sakripisyo. Sa katunayan ay ito ang kahulugan ng pinanggalingan ng salitang sacrifice sa latin:  "sacrum facere" na sa ingles ay "to make holy".   Ang paggawa ng sakripisyo ay nahahatid sa atin sa kabanalan!

Magandang ang ating paggawa ng sakripisyo ay may pinatutunguhan.  Tuwing Panahon ng Kuwaresma ay hinihikayat tayong magkawanggawa.  Ang Simbahan ay may taunang proyekto na ang tawag ay ALAY-KAPWA.  Bakit hindi natin ipunin, kung mayroon man, ang salaping matitipid natin sa ating pag-aabstinensiya? Sa bawat Linggo ay may "second collection" na gagawin at magandang dito natin ialay ang mga malilikom natin. Mas magiging makahulugan ang ating pagbibigay kung ito ay mangagaling sa ating paghihirapan ngayong panahon ng Kuwaresma.

'Wag na nating hintayin pang kumatok ang tukso sa pintuan ng ating puso, patuluyin at pagkapehin! Huwag natin siyang bigyan ng pagkakataon na aliwin tayo. Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo, panalangin at pagkakawang-gawa ay mapagtatagumpayan natin ang anumang pang-aakit ng diyablo!  Tandaan natin na ito ay ginagawa natin sa diwa ng pag-ibig.  PRAY is love for God.  FAST is love for yourself.  GIVE is love for others.  

Martes, Pebrero 16, 2021

HUWAG PAKITANG TAO: Reflection for Ash Wednesday Year B - February 17, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Miyerkules na naman ng Abo! Susugod na naman tayo sa simbahan upang madumihan ang ating noo.
Ngunit dahil ngayon ay pinapairal pa rin ang "no touch policy" may pagbabago tayong gagawin sa pagtanggap ng abo.  Hindi na ito itatak sa ating mga noo bagkus ito ay ibubudbod sa ating bumbunan ayon sa nakaugalian ng mga tao sa Lumang Tipan at bilang pag-iingat na rin upang hindi lumaganap ang COVID19 na hanggang ngayon ay pinangangambahan pa rin ng marami lalo na't may mga bagong variant na lumabas.  Subalit tandaan natin na hindi mahalaga sa Diyos kung saan o paano ilalagay sa iyo ang abo.  Higit na mahahalaga sa Diyos ang estado o kalagayan ng puso mo.  Kung may krus ka ng abo sa iyong noo o sa ibabaw ng iyong ulo, hindi ibig sabihin na sikat ka, o kaya naman ay "pabanal effect" lang ito, o ubod ka na ng linis! Tandaan mo na ang abo sa iyong ulo ay nagsasabing makasalanan ka kaya humihingi ka ng tawad sa Diyos at ang krus ni Kristo lamang ang nagmamay-ari sa iyo at magliligtas sa iyo! 

Ang Miyerkules ng Abo ang nagpapasimula sa ating apatnapung araw na paglalakbay sa Panahon ng Kuwaresma na kung saan ay makikiisa tayo sa paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus. Panahon na naman na kung saan ay hihikayatin tayong palalimin ang ating buhay panalangin. Panahon na naman na kung saan ay makakaramdam tayo ng gutom sa paggawa ng ayuno at abstinentia.  Panahon na naman upang makapagbigay tayo ng tulong sa ating kapwa lalo na ang higit na nangangailangan.  Ngunit pinaaalalahanan tayo na gawin natin ang mga ito sa tamang diwa at iwasan natin ang pagiging mapagpaimbabaw.

Nakagawian na ni "Pepeng Mandurukot" ang dumaan sa Simbahan ng Quiapo at magdasal sa kanyang paboritong patrong Poong Nazareno pagkatapos ng maghapong pagtratrabaho. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng matalas na mata! Nakadukot ako ng cellphone sa katabi ko kanina sa bus na walang kahirap-hirap!" Bigla siyang may narinig na mahiwagang tinig: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulat siya sa sagot na kanyang tinanggap. Hindi niya ito gaanong binigyang pansin. Kinabukasan pagkatapos ng kanyang "trabaho" ay muli siyang dumaan sa simbahan. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng mabilis na kamay at paa. Hindi ako inabutan ng pulis na humahabol sa akin!" Muling lumabas ang mahiwagang tinig na ang wika: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulumihanan si Pepe at sa puntong ito ay di na napigilang magtanong. "Panginoon, ikaw ba yan? Anung ibig sabihin mong mapalad ako?" At sumagot ang tinig: "Mapalad ka Pepe at mabigat itong krus na pasan-pasan ko. Kung hindi ay ibinalibag ko na ito sa iyo!" hehehe...

Marahil ay kuwento lamang ito ngunit may inihahatid sa ating mahalagang aral: Ang tunay na relihiyon ay wala sa panlabas na pagpapapakita ngunit nasa panloob na paniniwala at panlabas na pagsasabuhay nito.  Sa ating Ebanghelyo ay tinukoy ni Jesus ang tatlong gawain ng mga Hudyo na kanilang metikulosong isinasagawa:  ang pagsamba o pagdarasal, ang pagkakawanggawa, at ang pag-aayuno.  Sinabi ni Jesus na gawin nila ito ng sikreto at hindi upang makita ng iba upang malubos nila ang gantimpala mula sa Diyos.  "Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang nakaaalam nito. Siya, na nakakikita ng kabutihang ginagawa mo ng lihim, ang gaganti sa iyo."  

Pinag-iingat tayo ni Jesus sapagkat baka matulad din tayo sa kanila at maging mga tila "modernong pariseo" na mas binibigyan ng halaga ang panlabas na pagpapakita ng pananampalataya.  Marami sa ang tila nagiging mga "banal na aso" at "santong kabayo sa ating buhay Kristiyano.  Ang panahon ng Kuwaresma ay hindi lang pakikiisa sa paghihirap ni Kristo.  Ito rin ay mga araw ng pagdidisiplina sa ating katawan upang mas mangibabaw ang kagandahan ng atin kaluluwa.

May kuwento ng isang dalagita na nagsabi sa isang pari : "Father, di ko na kailangang magfasting ngayong Lent! Matagal ko po'ng ginagawa yan... nagdidieting naman po ako!" "Ineng," ang sabi ng pari, "ang dieting na gingagaw mo ay para maging kahali-halina ang figure ng iyong katawan, ang fasting ay para maging kaaya-aya ang kaluluwa mo."  Ito dapat ang iniisip natin tuwing papasok ang kuwaresma: "Paano ko ba magagawang kahali-halina ang aking kaluluwa?  Paano ko ba mapapabanal ang aking sarili?" Madami na tayong pagdisiplinang ginagawa sa ating katawan. Kung tutuusin ay labis na ang ating pag-aalaga dito. Pansinin mo na lang ang mga produktong lumalabas sa mga advertisements sa television: may non-fat milk, may sugar free na cofee, may mga diet softdrinks, at marami pang iba. Halos lahat ay para sa mapanatili ang magandang pangangatawan. Kailan pa natin pagtutuunan ng pansin ang ating kaluluwa?

Ang panahon ng Kuwaresma ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang mapahalagahan ang ating kaluluwa.  Sa pamamagitan ng pag-aayuno ay madidisiplina natin ang ating kaluluwa. Sa pamamagitan ng panalangin ay mapapalalim natin ang ating kaugnayan sa Diyos. At sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa ay tinatalo natin ang ating pagkamakasarili! Ngunit pansinin na balewala ang lahat ng ito, kahit na ang mismong paglalagay ng abo sa ulo, kung di naman bukal sa ating sarili ang pagnanais na magbago. Muli ay pansinin natin ang mensahe ng ebandhelyo ngayon: Balewala ang paggawa ng mabuti, pagdarasal at pag-aayuno kung pakitang-tao lamang!

Isapuso natin ang tunay na pagbabago! Ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa kaibuturan ng puso ng tao at hindi sa panlabas na pagpapakita nito. Pakinggan mong mabuti ang sasabihin ng pari kapag nagpalagay ka ng abo... "Magsisi ka sa iyong mga kasalanan at sumampalataya sa Ebanghelyo!" Iyan ang tunay na pagbabago at iyan ang dapat na isasaloob natin sa apatnapung araw ng Kuwaresma.











Sabado, Pebrero 13, 2021

LOVING THE UNLOVABLE: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year B - February 14, 2021 - YEAR OF MISSIO ADGENTES

Happy Valentines Day sa inyong lahat!  Ngayon ang Araw ng mga Puso, araw na kung saan ay pinapaalalahanan tayo na dapat tayong magpakita ng pagmamahal sa ating kapwa.  Sa pagpapakita ng pagmamahal ay gumagamit tayo ng mga simbolo.  May naibigay ka na bang regalo sa minamahal mo?  Kung wala pa ay makatutulong ang simpleng tips na ito para naman maging makahulugan ang iyong pagpapakita ng pagmamahal. 

Para sa mga "lovers", maganda daw na magbigay ng "Green Roses".  Sinasabi nila na ito ay sumisimbolo sa pagmamahal na walang hanggan. Para naman sa "crush" mo, ok ng magbigay ka ng "white chocolates", na sumisimbolo naman sa malinis na pagnanais mo sa kanya.  Para naman sa mga "magkaibigan lang" ay puwede na ang "pink baloons" na sumisimbolo naman sa kasiyahan na naibibigay ng presensiya mo sa kanya.  At sa huli, para sa mga "pusong sawi" na nadurog ng pagkabigo ay bigyan mo siya ng RED... bigyan mo siya ng RED HORSE, "extra-strong" ha?  Para mas maging matatag ang kanyang pagtanggap sa kabiguan! hehehe...  Ano pa man ang intensiyon mo sa pagbibigay ay samahan mo ito ng pagmamahal na walang itinatangi at pinipili.  Sapagkat ang tunay na pagmamahal ay hindi lang para sa mga taong kaibig-ibig ngunit maging sa ma taong UNLOVABLE.

Kaya nga't para sa isang Kristiyano, ang simbolo ng pag-ibig ay hindi ang puso kundi ang krus. Bakit?  Sapagkat ang puso ay TUMITIGL SA PAGTIBOK, samantalang ang nakapako sa krus PATULOY SA PAGMAMAHAL.  Ang pagmamahal na ito ay walang pinipili o itinatangi... UNCONDITIONAL LOVEAng nakapako sa krus ay patuloy sa pagmamahal lalong-lalo na sa mga taong hindi kaibig-ibig.  Sa ating mga pagbasa ngayon ay may mga taong matatawag na "unlovable" sapagkat sila ay iniiwasan, hinihiwalay at pinandidirihan.  Sila ang mga "ketongin".  Sa Unang pagbasa ay ipinakita ng Aklat ng Levitiko ang kaawa-awang kalagayan ng isang taong may sakit na ketong.  "Ang may ketong ay dapat magsuot ng sirang damit, hindi magsusuklay, tatakpan ang kanyang nguso at laging sisigaw ng 'Marumi! Marumi!' Hanggang may sugat, siya'y ituturing na marumi at sa labas ng kampamento mamamahay na mag-isa."  Ito ay sapagkat ang sakit na ketong ay itinututing na walang lunas at nakakahawa ng panahong iyon. Bagamat ngayon ay may lunas na ang sakit na ketong, gayunpaman ay kinatatakutan pa rin ito ng ilan.  

Noong kapanauhan ni Jesus ang ketong ay iniuugnay sa kasalanan.  Kaya nga't ang isang may ketong na gumaling sa kanyang sakit ay dapat magpasuri sa mga saserdote.  Paano hinarap ni Jesus ang "unlovable" na ito?  Sa halip na umiwas ay hinayaan niyang magpahayag ang ketongin ng kanyang saloobin, "Kung ibig po ninyo, mapapagaling n'yo ako!"  At dahil sa kanyang pagnanais na gumaling ay ipinagkaloob ni Jesus ang kanayang kahilingan, "Ibig ko, gumaling ka!" 

Sa ating kasalukuyang panahon, bilang mga tagasunod ni Jesus, ay tinatawagan din tayong magkaroon ng bukas-pusong pagtanggap sa taong "unlovable."  Marahil wala tayong biyaya ng pagpapagaling ngunit tandaan natin na hindi lang naman "physical healing" ang maari nating ibigay.  Higit sa "physical healing" ay may tinatawag tayong "spiritual healing" na kung minsan pa nga ay nagsisilbing daan  ito upang makamit ng isang maysakit ang ganap na kagalingan.  Ang sakit na "ketong" sa ating Ebanghelyo ay sumisimbolo hindi lamang sa pisikal na karamdaman.  Ito rin ay tumutukoy sa katayuan ng mga taong hinihiwalay, iniiwasan, pinandidirihan.  Ang Simbahan ay dapat magbukas ng pintuan para sila ay tanggapin.  Ito ang nais ni Papa Francisco na gawin natin: tangkilikin ang mga kapatid nating nahihiwalay dahil sa ating pagtataboy at malamig na pakikitungo sa kanila.  Hindi sapat ang magpakita ng pagmamahal, dapat ay maging kaibig-ibig tayo sa kanila.  "To let ourselves be loved!" Hindi ito madali sapagkat nangangahuugan ito na dapat nating labanan ang isang bagay na laging nagsisilbing sagabal upang maging "lovable" tayong mga tao... at iyan ay ang ating sarili.  Pansinin ninyo na sa salitang "pride", ang nasa gitna ay ang letrang "I",  pareho din sa salitang "sin."  At ano ang "I" na ito?  Walang iba kundi ang ating sarili, ang ating mapagmataas at mayabang na sarili. 

Mahirap unahin ang iba kapag ang sarili natin ang umiiral.  Mahirap maging "lovable" sa iba kapag ang pagiging makasarili natin ang naghahari.  Mas masahol pa ito sa sakit na ketong sapagkat hinihiwalay nito ang ating sarili sa ating kapwa at sa Diyos.  "Let go and let God!"  Ito ang susi sa isang buhay na masaya.  I-let go natin ang ating pagiging makasarili at hayaan natin ang Diyos na gumalaw sa atin.  Sa ganitong paraan mas madali nating mabubuksan ang ating puso at mapakikitaan ng pagmamahal ang mga UNLOVABLE.

Sabado, Pebrero 6, 2021

IPAGPASALORD MO: Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time Year B - February 7, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES (Misyon ng Sambayanan)

"Life is difficult!" 
Ito ang panimulang pangungusap ng isang manunulat na si Scottpeck sa Best Seller n'yang libro na pinamagatang "The Road Less Treavelled."  Totoo nga namang mahirap ang buhay!  Naalala ko yung aming religion teacher noong ako sa 1st Year High School na laging itinuturo sa amin na ang buhay daw ay "hirap... hirap... hirap... ginhawa!"  Ito rin ang pinaalala sa atin sa unang pagbasa sa Aklat ni Job: "Ang buhay ng tao'y sagana sa hirap, batbat ng tiisin at lungkot na dinaranas."  Lalo ngayong panahon ng pandemia ay sigurado akong hindi ninuman maitatanggi ang katotohananng ito.  Maraming problema, pagsubok, pasanin... tayong kinakaharap sa buhay!  

Nabibigatan ka na ba sa mga suliranain at problemang hinaharap mo ngayon?  Paano mo ba hinaharap ang maraming paghihirap na dumarating sa iyo araw-araw bilang isang Kristiyano?  Bakit di mo subukang magPASALORD?  Hindi natin marahil namalayan ngunit noong nakaraang February 4, ika-12 ng tanghali ay sabay-sabay na dinasal sa buong bansa ang PASALORD PRAYER. Sinimulan ito noong July 7, 2017 ng grupong Pasalord Movement bilang tugon sa maraming kahirapang kinakaharap ngayon ng ating bansa.  Maganda ang nais ipahiwatig ng salitang "PASALORD".  Sinasabi nito na may mga bagay na hindi natin kayang gawin, may mga prolemang hindi natin kayang lutasin at may mga pasaning di natin kayang buhatin na tanging Diyos lang ang makabubuhat. Kaya nga't kung sa palagay mo ay hindi mo na kayang pasanin ang mga problemang dala-dala mo... ipagPASADiyos mo! Bakit dapat natin ipagPASAlord ang ating mga tiisin at hirap sa buhay? Sapagkat ramdam n'ya tayo.  Alam niya ang ating abang kalagayan!  Kung minsan ay pinagdududahan natin ang kanyang maka-amang pag-aaruga sa atin.  "Lord, mahal mo ba ako?" 

Isang ngo-ngo ang despiradong nagdasal sa loob ng Simbahan. Lagi na lang siyang niloloko ng kanyang mga kasama dahil sa kanyang kapansanan kaya madalas siyang nadadala ng depression.  Sa sobra niyang pagkalungkot ay buong tapang niyang tinanong ang Diyos kung talagang mahal pa siya nito. Nakita niya ang isang malaking krusipiho sa bandang sacristy at buong lakas niyang sinabi: "Mainoon, maal mo ma ao? (Panginoon, mahal mo ba ako?) Mait ao niloloo ng mga ao? Mait mo ako inawang ngo-ngo? Anung aalanan o? Tahimik ang paligid. Walang sumagot. Kaya't muli niyang isinigaw: "Mainoon maal mo ma ao? Umaot ka kun undi, magpapaamatay ao!" May nakarinig pala sa kanya, ang sakristan na isang ngo-ngo rin na nakasimpatya sa kanyang abang kalagayan kaya't sumagot siyang patago: "Ngo-ngo... maal na maal ita. Iniiip nilay indi maalaa. Maal ita maing ino a man..." Sagot si ngo-ngo: "Mainoon... ngo-ngo a rin?" 

Sa Ebanghelyo ay ating narinig na si Jesus ay anging takbuhan ng mga taong nakararanas ng paghihirap dala ng kanilang karamdaman. Naging takbuhan siya ng mga taong maysakit at inaalihan ng demonyo. Binigyan niya ng lunas ang kanilang mga hilahil. Subalit siya rin naman ay nabagabag sa mga hirap na dinaranas ng mga tao. Kaya nga madaling araw pa lamang ay tumutungo na siya sa isang ilang na pook upang dalhin sa kanyang Ama ang mga pinapasang hirap ng mga tao. "Madaling-araw pa'y bumangon na si Hesus at nagtungo sa isang ilang na pook at nanalangin."  Kailan ko ba ipinasa sa Diyos, sa pamamagitan ng taimtim na pagdarasal, ang aking mga hinanaing sa buhay?  Itong bang hirap na dala ng pandemiya ay tinuruan akong lumapit sa Panginoon at magtiwala sa kanya?  Nakapanlulumong isipin na may ilan sa atin na hindi na nagdarasal, hindi na nagsisimba, hindi na marunong tumawag sa Diyos!  Marami sa ating mga Katoliko ang napaniwalang ang pagsisimba ay "non-essential" sa ating buhay.  

Kaya maganda sigurong ibalik nating ang ating sigasig sa ating pananampalataya.  Kahapon ay nagkaroon ng simpleng sermonya ng pagbubukas ng ika-500 taong anibersaryo ng ating pagiging Kristiyanong bansa.  Natutugma ito sa krisis ng pananampalataya na ating kinakaharap ngayon.  Simbolikong tinanggap ng mga dumalo ang "Mission Cross"  na ipapamahagi din namin sa inyo bilang paalaala na tayong lahat ay mga misyonero na may pananagutan sa ating pagpapalaganap at pagpapalalim ng ating pananampalataya!  

Matuto tayong magPASALORD ng ating mga pasanin sa buhay.  Magtiwala tayo sa Diyos na hindi niya tayo pababayaan at patuloy siyang mag-aaruga sa atin.  Gawin natin ang lahat ng may pagmamahal at ang ating mga pasanin ay magiging magaang. Binayayaan tayo ng Diyos ng kanyang pag-ibig upang maiparamdam din natin sa iba. "We are gifted to give not only our faith but also our love!"  Mas nababawasan ang hirap ng buhay kapag marunong tayong magmahal.