Naitanong mo na ba sa iyong sarili kung "ano ang MAJOR MAJOR MISTAKE na nagawa mo sa iyong buhay?" Hindi madali ang katanungang ito sapagkat hindi natural sa atin ang aminin ang ating sariling pagkakamali. Hindi madali sapagkat tayong lahat ay may angking kayabangan at pagmamataas sa ating mga sarili. Isang turistang hapon ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila. Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. "This building is big! How long did you build this buidling?" "More or less one year!" Sabi ng driver. "One year? Too slow! In Japan, 6 months... very, very fast!" Payabang na sagot ng hapon." Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng hapon: : "Ah... this building is very big! How long did you take to build it?" "5 months!" sabi ng tsuper. "5 months??? very slow! In Japan, only 3 months... very, very fast!" Payabang na sabi ng hapon. Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay... sa Mall of Asia. "Wow! This building is very, very big! How long did you build it?" Payabang na sagot ng driver: "Only 2 months!" Sigaw ang hapon: "2 months??? Very slow... in Japan only 1 month... very, very fast!" Napahiya na naman ang Pilipino. Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. "Ok Mr. Japanese, pay me 10 thousand pesos!" Sagot ang hapon: "10 thousand? Very expensive!" Sagot ang driver: "Look sir... my taxi meter... made in Japan... very, very fast!" hehehe... nakaganti rin! Nakakaasar ang mga taong mayayabang! Ang sarap nilang yakapin... yakapin ng mahigpit hanggang mamatay! hehe. Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang "kababaang-loob." Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Ang bagay na lubhang mataas ay huwag hanapin..." Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na ang "nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas." Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan ay galing sa pagpapala ng Diyos kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano. Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin. Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob... sa paglilingkod. Kailan ako huling tumulong sa isang kapwang nangangailangan? Baka naman puno ako ng kayabangan, kasakiman at pagiging makasarili. Suriin natin ang ating mga sarili...
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Agosto 29, 2010
MAJOR MAJOR MISTAKE: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year C - August 29, 2010
Naitanong mo na ba sa iyong sarili kung "ano ang MAJOR MAJOR MISTAKE na nagawa mo sa iyong buhay?" Hindi madali ang katanungang ito sapagkat hindi natural sa atin ang aminin ang ating sariling pagkakamali. Hindi madali sapagkat tayong lahat ay may angking kayabangan at pagmamataas sa ating mga sarili. Isang turistang hapon ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila. Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. "This building is big! How long did you build this buidling?" "More or less one year!" Sabi ng driver. "One year? Too slow! In Japan, 6 months... very, very fast!" Payabang na sagot ng hapon." Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng hapon: : "Ah... this building is very big! How long did you take to build it?" "5 months!" sabi ng tsuper. "5 months??? very slow! In Japan, only 3 months... very, very fast!" Payabang na sabi ng hapon. Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay... sa Mall of Asia. "Wow! This building is very, very big! How long did you build it?" Payabang na sagot ng driver: "Only 2 months!" Sigaw ang hapon: "2 months??? Very slow... in Japan only 1 month... very, very fast!" Napahiya na naman ang Pilipino. Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. "Ok Mr. Japanese, pay me 10 thousand pesos!" Sagot ang hapon: "10 thousand? Very expensive!" Sagot ang driver: "Look sir... my taxi meter... made in Japan... very, very fast!" hehehe... nakaganti rin! Nakakaasar ang mga taong mayayabang! Ang sarap nilang yakapin... yakapin ng mahigpit hanggang mamatay! hehe. Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang "kababaang-loob." Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Ang bagay na lubhang mataas ay huwag hanapin..." Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na ang "nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas." Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan ay galing sa pagpapala ng Diyos kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano. Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin. Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob... sa paglilingkod. Kailan ako huling tumulong sa isang kapwang nangangailangan? Baka naman puno ako ng kayabangan, kasakiman at pagiging makasarili. Suriin natin ang ating mga sarili...
Sabado, Agosto 21, 2010
ANG PINTUAN NG LANGIT: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year C - August 22, 2010
Ang langit daw ay gantimpala para sa mga taong nabuhay ng mabuti. Ang impiyerno naman ay para sa mga masasama. Ang purgatoryo... para sa mga nasa gitna: mabuting-masama o masamang-mabuti! Kumbaga sa isang apartment na may tatlong palapag, ang langit ay top floor, ang purgatoryo ay middle floor at ang impiyerno ay ang ground floor. May isang lumang kuwento na minsan daw ay may mga kaluluwang napunta sa purgatoryo. Laking pagkagulat nila ng makita ang kanilang kura-paroko doon. "Hala! Padre! Dito ka rin pala... kelan ka pa dito? Akala pa naman namin nasa top floor ka! Dapat ay nasa top floor ka! Kura paroko ka namin!" Sigaw ng kanyang parokyano. "Shhhh... wag kayong maingay! Baka magising ang obispo. Natutulog s'ya sa ibaba!" hehehe. Pasantabi po sa mga obispo. Pero sa ebanghelyo ngayon ay maliwanag ang sinasabi ni Jesus na may mga "nauunang mahuhuli at nahuhuling mauuna." Sabi nga nila, ang langit daw ay puno ng surpresa! Ngunit katulad nga ng sabi ng Panginoon, isa lang naman ang daan papasok sa langit... ang makipot na pintuan! Kaya nga kung ang hanap natin sa pagiging Kristiyano ay "good time" at "pa-easy-easy" lang tayo sa pagsasabuhay ng ating mga tungkulin bilang tagasunod ni Kristo ay nagkakamali tayo... Hindi puwedeng maligamgam tayo sa harapan ng Diyos. Sala sa init... sala sa lamig! Ang pagiging Kristiyano ay isa lang ang hinihingi... ang maging tulad ni Kristo! Ang makipot na pintuan ay dinaraanan natin araw-araw. Laging bukas... nag-aanyaya ngunit dahil nga makipot ay ayaw nating daanan. Mahirap magpatawad. Mahirap maging tapat sa trabaho. Mahirap umunawa. Mahirap magbigay. Mahirap magpakatao... Mas madali ang gumawa ng kasalanan. Mas masarap ang alok nito. Walang hirap. Walang pasakit. Ngunit alam din natin ang patutunguhan ng pintuang maluwag... walang hanggang kapahamakan! Maging matalinong kang Kristiyano. Tandaan mo... isa lang ang daang patungo kay Kristo... at ang hahantungan mo ay nakasalalay sa pintuang pipiliin mo.
Biyernes, Agosto 13, 2010
ANG MAGAANG.. TUMATAAS! : Reflection for the Solemnity of the Assumption of the Blessed Virgin Mary - August 15, 2010
"Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... magaang tulad ng isang lobo." Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII , "si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan."Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad ng kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang 15 taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"
Linggo, Agosto 8, 2010
PRAKTIKAL NA PANANAMPALATAYA: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year C - August 8, 2010
"Panginoon... iligatas mo ako! Sumasampalataya ako sa 'yo!" Sigaw ng isang lalaki sa itaas ng bubong ng kanilang bahay sa kasagsagan ng bagyong Basyang. Dumaan ang isang bangkang padala ng Red Cross. Tumanggi lamang ang lalaki at sinabing: "Mauna na kayo, ang Panginoon ang magliligtas sa akin." Dumaan din ang isang amphibian ng PNP. Pinasasakay siya ngunit umiling lamang at sinabing: "Iba na lang ang inyong isakay. Hindi ako pababayaan ng Panginoon." Sa wakas ay dumating ang isang helicopter na padala ng AFP. Ayaw pa rin ng matandang sumakay. "Malakas ang pananampalataya kong hindi ako pababayaan ng Panginoon kaya yumao na kayo!" Para matapos na ang kwento, namatay ang matanda at ng humarap na sa Panginoon ay hindi naitago ang kanyang pagkadismaya. "Panginoon, bakit mo ako pinabayaan. Malakas naman ang pananampalataya ko sa 'yo?" Sagot ng Panginoon, "Anung pinabayaan kita? Tatlong beses akong nagpadala ng tulong sa 'yo pero tinanggihan mong lahat! Kung naging praktikal lang sana ang pananampalataya mo..." Kailan natin masasabing praktikal ang isang pananampalataya? Alam natin ang kahulugan nito: paniniwala... pagtitiwala. Pero kalimitan ay nakakaligtaan natin ang ikatlong katangian ng praktikal na pananampalataya at ito ay ang... pagsunod! Kaya nga't madalas ay nakakakita tayo ng mga "doble-karang Kristiyano", magaling sa salita ngunit kulang naman sa gawa, saulado ang kapitulo at bersikulo ng Bibliya ngunit hindi naman isinasabuhay ito... Ano ba ang nais ng Diyos sa atin? Simple lang... isabuhay mo ang pinaniniwalaan mo! Maging tulad tayo ng aliping laging handang naghihintay sa pagdating ng Panginoon. Hindi patulog-tulog, tamad, walang ginagawa, nagsasamantala sa kapwa. Ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay! Pananampalatayang hindi lamang laman ng mga isinaulong panalangin o kaalaman sa katesismo, ngunit isang pananampalatayang nakikita sa ating pagsaksi bilang mga tagasunod ni Kristo. Huwang lang nating ipangaral ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap... isagawa natin ito... Tandaan natin na sa ating pinagkalooban nito ay mas higit ang inaasahan sa atin ng Panginoon. Buhay ba ang pananampalataya mo?
Biyernes, Agosto 6, 2010
KASAKIMAN: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year C - August 1, 2010
Sabado, Hulyo 24, 2010
AMA NAMIN: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year C - July 25, 2010
Sa isang ospital, hindi mapalagay na nag-uusap tatlong lalaki sa labas ng maternity ward. Biglang lumabas ang nurse at sinabi: "Mr. Reyes, kambal ang anak n'yo! Congrtulations!" Sagot si Mr. Reyes, "Wow! Ang galing naman! 2 ang anak ko! Parang lugar ng pinagtratrabahuhan ko... Kapamilya ABS-CBN 2!" After five minutes, lumabas uli ang nurse: "Mr. dela Cruz! Congratulations po! Triplet ang anak n'yo!" Napasigaw si Mister: "Ha? It's a miracle! Sa Triple-V ako nagtratrabaho at 3 ang anak ko!" Napansin ng dalawa na namumutla ang pangatlo nilang kasama. "Pare anung nangyari at putlang-putla ka?" Sagot ng lalaki... "Mga pare, pano'ng di ako mamumutla... ang trabaho ko sa 168 Mall!" Talaga nga namang nakakatakot ang maging ama kung ganun karaming anak ang palalakihin mo. May trabahador kami sa Don Bosco Pampanga na may 12 anak at nung rumagasa ang lahar ay litong-lito siya kung sino ang uunahin niyang iligtas! May isa pa nga akong kilala na sa dami ng kanyang anak ay litong-lito na siya sa kanilang mga pangalan! Ngunit iba ang ating Diyos Ama! Kilala at mahal N'ya tayong lubos. Tayong lahat ay tinuri n'yang anak kahit na marami sa atin ay pariwara at walang utang na loob sa Kanyang ipinapakitang kagandahang loob sa atin. Kaya nga sa ating pagdarasal nais ni Jesus na tawagin natin Siya sa pangalang nararapat sa Kanya... "Ama namin..." Nararapat lang sapagkat ito ang unang biyayang tinanggap natin noong tayo ay biniyangan, naging "anak tayo ng Diyos!" At dahil dito ay nagkakaroon tayo ng karapatang tawagin siyang "Abba"... Papa... Daddy. Nais ni Jesus na tawagin natin ang ating Ama sa ganitong kataga lalong-lalo na sa ating pagdarasal. Nais Niyang kulitin natin ang ating "tatay" sa ating mga pangangailangan. Bilang mapagmahal na Ama ay alam Niya ang ating mga pangangailangan bago pa natin ito hingiin sa Kanya. "Humingi ka at ikaw ay bibigyan. Humanap ka at ikaw ay makatatagpo." Huwang tayong panghinaan ng loob kung hindi minsan natutugunan ang ating mga panalangin. Kung matagal man niyang ibigay ang ating mga kahilingan ay marahil nais Niya tayong maging matiyaga sa paghingi. Kung hindi man Niya ibigay ito ay marahil may ibang plano Siya sa atin at ibang paraan ang Kanyang pagsagot. Tayong lahat ay Kanyang mga anak... sana matanim natin ito ng malalim sa ating isipan. Ang ating Diyos ay Amang mapagmahal, mapag-aruga at mapagpatawad! Tawagin natin Siya sa paraang nais ni Jesus na itawag natin sa Kanya... AMA NAMIN!
Biyernes, Hulyo 16, 2010
WALANG ORAS: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year C - July 18, 2010
"Pare, Linggo ngayon... magsimba ka naman!" Sabi ng kumpare nya sa kanya. "Hmmp...! Dami kong gagawin, mga anak at misis ko na lang!" Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: "Simba tayo bukas ha?" Ang kanyang sagot: "Hmmmp...! Ang misis at ang mga anak ko na lang! Me pupuntahan pa ako." Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura paroko: "Anak, Linggo bukas. Magsimba ka." Sagot n'ya: "Padre, wala naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Hmmmp! Ang misis at ang mga anak ko na lang!" Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi ni San Pedro: "Pamilya Dimagiba... pasok sa loob!" Nang s'ya na ang papasok ay hinarang sya ni San Pedro. "Oooops... san ang punta mo?" "Sa loob! Kasama ng pamilya ko!" Sagot n'ya. Sabi ni San Pedro" "Hmmmp... ang misis at anak mo na lang!" Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan ng mahalagang aral: Walang oras ang Diyos para sa mga taong walang oras sa kanya! Marami tayong ginagawa araw-araw. Kinakailangan nating magtrabaho para kumita. Kinakailangan nating mag-aral. Kinakailangan nating gawin ang mga gawain sa bahay. Ngunit hindi naman tayo parang mga makina sa pabrika na 24 na oras kung magtrabaho. Hindi naman tayo katulad ng 7-11 store na laging bukas ang pinto kahit may kandado. Kailangan din nating pahingahin ang ating katawan... ang pag-iisip,,, ang kaluluwa. Mahalaga ba ang Diyos sa akin? Kung oo ang ating sagot ay isa lang ang dapat nating gawin... maglaan ng panahon para sa Kanya. Ito ang pagkakamali ni Marta. Mahal pareho nang magkapatid si Jesus. Ang kanyang pagiging abala sa gawaing bahay upang pagsilbihan ang kanyang mahalagang panauhin ay nararapat lamang. Ngunit nakalimutan ni Marta ang higit na mas mahalaga... ang maglaan ng sandali upang makinig sa Panginon. Sa ating buhay, marami rin tayong ginagawa, marami tayong pinagkakaabalahan. Sa katunayan hindi tayo mauubusan ng dapat gawin. Huwag sana nating ipagkait at ipagpalit ang ilang sandali na dapat ay para sa Diyos. Sa loob ng isang araw ay may 24 na oras. Sa isang Linggo ay 168. Ang sabi ng Diyos kunin mo na ang 167 at yung isa... ibigay mo naman sa akin. Ang "suwapang" naman natin kung hindi natin ito maibigay sa Kanya! Kung atin lamang pag-iisipan ng malalim, ang lahat ay pagpapala na galing sa Diyos! Mula Lunes hanggang Linggo ay nagpapaulan Siya ng biyaya "siksik, liglig, at nag-uumpaw!" Kaya ngat wala tayong dahilan upang hindi magpasalamat sa Kanya. Huwag sana tayong mawalan ng oras para sa Diyos. Baka magulat na lang tayo at marinig sa Kanya sa kabilang buhay: "Hmmmp...! sila na lang! Wala ka kasing oras para sa akin!" Miyerkules, Hulyo 7, 2010
KAPWA KO KAAWAY KO: Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year C - July 11, 2010
Isang pulubi ang nagdarasal sa likod ng Simbahan: "Panginoon, tulungan mo naman po ako. May sakit ang aking anak. Wala kaming kakainin mamya. Kung maari bigyan mo naman ako kahit na limandaang piso." Lingid sa kanyang kaalaman ay may isang pulis na nakarinig sa kanyang panalangin. Nahabag ito at dumukot sa kanyang wallet. Binilang niya ang laman at umabot lamang ito ng apat na daang piso. Gayun pa man, iniabot niya ito sa pulubi. Tuwang-tuwa ang pulubi at binilang ito. Muli siyang lumuhod at nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po! Pero sana sa susunod, wag mo nang padaanin sa pulis... nagkulang tuloy ng isang daan!" Kalimitan ay hirap tayong makita ang kabutihan ng iba sapagkat nakakahon na sila sa ating isipan. Kapag nakakita ng pulis... kotong cop! Kapag nakakita ng politician... trapo! Kapag nakakita ng artista... maraming asawa! Ganito rin ang pagtingin ng mga Hudyo sa mga Samaritano nang panahon ni Jesus. Kapag Samaritano... kaaway! Nang tinanong si Jesus ng dalubhasa sa batas kung ano ang pinakamahalaga sa mga utos ay sinagot niya ito sa huli ng isa ring tanong: "Sino ang nagpakita ng pakikipagkapwa sa taong hinarang ng tulisan?" Hindi masagot ng eskriba si Jesus ng diresto sapagkat kaaway nila ang mga Samaritano. Kung minsan ay ganito rin ang ating pag-uugali. Hirap tayong magpakita ng pagmamahal sa ating mga kaaway. Hirap tayong magpatawad sa ating mga kasamaang-loob. Hindi natin matanggap na sila rin ay ang ating "kapwa". Malinaw ang mensaheng nais paratingin ni Jesus sa atin: Ang ating kapwa ay ang mga taong nangangailangan, nangangailangan ng tulong... ng awa... ng pag-aaruga... at higit sa lahat...ng pagpapatawad. Ang utos ng Panginoon na mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat at ang ating kapwa gaya ng pagmamahal sa ating sarili ay hindi lamang utos na nakalimbag sa Bibliya o sa ating Katesismo. Ito ay nakalimbag hindi sa papel kundi sa ating mga puso. Ibig sabihin ay napakalapit sa atin... sapagkat ito ay nasa ating kalooban, kabahagi ng ating pagiging tao at anak ng Diyos. Kaya't wala tayong maidadahilan upang hindi natin maisakakatuparan ang mga utos na ito. Sabi nga nating mga Pilipino: "Kung gusto mo, may paraan... kung ayaw mo... may dahilan!"
SIMPLENG PAMUMUHAY (Reposted): Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year C - July 4, 2010
"Ang sobrang pagnanasa ay delikado! Minsan may paring ang hilig ay sumali sa mga "promo" o palaro ng mga advertising companies. May pacontest noon ang isang sikat na "softdrink: simple lang... bumili ka lang ng softdrink, tanggalin mo ang tansan (takip)at buuin mo ang number 1,2,3! Presto! Panalo ka ng limpak-limpak na salapi! Me pagkaswerte ata sya sapagkat sa unang bili niya ng softdrink e nakuha niya ang number 3. Bumili uli siya at nakuha naman niya ang number 1. Isa na lang... ngunit yun na ata ang katapusan ng kanyang swerte: ayaw lumabas ng number 2. Nakaubos na sya ng maraming softdrinks. Umabot na ng isang case ang nabili niya... wala pa rin ang number 2. Umuwi sya sa parokyang dismaya. May lumapit na isang lalaki at sinabi sa kanya: "Father puwede po bang magkumpisal..." Ang pari, kahit na medyo dismaya ay sumagot: "Ano yon anak... sabihin mo..." "Father, meron po akong number 2!" Nanlaki ang mata ng pari at sinabi: "Ha??? Talaga? Akin na lang!" Ang sobrang pagnanasa ay delikado! Isa sa mga malaking tukso ng ating panahon ay ang magkamal ng mga bagay... salapi, gadgets, ari-arian, etc.. etc. Ang ebanghelyo ngayon ay nagsasabi sa atin kung paano tayo dapat mamuhay bilang mga tag-sunod ni Kristo: "Travel light!" No need for unnecessary things... "Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot o panyapak..." (Lk. 10:4)! Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin na mabuhay na payak! Tinatawagan niya tayong mabuhay na simple katulad ng kanyang mga alagad. Hindi ko sinasalungat ang progresso ng makabagong panahon. Kelangan natin ng pag-unlad! Ngunit kung ang "cellphone" ay nagiging kapalit ng ating "physical presence" sa ating pamilya... ay may pagkakamali ata! Kung ang computer ay ginagamit upang magpakalat ng kalaswaan... hindi ata tama. Kung ang pera ay nagiging dahilan upang mapabayaan ang pamilya... dapat nating pag-isipan ang ating ginagawa. Ang mga materyal na bagay ay dapat mapabuti ang ating pamumuhay at hindi makasira nito. Masyado ng kumplikado ang buhay natin ngayon. Maraming mga bagay na nakakalito at sagabal sa ating paglalakbay. Tandaan natin na ang simpleng pamumuhay ay pagsunod kay Kristo!
KRISTIYANONG TEKA-TEKA (Reposted): Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year C - June 27, 2010
Kapag ako ay nag-iinterview sa mga ikinakasal ang lagi kong tanong ay: Paano mo masasabing Kristiyano ka? Halos pare-pareho ang kanilang sagot: "Kristiyano ako kasi nagsisimba ako tuwing Linggo!" Tama ba o mali? Sabi ng isang sikat na preacher: "Hindi sapagkat pumasok ka ng Simbahan ay Kristiyano ka na, kung paanong hindi ka nagiging kotse pag pumasok ka sa talyer!" Totoo nga naman... mas higit pa sa pagsisimba ang sinasabi ng ating pagiging Kristiyano. Noong nakaraang Linggo, nakita natin ang kahulugan ng ating pangalang "Kristiyano" ngayon naman ay pinaaalalahanan tayo kung ano ang hinihingi sa atin ng pangalang ito na ating tinataglay... ang ganap na pagsunod kay Hesus. "Ganap" sapagkat ang pagsunod kay Hesus ay wala dapat na hinihinging kundisyon... wala dapat pag-aatubili! Kung minsan magaling tayong tumawad. "Yes, Lord! Pero puwede ba..." Sa ebanghelyo narinig natin na: "Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos."Nakakalungkot sapagkat marami pa rin sa atin ang "teka-teka" sa ating pagiging Kristiyano. Urong-sulong sa pagsunod sa Kanya. Magsisimba sa Linggo... babalik naman sa masamang pag-uugali o bisyo sa Lunes hanggang Sabado. Magkukumpisal ngayon... magkakasala bukas. Seryoso ba tayo sa ating pagsunod kay Kristo? Ayaw niya ng urong-sulong na tagasunod... ayaw niya sa "Kristiyanong teka-teka!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)