May isang lalaking tumawag sa isang SPA clinic at nagtatanong sa receptionist kung meron silang available room. "Meron po sir, special at ordinary." Sabi ng receptionist. "Anung pagkakaiba ng dalawa?" Tanong ng lalaki. "Sir, yung special may TV at masahista... Yung ordinary... may TB yung masahista!" hehehe... Mahirap ang may TB, nakakahawa. Hanggang ngayon isa pa rin ito sa mga sakit na kinatatakutan. Gayun din ang AIDS, meninggo occimia, bird flu... etc. Noong panahon ni Jesus, ketong ang kinatatakutan! Kaya nga ang may ketong tinitiwalag, hinihiwalay... pinandidirihan! Sa kaniwalang paniniwala ang ketong ay parusang ipinataw ng Diyos sa isang tao dahil sa kanyang malaking kasalanan o sa kasalanan ng lahi nila. Kaya nga ang isang may ketong ay inihihiwalay sapagkat siya'y makasalanan... marumi. Batid ni Jesus ang abang kalagayan ng mga ketongin. Dama niya ang sakit na dulot ng isang taong pinandidirihan at hindi tinatanggap sa lipunan. Kaya nga si Jesus ay hindi nagdalawang isip na pagalingin ang ketongin, hindi lamang upang linisin siya sa kanyang sugat kundi upang hilumin ang sakit na ibinigay nito sa kanya dahil sa mababang pagtingin sa kanya ng mga tao dala ng kanyang abang kalagayan. May mga ketongin din sa ating makabagong panahon na dapat nating damayan at bigyan ng pansin. Hindi lamang mga taong may nakakahawang sakit kundi ang "ketong" na naglalayo sa atin sa ating kapwa. May mga taong pinandidirihan natin dahil sa kanilang katayuan sa buhay katulad ng mga taong mahihirap, mga taong nalululon sa mga pinagbabawal na gamot, mga taong di tanggap ng lipunan dahil sa kanilang immoral na pamumuhay. Marahil minamaliit natin ang iba dahil sa mas angat ang ating kalagayan sa kanila. Marahil mas "banal" ang tingin natin sa ating sarili kaysa mga taong malayo sa Diyos, marahil may mga tao tayong hindi pinapansin, hindi pa pinapatawad. Napakaraming ketongin na dapat tanggapin at pagalingin. Ang tanong, "inilalayo mo rin ba ang iyong sarili sa kanila?" Mag-ingat tayo sapagkat wala tayong kamalay-malay na isa na rin pala tayo sa mga taong ating pinandidirihan. At kung minsan nga... mas masahol pa sa kanila! Bakit hindi natin iabot ang ating kamay sa mga taong ito katulad ng ginawa ni Jesus. Wala man tayong kakayahang magpagaling ng kanilang sakit, may kakayahan naman tayong hilumin ang sugat na naglalayo sa kanila sa Diyos.
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Pebrero 10, 2012
ANG MGA KETONGIN NGAYON: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year B - February 12, 2012
May isang lalaking tumawag sa isang SPA clinic at nagtatanong sa receptionist kung meron silang available room. "Meron po sir, special at ordinary." Sabi ng receptionist. "Anung pagkakaiba ng dalawa?" Tanong ng lalaki. "Sir, yung special may TV at masahista... Yung ordinary... may TB yung masahista!" hehehe... Mahirap ang may TB, nakakahawa. Hanggang ngayon isa pa rin ito sa mga sakit na kinatatakutan. Gayun din ang AIDS, meninggo occimia, bird flu... etc. Noong panahon ni Jesus, ketong ang kinatatakutan! Kaya nga ang may ketong tinitiwalag, hinihiwalay... pinandidirihan! Sa kaniwalang paniniwala ang ketong ay parusang ipinataw ng Diyos sa isang tao dahil sa kanyang malaking kasalanan o sa kasalanan ng lahi nila. Kaya nga ang isang may ketong ay inihihiwalay sapagkat siya'y makasalanan... marumi. Batid ni Jesus ang abang kalagayan ng mga ketongin. Dama niya ang sakit na dulot ng isang taong pinandidirihan at hindi tinatanggap sa lipunan. Kaya nga si Jesus ay hindi nagdalawang isip na pagalingin ang ketongin, hindi lamang upang linisin siya sa kanyang sugat kundi upang hilumin ang sakit na ibinigay nito sa kanya dahil sa mababang pagtingin sa kanya ng mga tao dala ng kanyang abang kalagayan. May mga ketongin din sa ating makabagong panahon na dapat nating damayan at bigyan ng pansin. Hindi lamang mga taong may nakakahawang sakit kundi ang "ketong" na naglalayo sa atin sa ating kapwa. May mga taong pinandidirihan natin dahil sa kanilang katayuan sa buhay katulad ng mga taong mahihirap, mga taong nalululon sa mga pinagbabawal na gamot, mga taong di tanggap ng lipunan dahil sa kanilang immoral na pamumuhay. Marahil minamaliit natin ang iba dahil sa mas angat ang ating kalagayan sa kanila. Marahil mas "banal" ang tingin natin sa ating sarili kaysa mga taong malayo sa Diyos, marahil may mga tao tayong hindi pinapansin, hindi pa pinapatawad. Napakaraming ketongin na dapat tanggapin at pagalingin. Ang tanong, "inilalayo mo rin ba ang iyong sarili sa kanila?" Mag-ingat tayo sapagkat wala tayong kamalay-malay na isa na rin pala tayo sa mga taong ating pinandidirihan. At kung minsan nga... mas masahol pa sa kanila! Bakit hindi natin iabot ang ating kamay sa mga taong ito katulad ng ginawa ni Jesus. Wala man tayong kakayahang magpagaling ng kanilang sakit, may kakayahan naman tayong hilumin ang sugat na naglalayo sa kanila sa Diyos.
Biyernes, Pebrero 3, 2012
ORAS PARA SA DIYOS: Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time Year B - February 5, 2012

Isang madre superiora ang palakad-lakad sa loob ng kumbento ang nakapansin sa isang madre na subsob sa pagdarasal sa kanilang maliit na kapilya. Sapagkat gabi na noon at may kadiliman sa loob ng kapilya ay patago niyang pinakinggan ang baguhang madreng nanalangin. "mahal na Birheng Maria, aking ina", paiyak na sabi ng batang madre, "hindi ko na kaya ang krus na pinapasan ko! Aalis na ako sa kumbento!" Nahabag ang superiora ng marinig ito kaya't patago siyang lumapit sa gawing dambana at nagtago sa madalim na bahagi nito. "Mahal kong ina, lalabas na po ako ng kumbento!" Ang sabi ng madreng patuloy sa pag-iyak. Sinagot siya ng superiora na nagtinig lalaki: "Anak, tingnan mo ang aking anak na nakapako sa krus. Damhin mo ang sakit ng mga sugat sa kanyang mga kamay at paa. Tiniis n'yang lahat yan para sa 'yo! Pasanin mo ang krus mo sa iyong buhay tulad ng ginawa n'yang pagpasan sa kanyang krus!" "Mahal na Birhen, ikaw ba yan? Alam mong matagal ko na yang ginagawa. Pero talagang di ko na makayanan ang krus sa buhay ko!" Sa puntong ito ay nagtanong na ang tinig: "Ano ba ang krus na tinutukoy mo?" Sagot ng madre: "Ang demonyo po naming superiora! Arogante siya! Di marunong umintindi! Laging kaming kinagagalitan! Ano po ang dapat kong gawin?" Ang sabi ng tinig: "Iha... lumabas ka na! gooo!" hehe... Marami tayong krus na pinapasan sa buhay. May mga krus na dala ng mabibigat na suliranin. Mayroon din namang dala ng pang-araw-araw nating mga alalahanin sa buhay. Kalimitan ang mga ito'y nagiging pabigat sa atin. Sa unang pagbasa ay pinapaalala sa atin na ang buhay ay puno ng hirap. “Ang buhay ng tao’y sagana sa hirap, batbat ng tiisin at lungkot na dinaranas. Siya’y tulad ng alipin, pahinga ang hinahangad, para siyang manggagawa, naghihintay ng kanyang bayad." Kung minsan pa nga ay nagiging dahilan ito upang mawalan tayo ng pag-asa at bumigay sa buhay... nakakapagod... nakakapanghina! Ano ang dapat nating gawin? Ang Panginoong Jesus sa Ebanghelyo natin ngayon ay may mahalagang itinuturo sa atin. Bakit di natin subukang tumigil sandali, tumahimik at magdasal. Ito ang palaging ginagawa Niya pagkatapos nang kanyang buong araw na pangangaral, pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng demonyo. Sa kabila ng napaka-abalang araw ni Jesus ay nakukuha niya pa ring magdasal. Batid niya ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa Ama na kanyang pinagkukunan ng lakas upang maisakatuparan ang kanyang misyon. Ito rin dapat nating ginagawa sa mga sandaling natatambakan tayo ng ating mga alalahanin sa buhay. Subukan nating kumukuha ng lakas sa Diyos! Siya ang nagpapagaling. Siya ang nagpapalakas. Siya ang nagsisilbing ilaw sa kawalang ng pag-asa. Gaano ba ako kadalas magdasal? Ang pakikipag-usap ba sa Diyos ay bahagi na ng aking buhay o nagdarasal lang ako pag may kailangan ako sa Kanya? Suriin natin ang ating buhay-panalalangin. Sa loob ng 168 na oras sa isang linggo, ilang oras ba ang inilaan ko sa pananalangin? Baka naman binabarat natin Siya! Huwag tayong sakim sa mga biyayang tinatanggap natin sa Kanya. Kung nakapaglalaan tayo ng oras sa mga makamundong bagay ay kaya rin dapat nating maglaan ng panahon para sa ating buhay espirituwal. Maglaan tayo ng sandali sa pananalangin. Ipadama natin sa kanyang pinahahalagahan natin Siya! Ang Kristiyanong hindi nagdarasal ay isang huwad na kristiyano! Peke! Walang kuwenta! Huwag natin hayaang maging ganito. Maglaan tayo ng sandali upang tumigil, manahimik at manalangin
Biyernes, Enero 27, 2012
IKA-42 KAHANGA-HANGANG GAWAIN NG DIYOS SA PAMAMAGITAN NI SAN JUAN BOSCO: Kapistahan ni San Juan Bosco (Tondo)- Jan 29, 2012
Kapag narinig natin ang salitang “Calamba”, agad-agad ang ating naiisip ay ang lugar ni Jose Rizal, ang ating Pambansang Bayani. O kaya naman naman ay “Gen-San”, ang agad na pumapasok ay Manny Pacquiao, ang ating Pambansang Kamao. Eh ano naman kaya kung “Tondo” ang salitang iyong maririnig? Anung matunog na pangalan ang pumapasok sa isip mo? Hindi ako magtataka kung ang papasok sa isip mo ay “Asiong Salongga” ang “hari ng Tundo!” Totoo nga naman, kapag sinabing Tundo (Tondo) ang nasaisip kaagad ng mga tao ay lugar na magulo, maraming away, pugad ng krimen, mabaho, mahirap… Totoo naman na yan nga ang dating Tundo, ang lugar noong kapanahunan ni Asiong Salongga. Ngunit malaki na ang pinagbago ng Tundo ngayon. Pagkatapos ng apatnapu’t dalawang taon ng pananatili ng Don Bosco sa Tundo ay marami na ang nabago. Wala na ang dating lugar na magulo at kinatatakutan bagama’t sa iba ay stigma pa rin ito sa kanilang isipan. Malaki na ang umunlad sa kabuhayan ng mga naninirahan bagama’t mayroon pa rin namang mahihirap. Marami na ang naturuan at dahil diyan ay umangat na ang antas ng pamumuhay bagama’t malaki pa rin ang hamon ng edukasyon at paghubog sa mga kabataan. Sa loob ng 42 taon, ang Don Bosco ay nanatiling lebadura na nagpapa-alsa sa kabuhayan ng mga tao lalung-lalo na ng mga kabataan ng Tundo. Ang 42 taon na ito ay nagpapakita ng kahanga-hangang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang abang lingkod na si San Juan Bosco. Ngunit ang lahat ng ito ay hindi naging madali lalong-lalo na para sa mga naunang Salesianong mga pari na nagpasimula ng gawain ni Don Bosco sa Tundo. Ang lahat ay bunga ng hirap at pagsisikap. Ang puhunan ay pawis at dugo. Nagpapatotoo lamang sa ating lumang kasabihang “nasa Diyos ang awa at nasa tao ang gawa!” Ang 42 taong lumipas ay tunay ngang nagpapakita ng malaking awa ng Diyos sa ating mga taga-Tundo. Awa na pinalitan ng pagpapala sapagkat nakita niya ang “gawa”. Nakita ng Diyos ang pagkilos ng mga tao upang iangat ang dignidad ng kanilang buhay. Hangga’t may Don Bosco sa Tundo ay mananatili itong monumento ng malaking awa at pagapapala ng Diyos. Mabuhay si Don Bosco! Mabuhay ang Tundo!
Linggo, Enero 22, 2012
KRISTIYANONG PANIKI: Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year B - January 22, 2012

May tatlong paring nag-uusap tungkol sa problema ng kanilang simbahan na pinamamahayan ng paniki ang kisame. Ang sabi ng isang pari, "Ang ginawa ko d'yan ay bumili ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mnga paniki. Siympre nabulabog sila at umalis. Yun lang nga pagkatapos ng ilang araw ay nagsibalikan sila at nagsama pa ng kanilang tropa!" Sabat naman ng isa, "Ako naman, ang ginawa ko ay bumili ako ng chemicals at inispreyan ko ang mga paniki. Madaming namatay pero may mga natira. At ang masaklap ay hindi na tinablan ng chemicals ang kanilang mga naging anak, na-immune ang mga lintek at 3alo lang silang dumami!" At mahinahong nagsalita ang pangatlong pari. "Mga brod, hindi na ako gumastos para lang paalisin ang mga paniki sa aming simbahan. Kumuha lamang ako ng Holy Water at pagkatapos ay pinagbibinyagan ko ang ang mga paniki. Ayun, nagliparan at di na muling bumalik!" May Katoliko na kung tawagin natin ay mga "Kristiyanong paniki". Pagkatapos nilang mabinyagan ay nagsisialisan sa simbahan at hindi na muling bumabalik. Ang kanilang pagkakristiyano ay naiwan sa kanilang baptismal certificate. Noong tayo ay bininyagan tayo ay tinawag ni Kristo na maging tagasunod Niya katulad ng pagtawag Niya sa mga unang alagad na sina Pedro at Andres, Santiago at Juan. Ang pagtawag na ito ay nangangailangan ng agarang pagtugon at hindi naman nabigo si Jesus. Iniwan nila ang kanilang kabuhayan at sumunod kay Jesus. Ang pagiging tunay na Kristiyano unang-una ay nangangahulugan ng pag-iwan ng ating lumang buhay. May mga lumang pag-uugali tayong dapat bitawan sapagkat nagiging sagabal sa pagsunod natin kay Kristo. Ang mga labis na pagpapahalaga sa mga materyal na bagay ay malaking sagabal din sa ating pagsunod kay Jesus. Kaya napakadaling ipagpalit ang Diyos kung hinihingi na ang ating tapat na pagsunod sa kanya. Kung paanong iniwan ng mga taga-Nineveh ang kanilang lumang masamang pamumuhay ay gayun din ang inaasahan bago tayo sumunod kay Kristo. Bago matulog mamaya ay tanngin mo ang iyong sarili kung ano ba ang mga dapat mo pang "bitawan" sa iyong buhay upang makasunod ng agaran kay Jesus. Dito makikita kung tayo ba ay mga "Kristiyanong paniki" na walang pagpapahalaga sa ating pananampalataya.
Biyernes, Enero 13, 2012
KABATAAN... KAYAMANAN: Refelction for the Feast of Sto. Nino Year B - January 15, 2012
May joke sa isang text: A woman gave birth to an ugly child. She said: "What a lovely and beautiful child... He's a treasure!" The husband said: "Yeah... let's bury him!" hehehe... Hindi siguro ito totoo sa ating kultura. Tayong mga Pilipino ay likas na mapagmahal sa mga bata. Magaang ang ating loob sa kanila. Kaya nga't hindi nakakagulat na isa tayo sa bansang napakarami ang populasyon. Mas maraming anak... mas masaya! Bahala na kung papaano sila papakainin at bubuhayin! Kaya siguro malapit sa ating puso ang Kapistahan ng Sto. Nino. Sa mukha ng maraming bata ay nakikita natin ang mukha ng batang Hesus! Makahulugan ang mga salitang binitawan ni Hesus sa Ebanghelyo. Hindi siya nagbibiro ng sabihin niyang: "Hanggang hindi kayo natutulad sa mga bata, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit." (Mt. 18:10) Hindi niya nais na mag-isip bata tayo. Bagkus nais niyang maisabuhay natin ang natatanging katangian ng isang bata: Una, ang kababang-loob. Hindi ugali ng mga bata ang magpasikat. Ang matatanda pa nga kung minsan ang natutulak sa batang maging makapal ang mukha! At ikawala, ang katangiang magtiwala. Panatag ang kalooban ng isang bata sapagkat alam n'yang hindi siya iiwan ng kanyang magulang. Sa kapistahang ito ng Sto. Nino ay isabuhay natin ang dalawang katangiang ito: maglingkod sa ating kapwa ng may pagpapakumbaba at magtiwala sa Diyos lamang at hindi sa kapangyarihang ibinibigay ng mundo. Kung isasapuso natin ito makikita natin na ang kaharian ng Diyos ay hindi pala mahirap marating. Kaya nga sa tuwing mamasdam natin ang mukha ng isang bata ay lagi nating isaisip na sila ay "kayamanan" sa ating harapan. Na kahit bata sila ay may mahalaga silang itinuturo sa atin kung papaano mabuhay na isang tunay na Kristiyano at alagad ni Kristo. Kung sabagay, sa mga pananalita ng ating Panginoong Jesus... "sa mga kataulad kanila naghahari ang Diyos!"
Sabado, Disyembre 31, 2011
ALIS MALAS... PASOK BUWENAS! : Reflection for Solemnity of the Mary, Mother of God - NEW YEAR 2012

Nahaharap na naman tayo sa pagpasok ng isang bagong taon! Paalis na ang taong 2011 at eto na ngang dumarating ang taong 2012. Ano sa palagay mo? Susuwertehin ka ba sa taong ito na paparating? Kaya siguro marami sa atin ang ginagawa ang lahat ng paraan para magpapasok ng suwerte. Nariyan na ang pagbuo ng 12 prutas na bilog. Sigurado akong marami nyan sa inyong lamesa ngayon. Nariyan na ang pagbili ng tikoy! Para daw mas malagkit ang kapit ng swerte! Nariyan na ang pagsusuot ng damit na kulay pula at siyempre ng polka-dots na sumisimbolo sa pera. Mas maraming polka-dots mas maraming pera ang makukuha. Nariyan na ang pagpapaputok upang itaboy ang malas at masasamang maaring mangyari sa bagong taon. Pero may payo si "Manang" sa isang text na aking natanggap tungkol sa paghahanda para di malasin ang taon: “Para di malasin ang New Year, huwag mong isali sa handa ang bilog na prutas na may itim na buto tulad ng pakwan, chico, papaya at iba pa. Huwag ka rin maghanda ng ice cream para di matunaw ang swerte at higit sa lahat huwag maghanda ng ulam na galing sa hayop na may apat na paa gaya ng baboy, baka, kambing at baka tumakbo ang swerte. Huwag din maghanda ng isda at laman dagat at baka malunod ang swerte. Huwag din maghanda ng may pakpak tulad ng manok o pabo at baka lumipad ang swerte. Huwag ka na kayang maghanda at matulog ka na lang! Happy New Year!” Masama bang sumunod sa mga pamahiing ito? Hindi naman siguro basta't hindi namin kalilimutan na ang kapalaran ng tao ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin kundi sa matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. At dito ay ibinibigay sa ating ang Mahal na Birheng Maria upang ating maging huwaran. Kaya marahil ang unang araw ng taon ay laging nakatuon sa pagdiriwang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos. Tinamaan ng suwerte ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos! Walang ng suwerteng hihigit pa dito! Ngunit hindi ito ang talagang kadakilaan ni Maria. Nang may nagsabi kay Jesus habang siya ay nagtuturo: "Mapalad ang sinapupunang nagluwal sa iyo!" Ngunit agad niya itong itinama at sinabi "Mas mapalad ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos!" At sino ba sa lahat ng nilikha ang naging masunurin sa kalooban ng Diyos maliban sa Mahal na Birheng Maria? Mga kapatid, ang kapalaran natin sa bagong taong ito ay nakasalalay sa kalooban ng Diyos kaya't nararapat lamang na katulad ni Maria ay maging masunirin tayo sa Kanya. Lagi naman natin itong dinarasal "... sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit..." Sapat lamang na isabuhay natin ito ng may pananalig. Kahit hindi natin alam ang naghihintay sa atin sa bagong taong hinaharap, ang isang taong tumutupad sa kalooban ng Diyos ay walang dapat ikatakot. Kaya't huwag nating ipagsapalaran sa mga pamahiin ang ating bukas. Kung tutularan lamang natin ang Mahal na Birhen at sasabihin din nating "mangyari nawa sa aking ayon sa wika mo..." sigurado akog LALABAS ANG MALAS AT PAPASOK ANG BUWENAS!
Sabado, Disyembre 24, 2011
ANG AMOY NG PASKO: Reflection for Christmas Day: December 25, 2011

Amoy Pasko na! Ilang oras na lang at atin ng ipagdiriwang ang kaarawan ng Panginoon. Naligo ka na ba? Baka iba ang amoy mo sa amoy ng Pasko? Ito ang ilang pamantayan sa amoy ng tao. Sabi ng isang text na aking natanggap: "The essence of smell in life: lotion for the babies, cologne for the twenties, Eau d Toilet for the thirties, perfume for the fourties, Efficacent Oil for the fifties, bawang at Luya for the sixties, insenso for the seventies and above! Nasaan ka dito? Anuman ang amoy mo, iisa lang ang masasabi nating amoy ng Pasko at iyan ay walang iba kundi KALIGAYAHAN! Tayo ay maligaya sapagkat mayroong Diyos na kumalinga sa atin. Tayo lamang ang may Diyos na sa sobra niyang pagmamahal sa atin ay nagsugo ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. Kaya nga't maligaya tayo sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan. Ano nga ba ang nagbibigay sa atin ng kaligayahan tuwing Pasko? May isang sorbetero na lubos na kinagigigiliwan ng mga bata dahil sa kanyang masarap na ice cream. Ngunit higit sa ice cream ay ang kanyang pagkamasayahin, magaling siyang mag-entertain sa mga batang kanyang suki! Minsan sinabi n'ya sa kanila: "Alam n'yo bang ako'y magikero? Kayang kong gawin ang lahat ng nais n'yo! " Sabi ng mga bata: "Sige nga po... bigyan n'yo nga kami ng maraming-maraming ice cream na hindi nauubos?" Nalungkot ang sorbetero. Sa isang iglap ay naglaho s'ya at nakita ng mga bata ang napakaraming supply ng ice cream sa kanilang harapan. Masayang-masaya sila! Nakalimutan ang sorbetero. Ngunit pagkatapos ng ilang araw ay nalungkot muli sila... parang may kulang! Hanggang isang araw ay may nakita silang matandang lalaki na malungkot na nakaupo sa daan. "Bakit po kayo malungkot? Sino po kayo?" Biglang may nilabas sa kanyang bulsa ang lalaki, isang maliit na "bell" at pinatunog ito. Laking pagkatuwa ng mga bata. Nagbalik sa kanila ang sorbetero! At doon nila naunawaan na ang nagpapasaya sa kanila ay hindi ang ice cream kundi ang sorbetero! Si Jesus ang sorbetero ng Pasko. Hindi ang ice cream kundi ang sorbetero ang magpapaligaya sa iyo. Ang ice cream ay natutunaw. Ang sorbetero nananatili. Baka naman sng Pasko mo ay regalo lamang? Baka naman ang Pasko mo ay bagong damit, sapatos, pantalon? Baka naman ang Pasko mo ay jowa o iniirog? Lahat yan ay "matutunaw"... mawawala! Bakit hindi mo subukang ibahin ang iyong Pasko? Ang masayang Pasko ay kung kasama mo si Kristo! Patuluyin mo Siya sa iyong puso at magiging maligaya ang iyong Pasko! KEEP CHRIST IN CHRISTMAS!
Linggo, Disyembre 18, 2011
PLANO NG DIYOS... PLANO KO! : Reflection for 4th Sunday of Advent Year B - December 18, 2011

Isang linggo na lang at Pasko na! Bakit nga ba December 25 ang Pasko? Nasusulat ba ito sa Banal na Kasulatan? Hindi mahalaga ang eksaktong petsa ng Pasko. Ang mahalaga ay naniniwala tayo na sa kasaysayan ay naging tao ang Anak ng Diyos at nakipamayan sa atin. Na dahil sa pagtugon ng isang babaeng taga-Nazareth ay nabigyang katuparan ang plano ng Diyos para sa tao. Ito ang nilalahad ng ating Ebanghelyo sa ikaapat na Linggo ng Adbiyento. Kung ating babasahin sa kasalukuyang panahon ay para lamang tayong nagbabasa ng nobela na nakahanda na ang script ng mga tauhan sa kuwento. Ngunit hindi ganoon kasimle ang nangyari. Para sa kay Maria ang lahat ay malaking pagguho ng kanyang personal na plano para sa kanyang buhay. Ang pagbati ng Anghel ay siguradong nagbigay sa kanya ng pagdududa! "Nagulumihanan si Maria" sa mga sinabi ng Anghel Gabriel. Naguluhan siya sapagkat wala ito sa kanyang orihinal na plano. Ngunit ng naipaliwanag lahat ng anghel sa kanya ang nais ng Diyos ay buong puso niyang nasabing: "Ako ang alipin ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ayon sa iyong salita." Katulad ni Maria tayo rin ay nakakaranas na magduda sa ating buhay. May kuwento ng isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso." Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Pinagdududahan mo ba ako? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako...yung dalawa, kay kumpare 'yun!" hehehe... Ang hirap nga naman kapag nasa ganun kang sitwasyon. Marami tayong katanungan sa ating buhay. May mga pangyayari sa atin na mahirap bigyan ng paliwanag. May mga plano tayo na hindi nasusunod at kung minsan pa nga ay bumabagsak. Kalimitan ay hirap tayong magdesiyon sa ganitong mga sitwasyon. Hinahamon tayo ng Ebanghelyong tumulad kay Maria. Bigyan natin ng puwang ang Diyos sa ating buhay. Isama natin siya sa paglutas ng ating mga problema. Mas magandang tanungin kung ano ba ang nais ng Diyos para sa atin sa halip na kung ano lang ang gusto nating mangyari. Sa ganitong paraan ay matutulad din tayo kay Maria na tinawag ng Anghel na "puspos ng biyaya" sapagkat sinangayunan niya ang plano ng Diyos para sa kanya.
Sabado, Disyembre 10, 2011
S.B.P. sa PASKO: Reflection for 3rd Sunday of Advent Year B - Dec. 11, 2011

Labing apat na tulog na lamang at Pasko na! Nasaan ka na sa iyong paghahanda sa Pasko? Noong nakaraang taon ay nauso ang mga S.M.P., ang Samahan ng mga Malalamig ang Pasko. Ngayon naman ay may isang grupo uli na dapat nating iwasan. Iwasan natin ang mapabilang sa S.B.P. - ang Samahan ng mga Badtrip ang Pasko! Bakit ba tayo madaling ma-badtrip? Nakakabadrip kapag hindi nasunod ang gusto nating mangyari at kapag pumalpak ang ating plano. Nakakabadtrip kapag may mga taong parati na lamang sumasalungat sa gusto nating mangyari. Nakakabadtrip kapag walang koneksyon ang mga nangyayari sa ating buhay at tila walang patutunguhan ito. Tayo ba ang may gawa nito? Hindi natin pinipili ang malagay sa ganitong sitwasyon sa buhay. Sa katunayan ay dalawa lang naman ang pagpili na lagi nating ginagawa. Pinipili natin ang MAGMAHAL o kaya naman ay ang MATAKOT. Ang bunga ng pagmamahal ay kapayapaan, kapanatagan ng kalooban, at kagalakan sa sarili. Ang bunga ng pagkatakot ay sama ng loob, galit, kaguluhan ng pag-iisip... pagkabadtrip! Ngayong ikatlong Linggo ng Adbiyento ay hinihikayat tayo na magsaya at magalak. Ang kagalakang ito ay hindi natin pinipili. Ito ay bunga lamang kung pinili natin ang magmahal kaysa matakot. Ang dahilan ng ating kagalakan ay sapagkat may Diyos na nagmahal sa atin; at sa laki ng kanyang pagamamahal ay isinugo niya ang kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. Kaya nga't ang taong pinili ang magmahal ay mga taong tunay na maligaya! Maligaya sapagkat sumasakanila ang pag-ibig ng Diyos. Kahit na anong mangyari ang Diyos ay alam nilang kasama nilang lagi. Siya ang Emmanuel o ang "Diyos na nananahan sa atin." Kaya nga't nasabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Tesalonika: "Magalak kayong lagi, maging matiyaga sa pananalangin at ipagpasalamat ang lahat ng pangyayari." Ang tunay na kagalakan ay nanggagaling sa isang pusong nagpapasalamat. Pasalamatan mo ang Diyos sa mga bagay na mayroon ka. Ang pagkabadtrip ay nangyayari kapag hindi natin makuha ang ating gusto. Matuto tayong makuntento sa mga ibinigay niya sa atin at pahalagahan natin ito. "May isang batang umiiyak sapagkat wala siyang bagong sapatos sa Pasko. Hindi siya maawat sa pag-iyak at paglumpasay sa sahig. Ngunit ang kanyang pag-iyak ay sinabayan naman ng isang malakas na halakhak na nanggagaling sa labas ng bahay. Dumungaw siya sa bintana at nakita niya ang isang batang kasing edad niya na masayang-masayang naglalaro. Napatigil ang bata sa pag-iyak ng makita niya na ang batang napakasaya ay putol ang isang paa!" Kadalasan, ang nakikita natin ay ang "sapatos" na hindi maibigay sa atin. Nakakaligtaan natin na ang kasiyahan sa buhay ay hindi nakasalalay sa sapatos kundi sa "paa" ng nagsusuot nito. Nasaan ka na sa paghahanda mo sa Pasko? Baka sapatos lang ang hinahangad mo. Makuntento ka sa mga pagpapalang ibinigay ng Diyos sa iyo. Magsaya ka sapagkat ito ay pinagkaloob ng Diyos na nagmamahal sa iyo ng lubos!
Biyernes, Disyembre 2, 2011
TOURNAMENT SA LANGIT: Reflection for Second Sunday of Advent Year B - December 4, 2011
Gusto mo bang pumunta sa langit? Ngayon na? Siguro ang sagot mo: "As in ngayon na?" Nakakatakot nga naman kung "ngayon na" dahil marami sa atin ang magsasabing "hindi pa ako handa!" May dalawang magkaibigan na fanatic sa badminton. Halos lahat ng tournament ng badminton ay sinasalihan nila at walang pinapatawad. Sa sobrang pagkafanatic nila sa badminton ay nangako silang kung sino man sa kanila ang unang mamamatay ay dapat ibalita kung may badminton din sa langit. Nagkataong paglipas lamang ng ilang linggo ay binawian ng buhay ang isa sa kanila. At tinupad naman nito ang kanyang pangako. Kinagabihan ay dinalaw niya ang kanyang kaibigan. "Pare, si Budoy ito , may good news at bad news ako para sa iyo..." Laking gulat at takot ng kanyang kaibigan ng marinig ang tinig ni Budoy. "Ang good news ay... may badminton tournament sa langit. Ang bad news... ikaw ang makakalaro ko bukas!" hehehe... O di ba kahit ikaw man ang masabihan ng ganun ay matatakot ka rin? Hindi lang sa kadahilanang hindi tayo handa. Marahil ang pinakadahilan ay sapagkat hindi natin sukat na batid ang laki ng awa at habag ng Diyos. Ang panahon ng Adbiyento ay ang ating paghahanda hindi lamang para sa pagdiriwang ng Pasko ngunit sa pagharap natin sa muling pagdating ni Jesus sa ating piling. Haharap tayo hindi sa isang Diyos na mabagsik at mapanghusga ngunit sa isang Diyos na mapagpatawad at mahabagin. Kaya nga't ang panawagan ni San Juan Bautista sa ilang ay pagbabalik-loob: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan!" Huwag sana tayong madaig ng ating sariling mga kakulangan. Totoo, walang sinuman sa atin ang karapat-dapat sa kanyang harapan, ngunit sa pagkakatawang-tao ng Kanyang Anak ay ginawa Niya tayong karapat-dapat! Ang pinakamagandang paghahanda sa pagdating ng Panginoon ay ang tuwirin ang "ang ating liko-likong landas!" Ayusin natin ang dapat ayusin sa ating buhay. Gawin natin sanang makahulugan ang Panahon ng Adbiyentong ito sa pamamagitan ng isang taos-pusong pagbabalik-loob at pagdulog sa Sakramento ng Kumpisal. Lagi tayong umasa na laki ng habag at sa walang kundisyong pagpapatawad ng Diyos sa ating mga kasalanan. Nasindihan na ang ikalawang kandila ng ating Korona ng Adiyento. Nasa ikalawang linggo na tayo ng ating paghahanda. Marahil ay panahon na upang ituon naman natin ang ating paghahanda sa paglilinis ng ating puso. Ikaw rin... baka may tournament ka na ng "badminton" bukas sa langit!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)