Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Martes, Disyembre 30, 2014
KAPAYAPAAN SA BAGONG TAON: Reflection for NEW YEAR 2015 - Solemnity of Mary Mother of God - World Peace Day - January 1, 2015
Ang unang araw ng Bagong Taon ay pagdiriwang din ng ARAW NG KAPAYAPAANG PANDAIGDIG na kung saan ay ipinagdarasal natin na magkaroon nawa ng kapayapaan sa ating mundo, sa ating bansa at sa ating mga sarili. Nararapat lang sapagkat marami sa atin ay papasok sa bagong taon na maraming agam-agam at pagkabalisa sa kanilang sarili. Dinadaan na lamang natin sa ingay ng paputok ang ating mga pangamba sa taong darating. Pero sabi nga ng aking nabasang isang kasabihan: "WORRYING DOES NOT TAKE AWAY TOMORROW'S TROUBLES, IT TAKES AWAY TODAY'S PEACE!" (Mumoy Batangueno). Kaya nga naangkop na ipinagdarasal natin sa unang araw ng Bagong Taon na pagkalooban tayo ng Panginoon ng TUNAY NA KAPAYAPAAN sa ating mga sarili at ng sa gayon ay masalubong natin ang bagong taon ng mahinahon at taglay ang katapangang tatalo sa ating pagkabalisa at pag-aalinlangan. Kung ating titingnan ay ang dami nating ritual na ginagawa upang salubungin ang bagong taon ng masaya at masagana at kontrahin ang ating mga pangamba sa buhay Naririyan na ang pagbating MANIGONG Bagong Taon na ang ibig sabihin ay MAPAGPALANG Bagong Taon! Naririyan na ang mga bilog na prutas sa ating lamesa, ang pagsusuot ng mga pulang damit at mga disenyong POLKA DOTS o mga bilog na hugis, nariyan na ang mga paputok upang palayasin ang MALAS at papasuking ang SUWERTE sa ating mga bahay, Iisama na rin natin ang usok na dala ng pulbura), nariyan na ang paggawa ng NEW YEARS RESOLUTION, at marami pang iba... Anuman ang ating mga ritual na gawain ay hindi ito makasisigurong magiging mapayapa at masagana ang taong darating. Tatlong bagay lang ang maipapayo kong maaring makatulong sa ating lahat sa pagsalubong sa Bagong Taon upang malabanan natin ang kamalasang dala ng pangamba: Una, alalahaning hindi ka nag-iisa, mayroon kang tinatawag na "mga kaibigan". Ikalawa, magkaroon ka ng tiwala sa sarili, at Pangatlo, malalim na pananampalataya sa Diyos. Isaisahin natin, una, tandaaan mo na walang mapapala ang pagmumukmok! Hindi ka nag-iisa sa mundo! May mga kaibigan kang masasandalan at malalapitan sa oras ng kalungkutan at pagsubok. Subukan mong mag-imbentaryo ng mga kaibigan mo ngayong patapos na ang 2014. Marami ka bang matatawag na tunay na kaibigan? Dagdagan mo ang mga kaiban mo ngayong bagong taon. Hindi mo mabibili sila mabibili o mahihiram o maiuutang. Magkakaroon ka ng mga kabigan sa pagiging tunay na kaibigan din sa kanila. Ikalawa, baka sabihin mong wala lang kaibigan... mali! Sapagkat mayroon kang kaibigan na hindi ka maaring iwanan at iyan ay IKAW! Oo, ang matalik mong kaibigan ay walang iba kundi ang iyong sarili. Magkaroon ka ng tiwala sa iyong saili. Sa totoo lang, ikaw ang gumagawa ng kapalaran mo! Hindi ang mga taong nasa palagid mo. Mahalin mo ang iyong sarili. Matuto kang humalakhak mag-isa... tawanan ang iyon katangahan, tanggapin ang iyong kakulangan, patawarin ang iyong sarilimg pagkakamali! Tandaan mo na ikaw ang makapagpapasaya sa sarili mo! At pangatlo, magkaroon ka ng malalim na pananampalataya sa Diyos. At dito papasok ang kapistahanng ipinagdiriwang natin ngayon: ANG KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS. Kapag binigo ka ng mga kabigan mo at maging ng sarili mo... huwang mong kalilimutan na MAY DIYOS NA NAKAALALAY SA IYO! Siya ang huling maaari mong kapitan at magbibigay sa iyo ng lakas upang maharap mo ang mga pagsaubok sa bagong taon na ito. Kaya nga tayo nagsisimba at ibibigay sa atin ng Simbahan ang halimbawa ni Maria! Siya na humarap sa malaking pagsubok ng ihain sa kanya ng Diyos ang isang planong kakaiba sa nais niyang mangyari sa kanyang buhay... ang mgaigng INA NG DIYOS! Ngunit sa kabila ng maraming agam-agam at pag-aalinlangan, sa kabila ng kawalan ng kasagutan a kanyang mga katanungan ay nagawa ni Marian ipasa-Diyos ang kanyang buhay. "Maganap nawa sa akin ayon sa wika mo..." Mga kapatid sa pagpasok ng taong 2015, sana ay maipasaDiyos din natin ang ating mga suliranin at pagsubok na hinaharap at haharapin pa sa ating buhay. Hindi lang MANIGO o masagaba ang Bagong Taong darating sa ating piling kung ang Diyos ay kasama natin Ito rin ay MAPAGPALA at punong-puno ng BIYAYA! Katulad ni Maria, ang banal na INA NG DIYOS... taglayin natin ang malalim na pananampalataya sa pagsunod sa nais ng Diyos na mangyari sa ating buhay. Huwag nating hayaang nakawin ng pagkabalisa at pagkatakot ang kapayapaang dapat ay nasa atin ngayon at sa darating na bagong taon. Ipagdasal natin ang kapayapaan na maghari sa ating mga sarili. "LET THERE BE PEACE ON EARTH AND LET IT BEGIN WITH ME..."
Sabado, Disyembre 27, 2014
PAMILYANG BANAL AT MARANGAL: Reflection for the Feast of the Holy Family - December 28, 2014 - YEAR OF THE POOR
Ang bawat isa sa atin ay nangangarap na magkaroon ng isang masaya at nagkakaisang pamilya. Ngunit paano na lamang kung ang pamilya ay magulo, kanya-kanya, at nagbabangayan sa isa't isa? May kuwento na minsan daw ay may aksidenteng naganap. Buong mag-anak na nakasakay sa kotse ay bumagsak sa bangin. Nang bukasan ng mga imbestigador ang sasakyan ay nakita nilang patay ang lahat maliban sa isang unggoy na marahil ay kanilang alaga. Walang ibang saksi kundi ang unggoy na nagkataong matalino naman pala kung kaya't ito na lang ang tinanong ng imbestigador. "Ano ang ginagawa ng tatay bago maganap ang aksidente? tanong niya sa unggoy. Kumilos naman ito na animoy sumusuntok. "Ah sinusuntok ng tatay ang kanyang maybahay! Eh ano naman ang ginagawa ng nanay?" Sunod niyang tanong sa unggoy. Umarte ang unggoy na may sinasampal. "Sinasampal ng nanay ang kanyang asawa! Yung dalawang anak sa likod ng kotse, ano ang ginagawa?" taning uli ng imbestigador. Iniakto ng unggoy na nagsasabunutan sila. "Hmmm, nag-aaway ang magkapatid! Ikaw naman, unggoy ano ang ginagawa mo bago mangyari ang aksidente?" huli niyang tanong. Kumilos ang unggoy na tila nagmamaneho ng kotse! Kaya naman pala! hehehe... Napakasaklap nga naman ang katayuan ng isang pamilyang sa halip na pagmamahalan ay alitan at away ang nangyayari. Ang plano ng Diyos para sa pamilya ay maging pugad ng pagmamahalan at kasiyahan. Ikaw ba ay tagpagdala ng kagalakan sa iyong pamilya? O baka naman ikaw ay sanhi pa nga ng gulo sa tuwing ikaw ay umuuwi ng bahay. Nakakalungkot sapagkat nawawala na ang kasiyahan na dapat ay namamayani sa isang pamilya. May isang pari na nagkwento tungkol sa isang batang kalye na ang pangalan ay "Ngarakngak". Ang ibig sabihin ng "NGARAKNGAK" sa Bicol ay "halakhak". Masiyahin ang batang itong at kung minsan nga ay pagkakamalan mong sinto-sinto dahil sa lagi siyang tumatawang mag-isa. Minsan ay nakasama siya sa feeding program ng parokya at nahalata ng pari na pabalik-balik si Ngarakngak sa pila. Pagkakuha ng pagkain ay tatakbong palabas at babalik uli para kumuha ng isa. Nagtaka ang pari at sa pangatlong pagbalik ay sinundan niya si Ngarakngak sa pinupuntahan nito. Dinala siya sa ilalim ng isang tulay at doon ay nakita niyang ibinigay ng bata ang kanyang dalang pagkain sa kanyang mga magulang na maysakit. At nasaksihan niya ang galak sa mga mukha ng pamilya na nagsalo-salo sa tatlong platong pagkaing dala ng bata na tinatawag na "Ngarakngak". Naging tunay siya sa kanyang alyas na "Ngarakngak" sapagkat nagdala siya ng kaligayahan sa kanyang mga magulang. Ikaw ba ay nagdadala rin ng kasiyahan sa iyong pamilya? O baka naman panay sakit ng ulo na lang at pighati ang binibigay mo sa iyong mga magulang? Ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak ay nagpapaalala sa atin na dapat tayong maging tagapagdala ng kaligayahan sa ating pamilya. Ang mga anak ay nararapat ipagkapuri ang kanilang mga magulang at gampanang matapat at may paggalang ang kanilang tungkulin sa bahay. Ang mga magulang naman ay hindi lang sapat na mahalin ang kanilang mga anak; dapat ay ipadama nila ito sa kanila. Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng "quality time" at regular na pakikipag-usap sa kanila. Ang lahat ng ito ay may mas maisasakatuparan kung ang pamilya ay naka-sentro kay Kristo. Hindi sapagkat "banal" ang Banal na Mag-anak ay wala na itong problema at kahirapang naranasan. Tayo rin, tulad ng Banal na Mag-anak ay nakararanas ng kahirapan at suliranin sa ating buhay ngunit kung ang ating mag-anak ay naka-sentro kay Kristo ay walang balakid na hindi natin kayang lagpasan o pagsubok na hindi natin kayang suungin. Ang kasabihang "The family that prays together, stays together" ay hindi lamang "pius exhortation". Ito ay dapat isabuhay ng pamilyang Kristiyano upang maisakatuparan ang plano ng Diyos para sa pamilya... na sana ang bawat pamilyang Kristiyano ay maging PAMILYANG BANAL AT MARANGAL.
Huwebes, Disyembre 25, 2014
ANG REGALO NG PASKO: Reflection for Christmas Day - December 25, 2014 - YEAR OF FAITH
Ang Pasko raw ay para sa mga bata. Hindi ako naniniwala! Ito rin ay para sa mga bata ang isip! hehe! Bakit sapagkat sa Pasko ay tumatanggap tayo ng REGALO. Bata man o matanda, may regalong tinatanggap kapag Pasko! Pero dapat tayong mag-ingat sa pagtanggap ng regalo. May kuwento ng isang kura paroko na
niregaluhan ng kanyang mga parokyano. Dahil sa liit ng kanyang parokya
ay halos kilala niya lahat ang mga tao at ang mga kabuhayan nila. May
isang batang lumapit na may bitbit na kahon na ang pamilya ay may "bake
shop". Sabi ng pari: "Ah, alam ko yang dala-dala mo... cake yan 'no?"
Sagot ng bata: "Ang galing mo Father, pano mo nahulaan?" "Obvious ba? e
may bakeshop kaya kayo?" Sagot sa kanya ng pari. Lumapit ang ikawalang
bata na may dala ring regalo na ang pamilya naman ay may pagawaan ng
sapatos. "Alam ko yang regalo mo... sapatos yan!" Sabi ng pari. Laking
gulat ng bata at tanong sa pari: "Pano mo nalaman Father?" "Obvious ba?
May pagawaan kayo ng sapatos di ba? hehehe" Patawang sagot ng pari.
Lumapit ang isa pang bata na may dalang kahon na medyo basa pa ang
ilalim. May tindahan sila ng mga alak. Sabi ng pari: "Alam ko yan...
alak yan." Hinipo ang basang bahagi ng kahon at tinikman. "Aha!
Champagne ito... maasim!" Sabi ng pari. "Hindi po padre!" Sabi ng bata.
"Mompo?" "Hindi rin po!" "E, ano ito...?" Sagot ng nakangiting bata:
"Tuta po!" O di ba dapat mag-ingat sa pagtanggap ng regalo? Tinggnan muna bago tikman! hehehe... Ang Pasko ay para sa lahat sapagkat tayong lahat ay tumanggap ng REGALO noong unang Pasko. Sa katunayan sa Ebanghelyo ni San Juan ay ito ang kanyang nais sabihin. Medyo may kalaliman ang mga salitang binitiwan ni San Juan ngunit kung ating pagninilayang mabuti ay maiintindihan natin na ang kanyang tinutukoy ay si Jesus na nagkatawang-tao. "Sa simula pa'y narron na ang Salita... Ang Salita ay Diyos... at ang Salita ay nagkatawang-tao!" Kaya nga tinawag siyang "Emmanuel" ni Propeta Isaias na ang ibig sabihin ay "ang Diyos ay sumasaatin" at Siya'y nanirahan sa piling nating. Ngunit ang pananatili ng Diyos ay pinagdududahan pa rin ng ilan sa atin. Sa mga naging biktima ng karahasan, paghihirap dala ng kalamidad tulad ng bagyo ar lindol, kamatayan ng minmahal sa buhay, ang Diyos ay NOWHERE! Ngunit para sa ating mga Kristiyano at lalong-lalo na para sa 'ting nakaranas ng Kanyang pagmamahal ay masasabi nating God is NOW HERE! Naririto ang Diyos. Sa katunayan, ay ito ang parating ipinahihiwatig ng Pasko: Na si Jesus ang dahilan kung bakit may Pasko. Na Siya ang REASON OF THE SEASON! Walang Pasko kung walang Kristo! Kaya nga ang hamon sa atin ay panatilihin natin si Kristo sa pagdiriwang ng Pasko "Let us keep Christ in CHRISTmas!" Nakakalungkot na sa ibang bansa ay pinapalitan nila ang pagbati ng Merry Christmas ng HAPPY HOLIDAY! Bakit? Sa kadahilanang hindi naman daw lahat ay Kristiyano. Eh, bakit pa sila nagdiriwang ng Pasko kung tatanggalin naman pala nila si Kristo? Parang wala sa hulog di ba? Para sa ating mga Kristiyano ay sapat na upang ipagpasalamat natin sa Diyos na may kahulugan ang ating pagdiriwang! Kaya nga dapat ay ipagpasalamat natin sa Kanya ang tinaggap nating REGALO na walang iba kundi ang biyaya na Kanyang anak na si Jesus! Kung ang Salita ay nagkatawang tao ay dapat din nating bigyan ng "laman" o isabuhay ang biyayang ito! Ngayong Pasko ay maging BIYAYA rin tayo para sa isa't isa. We are GIFTS to everyone! Ikaw ay biyaya para sa ibang tao! Hindi ka kamalasan para sa pamilya mo o sa mga kaibigan mo! Ikaw ay BLESSING na maituturing! Kaya ibahagi mo ang blessing na ito sa iba! Share Christ this Christmas. MERRY CHRISTmas!
Lunes, Disyembre 22, 2014
KABUTIHANG MAGPAKAILANMAN: Reflection for 8th Day of Christmas Novena -SIMBANG GABI - December 22, 2014 - YEAR OF THE POOR
Ano nga ba ang meron sa pangalan mo? Natanong mo na ba ang iyong magulang kung bakit ito ang pangalang na ibigay n'ya sa iyo? Karaniwang ang mga pangalan ay nanggagaling sa magulang kaya nga't malimit na tayong makakita ng mga Jr, (junior) sa huli ng pangalan. Kung minsan naman ay pinagsamang pangalan ng tatay at nanay ang pangalan bata. Halimbawa ay Jomar sapagjkat ang tatay ay Jose at ang nanay ay maria. May kuwento na minsan daw ay kinausap ni Mommy Dionisia ang anak na si Manny. "Anak, gusto ko naman pag nagka-anak kayo uli ni Jinky, di lang pangalan ninyo ang pagsasamahin, Dapat kasali din pangalan ko!" "Oo naman nay, kasu midyu mahirap yun!" sagot ni Manny. "Hindi ah! May naesep na nga ako eh!" payabang na sagot ni Mommy D. "Talaga nay anu?" "Simple lang anak... DIOMANJI (Dionisa-Manny-Jinky)!" hehehe... Bakit nga ba JUAN ang pangalang ibinigay sa anak ni Zacarias at Elisabet? Kung susundin natin ang tradisyon ng mga Judio ay dapat na ibinigay sa kanya ang pangalang Zacarias tulad ng kanyang ama. Kaya nga laking pagkagulat ng mga taong naroon ng marinig na JUAN ang ipapangalan sa kanya sapagkat wala sa kanilang kamag-anak na may gayong pangalan. Ano ba ang nilalaman ng pangalang Juan? Sa wikang Ingles ang ibig sabihin ng Juan ay GOD IS GRACIOUS! Totoo nga naman, napakabuti ng Diyos sapagkat unang una ay tinanggal Niya sa kahihiyan ang pagiging walang anak ng mag-asawang Zacarias at Elisabet. Pangalawa ay sapagkat ang pagkapanganak kay Juan ay nagpapakita na nilingap ng Panginoon ang kanyang bayan sa kabila ng pagkasalawahan nito! Tunay ngang "God is good all the time and all the time God is good!" Hindi Niya binigo ng Diyos ang Kanyang bayan sa Kanyang pangako. Ang Diyos nanatiling TAPAT sa tao. Tunay ngang hindi mapapantayan ang katapatan ng Diyos sa atin. Sa kabila ng katigasan ng ating mga ulo ay ipanagpatuloy pa rin Niya ang planong kaligtasan! Tayo lang naman kasing mga tao ang nagtataksil at may pusong salawahan. Madalas nating ipagpalit ang Manlilikha sa kanyang mga nilikha! Sa katunayan ay ito ang kahulugan ng kasalanan ayon kay San Agustin. "Aversio a Deo, conversio ad creaturam!" (Turning away from God and turning towards creatures!) Ilang beses ko na bang ipinagpalit ang Diyos sa mga makamundo at mga materyal na bagay (o kahit tao)? Kung minsan naman ay hindi natin pinaninindigan ang pangalan ni Kristo na ating tinanggao noong tayo ay bininyagan. Ang masama pa nga ay ikinahihiya natin ito sa tuwing hinihingi nito ang ating pagsaksi, Simpleng pagdarasal bago kumain sa isang fastfood restaurant o kaya naman ay pag-aatndanda ng krus pagdaan ng jeep sa isang simbahan ay ating ipinagwawalang bahala dala marahil ng kahihiyan na rin sa ating mga katabi. Paano pa kaya kung buhay na natin ang hinihingi para panindigan ang ating pangalang Kristiyano? Huwag sana nating biguin ang Diyos kung paanong di Niya tayo bilang Kanyang bayan! Patuloy Niya tayong liingapin sa kabila ng ating pagkamakasalanan. Sapagkat Siya ay Diyos na mabuti.... napakabuti! At ang kanyang kabutihan ay magpakailanman!
Linggo, Disyembre 21, 2014
PUSONG MAPAGPASALAMAT: Reflection for 7th Day of CHRISTMAS NOVENA / SIMBANG GABI - December 22, 2014 - YEAR OF THE POOR
Sabado, Disyembre 20, 2014
ANG PLANO NG DIYOS: Reflection for 4th Sunday of Advent and 6th Day of Christmas Novena - December 21, 2014 - YEAR OF THE POOR
Ano ba ang plano mo ngayong Pasko? May plano ka bang takasan o hindi magpakita sa mga inaanak mo? May paalala sa iyo si Donya Ina: "Malapit na ang Pasko hindi ka pa rin nagpapparamdam si Ninang at Ninong, Pag may okasyon laging present! Pag Pasko... di na makita? Anong style yan? Magregaloo din kayo pag may time mga Ninang at Ninong ah? Lab U!" Ngunit may ilan-ilan din namang hindi nagtatago pero may kundisyong inilalatag para sa kanilang mga inaanak. Sabi ng isang nabasa ko: "To all my inaanak, Eto ang mga requirements in claiming your gifts: 1. Original Copy of Birth Certificate 2. Original Copy of Baptismal Certificate 3. Picture or Video during the Baptismal Ceremony 3. Should know my complete name. Note: Deadline of claiming your gift is until December 31, 2014 only! Inaanaks with no requirements will not be entertained! Incomplete requirements, no gift! Merry Christmas!: hehehe.., astig si Ninong! Ang Diyos din sa simula pa ng magkasala ang ating mga unang magulang ay may plano na para sa atin. Isinugo Niya ang kanyang bugtong na Anak at dahil dito ang "Salita" na Diyos ay nagkatawang-tao. Siya ay tinawag na "Emmanuel" o ang Diyos na sumasaatin. Upang maisakatuparan ang planong ito ay pinili Niya ang isang karaniwang babae na taga-Nazareth na ang pangalan ay MARIA. Ngunit ang babaeng ito ay mayroon na ring plano para sa kanyang sarili. Sa katunayan siya ay naitalaga na kay Jose upang kanyang maging asawa. Subalit binago ng Diyos ang plano ni Maria. Hindi naging madali para kay Maria na tanggapin ang bagong planong ito. Hindi niya lubos na maunawaan ang ibig sabihin nito ngunit sa kahulu-hulihan ay isinuko n'ya rin ang kanyang plano sa Diyos: "Ako'y alipin ng Panginoon, mangyari sa akin ayon sa iyong sinabi." Marahil tayong lahat din ay sari-sariling plano sa ating buhay. Kalimitan ay nalilito pa nga tayo kung ano ang nais nating mangyari sa ating buhay. Kalimitan din ay palpak ang planong ating sinusunod. Yun ay sapagkat mali ang ating tanong. Hindi kung ano ang plano natin bagkus kung ANO BA ANG PLANO NG DIYOS PARA SA ATIN? Minsa ay nagkakabangga ang plano natin at ang plano ng Diyos para sa atin. Kung hindi magkatulad ang nais nating mangyari. Sa ganitong pagkakataon ay kakikitaan natin ng pagiging modelo ang Mahal na Birhen. Siya na inuna muna ang kalooban ng Diyos para sa kanya at simang-ayon sa plano nitong maging ina ng anak ng Kataas-taasan! Nawa ay lagi rin nating unahin ang kalooban ng Diyos. Sa katunayan ay lagi nating binabanggit ito sa ating panalangin: "Sundin ang loob mo, dito sa lupa para ng sa langit!" Hindi madali ang sundin ang plano ng Diyos. Nangangahuugan ito ng paglimot sa ating sariling mga plano. Kung minsan ay magdudulot pa ito ng paghiirap at sakrispisyo ngunit kung magagawa naman natin ito ay mararanasan natin ang kakaibang ligaya sa ating buhay. Gayahin natin si Maria at maging bukas din tayo sa pagsunod sa plano ng Diyos. Sa kabila ng ating pag-aalinlangan maging tapat lagi tayo sa Kanyang Salita at isabuhay ito araw-araw.
Biyernes, Disyembre 19, 2014
ANG BELEN SA PUSO MO: Reflection for 5th DAY OF CHRISTMAS NOVENA - SIMBANG GABI - Decenber 20, 2014 - YEAR OF THE POOR
Uso pa ba ngayon ang Belen? Upang matawag na Belen dapat ay naglalaman ito ng mga imahe nina Jesus, Maria at Jose. Dapat din ay naroroon ang mga imahe ng mga pastol, ng mga wise men, ng mga hayop. Kapag may kulang puwedeng sabihing hindi kumpleto ang Belen at dahil siyan WALANG BELEN! Ang Belen marahil ang isa sa pinakapopular na simbolo ng Pasko ngunit dati iyon! Maraming bansa ngayon ang wala ng Belen! Sa Amerika na namumuhay na sa sekularismo ay masasabing wala ng Belen sapagkat WALA NA SILANG WISE MEN! Sa Japan na napakaprogressibo ang teknolohiya at marangya ang pamumuhay wala ring Belen sapagkat WALA NG POOR shepherds, Sa Amsterdam na kung saan ay legal ang prostitusyon at pornograpiya ay wala ring Belen sapagkat WALA NG VIRGIN! Pero ibahain natin ang Pinas! Dito sa atin ay maraming Belen! Bakit? Sapagkat MARAMING HAYUP! Ayun naglipana sa Kongresso at Senado at nakapang amerikana pa na may kurbata! Marami rin tayong WISE MEN!Tulad nina TATA LINO! Marami ring POOR shepherds sapagkat nagkalat sa ating lansangan ang mga taong grasa! Marmi ring VIRGINS. Sa katunayan ay may softdrinks pa nga na ang pangalan ay VIRGIN! Pero higit sa lahat, tayo ay DAPAT MAY BELEN sapagkat tayo ay mga taong PIINAGHAHARIAN NG DIYOS! Marami pa rin sa atin ang kumikilala sa Diyos at may takot sa Kanya! Marami pa rin sa atn ang naniniwala na isinugo ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas! Sa ating Ebanghelyo ngayon ay ikinuwento sa atin kung papaano ipinanganak ang Mesiyas ayon sa propesiya ng Lumang Tipan. "Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng lalaki na tatawaging Emmanuel na ang ibig sabihin ay "Ang Diyos ay sumasaatin!" At ito nga ay naisakatupara ng Dinalaw ng Anghel Gabriel ang isang dalaga sa Nazaret na ang pangalan ay Maria. "Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos! Sumasaiyo ang Panginoon!" wika ng Anghel Gabriel. At ipinahayag niya na siya ang magiging ina ng Tagapagligatas na papangalanan niyang Jesus! Ang sagot ni Maria ang nagsakatuparan ng plano ng Diyos: "Mangyari nawa as akin ayon sa wika mo!" Ang tapong ito ay nagpapakita at nagpapaalala sa atin ng KATAPATAN ng Diyos. Na sa kabila ng ating pagkasalawahan ay may Diyos na nakakaunawa sa atin. At hinihingi naman Niya sa atin ay katapatan din sa ating pagtugon. Nangangahulugan ito ng pagsasabuhay ng ating mga pangako sa binyag at pagpapahalaga sa ating pangalang KRISTIYANO. Sikapin nating maging tapat lagi kay Kristo at huwag ikahiya ang pangalang ito. Maging saksi tayo ng Kristo sa ating tahanan, lugar ng paggawa, paaralan at sa ating pakikitungo sa isa't isa. Huwag natng dungisan ang pangalang Kristo na nakakabit sa ating pagkatao. Ang Belen ay hindi lamang dapat makikita sa labas ng bahay bilang palamuti o dekorasyon. Ang mensahe ng Belen na KATAPATAN ay dapat nakatangghal sa ating mga puso at ibinabahagi natin ito sa ating kapawa. Ang Belen ay dapat nasa PUSO MO!
Huwebes, Disyembre 18, 2014
DIYOS NA KAPAMILYA AT KAPUSO NATIN! : Reflection for 4th Day of Christmas Novena - SIMBANG GABI - December 18, 2014 - YEAR OF THE POOR
Hanggang saan ba ang ating pagtitiwala sa Diyos? Lagi nating naririnig ang mga katagang "God is good all the time and all the time God is good!" Ngunit ito ba ay napatutunayan natin sa ating pagtitiwala sa Kanya? Minsan ay may isang sirkero na nagtangghal sa isang pampublikong lugar. Nagtali siya ng isang kable sa magkabilang gusali at nagsabi sa mga taong panoorin ang kanyang gagawin. Dala ang isang mahabang patpat ay tumulay siya sa kable na walang kahirap-hirap. Hangang-hanga ang mga nanonood at muling nagsalita ang sirkero. "Ngayon ako naman ay tutulay sa kable na nakasakay sa bisikleta. Naniniwala ba kayong magagawa ko ito?" "Oo, naniniwala kami! Alam naming mahusay ka at magagawa mo iyon!" At kinuha nga ng sirkero ang kanyang bisikleta at nagsimulang pumadyak at walang hirap na tinawid ang bisikleta sa kabilang gusali. Palakpakan ang mga nanonood ngunit muling nagsalita ang sirkero: "Wag muna kayong pumalakpak. May isa pa akong gagawin. Muli kung itatawid ang aking bisikleta sa kable na may angkas sa likod! Naniniwala ba kayong magagawa ko ito?" "Oo, naniniwala kami na magagawa mo yan sapagkat napakahusay mo!" sabi ng mga nanonood. "Salamat! Ngayon nangangailangan ako ng isang volunteer para umangkas sa aking bisikleta? Mayroon bang may gusto sa inyo?" Tumahimik ang lahat. at isa-isang umalis... Ang Pasko ay kuwento ng Diyos na nagkatawang tao upang makasama natin. Kung hihiramin ko ang slogan ng ABS-CBN, ang Diyos naging KAPAMILYA natin. Ngunit ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi lang naging bahagi ng sangkatauhan, Siya rin ay nakiisa sa atin, maliban sa kasalanan, at nagpakita ng malasakit at pagmamahal sa ating. Kung hihiramin ko ang slogan ng GMA7, ipinakita ng Diyos na Siya ay KAPUSO natin! Ngunit sa kaibla nito ay marami pa rin ang nag-aalinlangan sa Kanya. Katulad ng pag-aalinlangan ni Zacharias na nag-alinlangan na kayang gawin ng Diyos ang imposible na ang kanyang asawang si Isabel ay magbubuntis at manganganak. Bagamat may katwirang mag-alinlangan si Zacahrias sapagkat matanda na sila ng kanyang asawa, ay hindi niya napagtanto na ang kaharap niya ay ang anghel Gabriel na sugo ng kataas-taasang Diyos minsan ng nagpamalas ng Kanyang kapangyarihan at kadakilaan. May Zacharias din sa bawat isa sa atin. Sa kabila ng kabutihan na ipinapakita ng Diyos ay sinusuklian natin ng pag-aalinlangan. pagwawalang-bahala, pagkagalit, at kung minsan pa nga ay pagtatatwa ang Kanyang alok na pagmamahal. Kung minsan dala marahil ng maraming provlema at pagkabigo ay nalilimutan nating may Diyos na "mas malaki pa" sa ating mga suliranin at alalahanin sa buhay! Magtiwala tayo sa Kanya sapagkat may Diyos na nakiisa at nagmalasakit sa atin... may Diyos na naging KAPAMILYA AT KAPUSO natin!
Miyerkules, Disyembre 17, 2014
PANAGINIP AT PANGAKO: Reflection for Chiristmas Novena - SIMBANG GABI Day 3 Year B - December 18, 2014
Isa ka ba sa mga naniniwala sa panaginip? Sabi ng mga matatanda ay huwag daw balewalain ang panaginip sapagkat nagkakatotoo daw ito! May kuwento na minsan ay magkasamang natutulog ang tatay at ang kanyang anak. Nagising ang tatay sa malakas na ungol ng anak na nananaginip. Biglang sumigaw ito: "Paalam, LOLO!" Kinabukasan, nakatanggap sila ng masamang balita na namatay ang kanilang lolo. "Hala! Nagkatotoo ang panaginip ng anak ko!" Kinagabihan, habang sila'y natutulog ay nagising uli ang tatay sa ungol ng anak na nananaginip; "Paalam... LOLA!" Kinaumagahan, nakatanggap uli sila ng masamang balita na namatay din ang kanila lola. "Ano ba ito? Nagkakatotoo ang panaginip ng anak ko!" At kinagabihan, muling nagsalita ang bata sa kanyang panaginip: "Paalam... TATAY!" Kinabahan ang tatay. Kinabukasan doble ang pag-iingat niya. Hindi na siya umuwi pagkatapos ng trabaho dahil feel niya na safe siya sa office. Nagpadrive siya sa company driver para iwas aksidente. Lahat ng kilos niya ay doble ingat para di madisgrasya. Pag-uwi sa bahay ay sinalubong siya ng kanyang asawang umiiyak kasama ang kanyang anak. " O ba't ka umiiyak? Buhay na buhay pa ako!" sabi ng mister sa asawa. "Darling... kasi namatay ang driver natin!" At bumalik sa alaala niya ang sinabi ng kanyang anak noong nakaraang gabi: "Paalam... TATAY!!!" hehehe... Ang panaginip daw ay isang malaking misteryo. Mahirap ipaliwanag. Minsan nagkakatotoo... minsan naman ay kabaliktaran ito! May magagandang panaginip. May tinatawag ding bangungot! Sa Lumang Tipan ang panaginip ay tinatawag na "forgotten language of God" na kung saan ay ginagamit ito ng Diyos para makipag-usap sa tao. Sa Bagong Tipan, ang panginip ay "katuparan ng mga pangako ng Diyos!" Kaya nga nang managinip si Jose at sabihan siya ng anghel na huwag matakot tanggapin si Maria bilang kanyang asawa sapagkat ang pinaglilihi niya ay lalang ng Espiritu Santo, ito ay hindi lamang karaniwang panaginip. Ito ay pagsasakatuparan ng plano ng Diyos! Ang pagsang-ayon ni Jose sa sinabi ng anghel sa panaginip ay nagpapakita ng pagtanggap na niya sa plano ng Diyos sa kanyang buhay. Sinasang-ayunan ko rin ba ang plano ng Diyos sa aking buhay? Ano ba ang trato ko sa Diyos kapag hindi niya naibibigay ang gusto ko at hindi naisasakutaparan ang plano ko? Anuman ang plano ng Diyos sa iyo ay isa lang ang sigurado... nais ng Diyos na maging masaya ka ngayong Pasko! Ibinigay Niyang regalo ang Kanyang bugtong na Anak upang maging maligaya tayo sa buhay natin dito sa lupa at hindi lang sa langit. At kasama rin sa Kanyang plano na mabuhay tayo ng mabuti at ng may banal na pagkatakot sa Diyos! Kapag sinusunod natin ang Kanyang mga utos, sa tuwing tayo ay gumagawa ng kabutihan, kapag namumhay tayo ng banal at marangal... isinasakatuparan natin ang PLANO NG DIYOS para sa atin. Ang panaginip ay nagiging PANGAKO at ang pangako ay nagiging GANTIMPALA!
Martes, Disyembre 16, 2014
KATAPATAN SA PAGKASALAWAHAN : Reflection for Simbang Gabi Day 2 - December 17, 2014 - YEAR OF THE POOR
Nasusukat ba ang katapatan ng isang tao? May kuwento ng isang paring mahilig presyuhan ang kanyang mga ikinakasal. Minsang siya ay nag-interview para sa kasal ay una niyang kinausap ang lalaki: " Kung bibigyang halaga sa salapi ang katapatan ng magiging misis mo, magkano ang katumbas nito? " "Father, ang halaga ng katapatan niya ay PhP 20,000. " Muling nagtanong ang pari, "Eh, yung pagiging maunawain niya, magkano ang halaga nito?" "Father, ang pagkamaunawain niya ay PhP 10,000!" "Eto, huling tanong na," sabi ng pari, "Yung kagandahan ng magiging misis mo magkano?" "Father, limang piso po!" sagot ng lalaki. "Bakit naman limang piso lang?" "Gusto po ninyong malaman, eh di tingnan n'yo po sa labas yung magiging misis ko!" sagot ng binata. Lumabas nga ang pari at sinilip anfg itsura ng mapapangasawa. Nang bumalik ang pari sa silid, inabutan niya ng dalawang piso ang lalaki sabay sabi, "Ito ang dalawang piso, may sukli ka pa, tatlong piso lang pala ang halaga ng kagandahan niya!" Mga kapatid, yung mga may asawa presyuhan n'yo nga ang kagandahan ng partner ninyo, magkano ba? Kung limangpiso lang ang halaga niya, ang tawag dyan ay FIDELITY o katapatan! hehehe... Ang fidelity ay galing sa salitang latin na FIDES na ang ibig sabihin ay pananampalataya. Ibig sabihin, ang katapatan ay posible lamang kung ang isang tao ay may malakas na pananampalataya. Ating narinig ngayong ikalawang araw ng Simbang Gabi ang tala-angkanan o Genealogy ng ating Panginoong Jesus. Pagkahaba-haba ng mga pangalang ating narinig. Baka inantok pa nga ata ang marami sa atin habang binabasa ito; ngunit isa lang naman ang mensaheng nais iparating nito: na kailanman ay naging tapat ang Diyos sa atin! Naging tapat Siya sapagkat tinupad Niya ang Kanyang pangakong kaligtasan sa pamamagitan ng kasaysayan. Ang Diyos ay naging tapat sa Kanyang pangako. Ngunit ang katapatang ito ay nangangailangan ng kasagutan sa atin. Ang ating tugon ang ating paghihntay sa Kanya ng may malalim na pananampalataya, masidhing pag-asa, at maalab na pag-ibig. Totoong tayong mga tao ay may kahinaan sa ating mga sarili. Tayo ay may pusong salawahan at kalimitan ay nagtataksil tayo sa ating mapagmahal na Diyos. Ang goodnews... ang Diyos ay nananatiling TAPAT sa kabila ng ating patuloy na pagtataksil at kailanman ay hindi niya tayo pagtataksilan. Nawa ito ay magdulot sa atin ng inspirasyon upang pag-alabin pa ang ating pagmamahal sa Kanya! Mamuhay tayo ng may katapatan at huwag taglayin ang pusong salawahan!
KALIGAYAHAN NG KAPASKUHAN: Reflection for CHRISTMAS NOVENA DAY 1 - SIMBANG GABI - December 16, 2014
Simula na naman ng Misa de Gallo. Siyam na araw na naman tayong gigising ng maaga at iindahin ang lamig ng tubig sa pagligo. Apat na Linggo ang ibinigay na Simbahang paghahanda na ang tawag natin ay Adbiyento. Siyam na araw naman itong nobenang ating sinisimulang bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Kapaskuhan. Ang mga ito ay ibinibigay sa atin ng Inang Simbahan upang makahuugan nating maipagdiwang ang Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. May mga espesyal tayong pagdiriwang na kasabay ng pagpasok ng masayang panahong ito. Sinimulan natin sa unang araw ng Adbiyento ang Year of the Poor na kung saan ay hinahamon tayong balikan muli ang ating pagiging Simbahan ng mga Dukha o Church of the Poor. Pinaghahandaan din natin ang pagbisita ng Santo Papa sa darating na taong 2015, isang malaking pagpapala para sa ating Simbahan dito sa Pilipinas. At ngayon araw ding ito ay ipinagdiriwang din natin ang Pandaigdigang Taon ng mga Kabataan na kung saan binibigyan natin ng natatanging pagtingin ang mga kabataan sa ating Simbahan. Katulad na Jesus na dumaan din sa pagiging kabataan, ang hangarin natin sa mundong ito ay mabuhay ng maligaya. Para saan pa ang buhay kung tayo naman ay mabubuhay na malungkot? Kaya nga ang katanungang magandang sagutin ay "ano ba ang makapagpapaligaya sa akin sa Paskong ito?" Marahil nais natin ng bagong cellphone o tablet. O baka naman gusto natin ng bagong damit o kotse. May mga iba na ang nais ay mapalitan ang kanilang status na SINGLE sa IN A RELATIONSHIP. Dahil pag hindi ito nangyari ay magiging certified member na naman sila ng SMP o Samahan ng Malalamig ang Pasko. Sa unang araw ng Simbang Gabi ay ibinibigay sa atin si Juan Bautista bilang halimbawa ng tunay na pagpapatotoo kay Kristo. Katulad ni Juan Bautista, tayo ay hinahamon na manindigan sa katotohanan. Ito ay nangangahulugan ng pagpili natin sa tama at hindi sa mali sa tuwing tayo ay nagdedesisyon sa buhay. Sinasabihan din tayong sikaping tanggalin ang ating mga masasamang pag-uugali at tahakin ang daan tungo sa tunay na pagbabalik-loob. Dito nakasalalay ang maligayang pagdiriwang ng Pasko. Kapos man tayo sa pera o wala man tayong bagong damit o gamit ay magiging masaya pa rin ang ating paghahanda sa kapaskuhan. Ito ay sapagkat alam natin ang nagbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan sa Kapaskuhan. Tanging si Jesus ang dahilan ng ating pagdiriwang. Jesus is the "Reason of the Season". Sana ay maituon natin ang ating sarili sa tunay na kaligayahan ng kapaskuhan!
Biyernes, Disyembre 12, 2014
KRISTIYANONG TOTOO SA ADBIYENTO: Reflection for 3rd Sunday of Advent Year B - December 14, 2014 - YEAR OF THE POOR
Ang ikatlong Linggo ng Adbiyento ay tinatawag na "Gaudete Sunday" o Linggo ng Kagalakan. Sa katunayan ang kandilang sinisindihan ngayon ay ang kulay "pink" sa halip na kulay violet bilang paalala sa atin na ang ating paghahanda sa Adbiyento, bagamat may "penitential character" (diwa ng pagsisisi) ay isang masayang paghihintay sapagkat si Kristo na ating pinaghahandaan ay magdadala sa atin sa tunay na kaligayahan. Ngunit ano ba talaga ang nagpapasaya sa atin sa pagdiriwang ng Pasko? Paano ba talaga tayo magiging tunay na maligaya sa ating paghahanda? Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay may kasagutan sa ating katanungan. Ang pagpapatotoo ni Juan Bautista bilang tagapaghanda sa daraanan ng Panginoon ay ang kanyang pagsaksi kung sino talaga siya. Maaari nyang akuin ang pagiging "Propeta Elias" ngunit hindi niya ito ginawa. Bagkus pinanindigan Niya ang pagiging "tinig sa ilang" na nanawawagan sa pagbabalik-loob at pagsisisi ng kasalanan. Naging TOTOO si Juan sa kung sino siya at kung ano ang kanyang misyon. Ang pagiging totoo sa ating pagiging Kristiyano ang magbibigay sa ating ng kaligayahan. Walang pagkukunwari, walang pag-aalinlangan at batid ang hinihingi ng ating pagsunod kay Kristo, ay mas magiging makahalugan ang ating buhay. May kuwento na minsan daw ay may dalawang paring naisipang magbakasyon sa Boracay, malayo sa gulo, ingay at amoy ng kanilang mga parokya. Napagkasunduan nilang huwang magdamit na pampari para mas malaya silang makakilos. Kaya agad-agad ay namili sila ng mga damit na makatatago sa kanilang pagkatao. Kinabukasan ay pumunta sila sa beach na animo'y mga turista ang dating. May nakasalubong silang isang seksing babae na nakatitig sa kanila. Laking gulat nila ng binati sila nito ng "Good morning, fathers!" "May nakakilala sa atin!" sabi nila. Kaya kinabukasan ay dinagdagan pa nila ang kanilang "camouflage attire" upang siguradong wala ng makakakilala sa kanila. Ngunit laking pagkagulat nila ng muli nilang makasalubong ang seksing babae na ngayon ay naka-two piece swimsuit na parang Mutya ng Pilipinas na kumakaway sa kanila at nakangiti silang binati: "Good morning fathers!" Sa inis ay sinabi ng isa, "Oo. mga pari nga kami at di namin yun itinatatwa, pero bakit kilala mo kami?" "Oh, Father, hindi nyo ba ako kilala?" Tanong ng babae. "Ako, si Sister Ana, nagmimisa kayo sa kumbento namin tuwing 1st Friday." Ang hirap nga namang magpanggap! Ngunit kung mahirap ang mangpanggap ay mas mahirap ang magpakatotoo! May kasabihan tayong: "Madaling maging tao, mahirap magpakatao!" Marahil ay maari rin nating sabihing "Madaling maging kristiyano... mahirap magpakakristiyano!" Mahirap sapagkat nangangahulugan ito na maninidigan tayo para kay Kristo na kung saan ay hindi maaring pagpalitin ang tama at mali o kaya nama'y isangayon ito sa ating pansariling kagustuhan. Ibig sabihin dapat ay makita sa ating pag-iisip, sa ating pananalita, at sa ating pagkilos ang pagkatao ni Kristo. Ako ba ay nagpapakita ng mabuting halimbawa sa iba? O baka naman nagiging sanhi pa nga ako ng pagkakasala ng aking kapawa? Darating muli si Kristo sa ating buhay! Ihanda natin ang kanyang daraanan. Dinggin natin ang panawagn ng "tinig na sumisigaw sa ilang" na tumatawag sa ating magbago at mapagkatotoo: "Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!"
Linggo, Disyembre 7, 2014
KALINASAN... POSIBLE? : Reflection for the Solemnity of the Immaculate Conception Year B - December 8, 2014 - YEAR OF THE POOR
Uso pa ba ang kahinhinan ngayon? Marahil mapapaisip ka kung ang kahinhinan, kayumian, kalinisan ay bahagi pa ba ng ating mga pinahahalagahan bilang mga Pilipino. May kuwento na minsan daw ay may isang pampasaherong bus na hinarang ng mga tulisan. Pinababa lahat ang sakay at pinaghiwalay ang mga babae sa lalaki. Nagsalita ang lider ng mga bandido at sinabi: "Lahat ng mga lalaki.. papatayin. Ang mga babae... rereypin!" Isang bata ang umiiyak na sumagot: "Maawa na po kayo sa lola ko, matanda na ho siya!" "He! Lintek na bata ka... sabi ng lahat ng babae rereypin!" sagot ni lola! hehehe... Uso pa ba ang kahinhinan ngayon? Ang tipong Filipinang Maria Clara ay tila kabahagi na lamang ng Noli Me Tangere ng ating kasaysayan. Sa pananamit na lang ng mga kabataan ngayon ay hindi ka magtataka kung bakit marami ang biktima ng rape at pang-aabuso sa mga kababaihan. Sa ibang progresibong pag-iisip ay makaluma na ang kahinhinan at kalinisan. Ngunit ang kapistahang ipinagdiriwang ngayon ay nagsasabing posible pa rin ang kalinisan sa ating makabagong mundo! Si Mariang pinaglihing walang bahid na kasalanan ay huwaran ng isang malinis na pamumuhay at nagbibigay ng pag-asa sa ating lahat na POSIBLE PA RIN ANG KALINISAN sa ating lipunan. May ilan pa ring nalilito sa kapistahang ito: ang "Immaculate Coneception". Akala ng iba, ito ay ang mahimalang paglilihi ni Maria kay Jesus o ang tinatawag nating "virgin birth" ni Jesus. Sino ba talaga ang ipinaglihi? Si Jesus o si Maria? Ang Immaculate Conception ay ang "kalinis-linisang paglilihi kay Maria" na pinaniniwalaan nating totoo bilang mga Kristiyano. Paano nangyari na ang isang tao ay ipinaglihing walang kasalanan gayung lahat ng taong isinisilang sa mundo ay nababahiran ng "original sin?" Marahil imposible para sa ating mga tao, ngunit hindi sa Diyos! Kung hihiramin ko ang slogan ng Globe telecom: "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!" Isang natatanging pribelihiyo ang ibinigay ng Diyos kay Maria na ipinaglihi siyang walang kasalanang mana sapagkat siya ang magdadala sa Anak ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Hindi ata tama ang maglagay ng maputing bigas sa maruming kaldero! Dapat malinis muna ang paglalagyan! Ang sinapupunan ng Mahal na Birhen ay ihinihanda na ng Diyos sapul pa nung ipaglihi siya ng kanyang mga magulang. At ang kalinisang ito ay kanyang pinanatili! Kaya nga ang tawag natin din sa kanya ay "Ever-virgin!" Isang magandang paalala sa ating lahat. Marahil ay hindi natin mapapantayan ang kalinisan ng Mahal na Birhen. Ngunit inaanyayahan tayong mabuhay ng may malinis na puso! Nakakalungkot sapagkat kalat na sa mundo ang kalaswaan at sinisira ang murang pag-iisip ng ating mga kabataan. Hingin natin na sana ay protektahan ng Mahal na Birhen ang bawat isa sa atin. Wag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat kaya din nating maging malinis tulad niya. Tandaan natin... "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!"
Sabado, Disyembre 6, 2014
ANG AWA AT HABAG NG DIYOS: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year B - December 7, 2014 - YEAR OF THE POOR
Ang Adbiyento ay galing sa salitang latin na "Adventus" na ang ibig sabihin ay "pagdating." Sa katunayan ay may tatlong uri ng pagdating si Jesus sa ating piling. Ang unang niyang pagdating ay ang parati nating ipinagdiriwang tuwing sasapit ang Pasko, ang Kanyang pagsilang. Ang ikalawang pagdating naman ay ang palagi nating ipinapahayag sa Santa Misa pagkatapos ng bahagi ng konsekrasyon; "Si Kristo'y namatay, si Kristo'y nabuhay, si Kristo'y babalik... sa wakas ng panahon!" Itong ikalawang pagdating "sa wakas ng panahon" ay siguradong mangyayari ngunit hindi natin alam kung kailan. Sa gitna ng una at ikalawang pagdating ni Jesus ay ang kanyang "misteryosong pagdating" sa atin. Naririyan na ang mahiwagang pagdating ni Jesus sa tuwing tayo ay tumatanggap ng mga Sakramento. Sa tuwing tayo ay nagsisimba ay dumarating si Jesus sa anyong tinapay na ating tinatanggap sa komunyon. Ngunit may isang sakramento na kung saan ay dumarating si Jesus sa atin sa pamamagitan ng kanyang "awa at habag",,, ang Sakramento ng Kumpisal. Nakakalungkot sapagkat kakaunti na lamang ang dumudulog sa sakramentong ito. Marami ang hindi na nakikita ang "pagdating" ni Kristo at dahil diyan ay marami na ang nagmamatigas sa kanilang likong pag-uugali at ayaw ng magbago. May isang lasenggo na pinilit kumbinsihin ng kanyang mga kaanak na iwanan na ang pag-inom ng alak. Tumawag sila ng isang "psychologist", pari at duktor upang kumbinsihin siyang ihinto na ang kanyang bisyo. Ipinakita sa kanya ng "psychologist ang isang baso ng alak na may patay na bulate. "Kapag, hindi ka tumugil sa pag-inom ay mamatay ka tulad ng bulateng ito!" "Mali po kayo!" Sabi ng lasenggo. "Mas mainam nga para sa akin ang uminom para mamatay ang mga bulate ko sa tiyan!" Ang sabi nmana ng pari, "kapag hindi mo tinigil ang pag-inom ay pupunta kang impiyerno!" "Mali rin po kayo padre! Kapag umiiinom ako ay parang nasa langit kaya ako!" Sa huli ay ang duktor na ang nagsabi, "Kapag di mo tingilan ang pag-inom ng alak ay madadali ang buhay mo mamatay ka agad!" Ang sagot ng lasenggo, "Maling mali po kayo! Mas gusto ko pong uminom ng alak , dahil hindi ako tatanda, sapagkat bata pa lang ako, ako'y mamamatay na!" Kalimitan ay lagi tayong may katwiran kapag pagbabago ng likong pag-uugali ang pinag-uusapan. Ayaw nating tanggapin na may mali tayong dapat ayusin sa ating mga sarili. Marahil ang pinakadahilan ay sapagkat hindi natin sukat na batid ang laki ng awa at habag ng Diyos. Ang panahon ng Adbiyento ay ang ating paghahanda hindi lamang para sa pagdiriwang ng Pasko ngunit sa pagharap natin sa muling pagdating ni Jesus sa ating piling. Haharap tayo hindi sa isang Diyos na mabagsik at mapanghusga ngunit sa isang Diyos na mapagpatawad at mahabagin. Kaya nga't ang panawagan ni San Juan Bautista sa ilang ay pagbabalik-loob: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan!" Huwag sana tayong madaig ng ating sariling mga kakulangan. Totoo, walang sinuman sa atin ang karapat-dapat sa kanyang harapan, ngunit sa pagkakatawang-tao ng Kanyang Anak ay ginawa Niya tayong karapat-dapat! Ang pinakamagandang paghahanda sa pagdating ng Panginoon ay ang tuwirin ang "ang ating liko-likong landas!" Ayusin natin ang dapat ayusin sa ating buhay. Gawin natin sanang makahulugan ang Panahon ng Adbiyentong ito sa pamamagitan ng isang taos-pusong pagbabalik-loob at pagdulog sa Sakramento ng Kumpisal. Lagi tayong umasa sa laki ng habag at sa walang kundisyong pagpapatawad ng Diyos sa ating mga kasalanan. Nasindihan na ang ikalawang kandila ng ating Korona ng Adiyento. Nasa ikalawang linggo na tayo ng ating paghahanda. Marahil ay panahon na upang ituon naman natin ang ating paghahanda sa paglilinis ng ating puso.
Biyernes, Nobyembre 28, 2014
ADBIYENTO... KAPANABIKAN HUWAG KATAKUTAN: Reflection for 1st Sunday of Advent Year B - November 23, 2014 - YEAR OF THE POOR
Katatapos lamang ng pagdiriwang ng Kristong Hari na kung saan ay pinaalalahanan tayo na lahat ay may simula at katapusan. Kung kinatatakutan natin ang katapusan ng panahon ay mayroon pa tayong mas higit na dapat katakutan... ang pagsisimula ng panahon ng Adbiyento. Bakit? Tanungin mo ang sarili mo: "May pera ka na ba?" Kung ang sagot mo ay "wala pa", aba... dapat matakot ka na sapagkat malapit na ang Pasko! hehe... Dapat paghandaan mo na ang pagdating ng Pasko. Hindi puwede ang tatamad-tamad at pa-easy-easy lang! Mayroong isang katulong na nadatnan ng kanyang kapwa katulong na nanonood ng TV na nakataas pa ang paa sa sofa. Ang pinapanood niya? Tama ang iniisip ninyo... Bagito! Sinigawan siya ng kanyang kapwa katulong: "Hoy Inday! Anung ginagawa mo d'yan at nanonood ka lang ng TV?" Ang sagot ni Inday: "Eh kasi, kabilin-bilinan ni Mam, wag na wag daw niya akong matatagpuan sa kanyang pagdating na walang ginagawa... kaya eto... nanonood ako!" hehehe... Me katwiran nga naman si Inday. At least, meron siyang ginagawa! Tayo ay nasa unang Linggo na ng Adbiyento. Naghuhudyat ito na tayo ay nasa kapanahunan na ng paghahanda sa pagdating ng Pasko. Ang unang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa ating maghanda! “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras," ang sabi ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang Adbiyento ay hindi lang paghahanda para sa Pasko. Ang kapaskuhan ay ang paggunita sa Diyos na dumating na noong Siya ay nagkatawang tao. Mas dapat nating paghandaan ang muling pagbabalik ni Hesus na hindi natin alam ang araw at oras. "Maging handa kayong lagi, sapagka’t hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog." Kapag patuloy tayo sa ating masasamang pag-uugali tulad ng katamaran, kayabangan, katakawan, kalaswaan ng pag-uugali, pagiging maramot at makasarili, pagsasayang ng oras, pang-aapi at pagsasamantala sa kapwa... ay masasabi nating hindi pa tayo handa sa kanyang biglaang pagdating! Wala tayong pinagkaiba kay Inday na may ginagawa nga ngunit hindi naman ang nararapat niyang gawin. May isang kasabihang latin na maaring makatulong sa ating paghahanda: "Age quod agis!" Sa ingles, "Do what you are supposed to do!" Kung isasabuhay lamang natin ito ay marami tayong maiiwasang pagkakamali. Kung ginagawa lamang natin ang dapat nating gawin ay malalayo tayo sa pagkakasala. Sa pagdiriwang na ito ng Unang Linggo ng Adbiyento ay gawin natin ang dapat nating gawin. Unti-untiing tanggalin ang masasamang pag-uugali at pag-ukulan ng pansin ang pagpapakabuti at pagtulong sa kapwa. Sa ganitong paraan ay hindi lang Pasko ang pinaghahandaan mo kundi pati na rin ang muling pagbabalik ni Kristo! Sinisimulan din natin sa Unang Linggo ng Adbiyentong ito ang "Taon ng Mahihirap" o "Year of the Poor". Nagpapaalala ito sa atin na hindi natin dapat balewalain ang kalagayan ng mga mahihirap sapagkat ang Diyos mismo ay may pagtatangi sa kanila. Ituon natin sa kanila ang mga kabutihang nais natin gawin ngayong panahon ng Adbiyento sapagkat tayo rin ay Simbahan ng mga mahihirap. Hindi lang pagtulong ngunit pakikiisa rin sa kanilang abang kalagayan ang maari nating iparamdam sa kanila. Sa totoo lang ay hindi naman dapat katakutan ang pagdating ng Adbiyento. Dapat pa nga nating kapanabikan ang pagsapit nito sapagkat binibigyan nito tayo ng pagkakataong maging tulay ng kabutihan sa iba. Ang Adbiyento kinpapanabikan hindi kinatatakutan!
Huwebes, Nobyembre 20, 2014
ANG HARI NG AWA AT HABAG : Reflection for the SOLEMNITY OF CHRIST THE KING Year A - November 23, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Kapistahan ngayon ni Kristong Hari. Ito ang hudyat ng katapusan ng taon ng Simbahan na nagpapaalala sa atin naman ng katapusan ng panahon. Isang malaking palaisipan pa rin sa atin kung ano nga ba ang mangyayari sa araw na 'yon. Para tayong mga estudyanteng naghihintay sa araw ng pagsusulit na magkahalong takot at pangamba ang nasa puso kung ano ba ang lalabas na mga katanungan. Ngunit kung iisipin, ang takot sa pagsusulit ay para lamang sa mga estudyanteng hindi nag-aral at naghanda. Sa katunayan ay wala talaga tayong dapat katakutan sapagkat sa pagsusulit na ito ay ibinigay na sa atin ang katanungan. Ang ating exam ay "take home" at hindi "surprise test!" Kaya nga't katamaran at katangahan na lamang kung hindi pa natin ito maipapasa. At ano ang katanungan? Ito ang nilalaman ng ating pagbasa ngayon sa Ebanghelyo. May text message akong natanggap: "Sa isang bus. BOY: I hate it when I see a girl standing in a bus while I'm comfortably seated. GIRL: So what do you do? BOY: I just sleep... It hurts my feelings eh!" Madalas din bang masaktan ang iyong damdamin kapag nakakakita ka ng mga taong nangangailangan ng tulong? Karaniwan ng tagpo marahil sa atin ang makakita ng lolang nagtitinda ng sampaguita sa harapan ng simbahan, o kaya nama'y mga pulubing may kapansanan na nakaharang sa daan, o mga batang gula-gulanit ang damit na haharang-harang sa daan at kakatok sa bintana ng iyong sasakyan. Anung nararamdaman mo kapag lumalapit sila? Napakadali silang iwasan, wag pansinin at dedmahin na parang wala kang nakikita at naririnig! Kung minsan nga nasisisi pa natin sila na tamad at umaasa na lamang sa awa ng iba. Ayaw magbanat ng buto kaya't kuntento na lamang sa pahingi-hingi! Ngunit sa tuwing nababasa ko ang Ebanghelyo ng "huling paghuhukom" ay may takot na naghahari sa akin. Balikan natin ang mga salita ng Hukom: ‘Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa! Kayo’y pasaapoy na di-mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ Hindi ba't sila rin ang mga taong nakakatagpo ko araw-araw? Bakit natatakot akong tulungan sila? Bakit nagdadalawang isip ako kung kikilos ba ako o hindi? Ang Kapistahan ng Kristong Hari ay muling nagpapaalala sa atin ng dalawang mahalagang dimensiyon ng ating buhay Kristiyano. Sa katunayan hindi sila magkahiwalay... magkadugtong sila. Ang tunay na pag-ibig kay Kristong ating hari ay dapat magdala sa atin sa tunay na pagmamahal sa kapwa nating nangangailangan. ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Wag sana nating paghiwalayin ang pagiging relihiyoso sa pagiging-tao. Ang pagiging maka-Diyos ay pagiging maka-tao din! Tunay kong mahal ang Diyos kung may pagmamalasakit ako sa kapwa kong nangangailangan. Anga pagbisita ng ating mahal na Santo Papa sa taong darating ay magdadala sa atin ng AWA at HABAG ng Diyos. Sa katunayan ay ito ng tema ng kanyang pagbisita: "Mercy and Compassion". Nais niyang ipadama sa ating mga kapatid na nabiktima ng bagyong Yolanda na may Diyos na hindi nakakalimot at umaalalay sa kanila. At para sa ating lahat, ito dapat ay magbigay ng patuloy na inspirasyon sa ating mga "ningas-kugon" na puso. Ang pag-ibig ng Diyos ay dapat magpatuloy kahit mahigit isang taon na ang nakalipas ng maganap ang trahedya. Muli nating buhayin at pag-alabin ang init ng Kanyang pagmamahal. Nawa ay pagharian ng pagmamahal ni Kristong Hari ang ating mga puso ng sa gayon ay maging bukas ito sa paglilingkod at ng mapagharian tayo ng kanyang pag-ibig. MABUHAY SI KRISTO NA ATING HARI... ANG HARI NG AWA AT HABAG!
Sabado, Nobyembre 15, 2014
GAME KA NA BA? : Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year A - November 16, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Sa buwan ng Nobyembre ay hindi dapat mawala ang ating pag-alala sa mga mahal nating yumao. Kaya nga UN-DAS ang tawag sa unang araw ng buwan na ito upang ipaalala sa ating silang mga UNang natoDAS ay nauna lamang sa atin at susunod din tayo! Ngunit isa pang pagpapaalala sa atin sa buwan na ito ay ang ARAW NG PANGINOON na binanggit ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Tesalonika (1 Tes 5:1-6) Sa Nobyembre rin kasi karaniwang nagtatapos ang "Liturgucal Year" na kuing saan ay pinapaalalahanan tayo na may sandaling haharap tayo sa Panginoon. Kaya nga kung ating titingnan ay iisa lang lang mensheng sinasabi sa atin ng dalawang paalalang ito... DAPAT TAYONG MAGHANDA! Dapat tayong maghanda sapagkat susulitin tayo ng Panginoon ayon sa pagpapalang ibinigay Niya sa atin. Kaya nga hindi dapat tayo matagpuang tamad at walang ginagawa. "Kung may balak kang gawin ngayon, wag mo ng ituloy, para me gagawin ka pa bukas..." Inspiring ba? hehe... Ito ang motto ng mga taong tamad! Marahil ay nasasalamin din sa atin kung minsan ang ganitong pag-uugali. Mahilig nating ipagpabukas ang gawaing maari namang tapusin kaaagad. Ano ba ang kasalanang nagawa ng ikatlong aliping pinagkatiwalaan ng pinakamaliit na halaga? May ginawa ba s'yang masama? Di niya naman nilustay ang salapi ng kanyang amo sa sugal o sa bisyo. Ano ang pagkakamaling nagawa niya? WALA! Oo, ang pagkakamali niya ay wala siyang ginawa! At ito ang ipinagkaiba ng ng naunang dalawang alipin sa kanya. Mayroon silang ginawa sa salapi ng kanilang amo. Pinalago nila ito. Samantalang siya ay literal na sinunod ang bilin ng kanyang amo na "patubuin" ito. Ayun... ibinaon... akala niya ata ay tutubo! Ito ay isang halimbawa ng "mirror parable" na sumasalamin sa bawat isa sa atin. Tayo ang pinagkatiwalaan ng Panginoon ng salapi. Iba't ibang halaga ayon sa ating kakayahan! Ang salapi ay tumutukoy sa lahat ng mga biyayang ibinigay sa atin ng Diyos: kakayahan, katalinuhan, angking kagandahan, katangian, at maging kayamanan. Huwang nating ikumpara kung mas maraming tinanggap ang iba sa atin. Ang mahalaga ay pagyamain natin ito upang mapalago at ang ating sarili at makatulong tayo sa iba. Para tayong mga "container" ng tubig: May dram, may timba, may tabo... iba-iba ang laki ngunit ang mahalaga ay napupuno natin ito ng tubig! Sinlaki man ng dram ang biyaya mo ngunit wala namang tubig, ibig sabihin ay hindi mo ginagamit, ay balewala ito! Mabuti pa ang tabo na kahit maliit ay nag-uumapaw ang tubig at nabibiyayaan ang iba! Tandaan natin na tayo ay mga katiwala lamang ng Panginoon. Darating ang araw na susulitin niya ang mga biyayang ibinigay niya sa atin. Nakakatakot na marinig mula sa Diyos ang mga katagang "Masama at tamad na alipin!" sapagkat hindi natin pinalago ang mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin. Bago matulog ay subukan mong gawin ito: Kumuha ka ng isang papel. Isulat mo ang pangalan nga mga taong natulungan mo at nagawan mo ng kabutihan. Kung isang oras na at hindi mo pa rin nagagalaw ang ballpen mo ay dapat ka ng kabahan. Baka makatulog ka at tawagin ka ng Panginoon at sulitn ang mga biyayang ipinagkaloob Niya sa iyo at walang kang maibigay ni isang kabutihan na nagawa mo para sa iba. Nakakatakot na matawag na "MASAMA AT TAMAD NA ALIPIN!" Tatapusin ko sa isang nakakatuwang kuwento: May dalawang magkaibian na napakahilig maglaro ng basketball. Halos buong araw ay kasama nila ang barkada nila sa loob ng basketball court at inuubos ang oras sa basketball. Kaya nagkasundo ang dalawa na kung sino man sa kanila ang unang mamatay ay dapat ipaalam kung may basketball din ba sa langit. Sa kasamaang palad ay namatay ang isa at dinalaw niya ang kanyang kaibigan sa kanyang pagtulog. "Pare,,. ako ito! May good news at bad news ako sa iyo. Ang good news... may basketball sa langit! Ang bad news... me laro bukas. FIRST FIVE KA!" Baka first five ka din... Darating ang Panginoon sa oras na hindi natin inaasahan. Walang masama kung maghahanda tayo at sabihing... "Ok na ako Lord... GAME NA!"
Sabado, Nobyembre 8, 2014
SIMBAHAN NATIN : Reflection for 32nd Sunday - Feast of the Dedication of the Basilica of St. John Lateran Year A - November 9, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Kakaiba ang kapistahang ipinagdiriwang natin ngayon. Hindi isang santo o santa ang ating pinararangalan, hindi rin ang ating Mahal na Birheng Maria o maging ang Panginoong Jesus. Ating pinagdiriwang ngayon ang Kapistahan ng Pagtatalaga sa Basilikang Laterano. Bakit natin ito pinararangalan? Ang Basilikang Laterano ay ang naging luklukan ng mga Santo noong maagang taon ng ating Simbahan. Itinayo ni Emperador Constantine noong 324 AD, ito na ang kinilalang "ina ng mga simabahan" (Mother of all churches) sa kadahilang dito nanahan ang mga santo papa na namuno sa ating Simbahan. Marahil sasabihin nating kung gayon, ito ay pagdiriwang lamang ng mga obispo at mga pari o ng mga relihiyoso at relihiyosa. Bakit ito naging pagdiriwang "natin?" May isang pari na napakapamilyar ang pakikitungo sa kayang mga kasambahay sa kumbento. Minsang nagsabi ang kanyang katulong na si Inday: "Padre, nasira po ang refrigirator NINYO!" Ang sagot ng pari: "Inday... huwag mong sabihing refrigirator NINYO, ang lahat ng naririto sa kumbento ay ituring mong ATING pag-aari. Kaya ang refrigirator, ay refrigirator NATIN. Ang TV ay television NATIN, ang kumbento ay kumbento NATIN! Tandaan mo yan. Minsang bumisita ang Obispo sa parokya ay umakyat sa kumbento. Tinawag ng pari si Inday at pinaghanda ng makakain para sa napakahalaga nilang bisita. Medyo natagalan si Inday kaya nasigawan siya ng pari. "Pasensiya na po padre, hinuli ko pa po kasi ang dagang pumasok sa KUWARTO NATIN. Nahirapan po akong hulihin kasi pumsok sa KABINET NATIN at sumot sa ilalim ng KAMA NATIN. Namutla ang pari at nashock ang obispo sa kanyang narinig/" Mga kapatid, ang Simbahan ay SIMBAHAN NATIN! Ang Kapisthang ito ay nagpapaalala sa ating ang Simbahan ay hindi lang pag-aari ng mga pari, mga obispo o Santo Papa. Ang Simbahan ay hindi lang ang pisikal na istraktura na gusali. Ito ay ang KATAWAN NI KRISTO at tayo ang mga bahagi nito! Sa Ebanghelyo tinukoy ng Panginoong Jesus ang Kanyng saruiling katawan bilang templo. Tayo rin bilang Simbahan ay templo. Sa binyag naging Templo tayo ng Espiritu Santo kaya nga ang ating katawan ay sagrado o banal! Kung naniniwala tayo sa katototohanang ito ay igagalang natin ang ating katawan at ang katawan ng iba sapagkat bahagi tayo ng banal na katawan ni Kristo. Kaya nga ang hamon sa atin ng kapistahan ngayon ay hindi lang paggalang sa ating Santo Papa bilang pinuno ng Simbahan. Ito rin ay nagsasabi na igalang at mahalin natin ang ating kapwa at ang atin ding mga sarili. Alagaan natin ng mabuti ang ating pangagngatawan. Iwasan ang mga gawaing nakasasama sa ating katawan tulad ng mga bisyong pag-inom, paninigarilyo at pagdodroga. Igalang din natin ang katawan ng iba lalo na ng mga kababaihan at mga bata. Tanggapin natin ng may pagmamahal ang ating mga kaaway at ang mga taong ang pakiramdam nila ay malayo sila sa Simbahan. Ngayong Taon ng mga Layko ay piliin natin ang maging matapang na tanggapin ang lahat sa ating Simbahan, kapalagayan o kasamaan man ng ating loob. Ang Simbahan ay ikaw at ako. Tayo ang bumubuo ng Katawan ni Kristo. Ito ay SIMBAHAN NATIN!
Biyernes, Oktubre 31, 2014
PAGDALAW SA MGA PATAY O PAGDALAW NG MGA PATAY?: Reflection for ALL SOULS DAY - Year A - November 2, 2014 - YEAR OF FAITH
Bumisita na ba kayo sa inyong mga patay noong araw ng UNDAS? Kung hindi ay 'wag kayong mag-alala sapagkat hi-tech na ang ating panahon ngayon. Maari ninyo silang i-text. Just text DALAW send to 2366 at presto... sila mismo ang dadalaw sa inyo! hehe. Me options pa 'yan: PRESS 1: hihilahin ka sa paa, PRESS 2: hahawakan ng malamig na kamay sa pisngi, PRESS 3: isasama ka sa kabilang buhay! hehehe... Katulad ng inaasahan, dagsa na naman ang tao sa sementeryo. Patunay lamang na mas marami ang gustong sila na lang ang dumalaw kaysa sila ang dalawin! Bakit nga ba November 1 ang nakagawian nating pagdalaw sa sementeryo gayung ang November 1 ay ARAW NG MGA SANTO? Bakit ito ang araw na "UNDAS" kung tawagin? Di ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2? Hindi ko mahanapan ng siyentpiko o historikal na paliwanag ngunit kung titingnan natin ang "psyche" ng mga Plilipino ay marahil mauunawaan natin ito. Tayong mga Pilipino ay may pagka-switik! Sigurista kung tawagin. Kung makakaisa, mang-iisa! Ayaw nating naargabyado o natatalo. Gusto natin, laging nakalalamang... nakasisiguro. Kaya siguro mas pinili natin ang November 1 sa paggunita sa ating mga yumao ay sapagkat nais natin na ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay ay sigurado ng maluwalhati sa "buhay sa kabila!" Nais natin na ligtas sila at masayang nagtatamasa ng gantimpala ng Panginoon, Nais nating kasama na sila sa kalipunan ng mga Banal o mga Santo. Hindi naman masama ang maniguro kung titingnan natin. Ngunit sana ay hindi ito dahilan upang hindi na natin sila alalahanin. Kailangan pa rin nila ang ating panalangin sapagkat naniniwala tayo na ang ating mga dasal ay malaki ang maiututulong upang mapunuan anuman ang mga pagkukulang nila dito sa lupa noong sila ay nabubuhay pa. Naniniwala tayo sa doktrina ng "Communuion of Saints" o "Kalipunan ng mga Banal". Dito makikita natin ang ugnayan nating mga tao sa mga kapatid nating naroroon na sa kabilang buhay, sila man ay nasa piling na ng Panginoon kasama ang mga banal o sila man ay naghihintay pang mapabilang dito. Ayon sa ating paniniwala, tayong mga nabubuhay pa ay maaaring mag-alay ng panalangin para sa mga yumao na na nasa "purgatoryo" na kung saan ay dinadalisay ang katayuan ng kanilang kaluluwa upang maging karapat-dapat sa pagharap sa Panginoon. Kapag narating na nila ang antas na sila ay karapat-dapat, sila ay dadalhin na ng Panginoon sa kanyang tabi at sila naman ang mag-aalay ng panalangin para sa ating nabubuhay upang tulungan tayong makibaka at mamuhay na banal. Bagama't hindi matatagpuan sa Banal na Kasulatan ang salitang "Kalipunan ng mga Banal" ito naman ay sang-ayon sa mga turo ni Kristo. Ang ating Ebanghelyo ay nagsasabi sa atin ng kalooban ng Diyos: "huwag mawala ang kahit isa sa mga ibinigay Niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw!" Ang kalooban ng Diyos ay pagbuklurin bilang isang kalipunan ang mga sumasampalataya sa Kanya at dalhin sila sa kanyang kaharian. Ang pagdiriwang din ng Araw ng mga Yumao ay nag-aanyaya sa ating pahalagahan ang buhay na bigay sa atin ng Panginoon. Ang ating buhay ay regalo na galing sa Diyos at ito rin ang ibabaalik nating regalo sa Kanya. Mamuhay tayo ng marangal at banal habang tayo ay binibigyan pa ng pagkakataong manatili dito sa lupa. Ang ating mga yumao ay nagbibigay sa atn ng aral na laging maging handa anumang araw tayo susulitin ng Panginnon. Magsilbing paalala sa atin ang panalanging binibigkas sa pagbabasbas ng mga yumao: "Sa paraiso, magkikita-kitang muli tayo. Samahan ka ng mga santo. Kahit na may nauuna, tayo rin ay magsasama upang lagi tayong lumigaya sa piling ng Diyos Ama..."
ANG MGA NASA ITAAS (Reposted & Revised) : Reflection for ALL SAINTS DAY - Year A - November 1, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Kapistahan ngayon ng lahat ng mga banal sa langit. Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa. Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?" Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na marahil marami sa kanila ay hindi natin kilalaa. Sila ang mga "unsung heroes" ng ating Simbahan na naging tapat at nag-alay ng kanilang buhay para kay Kristo. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal! Kaya nga't ang kapistahang ito ay hindi lamang para sa kanila. Sa katunayan, ito ay para sa atin. Tayo ang nangangailangan ng kanilang panalangin. Tayo ang nangangailangan ng kanilang inspirasyon upang matulad tayo sa kanila at isang araw ay mapabilang din sa hanay ng mga banal. Sikapin nating magpakabuti habang tayo ay naririto pa sa lupa. Piliin natin ang maging matapang ngayong Taon ng mga Layko. Ang kabanalan ay pagtawag para sa lahat. Akuin natin ang pagiging banal. Isabuhay natin ang mga aral ni Kristo. Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti at balang araw ay makakamit din natin ang gantikmala ng kalangitan. Sana balang araw ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor na nagsasabing tayo ay "NASA ITAAS!"
Sabado, Oktubre 25, 2014
MAKADIYOS AT MAKATAO: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year A - October 26, 2015 - PRISON AWARENESS SUNDAY - YEAR OF THE LAITY
Ang ika-30 Linggo ng Karaniwang Panahon ay araw din na inilalaan ng Simbahan bilang Linggo ng kamalayan sa mga bilanggo. Noong nakaraang September 26 ay nagpadala ng sulat ang mga bilanggo ng Muntinlupa Penitentiary sa Santo Papa upang maisama sila sa mga bibisitahin sa kanyang pagdalaw dito sa Enero 2015. Bakit nga naman hindi? Ang mga bilanggo ay mga taong mas higit na nangangailangan ng inspirasyon at pag-asa sa kanilang pagbabagong buhay kaya't ang presensiya ng kahalili ni Kristo sa lupa ay magbibigay sa kanila ng malaking pagpapala. Minsan na silang nagkamali at sumuway sa mga utos ng Diyos at ang kanilang pagnanais na magbago ay nagpapakita lamang ng kanilang pagpapakumbaba at pagnanais na maituwid ang kanilang buhay. Ngunit may mga tao talagang ang tingin sa sarili ay "mas mataas" pa sa Diyos! Pakinggan ang kuwentong ito: Minsan ay may batang lumapit sa kanyang magulang. "Nanay, ano po ba sampung utos ng Diyos?" tanong ng bata sa kanyang ina. "Anak, iyan ang mga utos na ibinigay ng Diyos kay Moises. Ipinapakita ng sampung utos na MAKAPANGYARIHAN ang Diyos!" Sagot ng nanay. "Talaga po? Kung gayon mas makapangyarihan pa pala kayo sa Diyos?" Nakangiting sabi ng bata. "Bakit naman?" nagtatakang tanong ng nanay. "Kasi po... ang dami n'yong utos eh ang Diyos sampu lang! hehehe!" Totoo nga naman, may mga taong ang pag-iisip ay mas makapangyarihan pa sila sa Diyos. Hindi ang mga nanay ang tinutukoy ko kundi ang mga dalubhasa sa batas at pinuno ng mga Hudyo na pagkatapos tanggapin ang sampung utos ng Diyos kay Moises ay pinarami ito ng pinarami hanggang umabot sa 613 na kautusan. Kaya't tama lang marahil ang tanong kay Jesus ng isang dalubhasa sa batas. "Ano po ba ang pinakamahalaga sa kautusan?" Sa dinami-dami ng mga utos na kanilang sinusunod ay marahil naisip nilang bakit hindi na lang sundan ang pinakamahalaga sa kanila. Ang sagot ni Jesus ay di naman talaga bago sa kanila, "Ibigin mo ang ang Diyos ng buo mong puso, kaluluwa at pag-iisip." Ang mga Hudyo ay likas na maka-Diyos. Ngunit ang idinugtong niya ang tila bago sa kanilang pag-isiip, "Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili". Bago sapagkat ito ay inilagay ni Jesus na kasing halaga ng pag-ibig sa Diyos. Ang pagkakamali nila, na marahil ang pagkukulang din natin, ay pinaghihiwalay natin ang dalawang kautusang ito. Marami sa ating mga Kristiyano na ang akala nila sa sarili ay matuwid sila sapagkat lagi silang nagsisimba at nagdarasal. Ngunit kung titingnan mo naman ang pagkilos ay kulang sa pagmamahal sa kapwa. Nariyan na ang mga taong nanlalait, nanlalamang at naninira sa iba pero hawak-hawak ang rosaryo at nagdarasal. Tandaan natin na ang tunay na pagiging maka-Diyos ay dapat maghubog sa atin upang maging tunay na maka-tao! Para saan pa ang pananampalataya sa Diyos na hindi mo nakikita kung ang kapwang nasa tabi mo lang ay hindi mo iginagalang? Para saan pa ang mahahabang panalangin kung nagwawalang bahala ka naman sa mga pangangailangan ng iba? Iisa lang ang kautusan at iyan ay ang batas ng pag-ibig! Kung tunay nating mahal ang Diyos, dapat ay nasasalamin din nito ang pagmamahal sa ating kapwa. Ang mga taong nag-aakalang "mas makapangyarihan sa Diyos" ay ang mga taong ang pagsamba ay nasa salita lamang at walang kasamang gawa! Sila ay nabulagan na ng kanilang pagiging relihiyoso at hindi na makita si Jesus sa mukha ng kanilang kapwang nangangailangan. Tingnan natin ang ating mga sarili, baka naman isa na tayo sa mga taong "mas makapangyarihan pa sa Diyos!" Ngayong Taon ng mga Layko ay piliin nating maging matapang sa pagsunod sa Kanyang kautusan. Tandaan natin na ang pagiging maka-Diyos ay pagiging makatao.
Huwebes, Oktubre 16, 2014
KATOLIKONG PILIPINO : Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year A - October 19, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Sino ba ang Katolikong Pilipino? Kapag nahaharap ang Simbahang Katoliko sa usapin na may kinalaman ang gobyerno ay agad-agad na ipinapasok ang usapin ng "sepearation of Church and State" na para bagang sinasabing walang karapatang makialam ang Simbahan sa mga usapin ng lipunan. Ngunit ganun ba talaga iyon? Mapaghihiwalay ba natin ang ating pagiging Kristiyano sa ating pagiging Pilipino. Pakinggan ninyo ang kuwentong ito: "Isang pari ang may alagang parrot at tinuruan niya itong kumanta. Ngunit kakaiba ang pagtuturo n'ya rito. Kapag hinila mo ang kanang paa nito ay kakanta ito ng "Lupang Hinirang" at kapag kaliwa naman ay "Ama Namin". Minsang dumalaw ang obispo sa kanilang simbahan at buong yabang na pinagmalaki ng pari ang kanyang alaga. Tuwang-tuwa ang obispo at sinubukan niyang hilahin ang kanang paa ng ibon. Kumanta naman ito ng "Bayang, magiliw..." at sinunod naman nitong hilahin ang kaliwang paa. "Ama namin sumasalangit ka..." Namangha ang obispo at naglaro ang kanyang isip. "Ano kaya ang kakantahin nito kapag hinila kong sabay ang paa?" sabay hila sa paa ng ibon. At biglang bulalas ng ibon: "Hoy tanga! malalaglag ako!" Puwede nga bang pagsabayin ang Ama Namin at Lupang Hinirang? Puwedeng bang pagsabayin ang pagiging Maka-Diyos at Maka-bayan? Maraming nagsasabing hindi! Kung paano ang langis at tubig ay hindi mapaghahalo ay ganun din daw ang Simbahan at pulitika. Ano ba ang pananaw ni Jesus dito? Nang tinanong si Jesus kung karapat-dapat bang magbayad ng buwis sa Cesar (Emperador ng Roma) ay napakasimple ng kanyang sagot: "Ibigay sa Cesar ang sa Cesar at ang Diyos naman ay dapat ibigay sa Diyos!" Sinasabi sa 'tin ni Jesus na hindi dapat natin kaligtaan ang ating tungkulin sa Diyos kahit na tayo ay naglilingkod sa lipunan at gayundin naman ay di dapat kaligtaaan ang tungkulin sa lipunan kung tayo naman ay naglilingkod sa Diyos! Malimit gamitin ng mga kalaban ng Simbahan ang artikulong "separation of Church and State" na nakasaad sa ating Constitution para hindi sila pakialaman ng Simbahan sa mga maling pamamalakad nito. Ngunit hindi ganito ang turo ng Diyos. Ang Simbahan ay may pananagutan kapag ang itinuturo ng estado ay labag sa pananampalataya at buhay moral! Ibig sabihin, ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang turo at aral ay maaring magsilbing "propeta" upang magbigay babala sa mga mamamayan kung ang tinatahak na landas ng pamamahala ng gobyerno ay taliwas sa "matuwid na daan" at ikinasasama na ng moral na pamumuhay ng mga mamamayan. Hinihikayat din tayong maging mabubuting Kristiyano sa pamamagitan ng masusing pagtupad ng ating tungkulin sa Diyos at sa ating bayan. Ang pagiging mabuting Kristiyano ay pagiging maka-Diyos at maka-tao at ang pagiging tapat na mamayan naman ay maipapakita sa pagiging maka-bayan at maka-mamamayan. Ang lahat ng ito ay sapagkat may iisa tayong Diyos na sinasamba at pinaniniwalaan. Anuman ang ating lahi o kultura, iisang Diyos ang kumakalinga at nag-aalaga sa atin. Kaya nga't pagsilbihan natin Siya sa pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan ngunit huwag din nating kalilimutang mabuhay na mabubuting mamamayan ng Kanyang kaharian. At ngayong Taon ng mga Layko ay pag-ibayuhin natin ang ating tapat at masigasig na paglilingkod sa Diyos at sa ating bayan. Maging matapang sa pagharap at pagtutol sa mga katiwaliang sumisira sa dangal ng ating pagkatao bilang Kristiyano at bilang Pilipino. Be good Christians and honest citizens!
Biyernes, Oktubre 10, 2014
PAANYAYA AT PAGTANGGAP: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year A - October 12, 2013 - YEAR OF THE LAITY
Linggo na naman! Magsisimba ka ba? Ano na naman ang dahilan mo at nagdadalawang isip ka pa? Ingat. Baka matulad ka sa tatay na ito sa kuwento. "Pare, Linggo ngayon... magsimba ka naman!" Sabi ng kumpare nya sa kanya. "Haaay naku pare, daami kong pang gagawin, mga anak at misis ko na lang!" Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: "Simba tayo bukas ha?" Ang kanyang sagot: "Haaay naku mga igan, hindi naman ako nakakalimot magdasal ataw-araw, ang misis at ang mga anak ko na lang! Me pupuntahan pa akong mahalaga bukas." Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura paroko: "Anak, Linggo bukas' magkita naman tayo sa simbahan." Sagot n'ya: "Padre, wala naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Haaay Padre, ang misis at ang mga anak ko na lang!" Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi ni San Pedro: "Pamilya Dimagiba... pasok sa loob!" Nang s'ya na ang papasok ay hinarang sya ni San Pedro. "Oooops... sa'n ang punta mo?" "Sa loob! Kasama ng pamilya ko!" Sagot n'ya. Sabi ni San Pedro" "Bakit? Kasama mo ba sila kapag nagsisimba? Haaaaay... ang misis at anak mo na lang!" Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan natin ng mahalagang aral. Patuloy ang Diyos na nag-aanyaya sa ating makibahagi sa kanyang "piging" ngunit kalimitan ay wala tayong panahon para sa Kanyang paanyaya! Ang dami nating dahilan. Pero tulad nga ng kasabihan: "Kung gusto mo may paraan, kung ayaw mo may dahilan!" Kung ilalapat natin sa Ebanghelyo ay makikita nating ayaw lang talaga ng mga taong naimbitahan na dumalo sa kasalan. Marami silang dahilang ibinigay ngunit kung iisa lang naman ang gusto nilang sabihin: "Wala akong panahon para d'yan!" Hinalintulad ni Jesus ang mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa mga taong ito. Sila ang unang naimbitahan na makibahagi sa Kaharian ng Diyos ngunit dahil sa katigasan ng kanilang ulo ay ilang ulit nilang tinanggihan ang paanyaya ng Diyos. Marami sa mga propeta ay kanilang inusig at ipinapatay. Kaya nga't ibinaling ng Diyos ang Kanyang paanyaya sa mga "Hentil". Ibinabaling ni Jesus naman ngayon ang kanyang paanyaya sa atin! Ang katanungan ngayon ay: "Tatanggihan mo rin ba S'ya?" Nagsabi na tayo ng "Oo" noong tayo ay nabinyagan at nakumpilan. Ngunit sa tuwing nilalabag natin ang utos ng Diyos at hindi tayo nagpapakita ng pagiging mabuting kristiyano ay isang masakit na pagtanggi ang ating ginagawa sa kanyang imbitasyon. Ilang beses na rin marahil na atin siyang iniwasan. Ang dahilan, halos pareho rin: marami pa akong gagawing mas mahalaga! Kung ang Diyos ay importante sa ating buhay ay bibigyan natin siya ng puwang sa ating buhay, handa tayong maglaan ng oras para sa Kanya! Isang praktikal na aplikasyon nito ay ang ating ginagawang pagsisimba tuwing Linggo. Sa ating buhay, marami tayong ginagawa. Hindi tayo mauubusan ng dapat gawin. Huwag sana nating ipagpalit ang ilang sandali na dapat ay para sa Diyos. Sa loob ng isang araw ay may 24 na oras. Sa isang Linggo ay 168. Ang sabi ng Diyos kunin mo na ang 167 at yung isa... ibigay mo naman sa akin. Ang "suwapang" mo naman kung di mo ito maibigay sa Kanya! Ngayong Taon ng mga Layko ay maging matapang tayo sa pagtanggap sa paanyaya ng Diyos. Wala tayong masisisi kundi ang atin ding mga sarili kung isang araw ay tanggihan Niya rin tayo sa kanyang kaharian. Baka isang araw kapag nasa harap na tayo ng pintuan ng langit at nagpupumilit na pumasok ay magulat na lang tayo at marinig ang mga salitang: "Haaay kaibigan ... Wala kang lugar dito! Yung iba na lang!"
Sabado, Oktubre 4, 2014
WALANG UTANG NA LOOB: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year A - October 5, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Ugali mo ba ang maningil? Ang iba sa atin ay mahilig bilangin ang ginagawang kabutihan. Bawat pagpapagod ay dapat may kaukulang bayad! Katulad ng kuwento ni Juan: Si Juan ay isang batang masipag at maasahan sa gawaing bahay. May roon lang nga siyang masamang ugaling maningil sa lahat ng kanyang ginagawa. Minsan ay may pinuntahan ang kanyang nanay at iniwan sa kanya ang gawaing bahay. Katulad ng inaasahan ay malugod namang tinanggap ni Juan. Pag-uwi ng kanyang ina ay may nakita itong papel na nakapatong sa lamesa. Nakasulat: Naglinis ng bahay - sampung piso, naglaba ng damit - sampung piso, nagdilig ng mga halaman - sampung piso, nag-alaga kay junior - sampung piso... kabuuan: singkuwenta pesos. Ps. Yung sampung pisong karagdagan ay VAT. Ang masipag mong anak, Juan. Napangiti ang nanay, kumuha ng papel at nagsulat din: siyam na buwan kitang inalagaan sa aking tiyan - libre, ipinanganak kita - libre, pinakain at pinag-aral - libre, at ngayon mahal kong anak may lakas ng loob kang singilin ako? Patawarin mo ako anak, walang pera ang nanay, wala akong maibibigay sa iyo. Ang nagmamahal mong ina - Juana. Kinabukasan ay nagising si Juan at nakita ang sulat sa kanyang kama. Binuksan iyon at ng nabasa niya ay natulala siya. Kumuha ng isang papel at muling nagsulat. Dear inay... pinapatawad ko na po kayo! hehe.. Anung klaseng anak si Juan? Marahil masasabi nating isang anak na walang utang na loob! Pagkatapos ng maraming paghihirap na ibinigay ng kanyang ina ay lumalabas na siya pa ang may ganang magpatawad. Ang kawalan ng utang na loob at di pagbibigay ng nararapat ang mensahe rin ng ating mga pagbasa ngayon. Ang Israel ang ubasan na tinutukoy sa unang pagbasa na hindi nagbigay ng bunga sa kabila ng pag-iingat at pag-aalaga ng may-ari. Ang mga punong saserdote naman at Pariseo ang mga katiwala sa talinhaga na hindi nagbigay ng nararapat sa may-ari ng ubasan bagkus ay sinaktan at pinatay pa ang mga sugo kasama na kanyang anak na ipinadala upang sulitin ang kanyang ani. Dahilan dito ay tinanggal sa kanila ang kaakiabat na pribelehiyo na tawaging Kanyang bayang pinili at bagkus ay ibinigay ito sa iba na mas karapat-dapat. At tayo ngang mga Kristiyano ang nabiyayaang magpatuloy nito. Tayo ang bagong bayang pinili ng Diyos! Ang talinghaga ay babala sa ating lahat: Balang araw ay matatapos din ang pagpapasensiya ng Diyos sa atin. Huwag nating balewalain at pagsamantalahan ang kanyang kabutihan. Totoo, ang Diyos ay lubos na mabuti at mapagpatawad ngunit Siya rin ay makatarungan. Susulitin niya ang biyayang ibinigay Niya sa atin at titingnan kung tayo ay naging karapat-dapat. Libre ang Kanyang biyayang kaligtasan at hindi natin pinaghirapan. Kaya nga nararapat lang na ibigay natin ang nararapat sa Kanya! Huwag makumpiyansa sa pagiging "mabuting Kristiyano" sa pamamagitan ng pagdarasal at pagsisimba lamang. Bagkus, tingnan natin ang sarili kung naibibigay ba natin sa kanya ang nararapat niyang tanggapin, isang buhay na malinis, tapat, at naglilingkod sa iba. Ang pagiging Kristiyano ay isang pribelehiyo ngunit ito rin ay isang responsibilidad. Inaasahan ng Diyos na tayo ay magbubunga sa ating pagsunod kay Kristo. Sa kahuli-hulihan ay susulitin tayo ng Diyos kung papaano natin ginamit ang mga ibinigay Niya sa ating pagpapala. May bunga na ba akong maibibigay sa Kanya? Ngayong Taon ng mga Layko, ay piliin nating maging matapang, matapang na maging totoo sa ating pagiging Kristiyano at matapang na maipahayag ang pag-ibig ni Kristo.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)