Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Disyembre 31, 2016
KAPAYAPAAN HINDI KARAHASAN: Reflection for the Solemnity of Mary Mother of God and New Year 2017 - January 1, 2017 - 50th WORLD PEACE DAY
Natapos na ang taong 2016. Isang taong punong-puno ng "pagbabago". "Change has come!" ang sabi nga nila ngunit ano nga bang pagbabago? Ang nakikita ng aking mga mata ay ang maraming patayang nangyayari araw-araw. Marahil nabawasan nga naman ang ilang krimen sa kalsada ngunit ang pagpatay ba ay hindi krimen? "Change is coming" nga ba o "change scamming?" Kaya nga ang pagpasok ng 2017 ay nagbibigay sa akin ng higit na pangamba! Magpapatuloy ba ang ganitong kalakaran? Pagpatay kapalit ng kapayapaan at kaayusan ng pamumuhay na ating minimithi? May nabasa akong text: "Worrying does not take away tomorrow's troubles, it takes away today's peace!" Kaya nga't angkop na angkop na sa pagsisimula ng bagong taon ay ipinagdarasal natin ang pagkakaroon ng kapayapaan. Ang unang araw ng bagong taon ay itinalagang "World Day of Prayer for Peace." Kapag may kapayapaan may kaayusan. Kapag may kaayusan may pag-unlad ng pamumuhay! At ito naman talaga ang ating pagbati sa pagpasok ng bagong taon: isang "manigong buhay" na punung puno ng pagpapala at biyaya! Kaya nga marami sa atin ang gumagawa ng mga ritwal upang "paalisin ang malas at papasukin ang buwenas! Nandiyan na ang naglalakasang paputok tulad ng "Aldub Forever" at "Goodbye Delima" na pinatakbo sa takot kahit ang pinakamataas na pinuno ng kapulisan. Nariyan ang pagbili ng labindalawang prutas para suwertihin. May paghahanda rin ng pagkaing malagkit para hindi magkahiwalay-hiwalay ang pamilya o ang pagkain ng pansit para sa isang mahabang buhay. Ngunit saan nga ba nakasalalay ang buwenas sa ating buhay? Ano ba ang dapat unang gawin ng isang Kristiyano? Panalangin ang dapat gawin para suwertihin! Kaya napakagandang simulan ang bagong taon sa pagsisimba na siyag pinakamataas na panalanging ating maaring gawin. At sa unang araw ng bagong taon ay ibinibigay sa ating haimbawa si Maria bilang INA NG DIYOS! Tinamaan ng suwerte ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos! Walang ng suwerteng hihigit pa dito! Ngunit hindi ito ang talagang kadakilaan ni Maria. Nang may nagsabi kay Jesus habang siya ay nagtuturo: "Mapalad ang sinapupunang nagluwal sa iyo!" Ngunit agad niya itong itinama at sinabi "Mas mapalad ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos!" At sino ba sa lahat ng nilikha ang naging masunurin sa kalooban ng Diyos maliban sa Mahal na Birheng Maria? Mga kapatid, ang kapalaran natin sa bagong taong ito ay nakasalalay sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos kaya't nararapat lamang na katulad ni Maria ay maging masunirin tayo sa Kanya. Kaya nga kung nais nating mapuno ng biyaya ang ating bagong taon ay nararapat lang na simulan na nating tanggalin ang ating masamang pag-uugali at tapat na tupdin ang kalooban ng Diyos. Para sa atin namang paghahangad ng kapayapaan, ang Simbahan ay nagpapaalala sa atin na hindi ang karahasan kundi ang kabuthihan ang daan sa tunay na kapayapaan. Ang tema ng 50th World Day of Prayer for Peace ay "Christian non-violence as a style of politics for peace." Kaya nga't hindi kinukunsinti o pinapanigan ng Simbahan ang karahasan o anumang paraang di-makatarungan para lamang magkamit ang tao ng kapayapaan. Hindi ang paglipol sa mga kriminal o drug addicts ang sagot para sa matiwasay na lipunan. Laging pinapanindigan ng Simbahan ang paggalang sa karapatan ng bawat tao mabuti man siya o masama at pagbibigay ng pagkakataong magbago. Kaya nga ipagdasal natin na sa pagpasok ng bagong taong ito na kapayapaan ang umiral sa ating paligid. Iwaksi natin ang "kultura ng kamatayan" at sa halip ay pairalin ang "kultura ng kabutihan" bilang daan sa tunay na kapayapaan!
Linggo, Disyembre 25, 2016
CHRISTLESS CHRISTMAS: Reflection for the Solemnity of the Birth of Our Lord - Year A - December 25, 2016
Minsan ay nagpunta ako sa isang malaking shoping mall. Pagkapasok ko pa lang sa entrance gate ay binati agad ako ng security guard ng "Happy holiday sir!" Sinagot ko s'ya ng "Merry Chritmas too!" Pagpasok ko sa isang botique ay ito rin ang bungad sa akin ng isang saleslady: "Happy holiday sir!" At sinagot ko rin s'ya ng "Merry Christmas my dear!" Sa pangatlong pagkakataon ay narinig ko uli ang bating ito ng kumain ako sa isang fastfood chain, "Happy holiday po!" sabi ng cashier. Di na ako nakatiis kaya nagtanong na ako... "Bakit happy holiday at hindi Merry Christmas ang bati ninyo?" "Eh yun po kasi ang sinabi sa amin ng management eh!" Nalungkot ako sapagkat hindi natin namamalayan na kahit sa pagbati ay unti-unti ng tinatanggal si Kristo sa Pasko! Marahil ay ipaalala muli sa atin na si Kristo ang dahilan kung bakit mayroon tayong Pasko. Walang Pasko kung walang Kristo! Mag-ingat tayo sapagkat ito ngayon ang sinasabi ng mundo na maari tayong makapagdiwang ng Pasko ng walang Kristo... a CHRISTLESS CHRISTMAS! Hindi ako magtataka na darating ang panahon ang batian natin ay MERRY MAS na lang! May kuwento ng isang Russian astronout na ang pangalan ay Yuri Gagarin na pagkatapos niyang mamalagi sa kalawakan ay pinuntahan niya ang Obispo ng Moscow at sinabi: "Monsignor... nalibot ko na ang kalawakan ngunit hindi ko nakita ang Diyos!" Ang sagot ng obispo ay ito: "Bago ka naglibot sa kalawakan ay dapat hinanap mo muna si Kristo sa lupa!" Totoo nga naman, hindi natin matatagpuan ang Diyos sa kalawan sapagkat pinili niyang mamalagi at manirahan dito sa lupa. Ito ang sinabi ng ating Ebanghelyo, na "ang Salita, na Diyos, ay nagkatawang-tao at nanirahan sa atin!" Mas pinili ng Diyos ang ating abang kalagayan upang maipadama niya sa atin ang Kanyang pagmamahal kaya't nararapat lamang na panahanin natin si Kristo sa ating puso... panatilihin natin si Kristo sa Pasko. Ngunit isang malaking kabalintunaan kung maririnig mo ang ang bating "Merry Christmas!" sa mga taong sumasang-ayon sa "death penalty" o "extra-judicial killing". Bakit? Sapagkat si Jesus ay dumating upang hindi tayo bigyan ng kamatayan kundi kaligtasan. Buhay at hindi kamatayan! Magpakatotoo tayo bilang mga Kristiyano. Huwang mamangka sa dalawang ilog! Ang ating Diyos ay nagkatawang tao upang bigyang kahulugan ang ating buhay. Ang Diyos ay dumating upang bigyan tayo ng pag-asa. Hindi siya dumating upang ibaba ang ating abang kalagayan. Napakasaya ng Pasko na kasama si Kristo! Huwag nating isantabi si Kristo. Huwag tayong magbulag-bulagan at sang-ayunan ang mga karahasang nangyayari sa ating lipunan. Gawin natig tunay na MERRY ang ating pagbati sapagkat ang KRISTO ay nasa ating puso! MERRY CHRISTMAS sa inyong lahat!
Sabado, Disyembre 17, 2016
KATAPATAN SA PAG-AALINLANGAN: Reflection for 4th Sunday of Advent Year A - December 18, 2016 - YEAR OF THE PARISH
Pitong tulog na lang at Pasko na! Sa katunayan ay nasindihan na ang lahat ng kandila sa ating Korona ng Adbiyento. Tunay ngang malapit na ang Pasko at nararapat lang na maging "Merry" ang ating "Christmas!" May dahilan ipang tayo ay magsaya sapagkat una ay tinanggap natin noong unang Pasko ang pinakamahalagang "regalo" na walang iba kundi si Jesus mismo, ang Diyos na sumasaatin. Pangalawa, ang dala ni Jesus sa kanyang muling pagdating sa wakas ng panahon ay "kaligtasan" para sa mga nanatiling tapat sa kanya! Habang hinihintay natin ang pagdating na ito "sa wakas ng panahon" ay tinatawagan tayong tanggapin siya sa araw-araw na pagdating niya sa ating puso. Kung paanong naging tapat ang Diyos sa tao ay gayundin naman, inaasahan niya ang ating matiyagang katapatan. Tunay nga na ang Pasko ay pagdiriwang ng katapatan ng Diyos sa tao at ang sagot na katapatan ng tao sa Diyos. May isang Diyos na naging tapat sa atin sa kabila ng ating pagiging salawahan. Isinugo niya ang Kanyang bugtong ng Anak dala ng Kanyang malaking pagmamahal sa sangkatauhan. Ngunit paano ba natin sinasagot ito bilang mga tao? Isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso. " Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Pinagdududahan mo ba ako? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako... Yung dalawa, kay kumpare 'yun!" Inatake sa puso ang mister! May karapatang magduda ang lalaki kung papaanong si Jose rin ay may karapatang magduda sa kanyang asawang si Maria. Bago sila magsama ay naratnan niyang nagdadalang-tao ito. Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa syang taong matuwid at ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria ay nagdesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik. Katulad ng sino mang tao, si Jose ay pangarap sa buhay. Pangarap niya marahil ang magtayo ng pamilya. Isa siyang taong matuwid at alam ang kanyang gusto sa buhay. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina! Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari: Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabho. Nasunugan ka ng bahay. Namatayan ka ng mahal sa buhay.... Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Tandaan mo, ang Diyos ay lubos na nagtitiwala sa iyo tulad ng pagtitiwalang ipinamalas Niya kay Jose. Bilang isang kumunidad, ito rin ang nais ng Diyos na gawin natin. Sa kasalukuyang mga nangyayari ngayon sa ating lipunan ay mas nakikita ang pangagaliangang maging tapat tayo sa Diyos. Maraming isyung kinakaharap ang ating bayan tulad ng death penalty, divorce, same sex marriage, extra-judicial killing, drugs at kriminalidad, corruption, etc. Masasabi ba nating tapat tayo sa Diyos? Ang Simbahan ay nananatiling tinig ng propeta na nagsasabing mali ang pagpatay, mali ang ilagay sa kamay ang pagpapatupad ng batas, mali ang korupsiyon, mali ang divorce at same sex marriage. Nasaan ngayon ang ating paninindigan? Tulad ni Jose, tinatawagan tayong maging tapat sa kalooban ng Diyos. Ang pagpanig sa katotohanan kung minsan ay magdadala ng maraming pagsalungat ngunit tayo ay tinatawagang maging tapat. Ang pagiging Kristiyano ay hindi naman popularity contest. Ang sukatan ay ang ating katapatan kay Kristo!
Sabado, Disyembre 10, 2016
KAGALAKAN SA PAGHIHINTAY: Reflection for the 3rd Sunday of Advent Year A - December 11, 2016 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Sinindihan na natin ang pangatlong kandila ng ating Korona ng Adbiyento. Kung inyong napansin kulay "pink" ang ating sinindihan at hindi ang "violet" Ang kulay lila o violet ay simbolo ng pagsisisi at pagbabalik-loob na siyang diwa ng adbiyento. Bakit pink ang ating sinindihan kung gayon? Ang Adbiyento ay nangangahuugan ng pagdating ng Panginoon sa ating piling. At dahil diyan tayo ay naghihintay. Ngunit ito ay paghihintay na hindi tulad ng isang taong bibitayin na nasa death row. Nakakatakot na paghihintay! Hindi rin ito paghihintay na tulad ng isang taong tumaya sa lotto na walang kasiguruhan kung siya ba ay mananalo o hindi. Ang Adbiyento ay hindi nakakatakot at walang kasiguruhang paghihintay. Bagkus ito ay masayang paghihintay sapagkat ang darating ay ang Panginoon at ang kanyang dala-dala ay kaligtasan! Kaya nga't may kasamang saya at galak ang ating paghihintay sa Panginoong darating at ito ang isinasagisag ng kulay pink na kandila sa ating Korona ng Adbiyento. Ang kaligtasang dala ng Panginoon ang siyang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kagalakan. Katulad ng mga unang Kristiyano, ang dinarasal natin ay "MARANATHA!" Halina Jesus sa aming piling! May galak nating kinasasabikan ang muling pagdating ng Panginoon. Ang kagalakang ito ay ang ipinahayag ni Propeta Isaias: "Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi... paghaharian sila ng kalgayahan. Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman." Ito rin ang tandang ibinigay ni Jesus sa mga alagad ni Juan Bautista ng suguin sila upang itanong kung sya na nga ba ang hinihintay nilang Mesiyas. Ang pagdating ni Jesus ay nagbigay ng kagalakan sa mga taong nasa laylayan ng lipunan. Ngunit hindi lahat ay magsasaya sa kanyang pagdating sapagkat may mga taong mag-aalinlangan sa kanya katulad ng pag-aalinlangan nila kay Juan bilang propetang isinugo ng Diyos. Ang mga taong ito ay ang mga hindi makatanggap sa tunay na kahulugan ng kanyang pagliligtas, tulad ng mga Hudyo na hindi matanggap si Jesus sapagkat isang "materyal na Mesiyas" ang kanilang inaasahan. Tayo rin bilang mga Kristiyano ay maaring matulad sa kanila kapag ang ating pinahahalagahan ay ang ating "materyal na kaligtasan!" Makikita natin ito sa ating paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko. Ano ba ang higit na mahalaga sa atin? Kalimitan ay nauuwi lamang sa panlabas ang ating paghahanda. Totoong masaya ang Paskong punong-puno ng dekorasyon, pagkain, alak, regalo at mga panlabas na pagpapakita ng ating kasiyahan. Ngunit wag sana nating kaligtaan na walang saysay ang lahat ng ito kung makakalimutan natin ang ating panloob na paghahanda. Kaya nga ang panawagan ng Adbiyento ay hind nagbabago... magsisi ka sa iyong mga kasalanan! Ito ang paghahandang may ginagawa na tinutukoy sa sulat ni Santiago Apostol, isang matiyagang paghahanda tulad ng isang magsasakang hinihintay ng buong tiyaga ang "mahalagang bunga ng kanyang bukirin." Ang pangatlong kandila ang ating sinindihan ngayon. May isa pang sisindihan sa isang linggo. Ito ay magandang paalala sa atin na nagbibigay pa ang Diyos ng pagkakataon upang suriin natin ang ating sarili kung hindi pa natin ito nagagawa. May panahon pang magbago. May pag-asa pang naghihintay sa atin upang magbalik-loob! At nararapat lang na magbigay ito sa ating ng KAGALAKAN.
Sabado, Disyembre 3, 2016
O-PLAN TOKHANG NG DIYOS: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year A - December 4, 2016
Ang literal na ibig sabihin ng Adbiyento ay "pagdating". Dahil may darating nararapat lang na tayo ay maghintay at maghanda. Kaya nga ito rin ay nangangahukugan ng "paghahanda". Sino ang pinaghahandaan natin sa panahon ng Adbiyento? Walang iba kundi si Jesus. Si Jesus ay matagal ng dumating. Ito ay ginugunita natin taon-taon sa pagdiriwan ng kapaskuhan na kung saan ay binibigayan nating parangal ang kanyang pagkakatawang-tao. Dahil dito ang Adbiyento ay paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko. Ngunit si Jesus ay nangako rin ng kanyang muling pagbabalik na kung saan ay dadalhin niya tayo sa buhay na walang hanggan at ito rin ay dapat nating paghandaan. Kaya nga't ang Adbiyento rin ay paghahanda sa kanyang muling pagbabalik. Sa gitna ng kanyang unang pagdating at huling pagdating ay may tinatawag tayong MAHIWAGANG PAGDATING. Kailan at saan ito nangyayari? May kuwento ng isang sikat na pintor na gumawa ng isang obra. Ang kanyang painting ay hango sa Aklat ng Pahayag na kung saan ay makikita si Jesus na kumakatok sa isang pintuan. Napakagaling ng kanyang pagkakaguhit. Nakakamangha sapagkat parang naririnig mo ang dahan-dahang pagkatok ni Jesus sa pinto. Ngunit may isang batang pumuna sa kanyang obra. "Mamang pintor.... bakit walang door knob ang pintuan? " Napangiti ang pintor at sinabing "Sinadya ko yan! Sapagkat, kakaiba ang pintuang ito. Ang door knob ay wala sa labas kundi nasa loob!" "Meganun?" laking pagtataka ng bata. "Ano ang tawag sa pintuan iyan?" Sumagot ang pintor: "Ang tawag diyan iho ay ang pintuan ng puso ng tao! Ang Diyos patuloy na kumakatok sa puso natin ngunit tayo lang ang puwedeng magbukas at magpatuloy sa kanya. Ang door knob ng puso natin ay nabubuksan lamang sa loob kung gugustuhin natin." Ito rin ang ginagawa ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral. Kinakatok niya ang puso ng mga Hudyo na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan at ihanda nila ng tuwid na daraanan ang Panginoon. Ito ang O-PLAN TOKHANG ng Diyos! Kaya ang Adbiyento ngayon ay may pangatlong pakahulugan: Ito ay ang agarang pagtugon sa pagtawag ng Diyos na magbalik-loob at magbagong buhay. Ang pagbabagong ito ay isang METANOIA. Ibig sabihin, ito ay tuloy-tuloy na pagbabago ng isip, ng puso at ng uri ng ating pamumuhay! Ang pagtuwid ng landas ay nangangahulugan ng pagsasaayos ng ating luma at magulong pamumuhay. Ito ay pagtanggal ng ating masamang pag-uugali at pagpupuno ng ating pagkukulang sa ating kapwa. Ang metanoia ay nangangahulugan ng bagong pag-uugali! Si Jesus ay araw-araw na kumakatok sa ating puso. Ang O-Plan Tokhang ng Diyos ay dumarating sa mga sandaling hindi natin inaasahan at sa mga taong hindi natin inaakala kaya't lagi dapat tayong handa. Maaari Siyang dumating sa pagkatao ng isang kaibigan o kaaway. Maari siyang dumating sa mga mahihirap at nangangailangan. Maari siyang dumating sa tinig ng mga taong kulang sa pag-aaruga at napapabayaan. Si Jesus ay kumakatok ngayon sa ating puso... pagbubuksan mo ba siya? Ito ang panawagan ng ikalawang Linggo ng Adbiyento: Paghandaan natin ang daraanan ng Panginon! Pagbuksan natin siya at huwag saraduhan ang pintuan ng ating puso.
Sabado, Nobyembre 26, 2016
MAKAHULUGANG BAGONG TAON: Reflection for 1st Sunday of Advent Year A - November 20, 2016 - YEAR OF THE PARISH as Communion of Communities
Sinisimulan natin ngayon ang bagong panahon sa taon ng Simbahan sa pagdiriwang ng PANAHON NG ADBIYENTO. Dahil bagong panahon, ito rin ang itinuturing na BAGONG TAON ng Simbahan. Marahil ay hindi kasing ingay ng nakagawian na nating pagdiriwang sa pagpapalit ng taon na punong-puno ng paputok, ngunit ito naman ay punong-puno ng aral na nagbibigay kahulugan sa ating pananampalataya. Mas pinaigting pa ito ng pagdiriwang ngayong Taon ng Parokya bilang "Communion of Communities" na kasama sa siyam na taong paghahanda bago natin ipagdiwang ang ika-500 anibersaryo ng ating pananampalatayang katoliko. Muli muna nating balikan ang ibig sabihin ng Adbiyento. Ang ADBIYENTO ang siyang unang panahon ng bawat taong liturhiko. Ito ay apat na linggong paghahanda sa pagsapit ng Araw ng pagsilang ng ating tagapagligatas na si Jesus. Ito ay hango sa salitang latin na "adventus" na ang ibig sabihin'y kapwa "pagdating" at "inaasahan." Ibig sabihin ito ay nangangahulugan ng paghihintay. Naaakma ito sa ating panahon ngayon na ang kulturang umiiral ay pagmamadali. Lahat ay nagmamadali, lahati minamadali. Insatant cofee, instant noodles, instant friendship, instant cuture! Kaya nga't hindi nakapagtataka na kahit ang pagdiriwang ng Pasko ay minamadali. September pa lang ay Pasko na! May Christmas carols ng maririnig sa radio, may mga advance Christmas sale na sa mga malls, may Christmas decors na sa mga bahay at gusali. Ang Simbahan ay nagpapaalala sa atin na huwag madaliin ang Pasko. Mayroon pa tayong tinatawag na ADBIYENTO! Para sa ating mga Kristiyano, ito ay ang ating paghihintay kay Kristo na punong-puno ng pag-asa. Tulad ito ng isang ina na hinihintay ang kanyang pagluwal ng kanyang sanggol, ng isang magsasaka sa araw ng pag-ani ng kanyang mga pananim, ng isang mangingisda na magkakaroon ng isang masaganang huli. Ngunit ito ay paghihintay na mayroong ginagawa at hindi nagpapabaya. Sa mga salitang iniwan ni San Pablo sa mga taga Roma "Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti... Mamuhay tayo ng marangal at huwag gugulin ang panahon sa paglalasing at magulong pagsasaya, sa pagpapakasawa sa pita ng laman at kahalayan, sa alitan at inggitan." Ang nais lang sabihin ni San Pablo sa atin ay isapuso natin ang isang makahulugang paghahanda! Sa pagpasok ng bagong taong ito ng ating inang Simbahan, nawa ay maipasok din natin sa ating puso at diwa ang isang makahulugang paghahanda sa pagdating ni Jesus sa ating buhay! ISANG MAKAHULUGANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!
Linggo, Nobyembre 20, 2016
HARI NG AWA AT HABAG: Reflection for the Solemnity of Christ the King Year C - November 20, 2016
Ngayon ay tinatapos natin ang huling linggo sa kalendaryo ng ating Simbahan sa pagdiriwang ng dakilang kapistahan ni Kristong Hari ng sanlibutan. Ngayon din ang pagtatapos ng Yubileyo ng Taon ng Awa at para sa ating bansa, ang Taon ng Banal na Eukaristiya at Pamilya. May pagtatapos na nagdadala ng kalungkutan. Ngunit may pagtatapos din na nagdadala ng kasiyahan at pananabik! Hindi ba't ganito ang ating nararamdaman kapag nakatapos tayo ng pag-aaral? Nalulungkot tayo sapagkat iiwan natin ang ating masasayang karanasan kasama ang ating mga kamag-aral at kaibigan. Ngunit masaya at nananabk din tayo sapagkat may bagong karanasan na naghihintay sa atin. Masaya tayo sapagkat may bagong pagkakataong maaari nating harapin at maging daan sa ating pagbabago. Ganito rin dapat ang ating pakiramdam sa pagharap natin kay Jesus na ating hari. Hindi natin kinatatakutan bagkus kinapapanabikan natin ang kanyang muling pagbabalik sapagkat naniniwala tayong Siya ay Hari ng AWA at HABAG. Ito ang ating pinagnilayan sa buong taon na ito ng Yubileyo ng Awa. Siya ang haring nagpakita ng habag sa atin sa pamamagitan ng kanyang AWA, UNAWA at GAWA! Ang paghahari ni Jesus ay napakalki upang magkasya sa buong sanlibutan, ngunit lubha ding napakaliit upang magkasya sa ating puso. Kaya nga ang paghahari ng Diyos ay hindi lang sumasakop sa kasalukuyang buhay na ito. Ito rin ay nagpapatuloy sa kabila sapagkat ang paghahari Niya ay nasa bawat isa sa atin. Ito ang nakita ni Jesus sa puso ng magnanakaw na nakapako sa kanyang tabi. "Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na!" Naroon pa rin ang butil ng kabutihan sa taong iyon. Sa kabila ng panlabas na kasamaan ay nakita ni Jesus ang paghahari Niya sa kanyang puso! Ito rin ang dahilan kung bakit ang Simbahan ay hindi sumasanga-ayon sa death penalty, summary execution, extra-judicial killing sapagkat naniniwala siya na ang bawat tao ay maaring pagharian ng Diyos at mabago niya ang kanyang buhay. Ang tugon ni Jesus sa saraling iyon ang nagpapatunay dito: "Sinasabi ko sa yo, ngayon di'y isasama kita sa Paraiso." Hayaan natin pagharian tayo ng Diyos upang maibahagi rin natin ang kanyang habag. Marahil matatapos na ang Taon ng Awa ngunit hindi nito tinatapos ang pagbabahagi natin ng kanyang habag. Patuloy tayong maging tulay ng kanyang awa, unawa at mabubuting gawa sa ating kapwa. Halina Jesus, MAGHARI KA SA AMIN!
Sabado, Nobyembre 5, 2016
UNDAS: PAG-ALALA AT PAALALA - Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 6, 2016 - JUBILEE YEAR OF MECY
Ang buwan ng Nobyembre ay buwan na inilaan natin upang ipagdasal at alalahanin ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw. Sinimulan natin ito sa pagdiriwang ng UNDAS, na ang ibig sabihin ay "paggalang sa mga patay", at bumisita ang marami sa atin sa sementeryo, nag-alay ng bulaklak at panalangin at may mga ilan naman ang nagtirik na lang ng kandila sa tapat ng kanilang mga bahay. Ngunit ang UNDAS ay hindi lamang pag-alala sa mga patay. Ito rin ay "paala-ala" sa mga buhay. Kaya nga may pakahulugan din ang UNDAS na "silang UNang natoDAS!" Sila na nauna na sa atin ay nag-iiwan sa atin ng mahalagang paalala: na totoong may buhay sa kabila at tayong lahat pupunta doon. Nauna laang silang "natodas!" May kuwento na may magkaibigan na adik na adik sa paglalaro ng basketball. Para sa kanila mas gugustuhin pa nilang maglaan ng oras sa basketball kaysa sa kanilang mga gf. Minsan ay may pinagkasunduan ang dalawa na kung sino man ang unang maunang mamatay sa kanila ay ibalita kung may basketball din ba sa kabilang buhay. Naunang namatay si Juan at ng gabi rin pagkatapo niyang mailibing ay may narinig si Pedrong tinig sa kahimbingan ng kanyang tulog. "Peeeedroooooo! May goodnews at badnews ako sa 'yo!" Nanginig sa takot si Pedro sapagkat alam niyang tinig ni Juan ang kanyang narinig. "Ang goodnews..." sabi ni Juan, "may basketball sa kabilang buhay!" Sumagot si Pedro na halatang takot na takot, "Ano naman ang badnews?" Sagot ni Juan: "May laro tayo bukas, kasama ka sa line-up!" ehehehe... Kung ikaw kaya yun, hindi ka ba matatakot? Siguro wala namang basketball sa kabilang buhay pero nakasisiguro tayong mayroong "kabilang buhay!" Ito ang binanggit sa unang pagbasa sa Aklat ng mga Maccabeo: "Ako’y maligayang mamamatay sa
kamay ninyo sapagkat alam kong
ako’y muling bubuhayin ng Diyos." Sa Ebanghelyo naman ay pinatahimik ni Jesus ang mga Saduseo na nagsasabing walang pagkabuhay ng mga patay sa paglilinaw na iba ang ang katayuan ng mga tao sa "buhay sa kabila". Kaya nga't para sa ating mga Kristiyano, ang buwan ng Nobyembre ay hindi lang pagdarasal para sa mga patay kundi bagkus ito rin ay paalala sa ating mga buhay na may "buhay a kabila." Kaya nga't walang masama kung ating pag-iisipan at pagninilayan ang araw ng ating kamatayan. Ang sabi ni Steven Covey sa kanyang aklat na 7 Habits for Highly Effective People" ay "always BEGIN with the END in mind". At ano ba ang katapusan nating mga kristiyano? Hindi kamatayan bagkus ang makapiling ang Diyos sa kabilang buhay! Ang kamatayan ay pintuan na dapat pasukan ng lahat upang makarating sa kabilang buhay. Ngunit ang "makapiling ng Diyos" ay laan lamang sa mga taong naging tapat sa pagtupad ng kanyang kalooban noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupang ibabaw. Hindi lahat ng namatay ay nakakarating dito. Kaya nga't ang paalala sa atin ay habang may buhay pa tayo ay sikapin nating mabuhay ng mabuti. Gamitin natin ang ang oras, kakayahan at kayamanan (time, talents, treasures) upang mabuhay ng tama at makatulong sa ating kapwang nangangailangan. Pag-isipan natin ang huling hantungan, ang makapiling ang Diyos, at hindi tayo magkakamali. Magkaroon tayo ng "foresight" at hindi "poorsight" sa ating buhay Kristiyano. Ang UNDAS ay pagkakataon upang gamitin natin ang ating talino sa pagpili ng tama at mabuti. Matuto tayo sa mga "unang natodas" sa atin. Tandaan natin na ito ay PAG-ALALA at PAALA-ALA... pag-alala sa mga patay at paalala sa ating mga buhay!
Lunes, Oktubre 31, 2016
ANG ARAW NG MGA BANAL (Reposted) : Reflection for ALL SAINTS' DAY - November 1, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Kapistahan ngayon ng lahat ng mga banal sa langit. Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa. Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?" Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na marahil marami sa kanila ay hindi natin kilalaa. Sila ang mga "unsung heroes" ng ating Simbahan na naging tapat at nag-alay ng kanilang buhay para kay Kristo. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal! Kaya nga't ang kapistahang ito ay hindi lamang para sa kanila. Sa katunayan, ito ay para sa atin. Tayo ang nangangailangan ng kanilang panalangin. Tayo ang nangangailangan ng kanilang inspirasyon upang matulad tayo sa kanila at isang araw ay mapabilang din sa hanay ng mga banal. Sikapin nating magpakabuti habang tayo ay naririto pa sa lupa. Piliin natin ang maging matapang ngayong Taon ng mga Layko. Ang kabanalan ay pagtawag para sa lahat. Akuin natin ang pagiging banal. Isabuhay natin ang mga aral ni Kristo. Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti at balang araw ay makakamit din natin ang gantikmala ng kalangitan. Sana balang araw ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor na nagsasabing tayo ay "NASA ITAAS!"
Sabado, Oktubre 29, 2016
PAGKAPANDAK (Revised & Reposted): Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year C - October 30, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
"Sa hirap ng buhay ngayon... pandak lang ang hindi tumataas!" Totoo nga naman. Mapa-kuryente, tubig, upa sa bahay, tuition fee sa eskwela, pamasahe sa sasakyan... halos lahat ata tumataas - pandak lang ang napag-iiwanan! Bakit nga ba maliit ang mga pandak? Minsan, tinanong si Dagul: "Dagul... bakit ka pandak?" Sagot si Dagul: "Kasi, naulila ako ng maaga." Sagot sa kanya: "Teka... anung koneksyon nung pagiging ulila mo sa pagiging pandak mo?" Sagot ni Dagul: "Tanga ka ba? Ulila nga ako kaya WALANG NAGPALAKI SA AKIN!" Talagang kawawa ang mga taong pandak... karamihan sa kanila ay "walang nagpapalaki." Sa katunayan, mas lalo pa nga silang "pinapaliit" ng lipunan. Ito ang sitwasyon ni Zacheo sa Ebanghelyo: maliit na s'ya... minamaliit pa siya ng kanyang mga kababayan. Marahil dahil na rin sa kanyang trabaho na taga-kolekta ng buwis. Isang traidor sa kanilang bayan ang turing sa kanya sapagkat kinukuhaan n'ya ng pera ang kanyang mga kababayan upang ibigay lamang sa mga dayuhan (mga Romano) na sumakop sa kanila. Kasama na rin siguro ang maraming "kickbacks" sa kanyang mga nakolekta. Dahil dito sinadya ng mga taong hindi pasingitin si Zacheo sa kanilang hanay. Mas lalong naging pandak sapagkat walang nais tumanggap sa kanya... walang "nagpapalaki." Ngunit nagbago ang lahat ng matagpuan s'ya ni Hesus. Take note: Si Hesus ang nakakita sa kanyang nasaa itaas ng puno. Laking tuwa ni Zacheo ng sabihin ni Hesus na tutuloy s'ya sa Kanyang bahay. At iyon na ang naging simula ng kanyang pagbabagong buhay. Ang dating pandak ay tumangkad! Naging mataas, siguro hindi sa pagtinging ng tao... ngunit sa paningin ng Diyos. Tayo rin ay maypagkapandak kung atin lamang susuriin ang ating sarili. Mabuti na lang ay may Diyos na laging handang tumanggap sa atin at palakihin tayo sa Kanyang paningin. Anuman ang ating mga nagawang pagkakamali at pagkukulang ay wag sana tayong masiraan ng loob... may Diyos na nagmamahal sa atin at nakakaunawa sa ating kahinaan. Kaya't magsumikap tayo na umahon sa ating "pagkapandak". Matangkad tayo sa mata ng Diyos dahil mahal Niya tayo! " Kaya nga ito ang nais ipahiwatig ng Diyos sa atin: Una, may pag-asa tayo bilang mga taong makasalanan na bumangon at magbagong-buhay. May Diyos na laging handang tumanggap sa atin sa ating "pagkapandak" dala ng ating mga kasalanan. Ikalawa, na dapat din nating pataasin ang mababang pagtingin ng iba sa kanilang sarili. Magagawa natin ito sa pagtanggap sa kanila at huwag silang pandirihan o isantabi. Tinutukoy ko ang mga taong nasa laylayan ng lipunan tulad ng mga bilanggo at naging biktima ng droga. Ngayong "Linggo ng Kamulatan para sa mga nasa Bilangguan" ay bigyan natin ng pag-asa ang mga taong ito na nais magbago at magtuwid ng kanilang nalihis na landas. Kung ang Diyos ay nakapagbibigay sa kanila ng ikalawang pagkakataon, paano pa kaya tayong mga taong nabiyayaan din ng kanyang habag? Huwag natin silang pandirihan o ituring na mga taong wala ng pagkakataong magbago. Hindi kasagutan ang paglipol sa kanila na parang "kanser" na dapat tanggalin sa lipunan. Ang mga taong ito ay minsan ng nagkamali at huwag na sanang dagdagan pa natin ang pagkakamaling nagawa nila. Sila rin ay mga anak ng Diyos, minahal at iniligtas Niya. Tanggapin natin silang muli at tulungang magbagong-buhay. Tandaan natin na walang taong "pandak" sa mata ng Diyos!
Sabado, Oktubre 22, 2016
DASAL EPAL: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year C - October 23, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Lahat ba ng panalangin ay kinalulugdan ng Diyos? Ang sagot ay hindi! Ayaw Niya ng dasal ng mayayabang. Ayaw Niya sa mga taong ma-epal! Hindi Niya lubos na kinalulugdan ang DASAL-EPAL! Minsan may taong nagdarasal na palaging ibinibida ang kanyang sarili. Ganito parati ang laman ng kanyang panalangin: "Panginoon, maraming salamat po at ginawa mo akong mabuting Kristiyano hindi katulad ng iba d'yan na maraming bisyo at hindi nagsisimba, tapat ako sa asawa ko at hindi ako katulad ng kapitbahay namin na maraming kabit, nag-aabuloy ako sa Simbahan, tumutulong ako sa kawang-gawa di tulad ng iba d'yan na madamot at walang pakialam sa iba at higit sa lahat nagkukumpisal ako ng isang beses sa isang buwan di tulad ng ibang mahigit isang taon ng hindi nagkukumpisal..." Laking gulat n'ya ng sumagot ang Diyos: "Mapalad ka anak... mapalad ka!" " Tuwang-tuwa siyang tumingala sa malaking krusipihiyo na kung saan ay pinanggalingan ng mahiwagang tinig. "Talaga po Panginoon? Pero anung ibig mong sabihin Panginoon na mapalad ako?" Sagot ng mahiwagang tinig: "Mapalad ka at nakapako ang mga paa ko, kung hindi ay tinadyakan na kita!"hehehe... Kuwento lang naman ngunit may sinasabing malaki sa ating paraan ng pananalangin. Hindi naman nananadyak ang Diyos! Ayaw Niya lang talga sa panalangin ng mga palalo at mayayabang. Bakit? Sapagkat ang panalangin ng mga palalo ay hindi kumikilala sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Hindi bida ang Diyos sa kanilang panalangin bagkus ang sarili ang itinataas! Ang pagpapakumbaba ay mahalagang kundisyon sa tunay na pagdarasal. Tanging ang mga taong katulad ng publikano sa talinhaga, na handang umamin ng kanyang pagkakamali ang kinalulugdan ng Diyos sa kanilang panalangin. Kaya nga ang pagpapakumbaba ay isang mahalagang kundisyon sa tuwing tayo ay lumalapit sa Diyos. Pansinin ninyo ang gawi ng publikano: "Samantala, ang publikano’y nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalan!" Ang mapagkumbabang panalangin ay nagpapakita ng ating pangangailangan sa awa ng Diyos at nagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Sino ba ang bida sa panalangin mo? Baka naman puro "Ako" ang laman ng ating panalangin at nakakalimutan natin "Siya" (ang Diyos) at "sila" (ang ating kapwa). Ang panalanging kinalulugdan ng Diyos ay ang panalanging nagbubunga ng paggalang at pagmamahal sa ating kapwa. Ang Santo Rosaryo ay ang panalangin ng mga taong mapagkumbaba. Ang mahal na birheng Maria ang ating huwaran sa pagiging mapagkumbaba sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya nga sa pagninilay ng mga misteryo ng Santo Rosaryo ay dapat nagiging katulad tayo ni Maria: mapagkumbaba sa ating panalangin. Maging mapagkumbaba sa pagdarasal. Tandaan natin na ang kahinaan ng Diyos ay ang panalangin ng taong mapagkumbaba. Kaya't wag maging epal sa pagdarasal!
Sabado, Oktubre 15, 2016
NAGMAHAL, NASAKTAN, NAGDASAL: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year C - October 16, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
May kuwento ng isang batang nagdarasal na sana ay bigyan s'ya ng bisikleta ng Diyos para sa kanyang birthday. Halos araw-araw ay dumaraan siya sa Simbahan at sa isang sulok na kung saan ay may nakaluklok na maliit na estatwa ng Mahal na Birhen ay lagi niyang ipinagdarasal ang kanyang kahilingan. Papalapit na ang araw ng kanyang kaarawan ngunit tila baga ayaw ibigay ng Diyos ang kanyang kahilingan. Isang umaga ay nagkagulo sa loob ng Simbahan. Nawawala ang maliit na estatwa ng Mahal na Birhen. Napansin ng pari ang isang maliit na papel na nakaipit sa patungan ng estatwa. Ganito ang nasulat: "Dear Papa Jesus, mukha atang ayaw mong ibigay ang hinihingi kong bike. Bahala ka! Kapag hindi mo ibinigay bukas ang hinihingi ko para sa aking birthday... hindi ko ibabalik ang nanay mo?" Nakakapressure ang panalangin niya hindi ba? Bata pa lang kidnaper na! Ngunit kung titingnan natin ay ito naman talaga ang nais ng Diyos kapag tayo ay nagdarasal. Nais niyang kulitin natin Siya. Nais niyang tayo ay magpumilit. Nais niyang huwag tayong manghinawa sa ating paghingi. Ito mensaheng nilalaman ng kanyang talinghaga: may naghihintay sa mga taong nagtitiyaga at nagpupuimilit na ipagkaloob ang kanilang kahilingan. Totoong ayaw ng Diyos ng mga panalanging walang kabuluhan na inuulit-ulit. Ngunit ang ipinapahayag ng talinhaga ay hindi ang pag-uulit na walang kabuluhan. Ang pag-uulit ng ating paghingi sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal ay may kaakibat na paniniwala at pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos. Ibig sabihin ay isang panalanging may malalim na pananampalataya! Hindi ba't ganito ang pagdarasal dapat ng rosaryo? Pinipilit at kinukulit natin ang Diyos sa pamamagitan ng pag-uulit ng Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati. Huwag nating kalimutan ang pagninilay sa mga Misteryo na ating dinarasal at pag-uugnay nito sa ating buhay. Ngayong buwan ng Oktubre, ang buwan ng Santo Rosaryo, ay nagpapa-alala sa atin ang Simbahang dasalin ang makapangyarihang panalanging ito sa paraang nararapat. Magdasal tayo ng may pagkumbaba sapagkat kinalulugan ng Diyos ang mga may mababang kalooban at manalangin din tayo na taglay ang pusong mapagpasalamat sapagkat nagpapakita ito na tayo ay katiwala lamang ng Diyos sa lahat ng pagpapalang ibinigay niya sa ating buhay. Ang sabi nga ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo: "Hindi ipagkakait ng Diyos ang
katarungan sa kanyang mga hinirang
na dumaraing sa kanya araw-gabi,
bagamat tila nagtatagal iyon." Ngayong lumalapit na tayo sa pagtatapos ng Taon ng Awa o Jubilee Year of Mercy ay mas palalimin pa natin ang ating buhay espirituwal na laging ipinapakita natin sa uri ng ating panalangin. Lumalalim ang ating buhay panalangin kung nagagawa pa rin nating magtiwala sa Diyos sa kabila ng maraming kabiguan sa buhay. Katulad nga nang sinasabi ng sikat na mga katagang... NAGMAHAL... NASAKTAN... NAGDASAL!
Sabado, Oktubre 8, 2016
PUSONG MAPAGPASALAMAT: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year C - October 9, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
May puso ka bang marunong magpasalamat? Kung minsan, hindi natin napapansin na marami pala dapat tayong ipagpasalamat sa ating buhay. Si Juan ay isang batang masipag at maasahan sa gawaing bahay. May roon lang nga siyang masamang ugaling maningil sa lahat ng kanyang ginagawa. Minsan ay may pinuntahan ang kanyang nanay at iniwan sa kanya ang gawaing bahay. Katulad ng inaasahan ay malugod namang tinanggap ni Juan. Pag-uwi ng kanyang ina ay may nakita itong papel na nakapatong sa lamesa. Nakasulat: Naglinis ng bahay - sampung piso, naglaba ng damit - sampung piso, nagdilig ng mga halaman - sampung piso, nag-alaga kay junior - sampung piso... kabuuan: singkuwenta pesos. Ps. Yung sampung pisong karagdagan ay VAT. Ang masipag mong anak, Juan. Napangiti ang nanay, kumuha ng papel at nagsulat din: siyam na buwan kitang inalagaan sa aking tiyan - libre! Ipinanganak kita - libre! Pinakain at pinag-aral - libre! At ngayon mahal kong anak may lakas ng loob kang singilin ako? Patawarin mo ako anak, walang pera ang nanay, wala akong maibibigay sa iyo. Ang nagmamahal mong ina - Juana. Kinabukasan ay nagising si Juan at nakita ang sulat sa kanyang kama. Binuksan iyon at ng nabasa niya ay natulala siya. Kumuha ng isang papel at muling nagsulat. Dear inay... pinapatawad ko na po kayo! hehehe... Hindi ba't nakasasama ng loob kapag may mga taong katulad ni Juan na hindi nakikitang may mga tao pala tayong dapat pasalamatan sa ating buhay? Katulad ng kuwento sa Ebanghelyo, nakakalungkot na hindi naisip ng siyam na ketonging bumalik kay Jesus at pasalamatan siya sa pagpapagaling na ginawa niya para sa kanila. Mula sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus, ay iisa lamang ang naglakas-loob na magpalasalamat! At ang higit na nakalulungkot ay isang Samaritano, na mortal na kaaway ng mga Hudyo, ang tanging nakaalalang magbigay ng pasasalamat. Bakit kaya ganyang tayong mga tao? Kay bilis nating makalimot! Ang Diyos, kung magpadala sa atin ng biyaya ay "siksik, liglig, at nag-uumapaw," ngunit bakit kung minsan ay nakakalimot tayong magpasalamat? Tingnan natin ang laman ng ating mga panalangin, magugulat tayo na ang karaniwang uri ng ating pagdarasal ay "paghingi". Kadalasan ang lagi nating sinasambit ay "PENGINOON... PENGINOON!" Sa halip na PANGINOON, PANGINOON!" Ang lakas nating humingi sa Diyos, ang hina naman nating magpasalamat. Hindi ako naniniwalang wala tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos. Sapagkat lahat ay biyaya na nagmumula sa Kanya! "Everything is grace!" ayon kay San Pablo. Kahit nga ang masasamang nangyayari sa atin ay maari nating tawaging "blessing in disguise" sapagkat ang "Diyos ay nakapagsusulat ng diretso sa baku-bakong linya." Ibig sabihin ay laging may mabuting dahilan ang Diyos sa masasamang pangyayari sa ating buhay. "Gratitude is the language of the heart" sabi nga sa Ingles. Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng kalikasan. Pasalamatan natin Siya sa biyaya ng "pamilya". Pasalamatan natin Siya sa biyaya ng "buhay". Mamayang gabi, bago ka matulog, bilangin mo ang mga biyaya mo... magpasalamat ka sa kanya. Kapag araw ng Linggo magsimba ka sapagkat ang Santa Misa ang pinakamataas na pasasalamat na maari nating ibigay sa Kanya. Kapag may pagpapala ka ay ibahagi mo. Isang paraan yan ng pagsasabing ang iyong biyayang natanggap ay hindi sa iyo kundi ito ay kaloob ng Diyos. Magpasalamat ka tuwina! Walang mawawala sa 'yo, bagkus ay magkakamit ka pa nga ng biyaya sapagkat kinalulugdan ng Diyos ang taong marunong magpasalamat!
Sabado, Oktubre 1, 2016
MAPAGKUMBABANG PANANAMPALATAYA: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year C - October 2, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Malimit nating naririnig ang salitang "pananampalataya". Sa katunayan ay malimit nating ginagamit ito sa ating pang-araw-araw na buhay na marahil ay hindi natin namamalayan. Halimbawa, sa tuwing tayo ay kumakain sa isang fastfood restaurant o kaya naman sumasakay ng pampublikong sasakyan ay ipinagkakatiwala natin ang ating buhay sa mga taong hindi naman natin kilala. Paano tayo nakasisigurong malinis ang ating pagkaing kinakain o kaya naman ay ligtas magmaneho ang driver na ating sinakyan? Pero naniniwala tayo at nagtitiwala sa kanila. Kung minsan ay maririnig din natin sa mga mag-aaral: "Malapit na exams... bahala na!" O kaya naman kapag hindi nakapag-aral: "Sige na nga... bahala na si Batman!" Ang ganitong uri ng pag-uugali ay maari nating maiugnay sa ating pananampalatayang espirituwal. Sa katunayan ang salitang "bahala na" ay nanggaling sa salitang "Bathala na!" Kung kaya't masasabi natin na ang ating "tadhana" ay nakaugnay sa ating pagkilala kay "Bathala", na ang salitang "fate" ay hindi natin mahihiwalay sa ating "faith". Itinanim sa atin ang butil ng pananampalataya noong tayo a bininyagan ngunit nakakalungkot na ang pananampalatayang ito ay marami sa atin ang hindi inalagaan at dahil dito ay napabayaan. Kaya nga ang panalangin ng mga alagad ay atin ding panalangin: "Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!" Ang kasagutang ibinigay ni Jesus ay ang "talinghaga ng butil ng mustasa", pananampalatayang maliit sa ating paningin ngunit malaki naman sa paningin ng Diyos. Ang tawag natin dito ay "mapagkumbabang pananampalataya." Ito ay pananampalatayang katulad ng isang aliping handang maglingkod sa kanyang panginoon o "Servant's Heart". Sa ating Ebanghelyo, ito ay katulad ng winika ng alipin sa kanyang amo: "kapag
nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos
sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami’y mga
aliping walang kabuluhan; tumupad
lamang kami sa aming tungkulin.’ ” Ang pananampalatayang ito ay nangangahulugan ng ating paniniwala, pagtitiwala at pagsunod. Katulad din ito ng AWA, UNAWA at GAWA na patuloy nating pinagninilayan ngayong Taon ng Awa. May kasabihan tayong "nasa Diyos ang AWA nasa tao ang GAWA." Hindi masamang umasa sa awa ng Diyos. Ngunit mahalaga rin na sa ating pagpapasa-Diyos ng ating hinaharap ay kumilos naman tayo sa kasalukuyan! Ang ating unang pagbasa sa Aklat ni Habakuk ay paglalarawan sa mga nangyayari sa atin ngayon sa kasalukuyan: " Bakit
ang ipinakikita mo sa akin ay
pawang kasamaan at kahirapan?
Sa magkabi-kabila’y nagaganap
ang pagwasak at ang karahasan;
laganap ang hidwaan at pagtatalo." Dito ay talagang nangangailangan tayo ng mapagkumbabang pananampalataya. Hindi sagot ang panghuhusga at karahasan upang malutas natin ang suliranin ng ating lipunan. Bilang isang Kristiyano ang kasagutan natin ay ang pagbabahagi ng pag-ibig at habag ng Diyos sa ating kapwa sa pamamagitan ng awa, unawa at gawa! At ang unang hakbang na dapat nating gawin ay magkaroon ng mapagkumbabang pananampalataya. Ito ang ating pagtugon sa Diyos na lumalapit sa atin at nag-aalok ng Kanyang pagmamahal. Ito ay ang ating pagtanggap sa Kanya. Mapagkumbaba ba ang pananampalataya mo?
Sabado, Setyembre 24, 2016
PAGKABAGABAG AT PAKIKIALAM: Reflecton for 26th Sunday in Ordinary Time Year C - September 25, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Madalas tayong makakita ng sign boards sa mga daanan. Ngunit kakaiba itong nakita ko minsang ako ay tumawid sa isang kalsada. Ganito ang nakasulat: BAWAL ANG MAKIALAM, NAKAMAMATAY! Ayaw natin sa mga pakialamero at pakialamera di ba? Ayaw nating may nanghihimasok sa ating buhay! May kuwento ng isang pari na masyadong passionate sa kanyang pagbibigay ng homiliya. Minsan ay ipinapaliwanag niya ang sampung utos. Ang sabi niya: "Mga kapatid, sinasabi sa ika-limang utos, "huwag kang papatay!" Kaya't masama ang pumatay!" Biglang sigaw ang isa sa mga nagsisimba? "Amen! Father! Amen!" Itinuloy ng pari: "Sinasabi ng ika-pitong utos, huwag kang magnanakaw! Masama ang kumuha ng pag-aari ng iba!" "Amen! Father! Amen!" sigaw muli ng lalaki. Ginanahan tuloy ang pari at sinabing: "Huwag kang makikiapid! Kaya bawal, ang magkaroon ng relasyon sa hindi mo asawa! Bawal ang may-kabit!" Biglang sigaw ang lalaki: "Aba, padre! Hini ata tama yan! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ko! Wag mo kong pakiaalaman!" Para mga mahilig makialam sa buhay ng iba eto ang masasabi ko inyo: "Dear PAKIALAMERA, May sarili kang buhay di ba? Bakit pati sa buhay ko nakikisawsaw ka? - Nagtataka, ME!" Eto pang isa; "Alam mo, napapabayaan mo na ang sarili mo. Wala ka kasing ibang inintindi kung ang PAKIALAMAN ANG BUHAY NG IBANG TAO!" Kung ganun, masama ba ang pakikialam? Hindi lahat ng pakikialam ay masama o kaya naman hindi lahat ng hindi nakikialam ay mabuti! Sa katunayan ay ito ang kasalanan ng mayaman sa talinhagang isinalaysay ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Walang sinabi sa Ebanghelyo na masamang tao ang mayaman. Ang kanyang kasalanan ay ang kanyang pagwawalang-bahala kay Lazaro na nasa labas lamang ng kanyang bahay at namamatay sa gutom samantalang siya ay sagana sa damit at pagkain sa hapag kainan. Walang pakialam ang mayaman sa kalunos-lunos na kalagayan ni Lazaro. Kaya nga't hindi lahat ng hindi pakikialam ay mabuti. Tayong mga Kristiyano ay tinawag ni Jesus na makialam sapagkat ang Diyos mismo ang unang nakialam sa atin. Ipinamalas niya ang kanyang malasakit sa atin sa pamamagitan ng kanyang pagliligtas sa pagbibigay sa atin ng kanyang bugtong na Anak. Nakialam Siya sa ating abang kalagayan sapagkat mahal Niya tayo at ayaw Niya tayong mapahamak. Ang sabi ni San Juan: "Gayon na lamang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak..." (Jn 3:16) Ngunit ang ganitong pakikialam ay posible lamang kung mayroong kasamang PAGKABAGABAG! Nagpakita ng habag ng Diyos sa atin sapagkat nabagabag siya sa ating abang kalagayan. Ang tawag natin sa ganitong uri ng panghihimasok ay MABUTING PAKIKIALAM! Ano ang hinihingi nito sa atin? Una, ito ay nangangahulugan ng pagtatama sa mali! Ang mabuting pakikialam ay may lakas ng loob upang ituwid ang kanyang kapatid na napapariwara. Ang kanyang layunin ay kabutihan at hindi kasiraan ng kanyang kapwa. Ang tawag din dito ay fraternal corretion. Ang isang Kristiyano ay dapat nababagabag kapag nakikita niya ang kanyang kapatid na nagkakasala o hindi gumagawa ng tama. Ngayon marahil ay maiintindihan natin kung bakit ang Simbahan ay kailangang makialam kapag may nakikita siyang mali sa ating lipunan. Hindi siya maaring manahimik kapag may paglabag sa kalooban ng Diyos at paglapastangan sa Kanyang mga utos. Ikalawa, ang mabuting pakikialam ay ang atin ding pakikiisa sa mga mahihirap. Hindi kinakailangang gumawa ng malalaking bagay para sa kanila. Ang sabi nga ni St. Theresa ng Calcutta: "Not all of us can do great things. But we can do small things with great love." Kung minsan ay sinisisi natin ang Diyos sa mga kahirapang nangyayari sa ating paligid, ngunit sino ba ang may kagagawan nito? Ang sabi niya uli: "Poverty is not made by God, it is created by you and me when we don't share what we have." Nawa, sa pagdiriwang ng Taon ng Awa ay mas lalo pa nating maipadama ang habag ng Diyos sa pamamagitan ng ating MABUTING PAKIKIALAM sa ating kapwa, pakikialam na dala ng ating pagkabagabag sa tuwing tayo ay makakatagpo ng ating mga kapatid na naghihikahos at lubos na nangangailangan.
Sabado, Setyembre 17, 2016
MATALINONG KRISTIYANO: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year C - September 18, 2016 - YEAR OF MERCY
Bakit nga ba may mga taong matatalino kapag pera ang pinag-uusapan? Minsang sumakay ako ng pampasaherong jeep. Ibinigay ko ang aking bayad at isang bata ang tumatanggap nito at nagbalik ng sukli. Sa pakiwari ko ay anak siya ng driver ng jeep at hindi pa siguro graduate ng elementarya ang batang iyon ngunit manghang-mangha ako sa galing niyang magkuwenta ng sukli. May nagbayad na pasahero isandaang piso ang ibinigay. "Isang senior yan, dalawang estudyante, at isang ordinaryo!" Gamit ang utak bilang calculator, ay agad niyang natuos kung magkano ang dapat bayaran at agad-agad ibinigay ang sukli! Ang galing! Pero kapag binigyan mo s'ya ng "mathematical equation" na simpleng addition o substraction eh hirap na hirap siguro s'ya! Kapag pera... walang problema! Napakasimple nito para sa kanya. Sa ating Ebanghelyo ngayon ay makikita din natin ang isang kakaibang katalinuhan na ipinamalas ng isang katiwala na malapit ng paalisin ng kanyang amo sa trabaho. Ngunit huwag tayong magkakamali. Hindi pinuri ni Jesus ang pandarayang ginawa niya. Alam nating walang pandaraya sa bokabularyo ng isang tagasunod ni Kristo. Ang nais niya lang bigyang diin ay dapat tayo rin, bilang mga Kristiyano, ay matalino pagdating sa mga espirituwal na gawain at alalahanin. At paano tayo magiging matalinong Kristiyano? Ang isang matalinong Kristiyano ay dapat may takot sa Diyos! Ang sabi sa aklat ng Ecclesiastico: "Ang takot sa Panginoon ay Karunungan at kaalaman. (Ecc. 1:27) Kung bakit nasasadlak ang ating lipunan ngayon problema ng droga at maraming pagpatay ay sapagkat marami na sa atin ang walang takot sa Diyos! Sapagkat ang taong may takot sa Diyos ay unang-una, may pagpapahalaga sa kanyang buhay. Hindi s'ya gagawa ng mga bagay na makasisira sa kanyang katawan at kaluluwa at katawan tulad ng pagkalulon sa bisyo. Ngunit marami pa rin sa atin ang hangal sapagkat pagkatapos ng maraming paalala at pangaral ay tuloy pa rin sa labis na paninigarilyo, pag-inom at paggamit ng salot na droga! Kahit ilang "Oplan Tukhang" pa ang gawin ng mga kapulisan ay walangsaysay kung ang mga tao naman ay walang takot sa Diyos! Pangalawa, ang Kristiyanong may takot sa Diyos ay may pagpapahalaga rin sa buhay ng iba! Alam niya na ang tao ay hindi parang pusa na puwede mong patayin sa kalsada. Isipin sana ng mga gumagawa nito na ang mga taong kanilang pinapatay ay may pamilya rin, may asawa, anak at mga mahal sa buhay na kanilang maiiwan. Ang mga taong nagsasagawa ng "extra-juducial killing" ay masasabi nating mga taong walang takot sa Diyos! Pangatlo ang mga taong walang takot sa Diyos ay hindi sumasamba at nagmamahal sa Kanya. Malinaw ang sabi ni Hesus:"Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Hindi ninyo mapagliling-kuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.” Kung may pera man tayo o kayamanang taglay, minana man o pinaghirapan, lagi nating pakatandaang ito ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos at dapat gamitin sa tamang paraan. Kung may angkin tayong talino at galing isipin nating ito ay hindi lamang para sa atin kundi para rin sa iba. "Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay..." sabi ni Hesus. Kung kaya nating mag-aksaya ng oras sa gimik at galaan, sa computer at pagtetext o kaya ay magbabad sa harapan ng telebisyon o sinehan, dapat kaya rin nating maglaan ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Biblia, pagsisimba t pagkakawang-gawa. Sana ang pagka-wise natin ay itaas natin ay ating i-level-up! Gamitin ang ating angking galing at talino upang maging mga tunay na matatalinong tagasunod ni Kristo! Ipakita natin sa ating AWA, UNAWA at GAWA na tayo ay mga Kristiyanong may takot sa Kanya.
Sabado, Setyembre 10, 2016
TAYO'NG PABORITO NG DIYOS: Reflection for 24th Sunday in Oridinary Time Year C - September 11, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Araw ngayon ng ating mga lolo at lola! Kung mayroon tayong pagdiriwang ng Mothers' Day para sa ating mga nanay at Fathers' Day naman para sa ating mga tatay, siyempre hindi natin makakalimutan ang ang ating mga Lola Nidora (na asawa Lolo Nidoro!) ngayong Grandparents Day! Marahil may mga ilan sa inyo na paborito ng kanilang lola. Isa na ako roon. Naalala ko pa kung paano ako binibigyan ng pera ng aking lola nung bata pa ako. Kukunin n'ya sa kanyang nakabuhol na panyo, na isinisilid niya sa kanyang dibdib, at ibibigay niya ito ng palihim sa akin para hindi ito makita ng aking mga kapatid. Kasi nga ako ang "Lola's Boy" ... ang paborito ng aking lola! Likas siguro talagang may itinatangi o paborito ang mga lolo at lola sa kanilang mga apo. Pero ganun din ba ang Diyos? Mayroon din ba siyang itinatangi? Alam nating ang Diyos ay makatarungan. Pantay-pantay para sa Kanya ang lahat! Kung mayroon mang paborito ang Diyos sila ay walang iba kundi ang mga MAKASALANAN na handang magbalik-loob sa Kanya. Ang pagbabalik-loob ng isang taong makasalanan ay kagalakan para sa ating Diyos at dahilan upang magdiwang Siya ng isang tagumpay! Sa Ebanghelyo ay ikinumpara Siya sa isang pastol na naghanap at nakasumpong sa kanyang nawawalang tupa o kaya naman ay sa isang babaeng nakasumpong sa kanyang nawawalang salaping pilak. Lubos ang kanilang kagalakan sapagkat nagbunga ang kanilang ginawang paghahanap. Ito ang isang katotohanan na dapat nating maunawaan: tayong lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan, ay paborito ng Diyos! At sapagkat paborito Niya tayo ay lagi Niya tayong hinahanap at hinihintay Niya ang araw na tayo ay Kanyang masusumpungan. Kung ikaw man ay nakakaramdam ng pagkahiya o pagkamaliit dahil sa marami mong kasalanan ay lagi mong isipin na ang Diyos ay mapagtimpi. Sapat lamang na tayo ay magpakumbaba at aminin ang ating kakulangan at pagkakamali tulad ng ginawa ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Naunawaan ni San Pablo na "paborito" siya ng Diyos kaya't hindi siya nahiyang aminin ang kanyang pagiging makasalanan: "At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga..." Sa mga kaguluhang nangyayari ngayon sa ating bansa ay ito lamang ang epektibong solusyon na ibinibigay sa atin ni Jesus upang manumbalik ang kapayapaan at katahimikan sa ating pamumuhay. Kung paano siya nagtiyaga at naghanap sa atin upang tayo ay ibalik sa Kanya ay dapat mayroong din tayong pagtitiyaga sa mga taong naligaw ng landas at pagpapatawad sa mga taong nanghahasik ng kaguluhan. HIndi dahas o armas ang kasagutan sa kapayapaan. Magkaroon man tayo nito ay panandalian lamang at hindi magtatagal uusbong na naman ang karahasan. Ang pangmatagalang solusyon sa ating minimithing kapayaan ay ang ating pagtitiyaga na isulong ito at pag-amin sa ating mga sariling pagkukulang at pagkakamali. At kung may pagkakamali man ay dapat magtuloy-tuloy ito sa pagpapatawad. Ito ang ipinakita ni Jesus para sa ating mga makasalanan. Ito rin ang nais niyang ipakita natin sa mga taong naghahasik ng karahasan at kaguluhan. Maging instrumento tayo ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagtitiyaga at pagpapatawad. Ngayong Taon ng Awa nawa ay maipakita rin natin ang habag ng Diyos sa ating awa, unawa at gawa sa ating kapwa. Hindi sinasang-ayunan ng Simbahan ang pagpatay o pagkitil ng buhay ng iba upang makamit lamang ang katarungan at mapairal ang kapayapaan. Hindi ito ang pamamaraan ni Kristo. Tandaan natin, kasama sila sa paborito ng Diyos kung taos puso ang kanilang nais na magbago. Sino tayo upang ipagkait ito sa kanila?
Sabado, Setyembre 3, 2016
SEASON OF CREATION... WOMAN FOR ALL SEASON: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year C - September 4, 2016 - YEAR OF MERCY
Pumasok na tayo sa tinagurian nating BER months. Bakit nga ba BER MONTHS ang tawag sa mga buwang darating. Ito raw ang dahilan: Sa September daw kasi ay pinagdiriwang natin ang BERtday ni Mama Mary, Ang October naman daw ay ang buwan ng BERhen ng Santo Rosaryo. Sa November naman daw ay we rememBER the faithful departed. At sa December ang ang BERtday ng Panginoong Jesus! Astig di ba? Ngunit marahil, marami sa atin ang iniisip na kapag pumasok na ang BER MONTHS ay malapit na ang Pasko. Ngunti tandaan natin na bago ang Christmas Season ay mayroon muna tayong Advent Season. At bago ang Advent Season ay ipinagdiriwang natin ang SEASON OF CREATION. Ang Panahon ng Paglikha o Season of Creation ay ang paglalaan ng Simbahan ng panahon sa ating Liturgical Calendar upang parangalan ang ating Diyos na Manlilikha at upang paalalahanan din tayo ng ating kaugnayan sa mga nilikha ng Diyos bilang kanyang mga anak. Ngayong buwan ng Setyembre hanggang sa ika-apat ng Oktubre, na kapistahan ni San Francisco ng Asisi ay ipagdiriwang ng Arkediyosesis ng Maynila ang Season of Creation o ang Panahon ng Paglikha. Ito ang ating kasagutan bilang mga Kristiyano sa mga suliranin na ating kinakaharap sa ating kapaligiran at kalikasan. Ano ba Panahon ng Paglikaha? Una sa lahat, ang Panahon ng Paglikha ay pagbibigay pugay at parangal sa Diyos na Manlilikha na patuloy na nangangalaga sa atin. Ito ang unang pinapahayag natin sa ating Pananampalataya sa tuwing tayo ay nagsisimba pagkatapos ng homiliya ng pari. Nararapat lang na ibalik natin sa Diyos ang lahat ng pasasalamat at papuri sapagkat nilikha Niya ang lahat ng "mabuti". Ikalawa, ang Panahon ng Paglikha ay nagbibigay sa atin ng pagninilay na dapat tayong maging mapagkumbaba. Tayo ay ginawa lamang ng Diyos na kanyang mga katiwala o "stewards" kaya wala dapat tayong ipagmalaki o ipagyabang. At magagawa natin ito sa pamamagitan ng pag-aalaga sa ating kalikasan. Sa unang linggong ito ng Panahon ng Paglikha ay tinatawagan tayong iwaksi ang tinatawag nating "throw-away culture!" Ito ay ang walang hambas na pagtatapon ng basura kung saan-saan. Panatilhin nating malinis ang ating paligid bilang pagpaparangal sa ating Diyos na Manlilikha. Ito ang knkretong katibayan ng pagiging tunay na mga anak ng Diyos at alagad ni Kristo. Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay tumutukoy sa pagiging alagad ni Jesus, na handa siyang iwan ang lahat sa kanyang buhay upang sumunod sa Kanya. Isang natatanging modelo ang bagong santa na ipoproklama ngayon ng Simbahan, si Mother Teresa ng Calcutta. Nakilala siya bilang "living saint" noong siya ay nabubuhay pa at tama lang naman sapagkat ang buhay ni Mother Teresa ay "selfless-giving" para sa mga taong mahihirap lalo na sa mga maysakit at namamatay. Binigyan niya ng dignidad ang mga taong ito na nasa laylayan ng lipunan. Ang isa mga sikat niyang sinabi ay "Not of all us can do great things, but we can do small things with great LOVE!" Napapanahon ang santang ito lalo na't ipinagdiriwang ng Simbahan ang Year of Mercy. Maari lamang nating maibahagi ang awa at habag ng Diyos kung marunong tayon magmahal. Magmamahal tayo kung makikita natin ang mukha ni Jesus sa ating kapwa lalong-lalo na sa mga mahihirap at nangangailangan. Hilingin natin ang biyayang ito sa Panginoon sa pamamagitan ng ating bagong Santa. Tunay ngang siya ang "Woman for all season!" na dapat pamarisan sa lahat ng panahon. Santa Teresa ng Calcutta... ipanalangin mo kami!
Sabado, Agosto 27, 2016
KAYABANGAN AT KAPAKUMBABAAN: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year C - August 28, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Ano ba ang napapala ng pagiging mayabang? Kung minsan may mga taong sadyang isinilang upang manghamak ng iba. Masaya ang kanilang pakiramdam kapag nakalamang sila sa ibang tao. Kapag may nanlalait sa kanila ang kanilang sagot ay: "Pak Ganern!" Kasi nga ayaw na ayaw nilang malalamangan sila sa lahat ng bagay. Isang turistang hapon ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila. Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. "This building is big! How long did you build this buidling?" "More or less one year!" Sabi ng driver. "One year? Too slow! In Japan, 6 months... very, very fast!" Payabang na sagot ng hapon." Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng hapon: : "Ah... this building is very big! How long did you take to build it?" "5 months!" sabi ng tsuper. "5 months??? very slow! In Japan, only 3 months... very, very fast!" Payabang na sabi ng hapon. Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay... sa Mall of Asia. "Wow! This building is very, very big! How long did you build it?" Payabang na sagot ng driver: "Only 2 months!" Sigaw ang hapon: "2 months??? Very slow... in Japan only 1 month... very, very fast!" Napahiya na naman ang Pilipino. Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. "Ok Mr. Japanese, pay me 10 thousand pesos!" Sagot ang hapon: "10 thousand? Very expensive!" Sagot ang driver: "Look sir... my taxi meter... made in Japan... very, very fast!" hehehe... nakaganti rin! Nakakaasar ang mga taong mayayabang! Ang sarap nilang yakapin... yakapin ng mahigpit hanggang sila ay mamatay! hehehe. Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang "kababaang-loob." Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Anak ko, maging mapagpakumbaba
ka sa pagtupad ng tungkulin,
at mamahalin ka ng mga malapit sa
Diyos. Habang ikaw’y dumadakila,
lalo ka namang magpakumbaba; sa
gayo’y kalulugdan ka ng Panginoon. " Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na ang "nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas." Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan ay galing sa pagpapala ng Diyos kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano. Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin. Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob... sa paglilingkod. Tanging ang mga taong mapagkumbaba ang maaring maging mapagbigay! Ngayong Taon ng Awa, napakahalaga ang pagsasabuhay ng kababang-loob kung nais nating maibahagi ang habag ng Diyos sa ating awa, unawa at gawa! Mahirap ng magbahagi ng habag ng Diyos kung pinangungunahan tayo ng pagmamataas at pagkamakasarili. Tanggalin muna ang kayabangan at pairalin ang kapakumbabaan! Limutin ang ating sarili upang makita natin ang ating pagiging aba sa harapan ng iba at ang pangangailangang tumulong sa ating kapwang nangangailangan. Hinihikayat tayong magpakita ng "corporal works of mercy" ngayong Taon ng Awa ngunit imposible itong maisakatuparan kung wala tayong pagpapakumbaba sa ating mga sarili.
Sabado, Agosto 20, 2016
ANG MAKIPOT NA PINTUAN: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year C - August 21, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Sa impyerno ay may bagong salta, at pinapipili siya ng pinto ng kaparusahan. Unang pinto: binuksan ng katiwala at nakita niyang ang mga tao, nakabitin ng patiwarik habang inilulubog sa dagat ng apoy. Bagong salta: "ayaw ko jan… ayaw ko jan!" Ikalawang pinto: binuksan ng katiwala at nakita niyang ang mga tao ay nakatali habang hinahampas ng nagbabagang latigo! Bagong salta: "ayaw ko jan ... ayawko jan!" Ikatlong pinto: nakarinig ang bagong salta ng mga nagkakantahan “wag kang aalon… wag kang aalon….wag kang aalon”… Bagong salta: "uuuuyy…gusto ko dito…mukhang masaya nagkakantahan pa sila!" Ikatlong pinto-katiwala: "sigurado ka ba sa desisyon mo?" Bagong salta: "oo naman… sigurado! Alam ko na nga yung kinakanta nila eh…wag kang aalon…wag kang aalon…" Ikatlong pinto- katiwala: "okay sabi mo eh ….binuksan ang pinto… Hinimatay ang bagong salta. Kaya pala nagkakantahan ang mga tao ng …"wag kang aalon…wag kang aalon…" dahil ang mga tao ay nakalubog sa tae hanggang leeg! hehehe... Sabi nga nila, ang kabilang-buhay daw ay punong-puno ng surpresa! Sa katunayan ay dalawa lang naman ang ating pupuntahan sa buhay sa kabila: langit o impiyerno. Ang huli ay pintuang madaling pasukin, walang kahirap-hirap, masaya, may kantahan pa nga! Ang una ay mahirap pasukin. Sa katunayan ay kakaunti ang dumadaan dito sapagkat makipot, mahirap at maraming sakripisyo ang dapat gawin. Ngunit ang sabi nga ng Panginoon, ay isa lang naman ang daan papasok sa langit... ang makipot na pintuan! Kaya nga kung ang hanap natin sa pagiging Kristiyano ay "good time" at "pa-easy-easy" lang sa ating pagiging Kristiyano ay nagkakamali tayo... Hindi puwedeng maligamgam tayo sa harapan ng Diyos. Sala sa init... sala sa lamig! Ang pagiging Kristiyano ay isa lang ang hinihingi... ang maging katulad ni Kristo! Ang makipot na pintuan ay dinaraanan natin araw-araw. Laging bukas... nag-aanyaya ngunit dahil nga sa makipot ay marami sa atin ang ayaw daanan. Mahirap magpatawad. Mahirap maging tapat sa pamilya. Mahirap umunawa. Mahirap magbigay. Mahirap magpakatao. Mas madali ang sumuway sa utos ng Diyos. Mas madali ang magnakaw. Mas madali ang mandaya. Mas madali ang magsinunaling. Mas madali ang mangaliwa kaysa maging tapat sa asawa. Mas madali ang gumawa ng kasalanan kaysa kabutihan. Mas masarap ang alok ng pintuang maluwag. Walang hirap. Walang pasakit. Ngunit alam din natin ang patutunguhan ng pintuang maluwag... walang hanggang kapahamakan! Maging matalinong Kristiyano tayo. Ngayong Taon ng Awa ay palakasin natin ang ating paniniwala na may Diyos ng Habag na patuloy na nagpapakita sa atin ng malasakit at pang-unawa. Alam niya ang pagnanais nating makapasok sa pintuan ng langit at batid niya ang kahinaan ng ating pagpapasya sa pagpili ng mabuti at masama... ng tama at mali! May gantimpalang naghihintay sa atin kung magtitiwala tayo sa kabutihan ng Diyos na hindi Niya tayo pababayaan sa ating pagsisikap dahil mahal Niya tayo. May "langit" tayong mararating kung magsisikap tayong sumunod sa kanyang kalooban, magtitiyaga at mapagkumbaba nating susundin ang Kanyang mga utos. Tandaan mo... isa lang ang daang patungo kay Kristo... at ang hahantungan mo ay nakasalalay sa pintuang pipiliin mo.
Linggo, Agosto 14, 2016
SIGN OF CONTRADICTION: Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year C - August 14, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERY
May kuwento ng isang batang umakyat sa mataas na punong-kahoy. Nag-alala ang mga nakakita baka mahulog ito kaya't hinanap nila ang magulang ng bata. Pilit naman siyang pinabababa ng mga ito ngunit kahit anong pakiusap ay ayaw sumunod ng bata. Tumawag sila ng barangay tanod ngunit ayaw pa rin nitong bumaba. Nagkataong dumaan ang isang pari at hiningi nila ang kanyang tulong na pakiusapan ang batang bumababa sa puno. Sumunod naman ang pari. Lumapit s'ya sa puno. Tiningala ang bata. Itinaas niya ang kanyang kamay at binasbasan ito ng tanda ng krus. Agad agad ay bumaba ang bata. Nagulat ang lahat maging ang pari. Nang tinanong nila ang bata kung bakit siya bumaba ay sinabi nito: "E pano ba naman sabi ng pari sa akin (winasiwas ang kamay na animong nagbabasbas) Ikaw baba, o putol puno! Baba o putol puno!" Parang kontradiksyon hindi ba? Hindi naman natin ginagamit na panakot ang tanda ng krus bagkus pampasuwerte pa nga ito para sa ilan. Ang tawag natin d'yan ay SIGN OF CONTRADICTION. Tunay naman sapagkat noong unang panahon, ang krus ay kaparusahan para sa mga kriminal, sa mga magnanakaw at siguro kung buhay na si Pangulong Duterte noon ay para rin sa mga drug addict. Ngunit nang si Jesus ay mamatay sa krus ay naiba ang ibig sabihin nito. Ang krus ay naging simbolo ng kaligtasan at kalayaan sa kasalanan! Ang ating mga pagbasa sa linggong ito nagpapakita sa atin ng maraming sign of contradiction o tanda ng pagkakasalungat. Sa Unang Pagbasa ang mga propeta ay laging itinuturing na sign of contradiction sapagkat ang kanilang pangangaral ay laging nagdadala sa kanila sa kapahamakan. Ang hatid nila ay mensahe mula kay Yahweh ngunit hindi ito katanggap-tanggap sa mga Israelita. Si Jesus din ay isang malaking sign of contradiction. Ano ang sinabi niya sa pagbasa ng Ebanghelyo ngayon? "Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi." Hindi ba't isa itong malaking kontradiksyon? Si Jesus ay ang Prinsipe ng Kapayapaan. Sa katunayan ay ito ang unang handog niya noong siya'y muling nabuhay. Bakit ngayon ay pagkakabaha-bahagi ang kanyang sinasabing iniiwan? Ito ang sasapitin ng mga taong tunay na sumusunod kay Kristo. Siya ay magiging sign of contradiction. Hindi bat ito ang Simbahang Katolika ngayon? Isang malaking sign of contradiction! Ang daming sumasalungat sa mga turo ng Simbahan bagama't ipinapangaral lamang nito ang turo ni Kristo. Halimbawa ay ang paggamit ng mga artificial means of contraception tulad ng implants, IUDs, condom. Hindi ba't hanggang ngayon ay binabatikos ang Simbahan tungkol dito? Isama natin ang paninidigan ng Simbahan laban sa same sex marriage, sa divorce, sa death penalty, sa extra-judicial killings, hindi ba't nagmimistulang kontrabida ang Simbahan natin dito? Pero magbabago ba ang paninindigan ng Simbahan? Hindi! Kailanman, ang Simbahan ay mananatiing sign of contradiction kahit pa sabihin nating ang buong mundo na ang kanyang kalaban dito. Hindi magpapadala sa agos ng mundo ang Simbahan sapagkat nakaangkla ito sa turo ni Kristo! Ipagdasal natin ang maraming Kristiyanong nanatiling tahimik sa mga pangkasalukuyang isyu ng ating lipunan. Lalo nating ipagdasal ang taong patuloy na bumabatikos sa aral ni Kristo. Na sana ay tupukin sila ng "apoy ni Kristo", ang apoy ng kanyang pagmamahal upang mapalitan ang anumang galit o pagkamuhi o pag-aalinlangan sa kanilang puso. Ito ang sabi ni Jesus: "Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa - at sana'y napagningas ko ito!"
Sabado, Agosto 6, 2016
PANANAMPALATAYANG GANAP: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year C - August 7, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Pamilyar na sa atin ang salitang PANANAMPALATAYA ngunit ano ba ang pakahulugan nito? Sa ating ikalawang pagbasa, sa Mga Sulat sa Hebreo, sinasabi sa ating "Tayo'y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mg bagay na di natin nakikita." May kuwento ng isang barrio na tinamaan ng El Nino. Ang ikinabubuhay ng mga tao ay pagsasaka kaya't malaking dagok sa kanila ang tagtuyot sapagkat nanatiling tigang ang kanilang mga lupain. Kaya't sa misa ng kanilang ng parokya ay hiniling ng kanilang kura-paroko ang kanilang panalangin upang umulan at ng sa gayon ay matubigan ang kanilang mga lupain at muli silang makapagtanim. "Nananalig ba kayo na sa isang linggo ay bubuhos ang isang malakas na ulan?" Sumagot naman ang lahat: "Opo Padre! Nananalig kami!" Lumipas ang isang linggo at muling nagtipon ang mga tao sa loob ng simbahan. Nalungkot ang pari sa kanyang nakita sapagkat sa mahigit isang daang nagsisimba, iisa lamang sa kanila ang nadala ng payong! Hindi natin namamalayan na araw-araw ay ginagamit natin ang pananampalataya sa ating buhay. Sa mga nagtratrabaho sa atin ay masaya nating hinihintay ang kinsenas o ang katapusan ng buwan? Bakit? Sapagkat umaasa tayong makatatanggap ng sahod. Hindi pa dumarating ngunit alam nating tatanggap tayo nito. Pananampalataya. Kapag sumasakay tayo ng jeep, paano tayong nakasisiguro na makakarating tayo ng ligtas sa ating patutunguhan? Nagtitiwala tayo sa driver di ba? E paano kung addict pala ang driver at hindi sumurender sa "Oplan Tukhang?" Patay tayo dyan! Pero nagtitiwala pa rin tayo. Kung kaya nating magpakita ng pananampalataya sa mga tao, ang tanong ay bakit hirap tayong magpahayag nito sa ating Diyos? Mayroon kasing hinihingi ito sa atin. Higit pa sa simpleng pagsasabing "Sumasampalataya ako!" Ang pananampalatayang ating tinanggap sa Binyag ay nangangailangan ng pagpapatunay o pagibibigay saksi kung tunay nga tayong mga tagasunod ni Kristo. Ang pananampalataya pagkatapos angkinin ay dapat isinasabuhay. Ang tawag natin dito ay PANANAMPALATAYANG GANAP. Kailan natin masasabing GANAP ang ating pananampalataya? Alam natin ang kahulugan nito: paniniwala at pagtitiwala. Pero kalimitan ay nakakaligtaan natin ang ikatlong katangian ng ganap na pananampalataya at ito ay ang... pagsunod! Kaya nga't madalas ay nakakakita tayo ng mga "doble-karang Kristiyano", magaling sa salita ngunit kulang naman sa gawa, saulado ang kapitulo at bersikulo ng Bibliya ngunit hindi naman isinasabuhay ito. Ang isang ganap na pananampalataya ay may kaakibat na gawa na nagpapahayag ng ating pagsunod kay Kristo. Ano ba ang nais ng Diyos sa atin? Simple lang, ang isabuhay mo ang pinaniniwalaan mo! Maging tulad tayo ng aliping laging handang naghihintay sa pagdating ng Panginoon. Hindi patulog-tulog, tamad, walang ginagawa, nagsasamantala sa kapwa. Ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay! Pananampalatayang hindi lamang laman ng mga isinaulong panalangin o kaalaman sa katesismo, ngunit isang pananampalatayang nakikita sa ating pagsaksi bilang mga tagasunod ni Kristo. Sa mga nangyayari ngayon sa ating lipunan ay hinihingi ang ating malakas na pananampalataya. Hindi lingid sa ating kaaalaman ang maraming napapatay sa kampanya laban sa droga. Hindi ko tinutukoy ang lehitimong pagtupad ng tungkulin ng ating mga alagad ng batas. Ang ikinababahala ko ay ang mga tinatawag nating "summary execution" o "extra-judicial killing" na halos lumagpas na ng isang daan. Masaya ba tayo kapag may napapatay ang mga "riding in tandem" na mga vigilante? Magdarasal ka. Magsisimba ka. Tapos sasabihin mo... "mabuti nga sa kanila! Dapat maubos na ang mga drug addict na yan!" Ang ipinaglalaban ng simbahan ay ang paggalang sa karapatan ng tao. Hindi mo kinakailangang maging Kristiyano upang maintindihan na mali ang walang hambas na pagpatay ng mga taong wala namang mandato para gawin ito! Suportahan natin ang kampanya ng gobyerno laban sa illegal na droga ngunit huwag tayong mapipi kapag may mga taong nagsasamantala at inilalagay ang batas sa kanilang kamay! Ito ang ating pagsaksi at pagpapakita ng ganap na pananampalataya. Huwang lang nating ipangaral ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap, pagpapairal ng kaayusan, katarungan at kapayapaan, bagkus ay isagawa natin ito. Tandaan natin na sa ating pinagkalooban nito ay mas higit ang inaasahan sa atin ng Panginoon. Ganap ba ang pananampalataya ko?
Sabado, Hulyo 30, 2016
KASAKIMAN at HABAG: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year C - July 31, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Ano kaya ang iyong magiging re-aksyon kapag sinabihan kang nanalo ka sa lotto ng 50 million pesos? Marahil matutulala ka. Marahil mapapatalon ka sa tuwa. Marahil mahihinatay ka. Marahil aatakihin ka sa puso! Ito ang naging problema ng isang pamilya ng malaman nilang nanalo ang kanilang lolo ng 50 million pesos sa lotto. Paano nila sasabihin sa kanya ang magandang balita sa kanilang lolo na hindi niya ikakamamatay sapagkat siya ay matanda na at may sakit sa puso. Naisip nilang magpatulong sa kanilang kura-paroko sapagkat siya ay matalik na kaibigan ng kanilang lolo. Sinabi nila ang mahirap na sitwasyon at pumayag namana ang butihing pari. Kaya't isang gabi ay bumisita ang pari sa kanilang bahay. Nag-usap ang dalawang magkaibigan at ng makakuha ang pari ng tamang tiyempo ay tinanong niya ang matanda: "Lolo, kung sakali bang mananalo kayo ng 50 million sa lotto, ano ang gagawin ninyo?" Walang pasubaling sumagot ang matanda: "Aba, padre dahil magkaibigan tayo ay ibibigay ko sa simbahan ang kalahati!" At biglang bumulagta ang pari, nangisay... inatake sa puso! Ikaw nga naman ang magkaroon ng ganung kapalaran! Ngunit may mga taong hindi pabigla-bigla. Magaling silang mag-isip. Madiskarte sila. Mautak. Yun lang nga sila rin ay sakim. Makasarili. Ito ang babala sa atin ni Jesus: "Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan." Hindi sinasabi ni Jesus na masama ang kayamanan. Ang hindi niya rin sinasabing mali ang magpayaman. Ang nais niyang ipaintindi sa atin ay ang dapat nating pinahahalagahan sa ating buhay. Hindi ang mga bagay na materyal ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan. Sa unang pagbasa sinabi ng mangangaral: "Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay!" Hindi niya sinasabing huwag na tayong maghangad ng mga bagay upang umunlad ang ating buhay! Kailangan nating magtrabaho para mabuhay. Kailangan nating mag-ipon ng kayamanan para sa ating seguridad. Ngunit ang ipinapaalala sa atin ay mag-ingat sa labis na paghahangad nito. Mag-ingat sa kasakiman! Sa ating Ebanghelyo ngayon ay sinasabihan tayo sa sasapitin ng taong nagtitipon ng kayamanan para lamang sa sarili ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos! Muli ay ibinabalik tayo ni Jesus na suriin ang ating sarili at tingnan kung ano ba ang pinahahalagahan natin sa ating buhay. Marahil ay ipinanganak tayong may kaya. Marahil nagsikap tayo upang umunlad ang buhay natin. Pasalamatan natin ang Diyos! Ngunit hindi sana natatapos doon. Tingnan din natin kung papaano natin magagamit ang mga ito sa tamang paraan upang mapaunlad ang ating kabuhayan at makatulong din sa mga taong nangangailangan. Tayo ay tagapag-alaga lamang ng mga bagay na bigay sa atin ng Diyos. Sa sandali ng ating kamatayan ay magsusulit tayo sa mga bagay na ipinagkatiwala niya sa atin. Nakakatakot na matawag niya rin tayong "Hangal!" sapagkat naging sakim tayo! Ngayong Taon ng Awa ay ibahagi ang habag ng Diyos sa ating awa, unawa at gawa. Ang paggawa ng mabuti ay pagpapakita ng habag ng Diyos para sa ating mga kapatid na nangangailangan. Ito lamang ang paraan upang malabanan natin ang kasakiman sa mundo.
Sabado, Hulyo 23, 2016
AMANG MAHABAGIN : Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year C - July 24, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Sa linggong ito ay idaraos, ang World Youth Day sa Krakow, Poland na kung saan ay milyon-milyong kabataan ang magkakatipon upang ipahayag sa buong munmdo ang pagkakapatiran sa kabila ng iba't ibang lahi at kultura ng bansang kanilang pinanggalingan. Iisang Diyos Ama ang nagbubuklod sa Kanyang mga anak. Ano ba ang ibig sabihin na tayo ay pinagbubuklod ng iisang Ama? Sa isang ospital, hindi mapalagay na nag-uusap apat na lalaki sa labas ng maternity ward. Biglang lumabas ang nurse at sinabi: "Mr. Reyes, kambal ang anak n'yo! Congrtulations!" Sagot si Mr. Reyes, "Wow! Ang galing naman! Dalawa ang anak ko! Parang lugar na pinagtratrabahuhan ko... Kapamilya ABS-CBN 2!" After five minutes, lumabas uli ang nurse: "Mr. dela Cruz! Congratulations po! Triplet ang anak n'yo!" Napasigaw si Mister: "Ha? It's a miracle! Sa Triple-V ako nagtratrabaho at tatlo ang anak ko! Amazing!" Napanganga ang pangatlo sa magkakabigan ng lumabas muli ang nurse at sinabing: Mr. De Leon, congratulation! Quadruplet ang anak mo! Apat na malulusog na lalaki!" "Sabi na nga ba eh, kaya ayaw ko ng magtrbaho sa PTV 4! Napansin ng tatlo na namumutla ang pang-pat nilang kaibigan. "Pare anung nangyari at putlang-putla ka?" Sagot ng lalaki... "Mga pare, pano'ng di ako mamumutla... ang trabaho ko sa 168 Mall!" Talaga nga namang nakakatakot ang maging ama kung ganun karaming anak ang palalakihin mo. May trabahador kami sa Don Bosco Pampanga na may maraming anak at nang rumagasa ang baha at lahar ay litong-lito siya kung sino ang uunahin niyang iligtas! May isa pa nga akong kilala na sa dami ng kanyang anak ay napagpapalit na niya ang kanilang mga pangalan! Ngunit iba ang ating Diyos Ama! Kilala at mahal N'ya tayong lubos. Tayong lahat ay tinuring n'yang anak kahit na marami sa atin ay pariwara at walang utang na loob sa Kanyang ipinapakitang kagandahang loob sa atin. Kaya nga sa ating pagdarasal nais ni Jesus na tawagin natin Siya sa pangalang nararapat sa Kanya... "Ama namin..." Nararapat lang sapagkat ito ang unang biyayang tinanggap natin noong tayo ay biniyangan, naging "anak tayo ng Diyos!" At dahil dito ay nagkakaroon tayo ng karapatang tawagin siyang "Abba"... Tatay... Papa... Daddy. Nais ni Jesus na tawagin natin ang ating Ama sa ganitong kataga lalong-lalo na sa ating pagdarasal. Nais Niyang kulitin natin ang ating "tatay" sa ating mga pangangailangan sapagkat hindi Niya mapaghihindian ang pngungulit ng kanyang mga anak tulad ng lalaking nanghihingi sa Ebanghelyo. Bilang mapagmahal na Ama ay alam Niya ang ating mga pangangailangan bago pa natin ito hilingin sa Kanya. "Humingi ka at ikaw ay bibigyan. Humanap ka at ikaw ay makatatagpo." Huwag tayong panghinaan ng loob kung hindi natutugunan ang ating mga panalangin. Kung matagal man Niyang ibigay ang ating mga kahilingan ay marahil nais Niya tayong maging matiyaga sa paghingi. Kung hindi man Niya ibigay ito ay marahil may ibang plano Siya sa atin at ibang paraan ang Kanyang pagsagot. Ang Diyos ay laging sumasagot ngunit sa Kanyang sariling pamamaraan. At ngayong Taon ng Awa, ang hamon sa atin ay maging mahabagin tulad ng ating Amang nasa langit. "Be merciful like the Father!" Sa panalanging itinuro ni Jesus ay hinihingi nating patawarin ang ating mga kasalanan ngunit sa kundisyong kaya nating patawarin ang mga nagkakasala sa atin. Walang lugar sa puso ng "anak ng Diyos" ang paghihiganti sa kadahilanang tayong lahat ay magkakapatid. Ang mga karahasang nangyayari ngayon ay nagpapakita kung gaano pa kalayo ang ating pagkilala sa Diyos bilang "Ama". Walang kapatid na nais hangarin ang kamatayan ng kanyang kapatid. Nakakabahala na marami ang sumasang-ayon sa mga nangyayaring patayan halos araw-araw sapagkat walang malaking pagtutol na lumalabas tungkol dito. Kung naniniwala tayo na may iisa tayong Diyos na tinatawag na "Ama", dapat ay maniwala rin tayo na tayong lahat ay magkakapatid. Ang Taon ng Awa ay magandang pagkakataon upang maipakita at maipadama natin ito sa ating kapwa. Hindi ito pagkunsinti sa mga taong masasama. Sa halip ito ay makapatid na pagtutuwid sa mga taong nakagawa ng pagkakamali sa kanilang buhay. Ang tema ng World Youth Day 2016 ay; "Blessed are the merciful for they shall obtain mercy!" (Mt. 5:7) Sama-sama nating ibahagi ang habag ng Diyos sa ating awa, unawa, at gawa. Sa ganitong paraan lamang natin matatawag ang Diyos na "AMA NAMIN!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)