Sabado, Mayo 2, 2020

MGA MISTERYOSONG PASTOL: Reflection for 4th Sunday of Easter Year A - May 3, 2020 - EASTER SEASON

Ang ika-4 na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay tinatawag na Linggo ng Mabuting Pastol o Good Shepherd Sunday.   Araw din ito ng pagdiriwang ng  57th World Day of Prayer for Vocations na kung saan ay ipinagdarasal natin ang ating bokasyon o pagtawag ng Diyos at ang pagtawag ng mga nagnanais na sumunod sa yapak ng ating Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagiging pagpapari o ng pagiging isang relihiyoso o relihiyosa. 

Sa ating Ebanghelyo ay makikita natin kung papaano siya nakikilala ng kanyang mga tupa at paano niya pinagmamalasikatan ang mga ito.  Handa siyang magsakripisyo sa kanyang tupa at maging "pintuan" sa pamamagitan ng paglagi sa bukana ng kulungan upang mapangalagaan sila mula sa mga magnanakaw at tulisan.  Ganoon na lamang ang kanyang malasakit para sa kanyang kawan!  Ngunit upang maipagpatuloy niya ang pagpapastol sa kanyang kawan ay nagtalaga siya ng mga alagad, ang mga apostol upang pamunuan ang kanyang itinatag na Simbahan.  At gayundin naman, itong mga apostol ay nagtalaga ng kanilang mga kahalili - ang mga obispo at ang mga obipo naman ay nagtalaga ng kanyang makakatulong sa misyong ibinigay ng Simbahan, ang mga nakatalaga sa gawing paglilingkod tulag ng mga pari at mga relihiyoso.  
Ngunit marami sa atin ang nahihiwagahan pa rin sa kanilang patawag.  Hindi nila maintindihan kung bakit nila kinakailangan iwanan ang gawi ng mundo sa pagsunod kay Kristo.  Sino nga ba itong mga "Misteryosong mga alagad na ito" sa ating piling?  Pakinggan ninyo ang kuwentong ito. 

May isang pari na naisipang magpunta sa Boracay para naman makapagrelax sa dami ng kanyang trabaho sa parokya. Para hindi siya makilala ay naisipan niyang magdisguise. Nagsuot siya ng summer outfit para hindi siya makilalang pari. Laking pagkagulat niya ng may bumati sa kanya habang siya ay naglalakad sa malapulburong buhangin ng Boracay. "Good morning Father!" Bati ng dalawang balangkinitang babae na nakangiti. Bigla syang napayuko at nagtaka kung papaano siya nakilala. Kinabukasn, nagsuot na siya ng shades at malapad na sumbrero. Habang naglalakad siya sa beach ay nasalubong na naman niya ang dalawang babae na ngayon ay naka-two piece bathing suit at pangiti uli siyang binati. "Good morning Father!" Namula na naman ang pari at sapagkat labis na ang pagtataka kung paano siya nakilala ng dalawa kaya't nilapitan n'ya ito at tinanong: "Mga miss, paano ninyo ako nakilalang pari sa suot kong ito?" Sagot ng isa: "Hihihi... ikaw naman Fadz parang di tayo magkakilala. Ako si Sister Maricor at ito naman si Sister Cely, nagmimisa ka kaya sa aming kumbento!" Ngek! hehehe...

Ang mga pari, isama na rin natin ang mga lay brothers at madre, ay tao rin naman.  Kaya't wag kayong magtataka kung makakakita kayo ng paring nanonood ng sine, kumakain sa restaurant, namamasyal sa malls at nagsiswimming sa Boracay... kinakareer ang Facebook, naglalaro ng ML o pinapatulan ang OMG, at bakit hindi... nagTITIKTOK!  Mga tao din naman sila!  May karapatan din namang mag-enjoy at magrelax sa buhay!  Kaya nga siguro dahil sa kanilang pagiging tunay na tao ay lagi tayong pinapaalalahanang ipagdasal natin sila.  Ang ika-apat na Linggo ng Mulling Pagkabuhay ay laging inilalaan upang ipanalangin ang ating mga kaparian at ang mga may bokasyon sa pagpapari at pagiging relihiyoso o relihiyosa.  

Aminin natin na unti-unti ay nagiging extinct na ang kanilang lahi. Kakaunti na lamang ang sumusunod sa yapak ni Jesus. Kakaunti na lamang ang handang maglaan ng buhay para sa paglilingkod sa Sambayanan ng Diyos. Si Jesus ang Mabuting Pastol ngunit ang pag-aalaga kanyang kawan ay iniwan niya sa kanyang mga alagad at sa kanilang mga kahalili. Dahil dito ito ay isang pagtawag na nangangailangan ng katapatan at sakripisyo.  Ipagdasal natin silang mga sumunod sa pagtawag ni Kristo sa halip na siraan natin at gawing paksa ng tsismisan ang kanilang buhay. Suportahan natin sila kahit na simpleng pagpapakita ng pasasalamat sa pamamagitan ng pagbati kapag nasasalubong natin sila. Higit sa lahat,  huwag sana tayong maging hadlang kapag may mga anak tayo na nais magpari o magmadre. Hindi tayo ninanakawan ng Diyos ng Anak bagkus mas pinagpapala pa nga ang pamilya kapag nabiyayaan ito ng bokasyon ng pagpapari o pagiging relihiyoso / relihiyosa.  Sabi ni San Juan Bosco: "The greatest gift that God can give to a family is a son-priest!" 

Naalala ko noong ako ay nasa second year high school at nadama ang pagtawag sa pagpapari ang unang sumagi sa isip ko ay paano na ang pamilya ko? Paano na ang "career" na pinpangarap ko?  Very promising pa naman ang pag-aaral ko mula elementary hanggang pumasok ako ng highschool.  Paano na ang mga friendships ko? Paano na ang crush ko?  "Haaay ang daming dapat isangtabi! Ang daming dapat i-let go!"  Pero naisip ko na bigay ito lahat ng Diyos sa akin at hindi naman Niya kukuning muli ang Kanyang ibinigay.  At wala akong dahilang maging maramot sapagkat lahat ay biyaya na bigay Niya sa akin.  Kaya nasabi ko "Let go... let God!" Bahala na S'ya kung ano ang nais Niyang gawin sa akin. At ang sumunod nito ay naging bahagi na ng isang kasaysayan  na Siya ang nagsulat! 

Kayat sa Linggong ito ng "Mabuting Pastol" ay alalahanin natin ang matinding pangangailangan ng mundo ng mga kabataang nais ilaan ang sarili sa paglilingkod bilang mga alagad ng Panginoon sa pagpapari at pagiging relihiyoso o relihiyosa. Isama na rin natin ang ating mga Obispo, pari at madreng matagal nang naglilingkod sa Panginoon na biyayaan pa sila ng katatagan at kasiyahan sa pag-aalay ng kanilang buhay para sa iba. Ngayong nasasadlak tayo sa krisis na dala ng COVID-19, makikita natin silang naglilingkod sa mga on-line masses o religious services. May mga direktang naglilingkod sa mga frontliners at mga taong naaapektuhan ng virus na ito sa pamamagitan ng simpleng paghahatid ng pagkain o pag-organize ng mga charitable works para sa kanila.  Kitang-kita natin sa mga panahong ito ang malasakit ng isang "Mabuting Pastol" na handang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga tupa.

Ngunit tandaan natin na sila ay mga tao rin naman.  Sila ay napapagod din at pinanghihinaan ng loob.  Sila ay mga tao rin na nagkakamali, nalulungkot, pinanghihinaan ng loob. Ipagdasal natin sila. Tandaan natin na sila'y hinirang ng Diyos. Hinarang silang maging "Mabutbuing Pastol" ayon sa puso ng  Mabuting Pastol na ating Panginoong Hesus. 

Sabado, Abril 25, 2020

OUR ROAD TO EMMAUS: Reflection for 3rd Sunday of Easter Year A - April 26, 2020 - EASTER SEASON

Naalala ko pa noong ako ay Kura Paroko sa Parokya ni San Juan Bosco sa Tondo ay may lumapit sa aking isang miyembro ng samahang Nazareno.  Nagtatanong sila kung may pari bang maaring magmisa para sa kanilang samahan.  "Para saan ang Misa?"  tanong ko sa kanya.  "Ah... para po sa Poong Nazareno.  Ililipat na po namin si Ingkong." Pabiro ko siyang sinabihan: "Hala, tapos na ang paghihirap ni Jesus.  Sa katunayan,  sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang Kanyang muling pagkabuhay... bakit pinahihirapan na naman ninyo siya na magbuhat ng krus?"

Hindi ko alam kung nakuha niya ang nais kong ipahiwatig.  Hindi naman sa minamaliit ko ang debosyon sa Poong Nazareno.  Sa katunayan ay natutuwa nga akong magmisa dito at hinahangan ko ang simpleng pananampalataya ng mga deboto.  Ang nais ko lang ay ang isalugar ang pagpapakita nila ng debosyong ito.  Kapistahan noon ng Muling Pagkabuhay at nararapat naman sigurong ang pagnilayan natin at bigyan ng parangal ay ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli!  Si Jesus ay hindi nanatiling nagbubuhat ng krus.  Hindi rin siya nanatiling nakapako sa krus.  At lalong hindi siya nanatili sa loob ng libingan.  Si Jesus ay muling nabuhay!

Ito ang pagkakamali ng dalawang alagad na pauwing Emmaus.  Ang akala nila ay natapos na ang lahat sa pagkamatay ng kanilang kinikilalang dakilang propeta at panginoon.  Kaya nga sila ay malungkot at nalulumbay na naglakbay pabalik sa kanilang kinasanayang buhay.  Ngunit si Jesus ay nakisabay sa kanila at ipinaliwanag sa kanila ang katuparan ng Kasulatan na ang Mesiyas ay dapat magbata ng hirap at mamatay bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan.  Hindi nila nakilala si Jesus bagamat nag-aalab ang kanilang damdamin habang ipinapaliwanag sa kanila ang Banal na Kasulatan.  Nabuksan lamang ang kanilang pag-iisip ng kunin ni Jesus at paghati-hatiin ang tinapay.  Si Jesus nga ang kanilang nakasama sa paglalakbay.  Siya ay mulin nabuhay!

Sa ating buhay, tayong lahat din ay naglalakbay.  Lalo na sa panahaong ito na nararanasan natin ang bigat mg kahirapang dala ng pandemic virus na COVID-19.  Marami sa ating mga kababayan ang nakararanas na ng gutom at ng pangambang baka wala ng kakinin sa susunod na araw.  Marami sa atin ang nahinto sa paghahanap-buhay at hindi na sigurado kung may babalikan pa ba sila pagkatapos ng mahabang quarantine na ito.  Marami sa atin ang hindi na magawa ang kanilang nakasanayang gawain na pagsisimba sa Linggo at pagtanggap ng Sakramento ng Komunyon.  Kaya nga hindi natin maipagkakaila na may mga sandaling tila baga pinanghihinaan tayo ng loob at parang ayaw na nating magpatuloy sapagkat ang pakiramdam natin ay binigo tayo ng Diyos.

Kapag nahaharap tayo sa ating mga "Jerusalem", ang ating mga krisis sa buhay tulad ng mga pagsubok at mga mabibigat na suliranin, ay napakadali nating pagdudahan ang Kanyang pananatili at tinatahak agad natin ang ating mga "Emaus", lugar ng kawalan ng pag-asa. Isa lang ang nais ipahiwatig sa atin ni Jesus... hindi Niya tayo binigo! Siya ay nanatili pa rin kapiling natin!  Patuloy pa rin ang kanyang pagpaparamdam at pagpapakita ng pagmamahal.   Sa tuwing pinakikinggan natin ang Salita ng Diyos at nagsasalo sa paghahati ng tinapay sa Banal na Misa ay naroon Siya sa ating piling.  Binibigyan Niya tayo ng lakas at pag-asa!  Matiyaga Siyang umuunawa sa ating kahinaan.  Isang magandang paalala sa ating lahat na may Diyos na matiyagang nakikilakbay sa atin. 

Kaya huwag tayong mangamba kung tila baga naghihirap tayo sa ating paglalakbay.  Huwag tayong matakot sa mga sandaling ito ng pagsubok na ating kinahaharap.  Nakikilakbay ang Diyos kasama natin.  Hindi Niya tayo iniiwan at pinababayaan. Pasasaan ba't malalgpasan natin ito sa pamamagitan ng pagtitityaga at lakas ng loob dala ng ating malalim na pananampalataya sa Kanya.  Huwag natin kalimutang si Jesus ay "Emmanuel", ang Diyos na kasama natin at sumasaatin!

Huwag din tayong panghinaan ng loob kung may masasama tayong pag-uugali na hindi natin matanggal.  Kung may Diyos na nagtitiyaga sa ating kahinaan ay dapat pagtiyagaan din natn ang ating sariling pagsisikap na magpakabuti.  Kung may Diyos na umuunawa sa kakulangan nating mga tao ay dapat handa rin nating unawain ang kakulangan ng ating kapwa.  Kung may Diyos na nagpapanatili sa pag-iral ng mundo sa kabila ng masamang pamamahala ng tao ay dapat din sigurong tanggapin, harapin at itama ang maling pamamalakad nito.  Magtiyaga tayo sapagkat may Diyos na nagtitiyaga sa atin. 

Hingin natin sa Panginoon ang biyayang makita natin Siya at madama ang Kanyang pag-ibig. Lisanin natin ang ating "Emaus" at harapin natin ang ating "Jerusalem" upang makasama tayo sa kaluwalhatian ng Kanyang muling pagkabuhay!

Biyernes, Abril 10, 2020

LIWANAG SA DILIM: Reflection for Easter Vigil - Year A - April 11, 2020 - EASTER SEASON

"Ang gabi ay itim. Sa labas ay madilim. Tumingin ka man, siguradong madilim. Buksan mo man ang yong mga mata, kulay itim. Nangangahulugan, ang madilim ay itim." Huh?  Parang wala ata sa hulog ang nagsabi nito. hehehe..  Pero totoo nga... madilim ang itim.  Wala pa akong nakikitang "maliwanag na itim!"  Araw ngayon ng kaliwanagan... napawi na ang dilim ng kamatayan! May dalawang magkaibigan, si haring liwanag at si haring dilim. Lungkot na lungkot si dilim sa kanyang kaharian kaya isang araw ay tinext nya si liwanag: "Hi!" Sagot si liwanag: "Hu u?" Sagot ni dilim: "4get me na alredy? I'm fren... darky!" at me sumunod pang text, "me lonely hir. wanna visit me?" Sagot ni liwanag:" "sure! Ktatkits!" At bumisita si haring liwanag kay haring dilim. Ngunit pagdating sa kaharian ni haring dilim ay wala syang makita. "Wer u na? D2 na me!" Sagot si dilim: "Her me na sa harap mo noh?... can't u c me?"  Sa totoo lang walang makikitang dilim si liwanag sapagkat nabalot na ng kanyang kaliwanagan ang kadiliman. Ganito rin ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. 

Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan!  Ito ang ipinahayag natin sa unang yugto ng ating pagdiriwang: ang Pagpaparangal sa Ilaw.  Mula sa kadiliman ay sinindihan natin ang kandila Paskuwa at pagkatapos ay ang ating mga kandila.  Sinasabi nitong hindi kailanman nagapi ng dilim ang liwanag!  Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus.  S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli.   

May kuwento ng isang bata na gumawa ng isang laruang bangka.  Mahal na mahal niya ito ngunit dahil isa itong bangka ay nilaro niya ito sa isang kanal.  Inanod ng agos ng tubig ang bangka at nalayo sa mata ng bata hanggang sa ito ay umabot sa isang ilog.  Sinundan ito ng bata ngunit hindi na makita.  Kinabukasan ay muli niyang binalikan ang tabing ilog at laking gulat niya ng makita niya ang kanyang bangka sa kamay ng isang lalaki na nagbebenta ng sari-saring kalakal.  Pinilit niya itong kunin ngunit ayaw ibigay ng lalaki.  Napulot nya raw ito at ito ay kanya na. Kung nais niya itong makuha ay dapat tubusin niya ito at bilhin sa kanya. Labis na nalungkot ang bata. Umuwi siya at sinimulan niyang mag-ipon at nang makarami na sya ng naipon ay muli niyang binalikan ang lalaki, binili niya ang bangka at tuwang-tuwa itong niyakap sa kanyan dibdib. "Akin ka na muli! Ginawa kita, minahal, nalayo ka ngunit tinubos kitang muli! Hindi ka na muling mawawalay sa aking piling!"  Mga kapatid, tayo ang bangka at ang Diyos ang nagmay-ari sa atin.  

Ginawa niya tayo at tinubos mula sa pagkakaalipin sa kamatayan sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay.  Hindi pa rin ba natin nauunawaan ang malaking pag-ibig sa ng Diyos sa atin?  Kaya nga ito ang ipinahayag sa atin sa ikalawang yugto ng ating pagdiriwang:  Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos.  Ito ay pagpapaala-ala sa atin ng kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos mula ng likhain niya tayo.  Ito ay kuwento ng pag-ibig, pag-asa, awa at kapangyarihan na ipinamalas ng Diyos sa atin.  Lumayo tayo sa Kanya ngunit tayo ay kanyang tinubos!  Kaya ano ang tugon sa Kanyang dakilang pagmamahal sa atin?  

Ito naman ang ipinahayag ng ikatlong yugto ng ating pagdiriwang.  Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng ating pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag.

Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang mga anak tayo ng kaliwanagan.  Ang mundo ngayon ay kasalukuyang binabalot ng kadiliman na tinatawag nating "kultura ng kamatayan" - ang unti-unting pagkawala ng pagkilala ng tao sa Diyos.   Ngunit walang dapat ipangamba tayong mga "anak ng kaliwanagan." Kinakailangan lamang nating magliwanag, maging tapat kay Kristo at sa ating paninindigan bilang mga Kristiyano.  Ang kamalian ay hindi kailanman magagapi ng katotohanan.  Ang kasamaan ay hindi magtatagumpay sa kabutihan.  Ang kadiliman ay hindi mangingibabaw sa kaliwanagan. Si Kristo ang liwananag ng sambayanan na tatanglaw sa mundong binulag na ng kadiliman.  Si Jesukristo'y muling nabuhay... SIYA'Y ATING KALIWANAGAN!  

Huwebes, Abril 9, 2020

THE GOOD IN GOOD FRIDAY: Reflection for GOOD FRIDAY Year A - April 10, 2020 - THE PASCHAL TRIDUUM

May isang pari kami sa aming kongregasyon na pumanaw na, sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa, na may kakaibang sagot kapag binabati mo siya sa umaga.  "Good morning Father!" minsang binati ko siya at ang sagot niya sa akin ay "It was!"  Parang gusto niyang sabihin sa akin na... "Maganda sana kanina, kaya lang dumating ka!"

May bumati sa akin:  "Good morning Father!"  pabiro ko siyang sinagot ng "And what is GOOD in the morning?" sabay pasimangot na tingin.  At sinagot nya ako ng nakangiti "E di ikaw Father, ikaw ang GOOD!"  At sinagot ko na man siya ng.. "E di...WOW!"  hehehe...

What is GOOD nga ba in GOOD FRIDAY?  Lalo na sa mga araw na ito na kung saan ay nakakulong pa rin ang marami sa atin sa apat na sulok ng ating tahanan dahil sa COVID-19 na ito.  Ano nga ba ang GOOD kung marami sa atin ang kinakapos na sa supply ng pagkain dahil sa pag-extend ng Enhanced Quarantine?  Ano nga ba ang GOOD kung patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga namamatay at nahahawaan ng virus na ito?  Ano nga ba ang GOOD kung hindi pa rin tayo makabalik sa normal nating pamumuhay?

Bakit nga ba "good" at hindi "holy" ang tawag natin dito?  Ang ibang mga araw ng Holy Week ay tinatawag nating "Holy Monday, Holy Tuesday, Holy Wednesday, Holy Thursday... oppps! Wag kang magkakamali, ang susunod ay... GOOD FRIDAY! Ano ba ang mabuti sa araw na ito at pinalitan natin ng "good" ang "holy?"  Tatlong dahilan ang sumagi sa aking pagninilay sa kahalagahan ng araw na ito para sa ating lahat sa kasalukuyang panahong ito.

Ang una ay "Good" sapagkat sa araw na ito ay ipinahahayag sa atin ang WALANG KAPANTAY NA KABUTIHAN ng Diyos, ang Diyos na nag-alay ng kanyang buhay upang tayo ay maligtas. "God is good all the time... and all the time God is good!"  Kahit na sa mga sandaling lugmok tayo sa kahirapan, baon tayo sa problema, at humaharap sa maraming pagsubok SA BUHAY, ang Diyos ay nanatili pa ring MABUTI sa atin!  Kahit na patuloy pa rin ang paghihirap natin at ng marami pa rin nating mga kababayan ang nagtitiis sa pasakit na dala ng COVID19 ay nananatili pa rin siyang mabuti,  Hindi niya tayo iniiwan.  Hindi niya tayo pinababayaan! Sapat lang na tingnan natin si Jesus sa krus at mauunawaan natin ang ibig sabihin ng paghihirap, na kung ang Diyos mismo ay dumanas ng paghihirap ay ako pa kaya na isang walang kuwentang alagad ang aangal sa mga ito?  Kung ang Diyos mismo, sa pamamagitan ng kanyang bugtong na anak, ay niyakap at binuhat ang krus ng paghihirap ay sino ako para tanggihan ito?  Kaya nga ang panalangin natin ay bigyan niya tayo ng lakas at katatagan ng pananampalataya upang kasama niya ay matahak natin ang DAAN NG KRUS na ito.

Ikalawa, "Good" sapagkat sa araw na ito ay nanaig ang KABUTIHAN sa kasamaan! Sa mata ng tao ay kabiguan ang nangyari kay Jesus ngunit hindi sa Diyos. Ang kanyang kamatayan ay isang tagumpay! Tagumpay sapagkat ang kanyang dugo ang pinantubos niya sa ating mga kasalanan. Tao ang nagkasala ngunit Diyos ang nagbayad-puri. May KABUTIHAN pa bang papantay dito?  Manalig din tayo na mananaig din ang kabutihan sa mga kasamaaang dala ng virus na ito.  Pasasaan ba't malalagpasan natin ang mga pasakit na dala nito sa ating buhay.  Hindi katapusan ang Biyernes Santo para sa atin. May naghihintay na LINGGO NG PAGKABUHAY na siyang ating inaasam.  May liwanag na dala ng bukang liwayway pagkatapos ng mahabang kadiliman ng gabi.  Kailanman ay hindi magagapi ng dilim ang liwanag!  Kailanman ay hindi magagapi ng kasamaan ang kabutihan!

At huli sa lahat, "Good" sapagkat tayo ay nais niyang MAGPAKABUTI T at gumawa ng MABUTI sa ating kapwa. Magkakaroon lamang ng saysay ang kanyang kamatayan kung maipakikita natin sa kanya na kaya nating tularan ang kanyang KABUTIHAN. Maging mapagpatawad tayo, maunawain, maalalahanin at mapagkawanggawa sa ating kapwa. Kung paano Siyang nag-alay ng sarili para sa atin dapat tayo rin ay handang mag-alay ng ating sarili sa iba.  Ang krus ng paghihirap ng ating Panginoong Jesus ay nagiging magaang para sa atin kung ito ay binubuhat natin ng may pagmamahal.  Isang bata ang binubuhat sa likod ang kanyang kapatid na may polyo na halos doble ang laki sa kanya ang tinanong kung hindi ba siya nabibigatan sa kanyang ginagawa.  Ang sagot niya ay: "No! He's not heavy... he's my brother!"  Kung ituturing lang nating kapatid ang bawat isa, kung mabubuhay lang sana tayo sa pagmamahal, kung hahayaan lamang natin si Jesus na punuin ng pag-ibig ang ating mga puso ay magiging mabuti tayo at mapapabuti natin ang ating kapwa.

Kaya mga kapatid, ang hamon sa atin ng Panginoon ay ipakita nating tunay ngang "GOOD" ang araw na ito.  Ipahayag natin ang kanyang kabutihan lalo na sa mga kapatid nating nahihirapan sa mga sandaling ito.  Iparamdam natin na sa kabila ng kanilang mahirap na kalagayan ay hindi sila nakakalimutan ng Diyos.  Tayo ang maaring maging tagapag-paalala ng Kanyang pagmamahal. Huwang tayong mangiming tumulong sa ating kapwa lalong-lalo na sa pangangailangang materyal. Tumulong tayo sa abot ng ating makakayanan.  Tunay ngang lubos na mabuti ang araw na ito.  Ang Kanyang kamatayan ang nagpabuti sa ating mundong nababalot ng kasamaan kayat magtiwala tayo sa Kanyang kabutihan.  God is good today and will always be good all the time! 

Miyerkules, Abril 8, 2020

PAGPAPARI-EUKARISTIYA-PAGMAMAHAL: Reflection for Holy Thursday Year A - April 9, 200 - HOLY WEEK

May isang nanay na pilit na ginigising ang kanyang anak: "Hoy damuho ka! Gumising ka na at mahuhuli ka na sa misa!" Pamaktol na sumagot ang anak, "Inay, bigyan mo ako ng dalawang magandang dahilan para bumangon ako." Sumagot naman ang nanay, "Iho, ang una ay kuwarenta anyos ka na at di ka na kailangan pang sabihang bumangon. Pangalawa, ikaw ang paring magmimisa! Damuho ka! Tayo na!!!" 

Tama nga naman si ina sapagkat WALANG MISA KUNG WALANG PARI at WALA RING PARI KUNG WALANG MISA!  Ngayong Huwebes Santo ay may dalawang pagdiriwang: Ang Pagtatatag ng Pagpapari at ang Pagkakatatag ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Dalawang sakramentong kailanman ay hindi mapaghihiwalay. "Ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.”  Sa Banal na paghahaing pinangunahan ng ating Panginoong Jesus ay ibinigay niya sa atin ang dalawang malaking tanda ng pag-ibig ng Diyos sa tao.  Ang pagpapari ay ang simbolo ng pagtitiwala sa atin na bagama't hindi tayo karapat-dapat pinili niya tayo at hinirang upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagliingkod. Ang Eukaristiya ay ang simbolo naman ng kayang katapatan at pagmamahal na humantong sa pag-aalay ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan.

Sa araw na ito, ipakita natin ang ating pagmamahal sa ating mga pari. Ipagdasal natin sila na manatiling tapat at masigasig sa pagsasabuhay ng kanilang bokasyon. Manatili nawa silang maging mabuting kasangkapan upang ang pagmamahal ng Diyos ay maihatid sa mga tao. Sa araw ring ito ay maramdaman nawa natin ang lubos na pagmamahal sa atin ng Diyos sa tuwing ipinagdiriwnag natin ang Santa Misa. Ang kanyang katawan at dugo ay kanyang inialay upang magkamit tayo ng bagong buhay. Kaya nga't bawat paglapit sa komunyon ay dapat magbigay sa atin ng pag-asa na kaya nating tumulad kay Kristo. Magmahal kung pa'no Siya nagmahal. Magpatawad kung paano Siya nagpatawad. Maglingkod kung paano Siya naglingkod. 

Kaya nga ang tawag din dito ay MaundyThursday,  ang salitang "Maundy" ay isang Anglo-French na salita na hango sa salitang Latin na "mandatum" na ang ibig sabihin ay "utos na dapat gawin".   Sa konteksto ng "Huling Hapunan" ay ibinigay ni Jesus ang "bagong utos" sa kanyang mga alagad: "Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo!" (Jn. 13:34)  Sa isang taong malapit ng yumao sa mundong ito, mahalaga sa kanya ang pagbibigay ng huling habilin.  Ito ay hindi lamang pangkaraniwang utos na dapat gawin, kundi ito ay naglalaman ng kanyang puso at pagkatao.  Mawala man siya sa mundong ibabaw ay mananatili pa rin siyang buhay sa puso ng mga taong tumugon sa kanyang habilin.

Ang "mandatum" ni Jesus na mag-ibigan kayo ay tatak ng isang Kristiyanong may katapatan kay Kristo.  Kaya nga't ang Banal na Eukaristiya ay Sakramento ng Pag-ibig.  Dito ay ibinabahagi ni Jesus ang Kanyang pagmamahal at dito rin ay ibinabahagi natin sa iba ang pagmamahal na ating tinanggap sa pagiging iisang Katawan ni Kristo.  Isabuhay natin ang Dakilang Pag-ibig na ito!

Pagkatapos ng misang ito ng Huling Hapunan ng Panginoon ay tahimik tayong babalik sa ating mga gawain.  Dati-rati ay maingay ang pagtatapos ng Misa sapagkat ang bawat isa ay kanya-kanya ng punta sa kanilang "Bisita Iglesya".  Masaya ang paligid.  Maraming naglalakad lalo na ang mga kabataan,  Sama-sama natin sinusuyod ang iba't ibang Simbahan.  Ngayon, mananatili muna tayo sa apat na sulok ng ating mga tahanan dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng "Enhanced Quarantine" upang malupig natin ang COVID19.  Tandaan natin na may Simbahan din na maaring bisitahin din kahit sa loob ng ating tahanan.  Para kay San Pablo, ang bawat isa sa atin ay TEMPLO NG DIYOS.  Sa puso natin ay nanahan  ang Panginoong Jesus.  Punuin natin ito ng pagmamahal at paapawin natin sa mga kasama natin sa bahay na kapwa rin mga "Templo ng Panginoon".  Bisitahin natin sila at ibahagi natin ang pagmamahal na nagmumula kay Kristo!

Sabado, Abril 4, 2020

MAHAL AT BANAL NA ARAW: Reflection for Palm Sunday Year A - April 5, 2020 - START OF THE HOLY WEEK

Mga Mahal na Araw na naman! Pagkatapos ng Linggo ng Palaspas ang magiging tawag natin sa mga araw na darating ay Lunes Santo, Martes Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo, Biyernes Santo... Teka lang... e bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Dapat BANAL hindi ba?  Di ba Holy Week ang tawag natin sa ingles?

May kuwento na minsan daw ay may isang magnanakaw na pinasok ang bilihan ng mga alahas ng madaling araw.  Nagawa niyang makapasok ngunit sa halip na nakawin ang mga alahas ay pinagpalit-palit niya ang mga presyo nito.  Ang mga mamahaling alahas ay naging mura ang halaga at ang mga pekeng alahas naman ang naging mahal ang presyo.  Kinaumagahan ay bumalik ang magnanakaw at binili ang ang mga mamahaling alahas sa murang halaga... ang mahal naging mura... ang mura naging mahal!  

Kung ating titingnan ay ganito rin ang nangyayari sa pagdiriwang natin ng Semana Santa, ang mga Mahal na araw ay nagiging "mumurahin".  Hindi na nabibigyang halaga.  Marahil ay mas mauunawaan natin ito kung titingnan natin kung bakit Mahal na Araw ang tawag natin sa Semana Santa sa halip na Mga Banal na Araw. Bagama't mas tama ang pagsasalin na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal" at sa aking pakiwari ay mas makahulugan pa nga ang ito. Kapag sinabi mong "mahal" maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Ang tunay na alahas ay MAHAL... PRECIOUS! Ang mga branded na t-shirt o sapatos ay gayundin... MAMAHALIN!

Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi... sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! Ang "Mahal" din ay nangangahulugang "close to our hearts, dear..." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas...

Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito! Imbis na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine... ang precious... nagiging cheap... ang mahal nagiging... mumurahin!

Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula ngayon ang mga araw na darating ay ituring sana nating TUNAY na BANAL... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. 

Bagama't kakaiba ang mga Mahal na Araw na darating sapagkat hindi pa rin nga tayo pinapayagang magkaroon ng pagtitipon sa loob at labas ng Simbahan bilang pag-iingat sa paglaganap ng COVID-19, ay hindi naman nangangahulugang hindi na natin maaring gawing BANAL AT MAHAL ang mga darating na araw.  Sa katunayan ay ma magkakaroon pa nga tayo ng mas maraming oras na maaring gugulin sa pagdarasal at pagninilay.  Manatili sa bahay.  Manalangin. Magnilay.  Kung mayroon tayong kakayahang sumunod sa mga pagdiriwang sa pamamagitan ng television, radio o livestream sa mga social media ay gawin natin.  Kung gusto natin ay may paraan.  Kung ayaw natin ay may dahilan.  Maging malikhain tayo sa paggawa ng paraan at paghahanap ng pagkakataong magdasal at magnilay.  Ituring nating MAHAL ang mga darating na araw at siguradong magigigng BANAL ang bawat isa sa atin. 

Biyernes, Marso 27, 2020

MAGANDANG BUHAY: Reflection for 5th Sunday of Lent Year A - March 29, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

"Magandang buhay!"  Parang ang hirap magbigayan ng ganitong pagbati sa mga panahong ito.  Ano nga ba ang iginanda ng buhay ngayon?  Ang COVID19 ay panay kahirapan ang ibinibigay sa atin.  Bawal lumabas ng bahay.  Bawal mamasyal. Bawal gumala.  Bawal gumimik.  May mga harang ang mga kalsada.  May mga naninita kung saan ka pupunta.  May nagpapanik-buying sa mga supermaket at tindahan.  May mga nanamantala sa kanilang kapwa.  May mga pasaway na mga tao, isama na natin ang mga pulitiko at mga pinuno ng ating pamahalaan, na lumalabag sa mga patakarang itinakda.  Marami ang matitigas ang ulo at nagmamarunong pa kapag nasita at pinagsabihan!  Kaya nga dasal ng marami ngayon ay "Panginoon, matapos na sana ang pangit na buhay na ito!" 

Ano ba ang maganda sa buhay?  May mga tao kasing hindi makita ang kagandahan ng buhay!  May mga taong mas pipiliin pa nila ang kamatayan kaysa mabuhay.  Mayroong kuwento na sa India ay may isang Hindu na may kakaibang kakayahang manggamot.  Kaya n'yang pagalingin ang lahat ng uri at sa maniwala kayo sa hindi ay kaya n;yang bumuhay ng patay!  Para patunayan ito ay nagpunta siya sa mataong lugar ng siyudad. May nakita s'yang patay na nakaburol sa kalsada sa harap ng isang bahay.  Maramaing tao ang naglalamay.  Nilapitan niya ang patay na nasa loob ng kabaong at sinabi niya sa mga tao na huwag silang matakot at mamighati sapagkat kaya nyang buhayin muli ang patay.  Pagkatapos ay bumulong siya ng ritwal na panalangin.  Hinawakan ang patay at sinabing: "Tumayo ka!"  Laking gulat ng mga tao ng makitang tumayo ang patay sa kanyang pagkakahiga. Ngunit mas lalo silang natakot ng magsalita ang patay: "Sino ang bumuhay sa akin!"  Itunoro nila ang hindu at laking gulat nila ng makitang binugbog ng patay ang Hiindu at sabay sabing: "Bakit mo ako muling binuhay! Payapa na ang buhay ko sa kabila!  Ngayon,  makikita ko na naman ang labing dalawang anak na palalamunin ko!  Maririnig ko na naman ang boses ng asawa kong bungangera!  Hahabulin na naman ako ng mga inutangan ko!  Gugulo na naman ang buhay ko!" Ibalik mo ako uli sa kabaong kung hindi ay ikaw ang ilalagay ko d'yan!"  

Kung minsan nga naman ay parang bagang mas maganda pang manatili sa kabilang buhay na tahimik at mapayapa kaysa mabuhay dito sa ating mundo na puno ng paghihirap at kaguluhan,  Pansinin mo ang mga nangyayari ngayon sa ating paligid at makikita mo ang katotohanan ng aking sinasabi.  Kahit huwag na muna nating isama ang "veerus" na nararanasan natin ngayon.  Hindi ba't palasak pa rin ang kahirapan? Halos araw-araw ang krimen at patayang nangyayari.  Nawawala na ang paggalang sa buhay at nagiging normal na ang masasamang pag-uugali tulad ng pagmumura, pagsisinungaling, pandaraya, pagnanakaw, pagpatay, korupsiyon ng ating mga namumuno.  Hindi tama ang sabihing dahil ito ay ginagawa ng nakararami ay puwede na itong gawin ng lahat!  Hindi sapagkat abugado ka, alagad ng batas, kongresista ka o kahit presidante ka pa ng Pilipinas kaya mo ng gawing tama ang mali.  Ang tawag ko sa ganitong pangyayari sa ating lipunan ay ang unti-unting pagtanggap natin sa "kultura ng kamatayan!"  Ang kultura ng kamatayan ay ang uri ng pamumuhay na wala nang kinikilalang Diyos ang isang tao at dahil diyan ay sinasantabi na niya ang katotohanan at niyayakap ang maling pamumuhay.  Katulad ni Marta sa ating Ebanghelyo marahil ay marahil na maidadasal natin na: "Panginoon, kung naririto ka lamang ay hindi lalaganap itong kultura ng kamatayan sa aming paligid."  

Sana ay hindi natin sinusukuan ang ganitong mga pangyayari sapagkat alam natin na ang ating Diyos ay ang "Diyos ng mga buhay at hindi Diyos ng mga patay!"  Siya ang daan, ang katotohana at buhay!  Kaya N'yang buhayin muli ang ating mundong nalugmok sa kultura ng kamatayan. Sapat lamang na tayo ay magtiwala sa kanya at patuloy na manindigan sa katotohanan.  Huwag nating isusuko ang tama! Huwag nating sang-ayunan ang mali at sabihing ito ay tama!  Kailanman ay hinid magiging tama ang pagmumura, pandaraya, pagpatay... o anumang kasalanang sumisira sa dignidad ng tao.  Kailanman ay hindi nagiging tama ang mali.  Sikapin nating maging mapanuri sa ating mga naririnig.  Salain natin ang mga maling halimbawa ng ating mga "pinuno" o mga taong nasa kapangyaraihan at 'wag gawing idolo ang mga taong alam naman natin ay baluktot ang pamumuhay at paniniwala sa buhay.  Huwag nating piliin ang malugmok sa kultura ng kamatayan bagkus ay hilingin natin kay Jesus na tayo ay muling buhayin mula sa ating mga masasamang pag-uugali.  Yakapin natin ang handog niyang buhay at gamitin ito upang mabuhay din ang iba.  Ss ganitong paraan ay mababanaagan pa rin ang liwanag sa kabila ng maraming kadlimang nangyayari sa ating paligid ngayon.  Tandaan natin na sapat lang na isang mabuting tao ang manahimik at siguradong lalaganap ang kasamaan sa mundong ito.  Ang sabi ng isang kanta: "It is better to light just one little candle than to stumble in the dark!"  Ikaw ang magsisindi ng kandilang 'yan na muling magbibigay liwanag, magbibigay buhay at magpapaganda sa ating mundo ngayon.  Huwag nating piliing manahimik, magkibit balika't at magwalang bahala.  Ibahagi natin ang liwanag ni Kristo. 

Magandang buhay sa inyong lahat!

Sabado, Marso 21, 2020

PAGKABULAG: Reflection for 4th Sunday of Lent Year A - March 22, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Kung ang Panahon ng Adbiyento ay may tinatawag na "Gaudete Sunday", ang Panahon ng Kuwaresma ay may "Laetare Sunday" kung tawagin.  Katulad ng Adbiyento, ang kahulugan ng Laetare ay "magsaya".  Magsaya sapagkat nalalapit na ang pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Kristo.  "Magsaya" sapagkat sa kabila ng maraming kahirapang dala ng COVID-19 sa ating kabuhayan ay pasasaan ba't babalik din sa normal ang ating pamumuhay at marahil mas magiging matatag pa tayo sa marami pang mga pagsubok na kakaharapin natin sa buhay!  Magsaya sapagkat nababaagan na natin ang liwanag na gagapi sa kadiliman at pagkabulag ng sanlibutan.

May dalawang uri ang pagkabulag. Ang pinakakaraniwan ay ang pagkabulag dahil sa pagkawala ng paningin. Ito ay isang uri ng pisikal na kapansanan. Mahirap na itong ibalik lalo na't ang pagkabulag ay mula pa sa pagkasilang katulad ng pagkabulag na binanggit sa ating Ebanghelyo.  Kalimitan ay wala na itong lunas at nangangailangan na ito ng isang himala. Ngunit may mga tao din naman na nakakakita ngunit nabubuhay na parang mga bulag. Ang tawag natin ay mga taong "nagbubulag-bulagan".  Ito naman ay ang mga taong pinili ang "hindi makakita" sapagkat ayaw nila at hindi matanggap ang katotohanan. Mas mahirap itong pagalingin sapagkat nasa taong bulag ang desisyon para makakita!

May kuwento ng isang babaeng lumapit sa isang pari upang mangumpisal. "Pakiramdam ko po'y nagkasala ako, " ang sabi niya. "Ngayong umagang ito, bago ako magsimba ay lubhang naging mapagmataas ako sa aking sarili. Naging palalo po ako! Naupo ako sa harap ng salamin sa loob ng isang oras habang hinahangaan ko ang aking kagandahan." Tiningnan siya ng pari at sumagot: "Hija, hindi ito kapalaluan kundi kahangalan sapagkat nabubuhay ka sa imahinasyon!"  

Sinasabing ang ugat ng kasalanan daw ay kapalaluan sapagkat ito ay nagdadala sa isang masahol na uri ng pagkabulag... ang pagkabulag sa katotohanan, ang ikalawang uri ng pagkabulag. Sa ating Ebanghelyo ay makikita naman natin ito sa mga taong nakapaligid sa sa taong bulag na pinagaling ni Jesus. Kapag tayo ay bulag sa katotohanan ay akala nating tama ang ating maling ginagawa at dahil dito ay nawawalan na tayo ng pagnanais na magsisi sa ating mga kasalanan.  Mabubuti na tayong mga tao kaya't di na natin kailangan ang Diyos sa ating buhay! 

Ang Ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Kuwaresma ay nag-aanyaya sa ating tingnan ang ating mga sarili at baka may simtomas na tayo ng ganitong uri ng pagkabulag. Baka katulad na rin tayo ng mga pariseo na hindi matanggap ang kapangyarihan ni Jesus nang pagalingin niya ang bulag. Ang ganitong pag-uugali ay malaking sagabal sa isang tunay na pagbabalik-loob at pagbabagong buhay. May mga taong hindi nagkukumpisal sapagkat ang katwiran nila ay "wala naman akong mabigat na kasalanang nagawa! Mabuti naman ang akong tao! Walang akong bisyo! Sumusunod naman ako sa sampung utos ng Diyos! Bakit pa ako magkukumpisal?"

Ang pagkakaroon ng kababaang-loob na harapin ang ating mga pagkukulang ang unang hakbang sa isang tunay na pagbabago.  Nagbubulag-bulagan pa rin ba ako sa aking pagiging Kristiyano?  May pagkakataon pa tayo upang muling makakita. Tanging "mata ng  pananampalataya" ang ating magagamit na panlunas sa sakit na pagbubulag-bulagan.  Aminin natin sa Diyos ang ating mga pagkakamali, ihingi natin ng tawad sa Kanya at sabihin natin katulad ng bulag sa Ebanghelyo: "Sumasampalataya po ako, Panginoon!"  Ang pagbubulag-bulagan ay nagiging sagabal din upang makita natin ang katotohanan sa mga maling nangyayari sa ating paligid.  Kung minsan ay nabubulagan tayo ng ating paniniwala dahil sa galit na naghahari sa atin o kung minsan naman ay dala ng inggit at ng ating maling pananaw sa buhay.  Hindi na natin makita na mali na pala ang ating mga iniisip at ikinikilos.  Akala natin ay nasa tama pa rin tayo. Ang mas masama ay hindi na natin nakikita ang kabutihan at pagkatama ng iba.  Kaya siguro may mga taong nagsasabing wala namang masama sa pagmumura, pagnanakaw, pagsisinungaling, pagpatay kung ito naman ay magbubunga ng kabutihan.  Ito ay masamang uri ng pagkabulag sapagkat ang mali ay nagiging tama at ang tama ay nagiging mali.

Hingin natin sa Panginoon na sana ay pagalingin tayo sa ganitong uri ng pagkabulag.  Ang utos ng Diyos at ang turo ng Inang Simbahan ang maaring gumabay sa atin kung tayo ba ay nabubulagan na sa ating pananaw sa buhay.  Walang masama kung itatama natin ang ating maling pag-iisip.  Walang masama kung itatama natin ang ating pagbubulag-bulagan!  Ngayong Taon ng Ekumenismo at Pakikipag-usap sa iba't ibang Pananampalataya at Mamamayang Katutubo ay huwag tayong maging bulag sa mga hinanaing ng ating mga kapatid. Maging bukas ang ating pag-iisip at tanggalin natin ang pagiging makasarili na maaring magdala sa atin sa kapalaluan.  Gisingin natin ang ating pagbubulag-bulagan!

Sabado, Marso 14, 2020

CORONA VIRUS SILVER LINING (A Pastoral Reflection of Bishop Broderick Pabillo, DD) 3rd Sunday of Lent Year A - March 15, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

Corona Virus Silver Lining
Black clouds signify dark and even stormy times are coming. But at the edge of the dark clouds one can see a silver lining which show that not everything is black and behind the darkness there is the sun shining. The darkness will pass away and the brightness of light will come back again.
The COVID 19 brings a lot of darkness and uncertainties. It has really put our lives topsy-turvy. It has affected our work, our income, our leisure, our travels, our routine and even our religious activities. And we do not know up to when and up to what extent! But we have to see that no reality is totally bad. No matter how dark, some brightness is also brought out. Looking at the silver lining can give us hope and it can help us live through the darkness until the light comes out. And light will come out! As the Good Book says: “The light shines in the darkness, and the darkness has not overcome it.” (Jn. 1:5) Let us see the light that shines in the darkness of the global pandemic.
The COVID 19 phenomenon has brought about lockdowns and quarantines. Many people are immobilized physically. It has reduced the pace of our lives. So now we do not have to run from one place to another or be lost in traffic. We can take time easily – and in our homes together with our loved ones. We can do things in the house which we had long wanted but had no time or energy for them. Some can cook once more; others can do some cleaning and washing. We can put our homes and our rooms in order. One can do gardening. We can play and pray together again as a family or as neighbors. We can take time to tell stories to one another and watch TV or movies together. We can pick up the book that we had long wanted to read, or play a musical instrument. There are a lot of things that we can do without much cost.
Lent has originally been a 40-day retreat for the whole Christian people. COVID 19 is forcing us, as a people, to slow down a bit and take our retreat in our homes. Let us heed the call of St. Anselm who lived more than a thousand years ago: “Insignificant man, escape from your everyday business for a short while, hide for a moment from your restless thoughts. Break off from your cares and troubles and be less concerned about your tasks and labors. Make a little time for God and rest a while in him.” Let us take time to think, to pray, to read the Bible. Let us consider how really insignificant our human existence is. With all our technological achievements, a virus can bring the whole world to a halt and erase billions of financial wealth and together with it our human hubris. And it affects all – rich and poor alike!
Perhaps this virus outbreak can be telling us: look, go back to the basics – to your basic human relationships with your families and neighbors, to your basic needs, to your connection with God, the Power that you thought you can ignore but ultimately is the one you can hang on to. His love is everlasting. He is the Rock of our Salvation.
This contagion can also be pointing us to another direction – to one another. We need one another. We need the cooperation of all so that the infection will not spread. Let us not only be afraid that we get infected. Let us be careful that we do not cause the virus to spread to others, especially to our loved ones. While we are concerned about our own safety and our needs, let us also open our eyes to the needs of others, especially the most vulnerable ones – the elderly, the sick and the poor. The daily wage earners who will not have work for a whole month is also a great concern. Let us be generous to them. It would be ridiculous to pray that we be cared for by God when we do not care for others.
May these important messages of COVID 19 be paid attention to by all. Nothing is totally useless – not even this pandemic! There is always a silver lining!

Sabado, Marso 7, 2020

CHRISTIAN ID: Reflection for 2nd Sunday of Lent Year A - March 8, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

Sabi sa isang text na aking natanggap: "NO PAIN, NO GAIN! NO GUTS, NO GLORY! NO ID, NO ENTRY!" Sa mga malalim mag-isip, marahil ang tanong ay "Ano'ng connect?"  Ang  "No pain, no gain " ay mantra ng mga atleta.  Ang "No guts, no glory" ay sigaw naman ng mga sundalo.  Ang "No ID no entry" ay para naman sa mga... security guard?  Hindi.  Ito ay para sa ating mga Kristiyano.  Bakit?  Ano ba ang ID natin para makapasok sa pintuan ng langit? 

May kwento ng isang batang nakakita ng "pupa" na malapit ng maging paru-paro na nakasabit sa isang puno. Tamang-tamang nakita niya ang unti-unting paglabas ng tila isang uod sa kinalalagyan nito. Nakita ng bata ang hirap na hirap na pagpupumilit nitong lumabas. Sa sobrang habag nito ay kumuha siya ng gunting at ginupit ang pupa. Nakalabas naman ang kaawa-awang nilalang ngunit sa laking pagkadismaya niya ay isang "malnourished na paro-paro" ang kanyang nakita na hindi halos maibukas ang di pa kumpletong pakpak. Hindi naunawaan ng bata na kinakailangan talaga nitong maghirap sa paglabas upang makakuha ng kinakailangang "fluids" sa katawan at magamit ito upang magkaroon ng isang malakas at magandang pakpak bilang isang paruparo.

Ang ID ng isang Kristiyano para makapasok sa pintuan ng langit ay katulad din ng ID na ginamit ni Jesus para makamit ang kaluwalhatian ng pagkabuhay... ang KRUS NG PAGPAPAKASAKIT AT PAGHIHIRAP. Kaya nga sa panahon ng Kuwaresma ay nakikibahagi tayo sa paghihirap ni Jesus.  Sa panahong ito ay hinihikayat tayong pagnilayan ang tinatawag na "Passion of the Cross".  Sa katunayan, isang debosyon na dinarasal tuwing sa panahon ng Kuwaresma ay ang "Daan ng Krus".  Sapagkat ito ang daan na piniling tahakin ni Jesus.  Sa katunayan ay maari namang iligtas ni Jesus ang tao sa paraang mas madali at walang paghihirap.  Pero bakit niya pinili ang mahirap at masakit na paraan?  Ito ay upang ipaalam sa atin ang laki ng kanyang pagmamahal na hindi kailanman mapapantayan at mababayaran. Ngunit alam naman nating hindi nagtapos sa paghihirap at kamatayan ang pag-aalay ni Jesus ng buhay, ito ay magbibigay daan sa kanyang kaluwalhatian... ang kanyang muling pagkabuhay!

"Guro, mabuti pa'y dumito na tayo!" ang sabi ni Pedro pagkatapos niyang makita ang pagbabagong anyo ni Jesus. Marahil ay manghang-mangha si Pedro sa kanayang nasaksihan at ayaw na n'yang magising sa pagkamangha. Ngunit pagkatapos ng pangitain ay bumaba uli sila sa bundok upang harapin ni Jesus ang Kanyang paghihirap at kamatayan. Kailangan N'yang daanan muna ang daan ng Krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay.

Ito rin ang daan na nais ni Jesus na ating tahakin. 'Wag nating ayawan ang mga paghihirap na ibinibigay ng Diyos sa atin. Ito ay ang mga krus na dapat nating pasanin araw-araw kung nais nating makasama si Jesus. May kaluwalhatiang naghihintay tulad ng ipinaranas ni Jesus sa mga alagad ngunit hindi nito tinatanggal ang mga kahirapang dapat nating harapin. Magsakripisyo tayo sa matapat na pagtupad ng ating mga tungkulin ito man ay maliit o malaki.  Tandaan natin  na sa tuwing tayo ay gumagawa ng sakripisyo ay nagiging banal tayo.  "Sacrum facere" ang pinagmulan ng salitang "sacrifice".  Ibig sabihin ang paghihirap na dala ng ating pagtratrabaho, pag-aaral o simpleng pagtupad ng ating mga  gawaing bahay ay maaring magpabanal o magpabuti sa atin.

Ang sabi nga ni San Pablo: "If we died with Christ, we believe that we shall also rise with him!"   Ito ang ID kung nais nating makapasok sa pintuan ng langit. Ngayon maiintindihan na natin kung bakit ko sinabing NO PAIN NO GAIN. NO GUTS NO GLORY. NO ID, NO ENTRY!