Sabado, Pebrero 24, 2018

PAGLAKAD PARA SA BUHAY: Reflection for 2nd Sunday of Lent Year B - February 25, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Tayo ay nasa ikalawang Linggo na sa ating paglalakbay sa Panahon ng Kuwaresma.  Sa unang araw pa lamang ay pinaaalalahanan na tayo sa ating pagiging makasalanan na nangagailangan ng pagsisisi.  Kaya nga ang diwa ng Kuwaresma ay PAGBABALIK-LOOB, PAGBABAGONG BUHAY, PAGBABAGONG-ANYO.  Ang ating ebanghelyo ay tumatalakay sa isang mahalagang tagpo sa buhay ng ating Panginoong Jesukristo, ang kanyang "Pagbabagong Anyo" sa bundok ng Tabor.   Mahalaga ang tagpong ito sapagkat, ito ang magpapalakas sa loob ng mga alagad sa sandaling makita nilang si Jesus ay maghihirap sa kamay ng mga Hudyo.  Ito ang magbibigay sa kanila ng pag-asa sa kabila ng pagkabigo sa kanilang inaasahang Mesiyas.  Ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay isang sulyap ng kanyang kaluwalhatian bilang Anak ng Diyos!  Ito rin ay totoo sa ating bilang mga Kristiyano.  Sa ating paglalakbay sa panahon ng Kuwaresma ay inaamin natin ang ating pagiging makasalanan. Ngunit hindi ito ang ating tunay na pagkatao.  Hindi lang tayo makasalanan.  Tayo rin ay mga anak ng Diyos. Tayo rin ay tinubos ni Kristo at hinango sa pagkakalugmok sa kasalanan ! Sa katunayan tayo ay nilikha niya ayon sa Kanyang larawan at dahil d'yan ay nilalang tayo ng Diyos na lubos na mabuti. Dahil dito ay mas mauunawaan natin kung bakit ang Simbahan ay laging ipinagtatanggol ang kasagraduhan ng buhay.  Kahapon ay isinagawa ng Simbahang Katoliko ang "Walk for Life".  Sa aktibidad na ito ay muling pinagtitibay ng Simbahan ang kanyang pagpapahalaga sa buhay bilang regalo na bigay ng Diyos: mula sa sinapupunan hanggang sa libingan o huling hantungan ng tao.  Naging isa sa mga panauhing tagapagsalita ang aktres na si Ms. Cherrie Pie Picache na naglahad ng kanyang personal na karanasan ng hirap ng pagpapatawad sa taong pumaslang sa kanyang ina.  Sa halip na galit at poot ay hinayaan niyang hilumin ng pagpapatawad ang poot at galit na naghahari sa kanyang puso.  Ngayoon ay isa siya sa mga lumalaban sa "death penalty" at "extra-juducial killing" at kanyang ipinapalaganap ang konsepto ng "restorative justice" na kung saan ay nabibigayan ng pagkakataong magbago ang isang kriminal sa halip na patayin o patawan ng karaparusahang kamatayan.  Maiintidihan natin ngayon kung bakit hindi sang-ayon ang Simbahan sa paglapastangan sa buhay na kaloob ng Diyos sa anumang marahas na pamamaraan tulad ng "extra-judicial killing" at "death penalty".  Naniniwala tayo na ang tao ay likas na mabuti sapagkat ang kanyang buhay ay nagmula sa Diyos.  Kung naging masama man ang tao ay sapagkat dahil na rin sa maling paggamit ng kanyang kalayaan at sa masamang impluwensiya ng mga taong nakapaligid sa kanya o maging ng masamang kulturang umiiral sa lipunan.  Kaya nga't ang isang kriminal, gaano man siya kasama dahil sa karumal-dumal na kanyang ginawa,  ay hindi binibitawan ng Diyos.  Si Jesus na Anak ng Diyos ay dumating sa daigdig hindi para sa mga taong nag-aakalang sila ay "matuwid" kundi sa mga makasalanang handang magsisisi.  Si Jesus ay nagbibigay ng pag-asa at pagkakataon upang ang mga makasalanan ay magbago!  Tutol ang Simbahan sa EJK at Death Penalty sapagkat tinatanggal nito sa isang makasalanan ang pagkakataong ituwid ang kanyang buhay at ayusin ang kanyang pagkakamali.  Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape ay masasabi rin nating "walang matigas na puso sa mainit na pagmamahal ng Diyos!"  Kung isa ka sa mga sumasang-ayon sa pagbabalik ng sentensiyang kamatayan o death penalty ay suriin mo ang kaibuturan ng iyong puso.  Baka ang laman ng puso mo ay poot, galit at paghihiganti.  Hilingin mo sa Panginoon na palambutin ng kanyang pagmamahal ang iyong matigas na puso at piliin mo ang daan ng kapayapaan at hindi karahasan, ang daan ng buhay at hindi kamatayan.

TUKSO (Reposted) : Reflection for 1st Sunday of Lent - Year B - February 18, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Ang Kuwaresma ay ang apatnapung araw na paghahanda natin para sa pagdiriwang ng Misteryto Paskuwa ni Jesus: ang kanyang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay.  Ngunit hindi lang ito mga araw ng paghahanda.  Ito rin ay mga araw ng pagdidisiplina sa ating sarili sapagkat "malakas ang ating kalaban".  Sa katanuyan ang Kuwaresma ay maaring tawaging "taunang pagsasanay sa pagiging mabuting Kristiyano."  Pansinin na sa Panahon ng Kuwaresma tayo ay hinihikayat na magdasal, mag-ayuno at magkawangga.  Sinasanay natin ang ating mga sarili sa tatlong gawaing ito upang mailayo natin ang ating sarili sa kasalanan at nang sa gayon ay mapalapit naman tayo sa Diyos.  Hindi ba't ito ang ibig sabihin ng pagiging mabuting Kristiyano?  Pagtatakwil sa kasalanan at pagsampalataya sa Diyos na siyang ipinangako natin sa binyag.  Ano bang malakas na kalaban ang ating pinaghahandaan?  Walang iba kundi ang TUKSO ng demonyo na mahirap tanggalin sa ating harapan. May kuwento na minsan ay may isang pari na namasyal sa mall.  May nakita siyang magandang babae. Nagdasal siya sa Panginoon na sana ay iadya siya sa tukso. "Anak, ipikit mo ang iyong mga mata" sabi ng isang mahiwagang tinig. Sinunod naman niya ngunit pagkadilat niya ay may dumaan na naman sa kanyang babaeng balingkinitan ang katawan  Muling siyang nagdasal at muli niyang narinig ang mahiwagang tinig na "Anak, ipikit mo uli ang iyong mga mata." Paglipas ng ilang sandali, sa di kalayuan, ay nakita niyang papalapit ang isang seksing babae na naka-micro-mini, seksi, tisay at ubod ng ganda.  Hindi na niya nakuhang magdasal at nagsabi na lamang ng "Lord, puwede ba, pikit mo muna ang iyonng mata?"   Likas sa tukso ang lumapit. Lalapit at lalapit ito sa atin hanggang mahalina niya tayo sa paggawa ng kasalanan. Kaya nga may kasabihan: "Kung ayaw mong SUNDAN ng TUKSO, wag kang UMARTE na parang INTERISADO!"  Si Hesus nga na anak na ng Diyos ay nilapitan din ng  tukso. Ang malaking pagkakaiba lang ni Hesus sa atin ay alam niya kung paano labanan at pagtagumpayan ang tukso. Dalawang paraan ang ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma para mapagtagumpayan ang tukso: ang PANALANGIN at PAG-AAYUNO.  Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita! Apatnapung araw ang ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno. Ang panunukso ng diablo ay nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus. Tayo rin ay pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga oras na tayo ay mahina ... kaya nga't ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno o paggawa ng sakripisyo.  Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Ang panalangin ay hindi lamang pakikipag-usap sa Diyos. Ito rin ay pakikinig sa Kanya. Madalas kapag nagdarasal tayo ay tayo parati ang nagsasalita. Bakit hindi naman nating subukang ang Diyos ang magsasalita sa atin? Magandang ugaliin na sa maraming kaabalahan natin sa buhay ay binibigyan natin Siya ng puwang para mangusap sa atin. Pangalawa ay pag-aayuno na isang paraan ng pagsasakripisyo. Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan.  Hindi kinakailangang malaki: simpleng pagbawas sa panonood ng mga bagay na nakapagbibigay sa atin ng kasarapan sa buhay tulad ng pagkain, libangan, hilig o bisyo.  Kapag gumagawa tayo ng pag-aayuno o abstinensiya ay tinatanggihan natin ang kasarapan ng katawan at dahil d'yan ay napapalakas ang ating kaluluwa. Wag na nating hintayin pang kumatok ang tukso sa pintuan ng ating puso, patuluyin at pagkapehin! Huwag natin siyang bigyan ng pagkakataon na aliwin tayo. Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at panalangin ay mapagtatagumpayan natin ang anumang pang-aakit ng tukso!

Sabado, Pebrero 10, 2018

LOVING THE UNLOVABLE: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year B - February 11, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Sa taong ito, nagkataong ang pagdiriwang ng Ash Wednesday ay tumapat sa Araw ng mga Puso, February 14, 2018. May isang kabataang nagtanong tuloy sa akin: "Fadz, puwede bang  sa Ash Wednesday ay hugis puso sa halip na krus ang ilagay mo sa aking noo? Valentines Day naman eh!"  Ang sabi ko sa kanya: "Hindi mo ba alam para sa ating mga Kristiyano na ang simbolo ng pag-ibig ay krus at hindi puso?"  Napatigil siya at nagtanong kung bakit.  "Simple lang," ang sagot ko sa kanya. "Sapagkat ang puso TUMITIGL SA PAGTIBOK, samantalang ang nakapako sa krus PATULOY SA PAGMAMAHAL." At ang pagmamahal na ito ay walang pinipili o itinatangi.  Ang nakapako sa krus ay patuloy sa pagmamahal lalong-lalo na sa mga taong hindi kaibig-ibig.  Sa ating mga pagbasa ngayon ay may mga taong matatawag na "unlovable" sapagkat sila ay iniiwasan, hinihiwalay at pinandidirihan.  Sila ang mga "ketongin".  Bagamat ngayon ay may lunas na ang sakit na ketong, gayunpaman ay kinatatakutan pa rin ito ng ilan.  Noong panahon ni Jesus ang ketong ay iniuugnay sa kasalanan.  Kaya nga't ang isang may ketong na gumaling sa kanyang sakit ay dapat magpasuri sa mga saserdote.  Paano hinarap ni Jesus ang "unlovable" na ito?  Sa halip na umiwas ay hinayaan niyang magpahayag ang ketongin ng kanyang saloobin, "Kung ibig po ninyo, mapapagaling n'yo ako!"  At dahil sa kanyang pagnanais na gumaling ay ipinagkaloob ni Jesus ang kanayang kahilingan, "Ibig ko, gumaling ka!"  Sa ating kasalukuyang panahon, bilang mga tagasunod ni Jesus, ay tinatawagan din tayong magkaroon ng bukas-pusong pagtanggap sa taong "unlovable."  Marahil wala tayong biyaya ng pagpapagaling ngunit tandaan natin na hindi lang naman "physical healing" ang maari nating ibigay.  Higit sa "physical healing" ay may tinatawag tayong "spiritual healing" na kung minsan pa nga ay nagsisilbing daan  ito upang makamit ng isang maysakit ang ganap na kagalingan.  Ang sakit na "ketong" sa ating Ebanghelyo ay sumisimbolo hindi lamang sa pisikal na karamdaman.  Ito rin ay tumutukoy sa katayuan ng mga taong hinihiwalay, iniiwasan, pinandidirihan.  Ang Simbahan ay dapat magbukas ng pintuan para sila ay tanggapin.  Ito ang nais ni Papa Francisco na gawin natin: tangkilikin ang mga kapatid nating nahihiwalay dahil sa ating pagtataboy at malamig na pakikitungo sa kanila.  Hindi sapat ang magpakita ng pagmamahal, dapat ay maging kaibig-ibig tayo sa kanila.  "To let ourselves be loved!" Hindi ito madali sapagkat nangangahuugan ito na dapat nating labanan ang isang bagay na laging nagsisilbing sagabal upang maging "lovable" tayong mga tao... at iyan ay ang ating sarili.  Pansinin ninyo na sa salitang "pride", ang nasa gitna ay ang letrang "I",  pareho din sa salitang "sin."  At ano ang "I" na ito kundi ang ating sarili, ang ating mapagmataas at mayabang na sarili.  Mahirap unahin ang iba kapag ang sarili natin ang umiiral.  Mahirap maging "lovable" sa iba kapag ang pagiging makasarili natin ang naghahari.  Mas masahol pa ito sa sakit na ketong sapagkat hinihiwalay nito ang ating sarili sa ating kapwa at sa Diyos.  "Let go and let God!"  Ito ang susi sa isang buhay na masaya.  I-let go natin ang ating pagiging makasarili at hayaan natin ang Diyos na gumalaw sa atin.  Sa ganitong paraan mas madali nating mabubuksan ang ating puso at mapakikitaan ng pagmamahal ang mga UNLOVABLE.

Sabado, Enero 27, 2018

BIBLE CHRISTIANS: Reflection for 4th Sunday in Ordinary Time Year B - January 28, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Ang ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon ay inilalaan ngayon sa pagdiriwang ng National Bible Sunday o Pambansang Linggo ng Bibliya.  Sa katunayan ang buong buwan ng Enero ay naideklara ng Bible Month ng ating Presidente noong Enero 5 ng nakaraang taon sa pamamagitan ng Proclamation Number 214. Batid natin ang kahalagan ng Salita ng Diyos sa ating buhay kristiyano.  Nagsisilbing ilaw ito upang gabayan ang ating paglalakbay sa mundong ibabaw.  Kaya nga't nararapat lang sigurong ating pahalagahan ang Salita ng Diyos sa ating buhay.  Nakakalungkot lang na nagagamit ang Salita ng Diyos sa pag-aalipusta ng kapwa na may ibang paniniwala.  Sa halip na pagkakaisa ay pagkakawatak-watak ang idinudulot nito.  Ano ba talaga ang Bibliya at paano ba ito dapat gamitin?  Minsan, sa isang Bible Study Group na binubuo ng mga bata ay nagtanong ang kanilang guro.  "Pedro, halimbawang nakita mo ang mas bata mong kapatid na nangungupit ng pera sa wallet ng inyong tatay anong sasabihin mo sa kanyang gamit ang Salita ng Diyos?"  Sumagot si Pedro: "Pastor, ipapaalala ko po sa kanya ang Deuteronomio 5:16 na nagsasabing: "Huwag kang magnanakaw!"  "Magaling!" sabi ng Pastor.  "Ikaw naman Pablo, halimbawang makita mong nag-aaway ang iyong dalawang kaibigan, paano mo gagamitin ang Salita ng Diyos para pagkasunduin sila?" tanong ni Pastor.  "Aba, e sasabihin ko po sa kanila ang Mateo 5:3 na nagsasabing: "Ibigin mo ang iyong kaaway!" "Magaling! paghanga ng Pastor.  "Ikaw naman Juan, halimbawang makita mo ang dalawa mong kalaro na may tangan-tangang pusa sa magkabilang paa at pilit na hinihila sa magkasalungat na direksiyon, anung sasabihin mo sa kanila gamit ang Salita ng Diyos?"  Sumagot si Juan: "Pastor, sasabihin ko po ang nakasaad sa Mateo 19:6... "Ang pinagsama ng Diyos 'wag paghiwalayin ng tao!"   Mukhang mali ang ata ang pagkakagamit ng Salita ng Diyos ni Juan.  Ang Mateo 19:6 ay binanggit ni Jesus upang pahalagahan ang pagbubuklod ng Diyos sa mag-asawang ikinasal at hindi sa isang pusang pinag-aagawan ng dalawang bata.  "Always read the text in context!"  Ito ang turo sa amin ng aming propesor sa pag-aaral ng Bibliya.  Sapagkat ang Bibliya ay hindi karaniwang libro.  Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store na naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay.  Lalong lalo na, ang Bibliya ay hindi "science book" na magpapaliwanag sa atin ng paglikha ng mundo o ng lagay ng panahon at parating na mga kalamidad.   Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS!  Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan.  Maari rin nating sabihin na ang Bibliya ay ang "Love Letter" ng Diyos sa atin na nagpapahayag ng kanyang pagmamahal sa kabila ng ating pagiging hindi karapat-dapat.  Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon.  May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung me tiyaga akong tapusin ang mga pocketbooks o magbabad sa "wattpad",  bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi ko matagalang basahin? Ang sabi nga nila: "Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan!" Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Kanya. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya? Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong... isinasabuhay ba nila ito? Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa!  At panghuli, subukan din nating ibahagi ang Salita ng Diyos sa ating kapwa.  Ito ang ating pagiging misyonero sa ating maliit na paraan.  Kung kaya nating magsayang ng oras sa pagkakalat ng tsismis o mga walang kapararakang bagay, bakit di natin subukang ikalat ang "Mabuting Balita ni Kristo" sa ating mga kapitbahat at kaibigan?  Basahin, pagnilayan, isabuhay at ipamahagi! Ito ang paraan upang matawag na mga tunay na "Bible Christians".

Sabado, Enero 20, 2018

MATULAD SA ISANG BATA: Reflection for the Feast of the Sto. Nino - Year B - January 21, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Ang Kapisthan ng Sto. Niño ay tinatawag din na "Holy Childhood Day!"  Hindi "ibang Jesus" ang ating pinagdiriwang bagkus ito rin ang Jesus na naghirap, namatay at muling nabuhay ngunit bago mangyari ito ay dumaan muna sa kanyang pagkabata o pagiging "Niño."  Kaya nga't kung pag-iisipang mabuti ay hindi lang para sa mga bata ang kapistahang ito kundi para sa ating lahat na minsan ng dumaan sa ating pagkabata o childhood.  Kaya't batiin natin ang bawat isa ng "Happy Feastday!"  Inaanyayahan tayo ng kapistahang ito na "maging tulad ng isang bata."  Bakit? Ano bang meron sa isang bata?  May kuwento ng isang batang nagdarasal sa simbahan at humihingi ng bisikleta sa Diyos.  Ito ang paulit-ulit na binbanggit niya: "Lord,  bigyan mo naman ako ng bike." Kinabukasan wala siyang natanggap na bisekleta. Kaya nagdasal na naman siya at paulit-ulit na humihingi ng bike.  Pero wala pa rin siyang natanggap.  Kinabukasan napansin ng pari na nawawala ang estatwa ni Mama Mary.  Nakita niya ang isang sulat na nakalagay sa altar.  Ito ang nakasaad sa sulat: "Lord, kung gusto mo pang makita ang nanay mo, ibigay mo sa akin ang bike ko!"  Napakapayak mag-isip ng bata. Simple. Walang pakeme-keme.  Direct to the point!  Puwede rin nating sabihing siya ay tapat at totoo sa kanyang sarili.  Ngunit sa kabila nito ay nakikita rin natin ang kanyang kakulangan at kawalang kakayahan. Sabi ng isang kanta: "Batang-bata ako nalalaman ko 'to. Inaamin ko rin na kulang ang aking nalalaman at nauunawaan..."  Ang dalawang katangiang ito ang ating magandang pagnilayan sa kapistahang ito.  Ito rin ang nais ni Jesus na tularan natin sa isang bata.  Una ang kanyang kakulangan at kawalang kakayahan ay hindi isang kahinaan.  Bagkus ito pa nga ang nagpapatingkad sa isang katangiang dapat taglayin ng isang kristiyano.. ang pagtitiwala.  Ang kalakasan ng isang bata ay ang kanyang pagtitiwala sa kanyang mga magulang.  Pansinin ninyo kapag ang isang bata ay nawalay sa kanyang ina. Siguradong iiyak siya at hindi siya titigil hanggat hindi nakikita ang kanyang nanay.  Ito rin dapat ang maramdaman nating mga kristiyano kapag nalalayo ang ating kalooban sa Diyos!  At araw-araw ay dapat na ipinapahayag natin ang ating pagtitiwala sa Kanya at inaamin natin ang pangangailangan natin sa Kanya sapagkat Siya ang ating lakas sa sandali ng ating kahinaan.  Pangalawa ay ang pagiging tapat at totoo sa ating sarili.  Ang isang bata ay madaling umamin sa kanyang pagkakamali.  Ang matatanda ay laging "denial" sa kanilang mga pagkukulang.  Lagi nilang makikita ang kamalian ng iba ngunit hindi ang kanilang mga sarili.  Ang isang kristiyano ay tinatawag sa katapatan at pagiging totoo sa kanyang "identity" bilang alagad ni Kristo.  Hindi puwede ang "doble-karang kristiyano" sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at pakikitungo sa kapwa.  Hindi puwedeng ang dinarasal sa Simbahan ay kabaliktaran ng inaasal natin sa labas.  Nawa ang Kapistahan ng Sto. Niño ay magtulak sa ating umasa sa Diyos at magbigay saksi sa Kanya.  Tandaan nating lahat tayo ay minsan ng dumaan sa ating pagkabata. Ngunit hindi dahilan ang ating pagiging matanda upang hindi na isabuhay ang mga katangiang ito.  Ang sabi nga ng isa pang kanta: "Matanda ngunit bata pa rin ang bawat tao sa ating mundo."  Sa katunayan, lahat tayo ay bata sa mata ng Diyos.  Lahat tayo ay NIÑO na nangangailangan ng Kanyang gabay at pagkalinga.  Maligayang Kapistahan ng Sto. Niño sa ating lahat! VIVA PIT SEÑOR!

Sabado, Enero 13, 2018

KORDERO NG DIYOS: Reflection for the 2nd Sunday in Ordinary Time Year B - January 14, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED LIFE

Naalala ko noong bata pa ako tuwing magsisimba paborito kong kantahin ang Kordero ng Diyos.  Kakanta ako ng malakas ng ganito: "kaldero ng Diyos...."  tapos papagalitan ako ng nanay ko at itatama ang pagkanta ko. "Anak, hindi kaldero kundi kordero!" Kakanta uli ako: "koldero ng Diyos..."  Ano nga ba ang ibig sabihin ng "Kordero ng Diyos?"  Yung susunod na kataga ang magpapaliwanag nito: "... na nag-aalis ng mga kasalana ng sanlibutan..."  Ang kordero ay isang batang tupa na inihahandog sa templo.  Makahulugan ng ang pagpatay sa kordero.  Sa Lumang Tipan, sa Aklat ng Exodo,  inutusan ni Yahweh si Moises na lagyan ng dugo ng kordero ang pintuan ng ma bahay ng Israelita upang hindi sila pasukin ng anghel ng kamatayan at hindi mamatay ang kanilang mga panganay.  Dahil dito ay pinayagan na ng paraon ang mga Israelita na umalis sa Ehipto at nakamit nila ang kalayaan mula sa pagkakaalipin sa mga dayuhan.  Sa Bagong Tipan, ginamit ni Juan ang imahe ng kordero upang ilarawan ang misyon ni Jesus bilang Mesiyas o Kristo... siya ang mag-aalis sa pagkakaalipin natin sa kasalanan!  Alalahanin natin na si Juan ay anak ni Zakarias na marahil ay marami niyang beses na nakasama sa templo sapul pa ng kanyang pagkabata at nasaksihan niya ang paghahandog sa mga kordero.  Ngunit masasabi natin na ang Espiritu ng Katotohanan ang nagtulak kay Juan Bautista upang magpakababa at ituro si Jesus sa kanyang dalawang alagad upang kanilang sundan.  Narinig natin ang sagot ni Jesus ng tanungin siya ng dalawang alagad kung saan siya nakatira: "Halikayo at tingnan ninyo, " ani Jesus.  Katulad ng dalawang alagad tayo rin ay tinatawag ni Jesus na sumama sa kanya at maranasan ang buhay na nagmumula sa kanya.  At hinihintay niya ang ating agarang pagtugon katulad ng pagtugon ni Samuel nang una siyang kausapin ng Panginoon.  "Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig po ang inyong lingkod,"  ang agarang pagtugon ni Samuel pagkatapos siyang turuan ni Eli ng maunawaan nitong ang Panginoon ang nangungusap kay Samuel.  Tayo rin ay nakatanggap ng pagtawag sa Panginoon sa bisa ng binyag na ating tinanggap.  Marahil ay mga bata pa tayo noon at wala pang muwang sa kahulugan ng kanyang pagtawag ngunit ngayon na mayroon na tayong sapat na pag-iisip ay tinatawag tayo ng Diyos na maging mga buhay na saksi ng kanyang katapatan at pagmamahal.  Ito ay tinutugon natin sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa "bokasyon" na ibinigay sa atin ng Panginoon.  May mga tinawag sa pag-aasawa at may tinawag sa paglilingkod sa pamamagitan ng pagpapari o pagiging relihiyoso.  At ngayon nga ang itinalagang Year of the Clergy and Consecrated Life.  Inaanyayahan tayo ni Jesus na pagnilayan ang kahulugan at kahalagahan ng bokasyong ito lalo na sa aspeto ng paglilingkod tulad ng paglilingkod na ginawa ni Jesus.  Bagamat lahat naman tayong mga Kristiyano ay nakikibahagi sa "Common Priesthood" noong tayo ay bininyagan ay mayroon pa ring iilang tao na tinawag naman ng Panginoon sa "Ministerial Priesthood" tulad ng mga pari at mga relihiyoso at relihiyosa.  Pareho silang nangangailangan ng katapatan at pagsaksi sa katotohanan.  Magkaiba ng daang tinatahak ngunit iisa pa rin naman ang pagtutunguhang kabanalan sa piling ng Diyos Ama sa kalangitan.  Sa mga susunod na pagninilay ay sisikapin nating ipaliwanag ang kahalagahan ng tema ng taong ito at kung ano ang sinasabi nito sa ating buhay bilang layko at bilang kabilang sa iisang Simbahang itinatag ni Kristo.  Sapat lang na ngayon maging saksi tayo sa ating mga pangakong binitawan sa binyag na magiging misyon natin ang pagtatakwil sa masama at pagpanig sa mabuti sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng ating pananampalataya.  Tandaan natin na tinawag tayo upang makasalo sa buhay at misyon ni Kristo!   

Sabado, Enero 6, 2018

ANG MGA TUNAY NA PANTAS: Reflection for the Solemnity of Epiphany Year B - January 7, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED LIFE

Ngayon ay ang dakilang kapistahan ng EPIPANYA o ang Pagpapakita ng Panginoon.  May ilang bansa na tinatawag itong "The Second Christmas."  Dito kasi nila ginagawa ang pagbibigayan ng mga regalo bilang pag-alala sa paghahandog ng regalo ng mga pantas sa sanggol na Jesus.  Para sa ating mga Katoliko, ito ang huling linggo ng pagdiriwang ng Kapaskuhan.  Kaya nga't hindi pa rin natatapos ang pagbibigayan ng regalo o aguinaldo.  At dahil ito ang Kapistahan ng Epipanya o Pagpapakita, nararapat lang na magpakita na ang mga nagtatagong mga ninong at ninang sa kanilang mga inaanak.  Maawa naman kayo sa kanila! hehehe... May tatlong ipinapakita ang kapistahang ito.  Una sa lahat, ito ay pagpapakita na si Jesus ang tagapagligtas ng lahat maging ng mga hentil.  Ang sabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso: "sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Hesus."  Ang mga pantas ay nagmula sa silangan, ibig sabihin ay hindi sila mga Hudyo.  Ipinapakita ng kapistahang ito na si Jesus ay tagapagligtas ng lahat.  Ikalawa, ipinakita nito kung sino si Jesus sa pamamagitan ng kanilang tatlong handog na ginto, kamanyang at mira.  Ang ginto ay kumakatawan sa pagkahari ni Jesus, ang kamanyang ay sa kanyang pagka-Diyos at ang mira ay sa kanyang pagiging tao. Ikatlo, ipinapakita ng kapistahang ito na ang pagmamahal ay nabibigyang katuturan sa pamamagitan ng PAGBIBIGAY.  Ang Diyos ang unang nagpakita nito nang ibinigay Niya sa atin ang Kanyang bugtong na Anak at ang anak na ito ang nagbigay naman sa atin ng kanyang walang hanggang pagmamahal sa pag-aalay ng Kanyang buhay sa krus bilang pagsunod sa kalooban ng Kanyang Ama. Sa mga susunod na araw ay ipagdiriwang natin ang TRASLACION ng Poong Nazareno.  Ito rin ay nagpapakita ng matinding deboyon nating mga Pilipino at kung paano natin ipinagkakatiwala ang ating buhay sa Panginoong naghirap at nagpasan ng krus.  Kung ating pagninilayan ang imahe ng Poong Nazareno ay makikita natin ang pagkahari ni Jesus. Ipinapakita ito  ng kanyang maringal na kasuotan. Makikita rin natin ang kanyang pagka-Diyos at pagkatao sa kanyang mukhang naghihirap ngunit may nakapaligid namang sinag na nagpapakita ng kanyang kabanalan.  Ngunit higit sa lahat ay mababakas natin sa imahe ng Poong Nazareno ang kanyang malaking pagmamahal sa ating lahat at ang pagmamahal na ito ay walang itinatangi.  Ang kanyang paghihirap ay para sa lahat!   Ang lagi kong lang na ipinaaalala sa mga mamamasan o mga deboto ng Nazareno ay ito: na hindi tayo ang nagbubuhat kay Jesus, sa halip tayo ang binubuhat niya!  Sa pagpasok natin sa Bagong Taon ay kilalanin natin si Jesus bilang hari ng ating buhay at hayaan nating buhatin niya ang ating mga paghihirap at suliranin.   Subukan nating hanapin Siya lalo na sa mga hindi magandang pangyayari ng ating buhay.  Ang tunay na mga taong pantas ay ang handang maghanap at kumilala sa kanya bilang kanyang HARI.   "Wise men still seek Him!"  

Linggo, Disyembre 31, 2017

ALIS MALAS! PASOK BUENAS! : Reflection for the Solemnity of Mary Mother of God - Year B - January , 2018

Mahigpit daw na ipatutupad ang pagbabawal sa mga paputok sa pagsalubong sa bagong taon.  Pero bakit ganoon?  Kapag pinagbabawal ay mas lalo pang ginagawa!  Bawal magsinungaling, bawal mangopya, bawal maleyt, bawal mag-absent, bawal magboyfriend (o girlfriend), bawal magmura, bawal magpaputok!  Ang daming pagbabawal pero bakit marami pa rin ang gumagawa?  Ang sabi ng iba ay masarap daw kasi ang bawal... tulad ng bawal na pag-ibig!  Sa pagsalubong sa isang manigong bagong taon ay marami ring pagbabawal upang hindi malasin. Sabi ng isang text na aking natanggap: “Para di malasin ang New Year, huwag mong isali sa handa ang bilog na prutas na may itim na buto tulad ng pakwan, chico, papaya at iba pa. Huwag ka rin maghanda ng ice cream para di matunaw ang swerte at higit sa lahat huwag maghanda ng ulam na galing sa hayop na may apat na paa gaya ng baboy, baka, kambing at baka tumakbo ang swerte. Huwag din maghanda ng isda at laman dagat at baka malunod ang swerte. Huwag din maghanda ng may pakpak tulad ng manok o pabo at baka lumipad ang swerte. Huwag ka na kayang maghanda at matulog ka na lang! Happy New Year!”  Masama bang sumunod sa mga pamahiing ito? Hindi naman siguro basta't hindi namin kalilimutan na ang kapalaran ng tao ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin kundi sa matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos.  At dito ay ibinibigay sa ating ang Mahal na Birheng Maria upang ating maging huwaran. Kaya marahil ang unang araw ng taon ay laging nakatuon sa pagdiriwang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos. Dinapuan ng suwerte ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos! Walang ng suwerteng hihigit pa dito! Ngunit hindi ito ang talagang kadakilaan ni Maria. Nang may nagsabi kay Jesus habang siya ay nagtuturo: "Mapalad ang sinapupunang nagluwal sa iyo!" Ngunit agad niya itong itinama at sinabi "Mas mapalad ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos!" At sino ba sa lahat ng nilikha ang naging masunurin sa kalooban ng Diyos maliban sa Mahal na Birheng Maria? Mga kapatid, ang kapalaran natin sa bagong taong ito ay nakasalalay sa tapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos kaya't nararapat lamang na katulad ni Maria ay maging masunirin tayo sa Kanya. Lagi naman natin itong dinarasal "... sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit..." Sapat lamang na isabuhay natin ito ng may pananalig. Kahit hindi natin alam ang naghihintay sa atin sa bagong taong hinaharap, ang isang taong tumutupad sa kalooban ng Diyos ay walang dapat ikatakot. Kaya't huwag nating ipagsapalaran sa mga pamahiin ang ating kinabukasan. Kung tutularan lamang natin ang Mahal na Birhen at sasabihin din nating "mangyari nawa sa aking ayon sa wika mo..."  tayo ay pagpapalain ng Panginoon at tatawagin Niyang mapalad.  Ito ang susi kung nais nating maalis ang malas at pumasok ang buenas sa taong ito. 
PS: Baka makatulong din ito: 3 Mabuting bisyo sa Taong 2018: ALAK, SUGAL, BABAE: 
ALAK: Alalahanin Lagi Ang Kapwa, SUGAL: Sa Umaga Gunitain Ang Lumikha, BABAE: Basahin Ang Biblia At Ebanghelyo. Simulan ang "bisyo" ngayong bagong taon! ALAK, SUGAL at BABAE PA MORE!!!

Sabado, Disyembre 30, 2017

SUSMARYOSEP... PAMILYANG MARANGAL AT BANAL: Reflection for the Feast of the Holy Family - Year B - December 31, 2017 - YEAR F THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Lahat tayo ay tumanggap ng isang mahalagang regalo noong araw ng Pasko.  Siya ay ang "Emmanuel", ang Diyos na sumasaatin  Pinili ng Diyos na isilang sa isang pamilya at ang pamilyang ito ay tinawag nating BANAL NA PAMILYA nina Jesus, Maria at Jose. Alam n'yo bang parating nating nababanggit ang Banal na Mag-anak sa hindi makabulahan at walang kapararakang bagay.  "SUSMARYOSEP!" Kalimitan nating naririnig at ginagamit ang mga katagang ito kapag tayo ay nagugulat. Alam ba ninyong ito ay hango sa tatlong banal na pangalan nina JeSUS MARia at JOSEPH? Kaya nga kung minsan nakakalungkot na nawawalan na ng tamang paggalang ang paggamit ng salitang ito.  Minsan sa isang religion class ay nagtuturo ang isang madre: "Mga bata, alam ba ninyong tayong lahat ay nilikha ng Diyos? Galing tayo sa Kanya!" Sagot ang isang bata, "Sister, ang sabi po ng nanay ko ay galing daw tayo sa unggoy!" "Iho", sagot ni sister, "hindi natin pinag-uusapan ang pamilya mo dito!"   Papayag ka bang ang pamilya mo ay galing sa unggoy? Pero ito ang nangyayari ngayon... "INUUNGGOY" ang pamilya! Hindi na nabibigyan ng sapat na respeto ang karapatan at dignidad nito.  Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay kaya napayagan ang RH Bill. Ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin.  Nariyan na rin ang pisikal at emosyonal na pang-aabuso sa mga miyembro ng pamilya.  At higit sa lahat napipinto na ang pagpapawalang bisa sa kasal ng mag-asawa sa pamamagitan ng DIVORCE.
Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya!  Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL.  Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi.   Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago.  Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO." Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito.  Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya.  Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA.  Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga.  Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya.  May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA.  Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga.  Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang.  Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA!  At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN.  "The family that prays together, stays together!"  Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL.  Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban.  Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan.  Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig  ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA!

Lunes, Disyembre 25, 2017

ANG SURPRESA NG DIYOS: Reflection for Christmas Day Year B - December 25, 2019 - Year of the Clergy and Consecrated Life

Nakatangap ka na ba ng regalo ngayong Pasko?  Binuksan mo na ba?  Ako, mamaya pa magbubukas ng mga regalo ko bago mag-alas dose kasi gusto ko ng may "element of surprise" sa pagbubukas ng aking mga Christmas gifts!  Hindi ba nakakasurpresa ang magbukas ka ng gift na pagkaganda-ganda ng pagkakabalot at pagkatapos ang tatambad sa 'yo ay isang dosenang "Good Morning Towel?"  Hindi mo alam kung matutuwa ka o maiinis ka sa nagbigay! Yan ang napapala ng mahilig sa "surprise".  Ngunit kahit ano pa man, gusto pa rin natin ang nasosorpresa tayo sa ating ginagawa at ito ay walang pinipiling katayuan sa buhay  May kuwento ng isang tatay na may sakit na kanser ang tinanong ng kanyang anak: "Ita'y anong gusto mong gawin sa 'yo pag namatay ka na? Gusto mo bang ilibing sa lupa o i-cremate ka na lang?"  sumagot ang matanda, "Bahala ka na anak?  I-surprise mo na na lang ako!" hehehe...  Ang lupet di ba? Mamamatay na lang "surprise" pa rin ang gusto!  Minsa na rin tayong sinurpresa ng Diyos.  Mahigit dalawang libong taon na ang nakararaan n,g surpresahin Niya tayo sa pagsusugo ng Kanyang bugtong na Anak.  "For God so love the world that He gave His only begotten Son..."   At ang dahilan ay sapagkat minahal Niya ang mundo. Minahal Niya tayong lahat.  Isa itong malaking surpresa sapagkat sinong mag-aakalang ang Diyos mismo ang gagawa ng paraan upang muling itali ang napatid Niyang relasyon sa tao.  Ang Pasko ay ang pagbibigay ng malaking surpresa ng Diyos sa tao!  At ito nga ang ipinahayag ni San Juan sa pasimula ng kanyang Ebanghelyo:  "Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos... Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin."  Ang Salita na Diyos ay nagkatawang-tao.  Mahirap maunawaan ang katotohanang ito!  Mahirap matarok ng ating karaniwang pag-iisip ang ginawang ito  ng Diyos.  May kuwento na minsan ay may lalaking nagdasal sa Panginoon sapagkat nagkandamamatay ang kanyang mga alagang baboy.  Ito pa naman ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya kaya't nagsumamo siya sa Diyos na iligtas ang kanyang mga baboy sa kamatayan.  Sumagot naman ang Diyos at sinabing: "Sige, bukas na bukas din ay gagaling ang iyong mga alagang baboy ngunit may isang kundisyon, bukas pagkagising mo ay makikita mo ang iyong sarili sa kulungan ng mga baboy.  Kasama ka nilang kakain, matutulog at magpapagulong-gulong sa kanilang dumi, sa madaling salita... magiging baboy ka rin!"  Napaisip ang lalaki at pagkatapos ng ilang sandali ay nagdasal:  "Lord, kunin mo na lang ang mga baboy ko!" hehehe... Ikaw kaya ang malagay sa kanyang sitwasyon, papayag ka ba na maging baboy?  Kung ating iisipin ang tao at baboy ay parehong hayop.  Mas mataas lang ang tao sapagkat siya ay hayop na nag-iisip! Tanggalin mo ang kanyang kakayahang mag-isip at mag-aasal hayop siya!  Kaya nga't hindi ganun ka-imposible ang tao na "magkatawang-baboy.  Ngunit ang Diyos na maging tao ay hindi saklaw ng tamang pag-iisip.  Paanong ang MANLILIKHA ay ibaba ang kanyang sarili at magiging isang nilikha?  Tanging Diyos lang ang may kakayahang gumawa ng ganyan.  Tayo rin ay ninanais ng Diyos na maging "surpresa" sa ating kapwa ngayong panahon ng Kapaskuhan.  Bakit hindi mo subukang kausapin ang mga miyembro ng iyong pamilya na matagal mo ng hindi kinikibo? Sorpresa yan!  Bakit hindi mo subukang magpatawad kahit na hindi ikaw ang mali. Masusurpresa ang kagalit mo!  Bakit hindi mo tanggalin ang pag-iinom, pagsusugal, o ang anumang bisyong taglay mo?  Sigurado ako, masusurpresa ang pamilya mo sa iyo!  Nawa ang Paskong ito ang maging daan upang matularan natin ang surpresang ibinigay ng Diyos sa atin.  Gawin nating makatotohanan ang pagsasabuhay ng ating pagiging Kristiyano at magugulat na lang tayo na wala tayong kamalay-malay na nasurpresa na pala tayo ni Kristo!