Linggo, Pebrero 24, 2019

UNCONDITIONAL LOVE: Reflection for 7th Sunday in Ordinary Time Year C - February 24, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Halos patapos na tayo sa "Buwan ng Pag-ibig" at marahil magandang kamustahin natin ang ating relasyon sa isa't isa.  Ano na ba ang relationship status mo?  Sa facebook ay makikita pa ang mga status tulad ng single, married, in a relationship, it's comlplicated at nadagdagan pa ito ng engaged, married, widowed, separated, divorced, in civil union, in a domestic relationship.  Isama na natin ang mga kakaibang jejemon relationship tulad ng MOMOL (Make Out Make Out Lang), MOMOX (Make Out Make Out Extreme), HOHOL (Hang Out Hang Out lang) COCOL (Coffee Coffee Lang) MU (Mutual Understanding?  Hindi... MU for Malanding Ugnayan! hehehe)  Anuman ang relationship status mo, ang mahalaga pa rin ay ang madama mo na may nagmamahal sa 'yo.  Kaya nga dapat tinatanong natin sa isa't isa ang katagang "Mahal mo ba ako?"  Mahal ba ako ng asawa ko? Mahal ba ako ng mga anak ko?... ng mga kaibigan ko?... Mahal ba ako ng aking Diyos?  Isang ngo-ngo ang despiradong nagdasal sa loob ng Simbahan. Lagi na lang siyang niloloko ng kanyang mga kasama dahil sa kanyang kapansanan kaya madalas siyang nadadala ng depression.  Sa sobra niyang pagkalungkot ay buong tapang niyang tinanong ang Diyos kung talagang mahal pa siya nito. Nakita niya ang isang malaking krusipiho sa bandang sacristy at buong lakas niyang sinabi: "Mainoon, maal mo ma ao? (Panginoon, mahal mo ba ako?) Mait ao niloloo ng mga ao? Mait mo ako inawang ngo-ngo? Anung aalanan o? Tahimik ang paligid. Walang sumagot. Kaya't muli niyang isinigaw: "Mainoon maal mo ma ao? Umaot ka kun undi, magpapaamatay ao!" May nakarinig pala sa kanya, ang sakristan na isang ngo-ngo rin na nakasimpatya sa kanyang abang kalagayan kaya't sumagot siyang patago: "Ngo-ngo... maal na maal ita. Iniiip nilay indi maalaa. Maal ita maing ino a man..." Sagot si ngo-ngo: "Mainoon... ngo-ngo a rin?" May tama si ngo-ngo! Sobrang mahal siya ng Diyos. Sa sobrang pagmamahal na ito ay nakiramay siya sa ating abang kalagayan. Kinuha niya ang ating pagka"ngo-ngo"... ang ating kahinaan bilang tao.  Higit pa riyan, ang Diyos na ito ay nagmahal sa atin na walang pagtatangi, walang kundisyon, walang limitasyon. "Mahal kita, maging sino ka man..." ang sabi nga ng linya ng isang awit.  Ang pagmamahal na ito ay ang tinatawag nating "unconditional love" na patuloy niyang ipinadadama sa ating mga makasalanan.  Mas malaki ang pagkakasala mas malakas dapat nating madama ang pag-ibig ng Diyos!  Dito ay makikita natin ang malaking pagkakaiba ng pag-ibig ng Diyos sa pag-ibig ng tao.  Para sa Diyos ang pag-ibig ay hindi lang feeling kundi willing.  Ginusto ng Diyos na mahalin niya tayo sa kabila ng ating pagiging makasalanan.  Kaya nga't nasabi niyang: ''...Love your enemies, do good to those who hate you, bless those who curse you, pray for those who mistreat you!"  At para bigyan ito ng paglalarawan ay sinabi niyang ibigay mo ang kanang pisngi kapag sinampal ka sa kaliwa na alam natin mas masakit.  Ibigay mo na rin ang balabal mo pag hiningi ang iyong baro!  Ang ibig sabihin ng Panginoong Jesus ay "go the extra mile" kung tayo ay magmamahal.  Isang magandang paala sa ating mundong unti-unting niyayakap ang kultura ng kamatayan: poot, karahasan at paghihiganti.  Kaya hindi siguro mahinto ang kaguluhan sa ating palagid.  Totoo ngang "An eye for an eye will make the whole world blind" (Indira Gandhi).  Kaya ang sunod na paalala ng Panginoon ay: "Be merciful, just as your Father is merciful... Forgive and you will be forgiven!"  Sana ay matuto rin tayong magmahal katulad ni Kristo na ang panukat ng pagmamahal ay ang magmahal na walang panukat. May mga tao ka bang hanggang ngayon ay nagdadala sa iyo ng sama ng loob?  Tumahimik ka sandali. Alalahanin mo ang kanilang mga mukha.  Subukan mong magpatawad mula sa iyong puso.  Isama mo sila sa iyong panalangin sa Misang ito.  Kapag nagawa nating umunawa at magpatawad ay babalik din sa atin ang pagpapala ng "siksik, liglig at nag-uumapaw!"  "Give, and gifts will be given to you; a good measure, paced together, shaken down, and overflowing, will be poured into your lap!"  

Sabado, Pebrero 16, 2019

ANG SAWIMPALAD AT MAPAPALAD: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year C - February 17, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Bagamat natapos na ang Valentines Day noong February 14,  ang buong buwan ng Pebrero ay tinatawag pa ring "love month".  Sa katunayan, maari pa tayong bumawi kung may nakalimutan tayong padalhan ng mga simbolo ng ating pagmamahal.  Isaalang-alang lang natin ang mga "kulay" ng ating ipapadala upang maging mas makahulugan sa mga taong ating pagbibigyan.  Halimbawa, sa isang taong tunay mong minamahal hanggang sa kabilang buhay ay bigyan mo s'ya ng GREEN ROSES.  Nakakita ka na ba nito?  Wala di ba?  Sapagkat ang sabi nila ang "green roses" daw ay matatagpuan lamang sa hardin ng kalangitan.  Sa mga "crushes" mo naman na kung saan ay mayroon ang paghanga ay maari kang magbigay ng WHITE CHOCOLATES.  White upang maipadama mo sa kanya ang malinis mong hangarin ng paghanga.  Sa mga kaibigan naman ay puwede ng magbigay ka ng PINK BALOONS!  Hindi ko alam kung bakit pink.  Bahala na kayong magbigay ng kahulugan! hehe.  At sa mga taong "loveless" anu kaya ang tamang kulay na ating ibibigay?  Puwede mo siyang bigyan ng color RED!  Bakit RED?  Bigyan mo siya ng RED HORSE! Red horse extra-strong beer! Samahan mo na rin ng pulutan para mas masaya! hehehe...  Sinasabi nilang SAWIMPALAD daw ang mga pusong sawi!  Mukhang totoo nga naman... Kasi nga, kapag loveless ka ang buhay ay "parang aso na walang amo. Parang adik na walang damo. Parang dinuguan na walang puto.  Parang Zesto na walang staw. Parang tinola na walang sabaw.  Parang babae na walang dalaw. Parang bahay na walang ilaw... Parang ako na walang ikaw! "  Lakas ba ng hugot?  Bakit nga naman ganun tayo mag-isip?  Para bagang wala ng karapatang lumigaya ang mga taong SAWIMPALAD.  Ganito kasi mag-isip ang mundo!  Kawawa ang mga nagdadalamhati.  Kawawa ang mga mahihirap. Kawawa ang mga nagugutom... Ang sukatan ng mundo ay kung ano ang meron ka ang siyang magpapaligaya sa 'yo! Ngunit iba ang logic o pag-iisip ng Diyos.  Para sa Diyos, mapalad ang mga dukha.  Mapapalad ang ma nagugutom.  Mapapalad ang mga tumatangis...  Parang katawa-tawa ata mag-isip ang Diyos! Ngunit kung iyong pag-iisipan ng malalim at itataas mo ang iyong pang-unawa ay matatanto mong tama ang tinatawag ni Jesus na "Mapapalad."  Sapagkat ang kaligayahan ng mga taong kawawa sa mata ng mundong ito ay ang pagtitiwala sa Diyos na kanilang tanging mapanghahawakan.  Hindi ang mundong ito ang sukatan ng kanilang pagiging mapalad sapagkat ang kaligayahang ibinibigay ng mundo ay panandalian lamang at may katapusan.  Sa mundong ito ay binibigyan lamang tayo ng dalawang pagpili.  Ang magpakabuti o maging masama. Ang maging masaya o malungkot.  Ang magmahal o manghamak ng kapwa.  Ang sumuway sa mga utos ng Diyos o maging masunurin.  Nasa atin ang pagpili kung nais ba nating maging mga taong mapapalad o sawimpalad!  May nagsabi sa akin na ang PAG-IBIG daw ay hindi Feb 14.  Ang pag-ibig daw ay John 3:16.  Ano ba ang nasasaad sa John 3:16: "For God so love the world that He gave his only Son..."  Totoo nga naman, ang tunay na pag-ibig ay "selfless sacrifice" at ito ay ipinakita ng Diyos Ama sa pagbibigay ng kanyang bugtong na Anak.  Ang Anak na ito ng Diyos ang nag-alay ng kanyang buhay sa krus dahil itinuring n'ya tayong lahat na kaibigan!  Walang siyang kundisyong ibinigay sa kanyang pagmamahal.  Minahal niya hindi lang ang mabubuti ngunit kahit na rin ang mga masasama.  Hindi lang banal ngunit gayun din ang mga makasalanan.  Ang pag-ibig ng Diyos ay unconditional love.  Ito rin ang pag-ibig na ninanais ng Diyos na sana ay maipadama natin sa iba.  "Love your enemies, pray for those who persecute you!"  Magmahal tayo na walang hinihintay na kapalit.  Magmahal tayo kahit na nangangahuugan ito na masasaktan tayo sa ating pagbibigay.  Magmahal tayo kahit na may kasamang sakit at paghihirap.  Kapag nagawa natin ito, masasabi mong tunay kang nagmahal!  At dahil dito ay tatawagin kang MAPALAD at hindi SAWIMPALAD!

Sabado, Pebrero 9, 2019

FISHERS OF MEN: Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time - Year C - February 10, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Ngayon ay YEAR OF THE PIG para sa mga sumusunod sa Chinese Zodiak ayon Chinese Calendar.Kaya bida ang mga pinanganak sa mga taong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019.  Congratualations!  Magmumukhang baboy kayo sa taong ito! hehehe...  Merong kwentong pabula (fable) tungkol sa tatlong magkakaibigang manok, baka at baboy na naglalakad sa kalsada at nakakita sila ng isang batang pulubi na buto't balat ang katawan.  Naawa sila at nangako silang tutulungan ang bata at magbigay ng maaari nilang ibahagi sa bata.  Sabi ng manok... "ako nangangakong magbibigay ng aking itlog araw-araw!"  Ang sabi naman ng baka... "ako naman nangangakong magbibigay ng aking gatas tuwing umaga!"  At natahimik ang baboy.  Naisip niya: "Wala akong itlog na maibibigay.  Lalo namang hindi siya umiinom ng gatas ng baboy... anong ibibigay ko?"  Ang sabi niya sa dalawang kaibigan.  "Hindi ko kayang magbigay ng itlog at gatas pero may maibibigay ako na kapag ginawa ko ay katapusan ko na!  Puwede kong ibigay ang aking buong PAGKABABOY!"  Ang tawag sa ganyang uri ng pagbibigay ay "total commitment". Ito rin ang ipinakita ng mga unang alagad ni Jesus, ang mga mangingisdang sina Simon, Juan at  Santiago. "Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus." Siguradong hindi naging madali sa kanila ang iwan ang kanilang pamilya at kabuhayan upang sundan ang isang karpentero ng Nazareth. Walang kasiguraduhang naghihintay sa kanila sa pagsunod kay Jesus ngunit nagawa nilang isuko ang lahat para lamang sundan Siya. Ang pagtawag ni Jesus sa mga unang alagad ay pagtawag din para sa ating lahat. Hindi lamang ito para sa mga pari, relihiyoso o mga madre.  Ito ay pagtawag sa ating lahat sapagkat tayong lahat ay hinirang ng Diyos bilang kanyang mga alagad!  Lahat tayo ay ipinadadala ng Diyos at isinusugo Niya upang magbigay saksi tungkol sa kabutihan ng Diyos at sa Kayang biyayang pagliligtas.  Ito ang paalala sa atin ng turo ng ating Simbahan:  "Incorporated into Christ's Mystical Body through baptism, and strengthened by the power of the Holy Spirit through confirmation, the laity are assigned to the apostolate by the Lord himself."  Kung ating pagninilayan ang mga pananalitang ito ay masasabi nating ang misyon ng Simbahan ay hindi lang gawain ng pari o relihoyoso/relihiyosa. Ito ay para sa lahat!  Ito ang ating pagiging "mamamalakaya ng tao".  At hindi mo kinakailangang lumayo upang maisakatuparan ito.  Kung ikaw ay may pamilya ay doon ka ipinapadala ng Diyos. Kung ikaw ay nag-aaral ay ipinapadala ka naman sa iyong paaralan. Kung ikaw ay manggagawa ay ipinapadala ka naman sa lugar na iyong pinagtatrabahuhan.  Ibig sabihin ay walang dahilan upang hindi mo magampanan ang pagiging alagad ni Kristo.  Kailan ka huling gumawa ng kabutihan para sa iba sa ngalan ng Diyos?  Nagawa mo na bang magsalita o magbahagi ng tungkol sa Diyos sa iyong kapwa?  Ang hadlang a misyong ito ay ang pag-iisip lang sa ating sarili.  Ito ang dapat nating iwaksi at iwanan kung paanong iniwan ni    Pedro at ng mga unang alagad ang lahat-lahat.  Magagawa rin natin ito kung kinikilala natin na tayo ay makasalanan at hindi karapat-dapat katulad ng pagkilala ni Pedro na siya ay hindi karapat-dapat kay Jesus Sapagkat kung alam natin ito ay maiintindihan natin na ang misyong ibinigay sa atin ay hindi para sa ating sarili kundi ito ay sa Diyos.  Tayong lahat ay tinatawagang "manghuli ng mga tao" para sa Kanya sa pamamagitan ng ating mabuting halimbawa at pagsaksi bilang mga tunay na Kristiyano.

Sabado, Pebrero 2, 2019

PROPHETIC CHURCH: Reflection for 4th Sunday in Ordinary Time Year C - February 3, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Ayaw na ayaw nating makarinig ng "badnews."  Sino nga ba naman ang may gusto nito?  Kaya nga sa misa ang pinahahayag ay ang "Mabuting Balita" o "Ebanghelyo" ng Panginoon.  Sa ating buhay mas katanggap-tanggap ang mabuting balita kaysa masamang balita.  "Isang mister ang nagsabi sa misis niya, na kapag-uuwi siya ng bahay ay huwag na siyang sasabihan ng "badnews" o anumang problema.  Isang araw, pagpasok ni mister ng bahay, sinabi niya kaagd sa kanyang misis, "Ohh, 'yung pinag-usapan natin, walang sasabihing bad news sa akin. Pagod na ako sa maghapong trabaho." "Alam ko. Walang badnews" sagot ng misis. "Di ba apat yung anak natin? Tatlo sa kanila ay walang pilay!" pagbabalita ni misis."  Ang mga propeta sa Bibliya ay tagapagdala ng mensahe ng Diyos sa mga tao.  Marami sa kanila ay hindi tinanggap ng kanilang mga kababayan sapagkat ang kanilang dala-dalang mensahe ay lagi nilang itinuturing na "badnews" para sa kanila.  Sa unang pagbasa ay nakita natin ang pagtawag ni Propeta Jeremias at ang pagsusugo sa kanya ni Yahweh.  “Before I formed you in the womb I knew you, before you were born I dedicated you. A prophet to the nations I appointed you."  Kasama sa pagtawag na ito ay ang pagsalungat na kanyang haharapin mula sa mga tao ngunit wala siyang dapat ipangamba sapagkat mananaig pa rin ang kapangyarihan ng Diyos.  "But do you gird your loins: stand up and tell them all that I command you. Be not crushed on their account...  They will fi ght against you, but not prevail over you, for I am with you to deliver you,” says the Lord."  Ito rin ang paniniwala ni Jesus bago pa siya mangaral sa kanyang mga kababayan:  “Amen, I say to you, no prophet is accepted in his own native place."  At narinig nga natin na hindi siya kinilala ng kanyang mga kababayan. Hindi nila matanggap ang mga pananalitang binitiwan ni Jesus at nagtangka pa silang patayin siya dala ng kanilang matinding galit sa kanya!  Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga propeta sa kanilang tungkulin na ipahayag ang kalooban ng Diyos.  Ang Simbahan ay may taglay na tungkuling magpahayag ng katotohanan sapagkat taglay nito ang pagiging isang propeta.  Ito ang paninidigang sinabi ng ating mga obispo sa kabila ng matinding pangbabatikos at paglapastangan sa kanila:  “As bishops, we have no intention of interfering in the conduct of State affairs. But neither do we intend to abdicate our sacred mandate as shepherds to whom the Lord has entrusted his flock. We have a solemn duty to defend our flock, especially when they are attacked by wolves(!) We do not fight with arms. We fight only with the truth. Therefore, no amount of intimidation or even threat to our lives will make us give up our prophetic role, especially that of giving voice to the voiceless. As Paul once said, ‘Woe to me if I don’t preach the Gospel!'"   Sa katunayan, tayong lahat din ay dapat maging propeta lalo na ngayong kasalukuyang panahon na kung saan ay laganap ang "false news" at panlilinglang na ikinakalat lalo na sa social media.  Ang bawat isa sa atin ay tinanggap ang misyon ng pagiging propeta noong tayo ay bininyagan.  Pagkatapos nating mabuhusan ng tubig sa ating ulo tayo ay pinahiran ng langis o "krisma".  Nangangahulugan ito ng pagtanggap natin ng misyon na maging pari, hari at propeta katulad ni Jesus.  Ibig sabihin, tayong lahat ay dapat na maging tagapagpahayag ng katotohanan ayon sa turo ni Jesus.  Hindi lang ito gawain ng mga obispo, pari , mga relihiyoso o relihiyosa.  Isang magandang napapanahon na halimbawa ay ang patuloy na pagpatay sa mga pinaghihinalaang "drug addicts" na para bagang ito na lamang ang solusyon para malinis ang ating lipunan.  Marami sa mga biktima nito at kanilang mga pamilya ay napagkakaitan ng katarungan.  Marami sa kanila ay mahihirap na ang tanging boses na inaasahan ay ang pagsasalita ng Simbahan.  Dahil dito ang Simbahan ay umaani ng batikos at tinatawag pang kakampi ng kasamaan.  At buhay na buhay pa rin ang issue ng "same sex marriage".  Bilang isang "Propetang Simbahan" ay dapat na tahasan natin itong tinututulan at hindi sinasang-ayunan.  Hindi ibig sabihin na "outcast" ang tingin natin sa mga kapatid nating "homosexual".  Ang Simbahan ay malugod na tumatanggap sa lahat anuman ang iyong kasarian.  Kahit nga ang isang kriminal ay "welcome" sa atin.  Ngunit ang mga imoral at masamang ginagawa ay hindi kailanman sinasang-ayunan ng Simbahan.  Mahal ng Diyos ang mga makasalanan ngunit hindi ang kasalanan!  At ang Simbahang itinatag ni Kristo ay magpapatuloy na magmamahal sa kanila.  At naririyan pa rin ang issue ng "divorce" o paghihiwalay ng mag-asawa.  Kailanman ay hindi ito sinasang-ayunan ng Simbahan kahit siya na lamang ang naninindigan dito.  Ang pagsasama ng mag-asawa na piangbuklod ng Sakramento ng Kasal ay sagrado.  May mga kadahilanang sinasang-ayunan ang Simbahan upang ipawalang bisa ang kasal ngunit nanatili itong matatag sa panininidigang "Ang pinasama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao." Ang panghuli ay ang usapin ng abortion na alam naman natin ay tahasang pagpatay.  Ngayon ay PRO-LIFE SUNDAY at ang paalala sa atin ay maging tagapagtanggol ng buhay "mula sinapupunan hanggang natural na kamatayan." Ang buhay na ibinigay sa atin ng Diyos ay banal kaya't anumang dahilan upang ito ay kitilin ay labag sa kanyang kalooban.  Ang kahirapan dala ng lomolobong populasyon ay hindi sapat na dahilan upang ikatwiran ang pangangailangan nito.  May ibang paraan pang maaring gawin ang estado upang maibsan ang kahirapan ng mga mamamayan at hindi lamang sa pamamagitan ng pagpatay ng mga walang kamuwang-muwang na mga bata sa sinapupunan.  Ang hindi pagsang-ayon sa mga ito ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng pagmamahal ngunit sa halip ito ay nagpapaalala ng pagtatama ng kanilang kamalian at pagbabalik-loob sa Diyos.  Huwag sanang masaktan ang mga taong iba ang kanilang paniniwala sapagkat bahagi ito ng pagiging propeta nating lahat bilang isang Simbahan.  Hindi tayo badnews para sa iba.  Ang Kristiyano ay dapat laging "GOODNEWS!"  Tandaan mo na ikaw, tulad ni Kristo, ay isang PROPETA.

Sabado, Enero 26, 2019

BIBLE CHRISTIAN KA BA? : Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year C - January 27, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Ano ba ang ibig sabihin ng Biblia?  May isang lola na nagbabasa ng Bibliya at habang siya ay nagbabasa ay pinagmamasdan siya ng kanyang apo. Manghang-mangha ang bata sa panood sa kanya.  Lumapit ito at nagtanong: "Lola, alam ko na po ang ibig sabihin ng Biblia!"  Tuwang-tuwa ang matanda at nagtanong: "Ano, yon apo?" Sagot ng bata: "Ang kahulugan ng BIBLE ay nasa limang titik nito: Basic Information Before Leaving Earth! Kailan ka mamamatay lola?"  Ano nga ba ang Biblia? Paano nga ba ang tamang pagbasa at pag-intindi nito? "May isang "Bible Christian" na mahilig gamitin ang Bibliya upang malaman kung ano ang gusto ng Diyos sa kanya lalo na sa paglutas sa kanyang mga prolema. Minsan ay nalugi ang kanyang negosyo at katulad ng kanyang nakaugalian ay sumangguni siya sa Bibliya. Kinuha niya ito at nakapikit na binuksan ang pahina. Laking pagkagulat niya ng bumungad sa kanya ang Mateo 27:5 na nagsasabing: "Lumabas si Hudas at nagbigti!". Natakot siya at sinubukan niyang maghanap uli. Habang nakapikit ay muli niyang binuksan ang Bibliya at ang kanyang hintuturo ay tumapat sa Lukas 10:37 na ang sabi: "Humayo ka't gayon din ang gawin mo."Halos himatayin na siya sa takot nang muli niyang buksan ang Banal na Aklat. Ang bumungad sa kanyang talata: Juan 13:27, "Kung ano ang iyong kailangang gawin, gawin mo na agad!" At alam n'yo na marahil ang kasunod... hehe.  Ang ikatlong Linggo ng Karaniwang Panahon ay parating inilalaan sa padiriwang ng National Bible Sunday!  Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store. Hindi lang ito naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS!  Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon.  May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito!  Kung me tiyaga kang tapusin ang libro ng paborito mong nobela o kaya naman ay wala kang sawa sa pagdodownload at pagbabasa ng mga e-books ay bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi mo matagalang basahin? Ang sabi nga nila: Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan!  Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Kanya. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin.  Sa pakikipag-usap sa atin ng Diyos sa Banal na Kasulatan ay ipinahahayag Niya ang Kanyang kalooban.  Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya? Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong... isinasabuhay ba nila ito?  Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa at ng kaluluwa ng iba.  Ang mga pagbasa natin sa Linggong ito ay dapat magbigay sa atin ng inspirasyon.  Sa unang pagbasa ay narinig natin kung paano naantig ang damdamin ng mga Israelita ng marinig nila ang Salita ng Diyos.  Napaluha pa nga sila dahil sa nakaligtaan nila ito ng matagal.  Sa Ebanghelyo ay narinig natin si Jesus na inako ang karapatan na ipahayag ang Salita ng Diyos sapagkat siya mismo ang katuparan nito. Nawa ay maisapuso natin ang tunay na pagmamahal sa Salita ng Diyos.  Basahin, pagnilayan o ipanalangin at isabuhay! Ito ang paraan upang matawag na mga tunay na "Bible Christians".  Nawa ay pahalagahan natin ang Salita ng Diyos sa ating buhay.  May nabasa akong isang mensahe sa Facebook tungkol sa pagpapahalaga sa Bibliya.  Ganito ang kanyang sinasabi:  "What of we began to treat our Bibles that way we treat our cellphones? What if we carried it with us everywhere?  What if we turned back to go get it if we forgot it?  What if we checked it our for messages through out the day? What if we used it in case of emergency? What if we spent an hour or more using it each day?"  

Sabado, Enero 19, 2019

KABATAANG MARANGAL AT BANAL: Reflection for the Feast of the Sto. Nino Year C - January 20, 2019 - Year of the Youth

Kapistahan ngayon ng Sto. Nino!  Ang tawag din sa kapistahang ito ay "Holy Childhood Day!"  Ibig sabihin ay kapistahan nating lahat sapagkat tayo ay minsan na rin namang dumaan sa ating pagkabata o tinatawag nating "first childhood".  Kaya naman, sinasabi nating ang kapistahang ito ay "Kapistahan ng mga Bata!"  Ngunit din rin naman maipagkakaila na pagkatapos ng "first childhood" ay dumadaan din tayo sa ating "second childhood", ibig sabihin ang kapistahang ito ay "Kapistahan din ng mga Isip-bata!"  Bata ka man o isip-bata, ang kapistahang ito ay para sa iyo!  Sinasabing ring tayong mga Pilipino ay likas ang pagpapahalaga sa pamilya. At kung tayo ay may pagpapahalaga sa pamilya, tayo rin ay dapat may pagpapahalaga sa buhay. Kaya nga para sa atin ang bawat batang ipinapanganak ay maituturing na isang "kayamanan."  Kaya siguro napakalapit ng kapistahang ito sa puso nating mga Pilipino.  Bukod sa ito ay nakaugat sa ating kasaysayan ito rin ay nakaugat sa pagpapahalaga natin sa ating pamilya.  Kaya nga isa sa mga aral na ibinibigay sa atin ng kapistahang ito ay: pahalagahan natin ang mga bata at kabataan bilang bahagi ng ating pamilya. Sa ating Ebanghelyo ngayon ay narinig natin kung paanong nag-alala si Maria at Jose ng malaman nilang hindi nila kasama si Jesus pag-alis sa Jerusalem.  Hinanap nila si Jesus sa kanilang mga kakilala at mga kamag-anak ngunit hindi nila natagpuan.  Ganito rin ba ang nadarama ng mga magulang kapag nawawalay sa kanilang piling ang kanilang mga anak?  Sadyang may mga magulang kasing masyadong malaki ang tiwala sa kanilang mga anak na pinababayaan na lamang ang mga ito hanggang sa maligaw ito ng landas.  Ang mas masaklap pa nga ay may mga magulang na sila pang nagtutulak sa kanilang mga anak upang sila ay mapahamak.  Ilang raid na ng ating mga kapulisan ang isinagawa na nakitang ang mga magulang pa nga ang nagbubugaw sa kanilang nga anak para sa cybersex o kaya naman ay pilitin silang magtrabaho sa murang edad sa kadahilanan ng kahirapan?  Hanggang ngayon ay itinuturing pa ring malaking problema ang usapin ng "child trafficking" at "child labor."  Sinasabing ang Pilipinas ay isa raw sa mga lugar na pinangyayarihan nito at maraming batang Pilipino ang pinagpipistahan ng mga phidopilya sa internet at nagagamit sa prostitusyon.  Ang nakakalungkot ay ang sinasabi ng gobyerno na wala tayong sapat na kakayanan upang labanan ito. Hindi ako sang-ayon dito sapagkat meron tayong magagawa!  Hindi man sapat ang ating batas o pondo upang labanan ito ay nasa atin naman ang pinakamabisang sandata at ito ay ang ating pagpapahalaga sa pamilya.  Maiiwasan ang anumang uri ng "child trafficking", 'sex trade" man ito o "child labor", kung mapatatatag natin ang mahigpit na pagbubuklod ng ating mga pamilya. Kaya nga ang hamon sa ating ng kapistahang ito ay magkaroon ng isang pamilyang "marangal" at "banal".  Isang pamilya na marangal sapagkat pinahahalagahan ang dignidad ng bawat miyembro nito at banal sapagkat ito ay naka-sentro sa Diyos.  Sa pagdiriwang na ito ng Kapistahan ng Sto. Nino ay ipanalangin natin ang bawat pamilyang Pilipino.  Natataon na ang ating Simbahan sa Pilipinas, sa pamumuno ng ating CBCP ay idineklara rin na ang taong 2019 ay Taon ng Mga Kabataan.  Nais ng ating Simbahan sa Pilipinas na bigyan natin ng pagpapahalaga ang mga kabataan sa taong ito at ituring silang mga "tunay na kayamanan" ng bawat pamilyang Pilipino.  Ilang mga pamilya na lang ba ngayon ang pinagbubuklod ang kanilang pamilya sa hapag kainan at sa hapag ng Panginoon?  Ilang mga magulang pa ba ang nagsasama ng kanilang mga anak sa pagsisimba?  Ang pamilyang nagdarasal ng sama-sama, nanatiling magkakasama!  Kaya't napakalaking responsibilidad sa mga magulang na imulat sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng pagdarasal at pagsisimba ng sabay-sabay.  Marahil ay mahirap na sa ating panahon ngayon ngunit hindi imposibleng gawin sapagkat may ilan-ilan pa ring nakakagawa nito.  Sama-sama nating labanan ang mga lumalapastangan sa dignidad ng ating mga kabataan upang sila rin ay maging mga kabataang MARANGAL at BANAL!  Muling nating ibalik ang isang pamilyang naka-sentro sa Diyos.  Simulan natin sa Banal na Eukaristiya, ang sakramento ng pagkakaisa at pagbubuklod.   

Sabado, Enero 12, 2019

MGA KRISTIYANONG PANIKI (Reposted and Revised): Reflection for the Feast of the Lord's Baptism Year C - January 13, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Noong nakaraang Miyerkules,  ika-siyam ng Enero ay muli na namang nasaksihan ng buong mundo ang kakaibang pananampalataya nating mga Pilipino sa pagdaraos ng TRASLACION.  Ito ang taunang paggunita sa paglilipat ng Imahe ng Poong Nazareno mula sa Luneta patungong Simbahan ng Quiapo.  Hindi ito ang Kapistahan ng Nazareno, sapagkat ang paggunita sa paghihirap ni Jesus ay ginagawa natin tuwing Biyernes Santo.  Hindi rin ito kapistahan ng Quiapo sapagkat ang patron ng Simbahan ng Quiapo ay si San Juan Baustista.  Ito ay isang malaking pagdiriwang na may anyong kapistahan dahil sa dami ng mga debotong nakikibahagi taon-taon.  Saan ka nga ba naman makakakita ng uri ng pananampalatayang ipinakita ng mga deboto ng Poong Nazareno?  Mahigit isang milyong taong parang along sumasabay, dumuduyan at nagpapagalaw sa andas ng Poong Nazareno.  Hindi maikakaila ang mga tunay na debotong nabiyayaan ng Kanyang mahimalang tulong.  Hindi rin maikakaila ang maraming taong binago ang buhay ng Poon. Mula sa magulong buhay tungo sa mapayapang pamumuhay, mula sa pagiging makasalanan tungo sa kabanalan, lahat sila ay may magandang kuwentong maibabahagi sa pakikipagtagpo nila sa Poong Nazareno.  Ngunit kung may mga tunay na deboto ay mayroon din namang mga "debote" kung tawagin.  Sila naman ang nag-aakala na ang pagsunod sa Nazareno tuwing "traslacion" ay sapat na upang matanggal ang kanilang kasanalan at dahil d'yan ay balik uli sa dating pag-uugali at buhay "debote" uli!  Wala silang pinagkaiba sa mga "kristiyanong paniki" kung tawagin.  Tatlong pari ang nag-uusap tungkol sa isang malaking problema sa kanilang mga parokya: na ang kisame ng kanilang mga simbahan ay pinananahanan ng mga paniki.  Ang sabi ng isa: "Ah, ang ginawa ko ay bumuli ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mga paniki para mabulabog sila.  Nag-alisan naman, kaya lang bumalik uli at nagsama pa ng kanilang mga tropa!"  Ang sabi namang pari, "Ako naman, bumili ng pang chemical spray.  ginamit ko ito at simula ay effective naman.  Marami ang namatay ngunit may mga naiwan. Ang masaklap ay na-immune ang mga ito at maging ang kanilang mga naging anak at apo ay di na tinatablan ng chemical."  Pagyayabang na sabi ng pangatlong pari: "Ako simple lang. Di ako ganong gumastos! Kumuha lang ako ng tubig.  Binasbasan ko ito.  Bininyagan ko ang mga paniki at pagkatapos ay nagliparan palabas ang mga paniki at hindi na muling bumalik sa simbahan!"  Marami sa ating mga Katoliko ay walang pinagkaiba sa mga paniking winisikan ng tubig!  Pagkatapos mabinyagan ay palipad-lipad na lamang sa labas ng simbahan at ayaw ng pumasok!  Nakalulungkot ngunit ito ang katotohanan: maraming Katoliko ang kristiyano lamang sa "baptismal certificate", nabinyagan ngunit hanggang doon na lamang.   Ano nga ba ang kahulugan ng binyag para sa ating mga Kristiyano?  Bagamat may malaking pagkakaiba ang Binyag na tinanggap natin sa Binyag na ibinigay kay Jesus ni Juan Bautista ay makakakitaan natin ito ng parehong aral.  Ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ay tinatawag na ikalawang Epipanya sapagkat dito ay muling ipinakilala ni Jesus ang tungkol sa kanyang sarili. Kung sa unang Epipanya ay ipinahayag Niyang Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan sa ikalawang Epipanya ay ipinakilala niya ang kanyang "identity" bilang "Anak na kinalulugdan ng Diyos" na nakiisa sa ating abang kalagayan. Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi ng kasalanan! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos.  At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos. Ano ang itinuturo nito sa atin?  Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama.  Ikalawa, ang ating binyag ay pagsisimula ng ating misyon bilang mga anak ng Diyos na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at banal.  Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos.  Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpaka-kristiyano. Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan. Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba. Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano.  Sana hindi lang tayo mga "Kristiyanong Paniki".  Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo, lubos na kinalulugdan ng Ama!  Ngayong Taon ng Mga Kabataan,  ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay na buhay.  Isang pananampalatayang masigasig at napapatunayan sa gawa.  Isang pananampalatayang may pakialam sa mga nangyayari sa ating lipunan at nagtataguyod sa Simbahan.

Linggo, Enero 6, 2019

REGALO (reposted): Reflection for the Solemnity of the Epiphany Year C - January 6, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Nabigyan ka ba ng regalo noong nakaraang Pasko?  Kung hindi pa ay huwag kang malungkot.  May kasabihan tayong "huli man daw at magaling ay maihahabol pa rin!"  Mga kapatid puwede pang magbigayan ng regalo ngayon sapagkat ngayon ang huling Linggo ng kapanahunan ng Pasko. Sa ibang bansa ang Epipanya ay tinatawag na "Ikalawang Pasko" na kung saan ay araw ito ng pagbibigayan ng regalo. Dito rin kasi nakukumpleto ang mga tauhan sa Belen... sa pagdalaw ng mga "pantas" o sa mas kilala nating tawag na "Three Kings". May kuwento ng isang kura paroko na niregaluhan ng kanyang mga parokyano. Dahil sa liit ng kanyang parokya ay halos kilala niya lahat ang mga tao at ang mga kabuhayan nila. May isang batang lumapit na may bitbit na kahon na ang pamilya ay may "bake shop". Sabi ng pari: "Ah, alam ko yang dala-dala mo... cake yan 'no?" Sagot ng bata: "Ang galing mo Father, pano mo nahulaan?" "Obvious ba? e may bakeshop kaya kayo?" Sagot sa kanya ng pari. Lumapit ang ikawalang bata na may dala ring regalo na ang pamilya naman ay may pagawaan ng sapatos. "Alam ko yang regalo mo... sapatos yan!" Sabi ng pari. Laking gulat ng bata at tanong sa pari: "Pano mo nalaman Father?" "Obvious ba? May pagawaan kayo ng sapatos di ba? hehehe" Patawang sagot ng pari. Lumapit ang isa pang bata na may dalang kahon na medyo basa pa ang ilalim. May tindahan sila ng mga alak. Sabi ng pari: "Alam ko yan... alak yan." Hinipo ang basang bahagi ng kahon at tinikman. "Aha! Champagne ito... maasim!" Sabi ng pari. "Hindi po padre!" Sabi ng bata. "Mompo?" "Hindi rin po!" "E, ano ito...?" Sagot ng nakangiting bata: "Tuta po!" Kaya mag-ingat sa susunod na pagtanggap ng regalo! Ngunit kung titingnan natin ay kakaiba ang pagbibigayan ng regalo sa Pasko. Ang karaniwang paraan ay tayo ang nagreregalo sa may birthday. Ngunit sa pagdiriwang ng Pasko, ang may birthday ang nagbibigay ng regalo... tayo ang tumatanggap! Ang Epipanya ay nagsasabi sa atin na may Diyos na nagbigay ng dakilang regalo sa atin nang ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayong lahat ay maligtas! Walang pinipili ang Diyos! Lahat ay nais Niyang maligtas. Wala tayong ibang masisisi kundi ang ating sarili kung tinanggihan natin ang dakilang regalong ito mula sa Kanya. Kaya nga ang kahulugan ng Epipanya ay "pagpapakita". Dito ipinakita ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak bilang tunay na Diyos, tunay na tao at tunay na Hari sa pamamagitan ng tatlong regalo sa kanya: ang kamanyang, mira at ginto. Paano ko ba pinahahalagahan ang kaligtasang bigay sa akin ng Panginoon? Patuloy ba ako sa paggawa ng kasalanan? Sa pagkakahumaling sa mga bisyo? Sa pagpapa-iral ng masamang pag-uugali? May magandang ginawa ang mga pantas pagkatapos nilang makita ang sanggol at pagbawalan ng anghel sa panaginip, nag-iba sila ng landas. Hindi sila bumalik kay Herodes. Marahil oras na, na tulad ng mga pantas, na talikuran natin ang DATING DAAN at tahakin ang BAGONG DAAN! Huwag na nating balikan ang malawak na daan ng masasamang pag-uugali at pilitin nating tahakin ang daang makitid ng pagbabagong-buhay! Ang kaligtasang regalo ni Jesus ay para lamang sa mga "wais" tulad ng mga "wise men." "Wise" na Kristiyano ka ba?

Sabado, Disyembre 29, 2018

KAPAMILYA AT KAPUSO NG PASKO: Reflection for The Feast of Holy Family Year C - December 30, 2018 - YEAR OF THE YOUTH

Ksapistahan ngayon ng Banal na Mag-anak nina Jesus, Maria at Jose.  Sa panahon ng Kapaskuhan ay magandang ipinagdiriwang natin ang kapistahang ito bilang paalaala sa atin na ang Diyos ay hindi lang naging “Emmanuel” o  “Diyos na sumasaatin” ngunit pinili niya rin na mabuhay sa isang mag-anak at maging “kapamilya” natin.  Kung siansabi ng Bibliya na ang “Diyos ay pag-ibig” at kung ang Diyos ay bahagi ng ating pamilya ay masasabi nating ang Pamilya din ay pag-ibig... FAMILY IS LOVE!  Nasaan ka noong araw ng Pakso?  Kasama mo bang nagdiwang ang iyong pamilya?  O baka naman kasama ka ng mga kaibigan mo?  Baka naman kasama kng iba at nakalimutan mong umuwi sa iyong pamilya at ipadama ang PUSO NG PASKO... ang Diyos ng pag-ibig!   Nagiging kapamliya at kapuso natin ang Diyos kung ang pamilya ay nabubuhay na MARANGAL AT BANAL.  Ang pamilya mo ba ay marangal at banal?  SUSMARYOSEP!  Bulalas marahil ng marami.  Paano magiging marangal at banal ang pamilya ngayon e dumadaan na nga ito sa matinding krisis!  Ang dami ng dysfunctional family at dahil dito ay dysfunctional children!   "SUSMARYOSEP!" Kalimitan nating naririnig na ginagamit ang mga katagang ito ng mga matatanda kapag sila ay nagugulat. Alam ba ninyong ito ay hango sa tatlong banal na pangalan nina JeSUS MARia at JOSEPH?  Kaya nga kung minsan nakakalungkot na nawawalan na ng tamang paggalang ang paggamit ng katagang ito.  Ngunit hindi natin masisisi ang mga matatanda sa paggamit ng katagang ito.  Sa katunayan, mapapaSUSMARYOSEP ka nga sa katayuan ngayon ng ating mga pamilya. Minsan sa isang religion class ay nagtuturo ang isang madre: "Mga bata, alam ba ninyong tayong lahat ay nilikha ng Diyos? Galing tayo sa Kanya!" Sagot ang isang batang pangit, "Sister, ang sabi po ng nanay ko ay galing daw tayo sa unggoy!" "Iho", sagot ni sis, "hindi natin pinag-uusapan ang pamilya mo dito!" Papayag ka bang ang pamilya mo ay galing sa unggoy? Pero ito ang nangyayari ngayon... "INUUNGGOY" ang pamilya! Hindi na nabibigyan ng sapat na respeto ang karapatan nito. Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay... ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin. Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya!  Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL.  Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi.   Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago.  Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO."  Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito.  Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya.  Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA.  Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga.  Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya.  May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA.  Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga.  Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang.  Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA!  At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN.  "The family that prays together, stays together!"  Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL.  Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban.  Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan.  Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig  ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA!  Ngayon ay Taon din ng Mga Kabataan .  Ipanalangin natin na sana ay maibalik muli ng bawat pamilya ang pagpapahalaga sa kanilang mga anak.  Nawa ay maging daan ang kabataan upang muling maibalik ang pamilya na nakasentro kay Kristo  The family that prays together... love each other... stays together!

Sabado, Disyembre 22, 2018

AMBASSADORS OF HOPE AND JOY: Reflection for the 4th Sunday of Advent Year C - December 23, 2018 - YEAR OF THE YOUTH

Ano ba ang kaibahan ng MILAGRO sa MISTERYO?  Kapag nabuntis ang babaeng kuwarenta anyos (80 years old) ang tawag ay MILAGRO.  Pero kapag nabuntis naman ang katorse anyos (14 years old) na dalaga, ang tawag ay MISTERYO! hehehe... Sa ating Ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Adbiyento ay narinig natin ang pagtatagpo ng isang milagro at isang misteryo.  Ang pagkabuntis ni Elizabeth, sa kabila ng kanyang katadaan ay isang milagro para sa kanyang mga kamag-anak, kapitbahay at kakilala.  Ang pagdadalantao ni Maria ay naman ay balot ng misteryo para sa kanyang asawang si Jose.  Ano ang nangyari ng magtapo ang milagro at misteryo?  Isang kaligayahang hindi maipaliwanag ang naghari kay Elizabeth kaya't kanyang naibulalas: "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!"  Banal na kaligayahan ang dala ni Maria sa pagbisita niya sa kanyang pinsan.  Sa katunayan maging ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabeth ay naglulukso sa tuwa ng madama ang presensiya ng Panginoon.  Tayong lahat din, bilang mga Kristiyano, tinatawag na maging tagapagdala ng kaligayahan sa ating kapwa.  Tayo ay dapat maging "Ambassadors of Joy" sa mga taong ating nakakatagpo araw-araw. Naghahatid ka ba ng kaligayahan sa mga kasama mo sa bahay?  O baka naman sa halip na kaligayahan ay dahilan ka pa ng pag-aalitan at hindi pagkakaunawaan sa iyong pamilya?  Ano ang dating mo sa mga taong nakakasalimuha mo araw-araw? Napapangiti mo ba sila o napapasimangot sila sa tuwing makakasalubong mo?  Naaalala ko ang sabi ng aming propesor sa homiletics noong kami ay nag-aaral pa bilang paghahanda sa papari.  Ang homiletics ay isang semester na kurso upang turuan kami ng tamang pagbibigay ng homiliya o sermon sa Misa.  Ang sabi niya sa amin:  "Kapag kayo ay nangangaral tungkol sa langit, ay hayaan ninyong maliwanag ang inyong mga mukha.  Kung tungkol naman sa impiyerno ang pinapangaral ninyo ay puwede na ang inyong mga mukha ngayon!"  Tingnan mo nga ang mukha mo sa salamin kung ano ang pinapangaral mo sa iyong kapwa?  Langit ba o impiyerno?   Hindi madali ang magbigay sapagkat ito ay nangangahulugan ng sakripisyo.  Ibig sabihin sa bawat pagbibigay mo ay dapat may nararamdaman kang sakit sapagkat may nawawala sapat sa iyo.  Alam natin ang kasabihang, "it is better to give than to receive!"  May nagsabi sa aking motto daw ito ng mga boksingero.  Pero hindi lang naman siguro sila.  Ito dapat ay motto ng isang Kristiyano.  Hindi lang siguro "better" but "harder!"  Mas mahirap naman naman talaga ang magbigay kasya tumganggap ngunit ito ang ibig sabihin ng pagtulad kay Kristo. Christian life is a life of giving. Christian life is a life of service!   Katulad ni Mariang taus-pusong naglingkod sa kanyang pinsang si Santa Isabel.  Ang tagapagdala ng kaligayahan ay dapat lang na maging tagapaghatid din ng pag-asa!  Pag-asa sa mga taong nalulumbay, pag-asa sa mga taong nabibigatan sa buhay, pag-asa sa mga taong biktima ng kahirapan at kasalatan!  Natutuwa ako sa sagot ng ating bagong koronang Miss Universe na si Catriona Gray.  Ang sagot niya sa panguling tanong ay nagtataglay ng isa mesahe ng pag-asa lalo na para sa ating mundong sadlak sa kahirapan at kasamaan:  "I work a lot in the slums of Tondo, Manila and the life there is poor and very sad. And I’ve always taught to myself to look for the beauty of it and look in the beauty of the faces of the children and to be grateful. And I will bring this aspect as a Miss Universe to see situations with a silver lining and to assess where I could give something, where I could provide something as a spokesperson. And this I think if I can teach people to be grateful, we can have an amazing world where negativity could not grow and foster and children will have smile on their faces."  May mga kritikong netizens na nagsabing isa na naman itong romantacized answer.  Ngunit sa aking palagay ay ito naman talaga ang magagawa nating mga karaniwang tao upang matugunan ang kahirapan sa ating paligid:  maging tagapagdala tayo ng PAG-ASA.  Kung may pag-asa ang tao ay magiging masaya siya sa kanyang buhay kahit na araw-araw siyang nakararanas ng hirap at sakit. Ang dala-dala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ay ang PAG-ASA ng sanlibutang nasadlak sa kadiliman.  Pag-asa na nagbibigay ng tunay na KALIGAYAHAN!  Magiging masaya ang ating Pasko kung dadalhin din natin si Kristo sa iba.