Madalas tayong makakita ng sign boards sa mga daanan. Kalimitan, makikita natin sa mga malalaking kalsada ang karatulang: "BAWAL TUMAWID! NAKAMAMATAY!" Ngunit kakaiba itong nakita ko minsang ako ay tumawid sa isang kalsada. Ganito ang nakasulat: BAWAL ANG "MAKIALAM, NAKAMAMATAY!" Ayaw natin sa mga pakialamero at pakialamera di ba? Ayaw nating may nanghihimasok sa ating buhay! May kuwento ng isang pari na masyadong passionate sa kanyang pagbibigay ng homiliya. Minsan ay ipinapaliwanag niya ang sampung utos. Ang sabi niya: "Mga kapatid, sinasabi sa ika-limang utos, "huwag kang papatay!" Kaya't masama ang pumatay!" Biglang sigaw ang isa sa mga nagsisimba? "Amen! Father! Amen!" Itinuloy ng pari: "Sinasabi ng ika-pitong utos, huwag kang magnanakaw! Masama ang kumuha ng pag-aari ng iba!" "Amen! Father! Amen!" sigaw muli ng lalaki. Ginanahan tuloy ang pari at sinabing: "Huwag kang makikiapid! Kaya bawal, ang magkaroon ng relasyon sa hindi mo asawa! Bawal ang may-kabit!" Biglang sigaw ang lalaki: "Aba, padre! Hini ata tama yan! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ko! Wag mo kong pakiaalaman!" Para mga mahilig makialam sa buhay ng iba eto ang masasabi ko inyo: "Dear PAKIALAMERA, May sarili kang buhay di ba? Bakit pati sa buhay ko nakikisawsaw ka? - Nagtataka, ME!" Eto pang isa; "Alam mo, napapabayaan mo na ang sarili mo. Wala ka kasing ibang inintindi kung ang PAKIALAMAN ANG BUHAY NG IBANG TAO!" Kung ganun, masama ba ang pakikialam? Hindi lahat ng pakikialam ay masama o kaya naman hindi lahat ng hindi nakikialam ay mabuti! Sa katunayan ay ito ang kasalanan ng mayaman sa talinhagang isinalaysay ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Walang sinabi sa Ebanghelyo na masamang tao ang mayaman. Ang kanyang kasalanan ay ang kanyang pagwawalang-bahala kay Lazaro na nasa labas lamang ng kanyang bahay at namamatay sa gutom samantalang siya ay sagana sa damit at pagkain sa hapag kainan. Walang pakialam ang mayaman sa kalunos-lunos na kalagayan ni Lazaro. Wala siyang ginawa upang maibsan, kahit kaunti lamang, ang paghihirap ng isang tao. Kaya nga't hindi lahat ng hindi pakikialam ay mabuti. Tayong mga Kristiyano ay tinawag ni Jesus na makialam sapagkat ang Diyos mismo ang unang nakialam sa atin. Ipinamalas niya ang kanyang malasakit sa atin sa pamamagitan ng kanyang pagliligtas sa pagbibigay sa atin ng kanyang bugtong na Anak. Nakialam Siya sa ating abang kalagayan sapagkat mahal Niya tayo at ayaw Niya tayong mapahamak. Ang sabi ni San Juan: "Gayon na lamang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak..." (Jn 3:16) Ngunit ang ganitong pakikialam ay posible lamang kung mayroong kasamang PAGKABAGABAG! Nagpakita ng habag ng Diyos sa atin sapagkat nabagabag siya sa ating abang kalagayan. Ang tawag natin sa ganitong uri ng panghihimasok ay MABUTING PAKIKIALAM! Ano ang hinihingi nito sa atin? Una, ito ay nangangahulugan ng pagtatama sa mali! Ang mabuting pakikialam ay may lakas ng loob upang ituwid ang kanyang kapatid na napapariwara. Ang kanyang layunin ay kabutihan at hindi kasiraan ng kanyang kapwa. Ang tawag din dito ay fraternal correction. Ang isang Kristiyano ay dapat nababagabag kapag nakikita niya ang kanyang kapatid na nagkakasala o hindi gumagawa ng tama. Ngayon marahil ay maiintindihan natin kung bakit ang Simbahan ay kailangang makialam kapag may nakikita siyang mali sa ating lipunan. Hindi siya maaring manahimik kapag may paglabag sa kalooban ng Diyos at paglapastangan sa Kanyang mga utos. Hindi siya maaaring manahimik kapag nayuyurakan ang karapatang pantao o ang dignidad ng isang tao lalo na ang mga walang kalaban-laban at mahihirap. Naniniwala ang Simbahan na sapat lamang na isang mabuting Kristiyano ang manahimik sa harap ng maraming pagkakamali, at ito ay sapat na upang lumaganap ang kasamaan sa mundo. Ikalawa, ang mabuting pakikialam ay ang atin ding pakikiisa sa mga mahihirap. Hindi kinakailangang gumawa ng malalaking bagay para sa kanila. Ang sabi nga ni St. Theresa ng Calcutta: "Not all of us can do great things. But we can do small things with great love." Kung minsan ay sinisisi natin ang Diyos sa mga kahirapang nangyayari sa ating paligid, ngunit sino ba ang may kagagawan nito? Ang sabi niya uli: "Poverty is not made by God, it is created by you and me when we don't share what we have." Huwag sanang maging manhid ang ating budhi sa pangangailangan ng iba. Huwag tayong maramot sapagkat kung ano man ang mayroon tayo ay galing naman ang mga ito sa Panginoon. Sa katunayan ay katiwala lamang tayo ng Kanyang walang hanggang pagpapala. Ikatlo, makialam din tayo para sa kapakanan ng ating kapaligiran, ng ating mundo, na siyang ating nag-iisang tahanan, "our common home!" Nakakabagabag ng damdamin, ang ginawa ng isang batang babaeng nagngangalang Greta Thunberg, labing anim na taong gulang, sa United Nations Climate Summit nitong nakaraang mga araw lamang sapagkat sinabi niya sa mga kinatawan ng iba't ibang bansa ang kanilang kawalang aksiyon upang mapangalaagaan ang kalikasan! Ilang beses niya silang tinawag na "makakapal ang mukha" sapagkat wala silang pakialam sa patuloy na pagsira ng kalikasan at kinabukasan ng mga bata ng mga susunod na henerasyon! Sa pagtatapos ng Season of Creation o Panahon ng Paglikha, magkaroon tayo sana tayo ng mabuting pakikialam upang pangalagaan ang kalikasang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. . Magkaroon tayo ng MABUTING PAKIKIALAM sa ating kapwa! Isang pakikialam na dala ng ating pagkabagabag sa mga kamaliang nakikita natin sa ating paligid. Isang pakikialam na may malasakit sa kapakanan ng mga mahihirap.
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Setyembre 28, 2019
Sabado, Setyembre 21, 2019
MATALINONG KRISTIYANO: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time - Year C - September 22, 2019 - YEAR OF THE YOUTH AND SEASON OF CREATION
Sabado, Setyembre 14, 2019
ANG PABORITO NG DIYOS: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year C - September 15, 2019 - SEASON OF CREATION and YEAR OF THE YOUTH
May paborito ba ang Diyos? Marahil, sa ating mga tao ay natural na ang may itinatangi, may pinapanigan, may espesyal sa paningin... may "apple of the eye" kung tawagin. Ngunit ang Diyos... na lubos na makatarungan at pantay kung magmahal... may paborito rin kaya S'ya? Hanapin ang sagot sa kuwentong ito... May isang pari sa isang parokya na binansagang "Padre Kuliling". Hindi dahil sa may pagkakulang-kulang s'ya kundi dahil sa kanyang kakaibang 'gimik" kapag siya ay nagpapakumpisal. May dala-dala s'yang maliit na "bell" na kanyang pinapatunog upang sabihin sa mga taong tapos na ang nagkukumpisal at pinatawad na ang kanyang kasalanan. Eto ang mas nakakaintriga, napansin nila na ang haba ng tunog ng "bell" ay depende sa dami ng kasalanan ng nagkumpisal! Minsan, ay nagkumpisal ang tinuturing nilang "pinakamakasalanan sa parokya!" Isa siyang kilalang babaero, sugarol, lasenggero, at halos taglay na niya ata ang lahat ng "bisyo". Nag-abang ang mga tao kung gaano kahaba ang kanilang maririnig na tunog ng bell. Nagtaka sila sapagkat nakakatrenta minutos na ay wala pa silang naririnig. "Baka, hindi na nakayanan ni Father... baka hinimatay na s'ya!" ang sabi nila. Laking pagkagulat nila ng biglang lumabas si Father sa kumpisalan at karipas na tumakbong palabas ng simbahan. Nagtungo siya sa kampanaryo ng simbahan at narinig ang sunod-sunod na tunog ng kampana... "Booong! boong! bong! booong!"
Kung mayroon mang paborito ang Diyos sila ay walang iba kundi ang mga makasalanan na handang magbalik-loob sa Kanya. Ang pagbabalik-loob ng isang taong makasalanan ay kagalakan para sa ating Diyos at dahilan upang magdiwang Siya ng isang tagumpay! Sa Ebanghelyo ay ikinumpara Siya sa isang pastol na naghanap at nakasumpong sa kanyang nawawalang tupa o kaya naman ay sa isang babaeng nakasumpong sa kanyang nawawalang salaping pilak. Lubos ang kanilang kagalakan sapagkat nagbunga ang kanilang ginawang paghahanap. Pansinin natin ang sinabi sa talinhaga na ang ang pastol ang naghanap sa kanyang nawawalang tupa. Gayundin ang ang babae ang masusing naghanap sa kanyang nawawalang salaping pilak. Ito ang isang katotohanan na dapat nating maunawaan: tayong lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan ay paborito ng Diyos! At sapagkat paborito Niya tayo ay lagi Niya tayong hinahanap at hinihintay Niya ang araw na tayo ay Kanyang masusumpungan. Ang Banal na Kasulatan, mapaluma o bagong tipan ay punong-puno ng mga paglalarawan ng pagkamahabagin ng Diyos sa mga makasalanan. Sa Ebanghelyo ay may mga tagpo na kung saan ay ipinapakita ang pagkiling ng Diyos sa mga kasalanan. Naririyan ang pagpasok ni Jesus sa bahay ni Zakeo at pakikisalo sa kanila sa hapag kainan. Naririyan din ang tagpo ng babaeng makasalanang lumapit sa kanyang paanan upang hugasan ang kanyang paa ng luha bilang tanda ng kanyang pagsisisi at marami pang kaparehong tagpo. Lahat sila ay nagpapakitang may pagkiling ang Diyos sa mga makasalang handang magsisi at magbalik-loob sa kanya. Sa tuwing lumalapit tayo sa Sakramento ng Kumpisal, ito ay hindi sapagkat ginusto natin. Ito ay sapagkat may Diyos na naghihintay sa atin at Siya ang nagtutulak sa ating magbago at magbalik-loob. Kailan na ba ang huling kumpisal mo? Baka naman napakatagal na at "long over-due" na ito? Ano ang pumipigil sa iyo para magsisi at lumapit sa kumpisalan? Kung ikaw man ay nakakaramdam ng pagkahiya o pagkamaliit dahil sa marami mong kasalanan ay lagi mong isipin na ang Diyos ay mapagtimpi at alam Niya ang iyong kahinaan at kakulangan. Sapat lamang na tayo ay magpakumbaba at aminin ang ating kakulangan at pagkakamali tulad ng ginawa ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Naunawaan ni San Pablo na "paborito" siya ng Diyos kaya't hindi niya nahiyang aminin ang kanyang pagiging makasalanan: "At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga..." Ikaw...? Tinuturing mo ba ang sarili mong PABORITO NG DIYOS?
Kung mayroon mang paborito ang Diyos sila ay walang iba kundi ang mga makasalanan na handang magbalik-loob sa Kanya. Ang pagbabalik-loob ng isang taong makasalanan ay kagalakan para sa ating Diyos at dahilan upang magdiwang Siya ng isang tagumpay! Sa Ebanghelyo ay ikinumpara Siya sa isang pastol na naghanap at nakasumpong sa kanyang nawawalang tupa o kaya naman ay sa isang babaeng nakasumpong sa kanyang nawawalang salaping pilak. Lubos ang kanilang kagalakan sapagkat nagbunga ang kanilang ginawang paghahanap. Pansinin natin ang sinabi sa talinhaga na ang ang pastol ang naghanap sa kanyang nawawalang tupa. Gayundin ang ang babae ang masusing naghanap sa kanyang nawawalang salaping pilak. Ito ang isang katotohanan na dapat nating maunawaan: tayong lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan ay paborito ng Diyos! At sapagkat paborito Niya tayo ay lagi Niya tayong hinahanap at hinihintay Niya ang araw na tayo ay Kanyang masusumpungan. Ang Banal na Kasulatan, mapaluma o bagong tipan ay punong-puno ng mga paglalarawan ng pagkamahabagin ng Diyos sa mga makasalanan. Sa Ebanghelyo ay may mga tagpo na kung saan ay ipinapakita ang pagkiling ng Diyos sa mga kasalanan. Naririyan ang pagpasok ni Jesus sa bahay ni Zakeo at pakikisalo sa kanila sa hapag kainan. Naririyan din ang tagpo ng babaeng makasalanang lumapit sa kanyang paanan upang hugasan ang kanyang paa ng luha bilang tanda ng kanyang pagsisisi at marami pang kaparehong tagpo. Lahat sila ay nagpapakitang may pagkiling ang Diyos sa mga makasalang handang magsisi at magbalik-loob sa kanya. Sa tuwing lumalapit tayo sa Sakramento ng Kumpisal, ito ay hindi sapagkat ginusto natin. Ito ay sapagkat may Diyos na naghihintay sa atin at Siya ang nagtutulak sa ating magbago at magbalik-loob. Kailan na ba ang huling kumpisal mo? Baka naman napakatagal na at "long over-due" na ito? Ano ang pumipigil sa iyo para magsisi at lumapit sa kumpisalan? Kung ikaw man ay nakakaramdam ng pagkahiya o pagkamaliit dahil sa marami mong kasalanan ay lagi mong isipin na ang Diyos ay mapagtimpi at alam Niya ang iyong kahinaan at kakulangan. Sapat lamang na tayo ay magpakumbaba at aminin ang ating kakulangan at pagkakamali tulad ng ginawa ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Naunawaan ni San Pablo na "paborito" siya ng Diyos kaya't hindi niya nahiyang aminin ang kanyang pagiging makasalanan: "At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga..." Ikaw...? Tinuturing mo ba ang sarili mong PABORITO NG DIYOS?
Linggo, Setyembre 8, 2019
THE "BER" MONTHS and SELF-GIVING: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year C - YEAR OF THE YOUTH AND SEASON OF CREATION
Pumasok na tayo sa tinagurian nating BER months. Bakit nga ba BER MONTHS ang tawag sa mga buwang darating. Ito raw ang dahilan: Sa September daw kasi ay pinagdiriwang natin ang BERtday ni Mama Mary, Ang October naman daw ay ang buwan ng BERhen ng Santo Rosaryo. Sa November naman daw ay we rememBER the faithful departed. At sa December ang ang BERtday ng Panginoong Jesus! Astig di ba? Ngunit marahil, marami sa atin ang iniisip na kapag pumasok na ang BER MONTHS ay malapit na ang Pasko. Ngayong araw ding ito ang kapistahan ng kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria. Bagamat hindi natin maipagdiriwang sa liturhiya ng Linggo ang kapistahan ito, sa kadahilanang hindi maaring palitan ng anumang kapistahan ng sinumang mga banal na tao ang "Araw ng Panginoon", maliban na lamang kung ito ay "solemnity" o dakilang kapistahan, ay atin pa ring dapat alalahanin at ipagdiwang ito sapagkat malapit ang ating puso sa Mahal na Birheng Maria. Ngayon din ay ang araw ng mga lolo at lola natin. Inaalala at ipinagdarasal natin sila ngayong "Grandparents' Day". Sila man ay buhay pa o pumanaw na ay gayun na lamang ang ating pagpupugay sa kanila sa maraming sakripisyong kanilang binata na nagpapakita ng kanilang malaking pagmamahal sa atin. Ang buwan ng Setyembre ay ang itinalaga rin ng Simbahan na "Panahon ng Paglikha" o Season of Creation. Ang Panahon ng Paglikha o Season of Creation ay ang paglalaan ng Simbahan ng panahon sa ating Liturgical Calendar upang parangalan ang ating Diyos na Manlilikha at upang paalalahanan din tayo ng ating kaugnayan sa mga nilikha ng Diyos bilang kanyang mga anak. Tatagal ang pagdiriwang na ito hanggang sa ika-apat ng Oktubre, na kapistahan ni San Francisco ng Asisi. Ito ang ating kasagutan bilang mga Kristiyano sa mga suliranin na ating kinakaharap sa ating kapaligiran at kalikasan. Ano ba Panahon ng Paglikha? Una sa lahat, ang Panahon ng Paglikha ay pagbibigay pugay at parangal sa Diyos na Manlilikha na patuloy na nangangalaga sa atin. Ito ang unang pinapahayag natin sa ating Pananampalataya sa tuwing tayo ay nagsisimba pagkatapos ng homiliya ng pari. Nararapat lang na ibalik natin sa Diyos ang lahat ng pasasalamat at papuri sapagkat nilikha Niya ang lahat ng "mabuti". Ikalawa, ang Panahon ng Paglikha ay nagbibigay sa atin ng pagninilay na dapat tayong maging mapagkumbaba. Tayo ay ginawa lamang ng Diyos na kanyang mga katiwala o "stewards" kaya wala dapat tayong ipagmalaki o ipagyabang. Kayabangan ang dahilan kung bakit dumaranas tayo ngayon ng pagkasira ng kalikasan at ang masidhing epekto nito sa ating pamumuhay. Isang "kayabangan" na ating ipinapakita ay ang "throw-away culture!" Ito ay ang walang hambas na pagtatapon ng basura kung saan-saan. Huwag nating isisi sa Diyos ang pagbaha sa tuwing bumubuhos ang malakas ng ulan. Hindi ang Diyos ang nagtatapon ng mga basurang bumabara sa ating mga estero at mga tubig daluyan kundi tayong "mayayabang na tao!" Isama na natin sa ating kayabangan ang pagdura o pagdumi kung saan-saan! Tandaan natin na hindi tayo ang may-ari ng kalsada o ng daanan kung kaya wala tayong karapatang dumihan ang mga ito! Panatilhin nating malinis ang ating paligid bilang pagpaparangal sa ating Diyos na Manlilikha. Ito ang konkretong katibayan ng pagiging tunay na mga anak ng Diyos at alagad ni Kristo, ang pagiging STEWARDS of the "mysteries of God". Isa pang katangian ng tunay na alagad ni Jesus ay ang pagiging tapat na lingkod na handang magsakripisyo o "magbuhat ng kanyang krus" para kay Kristo. Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay tumutukoy sa pagiging alagad ni Jesus, na handa niyang iwan ang lahat sa kanyang buhay upang sumunod sa Kanya. Ito ang paalala sa atin ni Jesus ngayon sa Ebanghelyo: "Ang sinumang hindi magpasan
ng sariling krus at sumunod sa akin
ay hindi maaaring maging alagad ko." Ibig sabihin ang pagiging alagad ni Jesus ay hindi madali, walang "short cut"... pinaghihirapan! Isang tatay ang umuwi ng bahat at bigla niyang binuhat ang kanyang asawang nagluluto. Nagulat si misis at sinabi sa asawa:"Ano ba ang nakain mo at binubuhat mo ako? Kung natatandaan ko ay huling ginawa mo yan ay pagkatapos ng tayo ay ikinasal ten years ago!" Ang sagot ni mister: "Wala lang, napagdaan kasi ako sa Simbahan at narinig ko sa paring nagmimisa na dapat daw nating "buhatin ang ating mga krus" kung nais nating sumunod kay Kristo!" Yun naman pala! Ano ba o sino ba ang mga itinuturing kung krus sa aking buhay? Maari itong mga tao, o mga sitwasyon sa buhay tulad ng mga problema sa trabaho, pamilya, pag-aaral. At bakit hindi? Maari ring ito ang mga obligasyon at responibilidad natin na sa pag-aalaga ng ating kapaligiran! Ang mga krus na ito ay mabubuhat natin kung lalagyan natin ng pagmamahal ang ating ginagawa. Ang sabi muli ni St. Mother Theresa ng Calcutta: Not of all us can do great things, but we can do small things with great LOVE!" Maglingkod tayo sa Diyos bilang kanyang mga tapat na alagad na may pagmamahal. Tandaan natin na ang tunay na pagmamahal ay may kasamang sakripisyo. "This is the meaning of truelove, " ang sabi ni St. Theresa, "to give until it hurts!" May kasamang paghihirap ang pagbibigay sapagkat may nawawala dapat sa ating sarili kapag nagbabahagi ng tayo. Ibig sabihin ay masasaktan tayo kapag tayo ay nagbigay bilang mga alagad ni Kristo! True love hurts!
Biyernes, Agosto 30, 2019
KAYABANGAN AT PAGPAPAKUMBABA: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year C - September 1, 2019 - SEASON OF CREATION and YEAR OF THE YOUTH
Ano ba ang napapala ng pagiging mayabang? Kung minsan may mga taong sadyang isinilang upang manghamak ng iba. Masaya ang kanilang pakiramdam kapag nakalamang sila sa ibang tao. Sa kanilang pag-iisip ay sila lang ang marunong, sila lang ang magaling, sila lang dapat ang tama kaya't gayun na lamang ang kanilang panlalait sa iba. Kasi nga ayaw na ayaw nilang malalamangan sila sa lahat ng bagay. Ngunit alam nating may kinalalagyan ang mga taong mayayabang! Tulad na lang ng kuwentong ito. Isang turistang Chinese ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila. Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. "This building is big! How long did you build this buidling?" "More or less one year!" Sabi ng driver. "One year? Too slow! In China, six months... very, very fast!" Payabang na sagot ng intsik." Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng intsik: "Ah... this building is very big and very wide! How long did you take to build it?" "four months!" sabi ng tsuper para hindi siya mapahiya sa kanyang pasahero. "four months??? hah! very slow! In China, only three months... very, very fast!" Payabang na sabi ng Chinese. Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay... sa Mall of Asia. "Wow! This building is very, very big and very very wide! How long did you build it?" Payabang na sagot ng driver: "Only two months!" upang huminto na ang kayabangan ng intsik beho nyang sakay. Ngunit sa muling pagkakataon ay simingit ang intsik: "two months??? Very slow... in China only one month... very, very fast!" Napahiya na naman ang taxi driver na Pinoy. Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. "Ok Mr. Intsik beho tulio laway, pay me ten thousand pesos!" Sagot ang hapon: "Ten thousand? Are sure? Very expensive!" Sagot ang driver: "Look sir... my taxi meter... made in China... very, very fast!" hehehe... nakaganti rin! Nakakaasar ang mga taong mayayabang! Ang sarap nilang yakapin... yakapin ng mahigpit hanggang sila ay mamatay! hehehe. Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang "kababaang-loob." Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Anak ko, maging mapagpakumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin, at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos. Habang ikaw’y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba; sa gayo’y kalulugdan ka ng Panginoon. " Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na ang "nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas." Nagbigay siya ng malinaw na halimbawa tungkol sa pagpapakumbaba. "Kapag inayayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang tanging upuan. Baka may inayayahang lalong tanyag sa iyo!" "Kapag naghanda ka ng isang piging anyayahan mo ang taong hindi makakaganti sa 'yo at sa gayo'y gagantihan ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal." Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan at kayamanan ay galing sa pagpapala ng Diyos kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Ang ito ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos kaya dapat nating gamitin para sa iba at para sa ating sarili lamang. Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano. Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin. Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob... sa paglilingkod. Tanging ang mga taong mapagkumbaba ang maaring maging mapagbigay! Ang mapagkumbabang pagbibigay ay ang katangian ng isang tunay na KATIWALA ng Diyos. Ang buwan ng Setyembre, sa ibang lugar ay ang itinalaga ring Panahon ng Paglikha o Season of Creation. Ito ay isang natatanging panahon na ibinigay ng Simbahan upang pagnilayan natin ang kadakilaan at kabutihan ng Diyos sa pagbibigay Niya sa atin ng biyaya ng kalikasan! Gayundin, ito ay pagninilay din natin bilang mga tapat na katiwala ng Diyos sapagkat ang buong sannilikha ay ipinagkitiwala sa atin ng Diyos upang pamunuan natin ng buong katapatan at kapakumbabaan. Sa mga kaganapang nangyayari sa ating mundo, tulad na lamang ng pagkasunog ng Amazon Forest, labis na pagmimina sa mga kabundukan, pagsira sa mga likas na yamang dagat, pagdudumi sa mga estero, kanal, ilog at mga daluyang tubig, at mga marami pang pagsalahula sa ating kapaligiran ay masasabi natin sumobra na ang kayabangan ng tao! Hindi na siya ang tapat na katiwala! Ang tingin niya sa kanyang sarili ay ganid na nagmamay-ari ng lahat ng ito. Mahirap maibalik ang pagiging mabuting katiwala ng Diyos kung pinangungunahan tayo ng pagmamataas at pagkamakasarili. Tanggalin muna ang kayabangan at pairalin ang kapakumbabaan! Limutin ang ating sarili upang makita natin ang ating pagiging aba sa harapan ng iba. Pangalagaan natin ang ating "Common Home", ang mundong ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Ito'y nangangailangan ng sama-samang pagkilos. Pagkilos na may pananagutan at pagpapakumbaba. Tandaan natin na ipinagkatiwala ng Diyos ang mundo sa ating mga kamay upang pamunuan ito ng may katapatan at kapakumbabaan.
Sabado, Agosto 24, 2019
ANG SORPRESA SA KABILANG BUHAY: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year C - August 25, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Maraming surpresa ang naghihintay sa atin sa buhay sa kabila. Isa na ang sinabi ng ating Panginoon sa Ebanghelyo ngayon na "may mga nauunang mahuhuli at nahuhuling mauuna." Alam nating kapag tayo ay pumanaw ay may naghihintay sa ating gantimpala o kaparusahan depende kung paano tayo nabuhay dito sa lupa. Ang langit daw ay gantimpala para sa mga taong nabuhay ng mabuti. Ang impiyerno naman ay para sa mga masasama. Ang purgatoryo... para sa mga nasa gitna: mabuting-masama o masamang-mabuti! Kumbaga sa isang apartment na may tatlong palapag, ang langit ay top floor, ang purgatoryo ay middle floor at ang impiyerno ay ang basement. Isang araw ay may mga kaluluwang bagong lipat mula sa kabilang buhay na napunta sa purgatoryo. Laking pagkagulat nila nang makita ang kanilang kura-paroko doon. "Hala! Padre! Dito ka rin pala... kelan ka pa dito? Akala pa naman namin nasa top floor ka! Dapat ay nasa top floor ka! Idol ka kaya namin kapag pinag-usapan ang kabanalan! Eh bakit nandito ka kasama namin? Pasigaw na sabi ng isa niyang parokyano. "Shhhh... wag kayong maingay! Pakibabaan ninyo ang boses ninyo. Baka magising si bishop. Natutulog s'ya sa ibaba!" O, hindi ba't nakakasurpresa ang ganung senaryo? Sinong mag-aakalang ang mga nauuna ay mahuhuli at ang mga nahuhuli ay mauuna? Isa lang naman ang katotohanan sa ating buhay na hindi natin maikakaila, na ang buhay natin dito sa mundo ay may katapusan. Lahat tayo ay mamamatay! Dito ay wala tayong pagpipilian. Darating ang araw na magsusulit tayo ng ating buhay sa Diyos. Bagama't wala tayong pagpili sa kahahantungan ng ating buhay mayroon naman tayong pagpili kung saan natin nais pumunta pagdating natin sa ating buhay sa kabila. Ang sinasabi ng Banal na Kasulatan at maging ng atig pananampalataya ay mayroon lang naman tayong dalawang maaring puntahan sa kabilang buhay: langit o impiyerno. Ang huli ay pintuang madaling pasukin, walang kahirap-hirap, malawak at maraming pumipili dahil nakakatawag pansin! Ang una ay mahirap pasukin. Sa katunayan ay kakaunti ang dumadaan dito sapagkat makipot, mahirap at maraming sakripisyo ang dapat gawin. Ngunit ang sabi nga ng Panginoon, ay isa lang naman ang daan papasok sa langit... ang makipot na pintuan! Kaya nga kung ang hanap natin sa pagiging Kristiyano ay "good time" at "pa-easy-easy" lang sa ating pagiging Kristiyano ay nagkakamali tayo... Hindi puwedeng maligamgam tayo sa harapan ng Diyos. Sala sa init... sala sa lamig! Ang pagiging Kristiyano ay isa lang ang hinihingi... ang maging katulad ni Kristo! Ang makipot na pintuan ay dinaraanan natin araw-araw. Laging bukas... nag-aanyaya ngunit dahil nga sa makipot ay marami sa atin ang ayaw daanan. Mahirap magpatawad. Mahirap maging tapat sa pamilya. Mahirap umunawa. Mahirap magbigay. Mahirap magpakatao. Mas madali ang sumuway sa utos ng Diyos. Mas madali ang magnakaw. Mas madali ang mandaya. Mas madali ang magsinunaling. Mas madali ang mangaliwa kaysa maging tapat sa asawa. Mas madali ang gumawa ng kasalanan kaysa kabutihan. Mas masarap ang alok ng pintuang maluwag. Walang hirap. Walang pasakit. Ngunit alam din natin ang patutunguhan ng pintuang maluwag... walang hanggang kapahamakan! Maging matalinong Kristiyano tayo habang naglalakbay tayo dito sa mundo. Alam ng Diyos ang pagnanais nating makapasok sa pintuan ng langit at batid niya ang kahinaan ng ating pagpapasya sa pagpili ng mabuti at masama... ng tama at mali! May gantimpalang naghihintay sa atin kung magtitiwala tayo sa kabutihan ng Diyos na hindi Niya tayo pababayaan sa ating pagsisikap dahil mahal Niya tayo. May "langit" tayong mararating kung magsisikap tayong sumunod sa kanyang kalooban, magtitiyaga at mapagkumbaba nating susundin ang Kanyang mga utos. Tandaan mo... isa lang ang daang patungo kay Kristo... at ang hahantungan mo ay nakasalalay sa pintuang pipiliin mo.
Sabado, Agosto 17, 2019
SIGN OF CONTRADICTION (Updated) : Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year C - August 18, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ano ba para sa iyo ang sinisimbulo ng krus? Lagi natin itong ginagamit sa pagdarasal, lagi natin itong nakikita sa mga bahay dalanginan at maging sa ating mga tahanan. Alam ba natin ang isinasagisag nito? May kuwento ng isang batang umakyat sa mataas na punong-kahoy. Nag-alala ang mga nakakita baka mahulog ito kaya't hinanap nila ang magulang ng bata. Pilit naman siyang pinabababa ng mga ito ngunit kahit anong pakiusap ay ayaw sumunod ng bata. Tumawag sila ng barangay tanod ngunit ayaw pa rin nitong bumaba. Nagkataong dumaan ang isang pari at hiningi nila ang kanyang tulong na pakiusapan ang batang bumababa sa puno. Sumunod naman ang pari. Lumapit s'ya sa puno. Tiningala ang bata. Itinaas niya ang kanyang kamay at binasbasan ito ng tanda ng krus. Agad agad ay bumaba ang bata. Nagulat ang lahat maging ang pari. Nang tinanong nila ang bata kung bakit siya bumaba ay sinabi nito: "E pano ba naman sabi ng pari sa akin (winasiwas ang kamay na animong nagbabasbas) Ikaw baba, o putol puno! Baba o putol puno!" Parang kontradiksyon hindi ba? Hindi naman natin ginagamit na panakot ang tanda ng krus bagkus pampasuwerte pa nga ito para sa ilan. Ang tawag natin d'yan ay SIGN OF CONTRADICTION. Tunay naman sapagkat noong unang panahon, ang krus ay kaparusahan para sa mga kriminal, sa mga magnanakaw, at siguro kung buhay na si Pangulong Duterte noon, ay para rin sa mga drug addict. Ngunit nang si Jesus ay mamatay sa krus ay naiba ang ibig sabihin nito. Ang krus ay naging simbolo ng kaligtasan at kalayaan sa kasalanan! Ang ating mga pagbasa sa linggong ito nagpapakita sa atin ng maraming sign of contradiction o tanda ng pagkakasalungat. Sa Unang Pagbasa ang mga propeta ay laging itinuturing na sign of contradiction sapagkat ang kanilang pangangaral ay laging nagdadala sa kanila sa kapahamakan. Ang hatid nila ay mensahe mula kay Yahweh ngunit hindi ito katanggap-tanggap sa mga Israelita. Si Jesus din ay isang malaking sign of contradiction. Ano ang sinabi niya sa pagbasa ng Ebanghelyo ngayon? "Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi." Hindi ba't isa itong malaking kontradiksyon? Si Jesus ay ang Prinsipe ng Kapayapaan. Sa katunayan ay ito ang unang handog niya noong siya'y muling nabuhay. Bakit ngayon ay pagkakabaha-bahagi ang kanyang sinasabing iniiwan? Ito ang sasapitin ng mga taong tunay na sumusunod kay Kristo. Siya ay magiging sign of contradiction. Hindi bat ito ang Simbahang Katolika ngayon? Isang malaking sign of contradiction! Kaya huwag tayong magugulat kung marami ngayon ang hindi sumasang-ayon at sumasalungat pa nga sa turo ni Kristo at aral ng Simbahan. Bakit nga ba maraming sumasalungat sa mga turo ng Simbahan gayung ipinapangaral lamang nito ang turo ni Kristo? Isang magandang halimbawa ay ang mainit na isyung lumabas nitong mga nakaraang araw lamang. Ang kuwento ng transgender na hindi pinagamit ng isang janitress sa palikuran ng mga babae sa kadahilanang hindi siya babae. Alam natin sensitibong isyu ang tungkol sa ating mga kapatid na transgender at ang Simbahan ay malinaw naman ang posisyon sa pagtanggap sa kanila anuman ang kanilang kasarian. Ngunit dito papasok ang limitasyon ng bawat isa at ang pagrispeto sa karapatan ng lahat. Aminin natin na ang mga palikuran natin sa ngayon ay "biologically gender based." Wala kang makikitang urinals sa palikuran ng mga kababaihan. Minsan na akong naligaw doon at napahiya ako! Sa ngayon, dahil wala pang palikuran na nakalaan para sa mga transgender ay mas mabuti sigurong igalang na lang muna natin ang karapatan ng lahat! Ang sabi nga ng isang post ko sa FB: "Huwag ipilit ang hindi tama. Ang palikuran pambabae ay dapat para sa mga tunay na babae lamang. Hindi ito diskrimansyon. Ito ay pagpapakita ng paggalang sa dignidad ng mga tunay na babae. Igalang din nati ang mga tuna na babae!" Ngunit may mga sasalungat pa rin dito sa ngalan ng pantay-pantay na karapatan. Kaya ngapost uli ako ng isa pa sa FB ko na galing na mismo sa Banal na Kasulatan: "God is love, and love rejoices in the truth." (1 Cor. 13:6) What is TRUTH? "That male and female He created them!" (Gen 5:2) God does not descriminate! God is love. But God wants us to respect the truth for this is the best expression of love! Isang halimbawang isyu lamang ito na kapag pinag-usapan natin ay siguradong magkakaroon ng pagkakahati-hati sa ating mga opinyon. Iba pang halimbawa ay ang paggamit ng mga artificial means of contraception tulad ng implants, IUDs, condom. Hindi ba't hanggang ngayon ay binabatikos ang Simbahan tungkol dito? Isama natin ang paninidigan ng Simbahan laban sa same sex marriage, sa divorce, sa death penalty, sa extra-judicial killings, hindi ba't nagmimistulang kontrabida ang Simbahan natin dito? Pero magbabago ba ang paninindigan ng Simbahan? Hindi! Kailanman, ang Simbahan ay mananatiing sign of contradiction kahit pa sabihin nating ang buong mundo na ang kanyang kalaban dito. Hindi magpapadala sa agos ng mundo ang Simbahan sapagkat nakaangkla ito sa turo ni Kristo! Ipagdasal natin ang maraming Kristiyanong nanatiling tahimik sa mga pangkasalukuyang isyu ng ating lipunan. Lalo nating ipagdasal ang taong patuloy na bumabatikos sa aral ni Kristo. Na sana ay tupukin sila ng "apoy ni Kristo", ang apoy ng kanyang pagmamahal upang mapalitan ang anumang galit o pagkamuhi o pag-aalinlangan sa kanilang puso. Ito ang sabi ni Jesus: "Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa - at sana'y napagningas ko ito!" Sapagkat sa huli, ang Simbahan ay mananatiling SIGN OF CONTRADICTION!
Miyerkules, Agosto 14, 2019
ANG MAGAANG TUMATAAS! : Reflection for the Solemnity of the Assumption Year C - August 15, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit, Katawan at Kaluluwa. Marahil ay palaisipan pa rin sa atin kung papaano ito nangyari. Mayroon ba itong batayan sa Banal na Kasulatan? Dapat ba natin itong paniwalaan bilang mga Katolikong Kristiyano?
"Paano nga ba nagawang maiakyat sa langit si Maria, katawan at kaluluwa? Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... super gaang tulad ng isang lobo, kaya nagawa siyang iakyat sa langit ng Diyos!" Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII: "Si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan." Ito ang dogma ng "Immaculate Conception". Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad sa kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang labing limang taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Ang pag-aakyat kay Maria sa kalangitan ay dapat maging paalala sa atin na ang buhay natin sa lupa ay may kahahantungan. Ang langit ang ating patutunguhan at ang Diyos ang ating hantungan. Maging tapat lamang tayo katulad ni Maria sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. At ano ang Kanyang kalooban, na tayong lahat ay maging mga tapat Niyang mga anak. Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"
"Paano nga ba nagawang maiakyat sa langit si Maria, katawan at kaluluwa? Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... super gaang tulad ng isang lobo, kaya nagawa siyang iakyat sa langit ng Diyos!" Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII: "Si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan." Ito ang dogma ng "Immaculate Conception". Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad sa kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang labing limang taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Ang pag-aakyat kay Maria sa kalangitan ay dapat maging paalala sa atin na ang buhay natin sa lupa ay may kahahantungan. Ang langit ang ating patutunguhan at ang Diyos ang ating hantungan. Maging tapat lamang tayo katulad ni Maria sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. At ano ang Kanyang kalooban, na tayong lahat ay maging mga tapat Niyang mga anak. Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"
Sabado, Agosto 10, 2019
GANAP NA PANANAMPALATAYA (Revised & Reposted): Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year C - August 11, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Pamilyar na sa atin ang salitang PANANAMPALATAYA ngunit ano ba ang pakahulugan nito? Sa ating ikalawang pagbasa, sa Mga Sulat sa Hebreo, sinasabi sa ating "Tayo'y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mg bagay na di natin nakikita." May kuwento ng isang barrio na tinamaan ng El Nino. Ang ikinabubuhay ng mga tao ay pagsasaka kaya't malaking dagok sa kanila ang tagtuyot sapagkat nanatiling tigang ang kanilang mga lupain. Kaya't sa misa ng kanilang ng parokya ay hiniling ng kanilang kura-paroko ang kanilang panalangin upang umulan at ng sa gayon ay matubigan ang kanilang mga lupain at muli silang makapagtanim. "Nananalig ba kayo na sa isang linggo ay bubuhos ang isang malakas na ulan?" Sumagot naman ang lahat: "Opo Padre! Nananalig kami!" Lumipas ang isang linggo at muling nagtipon ang mga tao sa loob ng simbahan. Nalungkot ang pari sa kanyang nakita sapagkat sa mahigit isang daang nagsisimba, iisa lamang sa kanila ang nadala ng payong! Hindi natin namamalayan na araw-araw ay ginagamit natin ang pananampalataya sa ating buhay. Sa mga nagtratrabaho sa atin ay masaya nating hinihintay ang kinsenas o ang katapusan ng buwan? Bakit? Sapagkat umaasa tayong makatatanggap ng sahod. Hindi pa dumarating ngunit alam nating tatanggap tayo nito. Pananampalataya. Kapag sumasakay tayo ng jeep, paano tayong nakasisiguro na makakarating tayo ng ligtas sa ating patutunguhan? Nagtitiwala tayo sa driver di ba? E paano kung addict pala ang driver at hindi sumurender sa "Oplan Tukhang?" Patay tayo dyan! Pero nagtitiwala pa rin tayo. Kung kaya nating magpakita ng pananampalataya sa mga tao, ang tanong ay bakit hirap tayong magpahayag nito sa ating Diyos? Mayroon kasing hinihingi ito sa atin. Higit pa sa simpleng pagsasabing "Sumasampalataya ako!" Ang pananampalatayang ating tinanggap sa Binyag ay nangangailangan ng pagpapatunay o pagibibigay saksi kung tunay nga tayong mga tagasunod ni Kristo. Ang pananampalataya pagkatapos angkinin ay dapat isinasabuhay. Ang tawag natin dito ay PANANAMPALATAYANG GANAP. Kailan natin masasabing GANAP ang ating pananampalataya? Alam natin ang kahulugan nito: paniniwala at pagtitiwala. Pero kalimitan ay nakakaligtaan natin ang ikatlong katangian ng ganap na pananampalataya at ito ay ang... pagsunod! Kaya nga't madalas ay nakakakita tayo ng mga "doble-karang Kristiyano", magaling sa salita ngunit kulang naman sa gawa, saulado ang kapitulo at bersikulo ng Bibliya ngunit hindi naman isinasabuhay ito. Ang isang ganap na pananampalataya ay may kaakibat na gawa na nagpapahayag ng ating pagsunod kay Kristo. Ano ba ang nais ng Diyos sa atin? Simple lang, ang isabuhay mo ang pinaniniwalaan mo! Maging tulad tayo ng aliping laging handang naghihintay sa pagdating ng Panginoon. Hindi patulog-tulog, tamad, walang ginagawa, nagsasamantala sa kapwa. Ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay! Pananampalatayang hindi lamang laman ng mga isinaulong panalangin o kaalaman sa katesismo, ngunit isang pananampalatayang nakikita sa ating pagsaksi bilang mga tagasunod ni Kristo. Sa mga nangyayari ngayon sa ating lipunan ay hinihingi ang ating malakas na pananampalataya. Hindi lingid sa ating kaaalaman na patuloy pa rin ang maraming napapatay sa kampanya laban sa droga. Hindi ko tinutukoy ang lehitimong pagtupad ng tungkulin ng ating mga alagad ng batas bagama't nakakabahala kapag maririnig mo lagi ang kadahilanang "nanlaban" kaya napatay! Ang isa pang dapat na pagtuunan ng pansin ay ang mga tinatawag nating "summary execution" o "extra-judicial killing" na nangyayari sa maraming lugar na kung minsan ay hindi malaban ang motibo kung bakit sila pinatay. Masaya ba tayo kapag may napapatay ang mga "riding in tandem" na vigilante o mga hired professional killers? Magdarasal ka. Magsisimba ka. Tapos sasabihin mo... "mabuti nga sa kanila! Dapat maubos na ang mga rapists na yan! Dapat maubos ang mga addict sa lipunan!" Hindi ipinagttanggol ng Simbahan ang mga krimial o pinapaboran niya ang masasamang gawain ng mga tao. Ang ipinaglalaban ng Simbahan ay ang paggalang sa karapatan ng tao. Hindi mo kinakailangang maging Kristiyano upang maintindihan na mali ang walang hambas na pagpatay ng mga taong wala namang mandato para gawin ito! Suportahan natin ang kampanya ng gobyerno laban sa illegal na droga o kriminalidad ngunit huwag tayong mapipi kapag may mga taong nagsasamantala at inilalagay ang batas sa kanilang kamay! Ito ang ating pagsaksi at pagpapakita ng ganap na pananampalataya. Huwang lang nating ipangaral ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap, pagpapairal ng kaayusan, katarungan at kapayapaan, bagkus ay isagawa natin ito at patunayan sa pamamgitan ng paggalang sa karapatan ng bawat isa. Tandaan natin na sa ating pinagkalooban nito ay mas higit ang inaasahan sa atin ng Panginoon. "Much
will be required of the person
entrusted with much, and still
more will be demanded of the
person entrusted with more.” Ang pananampalatayang tinanggap natin noong tayo ay bininyagan ay inaasahan ng Panginoon na ating palalalimin habang tayo ay naglalakabay sa buhay. Ito ang pagiging isang matalinong alagad ng ng Panginoon, “Who, then, is the faithful and
prudent steward whom the
master will put in charge of his
servants to distribute the food
allowance at the proper time?
Blessed is that servant whom
his master on arrival finds doing so. Truly, I say to you, the
master will put the servant in
charge of all his property." Maging mga tapat tayong alagad ng Panginoon na laging handang magsulit ng mga ipinagkatiwala niya sa atin, anumang oras na maratnan niya tayo sa kanyang "biglaang pagdating." Ito ang pagpapakita ng isang GANAP NA PANANAMPALATAYA.Sabado, Agosto 3, 2019
KASAKIMAN AT TUNAY NA KAYAMANAN: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year C - August 4, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Marami ang nagulantang noong nakaraang July 27, 2019 nang magsimulang isarado ng mga kapulisan ang mahigit 923 lotto outlets sa buong bansa kasama na rin ang STL (Small Town Lottery), Keno, Peryahan ng Bayan ayon na rin sa kautusan ng Pangulong Duterte dahil daw sa alegasyon ng katiwalian ng ilang namumuno dito. Ngunit pagkatapos lamang ng tatlong araw, July 30, 2019, ay muling binuksan ang lotto outlets, ngunit hindi kasama ang STL at ang ilang gaming schemes, dahil na rin sa legal na implikasyon nito at kasama na rin ang maraming kritikong tinanggap ng pamahalaan mula sa iba't ibang sektor at maging sa mga mamamayang naapektuhan ng desisyon na ito. Isa ka ba sa mga umangal dito? Halos itinuring ng "pambansang sugal" ang pagtaya sa lotto. Para sa iba, ito ay libangan lang daw at para pa rin sa ilan ay paghahanap ng magandang kapalaran. Tumataya ka ba sa lotto? Ano kaya ang iyong magiging re-aksyon kapag sinabihan kang nanalo ka sa lotto ng 50 million pesos sa jackpot draw ng Lotto? Marahil matutulala ka. Marahil mapapatalon ka sa tuwa. Marahil mahihimatay ka. Marahil aatakihin ka sa puso! Ito ang naging problema ng isang pamilya ng malaman nilang nanalo ang kanilang lolo ng 50 million pesos sa lotto. Paano nila sasabihin sa kanya ang magandang balita sa kanilang lolo na hindi niya ikakamamatay sapagkat siya ay matanda na at may sakit sa puso. Naisip nilang magpatulong sa kanilang kura-paroko sapagkat siya ay matalik na kaibigan ng kanilang lolo. Sinabi nila ang mahirap na sitwasyon at pumayag namana ang butihing pari. Kaya't isang gabi ay bumisita ang pari sa kanilang bahay. Nag-usap ang dalawang magkaibigan at ng makakuha ang pari ng tamang tiyempo ay tinanong niya ang matanda: "Lolo, kung sakali bang mananalo kayo ng 50 million sa lotto, ano ang gagawin ninyo?" Walang pasubaling sumagot ang matanda: "Aba, padre dahil magkaibigan tayo ay ibibigay ko sa simbahan ang kalahati!" At biglang bumulagta ang pari, nangisay... inatake sa puso! Ikaw nga naman ang magkaroon ng ganung kapalaran! Ngunit may mga taong hindi pabigla-bigla. Magaling silang mag-isip. Madiskarte sila. Mautak. Yun lang nga sila rin ay sakim. Makasarili. Ito ang babala sa atin ni Jesus: "Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan." Hindi sinasabi ni Jesus na masama ang kayamanan. Ang hindi niya rin sinasabing mali ang magpayaman. Ang nais niyang ipaintindi sa atin ay ang dapat nating pinahahalagahan sa ating buhay. Hindi ang mga bagay na materyal ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan. Sa unang pagbasa sinabi ng mangangaral: "Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay!" Hindi niya sinasabing huwag na tayong maghangad ng mga bagay upang umunlad ang ating buhay! Kailangan nating magtrabaho para mabuhay. Kailangan nating mag-ipon ng kayamanan para sa ating seguridad. Ngunit ang ipinapaalala sa atin ay mag-ingat sa labis na paghahangad nito. Mag-ingat sa kasakiman! Sa ating Ebanghelyo ngayon ay pinapaalalahanan tayo sa sasapitin ng taong nagtitipon ng kayamanan para lamang sa sarili ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos! Muli ay ibinabalik tayo ni Jesus na suriin ang ating sarili at tingnan kung ano ba ang pinahahalagahan natin sa ating buhay. Marahil ay ipinanganak tayong may kaya. Marahil nagsikap tayo upang umunlad ang buhay natin. Pasalamatan natin ang Diyos! Ngunit hindi sana natatapos doon. Tingnan din natin kung papaano natin magagamit ang mga ito sa tamang paraan upang mapaunlad ang ating kabuhayan at makatulong din sa mga taong nangangailangan. Tayo ay tagapag-alaga lamang ng mga bagay na bigay sa atin ng Diyos. Sa sandali ng ating kamatayan ay magsusulit tayo sa mga bagay na ipinagkatiwala niya sa atin. Nakakatakot na matawag niya rin tayong "Hangal!" sapagkat naging sakim tayo! Sikapin nating itama ang ating pagpapahalaga sa buhay! Tingnan natin ang ating mga puso kung ano ba ang nilalaman nito sapagkat ito ang makapagsasabi kung anung uring tao tayo. Ibalik natin ang ating loob sa Diyos kung saka-sakaling nilamon na ng kasakiman ang ating mga puso. Maging mapagbigay tayo na walang hinihintay na kapalit. Magkaroon tayo ng puso sa mga taong lubos na nangangailangan. Buksan natin ang ating mga puso sa tunay na pagbabahaginan. Ito lamang ang paraan upang malabanan natin ang kasakiman sa mundo. Ito lamang ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kayamanan at kaligayahan. Kung meron ka nito ay hindi mo na kinakailangang tumaya sa lotto. Hindi ka na maaapektuhan kahit ipasara pa itong muli.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)








