Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Marso 16, 2019
PAG-ASA SA PAGABAGONG ANYO: Reflection for 2nd Sunday of Lent Year C - March 17, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ang panahon ng Kuwaresma ay pagkakataon para sa ating magbalik-loob, magbagong buhay... magbagong-anyo. Hinihikaya't tayong sa isang pagbabago na hindi lamang sa ating panlabas na kaanyuan, ngunit higit sa lahat, isang pagbabago na kung saan ay nawawala ang ating pagiging makasarili at nagiging katulad tayo ni Kristo. May kuwento na minsan ay may isang matandang dalaga, tipikal na "manang ng simbahan" na napasaisip tungkol sa kanyang kasalukuyang katayuan. Matanda na siya. Halos buong buhay n'ya ay ibinuhos niya sa paglilingkod sa simbahan. Sa katunayan, ay nagmimistulang antigo imahen na ang kanyang anyo at nangangamoy kandila na ang halimuyak ng kanyang katawan. Pag-uwi sa bahay ay humarap siya salamin at sa kauna-unahang pagkakataon naglakas loob siyang lumabas, pumunta sa isang derma clinic upang magpabanat ng mukha, magpaayos ng buhok sa isang parlor at mamili ng mga modernong damit at kasuotan. Sa madaling salita, isang total make-over ang kanyang ginawa kaya't sa muli niyang paglabas ng bahay ay isang bagong nilalang na ang naglalakad sa lansangan. Hindi mo na sya makikilala. Nagbagong-anyo ang manang ng simbahan! Yun lang nga sa pagtawid niya sa kalsada ay hindi niya napansin ang rumaragasang sasakyan. Siya ay nabangga at namatay. Sa kabilang buhay ay galit na galit siyang humarap kay San Pedro. "Hindi ito makatarungan San Pedro. Nagsisimula pa lang akong mag-enjoy at kinuha mo na agad ako sa mundo!" Napatingin si San Pedro sa kanya at agad-agad tinanong ang kanyang pangalan. Hinanap niya ito sa listahan ng mga dapat nang magsulit ng kanilang buhay sa araw na iyon. At laking pagpapaumain na sinabi ni San Pedro kay manang na: "Pasensiya na po lola, abay hindi namin kayo namukhaan... sobrang NAGBAGONG ANYO kayo!" Kung may pagbabago mang inaasahan sa atin ang Panginoon sa panahong ito ng Kuwaresma ay ang pagbabagong totoo na dapat magpatulad sa atin kay Kristo! Ang pagbabagong ito ay hindi agaran at isang sandali lamang. Ang pagbabago ay isang proseso na dapat nating daanan bilang Kristiyano. Pagbabagong dumadaan sa paghihirap, sakripisyo at pagkamatay sa ating lumang sarili upang makamit natin ang bagong anyong katulad ng kay Kristo. Natural sa ating mga tao na iwasan ang paghihirap kung maari nga lamang. Ngunit hindi ito ang dapat na nangyayari sa isang taong nagnanais ng tagumpay. Ang sabi nga ng ilang kasabihan: "No pain, no gain!" "No guts, no glory!" At meron pa... "No ID, no ENTRY!" Teka, ano ang konek ng No ID, no entry sa paghihirap na dapat nating pagdaanan bilang Kristiyano? Simple lang ang sagot. Ang ID ng isang Kristiyano na nagbibigay sa kanya ng kanyang "identity" ay ang PAGHIHIRAP. Paghihirap na pinagdaanan ni Jesus upang mailigtas tayo sa kasalanan. At dapat bilang mga Kristiyano ay lagi nating isinusuot ito sa ating pang-araw-araw na buhay. Ito ang daang dinaanan ni Kristo... ang Daan ng Krus! Sa isang Kristiyano, walang Linggo ng Muling Pagkabuhay na hindi dadaan sa Biyernes Santo. Kaya nga sa panahon ng Kuwaresma ay nakikibahagi tayo sa paghihirap ni Jesus nang sa gayon ay makasama rin natin siya sa Kanyang Muling Pagkabuhay! "Guro, mabuti pa'y dumito na tayo!" ang sabi ni Pedro pagkatapos niyang makita ang pagbabagong anyo ni Jesus. Marahil ay manghang-mangha si Pedro sa kanayang nasaksihan at ayaw na n'yang magising sa pagkamangha. Ngunit pagkatapos ng pangitain ay bumaba uli sila sa bundok upang ipaunawa sa kanila ni Jesus na dapat nilang harapin ang mapait na katotohan na ang kanilang kinikilalang "Panginoon" ay nararapat maghirap at mamatay sa krus. Kailangan daanan muna ni Jesus ang daan ng Krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay. Ito rin ang daan na nais ni Jesus na ating tahakin lalo na sa pagnanais nating magbago. Huwag nating ayawan ang mga paghihirap na ibinibigay ng Diyos sa atin. Ito ay ang mga krus na dapat nating pasanin araw-araw kung nais nating makasama si Jesus. May kaluwalhatiang naghihintay tulad ng ipinaranas ni Jesus sa mga alagad ngunit hindi nito tinatanggal ang mga kahirapang dapat nating harapin. Ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay isang magandang paalala sa atin na huwag panghinaan ng loob kapag nahaharap tayo sa malalaking problema at suliranin sa buhay. Huwag tayong mawalan ng pag-asa kapag sa harap ng maraming pagkabigo. Huwag tayong masadlak sa kadiliman sapagkat may liwanag na naghihintay sa Muling Pagkabuhay ni Kristo!
Sabado, Marso 9, 2019
THE REAL MOMO CHALLENGE: Reflection for the 2nd Sunday of Lent Year C - March 10, 2019 - YEAR OF THE YOUTH / LENTEN SEASON
Naging trending topic kamakailan sa social media at maging sa mainstream media ang "Momo Challenge". Sa katunayan ay ilang araw din itong naging laman ng mga balita at nagdala ng takot hindi lang sa mga bata ngunit maging sa mga magulang. Marami ang pumatol dito dahil nga naman sa pangambang pinsala na maaari nitong maibigay lalong-lalo na sa mga bata. Nitong huling mga araw ay may lumabas na balitang isang "viral hoax" lang naman pala ito. Ibig sabihin ay walang katotohanan ang mga balitang kumakalat na may mga namatay dahil sa pagtanggap sa mga "Momo Challenge" at lalo ng walang karakter na "momo" na dadalaw sa inyong bahay para patayin ang mga mahal mo sa buhay. Bagamat wala namang palang katotohanan ay may sinabi pa rin ang ating Simbahan tungkol sa mga ganitong nakapangangambang gawain. Ang sabi ng isang obispo: "Ang anumang nagdadala sa sinuman sa pananakit sa sarili o pananakit sa kapwa ay hindi nagmula sa Diyos kundi gawain ng demonyo." Kung minsan ay mapapaisip ka kung paanong ang nakakatakot na bagay ay ginagamit ng demonyo upang makaakit ng mga tao upang gumawa ng kasamaan. Hindi ito ang kanyang pamamaraan lalo na sa kasalukuyang panahon. Kalimitan, ginagamit ng demonyo ang mga bagay na nakakaakit sa atin at nagbibigay ng kaluguran sa ating katawan. Ang pagtukso kay Jesus sa ilang ay ang isang magandang halimbawa. Hindi magpapakita ang diyablo sa kanyang anyong nakakatakot bagkus ginagamit niya ang "kahali-halinang tukso" upang maakit niya ang bawat isa sa atin. Kaya nga mali ang sinasabi ng awit na "O tukso, layuan mo ako!" sapagkat ang tukso ay natural na umaakit at lumalapit. Tayo dapat ang lumalayo dito sapagkat sa ganang atin ay hindi natin kayang labanan o tapatan ang lakas ng pang-aakit nito sa sandaling ito ay nasa atin ng harapan. Sa pagpasok ng panahon ng Kuwaresma ay inaanyayahan tayo ng Simbahan na talikuran ang kasalanan at sumampalataya kay Jesus. Ito ay narinig natin noong tayo ay tumanggap ng abo sa ating mga noo. Ang pagtalikod sa kasanalan ay nangangahulugan ng pagsisisi at pagsisikap na labanan ang tuksong pinangungunahan nito. Si Jesus ay nagbibigay sa atin ng dalawang paraan upang mapagtagumpayan ang tukso. Ginamit niya ang dalawang siguradong sandatang makadadaig dito: ang panalangin at pag-aayuno. Ito rin ang iminumungkahing paraan ng Simbahan sa atin upang mapagtagumpayan natin ang tukso ng diyablo. Sa panahon ng Kuwaresma ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Sanayin natin ang ating sarili na makipag-usap sa Diyos. Maglaan tayo ng "quality time" para sa Kanya. Sikapin din nating gumawa ng mga sakripisyo tulad ng pag-aayuno. Ito ay hindi lamang pakikibahagi natin sa paghihirap ni Jesus kundi ito rin ay epektibong paraan ng pagdisiplina sa ating mga sarili. Kapag kaya nating tanggihan ang mga kasarapang dala ng ating mga hilig ay makakaya rin nating tanggihan ang mga tuksong darating sa ating buhay. Marahil ay "viral hoax" lang nga ang "momo challenge", ngunit tandaan nating mas makatotohanan ang araw-araw na pagharap natin sa mga tukso na ibinibigay sa atin ng demonyo! Maging maingat tayo. Maging mulat sa mga nangyayari sa ating palagid. Panatilihin nating nakatuon ang ating "moral compass" sa kung ano ang tama at makatotohanan. Huwag tayong magpalinlang sa nakakahalinang panghihikayat ng diyablo. Ito ang tunay na "momo challenge" na hindi dapat pinapatulan nating mga kristiyano na kapag nagpagamit tayo ay siguradong ikapapahamak na tuluyan ng ating kaluluwa.
Martes, Marso 5, 2019
MAGSISI AT SUMAMPALATAYA: Ash Wednesday - March 6, 2019 Year C - LENTEN SEASON
Miyerkules na naman ng Abo! Susugod na naman tayo sa simbahan upang madumihan ang ating noo. Panahon na naman na kung saan ay hihikayatin tayong palalimin ang ating buhay panalangin. Panahon na naman na kung saan ay makakaramdam tayo ng gutom. Panahon na naman upang makapagbigay tayo ng tulong sa ating kapwa lalo na ang higit na nangangailangan. Ang araw na ito ang simula ng panahon na tinatawag nating Kuwaresma o ang apatnapung araw ng paghahanda natin sa pagdiriwang ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus. Sa araw ding ito ay isinasagawa natin ang ikatlong utos ng Simbahan na "fasting and abstinence". Minsang may isang dalagitang nagsabi sa isang pari : "Father, di ko na kailangang magfasting ngayong Lent! Matagal ko po'ng ginagawa yan... nagdidieting naman po ako!" "Ineng," ang sabi ng pari, "ang dieting ay para maging kahali-halina ang figure mo, ang fasting... para maging kaaya-aya ang kaluluwa mo." Ito dapat ang iniisip natin tuwing papasok ang kuwaresma: "Paano ko ba magagawang kahali-halina ang aking kaluluwa? Paano ko ba mapapabanal ang aking sarili?" Madami na tayong pagdisiplinang ginagawa sa ating katawan. Kung tutuusin ay labis na ang ating pag-aalaga dito. Pansinin mo na lang ang mga produktong lumalabas sa mga advertisements sa television: may non-fat milk, may sugar free na cofee, may mga diet softdrinks, at marami pang iba. Halos lahat ay para sa mapanatili ang magandang pangangatawan. Kailan pa natin pagtutuunan ng pansin ang ating kaluluwa? Ang panahon ng Kuwaresma ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang mapahalagahan ang ating kaluluwa. Sa pamamagitan ng pag-aayuno ay madidisiplina natin ating kaluluwa. Sa pamamagitan ng panalangin ay mapapalalim natin ang ating kaugnayan sa Diyos. At sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa ay tinatalo natin ang ating pagkamakasarili! Ngunit pansinin na balewala ang lahat ng ito, kahit na ang mismong paglalagay ng abo sa noo, kung di naman bukal sa ating sarili ang pagnanais na magbago. Pansinin ang ebandhelyo ngayon: Balewala ang paggawa ng mabuti, pagdarasal at pag-aayuno kung pakitang-tao lamang! Isapuso natin ang tunay na pagbabago! Ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa kaibuturan ng puso ng tao at hindi sa panlabas na pagpapakita nito. Pakinggan mong mabuti ang sasabihin ng pari kapag nagpalagay ka ng abo... "Magsisi ka sa iyong mga kasalanan at sumampalataya sa Ebanghelyo!" Iyan ang tunay na pagbabago at iyan ang dapat na isasaloob natin sa apatnapung araw ng Kuwaresma.
Sabado, Marso 2, 2019
PETMALUNG SALITA: Reflection for 8th Sunday in Ordinary Time Year C - March 2, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Paano ba nakikita ang kalooban ng isang tao? Sagot: sa pamamagitan ng kanyang mga salita. Sa pagbukas ng bibig ng isang tao ay malalaman natin ang nilalaman ng kanyang puso! Kung panay pagmumura, kalaswaan at pagpatay ang lumalabas sa kanyang bibig ay huwag nating asahang maganda ang kanyang pagkatao! May kuwento ng isang malaking barko, isang inter-continental ship ang naaksidente papalubog sa gitna ng dagat. Sakay-sakay nito ang mga dalawampu't tatlong presidente ng iba't ibang bansa na dumalo sa isang world summit. Inihanda ang isang malaking life-boat para sa kanila ngunit sa kasawiang-palad ay dalawampu lamang ang kaya nitong isakay. Ibig sabihin, kinakailangang magparaya ang tatlo sa kanila upang mailigtas ang dalawampu. Naunang nag-volunteer ang presidente ng Spain. Tumayo siya at sumigaw ng "Viva Espana!" sabay talon sa dagat. Sumunod na nagtaas ng kamay ang presidente ng Estados Unidos, si Pres. Trump, at sumigaw siya ng "Long live America!" at sabay talon sa dagat. At siyempre, papahuli ba naman ang ating presidente Digong? Nakangisi siyang tumayo at sumigaw ng "Mabuhay ang Pilipinas!" Sabay tulak sa presidente ng North Korea! Sigaw ang mga tao sa barko ng "Wow Rodi lodi... ang lakas ng werpa mo... PETMALU!!!" May nagtanong sa kanya... bakit hindi presidente ng China ang tinulak mo? "Ba't ko gagawin yon e BFF ko yun!" hehehe... Kuwento lang mga kapatid. Kayo na ang bahalang umunawa! Pero, may katotohanan nga ang sabi ni Jesus na ang bawat isa ay nagsasalita mula sa kung ano ang nasa puso niya. Ito ang sinasabi sa unang pagbasa sa Aklat ni Sirach: "The
fruit of a tree shows the care it
has had; so too does a man’s
speech disclose the bent of his
mind." Kaya wag muna nating purihin ang tao bago natin siya pakinggan. Masusuri natin ang isang tao sa kanyang pagsasalita. Ito rin ang sinasabi sa Ebanghelyo: "A good
man produces goodness from
the good in his heart; an evil
man produces evil out of his
store of evil. Each man speaks
from his heart’s abundance." Nagsisimula na ngayon ang pangangampanya ng mga kandidato sa darating na eleksiyon. Hindi ugali ng Simbahan na mag-endorso ng mga kandidatong dapat nating iboto. Ang sinabi ng Simbahan ay maging mapanuri tayo sa pagpili ng ating mga magiging pinuno. Pakinggan natin ang ang pananalita ng mga kakandidato dahil makikita natin dito ang kanilang pagkatao. Dahil sa pagsasalita ay mailalahad nila ang kanilang saloobin at plataporma para sa ating bayan. Hindi masama ang makipagdebate sapagkat masusukat natin dito ang nilalaman ng kanilang puso at ang mga paniniwala nila. May mga kandidatong umiiwas sa debate. Kampante na sila sa mga pakamay-kamay at pasayaw-sayaw sa enteblado. Pero paano natin malalaman ang kanilang saloobin kung hindi sila magpapaliwanag ng kanilang pinaninindigan? Totoo na mahalaga ang gawa kaysa salita. "Action speaks louder than voice!" Pero paano natin malalaman ang kanilang pananaw para sa ating bayan kung mas pipiliin nilang tumahimik na lang? Kung marumi ang pag-iisip ng isang tao, kahit na gaano pagkaingat-ingatan ang pagbuka ng kanyang bibig, madudulas at madudulas din siya! Sa ganang atin naman, bilang mga Kristiyano, ay hinihimok tayong ingatan ang ating pagsasalita at ating pag-iisip. Magkaroon tayo ng malinis at tuwid na pag-iisp ng sa gayon ay magagawa nating magsabi sa iba ng kanilang kamalian na dapat itama. Kung hindi ay magiging hipokrito tayo tulad ng sabi ni Jesus: "Hypocrite, remove the plank
from your own eye fi rst; then
you will see clearly enough to
remove the speck from your
brother’s eye." Katulad din yan ng kanta ni Rico J: "Bago mo linisin ang dungis ng yong kapwa, hugasan ang yong putik sa mukha!" Magagawa natin yan kung may malinis tayong pag-iisip at pananalita. Paano natin malilinis ang kalooban natin? Paano natin maayos ang ating puso at damdamin? Una, huwag nating pasukan ng dumi ang ating kalooban. Dumadaan ito sa 'ting mga mata at tainga kaya bantayan natin ang ating nakikita at naririnig. Pangalawa ay alamin natin ang katotohanan. Wag tayong makinig sa sabi-sabi ng iba. Wag tayong mabuhay sa kasinungalingan. Wag tumangkilik sa mga fake news! Pangatlo, matuto tayong magpatawad o magpaumanhin kung may masama tayong karanasan sa ibang tao sa halip na magkimkim tayo ng galit at sama ng loob. Tandaan natin na ang magpatawad ay nakabubuti hindi lang sa taong pinatawad kundi sa tao ring nagpapatawad. At panghuli, piliin natin na isipin ang mga bagay na mabuti. Kung magagandang bagay ang nasa loob natin, magagandang pananalita ang lalabas sa ating bibig. Ang sabi ni San Pablo sa kanyang Sulat sa mga taga Efeso: "Let no corrupting talk come out of your mouths, but only such as is good for building up, as fits the occasion, that it may give grace to those who hear." Pakatandaan: mahuhuli tayo sa ating "petmalung" pananalita!
Linggo, Pebrero 24, 2019
UNCONDITIONAL LOVE: Reflection for 7th Sunday in Ordinary Time Year C - February 24, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Halos patapos na tayo sa "Buwan ng Pag-ibig" at marahil magandang kamustahin natin ang ating relasyon sa isa't isa. Ano na ba ang relationship status mo? Sa facebook ay makikita pa ang mga status tulad ng single, married, in a relationship, it's comlplicated at nadagdagan pa ito ng engaged, married, widowed, separated, divorced, in civil union, in a domestic relationship. Isama na natin ang mga kakaibang jejemon relationship tulad ng MOMOL (Make Out Make Out Lang), MOMOX (Make Out Make Out Extreme), HOHOL (Hang Out Hang Out lang) COCOL (Coffee Coffee Lang) MU (Mutual Understanding? Hindi... MU for Malanding Ugnayan! hehehe) Anuman ang relationship status mo, ang mahalaga pa rin ay ang madama mo na may nagmamahal sa 'yo. Kaya nga dapat tinatanong natin sa isa't isa ang katagang "Mahal mo ba ako?" Mahal ba ako ng asawa ko? Mahal ba ako ng mga anak ko?... ng mga kaibigan ko?... Mahal ba ako ng aking Diyos? Isang ngo-ngo ang despiradong nagdasal sa loob ng Simbahan. Lagi na lang siyang niloloko ng kanyang mga kasama dahil sa kanyang kapansanan kaya madalas siyang nadadala ng depression. Sa sobra niyang pagkalungkot ay buong tapang niyang tinanong ang Diyos kung talagang mahal pa siya nito. Nakita niya ang isang malaking krusipiho sa bandang sacristy at buong lakas niyang sinabi: "Mainoon, maal mo ma ao? (Panginoon, mahal mo ba ako?) Mait ao niloloo ng mga ao? Mait mo ako inawang ngo-ngo? Anung aalanan o? Tahimik ang paligid. Walang sumagot. Kaya't muli niyang isinigaw: "Mainoon maal mo ma ao? Umaot ka kun undi, magpapaamatay ao!" May nakarinig pala sa kanya, ang sakristan na isang ngo-ngo rin na nakasimpatya sa kanyang abang kalagayan kaya't sumagot siyang patago: "Ngo-ngo... maal na maal ita. Iniiip nilay indi maalaa. Maal ita maing ino a man..." Sagot si ngo-ngo: "Mainoon... ngo-ngo a rin?" May tama si ngo-ngo! Sobrang mahal siya ng Diyos. Sa sobrang pagmamahal na ito ay nakiramay siya sa ating abang kalagayan. Kinuha niya ang ating pagka"ngo-ngo"... ang ating kahinaan bilang tao. Higit pa riyan, ang Diyos na ito ay nagmahal sa atin na walang pagtatangi, walang kundisyon, walang limitasyon. "Mahal kita, maging sino ka man..." ang sabi nga ng linya ng isang awit. Ang pagmamahal na ito ay ang tinatawag nating "unconditional love" na patuloy niyang ipinadadama sa ating mga makasalanan. Mas malaki ang pagkakasala mas malakas dapat nating madama ang pag-ibig ng Diyos! Dito ay makikita natin ang malaking pagkakaiba ng pag-ibig ng Diyos sa pag-ibig ng tao. Para sa Diyos ang pag-ibig ay hindi lang feeling kundi willing. Ginusto ng Diyos na mahalin niya tayo sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Kaya nga't nasabi niyang: ''...Love your enemies, do good to those who hate you, bless those who curse you, pray for those who mistreat you!" At para bigyan ito ng paglalarawan ay sinabi niyang ibigay mo ang kanang pisngi kapag sinampal ka sa kaliwa na alam natin mas masakit. Ibigay mo na rin ang balabal mo pag hiningi ang iyong baro! Ang ibig sabihin ng Panginoong Jesus ay "go the extra mile" kung tayo ay magmamahal. Isang magandang paala sa ating mundong unti-unting niyayakap ang kultura ng kamatayan: poot, karahasan at paghihiganti. Kaya hindi siguro mahinto ang kaguluhan sa ating palagid. Totoo ngang "An eye for an eye will make the whole world blind" (Indira Gandhi). Kaya ang sunod na paalala ng Panginoon ay: "Be merciful, just as your Father is merciful... Forgive and you will be forgiven!" Sana ay matuto rin tayong magmahal katulad ni Kristo na ang panukat ng pagmamahal ay ang magmahal na walang panukat. May mga tao ka bang hanggang ngayon ay nagdadala sa iyo ng sama ng loob? Tumahimik ka sandali. Alalahanin mo ang kanilang mga mukha. Subukan mong magpatawad mula sa iyong puso. Isama mo sila sa iyong panalangin sa Misang ito. Kapag nagawa nating umunawa at magpatawad ay babalik din sa atin ang pagpapala ng "siksik, liglig at nag-uumapaw!" "Give, and gifts will be given to you; a good measure, paced together, shaken down, and overflowing, will be poured into your lap!"
Sabado, Pebrero 16, 2019
ANG SAWIMPALAD AT MAPAPALAD: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year C - February 17, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Bagamat natapos na ang Valentines Day noong February 14, ang buong buwan ng Pebrero ay tinatawag pa ring "love month". Sa katunayan, maari pa tayong bumawi kung may nakalimutan tayong padalhan ng mga simbolo ng ating pagmamahal. Isaalang-alang lang natin ang mga "kulay" ng ating ipapadala upang maging mas makahulugan sa mga taong ating pagbibigyan. Halimbawa, sa isang taong tunay mong minamahal hanggang sa kabilang buhay ay bigyan mo s'ya ng GREEN ROSES. Nakakita ka na ba nito? Wala di ba? Sapagkat ang sabi nila ang "green roses" daw ay matatagpuan lamang sa hardin ng kalangitan. Sa mga "crushes" mo naman na kung saan ay mayroon ang paghanga ay maari kang magbigay ng WHITE CHOCOLATES. White upang maipadama mo sa kanya ang malinis mong hangarin ng paghanga. Sa mga kaibigan naman ay puwede ng magbigay ka ng PINK BALOONS! Hindi ko alam kung bakit pink. Bahala na kayong magbigay ng kahulugan! hehe. At sa mga taong "loveless" anu kaya ang tamang kulay na ating ibibigay? Puwede mo siyang bigyan ng color RED! Bakit RED? Bigyan mo siya ng RED HORSE! Red horse extra-strong beer! Samahan mo na rin ng pulutan para mas masaya! hehehe... Sinasabi nilang SAWIMPALAD daw ang mga pusong sawi! Mukhang totoo nga naman... Kasi nga, kapag loveless ka ang buhay ay "parang aso na walang amo. Parang adik na walang damo. Parang dinuguan na walang puto. Parang Zesto na walang staw. Parang tinola na walang sabaw. Parang babae na walang dalaw. Parang bahay na walang ilaw... Parang ako na walang ikaw! " Lakas ba ng hugot? Bakit nga naman ganun tayo mag-isip? Para bagang wala ng karapatang lumigaya ang mga taong SAWIMPALAD. Ganito kasi mag-isip ang mundo! Kawawa ang mga nagdadalamhati. Kawawa ang mga mahihirap. Kawawa ang mga nagugutom... Ang sukatan ng mundo ay kung ano ang meron ka ang siyang magpapaligaya sa 'yo! Ngunit iba ang logic o pag-iisip ng Diyos. Para sa Diyos, mapalad ang mga dukha. Mapapalad ang ma nagugutom. Mapapalad ang mga tumatangis... Parang katawa-tawa ata mag-isip ang Diyos! Ngunit kung iyong pag-iisipan ng malalim at itataas mo ang iyong pang-unawa ay matatanto mong tama ang tinatawag ni Jesus na "Mapapalad." Sapagkat ang kaligayahan ng mga taong kawawa sa mata ng mundong ito ay ang pagtitiwala sa Diyos na kanilang tanging mapanghahawakan. Hindi ang mundong ito ang sukatan ng kanilang pagiging mapalad sapagkat ang kaligayahang ibinibigay ng mundo ay panandalian lamang at may katapusan. Sa mundong ito ay binibigyan lamang tayo ng dalawang pagpili. Ang magpakabuti o maging masama. Ang maging masaya o malungkot. Ang magmahal o manghamak ng kapwa. Ang sumuway sa mga utos ng Diyos o maging masunurin. Nasa atin ang pagpili kung nais ba nating maging mga taong mapapalad o sawimpalad! May nagsabi sa akin na ang PAG-IBIG daw ay hindi Feb 14. Ang pag-ibig daw ay John 3:16. Ano ba ang nasasaad sa John 3:16: "For God so love the world that He gave his only Son..." Totoo nga naman, ang tunay na pag-ibig ay "selfless sacrifice" at ito ay ipinakita ng Diyos Ama sa pagbibigay ng kanyang bugtong na Anak. Ang Anak na ito ng Diyos ang nag-alay ng kanyang buhay sa krus dahil itinuring n'ya tayong lahat na kaibigan! Walang siyang kundisyong ibinigay sa kanyang pagmamahal. Minahal niya hindi lang ang mabubuti ngunit kahit na rin ang mga masasama. Hindi lang banal ngunit gayun din ang mga makasalanan. Ang pag-ibig ng Diyos ay unconditional love. Ito rin ang pag-ibig na ninanais ng Diyos na sana ay maipadama natin sa iba. "Love your enemies, pray for those who persecute you!" Magmahal tayo na walang hinihintay na kapalit. Magmahal tayo kahit na nangangahuugan ito na masasaktan tayo sa ating pagbibigay. Magmahal tayo kahit na may kasamang sakit at paghihirap. Kapag nagawa natin ito, masasabi mong tunay kang nagmahal! At dahil dito ay tatawagin kang MAPALAD at hindi SAWIMPALAD!
Sabado, Pebrero 9, 2019
FISHERS OF MEN: Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time - Year C - February 10, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ngayon ay YEAR OF THE PIG para sa mga sumusunod sa Chinese Zodiak ayon Chinese Calendar.Kaya bida ang mga pinanganak sa mga taong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019. Congratualations! Magmumukhang baboy kayo sa taong ito! hehehe... Merong kwentong pabula (fable) tungkol sa tatlong magkakaibigang manok, baka at baboy na naglalakad sa kalsada at nakakita sila ng isang batang pulubi na buto't balat ang katawan. Naawa sila at nangako silang tutulungan ang bata at magbigay ng maaari nilang ibahagi sa bata. Sabi ng manok... "ako nangangakong magbibigay ng aking itlog araw-araw!" Ang sabi naman ng baka... "ako naman nangangakong magbibigay ng aking gatas tuwing umaga!" At natahimik ang baboy. Naisip niya: "Wala akong itlog na maibibigay. Lalo namang hindi siya umiinom ng gatas ng baboy... anong ibibigay ko?" Ang sabi niya sa dalawang kaibigan. "Hindi ko kayang magbigay ng itlog at gatas pero may maibibigay ako na kapag ginawa ko ay katapusan ko na! Puwede kong ibigay ang aking buong PAGKABABOY!" Ang tawag sa ganyang uri ng pagbibigay ay "total commitment". Ito rin ang ipinakita ng mga unang alagad ni Jesus, ang mga mangingisdang sina Simon, Juan at Santiago. "Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus." Siguradong hindi naging madali sa kanila ang iwan ang kanilang pamilya at kabuhayan upang sundan ang isang karpentero ng Nazareth. Walang kasiguraduhang naghihintay sa kanila sa pagsunod kay Jesus ngunit nagawa nilang isuko ang lahat para lamang sundan Siya. Ang pagtawag ni Jesus sa mga unang alagad ay pagtawag din para sa ating lahat. Hindi lamang ito para sa mga pari, relihiyoso o mga madre. Ito ay pagtawag sa ating lahat sapagkat tayong lahat ay hinirang ng Diyos bilang kanyang mga alagad! Lahat tayo ay ipinadadala ng Diyos at isinusugo Niya upang magbigay saksi tungkol sa kabutihan ng Diyos at sa Kayang biyayang pagliligtas. Ito ang paalala sa atin ng turo ng ating Simbahan: "Incorporated into Christ's Mystical Body through baptism, and strengthened by the power of the Holy Spirit through confirmation, the laity are assigned to the apostolate by the Lord himself." Kung ating pagninilayan ang mga pananalitang ito ay masasabi nating ang misyon ng Simbahan ay hindi lang gawain ng pari o relihoyoso/relihiyosa. Ito ay para sa lahat! Ito ang ating pagiging "mamamalakaya ng tao". At hindi mo kinakailangang lumayo upang maisakatuparan ito. Kung ikaw ay may pamilya ay doon ka ipinapadala ng Diyos. Kung ikaw ay nag-aaral ay ipinapadala ka naman sa iyong paaralan. Kung ikaw ay manggagawa ay ipinapadala ka naman sa lugar na iyong pinagtatrabahuhan. Ibig sabihin ay walang dahilan upang hindi mo magampanan ang pagiging alagad ni Kristo. Kailan ka huling gumawa ng kabutihan para sa iba sa ngalan ng Diyos? Nagawa mo na bang magsalita o magbahagi ng tungkol sa Diyos sa iyong kapwa? Ang hadlang a misyong ito ay ang pag-iisip lang sa ating sarili. Ito ang dapat nating iwaksi at iwanan kung paanong iniwan ni Pedro at ng mga unang alagad ang lahat-lahat. Magagawa rin natin ito kung kinikilala natin na tayo ay makasalanan at hindi karapat-dapat katulad ng pagkilala ni Pedro na siya ay hindi karapat-dapat kay Jesus Sapagkat kung alam natin ito ay maiintindihan natin na ang misyong ibinigay sa atin ay hindi para sa ating sarili kundi ito ay sa Diyos. Tayong lahat ay tinatawagang "manghuli ng mga tao" para sa Kanya sa pamamagitan ng ating mabuting halimbawa at pagsaksi bilang mga tunay na Kristiyano.
Sabado, Pebrero 2, 2019
PROPHETIC CHURCH: Reflection for 4th Sunday in Ordinary Time Year C - February 3, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ayaw na ayaw nating makarinig ng "badnews." Sino nga ba naman ang may gusto nito? Kaya nga sa misa ang pinahahayag ay ang "Mabuting Balita" o "Ebanghelyo" ng Panginoon. Sa ating buhay mas katanggap-tanggap ang mabuting balita kaysa masamang balita. "Isang mister ang nagsabi sa misis niya, na kapag-uuwi siya ng bahay ay huwag na siyang sasabihan ng "badnews" o anumang problema. Isang araw, pagpasok ni mister ng bahay, sinabi niya kaagd sa kanyang misis, "Ohh, 'yung pinag-usapan natin, walang sasabihing bad news sa akin. Pagod na ako sa maghapong trabaho." "Alam ko. Walang badnews" sagot ng misis. "Di ba apat yung anak natin? Tatlo sa kanila ay walang pilay!" pagbabalita ni misis." Ang mga propeta sa Bibliya ay tagapagdala ng mensahe ng Diyos sa mga tao. Marami sa kanila ay hindi tinanggap ng kanilang mga kababayan sapagkat ang kanilang dala-dalang mensahe ay lagi nilang itinuturing na "badnews" para sa kanila. Sa unang pagbasa ay nakita natin ang pagtawag ni Propeta Jeremias at ang pagsusugo sa kanya ni Yahweh. “Before I formed
you in the womb I knew you,
before you were born I dedicated you. A prophet to the nations I appointed you." Kasama sa pagtawag na ito ay ang pagsalungat na kanyang haharapin mula sa mga tao ngunit wala siyang dapat ipangamba sapagkat mananaig pa rin ang kapangyarihan ng Diyos. "But do you gird your loins:
stand up and tell them all that I
command you. Be not crushed
on their account... They will fi ght against
you, but not prevail over you,
for I am with you to deliver
you,” says the Lord." Ito rin ang paniniwala ni Jesus bago pa siya mangaral sa kanyang mga kababayan: “Amen, I say to
you, no prophet is accepted in
his own native place." At narinig nga natin na hindi siya kinilala ng kanyang mga kababayan. Hindi nila matanggap ang mga pananalitang binitiwan ni Jesus at nagtangka pa silang patayin siya dala ng kanilang matinding galit sa kanya! Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga propeta sa kanilang tungkulin na ipahayag ang kalooban ng Diyos. Ang Simbahan ay may taglay na tungkuling magpahayag ng katotohanan sapagkat taglay nito ang pagiging isang propeta. Ito ang paninidigang sinabi ng ating mga obispo sa kabila ng matinding pangbabatikos at paglapastangan sa kanila: “As bishops, we have no intention of interfering in the conduct of State affairs. But neither do we intend to abdicate our sacred mandate as shepherds to whom the Lord has entrusted his flock. We have a solemn duty to defend our flock, especially when they are attacked by wolves(!) We do not fight with arms. We fight only with the truth. Therefore, no amount of intimidation or even threat to our lives will make us give up our prophetic role, especially that of giving voice to the voiceless. As Paul once said, ‘Woe to me if I don’t preach the Gospel!'" Sa katunayan, tayong lahat din ay dapat maging propeta lalo na ngayong kasalukuyang panahon na kung saan ay laganap ang "false news" at panlilinglang na ikinakalat lalo na sa social media. Ang bawat isa sa atin ay tinanggap ang misyon ng pagiging propeta noong tayo ay bininyagan. Pagkatapos nating mabuhusan ng tubig sa ating ulo tayo ay pinahiran ng langis o "krisma". Nangangahulugan ito ng pagtanggap natin ng misyon na maging pari, hari at propeta katulad ni Jesus. Ibig sabihin, tayong lahat ay dapat na maging tagapagpahayag ng katotohanan ayon sa turo ni Jesus. Hindi lang ito gawain ng mga obispo, pari , mga relihiyoso o relihiyosa. Isang magandang napapanahon na halimbawa ay ang patuloy na pagpatay sa mga pinaghihinalaang "drug addicts" na para bagang ito na lamang ang solusyon para malinis ang ating lipunan. Marami sa mga biktima nito at kanilang mga pamilya ay napagkakaitan ng katarungan. Marami sa kanila ay mahihirap na ang tanging boses na inaasahan ay ang pagsasalita ng Simbahan. Dahil dito ang Simbahan ay umaani ng batikos at tinatawag pang kakampi ng kasamaan. At buhay na buhay pa rin ang issue ng "same sex marriage". Bilang isang "Propetang Simbahan" ay dapat na tahasan natin itong tinututulan at hindi sinasang-ayunan. Hindi ibig sabihin na "outcast" ang tingin natin sa mga kapatid nating "homosexual". Ang Simbahan ay malugod na tumatanggap sa lahat anuman ang iyong kasarian. Kahit nga ang isang kriminal ay "welcome" sa atin. Ngunit ang mga imoral at masamang ginagawa ay hindi kailanman sinasang-ayunan ng Simbahan. Mahal ng Diyos ang mga makasalanan ngunit hindi ang kasalanan! At ang Simbahang itinatag ni Kristo ay magpapatuloy na magmamahal sa kanila. At naririyan pa rin ang issue ng "divorce" o paghihiwalay ng mag-asawa. Kailanman ay hindi ito sinasang-ayunan ng Simbahan kahit siya na lamang ang naninindigan dito. Ang pagsasama ng mag-asawa na piangbuklod ng Sakramento ng Kasal ay sagrado. May mga kadahilanang sinasang-ayunan ang Simbahan upang ipawalang bisa ang kasal ngunit nanatili itong matatag sa panininidigang "Ang pinasama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao." Ang panghuli ay ang usapin ng abortion na alam naman natin ay tahasang pagpatay. Ngayon ay PRO-LIFE SUNDAY at ang paalala sa atin ay maging tagapagtanggol ng buhay "mula sinapupunan hanggang natural na kamatayan." Ang buhay na ibinigay sa atin ng Diyos ay banal kaya't anumang dahilan upang ito ay kitilin ay labag sa kanyang kalooban. Ang kahirapan dala ng lomolobong populasyon ay hindi sapat na dahilan upang ikatwiran ang pangangailangan nito. May ibang paraan pang maaring gawin ang estado upang maibsan ang kahirapan ng mga mamamayan at hindi lamang sa pamamagitan ng pagpatay ng mga walang kamuwang-muwang na mga bata sa sinapupunan. Ang hindi pagsang-ayon sa mga ito ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng pagmamahal ngunit sa halip ito ay nagpapaalala ng pagtatama ng kanilang kamalian at pagbabalik-loob sa Diyos. Huwag sanang masaktan ang mga taong iba ang kanilang paniniwala sapagkat bahagi ito ng pagiging propeta nating lahat bilang isang Simbahan. Hindi tayo badnews para sa iba. Ang Kristiyano ay dapat laging "GOODNEWS!" Tandaan mo na ikaw, tulad ni Kristo, ay isang PROPETA.Sabado, Enero 26, 2019
BIBLE CHRISTIAN KA BA? : Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year C - January 27, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ano ba ang ibig sabihin ng Biblia? May isang lola na nagbabasa ng Bibliya at habang siya ay nagbabasa ay pinagmamasdan siya ng kanyang apo. Manghang-mangha ang bata sa panood sa kanya. Lumapit ito at nagtanong: "Lola, alam ko na po ang ibig sabihin ng Biblia!" Tuwang-tuwa ang matanda at nagtanong: "Ano, yon apo?" Sagot ng bata: "Ang kahulugan ng BIBLE ay nasa limang titik nito: Basic Information Before Leaving Earth! Kailan ka mamamatay lola?" Ano nga ba ang Biblia? Paano nga ba ang tamang pagbasa at pag-intindi nito? "May isang "Bible Christian" na mahilig gamitin ang Bibliya upang malaman kung ano ang gusto ng Diyos sa kanya lalo na sa paglutas sa kanyang mga prolema. Minsan ay nalugi ang kanyang negosyo at katulad ng kanyang nakaugalian ay sumangguni siya sa Bibliya. Kinuha niya ito at nakapikit na binuksan ang pahina. Laking pagkagulat niya ng bumungad sa kanya ang Mateo 27:5 na nagsasabing: "Lumabas si Hudas at nagbigti!". Natakot siya at sinubukan niyang maghanap uli. Habang nakapikit ay muli niyang binuksan ang Bibliya at ang kanyang hintuturo ay tumapat sa Lukas 10:37 na ang sabi: "Humayo ka't gayon din ang gawin mo."Halos himatayin na siya sa takot nang muli niyang buksan ang Banal na Aklat. Ang bumungad sa kanyang talata: Juan 13:27, "Kung ano ang iyong kailangang gawin, gawin mo na agad!" At alam n'yo na marahil ang kasunod... hehe. Ang ikatlong Linggo ng Karaniwang Panahon ay parating inilalaan sa padiriwang ng National Bible Sunday! Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store. Hindi lang ito naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon. May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung me tiyaga kang tapusin ang libro ng paborito mong nobela o kaya naman ay wala kang sawa sa pagdodownload at pagbabasa ng mga e-books ay bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi mo matagalang basahin? Ang sabi nga nila: Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan! Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Kanya. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Sa pakikipag-usap sa atin ng Diyos sa Banal na Kasulatan ay ipinahahayag Niya ang Kanyang kalooban. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya? Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong... isinasabuhay ba nila ito? Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa at ng kaluluwa ng iba. Ang mga pagbasa natin sa Linggong ito ay dapat magbigay sa atin ng inspirasyon. Sa unang pagbasa ay narinig natin kung paano naantig ang damdamin ng mga Israelita ng marinig nila ang Salita ng Diyos. Napaluha pa nga sila dahil sa nakaligtaan nila ito ng matagal. Sa Ebanghelyo ay narinig natin si Jesus na inako ang karapatan na ipahayag ang Salita ng Diyos sapagkat siya mismo ang katuparan nito. Nawa ay maisapuso natin ang tunay na pagmamahal sa Salita ng Diyos. Basahin, pagnilayan o ipanalangin at isabuhay! Ito ang paraan upang matawag na mga tunay na "Bible Christians". Nawa ay pahalagahan natin ang Salita ng Diyos sa ating buhay. May nabasa akong isang mensahe sa Facebook tungkol sa pagpapahalaga sa Bibliya. Ganito ang kanyang sinasabi: "What of we began to treat our Bibles that way we treat our cellphones? What if we carried it with us everywhere? What if we turned back to go get it if we forgot it? What if we checked it our for messages through out the day? What if we used it in case of emergency? What if we spent an hour or more using it each day?"
Sabado, Enero 19, 2019
KABATAANG MARANGAL AT BANAL: Reflection for the Feast of the Sto. Nino Year C - January 20, 2019 - Year of the Youth
Kapistahan ngayon ng Sto. Nino! Ang tawag din sa kapistahang ito ay "Holy Childhood Day!" Ibig sabihin ay kapistahan nating lahat sapagkat tayo ay minsan na rin namang dumaan sa ating pagkabata o tinatawag nating "first childhood". Kaya naman, sinasabi nating ang kapistahang ito ay "Kapistahan ng mga Bata!" Ngunit din rin naman maipagkakaila na pagkatapos ng "first childhood" ay dumadaan din tayo sa ating "second childhood", ibig sabihin ang kapistahang ito ay "Kapistahan din ng mga Isip-bata!" Bata ka man o isip-bata, ang kapistahang ito ay para sa iyo! Sinasabing ring tayong mga Pilipino ay likas ang pagpapahalaga sa pamilya. At kung tayo ay may pagpapahalaga sa pamilya, tayo rin ay dapat may pagpapahalaga sa buhay. Kaya nga para sa atin ang bawat batang ipinapanganak ay maituturing na isang "kayamanan." Kaya siguro napakalapit ng kapistahang ito sa puso nating mga Pilipino. Bukod sa ito ay nakaugat sa ating kasaysayan ito rin ay nakaugat sa pagpapahalaga natin sa ating pamilya. Kaya nga isa sa mga aral na ibinibigay sa atin ng kapistahang ito ay: pahalagahan natin ang mga bata at kabataan bilang bahagi ng ating pamilya. Sa ating Ebanghelyo ngayon ay narinig natin kung paanong nag-alala si Maria at Jose ng malaman nilang hindi nila kasama si Jesus pag-alis sa Jerusalem. Hinanap nila si Jesus sa kanilang mga kakilala at mga kamag-anak ngunit hindi nila natagpuan. Ganito rin ba ang nadarama ng mga magulang kapag nawawalay sa kanilang piling ang kanilang mga anak? Sadyang may mga magulang kasing masyadong malaki ang tiwala sa kanilang mga anak na pinababayaan na lamang ang mga ito hanggang sa maligaw ito ng landas. Ang mas masaklap pa nga ay may mga magulang na sila pang nagtutulak sa kanilang mga anak upang sila ay mapahamak. Ilang raid na ng ating mga kapulisan ang isinagawa na nakitang ang mga magulang pa nga ang nagbubugaw sa kanilang nga anak para sa cybersex o kaya naman ay pilitin silang magtrabaho sa murang edad sa kadahilanan ng kahirapan? Hanggang ngayon ay itinuturing pa ring malaking problema ang usapin ng "child trafficking" at "child labor." Sinasabing ang Pilipinas ay isa raw sa mga lugar na pinangyayarihan nito at maraming batang Pilipino ang pinagpipistahan ng mga phidopilya sa internet at nagagamit sa prostitusyon. Ang nakakalungkot ay ang sinasabi ng gobyerno na wala tayong sapat na kakayanan upang labanan ito. Hindi ako sang-ayon dito sapagkat meron tayong magagawa! Hindi man sapat ang ating batas o pondo upang labanan ito ay nasa atin naman ang pinakamabisang sandata at ito ay ang ating pagpapahalaga sa pamilya. Maiiwasan ang anumang uri ng "child trafficking", 'sex trade" man ito o "child labor", kung mapatatatag natin ang mahigpit na pagbubuklod ng ating mga pamilya. Kaya nga ang hamon sa ating ng kapistahang ito ay magkaroon ng isang pamilyang "marangal" at "banal". Isang pamilya na marangal sapagkat pinahahalagahan ang dignidad ng bawat miyembro nito at banal sapagkat ito ay naka-sentro sa Diyos. Sa pagdiriwang na ito ng Kapistahan ng Sto. Nino ay ipanalangin natin ang bawat pamilyang Pilipino. Natataon na ang ating Simbahan sa Pilipinas, sa pamumuno ng ating CBCP ay idineklara rin na ang taong 2019 ay Taon ng Mga Kabataan. Nais ng ating Simbahan sa Pilipinas na bigyan natin ng pagpapahalaga ang mga kabataan sa taong ito at ituring silang mga "tunay na kayamanan" ng bawat pamilyang Pilipino. Ilang mga pamilya na lang ba ngayon ang pinagbubuklod ang kanilang pamilya sa hapag kainan at sa hapag ng Panginoon? Ilang mga magulang pa ba ang nagsasama ng kanilang mga anak sa pagsisimba? Ang pamilyang nagdarasal ng sama-sama, nanatiling magkakasama! Kaya't napakalaking responsibilidad sa mga magulang na imulat sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng pagdarasal at pagsisimba ng sabay-sabay. Marahil ay mahirap na sa ating panahon ngayon ngunit hindi imposibleng gawin sapagkat may ilan-ilan pa ring nakakagawa nito. Sama-sama nating labanan ang mga lumalapastangan sa dignidad ng ating mga kabataan upang sila rin ay maging mga kabataang MARANGAL at BANAL! Muling nating ibalik ang isang pamilyang naka-sentro sa Diyos. Simulan natin sa Banal na Eukaristiya, ang sakramento ng pagkakaisa at pagbubuklod.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)








