Biyernes, Disyembre 31, 2021

MARIA: TAGAPAGDALA NG DIYOS AT BIYAYA: Reflection for the Solemnity of Mother of God and New Year 2022 - January 1, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES


Isang mapayapa at puno ng pag-asang bagong taon sa inyong lahat! Ang pagpasok ng taong 2022 ay dapat magdulot sa atin ng pag-asa sa kabila ng maraming pahirap na ibinigay sa atin ng panahon ng pandemya.  Sa katunayan ay nagpapatuloy pa rin ang pahirap na dala nito dahil sa banta ngayon ng bagong covid19 variant na Omicron.  Noong nakaraang Disyembre 29 ay nakapagtala ng 889 na new confirmed cases an DOH.  Senyales ito na unti-unti na namang tumataas ang Covid infections sa ating bansa.  Ngunit sa kabila nito, maraming pa rin sa atin ang positibo sa pagharap sa bagong taon. Sa survey na ginawa ng SWS noong Dec. 12-16, 2021,  93% sa ating mga Pilipino ay sasalubungin ang taong 2022 na puno ng pag-asa!  Marami pa rin ang umaasa na malapit na matatapos rin ang kahirapang nararanasan natin ngayon. Ngunit hindi lang naman ang pandemyang ito ang ating pasanin.  Isama na rin natin dito ang maraming alalahanin sa buhay na nagdudulot sa atin ng walang kasiguruhan kung ano ba ang mangyayari  ngayong taong 2022.  Ngunit tulad nga ng nabasa ko ay walang naibibigay na mabuti ang labis na pag-aalala: "Worrying does not take away tomorrow's troubles, it takes away today's peace!"

Bagong taon... bagong buhay... bagong pag-asa!  Marami tayong dapat baguhin sa taong ito.  May nakasalubong akong kaibigan na may kasamang babaeng balingkinitan ang katawan.  Tuwang-tuwa siya ng makita ako at ibinida sa akin ang kanyang kasuotan.  "Pare, tingnan mo 'tong polong suot ko... bago yan! Itong pantalon ko... bago rin yan.  Itong sapatos ko, relo at kuwintas.... bago lahat 'yan!" Sabi ko sa kanya: "Ang galing naman pare! Talagang new year na new year ang dating mo ah! Bago lahat.... teka sino nga pala yang kasama mong seksi at magandang dilag?"  "Ay siya nga pare, nakalimutan kong ipakilala ang misis ko sa 'yo.... BAGO din yan!" hehehe...  

Ano ba ang bagong meron ka ngayong bagong taon?  Ang pagsusuot ng mga bagong damit at pagkakaroon ng mga bagong kasangkapan ay sumasagisag na nais nating tanggalin ang luma, na marahil ay puno ng kamalasan, at palitan natin ng bago, na magbibigay sa atin ng suwerte at kapalaran!    
Ano sa palagay mo? Susuwertehin ka ba sa taong ito?  Maaalis ba natin ang malas ngayong taong ito? Aminin natin na ang gusto nating lahat na mangyari sa taong ito ay alis malas... pasok buenas!  Kaya't kahit na bawal ay hindi pa rin mawawala ang pagpapaputok sa pagsalubong sa bagong taon. Naniniwala kasi tayo na na itinataboy ng ingay ng mga paputok ang masasamang espiritu na nagdadala ng kamalasan.  Ngunit sa ating mga nanampalataya ay ito ang dapat nating tandaan:  "Hindi po ingay ng paputok ang magpapalayas sa mga demonyo.  Ang magpapalayas sa mga demonyo ay: taimtim na pagdarasal, madalas na pakikiisa sa Sakramento ng Eukaristiya at Kumpisal, pag-iwas sa kasalanan maliit man o malaki at madalas na pagdalaw at pagdedebosyon sa Banal na Sakramento."    

Paano ba papasok sa atin ang buenas o suwerte?  Marami sa atin ang ginagawa ang lahat ng paraan para magpapasok ng suwerte. Nariyan na ang pagbuo ng 12 prutas na bilog. Sigurado akong meron kayo nyan sa inyong lamesa sa pagpalit ng taon. Pero dapat nating tandaan, "Hindi mga prutas ang mag-aakyat ng blessings sa buhay mo.  Ang makapagbibigay ng blessings sa buhay mo ay si Jesus lamang at wala ng iba!"  Nariyan na ang pagbili ng tikoy! Para daw mas malagkit ang kapit ng swerte! Nariyan na ang pagsusuot ng damit na kulay pula at siyempre ang polka-dots na sumisimbolo sa pera; mas maraming polka-dots, mas maraming pera ang makukuha.  

Masama bang sumunod sa mga pamahiing ito? Hindi naman siguro basta't hindi namin kalilimutan na ang kapalaran ng tao ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin kundi sa pagtanggal ng kanyang masasamang pag-uugali at matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos.  Katulad ng isang sisidlang may lamang maruming tubig, hindi natin ito maaring lagyan ng bago at malinis na tubig.  Nararapat munang tanggalin ang luma at marumi. Ano ba ng mga masasamang pag-ugali na maari kong tanggalin sa pagpasok ng taong ito?  Naririyan ang inggit sa kapwa, pagtatanim ng galit at sama ng loob, pagiging maramot, pagkakalat ng tsismis o pagiging "Marites",  panlalait sa kapwa, pagiging mayabang at pagiging sinungaling.  Marahil mayroon pa kayong maidaragdag... kayo na ang bahala sa nais ninyong tanggalin.  Dahil pagkatapos nito ay dapat naman nating punuin ng pagpapala ang ating buhay.
At dito ay ibinibigay sa atin ang Mahal na Birheng Maria upang ating maging huwaran. 

Kaya marahil ang unang araw ng taon ay laging nakatuon sa pagdiriwang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos.  Napuspos ng pagpapala ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos.  Sa katunayan ay ipinapahayag natin ito sa ating panalangin; "Hail Mary, full of Grace, the Lord is with you!"  Bakit napuspos si Maria ng biyaya?  Sapagkat ang Panginoon ay sumasakanya!  Literally, ito ay totoong nangyari sa kanya sapagkat dinala si Jesus sa kanyang sinapupunan.  Ang tawag namin d'yan sa Griego ay THEOTOKOS, the bearer of God, tagapagdala ng Diyos! Sinasabi nito sa atin na dapat ay sikapin din nating "dalhin si Kristo" sa ating pagkatao.  Punuin natin ang ating buhay ng grasya ng Diyos katulad ni Maria kung nais nating pagpalain ng Panginoon ang ating buhay.  Tinanggap na natin ang biyayang ito noong tayo ay bininyagan.  Taglay natin si Kristo maging sa ating pangalan.  Ang kulang na lamang marahil ay isabuhay natin ito sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang kalooban.  Si Maria ay bukod na pinagpala dahil sa kanyang matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos.  

Malaking hamon ito sa atin sa pagpasok ng bagong taon sapagkat sa simula pa lang ay may problema na tayong kinahaharap.  Parang napakahirap isakatuparan ang kalooban ng Diyos sa ating sitwasyon ngayon na marami sa atin ang naghihikahos sa buhay gawa ng pandemyang ito.  Ngunti manalig tayo ng may pag-asa.  Tandaan natin na tayo ay nasa taon ng pagdiriwang ng ika-500 Anibersaryo ng Paghahatid ng Pananamplatayang Kristiyano sa ating bansa.  Pinapaalalahanan tayo na wala tayong dapat ipangamba sapagkat hindi tayo pinababayaan ng Diyos.  Maraming pagsubok na hinarap at patuloy na hiniharap ang ating Simbahan ngunit hanggang ngayon ay nananatili pa rin itong matatag at patuloy na gumaganap sa kanyang misyon.  Ang paalala sa atin ay "We are gifted to give!", na tayong lahat ay biniyayaan ng Diyos upang magbigay ng pag-asa sa ating kapwa!  

Nasa atin na ang "BIYAYA", walang iba kundi si Jesus, kinakailangan na lang natin itong ibahagi sa iba!  Sa pagpasok ng bagong taon nawa ay maging mas mabubuting tao tayo at mas tapat na mga Kristiyano.  Sa ganitong paraan lang natin makakamit ang tunay na kapayapaan at kaligayahan na hanggang ngayon ay patuloy pa rin nating inaasam.  Nawa ay pagharian tayo ng Kristo sa taong ito ng 2022.  

Isang Masagana, Mapagpala at Mapayapang Bagong Taon sa inyong lahat!


Sabado, Disyembre 25, 2021

MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA: Reflection for the Feast of the Holy Family Year C - December 26 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Lahat tayo ay tumanggap ng isang mahalagang regalo noong araw ng Pasko.  Siya ay ang "Emmanuel",  ang Diyos na nanirahan sa piling natin.  Niloob ng Diyos na isilang sa isang pamilya at ang pamilyang ito ay tinawag nating BANAL NA PAMILYA nina Jesus, Maria at Jose. 

May isang guro na nagtuturo sa mga bata ng tungkol sa kalagayan ng mga isinisilang ng bata sa mundo.  Sinabi ng guro na sa panahon ngayon ay mas marami ang ipinapanganak na kambal.  Nagtanong ang isang batang lalaki; "Bakit po titser?"  Agad siyang sinagot ng isang kapwa mag-aaral na babae: "Titser alam ko po ang sagot... Yun ay sapagkat natatakot ang mga batang ipanganak silang nag-iisa sa pamilya."  

Kung pagninilayan natin ang sagot ng batang babae ay mauunawaan natin ang katotohanang nangyayari ngayon sa kasalalukuyan tungkol sa pamilya, na ang Pilipinong pamilya ay dumaraan sa matinding krisis kaya't marahil ay natatakot ang mga batang isilang na mag-isa.  Una na d'yan ang masamang epektong dala ng pag-aproba sa RH bill, tulad ng contraception at abortion. Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay. Ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin.  Nariyan na rin ang pisikal at emosyonal na pang-aabuso sa mga miyembro ng pamilya.  At higit sa lahat napipinto na ang pagpapawalang bisa sa kasal ng mag-asawa sa pamamagitan ng DIVORCE. 

Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya!  Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL.  Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi.   Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago.  Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO." Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito.  

Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya.  Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA.  Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga.  Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya.  May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA.  Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga.  Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang.  Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA!  At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN.  "The family that prays together, stays together!"  Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL.  Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban.  

Ang Banal na pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay modelo sa atin upang pamarisan ang kanilang tapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos.  Kahit na batid nilang si Jesus ay ang Anak ng Diyos ay matapat pa rin nilang tinupad ang isinasaad ng batas at dinala si Jesus sa templo upang iaalay.  Mapagkumbaba nilang sinunod ang plano ng Diyos at ginabayan ang batang Jesus sa kanyang paglaki.  

Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya.   Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN, ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig  ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA!

Sabado, Disyembre 11, 2021

KAGALAKAN KAY KRISTO: Reflection for 3rd Sunday of Advent Year C - December 12, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ang kulay ng Adbiyento ay lila o violet na makikita natin sa mga kandila ng Korona ng Adbiyento. Ngunit kapansin-pansin ang nag-iisang rosas o pink na kandila na ating sinindihan ngayong ikatlong Linggo ng Adbiyento.  Kaya nga maaaring tawaging "Pink Sunday" ang araw na ito!  Walang itong halong pamumulitika ngunit dapat lang na "pink" ang tawag sapagkat may may mahalagang simbolismo itong ipinahahayag.  Ang kulay na rosas ay simbolo ng pag-asa at kagalakan kaya nga ang araw na ito ay araw ng kasiyahan!

Ang tawag sa Linggong ito ay "Gaudete Sunday" na ibig sabihin ay "Rejoice!" o magsaya!  Ang kulay ng Kuwaresma ay violet rin ngunit iba ito sa kulay ng Adbiyento.  Totoong tulad ng Kuwaresma, ang kulay lila ng Adbiyento ay nangangahulugan ng pagbabalik-loob ngunit ang kandilang kulay rosas ay nagsasabi sa ating may kagalakang taglay ang panahong ito.  Masaya tayo sapagkat papalapit na ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoon.  Masaya tayo sapagkat  Siya ay darating muli tulad ng Kanyang ipinangako.  Ngunit paano bang maging masaya ang isang Kristiyano?  

Minsan, sa isang klase ng "homiletics" (kung saan ay pinag-aaralan naming mga pari kung paano magbigay ng homily o sermon sa misa) ay sinabi ng isang propesor. "Kapag kayo'y nagtuturo tungkol sa langit, hayaan ninyong magliwanag ang inyong mga mukha! Ipakita ninyong kayo ay masaya! Kung kayo naman ay nagtuturo tungkol sa impiyerno... ay sapat na ang pagmumukha ninyo ngayon! hehehe... 

Ano ba ang pagmumukha mo ngayon? Langit ba o impiyerno? May ilang nagsasabing ang relihiyon daw natin ay isang "malungkot na relihiyon." Kapag naging seryosong Kristiyano ka raw ay marami na ang bawal na dapat mong iwasan. Bawal na ang alak, babae, sugal at iba pang masasamang bisyo! Totoo nga naman! Kung seryoso ka sa pagiging Kristiyano mo ay dapat mong iwanan at iwasan ang mga ito. Pero hindi ibig sabihin na dapat kang maging malungkot! Ang sinasabing kasiyahan na dulot ng mga bisyo at makamundong bagay ay panandalian lamang.  Kaya nga't kung tunay na kaligayahan ang hanap mo ay hindi mo matatagpuan sa mga inaalok sa iyo ng mundo. Ang tunay na kaligayahan ay sa Diyos lamang matatagpuan. Kaya nga't ang panawagan sa ikatlong Linggo ng ating paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ay: "Magalak kayong lagi sa Panginoon!" 

Ang kasiyahan ng Pasko ay wala sa magagarang dekorasyon, masarap na noche buena o maingay na pagdiriwang. Ang kasiyahan ng Pasko ay matatagpuan lamang kay Kristo! Kaya't wag kang mangamba kung labindalawang araw na lang ay wala pang laman ang iyong bulsa. 'Wag kang matakot kung wala ka pa ring regalong naihahanda. Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay!" 

Ano ba dapat ang dahilan ng hindi natin pagkabalisa? Sinagot ito ni Propera Zofonias sa unang pagbasa: “Huwag kang matakot, Sion; huwag manghina ang iyong loob. Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos..." At ano ang dapat nating gawin upang maipakitang ang Diyos nga ay nasa ating piling? Maipapapakita natin ito sa paggawa ng kabutihan at pamumuhay na makatarungan. Mamuhay tayo bilang mga tunay na Kristiyano. Pangatawanan natin ang pagtataglay ng pangalan ni Kristo. 

Praktikal ang mga salitang binitawan ni Juan Bautista ng siya ay tanungin ng mga taong lumapit sa kanya kung paano paraan ng pagbabalik-loob sa Diyos ang maari nilang gawin sa Ebanghelyo: “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin... Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo!" Dito nakasasalalay ang tunay na kasiyahan ng Pasko.  

May isang text akong natanggap. Isang babala at paalala: "Sa mga friends ko na hindi umiinom, nagyoyosi, nagbibisyo. Mabubuhay kang malungkot. Patay na kaming lahat... buhay ka pa! " Hindi naman ganoon kasaklap ang mabuhay ng mabuti. Ang masayang pamumuhay ay wala sa gawaing masasama.  Ang masayang pamumuhay ay pamumuhay kasama ni Kristo! Kaya nga ang panawagan sa atin: "Magalak kayong lagi sa Panginoon, inuulit ko, MAGALAK KAYO!" 


Sabado, Disyembre 4, 2021

MAHIWAGANG PAGDATING: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year C - December 5, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ang Adbiyento na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nangangahulugan din ng "paghihintay." Hinihintay natin si Jesus darating sa ating piling.  Si Jesus ay dumating na noong "unang Pasko".  Si Jesus ay darating muli sa "wakas ng panahon" upang husgahan ang ating naging buhay.  Ngunit sa gitna ng unang pagdating at muling pagdating ni Jesus ay ang kanyang "mahiwagang pagdating" araw-araw na nangangailangan ng ating palagiang pagtanggap.  Pagtanggap sapagkat ang Adbiyento ay hindi lamang ang ating paghihintay kay Kristong darating. Ito rin ay ang paghihintay ng Diyos sa atin. Hinihintay ng Diyos ang ating pagbabalik-loob.  

May isang lumang kuwento na minsan daw ay nagpakita si Jesus sa isang mayaman at sinabing siya ay bibisita sa kanyang bahay bago magpasko. Inihanda niya ang kanyang bahay, ipinalinis sa mga katulong, nagpaluto ng masasarap na pagkain, nagbihis siya ng magarang damit.  Dumating ang araw na kanyang hinihintay.  Muling nagpakita si Jesus sa kanya at sinabing darating na siya kaya't maghanda na siya.  May kumatok sa pintuan.  Dali-dali niyang binuksan sa pag-aakalang si Jesus iyon.  Ngunit laking pagkadismaya niya ng makita ang isang pulubi na nanghihingi ng kaunting limos.  Pinagtabuyan niya ito.  Pagkatapos ng ilang oras ay muling may kumatok sa pintuan.  Muli niyang binuksan sa pag-aakalang si Jesus iyon.  Muli siyang nadismaya ng makita ang kanyang kapitbahay na nangungutang upang ipambili ng pagkain para sa kaanyang pamilya. Sinagawan niya ito at sinabing wala siyang pakialam kung mamatay sila sa gutom.  Muli siyang naghintay at sa katahimikan ng paligid ay may mga batang nangangaroling na tumapat sa kanyang bahay.  Nagalit siya at pinagtabuyan ang mga bata at tinakot pang isusumbong sila sa barangay dahil wala silang facemask at social distancing habang kumakanta.  Lumipas ang mga oras at hindi nagpakita si Jesus.  Nakatulog siya at sa panaginip ay muli siyang tinagpo ng Panginoon.  "Lord, nagtatampo ako sa 'yo dahil inindian mo ako!"  ang sabi ng mayaman.  Sumagot si Jesus: "Hindi kita inindian! Sa katunayan ay tatlong beses kong sinubukan na tagpuin ka ngunit ipinagtabuyan mo ako.  Tandaan mo, ang ginawa mo sa mga taong ito ay ginawa mo rin sa akin!"  

Mga kapatid, marahil ay maraming beses ng sinubukang dumating ni Jesus sa ating buhay ngunit kadalasan ay atin siyang hindi makita at maramdaman.  Marami tayong pagtangging ginawa at hindi siya tinanggap sa mga taong nangangailangan ng ating pagmamahal at pag-aaruga.  Marami tayong pagkukulang at kalabisan sa ating mga sarili na dapat nating ayusin.  Kaya nga ito ang panawagan ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral: "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong kasalanan..."  Ngunit anong uring pagsisisi ang nais niyang gawin natin?  Sa mga pananalita ni Propeta Isaias ito ay "tambakan ang bawat lambak.. tibagin ang bawat burol at bundok."  Ano ba ang ibig sabihin ng tambakan ang bawat lambak?  Sa ating buhay ay ito ang maraming pagkukulang na dapat nating punuin.  Maaaring ito ay pagkukulang natin sa Diyos tulad ng hindi natin pagdarasal o hindi pagbibigay halaga sa ating buhay espirituwal.  Maaring ito ay ang ating kakulangan sa ating pagmamahal sa ating pamilya at mga mahal sa buhay.  Maaring ito rin ay ang ating kakulangan sa ating pagpapahalaga sa ating sarili tulad ng pagkakalulon sa bisyo o kaya naman ay pagpapabaya sa ating kalusugan.  Ano naman ang pagtitibag ng bundok at burol ng ating buhay?  

Kung ang lambak ay ang ating mga kakulangan, ang bundok at burol naman ay ang ating mga kalabisan sa buhay.  Unang-una ito ay tumutukoy sa ating "kayabangan" na dapat nating supilin at tanggalin.  At isang tanda ng kayabangan ay ang "pagmumura".  Ang taong "palamura" ay taong mayabang sapagkat kapag minumura natin ang isang tao ay ipinapakita nating mas mataas tayo sa kanya at kayang-kaya natin siyang kutyain.  Kaya nga ang pagmumura ay wala dapat sa bokabularyo nating mga Kristiyano sapagkat ito ay hindi kinakikitaan ng kababang-loob bagkus ito ay nagpapakita ng pagmamataas sa sarili.  Nakakalungkot na may mga kristiyanong kinasanayan na ang mga maling pag-uugali at hindi na nakikita ang kamalian ng mga ito tulad ng pagmumura, pambabastos, pambababae, pananakit sa kapwa at pagpatay. Alam nilang mali ngunit pinapanigan pa nila.  Nakakalungkot sapagkat ibinababa nito ang antas ng ating pagkatao! 

Ngayong Taon ng "Missio Ad Gentes"  ay marami rin tayong dapat ayusin sa ating pagkatao at pakikitungo sa ating mga kapatid.  Mga lambak ng pagkukulang tulad ng ating pagpapabaya at hindi pagpapahalaga sa kanila.  Ang kawalan ng oras natin sa ating mga anak, ang hindi natin pagbibigay ng atensiyon at pagmamahal ay ilan lamang sa mga ito.  Gayundin ay hinahamon tayong magpakumbaba sa kanilang harapan.  Patagin ang burol ng kayabangan at itaas natin ang kanilang dignidad at pagpapahalaga sa sarili.  Marami pang kalabisan sa buhay na dapat nating tanggalin tulad ng mga masamang halimbawa na ating ipinapakita sa kanila.  Kaya nga ang panawagan ng tinig na sumisigaw sa ilang ay "Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon... tuwirin ang daang liko-liko at patagain ang daang bako-bako."  Ibig lamang sabihin sa atin nito na ayusin natin ang ating buhay.  Ito ang pinakamagandang paghahandang magagawa natin para sa "mahiwagang pagdating" ni Jesus sa ating piling.  Bukas ba ang ating puso sa pagtanggap sa kanya?

Sabado, Nobyembre 27, 2021

PAGDATING AT PAGTANGGAP: Reflection for 1st Sunday of Advent Year C - November 28, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ngayon ay sinisimulan natin ang Panahon ng Adbiyento.  Excited ka na ba?  May mga pera na ba kayo? Kung wala ay wala kang karapatang ma-excite!  Baka hanggang ngayon ay naghihingalo pa rin ang laman ng ating mga pitaka at nangangamba tayong matuluyan ng mawalan ito ng hininga pagdating ng Pasko.  Pero ang sabi nga sa isang facebook post na nabasa ko:  "Higit sa bulsa, ang puso dapat ang siyang inihahanda.  Halina, Hesus, Halina!"  

Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay inilalaan nating panahon para "paghandaan" ang pagdating ni Jesus. Ngunit anong uring pagdating ba ni Jesus ang ating pinaghahandaan?  Tatlong uri ang pagdating na ito na na nag-aanyaya sa ating maghanda:  Una ay ang kanyang unang pagdating noong UNANG PANAHON na kung saan ang Diyos ay nagkatawang tao na ginugunita natin taun-taon sa tuwing nagdiriwang tayo ng araw ng Pasko.  Ang ikalawa ay ang kanyang muling pagdating sa WAKAS NG PANAHON na hindi natin alam kung kailan ang araw at oras, at sa pagdating na ito ay huhusgahan Niya tayo ayon sa kabutihan o kasamaang ating ipinakita noong tayo ay nabubuhay pa.  Sa gitna ng una at ikalawa nyang pagdating ay ang pangatlong uri, ang kanyang mahiwagang pagdating sa ating piling na patuloy nating nararanasan sa paraang mahiwaga katulad ng pagtanggap natin ng mga Sakramento at paggawa ng kabutihan sa kapwa na kung saan ay nagbibigay Siya sa atin ng TAMANG PANAHON upang atin siyang makatagpo.  

Anung uring paghahanda ang inaasahang gawin natin sa Panahon ng Adbiyento? Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas" labang bilang paggunita sa "unang panahon": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party.  Marahil ay kailangan din naman ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan ngunit hindi lang ito ang dapat na paghahanda para sa isang masaya at makahulugang pagdating ng Panginoon.  Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin. Si San Pablo ay nagpapaalala sa atin: "Kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus."   Sa Ebanghelyo naman ay pinapaalalahanan tayo ni Hesus: "Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras.  

Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa TAMANG PANAHON na kung saan ay hindi tayo nagpapabaya at walang ginagawa.  Kaya nga sa paghahandang ito ay hinihimok tayong tanggalin ang ating masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso!  Ang Taon ng MISSIO AD GENTES ay nagpapaalala sa ating tayo ay may misyong dapat gampanan bilang mga alagad ni Kristo at nag-aanyaya sa atin ng tatlong uri ng paghahanda ayon sa Kanyang tatlong uri ng pagdating:  Una, ay ang "muling pagtanggap" kay Jesus na una na nating tinanggap noong tayo ay bininyagan. Ikawala ay ang "bukas-pusong pagtanggap" sa kanyang araw-araw na pagdating sa ating piling.  At pangatlo ay ang ating "handang pagtanggap" na kung saan ay susulitin Niya tayo sa ating mga ginawang kabutihan o kasamaan.  

Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Hindi tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong . Nararapat lang sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan".  Masyado ng maingay ang mundo.  Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito.  Apat na linggo nating pagninilayan ang katangi-tanging presensiya ni Jesus sa ating buhay.  Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating simbahan bagkus magsilbing paalala sa atin na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating.  Gunitain natin at ipagdiwang ang UNANG PANAHON, tanggapin ang ibinibigay Niya sa ating TAMANG PANAHON, at salubungin natin Siya ng may pag-asa sa WAKAS NG PANAHON.  Halina Jesus, manatili ka sa aming piling!

Sabado, Nobyembre 20, 2021

ANG PAGHAHARI NI KRISTO: Reflection for the Solemnity of Christ the King - Year B - November 21, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Kapistahan ngayon ni Kristong Hari.  Si Jesukristo ay pinahahayag natin bilang "hari ng sanlibutan" at "hari ng ating buhay." Ang kapistahang ito ay itinalaga ni Pope Pius XI noong 1925 sapagkat ang sekularismo o makamundong pag-iisip ay unti-unting kinakain ang kulturang "maka-Diyos"  at sinisira ang pananampalatayang itinatag kay Kristo.  Kaya nga't ang kapistahang ito ay nangangahulugan ng ating pagpapasakop at pagtalima sa paghahari ni Kristo. 

Sino nga ba ang mga kinikilala nating hari?  Sila ba na mga tanyag, kilala at hinahanganan natin ay matatawag nating hari?  Si Michael Jackson ay tinanghal bilang "King of Pop Music".  Si  Dolphy ay kilala bilang "King of Comedy".  Si  FPJ ay pinarangalan din ng titulong "Hari ng Pelikulang Pilipino."  Ang  hari noong unang panahon ay hinahangaan, iginagalang, sinusunod, pinagpipitagan ng kanyang mga nasasakupan. Kaya nga sila ang mga taong may tatlong "K":  Kasikatan, Kayamanan at Kapangyarihan!  

Sa Ebanghelyo, nang si Hesus ay kinausap ni Pilato, ang itinanong sa kanya ay: "Ikaw ba ang hari ng mga Judio?" Hindi nagpatumpik-tumpik si Hesus at nilinaw pa niya ang kanyang uri ng pagiging hari: “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” Malinaw na hindi ang makamundong uri ang paghahari ni Hesus... "Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan."

Ano sinasabi sa atin ni Jesus tungkol sa kanyang paghahari?  Una, ito ay ang PAGHAHARI NG KATOTOHAN.  Ito ay ang kabaliktaran ng ibig sabihin ng salitang diablo o "Diabulos" sa wikang Griego na ang ibig sabihin ay "siyang nagwawatak-watak" o "mapanira".  Kaya nga ang paglaganap ng "fakenews" ay masasabi nating gawa ng diablo!  Dahil sa mali at mapanirang balita, nagkakawatak-watak ang mga tao at sinisira ang pagkakaugnayan ng bawat isa!  Mag-ingat tayo na huwag tangkilin at higit sa lahat ay wag magpakalat ng "fakenews" lalo na sa socia media na kung saan ay maraming tao ang ating maakay sa kamalian.  Dahil d'yan ay nagiging kampon tayo ng "hari ng kasinungalian at kadiliman!" Maging mapanuri tayo sa ating naririnig, binabasa o pinapanood.  Sundin natin ang sinasbi ng ating budhi na kung totoong matuwid ay laging ituturo sa atin ang katotohanan at hindi kamalian.  Tandaan natin na ang paghahari ni Kristo ay "paghahari ng katotohanan!"  

Ikalawa, ang pagiging hari ni Jesus ay taliwas sa makamundong paghahari.  Ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng isang pinunong-lingkod O "servant-leader" sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao.  Sa mundo ang hari ay pinaglilingkuran. Si Hesus bilang hari ay naglilingkod! Sa mundo ang hari ay iginagalang at pinagpipitagan. Si Hesus bilang hari ay nilapastangan at pinahirapan.  Sa mundo ang hari ay sinusunod. Si Hesus bilang hari ay winalang bahala ng kanyang mga kababayan.  

Kapag pinararangalan natin si Hesus bilang Kristong Hari ay sinasabi nating tayo rin bilang kanyang nasasakupan ay dapat maging "servant-leader" na kung saan ang kadikalaan ay wala sa bigat ng ating posisyon, pag-aari o kapangyarihan ngunit nasa kadakilaan ng isang tunay na paglilingkod.  Huwag tayong masiraan ng loob kung ang ating pagpapakabuti ay hindi umaani ng papuri o "recognition".  Huwag ring sasama ang ating loob kung palaging tayo na lamang ang naglilingkod samantalang ang karamihan ay nagpapakarasap sa kanilang buhay!  Huwag tayong magagalit kung ang ating mga nasasakupan ay ayaw sumunod sa atin.  

Ang tunay na paglilingkod ay mapagkumbaba, hindi naghahanap ng kapalit o nagbibigay ng kundisyon. Higit sa lahat ang tunay na paglilingkod ay hindi makasarili! Sa pagdiriwang ika-limandaang taon ng Pananampalataya, nawa ay makita natin si Jesus sa bawat taong nakakatagpo lalong lalo na sa mga mahihirap at nangangailangan.  Hilingin natin ay Jesus na maghari Siya sa ating puso at maisabuhay natin ang Kanyang paghahari.  MABUHAY SI KRISTONG ATING HARI!

Sabado, Nobyembre 13, 2021

KATAPUSAN NG PANAHON: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year B - November 14, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ang lahat ba ng katapusan ay kinatatakutan?  Kailan nga ba ang pagdating ng "wakas ng panahon?" Marami sa atin ay natatakot sa pagdating ng "wakas ng panahon."  Bakit nga ba natin ito kinatatakutan? Tunay nga bang nakakatakot ang "katapusan?"   Kung pagbabasehan natin mga salitang binitawan ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay mukhang nakakatakot nga!  "Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng mga napakalaking kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan..."  Sino nga ba naman ang hindi matatakot sa "katapusan?" 

Sa isang malaking mall na kung saan ay dagsa ang mga tao dahil sa papalapit na Pasko ay bigla na lamang may sumigaw.  Isang taong nakadamit na amerikana at may karatulang hawak-hawak na nakalagay na "The end is near!"  Sumisigaw siya ng malakas na "KATAPUSAN NA! KATAPUSAN NA!"  Nang bigla na lamang may sumagot ng: "TANGA! KINSENAS PA LANG!  'WAG KA NGANG EXCITED!"  Kita na ninyo... hindi lahat ng ktapusan ay kinatatakutan.  May katapusan na kinapapanabikan!  

Hindi ang "katapusan" dahil sa hinihintay na suweldo ang tinutukoy ko bagamat sa mga mangagawa at namamasukan ay talaga namang inaabangan nila ito.  Sa ating mga kristiyano ang katapusan o wakas ng panahon ay hindi dapat katakutan kundi bagkus ay dapat pa nga natin itong kapanabikan.  Sa katunayan ang mga unang Kristiyano ay atat na atat na sa pagsapit ng katapusan ng panahon.  Ang kanilang parating sinasambit ay "MARANATHA!" na ang ibig sabihin ay "Halina, Hesus! Halina!" Ang kanilang akala ay agaran ang kanyang pagdating kaya marami sa kanila ang nagbenta ng kanilang ari-arian at hindi na nagtrabaho.  Naghihintay na lamang sa darating na katapusan!  

Hindi naman sa nais tayong takutin ni Jesus sa pagdating ng "wakas ng panahon."  Nais n'ya lang na maging mapagmatyag tayo at laging maging handa.  Maging matalino tayo sa ating buhay at matutong basahin ang hininaharap.  Ginamit ni Jesus ang paglalarawan sa isang puno ng igos. "Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos: kapag sumisipot na ang mga dahon sa sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang panahon ng pagparito niya - nagsisimula na."  Si Jesus ay nagbibigay sa atin ng paala-ala at babala.

Paala-ala na ang buhay natin sa mundo ay may katapusan.  Hindi ba't ito ang parating sinasabi sa atin sa buwan ng Nobyembre?  Sa tuwina nakikita natin itong ma sobre sa ating harapan at naririnig natin silang ipinagdarasal ay pinaaalalahanan dapat tayo na balang araw ay maisusulat din ang mga pangalan at ilalagay sa kahon na ito. Haharap tayong lahat sa Diyos at magsusulit tayo ng ating buhay.  Tayo ay kanyang hahatulan kung ginamit ba natin ng mabuti ang buhay na ipinagkaloob niya sa atin.

Kaya nga nais ng Panginoon na maging matalino ang bawat isa sa atin.  Paghandaan natin ang wakas ng panahon.  Paghandaan natin ang katapusan ng ating buhay.  Kung magaling tayong magpalano sa ating buhay at marami taong pagsisigurong ginagawa tulag ng mga insurance plan, ay dapat maniguro rin tayo sa ating kahihinatnan paglipat natin sa ating buhay sa "kabila."  

Ano bang paghahanda ang aking magagawa?  Una, tanggalin natin ang masamang pag-uugali at kung kinakailang dumulog sa kumpisal ay gawin natin ito. Walang hihigit pang mainam na paghahanda sa pagkakaroon ng isang malinis na puso.  Ikalawa, gawin nating makatotohanan ang ating mga panalangin at pagsisimba sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan at pagtulong sa mga nangangailangan lalong-lalo na sa mga mahihirap.   Sa madaling salia ang inaasahan sa atin ay ang  pag-iwas sa kasamaan at pagsisikap na gumawa ng kabutihan!

Araw-araw ay may pagkakataon tayong gumawa ng maliliit na kabutihan para sa ating mga kapatid na nangangailangan. Ang ating Panginoon ay nagbabala sa atin tungkol sa darating na "katapusan", hindi upang takutin tayo, kundi bagkus ay upang tulungan tayong maghanda sa pagdating ng araw na ito. Totoo, walang nakakaalam ng araw, oras at lugar kung saan ito mangyayari. Hindi na mahalaga kung kailan at saan.  Sa ating pananampalataya ay ipinahahayag natin ang WAKAS NG PANAHON.  Sa katunayan ay lagi nating sinasabi sa Misa na "Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay!  SI KRISTO'Y BABALIK SA WAKAS NG PANAHON!  Ibig sabihin, naniniwala tayo na may tinatawag na katapusan ng mundo at naniniwala rin tayo na may Diyos na makatarungan at mapagmahal na hindi tayo pababayaan sa araw na ito.  Ang WAKAS NG PANAHON ay parating pa lang... Ang tamang panahon ng paghahanda ay ngayon na!  Kumilos tayo ngayon at paghandaan ang kanyang pagdating!

Sabado, Nobyembre 6, 2021

BUKAS LOOB NA PAGBIBIGAY: Reflection for the 32nd Sunday in OrdinaryTime Year B - November 7, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Lahat ba ng pagbibigay ay pagakakawang-gawa?  Ngayong nalalapit na naman ang halalan, may mga kandidatong nangangakong "magbibigay" kung sila ay inyong iboboto.  Huwag na tayong magpaloko sa kanila.  Hindi ito tunay na pagbibigay sapagkat mayroon silang hinihintay na kapalit.  May mga nagbibigay din dahil  may sumobra sa kaban ng kanilang kayamanan kayat ibibigay nila ang "pinagtabasan"  at hindi naman talaga bukal sa kanilang kalooban.  May ilan ding nagbibigay na nakasimangot at masama pa ang loob.  Damang dama mo na ang sila ay napipilitan lamang sa kanilang pagbibibigay.  Ano ba dapat ang diwa ng tunay na pagbibigay?

Minsan may isang pulubi na nagdarasal sa likod ng simbahan. Siya ay umiiyak at humihingi ng tulong sa Diyos. "Panginoon, sana  naman po ay bigyan mo ako ng limandaang piso upang ipambili ng gamot sa aking amang may sakit.  Mahal na mahal ko po siya.  Huwang Mo sana kaming pabayaan!"  Narinig siya ng isang pulis na nagkataong nagdarasal din sa likod.  Naawa ang pulis sa kanya at dumukot ng pera sa kanyang wallet.  Nagkataong dalawang daan lang ang kanyang cash sa wallet ngunit minabuti niyang ibigay na rin ito sa pag-iisip na kahit papaano ay makakatulong din sa kaawa-awang bata.  Laking gulat ng bata ng iniabot sa kanya ng pulis ang dalawang daang piso.  Tiningnan niya ang pulis mula ulo hanggang paa at muling nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po. Ang bilis niyo namang sumagot, parang 'Express-padala!'  Pero sana next time, 'wag n'yo sanang ipaabot kay mamang pulis.  Ayun, nagkulang tuloy ng tatlong daan!"  hehehe...  

Bakit nga ba kapag may nagbigay sa atin ay agad-agad nating tinitingnan kung sino ang nagbigay?  Kasi nga naman hindi lahat ng pagbibigay ay tunay na pagkakawang-gawa!  Tandaan natin na hindi nasusukat ng laki ng halagang ibinigay ang kabutihan ng taong nag-abot nito. Tingnan ninyo ang ibang pulitiko, dahil "election season" na naman kaya't siguradong marami ang magpapamudmod ng pera at mistulang Santa Claus na nagbibigay ng mga regalo.  Ang intensiyon nila ay hindi para makatulong kundi upang makabili ng boto ng mga taong mahihirap. At saan ba nanggaling ang perang ipinamimigay nila?  Hindi ba sa buwis din ng mga mahihirap?  O kaya naman, dahil malapit na naman ang Pasko, marami na naman ang magpapakain sa mga bata, mamimigay ng nga laruan at ibang kagamitan, mamimigay ng pera.  Ang tanong ano ba ang kanilang ibinibigay?  Baka naman "mumo" lang ng kanilang kayamanan.  Baka naman mga damit, gamit o damit na pinaglumaan na halos hindi na magamit ng taong tatanggap.  Ibig sabihin, hindi lahat ng pagtulong ay pagkakawang-gawa!  Ano ba ang tunay na pagbibigay?  

May sagot si Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo.  Bakit kinalugdan ni Jesus ang babaeng dukhang balo sa talinhaga?  Bagamat dalawang kusing lamang ang kanyang inihulog, lubhang napakaliit kumpara sa mga inihuhulog ng mga may kaya at mayayaman,  ay nakita ni Jesus ang laki ng kanyang puso sa pagbibigay. “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”  

Ang tunay na pagbibigay ay nanggagaling hindi sa kamay kundi sa puso!  Hindi ang laki ng halaga kundi ang laki ng puso ang sukatan ng tunay na pagbibigay!  Ito ay ipinakita mismo ni Jesus ng ibinigay Niya ang kanyang sarili sa krus upang mailigtas tayong mga makasalanan.  Ito ay patuloy niyang ipinapakita sa bawat pagdiriwang ng Eukaristiya na kung saan sa anyong tinapay at alak ay ibinibigay ni Jesus ang Kanyang sarili sa atin bilang pagkain ng ating kaluluwa.  Ito'y patuloy niyang ipinadarama sa atin sa pamamagitan ng maraming taong taos sa puso ang pagtulong sa mga mahihirap.  

Taos sa puso ba ang aking pagbibigay?  Mararamdaman natin ito kung may kahalong sakit ang ating ginawang pagtulong sapagkat ang tunay na pagbibigay ay may kasamang sakripisyo.  Masasaktan ka kung tunay kang nagbibigay sapagkat may nawawala sa iyo sa bawat pagbibigay mo.  At dahil ang pagbibigay ay isang sakripisyo, ito ay nagpapaging-banal sa mga taong naghahandog nito.  

Bakit hndi mo subukang taos-pusong magbigay?  Pagbibigay ng oras sa iyong asawa at mga anak, paglalaan ng oras ng mga anak para sa kanilang magulang, pagtulong sa isang kaibigang may problema, ay ilan lamang sa pagbibigay na hindi nangangailangan ng salapi.  At bakit hindi, kung mayroon kang kakayahan, tumulong ka sa mga mahihirap o nasalanta ng kalamidad, makibahagi sa mga proyekto ng Simbahan para sa mahihirap. Mag-abuloy sa simbahan.  Napakaraming paraan para makatulong sa kapwang nangangailangan. Kailan ka huling nagbigay na nasaktan ka dahil may ibinahagi ka na nagmumula sa iyong sarili?  

Magandang pagnilayan natin ito. Baka kasi mababaw pa rin ang ating motibo sa pagtulong. Baka kailangan pa ring salain ang ating motibasyon at intensiyon kapag tayo'y nagbibigay. Ang sabi nga ni Mother Teresa ng Calcutta na tinaguriang "the living saint" noong siya ay nabubuhay pa, "We love and love until it hurts... until we realize and feel that there is no more hurt but love..."  Nasa kalagitnaan na tayo ng pagdiriwang ng ikqa-500 Taon ng Anibesaryo ng Ating Pananampalataya at muli tayong pinaaalalahanan ng slogan na "Gifted to Give".  Hinihikayat tayo ng ating Inang Simbahan na maging daluyan ng biyaya ng Panginoon para sa ating kapwa sapagkat malaki ang tinanggap nating biyaya, ang ating pananampalatayang Kristiyano.  Sa halip na sarilinin natin ang biyayang ito, bakit hindi natin subukang ibahagi sa iba sa pamamagitan ng mga kawanggawa at pagtulong sa mga lubos na nangangailangan?  Ang pagsaksi sa ating pananampalataya ay walang saysay kung ito ay naiiwan lamang sa salitang ating binibitawan.  Ang sabi nga ni Santiago Apostol: "Ang pananampalatayang walang kasamang gawa ay pananampalatayng patay!"  

Marahil isang magandang tanong sa ating pagninilay ay; "May naibigay na ba ako na nagmula sa aking sarili para sa mga mahihirap?" Walang masama kung isusulat mo ang kanilang pangalan at ialay mo sa Panginoon ang listahan ng mga taong natulungan mo ngayong Taon ng Missio Ad Gentes.  Lahat tayo ay may kakayahang magbigay.  Ang sabi nga: "Kindness is a gift everyone is afford to give."  Nawa ay mapukaw ang ating damdamin sa isang tunay at taos pusong pagbibigay.  Pagbibigay na hindi naghihintay ng kapalit. Pagbibigay na walang panunumbat at panghuhusga.  Pagbibigay na nagpapahayag ng awa at pagmamahal ng Diyos sa ating lahat. 

Linggo, Oktubre 31, 2021

TODOS LOS SANTOS (Reposted) : Reflection for All Saints' Day - Year B - November 1, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ngayon ay ang pagdiriwang ng ALL SAINTS DAY!  Pinararangalan natin ang lahat ng mga BANAL sa kalangitan.  kilala man natin sila o hindi natin kilala.  Ang araw ding ito ay ARAW NG MGA BANAL at hindi ARAW NG MGA PATAY.  Bukas pa ang pag-alala natin sa kaluluwa ng ating mga mahal na yumao!  Kaya mamyang hating gabi ay hindi "gabi ng lagim" o GABI NG KATATAKUTAN kundi GABI NG KABANALAN! Ilan ba ang mga banal na ating ipinagdiriwang.  Hindi lang isa, dalawa, sampu o kahit isang daan pa man!  Pakinggan n'yo ang kuwentong ito:  

Isang araw si Pedro ay umuwi ng bahay na umiiyak at hawak-hawak ang kanyang ulong wala nang buhok.  "Anung nangyari sa ulo mo? Bakit nagpakalbo ka?  tanong ng kanyang nanay. "Paano po kasi naglaro kami ng bunutan ng buhok ng kaibigan kong si Juan.  Kada banggit ng pangalan ng isang Santo ay bubunutan ng buhok! Halimbawa po, San Juan Bosco, isang buhok po yun!  Banal na mag-anak na Jesus Maria at Jose... tatlo po yun!  Labindalawang apostol... labindalawang buhok po yun!"  sagot ni Pedro.  "O eh bakit naman buong buhok mo ang naubos?" tanong ng nanay.  "Kasi po ng naubusan na siya ng maibibigay na pangalan ng santo bigla ba namang sinigaw niya ang TODOS LOS SANTOS! Ayun sa barbero ang tuloy ko!  

Tama nga naman, dahil ang todos delos santos ay nangangahulugan ng "lahat ng mga banal."   Sa katunayan nga ay kulang pa ang lahat ng buhok natin upang mabilang ang lahat ng mga banal sa langit.  Mas marami kasi sa kanilang mga "nasa itaas" ang wala sa opisyal na listahan ng Simbahan na tinatawag natin ngayon sa titulong Santo o Santa.  Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa.  Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?"  

Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!"  Nasa itaas ang duktor!

Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na hindi kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na marahil marami sa kanila ay hindi natin kilala. Sila ang mga "unsung heroes" ng ating Simbahan na naging tapat at nag-alay ng kanilang buhay para kay Kristo.  Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin.  Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Sila ang mga "mapapalad" na tinukoy ni Jesus sa Ebanghelyo.  Marahil sa mata ng mundo sila ang mga aba, nagugutom, tumatangis, inuusig, inaapi. Ngunit sa mata ng Diyos, sila ang tinuturing Niyang "mapapalad" sapagkat noong sila ay nabubuhay pa ay lubos ang kanilang pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos.  

Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang maging banal!  Kaya nga't ang kapistahang ito ay hindi lamang para sa kanila. Sa katunayan, ito ay para sa atin.  Tayo ang nangangailangan ng kanilang panalangin.  Tayo ang nangangailangan ng kanilang inspirasyon upang matulad tayo sa kanila at isang araw ay mapabilang din sa hanay ng mga banal.  Sikapin nating magpakabuti habang tayo ay naririto pa sa lupa.  Ang kasalanan ang hadlang sa ating pagiging banal.  Sa tuwing tayo ay gumagawa ng kasalanan ay nalilihis tayo sa pagtawag ng Diyos na maging banal.  Ang kabanalan ay pagtawag para sa lahat.  Akuin natin ang pagiging banal.  Isabuhay natin ang mga aral ni Kristo. Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti at balang araw ay makakamit din natin ang gantimpala ng kalangitan.  Balang araw ay makakasama rin tayo sa kalipunan ng mga Banal o TODOS LOS SANTOS!

Sabado, Oktubre 30, 2021

PAG-ALALA SA PATAY... PAGMAMAHAL SA BUHAY: Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year B - October 31, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Nobyembre na bukas aalalahanin na naman natin ang ating mga mahal na yumao. Kakaiba lang nga ngayon ang ating pag-alala sa kanila.  Sarado at tahimik ang sementeryo.  Katulad noong isang taon, marami sa atin ay magtitirik na lamang ng kandila sa kanilang mga bahay o magsisimba na lang bukas para alayan ng Misa ang kanilang mga mahal sa buhay na pumanaw.  Mabuti na lang at isinara ang dolomite beach dahil kung hindi ay magiging paglapastangan ito sa ating nakagawian ng tradisyon... ang pagdalaw sa mga patay.  

Pero dahil nga nasa alert level 3 pa rin tayo ay bawal pa rin ang dalawin sila bukas at sa susunod na araw.  Pero huwag kayong malungkot, maari namang sila ang dumalaw sa inyo!  Just text DALAW send to 2366 at presto... sila mismo ang dadalaw sa inyo!  hehehe. May options pa 'yan: PRESS 1: hihilahin ka sa paa, PRESS 2: hahawakan ng malamig na kamay sa pisngi, PRESS 3: isasama ka sa kabilang buhay!  Siyanga pala, pakisabihan na lang na dapat ay nakasuot din sila ng facemask at faceshield!  

Ang nakaugalian nating pagdalaw sa mga patay ay patunay lamang na mahal na mahal natin ang ating mga yumao.  Bakit nga ba kapag patay na ang isang tao ay doon lamang natin ipinapakita na mahal natin sila?  Ang ating pagbasa ngayon sa Ebanghelyo ay nagsasabing habang buhay pa ang ating kapwa ay dapat alayan natin sila ng pagmamahal.  Tinanong si Jesus ng isang eskriba kung ano ang pinakamahalaga sa lahat ng mga utos?  Ang sagot ni Jesus ay ang tinatawag ng mga Judio na SHEMA ISRAEL o makinig ka Israel!  ‘Pakinggan mo, Israel!  Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong  pag-iisip, at nang buong lakas.’  Wala namang bago sa sinabi ni Jesus sapagkat ito ay alam na alam ng isang tapat na Judio.  Ang bago sa kanyang sagot ay idinugtong niya ang isang utos na hango sa aklat ng Levitiko 19, 18.  Ang taludtod na nagsasabing: ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ 

Madaling mahalin ang Diyos sapagkat hindi naman natn Siya nakikita. Mas mahirap mahalin ang kapwa na araw-araw nating nakakasama.  Ngunit kung titingnan natin ay hindi natin maaring paghiwalayin ang dalawang utos na ito.  Sabi nga sa ingles, "they are two sides of the same coin!"  Tunay sapagkat ang pagmamahal sa Diyos na walang pagmamahal sa kapwa ay pagsambang pakitang tao lamang.  Ang pagmamahal naman sa kapwa na walang pagmamahal sa Diyos ay purong "social work" at siguradong hindi magtatagal sapagkat walang tunay na basehan.  Ang tawag din natin dito ay VERTICAL at HORIZONTAL dimension of our faith.  

Sa taong ito na ipinagdiriwang natin ang ika-limandaang taon ng ating pananampalatayang kristiyano ay, itukod natin ang ating buhay sa isang mas malalim na pagkilala sa Diyos. Mas mamahalin natin Siyang tunay kung Siya ay ating munang kilala.  Idugtong naman natin dito ang ating paglilingkod sa kapwa sapagkat sa bawat pagtulong sa kapwang nangangailangan ay kabutihan na ginagawa natin sa Kanya.  

Ang ala-ala ng mga yumao ay dapat magbigay sa atin ng inspirasyon na habang tayo ay may buhay pa ay ipadama natin ang ating pagmamahal sa sa ating kapwa, maging mas matulungin, mas maalalahanin, mas mapang-unawa, mas mapagpatawad tayo sa isa't isa.  Marahil ay magandang paalala ang iniwan sa atin ng yumaong singer na si Rico Puno.  Ang sabi ng isang kanyang pinasikat niya:  "Kung ano ang di mo gusto 'wag gawin sa iba. Kung ano ang 'yung inutang... ay siya ring kabayaran. Sa mundo ang buhay ay mayroong hangganan dahil tayo ay lupa lamang.  Kaya't pilitin mong ika'y magbago, habang may panahon ika'y magbago.  Pagmamahal sa kapwa ay... isipin mo!"  Kaya ngayong buwan ng Nobyembre ay mahalin natin ang mga buhay habang ating inaalala ang ating mga patay.

Sabado, Oktubre 23, 2021

AKO AY MISYONERO NI KRISTO: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year B - October 24, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES / WORLD MISSION SUNDAY / SYNOD IN SYNODALITY

Ngayon ang Linggo ng Misyong Pandaigdig o World Mission Sunday na kung saan ay inaalala natin ang mga kapatid nating nagpapalaganap at nagpapatotoo sa Mabuting Balita ni Kristo sa labas ng ating bansa.  Nagpapasalamat tayo sa kanilang sakripisyo at pag-aalay ng sarili sa "paglilingkod"  lalong-lalo na sa mga dukha at napapabayaan.  

Dalawa ang kinikilalang Patron ng Misyon. Una, ay si San Francisco Xavier, isang paring Heswita na nagpakita na kakaibang sipag at dedikasyon sa pamamagitan ng paglalakbay sa malalayong lupain.  Nangaral siya at maraming nahikayat sa ating pananampalatayang Katoliko at ginugol niya ang kanyang buhay hanggang sa huli niyang hininga sa pagpapalaganap ng kanyng Mabuting Balita.  Ang pangalawa naman ay Santa Teresita ng Batang Jesus.  Hindi siya kasing sigasig ni San Francisco na naglakbay sa maraming bansa.  Sa katunayan ay nakakulong lamang siya sa apat na sulok ng kanilang kumbento, ngunit sa kanyang pag-iisa ay mas marami pa siyang kaluluwang nakatagpo at naihatid kay Kristo sa pamamagitan ng kanyang sakripisyo at panalangin. 

Marahil ay sinadya ng Simbahan na ideklara siyang Patron ng Misyon upang ipaalala sa atin na tayong lahat ay MISYONERO!  Katulad nga ng sinabi ng banal na Santo Papa Juan Pablo II, "Ang mamatay para sa pananampalataya ay pagtawag lamang para sa ilan, ngunit ang ISABUHAY ang pananampalataya ay pagtawag sa LAHAT!"  Ibig sabihin, kahit sino ay maaring magpatotoo kay Kristo. Lahat tayo ay maaaring maging MISYONERO.   

Ito ang pagiging misyonero na maari nating gawin. Ito ang pagiging misyonero na nais ni Jesus para sa atin.  Siya na naparito "hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod" at nag-alay ng kanyang buhay para sa lahat ay nag-aanyaya sa atin sa isang buhay paglilingkod.  Ano ba ang magagawa ko para sa misyon?  Una sa lahat ay ang pag-aalay ng panalangin para sa kanila.  Malayo ang mararating ng ating mga panalangin at marami ang matutulungan nito sa ating mga misyonero.  Pangalawa ay ang pagtulong sa gawain ng misyon.  Maraming paraan upang gawin ito. Mula tulong pinansiyal hanggang pagboboluntaryo para sa gawain ng misyon ang maari nating isakatuparan ang ating pagtulong.  At pangatlo ay ang pagsasabuhay ng ating bokasyon bilang mga misyonero. Tayong lahat ay isinugo ng ating Panginoon: "Sumainyo ang kapayapaan... kung paanong isinugo ako ng Ama gayundin naman ay isinusugo ko kayo."

Ang pagsusugong ito ay hindi lamang personal na pagtawag.  Ito rin ay ginagampanan natin bilang isang Simbahan.  Sama-sama tayong naglalakbay upang isakatuparan ang misyong iniatang sa atin ng Panginoon at hinihingi nito ang ating pakikibahagi.  Ang tawag dito ng ating Inang Simbahan ay SYNODALITY.  Ang sama-samang paglalakbay na ito bilang isang Simbahan ay maisasakatuparan natin sa pamamagitan ng pakikinig, pag-unawa, at pakikibahagi.  Maglaan tayo ng ating panahon, oras at kakayahan upang magampanan ito.  Kung bukas ang ating palad sa pagtanggap ng mga biyayang mula sa Diyos ay dapat maging bukas din ang ating palad sa pagbibigay ng ating sarili... ang pagbibigay ng ating sarili ay paglilingkod.  Tandaan natin parati na tayong lahat ay misyonero.  At tanungin natin ang ating mga sarili:  "Kumbinsido ba ako sa aking pagtawag bilang misyonero? Paano ko ito isinasabuhay?"

Sabado, Oktubre 16, 2021

SERVANT LEADER: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year B - October 17, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Kahapon, sa ating parokya ay sinimulan na natin ang Voters Education para sa Halalan 2022.  Naging tagapagsalita si Fr. Jerome Secillano,  Executive Secretary, CBCP Permanent Council on Public Affairs, at ipinaliwanag niya ang ibig sabihin ng "One Godly Vote" para sa darating na halalan.  Mas maaga natin itong sinimulan sapagkat nakikita natin ngayon na naglilinyahan na ang mga nais kumandidato sa darating na halalan.  Nag-uunahan silang makamit ang matataas na posisyon sa pamahalaan katulad din ng dalawang alagad ni Jesus na sina Santiago at Juan na nagnanais na maupo sa kanan at kaliwa ni Jesus.  Nagalit pa nga ang mga kapwa nila alagad ng malaman ito, sapagkat sila rin marahil ay may pagnanais din.  Ngunit nilinaw ni Jesus ang ibig sabihin ng pag-upo sa kanyang kaliwa at kanan.  Ipinaliwanag niya na ang kadakilaan ay wala sa kataasan ng posisyon kundi ito ay makikita sa mapagkumbabang paglilingkod.  "Ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat."  

Ganito ang kadakilaang ipinakita ni Jesus.  Siya ang masasabi nating tunay na "Servant Leader" o "Pinunong Lingkod" sapagkat siya ay dumating hindi upang paglingkuran bagkus ay upang maglingkod.  Siya ay isinilang upang maglingkod at magbigay buhay sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay sa krus. Ibang-iba sa ating pag-iisip kung sino ba talaga ang tunay na pinuno.  Ang lagi nating iniisip ay ang malakas, makapangyarihan at kinatatakutan. Mayroong isang kuwentong pabula tungkol dito: 

Isang isang araw ay nagpulong-pulong daw ang mga hayop sa gubat.  Ibig nila na magkaroon ng leader para manguna sa kanila.  Madali kasi silang mahuli ng mga tao dahil sa wala silang pagkakaisa at walang tagapagtanggol.  Nagbotohan sila at tatlong kandidato ang lumabas - ang leon, ang kuwago at ang usa. Gusto ng ilan ang usaq, sapagkat ito ay mabilis.  Mabilis siyang makapagbabalita sa lahat sa pagdating ng tao at makatatakas sila.  Ibig ng ilan ang kuwago sapagkat ito ay matalino.  Makagagawa siya ng plano para maiwasan ang tao.  Ngunit ang karamihan ay pumili sa leon, siya ay malakas at mabangis, maipagtatanggol niya ang mga hayop.  Nanalo nga ang leon.  Noong naging hari na ang leon, tuwang-tuwa sila.  Sa wakas may haharap na sa mga tao.  Pero ang sabi ng leon, "Paano ko mahaharap ang mga to kung mahina ako dahil sa gutom ako? Kailangang maging palaging busog ako para pagdating ng tao, mahaharap ko sila."  Kaya mula noon araw-araw siyang kumakain ng isa sa mga hayop. Sa halip na makatulong, naging salot pa ang leon sa mga kahayupan. 

Ganyan ang mangyayari sa atin kung ang pipiliin nating lider ay ang malakas at makapangyarihan sa halip na ang may mababang loob at mapagbigay.  Tandaan natin na ang kayamanan o kapangyarihan ay hindi kumikilala ng hangganan.  Walang mayaman o makapangyarihan na magsasabing sapat na ang  kanyang kayamanan o kapangyarihan. Mas lalo pa siyang maghahangad nito.  Kaya nga't ang kababang-loob ni Jesus at ang kanyang pagiging lingkod ang ating dapat na maging batayan sa pagpili ng ating mga namumuno.

Habang lumalapit ang halalan at nagpapakilala sa atin ang mga maging lider ng ating bansa ay kilatisin natin sila sa pamantayan ng isang "Kristiyanong Lider" at ito ay ang pagiging "pinunong-lingkod" na tulad ng kay Jesus.  Siya ay hindi kumabig, siya ay nagbigay.  Hindi mahalaga sa kanya ang posisyon.  Hindi mahalaga sa kanya ang pangunahing puwesto o ang parangal ng mga tao.  Ang mahalaga sa kanya ay ang pagpapakumbaba at paglilingkod.  Bilang pinuno nauunawaan niya ang ating kalagayan sapagkat dinanas din niya ang ating kalagayan.  Talgang ginusto niya ang ginawa niyang makiisa sa atin. Kaya nga't ang tawag natin sa kanya ay Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin.  Si Jesus ang ating tularan sa pagpili ng magiging mga pinuno natin kung gusto nating magkaroon ng maka-Kristiyanong pamunuan.  Piliin natin ang isang pinunong-lingkod o Servant Leader.

Sabado, Oktubre 9, 2021

MASAYANG BUHAY: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year B - October 10 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Masaya ka ba sa buhay mo ngayon?  Sa totoo lang, tanungin mo ang iyong sarili... Hindi naman siguro masamang tanungin natin ang ating sarili sapagkat dito nakasalalay ang kahulugan at kabuluhan ng ating buhay.  Ito ang ninanais ng marami sa atin, ang maging masaya!  At ito rin ang gusto ng marami sa atin para sa ating mga minamahal sa buhay: "Gusto ko... HAPPY KA!"  

Lalo na sa ating mga Pilipino na sadlak sa kahirapan ang buhay ngayong panahon ng pandemya, dala ng pagkawala ng mapapasukang trabaho at dala ng pagtaas ng inflation rate at dahil d'yan ay ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, ay nais nating maging maligaya at makaranas kahit man lang saglit na kaginhawaan!  Kaya nga patok sa atin ang mga "malls" at "shopping centers", na kahit na naririyan ang banta ng Covid19 ay patuloy pa rin ang operasyon, kasi kahit paano ay naiibsan ang ating problema sa maikling oras ng paggala kahit wala namang bibilhin.  Pagmasdan mo ang mga nakakasulubong mo, halos lahat nakangiti, parang may mga pera sila; sa totoo lang marami sa kanila palakad-lakad, patingin-tingin, pahawak-hawak sa mga damit, tapos iiwang magulo hindi naman pala bibili.  At kitang-kita rin ito sa haba ng mga taong pumipila upang tumaya sa "ultra lotto" lalo na kung  umabot na ng mahigit isang bilyon ang premyo!  Ikaw, anung gagawin mo kapag nanalo ka ng isang bilyon sa lotto?  

May isang kuwento na minsan daw ay may isang lola ang walang kaalam-alam na nanalo s'ya sa ultra-lotto ng isang bilyong piso.  Ang problema ng kanyang mga kasambahay ay kung paano nila ito sasabihin sa kanya sa kadahilanang may sakit siya sa puso at matanda na!  Naisip nilang imbitahan ang kanilang kura-paroko dahil kaibigang matalik ito ng kanilang lola at isa pa ay matagal din siyang naglingkod sa simbahan bilang isang Legion of Mary.  Hiniling  nila sa pari na s'ya na ang magbukas ng balita sa kanilang lola sa maingat na paraan na hindi niya ikabibigla.  Sumangayon naman ang pari at isang gabi ay dumalaw ang pari sa bahay at kinausap ang matanda: "Lola, kamusta na ang lagay ninyo?" Sagot ng matanda: "Mabuti naman po padre..." At nagkuwentuhan sila ng matagal. Nang mapansin ng pari na nalilibang na at relax na ang matanda ay tinanong niya ito: "Lola, kung sakaling manalo kayo ng isang bilyon sa lotto... anung gagawin ninyo sa pera?" "Aba padre," sabi ni lola, "kung ako ang mananalo ng isanf bilyon ay ibibigay ko ang kalahati sa Simbahan." Nang marinig ito ng pari ay inatake siya sa puso at namatay! hehehe...  

Mahirap din nga naman ang sobrang kasiyahan! Nakamamatay!  "Paano nga ba ako magiging tunay na masaya?" Tanong din ito ng binatang mayaman sa ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito.   "Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Ang pakahulugan ng "buhay na walang hanggan" kung isasalin sa ating modernong pananalita ay "kaligayahan".  Mabuting tao ang lalaki. Sa katunayan sinabi sa Ebanghelyo na siya ay masunurin sa batas at walang inaargabyadong tao. Sa katunayan ay nalugod si Hesus sa kanya. Tiningnan siya ng magiliw at may paghanga. Ngunit may nakita pang kulang si Jesus sa kanya. "Gusto mong lumigaya, ipagbili mo lahat ng ari-arian mo, ibigay mo sa mahihirap at sumunod ka sa akin..." Nagulat ang lalaki sa kundisyon ni Jesus sapagkat sya'y mayaman.  Malungkot ang katapusan ng pagtatagpong iyon. Tumalikod na malungkot ang binata at wala ng narinig pa tungkol sa kanya.  

Saan ba nakasalalay ang ating kaligayahan? Sa kayamanan ba? Sa pagiging masunurin ba sa batas ng Diyos? Sa pagiging "masunuring Kristiyano" ba? Ang sagot ni Hesus: pagtalikod sa lahat ng mga sagabal sa ating pagsunod sa Kanya!  Hindi Niya sinasabing kawawa ang mayayaman dahil marami silang kayamanan.  Ang kanyang nais bigyang diin ay wala dapat maging hadlang sa pagnanais nating sumunod sa kanya.  Hindi lang para sa mayayaman ito sapagkat kahit ang mahirap man ay maari ring matali sa mga materyal na bagay sa simpleng maling pagnanasa sa mga ito.  Ang nais niyang sabihin ay alam dapat natin ang ating pinahahalagahan sa buhay.  Ang kayamanan o ari-arian ay hindi dapat inuuna sa ating pagmamahal sa Diyos at kapwa.  Ang Diyos pa rin dapat ang una sa ating buhay. Ang pagtupad sa Kanyang kalooban ang dapat nating pinahahalagahan sa lahat.  

Sa katunayan, ang ating sarili ang dapat na pinakahuli sa lahat.  "I am third" ang sabi ng isang estudyante ng tanungin siya tungkol sa kanyang motto sa buhay.  "Anung ibig sabihin nun?" sabi ng kanyang guro.  "Sir, ito po ang nagpapaalala sa 'kin ng dapat kong pahalagahan sa aking buhay: God first, others second, I am third."  Ito ang magbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan.  Ito ang "Gospel of Joy" ng isang tagasunod ni Kristo.  Dito siya magiging tunay na buhay.  Kahit na sa mga hindi mabuting pangyayari sa buhay ay makikita niyang ito pa rin ay biyaya ng Diyos na "blessing in disguise"  sapagkat alam niyang lahat ay dahil sa malaking pagmamahal Niya.  

Ngayon ding araw na ito, kasabay ng pagdiriwang ng Linggo ng mga Katutubo ay ipinagdiriwang din natin ang Araw ng Pagpapagaan ng Lubhang Kahirapan o Extreme Poverty Alleviation Day.  Pagkatapos ng ating pagpapahalaga sa Diyos ay susunod naman ang ating pagpapahalaga sa ating kapwa, lalong lano na sa mga kapatid nating sadlak sa kahirapan.  Kung talagang pangalawa sila sa ating pinahahalagahan ay dapat lang na mayroon tayong ginagawa kahit na maliit para sa kanila.  Ang sabi ni St. Mother Teresa ng Calcutta: "If you cannot feed one hundred people then feed at least one..."  Tama nga naman, sapagkat ang kaligayahan sa pagtulong sa iba ay hindi nasusukat sa laki ng halagang ibinigay kundi sa laki ng puso ng nagbibigay.  

Nais ng Diyos na masaya tayong lahat sa ating buhay.  Nais niyang maligaya tayong kristiyano.  Pahalagahan natin Siya ng higit sa lahat at magiging masaya tayo sa ating buhay.  Dahil ang gusto ng Diyos ay HAPPY tayong lahat!

Sabado, Oktubre 2, 2021

PAMILYANG LAUDATO SI: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year B - October 3, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES - SEASON OF CREATION

Ang buwan ng Oktubre ay buwang ng pandaigdigang Misyon o World Mission na kung saan ay pinaalalahanan tayo na ang bawat isa sa atin "misyonero."  Sa katunayan ay sinimulan natin ito sa Kapistahan ni Santa Teresita ng Batang Jesus na kinilalang Patron ng Misyon bagaman hindi siya nakalabas ng kumbento upang ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo.  Ang pagiging misyonero ay dalawang uri.  May mga tinawag upang ipalaganap ang Mabuting Balita sa ibang panig ng mundo.  May mga misyonero ring tinawag upang isabuhay ang mensahe ni Kristo sa lugar na kanyang ginagalawan tulad ni Santa Teresita.  

Marami sa atin ang nabibilang sa ikalawang uri at tinatawag tayong magpalaganap ng Mabuting Balita ni Kristo sa pamamagitan ng araw-araw na pagsaksi sa ating pananampalataya. At ano ba ang pinakamaliit na institusyon na ating kinabibilangan? Walang iba kundi ang PAMILYA.  Ano nga ba ang misyon natin sa pamilya?  Ang misyong ito ay nakabatay sa huling habilin ni Jesus sa ating lahat bago niya tayo lisanin: "Magmahalan kayo!"  At ano naman ang ugat ng misyon ng pagmamahalan sa loob ng tahanan?  Masasagot natin ang mga katanungang ito kung muli nating babalikan ang orihinal na plano ng Diyos sa pagtatatag ng pamilya.  

Sa tuwing ako ay nagkakasal ay lagi kong itinatanong sa mga mag-asawa ang dahilan kung bakit nila pinili ang isa't isa?  Ang karaniwang sagot na aking natatanggap ay sapagkat "mahal namin ang isa't isa!"  Wala naming mali sa kasagutang ito ngunit kung mas malalim nating susuriin ang tanong ay parang may kulang sa mga matatamis na salitang "Dahil mahal ko siya."  Ngunit kung ating tatanungin ang maraming mag-asawang matagal ng nagsasama ay sasabihin nilang hindi sapat ang pagmamahal sa isang matibay na relasyon.  Ang pag-ibig ay maaring magbago.  Ang init ng pagmamahal ay maaring manlamig sa paglipas ng panahon. Ngunit ang katotohanan na forever mananatili ito ay ang paniniwala ng mag-asawa na sila ay itinalaga ng Diyos sa isa't isa!  Ito ang plano ng Diyos para sa mag-asawa, na sila ay pag-isahin sa kanilang pagsasama at walang maaaring makapaghiwalay sa pagsasamang ito.  

Ito ang sinabi ni Jesus ng tanungin siya kung maaring hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa: "Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa."  At para tuldukan ang usapin ng paghihiwalay ay nagbigay siya ng paalala sa atin: "Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”  Kaya nga't matatag ang paninidigan ng Simbahan kapag usapin ng divorce ang pinagtatalunan.  Sapagkat ang Kasal o pagtataling-puso ng lalaki at babae ay imbensiyon ng Diyos at hindi ng tao.  Walang karapatan ang taong baguhin ang isang sagradong bagay na itinatag ng Diyos.  Kaya nga ito ay tinatawag din ng Simbahang sakramento na ibig sabihin ay banal.  

Kaya gayon na lamang ang paala-ala ng Simbahan sa mga may nais na pasukin ang Sakramentong ito. Sa panahon na lahat ay minamadali ay pinapaalalahanan tayong gamitin ang isip talino at oras sa pagpapasiya.  Dapat kilalaning mabuti ng magkasintahan ang isa't isa.  At para naman sa mga nagsasama nang kasal, laging sanang pakaisipin ng mag-asawa na kung ang Diyos ang nagbuklod sa kanila, ay hindi sila pababayaan ng Diyos sa mga problemang kanilang kinakaharap.  Kaya nga't napakahalga ang pagtitiwala sa Diyos na nagbuklod sa kanila. Ang problema ay kapag nakalimot na ang mag-asawa sa Diyos at hindi na sila nagdarasal ng magkasama. Ang sabi nga ng isang nabasa kong quote ay: "The couple that prays together stays together!"  Maganda sigurong tanungin ng mga mag-asawa kung ang Diyos ba ay kasama pa nila sa kanilang pagsasama?  Tanggapin natin ang masakit na katotohanan na marami sa mga mag-asawa ngayon ay hindi na nagdarasal o nagsisimba ng sabay!  At nawala na rin sa kanilang pag-iisip ang Diyos na nagbuklod sa kanila.  

Ipagdasal natin ang Pamilyang Pilipino upang mapanumbalik ang kanilang pananampalataya sa Diyos.  Ang Oktubre rin ay ang buwan ng Santo Rosaryo at ngayong buwan ng Santo Rosaryo ay magandang simulan muli ng mga miyembro ng pamilya ang pagdarasal ng sama-sama.  Ang paalala ng Rosary Family Crusade ay "The family that prays together... pero hindi lang stays together!  Mas malalim pa ang mangyayari... they will love each other!  

Sa pagtatapos ng Panahon ng Paglikha, ipinapaalala sa atin na ang muling pagtatatag ng mundong ating tahanan ay nakasalalay sa pagakakaisa ng pamilya.  Ang "Laudato Si Family" ay naglalayong ipabatid sa pamilya na mayroon silang pananagutan sa pangangalaga at pagpapayaman ng handog ng Diyos na kalikasan.  Sa pamamagitan ng isang simpleng pamumuhay na nilalaman ng prinsipyong "less is more" ay maari nilang makamit ang kaligayahang kanilang minimithi.  Ang kaligayahan ng pamilya ay nakasalalay hindi lamang sa kung ano ang mayroon tayo kundi ang pagpapahalaga sa maliilit na mayroon tayo at tamang paggamit nito.  Ito ang paalala ni Pope Francis:  "Christian spirituality proposes a growth marked by moderation and to be happy with little. It is a return to that simplicity which allows us to stop and appreciate the small things, to be grateful for the opportunities which life affords us, to be spiritually detached from what we possess, and not to succumb to sadness for what we lack."  (Laudato Si #222)   Nawa ay makamit ng bawat pamilyang Kristiyano ang kaligayahan at pagkakaisa sa pamamagitan ng isang simpleng pamumuhay na nakasentro sa Diyos.  Isang pamilyang matatawag na "Laudato Si Family!"  



Sabado, Setyembre 25, 2021

KATOK NA LIKO PA: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year B - September 26, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES - SEASON OF CREATION

Proud ka bang maging katoliko?  Kung minsan sinasabi ng ilan na sila ay "Katoliko-Sarado", anung ibig sabihin nito?  Ang Katoliko-Sarado ba ay nangangahulugan ng matibay na paninindigan sa ating pananampalataya at pagiging Katoliko sa ating isip, salita at gawa?  
Ano nga ba ang dapat ipakahulugan kapag sinabi nilang Katoliko ka? Sabi raw nila... tayong mga Katoliko ay may "katok" na "liko" pa! Papayag ka ba?  Maraming Katoliko ang binansagang KBL sapagkat makikita mo lang sila sa simbahan sa tatlong sandali ng kanilang buhay: sa kasal, binyag at libing.  Ano ba ang kahulugan ng ating pagiging "katoliko?"   

Isang mayamang matandang biyuda ang lumapit sa pari at hiniling na misahan ang kanyang namatay na alagang pusa sapagkat mahal na mahal niya ito at itinuturing na tunay n'yang anak.  Tumanggi ang pari at sinabing hindi maaaring alayan ng misa ang isang hayop. "Ganoon po ba Father, sayang... Sampung libo pa naman ang iaalay kong donasyon para sa Misa . Di bale, d'yan na lang sa kabilang simbahan ng Aglipay ko siya pamimisahan." Biglang napasigaw ang pari: "Misis... hindi puwede yan!!! Isa kang Katoliko kaya't Katoliko rin dapat ang pusa mo!  Tara na! Misahan na natin siya!  hehehe...  

Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang "Katoliko" na nakakabit sa ating pangalang Kristiyano? Makikita ba ito sa Bibiliya? Kung si Bro. Eli ang tatanungin, ang sagot ay hindi!  Hindi naman kasi tagalog ang salitang Katoliko. Ito ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay "universal" o para sa lahat!  Sapagkat malakas ang ating paninindigan na ang kaligtasan ay ibinigay ni Kristo ay para sa lahat... Kristiyano ka man o hindi.  Ang langit ay hindi lamang para sa ilang grupo katulad ng pag-aangking ginagawa ng ibang sekta na sila lamang ang maliligtas. Bagamat hindi tahasang makikita sa Bibliya ang salitang Katoliko, makikita naman natin ang "pangkalahatang" pananaw na walang pinipili ang gawaing mabuti at kalugod-lugod sa Diyos.  

Sa unang pagbasa at Ebanghelyo makikita natin ang tema na ang biyaya ng Diyos ay malaya niyang ibinibigay kahit kanino. Ang sabi ni Moises ng may nagprotestang mayroong nangangaral na hindi naman nila kasama sa grupo: "Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat ng Israelita at mapuspos sila ng espiritu ng Panginoon.” Sa Ebanghelyo ay ganito rin ang winika ni Hesus nang ibalita ni Juan na may gumagamit ng kanyang pangalan sa pagpapalayas ng demonyo: “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin." 

Hindi ba't napakabuti ng Diyos? Napakalawak ng Kanyang pagmamahal at pang-unawa.  Ang kanyang kaligtasang handog ay walang pinipili!  Ang handog niyang pagmamahal ay para sa lahat! "KATOLIKO!"  Sana ganito rin tayo sa ating pagpapakita ng pagmamahal sa iba... walang pinipili!  Ang magmahal ay para sa lahat! Hindi lang para sa mga kaibig-ibig pero sa mga kapos sa pag-ibig! Hindi lang para sa mga kaibigan pero para rin sa mga kaaway. Nawa maging bukas ang ating isipan at puso sa pagtanggap sa iba at sa pagpapakita ng ating pagmamahal sa kanila lalong-lalo na sa mga mahihirap.

Ang ika-apat na Linggo ng Panahon ng Paglikha ay nagpapaalala sa ating maging bukas ang ating puso sa panaghoy ng mundo at ng taong mahihirap... the cry of the earth and the cry of the poor.  Nakabatay ito sa integral ecology na sinasabing may kaugnayan ang lahat nilikha ng Diyos.  Sa tuloy-tuloy na pagkasira ng kalikasan ang lubos na naaapektuhan ay ang mga taong mahihirap! Kaya nga masasabi nating "a true ecological approach always becomes a social approach!"  Ang ating Santo Papa mismo, si Pope Francis, ay nagpapaalala sa atin sa dokumentong Laudato Si: "Care for the environment is always a social concern as well.  Let us hear both the cry of the earth and the cry of the poor."  
Ang tunay na Katoliko ay may pagpapahalaga sa kalikasan at sa mga mahihirap.  Hindi maari ang salitang "wala akong pakialam" kapag ang pinag-uusapan ay ang kalagayan ng mga taong mahihirap.  Ang sabi ng Banal na Kasulatan: "Whoever shuts their ears to the cry of the poor will aslo cry out and not be answered." (Proverbs 21:13) Nawa ang panaghoy ng ating mundo at pagtangis ng mga taong mahihirap ay mag-udyok sa ating mamuhay ng may pananagutan upang pahalagahan at pagyamanin ang handog niyang nag-iisang tahanan, ang mundong ating pinananahanan.

May pinipili ba ang pag-ibig mo? Kung gayon isang kang certified na "katok na liko pa!" Magmahal ka ng walang kinikilingan at hinihintay na kapalit at magiging karapat-dapat ka sa pangalan mo... KATOLIKO!

Sabado, Setyembre 18, 2021

ANG MUNDO SA KAMAY NG BATA: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year B - September 19, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES - SEASON OF CREATION

Sino ba ang masasabi nating taong dakila?  Saan ba nakasalalay ang kadakilaan ng isang tao?  Sa mga nag-aakalang sa kagandahan o kasikatan nakasalalay ang kadakilaan, pakinggan ninyo ang kuwentong ito: May isang ligaw na bulaklak sa kabukiran na masyadong mataas ang pagtingin sa kanyang sarili.  Lagi niyang nilalait ang mga damong nakapaligid sa kanya. "Kayong mga nagpapangitang mga damo, bakit hindi kayo tumulad sa akin? Maganda, makulay, at higit sa lahat... mabango!"  Napapailing lamang ang mga damo na nagsasabing, "Wag kang masyadong mayabang! Darating ang araw na iisa lang ang ating patutunguhan.  Lilipas din ang kagandahan mo!"  At dumating nga ang araw na iyon.  Isang pulutong ng mga baka nanginain sa bukid t sinuyod ang malawak na damuhan.  Walang pintawad ang mga gutom na hayop maging ang mga ligaw na bulaklak ay pinatulan.  Naramdaman ng palalong bulaklak na siya ay nginunguya ng dahan-dahan. Pumasok siya sa isang madilim na lagusan, at ramdam niya ang unti-unti niyang pagdaloy sa madilim na "tunnel" na tinatawag nating esophagus.  Bigla niyang naramdam ang kanyang pagkalagkit at unti-unting pagkatunaw.  Nagpatuloy siya sa paglalakbay hanggang mabanaagan niya ang isang animoy ilaw na na nagmumula sa isang lagusan.  Unti-unti siyang dinadala dito at habang unti-unti siyang lumalabas sa butas ay napansin niyang umaalingasaw ang kanyang amoy.  Hanggang bigla na lamang siyang bumagsak sa lupa bilang isang tumpok na tae.  Naglapitan ang mga langaw at pinagpiyestahan siya narinig niya sa kanyang mga katabing tae na, "Kita mo na na, sabi ko naman sa 'yo... iisa lang ang ating patutunguhan!"  

Totoo nga namang walang katuturan ang lahat, maging ito man ay kagandahan, katalinunan, angking kakayahan, kapangyarihan o maging kayamanan. "Vanity of vanities, everything is vanity!" sabi nga sa aklat ng Eclesiastes (Ec 1:1)  Kaya nga ang sukatan ng mundo sa pagiging dakila ay isang malaking kasinungalingan!  Mayaman man tayo o mahirap, may kapangyarihan o mahina, may angking kagandahan man o wala, iisa lang ang ating patutunguhan!  Kung gayon ay saan ngayon nakasalalay ang tunay na kadakilaan?  Maliwanag ang paalala sa atin ng Panginoon: “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”  (Mk 9:35)  Hindi pa rin matanggap ng mga alagad na si Jesus, ang kanilang kinikilalang dakilang pinuno ay maghihirap at mamamatay sa kamay ng mga matatanda ng bayan.  Hindi pa rin nila matanggal sa kanilang isipan ang isang Mesiyas na marangya!  Upang mas lubos nilang maunawaan ay ginamit ni Jesus ang imahe ng isang bata na sa kanilang kultura noong panahong iyon ay mababa ang katayuan sa lipunan. Larawan ang isang bata ng kababang-loob at kapayakan ng pamumuhay.  At ito ang nais ni Jesus na matutunan ng kanyang mga alagad: Ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod ng may pagpapakumbaba! 

Kaya nga ito rin ay paalala para sa ating lahat na iwaksi ang kayabangan at kapalaluan.  Kapag tayo ay puno ng kayabangan ay mas lalo tayong nagiging makasarili at mapanlait sa kapwa. At dahil dito ay hindi natin nakikita ang kabutihan ng iba at sa halip na makatulong ay nakasisira pa tayo ng buhay nila.  Ang mga taong mapagkumbaba ay maraming bunga samantalang ang taong mayabang ay wala! Masdan ninyo ang uhay ng mga palay sa bukid.  Ang mga uhay na may palay ay nakayuko at mababa samantalang ang mga walang palay ay nakatayo at matayog.  Mag-ingat tayo at baka katulad tayo ng mga uhay na nakatayo at matuwid  ang tingin sa sarili.

Sa ikatlong linggo ng Panahon ng Paglikha ay hinihimok tayo ng Panginoon na pairalin ang pagiging payak at mapagkumbaba sa ating pamamahala bilang mga katiwala sa mundong ibinigay sa atin ng Diyos bilang ating tahanan.  Kung bakit may mga pagsira sa ating kapaligaran at paglapastangan sa ating kalikasan ay sapagkat may mga taong mataas ang pagtingin sa sarili at pinaiiral ang kayabangan.  Ang mga taong ito ay handang isakripisyo ang mundo para lamang mapunuan ang kanilang pagkaganid sa kayamanan at kapangyarihan.  Ang masamang epekto nito ay nararanasan natin ngayon sa tinatawag nating "climate change" na nagdudulot na ng maraming trahedya sa ating mundo tulad ng tsunami, malalakas na bagyo at labis na pagbaha.  Kung maibabalik lang natin ang pagpapakumbaba at payak na pamumuhay ay marahil ay maari nating masolusyunan ang mga problemang ito.  Sikapin nating pakinggan ang imbitasyon ni Jesus na "maging katulad ng maliliit na bata."    

Ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod.  Ang tunay na kasikatan ay nasa pagpapakumbaba!  Ngayong ipinagdiriwang natin ang ika-500 taon ng ating pagiging Kristiyanong bansa  ang panawagan ng ating Inang Simbahan ay ang maging saksi sa ating pananampalataya sa pamamagitan ng payak at mapagkumbabang paglilingkod sa ating kapwa.  Hindi lang ito para sa aming mga pari at mga taong konsegrado.  Ito rin ay para sa lahat sapagkat tayo'y nakibahagi sa pagkapari ni Kristo noong tayo ay bininyagan.  Sa katunayan ay malapit na nating ipagdiwang ang Linggo ang Pambansang Araw ng mga Layko o "National Laity Week."  Paigtingin natin ang responsibilidad ng bawat isa upang ang bawat Layko ay maging magigiting na misyonero sa kasalukuyang panahon na kung saan ang Simbahan ay dumaraan sa matinding krisis at paninira ng mga taong hindi nakakaunawa sa tunay na misyon nito.  Ang pagtugon sa panawagan ni Jesus sa paglilingkod ay ang sukatan sa kadakilaan ng isang Kristiyano.  Nawa ay maging kapwa lingkod tayo sa isa't isa!