Sabado, Hulyo 24, 2021

SA KAMAY NI HESUKRISTO: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year B - July 24, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES


Ano ang pagkakatulad ng mga salitang PABIBO, PABEBE at PABIDA?  Pare-pareho silang may sakit na ang tawag ay KSP.  Hindi lang "Kulang Sa Pansin" kundi sila rin ay ang mga taong "Kulang Sa Pagmamahal."  Sila ay ang taong laging gusto na sila ang sentro ng atensiyon na kung minsan ay dumarating na sa puntong nakikialam na sila sa buhay ng iba.  Maaring ito rin ay mangahulugan ng pagpapasikat, katulad ng isang estrudyanteng  umaaktong alam niya ang lahat, "know-it-all attitude" sa klase upang mapansin siya ng kanyang mga kapwa kamag-aral.  

Maraming dahilan kung bakit ang isang tao ay umaastang "pabibo".  Maaring mababa ang kanyang pagtingin sa sarili.  Maaring rin itong reaksiyon ng isang taong kulang sa pagmamahal.  Ngunit maaari rin itong reaksyon sa ating kasalukuyang mundong sinusukat ang halaga ng isang tao sa kung anong mayroon siya at ano ang kaya niyang ibigay.  Ibig sabihin, ang mas nabibigyan ng halaga ay ang mga taong may silbi o may kuwenta!  Tanggap ka ng mga tao kung ikaw ay maganda, may kaya, sikat, maraming kilala.  Ang mga walang maipagmamalaki ay may isang puwedeng gawin upang sila ay mapansin... ang magpabibo, magpabebe at magpabida!  Kaya nga sa mga pabibo, pabebe at pabida ang tanging pangontra ay ang mga katagang: "Eh di ikaw na!"

Hindi malayong sumagi rin sa isipan natin na tayo ay walang silbi... walang kuwenta... walang halaga! Sumagi na ba sa isip mo na wala kang kuwenta? Walang silbi?  Sabi ng text na natanggap ko "Kung sa palagay mo ay wala lang silbi ay wag' kang malungkot, may pakinabang ka pa rin. Puwede kang gawing "masamang halimbawa!" hehehe...  

Ngunit wag kang malungkot kung sa palagay mo ay wala kang kuwenta.  Huwag kang masiraan ng loob kung sa palagay mo ay wala lang halaga.  Huwag kang magpabibo, pabebe o pabida kung sa palagay mo ay walang pumapansin sa iyo.  Sapagkat kung titingnan natin, ang Diyos ay kumikilos at gumagawa ng kababalaghan sa pamamagitan mga walang silbi at walang kuwenta!  Limang tinapay at dalawang isda, pagkain ng mga mahihirap noong panahon ni Jesus. Walang silbi! Walang kuwenta!  Limang tinapay at dalawang isda na galing sa isang bata.  Ano ba ang bata noong panahon ni Jesus?  Walang karapatan, walang boses sa lipunan, walang silbi! Walang kuwenta! Limang tinapay at dalawang isda para sa maihigit kumulang na limang libong madla.  

Ang Panginoon nga naman kung minsan ay mapagbiro! Sinabihan niya ang mga alagad na paupuin ang mga tao. Sumunod naman sila, kahit marahil nagtataka at nagtatanong kung ano ang gagawin niya. At nangyari nga ang isang himala. Nakakain ang lahat at may labis pa!  Ito naman talaga ang "modus operandi" ng Diyos kapag nais Niyang ipadama sa tao ang Kanyang kapangyarihan. Gumagamit Siya ng maliliit... mahihina... walang kwenta!  Upang ipakita na sa Kanya lamang nagmumula ang tunay na kapangyarihan!  

Kung minsan, nanonood ako ng balita sa telebisyon. Nakikita ko ang paghihirap ng napakaraming tao. Nitong nakaraang mga araw punong-puno ng "bad news" ang kaganapan sa ating paligid. May mga mga taong nabiktima ng karahasan at walang saysay na krimen. May mga taong nasalanta ng bagyo at ibang kalamidad tulad ng pagbaha o pagsabog ng bulkan. May mga tao rin akong nakitang namamatay sa gutom dala ng kahirapan at mahirap na sitwasyon ng pandemyang dala ng COVID19.  Lagi kong tinatanong ang aking sarili... "anung magagawa ko para sa kanila? Ako'y isang karaniwang mamamayan lamang, maliit... mahina... walang kwenta!  Wala akong magagawa!"  

Tandaan mo ang modus operandi ng Diyos. Isang katulad mo ang paborito Niyang gamitin! Kaya wag ka lang manood sa isang tabi... may magagawa ka!  Una, simulan mo silang isama sa iyong panalangin.  Hindi naman siguro nangangailangan ng pera para ipagdasal mo sila.  Libre ang pagdarasal!  Araw-araw bago matulog ay ipagdasal mo sila. Pangalawa, pairalin mo ang pagkukusa sa pagtulong sa mga nangangailangan.  Natutuwa malaman na may mga ilang taong nagboboluntaryo at naglaan ng kanilang oras at panahon upang mag-impake ng mga relief goods at tulungan ang mga nabiktima nitong nakaraang malalakas na pag-ulan.  Nakakataba ng puso ang malamang may mga nagpaaptuloy pa rin ng community pantry na nagbibigay ng pagkakataong magpakita ng kabutihan ang kahit karaniwang mamamayan.  Pangatlo, ipalaganap mo ang "kultura ng pagbibigay" upang labanan ang pagiging makasarili ng isang tao.  Sa makabagong pamamaraan ay maari mo itong gawin sa pagpopost sa facebook o iba pang social media platform.  Sa halip na paninira at mga walang saysay na post ang gawin mo ay ipaalam mo ang kagandahan ng pagbibigay lalo na sa mga taong higit na nangangailangan.

Marahil maliit na bagay ang kanilang ginagawa ngunit para sa mga taong kanilang natulungan ay nagiging malaking bagay ito.  Iwasan mo ang pagiging makasarili at sa halip ay pairalin mo ang pagiging mapagbigay.   Ngayon din ay ang Linggo ng Misyong Pilipino na kung saan ay binibigyan natin ng natatanging atensiyon ang gawaing misyon ng ating mga kapwa Pilipinong misyonero. Sa kabila ng ating pagiging maralitang bansa ay apaw biyaya naman tayo sa ating pananampalatayang Kristiyano.  Ito ang paalala sa atin ngayon ng ika-limandaang taon ng ating pananampalatayang Kristiyano: "We are gifted to give!" kayat nararapat lamang na ibahagi natin ang ating mga biyaya sa mga taong nangangailangan pa ng pagkalinga ni Kristo! Ngunit dahil sa pagkasadlak natin sa kahirapan kung minsan ay nadarama natin ang pagiging hikahos sa buhay at natatanong tuloy natin ang ating sarili kung mayroon ba tayong maibabahagi sa iba. Mayroon.  Una, ipagdasal ang ating mga misyonero. Pangalawa, gumawa ng maliit na kabutihan sa ating kapwang nangangailangan.  Pangatlo, tumulong sa pinansiyal na pangangailangan ng mga gawaing misyon ng Simbahan.  

Tandaan mo... tayong lahat ay parang "limang tinapay at dalawang isda", walang silbi, walang kuwenta ngunit sa kamay ng Diyos ay may malaking magagawa!  Makagagawa tayo ng himala!  Hindi totoong wala tayong silbi, walang kuwenta at walang magagawa! Mayroon tayong magagawa kung atin lamang ilalagay sa tama ang ating kakayahan, kayamanan at angking kabutihan.  Ilagay natin ito sa kamay ni Kristo!  

Sabado, Hulyo 17, 2021

MALASAKIT NG PASTOL: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year B - July 18, 2021 - YEAR OS MISSIO AD GENTES

Ayon sa paniniwala nating mga Katoliko ay may tatlong "lugar" tayong pinupuntahan kapag tayo ay nasa kabilang buhay na. Langit ang gantimpala para sa mga taong nagsumikap na maging mabuti at di nagpabaya sa kanilang tungkulin bilang Kristiyano. Purgatoryo naman ang katapat ng mga taong may pagkukulang pang dapat pagbayaran dahil sa kanilang kahinaan at maraming pagkakamaling nagawa noong sila'y nabubuhay pa bagama't nasa puso pa rin nila ang pagmamahal sa Diyos. At impiyerno naman ang naghihintay sa mga taong nagpabaya sa kanilang buhay at piniling mamuhay sa kasamaan at hayagang itinatatwa ang Diyos sa kanilang pamumuhay. Sinasabing sa kabilang buhay daw ay maraming sorpresang naghihintay! 

May kuwento na minsan daw ay nakita ng isang kaluluwa ang kanyang sarili sa purgatoryo. Laking pagkagulat niya ng makita niya ang kanyang "parish priest" na naroroon din. Tinawag niya ang pansin nito halos pasigaw na binati "Hello Father! Dito ka rin pala napunta! Akala ko pa naman ay naroon ka na sa itaas! Kung sabagay, marami kang pagkukulang sa amin at hindi namin naramdaman ang malasakit mo bilang mabuting pastol! Gaano ka na katagal dito Padre?" "Shhhhhhh... wag kang masyadong maingay! Babaan mo ang volume ng boses mo" pabulong na sabi ng pari. "Baka magising yung mga obispong natutulog sa ibaba!" hehehe... 

"Keep calm..."  Isang kuwento lamang po ito na kathang-isip lamang at hindi naman talaga nagtataglay ng katotohanan.  Mabubuting tao at kagalang-galang ang mga obispo natin!  Pero ang sabi nga aalagang ang kabilang buhay ay "full of surprises!"  Walang makapagsasabi kung sino naroon sa itaas, sa ibaba o sa gitna!  May nagsabi nga ng ganito: "Three things will surprise me in Heaven: Who's there, Who's not there. And that I am there." (Reine Riah)  Hindi sapagkat ikaw nakasutana ay automatic ang kalalagyan mo sa itaas.  Hindi sapagkat ikaw ang namumuno ay ligtas ka na sa anumang kaparusahan. 

Malinaw ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias sa unang pagbasa ngayong Linggo:  "Parurusahan ng Panginoon ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito’y mangalat at mamatay." (Jer 23:1)  Bilang isang mabuting pastol ay alam ng Panginoon ang malasakit na dapat na taglay ng isang namumuno sa kanyang nasasakupan.  Ang malasakit na ito ang ipinakita ni Jesus sa kanyang mga alagad at sa mga taong kanyang nakakasalamuha araw-araw. Nang makita ni Jesus ang kapaguran ng mga alagad ay hinikayat Niya silang pumunta sa isang ilang na pook at magpahinga ng kaunti. Nang makita ni Jesus ang napakaraming taong naghihintay sa kanila sa pampang ay nahabag Siya sa kanila. "...nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol!" (Mk. 6:34) At sila ay tinuruan Niya sa kabila ng kanyang kapaguran at kawalan ng pahinga.  Ito ang katangian ni Jesus na dapat ay taglayin din natin bilang kanyang mga alagad.  

Hindi lang naman ito para sa mga pari na kanyang hinirang para maging mabuting pastol.  Totoo na sila ang dapat manguna sa pagpapakita nito ngunit kahit na ang mga layko rin ay tinatawag ng Diyos sa paglilingkod.  Noong nakaraang linggo ay pinaalalahanan tayo na tayong lahat au isinugo ng Diyos na na magpalaganap ng Kanyang mabuting balita at gumawa ng mabuti sa ating kapwa. Ang pagpapakita ng malasakit sa iba, lalong-lalo na sa mga nangangailan ay para sa ating lahat na mga Kristiyano.  Ipinapakita natin ito kapag nagbibigay tayo ng panahon at oras para sa kanila. Mga magulang, may oras ba kayong inilaan para sa inyong mga anak?  Ang pagtratrabaho n'yo ba ay pagpapakita ng malasakit sa kanila o baka naman nagiging dahilan pa nga ito ng paglayo ng loob nila sa inyo?  

Ang nais ipaalala sa atin ng Panginoon na dapat ay magpakita tayo ng isang "malasakit na paglilingkod ng isaang mabuting pastol.   At kapag sinabing malasakit ay nangangahulugan ito na dama natin ang sakit o ang paghihirap ng iba.  Sa panahong ito ng pandemya na kung saan ay mas maraming pagkakataong makasama ng mga magulang ang kanilang mga anak ay magandang makita ang malasakit na paglilingkod na ibinabahagi nila sa kanilang mga anak.  At sa mga may tungkuling mamuno sa ating lipunan, dapat ay kakitaan din ng malasakit sa kanilang paglilingkod. Ang kanilang paraan ba ng pamumuno ay nagpapakita ng paggalang sa dignidad at karapatang pantao o sila ba ay ang yumuyurak sa dangal nito at hindi nagpapahalaga sa buhay, lalo na sa mga mahihirap, sa ngalan ng kaayusan at kapayapaan sa lipunan?  

At sa mga katulad naman naming naatasang mamuno at mangasiwa sa "Kanyang kawan" ay malaki ang inaasahan sa amin ng Panginoon.  Ang katapatan sa aming bokasyon bilang mga pari at masipag na pagtupad ng aming tungkulin ang maari naman naming ibigay sa Panginoon bilang pagtulad sa Kanyang mapagpastol na pagmamahal.  Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin tungo sa isang mapagmalasakit na pagmamahal at paglilingkod.  

At ngayong ngang ipinagdiriwang natin ang ika-500 anibersaryo ng ating pagiging Kristiyanong bansa ay hinahamon ang bawat isa sa atin, unang-una na kaming mga pari at relihiyoso/relihiyosa, na naisin ang "maglingkod at huwag paglingkuran."  Nawa ay magkaroon tayo ng malasakit tulad ng kay Jesus na nahabag ng makita ang mga tao na parang mga tupang walang pastol. Hingin natin ang tulong at awa ni Jesus na mahubog ang ating puso katulad ng sa kanya na may malasakit sa paglilingkod.  Ipinakita ni Jesus ang halimbawa sa atin at inaasahan naman Niya ang ating pagsunod.  Kung maisasakatuparan lamang sana natin ito ng tapat ay wala na tayong sorpresang makikita pa sa langit!  Lahat tayo ay nasa itaas at masayang kapiling ang ating Diyos.

Sabado, Hulyo 10, 2021

ANG MGA ISINUGO: Reflection for the 15th Sunday in Ordinary Time Year B - July 11, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ano nga ba ang larawan ng ating "Lumang Simbahan?"  Marahil babalik sa ating alaala ang mga kastilang prayle na laman ng nobelang Noli Me Tangere o kaya naman ang pagmimisang nakatalikod ang pari sa altar at mga panalanging latin na siya lang ang nakakaintindi!  Marahil ang nakikita natin ay mga "alagad ng Diyos" na laging may hawak na Biblia o rosaryo at laging nakadaup-palad na tila hindi humihinto sa pagdarasal.  Eh ano naman kaya ang paglalarawan ng pari sa "Bagong Simbahan?"  

May kuwento na minsan daw ay may paring nagpunta ng "Boracay" (hindi pa sarado nun!) upang takasan sandali ang maingay niyang parokya at makapagpahinga naman ng kaunti.  Upang walang makakilala sa kanya ay sinadya niyang magsuot na damit na pangturista with matching shades at malabulaklak na polong tulad ng laging suot ni dating Mayor Atienza at beach short.  Laking gulat niya nang makasalubong siya ng isang matandang babaeng naka beach attire at binati s'ya ng  "Good morning Father!"   Hindi s'ya makapaniwala na may nakakilala sa kanya.  Kinabukasan, habang sya ay naglalakad sa malapulburong buhangin ng Boracay ay muli niyang nasalubong ang matandang babae na ngayon ay naka-swimsuit at muli siyang binati ng "Good morning Father!"   Sa puntong ito ay hindi na niya napigilang magtanong, "Ma'am, paano po ninyo ako nakilalang pari?"  Sumagot ang matanda, "Si Father naman, madalas ka kayang nagmimisa sa kumbento namin.... ako si Sister Mary Joy!"  

Kaya huwag kayong magulat kapag nakita n'yo kaming mga pari na nasa beach resorts, sa mga restaurants, sa mga sinehan, o kahit lumalakad-lakad lang sa mga shoping malls.  Karaniwang tao rin naman kami na may karapatang mamasyal at magsaya!  Pagkatapos ng Vatican II ay talagang malaki ang pinagbago ng imahe ng mga pari at relihiyoso.  Ngunit kung minsan, kung hindi palagi, ay napupulaan ang mga pari at naihahalintulad kay Padre Damaso.  Para sa kanila, ang pari ay laging mali! Kapag nagmisa siya On time ay may magsasabing advanced naman masyado ang relo ni Father!  Kapag nalate naman ng kaunti... pinaghihintay niya ang mga tao!  Kapag mahaba ang sermon, nakakaantok at boring! Kapag maikli, hindi siya naghanda.  Kapag nakita siyang may kasamang babae, chick boy si Padre.  Kapag laging kasama naman ay lalaki,  hmmmm nangangamoy paminta si Padre!  Kapag masyadong bata, wala pang alam at karanasan sa pagpapatakbo ng simbahan.  Kapag matanda naman, dapat na siyang magretire!  Tama nga naman sabihing, "As long as he lives, there are always people who are better than him; but if the priest dies... there is nobody to take his place!"  Paano pa kaya tayo magkakaroon ng Misa kung walang pari ?  NO PRIEST...  NO EUCHARIST!  

Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagsusugo sa labindalawang alagad ni Jesus.  Binigyan Niya sila ng kapangyarihang mangaral at magpagaling ng mga maysakit.  "... Pinalayas nila ang maraming demonyo sa mga inaalihan nito, at pinahiran nila ng langis at pinagaling ang maraming maysakit." Sa pamamagitan ng kanilang pagsaksi at mabubuting gawa ay naihatid nila ang Magandang Balita ng Panginoon na tinatawag din ni Pope Francis na Gospel of Joy!  Isang paalala ito sa amin na kami ay itinalaga hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod.  Ipagdasal ninyo kaming mga pari na sana ay magampanan namin ito ng buong katapatan at pagpapakumbaba.  

Ang pagsusugo sa labindalawang alagad ay pagpapaalala rin sa ating lahat na tayo ay isinusugo bilang isang Misyonerong Simbahan.  Ibig sabihin, ang pagiging alagad ay hindi lamang naituturing sa mga pari at relihiyoso/relihiyosa.  Ito ay para sa lahat ng Kristiyano.  Article 6 ng Documents for the Laity ay nagsasaad ng ganito: "There are innumerable opportunities open to the laity for the exercise of their apostolate of making the Gospel known... The very testimony of their Christian life, and good works done in supernatural spirit, have the power to draw men to belief and to God."  Ang ibig sabihin ay lahat tayong mga Kristiyano ay mga misyonero anuman ang ating kalagayan at katayuan sa buhay.  Ito ay ipinapahayag natin sa ating sari-sariling pamamaraan.  Kami bilang mga pari ay dapat mangaral at sumaksi kay Kristo.  Kayo bilang mga layko ay tinatawag din sa kabutihan at kabanalan ng pamumuhay bilang mga manggagawa, mga guro at tagapagturo, mga empleyadong namamasukan o may sariling ikinabubuhay, mga namumuno sa lipunan at posisyon ng pagiging pinunong-lingkod at kahit simpleng maybahay na abala sa pag-aaruga sa kanyang pamilya.  

Sa taong ito ng ika-500 taon ng pagpapahayag ng ating pananampalataya alalahanin nating iba-iba ang ating mga gawain ngunit iisa ang pagtawag.  Lahat tayo ay isinugo ni Jesus na magpahayag ng Kanyang paghahari,  Lahat tayo ay tapagdala ng Kanyang Mabuting Balita!

Sabado, Hulyo 3, 2021

PROPHETS OF GOODNEWS: Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year B - July 4, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Kapag may nagsabing "May good news at bad news ako sa 'yo!", ano karaniwan mong pinauuna?  Hindi ba't karaniwang pinauuna nating sabihin kung ano ang GOOD NEWS ng sa gayon, kahit papaano, ay matanggap natin ng mahinahon ang "bad news".  Isa pa ay ayaw nating pangunahan tayo ng "bad vibes" kapag may ibinabalita sa atin.  

May kuwento na may magkaibigan na adik na adik sa paglalaro ng basketball.  Para sa kanila mas gugustuhin pa nilang maglaan ng oras sa basketball kaysa sa kanilang mga gf. Minsan ay may pinagkasunduan ang dalawa na kung sino man ang unang maunang mamatay sa kanila  ay ibalita kung may basketball din ba sa kabilang buhay.  Naunang namatay si Juan at ng gabi rin pagkatapos niyang mailibing ay may narinig si Pedrong tinig sa kahimbingan ng kanyang tulog. "Peeeedroooooo!  May goodnews at badnews ako sa 'yo!"  Nanginig sa takot si Pedro sapagkat alam niyang tinig ni Juan ang kanyang narinig.  "Ano ang goodnews?" tanong ni Pedro. "Ang goodnews..." sabi ni Juan, "may basketball sa kabilang buhay!"  Sumagot si Pedro na halatang takot na takot, "Ano naman ang badnews?"  Sagot ni Juan: "May laro tayo bukas, kasama ka sa first five!" hehehe...    

Ayaw na ayaw nating makarinig ng "bad news."  Sino nga ba naman ang may gusto nito?  Kaya nga sa Misa ang pinahahayag ay ang "Mabuting Balita" o "Ebanghelyo" ng Panginoon at hindi ang masamang balita.   Sa ating buhay mas katanggap-tanggap ang magagandang balita balita kaysa masasamang balita. Kaya nga't kung araw-araw na lang ay patayan at katiwalian ang napapakinggan mo sa radyo o kaya naman ay napapanood mo sa telebisyon ay para bagang ayaw mo ng manood! 

Ang mga propeta sa Bibliya ay tagapagdala ng mensahe ng Diyos sa mga tao.  Marami sa kanila ay hindi tinanggap ng kanilang mga kababayan sapagkat ang kanilang dala-dalang mensahe ay lagi nilang itinuturing na "bad news" para sa kanila.  Ito ang pagtawag na tinaggap ni Propeta Ezekiel sa unang pagbasa.  "Tao, susuguin kita sa Israel, sa bansang suwail. Pagkat mula sa kanilang ninuno naghihimagsik na sila sa akin hanggang ngayon.  Matigas ang kanilang ulo at walang pitagan!"  Ngunit gayon pa man ay patuloy pa rin ang mga propeta sa pagtupad ng kanilang misyon. 

Ito rin ang paniniwala ni Jesus bago pa siya mangaral sa kanyang mga kababayan: "Ang propeta'y iginagalang ng lahat, liban lamang sa kanyang mga kababayan, mga kamag-anak at kasambahay."  At narinig nga natin na hindi siya kinilala ng kanyang mga kababayan.  Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga propeta sa kanilang tungkulin na ipahayag ang kalooban ng Diyos.  

Ang Simbahan ay may taglay na tungkuling magpahayag ng katotohanan sapagkat taglay nito ang pagiging isang propeta.  Sa katunayan ang bawat isa sa atin ay tinanggap ang misyon ng pagiging propeta noong tayo ay bininyagan. Pagkatapos nating mabuhusan ng tubig sa ating ulo ay isinunod ang pagpapahid ng langis o "krisma".  Nangangahulugan ito ng pagtanggap natin ng misyon na maging pari, hari at propeta katulad ng ating Paninoong Jesukristo.  

Ibig sabihin, tayong lahat ay dapat na maging tagapagpahayag ng katotohanan ayon sa turo ni Jesus.  Hindi lang ito gawain ng mga obispo, pari , mga relihiyoso o relihiyosa.  Ito ay tungkuling kaakibat ng ating pagiging Kristiyano na dapat nating gampanan.  Sa ating kasalukuyang panahon ay naangkop ang pagsasabuhay ng ating pagiging "propeta."  Maraming isyung lumalabas ngayon na nangangailangan ng ating paninindigan bilang Kristiyano.  Sa katunayan ay nagmimistulang kontrabida na nga ang Simbahan sa lipunan dahil sa mga pagsalungat nito sa maraming isyung moral.  Halimbawa, naririyan ang patuloy na pagsalungat ng Simbahan sa diborsiyo na pilit na isinusulong ng ating mga mambabatas.  Naririyan din ang pagtutol ng Simbahan sa same sex marrriage.  Hindi pa rin tumitigil ang Simbahan sa pagtutol sa maraming "extra-judicial killings" at paglabag sa mga karapatang pantao o human rights.  

Ang mga ito ay nangangailangan ng katapangan at katapatan ng pagiging isang  PROPETA.  Marahil ay hindi popular ang paninindigan ng ating pananampalataya ngunit hindi ito batayan upang sabihing mali ang ating daang tinatahak.  Tandaan natin na ang mga propeta, at kasama na rin si Jesus, ay nakaranas ng pag-alipusta at hindi pagtanggap mula sa kanyang mga kababayan.  Huminto ba sila sa pagsasabi ng katotohanan?  Hindi.  Patuloy silang sumalungat sapagkat ang kanilang ipinapahayag ay ang kalooban ng Diyos!  

Tayo rin bilang mga Kristiyano ay dapat hindi huminto sa pagsalungat kung ito ang hinihingi ng ating pananampalataya.  May isang kasabihan na nagsasabing "only a dead fish go with the flow!"  Ibig sabihin, buhay ang ating pagiging Kristiyano at pagiging Simbahan kung marunong tayong manindigan sa katotohanan at sa turo ni Kristo.  Sa katunayan, ang ating pagiging propeta ay hindi naman talaga tagapagdala ng "bad news".  Bad news sa mga taong mali at baluktot ang paniniwala.  Ngunit sa mga taong bukas ang pag-iisip, ang ating ipinapahayag ay GOOD NEWS!  Hindi dapat tayo maging bad news para sa iba.  Ang Kristiyano ay dapat laging "GOOD NEWS!"  Tandaan mo na ikaw, tulad ni Kristo, ay isang PROPETA... tagapagdala ng Mabuting Balita!

Sabado, Hunyo 26, 2021

DIYOS NA BUHAY AY DIYOS NG BUHAY: Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year B - June 27, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Sa kasalukuyang panahon ngayon na kung saan ay laganap ang krimen ay wala na atang pinipili ang masasamang loob.  Kahit nga kaming mga pari ay nalalagay na rin sa panganib kaya nga't lubos ang aming pag-iingat!  Sa kabila nito ay patuloy pa rin kaming mga pari sa pagtupad sa aming tungkulin at dapat naming gampanan ito ng buong katapangan.  May nagkumpisal sa isang pari: "Padre, patawarin mo po ako sapagkat ako'y nagkasala," sabi ng isang lalaking kahina-hinala ang itsura. "Anung nagawa mong kasalanan anak?" tanong ng pari. "Padre, ako po ay nakapatay ng tao. Marami na po akong napatay." Sagot ng lalaki. "Bakit mo nagagawa ito anak?" muling tanong ng pari. "Kasi Father, galit po ako sa mga taong naniniwala sa Diyos. Lahat po sila ay naniniwala sa Diyos. Ikaw, Father... naniniwala ka rin ba sa Diyos?" Pasigaw na tanong ng kriminal. "Naku iho... hindi... minsan lang, pero trip-trip lang yun!" nangangatog na sagot ng pari. hehehe... 

Wala naman talagang gustong mamatay. Ang normal na kalagayan ng tao ay ang maghangad na mabuhay! Kahit ang Diyos mismo ay ninanais na tayo ay mabuhay. "Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay." Kung gayon ay bakit tayo nakakaranas ng kamatayan? Ang kamatayan ay nanggaling sa kasamaan, sa kasalanan. Ito rin ang binigyang diin sa aklat ng Karunungan: "Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya."  

Huwag nating isisi sa Diyos kung bakit tayo nagkasala at pumasok ang parusang kamatayan sa mundo.  GOD IS NOT STUPID!  Tayong mga tao ay pinagkalooban niya ng talino at kalayaan upang piliin ang mabuti sa masama.  Kailanman ay igagalang ng Diyos ang ating kalayaang magdesisyon sa buhay.  Hindi siya nagkulang sa pagpapaalala na "huwag kakainin ang prutas ng puno na nasa gitna ng hardin."  Ngunit dahil na rin sa pagnanais ng taong maging matalino at makapangyarihan tulad ng Diyos, ay nilabag niya ang Kanyang utos.  Dahil dito ay pumasok ang parusang paghihirap at kamatayan na daranasain nating Kanyang mga nilalang.  Ngunit hindi naman tayo lubos na pinabayaan ng Diyos. Agad-agad ay ibinigay Niya ang pangakong kaligtasan sa pamamagitan ng pagsusugo ng Kanyang Anak na si Jesus.  Bagamat tinubos tayo ng Kanyang bugtong na Anak na ating Panginoong Jesus ay hindi niya tinanggal ang kamatayan. Sa halip siya ay nagbigay sa atin ng pag-asa sa harap ng kamatayan! 

Pag-asa ang ibinigay niya kay Jairo ng ang anak nito ay mamatay. Pag-asa ang ibinigay niya sa babaing dinudugo na kaya niyang pagalingin ang kanyang karamdaman. At ang pag-asang ito ay ipinapakita natin sa pamamagitan ng isang malalim na pananampalataya.  Para sa mga taong may pananampalataya ay hindi dapat katakutan ang kamatayan. Tayo ay may pananampaltaya kung tayo ay naniniwala at nagtitiwala na may magagawa si Hesus sa ating buhay.  Kaya nga ang paniniwala, pagtitiwala at pagsunod kay Hesus ay pagpapakita ng ating pag-asa sa Kanya. At papaano ko ipinapakita ang pagsunod sa kanya?  Una ay ang pag-iwas sa kasalanan na dala ng ating masasamang hilig at pag-uugali at pangalawa ay ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa lalong-lalo na sa mga nangangailangan at kapus-palad.  "Faith without works is dead!"  Ito ang paalala sa atin ni Santiago apostol. Totoong kinakailangan ang pananampalataya pang tayo ay maligtas ngunit ito ay pananampalatayang gumagawa.  Faith that works!  Kaya nga hindi hiwalay ang pananampalatayang ipinapahayag natin sa ating bibig sa pananampalatayang ipinapakita natin sa gawa.  Gumawa tayo ng kabutihan habang ang Diyos ay nagkakaloob pa sa atin ng pagkakataon.  Huwag nating sayangin ang buhay na bigay Niya sa atin dahil ito rin ang ating ibabalik sa Kanya. 

Ang ganap na pananampalataya ang magbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Ito ang magbibigay ng kasagutan sa maraming katanungan bumabagabag sa ating isipan. Ito ang magbibigay ng lakas ng loob upang maharap natin ang katotohanan ng kamatayan. Sa tuwing tayo ay nagdiriwang ng ating kaaarawan ay pinasasalamatan natin ang Diyos na nagbigay sa atin ng buhay. Ngunit 'wag nating kalimutang ang bawat pagdiriwang ng kaarawan ay paglapit sa ating kamatayan.  Huwag tayong matakot sapagkat ang kamatayang ito ang nagbibigay sa atin ng pag-asang balang araw ay makakamit natin ang tunay na buhay na inilaan ng Diyos para sa atin. Ang ating Diyos ay Diyos na buhay at Diyos ng buhay.  Mabuhay ang Diyos ng buhay! Mabuhay ang Diyos na buhay!

Sabado, Hunyo 19, 2021

GOD IS IN-CHARGE: Reflection for 12th Sunday in Ordinary Time Year B - June 20, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day: Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan. Nalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto ng biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, may kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... magbeer muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Mig Light...  

Ano nga ba ang katangian ng isang tatay?  Kung hahanguin natin sa kuwento ang kasagutan, ang "tatay" ay madisiplina ngunit may puso, may prinsipyo ngunit maunawain, makatarungan ngunit may awa! Ganito rin ba ang mga tatay ninyo?  Marahil ay wala ng lalapit pa sa Diyos bilang ating ama kung ang mga katangiang ito ang ating pagbabatayan.  Saksi ang kasaysayan sa kapangyarihan ng ating Diyos. Siya ang may likha at nagpapairal ng mundo. Siya ang nag-aalaga sa lahat ng kanyang ginawa. Kahit ang kalikasan ay sumusunod sa kanyang utos. Sa unang pagbasa ay ipinahayag ng Diyos kay Job na Siya ay makapangyarihan. Siya ang naglalagay ng hangganan sa buong kalikasan at sa santinakpan.
Ang Diyos ding ito ang nagligtas sa ating sanlibutan!  Tayo ang sumira ngunit siya ang muling nagbalik ng pakikipagtipan na ating tinalukuran.  Ito ay dahilan sa malaking pagmamahal ng Diyos sa atin.  "For God so loved the world that he gave his one and only Son, that whoever believes in him shall not perish but have eternal life." (John 3:16)

Sa Ebanghelyo naman ay makikita natin ang nakakamanghang kapangyarihan ni Jesus. Narinig natin kung papaano Niya pahintuin ang malakas na hangin at alon.  Mahimbing na natutulog si Jesus dala marahil ng pagod at napangunahan ng takot ang mga alagad nang salubungin sila ng malakas na unos na halos ikalubog ng kanilang bangka.  "Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin,"Tigil!" At sinabi sa dagat, "Tumahimik ka!" Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang dagat.  Dahil dito ay sinidlan ng takot at panggigilalas ang mga alagad.  Ngunit ang mga salitang binitawan ni Jesus ay dapat sapat na upang pawiin ang kanilang mga pangamba: "Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?"  Tunay nga naman na wala silang dapat ipangamba sapagkat si Jesus ang IN-CHARGE sa mga sandaling iyon.  Marahil ay kulang pa nga ang kanilang pananalig sa kabila ng paggawa niya ng maraming himala at pagpapakita ng kanyang kapangyarihan.

Sa ating kasalukuyang panahon ngayon ay angkop na angkop ang mensahe ng ating mga pagbasa ngayong Linggo.   Marahil sa hinaba-haba ng pandemya na ating nararanasan, mahigit kumulang na dalawang taon, ay marami sa atin ang di maiwasang magtanong kung "Natutulog ba ang Diyos?"  Isama na natin ang problema ng kahirapan na patuloy na nararanasan ng ating mundo, ang paulit-ulit na kalamidad na tumatama sa ating bansa, ang karahasang nararanasan ng marami nating kababayan.  Tila baga sinisigaw nito sa atin na: GOD IS NOWHERE!  Ngunit sa mata ng taong may pananampalataya ay iba ang kanyang nakikita. Sa kabila ng kadilimang bumabalot sa ating paligid ay nakakatanaw siya ng liwanag.  Marahil ay hindi ganoon kalaking liwanag, ngunit kahit maliit ay sapat na upang hindi siya magmukmok sa kadiliman.  Para sa taong may pananalig sa kabutihan ng Diyos: GOD IS NOW HERE! 

Ang Diyos ay may pusong mapagmahal.  Nakakaunawa Siya sa ating mga kakulangan at pag-aalinlangan.  May mga sandaling nagdududa tayo sa Kanyang kakayahan. May mga sandaling ang akala natin ay "tinutulugan" Niya tayo dahil sa dami ng suliranin at paghihirap nating nararanasan. Ngunit huwag tayong mag-panic... God is in-charge! Nandiyan lamang Siya. Handa Niya tayong samahan. May pakialam Siya sa ating buhay! Totoo na dapat ay may takot din tayo sa Kanya, ngunit pagkatakot na dala ng pagmamahal. Ang Diyos ay Ama na may malasakit sa ating kapakanan at kinabukasan. Patuloy Niya tayong inaalagaan sa pamamagitan ng pagpapanatili at pagpapalago ng Kanyang mga nilikha.  

May kuwento ng isang barkong naglalayag sa karagatan na hinahanmpas ng malakas na hangin at alon.  Nagkagulo ang mga taong sakay ng barko maliban sa isang batang naglalaro sa isang tabi.  Nilapitan siya at tinanong kung bakit hindi siya natatakot at parang walang pakialam sa mga nangyayari. "Totoy, nasaan ang tatay mo?  Hindi ka ba natatakot?" tanong nila sa bata.  Itinuro lang ng bata ang itaas na bahagi ng barko at sinabi: "Nandoon po siya sa itaas.. ang tatay ko po ang kapitan ng barko!  Bakit po ako matatakot?  Hindi niya ako pababayaan!"

Ang Diyos ang "In-charge' sa ating lahat.  Kaya Niyang patahimikin ang nag-aalburutong hangin at ang mga unos ng ating buhay na nagpapakita ng Kanyang kapangyarihan.  Ngunit tayo rin ay "in-charge" sapagkat tinawag Niya tayong pamahalaan ang mundo at ang ating buhay ng may pananagutan at pagmamahal.  Sa pagdiriwang ngayon ng "Fathers' Day", ating pagtiwalaan ang Diyos na hindi nagpapabaya sa atin at maging mga tatay din tayo na may pananagutan sa ating pamilya at sa mundong ating tinuturing na tahanan.

 Happy Fathers' Day sa inyong lahat!

Sabado, Hunyo 12, 2021

MALILIIT NA KABUTIHAN: Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time Year B - June 13, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Si Jesus ay magaling  na guro.  Kakaiba siya sa mga guro ng kanyang panahon.  Kaya nyang kausapin ang mga taong dalubhasa sa batas at ang mga taong walang pinag-aralan.  Simple ang kanyang istilo.  Kahit na sino ay makakaintindi. Gumagamit siya ng mga kuwento sa kanyang pagtututo upang maunawaan siya ng mga tao.  Gumagamit siya ng talinhga na hango sa mga kaganapan ng buhay na tinatawag nating mga "talinhaga" o "parables".  Ang parables ay galing sa salitang griego (parabolein) na ang ibig sabihin ay "itapon".  Kapag si Jessus ay nagkukwento ay itinatapon niya sa mga tao ang mensahe upang sagutin nila ang kanilang mga katanungan sa buhay!  

Sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay gumamit siya ng dalawang talinhaga upang ipaliwanag ang Kaharian ng Diyos:  ang binhing inihasik sa lupa at ang butil ng mustasa.  Mahirap bigyan ng pakahulugan ang "kaharian ng Diyos" sapagkat hindi ito kabahagi ng ating kultura.  Marahil ay mayroon tayong mga "tribu" o "balangay" noong panahon ng ating mga ninuno ngunit wala tayong malalaking kaharian.  Ngunit sa kanyang mga nakikinig ay malinaw ang nais "ibato" ni Jesus: na sila ay dapat pagharian ng Diyos tulad ng isang binhi o butil ng mustasa na maaring sa simula ay maliit, halos walang saysay, walang halaga, ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay lumalago, lumalaki at namumunga ng kabutihan para sa iba!   

Nabubuhay tayo sa isang "magulong mundo."  Mundong sinasalanta ng maraming kalamidad, nababalot ng kahirapan at karahasan na gawa rin ng tao.  Dahil diyan ay nagdudulot sa atin ang mga ito ng labis na takot at pangamba.  Paano natin maipapalaganap ang paghahari ng Diyos sa ganitong kalagayan?  Bilang mga Kristiyano ay hindi N'ya tayo inaasahang gumawa ng malalaking bagay!  Maliliit na kabutihan ay sapat na upang maipalaganap natin ang Kaharian ng Diyos. "A cup of goodness" lang ang hinihingi Niya sa atin. Isang magandang halimbawa ay ang Pondo ng Pinoy.  Hanggang ngayon ay nakakatanggap pa rin kami sa parokya ng mga bote ng mineral water na punong-puno ng bente-singko sentimos.  Marahil ito ay matiyagang pinuno mula sa bulsa ng mahihirap na tao.  Maliit na halaga na sa katunayan ay walang saysay, insignificant,  ngunit kapag pinagsama-sama ay malaki at malayo ang nararating.  Ang mga baryang ito ang patuloy na nagpapakain sa "Hapag-Asa" ng Caritas Manila.  Nakapagtayo na rin ito ng mga tahanan, at naging pondong pinagkukunan para sa mga proyektong pangkabuhayan ng mga mahihirap.  Hindi malaki ang kinakailangan.  Kahit bata nga ay maaring magbigay dito.  Ngunit katulad ng "butil ng mustasa" sa ating Ebanghelyo ay nakagagawa ito ng mga dakilang bagay.  Ang kundisyon lang sa pagbibigay na ito ay dapat ay tuloy-tuloy.  Kaya nga ang slogan ng Pondo ng Pinoy ay  “Anumang magaling kahit maliit basta't malimit ay patungong langit.”  Ito naman talaga ang ibig sabihin ng paggawa ng kabutihan, hindi lang minsanan.  Kung gagawa tayo ng mabuti gawin natin ng malimit hanggang ating makasanayan at kabahagi na ng ating buhay! 

Sa kasalukuyang panahon ay kailangan talaga nating magpakabuti at gumawa ng mabuti.  Sapagkat ang kasamaan ay lalaganap kung ang mabubuting tao ay tatahimik na lamang, magkikibit balikat at tutunganga!  Tandaan natin na nakakahawa ang kabutihan.  May kasabihan nga sa ingles na: "Good people bring out the good in people".  Hindi ba't nakita natin ito sa mga community pantry na parang mga kabuteng nagsulputan sa iba't ibang panig ng bansa at hanggang ngayon ay nagpapatuloy? Nagsimula ito sa isang ordinaryong mamamayan na ang layunin lang ay makatulong sa kanyang mga kapit-bahay ngunit nakita natin kung paanong ito ay lumaki at lumaganap at nakatulong sa maraming mahihirap ngayong panahon ng pandemya.  Hindi kinakailangang maging mayaman para makatulong sa iba.  Sa katunayan ay maraming karaniwang tao at mahihirap ang nagbibigay ayon sa kanilang kakayahan at nakayanan.  Sa maliit na paraan ay naibsan nito ang gutom ng marami nating kababayan at naipakita nating kaya palang talunin ng paggawa ng kabutihan ang kasamaang dala ng pagiging makasarili at pagiging gahaman.    

Kaya nga dapat lang na ibahagi natin ang kabutihan sa iba.  Pairalin natin ang paggawa ng mabuti.  #sharegoodness!  Mautak tayo sa maraming bagay, lalong lalo na kapag pera at negosyo ang pinag-usapan.  Magpuhunan naman tayo sa paggawa ng kabutihan.  "Goodness is the only investment that never fails!"  Kapag ang bawat isa sa atin ay gagawa lamang ng isang kabutihan kada araw ay unti-unting magliliwanag ang ating madilim na mundo.  Sa halip na sisihin mo ang ibang tao at kahit na ang Diyos sa paglaganap ng maraming kahirapan at kasaman ay tanungin mo ang iyong sarili kung may nagawa ka na bang kabutihan sa iba.  Gumawa ka ng kabutihan at lalaganap ang kabutihan ng Diyos at ang Kanyang paghahari. Tandaan... #SHAREGODSGOODNESS!

Sabado, Hunyo 5, 2021

SIMBOLO NG PAGKAKAISA: Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year B - June 6, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Nabubuhay tayo ngayon sa panahon ng mga simbolo o tanda!  Mas madaling makilala ang isang bagay kapag ginagamitan nito.  Kapag nakakita ka ng malaking bubuyog na kulay pula at may sumbrero ay alam mo agad na ito ay Jolibee!  Kapag nakakita ka naman ng lalaking clown o malaking letter M ay alam mo agad na ito ay Mcdo!  Alam nyo bang ang letter M ng McDonald ang isa sa pinakasikat na simbolo sa buong mundo.? Naririyan din ang Nike sign at ang Olympic Rings na kilalang kilala ng marami.  

Sa ating mga Kristiyano may isang tanda na dapat ay alam na alam natin.  Bukod sa tanda ng Krus ay dapat pamilyar na sa atin ang maliit, manipis, bilog at kulay puting tinapay na ating tinatanggap sa Misa - ang Banal na Katawan ni Kristo!  Ang Banal na Eukaristiya ang simbolo ng pagkakaisa nating mga Kristiyano! Kaya nga ang tawag din natin sa Banal na Sakramentong ito ay"Sacrament of Holy Communion". Ang ibig sabihin ng communion ay pagkakaisa: COMMON na, UNION pa!  Ano ang nagbubuklod sa atin sa Sakramentong ito?  Walang iba kundi ang TIPAN na ginawa ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang katawan at dugo! 

Sa Lumang Tipan ang tipanang ito ay isinagawa sa pagwiwisik ng dugo ng susunuging handog sa dambana.  Ang mga tao naman ay sabay-sabay na nagpapahayag ng kanilang pagsang-ayon at pagsunod sa utos ni Yahweh!  Nag-ugat ito sa pagwiwisik ng dugo ng mga Israelita noong sila ay nasa Ehipto at nagpadala si Yahweh ng salot na kung saan ay mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki, tao man o hayop.  Ang mga Israelita ay naglagay ng dugo ng kordero, isang batang tupa, sa kanilang mga pintuan at naging tanda ito para sa anghel ng kamatayan na lagpasan ang kanilang mga tahanan at mailigtas sila sa salot na ito.  Kaya tinawag din itong gabi ng pass-over, paglagpas, at ang kanilang pinagsaluhang hapunan ay tinawag na passover meal.

 Sa Bagong Tipan ay may pagdanak pa ng dugo na nangyari. Ngunit hindi na dugo ng hayop kundi ang dugo mismo ng "Kordero ng Diyos" ang iniaalay sa dambana. Sa pag-aalay ni Jesus ng Kanyang sarili sa krus ay ginawa niya ang natatangi at sukdulang pakikipagtipan ng Diyos sa tao! Kaya nga't ang bawat pagdalo sa Banal na Misa ay pagpapanibago ng pakikipagtipan na ito. Hindi lang tayo nagsisimba para magdasal o humingi ng ating mga pangangailangan sa Diyos. Ang Diyos mismo ang nakikipagtipan sa atin sa pamamagitan ng pag-aalok ng Kanyang sarili upang ating maging pagkain at kaligtasan ng ating kaluluwa. 

Kaya nga nga't hindi sapat ang magdasal na lamang sa loob ng bahay kapag araw ng Linggo. Ang pagsisimba gamit ang telebisyon, radio o internet ay for exeptional reasons only!  Isa na diyan ang malubhang sakit o karamdaman at kalagayang imposible kang tumayo at pumunta ng simbahan.  Ngayon ay kasama na rin dito ang Covid19 restrictions para sa ating mga "super seniors" at mga batang pinagbabawalang lumbas ng tahanan.  Sa ganitong mga sitwasyon ay pinapayagan ng Simbahan ang pakikibahagi sa mga on-line at livestreaming masses.  Pero sa mga taong normal naman ang kalagayan at hindi naman pinagbabawalan ay hindi katanggap-tanggap ang ipagpaliban ang pagsisimba sapagkat ito ay pagtanggi sa pakikipagtipan o alok ng Diyos na makibahagi tayo sa Kanyang buhay!

Katulad ng mga Judio sa Lumang Tipan, sa tuwing tayo ay nakikibahagi sa tipanang ito ay inihahayag naman natin ang ating buong pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang Diyos ang nag-aalok ng buhay at tayo naman ay malugod na tumatanggap!  Ito ang bumubuo ng COMMUNION sa pagdiriwang ng Banal na Misa.  At sapagkat nagiging kaisa tayo ni Jesus sa pagtanggap natin sa Kanya sa Komunyon, inaasahan tayo na maging katulad ni Jesus sa ating pag-iisip, pananalita at gawa! Ngunit may higit pang inaasahan sa atin bilang mga miyembro ng Katawan ni Kristo, na sana tayo rin ay maging instrumento ng pagkakaisa sa mga taong nakapaligid sa atin. Tayo ay maaring maging daan ng pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapatawad, pakikipagkasundo, pang-unawa na maari nating ibahagi sa ating kapwa. 

Sa kasalukuyang panahong ito na kitang-kita at damang-dama natin ang pagkakahiwalay, hidwaaan at alitan, lalo na sa ating lipunang sinisira ng maruming politika, ay hingin natin ang biyaya ng pagkakaisang nagmumula kay Kristo.  Lumalapit na naman ang halalan 2022 kaya't asahan na naman natin ang pagsisiraan, hidwaan kahit sa mga magkakamag-anak, pagkakahiwalay ng mga dating magkakaibigan at huwag naman sanang mangyari na magtutuloy sa pananakit ng kapwa at pagkitil ng buhay ng iba. 

Tanging si Jesus ang makapagbibigay sa ating ng tunay na pagkakaisa! Ang kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ang nagbubuklod sa atin bilang iisang katawan. Siya ang SAKRAMENTO NG PAGKAKAISA!  Sa pagtanggap sa Banal na Komunyon ay sumasagot tayo ng AMEN.  Ang pagsasabi nito ay hindi lang pagtanggap kay Jesus sa anyong tinapay.  Pinapahayag din natin ang ating pagtanggap sa ating kapwa sapagkat tayo rin ang bumubuo sa Katawan ni Kristo.  Tanggapin natin ang bawat isa ng may pang-unawa, pagpapatawad at kagalakan.  Tayo ang nagkakaisang Katawan ni Kristo!  Tayo ang sambayanang pinagbuklod ng Banal niyang tipan!  Tayo ang simbolo ng pagkakaisa!

Sabado, Mayo 29, 2021

BANAL NA SANTATLO: DIYOS NG PAGMAMAHAL: Reflection for the Solemnity of the Blessed Trinity Year B - May 30, 2021 - YEAR OF MISIO AD GENTES

Kapistahan ngayon ng Banal na Santatlo: ang sinasamba nating ISANG DIYOS SA TATLONG PERSONA.  
Ang kapistahang pinagdiriwang natin ngayon ay katotohanang mahirap bigyan ng paliwanag.  Hindi ito katulad ng kapistahan ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus tulad ng kanyang pagsilang o muling pagkabuhay.  Hindi rin ito kapistahan ng pagkatao ng mga banal tulad ng mga santo at santa.  Ang kapistahang ito ay isang "doktrina" na ating sinasampalatayanan.  Bagama't ito ay napagtibay lamang noong 325 AD sa Konseho ng Nicea bilang artikulo ng ating pananampalataya, ang katotohanang ito ay nakaugat sa Banal na Kasulatan at noon pa man ay pinahahayag na ng ating pananampalatayang Kristiyano. Alam natin ang doktrina ay mas malapit sa ating pag-iisip kaysa sa ating emosyon o sa ating puso.  Ngunit ito nga ang malaki nating pagkakamali, isip ang ating ginagamit sa pag-unawa sa Banal na Santatlo.

May isang batang nasa ika-tatlong baitang ang nagtanong sa akin habang ako ay nagtuturo ng katesismo tungkol sa kabutihan at kadakilaan ng Diyos: "Father, bakit isa lang ang Diyos at hindi tatlo? Di ba Siya ay Ama, Anak, at Espritu Santo? Di ba 1+1+1=3? " Ito ang sagot ko sa kanya: "Iho, ang Diyos ay lubhang napakadakila kaya't hindi Siya puwedeng gamitan ng mathematics! Kasi puwede rin na 1x1x1= 1 di ba?  Napakamot siya ng ulo kaya’t sinabi ko na lang na... hindi mo talaga maiintindhihan ang Diyos dahil Siya ay isang malaking misteryo!

Ang pinagdiriwang natin ngayon ay katotohanang mahirap bigyan ng paliwanag, isang malaking misteryo!  Hindi ito katulad ng kapistahan ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus tulad ng kanyang pagsilang o muling pagkabuhay  Hindi rin ito kapistahan ng pagkatao ng mga banal tulad ng mga santo at santa.  Ang kapistahang ito ay isang "doktrina" na ating sinasampalatayanan bagama't ito ay napagtibay lamang noong 325 AD sa Konseho ng Nicea bilang artikulo ng ating pananampalataya.  At alam natin ang doktrina ay mas malapit sa ating pag-iisip kaysa sa ating emosyon o sa ating puso.  Ngunit ito ang malaki nating pagkakamali... isip ang ating ginagamit sa pag-unawa sa Banal na Santatlo.

Lubos ang kadakilaan ng Diyos kung kaya't hindi Siya maaring bilangin ng ating mga daliri sa kamay. Lubos ang Kanyang kadakilaan na hindi Siya maaring pagkasyahin sa ating maliit na isipan. Siya ang Manlilikha. Siya ang walang simula at  walang katapusan. Siya ang hari ng sanlibutan! Ang problema marahil ay pilit nating inuunawa kung sino ba talaga Siya. Ang napakatalinong taong si Santo Tomas Aquino, na nagsulat ng maraming aklat tungkol sa Diyos, pagkatapos ng kanyang mahabang pagsusulat at pagtuturo, ay nagsabing ang lahat ng kanyang inilahad tungkol sa Diyos ay maituturing na basura lamang kung dadalhin sa Kanyang harapan. Ibig sabihin ni Santo Tomas ay hindi natin lubos na mauunawan ang Diyos!  Kahit ang taong pinakamatalino ay kapos sa kaalaman kung ang "misteryo ng Diyos" ang pag-uusapan.

Bagamat walang sino mang tao ang lubos na makakaunawa sa Kanya ay pinili Niya pa ring magpahayag sa atin. Ang pagpapahayag ng Diyos ay lubos na mahiwaga sapagkat inihayag niya ang katotohanan ng kanyang sarili hindi sa mga palalo ang pag-iisip kundi sa mga taong payak at mapagkumbaba.  Kaya't ang mga salitang narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ay mauunawan lamang ng mga taong may kababang-loob at payak na pag-iisip:  "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."  

Ipinahayag ng Diyos na Siya ay pag-ibig. Kaya nga't masasabi natin na ang Diyos ay mauunawaan lamang ng taong marunong magmahal!  Ang Banal na Santatlo ay pagmamahalan!  Dahil dito masasabi nating ang Banal na Santatlo ay isang komunidad na pinaghaharian ng pagmamahalan.  The Holy Trinity is a community persons that is governed by love!  At ang pag-ibig na ito ay nagbabahagi,  Hindi makasarili.  Kaya nga't nagawang ibigay ng Diyos Ama ang kanyang bugtong na Anak upang makamit natin ang buhay na walang-hanggan!  At ang pag-ibig na ito ay nag-aanyaya rin sa ating magbahagi ng pagmamahal kung paanong ang Diyos ay pagmamahal at patuloy na nagmamahal.

Kaya nga't maari mong "maunawaan" ang Diyos kung marunong kang magpatawad. Nauunawaan mo ang Diyos kung matulungin ka sa mga nangangailangan. Nauunawaan mo ang Diyos kung ang hanap mo ay ang kabutihan ng iyong kapwa!  Subukan nating magmahal at makikita natin na ang kakulangang ng ating pag-iisip ay mapupuno ng isang payak at malinis na puso.

May isa akong kaibigan na ang motto sa buhay ay: "I am number three!" Ipinaliwanag niya sa akin: "I am number three" sapagkat nais ko laging ipaalala sa aking sarili na ang Diyos dapat ang number one sa buhay ko. Ang aking kapwa naman ang number two. Ang aking sarili ay pangatlo lamang!"  Totoo nga naman na dapat din nating mahalin ang ating mga sarili.  Ngunit ang labis na pagmamahal sa sarili na nakakalimot na may Diyos at kapwa na dapat ko ring mahalin ay mapanganib.

Ngayong panahon ng pandemia ay sikapin nating unahin ang kapakanan ng iba bago ang ating mga sarili.  Hindi ito madali sapagkat lalabanan natin ang ating pagkamakasarili at magsasakripisyo tayo para sa iba katulad ng patuloy na ginagawa ng maraming taong nagsasakripisyo upang  mapagtagumpayan ang malaking pagsubok na ito.  Ngunit ito naman talaga ang kahulugan ng tunay na pag-ibig... handang mag-alay ng buhay para sa kanyang kaibigan!

Ang Banal na Santatlo ay ang ating huwaran sa tunay na pagmamahal.  Ang pag-ibig ng Diyos Ama na nagbigay sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang pag-ibig na Anak na nag-alay ng kanyang buhay upang sundin ang kalooban ng Ama na tayo ay maligtas, at ang pag-ibig ng Espiritu Santo na patuloy na humiihimok sa ating magmahal upang maging isang Sambayanan tayong pinaghaharian ng Kanyang pag-ibig.  Kaya nararapat lang na ang aking Diyos na Santatlo ay aking papurihan at mahalin.  Hindi man Siya maintindihan ng aking isipan... kaya naman Siyang damhin ng puso kong marunong magmahal!

Sabado, Mayo 22, 2021

ANG MABUHAY SA ESPIRITUNG BANAL: Reflection for the Solemnity of Pentecost Year B - May 23, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Kapistahan ngayon ng Pentekostes.  Ngayon din ang kaarawan ng pagkakatatag ng ating Simbahan.  1988 na taon na ang lumipas simula ng ang ating inang Simbahan ay "iniluwal" sa pamamagitan ng pagpanaog ng Banal na Espiritu noong Araw ng Pentekostes! Ang Pentekostes ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay ika-limampung araw, sapagkat ito ang ika-limampung araw pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo.  Ito ang araw na pinili ng Panginoon upang ipadala sa atin ang Banal na Espiritu.  Marahil hindi ganoon kadaling maunawaan ang kanyang pananatili sa ating piling sapagkat una ay wala tayong malinaw na paglalarawan sa kanya sapagkat siya ay isang "Espiritu." Di katulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan.  Naririyan ang simbolo ng hangin, ang ibon na anyong kalapati, at dilang apoy.  Ngunit ano nga ba talaga ang nagagawa ng Banal na Espiritu lalo na sa kasalukuyang panahon ng ating Simbahan?  

Isang bata na may bagong mountain bike ang nagpark sa isang Simbahan at hinanap ang Parish Priest. Nang makita ito ay magalang na nagpakilala at nagsabi: "Father, puwede ko po bang ipark dito ang bike ko... kasi po baka mawala. Bagong-bago pa naman!" "Sige, anak" sagot ng pari, "magtiwala ka na walang mangyayaring masama sa bike mo." "Sure po ba kayo Father? Wala kasi akong nakikitang security guard dito." nagdududang tanong ng bata. Huminga ng malalim ang pari at sinabi: "Ay meron, ang pangalan ng "sikyo" namin dito ay "Holy Spirit." Sigurado ako, Babantayan Niya yan kaya't hindi yan mananakaw. Kung gusto mo magdasal tayo..." "Sige po Father... In the name of the Father, and of the Son. Amen!" Singit ng pari: "Teka me kulang ata sa dasal mo... bakit wala ang Holy Spirit?" Sagot ng bata: "Wag na nating abalahin Father, binabantayan niya ngayon ang bike ko! "

Totoo nga naman, ang Espiritu ang "sikyo" nagbabantay sa bisekleta ng bata kung paanong Siya rin ang "sikyo" na nagbabantay sa Simbahan simula pa lamang noong ito ay itinatag. Sa katunayan ngayon ay "birthday" ng Simbahan!  Ipinanganak ang Simbahan sa pagpanaog ng Espiritu Santo at ito ang patuloy na gumagabay sa kanya. Napakaraming pagsubok ang dinaanan ng Simbahan sa kasaysayan. Napakaraming pag-uusig, pag-aaway, pagsuway kahit sa mga pinuno at miyembro nito. Ngunit sa kabila nito ay patuloy na ginagabayan at ipinagtatanggol ng Espiritu Santo ang Simbahan.  Pagkakaisa ang bunga ng pananatili ng Banal na Espiritu sa ating Inang Simbahan.  Nang napuspos ng Banal na Espiritu ang mga alagad ay lumabas sila sa kanilang pagkakatago at nangaral.  Bagama't iba't iba ang pinanggalingang lugar ng mga taong nakikinig kay Pedro ay namangha sila sapagkat iisa ang kanilang pagkakaintindi sa kanyang mga sinabi.  Pagkakaisa at hindi pagkakawatak-watak at biyaya ng Banal na Espritu.  Isang pang biyaya ng Banal na Espiritu ay kapayapaan.  Ang dating mga alagad na takot at puno ng pagkabagabag at pagkabalisa ay nakaranas ng kapayapaan nang manahan ang Banal na Espiritu sa kanilang piling.   Kabanalan ang naman ang bunga ng isang taong namumuhay ayon sa Banal na Espiritu.  Pinananatili Niyang banal ang Simbahan sa kabila ng maraming makasalanan na bumubuo nito. Noong tayo ay bininyagan at kinumpilan ay pinaging banal tayo ng Espiritu Santo.  Naging templo o tahanan Niya ang ating katawan.  Kaya nga't may pananagutan tayong panatilihing banal ang templong ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa kasalanan at sa mga gawaing sumisira sa kabanalan nitong taglay.  

Nadarama mo ba ang paggabay ng Espiritu Santo sa iyong buhay? Tinanggap mo ito nung ikaw ay bininyagan at kinumpilan. May epekto ba S'ya sa buhay mo ngayon? Palagi kong ginagamit ang paglalarawan na pagtitimpla ng kape upang ipaliwanag ang pananatili ng Banal na Espiritu sa ating buhay.  Sa pagtitimpla ng kape, ay mahalaga ang asukal maliban na lang kung "black cofee" ang gusto mo.  Ngunit pansinin ninyo na kahit na gaano karami pang asukal ang ilagay mo sa iyong kape ay hindi ito tatamis kung hindi mo hahaluin.  Ganito rin ang pananatili ng Banal na Espritu sa atin.  Kahit na gaano karami pang "baptism of the Spirit" ang pagdaanan mo ngunit wala ka namang ginagawang paraan upang "haluin" ito at hayaang maging bahagi ng iyong buhay ay hindi lalabas ang epekto nito sa atin.  Kinakailangan talaga ng kaunting paghalo, pagkamulat at paggising sa ating natutulog na sarili upang makapagtrabaho ang Banal na Espiritu sa ating buhay.  Kung nanlalamig ka ngayon sa pananampalataya, hingin mo ang tulong Niya. 

Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape, walang ring matigas na puso ang di kayang palambutin ng mainit Niyang pagmamahal. Hayaan nating pagharian ng Banal na Espiritu ang ating buhay.  Maging bukas tayo sa kanyang paggabay at pagkalinga.  Gisingin ang natutulog nating diwa at isabuhay natin ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo: karunungan, pang-unawa, pagpapayo, katapangan, kaalaman, pagpapabanal at banal na pagkatakot sa Panginoon.  Mabuhay tayo sa ayon Banal na Espiritu!