Sabado, Hulyo 23, 2022

DIYOS NA ATING AMA: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year C - July 24, 2022 - 500 YEARS OF CHRISTIANITY

Ano ba ang ibig sabihin kapag sinabi nating ang Diyos ay ating ama?  Araw-araw ay tinatawag natn siyang Ama sa pagdarasal ng Ama Namin.  Naiintindihan ba natin ang panalanging ito?

Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan. Nalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto ng biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, may kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... magbeer muna tayo!" Sabay labas ng malamig na San Miguel Beer!"   Sa kuwento ay makikita natin ang ganitong katangian ng isang ama:  madisplina ngunit may puso, maprinsipyo ngunit marunong umunawa, makatarungan ngunit maawain.  Kahanga-hanga ang mga magulang na kinakikitaan ng ganitong balanseng katangian.  

Sapul pa sa ating pagkabata ay naituro na sa atin na ang Diyos ay ang ating ama.  Bilang Ama, ang sangkatauhan ang kanyang anak. Kilala  at mahal N'ya tayong lubos. Tayong lahat ay tinuring n'yang anak kahit na marami sa atin ay pariwara at walang utang na loob sa Kanyang ipinapakitang kagandahang loob sa atin.  

Kaya nga sa ating pagdarasal nais ni Jesus na tawagin natin Siya sa pangalang nararapat sa Kanya... "Ama namin..."  Nang hilingin ng mga alagad kay Hesus na turuan silang magdasal ay ito ang kanyang winika: "Kung kayo'y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo:  Ama, sambahin nawa ang ngalan mo. Magsimula na sana ang iyong paghahari..."  Nais ng ni Hesus na tawagin natin ang Diyos na Ama at nararapat lang sapagkat ito ang unang biyayang tinanggap natin noong tayo ay biniyangan, naging "anak tayo ng Diyos!" At dahil dito ay nagkakaroon tayo ng karapatang tawagin siyang "Abba"... Tatay... Papa... Daddy,  sapagkat Siya ang Amang nangangalaga sa akin.

Nais ni Jesus na tawagin natin ang ating Ama sa ganitong kataga lalong-lalo na sa ating pagdarasal. Nais Niyang kulitin natin ang ating "tatay" sa ating mga pangangailangan sapagkat hindi Niya mapaghihindian ang pangungulit ng kanyang mga anak tulad ng lalaking nanghihingi sa Ebanghelyo. Ang sabi ng Panginoon: "Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito."  Kaya nga kinakailangan tayong magpumilit sa ating pananalangin.  Ang Diyos bilang Ama ay laging tumutugon sa ating mga kahilingan.  Kapag ipinagkaloob Niya ang ating mga panalangin ay sapagkat sinubukan niya ang ating pananampalataya.  Kapag pinatatagal ng Diyos ang pagsagot sa ating mga panalangin ay sapagkat marahil ay sinusubukan niya ang ating pasensiya.  At kapag hindi naman sinagot ng Diyos ang ating kahilingan ay sapagkat sa kadahilanang may mas mabuti siyang plano para sa atin.  Sa madaling salita ay tumutugon ang Diyos sa ating mga dasal ngunit ayon sa kanyang kalooban at hindi sa ating nais.  "Sundin ang loob mo dito sa lupa para ng sa langit!"  Bilang mapagmahal na Ama ay alam Niya ang ating mga pangangailangan bago pa natin ito hilingin sa Kanya. Kaya nga sabi ng Panginoon: "Humingi ka at ikaw ay bibigyan. Humanap ka at ikaw ay makatatagpo."   

Sa panalanging itinuro ni Jesus ay hinihingi rin nating patawarin ang ating mga kasalanan ngunit sa kundisyong kaya nating patawarin ang mga nagkakasala sa atin.  Be merciful like the Father. Walang lugar sa puso ng "anak ng Diyos" ang pagtatanim ng galit at paghihiganti sa kadahilanang tayong lahat ay magkakapatid.  Ang mga karahasang nangyayari ngayon sa ating mundo ay nagpapakita kung gaano pa kalayo ang ating pagkilala sa Diyos bilang "Ama". Walang kapatid na nais hangarin ang kamatayan ng kanyang kapatid.  Nakakabahala na marami ang sumasang-ayon sa mga nangyayaring patayan halos araw-araw sapagkat walang malaking pagtutol na lumalabas tungkol dito. Kung naniniwala tayo na may iisa tayong Diyos na tinatawag na "Ama",  dapat ay maniwala rin tayo na tayong lahat ay magkakapatid.  Kaya't dapat tayong magpatawad kung nais nating mapatawad.  

Sa “Ama Namin,” ipinahahayag natin di lamang ang pagiging Ama ng Diyos kundi pati ang pagiging magkakapatid ng lahat ng tao. Ipinahahayag natin ang panawagan sa atin para bumuo ng Kaharian sa pamamagitan ng pagmamahalan, pagpapatawaran, at pagkakaisa sa paglaban sa kasamaan at pagpapalaganap ng kabutihan sa lahat ng lugar. Gawin natin ang “Ama Namin” na bukal ng inspirasyon sa araw-araw.  (hango sa pambungad ng Patnubay sa Misa, Hulyo 24, 2022)

Sabado, Hulyo 16, 2022

PAKIKINIG AT PAGTANGGAP: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year C - July 17, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Tayong mga Pilipino ay may isang natatangi at maipagmamalaking katangian.  Tayo raw ay mga taong naturally hospitable o likas na mainit tumanggap ng mga panauhin.  Sa katunayan, sa sobrang pagka-hospitable natin sa China ay ayaw na nilang iwanan ang mga isla sa West Philippine Sea at ngayon ay tila silang mga kabuteng nagsulputan sa iba't ibang panig ng bansa!  Pati nga ata mga isda na nasa ating teritoryo ay maaring galing sa Tsina kaya dapat tayong maging "hospitable" sa mga ilegal na nangingisda sa ating exclusive economic zone!  Pero sa totoo lang, hindi mo naman sigurong kinakailangang maging graduate ng UP para sabihing mas malapit ang Scarborugh Shoal sa Pilipinas kaysa China.  Common sense lang ang kailangan ika nga! At ngayong bago na ang mga namumuno sa ating gobyerno ay malaking katanungan kung ipaglalaban ba natin ang ating karapatan sa mga nang-aangkin sa ating mga isla?  O baka naman katulad din ng dati na magiging sunod-sunuran na lamang tayo sa kanila?

Kaya nga't dinadaan na lang tuloy ng ilan nating mga kababayan ang kanilang pagkadismaya sa mga hugot lines: "Ang love life mo parang 9 dash line.. imbento!" "Mabuti pa ang West Phlippine Sea ipinag-agawan..." "Para kang coral sa west Philippine sea ... lulubog, SIRA!"  Maaring dinadaan lang ng marami sa atin sa biro ang mga nangyayari sa ating bansa ngunit siguro ay kinakailangan nating  pag-aralan at pag-isipang mabuti ang kahihinatnan ng ating bayan kapag hindi tayo kikilos at pababayaan lang natin ito.  Hanggang dyan na lang muna at baka sugurin pa ako ng mga trolls.   

Gayun pa man, dito man sa ating bayan o sa ibang bansa ay likas pa rin ang ating pagiging "hospitable".  Personal ko itong naranasan noong ako ay nakasama sa World Youth Day na ginanap sa Canada noong taong 2002.  Sa pagdating pa lamang namin doon at nalaman ng mga Pilipinong naninirahan sa Vancouver na may mga delegates na galing sa Pilipinas ay bumaha ng pagkain sa aming tinutuluyang parokya at parang may pistang naganap.  Noong ako naman ay naitalagang Assistant Parish Priest ng parokya ng Mayapa sa Laguna ay naranasan ko ang di mapapantayang hospitality ng mga taong taga-barrio. Kapag may pista sa isang barrio ay dapat mo ng ihanda ang iyong sarili sa buong araw na kainan. May sampung bahay akong binasbasan noon at lahat ay nagpakain.  Nakakainis sapagkat bawal ang tumanggi sapagkat sasama ang kanilang loob at ang mas nakakagalit ay pare-pareho ang luto ng kanilang ulam!  Gayunpaman ay nakakataba ng puso ang kanilang "hospitality".  Sa Tondo, ang aking lugar na pinanggalingan ay madalas kong marinig sa mga kalsada ang pagbating "Father... kain muna! O kaya naman ay... "tagay muna!"  O kapag walang mapakain sa bahay kukuha na lang sila ng photo album at isang basong tubig at maririnig mo ang mga salitang: "tingin ka muna ha?" at didiskarte na sila ng pangmerienda para sa kanilang bisita.  

Hindi lang naman sa ating mga Pilipino ang ganitong katangian.  Ang mga Hudio ay mas higit pa nga kaysa sa atin.  Sa unang pagbasa ay narinig natin ang pagtanggap ni Abraham sa tatlong anghel na nag-anyong tao at bumisita sa kanya.  Ipinaghanda sila ni Abraham ng makakain at lugar na mapagpapahingahan at nagantimpalaan naman ang kabutihang ito sapagkat ibinigay ng Diyos sa kanya si Isaac bilang kanyang anak sa kabila ng katandaan nilang mag-asawa. 

Sa Ebanghelyo ay nakita rin natin ang mainit na pagtanggap kay Jesus ng magkapatid na Marta at Maria. May pagkakabiba lang nga sa kanilang ginawang pagtanggap.  Si Marta, na mas nakatatandang kapatid, ay abalang-abala sa mga gawaing bahay samantalang si Maria ay piniling makinig sa tabi ni Jesus.  Sa kahuli-hulihan ay naging mas kalugod-lugod si Maria sa paningin ni Jesus sapagkat pinili niya ang higit na "mas mahalaga"... ang matuto at makinig sa kanya!

Tayo rin ay tinatawagang tanggapin si Jesus sa ating buhay.  Sa pagtanggap na ito ay dapat marunong tayong makinig sapagkat ito ang pagtanggap na kinalulugdan ng Panginoon.  Ang karaniwang sakit nating mga Kristiyano ay KSP: Kulang Sa Pakikinig.  Kalimitan sa ating pagdarasal ay tayo lang ang nagsasalita.  Bakit di natin ang bigyan ng puwang ang tinig ng Diyos sa ating buhay?  Ang Diyos din ay nagsasalita sa ating kapwa kaya dapat ay marunong din tayong makinig sa kanila. Kailan ka huling nakinig sa payo ng iyong mga magulang?  Mga magulang, nabigyan n'yo na rin ng pagkakataong magsalita at pakinggan ang inyong anak?  Kailan ka nakinig sa pangangailangan ng iyong kapwa o mga taong salat sa pagkalinga at pagmamahal?  

Ang tunay na pakikinig ay pagtanggap kay Jesus at ang pagtanggap sa Kanya ay nagbibigay ng kaligayahang walang hanggan.  Ipanalangin natin na nawa ay mas maraming tao lalong-lalo na ang mga kabataan ang "makinig" sa tinig ni Jesus na tumatawag sa kanila sa kabanalan... ang maging mabuting mamamayan at tapat na Kristiyano!  Ang PAKIKINIG kay Hesus ay pagbibigay ng puwang sa Kanya at PAGTANGGAP sa ating mga puso.  


Sabado, Hulyo 9, 2022

MABUTING SAMARITANO O SAMARITES KA BA? Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year C - July 10, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Anong pumapasok agad sa isip ninyo kapag sinabi kong ako'y isang "batang tundo?"  Si Father... astig! Siga... baka may tatoo!  Kapag sinabi kong ako'y lumaki sa "Tondo"  ay agad-agad ang sasabihin ng iba ay 'yan ay lugar na mabaho, marumi, magulo, lugar ni "Asyong Salongga"... Naku, mag-ingat ka dahil maraming kriminal at drug addict  d'yan!  Meganun?  Sapagkat Tondo ba, kriminal agad? Sapagkat Tondo ba mamamatay tao agad?  Di ba puwedeng "holdaper" o "snatcher" muna? hehehe... 

Kung minsan madali tayong ma-bias sa isang tao dahil sa kanyang anyo, estado sa buhay o lugar na pinanggalingan.  Pakinggan n'yo ang kwentong ito:  Isang pulubi ang nagdarasal sa likod ng Simbahan: "Panginoon, tulungan mo naman po ako. May sakit ang aking anak. Wala kaming kakainin mamya. Kung maari bigyan mo naman ako kahit na limandaang piso." Lingid sa kanyang kaalaman ay may isang pulis na nakarinig sa kanyang panalangin. Nahabag ito at dumukot sa kanyang wallet. Binilang niya ang laman at umabot lamang ito ng apat na daang piso. Gayun pa man, iniabot niya ito sa pulubi. Tuwang-tuwa ang pulubi at binilang ito. Muli siyang lumuhod at nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po! Pero sana sa susunod, wag mo nang padaanin sa pulis... nagkulang tuloy ng isang daan!" 

'Kalimitan ay hirap tayong makita ang kabutihan ng iba sapagkat nakakahon na ang kanilang pagkatao sa ating isipan. Kapag nakakita ng pulis, kotong cop yan! Kapag nakakita ng politician, trapo yan! Kapag nakakita ng artista, maraming asawa yan! Ganito rin ang pagtingin ng mga Hudyo sa mga Samaritano nang panahon ni Jesus. Kapag Samaritano... kaaway 'yan! Nang tinanong si Jesus ng dalubhasa sa batas kung "Sino ang kanyang kapwa?"  ay sinagot niya ito sa pamamagitan ng pagsasalaysay sa Talinhaga ng Mabuting Samaritano at sa huli ay isa ring tanong ang kanyang binitawan: "Sino ang nagpakita ng pakikipagkapwa sa taong hinarang ng tulisan?" Hindi masagot ng eskriba si Jesus ng diresto sapagkat kaaway nila ang mga Samaritano. 

Kung minsan ay ganito rin ang ating pag-uugali. Hirap tayong magpakita ng pagmamahal sa ating mga kaaway.  Hirap tayong magpatawad sa ating mga kasamaang-loob. Hindi natin matanggap na sila rin ay ang ating "kapwa". Malinaw ang mensaheng nais paratingin ni Jesus sa atin: Ang ating kapwa ay ang mga taong nangangailangan, nangangailangan ng tulong, ng awa, ng pag-aaruga at higit sa lahat...ng pagpapatawad.  Ang utos ng Panginoon na mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat at ang ating kapwa gaya ng pagmamahal sa ating sarili ay hindi lamang utos na nakalimbag sa Bibliya o sa ating Katesismo. Ito ay kautusang nakalimbag hindi sa papel kundi sa ating mga puso.  Ibig sabihin, ito ay kautusang napakalapit sa atin sapagkat ito ay nasa ating kalooban, kabahagi ng ating pagiging tao at ng pagiging anak ng Diyos natin. Kaya't wala tayong maidadahilan upang hindi natin maisakakatuparan ang mga utos na ito.  

Huwag nating husgahan ang ating kapwa sapagkat ang sabi nga ni St. Mother Theresa ng Calcutta: "If you judge other people, you have no time to love them."  Marahil ay dapat lang nating mas palawing ang ating pang-unawa at pag-intindi sa kanilang kakulangan at kamalian.  Tandaan natin na ang ating kapwa ay ang taong nangangailangan ng ating AWA, UNAWA, at MABUTING GAWA!  Ito ang dahilan kung bakit ang ating Inang Simbahan ay may pagkiling sa mga taong mahihirap, mga taong biktima ng karahasan, ng kawalang katarungan, ng pang-aapi, dahil sila ang mga taong "mas nangangailangan".  Huwag sana tayong magdalawang isip na tulungan sila.  Ang sabi ng turo ng Simbahan ay: "Walang taong masyadong mahirap para tumulong sa iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba."  

Para sa ating mga Kristiyano ay may mas malalim na kadahilanan kung bakit tayo dapat tumulong sa ating kapwang nangangailan.  Ang sagot ni St. Mother Theresa sa nagtanong sa kanya kung paano niya ito nagagawa ay: "Sapagkat nakikita ko ang mukha ni Kristo sa kanila!"  Ito pala ang susi upang matanggap natin ang hindi katanggap-tanggap at mahalin ang hindi kaibig-ibig... ang makita natin ang mukha ng Panginoong Jesus sa ating kapwa.  Isyu pa rin ngayon ang paglabag sa mga karapatang pantao lalo na sa pagpatay sa mga pinaghihinalaang drug addicts o drug pushers.  Sa katunayan ay nagbigay na nga ng resolusyon ang United Nations upang tingnan kung may katotohanan ito.  May katotohanan ba ang mga paratang na may paglabag ang pagsasagawa nito sa karapatang pantao?  Isa lang naman ang malinaw na ating nakikita at naririnig sa mga balita, na may mga namamatay o napapatay na kung minsan ay may kasamang pang "collateral damage".  Ang mga drug users at mga drug pushers ay mga kapwa din natin na dapat ituring.  Marami na sa kanila ang namatay.  Marami na rin sa kanila ang sumuko.  Baka nga ang iba diyan ay mga kamag-anak natin, kaibigan o kakilala natin. Handa ba natin silang tanggapin bilang ating "kapwa?"  O baka naman sa kanilang pag-amin ay lalo lang nilang maramdaman na sila ay hiwalay at hindi na katanggap-tanggap sa ating lipunan?  Hindi solusyon na sila ay patayin o lipulin sa mundong ibabaw. 

Ang pagiging Mabuting Samaritano ay nagsisimula sa ating mabuting pag-iisip sa ating kapwa.  Pag-iisip na nagbibigay daan sa pagmamalasakit.  Ang taong may malasakit ay ramdam ang paghihirap ng iba kaya't hindi siya nagdadalawang isip sa pagtulong sa kanila.  Sikapin nating pagmalasakitan ang ating kapwang nangangailangan.  Baka naman sa halip na maging "mabuting Samaritano" tayo sa kanila ay nagiging "Mabuting SaMARITES" pa tayo na sa halip na makatulong ay nakakasama pa tayo dahil sa mga kinakalat natig tsismis at nakapapanirang mga salita.  Bantayan natin ang ating pag-iisip at lumalabas sa ating dila!  Iwasan nating magpahamak at maging mabuti tayo kahit sa mga taong masasama. Ang sabi nga ni Pope Francis: "Be good even if others are not!"  

Tugunan natin ng kabutihan ang kasamaan. Palitan natin ng kapayapaan ang karahasan.  Pairalin natin ang kultura ng buhay at hindi ng kamatayan!  Tahakin natin ang landas ng pag-ibig bilang isang "Mabuting Samaritano."

Sabado, Hulyo 2, 2022

PAGBABAGO: Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year C - July 3, 2022

"May bagong silang, may bago ng buhay, bagong bansa, bagong galaw, sa bagong lipunan..."
  Natutunan kong awitin ito noong ako ay nasa elementarya pa lamang.  Magkakaroon na nga ba tayo ng tunay na pagbabago?  Kanino ba dapat magsisimula ito?   

Isang matandang lalaki ang panay ang paninisi sa Diyos kapag may nakita siyang kahirapan sa mundo. "Panginoon, nakita ko telebisyon ang mga nabiktima ng kalamidad, ang maraming taong namamatay sa gutom.  Bakit wala kang ginagawa para sa kanila?"  Katahimikan lang ang tinanggap niyang kasagutan.  "Panginoon, maraming bata akong nakita na palaboy-laboy lamang sa lansangan at lulon sa droga at mga ipinagbabawal na gamot.  Bakit wala kang ginagawa para sa kanila?" Katahimikan uli ang tugon ng Diyos.  Sa panghuli, nakakita siya ng matandang namamalimos sa labas ng simbahan.  Nabagbag ang kanyang kalooban at muling tinanong ang Diyos: "Panginoon, ano ang ginagawa mo para sa pulubing ito? Ba't di ka sumagot?"  Nang biglang binasag ang katahimikan ng isang tinig na mula sa langit.  "Anak, may ginawa ako. Ginawa kita. Ikaw... may nagawa ka na ba para sa kanila?"  At isang nakakabinging katahimikan ang sumunod. 
 

"Change is coming..." ang panawagan ng maraming Pilipinong umaasa na pagkatapos ng eleksiyon ay sa wakas gaganda na ang buhay ng bawat isa! Ngunit ang tanong ay "Paano at sino ang gagawa nito?"  Ang akala ng marami sa atin ay manggaling ito sa mga taong inihalal natin.  Kaya't marami sa atin ang umaasa na nasa kamay ng mga taong ito ang pagbabagong ating hinahangad.  Ngunit sa kalaunan ay mauunawan natin na ang tunay na pagbabago pala ay hindi nakasalalay sa iba kundi sa atin ding mga sarili.  Dapat ay may gagawin ako! Ang sabi ng isang lumang post na nakita ko: "I am a Filipino and the real change begins with me. Stop... littering, jaywalking, beating the red light, urinating anywhere, spitting saliva everywhere, smoking anywhere, paying bribes, etc, etc... our president cannot change you! You are the hope of the country!"

Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang gawain ng pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusugo sa pitumpu't dalawang mga alagad.  "Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat."  Bagama't ito ay direktang iniatas ni Jesus sa ilang mga piling alagad, tayong lahat din ay tinatawagan Niya upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagtatatag ng Kanyang kaharian dito sa lupa.  Sapagkat “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa" kung kaya't tayong lahat ay pinatutulong ng Panginoon sa kanyang misyon.  

Ang Sakramento ng Binyag ang unang nagsugo sa atin sa gawaing ito at patuloy itong ipinapaalala sa atin sa katapusan ng Misa: "Humayo kayo..."  Hindi ito nangangahulugan ng pagpapaalis kundi ng pagsusugo sa atin bilang mga alagad ni Jesus. Tinatawagan ng Panginoon ang bawat isa sa atin na itatag ang isang bagong kaharian ng Diyos dito sa lupa.  Nangangahulugan ito ng isang pinanibagong ebanghelisasyon o ang pagdadala ng Mabuting Balita ni Hesukristo.  Hindi ba't ito ang binigyang diin sa siyam na taong paghahanda para sa ika-limandaang anibersaryo ng ating Kristiyanong pananampalataya?  Ang pinakahuling pagninilay ay ang Taon ng "Missio Ad Gentes" o ang misyon para sa mga tao.  Pinapaalalahanan tayo ng pagdiriwang na ito na tayong lahat ay misyonero sa ating kapwa sa pamamagitan ng pagiging mga buhay na saksi ni Kristo.  Ang isang saksi ay hindi lang nakikinig sa Mabuting Balita ni Kristo kundi siya ay ang dapat na nagsasabuhay nito.  

Kaya nga't isang hamon para sa ating lahat ang maging disipulo o tagasunod ni Kristo sa ating makabagong panahon.  Lagi kasi tayong maninindigan sa ating pagpili ng tama sa mali.  Para sa isang Kristiyano ang tunay na kalayaaan ay ang pagpili sa tama o pagpanig sa katotohanan.  Nahaharap tayo ngayon sa mga matitinding krisis sa ating lipunan.  Nangunguna na ang Krisis sa Katotohanan sapagkat napakalaganap ngayon ng kasinungalingan at ang nakakalungkot dito ay marami sa atin ang pinipiling mabuhay sa kasinungalingan.  Nandyan  pa rin ang krisis na dala ng covid19 pandemic.  Marami sa ating mga kababayanan ang patuloy na naghihirap at ang masaklap ay nakakarinig pa tayo ng korupsiyon ng mga mapagsamantala sa kabila ng kahirapan ng buhay.  At hindi pa rin maisasantabi ang "Ecological Crisis" na dala ng pagpapabaya nating mga tao at patuloy na paglapastangan sa ating kalikasan at kapaligiran.  Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon ay maaring masaksihan natin ang pagkasira ng mundong ating itinuring na tahanan. 

Sa harap ng mga krisis na ito ay isinusugo tayo ng ating Panginoon na "parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat."  Tinatawagan niya tayong buhatin ang mga krus na ito at sumunod sa kanya.  Nais niyang tayo ay mabuhay na mabubuting Kristiyano at tapat na mamamayan. Kaya nga't tulong-tulong tayo sa pagpapairal ng isang mapayapa, maayos at maginhawang mundo. Hindi lang natin iaasa sa iilan ang pagpapairal nito. Hindi lang ang mga nahalal na pinuno ang dapat magtrabaho.  Ang minimithi nating pagbabago ay hindi mangyayari kung hindi tayo kikilos at makikiisa.  Ang hamon ng ating Panginoong Jesus ay nananatiling sumunod tayo sa kanya. "Come... follow me."

Sabado, Hunyo 25, 2022

PAGSUNOD KAY HESUS: Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year B - June 26, 2022

Paano mo masasabing Kristiyano ka? Ang karaniwang sagot na aking tinatanggap ay ito:  "Kristiyano ako kasi nagsisimba ako tuwing Linggo!" Tama ba o mali? Maari bang gawing sukatan ng isang Kristiyano ang palaging pagsisimba?  Marami sa ating mga Kristiyano ay marahil tapat pa rin sa kanilang tungkulin tulad ng pagsisimba, pagdarasal ng nobena, pagrorosaryo ay iba pang gawaing kinasanayan na nang marami sa atin.  Pero alam ba natin kung bakit natin ginagawa ito?  

May kuwento ng aso na hinahabol ang isang pusa.  Naghabulan sila hanggang sa labas na ng kalsada.  Patuloy sa pagtahol ang aso habang hinahabol niya ang pusa.  Nakuha nito ang atensiyon ng ibang aso sa paligid at maging sila ay nakisama na rin sa paghabol.  Habang tumatagal ang habulan ay parami na ng parami ang mga asong tumatakbo at nakikihabol.  Hanggang sa napakarami na sila at ang mga asong nasa likod na tumatakbo ay nagtanong na sa kanyang kapwa aso sa harapan.  "Pare bakit ba tayo nakikitakbo?  Sino ba ang hinahabol natin sa harapan?"  Sagot ng kausap niya, "hindi ko alam 'tol, kahit ako takbo na lang takbo at nakikikahol!"  

Marahil marami sa atin ay ganyan ang sagot kapag tinanong mo kung bakit ba sila nagsisimba?  Parang silang mga asong takbo ng takbo ngunit hindi nakikita ang kanilang sinusundan.  Ni hindi nga nila masabing "mahal nila si Jesus" na kanilang sinusundan.  Pero sasabihin nilang "Kristiyano ako!" dahil pumapasok naman ako ng simbahan.  Sabi ng isang sikat na mangangaral: "Hindi sapagkat pumasok ka ng Simbahan ay Kristiyano ka na, kung paanong hindi ka nagiging kotse pag pumasok ka sa talyer!" Totoo nga naman, mas higit pa sa pagsisimba ang sinasabi ng ating pagiging Kristiyano.  Marahil ay marami sa ating alam naman na sila ay naging Kristiyano noong sila ay nabinyagan.  Sa katunayan ay marami sa atin ay may maipapakita pang "baptismal certificate".  Ngunit sapat ba ito upang masabing miyembro ka na ng pamilyang "Kristiyano"?  

Ngayon sa ating mga pagbasa ay pinaaalalahanan tayo kung ano ang hinihingi sa atin ng pangalang ito na ating tinataglay,  isang ganap at walang pasubaling pagsunod kay Hesus. "Ganap" sapagkat ang pagsunod kay Hesus ay wala dapat na hinihinging kundisyon,  wala dapat pag-aatubili! Kung minsan magaling tayong tumawad. "Yes, Lord! Susunod ako pero sa isang kundisyon..."  Ang mga  pagbasa ngayong Linggo ay nagsasabi sa ating gawin nating "ganap" ang ating pagsunod sa kalooban ng Diyos.  

Sa unang pagbasa ay narinig natin kung ano ang ginawa ni Propeta Eliseo upang ipakita ang ang ganap na pagsunod kay Propeta Elias, iniwan niya ang kanyang kabuhayan, kinatay niya ang kanyang mga alagang toro at ibinigay sa mga tao at ginamit niya pang panggatong ang kanyang pang-araro.  Sa Ebanghelyo ay narinig naman natin ang sagot ni Jesus sa tatlong nagnanais na sumunod sa kanya: "Susunod po ako sa inyo kahit saan...."  ang sabi ng isang nagnanais na sumunod kay Hesus.  Ang tugon ni Hesus sa kanya ay: "May lungga ang asong gubat at may pugad an ibon, ngunit ang anak ng Tao'y wala man lang matuluyan o mapaghingahan."  May kahilingan naman ang pangalawa sa kanyang pagsunod. “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay," ang tugon ni Jesus sa nagsabing uuwi muna siya upang ipalibing ang kaanyang ama. Hindi winawalang-halaga ng Panginoon ang pagmamahal sa magulang. Nais lang niyang ipahayag na wala sanang tayong pag-aatubili sa pagsunod sa kanya.  Kalimitan kasi ay napipigilan tayo ng maraming bagay sa ating pagtugon sa pagtawag ni Hesus.

Ang ating maraming alalahanin sa buhay ay hindi dapat maging sagabal sa patupad natin sa kalooban ng Diyos. Ang pagsunod kay Hesus ay nangangahulugan na handa nating iwanan ang mga makamundong bagay para sa Kanya!  Ang paalala niya sa mga nagnanais na sumunod sa Kanya ay "Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos."  Nakakalungkot sapagkat marami pa rin sa atin ang "teka-teka" sa ating pagiging Kristiyano. Urong-sulong sa pagsunod sa Kanya. Magsisimba sa Linggo ngunti hindi naman maiwanan ang masamang pag-uugali o bisyo. Magkukumpisal ngayon ngunit uulitin ang parehong kasalanan bukas. Seryoso ba tayo sa ating pagsunod kay Kristo?  Ayaw niya ang Kristiyanong papatay-patay sa buhay. Ayaw niya sa "Kristiyanong teka-teka!" Higit sa lahat ay ayaw niya ang KRISTIYANONG URONG-SULONG sa pananampalataya!  

Maganda ang panawagan ni San Pablo sa mga taga-Galacia.  Marahil ay marami sa kanila ang nagsasabing may kalayaan silang gawin kung ano ang gusto nila sa buhay.  Marahil ay nagiging pabigat sa kanila ang pagsunod kay Kristo.  Ito ang tugon niya: "Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya... huwag ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang pita ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa dahil sa pag-ibig."  Tinatawag tayo ng ating Panginoonb sa isang buhay na marangal at banal.  Sa Misang ito ay hingin natin sa Panginoon ang biyayang maging tapat at masunurin sa Kanyang pagtawag sa atin.  Sundan natin si Hesus sa kabanalan!

Sabado, Hunyo 18, 2022

PAGKAKAISA SA PAGBABAHAGINAN: Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year B - June 19, 2022 - SYNODALITY

Mahilig ka bang kumain sa fast foods? Jolibee, Mcdonalds, Chowking, KFC, etc.. ang mga karaniwang tinatakbuhan natin kapag tayo ay nagugutom. Kaya nga fast food ay sapagkat gusto mong maibsan agad ang iyong gutom! Ngunit masaya ka bang kumakain kapag wala kang kasama? Hindi ba't mas masarap kumain sa mga lugar na iyon kapag kasama mo ang barkada mo? Masarap kumain kapag may kausap ka. Enjoy kumain kapag may kakulitan ka! At ang exiting part ay masarap kumain kapag may manlilibre sa 'yo!  Kaya nga't ang tawag din natin sa kainan ay "salo-salo" at hindi solo-solo.  Ibig sabihin ay mayroon kang kasama... may kasabay ka... may kasalo ka!  Ito marahil ang nag-iiba sa atin sa mga hayop sa tuwing tayo ay kumakain. Hindi lang tayo lumalamon mag-isa o kaumakain ng walang pansinan, mayroon tayong pagbabahaginang ginagawa... mayroon tayong tinatawag na sharing! 

Ang Banal na Eukaristiya ay hindi lamang pagtanggap sa Katawan ni Hesus. Ito rin ay pagbabahaginan  sapagkat ito ay isang pagsasalo.  Sa Banal na Eukaristiya, ang Diyos ay nakikisalo sa atin! At ang Diyos mismo ang nagbabahagi ng kanyang sarili sa atin bilang atin  pagkain.  Ang ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa pagpaparami ni Hesus ng tinapay upang makakain ang napakaraming taong nagtiyagang sumunod sa kanya upang makinig sa kanyang mga aral. Paano ba nangyari ang himala?  May nag-alay ng kanyang baon na limang tinapay at isang isda.  Hindi binanggit sa Ebanghelyo kung kanino nanggaling ito, ngunit sa ibang sipi ng eganghelyo ay may nagsasabing ito ay nagmula sa baong dala-dala ng isang bata.  Hindi nahiya ang taong ito na ibigay kung ano ang mayroon siya at dahil doon ay naisagawa ni Hesus ang himalang pagpaparami ng tinapay.  May mga tagapagpaliwag ng Banal na Kasulatan na nagsasabing maari ring ang mga taong sumunod kay Hesus ay may dala-dala naman talagang baon at ng makita nila ang ginawa ng bata ay naglabas na rin sila ng kanilang mga itinatagong pagkain.  May katotohanan man ito ay maituturing pa ring isang himala ang nangyari... ang himala ng pagbabahaginan... the miracle of sharing!  Mula sa pagiging makasarili ng mga taong itro ay nabuksan ang kanilang puso sa pangangailangan ng iba at nagawa nilang ibahagi kung ano ang mayroon sila. 

Kapag tayo ay tumatanggap ng katawan ni Kristo sa komunyon ay ipinapakita sa atin ng pari o ng ministro ang Banal na Ostia at naririnig natin ang mga salitang: "Ang katawan ni Kristo!"  at ang sagot naman natin ay "Amen!" na ang ibig sabihin ay naniniwala ako!  Ano kaya kung mamaya kapag kayo ay lumapit upang tumanggap sa komunyon ay hindi ko ipakita ang tangan-tangan kung Banal na Ostia at itago ito sa aking likod, ano kaya ang isasagot ninyo?  Amen pa rin ba?  O sasagot ba kayo?   Dapat lang na AMEN pa rin ang ating sagot sapagkat tayo ay bahagi ng katawan ni Kristo.  Kung naniniwala tayong tinatanggap natin sa Sakramento ng Komunyon si Hesus sa ating puso dapat maniwala rin tayo na tinatanggap din natin si Hesus sa ating kapwa!              

Kaya nga mahirap isipin na habang tayo ay tumatanggap ng Komunyon ay naghahari sa ating puso ang galit sa ating kapwa!  Sa Ikalawang pagbasa ay pinaaalalahanan ni San Pablo ang mga taga-Corinto sa ginawang pagbabahagi ni Hesus sa huling hapunan. Nakita niya kasi na may pagkakanya-kanyang naghahari sa mga unang Kristiyano sa tuwing sila'y magdiriwang ng huling hapunan. Ang misa nila noon ay ginagawa nila sa isang bahay ng patago at nagdadala sila ng kani-kanilang baon upang pagsaluhan pagkatapos ng kanilang pagdiriwang. Marahil mayroong ilan na hindi nagbabahagi ng kanyang baon. Sinararili ito o ibinibigay lamang sa mga malapit sa kanya! Nagalit si San Pablo ng makita ito kaya't minarapat niyang paalalahanan sila sa tunay na diwa ng Euckarisitya. 

Ang himala sa Ebanghelyo ay naganap sapagkat may nagbahagi ng limang tinapay at dalawang isda! Marahil ay maliit na bagay ngunit sa kamay ni Hesus ay napakalaki... kasing-laki ng puso ng taong naghandog nito! Kaya naman pinarami niya ito at nagawang maibahagi sa bawat tao. Sa pagtanggap natin ng komunyon ay lagi natin sanang isaisip na nagbabahagi din tayo sa iba! Dahil dito, ang bawat isa sa atin ay nagiging instrumento ng pagbabahaginan at ng pagkakaisa.  Sa pamamagitan ng hindi makasariling pagbibigay ay ipinapakita nating tunay ngang ang Banal na Eukarisitya at sakramento ng pagbabahaginan.

Huwag nating isipin na mahirap lang tayo o wala tayong kakayahang magbahagi. Malinaw ang sinasabi ng Simbahan tungkol dito: "Walang taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba... at wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba!"  Lahat tayo ay maaaring magbahagi.  At ang una nating dapat ibahagi ay si Hesus.  Ngunit alam nating hindi mo maaring ibigay kung ano ang wala ka.  We cannot give what we do not have.  Ibig sabihin ay nararapat na nasa puso natin si Hesus upang maibagi natin Siya sa iba.  Ito ba ang nangyayari kapag tinatanggap ko si Hesus sa Banal na Sakramento?  

Sa Banal na Eukaristiya ay naniniwala ako na ang aking tinatanggap ay hindi lamang simbolo. Naniniwala ako na ito ay ang tunay na Katawan ni Kristong aking Panginoon taglay ang buo niyang pagkaDiyos at siya ay mananahan sa aking puso.  Ngunit higit sa lahat naniniwala din ako na ang katawan ni Kristo ay hindi lamang ang "Banal na Ostia" na aking tinatanggap kundi ito rin ay ang kapwa na nasa tabi ko... ang kapwa ko na mahal ko, ang kapwa ko na kaaway ko! 

Sikapin nating matutong kilalanin si Hesus sa bawat taong ating taong nakakatagpo at tanggapin natin sila kung paanong tinatanggap natin Siya sa Banal na Eukaristiya! Isabuhay natin ang kahulugan ng Eukaristiya bilang SALO-SALO SA HAPAG NI KRISTO.  Iisa ang ating pinagsasaluhan.  Iisa ang biyayang ating tinatanggap.  Iisa ang pagpapalang ating ibinabahagi.  

Kung naniniwala tayo sa kasabihang "every gising is a blessing". ay dapat din sigurong maniwala tayong EVERY NGUYA IS BIYAYA.  Hindi lang sapagkat mahalaga sa atin ang biyayang ibinibigay ng pagkain ngunit sapagkat ang pagkain ay nagsisilbing pamamaraan upang makamit natin ang pagkakaisa sa pagbabahaginan.  Halina't tanggapin at ibahagi natin si Kristo sa iba!

Sabado, Hunyo 11, 2022

LOVE IN UNITY: Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity Year C - June 12, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Kapistahan ngayon ng Santisima Trinidad o mas kilala rin sa tawag na Banal na Santatlo: ang sinasamba nating ISANG DIYOS SA TATLONG PERSONA.  
Ang kapistahang pinagdiriwang natin ngayon ay katotohanang mahirap bigyan ng paliwanag.  Hindi ito katulad ng kapistahan ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus tulad ng kanyang pagsilang o muling pagkabuhay.  Hindi rin ito kapistahan ng pagkatao ng mga banal tulad ng mga santo at santa.  Ang kapistahang ito ay isang "doktrina" na ating sinasampalatayanan. 

Bagama't ito ay napagtibay lamang noong 325 AD sa Konseho ng Nicea bilang artikulo ngg ating pananampalataya, ang katotohanang ito ay nakaugat sa Banal na Kasulatan at noon pa man ay pinahahayag na ng ating pananampalatayang Kristiyano. Kaya naman nagpahayag sa atin ang Banal na Santatlo ng mga pangyayari sa kasaysayang pangkaligtasan, mga propeta, at lalung-lalo na kay Hesukristo. Sa kanya natin nakilala ang pagiibigan ng Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo.  Alam natin ang doktrina ay mas malapit sa ating pag-iisip kaysa sa ating emosyon o sa ating puso.  Ngunit ito nga ang malaki nating pagkakamali, isip ang ating ginagamit sa pag-unawa sa Banal na Santatlo.  Tandaan natin na ang misteryo ng Diyos ay napakalawak upag magkasya sa ating maliit na pag-iisip.

May isang lumang kuwento na may isang pari na pilit niyang iniintindi ang misteryo ng Banal na Santatlo kung paano ba ito maipaliliwanag gamit ang ating payak na pag-iisip bilang tao.  Halos mawalan na siya ng bait kaya't naisip niyang magpalamig muna ng isipan at nagpunta siya sa isang dalampasigan.  Nagkataong nakita niya ang isang bata na pabalik-balik na pumupunta sa dagat na may dala-dalang maliit na timba na puno ng tubig at pilit na pinupuno ang isang butas sa dalampasigan na kanyang ginawa.  Tinanong siya ng pari kung ano ang kanyang ginagawa.  Ang sagot ng bata ay: "Gusto ko pong ilipat ang tubig ng dagat sa butas na ito!"  "Imposible yang nais mong gawin!  Nagsasayang ka lang ng pagod.  Hindi mo maaring gawin yan sapagkat lubhang napakalawak ng tubig ng dagat para pagkasyahin mo sa maliit na butas na yan!" tugon ng pari.  Sumagot ang bata: "Padre, yan din ang ginagawa mo ngayon.  Pilit mong pinagkakasya ang kadakilaan ng Diyos sa maliit mong pag-iisip. "  At biglang naglaho ang bata sa kanyang harapan.

Kung ganooon ang tanong natin ay paano natin mauunawaan ang Diyos?  Ang simpleng sagot ay: hindi natin dapat maunawaan kundi dapat ay maranasan natin ang kanyang presensiya sa ating buhay.  Katulad ng sinabi ko kanina na ang Diyos ay napakadakila para unawain ng ating payak na isipan.  Ngunit ang Diyos din sobrang liit para magkasya sa puso nating mga tao.  Sa madaling salita, ang Diyos ay hindi dapat unawain kundi dapat natin siyang mahalin!  Sapagkat ang Diyos ay nararanasan lamang ng taong marunong magmahal.  Ang pagmamahal na ito ay nagdadala sa atin ng pagkakaisa.

Hindi ba't ito ang nararanasan natin sa ating pamilya?  Kapag tayo ay nakikitungo sa bawat miyembro ng may pagmamahal ay mas nakakakitaan tayo ng pagkakaisa.  Ang pamilyang nagmamahal ng sama-sama nananatiling magkakasama.  Kaya nga ang pamilya ay masasabing repleksiyon ng Banal na Santatlo kung kinakakakitaan ito ng pagkakaisa dala ng pagmamahalan nila sa isa't isa.  

Taong 2017 ay dineklara rin ng ating mga obispo, sa pamamagitan ng CBCP,  na ang Kapistahan ng Banal na Santatlo ay tatawaging Basic Ecclesial Community Sunday.  Ang BEC ay mga munting pamayanang kristiyano na binubuo ng ilang pamilya sa isang lugar na nagsasama-sama upang manalangin, magbahagi ng Salita ng Diyos, at mag-usap upang bigyan ng solusyon ang mga suliranin sa kanilang lugar.  Sila ay maliit na komunidad na nagmimistulan maliit na Simbahan na tumutugon sa misyon ni Hesukristo.  Ang kanilang pagkakaisa at pakikitungo sa bawat isa ay hango sa inspirasyon na binibigay sa kanila ng Banal na Santatlo.  

May pagkakaisa sa pagmamahal.  Kaya nga ang hamon sa bawat isa sa atin ay mabuhay tayo sa pag-ibig.  Ang Banal na Santatlo ay ang ating huwaran sa tunay na pagmamahal.  Ang pag-ibig ng Diyos Ama na nagbigay sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang pag-ibig na Anak na nag-alay ng kanyang buhay upang sundin ang kalooban ng Ama na tayo ay maligtas, at ang pag-ibig ng Espiritu Santo na patuloy na humiihimok sa ating magmahal upang maging isang Sambayanan tayong pinaghaharian ng Kanyang pag-ibig.  Kaya nararapat lang na ang ating Diyos na Santatlo ay ating papurihan at mahalin.  Hindi man Siya maintindihan ng ating isipan... kaya naman Siyang damhin ng puso nating marunong umibig! 

Sabado, Mayo 28, 2022

LANGIT NA ATING TAHANAN: Reflection for the Solemnity of the Ascension Year C - May 29, 2022 - EASTER SEASON

Paano ba tayo makakapunta sa langit?  Ito ang tanong ng isang matandang pari sa mga bata sa isang Children's Mass.  Siyempre, pabibong sumagot ang isang bata: "Father, dapat tayong umiwas sa kasalanan!"  Ang sagot ng pari: "Maliiii!"  Nagtaas naman ng kamay ang isang bata. "Father, dapat tayong gumawa ng mabuti!"  Pasigaw na sagot muli ng matandang pari: "Maliiiiiii!"  "Eh. paano po ba?" Sabi ng isang naguguluhang bata.  Malumanay na sagot ng pari: "Iho.... dapat muna tayong mamatay!"  

Tunay nga naman, ang sarap pag-usapan ng langit ngunit kapag binanggit na natin ang kamatayan ay natatahimik agad tayo.  Ilan sa inyo ang gustong pumunta ng langit? Taas ang kamay!  Siguro marami ang magtataas ng kamay.  Eh yung may gustong ngayon na?  Sigurado akong magbabaan kayo ng kamay!  

Totoo bang may langit?  Saan ba ito matatagpuan?  Bata pa lang ako ay ito na ang katanungang gumugulo sa isip ko.  Ngayong ako'y malaki na at may sapat ng pag-iisip hindi pa rin nagbago ang tanong na ito.  Sa tuwing masasaksihan natin ang mga trahedya sa ating paligid tulad ng walang saysay na pagpatay sa Texas ay napapaisip tayo kung mayroon ba talagang Diyos at kung mayroon nga ay bakit Niya hinayaang mamatay ang labingwalong bata at dalawang guro.  Siguro kung walang Diyos ay wala rin sigurong langit! 

Isang pari ang inis na inis kapag nagmimisa sapagkat laging may matanda sa kanyang harapan na tinutulugan ang kanyang sermon. Minsan ay naisip niyang bawian ang matanda at turuan iton ng leksiyon. Habang siya ay nagsesermon at naghihilik naman ang matanda ay pabulong niyang sinabi sa mga tao: "Yung nais umakyat sa langit... tumayo ng tahimik." At tahimik namang nagtayuan ang mga tao maliban kay lola na himbing na himbing sa pagkakatulog. Pinaupo niyang muli ang mga tao at napakalakas na sumigaw: "Ang gustong pumunta nang impiyerno... TAYO!!!" Nagulantang ang matandang natutulog at biglang tumayo at laking hiya niya ng mapansing lahat ay nakaupo. Ang pari naman ay tuwang-tuwa dahil sa wakas ay nakabawi na siya. Ngunit nagsalita ang matanda at ang sabi: "Padre, pasensiya na po kayo at hindi ko ata na naintindihan ang huli ninyong sinabi, pero nagtataka ako kung bakit dalawa tayong nakatayo, sabay tingin sa pari! hehehe... Sino nga ba sa atina ang gustong mapunta sa impiyerno? Marahil ay walang taong matino ang pag-iisip na tatayo. Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!" 

LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN!  Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti.  Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap na gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit?  

Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus.  Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Ito ang inilahad sa unang pagbasa: "Pagkasabi nito, siya'y iniakyat sa langit samantalang nakatingin sila sa kanya; at natakpan siya ng ulap."  At sa ebanghelyo naman ay narinig natin: "Pagdating sa Betania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at pinagpala sila. Samantalang iginagawad niya ito, siya nama'y lumalayo paakyat sa langit."  

Kung siya  ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan. Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! Langit ang ating patutunguhan kaya't dapat nating palakasin ang pag-asa at pagnanasang makarating sa langit.  Lagi nating isaisip na tsyo ay hindi lang mamamayan ng mundong ito ngunit tayo rin ay mamamayan ng kalangitan.  Sa pamamagitan ng Binyag ay tinanggap natin ang pagiging anak ng Diyos at dahil diyan ay nagkaroon tayo ng karapatang manahin ang kalangitan.  Sa paamagitan ng Kumpil ay tinanggap natin ang kaganapan ng biyaya ng Banal na Espiritu na nagsasabing ang ating katawan ay hindi lang ginawa para sa mundong ito.  Ito ay pinaging banal ng Diyos upang muli niyang makapiling sa kalangitan.


Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 'Wag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito.  Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay panandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay magpakailanman.  Magbigay saksi tayo sa pamamagitan ng radikal na pagmamahal.  Isa lang naman kasi ang daan patungong langit.  At dito sa mundo ang daang ito ay tinatawag na pag-ibig.  Sa araw-araw nating pamumuhay ay gawin na nating langit ang buhay natin dito sa lupa.  "Heaven on earth is a choice you must make, not a place you must find."  Ang sabi nga isang sikat na manunulat na si C.S. Lewis, siya ang sumulat ng Chronicles of Narnia, "If we find ourselves with a desire that nothing in this world can satisfy, the most probable explanation is taht we were made for another world."  At ano ang mundong tinutukoy niya?  Ang kalangitan.  

Kaya nga sa susunod na may magsabing: "Ang gustong pumunta sa langit... tumayo!" 'Wag kang magdalawang isip na tumayo sapagkat langit ang ating hantungan at ito dapat ang ating TAHANAN.

Sabado, Mayo 21, 2022

KAGANAPANG HANDOG NG KAPAYAPAAN: Reflection for 6th Sunday of Easter Year C - May 22, 2022 - EASTER SEASON / YEAR OF MISSIO AD GENTES

Sa panahon ngayon na laganap ang karahasan tulad ng terorismo, pagpatay sa ngalan ng idolohiya at paniniwala,  pagpaslang na hindi makatarungan tulad ng nagpapatuloy na mga "extra-judicial killings",  paglaspatangan sa mga karapatang pantao at pagyurak sa dignidad nito, ay maitatanong natin ang mga katanungang: Saan nga ba matatagpuan ang tunay na kapayapaan? Paano ba natin ito makukuha? Posible ba natin itong makamit ang kapayapaan sa ating sarili o ang tinatawag "inner peace?"     

Mayroong isang kuwento na minsan ay nag-anyong propeta ang diyablo at nagtungo sa isang sinagoga na kung saan ay maraming tao ang nagtitipon.  Kasalukuyan silang nananalangin na magkaroon sana ng kapayapaan sa kanilang lugar sapagkat patuloy pa rin dito ang karahasan.  Tumayo ang diyablong nag-anyong propeta sa kanilang harapan at nagtanong kung nais ba nila ng kapayapaan.  Sumagot ang mga tao na nais nila kaya't naglabas siya ng isang kalapati at sinabing ito raw ang magdadala ng kapayapaan sa kanila, na ang sinumang makahuli nito ay makakaranas ng "tunay na kapayapaan" sa kanyang sarili.  At pinakawalan niya ang kalapati.  Nagpalipad-lipad ito.  Pilit na hinuli ng isa, ngunit ng mahahawakan na niya ay sinunggaban naman siya ng isa.  Nagkagulo sa loob ng sinagoga, may nagsipaan, nagsuntukan, nagkasakitan.  Hanggang sa makalabas ang kalapati.  Nagkanya-kanyang grupo naman ang mga tao upang hulihin ang "tagapagdala ng kapayapaan."  Nagtayo sila ng kani-kanilang "private army" hanggang umabot na ang gulo sa labanan ng mga pamilya at angkan. Hanggang ngayon ay pilit pa rin nilang hinuhuli ang mailap na  "kalapati ng kapayapaan"  upang sa bandang huli ay maunawaan na nilinlang lang sila ng diyablo sapagkat ang tunay na kapayapaan ay sa Diyos lamang nagmumula at dapat bumukal sa kani-kanilang sarili.  

KAPAYAPAAN ang biyaya ng muling pagkabuhay ni Kristo!  Bago niya lisanin ang kanyang mga alagad ay ito ang ibinilin Niya sa kanila: "Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo.  Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan."  Sa mundo, ang kapayapaan ay kapag walang gulo, walang ingay, walang alitan. Kaya nga't kahit ang dahas ay maaring gamitin para lamang mapanatili ito.  At kung mayroon mang lugar na may tinatawag na perfect peace ay wala na sigurong papantay pa sa sementeryo na knng saan lahat ay nahihimlay sa kapayapaan.  Kaya nga't nasabi minsan ni Martin Luther King na "True peace is not merely the absence of war, it is the presence of justice, equity and non-violent social order." 

Ngunit para sa ating mga Kristiyano, ang kapayapaan ay higit pa sa kawalan ng ingay o gulo.  Ang tunay na kapayapaan ay regalo na maari lamang magmula sa Diyos.  Ito ang handog ng muling nabuhay na si Jesus:  "... my peace I give to you." (John 14:27)  Ang kapayapaang handog ni Hesus ay ang muling nagbuo sa mga takot at duwag na mga alagad upang lumabas sa kanilang lungga at ipahayag ang katotohanan ng kanyang muling pagkabuhay.  Kaya nga ang kapayapaan ay  "kaganapan ng buhay" na kung saan ay nakararanas ang isang tao ng kapanatagan sa kanyang sarili at nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob upang ipahayag ang katotohanan ng buong tapang at lakas.

Nangangahulugan ito ng maayos na pakikitungo sa apat na aspeto ng ating buhay.  Sa mga Hudyo ang salitang SHALOM, na ang ibig sabihin ay "kapayapaan"  ay nangangahulugan ng mabuting relasyon sa Diyos, sa kapwa, sa ating sarili, at sa kalikasan o kapaligiran.  Ganito rin ang kaganapan ng kapayapaan na dulot ng Muling Pagkabuhay ni Jesus. 

Una ay ang manatili sa pag-ibig ng Diyos.  Ang sabi ni Jesus sa ating Ebanghelyo:  “Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y sasakanya at mananahan sa kanya."  Ibig sabihin, mananatili ang Diyos sa atin kung mananatili tayo sa kanya sa pamamagitan ng masusing pagtupad sa kanyang mga pinag-uutos.  At ano ba ang ipinag-uutos niya sa atin? 

Ito naman ang pangalawa, ang ibigin ang ating kapwa tulad ng pag-ibig Niya sa atin.  Ang pag-ibig ni Jesus ay pag-ibig na walang pinipili.  Ibig sabihin, mahalin natin hindi lang ang kaibig-ibig sa atin ngunit maging ang taong may sama tayo ng loob o hindi natin mapatawad.  Ang tawag sa uri ng pag-ibig na ito ay radikal na pagmamahal.  Ito ay pagmamahal na handang tumanggap sa lahat kahit na sa mga pagkakataong mabigat ang ating kalooban at puno ang ating puso ng galit at sama ng loob.  Ito ay ang pagmamahal na handang umunawa at magpatawad.  

Pangatlo ay ang tamang pagmamahal sa sarili na may paggalang sa kanyang pagkatao.  Ingatan natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos.  Ito ay regalo galing sa kanya kaya't pahalagahan natin.  Huwag tayong gagawa ng anumang bagay na makakasira sa ating katawan tulag ng pagkakalulon sa mga bisyo at mga gawaing bumababoy sa dignidad ng ating pagkatao.  Matuto rin tayong magpatawad sa ating mga sarili lalo na sa ating mga kakulangan at karupukan bilang tao.

At pang-apat ay ang pag-iingat at pag-aalaga sa kalikasan na tulad ng buhay ay ipinagkatiwala lamang ng Diyos sa atin.  Ito marahil madali nating makaligtaan.  Masyado kasi tayong "entitled" sa mga ibinibigay sa atin ng Diyos tulad mga biyaya ng kalikasan kaya't binabale wala natin ito.  Kung pakikinggan natin ay maririnig natin ang pag-angal ng kalikasan sa maraming pagsasamantala at pagsira ng tao sa mga ito.  Ngayong araw na ito ay sinisimulan natin ang pagdiriwang ng Laudato Si Week na kung saan ay muli tayong papaalalahanan ng kahalagan ng ating kalikasan at ng mundo na itinuturing nating ating nag-iisang tahanan o "common home".   Ito ay nakasabay sa Synodal Process na pinagdaraanan ngayon ng Simbahan kaya't nangangahulugan ito ng sama-samang pakikinig at paglalakbay upang makamit natin ang mundong masagana at mapayapa.  Pahalagahan, alagaan, at pagyamanin natin ang kayamanang ipanagkaloob sa atin ng Diyos!   

Natapos na ang eleksiyon.  May mga naiproklama ng kandidato.  Ipagdasal natin na sana ay makamit natin ang kaganapan ng buhay na dulot ng tunay na kapayapaan sa mga taong naihalal sa pamumuno sa gobyerno.  Na sana sila rin ay maging mga taong MAKA-DIYOS na nanatili sa kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang utos.  Na sana sila rin ay maging MAKATAO may pagmamahal sa iba at paggalang sa sarili.  At huli sa lahat, na sila ay MAKAKALIKASAN na marungong magpahalaga, mag-alaga, at magpayaman sa mga biyaya ng nilikhang ipinagkatiwala ng Diyos sa atin. Magtiwala tayo na pasasaan ba't makakamit din natin ang kaganapan ng buhay ng tunay na kapayapaang handog ni Kristo! Mangyayari ito kung buo nating ipagkakatiwala ang ating buhay sa kanya at hindi sa sanlibutang huwad na kapayapaan ang ibinibigay.  Kaya nga siya ang ating huling baraha. Hindi man natin naiboto ang mga tamang kandidato na mamumuno ay buo pa rin ang ating loob na makakamit natin ang kaganapan ng buhay bilang isang bayan.  "I am a Filipino and my country's hope is Jesus!"

Sabado, Mayo 14, 2022

KATARUNGAN AT RADIKAL NA PAGMAMAHAL: Reflection for 5th Sunday of Easter Year C - May 15, 2022 - EASTER SEASON

Natapos na ang halalan 2022.  May mga nagbunyi.  May mga nagluksa.  May mga masaya. May mga nadismaya.  May mga nanghinayang. May mga "wala lang!" at tila walang pakialam.  Sa mga nagkabuhol-buhol ang damdamin at tila nalugmok ng pagkabigo ang kanilang dating masiglang puso ito ang paalala sa inyo: "Payagan ang sariling lumuha. Pero 'pag handa nang pahiran ang luha, pagpagin ang sarili.  Tibayan ang puso.... dahil may trabaho pa tayo!"

May mga ilan na hindi pa rin kuntento at humihingi ng pagpapaliwanag sa mga ilang aberyang nangyari.  Pero sabi ko nga sa isang post ko sa FB: "Hindi man nanalo ang mga binoto ko, masaya pa rin ako dahi sa puso tama ang ginawa ko!"  Kaya nga anuman ang kalalabasan ng halalang ito, matutulog akong masaya at mapayapa dahil sinasabi ng konsiyensiya ko na ginawa ko ang tama!  Sana kayo rin! Makakatulog kayo ng mahimbing dahil alam ninyo na ang ibinoto ninyo ay tama at sila ang magiging daan sa tunay na PAGBABAGO.  

Dalawa lang naman kasi ang maaring patunguhan ng pagbabago: pagbabago tungo sa kabutihan at pagbabago tungo sa kasamaan.  Ano na ba ang nangyari sa ating bayan pagkatapos ng maraming pagbabagong ipinangako sa atin?  Bakit nga ba mahirap isakatuparan ang pagbabagong ito? May kuwento na minsan daw ay bumisita si San Pedro sa lupa upang tingnan ang sitwasyon ng mga tao.  Napadpad siya sa Pilipinas na kung saan ang mga tao ay abala sa pagdaraos ng Halalan Mayo 9.  Nakita ni San Pedro ang maraming posters at tarpulin ng mga kandidato at nakaagaw pansin sa kanya ang acronym na PDP. NUP, NPC, Lakas CMD, PFP.   Kaya't tinanong niya ang isang matandang naglalakad sa kalsada kung ano ba ang ibig sabihin ng mga letrang ito.  Sumagot naman ang matanda ng ganito: "Ahhh, katulad din po iyan ng KBL, NP, LP at PDP." Lalong naguluhan si San Pedro kaya't naghanap uli siya ng matatanungan.  Isang binatilyong taga Tundo ang kanyang napagtanungan.  Sagot ng binata:  'Yan po ay katulad din ng OXO, Sigue-Sigue Sputnik, Batang City Jail at Batang Walang Galang na hanggang ngayon ay hindi matapos ang bangayan at away!"  At bumalik si San Pedro sa langit na "politically educated."   

Mahirap mangyari ang pagbabago kung panay pagbabangayan, paninira, panlalamang, pandaraya ang nangyayari sa ating halalan.  Totoo nga naman, ang mga partido ay wala ng pinag-kaiba sa mga nagtutunggaling fraternities o gangsters.   Kaya nga't napakahalaga na ang pagbabago ay magmumula sa katarungan at pagmamahal.  Kapag may katarungan ay walang paninira, walang pamimilit at walang pandaraya.  

Ngunit hindi sapat ang katarungan lamang.  Bilang mga Kristiyano ay dapat din tayong kumilos ng may radikal na pagmamahal.  Ang radikal na pagmamahal ang sukatan ng ating pagkaka-Kristiyano.  Ang radikal na pagmamahal ay may malasakit, may pagggalang, may pagpapakumbaba sa kabila ng galit na nadarama ng ating mga puso.  Hindi tayo magkakamali kung sa lahat ng ating ginagawa ay ginagamitan natin ng pag-ibig na nagmumula sa Diyos.  "Love and do what you want" ang sabi nga ni San Agustin.  Kapag may pagmamahal ay may paggalang, pagpapatawad at pagsasakripisyo para sa iba kahit na iba ang kanilang paniniwala.  Kaya nga marahil ay ito rin ang habilin niya sa kanyang mga alagad: "Mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo. Kung kayoÊy mag-ibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko."

Ang biyayang dulot ng Muling Pagkabuhay ni Kristo ay pagbabago tulad ng Kanyang sinabi sa Aklat ng Pahayag:  "Ngayon, binabago ko ang lahat ng bagay!"  (Pahayag 21:5)  Isang bagong mundo ang inaalok sa atin na kung saan ay pinaghaharian ito ng pagmamahal at katarungan. Hindi ba't ito ang inaasam-asam natin?  Mundong mapayapa, maunlad, maayos at tahimik.  Nais nating baguhin ang lipunang ginagalawan natin ngayon upang matutunan lamang na ang ang pagbabago pala ay dapat magmula muna sa ating mga sarili.  

Sabi nga ng isang post sa Facebook:  "I am a Filipino and real change begins with me.... not the President you are a fan of!"  Ibig sabihin hindi ang ating iniidolo ibinoto ang magsisimula ng pagbabago sa ating lipunan.  Marami kasi sa atin ay nabubuhay sa idol complex.  Gusto natin ang lider na na nagpapatupad ng disiplina pero ayaw naman nating madisiplina!  Tingnan mo ang sarili mo baka ikaw ang tipong nagkakalat ng basura kahit saan, tumatawid kahit saan, lumalabag sa mga batas trapiko, dumudura o umiihi kung saan-saan,  naninigarilyo sa mga lugar na bawal, nanunuhol sa mga pulis... haaay... gusto ng disipina pero wala namang disiplina na sarili.  Kahit anung galing pa ang ilagay mo sa puwesto ng pamumuno... walang pagbabagong mangyayari.  Ang sabi nga ni Hen. Luna: "Mga kapatid, mayroon tayong mas malaking kaaway kaysa mga Amerikano. Ang ating mga sarili!"  

Kaya nga ang pagbabago ay dapat magsimula muna sa ating lahat ng sa gayon ay maging tama ang pagpili natin ng mga kandidato.  Hayaan nating pagharian tayo ng katarungan at radikal na pagmamahal sa ating pakikitungo sa iba.  Ito ang maka-Kristiyanong sagot natin sa mundong magulo at marahas.  Nanganak ang alaga kong pusa.  Natuwa ako sa kuting nung makita ko syang nakapikit pa at nakalabas ang ulo sa kanyang munting cat-house.  Tila baga sinasabi niyang: "One day I will open my eyes and see the beauty of God's creation!"  Totoo naman talaga, ang mundong ibingay ng Diyos sa atin ay maganda at mabuti. Tayo lang talaga ang nagpapasama dito!  Maganda ang ating bansang Pilipinas.  Tayo lang ang nagpapangit nito.  Ibalik natin ang kagandahan at kabutihan ng mundo sa harap ng maraming kasamaaan sa ating paligid.    

Sa mga taong dama pa rin ang panghihinayang dahil tila baga hindi natupad ang inaasam-asam na abot kamay na sanang pagbabago ay panghawakan natin ang sabi ng isang kandidato:  "Walang nasayang. Hindi tayo nabigo. Masasayang lang ang ating pinagsikapan kung titigil tayo at babalik sa dating kalakaran.  Gaya ng sabi ko: ang namulat, hindi na muling mapipikit."