Sabado, Mayo 29, 2010

ALL IS GIVEN! : Kapistahan ng Banal na Santatlo Taon C - May 30, 2010

May kasabihan tayo sa ingles na "All good things come in three!" Siguro nga. Kaya siguro kapag nagbigay ka ng rosas sa taong mahal mo ay nagbibigay ka ng tatlo. Kapag nagbigay ang "genie" ng kahilingan ay dapat tatlo lang! Kapag nagbilang ka upang simulan ang isang bagay ay "One... two... three... GO!!!" Nagbibigay din ng kaligayahan ang "tatlo". Naririyan ang grupo ng "Three Stooges" nung kapanahunan ng mga lolo at lola natin. Sumikat din ang Big Three Sulivans, (nakakarelate ba kayo?), Apo Hiiking Society, Tito, Vic & Joey (ayan kilala n'yo na siguro!). Sa "numerology", ang numerong 3 ay sumasagisag sa kahulugang "all is given!" sapagkat tinataglay nito ang simula, gitna at katapusan. Kaya nga't ginagamit ito sa pagsasalarawan ng maraming katotohanan: halimbawa ay 1) heaven, earth and water, 2)body, soul and spirit, 3) birth, life and death, 4) past, present and future. Kahit sa Bibliya ay makikita ang paggamit ng sets of three: 3 gifts of the Magi, 3 temptations of Christ, 3 denials of Peter, 3 crosses in Calvary, 3 days of Christ's death, 3 appearances of the Resurrected Christ, 3 Mary's, 3 theological virtues, etc... at syempre ang tampok sa lahat ay ang 3 Persona ng Iisang Diyos o tinatawag nating Holy Trinity. Ngayon ang ang kapistahan ng Banal na Santalo: Ama, Anak at Espiritu Santo. Pagkatapos ng mahabang panahon ng pagpapahayag ng Diyos sa tao, masasabi natin na sa pamamagitan ng Misteryong ito ang pagpapahayag ng Diyos ay "All is given!" Natapos na at pinaging ganap na ang pagpapahayag ng Diyos. Bagama't hindi diretsahan ay ito ang pilit na ipinapahayag ni Jesus katulad ng ating narinig sa Ebanghelo ngayon. Binanggit ni Jesus ang Ama, Anak at Espiritu Santo bilang pagpapahayag ng mga Misteryo ng Diyos bagamat hindi pa rin natin lubos na mauunawaan: “Marami pa akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon." (Jn. 16:12) Bagama't hindi natin lubos na matatalos ang kahulugan ng Banal na Santatlo dahil ito'y "Misteryo", hindi ibig sabihin na hindi na natin ito maaring makatagpo. Ayaw ng Diyos na pilit natin Siyang unawain bagkus mas nais Niyang Siya'y ating mahalin! Tanging ang mga taong marunong magmahal ang makakaunawa kung sino ba talaga ang Diyos! Kaya't pansinin ninyo na ang mga taong mapagpatawad, mapag-aruga at mapagmahal ang mga taong tunay na masaya sapagkat nararanasan nila ang Diyos bilang pag-ibig. Samantalang ang mga taong puno ng poot, mapaghiganti, mapagsamantala sa kapwa ay mga taong walang saysay ang buhay at kailanman ay hindi makikilala ang Diyos. Kaya nga't sa Kapistahang ito ng Banal na Santatlo ay inaanyayahan tayong iparanas ang pagmamahal ng Diyos sa ating kapwa. Hindi man natin maipaliwanag ng husto ang Misteryo ng Banal na Santatlo sapat ng maipadama natin ang Kanyang pagmahahal sa bawat taong ating nakakatagpo.








Linggo, Mayo 9, 2010

MAG-IBIGAN SA HALALAN: Reflection for 6th Sunday of Easter - Year C : May 9, 2010

Isang ngo-ngo ang despiradong nagdasal sa loob ng Simbahan. Lagi na lang siyang niloloko ng kanyang mga kasama dahil sa kanyang kapansanan kaya't naisip niyang tanungin ang Diyos kung talagang mahal pa siya nito. Sabi niya: "Mainoon, maal mo ma ao? Mait ao niloloko ng mga tao? Umaot ka kun indi, magpapaamatay ao!" May nakarinig pala sa kanya... isang ngo-ngo rin na nakasimpatya sa kanyang abang kalagayan kaya't sumagot siya na patago. "Ngo-ngo... maal na maal ita. Iniiip nilay indi maalaa. Maal ita maing ino a man..." Sagot si ngo-ngo: "Mainoon... ngo-ngo a rin?" May tama si ngo-ngo! Sobrang mahal siya ng Diyos. Sa sobrang pagmamahal na ito ay nakiramay siya sa ating abang kalagayan. Kinuha niya ang ating pagka"ngo-ngo"... ang ating kahinaan bilang tao. Kaya nga't tama si San Pablo ng ipinaliwanag niya kung ano ang pag-ibig: "Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak..." Isa lang ang hangarin ng Diyos para sa atin: ang manatili tayo sa Kanyang pag-ibig. Ano ang kanyang kundisyon? "Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig." At ano ang kanyang utos? Para ng sirang plaka na lagi nating naririnig: "....mag-ibigan kayo!" Nangyayari ba ito sa ating kapaligiran ngayon? Patuloy pa rin ang bangayan sa pulitika. Patuloy pa rin ang pandaraya at panlalamang sa kapwa. Patuloy pa rin ang paggamit at pagsasamantala sa mga mahihirap. Patuloy pa rin ang pagkamakasarili ng mga tao... Natapos na kagabi ang pangangampanya para sa halalan. Sana ay natapos na rin ang paninira, pag-alipusta sa kapwa, pag-aakusa, pagsasamantala sa mga mahihina. Sana ang mga maihahalal na pinuno ay magpakita ng tunay na malasakit at pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng mapagkumbabang paglilingkod at ang mga hindi papalarin naman ay magpakita ng makataong pagtanggap ng kagustuhan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagkamaginoo sa kabila ng pagkatalo. Siguro nga, dapat pang ulit-ulitin ang utos ni Jesus. Ulit-ulitin hanggang ang mundo ay mabalot ng kanyang pag-ibig!

Sabado, Abril 17, 2010

Believe in A God BELIEVE IN A GOD WHO BELIEVES IN YOU! : Reflection for 3rd Sunday of Easter Year C - April 18, 2010

Usong-uso ngayon ang mga "cheezy text" kung tawagin! Sa katunayan sa dami ng ganitong uri ng texts ay nakagawa at napasikat ang isang kanta na pinamagatang "Mahal kita... kasi!" Ganito ang ilang banat ng kanta: "Bangin ka ba kasi... nahuhulog na ang puso ko sa 'yo kasi! Unggoy ka ba kasi sumasabit na ang puso ko naman kasi! Pustiso ka ba... You know I can't smile without you..." May nagtext pa nga sa akin: "Alam mu feeling ko d ako magaling pag target... lagi kasi kitang NAMIMISS!" Namiss din ba kaya ng mga alagad si Jesus? Ayon sa Ebanghelyo, pagkatapos mamatay ni Jesus ay hindi naman agad sila naniwala na siya ay muling nabuhay. Sa katunayan ay nagdesisyon silang ituloy ang kanilang normal na buhay... ang pangingisda. Dito nagpakita si Hesus sa kanila at muling pinukaw ang kanilang natutulog na pananampalataya! Nang maibulalas ni Juan na "Ang Panginoon iyon!" ay agad-agad na lumusong si Pedro ay nilapitan si Jesus. Namiss ni Pedro ang kanyang bossing! Namiss niya ang kanyang kaibigan. Namiss niya ang kanyang Panginoon! At dito nga naganap, pagkatapos nilang kumain ang "cheezing" pag-uusap ng Panginoon at alagad! “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Tatlong beses tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal siya nito. Lubhang nasaktan si Pedro sa ikatlong pagtatanong ni Jesus sapagkat marahil ay bumalik sa kanyang ala-ala kung paano niyang maikatlong ulit na itinatwa ang kanyang Panginoon! Ngunit sa kabila ng karupukan ni Pedro ay nakita ni Jesus ang isang "bato"... matatag, di matitinag, lubos ang katapatan! Kaya nga ibinigay sa kanya ni Jesus ang pamamahala sa kanyang mga "tupa". May Pedro rin sa bawat isa sa atin. Madaling magkamali, mahina at kung minsan pa nga ay paulit-ulit sa ating kamalian. Ngunit ang Diyos ay naniniwala na mayroon din tayong katatagan, na kaya rin nating maging tapat at umahon sa ating pagkakadapa! Naniniwala siya na kaya rin nating bumalik at itama ang ating pagkakamali. Sabi ng isang librong aking nabasa: "Believe in a God who believes in you!" May tiwala ang Diyos sa atin kaya dapat lang na hindi mawala ang ating pagtitiwala sa Kanya!

Biyernes, Abril 2, 2010

LIWANAG SA DILIM (Reposted & Revised): Reflection for Easter Sunday - April 4, 2010

Araw ngayon ng kaliwanagan... napawi na ang dilim ng kamatayan! At kailanman ay hindi mananaig ang kadiliman sa kaliwanagan! May kuwento ng dalawang magtextmate. Si "Haring Dilim" at si "Reyna Liwanag". Nagtext si Dilim kay Liwanag "Hi!" Sagot si liwanag: "Hu u?" Sagot ni dilim: "4get me na alredy? I'm ur fren... darky!" at me sumunod pang text, "me lonely hir. wanna visit me?" Sagot ni liwanag:" "sure! Ktakits!" At bumisita si reyna liwanag kay haring dilim. Ngunit pagdating sa kaharian ni haring dilim ay wala syang makita. "Wer r u na? D2 na me!" Sagot si dilim: "Her me na sa harap mo noh?... can't u c me?" Sagot uli si Liwanag: "Wer r u na nga? Kanina pa me dito!" Sagot naman ni Dilim: "Hir na nga! Katabi na nga kita eh!" Sagot ni Liwanag: "U joke me ha? Wala ka naman eh! Makaalis na nga! Me lakad pa me!" Sa totoo lang walang makikitang Dilim si Liwanag. Hindi sila magtatagpo sapagkat nabalot na ng kanyang kaliwanagan ang kadiliman... Ganito rin ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kamatayan at kasalanan! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan.Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli... magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakaalipin sa kasalanan kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin sa Ehipto. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Huwag tayong matakot! Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan at hindi alipin ng kadiliman. TAYO NA SA LIWANAG! MABUHAY TAYONG MULI KASAMA NI KRISTO! ALELUYA! ALELUYA!

Sabado, Marso 27, 2010

MAHAL BA O BANAL NA ARAW? : Reflection for Passion (Palm) Sunday - March 28, 2010 (Reposted)

Mga Mahal na Araw na naman! Bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Di ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? Bagama't mas tama ang translation na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal". Kapag sinabi mong "mahal" maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi... sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! Ang "Mahal" din ay nangangahulugang "close to our hearts, dear..." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas... Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito! Imbis na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine... ang precious... nagiging cheap... ang mahal nagiging... mumurahin! Sanaay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula sa Lunes ang tawag natin sa mga araw na ito ay Lunes Santo, Marters Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo at Biyernes Santo... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang!!!

Sabado, Marso 20, 2010

MAPANGHUSGA! : Reflection for 5th Sunday of Lent Year C - March 21, 2010

Minsan pinagkumpisal ng pari ang kanyang sakristan sa paghihinalang kinukupit nito ang mga koleksyon sa misa. Sumunod naman ang sakristan, ikinumpisal lahat ang kasalanan maliban sa pangungupit. Kaya't sinabi ng pari sa kanya: "Mukhang me nakalimutan ka atang sabihin... kikukupit mo ba ang koleksyon sa misa?" Sumunod ang isang mahabang katahimikan. Nainis na ang pari kaya siya ay lumabas sa kumpisalan at sinabi sa nakaluhod na sakristan. "Ano? bingi ka ba? Hindi mo ba ako narinig? Tinatanong kita kung kinukupit mo ang koleksyon!" Sagot ng bata: "Wala po akong marinig dito padre." Sabat ng pari: "Kalokohan, palit tayo ng lugar, ikaw ang maupo sa loob ako dito sa labas... magsalita ka." Nagsalita ng sakristan mula sa loob ng kumpisalan: "Father, bakit hindi pa ninyo ako sinusuwelduhan, yung SSS ko wala pa, yung health benefits ko wala pa rin... at saka sino yung babaeng laging pumupunta sa kumbento?" Sagot ng pari: "Iho, tama ka nga... wala akong naririnig dito..." hehehe... Kung minsan bingi tayo sa ating sariling pagkakamali. Napakadaling husgahan ng iba ngunit di naman natin makita ang ating sariling pagkakasala. Napakadali sa atin ang manuro ng kapwa sa tuwing sila ay nagkakamali upang malaman lamang natin sa huli na sa tuwing tayo ay nanunuro ay tatlong daliri ang nakaturo sa atin na nagsasabi na ikaw din ay nagkasala! Iwasan natin ang manghusga! Ito rin ang nais ni Jesus na baguhin natin sa ating mga sarili. Bago natin patawan ng paghuhusga ang iba... tingnan muna natin ang ating mga sariling kakulangan at pagkakamali: "Sino man sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya." Wala ni isang naiwan sa mga humuhusga sa babae... lahat ay umalis. Ang Diyos natin ay Diyos na mahabagin at mapagpatawad... hindi Diyos na mapanghusga. "Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag ng magkasala!" Pasalamatan natin ang Panginoon sa tuwing nakakamit natin ang Kanyang pagpapatawad at ipakita natin sa Kanya na tatalikuran na natin ang kasalanan at tayo ay magbabagong buhay!

Sabado, Marso 13, 2010

THE PRODIGAL FATHER : Reflection for the fourth Sunday of Lent Year C - March 14, 2010

Naassign sa "Bario Sirang-Tulay" si Padre Kuliling. Yun ang tawag sa kanya ng mga tao sapagkat sa tuwing siya ay nagpapa- kumpisal ay gumagamit siya ng ng maliit na "bell" at pagkatapos mong sabihin ang kasalanan mo ay makakarinig ka ng "kuliling... kuliling..." ng maliit na bell depende sa bilang ng iyong kasalanan. Nagkataong nangumpisal ang kinikilalang pinakamakasalanan sa bayan. Parang may shooting ng mga artista na dinagsa ng mga tao ang simbahan upang marinig kung ilang kuliling ng bell ang gagawin ng pari. Dalawampung minuto na ang nakalipas... walang kuliling. Tatlumpu... apatnapu... wala pa rin. "Hinimatay na ata si Fr. Kuliling sa dami ng kasalanang kanyang narinig" sabi ng mga tao. Pagkatapos ng isang oras ay patakbong lumabas si Fr. Kuliling. Nagtungo sa kampanaryo ng Simbahan at hinila ang tali... "boom! boom! boom!...." Ganyan kalaki ang pagpapatawad ng Diyos. Hindi lang "kuliling ng maliit na kampana" ngunit "boom ng kampanaryo" ang nakalaan sa isang makasalanang tunay na nagsisisi. Ang talinhaga ay angkop na pamagatang "The parable of the Prodigal Father" imbis na "Prodigal Son" sapagkat ang bida ay ang tatay hindi ang anak. "prodigal" o alibugha ang tatay sapagkat hindi naayon sa tamang pag-iisip ang kanyang ginawa sa kabila ng maraming pagkakamali ng kanyang anak. Hindi siya nirespeto, pinagsamantalahan ang kanyang kabaitan, nilustay ang kanyang kayamanan ngunit sa huli ay nakuha niya pa ring magpatawad. Ganyang kabuti ang ating Diyos... Kahit halos abusuhin na natin Siya sa dami at paulit-ulit nating kasalanan ay nakahanda pa rin Siyang magpatawad at tanggapin muli tayo bilang kanyang mga anak! 'Yan ang tunay na "Good News!"

Huwebes, Marso 4, 2010

GOD'S PATIENCE: Reflection for 3rd Sunday of Lent Year C - March 7, 2010

"Ang 'Barrio Sirang Tulay' ay kilala sa mga taong ang kasalanan ay "adultery". Ang matandang paring naassign doon ay mayroon ng kasunduan sa mga tao na kapag ikukumpisal nila ang ganitong kasalanan ay sabihin na lamang na sila ay nalaglag sa tulay at alam na n'ya yon. Sa kasamaang palad ay napalitan ang pari at agad sumabak sa pagpapakumpisal ang pumalit. Tulad ng inaasahan ang kanyang narinig ay: "Padre, patawarin mo po ako at ako ay nalaglag sa tulay!" Di makapaniwala ang pari na marami ang nalalaglag sa tulay. Hanggang sa ang asawa ng baranggay captain ang nagkumpisal at nagsabing siya rin daw ay nalaglag sa tulay. Agad-agad siyang sumugod sa baranggay hall na kung saan ay nagmemeeting ang konseho. "Kapitan, wala ka bang magagawa sa tulay natin? And daming nalalaglag! Nagtawanan ang lahat pati ang kapitan. Galit na sinabi ng pari: "Hoy kapitan, wag kang tumawa... ang asawa mo... nalaglag rin sa tulay!" hehehe... Marami tayong tulay na kinalalaglagan: mga kasalanang paulit-ulit, masamang pag-uugali, mga bisyo tulad ng sugal, pag-inom, paninigarilyo, pambabae, sa mga kabataan pagbababad sa computer games at marami pang iba. Ang "Good News" maari pa tayong umahon sa ating pagkakalaglag. Sa Diyos lagi tayong may second chance. Hindi siya nagsasawa at bumibigay sa ating kahinaan. Para tayong puno ng igos sa Ebanghelyo, walang bunga... ngunit ang Panginoon ay nagtitiyaga sa atin. Inaalagaan niya tayo upang makapamunga. "Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti, ngunit kung hindi, putulin na natin. " Ngunit mag-ingat din tayo na huwang nating aabusuhin ang kabutihan ng Diyos. Ang lahat din ay may hangganan. Kung taos ang ating pagsisisi ay gagawin natin ang lahat ng paraan upang maituwid ang ating baluktot na pamumuhay at tahakin ang landas ng pagbabago. Sa ating pagbabago tandaan natin na may Diyos na tapat sa atin. "Be patient for God is patient with you!"

NO PAIN! NO GAIN! : Reflection for 2nd Sunday of Lent Year C - February 28, 2010

Sabi ng isang text... "Ang edukasyon ang pintuan ng tagumpay... at ang pangongopya ang susi!" hehehe... Ewan ko ba kung bakit ganun ang takbo ng isip ng mga kabataan ngayon. Gustong makakuha ng mataas na grade sa exam ayaw namang mag-aral. Gustong makagraduate sa pag-aaral ayaw namang magsikap. MEGANUN??? Sabi nga ng isang caption: "No pain no gain!" Totoo nga naman, bale wala ang tagumpay kung hindi mo pinagsumikapan... pinaghirapan... May tagumpay na darating sa kabila ng paghihirap. Ito ang mensahe ng Panginoon sa ating ebanghelyo ngayong ikalawang Linggo ng kuwaresma. Isinama Niya sa bundok ng Tabor ang tatlong alagad upang paalalahanan sila na Siya ng hinirang na Anak ng Diyos Ama... na Siya ang katuparan ng Kautusan at ng mga Propeta. Nagbagong anyo Siya sa kanilang harapan upang palakasin ang kanilang kalooban sa sandaling masaksihan nila ang paghihirap ng Mesiyas. May muling pagkabuhay sa kabila ng Kanyang paghihirap at kamatayan. May liwanag na naghihintay pagkatapos ng dilim. Hindi ba ganito rin sa ating buhay? Hindi mawawala ang mga sandali ng kadiliman ngunit pasasaan ba't darating din ang liwanag. Kahit gaano kadilim ang gabi ng ating buhay ay mayroong umagang naghihintay. Sapat lang na magtiwala tayo sa Kanya... at makakamit din nating lahat ang gantimpala ng kaluwalhatian!

TUKSO: Reflection for the 1st Sunday of Lent Year C - February 21, 2010

Isang matandang pari ang nagsesermon sa Misa tungkol sa tukso: "Kaming mga pari, pag umabot na sa 60 years old... ay hindi na tinatablan ng tukso." Sa sandaling iyon ay biglang may pumasok sa simbahan na seksing babae na maganda at maputi. Napalingon ang pari at sabay sabi: "Ngunit sa aking palagay ay maari pa itong pag-usapan... hanggang 70 siguro." Sino ba naman ang hindi tinatablan ng tukso? Kahit sino puwede! Si Jesus nga tinukso rin ng diyablo! Iyon lang nga ay hindi nagpadaig si Hesus sa panunukso nito. Ginamit niya ang dalawang siguradong sandatang makadadaig dito: ang panalangin at pag-aayuno. Ito rin ang iminumungkahing paraan ng Simbahan sa atin sa ating paglaban sa panunuksao ng demonyo. Ang pagtutungaling ito ng mabuti at masama ay nasa ating lahat. Sabi nga ni San Pablo: "Hindi ko maintindihan ang sarili ko... ang mabuti na dapat kong gawin ay di ko ginagawa... at ang masama naman na dapat kong iniiwasan ang siyang ginagawa ko." Pero hindi ito dahilan upang magpatalo tayo sa tukso. Ang unang Linggo ng Kuwaresma ay nagpapaalala sa atin ng dalawang paraang maari nating gamitin upang labanan ang tukso... panalangin at pag-aayuno. May panahon pa ba ako para magdasal? Kaya ko bang gumawa ng sakripisyo upang madisiplina ang aking sarili? Pag-isipan natin...