
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Martes, Disyembre 30, 2008
Reflection: Solemnity of Mary, Mother of God - January 1, 2009 : NEW YEAR'S RESOLUTION

Sabado, Disyembre 27, 2008
Reflection: Feast of the Holy Family - December 28, 2008 : SUSMARYOSEP!

Martes, Disyembre 23, 2008
Reflection: Solemnity of Christmas - December 25, 2009 - ANG BELEN SA PUSO MO!

Lunes, Disyembre 22, 2008
Reflection: 9th Day of Christmas Novena - December 24, 2008 - ANG AMOY NG PASKO!

Ang simoy ng Pasko’y dama ko na! Sa katunayan maamoy mo na malapit na ito. May nagtext sa akin tungkol sa iba’t ibang uri ng amoy: "The essence of smell in life: lotion for the babies, cologne for the twenties, Eau d Toilet for the thirties, perfume for the fourties, Efficacent Oil for the fifties, bawang at luya for the sixties, insenso for the seventies and above! Anuman ang amoy mo... iisa lang ang amoy ng Pasko! Ano ba ang naamoy mo sa paligid mo? Hindi ba't bakas ang kaligayahan sa mukha ng bawat isa? Maglakad ka sa mall, makikita mo na nakangiti ang mga tao na parang marami silang pera! Pagmasdan mo ang mga ninong at ninang na hirap pagkasyahin ang budget sa dami ng kanilang inaanak ay nakangiti pa rin. Ano ba ang nagbibigay ng tunay na kaligayahan sa atin sa araw ng Pasko? Ang awit ni Zacharias ay awit ng masayang papuri sa Panginoon. Bakas kay Zacharias ang kaligayahan sapagkat gumawa ang Panginoon ng kahanga-hangang bagay sa kanilang mag-asawa. Nilangap ng Panginoon ang kanilang abang kalagayan at pinagkalooban sila ng anak. Ngunit higit ang kanyang kaligayahan sapagkat dumarating na ang kaliwanagan sa mundong balot ng kadiliman... darating na ang Anak ng Kataas-asan! Lubos ang kanyang kagalakan sapagkat ang Diyos ay naging tapat sa kanyang pangakong kaligtasan. Pinahahalagahan ko ba ang katapatang ito ng Diyos? Nagiging tapat din ba ako sa aking pakikipagtipan sa Kanya lalo na sa pagtupad ng aking mga pangako sa binyag? Marami sa atin ang nagsakripisyo nitong siyam na araw. Maagang gumigising sa umaga o kaya naman ay late ng kumain sa gabi. Ngunit para saan ba ang mga pagsasakripisyong ito kung patuloy pa rin tayo sa pagsuway sa kalooban ng Diyos? Para saan pa ang pagpupuyat kung di naman tayo nagiging tapat sa ating mga pangako sa Kanya? Ang tunay na kaligayahan ng Pasko ay nasa katapatan ng ating pagsunod sa Diyos! At ang katapatang ito ay ipinapakita araw-araw sa ating pagsusumikap na magpakabuti, pagiging tapat sa trabaho, pag-unawa sa mga taong mahirap pakisamahan, pagpapatawad sa pagkakamali ng iba, pagtulong sa mga dukha... Dito natin maaamoy ang tunay na simoy ng Pasko!
Reflection: 8th Day of Christmas Novena - December 23, 2008 - GOD IS GOOD.. ALL THE TIME!

Isa sa nakakatuwang bahagi ng binyag ay ang pagsasabi ng pangalan ng batang bibinyagan. Doon ka kasi makakarinig ng iba-t ibang uri ng pangalan. Ngunit kung minsan dapat ay nag-iingat tayo sa pagbibigay ng pangalan. Nauuso kasi ngayon ang pagdudugtong ng pangalan ng tatay at nanay. Halimbawa: Jomar, kasi ang tatay ay Jose at nanay naman ay Maria. Ok lang naman kung ganito ngunit minsan kasi ay may nagpabinyag na ang pangalan ng bata ay hango sa pinagdugtong na pangalan ng mga magulang. Ang pangalan ng tatay: Conrado, ang nanay naman ay Dominga. Ang pangalan ng bata: CONDOM! Hehehe... Alam mo ba ang kahulugan ng pangalan mo? Sabi nila ay may kahulugan daw ang ating mga pangalan. Sa katunayan may isang pari kami, na pumanaw na, na binibigyan ng kahulugan ang aming pangalan ayon sa pagkakasunod-sundo ng mga letra nito. Hindi ko alam kong totoo... kasi masyado ng worldy o secular ang mga pangalan ngayon. Hindi tulad ng dati, kinukuha pa sa kalendaryo ang pangalang ibinibigay sa bata ayon sa Patron o santong ipinagdiriwang sa araw ng kanyang kapanganakan. Kung ang pangalan mo ay may pagkaluma ang dating halimbawa ay "Candelario" o "Immaculada" ay wag ka ng mabigla... kabilang ka sa mga pangalang sinauna! Sa Bibliya ay iba ang ibig sabihin ng pangalan. Laging kakambal nito ang misyon na iniaatang sa isang tao. Halimbawa ay "Abraham" na ang ibig sabihin ay ama ng maraming lahi. "Pedro" na ang ibig sabihin ay bato. At "Juan" na ang ibig sabihin ay "God is gracious!" ... mabait ang Diyos! Ito ang ipinangalan nina Zacarias at Elizabeth sa kanilang anak sapagkat nagpakita ng kabaitan ang Diyos sa kanila ng biniyayaan sila ng anak sa kabila ng kanilang katandaan. Mabait ang Diyos sapagkat naging tapat Siya sa Kanyang pangakong kaligtasan sa tao. Kung ang Diyos ay nagpakita ng kabaitan sa atin...dapat tayo rin sa Kanya. Maging "mabait" tayo sa Diyos. Mabait sa pagtupad sa Kanyang mga utos. Huwag tayong magsawa sa Kanyang kabaitan sapagkat kailanman, sa kabila ng ating pakasuwail na anak, ang Diyos ay patuloy pa ring mabait sa atin. "Good is good... all the time!"
Linggo, Disyembre 21, 2008
Reflection: 7th Day of Christmas Novena - December 22, 2008 - THANKS-GIVING

Sa ingles ang salitang pasasalamat ay "thanksgiving". Kung susuriin natin ay may dalawang salita: hindi lang "thanks"... meron din dapat na "giving". Ito ang kalimitang nakakaligtaan natin, na ang tunay na pasasalamat ay mayroong "pagbibigay". Meron kang ibibigay sa sarili mo bilang pagpapakaita ng iyong pasasalamat. Ganito ang ginawa ni Ana sa unang pagbasa. Ibinigay niya si Samuel sa Panginoon pagkatapos na ipagkaloob ito sa kanya. Hindi madali ang mawalan ng anak lalo pa't siya'y hiningi niya sa Panginoon. Ito rin ang ginawa ni Maria... ibinigay niya ang kanyang buong sarili at itinalaga ito sa Panginoon pagkatapos niyang tanggapin ang alok na maging ina ng Diyos. Kaya nga't isang awit ng papuri ang namutawi sa kanyang bibig sapagkat gumawa sa kanya ang Panginoon ng mga dakilang bagay. Sana ito rin ang taglayin natin bilang Kristiyano. Isang pusong puno ng pasasalamat ngunit pasasalamat na mayroong ibibigay... ang pagtatalaga ng ating sarili sa Diyos. Hindi ito madali sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa ating sarili. Handa ka ang maglaan ng oras mo para sa iba tulad ng ginawa ni Maria ng malaman niyang nasa kabuwanan ang kanyang pinsang si Isabel? Handa ka bang maglaan ng kakayahan at talento upang tumulong sa mga nangangailangan? Handa ka bang magbahagi ng iyong ”kayamanan” sa mga taong kapos at nangangailangan? Hindi ganoon kadali ang magbigay ngunit dito nasusukat ang ating pagiging ”anak ng Diyos”. Totoo na mahirap matularan ang katapatan ni Maria ngunit hindi ito dahilan upang hindi magbigay ng ating sarili sa Diyos at sa iba... Ihandog natin sa Kanya ang ating kahinaan at karupukan bilang tao at Siya na ang bahala sa atin...
Biyernes, Disyembre 19, 2008
Reflection: 4th Sunday of Advent - December 22, 2008 - MARY CHRISTMAS !

Ilang tulog na lang ay Pasko na! Nasindihan na natin ang ikaapat na kandila ng Adbiyento. Maraming mga tao ngayon ang nasa "panic mode" na at siguradong punong-puno na naman ang mga department stores at supermarket para sa huling sandali ng pamimili. Naitanong ko tuloy sa aking sarili kung alam ba natin ang ating pinaghahandaan? Takbo tayo ng takbo, ikot tayo ng ikot, abalang-abala tayo sa maraming bagay... ngunit para saan? Bakit nga ba may Pasko? Hindi natin matatagpuan ang kasagutan sa ating pag-unawa bilang mga tao. Ang kasagutan ay maibibigay lamang ng Diyos. May isang kuwento tungkol sa isang "bridge-master". Ang kanyang trabaho ay itaas at ibaba ang tulay tuwing daraan ang tren. Mayroon siyang isang anak na lubos niyang minamahal na aliw na aliw na pinapanood ang mga tren na dumaraan sa tulay. Minsang nagkaroon ng pagkakamali, may dumarating na tren at nakataas pa ang tulay. Hindi ito napansin ng kanyang tatay kaya't tumakbo ang bata upang ibaba ang tulay sa pamamagitan ng isang "control lever" na matatagpuan sa may ibaba ng tulay. Nadulas ang bata at naipit sa tulay. Doon siya nakita ng tatay at laking pagkagulat nito ng makita ang tren na paparating mula control tower. Sa mga sandaling iyon, kailangan niya ang magdesisyon... hayaang nakataas ang tulay at masawi ang mga taong nasa loob ng tren, o ibaba ito at hayaang mamatay ang kanyang anak! Ano kaya ang ang kanyang desisyon? Abangan sa susunod na kabanata... hehe. Masakit mang tanggapin ngunit ang naging desiyon n'ya ay ibaba ang tulay! Bakit tayo may pagdiriwang ng Pasko? Sapagkat mayroong Diyos na nagsakripisyo ng Kanyang Anak upang tayo ay maligtas! Ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay isang malaking sakripisyo para sa ating kaligtasan. Anong sakripisyo na ba ang nagawa ko bilang aking tugon sa kagandahang loob ng Diyos? Si Maria ay nagpakita ng malaking sakripisyo nang tumugon siya sa paanyaya ng anghel na maging ina ng Diyos. “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” Kaya ko rin bang isakripisyo ang aking kalooban sa kalooban ng Diyos tulad ni Maria? Kung minsan masyadong mataas ang ating "pride"; ayaw nating magpakumbaba, ayaw nating magpatawad, ayaw nating magpatalo... Ang Pasko ay nagpapahiwatig sa atin ng pagpapakumbaba at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Sana, sa ating abalang paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko ay hindi natin makalimutan ang malaking sakripisyo ng Diyos at ang pagsunod na ginawa ng Mahal na Birhen. "MARY Christmas!"
Reflection: 5th Day of Christmas Novena - December 20, 2008 - SUNDIN ANG LOOB MO!

Limang araw na lang... Pasko na! Nadarama mo na ba ang sakripisyo ng Simbang Gabi? Puyat... pagod... gutom... Kakayanin mo pa ba ang natitirang mga araw? Konting tiis na lang... malapit na! Kahit sa ating liturhiya ngayon sa Misa ay madarama natin ang papalapit na pagdiriwang ng Pasko. Sa katanuyan ang tawag sa Misa natin ngayon ay "Misa Aurea" o Golden Mass, sapagkat ginugunita natin sa pagbasa ang Pagbati ng Anghel sa Mahal na Birhen o ang pagsisimula ng buhay ni Jesus. Ang plano ng Diyos ay naisakatuparan dahil sa kababang-loob at kagandahang loob ng isang simpleng babae sa Nazareth... ang Mahal na Birheng Maria! Sinurpresa ng Panginoon si Maria sa paanyayang maging Ina ng Diyos. Ang Diyos... nanira na naman ng plano ng isang tao! Kakaiba talaga Siya! Ngunit para sa Mahal na Birhen, ang plano ng Diyos ay kanya na ring plano. Sa kanyang kababang-loob ay nakita niya ang kanyang abang kalagayan at sino sya upang hindi sumunod sa kalooban ng Diyos? Ganoon din ba tayo sa harapan ng Panginoon? Kung minsan ay nauunahan tayo ng ating "pride" at hindi na maka-eksena ang Diyos sa ating buhay. Hindi na "sundin ang loob Mo" ang ating dasal kundi "sundin ang loob ko..." Simulan na nating maghari ang Diyos sa ating buhay. Katulad ni Maria sabihin natin: : "Ako'y alipin ng Panginoon, maganap nawa sa akin ayon sa wika mo..."
Miyerkules, Disyembre 17, 2008
Reflection: 4th Day of Christmas Novena - December 19, 2008 - MILAGRO O MISTERYO?

Ano ang kaibahan ng "misteryo" sa "milagro"? Siret? Ang babaeng 18 years old pag nabuntis... misteryo! Pag 80 years old... milagro! hehehe... Ito ang nangyari kay Elizabeth na asawa ni Zacarias...isang milagro! Totoo, ang Diyos ay gumawa ng milagro sa kapwa matandang mag-asawang ito upang ipakita ang kanyang kabutihan at kadakilaan. Nakakalungkot lang nga at hindi agad naniwala si Zacarias at dahil doon siya ay napipi... hanggang sa araw na ipanganak si Juan. Kakaiba sa inasal ni Jose nung ang anghel ng Diyos ay magpakita sa kanyang panaginip. Siya ay naniwala! Kalimitan ay mahirap espelingin ang Diyos. Mahilig siyang magbigay ng surpresa sa atin! Kung minsan ang surpresa Niya ay maganda! Nakatutuwa tulad ng pagkapanalo sa lotto, pagkapromote sa trabaho, pagpasa sa board exam at marami pang iba. Kalimitan… pangit! Nasunugan ng bahay, nalugi sa negosyo, bumagsak sa exam, nagkaroon ng cancer, namatayan ng mahal sa buhay… Sa mga pagkakataong hindi maganda ang kanyang sorpresa ay madali tayong umangal at magreklamo. Tandaan natin ang pahayag sa Book of Psalms: "Your thoughts are not My thoughts... nor your ways My ways." Kung minsan ang dapat lang nating gawin ay magtiwala sa Kanya. Kung minsan ang kanyang pagtanggi sa ating mga kahilingan ay pangsang-ayon. Kung minsan ang kanyang ”hindi” ay ”oo”. Kung pangit man ang pagkasurpresa Niya sa ’yo ay marahil mayroon siyang mas mabuting nais ipahiwatig para sa iyong kabutihan. Kailan ka ba huling sinurpresa ng Diyos sa buhay mo? Manalig ka... maaring gumawa ng milagro ang Diyos sa iyo... sa kanya... walang imposible!
Martes, Disyembre 16, 2008
Reflection: 3rd Day of Christmas Novena - December 18, 2008 - KAPAMILYA NI KRISTO

Naniniwala ka ba sa panaginip? Ang sabi ng matatanda, kabaliktaran daw ang panaginip. Sa ibang tao naman ang panaginip ay masamang pangitain na posibleng mangyari sa hinaharap. Pero para sa iba ito ay nangangahulugan ng suwerte… may katumbas na numero na puwedeng tayaan sa huweteng o lotto! hehe... Anuman ang sabihin nila tungkol sa panaginip, sa Ebanghelyo ngayon ito ay ginamit ng Diyos upang ipaalam kay Jose ang tunay na pangyayari tungkol kay Maria na binabalak niyang hiwalayan ng tahimik sapagkat naratnan niya itong nagdadalan-tao. Mabuting tao si Jose, sabi nga ng Bibliya "He was a just man!" Isang mataas na papuri na maaring tanggapin ng isang lalaking Hudyo. Ayaw niyang mapahiya at mapahamak si Maria. Ayaw nyang magfile ng demanda! Ayaw niyang pahiyain ang kanyang asawa. Sapagkat alam niyang kamatayan ang katumbas nito ayon sa kanilang batas. Nakita ng Diyos ang kabutihan ni Jose kaya't binigyan niya nito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus. Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyari ang gusto ko? May mga taong ok sa Diyos dahil ok ang takbo ng kanilang buhay, naaayon sa kanilang plano! Ngunit pag nag-iba na ang ihip ng hangin at hindi na ayon sa kanilang gusto ang nangyayari ay mabilis na sinisisi ang Diyos at nagtatampo sa Kanya. Natanggal sa trabaho, iniwan ng asawa, binasted ng kasintahan, pinagalitan ng magulang, inaway ng kapatid, at maraming pang mga hindi magandang pangyayari sa buhay ang tila hindi naayon sa ating gusto na isang mapayapa at masaganang buhay. May plano ang Diyos para sa atin... ang ating dapat gawin... sundin ang Kanyang plano at siguradong di tayo magkakamali! ”Sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit.” Mayroon tayong Pasko sapagkat may mga taong nagsakrispisyo ng kanilang buhay sa pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Lunes, Disyembre 15, 2008
Reflection: 2nd Day of Christmas Novena - December 17, 2008 - KAPAMILYA NI KRISTO (Reposted & Revised)

Kapag binabasa ko sa Simbang Gabi ang talaan ng angkan ni Jesus (Genealogy of Jesus) ay sabik akong pagmasdan ang reaksyon ng mga taong nagsisimba. May inaantok, mayroong nakatulala, may nakikipagdaldalan sa katabi, at may ilan na lumalabas muna ng simbahan upang humithit ng sigarilyo. Iba’t iba ang reaksyon! Sa haba nga naman ng binasa at panay mga pangalang "out-of-this-world" ang kanilang narinig ay asahan mo na marinig sa kanila ang "Haaay... natapos din!" kapag nakarating na sa linya ni Jose na asawa ni Maria. hehehe... Di ko kayo masisisi! Ano nga ba ang koneksyon ng pagkarami-rami at pagkahaba-habang mga pangalang iyon sa buhay ko? Ngunit kung titingnan natin ay mahalaga ang bahaging ito ng Banal na Kasulatan kaya isinama ito ni Mateo sa pagsisimula ng kanyang Ebanghelyo. Ito ang nagpapatunay na si Jesus ay totoong nabuhay sa mundo natin sapagkat mayroon siyang talaan ng kanyang mga naging ninuno. Tunay na ang Diyos ay naging tao at nakipamuhay sa atin. Naging "kapamilya" natin Siya sa laki ng Kanyang pagmamahal sa ating mga tao. Paano ko pinahahalagahan ang pagiging kabilang sa pamilya ng Diyos? Proud ba ako na ako ay kapamilya ni Krito? Ikinahihiya ko ba ang aking pananampalataya? Simpleng pag-aantanda ng krus bago kumain s Jolibee o Mcdonalds, o kaya naman ay kapag nakasakay sa jeep at napadaan ka ng Simbahan ay isang maliit na bagay ngunit nagpapakita ng ating pagpapahalaga sa ating pananampalataya. Siyempre, mas mabuti kung nagbibigay saksi tayo nito sa ating mga kasama sa trabaho sa pamamagitan ng pagiging tapat sa ating tungkulin. At kung kaya nating manghikayat ng isang kasamang nakakalimot na sa Diyos o nagdududa sa kanyang pagmamahal ay mas higit na mabuti. Maraming paraan upang ipakita nag pagiging kapamilyang-Kristiyano. Ang tanong lang nman ay… kapamilya ba ako ni Kristo?
Reflection: 1st Day of Christmas Novena - December 16, 2008 - MISA DE GALLO ! (Reposted)

Misa de Gallo na naman! Mag-uusukan na naman ang putobumbong at bibingka sa labas ng Simbahan. Makikita na naman natin ang naggagaraang jackets at sweaters na marahil ay sinusuot lang sa ganitong uri ng panahon (kahit na mainit! hehehe). Maririnig na naman natin ang mga Christmas Carols sa loob ng Simbahan... malapit na talaga ang Pasko! Sakripisyong malaki ito para sa mga gigising ng maaga! Sakripisyo rin para sa mga dadalo sa misa ng gabi... sapagkat mamimiss nila ang mga telenovela at tele-fantasyang kanilang sinusundan sa TV! Ito naman talaga ang kakaiba sa Simbang gabi... malaki ang sakripisyo! At tama lang sapagkat malaki rin ang sakripisyong inialay ng Diyos para atin... ang Kanyang bugtong na Anak! Ito ang sinasabi ni Jesus sa Ebanghelyo para sa unang araw ng Simbang Gabi: na Siya ang tunay na isinugo ng Ama! "The works that I perform testify on my behalf that the Father has sent me..." Malinaw ang mensahe sa unang araw pa lamang ng ating siyam na araw ng Simbang Gabi: Manalig tayo sa patotoo ni Jesus! Na Siya ang isinugong Mesiyas! Sana hindi lang mauwi sa ritwal na pagdiriwang ang darating pang mga araw ng Simbang Gabi. Sana hindi lang pakitang-tao ang ating pagsisimba. Sana hindi lang upang ibida ang ating kasuotan. Sana hindi lang upang makasabay ang ating "crush" sa simbahan... Sana... sapagkat nananalig tayong tunay sa bugtong na Anak ng Diyos na isinugo ng Ama sa atin dahil sa laki ng kanyang pagmamahal sa tao....
Sabado, Disyembre 13, 2008
Reflection: Third Sunday of Advent Year B - December 14, 2008 : GO AND MULTIPLY!

Linggo, Disyembre 7, 2008
Reflection: Immaculate Conception - Dec. 8, 2008 : SA LAKAS NG DIYOS... POSIBLE! (Reposted)

Biyernes, Disyembre 5, 2008
Reflection: Second Sunday of Advent Year B - December 7, 2008 : PRO CHA-CHA TAYO!

Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)