Sabado, Hunyo 16, 2018

ANG KABUTIHAN NG DIYOS ATING AMA: Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time Year B - June 17, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day: Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan, nagpakalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto.  Pagkalipas ng ilang minuto ay biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, alam mong ako ay isang amang may isang salita. May kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... mag-beer muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Miguel Beer Pale Pilsen!   Kakaiba nga naman ang tatay sa ating kuwento. Madisiplina ngunit may puso... May prinsipyo ngunit maunawain... Makatarungan ngunit may awa!  Kung may ganitong mga klaseng magulang ay masasabi rin nating ganito rin ang Diyos o mas higit pa sapagkat natatangi ang Kanyang katangian.  Sa ating Ebanghelyo ngayon ay ipinapakita rin sa atin ni Jesus ang kabutihan ng Diyos.  Si Jesus ay magaling  na guro.  Kakaiba siya sa mga guro ng kanyang panahon.  Kaya nyang kausapin ang mga taong dalubhasa sa batas at ang mga taong walang pinag-aralan.  Simple ang kanyang istilo.  Kahit na sino ay makakaintindi. Gumagamit siya ng mga kuwento sa kanyang pagtututo upang maunawaan siya ng mga tao.  Gumagamit siya ng talinhga na hango sa mga kaganapan ng buhay na tinatawag nating mga "talinhaga" o "parables".  Ang parables ya galing sa salitang griego (parabolein) na ang ibig sabihin ay "itapon".  Kapag si Jessus ay nagkukwento ay itinatapon niya sa mga tao ang mensahe upang sagutin nila ang kanilang mga katanungan sa buhay!  Sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay gumamit siya ng dalawang talinhaga upang ipaliwanag ang Kaharian ng Diyos:  ang binhing inihasik sa lupa at ang butil ng mustasa.  Mahirap bigyan ng pakahulugan ang "kaharian ng Diyos" sapagkat hindi ito kabahagi ng ating kultura.  Marahil ay mayroon tayong mga "tribu" o "balangay" noong panahon ng ating mga ninuno ngunit wala tayong malalaking kaharian.  Ngunit sa kanyang mga nakikinig ay malinaw ang nais "ibato" ni Jesus: na sila ay dapat pagharian ng Diyos tulad ng isang binhi o butil ng mustasa na maaring sa simula ay maliit, halos walang saysay, walang halaga, ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay lumalago, lumalaki at namumunga ng kabutihan para sa iba!   Nabubuhay tayo sa isang "magulong mundo."  Mundong sinasalanta ng maraming kalamidad, nasasadlak sa labis na kahirapan at binabalot ng karahasan tulad ng maraming pagpatay!  Ngayon kahit mga pari na alagad ng Diyos ay hindi sinasanto. Paano pa kaya ang karaniwang mamamayan?  Dahil diyan ay nagdudulot sa atin ang mga ito ng labis na takot at pangamba.  Paano natin maipapalaganap ang paghahari ng Diyos sa ganitong kalagayan?  Bilang mga Kristiyano ay hindi N'ya tayo inaasahang gumawa ng malalaking bagay!  Maliliit na kabutihan ay sapat na upang maipalaganap natin ang Kaharian ng Diyos. "A cup of goodness" lang ang hinihingi Niya sa atin.  Sapagkat ang kasamaan ay lalaganap kung ang mabubuting tao ay tatahimik na lamang, magkikibit balikat at tutunganga!  Tandaan natin na nakakahawa ang kabutihan.  May kasabihan nga sa ingles na: "Good people bring out the good in people".  Kaya nga dapat lang na ibahagi natin ang kabutihan sa iba.  Kunmbaga sa wika ng makabagong panahon #sharegoodness!  Mautak tayo sa maraming bagay, lalong lalo na kapag pera at negosyo ang pinag-usapan.  Magpuhunan tayo sa paggawwa ng kabutihan.  "Goodness is the only investment that never fails!"  Kapag ang bawat isa sa atin ay gagawa lamang ng isang kabutihan kada araw ay unti-unting magliliwanag ang ating madilim na mundo.  Sa halip na sisihin mo ang ibang tao, ang gobyerno, at kahit na ang Diyos sa paglaganap ng maraming kahirapan at kasaman ay tanungin mo ang iyong sarili kung may nagawa ka na bang kabutihan sa iba.  Gumawa ka ng kabutihan at lalaganap ang kabutihan ng Diyos at ang Kanyang paghahari. Tandaan natin na ang Diyos ay lubos na mabuti:  GOOD IS GOOD ALL THE TIME!  At tayo ay "all the time" Niya ring inaasahan na magpapalaganap ng kabutihan!r

Sabado, Hunyo 9, 2018

TULAY NG PAGKAKASALA: Reflection for the 10th Sunday in Ordinary Time Year B - June 10, 2018 - YEAR OF THE CLERGY & CONSECRATED PRESONS

Nakakalungkot na nabubuhay tayo sa panahon ngayon na lumalaganap ang kultura ng kamatayan.  May mga taong hindi na nakikita ang masama at sinasang-ayunan pa nga ang paggawa nito.  May mga taong pinapalakpakan pa ang pagmumura, may isang artista at idolo ng mga kabataan na pinuna ang kanyang pakikipaglive-in sa kasintahan ang nagsabing "Hey... it's 2018!"  May isang pinuno ng bansa na ok lang ang manghalik ng babaeng may asawa sa harap ng maraming tao bilang "gimik" o "entertainment".  May mga taong manhid na sa pagkakahulog sa "tulay ng kasalanan." "May isang liblib na barrio na ang pangalan ay "Barrio Sirang Tulay  sapagkat bago mo marating ang lugar na ito ay dadaan ka sa isang tulay na sira at tila pabagsak na.  Ang 'Barrio Sirang Tulay' ay kilala sa mga taong ang kasalanan ay "adultery".  Ang matandang paring naassign doon ay gumawa ng kasunduan sa mga tao na kapag ikukumpisal nila ang ganitong kasalanan ay sabihin na lamang na sila ay nalaglag sa tulay at alam na n'ya yon. Ginawa niya ito sapagkat sawang-sawa na siya sa pakikinig sa kanilang kasalanan.  Sa kasamaang palad ay napalitan ang pari at agad sumabak sa pagpapakumpisal ang pumalit. Tulad ng inaasahan ang kanyang narinig ay: "Padre, patawarin mo po ako at ako ay nalaglag sa tulay!"  Hindi makapaniwala ang pari na marami ang nalalaglag sa tulay. Hanggang sa asawa ng baranggay captain ang nagkumpisal at nagsabing siya rin daw ay nalaglag sa tulay.  Agad-agad siyang sumugod sa baranggay hall na kung saan ay nagmemeeting ang konseho. "Kapitan, wala ka bang magagawa sa tulay natin? And daming nalalaglag! Nagtawanan ang lahat pati ang kapitan. Galit na sinabi ng pari: "Hoy kapitan, wag kang tumawa... ang asawa mo... nalaglag na rin sa tulay!" hehehe...  Hind bat nakakalungkot na maraming tao ang tila baga manhid na sa pagkakahulog sa "tulay ng kasalanan?"  Ang salitang kasalanan ay hango sa salitang Griego na "hamartia".  Ang literal na pagkakasalin nito sa ingles ay "missing the mark".  Ibig sabihin hindi tinamaan ang "target."  Sa Filipino... SALA! MALI!  At kung ating titingnan ay ito ang salitang ugat ng salitang kaSALAnan.  Akmang-akma ang kahulugan sapagkat sa tuwing taoy ay gumagawa ng kasalanan at nagmimintis tayo. Hindi natin tinatamaan ang target na Diyos para sa atin, walang iba kundi ang KABANALAN!  At narinig natin sa Unang Pagbasa, sa lat ng Genesis, kung paanong sinuway ng tao ang utos ng Diyos at dahil d'yan ay naputol ang kanyang ugnayan sa Kanya.  Ang pagkakasalang ito ay nagdala ng PAGKAPAHIYA sa kanila.  Namulat sila na sila ay hubad at nagtago sila sa Diyso.  Hindi ba't ganun din tayo sa tuwing tayo'y nakagagawa ng kasalanan  Nahihiya tayo sa Diyos, sa ating kapwa at sa ating sarili?  Ang masaklap dito ay naging dahilan din ito ng pagtuturuan.  Nang tanungin sila ng Diyos kung bakit nila nagawang kainin ang pinagbabawal na prutas ay nagturuan sila!  Itinuro ni Adan si Eba, si Eba naman ay tinuro ang ahas!  Ang bunga ng pagkakasala ay hindi pag-amin sa nagawang pagkakamali.  Hindi ba't pag gumagawa tayo ng masama, malimit ay sa iba natin isinisisi ito?  Ang mga magulang ko kasi strikto! Ang mga titser ko kasi tamad magturo!  Ang mga kaibigan ko kasi bad influence!  Never nating inako ang pagkakamali. Tandaan natin na ang Diyos nakababatid ng lahat.  Siya ay Diyos na makatarungan at pinaparusahan Niya ang mga nagkakasala sa kanya tulad ng ginawa Niya sa ahas at kay Adan at Eba.  Tayo rin ay nakatatanggap ng parusa kapag sinusuway natin ang kanyang mga utos.  Kaya nga ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay nagpapabilang sa atin sa Kanyang pamilya.  Ang Diyos ay makatarungan ngunit Siya rin ay maawain at mahabagin. Nang magkasala ang tao ay agad na ipinangako Niya ang Manliligtas - Si Jesus!  Ipinakita Niya sa atin ang Kanyang pagnanais na hindi tayo mawalay sa Kanya.  Sa Ebanghelyo ay tahasang sinabi ni Jesus na ang kanyang mga magulang at mga kapatid ay ang handang sumunod sa kalooban ng Diyos!  Wag nating isiping minaliit ni Jesus ang kanyang inang si Maria.  Bagkus ay itinama pa nga niya ang pag-intindi kung bakit dakila ang Mahal na Birhyen.  Siya ang nagpakita ng mataas na pagsunod sa kalooban ng Diyos, noong tinanggap niya ang panyaya ng anghel na maging ina ng Anak ng Kataas-taasan!  Mga kapatid, isapuso natin ang tapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos.  Iwasan natin ang gawaing masama at isabuhay natin ang ibig sabihin ng pagiging "Kapamilya ng Diyos."

Sabado, Hunyo 2, 2018

TANDA NG PAGKAKAISA (Revised & Reposted) : Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year B - June 3, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Nabubuhay tayo sa panahon ng mga tanda!  Mas madaling makilala ang isang bagay kapag ginagamitan nito.  Kapag nakakita ka ng malaking bubuyog na kulay pula at may sumbrero ay alam mo agad na ito ay Jolibee!  Kapag nakakita ka naman ng lalaking clown o malaking letter M ay alam mo agad na ito ay Mcdo!  Alam nyo bang ang letter M ng McDonald ang isa sa pinakasikat na simbolo sa buong mundo.? Naririyan din ang Nike sign at ang Olympic Rings na kilalang kilala ng marami.  Sa ating mga Kristiyano may isang tanda ng dapat ay alam na alam natin.  Bukod sa tanda ng Krus ay dapat pamilyar na sa atin ang maliit, manipis, bilog at kulay puting tinapay na ating tinatanggap sa Misa - ang Banal na Katawan ni Kristo!  Ang Banal na Eukaristiya ang simbolo ng pagkakaisa nating mga Kristiyano! Kaya nga ang tawag din natin sa Banal na Sakramentong ito ay"Sacrament of Holy Communion". Ang ibig sabihin ng communion ay  pagkakaisa: COMMON na, UNION pa!  Ano ang nagbubuklod sa atin sa Sakramentong ito? Walang iba kundi ang TIPAN na ginawa ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang katawan at dugo! Sa Lumang Tipan ang tipanang ito ay isinagawa sa pagwiwisik ng dugo ng susunuging handog sa dambana. Ang mga tao naman ay sabay-sabay na nagpapahayag ng kanilang pagsang-ayon at pagsunod sa utos ni Yahweh! Sa Bagong Tipan ay may pag-aalay pa ring nangyayari. Ngunit hindi na dugo ng hayop kundi ang dugo mismo ng "Kordero ng Diyos" ang iniaalay sa dambana. Sa pag-aalay ni Jesus ng Kanyang sarili sa krus ay ginawa niya ang natatangi at sukdulang pakikipagtipan ng Diyos sa tao! Kaya nga't ang bawat pagdalo sa Banal na Misa ay pagpapanibago ng pakikipagtipan na ito. Hindi lang tayo nagsisimba para magdasal o humingi ng ating mga pangangailangan sa Diyos. Ang Diyos mismo ang nag-aalok ng Kanyang sarili upang ating maging pagkain at kaligtasan ng ating kaluluwa. Kaya nga nga't hindi sapat ang magdasal na lamang sa loob ng bahay kapag araw ng Linggo. Hindi rin katanggap-tanggap ang ipagpaliban at pagsisimba sapagkat ito ay pagtanggi sa alok ng Diyos na makibahagi tayo sa Kanyang buhay! Katulad ng mga Judio sa Lumang Tipan, sa tuwing tayo ay nakikibahagi sa tipanang ito ay inihahayag naman natin ang ating buong pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang Diyos ang nag-aalok ng buhay, tayo naman ay malugod na tumatanggap! Ito ang bumubuo ng COMMUNION sa pagdiriwang ng Banal na Misa. At sapagkat nagiging kaisa tayo ni Jesus sa pagtanggap natin sa Kanya sa Komunyon, inaasahan tayo na maging katulad ni Jesus sa ating pag-iisip, pananalita at gawa! Ngunit may higit pang inaasahan sa atin bilang mga miyembro ng Katawan ni Kristo, na sana tayo rin ay maging instrumento ng pagkakaisa sa mga taong nakapaligid sa atin. Tayo ay maaring maging daan ng pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapatawad, pakikipagkasundo, pang-unawa na maari nating ibahagi sa ating kapwa.  Sa kasalukuyang panahong ito na kitang-kita at damang-dama natin ang pagkakahiwalay, hidwaaan at alitan, lalo na sa ating lipunang sinisra ng maruming politika ay hingin natin ang pagkakaisang nagmumula kay Kristo. Tanging si Jesus ang makapagbibigay sa ating ng tunay na pagkakaisa! Ang kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ang nagbubuklod sa atin bilang iisang katawan. Siya ang SAKRAMENTO NG PAGKAKAISA!  Sa pagtanggap sa Banal na Komunyon ay sumasagot tayo ng AMEN.  Ang pagsasabi nito ay hindi lang pagtanggap kay Jesus sa anyong tinapay.  Pinapahayag din natin ang ating pagtanggap sa ating kapwa sapagkat tayo rin ang bumubuo sa Katawan ni Kristo.  Tanggapin natin ang bawat isa ng may kagalakan.  Tayo ang nagkakaisang Katawan ni Kristo!

Linggo, Mayo 27, 2018

DIYOS NA 3 IN 1 (Revised & Reposted) : Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity Year B - May 27, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Kapistahan ngayon ng Banal na Santatlo... ang sinasamba nating ISANG DIYOS SA TATLONG PERSONA.  Ito ay isang misteryo na kailanman ay hindi natin maiintindihan.  Kahit ang pinakamainam na paliwanag ng mga dalubhasa sa Banal na Kasulatan ay kapos sa katotohanan sapagkat walang sinumang makatatarok sa katotohanan ng Diyos!  May ilang nagpupumilit na intindihin Siya ngunit masisiraan lang tayo ng bait kung ipagdidikdikan natin ang ating maliit na utak sa napakalawak na kadakilaan Niya!  Gayunpaman, hindi kumplikado ang katotohanan ng Diyos at ayaw na ring maging kumplikado sa atin.  Nais ng Diyos na maging payak at simple upang maabot niya kahit ang isang taong walang pinag-aralan.  Simple lang naman ang Diyos.  Kasimple ng kapeng iniinom natin araw-araw.  Ang Diyos ay simple tulad ng kapeng 3 in 1.  Isa akong certified cofee lover! Grabe! Hindi ako makakatulog sa gabi pag hindi ako uminom ng kape.  Sabi nga ng commercial sa T.V. "Sarap ng gabi... sarap ng kape! Why not? Try n'yo!" Marami na rin akong kapeng natikman... mula sa brewed o barakong kape ng batanggas hanggang sa fraps o fancy cofee ng starbucks.  Natikman ko pa nga ang exotic na "kape alamid". Special daw ang kapeng ito na ang beans ay galing sa "shit ng Alamid" hehehe! Talagang mapapa... (sorry for the word) SHIT ka pag nainom mo ito! Php 200 plus ba naman sa isang maliit na expresso cofee! Isang lunukan lang at naglaho na ang Php 200 mo! hehehe... Kaya nga't nasabi ko sa aking sarili na dun na lang ako sa aking 3 in 1 na kape!  Tubig lang na mainit ang kelangan mo... enjoy ka na!  Kung minsan ay ginagawa nating kumplikado ang buhay tulad ng kape e simple lang naman ang buhay! Parang pakikitungo natin sa Diyos.  Pilit nating inuunawa siya gamit ang ating maliit na pag-iisip. Parang tubig ng dagat na pilit nating pinagkakasya sa maliit na butas sa buhanginan. Pinagpipilitan nating unawain ang kanyang misteryo ng ating limitadong kaalaman upang maunawaan lamang na ang Diyos pala ay ginagamitan hindi ng utak kundi ng ating puso. Tunay nga naman na ang mga taong marunong lang magmahal ang lubos na nakakaunawa sa Diyos! Kapag marunong kang magpakita ng pagmamahal sa isang taong nangangailan ng tulong, kapag kaya mong magpatawad sa mga taong nakagawa sa iyo ng masama, kapag kaya mong mahalin ang iba sa kabila ng kanilang di kaibig-ibig na pag-uuagali... matuwa ka! Unti-unti ay nauunawan mo na ang misteryo ng Diyos. Ang pagkilala sa Kanya ay higit pa sa pagkakaalam sa kanyang "Bio-data". Ang pagkilala sa Diyos ay ang pagkakaroon ng personal na karanasan sa Kanya. Kailan mo ba tunay na naranasan ang Diyos sa iyong kapwa? Kailan mo ipinaranas ang kanyang pagmamahal sa iba? Maraming "diyos" na ipinakikilala ang mundo ngunit ako... kuntento na sa aking Diyos na 3 in 1, ang Diyos Ama na nagbigay sa akin ng Kanyang Anak at patuloy na gumagabay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Di ko man S'ya lubos na maintindihan (bakit 3 in 1?) alam ko namang mahal N'ya ako at nais Niyang mahalin ko rin Siya. Sa susunod na ako ay uminom uli ng kape, dapat ay lagi kong maalala ang aking Diyos na 3 in 1. Tatlong persona na IISANG PAGKADIYOS na nagmahal sa akin ng lubos. Sarap ng gabi... sarap ng kape. Sarap ng buhay... sarap makasama ang Diyos. Bakit hindi? Try n'yo!

Sabado, Mayo 19, 2018

BANAL NA KULASISI : Reflection for the Solemnity of Pentecost Year B - May 20, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Kapistahan ngayon ng Pentekostes.  Ang Pentekostes ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay ika-limampung araw, sapagkat ito ang ika-limampung araw pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo.  Ito ang araw na pinili ng Panginoon upang ipadala sa atin ang Banal na Espiritu.  Marahil hindi ganoon kadaling maunawaan ang kanyang pananatili sa ating piling sapagkat una ay wala tayong malinaw na paglalarawan sa kanya sapagkat siya ay isang "Espiritu." Di katulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan. Nariyan na ang simbolo ng hangin tulad ng ating narinig sa unang pagbasa, ang dilang apoy na nanahan sa ulo ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, ang tila kalapati o ibon na lumabas mula sa langit ng mabinyagan si Jesus sa ilog ng Jordan. Ang hangin o hininga ay simbolo ng buhay. Ang apoy ay simbolo naman ng init at ningas ng pagmamahal. Ang ibon ano kaya? Ano ang ipinahihiwatiog nito? Isang paring misyonero na galing Ireland na nakapag-aral ng kaunting tagalog ang naupo sa kumpisalan. Sapagkat kapos ang kanyang bokabularyong nalalaman sa Tagalog ay nagdala siya ng maliit na Tagalog-English Dictionary saka-sakali mang meron siyang salitang hundi maintindihan. Maayos namang naidaos ang unang oras ng kumpisal. Naintindihan niya ang mga kasalanan at nakapagbigay pa siya ng payo. Bigla na lamang may nagkumpisal ng ganito: "Father, patawarin po ninyo ako; ako'y nagkasala. Nagnakaw po ako... yung biyenan ko minura ko... At Father, mayroon po akong ipagtatapat: mayroon po akong "kulasisi" (kabit o babaeng kinakasma ha hindi asawa). Biglang napaisip ang pari, "What is "kulasisi?" Binuksan niya ang kanyang pocket dictionary at tiningnan: "Kulasisi: noun, a little bird, good for pet." Sabi ng pari: "Magaling, magaling... ilan ang kulasisi mo?" Sagot naman ng nagulat na lalaki: "E...e.. dalawa po padre!" "Kung ganon, ibigay mo sa akin ang isa ha? Ako na ang mag-aalaga! " Ang hirap nga naman pag di malinaw ang pag-intindi mo sa isang salita. Ang resulta: hindi pagkakaintindihan, maling pagkaunawa, pagkakagulo, pagkakawatak-watak! At batid din naman natin na ang "kulasisi" ay dahilan ng pagkasira ng pamilya at relasyon.  Ang biyayang dulot ng Espiritu Santo ay pagkakaisa. Ito ang narinig natin sa unang pagbasa: "At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu." Bagamat iba't ibang wika ang ipinagkaloob sa kanila ay naiintindihan sila ng mga nakarinig sa kanila. Bakit nagkaganoon? Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito."  Ibig sabihin, ang Espiritu Santo ang nag-uugnay at dahilan ng pagkakaisa. Nakakalungkot tingnan ang mga Kristiyanong nagbabangayan at nagsisiraan sa isa't isa. Ang mas nakakalungkot ay may mga taong gumagamit pa ng Salita ng Diyos upang tuligsain ang kanyang kapwa. Ang dapat na epekto ng biyayang kaloob ng Espiritu ay kapayapaan at hindi kaguluhan.  Ang hatid ng Banal na Espiritu ay KATOTOHANAN at hindi kalituhan!  At ito ang napapanahong pangangailangan ng ating mundo, ang mabuhay sa katotohanan at hindi kasinungalingan.  Ang ating mahal na Cardinal ay nagpapaalala sa atin na maging mapanuri at mapagmatyag sapagkat nakararanas tayo ngayon ng "krisis ng katotohanan" dahil sa mga nagdaang pangyayari sa ating lipunan.  Kung babasahin natin ang mga kasalukuyang pangyayari gamit ang mata ng pananampalataya ay sasang-ayon tayo na talagang may krisis tayo sa katotohanan.  Kailangan natin ang tulong ng Banal na Espiritu!  Ito ang pambungad na bati ni Jesus pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay.  "Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo." Tingnan natin ang ating buhay. May kapayapaan ba sa loob ng aking pamilya? May kapayapaan ba sa aking sarili? May kapayapaan ba sa aking lipunan?  Kung hindi pa natin ito nararanasan ay marahil hindi pa natin hinahayaang maghari ang Espiritu sa ating buhay. Ang Espiritu Santo ay hindi "kulasisi". Ang "kulasisi" ay sumisira, nagwawatak-watak, naghihiwalay sa ugnayan ng pamilya. Ang Espiritu ay nag-uugnay, nagtitipon, nagbubuklod... ang dulot Niya ay kapayapaan at pagkakaisa.  At higit sa lahat ang biyayang handog ng Espiritu Santo ay KABANALAN.  Bagama't ang Simbahan ay binubuo ng mga taong makasalanan, ang Espiritu Santo naman ang nagpapanatili ng Kanyag kabanalan.  Ang kabanalan ang nais ng Diyos para sa ating lahat at ito ang katibayan na pinaghaharian Niya tayong Kanyang mga anak.  Hingin natin ang biyaya ng Banal na Espiritu upang mapuspos tayo ng pagkakaisa, katotohanan at kabanalan.

Sabado, Mayo 12, 2018

LANGIT ANG ATING TUNAY NA TAHANAN: Reflection for The Solemnity of the Ascension

Nagdarasal ka ba pagkagising sa umaga?  Marahil nararapat lang! Dapat lang na tayo ay magpasalamat sa Diyos sa pagkakaloob uli sa atin ng pagkakataong mabuhay.  Kanina pagkagising natin ay sigurado akong may ilan sa ating hindi na nakadilat at tumigil na sa paghinga. Pero ikaw.... buhay ka pa! Kaya kanina pagkadilat ng aking mata ay agad sinabi kong:  "Thank you Lord! Salamat sa pagbibigay sa akin ng limampu't isang taon na buhay! "  Ngunit naisip ko rin na isang taon na naman ang nalagas sa akin at naglalapit na naman sa aking kamatayan!  Ito naman talaga ang katotohanan na mahirap tanggapin:  na ang bawat pagdiriwang ng ating BIRTHDAY ay naglalapit sa ating DEATH DAY. Dapat nating tanggapin na lahat tayo ay mamamatay!  Naalala ko noong ako ay bata pa at nakikinig sa homiliya ng isang pari.  Tinanong niya kami kung paano ba kami makapupunta sa langit.  Siyempre, ang sagot namin ay maging mabait at gumawa ng kabutihan sa iba, magsimba at sumunod sa mga utos ng Diyos.  Ngunit sinigawan kami ng matandang pari at sinabing "Mali!!! Dapat muna kayong mamatay!"  Oo nga naman, paano ka makapupunta sa langit kung hindi ka mamamatay?  Ang pagpunta sa langit ay nangangahulugan ng paglipat sa kabilang buhay.  Ngunit hindi natural sa atin na pag-isipan ang "buhay sa kabila."  Ilan sa inyo ang gustong pumunta sa langit?  Marahil lahat tayo ay magtataas ng kamay.  Ngunit kapag sinabi kong NGAYON NA... magtataas ka pa rin ba ng kamay?  Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!" LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN! Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap sa gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit? Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus. Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Kung siya ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan. Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! 'Wag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 'Wag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito. Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay pandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay magpakailanman. Lagi nating pakatatandaan: May langit na ating hantungan at inaasahan. Ito ang ating TUNAY NA TAHANAN!

Linggo, Abril 29, 2018

KUWENTO NG PANANATILI: Reflection for 5th Sunday of Easter Year B - April 29, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Sa darating na Mayo 1, 2018 ay ipagdiriwang namin ang TATLONG SINGKUWENTANG MAY KUWENTO.  Ito ang ika-50 taong anibersaryo na sunod sunod na ipagdiriwang ng aming Youth Center (1968-2018),  Parish Church (1969-2019)  at TVET o Technical Vocational Educational Training Center (1971-2021).  Pagkatapos ng limampung taon ay maraming kuwento ng hirap, tagumpay, pagkabigo at pag-asa ang aming naipon at siyang naging dahilan kung anung mayroon kami ngayon dito sa kanlurang bahagi ng Tundo.  Ang kasalukuyang saganang bunga ng misyon na sinimulan ng ilang dayuhang Salesyanong Pari ay maitutukoy natin sa malalim na pagkaugat ng kanilang gawain sa Diyos.  Sa katunayan, ang Don Bosco Youth Center ay sinimulan sa simpleng katesismo o pagtuturo ng pananampalataya na may kasamang kasiyahan sa pamamagitan ng palaruan.  Ang sikreto ng tagumpay ay nakasalalay sa "pananatili" ng gawain ni Don Bosco sa Diyos!  Kaya nga't akmang-akma ang imaheng ginamit ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayon... ang puno ng ubas.  Sa Lumang Tipan, ang ubasan ay laging ipinatutukoy sa bayang pinili ng Diyos, ang Israel, na ang kasaysayan ay tungkol sa katapatan ng Diyos sa kanyang Tipan sa kabila ng maraming pagtalikod at pagtataksil ng tao.  Sila ang ubasan na kung minsan ay hindi nagbibigay ng bunga sa kabila ng masusing pag-aalaga ng Diyos sa kanila.  Sa Bagong Tipan ay inako mismo ni Jesus ang pagiging puno ng ubas upang ipakita ang kahalagahan ng ating pakikipag-ugnayan sa Kanya. "Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana..."  Tayong mga "sanga" ay naiugnay kay Jesus sa pamamagitan ng ating Binyag na kung saan tayo ay naging kabahagi ng Katawan ni Kristo. Tayo ay nananatili sa Kanya sa pamamagaitan ng ating buhay panalangin at pagtanggap ng mga Sakramento.  At namumunga ang ating buhay Kristiyano sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa na naipapakita sa gawa!  Kung minsan ay nangangailangan ito ng pagpuputol ng ilang sanga o "trimming" upang lalo pang dumami ang bunga.  Sa ating buhay, ito ang maramng pagsubok na ipinadadala ng Diyos sa atin na kapag ating napagtagumpayan ay nagbibigay sa atin ng biyaya at maraming pagpapala.  Ito rin ang naging kuwento ng Don Bosco Youth Center sa nakalipas na limampung taon.  Maraming pagsubok mula sa usaping materyal at pinansiyal hanggang sa personal na suliranin na dulot ng hindi pagkakaunawaan o ng hindi magandang halimbawa ng mga namumuno.  Ngunit ang lahat ng ito ay "paglilinis" o "pagpuputol" sa mga mga sanga na dapat pagdaanan upang mas maalalim pa natin ang ating pananatili sa Panginoon.  Tunay nga ang salitang binitawan Niya:  "Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo ay hiwalay sa akin."  Kaya nga't mahalaga para sa atin na manatili sa pagtupad ng kalooban ng Diyos kung nais nating makatanggap pa ng maraming pagpapala.  Hindi ang straktura ng mga gusali o pasilidad ang magbibigay tingkad sa ikalimapung taon ng pagdiriwang na ito kundi ang katapatan at sigasig nating manartili kay Jesukristo!  Sapagkat kung wala Siya ay wala naman tayong magagawa. "Without Christ we are nothing!"  Maligayang pagdirawang sa pagsisimula ng TATLONG SINGKUWENTANG MAY KUWENTO!  

Sabado, Abril 21, 2018

PAKIKIALAM NG MABUTING PASTOL: Reflection for 4th Sunday in Ordinary Time Year B - April 22, 2018- YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Nitong nakaraang Linggo ay nasa Don Bosco Batulao ako para sa aming taunang Spiritual Retreat.  Ito ay limang araw na paglalaan ng oras para sa pagdarasal at pagninilay upang mapanibago namin ang aming pagtawag bilang isang relihiyosong pari o lay brother.  Binibigyan din naman kami ng oras para magpahinga at personal na gawain kasama na rin ang maikling oras ng paggamit ng "internet"  upang hindi naman kami maiwanan sa mga pangyayari sa ating mundo.  Isa sa nakatawag sa aking pansin, sa aking pagbabasa ng balita, ay ang tungkol kay sa isang madre na ang pangalan ay Sister Patricia Fox.  Siya ay isang matandang madre na kabilang sa Congregation of Reliogious Sisters of Our Lady of Sion o Sisters of Sion.  Hinuli siya noong April 16 ng anim na miyembro ng Bureau of Immigration sa pag-aakusang siya ay isang "undesirable allien" - isang dayuhang hindi dapat naririto sa ating bansa.  Ito ang unang paratang sa kanya ngunit kinalaunan ay inamin ng mga opisyal ng ating gobyerno na siya ay hinuli sapagkat siya ay isang dayuhan na nakikisali sa mga protesta ng mga raliyista at akbista... na siya raw ay lumalaban sa gobyerno at dahil dito ay nagiging banta ng seguridad.  May katotohanan ba ito?  Hindi ko lubos na maisip kung paanong ang isang matandang madre, 71 na taong gulang, payat at may iniindang sakit ay isang banta sa seguridad!  Sa aking maikling pagsasaliksik ay napag-alaman ko na ang madreng ito ay nagsimula ng kanilang gawain dito sa Pilipinas noon pang 1990.  Sila ay tinanggap ng dating obispo ng Infanta, Quezon na si Bishop Labayen.  Ang kanilang misyon ay upang tulungan ang mga maralitang magsasaka at ipagtanggol ang kanilang karapatan sa mga mapang-abuso sa lipunan.  Ito naman talaga ang misyon ng Simbahan kaya nga't hindi pamumulitika ang ginagawa ng madreng ito.  Sa katunayan, ang paninidigan nga ng kanilang kongregasyon ay ito: "Following the mandate of the church mission of proclaiming the Good News to the poor, she has since given her life as a religious to the service of the poor and those in need on the peripheries of society."  Noong siya ay tinanong ng isang reporter kung may kinatatakutan ba siya ay ito ang kanyang tugon: "I am scared of being deported or denied entry" back into the country. "If I will die, I should die in the Philippines," she declared.  "I can't die and be buried in Australia while my heart is left here."  Ngayong Linggo ng Mabuting Pastol ay ito rin ang paalala ng ating Panginoong Jesus sa atin. "Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa."  Si Jesus ang ating huwaran sa pagiging Mabuting Pastaol.  Siya na naglaan ng kanyang buhay para sa atin na kanyang kawan ay nagsasabi sa atin na maging mabuting pastol din sa ating kapwa.  Ang mga misyonerang tulad ni Sister Patricia Fox ay tapat na halimbawa ng isang pagiging mabuting pastol.  Sila ang mga taong handang maglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod at pagtulong sa mga nasa laylayan ng lipunan.  Ngayong Year of the Clergy and Consecrated Persons ay ipanalangin natin na sana ay magsugo pa ang Panginoon ng maraming mabuting pastol sa ating Simbahan, mga pari, madre, relihiyoso at relihiyosang handang talikuran ang lahat at maglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod.  Ipanalangin din natin ang mga nasa misyong magpalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoong Jesukristo na kasalukuyang dumaranas ng pagpapahirap at pag-uusig na sila ay maging matatag sa pananampalataya at sa kanilang pagsaksi sa katotohanan.  Magsilbing inspirasyon din nawa para sa atin ang buhay ng mga taong tulad ni Sister Patricia Fox na manindigan at ipagtanggol ang ating kapwa Pilipinong nasisiil ang karapatan at naruruyakan ang dignidad bilang tao.  Hindi ito politikal na pakikialam.  Ito ay KRISTIYANONG PAKIKIALAM ng isang taong nagtataglay ng puso ng Mabuting Pastol.

Sabado, Abril 14, 2018

MULTO NG NAKARAAN: Reflection for 3rd Sunday of Easter Year B - April 15, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Naniniwala ka ba sa multo? Kung ako ang tatanungin ay hindi ako naniniwala sapagkat hindi pa ako nakakikita at sana ay wag na silang magparamdam at magpakita dahil takot ako sa kanila!  At sino nga ba ang hindi? Bukas ako ay pupunta na naman sa Don Bosco Batulao para sa aming taunang Retreat.  Sa tuwing magpupunta ako lugar na ito ay lagi akong pinapangunahan ng takot.  Paano ba naman ay sinasabing may nagpaparamdam daw sa isa sa mga kuwarto ng Retreat House na tinutuluyan namin.  Tinanong ko yung kuwartong kung saan may nagpaparamdam at ang sabi sa akin ay Room 1206 daw!  Kaya hinihingi ko ang dasal ninyo na huwag ko sanang makuha ang numero ng kuwartong ito at ang mga kalapit nito.  Siguradong hindi ako matutulog ng limang araw!  Natural naman talaga sa atin ang matakot kapag may nagpaparamdam sa ating multo o kaluluwa.  Kahit ang mga alagad nga ay nakaramdam din ng pagkatakot sa inaaakala nilang multo.  Si Jesus, pagkatapos na muling mabuhay, ay hindi lang nagparamdam pero nagpakita pa sa kanyang mga alagad. Tama lang na pangunahan matakot ang mga alagad. Baka nga naman multo ang kanilang nakikita at nagpaparamdam sa kanila. Saksi silang lahat sa pagkamatay ni Jesus. Kitang-kita nila ang kanyang paghihirap sa krus! Sila ba ay namamalik-mata lamang o isang multo ang nasa kanilang harapan? Ngunit nais ni Jesus na itama ang kanilang maling haka-haka. Ipinakita niya ang kanyang katawan at mga kamay at nagpakuha siya ng makakain sapagkat ang multo ay wala namang katawan kaya't imposibleng kumain. Nais Niyang maniwala sila na Siya ay muling nabuhay!  May mga "multo" rin tayong kinakaharap sa ating buhay at ito rin kung minsan ay nagdadala ng takot sa atin.  Ang tawag ko dito ay ang mga "multo ng nakaraan" o "ghosts of the pasts".  Kung minsan ay may mga pangyayari sa atin sa nakaraan na hanggang ngayon ay hinahayaan nating multuthin tayo sa kasalukuyan.  Minsan ay may mga sugat na kung tutuusin ay magaling na naman ngunit ang peklat ay nagbibigay pa rin ng kirot sapagkat hindi natin tanggap na naghilom na ito.  Sabi nila "forgive and forget" pero hindi pala totoo yun!  Kailanman ay hindi tayo maaaring makalimot sapagkat mayroon tayong pag-iisip na laging ibinabalik sa atin ang mga masasakit na ala-ala ng nakaraan.  Marahil mas tamang sabihing "Forgive then remember... with healed memories!  Wala ng sugat! Magaling na!  Ang peklat ay kabahagi na ng nakaraan.  Wag nating hayaang multuhin pa rin tayo nito.  Dapat ay matuto tayong mag "let go and let God!"  Hayaan nating ang Diyos na magtrabaho sa atin.  Lagi nating sundin ang kalooban ng Diyos at ang lahat ay maaayon sa Kanyang kalooban. May mga sandali sa ating buhay na kailangan talaga nating dumaan sa paghihirap at pagdurusa.  Ito ang nilinaw ni Jesus sa kanyang mga alagad, na ang "Anak ng Diyos ay dapat magbata ng hirap, mamatay, ngunit pagkatapos ng tatlong araw ay muling mabubuhay!"  Sa ating buhay, kinakailangan din nating maramdaman ang "pagkamatay" kung nais nating madama ang biyaya ng "Muling Pagkabuhay!"   Ang pagbati ni Jesus ay sapat na upang panatagin ang ating mga takot at pangamba.  "Peace be with you!"  Ang kapayapaang hatid ni Kristo ang magbibigay sa atin ng lakas ng loob at pag-asa upang mapagtagumpayan ang mga "ghosts of the past" sa ating buhay.  Hayaan nating hilumin nito ang takot sa ating mga puso.  Ang kapayapaan ni Kristo ay nangangahulugan ng pakikipagkasundo sa Diyos, sa ating kapwa, sa ating sarili at sa mga pangyayari sa ating buhay.  Sumainyo ang kapayapaan ni Kristo!  Nais Niya ring ituwid ang kanilang maling pag-aakala tungkol sa Mesiyas, na ang lahat ng nangyari ay naaayon sa plano ng Diyos maging ang kanyang paghihirap at kamatayan. Kung minsan, ang hirap tanggapin ng Kanyang plano lalo na't kung iba sa ating nais. Kapag hindi nasunod ang gusto natin para tayong batang nagmamaktol, nagtatampo at nagagalit! Sabi ng isang katagang nakita ko sa retreat house: "RELAX... GOD IS IN-CHARGE!" Tama nga naman, kung naniniwala tayo na buhay si Hesus ay wala dapat tayong katakutan! Siya ang dapat na magdikta sa ating buhay at hindi ang multo ng ating lumang sarili.  Ang Kanyang muling pagkabuhay ay pagpaparamdam ng Kanyang malaking pagmamahal sa atin! Aleluya si Jesus ay buhay!

Sabado, Abril 7, 2018

KAPAYAPAAN, AWA AT MALASAKIT: Reflection for 2nd Sunday of Easter Year B - April 8, 2011 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Ano ba ang biyaya na dala ng muling pagkabuhay ni Jesus?  Nang magpakita si Jesus sa mga alagad ay ito ang kanyang pambungad na bati: "Sumainyo ang kapayapaan!"  Hindi lang isa ngunit tatlong ulit niyang sinabi ito.  Sa Bibliya ang pag-uulit ay naghahayag ng kahalagahan.  Kapayapaan ang hatid ng muling pagkabuhay ni Jesus.  Ito ang pumawi sa kaguluhan ng isip at pag-aalinlangan ng mga alagad.  Ito ang sumakop sa kasamaang dulot ng kasalanan.  Ito ang nagbigay daan sa liwanag na dala ng kadiliman ng kamatayan.  Ang muling pagkabuhay ni Kristo ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at kapayapaan.  Ngunit paano ba natin maibibigay ang kapayapaan?  May kuwento ng isang lalaking umuwi sa kanilang bahay na di mapakali at galit na galit.  Ang kanyang suot na damit ay punit at may mga marka ng kalmot ang kanyang mga braso at leeg.  Nakita siya ng kanyang kumpare at tinanong: "Pare, saan ka galing anung nangyari sa 'yo? " Sumagot naman ang lalaki, "Ah, inilibing ko ang kumare mo.  Binigyan ko s'ya ng kapayapaan!" "Mabuti naman,"  sabi ng kanyang kumpare, "Ngayon ay payapa na ang kumare, e teka... bakit punit ang damit mo at may kalmot ang mga braso at leeg mo?"  Sagot ang mister, "Pare, nanlaban kumare mo eh!" hehehe...  Kung minsan,  may pagbibigay ng kapayapaan na hindi tama!  Ngunit paano ba natin nakakamit ito?  Posible nga bang maranasan ang kapayapaan?  Sabi nila ang kapayapaan daw ay mararanasan mo lang kapag patay ka na.  Kaya nga R.I.P. ang inilalagay sa puntod ng mga yumao... Rest in Peace!  Patay na siya... payapa na siya!  Sa katunayan ay parang ibong napakailap nito kaya siguro hanggang ngayon ay naghahanap pa rin tayo ng kapayapaan.  Sa ating bansa ay isa ito sa nais nating makamtan lalo na sa mga kapatid natin sa Mindanao.  Kaya nga pilit na isinusulong ang pagpapasa ng BBL o Bansangmoro Basic Law sa pag-aakalang ito ang kasagutan sa kapayapaan sa mga kapatid nating nasa Mindanao, pero ito nga ba ang solusyon?  At naririyan din ang problema sa usaping pangkapayapaan ng pamahalaan sa mga NPA na hanggang ngayon ay wala pa ring maliwanag na katugunan.  Lalo nasigurong hindi kasagutan ang "All Out War" sa mga taong ito para makamit natin ang kapayapaan. Kung gayon ay paano ba natin ito makakamit?  Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus ay may nais ipahayag sa atin kung papaano natin ito makakamit at maibabahagi sa iba.  Ang kapayapaang hatid ni Kristo sa mga alagad ay kapayapaang naghahatid ng awa at habag.  Sa halip na sumbatan ni Jesus ang mga alagad sa kahinaan ng kanilang pananampalataya ay pagpapatawad ang kanyang hatid sa kanila.  Ang mga katagang "Sumainyo ang kapayapaan" ay nagpapakita ng pagmamahal at pagpapatawad ni Jesus sa kanilang kahinaan at kakulangan ng pananampalataya.  Kahit kay Tomas na may katigasan ang puso at dumating pa sa paninindigang "to see is to believe", ay hindi nagalit si Jesus.  Bagkus ay pinaalalahanan Niya si Tomas na "Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na... Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita!"  Ngayon ang ang kapistahan ng "Divine Mercy".  Sariwa pa rin sa atin ang tema ng pagdalaw ng Santo Papa Francisco: Mercy and Compassion, o Awa at Malasakit.  Maibabahagi natin ang kapayapaang kaloob ni Kristo kung una sa lahat ay naranasan natin ang awa at malasakit ng Diyos.  Siya ang bukal ng awa at habag at ito ang Kanyang alok sa atin upang mapuno ang ating puso ng Kanyang pagmamahal.  Pangalawa, pagkatapos nating maranasan ito ay dapat na makapagpakita tayo ng AWA at MALASAKIT sa ating kapwa.  Kapag kaya nating akuin ang paghihirap ng iba lalong-lalo na ng mga mahihirap at magdala ito sa pagpapadama ng awa, ay doon lamang magkakaroon ng kapayapaan sa ating mga puso.  Naniniwala ako na ang kapayapaan ay dapat muna na nasa atin bago natin maibigay sa iba kaya dapat tayo ang unang nagpapakita ng awa at malasakit sa ating mga sarili.  Mahal mo ba ang buhay mo? Inaalagaan mo ba ang katawan mo?  Baka naman inaabuso mo ito at mas masaklap binababoy mo ang iyong sarili?  Nagiging tulay ba tayo ng awa ng Diyos sa iba?  Anong pagmamalasakit na ba ang aking ginawa sa mga taong naghihirap?  Marami tayong katangungang dapat sagutin kung nais nating maghari ang kapayapaan sa ating puso... sa ating mundo.  Nawa sa ating pang-araw-araw na buhay ay lagi tayong maging tagapagdala ng kapayapaan.  Gawin nating pansariling panalangin ang panalangin ni San Franciso ng Asisi... "Lord, make me a channel of your peace!"  Ang kapayapaang nasa ating sarili at naibabahagi natin sa iba ang katibayan ng Muling Pagkabuihay ni Kristo!