Sabado, Disyembre 17, 2022

KATAPATAN SA PLANO NG DIYOS: Reflection for the 4th Sunday of Advent - 3rd Day of Christmas Novena - Year A - December 18, 2022 - CHRISTMAS SEASON

Naniniwala ka ba sa panaginip?  May mga nagsasabing totoo ang panaginip at maaring mangyari sa ating buhay.  Sa iba naman ito ay kabaliktaran ng mangyayari.  Totoo nga kaya ang panaginip?  Dapat ba nating paniwalaan ito?  

May kuwento ng isang batang laging nananaginip at nagkakatotoo ang kanyang mga panaginip sa loob lamang ng dalawampu't apat na oras pagkatapos niyang magising. Alam ito ng kanyang mga magulang at sa kanilang palagay ay isa itong "extraordinary gift" sa kanilang anak.  Minsan nanaginip ang bata at sumisigaw ng "Lolo... lolo...."  Narinig ito ng kanyang ama kaya't natakot sya sa maaring mangyari.  Kinabukasan ay nakatanggap sila ng tawag sa telepono... patay na si Lolo.  Pagkatapos ng isang linggo ay muling nanaginip ang bata at sumigaw uli: "Lola... lola!"  Kinabukasan ay muli silang nakatanggap ng tawag na pumanaw na ang kanilang lola.  Wala pang isang linggo ay muling nanaginip ang bata: "Daddy! Daddy!"  Kinilabutan ang tatay!  Kinabukasan ay kabadong-kabado siya sa puwedeng mangyari sa kanya.  Ngunit lumipas ang dalawampu't apat na oras ay wala namang nangyari sa kanya kaya't masaya niya itong ibinalita sa kanyang misis!  "Dear, magsaya tayo! Wag kang malungkot! Buhay pa ako!"  Ngunti malungkot na sinabi ng babae na: "Mahal, namatay ang driver natin kagabi! Wala na tayong driver!"  

O di ba? Kung minsan ay totoo ang panaginip.  Ito ang nangyari kay Jose ng managinip siya isang gabi pagkatapos niyang magdesisyon na hiwalayan ng tahimik si Maria sapagkat nagdadalantao na ito ng kanyang naratnan.  Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa s'yang taong matuwid ay ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria kayat nagdesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik.  Ang parusa kasi sa babeng nahuling nakikiapid ay kamatayan!  Katulad ng sino mang lalaki, si Jose ay may pangarap sa buhay. Pangarap niya marahil ang magtayo ng pamilya. Isa siyang taong matuwid at alam ang kanyang gusto sa buhay. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina!  Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. 

Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari.  Maraming pagsubok tayo sa buhay na hinaharap at kalimitan ay hindi ito naayon sa ating plano. Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabaho, nasunugan ka ng bahay, namatayan ka ng mahal sa buhay ay mga halimbawa ng kakaibang plano ng Diyos na totoong mahirap unawain at tanggapin.  Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Tandaan mo, ang Diyos ay lubos na nagtitiwala sa iyo tulad ng pagtitiwalang ipinamalas Niya kay Jose.  "Believe in  God who believes in you!"  

Tatlong tulog na lang at Pasko na!  Sa katunayan ay nasindihan na ang pang-apat na kandila sa ating Korona ng Adbiyento.  Tunay ngang malapit na ang Pasko at nararapat lang na maging "Merry" ang ating "Christmas!"  May dahilan upang tayo ay magsaya sapagkat una ay tinanggap natin noong unang Pasko ang pinakamahalagang "regalo"  na walang iba kundi si Jesus mismo, ang Diyos na sumasaatin. Pangalawa, ang dala ni Jesus sa kanyang muling pagdating sa wakas ng panahon ay "kaligtasan" para sa mga nanatiling tapat sa kanya kaya't may dahilan kung bakit dapat tayong magsaya.  

Habang hinihintay natin ang pagdating na ito "sa wakas ng panahon" ay tinatawagan tayong tanggapin siya sa araw-araw na pagdating niya sa ating puso.  Kung paanong naging tapat ang Diyos sa tao ay gayundin naman, inaasahan niya ang ating matiyagang katapatan laong-lalo na sa mga pagkakataong hindi nasusunod ang mga plano natin.  Gayahin natin si San Jose na nanatiling tapat sa Diyos sa kabila ng maraming katanungan sa mga mahiwagang pangyayari ng kanyang buhay. Tunay nga na ang  Pasko ay pagdiriwang ng katapatan ng Diyos sa tao at ang sagot na katapatan ng tao sa Diyos.  Ngunit hindi ito mangyayari kung hindi bukas ang ating puso sa pagtanggap sa kalooban at plano ng Diyos sa ating buhay.  

Sabado, Disyembre 10, 2022

GAUDETE! : Reflection for 3rd Sunday of Advent - Year A - December 11, 2022 - SEASON FOF ADVENT

Sinindihan na natin ang pangatlong kandila ng ating Korona ng Adbiyento.  Kung inyong napansin kulay "pink" ang ating sinindihan at hindi ang "violet"  Ang kulay lila o violet ay simbolo ng pagsisisi at pagbabalik-loob na siyang diwa ng adbiyento.  Bakit pink ang ating sinindihan kung gayon?  Ang Adbiyento ay nangangahuugan ng pagdating ng Panginoon sa ating piling.  At dahil diyan tayo ay naghihintay.  Ngunit ito ay paghihintay na hindi tulad ng isang taong bibitayin na nasa death row... Nakakatakot na paghihintay! Hindi rin ito paghihintay na tulad ng isang taong tumaya sa lotto na walang kasiguruhan kung siya ba ay mananalo o hindi... nakakakabang paghihintay!  

Ang Adbiyento ay hindi nakakatakot at walang kasiguruhang paghihintay.  Bagkus ito ay masayang paghihintay sapagkat ang darating ay ang Panginoon at ang kanyang dala-dala ay kaligtasan! Kaya nga't may kasamang saya at galak ang ating paghihintay sa Panginoong darating at ito ang isinasagisag ng kulay pink na kandila sa ating Korona ng Adbiyento.  Ang kaligtasang dala ng Panginoon ang siyang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kagalakan.  

Katulad ng mga unang Kristiyano, ang dinarasal natin ay "MARANATHA!" Halina Jesus sa aming piling! May galak nating kinasasabikan ang muling pagdating ng Panginoon.  Ang kagalakang ito ay ang ipinahayag ni Propeta Isaias: "Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi... paghaharian sila ng kalgayahan.  Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman."  Ito rin ang tandang ibinigay ni Jesus sa mga alagad ni Juan Bautista ng suguin sila upang itanong kung sya na nga ba ang hinihintay nilang Mesiyas. Ang pagdating ni Jesus ay nagbigay ng kagalakan sa mga taong nasa laylayan ng lipunan.  

Ngunit hindi lahat ay magsasaya sa kanyang pagdating sapagkat may mga taong mag-aalinlangan sa kanya katulad ng pag-aalinlangan nila kay Juan bilang propetang isinugo ng Diyos.  Ang mga taong ito ay ang mga hindi makatanggap sa tunay na kahulugan ng kanyang pagliligtas,  tulad ng mga Hudyo na hindi matanggap si Jesus sapagkat isang "materyal na Mesiyas" ang kanilang inaasahan.  Tayo rin bilang mga Kristiyano ay maaring matulad sa kanila kapag ang ating pinahahalagahan ay ang ating "materyal na kaligtasan!" 

Makikita natin ito sa ating paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko.  Ano ba ang higit na mahalaga sa atin? Kalimitan ay nauuwi lamang sa panlabas ang ating paghahanda.  Totoong masaya ang Paskong punong-puno ng dekorasyon, pagkain, alak, regalo at mga panlabas na pagpapakita ng ating kasiyahan.  Ngunit wag sana nating kaligtaan na walang saysay ang lahat ng ito kung makakalimutan natin ang tunay na diwa ng ating paghahanda at kung sino ang ating pinaghahandaan.  

Isa sa mga kinagigiliwan kong gawin ngayon ang ang manood ng maraming Chistmas movie sa Netflix.  Ngunit napansin ko na halos lahat ng palabas ay tungkol sa makamundong kasiyahang dala ng Pasko at hindi man lamang nababanggit ang pagsilang ni Kristo.   Marami ang mga kuwentong may kinalaman sa pag-ibig at kung paanong ang Pasko ay naging dahilan ng pagpapanauli ng kanilang nawalang kaligayahan.  Wala naman masama sa ganitong mga sanaysay ngunit lumilikha ito ng mababaw na pag-intindi sa tunay na kahulugan ng Kapaskuhan.  Parang patagong tinatanggal si Kristo sa Pasko.  Katulad ng isang karatulang nakita ko na ganito ang sinasabi: "Who needs Christ during Christmas? Nobody!"  Wala itong pinagkaiba na pagtanggal ng pangalang Kristo sa pangalan natin Kristiyano. Kapag tinanggal natin si Kristo sa Pasko ay magiging ganito dapat ang batian natin: "Merry Mas!"  Parang tanga lang di ba? Kaya nga ang iba ang ipinapalit na pagbati na lang ay "Happy Holidays!"  Pilit ng iniiwasan ang pagbanggit ng salitang Christmas dahil hindi naman sila naniniwala kay Kristo.   

Labing tatlong tulog na lang at Pasko na! Si Jesus ay patuloy na kumakataok sa pintuan ng ating puso.  Kaya nga ang panawagan ng Adbiyento ay tuloy-tuloy na pagbabago ng isip ng puso at ng uri ng ating pamumuhay!  Ito ang paghahandang may ginagawa na tinutukoy sa sulat ni Santiago Apostol, isang matiyagang paghahanda tulad ng isang magsasakang hinihintay ng buong tiyaga ang "mahalagang bunga ng kanyang bukirin."  "Kaya nga't magtiyaga kayo. mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon..."  

Ang pangatlong kandila ang ating sinindihan ngayon. May isa pang sisindihan sa isang linggo.  Ito ay magandang paalala sa atin na nagbibigay pa ang Diyos ng huling pagkakataon upang suriin natin ang ating sarili kung hindi pa natin ito nagagawa.  May panahon pang magbago.  May pag-asa pang naghihintay sa atin upang magbalik-loob!  Maaari pa nating ibalik ang tunay na nagbibigay kaligayahan sa Pasko.  Let us keep Christ in Christmas!  

Sabado, Disyembre 3, 2022

ANG PINTUAN NG ATING PUSO: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year A - December 4, 2022 - SEASON OF ADVENT

Ang literal na ibig sabihin ng Adbiyento ay "pagdating".  Dahil may darating nararapat lang na tayo ay maghintay at maghanda.  Kaya nga ito rin ay nangangahulugan ng "paghahanda".  Sino ang pinaghahandaan natin sa panahon ng Adbiyento?  Walang iba kundi si Jesus.  Si Jesus ay matagal ng dumating.  Ito ay ginugunita natin taon-taon sa pagdiriwang ng kapaskuhan na kung saan ay binibigayan nating parangal ang kanyang pagkakatawang-tao.  Dahil dito ang Adbiyento ay paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko.  Ngunit si Jesus ay nangako rin ng kanyang muling pagbabalik na kung saan ay dadalhin niya tayo sa buhay na walang hanggan at ito rin ay dapat nating paghandaan.  Kaya nga't ang Adbiyento rin ay paghahanda sa kanyang muling pagbabalik.  Sa gitna ng kanyang unang pagdating at huling pagdating ay may tinatawag tayong MAHIWAGANG PAGDATING.  Kailan at saan ito nangyayari?  

May kuwento ng isang sikat na pintor na gumawa ng isang obra.  Ang kanyang painting ay hango sa Aklat ng Pahayag na kung saan ay makikita si Jesus na kumakatok sa isang pintuan.  Napakagaling ng kanyang pagkakaguhit.  Nakakamangha sapagkat parang naririnig mo ang dahan-dahang pagkatok ni Jesus sa pinto.  Ngunit may isang batang pumuna sa kanyang obra. "Mamang pintor.... bakit walang door knob ang pintuan? "  Napangiti ang pintor at sinabing "Sinadya ko yan! Sapagkat, kakaiba ang pintuang ito.  Ang door knob ay wala sa labas kundi nasa loob!"  "Meganun?" laking pagtataka ng bata.  "Ano ang tawag sa pintuan iyan?" Sumagot ang pintor: "Ang tawag diyan iho ay ang pintuan ng puso ng tao!  Ang Diyos patuloy na kumakatok sa puso natin ngunit tayo lang ang puwedeng magbukas at magpatuloy sa kanya.  Ang door knob ng puso natin ay nabubuksan lamang sa loob kung gugustuhin natin."  

Ito rin ang ipinapahayag ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral. Kinakatok niya ang puso ng mga Hudyo na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan at ihanda nila ng tuwid na daraanan ang Panginoon.  Ito ang isinisigaw ni Juan Baustista sa ilang: "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos !"  Ito'y pagsasakatuparan sa matagal ng ipinangaral ni Propeta Isaias: "Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: 'Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!' "  

Wag sana tayong padala sa malaking kasinungalingang ibinubulong sa atin ng demonyo na mahaba pa ang ating buhay... na marami pa tayong oras! Mas mabuti na lagi tayong handa. Baka bukas hindi na tayo magising. Baka yung kinain natin ay huling hapunan na. Walang makapagsasabi. Ngunit 'wag sanang takot ang mgtulak sa atin sa pagbabalik- loob. Tandaan natin, ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... ang nais Niya ay atin Siyang mahalin! Tatalikuran ko ang aking masamang pag-uugali dahil mahal ko ang Diyos. Mabubuhay ako ng mabuti dahil mahal ko Siya!  Ito ang pagbabagong-loob na kinalulugdan N'ya.  

Ito ang pagkatok ng Diyos sa ating mga puso. Kaya ang Adbiyento ngayon ay nagkaroon ng pangatlong pakahulugan:  Ito ay ang agarang pagtugon sa pagtawag ng Diyos na magbalik-loob at magbagong buhay.  Ang pagbabagong ito ay isang METANOIA.  Ibig sabihin, ito ay tuloy-tuloy na pagbabago ng isip, ng puso at ng uri ng ating pamumuhay!  Ang pagtuwid ng landas ay nangangahulugan ng pagsasaayos ng ating luma at magulong pamumuhay.  Ito ay pagtanggal ng ating masamang pag-uugali at pagpupuno ng ating pagkukulang sa ating kapwa.  Ang metanoia ay nangangahulugan ng bagong pag-uugali!  

Si Jesus ay araw-araw na kumakatok sa ating puso. Ang "pagkatok"ng Diyos ay dumarating sa mga sandaling hindi natin inaasahan at sa mga taong hindi natin inaakala kaya't lagi dapat tayong handa.  Maaari Siyang dumating sa pagkatao ng isang kaibigan o kaaway.  Maari siyang dumating sa mga mahihirap at nangangailangan.  Maari siyang dumating sa tinig ng mga taong kulang sa pag-aaruga at napapabayaan. 

Ang araw na ito ay National Aids Sunday at Catholic Handicapped Day.  Habang isinasama natin sa ating mga panalangin ang mga may sakit na AIDS at ang mga may kapansanan, tayo nawa ay tumugon sa panawagan ng Simbahan at ng lipunan para sugpuin ang pagkalat ng sakit na AIDS. Maging bukas nawa ang pintuan ng ating puso sa pagtanggap sa kanila.  Tandaan natin na si Jesus ay mahiwagang dumarating sa mga kapatid nating nangangailangan ng pagkalinga.  Maging aktibo rin tayo sa mga adhikain ng ating Simbahan para sa kapakanan ng mga may kapansanan.

Si Jesus ay kumakatok ngayon sa ating puso... pagbubuksan mo ba siya?  Ito ang panawagan ng ikalawang Linggo ng  Adbiyento: Paghandaan natin ang daraanan ng Panginon! Pagbuksan natin siya at huwag saraduhan ang pintuan ng ating puso.

Sabado, Nobyembre 26, 2022

ADBIYENTONG PAGHIHINTAY: Reflection for the 1st Sunday of Advent Year A - November 27, 2022 - ADVENT SEASON

Sinisimulan natin ngayon ang bagong panahon sa taon ng Simbahan sa pagdiriwang ng PANAHON NG ADBIYENTO.  Dahil bagong panahon, ito rin ang itinuturing na BAGONG TAON ng Simbahan. Marahil ay hindi kasing ingay ng nakagawian na nating pagdiriwang sa pagpapalit ng taon na punong-puno ng paputok, ngunit ito naman ay punong-puno ng aral na nagbibigay kahulugan sa ating pananampalataya.  Ang nakaraang dalawang taon na dala ng pandemya ay nakadagdag pa sa tahimik na pagsalubong natin sa bagong taon ng Simbahan dahil sa mga lockdowns at covid restrictions na pinairal ng pamahalaan.  Ngunit ngayon ay mas maluwag na ang ating pagdiriwang.  Sa katunayan ay nanghihikayat pa nga ang Simbahan na muli na tayong bumalik sa pagsisimba ngunit may kaakibat pa ring pag-iingat lalo na ang pagpapanatili sa pagsuot ng facemask sa loob ng Simbahan dahil umaali-aligid pa rin ang virus sa ating paligid.

Muli nating sariwain ang kahulagan ng Adbiyento at ang tamang pagdiriwang nito.  Ang ADBIYENTO ang siyang unang panahon ng bawat taong liturhiko.  Ito ay apat na linggong paghahanda sa pagsapit ng Araw ng pagsilang ng ating tagapagligatas na si Jesus.  Ito ay hango sa salitang latin na "adventus" na ang ibig sabihin'y kapwa "pagdating" at "inaasahan."  Ibig sabihin ito ay nangangahulugan ng paghihintay.  Naaakma ito sa ating panahon ngayon na ang kulturang umiiral ay pagmamadali.  Lahat ay nagmamadali... lahat minamadali. Nabubuhay na ang marmai sa atin sa tinatawag na instant culture: instant cofee, instant noodles, instant friendship... Hindi makapaghintay dahil lahat ay abala sa maraming bagay. 

Kaya nga't hindi nakapagtataka na kahit ang pagdiriwang ng Pasko ay minamadali.  September pa lang ay Pasko na!  Sa katunayan bago pa nga ang Setyembre ay may sumisitsit na.  Pag pasok ng "ber months" ay may Christmas carols ng maririnig sa radio, may mga advance Christmas sale na sa mga malls, may Christmas decors na sa mga bahay at gusali.  Lahat ay nagsasabi sa ating Pasko na! 

Ngunbit ang Simbahan ay nagpapaalala sa atin na huwag madaliin ang Pasko.  Mayroon pa tayong tinatawag na ADBIYENTO!  Para sa ating mga Kristiyano, ito ay ang ating paghihintay kay Kristo na punong-puno ng pag-asa. Tulad ito ng isang ina na hinihintay ang kanyang pagluwal ng kanyang sanggol, ng isang magsasaka sa araw ng pag-ani ng kanyang mga pananim, ng isang mangingisda na magkakaroon ng isang masaganang huli.  Sa panahon ng Adbiyento ay hinihintay natin ng masaya ang muling pagdating ng Panginoon sa ating piling.  Dumating na siya noong unang Pasko, nang siya ay isilang sa sabsaban.  Muli siyang darating tulad ng kanyang ipinangako ngunit kung kailan at saan ay hindi natin alam.  Sa gitna ng kanyang una at muling pagdating ay naniniwala tayo na si Jesus ay araw-araw na dumarating sa ating puso.  Kaya nga't ang katanungan ay anung uring paghihintay ang inaasahan niya sa atin?

Ang paghihintay na ito ay paghihintay na mayroong ginagawa at hindi nagpapabaya. Sa mga salitang iniwan ni San Pablo sa mga taga Roma: "Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti... Mamuhay tayo ng marangal at huwag gugulin ang panahon sa paglalasing at magulong pagsasaya, sa pagpapakasawa sa pita ng laman at kahalayan, sa alitan at inggitan."  Ang nais lang sabihin ni San Pablo sa atin ay isapuso natin ang isang makahulugang paghahanda!  

Matuto na sana tayo sa nakakapagod at nakakabutas-bulsang pagdiriwang ng Pasko!  Hindi masama ang magsaya. Hindi masama ang mag-enjoy kapiling ang mga mahal natin sa buhay.  Hindi masama ang magsama-sama at magsalo-salo ngayong Pasko.  Ang masama ay kung sa ating pagdiriwang ay nakalimutan natin ang ating ipinagdiriwang.  Dahil aminin natin na nakakalimutan na natin ang ating dapat ipagdiwang at ipagpasalamat sa araw ng Pasko.  Ibalik natin ang tunay na diwa ng Pasko!  Ibalik natin si Kristo sa puso ng bawat tao. Sa pagpasok ng bagong taong ito, nawa ay maipasok din natin sa ating puso at diwa ang isang makahulugang paghahanda sa pagdating ni Jesus sa ating buhay!  ISANG MAKAHULUGANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!

Sabado, Nobyembre 19, 2022

HARING NAGLILINGKOD: Reflection for the Solemnity of Christ the King - Year C - November 20, 2022

Ngayon ay tinatapos natin ang huling linggo sa kalendaryo ng ating Simbahan sa pagdiriwang ng dakilang kapistahan ni Kristong Hari ng sanlibutan.  May pagtatapos na nagdadala ng kalungkutan. Ngunit may pagtatapos din na nagdadala ng kasiyahan at pananabik! Hindi ba't ganito ang ating nararamdaman kapag nakatapos tayo ng pag-aaral?  Nalulungkot tayo sapagkat iiwan natin ang ating masasayang karanasan kasama ang ating mga kamag-aral at kaibigan.  Ngunit masaya at nananabik din tayo sapagkat may bagong karanasan na naghihintay sa atin. Masaya tayo sapagkat may bagong pagkakataong maaari nating harapin at maging daan sa ating pagbabago. Ganito rin dapat ang ating pakiramdam sa pagharap natin kay Jesus na ating hari. Hindi natin dapat  kinatatakutan bagkus kinapapanabikan pa nga natin ang kanyang muling pagbabalik sapagkat naniniwala tayong Siya ay Hari ng awa at habag.  Siya ang hari ng sanlibutan.  Siya ang hari ng ating buhay!  

Napakaraming kinikilalang hari ngayong panahong ito.  Ngunit ang pagkilala sa kanila bilang hari ay nababatay sa kasikatan, kapangyarihan at kayamanan.  Nangunguna na sa listahan ang Hari ng Boxing na walang iba kundi ang ating pambansang kamaong si Manny Pacquiao na "nagpapatigil sa mundo" sa tuwing siya ay aakyat ng boxing ring. Naririyan din ang tinanghal na Hari ng Komedya na walang iba kundi ang yumaong si Dolphy na nagpatawa ng maraming dekada sa atin.  Siyempre hindi natin makakalimutan ang Hari ng Pelikulang Pilipinong si Da King Fernando Poe Jr.  Kaya siguro hindi matapos-tapos ang PROBINSIYANO dahil sa kanyang mahabang paghahari! Sa aming lugar sa Tondo ay minsan nang may kinilalang hari... si "Asiong Salongga" na tinaguriang Hari ng Tundo!  Ano nga ba ang kakaiba sa mga taong ito at nabansagan silang hari? Mula noon hanggang ngayon ang pamantayan pa rin ng mundo sa pagiging hari ay tatlong nabanggit ko kanina: kasikatan, kayamanan at kapangyarihan! 

Ngunit para kay Jesus, ang kanyang paghahari ay nasa kanyang pagka-aba at kababang-loob. Ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng isang pinunong naglilingkod,  sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Sa mundo ang hari ay pinaglilingkuran. Si Hesus bilang hari ay naglilingkod! Sa mundo ang hari ay iginagalang at pinagpipitagan. Si Hesus bilang hari ay nilapastangan at pinahirapan.  Sa mundo ang hari ay sinusunod. Si Hesus bilang hari ay winalang bahala ng kanyang mga kababayan. Kaya hanggang sa krus ay gayun na lamang ang pagkutya sa kanyang ng mga tao.  Naririyan na ang sinasabi ng mga Judio na nasa kanyang paanan.  "Kung ikaw nga ang hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!"  Maging ang nakapako katabi niya ay may pagtutya sa kanya:  "Hindi ba't ikaw ang Kristo? Iligtas mo kami at iyong sarili!" Kapag pinararangalan natin si Hesus bilang Kristong Hari ay sinasabi nating tayo rin bilang kanyang nasasakupan ay dapat maging isang pinunong-lingkod o "servant-leader" na kung saan ang kadikalaan ay wala sa bigat ng ating posisyon, pag-aari o kapangyarihan ngunit nasa kadakilaan ng isang tunay na paglilingkod. 

Huwag tayong masiraan ng loob kung ang ating pagpapakabuti ay hindi umaani ng papuri o "recognition".  Huwang ring sasama ang ating loob kung palaging tayo na lamang ang naglilingkod samantalang ang karamihan ay nagpapakarasap sa kanilang buhay!  Huwag tayong magagalit kung ang ating mga nasasakupan ay ayaw sumunod sa atin.  Ang tunay na paglilingkod ay mapagkumbaba, hindi naghahanap ng kapalit o nagbibigay ng kundisyon. Higit sa lahat ang tunay na paglilingkod ay hindi makasarili!  Si Kristong ating Hari ang natatangi nating huwaran.  Hilingin natin kay Jesus na maghari Siya sa ating puso at maisabuhay natin ang Kanyang paghahari ng kapakumbabaan at paglilingkod.  PAGLINGKURAN NATIN ANG HARING NAGLILINGKOD!

Sabado, Nobyembre 12, 2022

KATAPUSAN: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year C - November 13, 2022

Mahilig ka bang magvideoke?  Nasubukan mo na bang kantahin ang awiting "My Way?" Ito ay pinasikat ni Frank Sinatra taong 1969, hindi pa marahil pinapanganak ang marami sa inyo,  at ngayon nga ay kinikilala ng isa sa klasikong awitin.  Ngunit may mga nagsasabi na masama daw itong kantahin sa kadahilanang may nangyayaring patayan kapag ito ay inaawit. Sa katunayan, sa pasimula pa lamang ng awiting ito ay maririnig mo na ang mga katagang: "And now, the end is near and so I face the final curtain..."  Nakakatakot nga naman lalo na't ang pinag-uusapan natin ay ang ating katapusan.  Sa katanuyan ang buwan ng Nobyembre ay nagpapaalala sa atin na ang buhay ay may katapusan.  Na tayong lahat ay mamamatay!  

Ngunit hindi lang ang buwan ng Nobyembre ang nagpapaalala sa atin nito.  Ang pagtatapos ng Taong Liturhiko ay nagsasabi rin sa atin na may katapusan ang lahat!  Kaya nga sa isang Linggo ay tatapusin natin ito sa pagdiriwang ni Kristong Hari.  Ang katapusan ng kalendaryo ng Simbahan ay laging nagpapaalala sa atin ng WAKAS NG PANAHON.  Ano nga ba ang "parousia" o  "wakas ng panahon?"  Kailang ba ito magaganap?  

Sa isang malaking mall na kung saan ay dagsa ang mga tao dahil sa papalapit na Pasko ay bigla na lamang may sumigaw.  Isang taong nakadamit na kakaiba at may karatulang hawak-hawak na nakalagay na "The end of the world is near!"  Sumisigaw siya ng malakas na "KATAPUSAN NA! KATAPUSAN NA!"  Nang bigla na lamang may sumagot ng: "TANGA! KINSENAS PA LANG!"  

Kung minsan ay nakakarinig tayo ng ganitong mga kataga na nagsasabing malapit na ang katapusan ng panahon.  May katapusan nga ba ang mundo?  Kung sabagay ay hindi na ito bago sapagkat noong taong 1914, si Charles Russel, na tagapagtatag ng Jehova's Witnesses, ay nagsabing magugunaw na ang mundo ngunit di naman nangyari.  Noong pagpapalit ng milenyo, taong 2000 ay kinatakutan ang Y2K at sinabing ito na rin ang magtatapos sa mundo dahil daw magkakagulo ang programa at sistema ng mga computer na karamihan daw ay nakaset hanggang 1999 lamang, ngunit wala ring nangyari. Taong 2012, isa na namang prediksiyon ang lumabas na nagsabing magugunaw na ang mundo ayon sa Mayan calendar, ngunit wala ring nangyari.  Ano ang sinasabi nito? Pinabubulaanan ba nito ang mundo ay walang katapusan?  

Sa ating pananampalataya ay ipinahahayag natin ang pagsapit ng WAKAS NG PANAHON.  Sa katunayan ay lagi nating ipinapahayag sa Misa na "Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay!  SI KRISTO'Y BABALIK SA WAKAS NG PANAHON!"  Ibig sabihin, naniniwala tayo na may tinatawag na katapusan ng mundo.  Paano ba ating Kristiyanong pag-intindi dito?  Bilang mga Kristiyano ay dapat marunong tayong magbasa ng mga tanda na nagsasabing nalalapit na ang araw ng paghuhukom.  Learn to read the signs of the time! 

Sa ating mga pagbasa lalo na sa Ebanghelyo ay nagbabala ang Panginoon na darating ang "katapusan", hindi upang takutin tayo, bagkus ay upang tulungan tayong maghanda sa pagdating ng araw na ito.  Ang lahat ay may katapusan. Upang bigyang diin ang katotohanang ito ay hinalintulad niya ang Templo ng Jerusalem na hinahangaan ng mga Hudyo dahil sa kagandahan at karangyaan nito.   Ang sabi ni Jesus sa mga tao: "Darating ang panahong lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, walang batong ititira sa ibabaw ng kapwa bato."  At totoong nangyari nga ito noong 70 AD ng wasakin ng mga Romano ang templong ito.  

Totoo, walang nakakaalam ng araw, oras at lugar kung saan ito mangyayari.  Ngunit hindi ito mahalaga. May mas mahalaga pang nais ipabatid si Jesus sa atin at iyon ay ang ating kinakailangang paghahanda.  Sa ikalawang sulat sa San Pablo sa mga taga-Tesalonika ay pinagsabihan niya ang mga ito na maghintay sa pagdating ni Jesus na may "ginagawa". Hindi maaring magwalang-bahala na lamang sa mga araw-araw na gawain.  Ang tunay na paghahanda ay dapat may pagkilos.  

Sa Ebanghelyo naman ay binigyang diin ni Jesus ang pagtitiis sa mga hirap na ating dinaranas ngayon habang hinihintay natin ang kanyang pagdating.  Paulit-ulit niyang sinasabi na "huwag tayong mabalisa!"  Totoo nga naman, wala tayong dapat ikatakot kung handa naman tayo sa pagharap sa kanya upang sulitin ang ating mga ginawa dito sa lupa.  May mga nararanasan tayo ngayong mga kaguluhan, kahirapang dulot ng kalamidad tulad ng lindol at bagyo, pagkagutom ng maraming tao... para bagang lahat ay tumutukoy sa sinasabi ni Jesus.  "Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa langit. Huwag kayong mabagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi darating karakaraka ang wakas."  

Ano ba dapat ang ating Kristiyaong pag-unawa at pagkilos sa pagsapit ng "wakas ng panahon?"  Ang wakas ng panahon ay tinatawag din nating araw ng paghuhukom.  Na kung saan ay isusulit natin sa Panginoon ang buhay na ibinigay niya sa atin.  Ginamit ba natin ito ng mabuti? Pinahalagaahan ba natin ang regalong ito? Hahatulan niya tayo ng may katarungan at huhusgahan Niya tayo ayon sa batas ng pag-ibig.  Huwag tayong mabahala.  Sa halip ay sikapin nating mabuhay ng mabuti at marangal.  "Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan." ang paalala sa atin ng Panginoong Jesus.  Kaya nga't ito ay paghihintay na may ginagawa. Ito ay pagsisikap na gumawa ng kabutihan sa halip na kapabayaan.

Ang Diyos ang maggagawad sa atin ng katarungan!  Ngunti kinakailangan munang tayong magtiis at magtiyaga.  Maging "mahusay at matalinong Kristiyano" tayo.  Ang matalinong Kristiyano ay may "foresight" at hindi "poorsight".  Alam n'ya ang kanyang patutunguhan sa wakas ng panahon.  Kaya nga pagsisikapan at pagtitiyagaan niya ang paggawa ng mabuti at pag-iwas sa masama.  Hindi siya "bobong Kristiyano" na nagpapabaya at tila walang pakialam sa paghahatol na darating.  Alam niyang kailangan lamang niyang piliin at pagsumikapan ang pagpasok niya sa kaharian ng langit.  

Sabado, Nobyembre 5, 2022

PAG-ALALA SA PATAY... PAALALA SA BUHAY (Reposted): Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 6, 2022 -

Ang buwan ng Nobyembre ay buwan na inilaan natin upang ipagdasal at alalahanin ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw.  Sinimulan natin ito sa pagdiriwang ng UNDAS,  na ang ibig sabihin ay "paggalang sa mga patay", at bumisita ang marami sa atin sa sementeryo, nag-alay ng bulaklak at panalangin at may mga ilan naman ang nagtirik na lang ng kandila sa tapat ng kanilang mga bahay. Ngunit ang UNDAS ay hindi lamang pag-alala sa mga patay. Ito rin ay "paala-ala" sa mga buhay. Kaya nga may isa pang pakahulugan ang UNDAS na sa unang dinig ay tila katawa-tawa.  

Ang Undas daw ay hango sa katagang "silang UNang natoDAS!"  Sila na nauna na sa atin na ating inaalala sa buong buwan na ito ng Nobyembre ay nag-iiwan din sa atin ng mahalagang PAALALA: na totoong may buhay sa kabila at tayong lahat pupunta din doon.  Nauna laang silang "natodas!" Kapag ako ay nagbabasbas ng mga patay ay lumalapait muna ako sa kabaong at tahimik kong kinakausap ang patay.  Tinatanong ko siya kung ano ang nais niyang sabihin sa akin.  Sa awa ng Diyos ay wala pa namang dumidilat na patay at sumasagot.  Ngunit mayroon silang mahalagang mensahe sa akin:  "Ako nandito na... ikaw susunod na! Una lang akong natodas! Magkita tayo sa kabila!"  

May kuwento na may magkaibigan na adik na adik sa paglalaro ng badminton. Para sa kanila mas gugustuhin pa nilang maglaan ng oras sa badminton court kaysa sa kanilang mga pamilya. Lagi silang sumasali sa mga tournament at sila palagi ang magkasama sa kategoryang DOUBLES o dalawahan.  Minsan ay may pinagkasunduan ang dalawa na kung sino man ang unang maunang mamatay sa kanila  ay ibalita kung may badminton din ba sa kabilang buhay.  Naunang namatay si Juan at ng gabi rin pagkatapos niyang mailibing ay may narinig si Pedrong tinig sa kahimbingan ng kanyang tulog. "Peeeedroooooo!  May goodnews at badnews ako sa 'yo!"  Nanginig sa takot si Pedro sapagkat alam niyang tinig ni Juan ang kanyang narinig.  "Ang goodnews..." sabi ni Juan, "may badminton sa kabilang buhay!"  Sumagot si Pedro na halatang takot na takot, "Aaaa...ano naman ang badnews?"  Sagot ni Juan na nanginginig sa takot: "May tournament bukas, magkapartner tayo! ehehehe...  

Kung ikaw kaya yun, hindi ka ba matatakot?  Siguro wala namang badminton sa kabilang buhay pero nakasisiguro tayong mayroong "kabilang buhay!"  Ito ang binanggit sa unang pagbasa sa Aklat ng mga Maccabeo: "Ako’y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos."  Ito yung mga salitang binitawan ng isa sa pitong magkakapatid na isa-isang pinapatay ni Haring Antioko dahil sa kanilang pananampalataya kay Yahweh. 

Sa Ebanghelyo naman ay pinatahimik ni Jesus ang mga Saduseo na nagsasabing walang pagkabuhay ng mga patay sa paglilinaw na iba ang katayuan ng mga tao sa "buhay sa kabila".  Kaya nga't para sa ating mga Kristiyano, ang buwan ng Nobyembre ay hindi lang pagdarasal para sa mga patay kundi bagkus ito rin ay paalala sa ating mga buhay na may "buhay sa kabila."  Para saan pa ang ating ginagawang kabutihan at ang ating pag-iwas sa mga gawaing masama kung wala naman palang pupuntahan ang lahat ng ating mga paghihirap.  Tandaan natin na kung hindi muling nabuhay si Kristo ay wala tayong kaligtasan! Kung hindi tayo naniniwala na balang araw ay bubuhayin niya rin tayo ay bale wala ang ating pananampalataya.  

Ang ating pagiging Kristiyano ay ang ating paniniwala sa muling pagkabuhay ng mga namatay.  Sa katunayan ay lagi natin itong ipinapahayag kapag tayo ay nagsisimba tuwing Linggo. Sinasabi natin: "I look forward to the resurrection of the dead and the life of the world to come."  Kaya nga't walang masama kung ating pag-iisipan at pagninilayan ang araw ng ating kamatayan kung naniniwala naman tayo na may buhay sa kabila.  Ang sabi ni Steven Covey sa kanyang aklat na 7 Habits for Highly Effective People" ay "always BEGIN with the END in mind".  At ano ba ang katapusan nating mga kristiyano? Hindi kamatayan bagkus ang makapiling ang Diyos sa kabilang buhay!  Ang kamatayan ay pintuan na dapat pasukan ng lahat upang makarating sa kabilang buhay.  

Ngunit ang "makapiling ng Diyos" ay laan lamang sa mga taong naging tapat sa pagtupad ng kanyang kalooban noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupang ibabaw.  Hindi lahat ng namatay ay nakakarating dito.  Kaya nga't ang paalala sa atin ay habang may buhay pa tayo ay sikapin nating mabuhay ng mabuti at umiwas sa masama.  Gamitin natin ang ang oras, kakayahan at kayamanan (time, talents, treasures) upang mabuhay ng tama at makatulong sa ating kapwang nangangailangan.  Pag-isipan natin ang huling hantungan, ang makapiling ang Diyos, at hindi tayo magkakamali.  Magkaroon tayo ng "foresight" at hindi "poorsight" sa ating buhay Kristiyano.  

Ang UNDAS ay pagkakataon upang gamitin natin ang ating talino sa pagpili ng tama at mabuti.  Matuto tayo sa mga "unang natodas" sa atin. Tandaan natin na ito ay PAG-ALALA at PAALA-ALA... pag-alala sa mga patay at paalala sa ating mga buhay!

Sabado, Oktubre 29, 2022

PINANDAK NG LIPUNAN: Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year C - October 30, 2022 - PRISON AWARENESS SUNDAY

"Sa hirap ng buhay ngayon... pandak na lang ang hindi tumataas!" Totoo nga naman. Mapa-kuryente, tubig, upa sa bahay, tuition fee sa eskwela, pamasahe sa sasakyan... halos lahat ata tumataas - pandak lang ang napag-iiwanan! Bakit nga ba maliit ang mga pandak?  Minsan, tinanong si Dagul: "Dagul... bakit ka pandak?" Sagot si Dagul: "Kasi, naulila ako ng maaga." Sagot sa kanya: "Teka... anung koneksyon nung pagiging ulila mo sa pagiging pandak mo?" Sagot ni Dagul: "Tanga ka ba? Ulila nga ako kaya WALANG NAGPALAKI SA AKIN!" 

Talagang kawawa ang mga taong pandak... karamihan sa kanila ay "walang nagpapalaki." Sa katunayan, mas lalo pa nga silang "pinapaliit" ng lipunan. Ito ang sitwasyon ni Zacheo sa Ebanghelyo: maliit na s'ya... minamaliit pa siya ng kanyang mga kababayan. Marahil dahil na rin sa kanyang trabaho na taga-kolekta ng buwis. Isang traidor sa kanilang bayan ang turing sa kanya sapagkat kinukuhaan n'ya ng pera ang kanyang mga kababayan upang ibigay lamang sa mga dayuhang Romano na sumakop sa kanila. Kasama na rin siguro ang maraming "kickbacks" sa kanyang mga nakolekta. Dahil dito sinadya ng mga taong hindi pasingitin si Zacheo sa kanilang hanay. Mas lalong naging pandak sapagkat walang nais tumanggap sa kanya... walang "nagpapalaki." Ngunit nagbago ang lahat ng matagpuan s'ya ni Hesus. Take note: Si Hesus ang nakakita sa kanyang nasaa itaas ng puno. Laking tuwa ni Zacheo ng sabihin ni Hesus na tutuloy s'ya sa Kanyang bahay. At iyon na ang naging simula ng kanyang pagbabagong buhay. Ang dating pandak ay tumangkad! Naging mataas, siguro hindi sa pagtinging ng tao... ngunit sa paningin ng Diyos. 

Tayo rin ay may pagkapandak kung atin lamang susuriin ang ating sarili. Mabuti na lang at may Diyos na laging handang tumanggap sa atin at palakihin tayo sa Kanyang paningin. Anuman ang ating mga nagawang pagkakamali at pagkukulang ay huwag sana tayong masiraan ng loob... may Diyos na nagmamahal sa atin at nakakaunawa sa ating kahinaan.   Kaya nga't ito ang nais ipahiwatig ng Diyos sa atin: Una,  may pag-asa tayo bilang mga taong makasalanan na bumangon at magbagong-buhay.  May Diyos na laging handang tumanggap sa atin sa ating "pagkapandak" dala ng ating mga kasalanan.  Ikalawa, na dapat din nating pataasin ang mababang pagtingin ng iba sa kanilang sarili.  Magagawa natin ito sa pagtanggap sa kanila at huwag silang pandirihan o isantabi. 
Kung minsan ang kinakailangan lang ng mga taong ito ay balikat na masasandalan, tengang marunong makinig, at pusong handang umunawa. Ikatlo, si Jesus ang nagpapatangkad sa atin at siya ang nagnanais na makituloy sa ating buhay.  Nasa atin ang pagpapasiya kung nais nating manatili sa ating pagkapandak.  Nasa atin ang desisyon kung papasukin natin siya sa ating "bahay" at hahayaan natin siyang baguhin ang ating buhay.  Kaya't magsumikap tayo na umahon sa ating "pagkapandak". 

Ngayon din ang Linggo ng Kamalayan Para sa mga Bilanggo. Pagkatiwala natin sa Diyos ang ating mga kapatid sa bilangguan na hinahatulan at hinuhusgahan ng ating lipunan.  Marami sa kanila ang "pinandak" ng lipunan sa mga kasalanang hindi naman nila ginawa.  Magkaroon tayo ng tunay na malasakit sa kanila.  Ang sabi nga sa Sulat sa mga Hebreo: "Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo ri'y dumaranas din ng ganoon." (Heb. 13:3) Doon lamang natin kasi maiintindihan ang kanilang katayuan at ang kahirapang kanilang nadarama.  

Lagi nating alalahanin: Tayong lahat ay pandak dahil sa ating kakulangan at kahinaan.  Ngunit gayunpaman, matangkad tayo sa mata ng Diyos dahil minahal Niya tayo ng lubos!

Sabado, Oktubre 22, 2022

PANALANGIN NG MAPAGKUMBABA: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year C - October 23, 2022 - WORLD MISSION SUNDAY

Lahat ba ng panalangin ay kinalulugdan ng Diyos? Ang sagot ay hindi! Ayaw Niya ng dasal ng mayayabang. Ayaw Niya sa mga taong ma-epal! Hindi Niya lubos na kinalulugdan ang DASAL-EPAL!  

Minsan may taong nagdarasal na palaging ibinibida ang kanyang sarili. Ganito parati ang laman ng kanyang panalangin: "Panginoon, maraming salamat po at ginawa mo akong mabuting Kristiyano hindi katulad ng iba d'yan na maraming bisyo at hindi nagsisimba, tapat ako sa asawa ko at hindi ako katulad ng kapitbahay namin na maraming kabit, nag-aabuloy ako sa Simbahan, tumutulong ako sa kawang-gawa di tulad ng iba d'yan na madamot at walang pakialam sa iba at higit sa lahat nagkukumpisal ako ng isang beses sa isang buwan di tulad ng ibang mahigit isang taon ng hindi nagkukumpisal..." Laking gulat n'ya ng sumagot ang Diyos: "Mapalad ka anak... mapalad ka!" " Tuwang-tuwa siyang tumingala sa malaking krusipihiyo na kung saan ay pinanggalingan ng mahiwagang tinig. "Talaga po Panginoon? Pero anung ibig mong sabihin Panginoon na mapalad ako?" Sagot ng mahiwagang tinig: "Mapalad ka at nakapako ang mga paa ko, kung hindi ay tinadyakan na kita!" hehehe... 

Kuwento lang naman ngunit may sinasabing malaki sa ating paraan ng pananalangin. Hindi naman nananadyak ang Diyos! Ayaw Niya lang talaga sa panalangin ng mga palalo at mayayabang. Ayaw niya ang "dasal-epal" Bakit? Sapagkat ang panalangin ng mga palalo ay hindi kumikilala sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Hindi bida ang Diyos sa kanilang panalangin bagkus ang sarili ang itinataas! Ang pagpapakumbaba ay mahalagang kundisyon sa tunay na pagdarasal. 

Tanging ang mga taong katulad ng publikano sa talinhaga, na handang umamin ng kanyang pagkakamali ang kinalulugdan ng Diyos sa kanilang panalangin. Kaya nga ang pagpapakumbaba ay isang mahalagang kundisyon sa tuwing tayo ay lumalapit sa Diyos.  Pansinin ninyo ang gawi ng publikano: "Samantala, ang publikano’y nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalan!" Ang mapagkumbabang panalangin ay nagpapakita ng ating pangangailangan sa awa ng Diyos at nagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan at kabutihan. 

Ang Santo Rosaryo ay panalangin ng mapagkumbaba.  Tandaan nating si Maria ang ating huwaran sa tapat at mapagkumbabang pagsunod sa kalooban ng Diyos.  Sino ba ang bida sa panalangin mo? Baka naman puro "Ako" ang laman ng ating panalangin at nakakalimutan natin "Siya" (ang Diyos) at "sila" (ang ating kapwa). Ang panalanging kinalulugdan ng Diyos ay ang panalanging nagbubunga ng paggalang at pagmamahal sa ating kapwa. Tandaan natin na ang kahinaan ng Diyos ay ang panalangin ng taong mapagkumbaba.  Kaya't wag maging epal sa pagdarasal!

Ngayon ang Linggo ng Misyong Pandaigdig o World Mission Sunday na kung saan ay inaalala natin ang mga kapatid nating nagpapalaganap at nagpapatotoo sa Mabuting Balita ni Kristo sa labas ng ating bansa.  Nagpapasalamat tayo sa kanilang sakripisyo at pag-aalay ng sarili sa "paglilingkod"  lalong-lalo na sa mga dukha at napapabayaan.  Dalawa ang kinikilalang Patron ng Misyon. Una, ay si San Francisco Xavier, isang paring Heswita na nagpakita na kakaibang sipag at dedikasyon sa pamamagitan ng paglalakbay sa malalayong lupain.  Nangaral siya at maraming nahikayat sa ating pananampalatayang Katoliko at ginugol niya ang kanyang buhay hanggang sa huli niyang hininga sa pagpapalaganap ng kanyng Mabuting Balita.  Ang pangalawa naman ay Santa Teresita ng Batang Jesus.  Hindi siya kasing sigasig ni San Francisco na naglakbay sa maraming bansa.  Sa katunayan ay nakakulong lamang siya sa apat na sulok ng kanilang kumbento, ngunit sa kanyang pag-iisa ay mas marami pa siyang kaluluwang nakatagpo at naihatid kay Kristo sa pamamagitan ng kanyang sakripisyo at panalangin. Sa mga simpleng gawain at sa pagtupad nito ng may pagpapakumbaba ay ginampanan ni Santa Teresita ang bokasyon o pagtawag ng isang misyonero. 

Marahil ay sinadya ng Simbahan na ideklara siyang Patron ng Misyon upang ipaalala sa atin na tayong lahat ay MISYONERO!  Katulad nga ng sinabi ng banal na Santo Papa Juan Pablo II, "Ang mamatay para sa pananampalataya ay pagtawag lamang para sa ilan, ngunit ang ISABUHAY ang pananampalataya ay pagtawag sa LAHAT!"  Ibig sabihin, kahit sino ay maaring magpatotoo kay Kristo. Kahit sino ay maaring maging MISYONERO.  

Ang kalakasan ng isang Misyonerong Kristiyano ay ang mapagkumbabang pananalangin sa harap ng Panginoon.  Ipanalangin sa ating pagrorosaryo ang gawain ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita ni Hesukristo.  Ipagdasal natin ang ating mga misyonero.

Sabado, Oktubre 15, 2022

PANGUNGULIT SA PANALANGIN: 29th Sunday in Ordinary Time Year C - October 16, 2022 - MONTH OF THE HOLY ROSARY

May isang estudyante namin ang nagtanong sa akin tungkol sa pagdarasal ng Santo Rosaryo.  Nagkataong dinarasal namin ito sa kalagitnaan ng tanghali na naka-broadcast sa apat na sulok ng aming paaralan.  Isa ito sa aming nakagawian kapag buwan ng Oktubre.  "Fadz, bakit paulit-ulit ang dasal natin ng Rosaryo?  Hindi ba bawal yun sa Bibliya?"  Obviously, hindi siya isang Katoliko ngunit nakita ko naman ang katapatan niya sa kanyang pagtatanong at hindi naman siya palaban na parang naghahanap ng away.  Kaya sinagot ko siya sa pamamagitan ng isang kuwento.  

May kuwento ng isang batang nagdarasal na sana ay bigyan s'ya ng bisikleta ng Diyos para sa kanyang birthday.  Halos araw-araw ay dumaraan siya sa Simbahan at sa isang sulok na kung saan ay may nakaluklok na maliit na estatwa ng Mahal na Birhen at lagi siyang nagdarsal ng rosaryo upang ipagdasal ang kanyang kahilingan.  Papalapit na ang araw ng kanyang kaarawan ngunit tila baga ayaw ibigay ng Diyos ang kanyang kahilingan.  Wala pa rin ni anino ng kanyang bisekleta.  Isang umaga ay nagkagulo sa loob ng Simbahan. Nawawala ang maliit na estatwa ng Mahal na Birhen!  Tinawag nila ang kura-paroko at napansin ng pari ang isang maliit na papel na nakaipit sa patungan ng estatwa.  Ganito ang nasulat: "Dear Papa Jesus,  mukha atang ayaw mong ibigay ang hinihingi kong bike.  Bahala ka! Kapag hindi mo ibinigay bukas ang hinihingi ko para sa aking birthday alam mo na na ang mangyayari... hindi ko ibabalik ang nanay mo?"  

Nakakapressure nga naman ang ganung panalangin hindi ba?  Wais na bata! Mautak! Bata pa lang kidnaper na! Sigurado akong bukas ay ibibigay na ng Diyos ang kanyang hiling na bisekleta! hehehe... Ngunit kung titingnan natin ay ito naman talaga ang nais ng Diyos kapag tayo ay nagdarasal.  Nais niyang kulitin natin Siya.  Nais niyang tayo ay magpumilit.  Nais niyang huwag tayong manghinawa sa ating paghingi.  

Ito mensaheng nilalaman ng kanyang talinghaga: may naghihintay sa mga taong nagtitiyaga at nagpupuimilit na ipagkaloob ang kanilang kahilingan.  Bagama't sa ating talinhaga ay parang hindi mabuti ang hukom sa pagbibigay ng kahilingan ng babaing balo, ngunit sa kabila ng kanyang pagmamatigas ay ibinigay niya pa rin ang ipinapakiusap nito. Bakit?  Dahil sa kanyang walang sawang pangungulit! "Bagamat hindi ako natatakot sa Diyos, ni gumagalang kaninuman, igagawad ko na ang katarungang hinihingi ng babaing ito sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka pa ako mainis sa kapaparito niya."  At inihambing ni Jesus ang kabutihan ng Diyos sa masamang hukom na kung nakayang pagbigyan ng hukom ang babaeng balo sa kanyang kahilingan ay paano pa kaya ang Diyos kapag kinukulit natin Siya sa pagdarasal sa ating mga kahilingan.  

Totoong ayaw ng Diyos ng mga panalanging walang kabuluhan na inuulit-ulit.  Ngunit hindi ito ang ipinupunto ng talinhaga!  Ang mensahe ng talinhaga ay ang kahalagahan ng pangungulit sa Diyos kung nais nating makamit ang ating nais. Ang pag-uulit ng ating paghingi sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal ay dahil may kaakibat itong paniniwala at pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos.  Ibig sabihin ay isa itong panalangin na may malalim na pananampalataya!  

Hindi ba't ganito ang pagdarasal dapat ng rosaryo?  Pinipilit at kinukulit natin ang Diyos sa pamamagitan ng pag-uulit ng Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati.  Huwag nating kalimutan ang pagninilay sa mga Misteryo na ating dinarasal at pag-uugnay nito sa ating buhay.  Ngayong buwan ng Oktubre, ang buwan ng Santo Rosaryo, ay nagpapa-alala sa atin ang Simbahang dasalin ang makapangyarihang panalanging ito sa paraang nararapat.  Magdasal tayo ng may pagkumbaba sapagkat kinalulugan ng Diyos ang mga may mababang kalooban at manalangin din tayo na taglay ang pusong mapagpasalamat sapagkat nagpapakita ito na tayo ay katiwala lamang ng Diyos sa lahat ng pagpapalang ibinigay niya sa ating buhay.  Ang sabi nga ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo: "Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagamat tila nagtatagal iyon."  

Kayat huwag tayong manghinawa sa pagdarasal.  Kung minsan ay nagtatagal ang Diyos sa pagsagot sa ating mga kahilingan. Kung minsan ay iba ang sagot Niya sa ating mga kahilingan.  Kung minsan nga ay hindi Niya ipinagkakaloob ang ating ipiangdarasal. Ngunit hindi ito dahilan upang panghinaan tayo sa ating paghingi. Mas madaling tanggapin ang kasagutan ng Diyos kung ito ay hinihingi ng isang puso na marunong magpasalamat.  Kapag kaya nating pasalamatan ang Diyos sa mabuti at masamang kaganapan sa ating buhay ay mas madaling matanggap anuman ang ibibigay Niya sa atin. Kaya nga bago humingi ay dapat marunong muna tayong magpasalamat sa Kanya!  

Sabado, Oktubre 8, 2022

PUSONG MAPAGPASALAMAT: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year C - October 9, 2022 - END OF SEASON OF CREATION

May puso ka bang marunong magpasalamat?  Nakakalungkot na kung minsan ay magaling tayong manghingi, pero ang tamad nating magpasalamat! Kalimitan, hindi natin napapansin na marami pala dapat tayong ipagpasalamat sa ating buhay. 

Si Juan ay isang batang masipag at maasahan sa gawaing bahay. May roon lang nga siyang masamang ugaling maningil sa lahat ng kanyang ginagawa. Minsan ay may pinuntahan ang kanyang nanay at iniwan sa kanya ang gawaing bahay. Katulad ng inaasahan ay malugod namang tinanggap ni Juan. Pag-uwi ng kanyang ina ay may nakita itong papel na nakapatong sa lamesa. Nakasulat: Naglinis ng bahay - sampung piso, naglaba ng damit - sampung piso, nagdilig ng mga halaman - sampung piso, nag-alaga kay junior - sampung piso... kabuuan: singkuwenta pesos. Ps. Yung sampung pisong karagdagan ay VAT. Ang masipag mong anak, Juan. Napangiti ang nanay, kumuha ng papel at nagsulat din: siyam na buwan kitang inalagaan sa aking tiyan - libre! Ipinanganak kita - libre! Pinakain at pinag-aral - libre! At ngayon mahal kong anak may lakas ng loob kang singilin ako? Patawarin mo ako anak, walang pera ang nanay, wala akong maibibigay sa iyo. Ang nagmamahal mong ina - Juana. Kinabukasan ay nagising si Juan at nakita ang sulat sa kanyang kama. Binuksan iyon at ng nabasa niya ay natulala siya. Kumuha ng isang papel at muling nagsulat. Dear inay... pinapatawad ko na po kayo! hehehe... 

Hindi ba't nakasasama ng loob kapag may mga taong katulad ni Juan na hindi nakikitang may mga tao pala tayong dapat pasalamatan sa ating buhay?  Katulad ng kuwento sa Ebanghelyo, nakakalungkot na hindi naisip ng siyam na ketonging bumalik kay Jesus at pasalamatan siya sa pagpapagaling na ginawa niya para sa kanila. Mula sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus, ay iisa lamang ang naglakas-loob na magpalasalamat! At ang higit na nakalulungkot ay isang Samaritano, na mortal na kaaway ng mga Hudyo, ang tanging nakaalalang magbigay ng pasasalamat. 

Bakit kaya ganyan tayong mga tao? Kay bilis nating makalimot! Ang Diyos, kung magpadala sa atin ng biyaya ay "siksik, liglig, at nag-uumapaw," ngunit bakit kung minsan ay nakakalimot tayong magpasalamat? Tingnan natin ang laman ng ating mga panalangin, magugulat tayo na ang karaniwang uri ng ating pagdarasal ay "paghingi". Kadalasan ang lagi nating sinasambit ay "PENGINOON... PENGINOON!" sa halip na PANGINOON, PANGINOON!" Ang lakas nating humingi sa Diyos, ang hina naman nating magpasalamat. 

Hindi ako naniniwalang wala tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos. Sapagkat lahat ay biyaya na nagmumula sa Kanya! "Everything is grace!" ayon kay San Pablo. Kahit nga ang masasamang nangyayari sa atin ay maari nating tawaging "blessing in disguise" sapagkat ang "Diyos ay nakapagsusulat ng diretso sa baku-bakong linya." Ibig sabihin ay laging may mabuting dahilan ang Diyos sa masasamang pangyayari sa ating buhay. 

"Gratitude is the language of the heart" sabi nga sa Ingles.  Kung bukas ang ating palad sa pagtanggap sa Kanyang maraming biyaya, ay dapat bukas din ang ating puso sa pagbibigay pasasalamat sa Kanya!  Una, pasalamatan natin ang Diyos sa regalong buhay na ipinagkaloob niya sa atin.  Gumising tayo kaninang humihinga pa, ipagpasalmat natin sa kanya! "Every gising is a blessing!" Kaya nga't dapat nating alagaan ang ating buhay at gayundin ay igalang natin ang buhay ng iba.  Walang puwang sa isang Kristiyano ang tinatawag na "culture of impunity" na kung saan ay kinukunsinti natin at hinahayaan natin ang paglapastangan sa dignidad ng buhay ng tao!   

Ikalawa, pasalamatan natin ang Diyos sa regalong pamilya.  Ang mabuting lipunan o maging simbahan ay nangangailangan ng mabuting pamilya.  Hindi tayo ang pumili ng ating mga pamilya, ito ay ipinagkaloob ng Diyos sa atin kaya't dapat nating pahalagahan at pangalagaan.  May mga nagtatangkang sirain ang regalong ito, labanan natin!  Naririyan na ang usapin ng diborsiyo na kung saan ay nakaamba nitong lapain ang kapayapaan sa loob ng pamilya.  Sa katunayan ay nakabinbin na ito sa ating kongreso at nanganganib na maipatupad.  Ngunit gayunpaman ay mananatiling matatag ang paniniwala ng Simbahan na ang "pinagsama ng Diyos ay 'wag paghiwalayin ng tao!"  Ipaglaban natin ito bilang mga tagasunod ni Kristo. Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng pamilya, na sa kabila ng maraming pagsubok ay pinapanatili N'ya pa ring matatag ang pamilyang Pilipino

Ikatlo, sa pagtatapos ng Panahon ng Paglikha ay pasaamatan natin ang Diyos sa regalong kalikasan.  "The earth is our common home."  Ito ang paalala sa atin ni Papa Francisco.  Kaya't pigilan natin ang pagsira at pang-aabuso sa ating inang kalikasan at sa mga nilikha ng Diyos.  Pakinggan natin ang panaghoy ng mundong ating ginagalawan.  Kung magiging sensitibo lamang tayo sa unti-unting pagsira ng ating kabundukan, kagubatan at karagatan na ginagawa ng ating mga kapatid sa ngalan ng pag-unlad ng ekonomiya ay marahil mapipigalan natin ang pagguho at pagkawasak ng ating nag-iisang tahanan.  At ang tahanan ay dapat pinahahalagahan, inaalagaan, ipinaglalaban.

Sanayin mong magkaroon ng isang PUSONG MAPAGPASALAMAT.  Mamayang gabi, bago ka matulog, bilangin mo ang mga biyaya mo, isulat mo sa isang papel at magpasalamat ka sa Kanya. Kapag may pagpapala ka ay ibahagi mo. Isang paraan yan ng pagsasabing ang iyong biyayang natanggap ay hindi sa iyo kundi ito ay kaloob ng Diyos.  Kapag araw ng Linggo magsimba ka sapagkat ang Santa Misa ang pinakamataas na pasasalamat na maari nating ibigay sa Kanya.

Ito ang puso ng isang katiwala.  Naniniwala tayo na kung anumang mayroon tayo ay isinusulit lamang natin sa ating Manlilikha.  Kaya nga't nangangahulugan ito ng pagbibigay ng ating buong buhay sa Diyos!  Magpasalamat ka tuwina! Walang mawawala sa 'yo, bagkus ay magkakamit ka pa nga ng biyaya sapagkat kinalulugdan ng Diyos ang taong marunong magpasalamat! 

Sabado, Oktubre 1, 2022

MAPAGKUMBABANG KATIWALA: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year C - October 2, 2022 - 5th SUNDAY: SEASON OF CREATION

Malakas ka ba sa Diyos?  May mga taong ang nakagawiang gawain ay maghanap ng mga magdarasal para sa kanila lalo na kapag lumalapit na ang Undas.  Naniniwala sila na mas mapapadali ang paglapit  ng kanilang kahilingan sa Diyos kapag ipinadaan ito sa mga "mandarasal."  Para sa kanila, sila ay "mga taong mas malakas sa Diyos."  Hindi tumatanggap ang "mandarasal" ng bayad bilang kabayaran sa kanilang pagdarasal.  Mawawala daw ang lakas ng panalangin kapag nagpapabayad sila ngunit maaari silang tumanggap ng "donasyon" sa abot ng makakayanan ng taong nagpadarasal.  Kung minsan, kaming mga pari ay paborito ring lapitan ng mga nanghihingi ng panalangin. May nagpapabless ng lapis kapag malapit na ang board exam.  May nagpapapray-over kapag magbibiyahe o kapag may iniindang sakit sa katawan.  Paborito rin kaming gawing "prayer leader" kapag may pagtitipon.  Kapag tinanong mo kung bakit ang sagot ay: "dahil mas malakas ka sa Diyos padre!"  Ganun ba yun?  May mga tao bang mas "malakas" sa Diyos?  

May kuwento ng isang muslim, buddhist monk, at isang pastor na "Born Again" na nagpaligsahan kung sino sa kanila ang mas malakas na Diyos. Umakyat sila sa isang mataas na tore at nagkasundong magpatihulog at tumawag sa kanyang Diyos na pinagdarasalan. Ang Diyos na dirinig sa kanilang pagtawag ang tatanghaling "malakas sa Diyos". Naunang tumalon ang Muslim. Habang nahuhulog ay sumigaw siya ng "Allah... tulungan mo ako!" Lumagpak siya na parang sako ng bigas sa sahig! Ang milagro, hindi siya namatay ngunit nabalian lang ng ilang buto. Sumunod namang tumalon ang Buddhist at sumigaw "Buddha... tulungan mo ako!" Laking pagkagulat niya nang bigla siyang lumutang sa hangin at bumagsak na parang bulak sa lupa. Walang sugat, walang galos! Ngayon naman ay ang pastor. Tumalon siya at puno ng kumpiyansang sinabing: "Panginoong Hesus, aking Diyos at personal na tagapagligtas tulungan mo ako!" Walang nangyayari! Bumilis ng bumilis ang kanyang pagbulusok paibaba. Nang malapit na siya sa lupa ay bigla siyang sumigaw ng: "Buddha... ikaw na lang... iligtas mo ako!"  

May tawag sa ganitong uri ng tao: balimbing!  Marami sa atin ang "balimbing sa pananampalataya."  Panay "praise the Lord" kapag lubos-lubos ang pagpapala, ngunit kapag nakakaranas na ng kahirapan ay "goodbye Lord" na!  Marami siguro sa atin ay may kahinaan sa ating panalangin.  Kaya nga ang panalangin ng mga alagad ay atin ding panalangin: "Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!"  

Malimit nating naririnig ang salitang "pananampalataya".  Sa katunayan ay malimit nating ginagamit ito sa ating pang-araw-araw na buhay na marahil ay hindi natin namamalayan.  Halimbawa, sa tuwing tayo ay kumakain sa isang fastfood restaurant o kaya naman sumasakay ng pampublikong sasakyan ay ipinagkakatiwala natin ang ating buhay sa mga taong hindi naman natin kilala.  Paano tayo nakasisigurong malinis ang ating pagkaing kinakain o kaya naman ay ligtas magmaneho ang driver na ating sinakyan?  Pero naniniwala tayo at nagtitiwala sa kanila.  Kung minsan ay maririnig din natin sa mga estudyante na: "Malapit na exams... bahala na!"  O kaya naman kapag hindi handa at hindi nakapag-aral: "Sige na nga... bahala na si Batman!"  

Ang ganitong uri ng pag-uugali ay maari nating maiugnay sa ating pananampalatayang espirituwal.  Sa katunayan ang salitang "bahala na" ay nanggaling sa salitang "Bathala na!"  Kung kaya't masasabi natin na ang ating "tadhana" ay nakaugnay sa ating pagkilala kay "Bathala", na ang salitang "fate" ay hindi natin mahihiwalay sa ating "faith".  Hindi kinakailangang malaki agad ang pananampalaayang ito.  Ang sabi ng Panginoon sa ating Ebanghelyo: "Kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, 'Mabunot ka, at matanim sa dagat!' at tatalima ito sa inyo."  Ang butil ng mustasa ay napakaliit ngunit sa kaliitan nito ay nakikita ng Diyos ang mala-bundok na pananampalataya ng isang taong tunay na nanalig sa kanya.  

Itinanim sa atin ang butil ng pananampalataya noong tayo a bininyagan ngunit nakakalungkot na ang pananampalatayang ito ay marami sa atin ang hindi inalagaan at dahil dito ay napabayaan.  Ipagpasa-Diyos natin ang hinaharap ngunit kumilos din tayo sa kasalukuyan.  Sabi nga ng ating kasabihang gasgas na sa pandinig: "Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!" Hindi masamang umasa sa awa ng Diyos.  Ngunit mahalaga rin na sa ating pagpapasa-Diyos ng ating hinaharap ay kumilos naman tayo sa kasalukuyan!  

Ang ating unang pagbasa sa Aklat ni Habakuk ay paglalarawan sa mga nangyayari sa atin ngayon sa kasalukuyan: " Bakit ang ipinakikita mo sa akin ay pawang kasamaan at kahirapan? Sa magkabi-kabila’y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan; laganap ang hidwaan at pagtatalo."  Dito ay talagang nangangailangan tayo ng malalim na pananampalataya.  Hindi sagot ang panghuhusga at karahasan upang malutas natin ang suliranin ng ating lipunan.  Bilang isang Kristiyano ang kasagutan natin ay ang pagbabahagi ng pag-ibig, pag-asa at habag ng Diyos sa ating kapwa. Totoong kung minsan ay mahirap tanggapin ang kalooban ng Diyos lalo na't ito ay taliwas sa ating kagustuhan. 

Dito natin kinakailangan ang pagpapakumbaba bilang mga tapat na alipin ng ating Panginoon. Ang tapat na alipin ay handang maglingkod kahit na ito ay nangangahulugan ng kahirapan sa pagsunod. Walang siyang maipagmamalaki sa kanyang sarili! Ginagawa lamang niya ang dapat niyang gawin. Sa kahuli-hulihan ito lamang ang kanyang masasabi pagkatapos niyang sundin ang kalooban at utos ng kanyang panginoon: "Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin." Ito ang pananampalatayang  mapagkumbaba na tulad ng butil ng mustasa, maliit ngunit kayang gumawa ng malaking himala. Kailangan natin ng mas malakas na pananampalataya upang sabihing "kung wala ang Grasya ng Diyos... wala rin tayo!" Ang pananampalataya ang ating pagtugon sa Diyos na lumalapit sa atin at nag-aalok ng Kanyang pagmamahal. Ito ay ang ating pagtanggap sa Kanya. 

Ang ikalimang Linggo ng Paglikha ay nag-aanyaya sa ating pagnilayan ang pangangailangan ng pagkakaroon natin ng isang "Ecological Spirituality." Ang Ekolohikal na Espirituwalidad ay bunga ng malalim na pagbabagong ekolohikal ( ecological conversion) na nakakatulong sa atin upang madiskobre ang Diyos sa lahat nang gabay sa parehong kagandahan ng sangnilikha at sa mga buntong hininga ng mga may sakit at mga hinagpis ng mga nahihirapan, sa kamulatan na ang Espiritu ng buhay ay hindi hiwalay sa mga reyalidad ng mundo.  Nangangahulugan ito ng isang pamumuhay na nakaugat sa isang pagiging tapat na katiwala ng Diyos na may mapagkumbabang pananampalataya.

Tandaan natin na tayo ay "katiwala" lamang ng Panginoon sa kanyang mga nilikha.  Ang Diyos ang tunay na nagmamay-ari ng mundo kaya't walang dahilan upang lapastanganin at sirain natin ito.  Araw-araw ay ugaliin natin at gawing bahagi ng ating buhay ang pag-aalaga sa ating Inang Kalikasan.  Maging mga responsable tayong mga katiwala na ginagampanan lamang ang ating tungkulin. 

  







Sabado, Setyembre 24, 2022

KRISTIYANONG PAKIKIALAM: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year C - September 25, 2022 - 4TH SUNDAY OF SEASON OF CREATION

Madalas tayong makakita ng sign boards sa mga daanan.  Kalimitan, makikita natin sa mga malalaking kalsada ang karatulang: "BAWAL TUMAWID! NAKAMAMATAY!" Ngunit kakaiba itong nakita ko minsang ako ay tumawid sa isang kalsada.  Ganito ang nakasulat:  BAWAL "MAKIALAM, NAKAMAMATAY!" Ayaw natin sa mga pakialamero at pakialamera di ba?  Ayaw nating may nanghihimasok sa ating buhay!  

May kuwento ng isang pari na masyadong passionate sa kanyang pagbibigay ng homiliya.  Minsan ay ipinapaliwanag niya ang sampung utos.  Ang sabi niya: "Mga kapatid, sinasabi sa ika-limang utos, "huwag kang papatay!"  Kaya't masama ang pumatay!"  Biglang sigaw ang isa sa mga nagsisimba? "Amen! Father! Amen!"  Itinuloy ng pari: "Sinasabi ng ika-pitong utos, huwag kang magnanakaw!  Masama ang kumuha ng pag-aari ng iba!"  "Amen! Father! Amen!" sigaw muli ng lalaki.  Ginanahan tuloy ang pari at sinabing: "Huwag kang makikiapid!  Kaya bawal, ang magkaroon ng relasyon sa hindi mo asawa! Bawal ang may-kabit!"  Biglang sigaw ang lalaki: "Aba, padre! Hindi na ata tama yan! Sumusobra ka na! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ko! Wag mo 'kong pakiaalaman!"  

May nabasa akong mga post sa FB para mga mahilig makialam sa buhay ng iba: "Dear PAKIALAMERA, May sarili kang buhay di ba? Bakit pati sa buhay ko nakikisawsaw ka?"   Eto pang isa; "Alam mo, napapabayaan mo na ang sarili mo. Wala ka kasing ibang inintindi kung ang PAKIALAMAN ANG BUHAY NG IBANG TAO!"  May mga tao kasing kina-career na ang pakikialam sa buhay ng iba.  Nauso ang mga Marites, Marissa, Mariposa at iba pa na pareho lang ang tinutumbok: ang pakialaman ang buhay ng iba!  

Kung ganun, masama ba ang pakikialam?  Hindi lahat ng pakikialam ay masama o kaya naman hindi lahat ng hindi nakikialam ay mabuti!  Sa katunayan ay ito ang kasalanan ng mayaman sa talinhagang isinalaysay ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo.  Masama ba ang mayaman dahil sa nilait niya si Lazaro? Walang sinabi sa Ebanghelyo na masamang tao ang mayaman.  Ang kanyang kasalanan ay ang kanyang pagwawalang-bahala kay Lazaro na nasa labas lamang ng kanyang bahay at namamatay sa gutom samantalang siya ay sagana sa damit at pagkain sa hapag kainan.  Walang pakialam ang mayaman sa kalunos-lunos na kalagayan ni Lazaro.  Wala siyang ginawa upang maibsan, kahit kaunti lamang, ang paghihirap ng isang tao.  Kaya nga't hindi lahat ng hindi pakikialam ay mabuti. Ang tawag sa ganitong uri ng pagkakasala ay sin of omission.  May mga kasalanan tayong naako dahil sa ating pagtahimik at hindi pagkilos sa kabila ng ating kakayahang makagawa ng mabuti.  

Tayong mga Kristiyano ay tinawag ni Jesus na makialam sapagkat ang Diyos mismo ang unang nakialam sa atin.  Ipinamalas niya ang kanyang malasakit sa atin sa pamamagitan ng kanyang pagliligtas sa pagbibigay sa atin ng kanyang bugtong na Anak.  Nakialam Siya sa ating abang kalagayan sapagkat mahal Niya tayo at ayaw Niya tayong mapahamak. Ang sabi ni San Juan:  "Gayon na lamang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak..." (Jn 3:16)  Ngunit ang ganitong pakikialam ay posible lamang kung mayroong kasamang PAGKABAGABAG! Nagpakita ng habag ng Diyos sa atin sapagkat nabagabag siya sa ating abang kalagayan.  Ang tawag natin sa ganitong uri ng panghihimasok ay MABUTING PAKIKIALAM!  Tandaan natin na tayo ay magkakapatid sa pananampalataya.  Ang kabutihan ng isa ay kabutihan ng lahat at ang kapahamakan ng isa ay kapahamakan ng lahat.

Ano ang hinihingi nito sa atin?  Una, ito ay nangangahulugan ng pagtatama sa mali! Ang mabuting pakikialam ay may lakas ng loob upang ituwid ang kanyang kapatid na napapariwara. Ang kanyang layunin ay kabutihan at hindi kasiraan ng kanyang kapwa.  Ang tawag din dito ay fraternal correctionAng isang Kristiyano ay dapat nababagabag kapag nakikita niya ang kanyang kapatid na nagkakasala o hindi gumagawa ng tama.  Ngayon marahil ay maiintindihan natin kung bakit ang Simbahan ay kailangang makialam kapag may nakikita siyang mali sa ating lipunan.  Hindi siya maaring manahimik kapag may paglabag sa kalooban ng Diyos at paglapastangan sa Kanyang mga utos.  Hindi siya maaaring manahimik kapag nayuyurakan ang karapatang pantao o ang dignidad ng isang tao lalo na ang mga walang kalaban-laban at mahihirap.    Naniniwala ang Simbahan na sapat lamang na isang mabuting Kristiyano ang manahimik sa harap ng maraming pagkakamali, at ito ay sapat na upang lumaganap ang kasamaan sa mundo.  

Ikalawa, ang mabuting pakikialam ay ang atin ding pakikiisa sa mga mahihirap.  Hindi kinakailangang gumawa ng malalaking bagay para sa kanila.  Kung minsan ay sinisisi natin ang Diyos sa mga kahirapang nangyayari sa ating paligid, ngunit sino ba ang may kagagawan nito?  Ang sabi ni St. Mother Teresa ng Calcutta: "Poverty is not made by God, it is created by you and me when we don't share what we have."  Huwag sanang maging manhid ang ating budhi sa pangangailangan ng iba.  Huwag tayong maramot sapagkat kung ano man ang mayroon tayo ay galing naman ang mga ito sa Panginoon.  Sa katunayan ay katiwala lamang tayo ng mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin.

Ikatlo, makialam din tayo para sa kapakanan ng ating kapaligiran, ng ating mundo, na siyang ating nag-iisang tahanan, "our common home!"  Ang pakikialam na ito ay dapat magdala sa atin sa tamang "Ecological Education" na kung saan ay pinalalalim natin ang ating kaalaman sa tamang ugnayan natin sa sangnilikha sa pamamagitan ng pag-aaral, pagninilay at pagsasabuhay ng ating tungkulin bilang mabuting katiwala ng Panginoon.  Kasama rin dito ang pagpapalganap ng kamalayang ekolohikal at mapagpapabagong pagkilos upang mapahalagahan at mapangalagaan natin ang mga nilikha ng Diyos.  Makialam tayo kung nakikita natin ang unti-unting pagsira ng ating kalikasan at kapaligiran. Ito'y nangangailangan ng ating sama-samang pagkilos upang manindigan sa ating pagiging katiwala ng Panginoon.  

Sa padiriwang ng Panahon ng Paglikha, magkaroon tayo sana tayo ng mabuting pakikialam upang pangalagaan ang kalikasang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.  Magkaroon tayo ng MABUTING PAKIKIALAM sa ating kapwa!  Isang pakikialam na dala ng ating pagkabagabag sa mga kamaliang nakikita natin sa ating paligid.  Isang pakikialam na may malasakit sa kapakanan ng mga mahihirap.

Tanungin natin ang ating mga sarili:  Isa ba ako sa mga nasasa-walang kibo o walang pakialam kapag nilalapastangan ang ating kalikasan o ang ating mundong tahanan?  

Sabado, Setyembre 17, 2022

MATALINONG KATIWALA: Reflection for the 25th Sunday in Ordinary Time Year C - September 18, 2022 - 3rd SUNDAY OF SEASON OF CREATION

Bakit nga ba tumatalino ang tao kapag pera ang pinag-uusapan, lalo na siguro kapag kuwentahan ng sukli o babayaran?  Minsang sumakay ako ng pampasaherong jeep.  Ibinigay ko ang aking bayad at isang bata ang tumatanggap nito at nagbalik ng sukli.  Sa pakiwari ko ay anak siya ng driver ng jeep at hindi pa siguro graduate ng elementarya ang batang iyon ngunit manghang-mangha ako sa galing niyang magkuwenta ng sukli.  May nagbayad na pasahero isandaang piso ang ibinigay.  "Isang senior yan, dalawang estudyante, at isang ordinaryo!" Gamit ang utak bilang calculator, ay agad niyang natuos kung magkano ang dapat bayaran at agad-agad ibinigay ang sukli! Ang galing!  Pero pasang-awa ang grade n'yan sa Mathematics!  

Bakit kapag pera ang pinag-usapan, marami sa atin ang tuso? Ang mga bobo ay nagiging matalino. Ang walang pinag-aralan nagiging henyo!  Halimbawa ang kuwentong ito:  Isang lalaki ang pumasok ng simbahan at nagdasal kay Santiago Apostol. "Poong Santiago, bigyan mo ako ng isang malaking kabayo at ipagbibili ko. Ang pagkakakitaan ay paghahatian natin ng pantay. Kalahati sa 'yo at kalahati sa simbahan. Laking pagkagulat niya ng pag-uwi niya sa bahay ay nakakita siya ng malaking kabayo sa harap ng kanyang bahay. Nilapitan niya ito at sinakyan at kataka-takang hindi ito umalma. "Ito na nga ang kabayong kaloob ni poong Santiago!" Kayat dali-dali niya itong dinala sa palengke. Sa daan ay nakakita siya ng isang manok na pilay. Hinuli n'ya ito upang ipagbili. Pagdating sa palengke ay nilagyan niya ng presyo ang kanyang mga paninda. Ang lahat ng nakakita ay tumatawa. Nakasulat: Manok = 100,000 pesos, Kabayo = 20 pesos. Pero may pahabol na ganito ang sinasabi:  "Puwede lang bilhin ang kabayo kung bibilhin din ang manok!" Isang mayaman ang nagkainteres sa kabayo kaya't napilitan din itong bilhin ang manok. Dali-daling bumalik sa simbahan ang lalaki. Dumukot sa kanyang wallet ng pera at sabay sabing: "Poong Santiago... eto na ang parte mo!" At naglabas siya ng 10 piso at inilaglag sa collection box! 

May tawag sa ganitong uri ng tao... SWITIK!  Magaling dumiskarte! Matalino! Tuso! Ganito rin ang kuwento ni Hesus sa talinhaga. Ngunit huwag tayong magkakamali. Hindi pandaraya ang itinuturo ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon. Hindi pinuri ni Jesus ang pandarayang ginawa niya. "Pinuri ng Panginoon ang magdarayang katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito."  Alam nating walang pandaraya sa bokabularyo ng isang tagasunod ni Kristo.  Bakit dapat tayong maging matalinong katiwala ni Kristo?  "Sapagkat amg mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa maka-Diyos."  Ang nais niya lang bigyang diin ay dapat tayo rin, bilang mga Kristiyano, ay matalino pagdating sa mga espirituwal na gawain at alalahanin.  At paano tayo magiging matalinong Kristiyano?  Ang isang matalinong Kristiyano ay dapat may takot sa Diyos!  

Ang sabi sa aklat ng Ecclesiastico: "Ang takot sa Panginoon ay Karunungan at kaalaman. (Ecc. 1:27) Kung bakit laganap ngayon ang masasamang gawain  o kaya naman ay nasasadlak ang ating lipunan ngayon sa problema ng droga at maraming imoral na gawain ay sapagkat marami na sa atin ang walang takot sa Diyos!  Sapagkat ang taong may takot sa Diyos ay unang-una, may pagpapahalaga sa kanyang buhay.  Hindi s'ya gagawa ng mga bagay na makasisira sa kanyang katawan at kaluluwa at katawan tulad ng pagkalulon sa bisyo.  Ngunit marami pa rin sa atin ang hangal sapagkat pagkatapos ng maraming paalala at pangaral ay tuloy pa rin sa labis na paninigarilyo, pag-inom at paggamit ng salot na droga!    

Pangalawa, ang Kristiyanong may takot sa Diyos ay may pagpapahalaga rin sa buhay ng iba!  Alam niya na ang tao ay hindi parang lamok na puwede mong patayin kapag nakita mong dumapo o kahit nagbabalak pa lang na dumapo sa 'yo!  Isipin sana ng mga gumagawa nito na ang mga taong kanilang pinapatay ay may pamilya rin, may asawa, anak at mga mahal sa buhay na kanilang maiiwan. Ang mga taong nagsasagawa ng "extra-juducial killing" ay masasabi nating mga taong walang takot sa Diyos! 

Pangatlo ang mga taong walang takot sa Diyos ay hindi sumasamba at nagmamahal sa Kanya. Malinaw ang sabi ni Hesus:"Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Hindi ninyo mapagliling-kuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”  Kung may pera man tayo o kayamanang taglay, minana man o pinaghirapan, lagi nating pakatandaang ito ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos at dapat gamitin sa tamang paraan. Kung kaya nating mag-aksaya ng oras at pera sa gimik at galaan, sa computer, o kaya ay magbabad sa harapan ng telebisyon o sinehan, dapat kaya rin nating maglaan ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Biblia, pagsisimba t pagkakawang-gawa.  Tayo ay katiwala lamang ng mga biyaya na Kanyang kaloob.  

Isama na rin natin ang matalinong pagggamit ng biyaya ng kalikasan na kanyang ipinagkaloob sa atin.  Kung ituturing lamang nating iisang tahanan, "Our Common Home" ang mundong ating tinitirhan ay marahil mas magiging matalino ang ating pag-aalaga dito.  Hindi tayo gagawa ng anumang bagay o desisyon na makakasira sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.  Hindi natin hahayaang maghari ang kasakiman at kayabangan na nagsasabing: "Akin lang ang mundong ito at gagamitin ko ito sa nais kong pamamaraan!"   Maging matalino sana tayo at lagi nating isiping mga katiwala lamang tayo sa kaloob ng Diyos.  Kung may angkin tayong kayamanan, talino at galing, ay isipin nating ito ay hindi lamang para sa atin kundi para rin sa iba. "Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkaka-tiwalaan din sa malaking bagay..." sabi ni Hesus.  

Ang ikatlong Linggo ng Panahon ng paglikha ya nanawagan sa atin na ugaliin ang isang simple at sustinableng pamumuhay na nakaugat sa kasapatanIpinangako ng Diyos na ang lahat na Kaniyang nilikha ay sapat para sa  lahat na mabuhay sa sustenableng pamumuhay.  Ang kasalukuyang mga paghihirap na ating nararanasan ay  madalas bunga ng maling paggamit ng mga teknolohiya na dikta ng maaksayang istilo ng pamumuhay na lubos na nagpapahalaga sa mga bagay na materyal at nagtutulak sa tao sa kasakiman at pagkamakasarili.  Marami sa atin ang nangangarap ng mas simpleng buhay – isang buhay na walang kaguluhan.  Ang simpleng buhay ay maaaring simulan sa paglingon sa Diyos at pag alis ng anumang espirituwal na paghahangad na nagdudulot ng kasakiman sa ating buhay.  Ang paghahangad ng simpeng buhay ay maghahatid sa atin ng tamang pagpapahalaga sa mga bagay na kaloob sa atin ng Diyos lalong-lalo na sa biyaya ng kalikasan. 

Huwag tayo maging bobong Kristiyano.  Sa halip ay i-level up natin ang ating pagiging alagad n ni Kristo.  Gamitin natin ang ating angking galing at talino upang maging mga tunay na matatalinong katiwala ni Kristo!  Tanungin natin ang ating mga sarili:  Nabubuhay ba akong payak na may pagpapahalaga sa mga nilikha ng Diyos?

Sabado, Setyembre 10, 2022

ANG PABORITO NG DIYOS: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year C - September 11, 2022 - SEASON OF CREATION

May paborito ba ang Diyos? Marahil, sa ating mga tao ay natural na ang may itinatangi, may pinapanigan, may espesyal sa paningin... may "apple of the eye" kung tawagin. Ngunit ang Diyos... na lubos na makatarungan at pantay kung magmahal... may paborito rin kaya S'ya?  Hanapin ang sagot sa kuwentong ito... 

May isang pari sa isang parokya na binansagang "Padre Kuliling".  Hindi dahil sa may pagkakulang-kulang s'ya kundi dahil sa kanyang kakaibang 'gimik" kapag siya ay nagpapakumpisal.  May dala-dala s'yang maliit na "bell" na kanyang pinapatunog upang sabihin sa mga taong tapos na ang nagkukumpisal at pinatawad na ang kanyang kasalanan. Eto ang mas nakakaintriga, napansin nila na ang haba ng tunog ng "bell" ay depende sa dami ng kasalanan ng nagkumpisal!  Minsan, ay nagkumpisal ang tinuturing nilang "pinakamakasalanan sa parokya!"  Isa siyang kilalang babaero, sugarol, lasenggero, at halos taglay na niya ata ang lahat ng "bisyo".  Nag-abang ang mga tao kung gaano kahaba ang kanilang maririnig na tunog ng bell. Nagtaka sila sapagkat nakakatrenta minutos na ay wala pa silang naririnig. "Baka, hindi na nakayanan ni Father... baka hinimatay na s'ya!" ang sabi nila. Laking pagkagulat nila ng biglang lumabas si Father sa kumpisalan at karipas na tumakbong palabas ng simbahan. Nagtungo siya sa kampanaryo ng simbahan at narinig ang sunod-sunod na tunog ng kampana... "Booong! boong! bong! booong!" 

Kung mayroon mang paborito ang Diyos sila ay walang iba kundi ang mga makasalanan na handang magbalik-loob sa Kanya.  Ang pagbabalik-loob ng isang taong makasalanan ay kagalakan para sa ating Diyos at dahilan upang magdiwang Siya ng isang tagumpay!  Sa Ebanghelyo ay ikinumpara Siya sa isang pastol na naghanap at nakasumpong sa kanyang nawawalang tupa o kaya naman ay sa isang babaeng nakasumpong sa kanyang nawawalang salaping pilak. Lubos ang kanilang kagalakan sapagkat nagbunga ang kanilang ginawang paghahanap.  Pansinin natin ang sinabi sa talinhaga na ang ang pastol ang naghanap sa kanyang nawawalang tupa.  Gayundin ang ang babae ang masusing naghanap sa kanyang nawawalang salaping pilak. 

Ito ang isang katotohanan na dapat nating maunawaan: tayong lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan, ay pinagtitiyagaan ng Diyos! Lagi Niya tayong hinahanap at hinihintay Niya ang araw na tayo ay Kanyang masusumpungan.  Ang Banal na Kasulatan, mapaluma o bagong tipan  ay punong-puno ng mga paglalarawan ng pagkamahabagin ng Diyos sa mga makasalanan.  Sa Ebanghelyo ay may mga tagpo na kung saan ay ipinapakita ang pagkiling ng Diyos sa mga kasalanan.  Naririyan ang pagpasok ni Jesus sa bahay ni Zakeo at pakikisalo sa  kanila sa hapag kainan.  Naririyan din ang tagpo ng babaeng makasalanang lumapit sa kanyang paanan upang hugasan ang kanyang paa ng luha bilang tanda ng kanyang pagsisisi at marami pang kaparehong tagpo.  Lahat sila ay nagpapakitang may pagkiling ang Diyos sa mga makasalang handang magsisi at magbalik-loob sa kanya.  Siya ay puno ng pagpapasensiya at pagpapatawad sa kabila ng katigasan ng ating puso.

Sa tuwing lumalapit tayo sa Sakramento ng Pagbabalik-loob, ito ay hindi sapagkat ginusto natin. Ito ay sapagkat may Diyos na naghihintay sa atin at Siya ang nagtutulak sa ating magbago at magbalik-loob.  Kailan na ba ang huling kumpisal mo?  Ano ang pumipigil sa iyo para magsisi at lumapit sa kumpisalan?  Kung ikaw man ay nakakaramdam ng pagkahiya o pagkamaliit dahil sa marami mong kasalanan ay lagi mong isipin na ang Diyos ay mapagtimpi at alam Niya ang iyong kahinaan at kakulangan.  Sapat lamang na tayo ay magpakumbaba at aminin ang ating kakulangan at pagkakamali tulad ng ginawa ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa.  Naunawaan ni San Pablo na "paborito" siya ng Diyos kaya't hindi niya nahiyang aminin ang kanyang pagiging makasalanan: "At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga..."  

Kung ang Diyos ay mapagpasensiya sa atin ay dapat tayo rin ay maging mapagpasensiya sa ating mga sarili.  "Be patient because God is patient with you."  May tatlong hakbang para makamit natin ang kapayapaan sa ating mga sarili: pag-amin sa ating pagkakamali, pagpapasensiya at pagpapatawad.  Ito ay totoo sa usapin ng pagiging responsableng katiwala ng Diyos para sa kanyang mga nilikha.  Hanggat wala tayong pag-amin sa patuloy nating pagsira sa mundo ay hindi natin maisasaayos ang mga suliranin natin sa pagpapanatili nito bilang ating tahanan.  Ang ikalawang Linggo ng Panahon ng Paglikha ay nanawagan sa ating harapin ng buong tapang ang "ecological crisis" na gawa ng pagpapabaya nating mga tao sa pag-aalaga sa ating inang kalikasan at nag-aanyaya sa ating pairalin ang isang responsableng "ecological economics"  na naglalayong pairalin ang maayos na pagpapatakbo ng ating kabuhayan na hindi nagdudulot ng pagkasira ng ating mundo.  Ito ang ibig sabihin ng pagiging responsableng katiwala ng Diyos sa kanyang mga nilikha.  

Pakinggan natin ang panaghoy ng ating kalikasan na siyang tinig ng Diyos na naghahanap sa atin upang muli tayong ibalik sa tamang landas ng pagiging mabuting katiwala ng mundo.  Huwag nating kalilimutan na ang Diyos ay laging handang tumanggap sa atin sa kabila ng marami nating pagkakamali at pagkukulang.  Huwag tayong masiraan ng loob.  Sa halip ay magkaroon tayo ng tapang na harapin ang ating kasakiman kayabangan at pagiging makasarili.

Tanungin ang ating mga sarili: Pinakikinggan ko ba ang tinig ng Diyos na nanawagan sa aking alagaan ng mabuti ang kanyang mga nilikha?