Sabado, Hunyo 26, 2021

DIYOS NA BUHAY AY DIYOS NG BUHAY: Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year B - June 27, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Sa kasalukuyang panahon ngayon na kung saan ay laganap ang krimen ay wala na atang pinipili ang masasamang loob.  Kahit nga kaming mga pari ay nalalagay na rin sa panganib kaya nga't lubos ang aming pag-iingat!  Sa kabila nito ay patuloy pa rin kaming mga pari sa pagtupad sa aming tungkulin at dapat naming gampanan ito ng buong katapangan.  May nagkumpisal sa isang pari: "Padre, patawarin mo po ako sapagkat ako'y nagkasala," sabi ng isang lalaking kahina-hinala ang itsura. "Anung nagawa mong kasalanan anak?" tanong ng pari. "Padre, ako po ay nakapatay ng tao. Marami na po akong napatay." Sagot ng lalaki. "Bakit mo nagagawa ito anak?" muling tanong ng pari. "Kasi Father, galit po ako sa mga taong naniniwala sa Diyos. Lahat po sila ay naniniwala sa Diyos. Ikaw, Father... naniniwala ka rin ba sa Diyos?" Pasigaw na tanong ng kriminal. "Naku iho... hindi... minsan lang, pero trip-trip lang yun!" nangangatog na sagot ng pari. hehehe... 

Wala naman talagang gustong mamatay. Ang normal na kalagayan ng tao ay ang maghangad na mabuhay! Kahit ang Diyos mismo ay ninanais na tayo ay mabuhay. "Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay." Kung gayon ay bakit tayo nakakaranas ng kamatayan? Ang kamatayan ay nanggaling sa kasamaan, sa kasalanan. Ito rin ang binigyang diin sa aklat ng Karunungan: "Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya."  

Huwag nating isisi sa Diyos kung bakit tayo nagkasala at pumasok ang parusang kamatayan sa mundo.  GOD IS NOT STUPID!  Tayong mga tao ay pinagkalooban niya ng talino at kalayaan upang piliin ang mabuti sa masama.  Kailanman ay igagalang ng Diyos ang ating kalayaang magdesisyon sa buhay.  Hindi siya nagkulang sa pagpapaalala na "huwag kakainin ang prutas ng puno na nasa gitna ng hardin."  Ngunit dahil na rin sa pagnanais ng taong maging matalino at makapangyarihan tulad ng Diyos, ay nilabag niya ang Kanyang utos.  Dahil dito ay pumasok ang parusang paghihirap at kamatayan na daranasain nating Kanyang mga nilalang.  Ngunit hindi naman tayo lubos na pinabayaan ng Diyos. Agad-agad ay ibinigay Niya ang pangakong kaligtasan sa pamamagitan ng pagsusugo ng Kanyang Anak na si Jesus.  Bagamat tinubos tayo ng Kanyang bugtong na Anak na ating Panginoong Jesus ay hindi niya tinanggal ang kamatayan. Sa halip siya ay nagbigay sa atin ng pag-asa sa harap ng kamatayan! 

Pag-asa ang ibinigay niya kay Jairo ng ang anak nito ay mamatay. Pag-asa ang ibinigay niya sa babaing dinudugo na kaya niyang pagalingin ang kanyang karamdaman. At ang pag-asang ito ay ipinapakita natin sa pamamagitan ng isang malalim na pananampalataya.  Para sa mga taong may pananampalataya ay hindi dapat katakutan ang kamatayan. Tayo ay may pananampaltaya kung tayo ay naniniwala at nagtitiwala na may magagawa si Hesus sa ating buhay.  Kaya nga ang paniniwala, pagtitiwala at pagsunod kay Hesus ay pagpapakita ng ating pag-asa sa Kanya. At papaano ko ipinapakita ang pagsunod sa kanya?  Una ay ang pag-iwas sa kasalanan na dala ng ating masasamang hilig at pag-uugali at pangalawa ay ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa lalong-lalo na sa mga nangangailangan at kapus-palad.  "Faith without works is dead!"  Ito ang paalala sa atin ni Santiago apostol. Totoong kinakailangan ang pananampalataya pang tayo ay maligtas ngunit ito ay pananampalatayang gumagawa.  Faith that works!  Kaya nga hindi hiwalay ang pananampalatayang ipinapahayag natin sa ating bibig sa pananampalatayang ipinapakita natin sa gawa.  Gumawa tayo ng kabutihan habang ang Diyos ay nagkakaloob pa sa atin ng pagkakataon.  Huwag nating sayangin ang buhay na bigay Niya sa atin dahil ito rin ang ating ibabalik sa Kanya. 

Ang ganap na pananampalataya ang magbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Ito ang magbibigay ng kasagutan sa maraming katanungan bumabagabag sa ating isipan. Ito ang magbibigay ng lakas ng loob upang maharap natin ang katotohanan ng kamatayan. Sa tuwing tayo ay nagdiriwang ng ating kaaarawan ay pinasasalamatan natin ang Diyos na nagbigay sa atin ng buhay. Ngunit 'wag nating kalimutang ang bawat pagdiriwang ng kaarawan ay paglapit sa ating kamatayan.  Huwag tayong matakot sapagkat ang kamatayang ito ang nagbibigay sa atin ng pag-asang balang araw ay makakamit natin ang tunay na buhay na inilaan ng Diyos para sa atin. Ang ating Diyos ay Diyos na buhay at Diyos ng buhay.  Mabuhay ang Diyos ng buhay! Mabuhay ang Diyos na buhay!

Sabado, Hunyo 19, 2021

GOD IS IN-CHARGE: Reflection for 12th Sunday in Ordinary Time Year B - June 20, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day: Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan. Nalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto ng biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, may kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... magbeer muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Mig Light...  

Ano nga ba ang katangian ng isang tatay?  Kung hahanguin natin sa kuwento ang kasagutan, ang "tatay" ay madisiplina ngunit may puso, may prinsipyo ngunit maunawain, makatarungan ngunit may awa! Ganito rin ba ang mga tatay ninyo?  Marahil ay wala ng lalapit pa sa Diyos bilang ating ama kung ang mga katangiang ito ang ating pagbabatayan.  Saksi ang kasaysayan sa kapangyarihan ng ating Diyos. Siya ang may likha at nagpapairal ng mundo. Siya ang nag-aalaga sa lahat ng kanyang ginawa. Kahit ang kalikasan ay sumusunod sa kanyang utos. Sa unang pagbasa ay ipinahayag ng Diyos kay Job na Siya ay makapangyarihan. Siya ang naglalagay ng hangganan sa buong kalikasan at sa santinakpan.
Ang Diyos ding ito ang nagligtas sa ating sanlibutan!  Tayo ang sumira ngunit siya ang muling nagbalik ng pakikipagtipan na ating tinalukuran.  Ito ay dahilan sa malaking pagmamahal ng Diyos sa atin.  "For God so loved the world that he gave his one and only Son, that whoever believes in him shall not perish but have eternal life." (John 3:16)

Sa Ebanghelyo naman ay makikita natin ang nakakamanghang kapangyarihan ni Jesus. Narinig natin kung papaano Niya pahintuin ang malakas na hangin at alon.  Mahimbing na natutulog si Jesus dala marahil ng pagod at napangunahan ng takot ang mga alagad nang salubungin sila ng malakas na unos na halos ikalubog ng kanilang bangka.  "Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin,"Tigil!" At sinabi sa dagat, "Tumahimik ka!" Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang dagat.  Dahil dito ay sinidlan ng takot at panggigilalas ang mga alagad.  Ngunit ang mga salitang binitawan ni Jesus ay dapat sapat na upang pawiin ang kanilang mga pangamba: "Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?"  Tunay nga naman na wala silang dapat ipangamba sapagkat si Jesus ang IN-CHARGE sa mga sandaling iyon.  Marahil ay kulang pa nga ang kanilang pananalig sa kabila ng paggawa niya ng maraming himala at pagpapakita ng kanyang kapangyarihan.

Sa ating kasalukuyang panahon ngayon ay angkop na angkop ang mensahe ng ating mga pagbasa ngayong Linggo.   Marahil sa hinaba-haba ng pandemya na ating nararanasan, mahigit kumulang na dalawang taon, ay marami sa atin ang di maiwasang magtanong kung "Natutulog ba ang Diyos?"  Isama na natin ang problema ng kahirapan na patuloy na nararanasan ng ating mundo, ang paulit-ulit na kalamidad na tumatama sa ating bansa, ang karahasang nararanasan ng marami nating kababayan.  Tila baga sinisigaw nito sa atin na: GOD IS NOWHERE!  Ngunit sa mata ng taong may pananampalataya ay iba ang kanyang nakikita. Sa kabila ng kadilimang bumabalot sa ating paligid ay nakakatanaw siya ng liwanag.  Marahil ay hindi ganoon kalaking liwanag, ngunit kahit maliit ay sapat na upang hindi siya magmukmok sa kadiliman.  Para sa taong may pananalig sa kabutihan ng Diyos: GOD IS NOW HERE! 

Ang Diyos ay may pusong mapagmahal.  Nakakaunawa Siya sa ating mga kakulangan at pag-aalinlangan.  May mga sandaling nagdududa tayo sa Kanyang kakayahan. May mga sandaling ang akala natin ay "tinutulugan" Niya tayo dahil sa dami ng suliranin at paghihirap nating nararanasan. Ngunit huwag tayong mag-panic... God is in-charge! Nandiyan lamang Siya. Handa Niya tayong samahan. May pakialam Siya sa ating buhay! Totoo na dapat ay may takot din tayo sa Kanya, ngunit pagkatakot na dala ng pagmamahal. Ang Diyos ay Ama na may malasakit sa ating kapakanan at kinabukasan. Patuloy Niya tayong inaalagaan sa pamamagitan ng pagpapanatili at pagpapalago ng Kanyang mga nilikha.  

May kuwento ng isang barkong naglalayag sa karagatan na hinahanmpas ng malakas na hangin at alon.  Nagkagulo ang mga taong sakay ng barko maliban sa isang batang naglalaro sa isang tabi.  Nilapitan siya at tinanong kung bakit hindi siya natatakot at parang walang pakialam sa mga nangyayari. "Totoy, nasaan ang tatay mo?  Hindi ka ba natatakot?" tanong nila sa bata.  Itinuro lang ng bata ang itaas na bahagi ng barko at sinabi: "Nandoon po siya sa itaas.. ang tatay ko po ang kapitan ng barko!  Bakit po ako matatakot?  Hindi niya ako pababayaan!"

Ang Diyos ang "In-charge' sa ating lahat.  Kaya Niyang patahimikin ang nag-aalburutong hangin at ang mga unos ng ating buhay na nagpapakita ng Kanyang kapangyarihan.  Ngunit tayo rin ay "in-charge" sapagkat tinawag Niya tayong pamahalaan ang mundo at ang ating buhay ng may pananagutan at pagmamahal.  Sa pagdiriwang ngayon ng "Fathers' Day", ating pagtiwalaan ang Diyos na hindi nagpapabaya sa atin at maging mga tatay din tayo na may pananagutan sa ating pamilya at sa mundong ating tinuturing na tahanan.

 Happy Fathers' Day sa inyong lahat!

Sabado, Hunyo 12, 2021

MALILIIT NA KABUTIHAN: Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time Year B - June 13, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Si Jesus ay magaling  na guro.  Kakaiba siya sa mga guro ng kanyang panahon.  Kaya nyang kausapin ang mga taong dalubhasa sa batas at ang mga taong walang pinag-aralan.  Simple ang kanyang istilo.  Kahit na sino ay makakaintindi. Gumagamit siya ng mga kuwento sa kanyang pagtututo upang maunawaan siya ng mga tao.  Gumagamit siya ng talinhga na hango sa mga kaganapan ng buhay na tinatawag nating mga "talinhaga" o "parables".  Ang parables ay galing sa salitang griego (parabolein) na ang ibig sabihin ay "itapon".  Kapag si Jessus ay nagkukwento ay itinatapon niya sa mga tao ang mensahe upang sagutin nila ang kanilang mga katanungan sa buhay!  

Sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay gumamit siya ng dalawang talinhaga upang ipaliwanag ang Kaharian ng Diyos:  ang binhing inihasik sa lupa at ang butil ng mustasa.  Mahirap bigyan ng pakahulugan ang "kaharian ng Diyos" sapagkat hindi ito kabahagi ng ating kultura.  Marahil ay mayroon tayong mga "tribu" o "balangay" noong panahon ng ating mga ninuno ngunit wala tayong malalaking kaharian.  Ngunit sa kanyang mga nakikinig ay malinaw ang nais "ibato" ni Jesus: na sila ay dapat pagharian ng Diyos tulad ng isang binhi o butil ng mustasa na maaring sa simula ay maliit, halos walang saysay, walang halaga, ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay lumalago, lumalaki at namumunga ng kabutihan para sa iba!   

Nabubuhay tayo sa isang "magulong mundo."  Mundong sinasalanta ng maraming kalamidad, nababalot ng kahirapan at karahasan na gawa rin ng tao.  Dahil diyan ay nagdudulot sa atin ang mga ito ng labis na takot at pangamba.  Paano natin maipapalaganap ang paghahari ng Diyos sa ganitong kalagayan?  Bilang mga Kristiyano ay hindi N'ya tayo inaasahang gumawa ng malalaking bagay!  Maliliit na kabutihan ay sapat na upang maipalaganap natin ang Kaharian ng Diyos. "A cup of goodness" lang ang hinihingi Niya sa atin. Isang magandang halimbawa ay ang Pondo ng Pinoy.  Hanggang ngayon ay nakakatanggap pa rin kami sa parokya ng mga bote ng mineral water na punong-puno ng bente-singko sentimos.  Marahil ito ay matiyagang pinuno mula sa bulsa ng mahihirap na tao.  Maliit na halaga na sa katunayan ay walang saysay, insignificant,  ngunit kapag pinagsama-sama ay malaki at malayo ang nararating.  Ang mga baryang ito ang patuloy na nagpapakain sa "Hapag-Asa" ng Caritas Manila.  Nakapagtayo na rin ito ng mga tahanan, at naging pondong pinagkukunan para sa mga proyektong pangkabuhayan ng mga mahihirap.  Hindi malaki ang kinakailangan.  Kahit bata nga ay maaring magbigay dito.  Ngunit katulad ng "butil ng mustasa" sa ating Ebanghelyo ay nakagagawa ito ng mga dakilang bagay.  Ang kundisyon lang sa pagbibigay na ito ay dapat ay tuloy-tuloy.  Kaya nga ang slogan ng Pondo ng Pinoy ay  “Anumang magaling kahit maliit basta't malimit ay patungong langit.”  Ito naman talaga ang ibig sabihin ng paggawa ng kabutihan, hindi lang minsanan.  Kung gagawa tayo ng mabuti gawin natin ng malimit hanggang ating makasanayan at kabahagi na ng ating buhay! 

Sa kasalukuyang panahon ay kailangan talaga nating magpakabuti at gumawa ng mabuti.  Sapagkat ang kasamaan ay lalaganap kung ang mabubuting tao ay tatahimik na lamang, magkikibit balikat at tutunganga!  Tandaan natin na nakakahawa ang kabutihan.  May kasabihan nga sa ingles na: "Good people bring out the good in people".  Hindi ba't nakita natin ito sa mga community pantry na parang mga kabuteng nagsulputan sa iba't ibang panig ng bansa at hanggang ngayon ay nagpapatuloy? Nagsimula ito sa isang ordinaryong mamamayan na ang layunin lang ay makatulong sa kanyang mga kapit-bahay ngunit nakita natin kung paanong ito ay lumaki at lumaganap at nakatulong sa maraming mahihirap ngayong panahon ng pandemya.  Hindi kinakailangang maging mayaman para makatulong sa iba.  Sa katunayan ay maraming karaniwang tao at mahihirap ang nagbibigay ayon sa kanilang kakayahan at nakayanan.  Sa maliit na paraan ay naibsan nito ang gutom ng marami nating kababayan at naipakita nating kaya palang talunin ng paggawa ng kabutihan ang kasamaang dala ng pagiging makasarili at pagiging gahaman.    

Kaya nga dapat lang na ibahagi natin ang kabutihan sa iba.  Pairalin natin ang paggawa ng mabuti.  #sharegoodness!  Mautak tayo sa maraming bagay, lalong lalo na kapag pera at negosyo ang pinag-usapan.  Magpuhunan naman tayo sa paggawa ng kabutihan.  "Goodness is the only investment that never fails!"  Kapag ang bawat isa sa atin ay gagawa lamang ng isang kabutihan kada araw ay unti-unting magliliwanag ang ating madilim na mundo.  Sa halip na sisihin mo ang ibang tao at kahit na ang Diyos sa paglaganap ng maraming kahirapan at kasaman ay tanungin mo ang iyong sarili kung may nagawa ka na bang kabutihan sa iba.  Gumawa ka ng kabutihan at lalaganap ang kabutihan ng Diyos at ang Kanyang paghahari. Tandaan... #SHAREGODSGOODNESS!

Sabado, Hunyo 5, 2021

SIMBOLO NG PAGKAKAISA: Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year B - June 6, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Nabubuhay tayo ngayon sa panahon ng mga simbolo o tanda!  Mas madaling makilala ang isang bagay kapag ginagamitan nito.  Kapag nakakita ka ng malaking bubuyog na kulay pula at may sumbrero ay alam mo agad na ito ay Jolibee!  Kapag nakakita ka naman ng lalaking clown o malaking letter M ay alam mo agad na ito ay Mcdo!  Alam nyo bang ang letter M ng McDonald ang isa sa pinakasikat na simbolo sa buong mundo.? Naririyan din ang Nike sign at ang Olympic Rings na kilalang kilala ng marami.  

Sa ating mga Kristiyano may isang tanda na dapat ay alam na alam natin.  Bukod sa tanda ng Krus ay dapat pamilyar na sa atin ang maliit, manipis, bilog at kulay puting tinapay na ating tinatanggap sa Misa - ang Banal na Katawan ni Kristo!  Ang Banal na Eukaristiya ang simbolo ng pagkakaisa nating mga Kristiyano! Kaya nga ang tawag din natin sa Banal na Sakramentong ito ay"Sacrament of Holy Communion". Ang ibig sabihin ng communion ay pagkakaisa: COMMON na, UNION pa!  Ano ang nagbubuklod sa atin sa Sakramentong ito?  Walang iba kundi ang TIPAN na ginawa ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang katawan at dugo! 

Sa Lumang Tipan ang tipanang ito ay isinagawa sa pagwiwisik ng dugo ng susunuging handog sa dambana.  Ang mga tao naman ay sabay-sabay na nagpapahayag ng kanilang pagsang-ayon at pagsunod sa utos ni Yahweh!  Nag-ugat ito sa pagwiwisik ng dugo ng mga Israelita noong sila ay nasa Ehipto at nagpadala si Yahweh ng salot na kung saan ay mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki, tao man o hayop.  Ang mga Israelita ay naglagay ng dugo ng kordero, isang batang tupa, sa kanilang mga pintuan at naging tanda ito para sa anghel ng kamatayan na lagpasan ang kanilang mga tahanan at mailigtas sila sa salot na ito.  Kaya tinawag din itong gabi ng pass-over, paglagpas, at ang kanilang pinagsaluhang hapunan ay tinawag na passover meal.

 Sa Bagong Tipan ay may pagdanak pa ng dugo na nangyari. Ngunit hindi na dugo ng hayop kundi ang dugo mismo ng "Kordero ng Diyos" ang iniaalay sa dambana. Sa pag-aalay ni Jesus ng Kanyang sarili sa krus ay ginawa niya ang natatangi at sukdulang pakikipagtipan ng Diyos sa tao! Kaya nga't ang bawat pagdalo sa Banal na Misa ay pagpapanibago ng pakikipagtipan na ito. Hindi lang tayo nagsisimba para magdasal o humingi ng ating mga pangangailangan sa Diyos. Ang Diyos mismo ang nakikipagtipan sa atin sa pamamagitan ng pag-aalok ng Kanyang sarili upang ating maging pagkain at kaligtasan ng ating kaluluwa. 

Kaya nga nga't hindi sapat ang magdasal na lamang sa loob ng bahay kapag araw ng Linggo. Ang pagsisimba gamit ang telebisyon, radio o internet ay for exeptional reasons only!  Isa na diyan ang malubhang sakit o karamdaman at kalagayang imposible kang tumayo at pumunta ng simbahan.  Ngayon ay kasama na rin dito ang Covid19 restrictions para sa ating mga "super seniors" at mga batang pinagbabawalang lumbas ng tahanan.  Sa ganitong mga sitwasyon ay pinapayagan ng Simbahan ang pakikibahagi sa mga on-line at livestreaming masses.  Pero sa mga taong normal naman ang kalagayan at hindi naman pinagbabawalan ay hindi katanggap-tanggap ang ipagpaliban ang pagsisimba sapagkat ito ay pagtanggi sa pakikipagtipan o alok ng Diyos na makibahagi tayo sa Kanyang buhay!

Katulad ng mga Judio sa Lumang Tipan, sa tuwing tayo ay nakikibahagi sa tipanang ito ay inihahayag naman natin ang ating buong pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang Diyos ang nag-aalok ng buhay at tayo naman ay malugod na tumatanggap!  Ito ang bumubuo ng COMMUNION sa pagdiriwang ng Banal na Misa.  At sapagkat nagiging kaisa tayo ni Jesus sa pagtanggap natin sa Kanya sa Komunyon, inaasahan tayo na maging katulad ni Jesus sa ating pag-iisip, pananalita at gawa! Ngunit may higit pang inaasahan sa atin bilang mga miyembro ng Katawan ni Kristo, na sana tayo rin ay maging instrumento ng pagkakaisa sa mga taong nakapaligid sa atin. Tayo ay maaring maging daan ng pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapatawad, pakikipagkasundo, pang-unawa na maari nating ibahagi sa ating kapwa. 

Sa kasalukuyang panahong ito na kitang-kita at damang-dama natin ang pagkakahiwalay, hidwaaan at alitan, lalo na sa ating lipunang sinisira ng maruming politika, ay hingin natin ang biyaya ng pagkakaisang nagmumula kay Kristo.  Lumalapit na naman ang halalan 2022 kaya't asahan na naman natin ang pagsisiraan, hidwaan kahit sa mga magkakamag-anak, pagkakahiwalay ng mga dating magkakaibigan at huwag naman sanang mangyari na magtutuloy sa pananakit ng kapwa at pagkitil ng buhay ng iba. 

Tanging si Jesus ang makapagbibigay sa ating ng tunay na pagkakaisa! Ang kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ang nagbubuklod sa atin bilang iisang katawan. Siya ang SAKRAMENTO NG PAGKAKAISA!  Sa pagtanggap sa Banal na Komunyon ay sumasagot tayo ng AMEN.  Ang pagsasabi nito ay hindi lang pagtanggap kay Jesus sa anyong tinapay.  Pinapahayag din natin ang ating pagtanggap sa ating kapwa sapagkat tayo rin ang bumubuo sa Katawan ni Kristo.  Tanggapin natin ang bawat isa ng may pang-unawa, pagpapatawad at kagalakan.  Tayo ang nagkakaisang Katawan ni Kristo!  Tayo ang sambayanang pinagbuklod ng Banal niyang tipan!  Tayo ang simbolo ng pagkakaisa!

Sabado, Mayo 29, 2021

BANAL NA SANTATLO: DIYOS NG PAGMAMAHAL: Reflection for the Solemnity of the Blessed Trinity Year B - May 30, 2021 - YEAR OF MISIO AD GENTES

Kapistahan ngayon ng Banal na Santatlo: ang sinasamba nating ISANG DIYOS SA TATLONG PERSONA.  
Ang kapistahang pinagdiriwang natin ngayon ay katotohanang mahirap bigyan ng paliwanag.  Hindi ito katulad ng kapistahan ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus tulad ng kanyang pagsilang o muling pagkabuhay.  Hindi rin ito kapistahan ng pagkatao ng mga banal tulad ng mga santo at santa.  Ang kapistahang ito ay isang "doktrina" na ating sinasampalatayanan.  Bagama't ito ay napagtibay lamang noong 325 AD sa Konseho ng Nicea bilang artikulo ng ating pananampalataya, ang katotohanang ito ay nakaugat sa Banal na Kasulatan at noon pa man ay pinahahayag na ng ating pananampalatayang Kristiyano. Alam natin ang doktrina ay mas malapit sa ating pag-iisip kaysa sa ating emosyon o sa ating puso.  Ngunit ito nga ang malaki nating pagkakamali, isip ang ating ginagamit sa pag-unawa sa Banal na Santatlo.

May isang batang nasa ika-tatlong baitang ang nagtanong sa akin habang ako ay nagtuturo ng katesismo tungkol sa kabutihan at kadakilaan ng Diyos: "Father, bakit isa lang ang Diyos at hindi tatlo? Di ba Siya ay Ama, Anak, at Espritu Santo? Di ba 1+1+1=3? " Ito ang sagot ko sa kanya: "Iho, ang Diyos ay lubhang napakadakila kaya't hindi Siya puwedeng gamitan ng mathematics! Kasi puwede rin na 1x1x1= 1 di ba?  Napakamot siya ng ulo kaya’t sinabi ko na lang na... hindi mo talaga maiintindhihan ang Diyos dahil Siya ay isang malaking misteryo!

Ang pinagdiriwang natin ngayon ay katotohanang mahirap bigyan ng paliwanag, isang malaking misteryo!  Hindi ito katulad ng kapistahan ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus tulad ng kanyang pagsilang o muling pagkabuhay  Hindi rin ito kapistahan ng pagkatao ng mga banal tulad ng mga santo at santa.  Ang kapistahang ito ay isang "doktrina" na ating sinasampalatayanan bagama't ito ay napagtibay lamang noong 325 AD sa Konseho ng Nicea bilang artikulo ng ating pananampalataya.  At alam natin ang doktrina ay mas malapit sa ating pag-iisip kaysa sa ating emosyon o sa ating puso.  Ngunit ito ang malaki nating pagkakamali... isip ang ating ginagamit sa pag-unawa sa Banal na Santatlo.

Lubos ang kadakilaan ng Diyos kung kaya't hindi Siya maaring bilangin ng ating mga daliri sa kamay. Lubos ang Kanyang kadakilaan na hindi Siya maaring pagkasyahin sa ating maliit na isipan. Siya ang Manlilikha. Siya ang walang simula at  walang katapusan. Siya ang hari ng sanlibutan! Ang problema marahil ay pilit nating inuunawa kung sino ba talaga Siya. Ang napakatalinong taong si Santo Tomas Aquino, na nagsulat ng maraming aklat tungkol sa Diyos, pagkatapos ng kanyang mahabang pagsusulat at pagtuturo, ay nagsabing ang lahat ng kanyang inilahad tungkol sa Diyos ay maituturing na basura lamang kung dadalhin sa Kanyang harapan. Ibig sabihin ni Santo Tomas ay hindi natin lubos na mauunawan ang Diyos!  Kahit ang taong pinakamatalino ay kapos sa kaalaman kung ang "misteryo ng Diyos" ang pag-uusapan.

Bagamat walang sino mang tao ang lubos na makakaunawa sa Kanya ay pinili Niya pa ring magpahayag sa atin. Ang pagpapahayag ng Diyos ay lubos na mahiwaga sapagkat inihayag niya ang katotohanan ng kanyang sarili hindi sa mga palalo ang pag-iisip kundi sa mga taong payak at mapagkumbaba.  Kaya't ang mga salitang narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ay mauunawan lamang ng mga taong may kababang-loob at payak na pag-iisip:  "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."  

Ipinahayag ng Diyos na Siya ay pag-ibig. Kaya nga't masasabi natin na ang Diyos ay mauunawaan lamang ng taong marunong magmahal!  Ang Banal na Santatlo ay pagmamahalan!  Dahil dito masasabi nating ang Banal na Santatlo ay isang komunidad na pinaghaharian ng pagmamahalan.  The Holy Trinity is a community persons that is governed by love!  At ang pag-ibig na ito ay nagbabahagi,  Hindi makasarili.  Kaya nga't nagawang ibigay ng Diyos Ama ang kanyang bugtong na Anak upang makamit natin ang buhay na walang-hanggan!  At ang pag-ibig na ito ay nag-aanyaya rin sa ating magbahagi ng pagmamahal kung paanong ang Diyos ay pagmamahal at patuloy na nagmamahal.

Kaya nga't maari mong "maunawaan" ang Diyos kung marunong kang magpatawad. Nauunawaan mo ang Diyos kung matulungin ka sa mga nangangailangan. Nauunawaan mo ang Diyos kung ang hanap mo ay ang kabutihan ng iyong kapwa!  Subukan nating magmahal at makikita natin na ang kakulangang ng ating pag-iisip ay mapupuno ng isang payak at malinis na puso.

May isa akong kaibigan na ang motto sa buhay ay: "I am number three!" Ipinaliwanag niya sa akin: "I am number three" sapagkat nais ko laging ipaalala sa aking sarili na ang Diyos dapat ang number one sa buhay ko. Ang aking kapwa naman ang number two. Ang aking sarili ay pangatlo lamang!"  Totoo nga naman na dapat din nating mahalin ang ating mga sarili.  Ngunit ang labis na pagmamahal sa sarili na nakakalimot na may Diyos at kapwa na dapat ko ring mahalin ay mapanganib.

Ngayong panahon ng pandemia ay sikapin nating unahin ang kapakanan ng iba bago ang ating mga sarili.  Hindi ito madali sapagkat lalabanan natin ang ating pagkamakasarili at magsasakripisyo tayo para sa iba katulad ng patuloy na ginagawa ng maraming taong nagsasakripisyo upang  mapagtagumpayan ang malaking pagsubok na ito.  Ngunit ito naman talaga ang kahulugan ng tunay na pag-ibig... handang mag-alay ng buhay para sa kanyang kaibigan!

Ang Banal na Santatlo ay ang ating huwaran sa tunay na pagmamahal.  Ang pag-ibig ng Diyos Ama na nagbigay sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang pag-ibig na Anak na nag-alay ng kanyang buhay upang sundin ang kalooban ng Ama na tayo ay maligtas, at ang pag-ibig ng Espiritu Santo na patuloy na humiihimok sa ating magmahal upang maging isang Sambayanan tayong pinaghaharian ng Kanyang pag-ibig.  Kaya nararapat lang na ang aking Diyos na Santatlo ay aking papurihan at mahalin.  Hindi man Siya maintindihan ng aking isipan... kaya naman Siyang damhin ng puso kong marunong magmahal!

Sabado, Mayo 22, 2021

ANG MABUHAY SA ESPIRITUNG BANAL: Reflection for the Solemnity of Pentecost Year B - May 23, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Kapistahan ngayon ng Pentekostes.  Ngayon din ang kaarawan ng pagkakatatag ng ating Simbahan.  1988 na taon na ang lumipas simula ng ang ating inang Simbahan ay "iniluwal" sa pamamagitan ng pagpanaog ng Banal na Espiritu noong Araw ng Pentekostes! Ang Pentekostes ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay ika-limampung araw, sapagkat ito ang ika-limampung araw pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo.  Ito ang araw na pinili ng Panginoon upang ipadala sa atin ang Banal na Espiritu.  Marahil hindi ganoon kadaling maunawaan ang kanyang pananatili sa ating piling sapagkat una ay wala tayong malinaw na paglalarawan sa kanya sapagkat siya ay isang "Espiritu." Di katulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan.  Naririyan ang simbolo ng hangin, ang ibon na anyong kalapati, at dilang apoy.  Ngunit ano nga ba talaga ang nagagawa ng Banal na Espiritu lalo na sa kasalukuyang panahon ng ating Simbahan?  

Isang bata na may bagong mountain bike ang nagpark sa isang Simbahan at hinanap ang Parish Priest. Nang makita ito ay magalang na nagpakilala at nagsabi: "Father, puwede ko po bang ipark dito ang bike ko... kasi po baka mawala. Bagong-bago pa naman!" "Sige, anak" sagot ng pari, "magtiwala ka na walang mangyayaring masama sa bike mo." "Sure po ba kayo Father? Wala kasi akong nakikitang security guard dito." nagdududang tanong ng bata. Huminga ng malalim ang pari at sinabi: "Ay meron, ang pangalan ng "sikyo" namin dito ay "Holy Spirit." Sigurado ako, Babantayan Niya yan kaya't hindi yan mananakaw. Kung gusto mo magdasal tayo..." "Sige po Father... In the name of the Father, and of the Son. Amen!" Singit ng pari: "Teka me kulang ata sa dasal mo... bakit wala ang Holy Spirit?" Sagot ng bata: "Wag na nating abalahin Father, binabantayan niya ngayon ang bike ko! "

Totoo nga naman, ang Espiritu ang "sikyo" nagbabantay sa bisekleta ng bata kung paanong Siya rin ang "sikyo" na nagbabantay sa Simbahan simula pa lamang noong ito ay itinatag. Sa katunayan ngayon ay "birthday" ng Simbahan!  Ipinanganak ang Simbahan sa pagpanaog ng Espiritu Santo at ito ang patuloy na gumagabay sa kanya. Napakaraming pagsubok ang dinaanan ng Simbahan sa kasaysayan. Napakaraming pag-uusig, pag-aaway, pagsuway kahit sa mga pinuno at miyembro nito. Ngunit sa kabila nito ay patuloy na ginagabayan at ipinagtatanggol ng Espiritu Santo ang Simbahan.  Pagkakaisa ang bunga ng pananatili ng Banal na Espiritu sa ating Inang Simbahan.  Nang napuspos ng Banal na Espiritu ang mga alagad ay lumabas sila sa kanilang pagkakatago at nangaral.  Bagama't iba't iba ang pinanggalingang lugar ng mga taong nakikinig kay Pedro ay namangha sila sapagkat iisa ang kanilang pagkakaintindi sa kanyang mga sinabi.  Pagkakaisa at hindi pagkakawatak-watak at biyaya ng Banal na Espritu.  Isang pang biyaya ng Banal na Espiritu ay kapayapaan.  Ang dating mga alagad na takot at puno ng pagkabagabag at pagkabalisa ay nakaranas ng kapayapaan nang manahan ang Banal na Espiritu sa kanilang piling.   Kabanalan ang naman ang bunga ng isang taong namumuhay ayon sa Banal na Espiritu.  Pinananatili Niyang banal ang Simbahan sa kabila ng maraming makasalanan na bumubuo nito. Noong tayo ay bininyagan at kinumpilan ay pinaging banal tayo ng Espiritu Santo.  Naging templo o tahanan Niya ang ating katawan.  Kaya nga't may pananagutan tayong panatilihing banal ang templong ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa kasalanan at sa mga gawaing sumisira sa kabanalan nitong taglay.  

Nadarama mo ba ang paggabay ng Espiritu Santo sa iyong buhay? Tinanggap mo ito nung ikaw ay bininyagan at kinumpilan. May epekto ba S'ya sa buhay mo ngayon? Palagi kong ginagamit ang paglalarawan na pagtitimpla ng kape upang ipaliwanag ang pananatili ng Banal na Espiritu sa ating buhay.  Sa pagtitimpla ng kape, ay mahalaga ang asukal maliban na lang kung "black cofee" ang gusto mo.  Ngunit pansinin ninyo na kahit na gaano karami pang asukal ang ilagay mo sa iyong kape ay hindi ito tatamis kung hindi mo hahaluin.  Ganito rin ang pananatili ng Banal na Espritu sa atin.  Kahit na gaano karami pang "baptism of the Spirit" ang pagdaanan mo ngunit wala ka namang ginagawang paraan upang "haluin" ito at hayaang maging bahagi ng iyong buhay ay hindi lalabas ang epekto nito sa atin.  Kinakailangan talaga ng kaunting paghalo, pagkamulat at paggising sa ating natutulog na sarili upang makapagtrabaho ang Banal na Espiritu sa ating buhay.  Kung nanlalamig ka ngayon sa pananampalataya, hingin mo ang tulong Niya. 

Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape, walang ring matigas na puso ang di kayang palambutin ng mainit Niyang pagmamahal. Hayaan nating pagharian ng Banal na Espiritu ang ating buhay.  Maging bukas tayo sa kanyang paggabay at pagkalinga.  Gisingin ang natutulog nating diwa at isabuhay natin ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo: karunungan, pang-unawa, pagpapayo, katapangan, kaalaman, pagpapabanal at banal na pagkatakot sa Panginoon.  Mabuhay tayo sa ayon Banal na Espiritu!

Sabado, Mayo 15, 2021

LANGIT NA ATING HANTUNGAN AT TAHANAN: Reflection for the Solemnity of the Lord's Ascension Year B - May 16, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Totoo bang may langit?  Saan ba ito matatagpuan?  Bata pa lang ako ay ito na ang katanungang gumugulo sa isip ko.  Ngayong ako'y malaki na at may sapat ng pag-iisip hindi pa rin nagbago ang tanong kong ito.  Sa tuwing masasaksihan natin ang mga trahedya at kaguluhan sa ating paligid tulad ng walang saysay na kamatayang gawa ng Covid19 pandemic lalo na ngayon sa India, ang di matapos-tapos na alitan ng mga Isaraeli at Palestino na kumitil ng maraming inosenteng buhay, ay ilan lamang sa mga pangyayaring pilit na kumakatok sa ating pag-iisip at dahil dito ay napagdududahan natin ang katotohanan ng kalangitan.  At dahil dito ay napagduduhan na rin natin ang pagmamahal ng Diyos sa atin.  

Isang pari ang inis na inis kapag nagmimisa sapagkat laging may matanda sa kanyang harapan na tinutulugan ang kanyang sermon. Minsan ay naisip niyang bawian ang matanda at turuan iton ng leksiyon. Habang siya ay nagsesermon at naghihilik naman ang matanda ay pabulong niyang sinabi sa mga tao: "Yung nais umakyat sa langit... tumayo ng tahimik." At tahimik namang nagtayuan ang mga tao maliban kay lola na himbing na himbing sa pagkakatulog. Pinaupo niyang muli ang mga tao at napakalakas na sumigaw: "Ang gustong pumunta nang impiyerno... TAYO!!!" Nagulantang ang matandang natutulog at biglang tumayo at laking hiya niya ng mapansing lahat ay nakaupo. Ang pari naman ay tuwang-tuwa dahil sa wakas ay nakabawi na siya. Ngunit nagsalita ang matanda at ang sabi: "Padre, pasensiya na po kayo at hindi ko ata na naintindihan ang huli ninyong sinabi, pero nagtataka ako kung bakit dalawa tayong nakatayo, sabay tingin sa pari! hehehe...

Sino nga ba sa atina ang gustong mapunta sa impiyerno? Marahil ay walang taong matino ang pag-iisip na tatayo.  Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!"  LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN!  Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap na gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit?  Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus.  

Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan.  Narinig natin sa Gawa ng mga Apostol: "Pagkasabi nito siya'y iniakyat sa nagit habang nakatingin sila sa kanya..."  Ngunit ayaw ni Jesus na maiwan lang tayo sa pagkamangha sa kanyang maringal na pag-akyat sa kalangitan.  Habang nakatulala ang mga alagad dahil sa sobrang pagkamangha ay sinabi ng anghel sa kanila: "Mga taga-Galilea," sabi nila, "bakit kayo narito't nakatingala sa langit? Itong si Hesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat niya."  Kaya nga pagkatapos nito ay isinugo na sila ni Jesus upang gampanan ang misyong ibahagi ang pagmamahal ng Diyos.

Pinapaala sa atin ng kapistahan ito na LANGIT  ANG ATING PATUTUNGUHAN.  Kaya nga nararapat na palakasin natin ang pag-asa at pagnanasang makarating sa langit.  Tandaan natin na tayong lahat ay naging mga maninirahan ng kalangitan.  Sa kapangyarihang tinanggap natin sa Binyag at Kumpil ay nabuksan sa ating ang pintuan ng kalangitan. Kung siya  ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan. 

Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! 'Wag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti.  Magbigay saksi tayo sa pamamagitan ng pagmamahal.  Mayroon lamang isang daanan papunta sa kalangitan.  Dito sa lupa ang tawag sa daan na ito ay PAG-IBIG. Kaya nga't kung ganoon ay hindi na kinakailangan pa nating hintayin na tayo ay mapunta sa kabilang buhay para maranasan natin ang ligayang dulot ng kalangitan.  Maari nating gawing langit ang lupa.  Ang sabi ng isang manunulat: "Heaven on Earth is a choice you must make, not a place you must find."  Kaya nga ang paggawa ng mabuti ay isang pagpili.  Ang pagiging maligaya ay isang desisyon.  Kapag gumagawa tayo ng kabutihan ay nararanasan na natin ang ligaya sa kalangitan.  Dapat nating tanungin ang ating sarili:  "Kailan ba akong huling tumulong sa aking kapwang nangangailangan?"  

Huwag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito.  Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay panandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay magpakailanman.  Ang sabi nga ni CS Lewis, isang katolikong manunulat: "If we find ourselves with a desire that nothing in this world can satisfy, the most probable explanation is that we were made for another world."  At ano ang ibang mundo na tinutukoy dito?  Walang iba kundi ang langit na ating hantungan at tunay na tahanan.

Kaya nga sa susunod na may magsabing: "Ang gustong pumunta sa langit... tumayo!" 'Wag kang magdalawang isip na tumayo sapagkat langit ang ating hantungan! 

Sabado, Mayo 8, 2021

ANG DAKILANG PAG-IBIG: Reflection for 6th Sunday of Easter Year B - May 11, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES - MOTHERS' DAY

Una sa lahat ay binabati ko ng isang maligayang kapistahan ni Santo Domingo Savio kayong lahat na nakikibahagi sa pagdiriwang na ito!  Bagamat ang eksaktong petsa ng kanyang kapistahan ay noong nakaraang ika-anim ng Mayo, ang linggong ito ang ating itinalaga bilang araw ng pagdiriwang ng ating parokya.  Maligayang kapistahan sa inyong lahat!

Pangalawa, binabati natin ang lahat ng mga nanay na naririto sa pagdiriwang nitong Mothers' Day.  Batid nating hindi matatawaran ang sakripisyo at pagmamahal ng mga magulang, lalung-lalo na ang mga ina, sa kanilang mga anak.  Bilang mabubuting mga anak, ang pinakamagandang magagawa natin sa kanila ay ang handugan sila ng ating mga panalangin bilang pagpapakita ng ating pagmamahal sa kanila.  Happy Mothers' Day po sa lahat ng mga nanay na naririto at kahit sa kanilang mga namayapa na!  Lubos ang aming pasasalamat sa inyo!

Ano ba ang pakiramdam ng isang taong walang nagmamahal?  Masaklap! Ang sabi nga ng isang mensaheng natanggap ko: ubod ng lungkot... "parang aso na walang amo, parang adik na walang damo, parang dinuguan na walang puto, parang zesto na walang straw, parang tinola na walang sabaw, parang babae na walang dalaw, parang bahay na walang ilaw, parang ako na walang ikaw..." hehehe... 

Kaya siguro bago lisanin ni Jesus ang mundong ito ang kanyang huling habilin ay tungkol sa pag-ibig: "Ito ang iniuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.” Nakakalungkot lang isipin na mula sa mensaheng ito ay lumitaw ang mahigit 22,000 na magkakaibang relihiyon at sekta na namumuhi at nasusuklam sa isa't isa!  At kahit sa atin mismong mga Kristiyano, hindi pa rin nawawala ang bangayan, ang paninira at pagkasuklam sa isa't isa.Bakit nagkaganoon? Nagkamali ba si Jesus sa pagpapaliwanag kung ano ang dapat na katangian ng pag-ibig? 

Malinaw ang mga katagang binitiwan ngayon ni Jesus sa Ebanghelyo. Ang unang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magsakripisyo alang-alang sa kapakanan ng iba. "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan."  May isang lugar sa Chicago na ang tawag ay Oliver Milton's Park. Ito ay ipinangalan sa isang sundalo na dinapaan ang isang granada upang mailigtas ang kanyang mga kasama sa tiyak na kamatayan. Ang tunay na nagmamahal ay inuuna ang kapakanan ng iba bago ang sarili.  Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng sariling oras, kakayahan, karunungan, at kahit kayamanan sa mga taong nangangailangan. Wala sa diksiyonaryo ng taong nagmamahal ang katagang: "Wala akong pakialam!" Tandaan natin na ang Diyos ang unang nakialam sa atin. Hindi naman obligado ang Diyos na isugo ang kanyang bugtong na anak at mag-alay ng kanyang buhay sa krus, ngunit ginawa niya ito upang ipakita ang kadakilaan ng kanyang pag-ibig.  Kaya nga't ang kahulugan ng pag-ibig para kay San Juan apostol ay  "Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan."   

Ang ikalawang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magmahal sa lahat na walang itinatangi. May kuwento ng isang sundalong sumulat sa kanyang mga magulang na uuwi na siya at may dadalhin siyang isang kaibigang sundalo na makikitira sa kanilang bahay. Ipinaliwanag niya na ang sundalo ay walang dalawang paa sapagkat nasabugan ito ng landmine sa kasagsagan ng giyera. Ayaw pumayag ng mga magulang at sinabing 'wag na lang sapagkat magiging pabigat lamang ang taong ito sa kanila. Iyon na ang huling pag-uusap nila. Paglipas ng ilang taon nagkita muli sila sa isang morgue nang mabalitaan nilang namatay ang kanilang anak sa isang aksidente at gayun na lamang ang pagkagulat nila ng makitang ang kanilang anak ay walang dalawang paa.  Ang pagmamahal na walang itinatangi ay nangangahulugan ng pagtanggap sa ating kapwa ng walang kundisyon. Katulad ito ng ipinakita ni Jesus ng nag-alay siya ng kanyang buhay para sa atin lalo na sa ating mga makasalanan. Hindi Niya tiningnan ang ating depekto o pagkukulang, maging ang kapangitan bilang tao dala ng ating patuloy na pagkakasala. Ang kaligtasang ibinigay sa atin ni Jesus sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay ay para sa lahat ng tao: ano man ang relihiyon, lahi, kultura, kasarian, pag-uugali niyang taglay. 

Dapat ang ating pagmamahal ay taglay ang dalawang katangiang ito: handang magsakripisyo at walang itinatangi.  Kalimitan, kinasusuklaman natin ang ating kaaway at malambing lamang tayo sa ating mga kaibigan.  Kung minsan ang ating pagpapakita ng pagmamahal ay may halong pagkamakasarili at hindi natin inuuna ang kapakanan ng iba.  Ngunit hindi ito ang gawi ng Panginoon. Ang Panginoon ay nagpakita ng habag at pagmamahal sa mga taong hindi kaibig-ibig, sa mga taong makasalanan. Sana tayo rin ay kayang maghanap sa mga taong hindi nabibigyang pansin, sa mga kapus-palad, sa mga naliligaw ng landas, sa mga kapos sa pagmamahal.  

Hindi ba't ganito ang pag-ibig ng ating mga magulang lalo na nang ating mga ina?  Handa silang magutom, mauhaw, mapagod, mapuyat basta't huwag lamang maghirap ang kanilang mga anak.  Hindi man lahat ngunit marami pa ring nanay ang handang limutin ang kanilang sarili at gumawa ng sakrispisyo. Ito rin ang makikita natin sa mga santo at santa kasama na ang ating patrong Santo Domingo Savio.  Sa murang edad ay ipinakita niya na ang kabanalan ay hindi imposibleng makamit ng bawat taong marunong magmahal sa Diyos at sa kanyang kapwa. Ang kanyang pagmamahal ay bunga ng kanyang malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos.    

Kung susundin lamang natin ang sinabi ni Jesus mahigit 2,000 taon na ang nakakaraan, ay siguradong mababawasan ang pagkasuklam at pagkagalit sa isa't isa. Ito pa rin ang mensaheng nais niyang iparating sa atin: "Mag-ibigan kayo tulad ng pag-ibig na ipinakita ko sa inyo!" isang pag-ibig na hindi makasarili, isang pag-ibig na nakatuon sa lahat, isang pag-ibig na handang mag-alay ng kanyang sarili para sa kanyang kaibigan. Ito ang pag-ibig na ipinamalas ng Diyos sa atin... isang dakilang pag-ibig!

Sabado, Mayo 1, 2021

MANATILI AT MAMUNGA: Reflection for 5th Sunday of Easter Year B - May 2, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Sino ba ang Kristiyanong Katoliko?  Tayong lahat na nagtitipon-tipon dito ay mga Kristiyanong Katoliko.  Bakit? Siguro sasabihin natin na dahil nabinyagan tayo. O kaya naman ay dahil nagsisimba tayo tuwing Linggo.  O dahil siguro ay iisa ang ating pananampalatayang pinahahayag.  Sapat ba ito upang sabihing tayo ay mga Krisitiyanong Katoliko?  Pagnilayan ninyo ang kuwentong ito:

Tatlong pari ang nag-uusap tungkol sa isang malaking problema sa kanilang mga parokya: na ang kisame ng kanilang mga simbahan ay pinananahanan ng mga paniki.  Ang sabi ng isa: "Ah, ang ginawa ko ay bumuli ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mga paniki para mabulabog sila.  Nag-alisan naman, kaya lang bumalik uli at nagsama pa ng kanilang mga tropa!"  Ang sabi namang pari, "Ako naman, bumili ng pang chemical spray.  ginamit ko ito at simula ay effective naman.  Marami ang namatay ngunit may mga naiwan. Ang masaklap ay na-immune ang mga ito at maging ang kanilang mga naging anak at apo ay di na tinatablan ng chemical."  Pagyayabang na sabi ng pangatlong pari: "Ako simple lang. Di ako ganong gumastos! Kumuha lang ako ng tubig.  Binasbasan ko ito.  Bininyagan ko ang mga paniki at pagkatapos ay nagliparan palabas ang mga paniki at hindi na muling bumalik sa simbahan!"  

Marami sa ating mga Katoliko ay walang pinagkaiba sa mga paniking bininyagan!  Pagkatapos mabinyagan ay palipad-lipad na lamang sa labas ng simbahan at ayaw ng pumasok!  Nakalulungkot ngunit ito ang katotohanan: maraming Katoliko ang kristiyano lamang sa "baptismal certificate", nabinyagan ngunit hanggang doon na lamang, sila ay ang mga "Sacramentalized but not evangelized."  Hindi sapagkat nabinyagan tayo ay katoliko na tayo.  Hindi sapagkat pumasok tayo ng simbahan ay kristiyano na tayo.  Ang sabi nga ng isang sikat na amerikanong obispong pumanaw na na si Bishop Fulton Sheen: "Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse, ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad nagiging Kristiyano."  Kung gayon ay paano nga ba tayo nagiging Kristiyano?  Ang sinasabi ng ating ebanghelyo ngayon ay ang pananatili kay Kristo at pamumungang dapat na dulot nito.  Ibinibigay ni Jesus na pagtutulad ang puno ng ubas at ng mga sanga nito.  Para mas lalo natin itong maintindihan ay dapat nating ilagay natin sa konteksto ng ating pagbasa.

Sa Lumang Tipan, ang ubasan ay laging ipinantutukoy sa bayang pinili ng Diyos, ang Israel, na ang kasaysayan ay tungkol sa katapatan ng Diyos sa kanyang Tipan sa kabila ng maraming pagtalikod at pagtataksil ng tao.  Sila ang ubasan na kung minsan ay hindi nagbibigay ng bunga sa kabila ng masusing pag-aalaga ng Diyos sa kanila.  Sa Bagong Tipan ay inako mismo ni Jesus ang pagiging puno ng ubas upang ipakita ang kahalagahan ng ating pakikipag-ugnayan sa Kanya. "Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana..."  

Totoo na tayong mga "sanga" ay naiugnay kay Jesus sa pamamagitan ng ating Binyag na kung saan tayo ay naging kabahagi ng Katawan ni Kristo. Tayo ay nananatili sa Kanya sa pamamagaitan ng ating buhay panalangin at pagtanggap ng mga Sakramento.  Ngunit ang pananatiling ito ay dapat na magbigay ng bunga sa ating buhay.  Wala ring silbi ang sanga kahit na ito ay malaki kung wala naman itong bunga.  At paano ito namumunga?  Ang sabi ni San Juan sa ikalawang pagbasa ay "Ipakita natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa."   

Kung minsan ay nangangailangan ito ng pagpuputol ng ilang sanga o "trimming" upang lalo pang dumami ang bunga.  Sa ating buhay, ito ay ang maraming pagsubok na ipinadadala ng Diyos sa atin na kapag ating napagtagumpayan ay nagbibigay sa atin ng biyaya at maraming pagpapala.  Maaari nating sabihin na ang kahirapang dulot ng pandemyang ito ay isang uri ng pagpuputol na ginagawa ng Diyos sa atin upang mas lalo pang lumalim ang ating pakikipag-ugnayan sa kanya at magbunga ito ng kabutihan na tumutugon sa pangangailangan ng ating kapwa.  Nakakataba ng puso ang ipinapakitang kabutihan ng marami nating kapatid na nagbibigay ng tulong ayon sa kanilang kakayahan sa mga nagsulputang community pantry.  Ito ay isang pagpapatunay na kayang talunin ng kabutihan ang kasamaan, na kayang pagtagumpayan ng pagbibigay ang pagiging makasarili.  Ito ay isang konkretong pagpapakita ng nais ng Panginoon na mangyari sa atin kung talagang nanatili tayo sa kanya:  Ang mamunga ng sagana! 



Sabado, Abril 24, 2021

ANG PUSO NG MABUTING PASTOL: Reflection for 4th Sunday of Easter Year B - April 25, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ang ika-apat ng Linggo ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon ay parating itinatalaga bilang Linggo ng Mabuting Pastol o Good Shepherd Sunday.  Ito rin ay World Day of Prayer for Vocations, na kung saan ay ipinagdarasal natin ang paglago ng bilang ng mga nagnanais na maglingkod sa Diyos bilang pari o relihiyoso.  Ipinagdarasal din natin ang ating mga pastol,  ang mga paring kasalukuyang naglilingkod sa Bayan ng Diyos, na maging mabubuting pastol ayon sa puso ni Jesus, ang ating Mabuting Pastol na matapat, may malasakit at mapag-aruga sa kanyang kawan.

May isang kuwento na hango sa tunay na buhay ng isang paring Inglatero na nagpamalas ng kakaibang kabayanihan.  Kasama siya sa mahigit na 1,500 kataong namatay sa barkong Titanic na lumubog noong taong April 15, 1912.  Isinalaysay ng ilang mga nakaligtas sa trahedyang ito na may dalawang pagkakataong nailigtas na dapat ng pari ang kanyang sarili ngunit mas pinili niya ang samahan ang mga taong naiwan sa barko at bigyan sila ng lakas ng loob sa pamamagitan ng pagdarasal at pagbibigay ng  sakramento ng kumpisal.  Ang sabi ni Fr. Thomas Byles: "Be calm, my good people", and then he went about the steerage giving absolution and blessings..." 

Ipinakita ng paring ito ang katangian ng isang mabuting pastol.  Ang mabuting pastol ay may malasakit sa kanyang mga tupa.  Ang wika ni Jesus sa ating ebanghelyo ngayong Linggo: "Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa...  Ako ang mabuting pastol. Kung paanong nakikilala ako ng Ama at siya'y nakikilala ko, gayon din naman, nakikilala ko ang aking mga tupa at ako nama'y nakikilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa."  Hindi pinababayaan ng mabuting pastol na mapahamak ang kanyang mga tupa. Kahit buhay niya ay handa niyang iaalay para sa kanila at lagi siyang handang maglingkod sa kanila.  Dito ay mauunawaan natin na ang titulong "mabuting pastol" ay unang iniaangkop natin sa ating Panginoong Jesus.  Hindi tayo pinabayaan ng Diyos.  Isinugo niya ang kanyan bugtong na anak at ang anak na ito ay nag-alay ng kanyang buhay upang tayo ay maligtas. Ipinakita niya ang kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng mapagkumbabang paglilingkod. 

Ito rin ang pagtawag ng Diyos sa bawat isa sa atin.  Lahat tayo ay may "bokasyon" o pagtawag na tinanggap mula sa Diyos.  Ang bokasyon ay maihahambing sa isang pintuan o bintanang bukas na nag-aanyayang pasukin.  Ibig sabihin, ang pagtawag ng Diyos sa atin ay nangangahulugan ng ating pagtanggap sa kanyang paanyaya, paayayang makibahagi sa kanyang buhay.  Ginagampanan natin ang pagtawag na ito ayon sa partikular na estado ng ating buhay bilang single, may asawa o kaya naman ay bilang pari o relihiyoso.  Ito ay isang buhay-paglilingkod na kung saan inilalaan natin ang ating sarili upang pagsilbihan ang ating mga kapatid na nangangailangan.  

Ngayong panahon ng pademya ay nagsisilbing ilaw ng pag-asa ang paglaganap nitong tinatawag nating "community pantry".  Nabibigyan nito ng pagkakataon ang marami sa atin na makatulong sa ating kapwa ayon sa ating kakayahan at kakayanan.  Masyado nang pinahihirapan ng pandemyang ito ang buhay ng marami sa atin.  Ang mas masaklap dito ay sinisira nito ang pag-asa ng marami nating kapatid at pinahihina ang ating pananampalataya sa Diyos.  Ngunit sa pamamagitan ng pagbibigay ay kinakalaban natin ang pagiging makasarili at ang kasakiman nating taglay.  Nagpapakita rin ito ng malasakit sa ating kapwang naghihikahos sa buhay at pagiging sensitibo sa kanilang kalagayan kaya nga't bawal ang kumuha ng sobra o marami at baka maubusan ang mga mas nangangailangan pa sa iyo.  

Ang Panginoong Jesus ay patuloy na kumakatok sa ating puso.  Patutuluyin mo ba siya? Ang pintuan natin ay mabubuksan lamang mula sa loob.  Kung ayaw natin ay talagang hindi makatutuloy ang Diyos sa ating buhay.  May nabasa akong isang magandang quote:  "The eyes are the window of the soul.  The heart is the door.  Open your heart to let love in and out!"  Tayong lahat ay tinatawag ng Diyos na magmahal.  Kalingain natin ang ating mg kapwang higit na nangangailangan.  Huwag tayong matakot sapagkat walang taong nagiging mahirap sa pagbibigay.  Ang puso ng mabuting pastol ay mapagkumbabang paglilingkod.  Itahimik natin ang ating sarili at ating tanungin kung binubuksan ba natin ang ating puso sa pagtulong sa ating kapwa. Bago matulog sa gabi ay kumuha ka ng isang papel at isulat mo ang mga nagawa mong paglilingkod sa kapwa mong nangangailangan.  May maisusulat ka kaya?