Miyerkules, Disyembre 30, 2020

ALIS MALAS, PASOK BUENAS! : Reflection for the Solemnity of Mary the Mother of God - Year B - January 1, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Isang mapayapa at mapagpalang bagong taon sa inyong lahat! Ang pagpasok ng taong 2021 ay dapat magdulot sa atin ng pag-asa sa kabila ng maraming "kamalasan" na ibinigay sa atin ng taong 2020.  Sa katunayan ay nagpapatuloy pa rin ang pananalasa ng kamalasang ito sapagkat hindi pa rin naman nawawala ang pandemiyang dala ng COVID19.  Gayun pa man, tulad nga ng lumabas sa survey na isinagawa ng SWS, ay marami pa ring Pilipino ang positibo ang pananaw sa pagpapasok ng bagong taong ito.  Marami pa rin ang umaasa na malapit ng matapos ang kahirapang nararanasan natin ngayon.  Isama na natin dito ang maraming alalahanin sa buhay na nagdudulot sa marami ng walang kasiguruhan kung ano ba ang mangyayari sa kanila ngayong taong 2021.  Ngunit tulad nga ng nabasa ko ay walang naibibigay na mabuti ang labis na pag-aalala: "Worrying does not take away tomorrow's troubles, it takes away today's peace!"

Ano sa palagay mo? Susuwertehin ka ba sa taong ito?  Maaalis ba natin ang malas ngayong taong ito? Aminin natin na ang gusto nating lahat na mangyari sa taong ito ay ALIS MALAS! PASOK BUENAS!  Ngunit paano ito mangyayari lalo na't marami sa ating mga nakagawiang gawin kapag bagong taon ay ipinagbabawal?  Bagamat pamahiin kung maituturing ngunit marami pa rin sa atin ang gumagawa nito.  Unahin na natin ang BAWAL ANG PAPUTOK.  Marahil ay namana natin ito sa mga intsik ngunit marami ang naniniwala na itinataboy ng ingay ng mga paputok ang masasamang espiritu na nagdadala ng kamalasan.  Ngunit sa ating mga nanampalataya ay ito ang dapat nating tandaan:  "Hindi po ingay ng paputok ang magpapalayas sa mga demonyo.  Ang magpapalayas sa mga demonyo ay: taimtim na pagdarasal, madalas na pakikiisa sa Sakramento ng Eukaristiya at Kumpisal, pag-iwas sa kasalanan maliit man o malaki at madalas na pagdalaw at pagdedebosyon sa Banal na Sakramento."    

Paano ba papasok sa atin ang buenas o suwerte?  Marami sa atin ang ginagawa ang lahat ng paraan para magpapasok ng suwerte. Nariyan na ang pagbuo ng 12 prutas na bilog. Sigurado akong meron kayo nyan sa inyong lamesa sa pagpalit ng taon. Pero dapat nating tandaan, "Hindi mga prutas ang mag-aakyat ng blessings sa buhay mo.  Ang makapagbibigay ng blessings sa buhay mo ay si Jesus lamang at wala ng iba!"  Nariyan na ang pagbili ng tikoy! Para daw mas malagkit ang kapit ng swerte! Nariyan na ang pagsusuot ng damit na kulay pula at siyempre ang polka-dots na sumisimbolo sa pera; mas maraming polka-dots, mas maraming pera ang makukuha.  Pero tulad ng paputok, ay marami pa rin pagbabawal dito.  Sabi ng isang message na natanggap ko:  “Para di malasin ang New Year, huwag mong isali sa handa ang bilog na prutas na may itim na buto tulad ng pakwan, chico, papaya at iba pa para du umitim ang suwerte! Huwag ka rin maghanda ng ice cream para di matunaw ang swerte at higit sa lahat huwag maghanda ng ulam na galing sa hayop na may apat na paa gaya ng baboy, baka, kambing at baka tumakbo ang swerte. Huwag din maghanda ng isda at laman dagat at baka malunod ang swerte. Huwag din maghanda ng may pakpak tulad ng manok o pabo at baka lumipad ang swerte. Huwag ka na kayang maghanda at matulog ka na lang! Happy New Year!” 

Masama bang sumunod sa mga pamahiing ito? Hindi naman siguro basta't hindi namin kalilimutan na ang kapalaran ng tao ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin kundi sa matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. At dito ay ibinibigay sa atin ang Mahal na Birheng Maria upang ating maging huwaran. Kaya marahil ang unang araw ng taon ay laging nakatuon sa pagdiriwang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos.  Tinamaan ng suwerte ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos at dahil dito siya ay napuspos ng biyaya!  Sa katunayan ay ipinapahayag natin ito sa ating panalangin; "Hail Mary, full of Grace, the Lord is with you!"  Bakit napuspos si Maria ng biyaya?  Sapagkat ang Panginoon ay sumasakanya!  Literally, ito ay totoong nangyari sa kanya sapagkat dinala si Jesus sa kanyang sinapupunan.  Ang tawag namin d'yan sa Griego ay THEOTOKOS, the bearer of God, tagapagdala ng Diyos! Sinasabi nito sa atin na dapat ay sikapin din nating "dalhin si Kristo" sa ating pagkatao.  Punuin natin ang ating buhay ng grasya ng Diyos katulad ni Maria kung nais nating pagpalain ng Panginoon ang ating buhay.  Tinanggap na natin ang biyayang ito noong tayo ay bininyagan.  Taglay natin si Kristo maging sa ating pangalan.  Ang kulang na lamang marahil ay isabuhay natin ito sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang kalooban.   Si Maria ay bukod na pinagpala dahil sa kanyang matapat na pagsundo sa kalooban ng Diyos.  "May it be done to me according to your word..." Ang sagot ni Maria sa anghel nung tinanggap niya  ang pagtawag na maging Ina ng Diyos.  

Malaking hamon ito sa atin sa pagpasok ng bagong taon sapagkat sa simula pa lang ay may problema na tayong kinahaharap.  Parang napakahirap isakatuparan ang kalooban ng Diyos sa ating sitwasyon ngayon na marami sa atin ang naghihikahos sa buhay gawa ng pandemyang ito.  Ngunti manalig tayo ng may pag-asa.  Tandaan natin na tayo ay pumapasok na rin sa pagdiriwang ng ika-500 Anibersaryo ng Paghahatid ng Pananamplatayang Kristiyano sa ating bansa.  Pinapaalalahanan tayo na wala tayong dapat ipangamba sapagkat hindi tayo pinababayaan ng Diyos.  Maraming pagsubok na hinarap at patuloy na hiniharap ang ating Simbahan ngunit hanggang ngayon ay nananatili pa rin itong matatag at patuloy na gumaganap sa kanyang misyon.  Ang paalala sa atin ay "We are gifted to give!", na tayong lahat ay biniyayaan ng Diyos upang magbigay ng pag-asa at pagmamahal sa ating kapwa!  

Nasa atin na ang "suwerte", walang iba kundi si Jesus, kinakailangan na lang natin itong ibahagi sa iba!  Sa pagpasok ng bagong taon nawa ay maging mas mabubuting tao tayo at mas tapat na mga Kristiyano.  Sa ganitong paraan lang natin makakamit ang tunay na kapayapaan na hanggang ngayon ay patuloy pa rin nating inaasam.  Nawa ay pagharian tayo ng Kristo sa taong ito ng 2021.  

Isang Masagana, Mapagpala at Mapayapang Bagong Taon sa inyong lahat!

Sabado, Disyembre 26, 2020

BANAL NA MAG-ANAK: PAMILYANG MARANGAL AT BANAL - Reflection for the Feast of the HOLY FAMILY - Year B - December 27, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Lahat tayo ay tumanggap ng isang mahalagang regalo noong araw ng Pasko.  Siya ay ang "Emmanuel",  ang Diyos na sumasaatin.  Pinili ng Diyos na isilang sa isang pamilya at ang pamilyang ito ay tinawag nating BANAL NA PAMILYA nina Jesus, Maria at Jose. Alam n'yo bang parating nating nababanggit ang Banal na Mag-anak sa hindi makabulahan at walang kapararakang bagay.  "SUSMARYOSEP!" Kalimitan nating naririnig at ginagamit ang mga katagang ito kapag tayo ay nagugulat. Alam ba ninyong ito ay hango sa tatlong banal na pangalan nina JeSUS MARia at JOSEPH? Kaya nga kung minsan nakakalungkot na nawawalan na ng tamang paggalang ang paggamit ng salitang ito. Pinaglalaruan, ginagamit sa biruan, ang tawag ko d'yan... INUUNGGOY!

Minsan sa isang religion class ay nagtuturo ang isang madre: "Mga bata, alam ba ninyong tayong lahat ay nilikha ng Diyos? Galing tayo sa Kanya!" Sagot ang isang bata, "Sister, ang sabi po ng nanay ko ay galing daw tayo sa unggoy!" "Iho", sagot ni sister, "hindi natin pinag-uusapan ang pamilya mo dito!"   

Papayag ka bang ang pamilya mo ay galing sa unggoy?  Pero ito ang katotohanang nangyayari ngayon... "INUUNGGOY" ang pamilyang Pilipino!  Hindi na nabibigyan ng sapat na respeto ang karapatan at dignidad nito.  Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay kaya napayagan ang RH Bill. Ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin.  Nariyan na rin ang pisikal at emosyonal na pang-aabuso sa mga miyembro ng pamilya.  At higit sa lahat napipinto na ang pagpapawalang bisa sa kasal ng mag-asawa sa pamamagitan ng DIVORCE. 

Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya!  Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL.  Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi.   Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago.  Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO." Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito.  

Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya.  Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA.  Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga.  Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya.  May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA.  Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga.  Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang.  Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA!  At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN.  "The family that prays together, stays together!"  Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL.  Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban.  

Ang Banal na pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay modelo sa atin upang pamarisan ang kanilang tapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos.  Kahit na batid nilang si Jesus ay ang Anak ng Diyos ay matapat pa rin nilang tinupad ang isinasaad ng batas at dinala si Jesus sa templo upang iaalay.  Mapagkumbaba nilang sinunod ang plano ng Diyos at ginabayan ang batang Jesus sa kanyang paglaki.  

Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan.  Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN, ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig  ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA!

Huwebes, Disyembre 24, 2020

MALIGAYANG PASKOVID: Reflection for Christmas Day - December 25, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES


Merry Christmas sa inyong lahat!  O siguro mas maganda at naayon sa panahon ngayon ang pagbating  MALIGAYANG PASKOVID sa inyo mga kapatid! Walang veerus... walang pandemia na maaring makapigil sa atin sa pagdiriwang ng Pasko!  Tuloy ang pagdiriwang ng Pasko sa Paskong Paskovid!  Aminin natin na sa ating kasalukuyang panahon ngayon ay nangangailangan, hindi lang ating basta ngunit ang buong mundo ng habag at paggaling!  A world in need of healing ang mercy!  

Hindi ko alam kung may balat itong taong 2020 ngunit sa maraming pangyayaring nagdaan, masasabi nating minalas ata tayo at kinawawa ng sunod-sunod na trahedya! Nakaranas tayo ng tinatawag kong Physical Evil at Moral Evil.  Ano ang mga ito?  Ang halimbawa ng physical evil ay ang sunod-sunod na bagayong pumilay sa kabuhayan ng marami nating mamayan.  Nagdulot ito ng labis na pagbaha at dahil dito ay maraming buhay at kabuhayan ang nasira!  Isama na rin natin ang paminsan-misang lindol! Minsan lang naman pero kung puminsala ay wagas!  Siyempre, kasama na rin dito ang hanggang ngayon ay binubuno natin pandemiang dala ng COVID19.  Hanggang ngayon ay pinahiharapan tayo nito at tila magtatagal pang maibabalik sa normal ang ating pamumuhay.  Kung may kasamang gawa ng kalikasan ay mayroo din namang gawa ng tao.  Hanggang ngayon ay hindi pa rin nahihinto ang mga brutal at hindi makatarungang pagpatay.  Nasaksaihan natin ang masaklap na sinapit ng mag-ina, ngunit hindi lang naman sila.  Tuloy pa rin ang exta-juducial execution sa mga mamamahayag, hukom at maging duktor.  Wala na ata silang pinipili: bata, matanda, lalaki, babae.  Para lang silang pumapatay ng hayop sa mga lansangan. Ang pagkamanhid ng konsiyensiyang ito pinalalala pa ng culture of impunity na kung saan ay tila sinasang-ayunan pa ng ilan ang patayan at kaguluhan sa paligid.  At siyempre ay sadlak pa rin tayo sa kahirapan.  Dahil ba kulang ang yaman ng ating bansa Hindi!  Dahil ito sa makasariling pag-iisip at pamumuhay ng mga may kaya na bingi at  walang pakundangan sa daing ng mga mahihirap.

Ang mga katulad nito ang nagbibigay sa atin ng negatibong pananaw sa mundo at sa ating buhay.  Kaya nga hindi malayo na may ilan-ilan sa atin na hindi magdiriwang ng masayang Pasko.  Ngunit tandaan natin na ang ating Pasko ay PASKONG MAY KRISTO!  Pinagnilayan natin sa mga nakaraang araw ng ating paghahanda na ang Diyos ay Mabuti at ang Pasko ay tungkol sa kabutihan ng Diyos.  Christmas is about the GOODNESS AND MERCY OF GOD!  Ang Diyos na ito ay nagpakita sa atin ng awa at malasakit nung isugo Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas.  Kaya nga masasabi natinng JESUS IS THE REASON OF THE SEASON.  Siya ang dahilan kung bakit mayroon tayong Pasko!  Walang Pasko kung walang Kristo!  May mga nagbabatian sa atin ng Happy Holidays!  Wag nating tanggalin si Kristo na nagbibigay ng tunay na kaligayahan sa kapaskuhan!  

Dahil dito ay isinusugo rin tayo na magdala ng pag-asa at kaligayahan sa iba!  We are sent as ambassadors of Hope and Joy!  Ibig sabihin ay tanggalin natin sa ating buhay ang lahat ng negatibo.  SAY NO TO NEGATIVITY!  Maging positibo tayo sa ating buhay.  Laging tingga ang ating mga "baso" na hindi half empty kundi half full!  May nabasa nga akong magandang quote: " I refuse negativity, Life is too big and time is too short to get caught up in empty drama!"  Tama nga naman.  Huwag nating hayaang nakawin ng negatibong pag-isiip ang ang ating kaligayahan!  At kanino tayo huhugot ng lakas para gawin ito?  Walang iba kundi sa pamamagitan ni Kristo!  Turuan natin ang bawat isang maging mapagpasalamat sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob sa kanila ng Panginoon. Nais kong balikan ang salita na binitawan ni Ms Catriona Gray na kanyang ipinanalo sa Ms, Universe noong 2018: "If I could teach people to be grateful, we could have an amazing world where negativity could not grow and foster and children would have a smile on their faces."

Isabuhay natin ang ating misyon bilang mga ambassadors of hope and joy!  Tandaan natin na siya ay dumating upang tayo ay maging masaya at puno ng pag-asa sa ating buhay.  Muli, isang pagbati ng MALIGAYANG PASKOVID SA INYONG LAHAT! 

Miyerkules, Disyembre 23, 2020

BELEN SA PUSO MO: Reflection for 9th SIMBANG GABI Year B - December 24, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Tayo ay nasa huling araw na ng ating Simbang Gabi o ng ating siyam na araw na pagnonobena para sa pagdiriwang ng Kapanganakan ng Panginoon. Marahil ay may mga ilan-ilan sa atin na talgang sineseryoso o kina-career ang paggising ng maaga upang makumpleto ang siyam na araw dahil mayroon silang espesyal na ipinagdarasal na nais nilang hingin sa Panginoon.  Ngunit may ilan din naman na nagninilay sa siyam na araw na ito tungkol sa katuparan ng mga pangako ng Diyos na walang iba kundi si Jesukristong ating Panginoon.  Siya ang REASON OF THE SEASON, ang tanging kadahilanan kung bakit tayo nagdiriwang ng Pasko,
Siya ang SAYA na daladala ng Kapaskuhan!  Kaya isa sa mga imahe ng Pasko na hindi dapat mawawala ay ang BELEN!  Ang tahimik na pagninilay dito ay nakapagbibigay sa atin ng kapayaaan at kaligayahan sa ating puso.

Ano sa palagay ninyo? Uso pa ba ngayon ang Belen?  Sa aking palagay ay hindi pa rin nawawala ang kahulugan at kahalagahan ng pagtatayo ng Belen dito sa ating bansa.  Sa Tarlac, ito pa nga ay ginagawanang patimpalak ng taon-taon na na ang tawag ay Belenismo.  Kapag ako ay nagpupunta sa mga bahay-bahay ay lagi kong nakikita ang Belen na dekorasyo na tila baga bahagi na ng ating kulturang Pilipino.  Upang matawag na Belen dapat ay naglalaman ito ng mga imahe nina Jesus, Maria at Jose.  Dapat din ay naroroon ang mga imahe ng mga pastol, ng mga wise men, ng mga hayop.  Kapag may kulang puwedeng sabihing hindi kumpleto ang Belen at dahil diyan ay WALANG BELEN!  

Ang Belen marahil ang isa sa pinakapopular na simbolo ng Pasko ngunit mukhang unti-unti na atang nawawalaang pagtatayo nito sa ibang bansa.  Maraming bansa ngayon ang wala ng Belen!  Sa Amerika na namumuhay sa sekularismo ay masasabing wala nang Belen sapagkat WALA NA SILANG WISE MEN! Isang konkretong halimbawa ay ang hindi nila paniniwala sa COVID19 na kung saan, kahit lumagpas sa 500 million ang nagkaroon nito at halos 2,000 katao ang namamatay araw-araw, ay pilit pa ring tinatawag itong isang malaking HOAX o panloloko! Sa Japan na napakaprogressibo ang teknolohiya at marangya ang pamumuhay ay tila wala ring Belen sapagkat WALA NA SILANG POOR shepherds. Ibig sabihin ay kinain na ng sobrang paghahangad sa mga bagay na materyal ang kanilang buhay. Sa Amsterdam na kung saan ay legal ang prostitusyon at pornograpiya ay wala ring Belen sapagkat WALA NG VIRGIN! Pero ibahain natin ang Pinas!  Dito sa atin ay maraming Belen! Bakit? Sapagkat MARAMING HAYUP!  Bahala na kayong mag-isip kung sino at ano ang mga hayop na tinutukoy ko... hehehe.

Ang ligayang dulot ng Belen sa puso ng maraming tao ay siyang ligaya ring taglay ng mga taong nananalig sa katapatan ng Diyos.  Ito ang kaligayahang nadama ni Zakarias sa ating binasang Ebanghelyo.  Bagamat nagkulang siya sa pananampalataya ay nagawa niya pa rin magpahayag ng papuri sa Panginoon dahil sa pagtupad Niya sa Kanyang pangakong pagliligtas! "Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Sapagkat nilingap niya at pinalaya ang kanyang bayan... Sapagkat lubhang mahabagin ang ating Diyos; magbubukang-liwayway sa atin ang araw ng kaligtasan...:

Sa kabila ng ating kakulangan ng pananamalataya ay sikapin nating maging tapat lagi kay Kristo at sa ating pakikipagtipan sa Kanya noong tayo ay bininyagan.  Talikuran natin ang lahat ng gawaing masama at panibaguhin natin ang pagpapahayag ng ating pananampalataya.  Maging saksi tayo ng Kristo sa ating tahanan, lugar ng paggawa, paaralan at sa ating pakikitungo sa isa't isa.  Huwag natng dungisan ang pangalang Kristo na nakakabit sa ating pagkatao.  Ang Belen ay hindi lamang dapat makikita sa labas ng bahay bilang palamuti o dekorasyon.  Ang mensahe ng Belen na KATAPATAN ay dapat nakatangghal sa ating mga puso at ibinabahagi natin ito sa ating kapwa.  Ang Belen ay dapat nasa PUSO MO!

Martes, Disyembre 22, 2020

GOD IS GRACIOUS: Reflection for 8th SIMBANG GABI Year B - December 23, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ano nga ba ang meron sa pangalan mo?  Natanong mo na ba ang iyong magulang kung bakit ito ang pangalang na ibigay n'ya sa iyo?  Hindi ko nagawa 'yon pero hinanap ko sa internet ang ibig sabihin ng Eduardo at ang nakita ko ay "wealthy guardian". Hinanap ko rin ang mga sa kapatid kong pari.  Para kay Fr. Boy ang "Salvador" ay nanganghulugang "savior".  Ang kay Fr. Louie ay "Luisito" na ibig sabihin ay famous warrior.  Ang kay Fr. Red ay "Redentor" na ang ibig sabihin naman ay redeemer o savior.  Napakamakahulugan ang pangalan nilang tatlo.  Pero ang sa akin hindi ko alam kung niloloko lang ako. Naisip ko naman na siguro balang araw yayaman din ako.  Kaya sa pagpasok ng 2021 magbabakasakali ako sa lotto! hehehe...

Karaniwang ang mga pangalan ay nanggagaling sa magulang kaya nga't malimit na tayong makakita ng mga Jr, (junior) sa huli ng pangalan.  Kung minsan naman ay pinagsamang pangalan ng tatay at nanay ang pangalan bata.  Halimbawa ay Jomar sapagkat ang tatay ay Jose at ang nanay ay maria. Pero hindi ito maganda sa lahat ng pagkakataon.  May kuwento na minsan daw ay pinagsama ng tatay at nanay ang pangalan nila para makabuo ng maaring itawag sa anak.  Kaso ang pangalan ng tatay ay CONrado at ang nanay naman ay DOMinga. Nagulat sila sa kinalabasang pangalan ng kanilang anak... CONDOM! Ang sagwa! hehehe...   Nauso rin ang pagbibigay ng pangalan ayon sa kanilang iniidolong mga tambalang artista tulad ng Kathniel, Jadine, Lizquen, JoshLia, at ang nagbabalik na Aldub, hindi pelikula kundi bilang endorser ng isang delivery app na TOKTOK.  

Sa Biblia, ang pagbibigay ng pangalan ay nangangahulugan ng pagbibigay ng bagong misyon.  Ang pangalan ni Abram ay ginawang Abraham dahil magmumula sa kanya ang maraming angkan.  Si Jacob ay ginawang Israel dahil sa kanyang pakikipagbuno sa anghel.  Si Simon ay ginawang Pedro na ang ibig sabihin ay bato sapagkat pamumunuan niya ng buong katatagan ang Simbahang itinatag ni Kristo.

Bakit nga ba JUAN ang pangalang ibinigay sa anak ni Zacarias at Elisabet?  Kung susundin natin ang tradisyon ng mga Judio ay dapat na ibinigay sa kanya ang pangalang Zacarias tulad ng kanyang ama. Kaya nga laking pagkagulat ng mga taong naroon ng marinig na JUAN ang ipapangalan sa kanya sapagkat wala sa kanilang kamag-anak na may gayong pangalan.  Ano ba ang nilalaman ng pangalang Juan?  Sa wikang Ingles ang ibig sabihin ng Juan ay GOD IS GRACIOUS!  Totoo nga naman, napakabuti ng Diyos sapagkat unang una ay tinanggal Niya sa kahihiyan ang pagiging walang anak ng mag-asawang Zacarias at Elisabet.  Pangalawa ay sapagkat ang pagkapanganak kay Juan ay nagpapakita na nilingap ng Panginoon ang kanyang bayan sa kabila ng pagkasalawahan nito!  

Tunay ngang "God is good all the time and all the time God is good!"  Hindi Niya binigo ng Diyos ang Kanyang bayan sa Kanyang pangako.  Ang Diyos nanatiling TAPAT sa tao.  Tunay ngang hindi mapapantayan ang katapatan ng Diyos sa atin.  Sa kabila ng pagsuway at katigasan ng ating mga ulo ay ipinagpatuloy pa rin Niya ang Kanyang planong kaligtasan!  Tayo lang naman kasing mga tao ang nagtataksil at may pusong salawahan.  Madalas nating ipagpalit ang Manlilikha sa kanyang mga nilikha!  Sa katunayan ay ito ang kahulugan ng kasalanan ayon kay San Agustin.  "Aversio a Deo, conversio ad creaturam!"  (Turning away from God and turning towards creatures!)
 
Ilang beses ko na bang ipinagpalit ang Diyos sa mga makamundo at mga materyal na bagay (o kahit tao)?  Kung minsan naman ay hindi natin pinaninindigan ang pangalan ni Kristo na ating tinanggap noong tayo ay bininyagan. Ang masama pa nga ay ikinahihiya natin ito sa tuwing hinihingi nito ang ating pagsaksi.  Simpleng pagdarasal bago kumain sa isang fastfood restaurant o kaya naman ay pag-aatndanda ng krus pagdaan ng jeep sa isang simbahan  ay ating ipinagwawalang bahala dala marahil ng kahihiyan na rin sa ating mga katabi.  Paano pa kaya kung buhay na natin ang hinihingi para panindigan ang ating pangalang Kristiyano?  

Huwag sana nating biguin ang Diyos kung paanong di Niya tayo pinabayaan bilang Kanyang bayan!  Patuloy Niya tayong lilingapin sa kabila ng ating pagkamakasalanan.  Sapagkat  Siya ay Diyos na mabuti.... napakabuti! At ang kanyang kabutihan ay magpakailanman!

Lunes, Disyembre 21, 2020

MAGNIFICAT ANIMA MEA: Reflection for 7th Simbang Gabi Year B - December 22, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Tatlong tulog na lang at Pasko na!  Pitong araw na tayong kulang sa tulog dahil sa paggising sa madaling araw upang ipanalangin sa Panginoon ang ating mga kahilingan.  Wala namang masama na humingi tayo sa ating mga panalangin nguni hindi lang dapat ito ang laman ng ating panalangin sa tuwing tayo ay naninikluhod sa harap ng Panginoon.  
Ano ba ang laman ng iyong panalangin sa tuwing ikaw ay magdarasal?  Baka naman puro hingi ka lang at yun lang ang laman ng iyong panalangin?  

May kuwento ng isang taong laging nanghihingi sa kanyang panalangin.. Minsang napadaan siya sa isang simbahan at tumapat sa isang imahe ni Jesus na nakapako sa krus.  "Panginoon, sana naman bigyan mo ako ng t-shirt na Calvin Klein, maong pants na LEVIS, sapatos na NIKE at relo na G-SHOCK! Laking gulat niya ng sumagot ang Panginoon,  "Mahiya ka naman Juan... tingnan mo nga ako, bahag lang ang suot ko, ikaw kung makahingi... WAGAS!"  hehehe... 


Baka naman sa tuwing nagdarasal tayo ang nasasambit natin ay "PENGE NOON... PENGE NOON..." sa halip na "PANGINOON! PANGINOON!"  Hindi ba dapat ang unang lumalabas sa ating bibig ay pagpupuri at pasasalamat?  Ang lakas nating humingi sa Diyos ngunit hina naman natin magpasalamat.  Ang mga pagbasa natin sa ika-7 araw ng ating Nobena para sa Pasko ay mag tema ng PASASALAMAT

Sa unang pagbasa ay narinig nating nagpasalamat si Ana sa pagbibigay ni Yahweh sa kanya ng anak na si Samuel at bilang utang na loob ay inihandog niya si Samuel sa templo upang maglingkod. Marahil ay hindi matawaran ang pagpapasalamat ni Ana sa Panginoon kaya't nagawa niyang ihandog sa paglilingkod sa templo ang ibinigay sa kanyang anak.  Sa Ebenghelyo naman ay punong-puno ng kagalakan na ipinahayag ni Maria ang kanyang pasasalamat sa Diyos sa kanyang MAGNIFICAT!  "Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon at nagagalak ang aking Espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas ... dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan! Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin."  

Sa ating buhay ay napakadaling magpasalamat sa Diyos hangga't mabuti ang mga kaganapan natin. Madaling magsabi ng "Praise the Lord!" kapag napromote ka sa trabaho, kapag nanalo ka sa lotto, kapag nakapasa ka sa board exam.  Subukan mong mag Praise the Lord kapag nasunugan ka ng bahay, kapag nalugi ka sa negosyo, kapag iniwan ka ng kasintahan mo... ang hirap di ba?  Dapat nating pasalamatan ang Panginoon sa mga maganda at maging sa mga di-kaaya-ayang pnagyayari sa ating buhay.  Una sa lahat sa regalo ng BUHAY na patuloy niyang ipinagkakaloob sa atin.  Pangalawa ay sa biyaya ng PAMILYA na mayroon tayo.  Hindi man perpekto ang ating pamilya subalit ito ang "the best" na ibinigay niya para sa atin.  At pangatlo ay dapat rin natin siyang pasalamatan sa biyaya ng KALIKASAN na patuloy na umiiral at bumubuhay sa atin!  Ngunit tandaan natin na ang pasasalamat ay mayrooon dapat na kaukulang pagbibigay.  Sa ingles ito ay THANKS-GIVING! Hindi lang thanks kundi may GIVING na dapat mangyayari.  Ang tunay na pasasalamat ay may kaukulang pagbibigay at ang pagbibigay ay dapat may kasamang SAKRIPISYO sapagkat may bahagi sa atin na nawawala kapag tayo ay naghahandog.  Kapag nagsabi ka ng THANKS sa mga magulang mo ay dapat may kasama itong pagsunod, paggalang at pagmamahal sa iyong mga magulang.  Kapag nagsabi ka ng thanks sa mga teachers mo ay may kasama dapat itong pagsisikap na mag-aaral ka at hindi magpapabaya sa iyong pag-aaral.   Kapag nagsabi ka ng thanks sa asawa mo ay may kasama itong pagbibigay ng katapatan sa kanya at pag-aaruga sa iyong pamilya.  

At panghuli sa lahat, ang pagtanaw ng utang na loob sa Diyos ni Maria ay nag-uugat sa kanyang kababaang-loob. Batid niyang hindi siya karapat-dapat na maging Ina ng Anak ng Kataas-taasan. Ang sinuman sa ating nais magpasalamat sa Diyos ay dapat magpakumbaba.  Ang nagpadakila sa Mahal na Birhen ay ang kanyang kabawasan ng sarili.  Ang sabi ng isang sikat na katolikong manunulat na si C.S. LEWIS: "Humility is not thinking less of yourself but thinking of yourself less."  At ito nga ang naging buhay ng Mahal na Birhen.  Inangkin niya at isinabuhay ang pagiging "abang alipin ng Panginoon" at dahil diyan siya ay itinaas ng Panginoon at pinagpala!  

Pagnilayan natin at tanungin ang ating mga sarili: "Ako ba ay mapagkumbabang nagpapasalamat sa Diyos sa lahat ng mga biyayang pianggkakaloob niya sa akin?"  

Linggo, Disyembre 20, 2020

AMBASSADORS OF JOY: Reflection for 6th SIMBANG GABI Year B - December 21, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Apat na tulog na lang at PASKONG PASKOVID na!  Sa kabila ng pandemyang kinakaharap natin ngayon ay ipagdiriwang at gugunitain natin ang Kapangangakan ni JESUKRISTO!  Kahapon ay pinagdiwang natin ang MISA AUREA o ang Ginintuang Misa sapagkat binasa natin ang napakagandang salaysay ng pagkakatawang-tao ni Kristo sa pamamagitan ng paglilihi at panganganak ng isang babae na ang pangalan ay Maria!  Wala namang problema kung isang karaniwang pagdadalantao ang mangyayari ngunit alam natin na ang mangyayaring ipinahayag ng Anghel Gabriel ay taliwas sa karaniwan at payak na pag-iisip ng ordinaryong tao.  Ito ay MISTERYO NG PAGKAKATAWANG-TAO ni JESUKRISTO.  

Ano ba ang kaibahan ng MILAGRO sa MISTERYO?  Bibigyan ko kayo ng simpleng paghahambing para inyong madaling maintindihan. Kapag nabuntis ang babaeng otsenta anyos (80 years old) ang tawag ay MILAGRO.  Pero kapag nabuntis naman ang katorse anyos (14 years old) na dalaga, ang tawag ay MISTERYO! hehehe... 

Sa ating Ebanghelyo ngayong ika-anim na Simbang Gabi ay narinig natin ang pagtatagpo ng isang milagro at isang misteryo.  Ang pagkabuntis ni Elizabeth, sa kabila ng kanyang katadaan ay isang milagro para sa kanyang mga kamag-anak, kapitbahay at kakilala.  Ang pagdadalantao ni Maria ay naman ay balot ng misteryo para sa kanyang asawang si Jose.  Ano ang nangyari ng magtapo ang milagro at misteryo?  Isang kaligayahang hindi maipaliwanag ang naghari kay Elizabeth kaya't kanyang naibulalas: "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!"  Banal na kaligayahan ang dala ni Maria sa pagbisita niya sa kanyang pinsan.  Sa katunayan maging ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabeth ay naglulukso sa tuwa ng madama ang presensiya ng Panginoon.  

Tayong lahat din, bilang mga Kristiyano, tinatawag na maging tagapagdala ng kaligayahan sa ating kapwa.  Tayo ay dapat maging "Ambassadors of Joy" sa mga taong ating nakakatagpo araw-araw.  Naghahatid ka ba ng kaligayahan sa mga kasama mo sa bahay?  O baka naman sa halip na kaligayahan ay dahilan ka pa ng pag-aalitan at hindi pagkakaunawaan sa iyong pamilya?  Ano ang dating mo sa mga taong nakakasalimuha mo araw-araw?  Napapangiti mo ba sila o napapasimangot sila sa tuwing makakasalubong mo?  Naaalala ko ang sabi ng aming propesor sa homiletics noong kami ay nag-aaral pa bilang paghahanda sa papari.  Ang homiletics ay isang semester na kurso upang turuan kami ng tamang pagbibigay ng homiliya o sermon sa Misa.  Ang sabi niya sa amin:  "Kapag kayo ay nangangaral tungkol sa langit, ay hayaan ninyong maliwanag ang inyong mga mukha.  Kung tungkol naman sa impiyerno ang pinapangaral ninyo ay puwede na ang inyong mga mukha ngayon!"  Tingnan mo nga ang mukha mo sa salamin kung ano ang pinapangaral mo sa iyong kapwa?  Langit ba o impiyerno?   

Hindi madali ang magbigay sapagkat ito ay nangangahulugan ng sakripisyo.  Ibig sabihin sa bawat pagbibigay mo ay dapat may nararamdaman kang sakit sapagkat may nawawala dapat sa iyo.  Christian life is a life of giving. Christian life is a life of service!   Katulad ni Mariang taus-pusong naglingkod sa kanyang pinsang si Santa Isabel.  Ang tagapagdala ng kaligayahan ay dapat lang na maging tagapaghatid din ng pag-asa!  Pag-asa sa mga taong nalulumbay, pag-asa sa mga taong nabibigatan sa buhay, pag-asa sa mga taong biktima ng kahirapan at kasalatan!  Ngunit sa aking palagay ay ito naman talaga ang magagawa nating mga karaniwang tao upang matugunan ang kahirapan sa ating paligid:  maging tagapagdala tayo ng PAG-ASA lalo ngayon sa panahon ng pandemya.   Kung may pag-asa ang tao ay magiging masaya siya sa kanyang buhay kahit na araw-araw siyang nakararanas ng hirap at sakit. Ang dala-dala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ay ang PAG-ASA ng sanlibutang nasadlak sa kadiliman.  Pag-asa na nagbibigay ng tunay na KALIGAYAHAN!  Magiging masaya ang ating Pasko kung dadalhin din natin si Kristo sa iba.

Sabado, Disyembre 19, 2020

PLANONG KALIGTASAN: Reflection for 4th Sunday of Advent Year B - December 20, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Talagang kakaiba ang dating ng Paskong PASKOvid!  Mukhang iibahin nito ang itsura ng pagdiriwang ng ating Pasko. Isa sa kapansin-pansing pagbabago ngayong taon ay ang tila pagkawala ng mga bata.  Alam nating pinagbawal na sa mas mahigpit na panuntuan ng GCQ ang pagpapayag sa mga bata na dumalo sa mga pagtitipon, mamasyal sa malls at gumala sa kalye.  Kaya nga asahan na na wala tayong mga bata at kabataang mangangaroling, walang mga batang pupunta sa malls at pamilihan, at hindi ko alam kung ito ay good news para sa mga ninong at ninang, wala ang mga batang maglilibot sa mga bahay ninyo para manghingi ng aguinaldo!  Tama itong nakita kong memes sa internet na binibigay ang sitwasyon ngayon ng mga bata... MALASKA!  Pero kung magpupumilit pa rin ang mga bata na bisitahin ang kanilang Ninong at Ninang ay marahil may dapat na ipatupad na health protocols.  

 "To all my inaanak, Eto ang mga requirements in claiming your gifts: 
                1. Original Copy of Birth Certificate 
                2. Original Copy of Baptismal Certificate 
                3. Picture or Video during the Baptismal Ceremony 
                4. Should know my complete name.
                5. Wear facemask and face shied and observe social distancing
Note:  Deadline of claiming your gift is until December 31, 2020 only! Inaanaks with no
requirements will not be entertained! Incomplete requirements, no gift!  
Have a Covid free Christmas inaanak.

Sigurado ako na nagpaplano na rin ang mga inaanak kung paano hahanapin ang kanilang mga ninong at ninang. Bagamat sinasabing Christmas is for children pero dapat tayong lahat ay may PLANO para maipagdiwang natin ang isang makahulugang Pasko!  
 
Ang Diyos din sa simula pa ng magkasala ang ating mga unang magulang ay may plano na para sa atin. Isinugo Niya ang kanyang bugtong na Anak at dahil dito ang "Salita" na Diyos ay nagkatawang-tao.  Siya ay tinawag na "Emmanuel" o ang Diyos na sumasaatin.  Upang maisakatuparan ang planong ito ay pinili Niya ang isang karaniwang babae na taga-Nazareth na ang pangalan ay MARIA. Ngunit ang babaeng ito ay mayroon na ring plano para sa kanyang sarili.  Sa katunayan siya ay naitalaga na kay Jose upang kanyang maging asawa.  Subalit binago ng Diyos ang plano ni Maria.  Hindi naging madali para kay Maria na tanggapin ang bagong planong ito.  Hindi niya lubos na maunawaan ang ibig sabihin nito ngunit sa kahulu-hulihan ay isinuko n'ya rin ang kanyang plano sa Diyos: "Ako'y alipin ng Panginoon, mangyari sa akin ayon sa iyong sinabi."  

Marahil tayong lahat din ay sari-sariling plano sa ating buhay.  Kalimitan ay nalilito pa nga tayo kung ano ang nais nating mangyari sa ating buhay. Kalimitan din ay palpak ang planong ating sinusunod.  Yun ay sapagkat mali ang ating tanong.  Hindi kung ano ang plano natin bagkus kung ANO BA ANG PLANO NG DIYOS PARA SA ATIN?  Minsan ay nagkakabangga ang plano natin at ang plano ng Diyos para sa atin.  Kung hindi magkatulad ang nais nating mangyari.  

Sa ganitong pagkakataon ay kakikitaan natin ng pagiging modelo ang Mahal na Birheng Maria.  Siya na inuna muna ang kalooban ng Diyos para sa kanya at simang-ayon sa plano nitong maging ina ng anak ng Kataas-taasan!  Nawa ay lagi rin nating unahin ang kalooban ng Diyos.  Sa katunayan ay lagi nating binabanggit ito sa ating panalangin:  "Sundin ang loob mo, dito sa lupa para ng sa langit!"  Hindi madali ang sundin ang plano ng Diyos.  Nangangahuugan ito ng paglimot sa ating sariling mga plano.  Kung minsan ay magdudulot pa ito ng paghiirap at sakrispisyo ngunit kung magagawa naman natin ito ay mararanasan natin ang kakaibang ligaya sa ating buhay.  Gayahin natin si Maria at maging bukas din tayo sa pagsunod sa plano ng Diyos.  Sa kabila ng ating pag-aalinlangan maging tapat lagi tayo sa Kanyang Salita at isabuhay ito araw-araw.

Biyernes, Disyembre 18, 2020

ANG DIYOS NA KAPUSO AT KAPAMILYA NATIN: Reflection for 4th SIMBANG GABI Year B - Decmeber 19, 200 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Anim na tulog na lang at Merry CHRISTmas na!  Ito na ang pang-apat na araw ng ating pagnonobena para sa pagdiriwang ng kapaskuhan, ang kapanganakan ng ating Panginoong Jesus.  Ang sabi ng mga matatanda ay kapag nakumpleto mo raw ang siyam na araw at may hiniling ka sa Panginoon, ito ay kanyang ipagkakaloob.  Mayroon ba sa inyo ritong walang pang absent mula nung unang Simbang Gabi?  Huwag kang mag-alinlangan! Huwag mong pagdudahan ang katapatan at kabutihan ng Diyos!  Tayo lang naman kasing mga tao ang may pusong mapagduda o doubting heart!

May kuwento ng isang padre de pamilya na may asawa at tatlong anak na maliliit pa ang tinamaan ng "veerus" na  Covid19 at nasa bingit na ng kamatayan kaya't ipinatawag niya ang kanyang asawa sa kanyang tabi.  Sinabi niya rito na nararamdaman na niya ang kanyang katapusan ngunit nais niya lumisan sa mundong ito na mapayapa ang kanyang isip at kalooban, kaya't tinanong niya ang kanyang asawa: "Sabihin mo nga sa akin ang totoo...  matagal ko na kasing pinagduduhan kung anak ko talaga itong mga anak natin. Tingnan mo ang mga mukha nila, wala man lang nakuha sa akin.  Matatangos ang ilong nila gayong pango ako.  Matatangkad sila gayong pandak ako.  Mapuputi ang kutis gayong maitim ako. Aminin mo nga sa akin ang totoo!"  Sinagot siya ng kanyag asawa: "Ano ka ba naman, bakit hanggang ngayon nagdududa ka pa rin.  Manalig ka!  Yung una at pangalawa siguradong mga anak mo yan.  Yung pangatlo... kay kumpare yun!"  Ayun, natigok ang tatay, hindi sa Covid kundi sa atake sa puso! hehehe

Kahapon ay nabanggit ko sa inyo na sa kabila ng kabutihan ng Diyos ay posible pa rin natin siyang pagdudahan.  Ito ang nangyari kay Zacarias at Elizabeth, ang mga magulang ni Juan Bautista. Nilingap ng Diyos ang abang kalagayan ng mag-asawang ito.  Ang hindi magkaroon ng anak ay tila bago sumpa o parusa para sa mga Hudyo, kaya ngat kung minsan ay nagbibigay ito ng kahihiyan sa mag-asawa.  Sa kabila ng kanilang katandaan at kalagayan na imposibleng magkaanak ay kinalugdan ng Diyos ang mag-asawang ito.  Inihatid sa kanila ng Arkanghel Gabriel ang mabuting balita mula sa Diyos: "Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang panalangin mo. Kayo ni Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipangangalan mo sa kanya."  Ngunit sinalubong ito ng Zacarias ng pag-aalinlangan na sa aking palagay ay makatwiran naman dahil sa lagay nilang mag-asawa!  Pinarusahan si Zacarias ng anghel dahil sa hindi niya paniniwala.  Pinagdudahan ni Zacarias ang kabutihan ng Diyos at dahil dito ay nawala ang kanyang kakayahang magsalita.  

Isang magandang aral na makukuha natin ay huwag na huwag nating pagdududahan ang kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Kung minsan ay nagwawalang bahala tayo, nagagalit, nagtataksil sa halip na magpakita ng pusong mapagpasalamat sa Kanya.  Tandaan natin na, bawat problemang ating kinahaharap ay pagkakataong ibinibigay sa atin  para magtiwala sa Panginoon.  Paanong ipinahayag ng Diyos ang kanyang kabutihan sa atin?  Una, dahil sa ating binyag ay ginawa niya tayong kanyang mga ampon na anak. Tinanggap natin ang buhay ng Diyos, bilang Ama, Anak at Espiritu Santo.  Naging KAPUSO natin ang Diyos!  Dahil d'yan ay naging banal niya tayong mga templo at binigyan tayo ng karangalang tawaging: mga anak Niya at si Jasus ay nagiging tunay nating kapatid!  

Pangalawa, hindi lang natin nagiging kapuso ang Diyos.  Siya rin ay naging KAPAMILYA natin.  Tandaan natin ipinakita niya ang kanyang kabutihan ng isinugo niya ang kanyang bugtong na Anak, at ang Anak na ito ay nanirahan kapiling natin.  Siya ng Emmanuel, ang Diyos na sumaaatin.  Nagpakita siya ng malasakit sa atin sa pamamagitan ng pag-ako niya sa ating abang kalagayan na humantong sa pag-aalay ng kanyang buhay sa krus.  Kaya nga't wag nating isiping tinutulugan niya tao.  Hindi natutulog ang Diyos.  Hindi rin n'ya tayo pinapanood mula sa malayo.  Napakalapit niya sa atin sapagkat pinili niyang maging bahagi ng ating pamilya.  Sa panahong ito ng pandemya ay huwag natin isiping nagwawalang bahala ang Diyos sa ating kahirapan.  Sinasabi niya sa atin na huwag tayong mabalisa at manalig tayo sa kanya.  "I know how you feel... I am bigger than that (our problems)! 

Lagi nating pakatatandaan na ang Diyos ay kapuso at kapamilya natin!  Puwede naman palang  pagsamahin ang dalawa na walang iringan at away!  Tanggalin lang natin ang pag-aalinlangan at pagdududa sa ating mga puso at punuin natin ito ng kanyang pagmamahal.    


Huwebes, Disyembre 17, 2020

PANAGINIP AT KALOOBAN NG DIYOS: Reflection for 3rd Simbang Gabi Year B - December 18, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Nakatulog ba kayo ng mahimbing kanina? Siguro ang iba sa inyo ay nanaginip sa kanilang maikling pagkakahimbing.  Naniniwala ba kayo na ang panaginip ay tila baga isang "misteryo" o isang katotohanan na mahirap bigyan ng paliwanag. Tulad marahil ng kuwentong ito:

May mag-asawang piang-uusapan ang tungkol sa kakaibang abilidad ng kanilang anak.  Ang sabi ng lalaki:  "Alam mo ba na ang anak natin ay may kakaibang abilidad?  Nagkakatotoo ang kanyang napapanaginipan. Naalala mo nung namatay ang tatay ko nung nakaraang buwan?  Narinig ko siya isang gabi na nagsasalita habang siya ay natutulog at sinisigaw niya ang "Lolo, lolo..." at kinabukasan natanggap natin ang tawag na namatay ang tatay.  Pagkatapos lang ng isang linggo pagkatapos mailibing si tatay, narinig ko na naman siyang sumisigaw sa kanyang panaginip ng "Lola, lola...." at kinabukasan din nattanggap natin ang balitang si nanay naman ang namatay!"  Ang sabi ng babae: "Naku, 'wag ka ngang magpapaniwala d'yan sa mga panaginip na 'yan! Nagkakataon lang yan!" "Siguro nga" sabi ng lalaki, "baka nagkakataon lang!"  Nung gabing iyon, narinig na naman niyang nagsasalita ang kanyang anak sa kuwarto.  Sinilip niya ito at nakita niyang nananaginip na naman ang siya!  "Tatay! Tatay!"  Natakoy ang tatay at hindi na s'ya nakatulog.  Hinintay n'ya kung may mangyayari sa kanya kinabukasan.  Kabadong-kabado siya buong araw. Sumapit na ang gabi at wala pa ring nangyayari sa kanya, kaya't tuwang-tuwa siyang lumapit sa kanyang asawa at sinabi: "Dear totoo nga! Nagkataon lang ang pagkamatay nina tatay at nanay! Hindo totoo ang panaginip ni Junior!" Ngunit parang walang narinig ang kanyang asawa.  "Bakit, dear.  Bakit ka malungkot? May nangyari ba?"  "Honey", ang sabi ng babae.  Nakatanggap ako ng tawag kanina... namatay daw ang driver natin!  Patay! Totoo nga pala ang panaginip ni Junior! hehehe...

Para sa iba ay totoo ang panaginip!  Tulad ng panaginip ni Junior!  Para naman sa iba ay nagbibigay ng suwerte ang panaginip.  Kaya nga may iba ay itinataya sa lotto o sa huweteng ang kanilang napanaginipan.  Para naman sa iba ay kabaliktaran daw sa tunay na pangyayari ang ating panaginip kaya hindi sila naniniwala dito.  Mayroon tayong tinatawag na "magagandang panaginip'  at meron din namang tinatawag na bangungot o masamang panaginip na kung minsan ay nakamamatay! Kung Banal na Kasulatan ang tatanungin kung ano nga ba ang panaginip ay ito ang ating makikita:  Sa Lumang Tipan, ang panagnip ay tinatawag na "forgotten language of God."  Bakit? Sapagkat sa panaginip nakikipag-usap ang Diyos sa mga tao.  Tulad nang nangyari kay Jacob at sa ilang mga propeta.  Ngunit sa Bagong Tipan ay nagkaroon ng mas malalim na kahulugan ang panaginip.  Ito ay ang medium na kung saan ay ipinahahayag ang katuparan ng pangako ng Diyos sa tao!  

Katulad ng nangyari kay Jose.  Nang maharap si Jose sa isang mahalagang desisyon kung ano ang kanyang gagawin sapagkat nagdadalang-tao si Maria, na hindi pa naman sila kasal, ay marahil gulong-gulo ang kanyang pag-iisip.  Isang taong matuwid si Jose, alam niya ang nilalaman ng batas at batid niyang maaaring mapahamak si Maria kapag kumalat ang balita na siyay buntis at hindi siya ang ama ng kanyang dinadala kaya't nagpasya siyang hiwalayan na lamang si Maria ng lihim.  Naidlip marahil si Jose sa sama ng loob at nagpakita ang anghel sa kanyang panaginip. "Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya'y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.  Manganganak siya ng isang lalaki at pangangalanan mong Jesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan."  Sapat na ang kanyang narinig sa anghel upang tanggapin si Maria at bilang kanyang asawa at ituring na anak ang kanyang supling!  

Dito ay makikita natin ang pagsang-ayon ni Jose sa plano ng Diyos para sa sangkatauhan.  Siguradong may sarili ng plano si Jose sa kanyang buhay.  Ngunit iniba ng Diyos ang plano ni Jose para sa kanyang sarili.  Nagrebelde ba si Jose sa Diyos?  Nagalit ba siya?  Tinakasan n'ya ba ang plano ng Diyos para sa kanya?  Hindi.  Sa halip ay tinaggap niya ng buong-puso ang nais ng Diyos na mangyari.  Isang magandang katanungan para sa ating lahat: "Ano ba ang gusto ng Diyos para sa akin?"  Kalimitan ay naliligaw tayo ng landas sapagkat hindi natin sinusunod ang gusto ng Diyos para sa atin.  Dasal tayo ng dasal ng "sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit..." ngunit patuloy pa rin tayo sa pagsuway sa planong inihanda niya para sa atin.  Mga kapatid, huwag nating ipagdasal na sana ay tanggalin ng Diyos ang mga kahirapan pasanin natin sa buhay.  Marahil ay hindi yun ang plano niya para sa atin.  Bagkus, ang dapat nating dasal ay: "Panginoon, bigyan mo ako ng lakas upang mabuhat ko ng may pagmamahal ang mga pasanin ko sa buhay.  Mangyari nawa ang kalooban mo para sa akin!"  Ito ang dasal na pinakikinggan ng Diyos.  

Ngayong panahon ng pandemya ay sikapin nating tularan si San Jose.  Kahapon ay nabanggit natin ang paghihintay ng may pananampalataya.  Ngayon naman ay isabuhay natin ang paniniwala, pagtitiwala at pagsunod sa kalooban ng Diyos, lalung-lalo na sa mga nais niyang mangyari sa ating buhay.  Dapat tayong maniwala na kaya niyang gawin ang lahat dahil siya ay makapangyarihan.  Dapat tayong magtiwala na ang Diyos ay nagmamalasakit sa atin at siya ay puno ng awa at habag!  Hindi niya tayo pababayaan.  Pagkatapos paniniwala at pagtitiwala ay dapat tayong sumunod sa kanyang kalooban.  "Ang pananampalatayang walang pagsunod ay pananampalatayang patay!" ang sabi sa atin ni Apostol Santiago.  Maahirap sundin ang kalooban ng Diyos sa mga madilim na pangyayari sa buhay.  Mas madaling mag Praise the Lord kung panay biyaya ang natatanggap natin.  Mahirap magsabi ng Amen, sa mga masamang nangyayari sa ating buhay.  Ngunit dito nasusukat ang lalim ng pananampalataya ng isang Kristiyano.

Taglayin natin ang isang pusong marunong magpasalamat hindi lang sa tuwing tayo ay tumatapak sa mga "rosas" ng ating buhay, kundi maging sa mga kirot na dala ng mga "tinik" na tumutusok sa ating talampakan habang tayo ay naglalakbay sa mundong ibabaw. Pagkatapos ng 500 taon ng Kristiyanismo ay dapat na madarang na tayo sa apoy ng pagsubok at hirap ng pagsasabuhay ng ating pananampalataya.  Ang adbiyento ay paghihintay na may paniniwala, pagtitiwal at pagsunod sa Diyos na muling darating sa ating piling.  Tumahimik tayo sandali at tangungin ang ating mga sarili: "Ako ba ay nagpapasalamat sa Diyos sa kabila ng kahirapang dinaranas ko dala ng pandemyang ito o panay pag-angal at pagsuway ang ginagawa ko sa kanya?   


Miyerkules, Disyembre 16, 2020

KATAPATAN SA PAGHIHINTAY: Reflection for 2nd Day of SIMBANG GABI Year B - December 17, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Gising pa ba kayo?  Sa haba ng binasa natin Ebanghelyo ay marahil ilan sa inyo ang dinapuan ng antok.  Aminin ninyo.  Siguro yung iba sa inyo pabulong na sinasabi... "Please, Father, tapusin mo na...  paabutin mo na kay Jose na asawa ni Maria!"  Hindi ko kayo masisisi.  Pero mag-ingat ang mga antukin sa inyo.

May isang paring kapag nagmimisa ay laging napapansin ang isang matandang babaeng nagsisimba na laging natutulog kapag siya ay nagbibigay ng homiliya.  Itong manang na ito ay tipikal na laman ng simbahan.  Dahil na rin siguro na rin sa katandaan at sa tinagal-tagal niya sa pagsisimba na halos nakabisado na niya ang salita ng Diyos at homiliya ng pari, ay natural na dapuan siya ng antok.  Kayaang pari, sa tuwing makikita niya ang matanda sa kanyang Misa ay laging sinasabing: "May araw, ka rin... makikita mo!"  At dumating nga ang araw na kanyang hinihintay.  Nang siya ay nagbibigay na ng homilya ay nasulyapan niya ang matadang pasimpleng umiidlip.  Nang sigurado na siyang nasa kalaliman na ito ng kanyang tulog ay sinabi niya sa mikropono ng pabulong:  "Ang gustong sa inyong pumuna sa langit.... tumayo ng tahimik!"  At nagsunuran naman ang mga tao.  Pinaupo niya ito pagkatapos at sumigaw: "Ang gustong pumuta sa impiyerno... tumayo!"  Nagulantang ang matanda at biglang tumayo.  Laking gulat niya ng makita niya ang mga tao sa kanyang kanan, kaliwa at likuran na nakaupo.  Ngising aso namang sinasabi ni Padre sa kanyang sarili: "Sa wakas... nakaganti rin ako!"  Biglang nagsalita ang matanda: "Pasensiya na po Father, hindi ko masyadong naintindihan ang sinabi ninyo.  Pero sa ngayon ang nakikita ko eh... dalawa tayong nakatayao!"

O di ba? Nandamay pa si lola sa impiyerno?  Totoo nga namang nakakaantok itong oras ng Misa natin.  Sa totoo lang mas masarap ang manatili sa ating mga kama.  Lalo na't binasahan pa tayo ngayon ng mga pangalan na marahil ay hindi naman natin kilala ang marami sa kanila at tila 'alien' sa ating pandinig.  Ngunit kailangang ipahayag sa atin ito.  Sinadya itong isulat ni San Mateo sa kanyang ebanghelyo upang patunayan na si Jesus ay tunay na tao at nanggaling sa angkan ni David.  Ang tawag dito ay tala-angkanan o Genealogy.  Subukan ninyong saliksikin ang tala-angkanan ninyo at magugulat kayo kung sino ang mga ninuno ninyo. 

Ngunit hindi lang naman ito para patunayan na may angakang pinanggalingan si Jesus.  Ito rin ay inilahad ng Ebanghelista upang ipakita sa atin ang lubos na kabutihan ng Diyos.  Mabuti siya sapagkat ipinakita niya ang kanyang katapatan sa tao.  Tapat siya sa kanyang ipinangako na isusugo niya ang Mesiyas upang tayo ay mailigtas!  Ang katapatang ito ng Diyos ay sinasagot naman ng atin ding katapatan sa pamamagitan ng pananampalataya.  Totoo na sa maraming pagkataon, ay hindi naging tapat ang tao sa kanyang pakikipagtipan sa Diyos.  Maraming beses niyang nilabag ang kanyang mga utos at naging matigas ang kanyang ulo. Ngunit ganun pa man ay nanatiling tapat pa rin ang Diyos sa kanyang tipan.  Parang dalawang mag-asawa na kahit na pinagtaksilan siya ng kanyang iniirog ay nananatili pa rin ang kanyang pagmamahal sa kanya!  

Sa kabila ng ating kakulangan at kahinaan ay sinisikap pa rin natin maging tapat sa kanya.  Ang ating katapatan ito ay posible lamang sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa katunayan ang pinanggalingan ng salitang fidelity ay fides, salitang latin na ang ibig sabihin ay FAITH. Kaya nga sa ating paghihintay sa muling pagdating ng Panginoon ay ginagamitan natin ito ng pananampalataya.  We wait with faith!  At ano ba ang pananampalataya?  Ang turo sa amin ng aming propesor sa seminaryo ay ito ang sam-pala-taya!  Tatlong salita na nagsasabing isa lang palagi ang tatayaan mo!  Sa Diyos ko lang itataya ang buhay ko kahit na ito'y magkaloko-loko! At kasama ng paghihintay ng may pananampalataya ay ang paghihintay ng may PAG-ASA.  Umaasa tayo na hindi tayo pababayaan ng Diyos.  Na sa kabila ng kahirapang dala ng pandemic ngayon ay may naghihintay sa ating kaginhawaan.  Ang isa nga sa mga natutunan ko sa buhay ay ito: "Good things come to those who wait!" Maghintay ng may pag-asa at pagtitimpi.  Darating din ang liwanag sa kabila ng maraming kadiliman sa buhay.  At panghuli, ito ay paghihintay na may ginagawa... at iyon ay ang MAGMAHAL.  We wait with love!  Gawin natin ng may pag-ibig ang lahat ng ginagawa natin at makikita nating mas magiging tapat tayo sa Kanya!  Ang sabi ni San Agustin: "Love and do what you want!"  Totoo nga naman na kapag ikaw ay nagmamahal ay hindi ka magkakamali sa iyong pagdedesisyon sa buhay.  Ngayong panahon ng pandemiya ay tingnan natin kung ang atin bang mga iniisip, sinasabi at kinikilos ay may kasamang pagmamahal. Sikapain nating pag-alabin ang apoy ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa ating mga puso upang ilaw nito ay maibahagi naman natin sa iba.

Tandaan natin ang slogan ng YEAR of MISSIO AD GENTES... "We are gifted to give!"  Ang unang tinanggap natin noong tayo ay bininyagan ay ang biyaya ng PANANAMPALATAYA.  Isabuhay natin ito ng may pag-asa at pagmamahal ngayong Panahon ng Adbiyento at hindi tayo mabibigo sa ating paghihintay sa Kanya.  MARANATHA!  

Martes, Disyembre 15, 2020

PASKONG PASKOVID: Reflection for 1st Day of Simbang Gabi Year B - December 16, 2020 - YEAR F MISSIO AD GENTES

Simula na naman ng ating Simbang Gabi.  Kahit sa panahong ito ng pandemya ay hindi mapipigilan na magdiwang tayo ng Pasko.  Tuloy pa rin ang Pasko kahit na ito ay PASKOVID kung tawagin ng iba!  Sasabayan natin ang pagtilaok ng manok kaya ang tawag din natin ay MISA DE GALLO!  Ano ang sinasabi nito sa atin?  Siyam na tulog na lang at PASKO na!  Kaya nga ang mga Simbang Gabi ay tinuturing din natin mga araw ng pagnonobena para sa pagdiriwang ng pagsilang ng Panginoon.  Handa na ba kayo?  May mga pera na ba kayo?  Kung wala pa eh dapat ka na talagang kabahan!  Pero alam ninyo bang ang mga taong kinakabahan ay 'yung hindi alam kung ano ba ang kanilang pinaghahandaan? 

Pansinin ninyo ang mga dekorasyon natin ngayon sa Simbahan.  Bakit ganyan ang design ng ating malalaking wreath?  Tinanong ko yung mga gumawa, salamat pala sa kanila, pero ang sagot nila sa akin ay "Wala lang Padre, trip trip lang!"  Ang sabi ko sa kanila, alam n'yo bang malalim ang kahulugan ng design ninyo?  Yung madekorasyon na bahagi, yun ang SEASON ng Pasko. Yung parang kahoy na na nakapalupot ay sumasagisag naman sa REASON, yung dahilan nung season na pinagdiriwang natin, walang iba kundi si JESUS!  He is the REASON OF THE SEASON!  Siya ang lang naman talaga ang dahilan kung bakit may pagdiriwang tayo ng Pasko.  Kung si Jesus ang dahilan ay muli kong ibabalik ang tanong na ano bang uring paghahanda ang ninanais niya na gawin natin?  Walang iba kundi ang ating agaran at tuloy-tuloy na pagbabago ng isip, ng puso at ng uri ng ating pamumuhay.  Ang tawag diyan sa Griego ay METANOIA.  

Sa unang pagbasa sa Aklat ni Propeta Isaias ay mababasa natin: "Ang sabi ng Panginoon sa kanyang bayan: Ayon sa katarungan at laging matuwid ang inyong gagawin..."  Ang pagiging matuwid, lalo na ang paninindigan sa katotohanan, ay sinasalamin ni Juan Bautista, "Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan..."  Tayo rin ay hinahamon ni Jesus na magpatototo at manindigan para kay Kristo, ang Katotohanan.  Ito ay nangangahulugan ng paninindigan sa kung ano ang tama at hindi sa mali.  Sa panahon ngayon na laganap ang fake news ay tila lumalabnaw na ang ating pagtingin sa katotohanan.  At kapag nawawala na ang katotohanan ay nawawala din ang ating pagkilala kay Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas!  Pansinin ninyo kung paano ipinagdirawang ang Pasko ngayon,  pilit na tinatanggal si Kristo.  Hindi ko tinutukoy ang mga practical atheist na hindi kumikilala sa Diyos.  Nakakalungkot na mismong mga Kristiyano ang hindi na kumikilala kay Kristo dahil sa taliwas nilang pamumuhay na hindi kumikilala sa katotohanan. Kaya nga sa Paskovid na ito ay ibalik natin si Kristo sa ating buhay.  "Let us put Christ back in Christmas!"  Pero ang paalala nga ng isang post na nabasa ko: "Before we can put "Christ back in Christmas, first the "Christ" has to be put back in millions of "Christians."  Aminin natin na maraming Kristiyanong Katoliko ang K.B.L. Kristiyano lang sila kapag Kasal-Binyag-Libing!  Ngayong panahon ng pandemya ay kitang-kita natin ito.  Nabawasan na ang bilang ng nagsisimba.  Marami na ang hindi nagdarasal.  Marami na ang hindi naniniwala sa turo ng Simbahan.  Marami na ang nagsasama na hindi kasal.  Marami na ang hindi na nakakaramdam na mali pala ang pagmumura at pagsisinungaling.  Unti-unti ng nawawala ang ating pinahahalagahang Christian values.

Kaya nga ang taong ito ng 2021 ay isang magandang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Simbahan upang panibaguhin ang ating sigasig bilang mga Kristiyano.  Ang Year of Missio ad Gentes ay nagpapaalala sa atin na ibahagi natin ang ating pananampalataya sa iba.  We are gifted to give.  Pero tandaan natin na hindi natin puwedeng ibigay ang wala sa atin!  Dapat ang pagiging mabuting Kristiyano ay nasa atin munang sarili upang maibahagi sa ating kapwa.  Tanungin natin ang ating sarili: "Paano nagpapakatotoo bilang Kristiyano?"    

Sabado, Disyembre 12, 2020

KAGALAKAN SA PAGPAPAKUMBABA: Reflection for 3rd Sunday of Advent Year B - December13, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Sa lahat ng Simbahan ngayong Linggo ay sisindihan ang kandilang kulay "pink" ng Korona ng Adbiyento. Sumasagisag sa kaligayahang ating nadarama dahil papalapit na ang pagdiriwang ng Pasko. Ang tawag sa pagdiriwang natin ngayon ay "Gaudete Sunday". Ibig sabihin ay "Magsaya!" Ano nga ba ang nagbibigay sa atin ng kaligayahan tuwing Pasko?   Siguro, may ilan sa inyong napuyat nitong nakaraang araw, December 12, sapagkat hinintay nila ang On-line selling na 12-12 ng Shopee at Lazada na kung saan ay naglalakihang discount ang ibinibigay sa mga gamit panregalo ngayong Pasko.  Ang iba naman ay nakikipagsapalaran sa kanto ng Divisoria kahit na malakas ang banta ng Covid basta't mayroon lang mabiling panregalo para sa mga anak at inaanak!  Tila baga walang makapipigil sa kanila para masayang maipagdiwang ang kapaskuhan sa kabila ng pandemiyang patuloy na nananalasa! Gusto natin ay masaya ang ating Pasko.  Ngunit paano mga ba magiging masaya ang ating Pasko?  Saan ba tayo dapat humugot ng kasiyahan nito?   

May isang sorbetero na lubos na kinagigigiliwan ng mga bata dahil sa kanyang masarap na ice cream. Ngunit higit sa ice cream ay ang kanyang pagkamasayahin, magaling siyang mag-entertain sa mga batang kanyang suki! Minsan sinabi n'ya sa kanila: "Alam n'yo bang ako'y magikero? Kayang kong gawin ang lahat ng nais n'yo! " Sabi ng mga bata: "Sige nga po... bigyan n'yo nga kami ng maraming-maraming ice cream na hindi nauubos?" Nalungkot ang sorbetero. Sa isang iglap ay naglaho s'ya at nakita ng mga bata ang napakaraming supply ng ice cream sa kanilang harapan. Masayang-masaya sila! Nakalimutan ang sorbetero. Ngunit pagkatapos ng ilang araw ay nalungkot muli sila... parang may kulang! Hanggang isang araw ay may nakita silang matandang lalaki na malungkot na nakaupo sa daan. "Bakit po kayo malungkot? Sino po kayo?" Biglang may nilabas sa kanyang bulsa ang lalaki, isang maliit na "bell" at pinatunog ito. Laking pagkatuwa ng mga bata. Nagbalik sa kanila ang sorbetero! At doon nila naunawaan na ang nagpapasaya sa kanila ay hindi ang ice cream kundi ang sorbetero! 

Si Jesus ang sorbetero ng Pasko! Akala natin ang mga ice cream ang nagpapasaya sa Pasko! May ilang nagsasabi na malungkot ang kanilang Pasko dahil wala munang Christmas Party dahil nga sa pag-iingat ng Covid.  Para sa mga bata, malungkot ang Pasko dahil hindi makapagkakaroling o makakapasyal sa Malls.  Ang akala natin ang mga regalong bagong damit, sapatos, laruan, gadgets, masasarap na pagkain ang makapagpapasaya sa ating Pasko. Ang hindi natin alam ay ang lahat ng ito ay parang "ice cream" na madaling matutunaw!  Ang tunay na nagbibigay ng kaligayahan sa Pasko ay hindi ang ice cream kundi ang sorbetero... si Hesus! Siya ang "reason of the season!" May Pasko sapagkat may Diyos na nagmahal sa atin ng lubos at ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo'y iligtas sa pagkakaalipin sa kasalanan!  

Nakakalungkot sapagkat marami sa atin ang nakakalimot sa pagkilala at pagtanggap sa Kanya tuwing sumasapit ang Pasko.  Mas nabibigyan natin ang mga "ice cream na natutunaw!"  Tandaan natin na ang Adbiyento ay ang agarang paghahanda natin sa pagdating ng Panginoon sa ating piling.  At dahil diyan tayo ay naghihintay.  Ngunit ito ay paghihintay na hindi tulad ng isang taong bibitayin na nasa  death row. Nakakatakot na paghihintay iyon! Hindi rin ito paghihintay na tulad ng isang taong tumaya sa lotto na walang kasiguruhan kung siya ba ay mananalo o hindi.  Ang Adbiyento ay hindi nakakatakot at walang kasiguruhang paghihintay.  Bagkus ito ay masayang paghihintay sapagkat ang darating ay ang Panginoon at ang kanyang dala-dala ay kaligtasan! 

Kaya nga't may kasamang saya at galak ang ating paghihintay sa Panginoong darating at ito ang isinasagisag ng kulay pink o rosas na kandila na ating sinidihan sa ating Korona ng Adbiyento.  Ang kaligtasang dala ng Panginoon ang siyang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kagalakan. Katulad ng mga unang Kristiyano, ang dinarasal natin ay "Maranatha!" Halina Jesus sa aming piling! Kaya sa ikalawamg pagbasa ay ito ang sigaw ni San Pablo sa mga taga-Tealonika:  "Mga kapatid: magalak kayong lagi...!" Hinahamon niya ang mga Kristiyanong magsaya sa Panginoon.  Ang sayang ito ay magmumula sa pagsasabuhay ng pahatid ng Diyos. Kung nais ng alagad na mamuhay sa kasiyahan ay dapat niyang layuan ang masama at piliin ang mabuti.  Gayundin sa ating Unang Pagbasa na galing kay Propeta Isaias ay nagpapahayag ng dakilang ligayang dadalhin ng Manunubos sa kanyang pagdating. Ang bayang hinirang ng Diyos ay mapupuspos ng kaligtasan. Ang pag-asa sa kaligtasang ito ang pinaghuhugutan ng tunay na saya sa buhay.

Sa ating Ebanghelyo ay pinapaalala naman sa atin na ang pinag-uugatan ng tunay na kasiyahan ay ang kababaang-loob. Ito ang ipinamalas ni Juan Bautista sa kanyang tahasang pahayag na hindi siya ang Mesiyas, ni si Elias, o ni ang Propeta. Siya ay isang hamak na tinig lamang na sumisigaw sa ilang na hindi karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng panyapak ng Mesiyas.  May nabasa nga ako na ganito ang sinasabi: "Life is about happiness, happiness comes from humility, humility is about being low and the lower we are the less distance we have to fall."  (Joe Walker, 6 Feb, 2013)  Kaya nga mahalaga na sa ating paghihintay sa muling pagdating ng Panginoon ay pairalin natin ang pagpapakumbaba sa ating kapwa.  Mas makikilala natin ang Panginoon sa iba kung handa tayong umunawa  at magpatawad  at dahil d'yan ay tunay tayong magiging masaya! "There is joy when we are humble in our relationships with others!"  At katulad nga ni Juan Bautista ay mabuhay tayo ng may pagpapakumbaba sa ating sarili.  Hindi ibig sabihin na magkakaroon tayo ng mababang pagtingin sa ating pagkatao.  Ang sabi nga ni C.S. Lewis, isang sikat na katolikong manunulat: "Humility is not thinking less of yourself, but thinking of yourself less."  Ang tema ng taong ito ng Year of Missio Ad Gentes ay nag-aanyaya sa ating magbigay sa iba sapagkat ang bawat isa naman sa atin ay biniyayaan ng Diyos. "We are gifted to give!"  Magbigay tayo ng may pagpapakumbaba sapagkat ang lahat naman ay pagpapala ay nagmumula sa Kanya!

Tandaan natin na Jesus ang "sorbetero' ng Pasko na siyang dahilan ng ating pagiging masaya sa panahon ng Kapaskuhan.  Huwag natin Siyang isantabi sa araw ng Kapaskuhan at palitan Siya ng mga makamundong kasiyahan.  Ngayong "Gaudete Sunday", hinihikayat tayong pag-isipan kung ano ba ang tunay na nagpapaligaya sa atin sa Pasko. Labing dalawang tulog na lang at Pasko na! Baka nasa pagkain ng "ice cream" pa lang nakatuon ang iyong paghahanda.  Panahon na upang bigyan mo naman ng ng pansin ang "sorbetero ng Pasko" sa iyong buhay!

Lunes, Disyembre 7, 2020

BUHAY NA MALINIS... POSIBLE! : Reflection for the Solemnity of the Immaculate Conception Year B - December 8, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Uso pa ba ang kahinhinan ngayon?  Marahil mapapaisip ka kung ang kahinhinan, kayumian, kalinisan ay bahagi pa ba ng ating Filipino values o ang mga pinahahalagahan natin bilang mga Pilipino. Sa katunayan, sa ating panahon ngayon ay maituturing ng isa "taboo" ang salitang purity, modesty, chastity.  Sapat lang na panoorin mo ang mga kabataang nagsasayaw sa Tik-Tok at magkakaroon ka ng idea kung sino na nga ba ang tinatawag nating "dalagang Pilipina yeah!"

May kuwwento ng isang pari na masyado nang na-stress sa mga gawin ng parokya.  Ang pakiramdam niya ay magkakaroon na siya ng mental health problems kapag nagpatuloy pa siya kaya't naisipan niyang magkaroon ng kaunting break.  Naisip niyang magpunta sa isang beach resort na may dolomite sands dahil nakatutulong daw ito sa mental health ng isang tao! hehehe...  Siyempre, nagbihis turista siya upang hindi makilala ng iba.  Ngunit laking pagkagulat niya ng may biglangnlumapit sa kanyang dalawang babae na naka-swimming attire din at binati siya:  "Hello Father!  Nandito ka rin  pala!"  Laking pagkagulat niya ng tawagin siyang Father!  May nakakilala sa kanya!  "Sino po kayo?" tanong ng pari sa dalawa.  "Paano ninyo ako nakilala"  Sagot ng isang babae: "Ikaw, naman Father, hindi mo ba kami kilala?  Ako si Sister Maria.  Ito naman si Sister Fatima.  Nagmimisa ka sa kumbento namin!"  O di ba? Nakakita na ba kayo ng mga madreng naka-swim suit?    Yung iba nga, makita lang ang mga madreng walang belo naiiskandalo na!  Naabutan ko pa rin dati na kapag lumalabas kaming mga pari ay dapat naka-sutana o cassock dahil ito ang "pangmundong attire namin."  Ngayon puede ng clerical polo o polo shirt na may cross necklace o pin. Ngayon nga ang mga pari o relihiyosong tao at makikita mong nakikibagay na rin sa mundo sa kanilang pananamit.

Uso pa ba ang kahinhinan ngayon?  Ang tipong Filipinang Maria Clara ay tila kabahagi na lamang ng Noli Me Tangere ng ating kasaysayan.  Sa pananamit, pananalita, pagkilos, lalo na ng mga kabataan sa kasalukuyang panahong ito, ay masasabi natin malayong malayo na ang pagkakaiba ng panahon noon at ng panahon ngayon.  Nag-eevolve na talaga ang "Modernong Maria Clara ni Rizal."  Sa ibang progresibong pag-iisip ay makaluma na ang kahinhinan at kalinisan. Ngunit ang kapistahang ipinagdiriwang ngayon ay nagsasabing posible pa rin ang kahinhinan at kalinisan sa ating makabagong mundo!  Si Mariang pinaglihing walang bahid na kasalanan ay huwaran ng isang malinis na pamumuhay at nagbibigay ng pag-asa sa ating lahat na POSIBLE PA RIN ANG KALINISAN sa kasalukuyan.  

May ilan pa ring nalilito sa kapistahang ito: ang "Immaculate Coneception". Sino ba talaga ang ipinaglihi? Si Jesus o si Maria? Ang pagkakaintindi ng iba ay ito ang mahimalang paglilihi ni Maria kay Jesus o ang tinatawag nating "virgin birth" ni Jesus.  Hindi si Jesus kundi ang kanyang inang si Maria na ipinaglihi ng kanyang mga magulang na sina San Juaquin at Santa ang ating pinatutungkulan natin ng titulong "Immaculate Concption".  Hindi rin ito katulad ng nangyari kay Jesus noong ipnaglihi siya bago siya nagkatawang tao.  Ang Immaculate Conception ay ang "kalinis-linisang paglilihi kay Maria" na pinaniniwalaan nating totoo bilang mga Kristiyano.  Ito ay isa ng popular na paniniwala ng mga tao noong panahong iyon bago pa ito ideklara ng bilang turo ng Simbahan.  Kung inyong naalala, ang itulong ito ay naabanggit ng Mahal na Birhen noong siya ay nagpakita sa tatlong bata ng Fatima.  Ginawa itong dogma, o isang turong totoo na hindi naglalaman ng kamalian at dapat nating paniwalaan bilang mga tapat na Kristiyano, noong taong 1854, ika-8 ng Disyembre ni Santo Papa Pio IX.  Ang wika niya: "The Virgin Mary was preserved from original sin from the very moment of her conception."  

Paano nangyari na ang isang tao ay ipinaglihing walang kasalanan gayung lahat ng taong isinisilang sa mundo ay nababahiran ng "original sin?" Marahil imposible para sa ating mga tao, ngunit hindi sa Diyos! "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!"  Isang natatanging pribelihiyo ang ibinigay ng Diyos kay Maria na ipinaglihi siyang walang kasalanang mana sapagkat siya ang magdadala sa Anak ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Hindi ata tama ang maglagay ng maputing bigas sa maruming kaldero! Dapat malinis muna ang paglalagyan! Ang sinapupunan ng Mahal na Birhen ay ihinihanda na ng Diyos sapul pa nung ipaglihi siya ng kanyang mga magulang. At ang kalinisang ito ay kanyang pinanatili! 

Kaya nga ang tawag natin din sa kanya ay "Ever-virgin!" Siya ay nananatiling malinis, bago isilang, habang isinisilang at pagkatapos isilang si Jesus.  Ang kanyang pagpapasya na maging Ina ng Diyos o "Mother of God" ay kanyang pinangatawanan lalo na noong pagkatapos isilang si Jesus.  Nagkaroon ba ng ibang anak si Maria pagkatapos isilang si Jesus.  Ang sinasabi ng ating pananampalatay ay hindi na! Sapagkat itinalaga na ni Maria ng buong-buo ang kanyang sarili sa paglilingkod sa Diyos sa pagsunod sa Kanyang kalooban.  Dahil dito ay ginantimpalaan si Maria ng hindi pagkabulok ng katawan pagkatapos ng buhay niya sa lupa.  Kaya nga ang ipinahahayag ng turo ng Simbahan ay iniakyat siya sa langit katawan at kaluluwa!  Ito naman ang doktrina ng "Assumption of Mary into heaven".  Posible ba ito? Ang sabi naman ng Santo Papang si Pio XII,  : "Potuit, decuit, ergo fecit!"  Kayang gawin ito ng Diyos, dahil wala namang imposible sa Kanya,  ginusto niya na gawin ito bilang bahagi ng kanyang planong kaligtasan, kaya sa kahuli-hulihan ay ginawa niya ito!"  Isapuso sana natin na ang tamang pananampalataya Kay Jesus ay maghahatid sa atin sa tamang pang-unawa sa ating debosyon sa Mahal na Birhen.  

Nagsimula ang gawain ni Don Bosco sa mga kabataang mahihirap noong Dec. 8, 1841 nang una niyang makita sa loob ng sakristiya si Bartolome Gareli.  Ang ating patrong si Santo Domingo Savio ay nagtalaga ng sarili kay Maria, sa pahintulot ni San Juan Bosco, at itinatag ang Sodality of the Immaculate Conception noong 1856.  At sa kanyang maikling buhay na labinlimang taon ay ipinakita niya, lalong-lalo na sa mga kabataan, na posibleng makamit ang isang buhay na malinis!

Isang magandang pagpapaalala ito sa ating lahat. Marahil ay hindi natin mapapantayan ang kalinisan ng Mahal na Birhen. Ngunit inaanyayahan tayong mabuhay ng may malinis na puso!  Nakakalungkot sapagkat kalat na sa mundo ang kalaswaan at sinisira ang murang pag-iisip ng ating mga kabataan. Hingin natin na sana ay protektahan ng Mahal na Birhen ang bawat isa sa atin. 
Ipanalangin din natin na magkaroon tayo ng masidhing pagnanais na magkaroon ng malinis na pamumuhay.  Ito naman talaga ang panawagan ng Panginoon, lalo na ngayong panahon ng adbiyento:  "Tuwirin ang daang liko-liko..."  Kaya nga ang Adbiyento ay nangangahulugan para sa atin na "agarang pagtugon sa pagtawag ng Diyos na magbagong buhay!"  Ayusin natin ang ating buhay.  Tanggalin ang masamang pag-uugali. Mabuhay ng malinis at kaaya-aya sa harap ng Panginoon.  Mabuhay tayong may malinis na puso!  Huwag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat kaya din nating maging malinis tulad niya. Tandaan natin... "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!"                                                                                                                                                                                                                                          

Sabado, Disyembre 5, 2020

PAGHAHANDA AT PAGTUTUWID: Reflection for 2ns Sunday of Advent Year B - December 6, 2020 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Marahil ay nakadalo na kayo sa mga pagtitipon na kung saan ay may panauhing pandangal na naanyayahang magbigay ng pananalita.  Karaniwan ay may mga taong naatasan na magpapakilala sa kanila bago sila tumayo at magbigay ng kanilang mensahe.  Ginagawa ito upang mas madaling matanggap ng mga tao ang sasabihin ng naanyayahang panauhin.  Sapagkat kung agad-agad siyang tatayo at magsasalita sa harap ng mga tao ay lalabas siyang estranghero at hindi sila maniniwala sa mga sasabihin niya.  Kaya nga't  mahalaga ang papel ng tagapagpakilala.  Kung dakila at mahalaga ang panauhin ay dapat gayun din, dakila at kagalang-galang din ang tagapagpakilala.  Kung isang congressman o senador ang magsasalita hindi maaring kagawad lang ng baranggay ang magpapakilala.  O kaya naman ay kung obispo ang inimbitahang panauhin, hindi naman ata tama na sakristan lang ang magpapakilala sa kanya.  

Noong isinugo ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak ay nagpadala Siya ng mga tagapagpakilala.  Sa kasaysayan ng Lumang Tipan ay nariyan ang mga propeta katulad ni Propeta Isaias na nagbigay ng mga pahayag tungkol sa pagdating ng Mesiyas.  Sa Bagong Tipan naman lumabas ang katauhan ni Juan Baustista.  Siya ang sinasabi ni Propeta Isaias na isang "tinig na sumisigaw sa ilang."  Kakaiba ang pagkatao ni Juan sapagkat ang kanyang pananamit at kinakain ay naiiba sa karaniwang tao.  Nakadamit siya na hinabing balahibo ng kamelyo at balang at pulot pukyutan ang kanyang pagkain.  Ngunit ang talagang nagpadakila sa kanya ay ang kanyang mensahe sa mga tao. “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan,"  May mga nakinig sa kanyang pangagaral ngunit may mga ilan ding nag-alinlangan at hindi pinakinggan  ang kanyang panawagan.  

Ito rin ng panawagan sa panahon ng Adbiyento:  Magpanibago at magbalik-loob sa Diyos!  Ang kulay violet ay dapat magpaalala sa atin ng tunay na diwa ng ating paghahanda sa Adbiyento, ang pagsisisi sa ating mga kasalanan.  Sa pananalita ni Propeta Isaias: "...isang patag at matuwid na lansangan para sa ating Diyos."  Sa papaanong paraan?  "Tatambakan ang bawat lambak..." ang sabi ng propeta.  Hindi ba't ito ang pagpuno sa ating mga pagkukulang?  Marami tayong pagkukulang sa Diyos kung atin lamang iisipin.  Kalimitan ay hindi natin naibibigay sa Diyos ang dapat ay para sa Kanya. Gaano kalimit ba natin Siyang tawagin?  Kailan ba tayo nagdarasal?  Kung minsan ang trato natin sa kanya ay parang "Medicine Cabinet" na binubuksan lang kapag mayroon tayong sakit na dapat gamutin.  Kapag wala ay hindi na natin napapansin at napag-iiwanan na lang sa isang tabi.  "Titibagin ang bawat burol at bundok..."  Hindi ba't tinutukoy naman nito ang maraming "kalabisan" sa ating buhay?  Kung minsan ay napupuno tayo ng ating kayabangan sa ating sarili at hindi na natin naiisip na kailangan natin ang Diyos.  Iniisip natin na tayo naman ay mga taong palasimba, paladasal, kumikilala sa Diyos kaya't kampante na tayong maliligtas. Hindi na natin nakikita ang pangangailan ng kanyang pagpapatawad. Ayaw na nating lumapit sa kumpisal dahil mabubuti naman tayong tao!  "Tutuwirin ang daang liko-liko..."  Marami sa atin, lalo na sa pagtagal ng pademiyang ito, ang marahil ay nawawala na sa tamang direksiyon ang buhay.  Baka ang ating pag-iisip ay nag-iba na tungkol sa ating pagsisimba, sa ating pagdarasal at pakikipag-usap sa Diyos.  Baka ang ating mga konsisyensiya ay nakalyo na ng maraming kasalanang parati natin ginagawaw at hindi na natin makita ang pangangailang pagisihan ito.  Baka naging normal na sa atin ang pagmumura, pagsisinungaling, pagkakaroon ng malaswang pag-iisip at gawain, pangungupit, pagnanakaw at marami pang ibang kasalanan. Panahon na marahi lupang ituwid natin ang mga daang liko-liko sa ating buhay. Oras na para ayusin natin ang ating buhay!

Kailan ba ang huling beses kang lumapit sa Sakramento ng Kumpisal?  Baka naman masyado na nating pinatagal ang ating mga kasalanan at mistulang nagkakakalyo  na ang ating budhi.  Kaya nga't ang unang panawagan sa atin ay tapat na pagsusuri ng ating sarili.  Pagkatapos nito ay ang tapat na pag-amin sa ating pagkukulang at mga pagkakamali.  Kung kailangang magkumpisal ay dapat nating gawin ito.  Ang pagkukumpisal ay ang panlabas na pagpapakita ng ating pagpapapkumbaba at pagsisisi sa ating mga pagkakamali.  Higit sa lahat ito ay panloob na pagpapahayag na nais nating baguhin ang ating sarili at huwag na muling balikan ang dait nating masamang pamumuhay.  Huwag tayong matakot lumapit sa Sakramentong ito na nagpapadama sa atin ng malaking pagmamahal ng Diyos.  Kapag lumalapit na ang Pasko nais nating magkaroon ng bagong damit, bagong sapatos,  kagamitan at iba pa.  Hindi ba maaring ang hilingin naman natin ay ang isang "BAGONG SARILI?"  

Ngayong sinisimulang natin ang Taon ng MISSIO AD GENTES ay isinusugo tayo bilang mga alagad na ayusin ang ating buhay at ang ating pakikitungo sa iba.  Huwag tayong matakot na tingnan ang ating mga sarili at ayusin ang sira-sirang daan ng ating buhay.  Maaari lang tayong magbigay sa iba kung alam natin kung ano ang mayroon tayo.  At maging bukas tayo sa ating mga sarili kung may nakita tayong dapat itama o ituwid. Pagnilayan natin: Ano ang dapat kong ayusin sa aking buhay ngayong paparating na Pasko?