Linggo, Disyembre 30, 2007

AMOY SUWERTE! : Reflection for the New Year & Solemnity of Mary Mother of God - January 1, 2008

Amoy Bagong Taon na! Magandang maligo bago pumasok ang bagong taon at sundin ang pamantayan sa paggamit ng pabango ayon sa isang text na aking natanggap: "The essence of smell in life: lotion for the babies, cologne for the twenties, Eau d Toilet for the thirties, perfume for the fourties, Efficacent Oil for the fifties, bawang at Luya for the sixties, insenso for the seventies and above! haha! Anuman ang amoy mo... isa lang ang sinasabi nito: Salubungin mo ang bagong taon na may "bagong amoy" para pumasok ang suwerte! Ang dami nating ginawa upang papasukin ang suwerte sa bagong taon. Naririyan na ang pagbili ng mga bilog na prutas. Suwerte raw kasi yung bilog... magkakapera ka. Uso rin ang kasuotang kulay pula o polkadots... swerte rin daw sabi nila. Maraming nagbubukas ng bahay kahit mausok ang mga paputok... para raw pumasok ang swerte! (Yung iba magnanakaw ang nakakakuha ng swerte! hehehe.... Naniniwala ka ba sa mga pamihiing ito? Saan ba nakasasalalay ang swerte natin? Kung titingnan natin ang kapistahang pinagdiriwang ngayon ay malalaman natin kung saan nagmumula ang swerte! Kapistahan ngayon ni Maria bilang "Ina ng Diyos!" Ang kaswertehan niya ay di niya isinaalang-alang sa mga pamahiin subalit sa matapat na pagtupad sa kalooban ng Diyos. Nang pinili ng Diyos si Maria upang maging Kanyang ina ay hindi siya nagdalawang isip na sumunod sa Diyos bagamat hindi niya alam ang plano ng Diyos para sa kanya. Sa pagpasok ng bagong taon... maraming plano ang Diyos para sa atin! Ang suwerte natin ay nakasalalay sa matapat na pagsang-ayon sa Kanyang kalooban. Kaya kahit hikahos ang ating buhay sa pagpasok ng taon, kahit santambak ang problemang sasalubong sa atin, kahit baon tayo sa maraming pagkakautang ay kaya nating salubungin ang bagong taon na may ngiti sa ating mga labi. Dasalin natin kasama ni Maria..."Narito ang alipin ng Panginoon... maganap nawa sa kin ayon sa wika mo..." ISANG MAPAYAPA AT MAPAGPALANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!

Martes, Disyembre 25, 2007

(Newly Improved! hehe... ) BANAL NA PAMILYA... ANO BA? : Reflection for the Feast of the Holy Family - December 30, 2007

Nagkaroon ng survey noong isang taon. Nagtataka sila kung bakit marami ang ipinapanganak na kambal. "Bakit kaya?" Ang susunod na tanong. Ang sabi ng isang sagot: "Dahil takot ang batang isilang na mag-isa sa mundo!" Tama nga naman... sa dami ng problemang bumabagabag sa bawat pamily ngayon ay parang nakakatakot nang isilang sa mundo! Nariyan na ang abortion at contraception, idagdag pa natin ang divorce, disfunctional families, kahirapan ng pamumuhay, pagsasamantala sa karapatan ng mga bata, at marami pang ibang sulirin sa lipunan. Parang nakakatakot talaga na isilang sa mundo ngayon. Kung baga sa pelikula: nkakaSHAKE RATTLE AND ROLL! Ang dating simpleng pamilyang naninirahan sa BAHAY KUBO ay nagiging kumplikado. Kaya si ENTENG ay nag-aabroad para makaranas ng KATAS NG SAUDI. Ang resulta: pamilyang SAKAL, SAKALI, SAKLOLO! Kaya nga dapat i-RESIKLO ang bawat pamilya! Tinatapos natin ang taong ito sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose. Pinapaalala sa atin kung "ano dapat maging" ang isang pamilya. Ginawang banal ng Diyos ang bawat pamilya nung siya ay magkatawang tao... at pinabanal pa niya ito ng pinili niyang mabuhay sa loob ng isang pamilya. Hindi sapagkat "holy family" ay perpekto na! Kahit ang Banal na Pamilya ay nakaranas ng sakit at pagkukulang. Sa ebanghelyo ngayon ay makikita natin ang paghihirap na dinanas ng banal na pamilya sa pag-aalaga nila sa sanggol na Hesus upang mailayo ito sa kapahamakan. Kahanga-hanga ang papel na ginampanan ni Jose bilang "ama" ng banal na pamilya. At mayroon ding tagpo sa ebanghelyo na minsang naging pasaway ang batang Hesus noong minsan silang nagpunta sa templo ng Jerusalem. At take note: marunong sumagot sa magulang! hehehe... Ngunit ang isang katangian ng banal na pamilya ay ang marunong itong magmahal sa kabila ng maraming pagkukulang ng bawat isa. Ito ang maaari nating mapulot sa Banal na Mag-anak. Sila ay Banal sapagkat sila ay nagmamahalan sa kabila ng kanilang pagkukulang. Minamahal ko rin ba ang pamilyang kinabibilangan ko? Ano ang magagawa ko pa upang maitaguyod ang aking sariling pamilya? Paano ko mapupunuan ang pagkukulang ng bawat isa sa amin? Tularan natin ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose!

Linggo, Disyembre 23, 2007

ANG DIYOS: KAPAMILYA NA... KAPUSO PA! Reflection for Christmas Day - December 25, 2007

Isang lalaki ang may alagang matatabang baboy. Ito ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya kayat ganun na lamang ang kanyang pagmamahal sa kanyang mga baboy. Minsa'y laking pagkagulat niya ng maratnan niyang matatamlay ang kanyang mga baboy... may sakit sila at unti-unting namamatay. "Panginoon, pagalingin mo ang mga baboy ko... mahal na mahal ko sila." Sa di inanasahang pagkakataon ay sumagot ang Panginoon: "O sige, pagagalingin ko ang mga baboy mo sa isang kundisyon... na bukas pagkagising mo ay makikita mo ang sarili mo sa kulungan ng mga baboy. Kasama ka nila sa pagtulog at pagkain... sa madaling salita: magiging baboy ka rin!" Sabi ng lalaki: "Panginoon, patayin mo na lang ang mga baboy!" Kaya mo bang maging kapamilya ng mga baboy? Ano ka hilo??? Magpapakamatay na lang ako! Hindi ko ata matatanggap na maging mababang uri ng nilikha! Pero ito ang mas hindi katanggap-tanggap: Na ang Manlilikha ay maging isang nilikha! Masahol pa sa taong naging baboy! Ngunit ito ang pinili ng Diyos. Ninais Niyang maging KAPAMILYA natin! Akuin ang ating pagkatao at maranasan ang mabuhay na isang tao. Pero hindi lang maging kapamilya ang nais niya. Ninais pa ng Diyos na maging KAPUSO natin! Kaya nga, tuwing Pasko ay muling isinisilang si Hesus. Isinisilang Siya sa puso ng mga taong handang tumanggap sa Kanya. Napakalaking karangalan para sa 'ting mga tao na piliin Niya upang maging Kanyang ka-pamilya at ka-puso. Sa pagsapit ng Pasko paglaanan natin ng ilang sandali na pag-isipan ang mahalagang katotohanang ito: Ang Diyos ay NAGING TAO upang tayo'y MAGPAKATAO. Sa Paskong ito, hanapin natin Siya sa ating Kapwa. Magmahal ka at magpatawad at isisilang Siya sa puso mo. Isang MAKAHULUGANG PASKO sa inyong lahat!

Sabado, Disyembre 22, 2007

PAGDUDUDA: Reflection for the 4th Sunday o Advent Year A - December 13, 2007

Isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso. " Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako... Yung dalawa e kay kumpare!" Inatake sa puso ang mister! May karapatang magduda ang lalaki kung papaanong si Jose rin ay may karapatang magduda sa kanyang asawang si Maria. Bago sila magsama ay naratnan niyang nagdadalang-tao ito. Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa syang taong matuwid at ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria ay nadesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina! Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari: Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabho. Nasunugan ka ng bahay. Namatayan ka ng mahal sa buhay.... Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Sabi nga sa ingles: "God can write straight in crooked lines!"

Reflection for the 4th Sunday of Advent Year C- December 20, 2009: PAGDUDUDA!

Isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso. " Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako... Yung dalawa e kay kumpare!" Inatake sa puso ang mister! May karapatang magduda ang lalaki kung papaanong si Jose rin ay may karapatang magduda sa kanyang asawang si Maria. Bago sila magsama ay naratnan niyang nagdadalang-tao ito. Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa syang taong matuwid at ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria ay nadesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina! Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari: Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabho. Nasunugan ka ng bahay. Namatayan ka ng mahal sa buhay.... Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Sabi nga sa ingles: "God can write straight in crooked lines!"

Biyernes, Disyembre 14, 2007

ANG SORBETERO NG PASKO: Reflection for 3rd Sunday of Advent Year A - December 16, 2007

Sa lahat ng Simbahan ngayong Linggo ay sisindihan ang kandilang kulay "pink" ng Korona ng Adbiyento. Sumasagisag sa kaligayahang ating nadarama dahil papalapit na ang pagdiriwang ng Pasko. Ang tawag sa pagdiriwang natin ngayon ay "Gaudete Sunday". Ibig sabihin ay "Magsaya!" Ano nga ba ang nagbibigay sa atin ng kaligayahan tuwing Pasko? May isang sorbetero na lubos na kinagigigiliwan ng mga bata dahil sa kanyang masarap na ice cream. Ngunit higit sa ice cream ay ang kanyang pagkamasayahin, magaling siyang mag-entertain sa mga batang kanyang suki! Minsan sinabi n'ya sa kanila: "Alam n'yo bang ako'y magikero? Kayang kong gawin ang lahat ng nais n'yo! " Sabi ng mga bata: "Sige nga po... bigyan n'yo nga kami ng maraming-maraming ice cream na hindi nauubos?" Nalungkot ang sorbetero. Sa isang iglap ay naglaho s'ya at nakita ng mga bata ang napakaraming supply ng ice cream sa kanilang harapan. Masayang-masaya sila! Nakalimutan ang sorbetero. Ngunit pagkatapos ng ilang araw ay nalungkot muli sila... parang may kulang! Hanggang isang araw ay may nakita silang matandang lalaki na malungkot na nakaupo sa daan. "Bakit po kayo malungkot? Sino po kayo?" Biglang may nilabas sa kanyang bulsa ang lalaki, isang maliit na "bell" at pinatunog ito. Laking pagkatuwa ng mga bata. Nagbalik sa kanila ang sorbetero! At doon nila naunawaan na ang nagpapasaya sa kanila ay hindi ang ice cream kundi ang sorbetero! Si Jesus ang sorbetero ng Pasko! Akala natin ang mga ice cream ang nagpapasaya sa Pasko! Masarap na Noche Buena, bagong sapatos at damit, regalo, Christmas party, dekorasyon... Pero lahat ng ito ay parang ice cream na matutunaw! Ang tunay na nagbibigay ng kaligayahan sa Pasko ay ang sorbetero... si Hesus! Siya ang "reason of the season!" May Pasko sapagkat may Diyos na nagmahal sa atin ng lubos at ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo'y iligtas sa pagkakaalipin sa kasalanan! Nakakalungkot sapagkat marami sa atin ang nakakalimot sa pagtanggap sa Kanya. Naiiwan tayo sa ice cream! Ngayong "Gaudete Sunday", hinihikayat tayong pag-isipan kung ano ba ang nagpapaligaya sa atin sa Pasko. Ilang araw na lang Pasko na... baka nasa ice cream ka pa...

Sabado, Disyembre 8, 2007

One More Chance: Supplementary Reflection for 2nd Sunday of Advent Year C - Dec. 9, 2007

Kasalukuyan kong binabaybay ang kahabaan ng NLEX. Marahil mga alas 6:30 ng gabi noon. Galing ako ng Mabalacat, Pampanga sa isang kasal at pauwi na ako sa Makati. Medyo may kahabaan ang biyahe at marahil dala na rin ng pagod at puyat ay tinamaan ako ng antok. Napakabilis ng pangyayari. Ilang segundong pagkakaidlip at nakita ko na ang aking sarili sa likod ng isang dump truck. Sumabit ang nguso ng aking sinasakyang Isuzu IPV sa bumper ng truck at nakita ko na lamang na hili-hila na ng truck ang aking sasakyan. Mabuti na lamang at nagawa naming tumabi sa "shoulder" ng express way at wala namang napinsala sa amin maliban sa aking sasakyan na wasak ang nguso ngpassenger side. Naisip ko... mahal pa rin ako ng Diyos! Binibigyan n'ya pa rin ako ng pagkakataong pag-isipan at pahalagahan ang aking buhay. Habang binabasa ko ang Ebanghelyo ngayon ay mas lalo kong naintindihan ang mga katagang "Prepare the way of the Lord, make straight his paths!" Kakatapos ko lang ipagdiwang ang ika-11 anibersayo ng aking pagpapari noong Dec. 7. At parating bumabalik sa aking isip ay kung nagawa ko na bang ipaghanda ang daraanan ng Panginoon sa aking buhay sa labing isang taon ng paglilingkod ko sa kanya? Kung tinawag na niya ako nung gabing iyon, masasabi ko bang naihanda ko na ang daraanan Niya? Nakakahiya mang aminin ngunit masasabi kong marami pa ako pagkukulang at marami pang pagbabayad-puri na dapat gawin... Maraming salamat Panginoon sa pagbibigay mo sa aking ng isa pang pagkakataon!

Miyerkules, Disyembre 5, 2007

MAGBAGO KA! NGAYON NA! : Reflection for the 2nd Sunday of Advent Year A - December 9, 2007

Mayroong isang lumang kwento na minsan daw ay nagkaroon ng pagpupulong ang kalipunan ng mga demonyo, isang Devils' Assembly na ipinatawag ni Lucifer. Ang layunin ng pagpupulong ay upang humanap ng pinakamagandang paraan upang makahikayat pa sila ng maraming tagasunod. Nagtaas ng kamay ang isa at ang sabi: "Boss Luci, bakit hindi tayo bumaba na lang sa lupa at sabihin sa mga tao na wag na silang magpakabuti sapagkat wala namang langit?" Sinigawan siya ni Lucifer na ang sabi: "Talagang demonyo ka! Di ka nag-iisip! Sinong maniniwala sa 'yong walang langit? Di mo ba nakikita ang napakaraming taong nagsisimba pag Linggo? Tanga!" Sabad naman ng isa: "E bakit di na lang natin sabihin sa kanila na wala namang impiyerno kaya wag silang matakot na gumawa ng masama?" "Isa ka pa!" Sagot ni Luci, "Sinong maniniwala sa yong walan impiyerno? E saan tayo titira? Sa langit? Tanga!" Walang makapabigay ng magandang panukala hanggang isang bagitong demonyo ang nagsalita: "Bossing, sabihin natin sa mga tao na ganito: totoong may langit at may impiyerno, pero... wag n'yo munang intindihin yun! Mahaba pa ang buhay n'yo sa mundo. Magpakasarap muna kayo habang buhay pa!" At umani siya ng masigabong palakpakan! Ang ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin ng agarang pagtugon sa tawag ng Diyos na magbalik-loob at magbagong buhay! Ito ang isinisigaw ni Juan Baustista sa ilang: "Magpanibagong-buhay kayo. Malapit ng dumating ang kaharian ng Diyos... Ngayon pa'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punongkahoy." Wag sana tayong padala sa malaking kasinungalingang ikinakalat ng demonyo na mahaba pa ang ating buhay... marami pa tayong oras! Mas mabuti na na lagi tayong handa. Baka bukas hindi na tayo magising. Baka yung kinain natin ay huling hapunan na. Walang makapagsasabi. Ngunit wag sanang takot ang mgtulak sa atin sa pagbabalik- loob. Tandaan natin, ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... ang nais Niya ay atin Siyang mahalin! Tatalikuran ko ang aking masamang pag-uugali dahil mahal ko ang Diyos. Mabubuhay ako ng mabuti dahil mahal ko Siya! Ito ang pagbabagong-loob na kinalulugdan N'ya. Handa ka na ba kung tatawagin ka ng Diyos ngayon?

Lunes, Disyembre 3, 2007

SA LAKAS NG DIYOS...POSIBLE! Reflection for the Solemnity of the Immaculate Conception - December 8, 2007

Minsang pumasyal ako sa Bicol at pinuntahan ko ang matayog at magandang Mayon volcano. Swerte ako at maganda ang panahon. Maaliwalas ang kalangitan kitang-kita ang "perfect cone" ng bulkan. Ang sabi ng ilang tagaroon: "May paniniwala na tanging ang mga birhen lang ang nakakakita ng perfect cone ng bulkan." Nang sumunod na araw ay naroroon uli ako at napansin kong may grupo ng mga madreng tinatanaw ang bulkan at ang sabi nila: "Ay sayang! Maulap di natin makita ang perfect cone ng bulkang Mayon!" hehehe! Uso pa ba ang pagiging birhen ngayon? Sa ibang progresibong pag-iisip ay makaluma na ang kahinhinan at kalinisan. Ngunit ang kapistahang ipinagdiriwang ngayon ay nagsasabing posible pa rin ang kalinisan! May ilan pa ring nalilito sa kapistahang ito: ang "Immaculate Coneception". Akala ng iba, ito ay ang mahimalang paglilihi ni Maria kay Jesus o ang tinatawag nating "virgin birth" ni Jesus. Sino ba talaga ang ipinaglihi? Si Jesus o si Maria? Ang Immaculate Conception ay ang "kalinis-linisang paglilihi kay Maria" na pinaniniwalaan nating totoo bilang mga Kristiyano. Paano nangyari na ang isang tao ay ipinaglihing walang kasalanan gayung lahat ng taong isinisilang sa mundo ay nababahiran ng "original sin?" Marahil imposible para sa ating mga tao, ngunit hindi sa Diyos! Kung hihiramin ko ang slogan ng Globe telecom: "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!" Isang natatanging pribelihiyo ang ibinigay ng Diyos kay Maria na ipinaglihi siyang walang kasalanang mana sapagkat siya ang magdadala sa Anak ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Hindi ata tama ang maglagay ng maputing bigas sa maruming kaldero! Dapat malinis muna ang paglalagyan! Ang sinapupunan ng Mahal na Birhen ay ihinihanda na ng Diyos sapul pa nung ipaglihi siya ng kanyang mga magulang. At ang kalinisang ito ay kanyang pinanatili! Kaya nga ang tawag natin din sa kanya ay "Ever-virgin!" Isang magandang paalala sa ating lahat. Marahil ay hindi natin mapapantayan ang kalinisan ng Mahal na Birhen. Ngunit inaanyayahan tayong mabuhay ng may malinis na puso! Nakakalungkot sapagkat kalat na sa mundo ang kalaswaan at sinisira ang murang pag-iisip ng ating mga kabataan. Hingin natin na sana ay protektahan ng Mahal na Birhen ang bawat isa sa atin. Wag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat kaya din nating maging malinis tulad niya. Tandaan natin... "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!"

Huwebes, Nobyembre 29, 2007

HAPPY NEW YEAR! : Reflection for the 1st Sunday of Advent Year A - December 2, 2007

"Happy New Year sa inyong lahat!" Pambungad na bati ko sa misa. Nakatulala ang mga tao, hindi alam ang isasagot... "Merry Christmas" ba o "Happy New Year?" Totoo nga naman unang Linggo pa lang ng Disyembre. Inilalatag pa lang ang mga bibingka at puto bungbong sa labas ng simbahan. Isinasabit pa lang ang mga parol sa bintana. Nagpraparaktis pa lang mag-carolling ang mga bata... happy new year na? Oo... NEW YEAR NA! Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nilalaan nating panahon para "paghandaan" ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoong Jesus. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party... Siguro kailangan ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ngunit hindi lang ito ang paghahanda para sa isang masaya at makahulugang Pasko. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin: Si Propeta Isaias ay nag-aanyaya: "Let us walk in the light of the Lord!" Gayun din si San Pablo: "Let us then throw off works of darkness and put on the the armor of light!" Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa loob at wala sa labas: Tanggalin ang masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Di tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Dapat lang... sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo nating pagninilayan ang paghahanda sa pagsilang ni Jesus. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating tahanan o simbahan bagkus magsilbing paalala na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Halina Hesus! Manatili ka sa aming piling!

Biyernes, Nobyembre 23, 2007

(Revised) ANG PAGHARIAN NI KRISTO : Reflection for the Solemnity of Christ the King Year C - November 25, 2007

Ano ba ang pamantayan para hirangin ang isang tao na maging hari? Ang nasirang FPJ ay binansagang "The King" dahil sa paghahari niya sa takilya. Ang kasikatan ba o pagkatanyag ay pamatayan para maging hari? Taliwas ata ito sa ating Panginoong Hesus. Iniwang siya ng kanyang mga alagad sa paanan ng krus. Kinukutya siya habang siya ay namamatay. Nasaan ang katanyagan ng pagiging hari? Ngunit tinatawag natin siya ngayong "Hari" sapagkat alam nating sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus ay pinagharian Niya tayo. Nabuksan ang kalangitan. Naligtas tayo sa kapahamakan ng kasalanan. Ano ang ibig sabihin ngayon ng "pagharian ni Kristo?" Isang hari na lubos na iginagalang at minamahal ng kanyang nasasakupan ang malubhang nagkasakit sa puso. Ang tanging solusyon ay ang may isang magmagandang loob na magdonate ng kanyang puso upang ipalit sa mahina nang puso ng hari. Ipinaalam ito sa kaharian at nagkaroon ng isang malaking pagtitipon sa labas ng palasyo. Di magkamayaw ang bilang ng tao sa dami ng gustong magbigay ng kanyang puso sa hari. Ganoon nila siya kamahal. Kaya't nagdesisyon ang ministro na maglabas ng pakpak ng manok at ihagis sa taas ng templo at kung sino man ang babagsakan nito sa ulo ang siyang magkakaloob ng kanyang puso sa hari. Ibinagsak ang pakpak ng manok. Mabagal na naglaro sa hangin at bumagsak ng dahan-dahan. Nang malapit na ito sa mga tao ay narinig ang malalakas na ihip: shhhuuuu..! Shhhuuuu! Shuuuuuu! Bumagsak ang pakpak ng manok sa lupa. Bakit nga ba ganoon? Napakadaling magpahayag ng pagmamahal kapag malayo tayo sa panganib o paghihirap. Ngunit kapag hinihingi na ang ating pagsasakripisyo... kapag nasa harap na tayo ng pagdurusa at kahirapan ay madali tayong mawalan ng pag-asa at kinukutya ang Diyos! Isa sa nakapakong kriminal ang kumutya kay Hesus. Marahil ay talagang naglaho na sa kanya ang pag-asa. Ngunit ang isa naman ay iba ang sinabi: "Hesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian. Hindi lang "pag-alala" ang ipinangako ni Hesus ngunit ang "isama" s'ya mismo sa kaharian ng langit! Ito ang ibig sabihin ng "pagharian ni Kristo": Na sana, kahit na sa gitna ng kasawian at paghihirap ay makita pa rin natin ang paghahari ng Diyos. Ang kapistahan ni Kristong Hari ay nagsasabi sa atin na may pangakong kaharian para sa mga taong nagpupursigi sa kabila ng kabiguan at kahirapan sa buhay! Wag sana tayong mawalan ng pag-asa. Siya ang hari ng sanlibutan... hindi Niya tayo pababayaan! Mabuhay si Kristo na ating Hari!

Biyernes, Nobyembre 16, 2007

THE END OF THE WORLD : Reflection for the 33rd Sunday in Ordinary Time Year C - November 18, 2007

Isang baguhang miyembro ng Lector and Commentators Ministry ang naatasang magbasa ng First Reading sa isang Sunday Mass. Dahil marahil sa "first time" n'yang magbasa ay naunahan s'ya ng kaba at takot. Nanginginig niyang sinumulan ang pagbasa at nang matapos ito ay nakalimutan n'ya ang dapat sabihin. Nag-improvised na lang ang bagitong lector at sinabing: "This is the end of the world (na dapat ay Word)"... sagot naman ang mga tao: "Thanks be to God!" Mukha nga namang katawa-tawa na sabihin mong Thanks be to God kung magugunaw na ang mundo. Sa unang pagbasa na lang ay parang tinatakot na tayo ni Propeta Malachi: "Lo, the day is coming, blazing like an oven..." Super init siguro nun! Para tayong mga litsong manok! Sa Ebanghelyo naman ay nakakatakot na pangitain ang sinasabi: "There will be powerful earthquakes, famines, and plagues...awesome sights and mighty signs from the sky." Paano mo nga naman sasabihing "thanks be to God" yun? Ngunit ito ay isang katotohanan na hindi natin matatakasan. Alam natin na ang buhay natin sa mundo ay may katapusan. Ngunit ang katapusang ito ay simula lamang ng ating magiging tunay na buhay. Ito ang tinatawag nating "Araw ng Paghuhukom", the time of reckoning, the day of justice... na kung saan ay gagantimpalaan ng Panginoon ang mga nanatiling tapat sa Kanya. Kaya wag tayong masiraan ng loob kung nakikita nating parang baliktad ata ang takbo ng mundo: na ang nagpapakabuti ay naghihirap at ang mga nagpapakasama ay gumiginhawa ang buhay! May katapusan ang lahat ng pagpapakasarap sa mundo. Unfair naman sa mga nagpapakabuti kung pareho lang ng mga masasama ang kanilang gantimpala. Ang hinihingi ng Panginoon ay ang ating pagtitiyaga kung paanong pinagtitiyagaan n'ya ang ating pagiging makasalanan. "By your perseverance you will secure your lives!" Wala tayong dapat ikatakot kung mabuti naman tayong namumuhay bilang mga Kristiyano. Kaya kahit na magkamali pa uli ang magbabasa sa susunod mong misa at sabihing: "This is the end of the world..." ay masasabi mo pa rin ng may paninindigan: "Thanks be to God!" At me pahabol pang: "Alelluia!"

Miyerkules, Nobyembre 7, 2007

THE MAGNIFICENT LOVER : Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 11, 2007

"Death is a magnificent lover!" Ito ang sabi ni Scottpeck sa kanyang sequel book na "Further along the Road Less Travelled." Mukhang mahirap atang tanggapin ang pangungusap na ito. Sino nga ba sa atin ang gustong mamatay? Ni ayaw nga nating pag-isipan ang ating sariling kamatayan! Nasubukan mo na bang mag-canvass at magpasukat ng sarili mong kabaong? O kaya naman ay pumili ng sarili mong bulaklak para sa iyong libing? O maghanap ng sementeryong paglilibingan? Baliw lang siguro ang gagawa nun! hehehe. Minsan may nagkumpisal sa isang pari: "Padre, patawarin mo po ako, marami na po akong napatay na tao. Galit po kasi ako sa kanila dahil naniniwala sila sa Diyos. Ikaw Padre, naniniwala ka ba sa Diyos?" Sagot ang pari: "Naku, anak... hindi... pagtrip-trip lang!" hehehe... Mahirap nga namang lumagay sa kinatatayuan ng pari. Ayaw nating mamatay! Ngunit ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapa-alala sa atin na hindi ang kamatayan ang katapusan ng ating buhay; na may buhay sa kabila na naiiba sa buhay natin ngayon dito sa mundo. Sapagkat ang ating Diyos ay "Diyos ng mga buhay at hindi Diyos ng mga patay." (Lk 20:38) Ito ang dahilan kung bakit, pinagdarasal natin at inaalala ang ating mga namatay tuwing buwan ng Nobyembre. Naniniwala tayo na may "buhay sa kabila". Pinagdarasal natin sila upang madali nilang makamtan ang kaligayahan sa "kabilang-buhay". Kaya't wag tayong matakot sa ating kamatayan. Ito ay parang "pintuan" na kailangan nating pasukan kung nais nating makamit ang gantimpala ng Diyos. Mas maganda na kung ngayon pa lang ay pinaghahandaan na natin ito. Hindi ang pagcanvass ng kabaong, o pagpili ng bulaklak.. ngunit ang paggawa ng maraming kabutihan na siyang magiging susi sa pagpasok natin sa pintuan na ang tawag ay "kamatayan". Let us all embrace our own death. After all... "death is a magnificent lover!"

Miyerkules, Oktubre 31, 2007

STAND TALL 'TOL!: Reflection for the 31st Sunday in Oridinary Time Year C - November 4, 2007

"Sa hirap ng buhay ngayon... pandak lang ang hindi tumataas!" Totoo nga naman. Mapa-kuryente, tubig, upa sa bahay, tuition fee sa eskwela, pamasahe sa sasakyan... halos lahat ata tumataas - pandak lang ang napag-iiwanan! Minsan, tinanong si Dagul: "Dagul... bakit ka pandak?" Sagot si Dagul: "Kasi, naulila ako ng maaga." Sagot sa kanya: "Teka... anung koneksyon nung pagiging ulila mo sa pagiging pandak mo?" Sagot ni Dagul: "Tanga ka ba? Ulila nga ako kaya WALANG NAGPALAKI SA AKIN!" Talagang kawawa ang mga taong pandak... karamihan sa kanila ay "walang nagpapalaki." Sa katunayan, mas lalo pa nga silang "pinapaliit" ng lipunan. Ito ang sitwasyon ni Zacheo sa Ebanghelyo: maliit na s'ya... minamaliit pa siya ng kanyang mga kababayan. Marahil dahil na rin sa kanyang trabaho na taga-kolekta ng buwis. Isang traidor sa kanilang bayan ang turing sa kanya sapagkat kinukuhaan n'ya ng pera ang kanyang mga kababayan upang ibigay lamang sa mga dayuhan (mga Romano) na sumakop sa kanila. Kasama na rin siguro ang maraming "kickbacks" sa kanyang mga nakolekta. Dahil dito sinadya ng mga taong hindi pasingitin si Zacheo sa kanilang hanay. Echepwera s'ya sa kanila! Mas lalong naging pandak sapagkat walang nais tumanggap sa kanya... walang "nagpapalaki." Ngunit nagbago ang lahat ng matagpuan s'ya ni Hesus. Take note: Si Hesus ang nakakita sa kanyang nasaa itaas ng puno. Laking tuwa ni Zacheo ng sabihin ni Hesus na tutuloy s'ya sa Kanyang bahay. At iyon na ang naging simula ng kanyang pagbabagong buhay. Ang dating pandak ay tumangkad! Naging mataas, siguro hindi sa pagtinging ng tao... ngunit sa paningin ng Diyos. Tayo rin ay maypagkapandak kung atin lamang susuriin ang ating sarili. Mabuti na lang ay may Diyos na laging handang tumanggap sa atin at palakihin tayo sa Kanyang paningin. Anuman ang ating mga nagawang pagkakamali at pagkukulang ay wag sana tayong masiraan ng loob... may Diyos na nagmamahal sa atin at nakakaunawa sa ating kahinaan. Kaya't magsumikap tayo na umahon sa ating "pagkapandak". Matangkad tayo sa mata ng Diyos dahil mahal Niya tayo! "Stand tall... 'tol!"

Martes, Oktubre 30, 2007

THE DOCTOR IS UP! : Pagninilay para sa Kapistahan ng Lahat ng mga Banal - November 1, 2007

Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na ngunit marahil ay hindi kilala. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal! Sana ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor: " (pangalan mo) is up!"

Linggo, Oktubre 28, 2007

MAYKAPAL HINDI MAKAPAL! : Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year C - October 28, 2007


Lahat ba ng panalangin ay kinalulugdan ng Diyos? Ang sagot ay hindi! Ang panalangin ng MAKAKAPAL ay walang puwang sa MAYKAPAL! Minsan may taong nagdarasal na palaging ibinibida ang kanyang sarili. Ganito parati ang laman ng kanyang panalangin: "Panginoon, maraming salamat po at ginawa mo akong mabuting Kristiyano hindi katulad ng iba d'yan na maraming bisyo at hindi nagsisimba..." Laking gulat n'ya ng sumagot ang Diyos: "Mapalad ka anak... mapalad ka!" "Anung ibig mong sabihin Panginoon?" Sagot ng mahiwagang tinig: "Mapalad ka at nakapako ang mga paa ko, kung hindi ay tinadyakan na kita!" hehehe... Kuwento lang naman ngunit may laman ang sinasabi. Inis ang Diyos sa panalangin ng mga palalo at mayayabang. Sapagkat ang panalangin ng mga palalo ay hindi kumikilala sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Hindi bida ang Diyos sa kanilang panalangin bagkus ang sarili ang itinataas! Ang pagpapakumbaba ay mahalagang kundisyon sa tunay na pagdarasal. Tanging ang mga taong katulad ng publikano sa talinhaga, na handang umamin ng kanyang pagkakamali ang kinalulugdan ng Diyos sa kanilang panalangin. Ang mapagpakumbabang panalangin ay nagpapakita ng ating pangangailangan sa awa ng Diyos at nagpapahayg ng Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Paano ka ba magdasal? Bawal ang makapal sa Maykapal!

Sabado, Oktubre 20, 2007

MAKULIT KA BA? : Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year C - October 21, 2007

Cat1024 May kuwento ng isang bata na gumawa ng sulat sa Diyos na humihingi ng pera upang ipambili ng gamot para sa kanyang nanay na may sakit. "Dear Papa God, sana naman po ay bigyan ninyo ako ng limandaang piso upang may pambili ako ng gamot sa aking nanay na maysakit... ang iyong mabait na anak, Nene." Nilagay niya ito sa isang letter envelope at isinulat ang address na pagdadalhan: "To Papa God, Heaven..." , nilagyan ng selyo at ipinadala sa Post Office. Nang makita ito ng mga trabahador ng Post Office ay kanilang tinawanan at minarkahan lamang ng "Return to Sender". Hindi nasiraan ng loob ang bata. Muli niya itong ipinadala. Muli rin itong ibinalik. Ipinadala uli. Ibinalik uli. Hanggang sa nainis na ang mga taga Post Office at binuksan na ang sulat. Nang mabasa nila ito ay napaluha sila... Agad-agad naglabas sila ng cash mula sa kanilang mga wallet. May nagbigay ng 50, 20, 10... at umabot ang halaga sa 450 pesos. Di man nakumpleto ay nagdesisyon silang ipadala na lang ito sa address ng bata na nakalagay ang salitang from "Papa God..." Laking tuwa at gulat ng bata ng matanggap ang sulat na naglalaman ng 450 pesos. Kaya't kumuha uli siya ng papel at gumawa ulit ng sulat na ipinadala n'ya agad sa Post Office. Binasa ito ng mga taga-roon. Ganito ang nilalaman ng sulat: "Dear Papa God, thank you sa ibinigay mong pera para sa aking nanay na may sakit. Pero sana next time, wag mo ng padaanin sa Post Office... nagkulang tuloy ng singkwenta pesos!" Kahanga-hanga ang bata sa kanyang pagtitiyaga! Katulad din ng babaeng balo sa ating Ebanghelyo. Ang Diyos ay laging handang magkaloob sa ating mga kahilingan kung tayo ay matiyaga sa ating panalangin. Gaano ka ba kadalas magdasal? Kung minsan ang Diyos ay nagtatagal sa pagsagot sa ating panalangin upang tingnan kung tayo ba ay may tiyaga. Ang bisa ng panalangin ay nasa ating pagtitiyaga. Nais ng Diyos na kinukulit natin Siya! Kakaiba sa atin na inis sa mga taong makukulit. Ngunit nasa kakulitan ang bisa ng ating panalangin... Tulad ng isang bata na kinukulit ang kanyang nanay upang ibili siya ng laruan, ganun din dapat ang ating pagdarasal sa Diyos. Sapagakat alam na naman ng Diyos ang ating pangangailan bago pa natin ito hingin sa kanya. Ang gusto Niya lang makita ay kung may tiyaga ba tayo sa paghingi natin ng mga ito sa Kanya. Kaya... wag lang tayong nagdasal. Bagkus, magdasal tayo ng palagian!

Biyernes, Oktubre 12, 2007

PAGPAPASALAMAT: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year C - October 14, 2007


May isang lumang kwento na minsan sa langit daw ay may naligaw na kaluluwa. Naglibot siya at nakita n'ya ang tatlong malalaking bodega na kung saan ay maraming anghel na abalang-abala. Pinasok n'ya ang unang bodega na punong-puno ng anghel na super busy na nakaharap sa kanilang mga computers. "Ano ang tawag sa lugar na ito?" Tanong ng kaluluwa sa isang anghel. "Ah, ito ang receiving section... dito kasi pumapasok ang lahat ng kahilingan ng mga tao sa lupa." Lumipat naman siya sa kabilang bodega at nakita niya ang mas marami pang bilang ng mga anghel na abalang-abalang nagbabalot ng mga regalo. "Ano naman ang tawag sa lugar na ito?" Tanong muli ng kaluluwa. "Ah... ito ang tinatawag naming packaging section, dito kasi inihahanda yung mga kahilingang ibibigay sa mga tao." Sagot ng anghel. Lumipat siya sa pangatlong bodega. Laking gulat niya sapagkat napakatahimik ng lugar. Isang anghel lang ang nakita niya at ito ay nanood pa ng TV. Anong palabas? Tama: "Marimar!" "E anong tawag naman dito sa lugar mo?" tanong ng kaluluwa. Sagot ang anghel: "Ito ang acknowledging section, dito dapat bumabalik ang mga kahilingang nabigyang tugon mula sa lupa... pero nakakalungkot. Kakaunti ang nagbibigay ng kanilang "Thank You!" Katulad ng kuwento sa Ebanghelyo, nakakalungkot na mula sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus, ay iisa lamang ang naglakas-loob na magpalasalamat! Bakit nga ganoon tayong mga tao? Kay bilis nating makalimot! Ang Diyos, kung magpadala sa atin ng biyaya ay "siksik, liglig, at nag-uumapaw," ngunit bakit kung minsan ay nakakalimot tayong magpasalamat? "Gratitude is the language of the heart" sabi nga sa Ingles. Mamaya, bago ka matulog, bilangin mo ang mga biyaya mo... magpasalamat ka sa kanya. Walang mawawala sa 'yo, bagkos magkakamit ka pa ng kaluguran sa Kanya!

Martes, Oktubre 2, 2007

BALIMBING : Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year C - October 7, 2007

Cat1001_2 Isang muslim, buddhist monk, at paring katoliko ang nagpaligsahan kung sino sa kanila ang may mas malakas na Diyos. Umakyat sila sa isang mataas na tore at nagkasundong mapagpatihulog at tumawag sa kanyang Diyos. Ang Diyos na dirinig sa kanilang pagtawag ang tatanghaling "malakas" na Diyos. Naunang tumalon ang mongha. Habang nahuhulog ay sumigaw siya ng "Buddha... tulungan mo ako!" Lumagpak siya na parang sako ng bigas sa sahig! Sumunod namang tumalon ang Muslim at sumigaw "Allah... tulungan mo ako!" Laking pagkagulat niya nang bigla siyang lumutang at bumagsak na parang bulak sa lupa. Ngayon naman ay ang pari. Tumalon siya at puno ng kumpiyansang sinabing: "Panginoong Hesus tulungan mo ako!" Walang nangyayari! Bumilis ng bumilis ang kanyang pagbulusok paibaba. Nang malapit na siya sa lupa ay bigla niyang naibulalas: "Allah... Allah iligtas mo ako!" Me tawag sa ganitong uri ng tao: balimbing! Marami sa atin ang "balimbing sa pananampalataya." Panay "praise the Lord" kapag lubos-lubos ang pagpapala, ngunit kapag nakakaranas na ng kahirapan ay "goodbye Lord" na! Kaya nga ang panalangin ng mga alagad ay atin ding panalangin: "Lord, increase our faith!" Kailangan natin ng mas malakas na pananampalataya upang sabihing "kung wala ang Grasya ng Diyos... wala rin tayo!" Madalas sinasabi nating "bahala na!" kapag hindi tayo sigurado sa ating desisyon o pagkilos. Sana ang pakahulugan natin ay "Bathala na!" - Siya na ang bahala sa atin! Ipagpasa-Diyos natin ang hinaharap ngunit kumilos tayo sa kasalukuyan. Sabi nga ng ating kasabihang gasgas na sa pandinig: "Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!"

Huwebes, Setyembre 27, 2007

KRISTIYANONG PAKIALAMERO! : Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year C - September 26, 2010

May natanggap akong text: "7 TIPS PARA MAIBA ANG ARAW MO: 1. Ibenta ang celphone tapos bilhin ulit 2. Ibigay ang wallet sa katabi sabay sigaw ng 'holdap!" 3. Maglaro ng taguan, tapos umuwi sa bahay 4. paghiwa-hiwalayin ang sangkap ng 3-in-1 5. Uminom ng limang basong kape at matulog 6. Kurutin ang kapatid at unahang umiyak 7. Makipag jak en poy sa salamin hanggang sa manalo." hehehe... Gusto mo ba talagang maiba ang araw mo? Simple lang, maghanap ka ng pinakamahirap sa mga kaibigan mo tapos i-treat mo sa Mcdo o Jolibee! Kung di naman kaya ng budget mo ay puwede nang "kwek-kwek" o "kikiam" sa tabi-tabi! Hindi kasi natural sa atin ang magbigay. Mas gugustuhin nating tayo ang binibigyan. Lalong-lalo naman na hindi natural sa atin ang pakialaman ang kalagayan ng iba. "Wala akong pakialam!" Madalas nating marining ang mga salitang ito kapag may pinupuna tayo sa ibang tao. "Pakialam mo!" ang isasabad nila upang pagtakpan ang kanilang pagkakamali. Totoo, dapat nating respetuhin ang "privacy" ng ating kapwa. May mga bagay na hindi natin dapat panghimasukan. Ngunit kung ang nakasalalay ay ang ikasasama nila at naroroon lamang tayong nakatayo na walang ginagawa, ay may malaki tayong pagkukulang at pananagutan. Kalimitan sa kumpisal ang sinasabi natin ay mga nagawang kasalanan o "sins of commission". Ngunit kung ating iisipin, may mga kasalanan din na ang tawag ay "sins of omission", mga kabutihan na dapat ay nagawa natin ngunit hindi natin ginawa. Dito natin makikita ang pagkakamali ng mayaman sa talinhaga ng ating Ebanghelyo. Marahil, mabuti siyang tao: Hindi nagnanakaw. Hindi nangangalunya. Hindi naninira ng kapwa. Pero meron sya'ng nakaligtaan... yung taong nasa labas lang ng kanyang pinto na namamatay sa gutom.Maaari n'yang ibsan ang paghihirap ni Lazaro ngunit mas pinili n'ya ang "wag makialam." Sayang! Nakagawa sana s'ya ng mabuti! Sa kahuli-hulihan ay nabaliktad ang kanilang kapalaran pagdating sa kabilang buhay. Nabulid ang mayaman sa "apoy ng kapahamakan." Magsilbi sana itong babala sa ating lahat! Maging pakialemero tayo sa ating kapwa kapag ang nakasalalay ay ang kanilang kabutihan at kapakanan. Sapagkat ang Diyos mismo ay nakialam sa ating kalagayan noong siya ay nagkatawang-tao upang iligtas tayo sa kasalanan. Sa katunayan ay wala namang obligayson ang Diyos na "maging tao at makipamayan sa atin!" Lalo nang wala siyang obligasyong dumanas at mamatay para sa atin. Ngunit, dahil sa kanyang walang kapantay na kabutihan ay niloob niyang pakialaaman ang ating abang kalagayan upang ibalik ang naputol nating kaugnayan sa Diyos. Tayo ay magkakapatid sa pananampalataya. Ang kabutihan ng isa ay kabutihan ng lahat at ang kapahamakan ng isa ay kapahamakan ng lahat. Makialam ka para kay Kristo! Ang tunay na Kristiyano ay PAKIALAMERO!

Miyerkules, Setyembre 19, 2007

KRISTIYANONG SWITIK : Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year C - September 23, 2007

Cat1022 Isang lalaki ang pumasok ng simbahan at nagdasal kay Santiago Apostol. "Poong Santiago, bigyan mo ako ng isang malaking kabayo at ipagbibili ko. Ang pagkakakitaan ay paghahatian natin ng pantay. Kalahati sa 'yo at kalahati sa simbahan. Laking pagkagulat niya ng pag-uwi niya sa bahay ay nakakita siya ng malaking kabayo sa harap ng kanyang bahay. Nilapitan niya ito at sinakyan at kataka-takang hindi ito umalma. "Ito na nga ang kabayong kaloob ni poong Santiago!" Kayat dali-dali niya itong dinala sa palengke. Sa daan ay nakakita siya ng isang manok na pilay. Hinuli n'ya ito upang ipagbili. Pagdating sa palengke ay nilagyan niya ng presyo ang kanyang mga paninda. Ang lahat ng nakakita ay tumatawa. Nakasulat: Manok = 100,000 pesos, Kabayo = 20 pesos. Pero may pahabol na PS. Puwede lang bilhin ang kabayo kung bibilhin din ang manok! Isang mayaman ang nagkainteres sa kabayo kaya't napilitan din itong bilhin ang manok. Dali-daling bumalik sa simbahan ang lalaki. Dumukot sa kanyang wallet ng pera at sabay sabing: "Poong Santiago... eto na ang parte mo!" At naglabas siya ng 10 piso at inilaglag sa collection box! May tawag sa ganitong uri ng tao... SWITIK! Magaling dumiskarte! Matalino! Tuso! Ganito rin ang kwento ni Hesus sa talinhaga. Ngunit wag tayong magkakamali. Hindi pandaraya ang itinuturo ni Hesus sa ebanghelyo. Ang nais niya lang sabihin ay dapat tayo rin bilang mga Kristiyano ay matalino pag dating sa mga espirituwal na gawain. Kung kaya nating mag-aksaya ng oras sa gimik at galaan, sa computer at pagtetext, sa harapan ng tv o sinehan, dapat kaya rin nating maglaan ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Biblia, pagsisimba... Sana ang pagkaswitik natin ay itaas natin sa "next level!" Habang may panahon pa tayo ay umiwas tayo sa mga gawaing masama at pairalin ang paggawa ng mabuti. Gamitin ang ating angking galing at talino upang maging mga tunay na "switik" na tagasunod ni Kristo! Carry mo?

Martes, Setyembre 11, 2007

ANG SIRANG-TULAY : Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year C - September 16, 2007

Cat1025_4 Ang "Bario Sirang-Tulay" ay kilala sa isang tulay na sira na iyong daraanan bago ka makarating sa lugar na yon. Kilala rin ito sa "kasalanang" palasak o karaniwan ng ginagawa ng mga tao sa lugar na yon... ang pangangalunya o adultery. Sa kumpisalan, karaniwan ng maririnig ang "Padre, ako ko ay may number 2. Padre ako po ay may kerida, Padre ako po ay nagtaksil sa aking asawa..." Kaya't minsan nasabi ng pari sa mga tao: "Mga minamahal kong parokyano, kung ang kasalanan n'yo ay pagtataksil sa inyong asawa sabihin n'yo na lang na kayo ay nalaglag sa tulay. Magkakaintindihan na tayo!" Sa kasamaang palad ay agad napalitan ang pari. Ang bagong paring pumalit na ganadong-ganado ay agad nagpakumpisal. Ang kanyang narinig: "Padre, patawad po... ako po ay nalaglag sa tulay." Laking gulat ng pari. Halos lahat ng nagkumpisal ay nalaglag sa tulay. Lalo na ng magkumpisal ay ang asawa ng Mayor. Nalaglag din sa tulay... dalawang beses pa! Hindi na n'ya ito matiis kaya't nagpunta sa munisipyo upang magreklamo sa Mayor na kasalukuyang nagpapameeting sa kanyang konseho. Banat ni Father: "Mayor, wala na ba tayong magagawa sa ating tulay? Aba... marami nang nalaglag!" Nagtawanan ang lahat pati na si mayor. Pagalit na sigaw ng pari: "Aba, mayor, ang asawa n'yo... dalawang beses nalaglag sa tulay!" Namutla ang kawawang mayor... Ang bad news: Marami tayong tulay na kinalalaglagan, tulay ng pagkamakasarili, pagkagahaman sa materyal na bagay, mga masasamang bisyo, pandaraya, kawalang karatarungan... ng kasalanan. Ang goodnews: May Diyos tayo na laging handang sumagip sa atin sa pagkalaglag. Ang sabi nga ng mga Pariseo kay Jesus: "This man welcomes sinners and eats with them!" Ang Diyos ay nagkatawang-tao upang ibalik ang naputol na ugnayan natin sa Kanya. Siya ay nag-alay ng Kanyang buhay sa krus ipang iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Kaya magalak ka kapatid kung ikaw ay isang makasalanan... Welcome ka kay Lord! Hindi lang yon... kasalo ka pa n'ya sa hapag kainan! (Sa bibliya ito ay tumutukoy sa kaharian ng Diyos.) Kaya next time na daraan ka sa sirang-tulay ay isipin mong may Diyos na nagmamahal sa 'yo... handang magpatawad sa 'yo...

Linggo, Setyembre 9, 2007

FORESIGHT O POORSIGHT? : Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year C - Sept. 9, 2007

Cat1126 Nangyari na ba sa 'yo ang pumunta ka ng Mall para manood lang ng sine pero paglabas mo ay ang dami mo ng bitbit? Me bago ka ng rubber shoes, bagong damit, gadgets, vanity kit, etc... Ang tawag namin d'yan kapag nagmamalling ay "creating needs!" Kung minsan ay di naman kailangan pero ang laging bukang bibig kapag may natipuhang bilhin ay: "Kelangan ko n'yan!" Kaya napakahalagang sa buhay ay "focus" tayo sa ating gagawin. Dapat "foresight" at hindi "poorsight" ang ating pina-iiral! Tingnan mo ang mga ginagawang kalye. Kung minsan magugulat ka. Kakaespalto lang last year, ngayon binubungkal na naman! Ang Avenida na pinaggastusan ng napakalaki sa paglalagay ng tiles sa daan... binaklas! Para "daw" lumuwag ang traffic. Bakit hindi naisip yun bago pa gawin ito? Mahalaga rin sa ating buhay ang magkaroon ng "foresight." Maliwanag ang aral ng talinhaga sa Ebanghelyo, magplano ng mabuti bago sumuong sa mahalagang gawain! May plano rin ba ako sa aking buhay-Kristiyano? O baka naman masyado akong "focus" sa buhay-makamundo at wala na akong oras para magdasal, magbasa ng Bibliya, tumulong sa kapwa, etc... Dapat pinag-iisipan din yan kung talagang mahalaga sa ating ang pagiging Kristiyano! May "foresight" ka ba? Baka naman "poorsight" ang meron ka?

Sabado, Setyembre 1, 2007

KAYABANGAN : Reflection for the 22nd Sunday in Ordinary Time, Year C - September 2, 2007

Cat1029_1 Isang turistang hapon ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila. Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. "This building is big! How long did you build this buidling?" "More or less one year!" Sabi ng driver. "One year? Too slow! In Japan, 6 months... very, very fast!" Payabang na sagot ng hapon." Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng hapon: : "Ah... this building is very big! How long did you take to build it?" "5 months!" sabi ng tsuper. "5 months??? very slow! In Japan, only 3 months... very, very fast!" Payabang na sabi ng hapon. Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay... sa Mall of Asia. "Wow! This building is very, very big! How long did you build it?" Payabang na sagot ng driver: "Only 2 months!" Sigaw ang hapon: "2 months??? Very slow... in Japan only 1 month... very, very fast!" Napahiya na naman ang Pilipino. Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. "Ok Mr. Japanese, pay me 10 thousand pesos!" Sagot ang hapon: "10 thousand? Very expensive!" Sagot ang driver: "Look sir... my taxi meter... made in Japan... very, very fast!" hehehe... nakaganti rin! Nakakaasar ang mga taong mayayabang! Ang sarap nilang yakapin... yakapin ng mahigpit hanggang mamatay! hehe. Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang "kababaang-loob." Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Ang bagay na lubhang mataas ay huwag hanapin..." Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na ang "nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas." Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan ay galing sa pagpapala ng Diyos kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano. Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin. Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob... sa paglilingkod. Kailan ako huling tumulong sa isang kapwang nangangailangan? Baka naman puno ako ng kayabangan, kasakiman at pagiging makasarili. Suriin natin ang ating mga sarili...

Sabado, Agosto 25, 2007

ANG MAKIPOT NA PINTUAN: Reflection for the 21st Sunday in Ordinary Time Year C - August 26, 2007

Cat1012 Ang langit daw ay gantimpala para sa mga taong nabuhay ng mabuti. Ang impiyerno naman ay para sa mga masasama. Ang purgatoryo... para sa mga nasa gitna. May isang lumang kuwento na minsan daw ay may mga kaluluwang napunta sa purgatoryo. Laking pagkagulat nila ng makita ang kanilang kura-paroko doon. "Hala! Padre! Dito ka rin pala... kelan ka pa dito? Akala pa naman namin nasa top floor ka!" Sigaw ng kanyang parokyano. "Shhhh... wag kayong maingay! Baka magising ang obispo. Natutulog sa ibaba!" hehehe. Pasantabi po sa mga obispo. Pero sa ebanghelyo ngayon ay maliwanag ang sinasabi ni Jesus na may mga "nauunang mahuhuli at nahuhuling mauuna." Sabi nga nila, ang langit daw ay puno ng surpresa! Ngunit katulad nga ng sabi ng Panginoon, isa lang naman ang daan papasok sa langit... ang makipot na pintuan! Kaya nga kung ang hanap natin sa pagiging Kristiyano ay "good time" at "pa-easy-easy" lang tayo sa pagsasabuhay ng ating mga tungkulin bilang tagasunod ni Kristo ay nagkakamali tayo... Hindi puwedeng maligamgam tayo sa harapan ng Diyos. Sala sa init... sala sa lamig! Ang pagiging Kristiyano ay isa lang ang hinihingi... ang maging tulad ni Kristo! Ang makipot na pintuan ay dinaraanan natin araw-araw. Laging bukas... nag-aanyaya ngunit dahil nga makipot ay ayaw nating daanan. Mahirap magpatawad. Mahirap maging tapat sa trabaho. Mahirap umunawa. Mahirap magbigay. Mahirap magpakatao... Mas madali ang gumawa ng kasalanan. Mas masarap ang alok nito. Walang hirap. Walang pasakit. Ngunit alam din natin ang patutunguhan ng pintuang maluwag... walang hanggang kapahamakan! Maging matalinong kang Kristiyano. Tandaan mo... isa lang ang daang patungo kay Kristo... at ang hahantungan mo ay nakasalalay sa daang pipiliin mo.

Linggo, Agosto 19, 2007

KATOLIKO... katok na liko pa! : Reflection for the 20th Sunday in Ordinary Time Year C - August 19, 2007

Sym1027 Madali ba ang maging Kristiyano? Sabi ng isang text na natanggap ko: "Ang edukasyon ang pintuan ng tagumpay... ang pangongopya ang susi!" Para sa maraming estudyante, ang pangongopya ay isang natural na bagay na at kung di mo gagawin ay o.p. ka sa kanila! Napakahirap magpakatotoo bilang isang Kristiyano kung napapalibutan ka ng mga taong hindi na malaman ang pagkakaiba ng tama sa mali. Ngunit ito naman talaga ang tadhana ng buhay na nakalaan kay Kristo... ang maging tanda ng kontradiksiyon! Kaya nga tama si Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Ang kanyang pagdating ay magdudulot ng pagkakahati-hati. Pagkakahati-hati ng mabubuti sa masasama... ng tama sa mali... ng baluktot sa diretso... Saan ka papanig bilang isang Kristiyano? Minsan may lumapit sa aking isang estudyante, "Fadz, di ko alam ang gagawin ko... ngayong nais ko ng magbago ay parang lalong sumasama ang pagtingin sa akin ng mga barkada ko. Tinatawag akong bakla, duwag, traydor... di marunong makisama." Ang sabi ko sa kanya, "Ganyan talaga ang pagiging isang mabuting Kristiyano... maraming hindi makakaintindi sa iyo. Pero 'wag kang mawawalan ng pag-asa. Sa kaloob-looban ay alam ng mga kabarkada mong tama ka at mali sila... hindi lang nila matanggap ang pagpili mo sa tama." Siguro, ito nga ang ibig sabihin ng pagiging "Katoliko". May KATOK na... LIKO pa!" Ok lang yun! Sabi nga ni San Pablo: "We are fools for Christ's sake!" Ok lang na maging katok at liko basta para kay Kristo!

Lunes, Agosto 13, 2007

ANG MAGAANG...TUMATAAS! : Reflection for the Solemnity of the Assumption - August 15, 2007

Domenico_brusasorciverona "Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... magaang tulad ng isang lobo." Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Kapistahan ngayon ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII , "si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan." Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad ng kalooban ng Diyos at di nabahiran ang kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Ito ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang 15 taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanyan sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit!

Huwebes, Agosto 9, 2007

PRAKTIKAL NA PANANAMPALATAYA: Reflection for the 19th Sunday in Ordinary Time Year C - August 12, 2007

Cat1039 "Panginoon... iligatas mo ako! Sumasampalataya ako sa 'yo!" Sigaw ng isang lalaki sa itaas ng bubong ng kanilang bahay sa kasagsagan ng bagyong Dodong. Dumaan ang isang bangkang padala ng Red Cross. Tumanggi lamang ang lalaki at sinabing: "Mauna na kayo, ang Panginoon ang magliligtas sa akin." Dumaan din ang isang amphibian ng PNP. Pinasasakay siya ngunit umiling lamang at sinabing: "Iba na lang ang inyong isakay. Hindi ako pababayaan ng Panginoon." Sa wakas ay dumating ang isang helicopter na padala ng AFP. Ayaw pa rin ng matandang sumakay. "Malakas ang pananampalataya kong hindi ako pababayaan ng Panginoon kaya yumao na kayo!" Para matapos na ang kwento, namatay ang matanda at ng humarap na sa Panginoon ay hindi naitago ang kanyang pagkadismaya. "Panginoon, bakit mo ako pinabayaan. Malakas naman ang pananampalataya ko sa 'yo?" Sagot ng Panginoon, "Anung pinabayaan kita? Tatlong beses akong nagpadala ng tulong sa 'yo pero tinanggihan mong lahat! Kung naging praktikal lang sana ang pananampalataya mo..." Kailan natin masasabing praktikal ang isang pananampalataya? Alam natin ang kahulugan nito: paniniwala... pagtitiwala. Pero kalimitan ay nakakaligtaan natin ang ikatlong katangian ng praktikal na pananampalataya at ito ay ang... pagsunod! Kaya nga't madalas ay nakakakita tayo ng mga "doble-karang Kristiyano", magaling sa salita ngunit kulang naman sa gawa. Saulado ang kapitulo at bersikulo ng Bibliya ngunit hindi naman isinasabuhay ito... Ano ba ang nais ng Diyos sa atin? Simple lang... isabuhay mo ang pinaniniwalaan mo! Maging tulad tayo ng aliping laging handang naghihintay sa pagdating ng Panginoon. Hindi patulog-tulog, tamad, walang ginagawa, nagsasamantala sa kapwa. Ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay! Pananampalatayang hindi lamang laman ng mga isinaulong panalangin o kaalaman sa katesismo, ngunit isang pananampalatayang nakikita sa ating pagsaksi bilang mga tagasunod ni Kristo. Huwang lang nating ipangaral ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap... isagawa natin ito... Tandaan natin na sa ating pinagkalooban nito ay mas higit ang inaasahan sa atin ng Panginoon. Buhay ba ang pananampalataya mo?

Sabado, Agosto 4, 2007

KAHANGALAN! : Reflection for the 18th Sunday in Ordinary Time Year C - August 5, 2007

Cat1025_2 Isang matandang negosyanteng intsik ang naghihingalo sa kanyang kama. Napapalibutan siya ng kanyang mga kasambahay na lubha naman ang pagkalungkot. Umuungol na tinawag niya ang mga nasa paligid: "Asawa ko, nand'yan ka ba? " Sagot si misis: "Oo mahal, nandito ako." "Ang panganay ko nand'yan ba?" Sagot si kuya: "Opo dad, nandito ako..." Tawag uli siya: "Ang bunso kong babae nan'dyan din ba?" Sagot si ate: "Yes dad, me here!" Biglang napasaigaw ang matanda: "Mga lintek kayo! Nandito kayong lahat... sino ngayon ang tumatao sa tindahan?" hehehe... Tingnan mo nga naman, mamamatay na lang e negosyo pa rin ang iniisip! Taliwas sa mga narinig natin sa mga pagbasa ngayon. Sa unang pagbasa sinabi ng mangangaral: "Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay!" Hindi niya sinasabing huwag na tayong mabuhay kung gaanoon. Kailangan nating magtrabaho para mabuhay. Kailangan nating mag-ipon ng kayamanan para sa ating seguridad. Ngunit ang ipinapaalala sa atin ay mag-ingat sa labis na paghahangad nito... mag-ingat sa kasakiman! Sa ebanghelyo ay sinasabihan tayo sa sasapitin ng taong nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos! Muli ay ibinabalik tayo ni Jesus na suriin ang ating sarili at tingnan kung ano ba ang pinahahalagahan natin sa ating buhay. Marahil ay ipinanganak tayong may kaya... marahil nagsikap tayo upang umunlad ang buhay natin... Pasalamatan natin ang Diyos! Ngunit hindi natatapos doon. Tingnan din natin kung papaano natin magagamit ang mga ito sa tamang paraan upang mapaunlad ang ating kabuhayan at makatulong din sa mga taong nangangailangan. Tayo ay tagapag-alaga lamang ng mga bagay na bigay sa atin ng Diyos. Sa sandali ng ating kamatayan ay magsusulit tayo sa mga bagay na ipinagkatiwala niya sa atin. Nakakatakot na matawag niya rin tayong "Hangal!" sapagkat naging sakim tayo!

Lunes, Hulyo 23, 2007

ANAK KA NG AMA MO! : Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year C - July 29, 2007

Jes1023 Sa isang ospital, nag-uusap ang tatlong lalaki sa labas ng maternity ward. Biglang lumabas ang nurse at sinabi: "Mr. Reyes, kambal ang anak n'yo! Congrtulations!" Sagot si Mr. Reyes, "Wow! Ang galing naman! 2 ang anak ko! Parang lugar ng pinagtratrabahuhan ko... ABS-CBN 2!" After five minutes, lumabas uli ang nurse: "Mr. dela Cruz! Congratulations po! Triplet ang anak n'yo!" Napasigaw si Mister: "Ha? It's a miracle! Sa Triple-V ako nagtratrabaho at 3 ang anak ko!" Napansin ng dalawa na namumutla ang pangatlo nilang kasama. "Pare anung nangyari at putlang-putla ka?" Sagot ng lalaki... "Mga pare, pano'ng di ako mamumutla... ang trabaho ko sa 168 Mall!" Talaga nga namang nakakatakot ang maging ama kung ganun karaming anak ang palalakihin mo. May trabahador kami sa Don Bosco Pampanga na may 12 anak at nung rumagasa ang lahar ay litong-lito siya kung sino ang uunahin niyang iligtas! Ngunit iba ang ating Diyos Ama! Kilala at mahal N'ya tayong lubos. Tayong lahat ay tinuri n'yang anak kahit na marami sa atin ay pariwara at walang utang na loob sa Kanyang ipinapakitang kagandahang loob sa atin. Kaya nga sa ating pagdarasal nais ni Jesus na tawagin natin Siya sa pangalang nararapat sa Kanya... "Ama namin..." Kaya nga hindi dapat tayo manghinawa sa ating pagdarasal. Kulitin natin ang ating "tatay" sa ating mga pangangailangan. Walang ibibigay kung hindi hinihingi. "Ask and you will receive..." Kung matagal man niyang ibigay ang ating mga kahilingan ay marahil ay nais Niya tayong maging matiyaga sa paghingi. Kung di man Niya ibigay ito ay marahil may ibang plano Siya sa atin at ibang paraan ang Kanyang sagot. Tayong lahat ay Kanyang mga anak... sana matanim natin ito sa ating isipan. Ang ating Diyos ay Amang mapagmahal at mapagpatawad! Lagi natin isipin ang katagang: "Anak ka ng Ama Mo!" Ano pang hahanapin mo?

Biyernes, Hulyo 20, 2007

Hmmmmp! Sila na lang! : Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year C - July 22, 2007

Cat1001 "Pare, Linggo ngayon... magsimba ka naman!" Sabi ng kumpare nya sa kanya. "Hmmp...! Dami kong gagawin, mga anak at misis ko na lang!" Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: "Simba tayo bukas ha?" Ang kanyang sagot: "Hmmmp...! Ang misis at ang mga anak ko na lang! Me pupuntahan pa ako." Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura paroko: "Anak, Linggo bukas. Magsimba ka." Sagot n'ya: "Padre, wala naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Hmmmp! Ang misis at ang mga anak ko na lang!" Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi ni San Pedro: "Pamilya Dimagiba... pasok sa loob!" Nang s'ya na ang papasok ay hinarang sya ni San Pedro. "Oooops... san ang punta mo?" "Sa loob! Kasama ng pamilya ko!" Sagot n'ya. Sabi ni San Pedro" "Hmmmp... ang misis at anak mo na lang!" Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan ng mahalagang aral: Walang oras ang Diyos para sa mga taong walang oras sa kanya! Marami tayong ginagawa araw-araw. Kinakailangan nating magtrabaho para kumita. Kinakailangan nating mag-aral. Kinakailangan nating gawin ang mga gawain sa bahay. Ngunit hindi naman tayo parang mga makina sa pabrika na 24 na oras kung magtrabaho. Hindi naman tayo katulad ng 7-11 store na walang pahinga. Kailangan din nating pahingahin ang katawan... ang pag-iisip ang kaluluwa. Mahalaga ba ang Diyos sa akin? Kung oo ang ating sagot ay isa lang anga dapat gawin... maglaan ng panahon para sa Kanya. Ito ang pagkakamali ni Marta. Mahal pareho ng magkapatid si Jesus. Ngunit nakalimutan ni Marta ang maglaan ng sandali upang makinig sa Panginon. Sa ating buhay, marami tayong ginagawa. Hindi tayo mauubusan ng dapat gawin. Huwag sana nating ipagpalit ang ilang sandali na dapat ay para sa Diyos. Sa loob ng isang araw ay may 24 na oras. Sa isang Linggo ay 168. Ang sabi ng Diyos kunin mo na ang 167 at yung isa... ibigay mo naman sa akin. Ang "suwapang" mo naman kung di mo ito maibigay sa Kanya! Baka magulat na lang tayo at marinig din sa Kanya" "Hmmmp...! Sila na lang!"

Sabado, Hulyo 14, 2007

KAPWA KO MAHAL KO : Reflection for the 15th Sunday in Ordinary Time Year C - July 11, 2010

Isang pulubi ang nagdarasal sa likod ng Simbahan: "Panginoon, tulungan mo naman po ako. May sakit ang aking anak. Wala kaming kakainin mamya. Kung maari bigyan mo naman ako kahit na limandaang piso." Lingid sa kanyang kaalaman ay may isang pulis na nakarinig sa kanyang panalangin. Nahabag ito at dumukot sa kanyang wallet. Binilang niya ang laman at umabot lamang ito ng apat na daang piso. Gayun pa man, iniabot niya ito sa pulubi. Tuwang-tuwa ang pulubi at binilang ito. Muli siyang lumuhod at nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po! Pero sana sa susunod, wag mo nang padaanin sa pulis... nagkulang tuloy ng isang daan!" Kalimitan ay hirap tayong makita ang kabutihan ng iba sapagkat nakakahon na sila sa ating isipan. Kapag nakakita ng pulis... kotong cop! Kapag nakakita ng politician... trapo! Kapag nakakita ng artista... maraming asawa! Ganito rin ang pagtingin ng mga Hudyo sa mga Samaritano nang panahon ni Jesus. Kapag Samaritano... kaaway! Nang tinanong si Jesus ng dalubhasa sa batas kung ano ang pinakamahalaga sa mga utos ay sinagot niya ito sa huli ng isa ring tanong: "Sino ang nagpakita ng pakikipagkapwa sa taong hinarang ng tulisan?" Hindi masagot ng eskriba si Jesus ng diresto sapagkat kaaway nila ang mga Samaritano. Kung minsan ay ganito rin ang ating pag-uugali. Hirap tayong magpakita ng pagmamahal sa ating mga kaaway. Hirap tayong magpatawad sa ating mga kasamaang-loob. Hindi natin matanggap na sila rin ay ang ating "kapwa". Malinaw ang mensaheng nais paratingin ni Jesus sa atin: Ang ating kapwa ay ang mga taong nangangailangan, nangangailangan ng tulong... ng awa... ng pag-aaruga... at higit sa lahat...ng pagpapatawad. Ang utos ng Panginoon na mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat at ang ating kapwa gaya ng pagmamahal sa ating sarili ay hindi lamang utos na nakalimbag sa Bibliya o sa ating Katesismo. Ito ay nakalimbag hindi sa papel kundi sa ating mga puso. Ibig sabihin ay napakalapit sa atin... sapagkat ito ay nasa ating kalooban, kabahagi ng ating pagiging tao at anak ng Diyos. Kaya't wala tayong maidadahilan upang hindi natin maisakakatuparan ang mga utos na ito. Sabi nga nating mga Pilipino: "Kung gusto mo, may paraan... kung ayaw mo... may dahilan!"

Sabado, Hulyo 7, 2007

TRAVEL LIGHT! : Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year C - July 8, 2007

Jes1012 Ang sobrang pagnanasa ay delikado! Minsan may paring ang hilig ay sumali sa mga "promo" o palaro ng mga advertising companies. May pacontest noon ang isang sikat na "softdrink: simple lang... bumili ka lang ng softdrink, tanggalin mo ang tansan (takip)at buuin mo ang number 1,2,3! Presto! Panalo ka ng limpak-limpak na salapi! Me pagkaswerte ata sya sapagkat sa unang bili niya ng softdrink e nakuha niya ang number 3. Bumili uli siya at nakuha naman niya ang number 1. Isa na lang... ngunit yun na ata ang katapusan ng kanyang swerte: ayaw lumabas ng number 2. Nakaubos na sya ng maraming softdrinks. Umabot na ng isang case ang nabili niya... wala pa rin ang number 2. Umuwi sya sa parokyang dismaya. May lumapit na isang lalaki at sinabi sa kanya: "Father puwede po bang magkumpisal..." Ang pari, kahit na medyo dismaya ay sumagot: "Ano yon anak... sabihin mo..." "Father, meron po akong number 2!" Nanlaki ang mata ng pari at sinabi: "Ha??? Talaga? Akin na lang!" "Too much obsession in dangerous!" Isa sa mga malaking tukso ng ating panahon ay ang magkamal ng mga bagay... salapi, gadgets, ari-arian, etc.. etc. Ang ebanghelyo ngayon ay nagsasabi sa atin kung paano tayo dapat mamuhay bilang mga tag-sunod ni Kristo: "Travel light!" No need for unnecessary things... "Carry no money bag, no sack, no sandals..." (Lk. 10:4)! Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin na mabuhay na payak! To live a simple life as his disciples. Hindi ko sinasalungat ang progresso ng makabagong panahon. Kelangan natin ng pag-unlad! Ngunit kung ang "cellphone" ay nagiging kapalit ng ating "physical presence" sa ating pamilya... ay mali ata! Kung ang computer ay ginagamit upang magpakalat ng kalaswaan... hindi ata tama. Kung ang pera ay nagiging dahilan upang mapabayaan ang pamilya... dapat nating pag-isipan ang ating ginagawa. Ang mga materyal na bagay ay dapat mapabuti ang ating pamumuhay at hindi makasira nito. Masyado ng kumplikado ang buhay natin ngayon. Maraming distractions sa ating paglalakbay. Let us remember... a simple life is a life lived with Christ!

Sabado, Hunyo 30, 2007

KRISTIYANONG TEKA-TEKA : Reflection for the 13th Sunday in Ordinary Time Year C - July 1, 2007

Cat1019 Kapag ako ay nag-iinterview sa mga ikinakasal ang lagi kong tanong ay: Paano mo masasabing Kristiyano ka? Halos pare-pareho ang kanilang sagot: "Kristiyano ako kasi nagsisimba ako tuwing Linggo!" Tama ba o mali? Sabi ng isang sikat na preacher: "Hindi sapagkat pumasok ka ng Simbahan ay Kristiyano ka na, kung paanong hindi ka nagiging kotse pag pumasok ka sa talyer!" Totoo nga naman... mas higit pa sa pagsisimba ang sinasabi ng ating pagiging Kristiyano. Noong nakaraang Linggo, nakita natin ang kahulugan ng ating pangalang "Kristiyano" ngayon naman ay pinaaalalahanan tayo kung ano ang hinihingi sa atin ng pangalang ito na ating tinataglay... ang ganap na pagsunod kay Hesus. "Ganap" sapagkat ang pagsunod kay Hesus ay wala dapat na hinihinging kundisyon... wala dapat pag-aatubili! Kung minsan magaling tayong tumawad. "Yes, Lord!Pero puwede ba..." Sa ebanghelyo narinig natin na: "Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos." Nakakalungkot sapagkat marami pa rin sa atin ang "teka-teka" sa ating pagiging Kristiyano. Urong-sulong sa pagsunod sa Kanya. Magsisimba sa Linggo... babalik naman sa masamang pag-uugali o bisyo sa Lunes hanggang Sabado. Magkukumpisal ngayon... magkakasala bukas. Seryoso ba tayo sa ating pagsunod kay Kristo? Ayaw niya ng urong-sulong na tagasunod... ayaw niya sa "Kristiyanong teka-teka!"

Biyernes, Hunyo 22, 2007

WHAT'S IN A NAME? : Reflection for the Solemnity of the Birth of St. John the Baptist - June 24, 2007

Cat1010 "What's in a name?" Ano nga ba ang meron sa pangalan? Kapag ako ay nagbibigay ng seminar sa binyag, sinasabi kong mag-ingat sa pagpili ng pangalang ibibigay sa bata. Uso kasi ngayon ang paghahalo ng dalawang pangalan. Halimbawa, ang tatay ay Jomar at ang nanay ay Maria... ang pangalan ng bata...Jomar! OK pa yun! Minsan kasi may mag-asawa ang pangalan ng tatay ay "Conrado" at ang nanay ay "Dominga". Kawawa naman ang lumabas na pangalan ng bata... CONDOM! hehehe... Ano nga ba ang meron sa pangalan? Sa Bibliya ang pagpapalit ng pangalang ay nangangahuhulugan ng pagbibigay ng misyon... Halimbawa: Si Abram ay ginawang Abraham (ama ng marming lahi), si Jacob ay ginawang Israel, si Simon ay ginawang Pedro (bato). Sa ating Ebanghelyo, ibinigay sa bata ang pangalang "Juan", nakapagtataka sapagkat hindi Zacarias Jr. na siyang pangalan ng ama niya. Ano ang kahulugan ng Juan? Napakaganda: God is gracious! Mabait ang Diyos. At ito nga ang naging simbolo ni Juan Baustista... ang kabaitan ng Diyos! Siya ang naghanda ng daanan ng Mesias. Siya ang nagbaustismo para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ano ang pakahulugan nito sa akin? Tinaglay ko rin ang isang pangalang dapat magpakita ng aking katauhan... ang tawag sa akin... KRISTIYANO. Tinaglay ko ang napakahalagang pangalan, ang pangalan ni Kristo! Grabe! Dapat pala magpakatoo ako sa pangalan ko. Dapat nasasalamin sa akin ang pagkatao ni Kristo... sa aking salita, sa aking pag-iisip, sa aking pagkilos! Nakikita ba ng iba ang aking pagiging "Kristiyano?" Sana masabi ko... KRISTIYANO AKO!

Biyernes, Hunyo 15, 2007

MAG-BEER MUNA TAYO! Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time Year C - June 17, 2007 (Fathers' Day)

Bib1002_2 Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang striktong tatay: "O sige... malaki la na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak sapagkat first time niyang pinayagan. Nalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto ng biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, may kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... magbeer muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Miguel. Parang ganito rin kung ituring tayo ng Diyos. Makatarungan Siya ngunit Siya rin ay mapagpatawad! Katulad ng pagpapatawad na ibinigay niya sa babaeng makasalanan sa ating Ebanghelyo. Hndi Siya nagbubulag-bulagan sa ting mga nagagawang kasalanan ngunit hindi rin Siya nagbibingi- bingihan sa tuwing hihingi tayo ng tawad sa mga ito. "Ang malaking pagmamahal na ipinamalas niya ang nagpapatunay na ipinatawad na ang marami niyang kasalanan!" (Lk. 7:47) Ang sukatan ng kanyang pagpapatawad ay pagmamahal. Paano ko ba ipinapakita ang aking pagmamahal? May tunay ba akong pagsisisi at pagtitika na babaguhin ang aking sarili sa tuwing ako ay nagkakamali? Ang sarap marinig sa Kanya: "Anak, halika... sasamahan kita... magbeer muna tayo!"

Huwebes, Hunyo 14, 2007

PUSONG NAGMAMAHAL... MINAMAHAL - Reflection for the Solemnity of the Sacred Heart - June 15, 2007

F_roden "Ah... basta! S'ya pa rin ang gusto kong pakasalan!" Halos pasigaw na sagot ng dalaga sa kanyang mga magulang. "Anak, maghunos-dili ka! Tingnan mo ang mukha ng mapapangasawa mo... parang kwago ang mata, ang ilong parang patatas, ang bibig parang bunganga ng kweba. Mag-isip ka anak; pag nagkatuluyan kayo papangit ang lahi natin!" Sagot ng kanyang nanay. "Kahit ano pa ang sabihin n'yo, still i fell in love with him. I fell in love not with his face... but with his heart! Totoo nga naman, ang pag-ibig ay makalaglag-puso! Kahit anung panganib handang suungin. Kahit anong pagsubok handang harapin. Kahit anung hirap handang tiisin... kahit pangit handang pagtyagaan. Hindi ba't ganito ang naging trato sa 'tin ng Diyos? Kahit ga'no tayo kapangit gawa ng ating mga kasalanan ay minahal pa rin niya tayo! Pag-ibig na walang pinipili... Pag-ibig na nagsasakripisyo... pag-ibig na nag-aalay ng buhay. Ang puso ng Diyos ay isang pusong nagmamahal na naghihintay ng pagmamahal. Ang kanyang paanyaya ay manatili tayo sa kanyang pag-ibig kung paanong "ang mga sanga ay nanatili sa puno." Nanatili tayo sa kanyang pag-ibig kung "minamahal" natin Siya ng higit sa lahat at ang ating kapwa katulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Ang kapistahan ng Mahal na Puso ay nagpapaalala sa atin ng "puso" ng Diyos. Isang pusong nagmamahal at minamahal!

Lunes, Hunyo 4, 2007

EAT ALL YOU CAN! : Reflection for the Feast of Corpus Christi, Year C - June 10 2007

Cat1002 Ang sarap talagang kumain! Lalo na kapag "eat all you can!" Pero ang ipinagtataka ko e bakit hindi ako makuntento sa aking kinakain. Parang kulang pa... kaya kain ng kain ng kain hanggang wala akong kamalay-malay na tumataas na pala ang bilbil ko! hehehe... Ganun ba talaga ang pagkain? Na pagkatapos mong isusubo e ilalabas mo rin? Merong nangyayari na hindi natin namamalayan... nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain. We become what we eat...! Kaya nga ingat...! Kapag puro baboy ang kinakain mo e magmumukha ka ring baboy! Kapag kambing naman ay malamang maging amoy kambing ka! Kapag puro junk foods naman ay magiging junk din ang katawan mo... You become what you eat! Ngayon ko naintindihan kung bakit inalay ni Hesus ang kanyang sarili sa atin upang ating maging pagkain... gusto niyang maging katulad Niya tayo! In the Eucharist... we become like Christ!... Nagiging katulad natin S'ya! Ganito ba talaga ang nangyayari pagkatapos nating magkomunyon? Nagiging katulad ba ni Kristo ang ating pag-iisip? Ang ating pananalita? Ang ating pagkilos? Kaya naman pala kahit "eat all you can" ang ating pagtanggap ng Komunyon ay parang no effect sa atin ay sapagkat hindi natin ipinapakitang nagiging katulad Niya tayo. Sana pagtinanggap natin Siya sa Banal na Komunyon ay maging mas maunawain tayo. Maging mas mapagpatawad, mapag-aruga, magpagpakumbaba... Become what you eat... become like Christ!

Lunes, Mayo 28, 2007

DIYOS NA 3 in 1 : Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity, Year C - June 3, 2007

Cat1085 I am a cofee lover! Grabe! Hindi ako makakatulog sa gabi pag hindi ako uminom ng kape. Marami na rin akong kapeng natikman... from brewed o barakong kape ng batanggas to fraps o fancy cofee ng starbucks. Natikman ko pa nga ang exotic na "kape alamid". Special daw ang kapeng ito na ang beans ay galing sa "shit ng Alamid" hehehe! Talagang mapapa... (sorry for the word) SHIT ka pag nainom mo ito! PhP 170 ba naman sa isang maliit na expresso cofee! hehehe... sabi ko sa sarili ko... dun na lang ako sa aking 3 in 1 na Nescafe! Tubig lang na mainit ang kelangan mo... enjoy ka na! Sometimes we make life so complicated... e simple lang naman ang buhay... Parang Diyos... we make Him too complicated in our minds. We want to understand him using our limited intelligence... only to find out that God is not meant to be understood by the mind but by the heart. Ang mga taong marunong lang magmahal ang nakakaunawa sa Diyos! Ako... kuntento na sa aking Diyos na 3 in 1... Ang Diyos Ama na nagbigay sa akin ng Kanyang Anak at patuloy na gumagabay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Di ko man S'ya lubos na maintindihan (bakit 3 in 1?) alam ko namang mahal N'ya ako at nais Niyang mahalin ko rin Siya... more than understand Him, He wants me to love Him. Everytime I take a sip of cofee... kape Alamid man o simpleng Nescafe, it always reminds me of my God... 3 in 1... Three Persons in One God who loved me unconditionally... to the max!

Huwebes, Mayo 24, 2007

ANG ESPIRITUNG BANTAY : Reflection for the Solemnity of Pentecost, Year C - May 27, 2007

Bib1061 Isang bata na may bagong mountain bike ang nagpark sa isang Simbahan at hinanap ang Parish Priest. Nang makita ito ay magalang na nagpakilala at nagsabi: "Father, puwede ko po bang ipark dito ang bike ko... kasi po baka mawala. Bagong-bago pa naman yan!" "Sige, anak" sagot ng pari, "magtiwala ka na walang mangyayaring masama sa bike mo." "Sure po ba kayo Father?" nagdududang tanong ng bata. Huminga ng malalim ang pari at sinabi: "Sigurado ako! Babantayan yan ng Holy Spirit kaya't walang magnanakaw niyan! Kung gusto mo magdasal tayo..." "Sige po Father... In the name of the Father, and of the Son. Amen!" Singit ng pari: "Teka me kulang ata sa dasal mo... bakit wala ang Holy Spirit?" Sagot ng bata: "Wag na nating abalahin Father, binabantayan niya ngayon ang bike ko!" Totoo nga naman, ang Espiritu Santo ang nagbabantay sa Simbahan simula pa lamang ng ito ay itinatag. Sa katunayan ngayon ay "birthday" ng Simbahan! Ipinanganak ang Simbahan sa pagpanaog ng Espiritu Santo at ito ang patuloy na gumagabay sa kanya. Nadarama mo ba ang paggabay ng Espiritu Santo sa iyong buhay? Tinanggap mo ito nung ikaw ay bininyagan at kinumpilan. May epekto ba S'ya sa buhay mo ngayon? Kung nanlalamig ka ngayon sa pananampalataya, hingin mo ang tulong Niya. Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape, walang ring matigas na puso ang di kayang palambutin ng mainit Niyang pagmamahal. "Come, Holy Spirit fill the hearts of your faithful and kindle in them the fire of your love..."

Martes, Mayo 22, 2007

MARIA TULONG NG MGA KRISTIYANO: Reflection for the Feast of Mary Help of Christians - May 24, 2007

M2029

Mayroong isang kuwento na minsan daw sa langit ay naglalakad ang Panginoong Hesus at nakakita siya ng mga di kilalang kaluluwa na gumagala sa Kanyang kaharian. Agad niyang tinawag si San Pedro upang tanungin kung sino ang mga bagong "migrants" na iyon. Walang masabi si San Pedro kaya't katakot-takot na sermon ang inabot niya sa Panginoon. "HIndi ba sabi ko na sa iyong isarado mong mabuti ang pinto upang walang makakapasok dito na hindi natin nalalaman?" Sabi ni Hesus. Tugon ni San Pedro: "Sinasarado ko naman po... kaya lang ang nanay ninyo binubuksan naman ang bintana at doon ipinupuslit ang mga migranteng ito!" hehehe... Marahil isang kuwento lamang ngunit kapupulutan natin ng aral tungkol sa ating Mahal na Birhen. Tunay ngang siya ay "tulong ng mga Kristiyano" o "Help of Christians". Ang kasaysayan ang ating patunay na si Maria ay laging tumutugon sa pangangailanan ng Simbahan. October 7, 1571 ng magapi ng mga mandirigmang Kristiyano ang mga turko sa malamilagrong "Battle of Lepanto. May 24, 1814 ng nakalaya si Pope Pius VII sa pagkakabihag ni Napoleon at nawala ang pagtatangkang sirain ang Simbahan. Noong panahon ni Don Bosco (1815-1888) ay talamak at hayagan ang pagbatikos sa Simbahan ng mga "Anti-clericals". Lahat ng pagsubok na yan ay nalagpasan ng Simbahan sa pamamagitan ng pamimintuho at debosyon sa kanya. Kaya nga't hindi nagdalawang isip si Don Bosco upang kunin siyang patron ng kanyang gawain. Hanggang ngayon ay patuloy ang paggawa ni Maria ng himala at namamagitan siya sa pangangailangan ng Simbahan. Marami pa rin ang sumisira at tumutuligsa sa ating pananampalataya. Hingin natin ang makapangyarihang pamamagitan (intercession) ni Maria... ang Tulong ng mga Kristiyano!