Ano sa palagay mo? Susuwertehin ka ba sa taong ito? Maaalis ba natin ang malas ngayong taong ito? Aminin natin na ang gusto nating lahat na mangyari sa taong ito ay ALIS MALAS! PASOK BUENAS! Ngunit paano ito mangyayari lalo na't marami sa ating mga nakagawiang gawin kapag bagong taon ay ipinagbabawal? Bagamat pamahiin kung maituturing ngunit marami pa rin sa atin ang gumagawa nito. Unahin na natin ang BAWAL ANG PAPUTOK. Marahil ay namana natin ito sa mga intsik ngunit marami ang naniniwala na itinataboy ng ingay ng mga paputok ang masasamang espiritu na nagdadala ng kamalasan. Ngunit sa ating mga nanampalataya ay ito ang dapat nating tandaan: "Hindi po ingay ng paputok ang magpapalayas sa mga demonyo. Ang magpapalayas sa mga demonyo ay: taimtim na pagdarasal, madalas na pakikiisa sa Sakramento ng Eukaristiya at Kumpisal, pag-iwas sa kasalanan maliit man o malaki at madalas na pagdalaw at pagdedebosyon sa Banal na Sakramento."
Paano ba papasok sa atin ang buenas o suwerte? Marami sa atin ang ginagawa ang lahat ng paraan para magpapasok ng suwerte. Nariyan na ang pagbuo ng 12 prutas na bilog. Sigurado akong meron kayo nyan sa inyong lamesa sa pagpalit ng taon. Pero dapat nating tandaan, "Hindi mga prutas ang mag-aakyat ng blessings sa buhay mo. Ang makapagbibigay ng blessings sa buhay mo ay si Jesus lamang at wala ng iba!" Nariyan na ang pagbili ng tikoy! Para daw mas malagkit ang kapit ng swerte! Nariyan na ang pagsusuot ng damit na kulay pula at siyempre ang polka-dots na sumisimbolo sa pera; mas maraming polka-dots, mas maraming pera ang makukuha. Pero tulad ng paputok, ay marami pa rin pagbabawal dito. Sabi ng isang message na natanggap ko: “Para di malasin ang New Year, huwag mong isali sa handa ang bilog na prutas na may itim na buto tulad ng pakwan, chico, papaya at iba pa para du umitim ang suwerte! Huwag ka rin maghanda ng ice cream para di matunaw ang swerte at higit sa lahat huwag maghanda ng ulam na galing sa hayop na may apat na paa gaya ng baboy, baka, kambing at baka tumakbo ang swerte. Huwag din maghanda ng isda at laman dagat at baka malunod ang swerte. Huwag din maghanda ng may pakpak tulad ng manok o pabo at baka lumipad ang swerte. Huwag ka na kayang maghanda at matulog ka na lang! Happy New Year!”
Masama bang sumunod sa mga pamahiing ito? Hindi naman siguro basta't hindi namin kalilimutan na ang kapalaran ng tao ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin kundi sa matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. At dito ay ibinibigay sa atin ang Mahal na Birheng Maria upang ating maging huwaran. Kaya marahil ang unang araw ng taon ay laging nakatuon sa pagdiriwang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos. Tinamaan ng suwerte ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos at dahil dito siya ay napuspos ng biyaya! Sa katunayan ay ipinapahayag natin ito sa ating panalangin; "Hail Mary, full of Grace, the Lord is with you!" Bakit napuspos si Maria ng biyaya? Sapagkat ang Panginoon ay sumasakanya! Literally, ito ay totoong nangyari sa kanya sapagkat dinala si Jesus sa kanyang sinapupunan. Ang tawag namin d'yan sa Griego ay THEOTOKOS, the bearer of God, tagapagdala ng Diyos! Sinasabi nito sa atin na dapat ay sikapin din nating "dalhin si Kristo" sa ating pagkatao. Punuin natin ang ating buhay ng grasya ng Diyos katulad ni Maria kung nais nating pagpalain ng Panginoon ang ating buhay. Tinanggap na natin ang biyayang ito noong tayo ay bininyagan. Taglay natin si Kristo maging sa ating pangalan. Ang kulang na lamang marahil ay isabuhay natin ito sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang kalooban. Si Maria ay bukod na pinagpala dahil sa kanyang matapat na pagsundo sa kalooban ng Diyos. "May it be done to me according to your word..." Ang sagot ni Maria sa anghel nung tinanggap niya ang pagtawag na maging Ina ng Diyos.
Malaking hamon ito sa atin sa pagpasok ng bagong taon sapagkat sa simula pa lang ay may problema na tayong kinahaharap. Parang napakahirap isakatuparan ang kalooban ng Diyos sa ating sitwasyon ngayon na marami sa atin ang naghihikahos sa buhay gawa ng pandemyang ito. Ngunti manalig tayo ng may pag-asa. Tandaan natin na tayo ay pumapasok na rin sa pagdiriwang ng ika-500 Anibersaryo ng Paghahatid ng Pananamplatayang Kristiyano sa ating bansa. Pinapaalalahanan tayo na wala tayong dapat ipangamba sapagkat hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Maraming pagsubok na hinarap at patuloy na hiniharap ang ating Simbahan ngunit hanggang ngayon ay nananatili pa rin itong matatag at patuloy na gumaganap sa kanyang misyon. Ang paalala sa atin ay "We are gifted to give!", na tayong lahat ay biniyayaan ng Diyos upang magbigay ng pag-asa at pagmamahal sa ating kapwa!
Nasa atin na ang "suwerte", walang iba kundi si Jesus, kinakailangan na lang natin itong ibahagi sa iba! Sa pagpasok ng bagong taon nawa ay maging mas mabubuting tao tayo at mas tapat na mga Kristiyano. Sa ganitong paraan lang natin makakamit ang tunay na kapayapaan na hanggang ngayon ay patuloy pa rin nating inaasam. Nawa ay pagharian tayo ng Kristo sa taong ito ng 2021.
Isang Masagana, Mapagpala at Mapayapang Bagong Taon sa inyong lahat!