Sabado, Disyembre 25, 2010

SMP: SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO: Reflection for Christmas Day - December 25, 2010

Naitanong mo na ba kung bakit may Pasko? Bakit nga ba pinili ng Diyos na maging tao gayong kaya naman Niya tayong iligtas sa isang pitik lamang ng Kanyang kamay? May kuwento ng isang grupo ng mga bibe na tuwang-tuwang nagtatampisaw sa ilog. Sa kanilang katuwaan ay di nila namalayan ang papalapit na unos. May isang magsasakang nagmagandang loob na dalhin sila sa isang kuweba upang mailigtas sa paparating na bagyo. Ngunit sa halip na magpuntahan doon ay nagkanya-kanya sila at hindi sumunod sa pambubugaw na ginawa ng magsasaka. Ang tanging nasabi ng magsasaka ay: "Sana, maging katulad din ako nila, makapagalita sa kanilang lengguwahe ng maintindihan nila ako at mailigtas ko sila!" Bakit nga ba naging tao ang Diyos? Simple lang ang sagot: dahil mahal Niya tayo! Nais niya tayong mailigtas sa pamamagitan ng pag-ari sa ating pagkatao at ng sa ganoon ay maipadama sa ating ang kanyang pagmamahal. Ang bawat pagdiriwang ng Pasko ay pagdiriwang ng malaking pag-ibig ng Diyos sa tao. Sa pananalita ni San Juan: "Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa mundo kaya't ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na anak upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan!" (Jn. 3:15) Kung mauunawaan natin ito ay mas magiging makahulugan ang ating Pasko. Magiging kakaiba sa mga nagdaang Pasko na ating naipagdiwang. Kung nais mong maging kakaiba ang Pasko mo ay isama mo si Kristo sa iyong pagdiriwang. Ang mga nagsasabing matamlay ang kanilang Pasko, tulad ng mga miyembro ng SMP ay may maling pag-intindi ng masayang Pasko. Hindi lang ang mga materyal na bagay ang nakapagsasaya sa atin sa Pasko. Hindi masaya ang Pasko sapagkat marami kang pera, may bago kang jowa, may bag o kang damit, o maraming nagregalo sa 'yo. Ang sukatan ng isang masayang Pasko ay kung si Kristo ba ay nasa puso mo! Kung magagawa mo ito ay makakasama ka sa mga tunay na SMP... SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO! Masaya ang Pasko sapagkat kasama natin si Kristo!

Linggo, Disyembre 19, 2010

ANG PLANO NG DIYOS PARA SA 'YO: Reflection for 4th Sunday of Advent Year A - Jan.19, 2010

Isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso. " Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Pinagdududahan mo ba ako? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako... Yung dalawa, kay kumpare 'yun!" Inatake sa puso ang mister! May karapatang magduda ang lalaki kung papaanong si Jose rin ay may karapatang magduda sa kanyang asawang si Maria. Bago sila magsama ay naratnan niyang nagdadalang-tao ito. Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa syang taong matuwid at ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria ay nadesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik. Katulad ng sino mang tao, si Jose ay pangarap sa buhay. Pangarap niya marahil ang magtayo ng pamilya. Isa siyang taong matuwid at alam ang kanyang gusto sa buhay. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina! Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari: Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabho. Nasunugan ka ng bahay. Namatayan ka ng mahal sa buhay.... Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Sabi nga sa ingles: "God can write straight in crooked lines!"

Biyernes, Disyembre 10, 2010

S.M.P. BA AKO NGAYONG PASKO? : Reflection for 3rd Sunday of Advent Year A - December 12, 2010

Labing dalawang tulog na lang at Pasko na! Excited ka ba? Marami sa atin ang siguradong masaya sa araw ng Pasko. Ngunit di mapagkakailala na may ilan-ilan na magiging mga malungkot ang paskong darating. Sila ang mga bumubuo ng SMP (Samahan ng Malalamig ang Pasko)? Isa ka rin ba sa mga kasapi ng grupong ito? Kung sabagay, unti-unti nang lumalamig ang paligid. Masarap matulog. Masarap maghilik sa kama. Masarap namnamin ang malamig na simoy ng hangin. Ngunit pati rin ba ang nararamdaman mo ay palalamigin mo? Para sa akin ay sapat na ang lamig ng paligid. Ang Pasko ay araw na dapat tayong lahat ay maligaya! Bawal ang nakasimangot! Bawal ang malungkot! Bawal ang SMP ngayong Pasko! Sa katunayan sa lahat ng Simbahan ngayong Linggo ay sisindihan ang kandilang kulay "pink" ng Korona ng Adbiyento. Sumasagisag sa kaligayahang ating nadarama dahil papalapit na ang pagdiriwang ng Pasko. Ang tawag sa pagdiriwang natin ngayon ay "Gaudete Sunday". Ibig sabihin ay "Magsaya!" Dapat tayong magsaya sapagkat si Kristo ay naririto na!" Siya ang dahilan ng ating pagdiriwang. He is the reason of the season! Kaya nga't mayroon tayong lahat na karapatang magdiwang! Sa Ebanghelyo ngayon ay nagtanong si Juan Baustista kung si Jesus na nga ba ang kanilang hinihintay. Magandang katanungan din na dapat nating itanong sa ating mga sarili: "Sino ba ang hinihintay ko ngayong Pasko?" Kung ang hinihintay ko ay ang pagbabalik ng jowa kong ipinagpalit ako sa iba ay certified member nga ako ng SMP. Kung ang hinihintay ko ay ang darating na 13 month pay o Christmas Bonus na pinatatagal ibigay ng amo kong kuripot ay siguradong magiging certified SMP member ako. Kung ang hinihintay ko lang ay regalong matatanggap ngayong Pasko ay malamang na isa rin akong SMP. Kung ang hinihintay ko ay ang paghingi ng patawad ng kagalit ko certified SMP din ako. Bakit di mo hintayin si Jesus na darating sa iyong puso? Maging maunawain, mapagpatawad, mapagkawang gawa... matulungin sa kapwa! Magagawa mo lang ito kapag si Jesus ay nasa puso mo. Simulan mo ng lininisin ang puso mo upang makapasok si Jesus at maibigay sa iyo ang "Gaudete" ng Pasko! Kapag ginawa mo ito ay magiging TUNAY KANG S.M.P. Hindi na Samahan ng Malalamig ang Pasko kundi... SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO!

Sabado, Disyembre 4, 2010

MAGBAGO KA... NOW NA! : Reflection for 2nd Sunday of Advent Year C - December 5, 2010

Kailan ba ang huli mong pagkukumpisal? Marami sa atin ang tumatanggap ng "Katawan ni Kristo" sa Banal na Komunyon kapag nagmimisa ngunit ilan kaya ang palaging nagkukumpisal? "Next time na lang po Father... kapag malapit na akong mamatay! Bata pa naman ako. Mahaba pa ang buhay ko!" Tingnan natin kung may katotohanan ito. Mayroong isang lumang kwento na minsan daw ay nagkaroon ng pagpupulong ang kalipunan ng mga demonyo, isang Devils' Assembly na ipinatawag ni Lucifer. Ang layunin ng pagpupulong ay upang humanap ng pinakamagandang paraan upang makahikayat pa sila ng maraming tagasunod. Nagtaas ng kamay ang isa at ang sabi: "Boss Luci, bakit hindi tayo bumaba na lang sa lupa at sabihin sa mga tao na wag na silang magpakabuti sapagkat wala namang langit?" Sinigawan siya ni Lucifer na ang sabi: "Talagang demonyo ka! Di ka nag-iisip! Sinong maniniwala sa 'yong walang langit? Di mo ba nakikita ang napakaraming taong nagsisimba pag Linggo? Tanga!" Sabad naman ng isa: "E bakit di na lang natin sabihin sa kanila na wala namang impiyerno kaya wag silang matakot na gumawa ng masama?" "Isa ka pa!" Sagot ni Luci, "Sinong maniniwala sa yong walan impiyerno? E saan tayo titira? Sa langit? Tanga!" Walang makapabigay ng magandang panukala hanggang isang bagitong demonyo ang nagsalita: "Bossing, sabihin natin sa mga tao na ganito: totoong may langit at may impiyerno, pero... wag n'yo munang intindihin yun! Mahaba pa ang buhay n'yo sa mundo. Magpakasarap muna kayo habang buhay pa!" At umani siya ng masigabong palakpakan! Ang ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin ng agarang pagtugon sa tawag ng Diyos na magbalik-loob at magbagong buhay!Ito ang isinisigaw ni Juan Baustista sa ilang: "Magpanibagong-buhay kayo. Malapit ng dumating ang kaharian ng Diyos... Ngayon pa'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punongkahoy." Wag sana tayong padala sa malaking kasinungalingang ikinakalat ng demonyo na mahaba pa ang ating buhay... marami pa tayong oras! Mas mabuti na na lagi tayong handa. Baka bukas hindi na tayo magising. Baka yung kinain natin ay huling hapunan na. Walang makapagsasabi. Ngunit wag sanang takot ang mgtulak sa atin sa pagbabalik- loob. Tandaan natin, ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... ang nais Niya ay atin Siyang mahalin! Tatalikuran ko ang aking masamang pag-uugali dahil mahal ko ang Diyos. Mabubuhay ako ng mabuti dahil mahal ko Siya! Ito ang pagbabagong-loob na kinalulugdan N'ya. Handa ka na ba kung tatawagin ka ng Diyos ngayon? Magbago ka NOW NA!

Biyernes, Nobyembre 26, 2010

BAGONG TAON... BAGONG BUHAY: Reflection for the First Sunday of Advent Year A - November 28, 2010

"Happy New Year sa inyong lahat!" Pambungad na bati ko sa misa. Nakatulala ang mga tao, hindi alam ang isasagot... "Merry Christmas" ba o "Happy New Year?" Totoo nga naman, papasok pa lang ang buwan ng Disyembre. Inilalatag pa lang ang mga bibingka at puto bungbong sa labas ng simbahan. Isinasabit pa lang ang mga parol sa bintana. Nagpraparaktis pa lang mag-carolling ang mga bata... happy new year na? Oo... NEW YEAR NA! Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nilalaan nating panahon para "paghandaan" ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoong Jesus. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party... Siguro kailangan ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ngunit hindi lang ito ang paghahanda para sa isang masaya at makahulugang Pasko. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin: Si Propeta Isaias ay nag-aanyaya: "Halina kayo... at tayo’y lumakad sa liwanag ng Panginoon!" Gayun din si San Pablo: "Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti." Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa loob at wala sa labas: Tanggalin ang masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Di tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Dapat lang... sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Masyado ng na-commercialized ang pagdiriwang ng Pasko! Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo ang ibinibigay sa atin ng Simbahan upang itahimik ang ating mga puso. Apat na linggo nating pagninilayan ang paghahanda sa pagsilang ni Jesus. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating tahanan o simbahan bagkus magsilbing paalala na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Bagong taon... bagong buhay! Bagong pag-asa ang ibinibigay sa atin sa pagdating ni Jesus! Halina, Emmanuel... manatili ka sa aming piling!

Biyernes, Nobyembre 19, 2010

THE LORD OF THE RINGS... THE RETURN (again!) OF THE KING: Reflection for the Solemnity of Christ the King Year C - November 21, 2010

Bumalik na namang matagumpay ang ating Pambansang Kamaong si Manny Paquiao! Parang wala pang isang taon nang pinarangalan natin siya at ibinigay pa ang titulong "Order of Sikatuna". Naaalala ko rin na noong isang taon ay inihambing ko siya sa pagbabalik ng isang hari hango sa isang sikat na palabas: "Lord of the Rings: The Return of the King!" Tunay nga namang siya ang kaisa-isahang Lord of the Rings (Hari ng Boxing Ring! 8 World Titles sa iba't ibang division). Kaya nga't bilang pagpaparangal ay ginawa pang PACMANIAN WEEKEND ng Kapuso Network ang araw na ito! Ngunit sa ating Simbahan, ang araw na ito ay talagang nakalaan sa pagpaparangal sa ATING NAG-IISANG HARI! Ngayon ang Kapistahan ni Jesus na Kristong Hari na siyang hudyat din ng pagtatapos ng taong liturhiko. Ano ba ang uri ng paghaharing ito? Ang isang hari ay pinagpipitagan at iginagalang ng mga tao kapalit ng paniniwalang pamumunuan sila nito ng may katarungan at pag-aaruga. Ang isang hari sa wikang ingles ay dapat na maging isang "gracious king!" Doon lamang siya makakakuha ng rispeto at pagsunod sa kanyang mga nasasakupan. Ito marahil ang nakita at nadama ng magnanakaw na nasa kanyang tabi kaya't nassabi nitong: "Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na!" Tunay ngang si Jesus na ating hari ay puno ng kagandahang-loob! Jesus is a gracious king! Kung kaya't wala rin tayong dapat katakutan kung tatawagin na Niya tayong tumayo sa Kanyang harapan at magsulit ng ating buhay. Manginig tayo sa takot kung tayo ay nagpabaya at natagpuan niyang hindi handa! Kaya nga't sa muling pagbabalik ni Kristong hari ay inaasahan tayong paghandaan ng mabuti ang kanyang pagdating. Paghandaan natin ito sa pamamagitan ng isang mabuting pamumuhay at tapat na paglilingkod sa kapwa. Si Kristong Hari ay hari sapagkat bukas palad ang kanyang pagilingkod. Paglilingkod na walang itinatangi at pinipili. Paglilingkod na nakatuon sa ikabubuti ng iba at hindi ng sarili. Paglilingkod ng ng isang tunay na SERVANT-LEADER! Hinihintay nating lahat ang kanyang muling pagbabalik. Darating muli ang ating hari. Paghandaan natin ang araw na ito... THE RETURN OF THE KING! Mabuhay si KRISTONG HARI!



Lunes, Nobyembre 15, 2010

TAKOT AT PANANABIK: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year C - November 14, 2010

Pansamantala na namang tumigil ang pag-ikot ng mundo nitong nakaraang Linggo, ika-14 ng Nobyembre. Nagmistulang "ghost town" ang mga kalsada. Nagpahinga ang mga snatchets at holdapers sa kanto. Lahat ng trabaho ay tumigil. Lahat ay tumutok sa laban ni Pacquiao at Margarito. Ano ba ang naramdaman mo habang ikaw ay nanonood? Natatakot ka ba o nananabik ka ba? Para sa akin ay magkahalong takot at pananabik. Takot sapagkat mas malaki at mas mabigat ang kanyang kalaban. Pananabik sapagkat kung saka-sakaling manalo si Pacman ay ito na ang pangwalo niyang korona sa boxing na galing sa iba't ibang division, bagay na hindi mapapantayan ninuman. Takot at pananabik... parehong damdamin na ipanadadama sa atin ng mga pagbasa sa Liturhiya ng linggong ito. Takot sa maaaring mangyari sa muling pagbabalik ni Jesus na hindi natin alam kung kailan. Pananabik sapagkat ito ang magiging simula ng isang masayang buhay para sa lahat ng naging tapat sa Kanya. Ang araw ng paghuhukom ay hindi dapat katakutan ng ating mga Krisityano kung naging tapat lamang tayo sa pagsasakatuparan ng Kanyang utos bago Siya umakyat sa langit: "Mag-ibigan kayo tulad ng pag-ibig ko sa inyo!" Hahatulan tayo ng Panginoon ayon sa batas ng pag-ibig. Kaya wala tayong dapat ipangamba kung tayo ay marunong magmahal. Susulitin lamang natin sa Panginoon kung paanong minahal natin ang ating kapwa. Pinatawad ko ba ang aking kaaway? Naging mapag-aruga ba ako sa aking mga mahal sa buhay? Naging magalang at masunurin ba ako sa aking mga magulang? Kung hindi natin nagawang magmahal ay mayroon nga tayong dapat katakutan! Patapos na ang taong Liturhiko. Ang bawat pagtatapos ay dapat na magdala sa atin ng pagninilay na may katapusan ang lahat maging ang ating buhay. Habang hinihintay natin ang kanyang muling pagbabalik ay maging masigasig tayo sa ating pagiging Kristiyano. Nawa ang ating pagkaabalahan ay ang paggawa ng kabutihan at hindi kapabayaan!

Biyernes, Nobyembre 5, 2010

Death: THE MAGNIFICENT LOVER : Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 7, 2010

"Death is a magnificent lover!" Ito ang sabi ni Scottpeck sa kanyang sequel book na "Further along the Road Less Travelled." Mukhang mahirap atang tanggapin ang pangungusap na ito. Sino nga ba sa atin ang gustong mamatay? Ni ayaw nga nating pag-isipan ang ating sariling kamatayan! Nasubukan mo na bang mag-canvass at magpasukat ng sarili mong kabaong? O kaya naman ay pumili ng sarili mong bulaklak para sa iyong libing? O maghanap ng sementeryong paglilibingan? Baliw lang siguro ang gagawa nun! hehehe. Minsan may nagkumpisal sa isang pari: "Padre, patawarin mo po ako, marami na po akong napatay na tao. Galit po kasi ako sa kanila dahil naniniwala sila sa Diyos. Ikaw Padre, naniniwala ka ba sa Diyos?" Sagot ang pari: "Naku, anak... hindi... pagtrip-trip lang!"hehehe... Mahirap nga namang lumagay sa kinatatayuan ng pari. Ayaw nating mamatay! Ngunit ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapa-alala sa atin na hindi ang kamatayan ang katapusan ng ating buhay; na may buhay sa kabila na naiiba sa buhay natin ngayon dito sa mundo. Sapagkat ang ating Diyos ay "Diyos ng mga buhay at hindi Diyos ng mga patay." (Lk 20:38) Ito ang dahilan kung bakit, pinagdarasal natin at inaalala ang ating mga namatay tuwing buwan ng Nobyembre. Naniniwala tayo na may "buhay sa kabila". Pinagdarasal natin sila upang madali nilang makamtan ang kaligayahan sa "kabilang-buhay". Kaya't wag tayong matakot sa ating kamatayan. Ito ay parang kasintahan na dapat mahalin at hindi katakutan. Ang alok niyang pagmamahal ay ang makapiling ang Diyos magpakailanman! Makakatanggi ka ba sa alok ng isang nagmamahal sa iyo? Kung ang kamatayan ay isang "magnificent lover" mas maganda na kung ngayon pa lang ay pinaghahandaan na natin ito. Hindi ang pagcanvass ng kabaong, o pagpili ng bulaklak o pagkakaroon ng memorial plan ang dapat nating paghandaan ngunit ang paggawa ng maraming kabutihan na siyang magiging susi sa pagpasok natin sa pintuan na ang tawag ay "kamatayan". Let us all embrace our own death. After all... "death is a magnificent lover!"

Linggo, Oktubre 31, 2010

ANG MGA NASA ITAAS: Reflection for ALL SAINTS DAY - November 1, 2010

Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na ngunit marahil ay hindi kilala. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal!Sana ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor: " (pangalan mo) is up!"

MATANGKAD NA PANDAK: Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year C - October 31, 2010

"Sa hirap ng buhay ngayon... pandak lang ang hindi tumataas!" Totoo nga naman. Mapa-kuryente, tubig, upa sa bahay, tuition fee sa eskwela, pamasahe sa sasakyan... halos lahat ata tumataas - pandak lang ang napag-iiwanan! Minsan, tinanong si Dagul: "Dagul... bakit ka pandak?" Sagot si Dagul: "Kasi, naulila ako ng maaga." Sagot sa kanya: "Teka... anung koneksyon nung pagiging ulila mo sa pagiging pandak mo?" Sagot ni Dagul: "Tanga ka ba? Ulila nga ako kaya WALANG NAGPALAKI SA AKIN!" Talagang kawawa ang mga taong pandak... karamihan sa kanila ay "walang nagpapalaki." Sa katunayan, mas lalo pa nga silang "pinapaliit" ng lipunan. Ito ang sitwasyon ni Zacheo sa Ebanghelyo: maliit na s'ya... minamaliit pa siya ng kanyang mga kababayan. Marahil dahil na rin sa kanyang trabaho na taga-kolekta ng buwis. Isang traidor sa kanilang bayan ang turing sa kanya sapagkat kinukuhaan n'ya ng pera ang kanyang mga kababayan upang ibigay lamang sa mga dayuhan (mga Romano) na sumakop sa kanila. Kasama na rin siguro ang maraming "kickbacks" sa kanyang mga nakolekta. Dahil dito sinadya ng mga taong hindi pasingitin si Zacheo sa kanilang hanay. Echepwera s'ya sa kanila! Mas lalong naging pandak sapagkat walang nais tumanggap sa kanya... walang "nagpapalaki." Ngunit nagbago ang lahat ng matagpuan s'ya ni Hesus. Take note: Si Hesus ang nakakita sa kanyang nasaa itaas ng puno. Laking tuwa ni Zacheo ng sabihin ni Hesus na tutuloy s'ya sa Kanyang bahay. At iyon na ang naging simula ng kanyang pagbabagong buhay. Ang dating pandak ay tumangkad! Naging mataas, siguro hindi sa pagtinging ng tao... ngunit sa paningin ng Diyos. Tayo rin ay maypagkapandak kung atin lamang susuriin ang ating sarili. Mabuti na lang ay may Diyos na laging handang tumanggap sa atin at palakihin tayo sa Kanyang paningin. Anuman ang ating mga nagawang pagkakamali at pagkukulang ay wag sana tayong masiraan ng loob... may Diyos na nagmamahal sa atin at nakakaunawa sa ating kahinaan. Kaya't magsumikap tayo na umahon sa ating "pagkapandak". Matangkad tayo sa mata ng Diyos dahil mahal Niya tayo! "

Sabado, Oktubre 23, 2010

BAWAL ANG MAKAPAL SA MAYKAPAL: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year C - October 24, 2010

Lahat ba ng panalangin ay kinalulugdan ng Diyos? Ang sagot ay hindi! Ang panalangin ng MAKAKAPAL ay walang puwang sa MAYKAPAL! Minsan may taong nagdarasal na palaging ibinibida ang kanyang sarili. Ganito parati ang laman ng kanyang panalangin: "Panginoon, maraming salamat po at ginawa mo akong mabuting Kristiyano hindi katulad ng iba d'yan na maraming bisyo at hindi nagsisimba, tapat ako sa asawa ko at hindi ako katulad ng kapitbahay namin na maraming kabit, nag-aabuloy ako sa Simbahan, tumutulong ako sa kawang-gawa di tulad ng iba d'yan na madamot at walang pakialam sa iba at higit sa lahat nagkukumpisal ako ng isang beses sa isang buwan di tulad ng ibang mahigit isang taon ng hindi nagkukumpisal..." Laking gulat n'ya ng sumagot ang Diyos: "Mapalad ka anak... mapalad ka!" " Tuwang-tuwa siyang tumingala sa malaking krusipihiyo na kung saan ay pinanggalingan ng mahiwagang tinig. "Talaga po Panginoon? Pero anung ibig mong sabihin Panginoon na mapalad ako?" Sagot ng mahiwagang tinig: "Mapalad ka at nakapako ang mga paa ko, kung hindi ay tinadyakan na kita!"hehehe... Kuwento lang naman ngunit may laman ang sinasabi. Hindi naman nananadyak ang Diyos! Inis lang talga Siya sa panalangin ng mga palalo at mayayabang. Bakit? Sapagkat ang panalangin ng mga palalo ay hindi kumikilala sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Hindi bida ang Diyos sa kanilang panalangin bagkus ang sarili ang itinataas! Ang pagpapakumbaba ay mahalagang kundisyon sa tunay na pagdarasal. Tanging ang mga taong katulad ng publikano sa talinhaga, na handang umamin ng kanyang pagkakamali ang kinalulugdan ng Diyos sa kanilang panalangin. Kaya nga ang pagpapakumbaba ay isang mahalagang kundisyon sa tuwing tayo ay lumalapit sa Diyos. Pansinin ninyo ang gawi ng publikano: "
Samantala, ang
publikano’y nakatayo sa malayo, hindi
man lamang makatingin sa langit,
kundi dinadagukan ang kanyang
dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalan!" Ang mapagkumbabang panalangin ay nagpapakita ng ating pangangailangan sa awa ng Diyos at
nagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Sino ba ang bida sa panalangin mo? Baka naman puro "Ako" ang laman ng ating panalangin at nakakalimutan natin "Siya" (ang Diyos) at "sila" (ang ating kapwa). Ang panalanging kinalulugdan ng Diyos ay ang panalanging nagbubunga ng paggalang at pagmamahal sa ating kapwa. Laging mong tandaan na sa pagdarasal ay bawal ang makapal sa Maykapal!

Sabado, Oktubre 16, 2010

MAKULIT NA PANANALAGIN: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year C - October 17, 2010

Bilang pari ay marami ang lumalapit sa akin upang ipagdasal ang kanilang mga kahilingan. Ang iba ay personal na nakikipag-usap. Ang iba ay sa text na lamang ipinararating at ang mga ilan-ilan ay sa "Facebook" ipinadadala. Hindi ko alam kung natugunan ang kanilang mga kahilingan. Marahil ay nabigyan naman ng kasagutan ang kanilang mga panalangin sapagkat wala pa naman ni isang nagreklamo na dinedma siya ng Panginoon. Papaano kaya kung hindi naibigay ang matagal mo ng hinihiling sa pagdarasal? Ano ang gagawin mo? Isang bata ang malapit ng magbirthday at hiniling niya kay Hesus na sana ay regaluhan siya ng isang mountain bike. Dahil noon ay buwan ng Oktubre ay araw-araw siyang nagrosaryo sa Simbahan upang hingin sa Diyos ang hiling niyang "birthday gift". Laking pagkadismaya niya sapagkat tila nagbibingi-bingihan ang Diyos sa kanyang panalangin. Malapit na ang katapusan ng buwan at walang ni gulong ng mountain bike na dumarating. Pagsapit ng katapusan ng buwan, na kung saan ay idinaraos ang "Rosary Rally" ng parokya, ay nagkaroon ng kaunting kaguluhan sa Simbahan. Nawawala ang estatwa ng Mahal na Birhen na isasama sana sa prusisyon! Sa halip ay isang sulat ang nakita ng kura paroko sa lugar na pinagpapatungan ng estatwa. Binasa niya ang sulat at ganito ang nakasaad. "Panginoong Hesus... kapag hindi mo ibinigay ang hiling kong mountain bike ay hindi ko rin ibabalik ang nanay mo!" Kahanga-hanga ang "simpleng pananampalataya" ng bata sa kuwento. Ang araw-araw niyang pagsusumamo na sana ay maipagkaloob sa kanya ang kanyang hinihiling ay nagpapakita lamang ng katotohanang sinasabi sa Ebanghelyo ngayon: huwag tayong manghinawa sa ating panalangin at paghingi sa Diyos ng ating mga kinakailangan. Kung minsan ay nagtatagal ang Diyos sa pagsagot sa ating mga kahilingan. Kung minsan ay iba ang sagot Niya sa ating mga kahilingan, Hindi ito dahilan upang panghinaan tayo sa ating paghingi. Mas madaling tanggapin ang kasagutan ng Diyos kung ito ay hinihingi ng isang puso na marunong magpasalamat. Kapag kaya nating pasalamatan ang Diyos sa mabuti at masamang kaganapan sa ating buhay ay mas madaling matanggap anuman ang ibibigay Niya sa atin. Kaya nga bago humingi ay dapat marunong muna tayong magpasalamat sa Kanya! Humiling tayo ng may pagpupursigi at pagpapakumbaba. Kung minsan ay sinusubukan lamang Niya ang ating pananampataya. Kung ang masamang hukom sa talinhaga ay pinagbigyan ang kahilingan ng babaeng balo ay paano pa kaya ang ating Diyos na lubos ang kabutihan! Kaya wag tayong magsawang humingi lalo na kung ito ay makabubuti sa ating kapwa at hindi lamang para sa ating sariling kapakanan. Huwag tayong magsawang "kulitin" ang Diyos sapagkat gusto Niya ang ganitong uri ng panalangin. Ngayon din ay Linggo ng Pandaigdigang Misyon o World Mission Sunday. Hiliningin natin sa Diyos na pagpalain niya ang gawain ng misyon at ng mga misyonero. Ang gawain ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa maraming bansa ay hindi maisasakatuparan kung wala ang mga misyonero. Tandaan natin na tayong lahat din ay mga "misyonero". Sa pamamagitan ng ating mapursiging pananalangin ay malayo ang ating mararating at maraming kaluluwa ang ating maliligtas!

Huwebes, Oktubre 7, 2010

PENGI NOON O PANGINOON? : Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year C - October 17, 2010

Kailan ka huling nagsabi ng "thank you" sa Diyos? Kung nakakalimot ka na ay para sa iyo ang kuwentong ito: Minsan daw sa langit ay tinuturuan ang mga bagitong anghel. Sila ang mga anghel nasa OJT (On the Job Training) o SIPT (Supervised In Plant Training). Inilibot sila sa kalangitan at nakita nila ang tatlong malalaking bodega na kung saan ay maraming anghel na abalang-abala sa pagtratrabaho. Pinasok nila ang unang bodega na punong-puno ng mga anghel na major major busy na nakaharap sa kanilang mga computers na parang nasa call centers. "Ano ang tawag sa lugar na ito?" Tanong ng isang anghel sa kanilang trainer. "Ah, ito ang "requesting department", dito kasi pumapasok ang lahat ng kahilingan ng mga tao sa lupa." Lumipat naman sila sa kabilang bodega at nakita nila ang mas marami pang bilang ng mga anghel na abalang-abalang nagbabalot ng mga kahong pangregalo. "Ano naman ang tawag sa lugar na ito?" Tanong naman ng isa pang anghel. "Ah... ito ang tinatawag naming packaging department, dito kasi inihahanda ang mga kahilingang ibibigay sa mga tao." Sagot ng anghel. Lumipat sila sa pangatlong bodega. Laking gulat niya sapagkat napakatahimik ng lugar. Isang anghel lang ang nakita niya at ito ay nanood pa ng telebisyon. Anong palabas? Tamaaa! "Magkaribal" at pag commercial naman ay nililipat niya sa "Ilumina". E anong tawag naman dito sa lugar mo?" tanong ng kaluluwa. Sagot ang anghel: "Ito ang thanksgiving department, dito dapat bumabalik ang mga kahilingang nabigyang tugon mula sa lupa... pero nakakalungkot. Kakaunti ang nagbibigay ng kanilang "Thank You!" Katulad ng kuwento sa Ebanghelyo, nakakalungkot na mula sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus, ay iisa lamang ang naglakas-loob na magpalasalamat! At ang higit na nakalulungkot ay isang Samaritano, na mortal na kaaway ng mga Hudyo, ang tanging nakaalalang magbigay ng pasasalamat. Bakit kaya ganyang tayong mga tao? Kay bilis nating makalimot! Ang Diyos, kung magpadala sa atin ng biyaya ay "siksik, liglig, at nag-uumapaw," ngunit bakit kung minsan ay nakakalimot tayong magpasalamat? Tingnan natin ang laman ng ating mga panalangin, magugulat tayo na ang karaniwang uri ng ating pagdarasal ay "paghingi". Kadalasan ang lagi nating sinasambit ay "PENGI NOON... PENGI NOO!" sa halip na PANGINOON, PANGINOON!" Ang lakas nating humingi sa Diyos, ang hina naman nating magpasalamat. Hindi ako naniniwalang wala tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos. Sapagkat lahat ay biyaya na nagmumula sa Kanya! "Everything is grace!" ang sabi nga ni San Pablo. Kahit nga ang masasamang nangyayari sa atin ay maari nating tawaging "blessing in disguise" sapagkat ang "Diyos ay nakapagsusulat ng diretso sa baku-bakong lingya." Ibig sabihin ay laging may mabuting dahilan ang Diyos sa masasamang pangyayari sa ating buhay. "Gratitude is the language of the heart" sabi nga sa Ingles. Mamaya, bago ka matulog, bilangin mo ang mga biyaya mo... magpasalamat ka sa kanya. Kapag araw ng Linggo magsimba ka, ang Santa Misa ang pinakamataas na pasasalamat na maari nating ibigay sa Kanya. Kapag may pagpapala ka ay ibahagi mo. Isang paraan yan ng pagsasabing ang iyong biyayang natanggap ay hindi sa iyo kundi ito ay kaloob ng Diyos. Magpasalamat ka tuwina! Walang mawawala sa 'yo, bagkos magkakamit ka pa nga ng biyaya sapagkat kinalulugdan ng Diyos ang taong marunong magpasalamat!

Sabado, Oktubre 2, 2010

KRISTIYANONG BALIMBING: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year C - October 3, 2010

Gaano ka ba kalakas sa Diyos mo? Dinirinig niya ba ang iyong panalangin? May kuwento ng isang muslim, buddhist monk, at paring katoliko na nagpaligsahan kung sino sa kanila ang may mas malakas na Diyos. Umakyat sila sa isang mataas na tore at nagkasundong mapagpatihulog at tumawag sa kanyang Diyos. Ang Diyos na dirinig sa kanilang pagtawag ang tatanghaling "malakas" na Diyos. Naunang tumalon ang mongha. Habang nahuhulog ay sumigaw siya ng "Buddha... tulungan mo ako!" Lumagpak siya na parang sako ng bigas sa sahig! Sumunod namang tumalon ang Muslim at sumigaw "Allah... tulungan mo ako!" Laking pagkagulat niya nang bigla siyang lumutang at bumagsak na parang bulak sa lupa. Ngayon naman ay ang pari. Tumalon siya at puno ng kumpiyansang sinabing: "Panginoong Hesus tulungan mo ako!" Walang nangyayari! Bumilis ng bumilis ang kanyang pagbulusok paibaba. Nang malapit na siya sa lupa ay bigla niyang naibulalas: "Allah... Allah iligtas mo ako!" Me tawag sa ganitong uri ng tao: balimbing! Marami sa atin ang "balimbing sa pananampalataya." Panay "praise the Lord" kapag lubos-lubos ang pagpapala, ngunit kapag nakakaranas na ng kahirapan ay "goodbye Lord" na! Kaya nga ang panalangin ng mga alagad ay atin ding panalangin: "Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!" Kailangan natin ng mas malakas na pananampalataya upang sabihing "kung wala ang Grasya ng Diyos... wala rin tayo!" Madalas sinasabi nating "bahala na!" kapag hindi tayo sigurado sa ating desisyon o pagkilos. Sana ang pakahulugan natin ay "Bathala na!" - Siya na ang bahala sa atin! Ipagpasa-Diyos natin ang hinaharap ngunit kumilos tayo sa kasalukuyan. Sabi nga ng ating kasabihang gasgas na sa pandinig: "Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!" Totoong kung minsan ay mahirap tanggapin ang utos ng Diyos lalo na't ito ay taliwas sa ating kagustuhan. Hindi nating maunawaan kung bakit nating sundin ang isang bagay lalo na't hindi tayo sang-ayon sa ating kalooban. Dito natin kinakailangan ang pagpapakumbaba bilang mga tapat na alipin ng ating Panginoon. Ang tapat na alipin ay handang maglingkod kahit na ito ay nangangahulugan ng kahirapan sa pagsunod. Walang siyang maipagmamalaki sa kanyang sarili! Ginagawa lamang niya ang dapat niyang gawin. Sa kahuli-hulihan ito lamang ang kanyang masasabi pagkatapos niyang sundin ang kalooban at utos ng kanyang panginoon: "Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin. ” Ganito rin ba tayo magpakita ng pananampalataya sa Diyos?

Lunes, Setyembre 27, 2010

BLESSING IN DISGUISE: Reflection for the Feast of St. Lorenzo Ruiz, our PROTO MARTIR - September 28, 2010

Kung minsay ay naririnig natin ang katagang: "Blessing in disguise!" Ano ba ang ibig sabihin nito? Nagkukunwari ba ang pagpapala? May mga karananasan tayo kung minsan na hindi madaling tanggapin sapagkat masama ang dating nito sa atin. Ngunit magugulat na lamang tayo na hindi naman pala talaga masama bagkus ay may nagawa pa nga itong mabuti sa atin. Halimbawa: Iniwan ka ng jowa mo at iba ang sinamahan. Nalate ka sa trabaho dahil sa hindi ka hinintuan ng jeep. Naiwan ka sa outing ng barkada. Tapos maririnig mo na lang: May aids pala ang jowa mo! Nagkaroon ng holdapan sa jeep na dapat ay nasakyan mo! Nadisgrasya ang van na sinasakyan ng barkada mo! "Ay mabuti na lang!" ang tangi mong naibulalas! Ang tawag d'yan ay "blessing in disguise!" Ang pagkamartir din ni San Lorenzo Ruiz ay masasabi nating isang "Blessing in disguise!" Sa totoo lang ay wala siyang balak na maging martir! Hindi niya ito pinangarap! Nagkataon lang na siya ay napadpad sa Japan sa kadahilang tinakasan niya ang isang krimen na maling ibinibintang sa kanya dito sa Pilipinas! Hindi niya alam na ang "kamalasang" ito ang magbibigay daan upang makamit niya ang korona ng pagiging unang Pilipinong martir! At ang kanyang mga huling pananalita ay nagbibigay sa atin ng inspirasyon hanggang ngayon: "Sanlibo man aking buhay sa Diyos ko lang iaalay!" Isang "blessing in disguise" na tulad din ng sinisimbolo ng "krus". Ang dating simbolo ng kahihiyan ay naging simbolo ng kaligtasan! Sa ating buhay ay marami tayong nararanasang blessing in disguise! Wag na nating hintayin pa ang huli upang masabi nating "blessing" ang mga nangyayari sa atin. Sa pamamagitan ng "pananampalataya" ay maaari na rin nating makita ang biyaya ng Diyos sa kabila ng maraming masamang nangyayari sa atin! Ang kahirapang hinihingi ng ating ordinaryong gawain ay sapat na upang masanay natin ang pagiging martir! Sa mga pagkakataong hinihingi ang ating pananampalataya ay lagi nating isipin ang mga kasabihang "God can write straight in crooked lines!"

Huwebes, Setyembre 23, 2010

KRISTIYANONG PAKIALAMERO : Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year C - September 26, 2010

May natanggap akong text: "7 TIPS PARA MAIBA ANG ARAW MO: 1. Ibenta ang celphone tapos bilhin ulit 2. Ibigay ang wallet sa katabi sabay sigaw ng 'holdap!" 3. Maglaro ng taguan, tapos umuwi sa bahay 4. paghiwa-hiwalayin ang sangkap ng 3-in-1 5. Uminom ng limang basong kape at matulog 6. Kurutin ang kapatid at unahang umiyak 7. Makipag jak en poy sa salamin hanggang sa manalo." hehehe... Gusto mo ba talagang maiba ang araw mo? Simple lang, maghanap ka ng pinakamahirap sa mga kaibigan mo tapos i-treat mo sa Mcdo o Jolibee! Kung di naman kaya ng budget mo ay puwede nang "kwek-kwek" o "kikiam" sa tabi-tabi! Hindi kasi natural sa atin ang magbigay. Mas gugustuhin nating tayo ang binibigyan. Lalong-lalo naman na hindi natural sa atin ang pakialaman ang kalagayan ng iba. "Wala akong pakialam!" Madalas nating marining ang mga salitang ito kapag may pinupuna tayo sa ibang tao. "Pakialam mo!" ang isasabad nila upang pagtakpan ang kanilang pagkakamali. Totoo, dapat nating respetuhin ang "privacy" ng ating kapwa. May mga bagay na hindi natin dapat panghimasukan. Ngunit kung ang nakasalalay ay ang ikasasama nila at naroroon lamang tayong nakatayo na walang ginagawa, ay may malaki tayong pagkukulang at pananagutan. Kalimitan sa kumpisal ang sinasabi natin ay mga nagawang kasalanan o "sins of commission". Ngunit kung ating iisipin, may mga kasalanan din na ang tawag ay "sins of omission", mga kabutihan na dapat ay nagawa natin ngunit hindi natin ginawa. Dito natin makikita ang pagkakamali ng mayaman sa talinhaga ng ating Ebanghelyo. Marahil, mabuti siyang tao: Hindi nagnanakaw. Hindi nangangalunya. Hindi naninira ng kapwa. Pero meron sya'ng nakaligtaan... yung taong nasa labas lang ng kanyang pinto na namamatay sa gutom.Maaari n'yang ibsan ang paghihirap ni Lazaro ngunit mas pinili n'ya ang "wag makialam." Sayang! Nakagawa sana s'ya ng mabuti! Sa kahuli-hulihan ay nabaliktad ang kanilang kapalaran pagdating sa kabilang buhay. Nabulid ang mayaman sa "apoy ng kapahamakan." Magsilbi sana itong babala sa ating lahat! Maging pakialemero tayo sa ating kapwa kapag ang nakasalalay ay ang kanilang kabutihan at kapakanan. Sapagkat ang Diyos mismo ay nakialam sa ating kalagayan noong siya ay nagkatawang-tao upang iligtas tayo sa kasalanan. Sa katunayan ay wala namang obligayson ang Diyos na "maging tao at makipamayan sa atin!" Lalo nang wala siyang obligasyong dumanas at mamatay para sa atin. Ngunit, dahil sa kanyang walang kapantay na kabutihan ay niloob niyang pakialaaman ang ating abang kalagayan upang ibalik ang naputol nating kaugnayan sa Diyos. Tayo ay magkakapatid sa pananampalataya. Ang kabutihan ng isa ay kabutihan ng lahat at ang kapahamakan ng isa ay kapahamakan ng lahat. Makialam ka para kay Kristo! Ang tunay na Kristiyano ay PAKIALAMERO!

Sabado, Setyembre 18, 2010

SWITIK AKO PARA KAY KRISTO: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year C - September 19, 2010

Bakit kapag pera ang pinag-usapan, marami sa atin ang tuso? Ang mga bobo ay nagiging matalino. Ang walang pinag-aralan nagiging henyo! Isang lalaki ang pumasok ng simbahan at nagdasal kay Santiago Apostol. "Poong Santiago, bigyan mo ako ng isang malaking kabayo at ipagbibili ko. Ang pagkakakitaan ay paghahatian natin ng pantay. Kalahati sa 'yo at kalahati sa simbahan. Laking pagkagulat niya ng pag-uwi niya sa bahay ay nakakita siya ng malaking kabayo sa harap ng kanyang bahay. Nilapitan niya ito at sinakyan at kataka-takang hindi ito umalma. "Ito na nga ang kabayong kaloob ni poong Santiago!" Kayat dali-dali niya itong dinala sa palengke. Sa daan ay nakakita siya ng isang manok na pilay. Hinuli n'ya ito upang ipagbili. Pagdating sa palengke ay nilagyan niya ng presyo ang kanyang mga paninda. Ang lahat ng nakakita ay tumatawa. Nakasulat: Manok = 100,000 pesos, Kabayo = 20 pesos. Pero may pahabol na PS. "Puwede lang bilhin ang kabayo kung bibilhin din ang manok!" Isang mayaman ang nagkainteres sa kabayo kaya't napilitan din itong bilhin ang manok. Dali-daling bumalik sa simbahan ang lalaki. Dumukot sa kanyang wallet ng pera at sabay sabing: "Poong Santiago... eto na ang parte mo!" At naglabas siya ng 10 piso at inilaglag sa collection box! May tawag sa ganitong uri ng tao... SWITIK! Magaling dumiskarte! Matalino! Tuso! Ganito rin ang kuwento ni Hesus sa talinhaga. Ngunit huwag tayong magkakamali. Hindi pandaraya ang itinuturo ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang nais niya lang sabihin ay dapat tayo rin bilang mga Kristiyano ay matalino pag dating sa mga espirituwal na gawain. Na dapat ay kaya nating gamitin ang "kayamanan" ng mundong ito para sa ikaliligtas ng ating kaluluwa at hindi tayo ang ginagamit ng kayaman tungo sa ating ikapapahamak! Malinaw ang sabi ni Hesus:"Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Hindi ninyo mapagliling-kuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.” Kung may pera man tayo o kayamanang taglay, minana man o pinaghirapan, lagi nating pakatandaang ito ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos at dapat gamitin sa tamang paraan. Kung may angkin tayong talino at galing isipin nating ito ay hindi lamang para sa atin kundi para rin sa iba. "Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay..." sabi ni Hesus. Kung kaya nating mag-aksaya ng oras sa gimik at galaan, sa computer at pagtetext o kaya ay magbabad sa harapan ng telebisyon o sinehan, dapat kaya rin nating maglaan ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Biblia, pagsisimba... Sana ang pagka-switik natin ay itaas natin sa "next level!" Habang may panahon pa tayo ay umiwas tayo sa mga gawaing masama at pairalin ang paggawa ng mabuti. Gamitin ang ating angking galing at talino upang maging mga tunay na "switik" na tagasunod ni Kristo!

Sabado, Setyembre 11, 2010

ANG PABORITO NG DIYOS: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year C - September 12, 2010

May paborito ba ang Diyos? Marahil, sa ating mga tao ay natural na ang may itinatangi, may pinapanigan, may espesyal sa paningin... may "apple of the eye" kung tawagin. Ngunit ang Diyos... na lubos na makatarungan at pantay kung magmahal... may paborito rin kaya? Hanapin ang sagot sa kuwentong ito... May isang paring kung magpakumpisal ay may kakaibang 'gimik". May dala-dala s'yang maliit na "bell" na kanyang pinapatunog upang sabihin sa mga taong tapos na ang nagkukumpisal at pinatawad na ang kanyang kasalanan. Eto ang mas nakakaintriga, napansin nila na ang haba ng tunog ng "bell" ay depende sa dami ng kasalanan ng nagkumpisal! Minsan, ay nagkumpisal ang tinuturing nilang "pinakamakasalanan sa parokya!" Isa siyang kilalang babaero, sugarol, lasenggero, at halos taglay na niya ata ang lahat ng "bisyo". Nag-abang ang mga tao kung gaano kahaba ang kanilang maririnig na tunog. Nagtaka sila sapagkat nakakatrenta minutos na ay wala pa silang naririnig. "Baka, hindi na nakayanan ni Father... baka hinimatay na s'ya!" ang sabi nila. Laking pagkagulat nila ng biglang lumabas si Father sa kumpisalan at karipas na tumakbong palabas ng simbahan. Nagtungo siya sa kampanaryo ng simbahan at narinig ang... "Booong! boong! bong! booong!" Ganito kagalak ang Diyos sa mga kasalanang nagsisisi. Kung mayroon mang paborito ang Diyos sila ay walang iba kundi ang mga makasalanan na handang magbalik-loob sa Kanya. Ang pagbabalik-loob ng isang taong makasalanan ay kagalakan para sa ating Diyos at dahilan upang magdiwang Siya ng isang tagumpay! Sa Ebanghelyo ay ikinumpara Siya sa isang pastol na naghanap at nakasumpong sa kanyang nawawalang tupa o kaya naman ay sa isang babaeng nakasumpong sa kanyang nawawalang salaping pilak. Lubos ang kanilang kagalakan sapagkat nagbunga ang kanilang ginawang paghahanap. Ito ang isang katotohanan na dapat nating maunawaan: tayong lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan ay paborito ng Diyos! At sapagkat paborito Niya tayo ay lagi Niya tayong hinahanap at hinihintay Niya ang araw na tayo ay Kanyang masusumpungan. Sa tuwing lumalapit tayo sa Sakramento ng Kumpisal, ito ay hindi sapagkat ginusto natin. Ito ay sapagkat may Diyos na naghihintay sa atin at Siya ang nagtutulak sa ating magbago at magbalik-loob. Kailan na ba ang huling kumpisal mo? Kung ikaw man ay nakakaramdam ng pagkahiya o pagkamaliit dahil sa marami mong kasalanan ay lagi mong isipin na ang Diyos ay mapagtimpi. Sapat lamang na tayo ay magpakumbaba at aminin ang ating kakulangan at pagkakamali tulad ng ginawa ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Naunawaan ni San Pablo na "paborito" siya ng Diyos kaya't hindi niya nahiyang aminin ang kanyang pagiging makasalanan: "At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga..." Ikaw...? Tinuturing mo ba ang sarili mong PABORITO NG DIYOS?

Martes, Setyembre 7, 2010

NINE MONTHS: Reflection for the Feast of the Birth of the Mama Mary - September 8, 2010

Naitanong mo na ba sa sarili mo kung bakit September 8 ang birthday ni Mama Mary? Bakit hindi May 13? (birthday ko kaya yon! hehe) Wala pa namang kalendaryo noon. Paano nalamang Sept. 8 ang kanyang kaarawan? Simple lang. Daanin ko sa isang kuwento ang sagot: "May isang turistang Amerikano ang sumakay ng bus papuntang Macabebe, Pampanga. Medyo nainip siya sa haba ng biyahe kaya tinanong ang kundoktor: "Hey Joe, how long to Makabaybe?" Ang pagkaintindi ng kundoktor ay "how long to make a baby", kaya tinawanan niya ang Amerikano. Natural, napikon ang Kano at sinigawan ang kundoktor: "Hey! Don't laugh at me! I'm asking you a serious question: "how long to Makabaybe?" Pagalit na sumagot ang kundoktor: "Ahhhh... don't you shouting at me ha? I'm no ignorant. Ok, I will tell you... it's nine months to "make a baby!" Napatalon sa kinauupuan ang kano, "Nine months??? Gosh... it's too far!" hehehe... Ang sagot sa tanong ko kanina kung bakit Sept. 8 natin ipinagdiriwang ang birthday ni Mama Mary ay ito... wala sa historical o theological explanation ang kasagutan. Ang sagot ko lang ay katulad ng sagot ng kundoktor: "Nine months to make a baby." Bilangin mo mula Dec. 8, ang araw ng kalinislinisang paglilihi kay Maria (Immaculate Conception) hanggang Sept. 8, ang kanyang kapanganakan, at makikita mong siyam na buwan ang haba noon! Hindi naman mahalaga ang eksaktong petsa ng kapanganakan ng Mahal ng Birhen. Ang mahalaga ay isinilang siya bilang tao dito sa lupa upang mabigyang daan ang katuparan ang plano ng Diyos.Ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birhen ay dapat magpaalala sa atin ng kagandahang loob at katapatan ng Diyos. Sa simula palang na nagkasala ang tao ay ninais na ng Diyos na sagipin ang tao sa pagkakasala. Napakahabang paghahanda ang nangyari. Kasing haba ng tala-angkanan na nakasulat sa Ebanghelyo ni Mateo. Mahabang panahon ang hinintay ng sangkatauhan, ngunit sa gayunpaman ay hindi tinalikuran ng Diyos ang kanyang pangako. Pinili niya ang isang babaeng taga-Nazaret upang maging ina ng Kanyang Anak. Lubos ang kabutihan at katapatan ng Diyos. Ang Diyos ay laging tapat sa atin. Sa kabila ng ating araw-araw na pagtalikod at paglimot sa kanya ay tuloy pa rin ang alok Niyang kaligtasan sa atin. Pinahahalagahan ko ba ito? O baka naman, binabale wala ko ang Kanyang kabutihan sa patuloy na paggawa ng kasalanan at masamang pag-uugali? O Maria... tulungan mo kaming maging tapat na katulad mo... Maligayang kaarawan sa iyo aming Ina!

Linggo, Agosto 29, 2010

MAJOR MAJOR MISTAKE: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year C - August 29, 2010

Naitanong mo na ba sa iyong sarili kung "ano ang MAJOR MAJOR MISTAKE na nagawa mo sa iyong buhay?" Hindi madali ang katanungang ito sapagkat hindi natural sa atin ang aminin ang ating sariling pagkakamali. Hindi madali sapagkat tayong lahat ay may angking kayabangan at pagmamataas sa ating mga sarili. Isang turistang hapon ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila. Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. "This building is big! How long did you build this buidling?" "More or less one year!" Sabi ng driver. "One year? Too slow! In Japan, 6 months... very, very fast!" Payabang na sagot ng hapon." Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng hapon: : "Ah... this building is very big! How long did you take to build it?" "5 months!" sabi ng tsuper. "5 months??? very slow! In Japan, only 3 months... very, very fast!" Payabang na sabi ng hapon. Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay... sa Mall of Asia. "Wow! This building is very, very big! How long did you build it?" Payabang na sagot ng driver: "Only 2 months!" Sigaw ang hapon: "2 months??? Very slow... in Japan only 1 month... very, very fast!" Napahiya na naman ang Pilipino. Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. "Ok Mr. Japanese, pay me 10 thousand pesos!" Sagot ang hapon: "10 thousand? Very expensive!" Sagot ang driver: "Look sir... my taxi meter... made in Japan... very, very fast!" hehehe... nakaganti rin! Nakakaasar ang mga taong mayayabang! Ang sarap nilang yakapin... yakapin ng mahigpit hanggang mamatay! hehe. Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang "kababaang-loob." Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Ang bagay na lubhang mataas ay huwag hanapin..." Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na ang "nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas." Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan ay galing sa pagpapala ng Diyos kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano. Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin. Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob... sa paglilingkod. Kailan ako huling tumulong sa isang kapwang nangangailangan? Baka naman puno ako ng kayabangan, kasakiman at pagiging makasarili. Suriin natin ang ating mga sarili...

Sabado, Agosto 21, 2010

ANG PINTUAN NG LANGIT: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year C - August 22, 2010

Ang langit daw ay gantimpala para sa mga taong nabuhay ng mabuti. Ang impiyerno naman ay para sa mga masasama. Ang purgatoryo... para sa mga nasa gitna: mabuting-masama o masamang-mabuti! Kumbaga sa isang apartment na may tatlong palapag, ang langit ay top floor, ang purgatoryo ay middle floor at ang impiyerno ay ang ground floor. May isang lumang kuwento na minsan daw ay may mga kaluluwang napunta sa purgatoryo. Laking pagkagulat nila ng makita ang kanilang kura-paroko doon. "Hala! Padre! Dito ka rin pala... kelan ka pa dito? Akala pa naman namin nasa top floor ka! Dapat ay nasa top floor ka! Kura paroko ka namin!" Sigaw ng kanyang parokyano. "Shhhh... wag kayong maingay! Baka magising ang obispo. Natutulog s'ya sa ibaba!" hehehe. Pasantabi po sa mga obispo. Pero sa ebanghelyo ngayon ay maliwanag ang sinasabi ni Jesus na may mga "nauunang mahuhuli at nahuhuling mauuna." Sabi nga nila, ang langit daw ay puno ng surpresa! Ngunit katulad nga ng sabi ng Panginoon, isa lang naman ang daan papasok sa langit... ang makipot na pintuan! Kaya nga kung ang hanap natin sa pagiging Kristiyano ay "good time" at "pa-easy-easy" lang tayo sa pagsasabuhay ng ating mga tungkulin bilang tagasunod ni Kristo ay nagkakamali tayo... Hindi puwedeng maligamgam tayo sa harapan ng Diyos. Sala sa init... sala sa lamig! Ang pagiging Kristiyano ay isa lang ang hinihingi... ang maging tulad ni Kristo! Ang makipot na pintuan ay dinaraanan natin araw-araw. Laging bukas... nag-aanyaya ngunit dahil nga makipot ay ayaw nating daanan. Mahirap magpatawad. Mahirap maging tapat sa trabaho. Mahirap umunawa. Mahirap magbigay. Mahirap magpakatao... Mas madali ang gumawa ng kasalanan. Mas masarap ang alok nito. Walang hirap. Walang pasakit. Ngunit alam din natin ang patutunguhan ng pintuang maluwag... walang hanggang kapahamakan! Maging matalinong kang Kristiyano. Tandaan mo... isa lang ang daang patungo kay Kristo... at ang hahantungan mo ay nakasalalay sa pintuang pipiliin mo.

Biyernes, Agosto 13, 2010

ANG MAGAANG.. TUMATAAS! : Reflection for the Solemnity of the Assumption of the Blessed Virgin Mary - August 15, 2010

"Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... magaang tulad ng isang lobo." Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII , "si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan."Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad ng kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang 15 taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"

Linggo, Agosto 8, 2010

PRAKTIKAL NA PANANAMPALATAYA: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year C - August 8, 2010

"Panginoon... iligatas mo ako! Sumasampalataya ako sa 'yo!" Sigaw ng isang lalaki sa itaas ng bubong ng kanilang bahay sa kasagsagan ng bagyong Basyang. Dumaan ang isang bangkang padala ng Red Cross. Tumanggi lamang ang lalaki at sinabing: "Mauna na kayo, ang Panginoon ang magliligtas sa akin." Dumaan din ang isang amphibian ng PNP. Pinasasakay siya ngunit umiling lamang at sinabing: "Iba na lang ang inyong isakay. Hindi ako pababayaan ng Panginoon." Sa wakas ay dumating ang isang helicopter na padala ng AFP. Ayaw pa rin ng matandang sumakay. "Malakas ang pananampalataya kong hindi ako pababayaan ng Panginoon kaya yumao na kayo!" Para matapos na ang kwento, namatay ang matanda at ng humarap na sa Panginoon ay hindi naitago ang kanyang pagkadismaya. "Panginoon, bakit mo ako pinabayaan. Malakas naman ang pananampalataya ko sa 'yo?" Sagot ng Panginoon, "Anung pinabayaan kita? Tatlong beses akong nagpadala ng tulong sa 'yo pero tinanggihan mong lahat! Kung naging praktikal lang sana ang pananampalataya mo..." Kailan natin masasabing praktikal ang isang pananampalataya? Alam natin ang kahulugan nito: paniniwala... pagtitiwala. Pero kalimitan ay nakakaligtaan natin ang ikatlong katangian ng praktikal na pananampalataya at ito ay ang... pagsunod! Kaya nga't madalas ay nakakakita tayo ng mga "doble-karang Kristiyano", magaling sa salita ngunit kulang naman sa gawa, saulado ang kapitulo at bersikulo ng Bibliya ngunit hindi naman isinasabuhay ito... Ano ba ang nais ng Diyos sa atin? Simple lang... isabuhay mo ang pinaniniwalaan mo! Maging tulad tayo ng aliping laging handang naghihintay sa pagdating ng Panginoon. Hindi patulog-tulog, tamad, walang ginagawa, nagsasamantala sa kapwa. Ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay! Pananampalatayang hindi lamang laman ng mga isinaulong panalangin o kaalaman sa katesismo, ngunit isang pananampalatayang nakikita sa ating pagsaksi bilang mga tagasunod ni Kristo. Huwang lang nating ipangaral ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap... isagawa natin ito... Tandaan natin na sa ating pinagkalooban nito ay mas higit ang inaasahan sa atin ng Panginoon. Buhay ba ang pananampalataya mo?

Biyernes, Agosto 6, 2010

KASAKIMAN: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year C - August 1, 2010

Isang matandang negosyanteng intsik ang naghihingalo sa kanyang kama. Napapalibutan siya ng kanyang mga kasambahay na lubha naman ang pagkalungkot. Umuungol na tinawag niya ang mga nasa paligid: "Asawa ko, nand'yan ka ba? " Sagot si misis: "Oo mahal, nandito ako." "Ang panganay ko nand'yan ba?" Sagot si kuya: "Opo dad, nandito ako..." Tawag uli siya: "Ang bunso kong babae nan'dyan din ba?" Sagot si ate: "Yes dad, me here!" Biglang napasaigaw ang matanda: "Mga lintek kayo! Nandito kayong lahat... sino ngayon ang tumatao sa tindahan?" hehehe... Tingnan mo nga naman, mamamatay na lang e negosyo pa rin ang iniisip! Taliwas sa mga narinig natin sa mga pagbasa ngayon. Sa unang pagbasa sinabi ng mangangaral: "Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay!" Hindi niya sinasabing huwag na tayong mabuhay kung gaanoon. Kailangan nating magtrabaho para mabuhay. Kailangan nating mag-ipon ng kayamanan para sa ating seguridad. Ngunit ang ipinapaalala sa atin ay mag-ingat sa labis na paghahangad nito... mag-ingat sa kasakiman! Sa ebanghelyo ay sinasabihan tayo sa sasapitin ng taong nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos! Muli ay ibinabalik tayo ni Jesus na suriin ang ating sarili at tingnan kung ano ba ang pinahahalagahan natin sa ating buhay. Marahil ay ipinanganak tayong may kaya... marahil nagsikap tayo upang umunlad ang buhay natin... Pasalamatan natin ang Diyos! Ngunit hindi natatapos doon. Tingnan din natin kung papaano natin magagamit ang mga ito sa tamang paraan upang mapaunlad ang ating kabuhayan at makatulong din sa mga taong nangangailangan. Tayo ay tagapag-alaga lamang ng mga bagay na bigay sa atin ng Diyos. Sa sandali ng ating kamatayan ay magsusulit tayo sa mga bagay na ipinagkatiwala niya sa atin. Nakakatakot na matawag niya rin tayong "Hangal!" sapagkat naging sakim tayo!

Sabado, Hulyo 24, 2010

AMA NAMIN: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year C - July 25, 2010

Sa isang ospital, hindi mapalagay na nag-uusap tatlong lalaki sa labas ng maternity ward. Biglang lumabas ang nurse at sinabi: "Mr. Reyes, kambal ang anak n'yo! Congrtulations!" Sagot si Mr. Reyes, "Wow! Ang galing naman! 2 ang anak ko! Parang lugar ng pinagtratrabahuhan ko... Kapamilya ABS-CBN 2!" After five minutes, lumabas uli ang nurse: "Mr. dela Cruz! Congratulations po! Triplet ang anak n'yo!" Napasigaw si Mister: "Ha? It's a miracle! Sa Triple-V ako nagtratrabaho at 3 ang anak ko!" Napansin ng dalawa na namumutla ang pangatlo nilang kasama. "Pare anung nangyari at putlang-putla ka?" Sagot ng lalaki... "Mga pare, pano'ng di ako mamumutla... ang trabaho ko sa 168 Mall!" Talaga nga namang nakakatakot ang maging ama kung ganun karaming anak ang palalakihin mo. May trabahador kami sa Don Bosco Pampanga na may 12 anak at nung rumagasa ang lahar ay litong-lito siya kung sino ang uunahin niyang iligtas! May isa pa nga akong kilala na sa dami ng kanyang anak ay litong-lito na siya sa kanilang mga pangalan! Ngunit iba ang ating Diyos Ama! Kilala at mahal N'ya tayong lubos. Tayong lahat ay tinuri n'yang anak kahit na marami sa atin ay pariwara at walang utang na loob sa Kanyang ipinapakitang kagandahang loob sa atin. Kaya nga sa ating pagdarasal nais ni Jesus na tawagin natin Siya sa pangalang nararapat sa Kanya... "Ama namin..." Nararapat lang sapagkat ito ang unang biyayang tinanggap natin noong tayo ay biniyangan, naging "anak tayo ng Diyos!" At dahil dito ay nagkakaroon tayo ng karapatang tawagin siyang "Abba"... Papa... Daddy. Nais ni Jesus na tawagin natin ang ating Ama sa ganitong kataga lalong-lalo na sa ating pagdarasal. Nais Niyang kulitin natin ang ating "tatay" sa ating mga pangangailangan. Bilang mapagmahal na Ama ay alam Niya ang ating mga pangangailangan bago pa natin ito hingiin sa Kanya. "Humingi ka at ikaw ay bibigyan. Humanap ka at ikaw ay makatatagpo." Huwang tayong panghinaan ng loob kung hindi minsan natutugunan ang ating mga panalangin. Kung matagal man niyang ibigay ang ating mga kahilingan ay marahil nais Niya tayong maging matiyaga sa paghingi. Kung hindi man Niya ibigay ito ay marahil may ibang plano Siya sa atin at ibang paraan ang Kanyang pagsagot. Tayong lahat ay Kanyang mga anak... sana matanim natin ito ng malalim sa ating isipan. Ang ating Diyos ay Amang mapagmahal, mapag-aruga at mapagpatawad! Tawagin natin Siya sa paraang nais ni Jesus na itawag natin sa Kanya... AMA NAMIN!

Biyernes, Hulyo 16, 2010

WALANG ORAS: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year C - July 18, 2010

"Pare, Linggo ngayon... magsimba ka naman!" Sabi ng kumpare nya sa kanya. "Hmmp...! Dami kong gagawin, mga anak at misis ko na lang!" Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: "Simba tayo bukas ha?" Ang kanyang sagot: "Hmmmp...! Ang misis at ang mga anak ko na lang! Me pupuntahan pa ako." Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura paroko: "Anak, Linggo bukas. Magsimba ka." Sagot n'ya: "Padre, wala naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Hmmmp! Ang misis at ang mga anak ko na lang!" Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi ni San Pedro: "Pamilya Dimagiba... pasok sa loob!" Nang s'ya na ang papasok ay hinarang sya ni San Pedro. "Oooops... san ang punta mo?" "Sa loob! Kasama ng pamilya ko!" Sagot n'ya. Sabi ni San Pedro" "Hmmmp... ang misis at anak mo na lang!" Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan ng mahalagang aral: Walang oras ang Diyos para sa mga taong walang oras sa kanya! Marami tayong ginagawa araw-araw. Kinakailangan nating magtrabaho para kumita. Kinakailangan nating mag-aral. Kinakailangan nating gawin ang mga gawain sa bahay. Ngunit hindi naman tayo parang mga makina sa pabrika na 24 na oras kung magtrabaho. Hindi naman tayo katulad ng 7-11 store na laging bukas ang pinto kahit may kandado. Kailangan din nating pahingahin ang ating katawan... ang pag-iisip,,, ang kaluluwa. Mahalaga ba ang Diyos sa akin? Kung oo ang ating sagot ay isa lang ang dapat nating gawin... maglaan ng panahon para sa Kanya. Ito ang pagkakamali ni Marta. Mahal pareho nang magkapatid si Jesus. Ang kanyang pagiging abala sa gawaing bahay upang pagsilbihan ang kanyang mahalagang panauhin ay nararapat lamang. Ngunit nakalimutan ni Marta ang higit na mas mahalaga... ang maglaan ng sandali upang makinig sa Panginon. Sa ating buhay, marami rin tayong ginagawa, marami tayong pinagkakaabalahan. Sa katunayan hindi tayo mauubusan ng dapat gawin. Huwag sana nating ipagkait at ipagpalit ang ilang sandali na dapat ay para sa Diyos. Sa loob ng isang araw ay may 24 na oras. Sa isang Linggo ay 168. Ang sabi ng Diyos kunin mo na ang 167 at yung isa... ibigay mo naman sa akin. Ang "suwapang" naman natin kung hindi natin ito maibigay sa Kanya! Kung atin lamang pag-iisipan ng malalim, ang lahat ay pagpapala na galing sa Diyos! Mula Lunes hanggang Linggo ay nagpapaulan Siya ng biyaya "siksik, liglig, at nag-uumpaw!" Kaya ngat wala tayong dahilan upang hindi magpasalamat sa Kanya. Huwag sana tayong mawalan ng oras para sa Diyos. Baka magulat na lang tayo at marinig sa Kanya sa kabilang buhay: "Hmmmp...! sila na lang! Wala ka kasing oras para sa akin!"

Miyerkules, Hulyo 7, 2010

KAPWA KO KAAWAY KO: Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year C - July 11, 2010

Isang pulubi ang nagdarasal sa likod ng Simbahan: "Panginoon, tulungan mo naman po ako. May sakit ang aking anak. Wala kaming kakainin mamya. Kung maari bigyan mo naman ako kahit na limandaang piso." Lingid sa kanyang kaalaman ay may isang pulis na nakarinig sa kanyang panalangin. Nahabag ito at dumukot sa kanyang wallet. Binilang niya ang laman at umabot lamang ito ng apat na daang piso. Gayun pa man, iniabot niya ito sa pulubi. Tuwang-tuwa ang pulubi at binilang ito. Muli siyang lumuhod at nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po! Pero sana sa susunod, wag mo nang padaanin sa pulis... nagkulang tuloy ng isang daan!" Kalimitan ay hirap tayong makita ang kabutihan ng iba sapagkat nakakahon na sila sa ating isipan. Kapag nakakita ng pulis... kotong cop! Kapag nakakita ng politician... trapo! Kapag nakakita ng artista... maraming asawa! Ganito rin ang pagtingin ng mga Hudyo sa mga Samaritano nang panahon ni Jesus. Kapag Samaritano... kaaway! Nang tinanong si Jesus ng dalubhasa sa batas kung ano ang pinakamahalaga sa mga utos ay sinagot niya ito sa huli ng isa ring tanong: "Sino ang nagpakita ng pakikipagkapwa sa taong hinarang ng tulisan?" Hindi masagot ng eskriba si Jesus ng diresto sapagkat kaaway nila ang mga Samaritano. Kung minsan ay ganito rin ang ating pag-uugali. Hirap tayong magpakita ng pagmamahal sa ating mga kaaway. Hirap tayong magpatawad sa ating mga kasamaang-loob. Hindi natin matanggap na sila rin ay ang ating "kapwa". Malinaw ang mensaheng nais paratingin ni Jesus sa atin: Ang ating kapwa ay ang mga taong nangangailangan, nangangailangan ng tulong... ng awa... ng pag-aaruga... at higit sa lahat...ng pagpapatawad. Ang utos ng Panginoon na mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat at ang ating kapwa gaya ng pagmamahal sa ating sarili ay hindi lamang utos na nakalimbag sa Bibliya o sa ating Katesismo. Ito ay nakalimbag hindi sa papel kundi sa ating mga puso. Ibig sabihin ay napakalapit sa atin... sapagkat ito ay nasa ating kalooban, kabahagi ng ating pagiging tao at anak ng Diyos. Kaya't wala tayong maidadahilan upang hindi natin maisakakatuparan ang mga utos na ito. Sabi nga nating mga Pilipino: "Kung gusto mo, may paraan... kung ayaw mo... may dahilan!"

SIMPLENG PAMUMUHAY (Reposted): Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year C - July 4, 2010

"Ang sobrang pagnanasa ay delikado! Minsan may paring ang hilig ay sumali sa mga "promo" o palaro ng mga advertising companies. May pacontest noon ang isang sikat na "softdrink: simple lang... bumili ka lang ng softdrink, tanggalin mo ang tansan (takip)at buuin mo ang number 1,2,3! Presto! Panalo ka ng limpak-limpak na salapi! Me pagkaswerte ata sya sapagkat sa unang bili niya ng softdrink e nakuha niya ang number 3. Bumili uli siya at nakuha naman niya ang number 1. Isa na lang... ngunit yun na ata ang katapusan ng kanyang swerte: ayaw lumabas ng number 2. Nakaubos na sya ng maraming softdrinks. Umabot na ng isang case ang nabili niya... wala pa rin ang number 2. Umuwi sya sa parokyang dismaya. May lumapit na isang lalaki at sinabi sa kanya: "Father puwede po bang magkumpisal..." Ang pari, kahit na medyo dismaya ay sumagot: "Ano yon anak... sabihin mo..." "Father, meron po akong number 2!" Nanlaki ang mata ng pari at sinabi: "Ha??? Talaga? Akin na lang!" Ang sobrang pagnanasa ay delikado! Isa sa mga malaking tukso ng ating panahon ay ang magkamal ng mga bagay... salapi, gadgets, ari-arian, etc.. etc. Ang ebanghelyo ngayon ay nagsasabi sa atin kung paano tayo dapat mamuhay bilang mga tag-sunod ni Kristo: "Travel light!" No need for unnecessary things... "Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot o panyapak..." (Lk. 10:4)! Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin na mabuhay na payak! Tinatawagan niya tayong mabuhay na simple katulad ng kanyang mga alagad. Hindi ko sinasalungat ang progresso ng makabagong panahon. Kelangan natin ng pag-unlad! Ngunit kung ang "cellphone" ay nagiging kapalit ng ating "physical presence" sa ating pamilya... ay may pagkakamali ata! Kung ang computer ay ginagamit upang magpakalat ng kalaswaan... hindi ata tama. Kung ang pera ay nagiging dahilan upang mapabayaan ang pamilya... dapat nating pag-isipan ang ating ginagawa. Ang mga materyal na bagay ay dapat mapabuti ang ating pamumuhay at hindi makasira nito. Masyado ng kumplikado ang buhay natin ngayon. Maraming mga bagay na nakakalito at sagabal sa ating paglalakbay. Tandaan natin na ang simpleng pamumuhay ay pagsunod kay Kristo!

KRISTIYANONG TEKA-TEKA (Reposted): Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year C - June 27, 2010

Kapag ako ay nag-iinterview sa mga ikinakasal ang lagi kong tanong ay: Paano mo masasabing Kristiyano ka? Halos pare-pareho ang kanilang sagot: "Kristiyano ako kasi nagsisimba ako tuwing Linggo!" Tama ba o mali? Sabi ng isang sikat na preacher: "Hindi sapagkat pumasok ka ng Simbahan ay Kristiyano ka na, kung paanong hindi ka nagiging kotse pag pumasok ka sa talyer!" Totoo nga naman... mas higit pa sa pagsisimba ang sinasabi ng ating pagiging Kristiyano. Noong nakaraang Linggo, nakita natin ang kahulugan ng ating pangalang "Kristiyano" ngayon naman ay pinaaalalahanan tayo kung ano ang hinihingi sa atin ng pangalang ito na ating tinataglay... ang ganap na pagsunod kay Hesus. "Ganap" sapagkat ang pagsunod kay Hesus ay wala dapat na hinihinging kundisyon... wala dapat pag-aatubili! Kung minsan magaling tayong tumawad. "Yes, Lord! Pero puwede ba..." Sa ebanghelyo narinig natin na: "Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos."Nakakalungkot sapagkat marami pa rin sa atin ang "teka-teka" sa ating pagiging Kristiyano. Urong-sulong sa pagsunod sa Kanya. Magsisimba sa Linggo... babalik naman sa masamang pag-uugali o bisyo sa Lunes hanggang Sabado. Magkukumpisal ngayon... magkakasala bukas. Seryoso ba tayo sa ating pagsunod kay Kristo? Ayaw niya ng urong-sulong na tagasunod... ayaw niya sa "Kristiyanong teka-teka!"

Miyerkules, Hunyo 16, 2010

ANG ATING AMA: Reflecion for 12th Sunday in Ordinary Time Year C - June 20, 2010

Espesyal na araw ni itay! Gumising siya ng maaga upang maligo at mag-umagahan. Nagtaka siya dahil wala man lang ni isang bumati sa kanya. Abalang naghahanda ng agahan si inay. Ang kanyang mga anak naman ay abalang-abala sa pagpasok sa paaralan. Malungkot siyang pumasok ng opisina. Wala rin ni isang bumati sa kanya. Maging ang sikyo ay wala man lang "good morning". Laking pagadismaya ni itay. Nakalimutan ng lahat ang kanyang birthday! Ngunit may isang taong nakaalala sa kanya. Ang kanyang seksing sekretarya. Binati siya nito na ang wika: "Sir happy birthday, may surpresa ako sa 'yo mamyang gabi sa bahay namin. Pumunta ka!" Malambing ang pagkakasabi nito kaya't kinabahan si itay. Pumunta na rin siya sapagkat siya lamang ang nakaalala sa birthday nito. Pagdating sa bahay ay nagulat siya dahil sa nakahanda na ang sala. May candle light. May bote ng mamahaling alak sa lamesa. May senti music na tugtog. Perfect romantic and lugar! Kaya't lalong kinabahan si itay. Lalo na ng sabihin ng sekretarya na: "Sir, saglit lang ha... magpapalit lang ako ng damit." Napalunok si itay at pinawisan. Pagkatapos ng ilang minuto ay biglang bumukas ang ilaw at isang sorpresang HAPPY BIRTHDAY ang umalingawngaw! Naroroon pala ang lahat: ang kanyang asawa, mga anak, mga ka-opisina! Na-shock ang tatay at ang lahat ng naroroon sapagkat wala na siyang suot na damit! hehehe... Ngayon ay FATHERS' DAY... ang araw ng mga ama! Huwag nating kalimutang batiin sila kung ayaw nating matulad sila sa tatay sa kuwento. Masaklap nga namang malimutan sila sa espesyal na araw na ito. Kung ang mga ina ang tinuturing na "ilaw ng tahanan", ang mga ama naman ang "haligi ng tahanan". Ngunit higit pa d'yan ay sila ang itinalaga ng Diyos na kapalit Niya na mangalaga at magtaguyod sa buong mag-anak. Ang Diyos na ating Ama ay hindi natin nakikita. Ngunit ang ating ama ay nakikita at nakakasama natin. Kaya't siya ang kinatawan ng Diyos sa ating pamilya. Sa Ebanghelyo ay nagtanong si Hesus sa mga alagad kung sino ba siya para sa kanila. Ito rin ay katanungan na para sa ating lahat. Sino ba ang Diyos para sa akin? Iba't iba marahil ang ating pagtingin sa Diyos ngunit sana ay hindi malilingat sa ating pang-unawa na Siya ay ang Ama na lumikha sa atin at patuloy na nangangalaga sa lahat ng ating mga pangangailangan. Totoo na ang ating mga ama ay malayong kopya ng ating Amang nasa langit... Ipanalangin natin sila na sana ay sa kabila ng kanilang kakulangan ay magsikap silang maging katulad Niya sapagkat ito naman talaga ang laging hamon sa atin ni Hesus... be perfect as your Father in heaven is perfect! Happy Fathers' Day sa inyong lahat!

Sabado, Hunyo 12, 2010

MAHAL KITA MAGING SINO KA MAN: Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time Year C - June 13, 2010

Isang ngo-ngo ang despiradong nagdasal sa loob ng Simbahan. Lagi na lang siyang niloloko ng kanyang mga kasama dahil sa kanyang kapansanan. Sa sobra niyang pagkalungkot ay buong tapang niyang tinanong ang Diyos kung talagang mahal pa siya nito. Nakita niya ang isang malaking krusipiho sa bandang sacristy at buong lakas niyang sinabi: "Mainoon, maal mo ma ao? (Panginoon, mahal mo ba ako?) Mait ao niloloo ng mga ao? Mait mo ako inawang ngo-ngo? Anung aalanan o? Tahimik ang paligid. Walang sumagot. Kaya't muli niyang isinigaw: "Mainoon maal mo ma ao? Umaot ka kun undi, magpapaamatay ao!" May nakarinig pala sa kanya, ang sakristan na isang ngo-ngo rin na nakasimpatya sa kanyang abang kalagayan kaya't sumagot siyang patago: "Ngo-ngo... maal na maal ita. Iniiip nilay indi maalaa. Maal ita maing ino a man..." Sagot si ngo-ngo: "Mainoon... ngo-ngo a rin?" May tama si ngo-ngo! Sobrang mahal siya ng Diyos. Sa sobrang pagmamahal na ito ay nakiramay siya sa ating abang kalagayan. Kinuha niya ang ating pagka"ngo-ngo"... ang ating kahinaan bilang tao. Kaya nga't tama si San Pablo ng ipanaliwanag niya kung ano ang pag-ibig: "Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak..." Higit pa riyan, ang Diyos na ito ay nagmahal sa atin na walang pagtatangi, walang kundisyon, walang limitasyon. "Mahal kita, maging sino ka man..." ang sabi nga ng linya ng isang awit. Ang makasalanang babaeng dumalaw kay Hesus ay nagpakita ng higit na pagmamahal kaysa sa Pariseong nag-anyaya sa kanya. Nagawa ito ng babae sapagkat mas higit niyang naranasan ang pagmamahal ng Diyos. Tandaan natin na sa tuwing tayo ay lumalapit sa Diyos para magsisi ay hindi ito sa ganang atin. Hindi tayo ang dahilan kung bakit tayo nagbabalik-loob sa Kanya. Ito ay sapagkat una tayong minahal ng Diyos bago pa natin hingin ang Kanyang pagpapatawad. Ano man ang ating kalagayan, gaano man kalaki ang ating pagiging makasalanan. Ang Diyos ay laging nagsasabi sa ating "Huwag kang matakot... huwag kang mabalisa... Mahal kita maging sino ka man!"

Sabado, Hunyo 5, 2010

SALO-SALO: Reflection for the Solemnity of the Body and Blood of Christ Year C - June 6, 2010

Mahilig ka bang kumain sa fast foods? Jolibee, Mcdonalds, Chowking, KFC, etc.. ang mga karaniwang tinatakbuhan natin kapag tayo ay nagugutom. Kaya nga fast food ay sapagkat gusto mong maibsan agad ang iyong gutom! Ngunit masaya ka bang kumakain kapag wala kang kasama? Hindi ba't mas masarap kumain sa mga lugar na iyon kapag kasama mo ang barkada mo? Masarap kumain kapag may kausap ka. Enjoy kumain kapag may kakulitan ka! Exciting kumain kapag may manlilibre sa 'yo! Kaya nga't ang tawag din natin sa kainan ay "salo-salo". Ibig sabihin ay mayroon kang kasama... may kasabay ka... may kasalo ka! Ito marahil ang nag-iiba sa atin sa mga hayop sa tuwing tayo ay kumakain. Hindi lang tayo lumalamon mag-isa o kaumakain ng walang pansinan, mayroon tayong pagbabahaginang ginagawa... mayroon tayong sharing! Ang Banal na Eukaristiya ay hindi lamang pagtanggap sa Katawan ni Hesus. Ito rin ay pagbabahaginan sapagkat ito ay isang pagsasalo. Sa Banal na Eukaristiya, ang Diyos ay nakikisalo sa atin! Kaya nga mahirap isipin na habang tayo ay tumatanggap ng Komunyon ay naghahari sa ating puso ang galit sa ating kapwa! Sa Unang Pagbasa ay pinaaalalahanan ni San Pablo ang mga taga-Corinto sa ginawang pagbabahagi ni Hesus sa huling hapunan. Nakita niya kasi na may pagkakanya-kanyang naghahari sa mga unang Kristiyano sa tuwing sila'y magdiriwang ng huling hapunan. Ang misa nila noon ay ginagawa nila sa isang bahay ng patago at nagdadala sila ng kani-kanilang baon upang pagsaluhan pagkatapos ng kanilang pagdiriwang. Marahil mayroong ilan na hindi nagbabahagi ng kanyang baon. Sinararili ito o ibinibigay lamang sa mga malapit sa kanya! Nagalit si San Pablo ng makita ito kaya't minarapat niyang paalalahanan sila sa tunay na diwa ng Euckarisitya. Ang himala sa Ebanghelyo ay naganap sapagkat may nagbahagi ng limang tinapay at dalawang isda! Marahil ay maliit na bagay ngunit sa kamay ni Hesus ay napakalaki... kasing-laki ng puso ng taong naghandog nito! Kaya naman pinarami niya ito ay nagawang maibahagi sa bawat tao. Sa pagtanggap natin ng komunyon ay lagi natin sanang isaisip na nagbabahagi din tayo sa iba! Huwag nating isipin na mahirap lang tayo o wala tayong kakayahang tumulong. Malinaw ang sinasabi ng Simbahan tungkol dito: "Walang taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba... at wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba!" Kapag sinabi ng paring "Katawan ni Kristo" ang sagot natin ay amen! Amen na ang ibig sabihin ay naniniwala ako. Naniniwala tayo na ang katawan ni Kristo ay hindi lamang ang "Banal na Ostia" na ating tinatanggap kundi ito rin ay ang kapwa nasa tabi ko... ang kapwa ko na mahal ko, ang kapwa ko na kaaway ko! Sikapin nating matutong makilala si Hesus sa bawat taong ating taong nakakatagpo at tanggapin natin sila kung paanong tinatanggap natin Siya sa Banal na Eukaristiya! AMEN!

Sabado, Mayo 29, 2010

ALL IS GIVEN! : Kapistahan ng Banal na Santatlo Taon C - May 30, 2010

May kasabihan tayo sa ingles na "All good things come in three!" Siguro nga. Kaya siguro kapag nagbigay ka ng rosas sa taong mahal mo ay nagbibigay ka ng tatlo. Kapag nagbigay ang "genie" ng kahilingan ay dapat tatlo lang! Kapag nagbilang ka upang simulan ang isang bagay ay "One... two... three... GO!!!" Nagbibigay din ng kaligayahan ang "tatlo". Naririyan ang grupo ng "Three Stooges" nung kapanahunan ng mga lolo at lola natin. Sumikat din ang Big Three Sulivans, (nakakarelate ba kayo?), Apo Hiiking Society, Tito, Vic & Joey (ayan kilala n'yo na siguro!). Sa "numerology", ang numerong 3 ay sumasagisag sa kahulugang "all is given!" sapagkat tinataglay nito ang simula, gitna at katapusan. Kaya nga't ginagamit ito sa pagsasalarawan ng maraming katotohanan: halimbawa ay 1) heaven, earth and water, 2)body, soul and spirit, 3) birth, life and death, 4) past, present and future. Kahit sa Bibliya ay makikita ang paggamit ng sets of three: 3 gifts of the Magi, 3 temptations of Christ, 3 denials of Peter, 3 crosses in Calvary, 3 days of Christ's death, 3 appearances of the Resurrected Christ, 3 Mary's, 3 theological virtues, etc... at syempre ang tampok sa lahat ay ang 3 Persona ng Iisang Diyos o tinatawag nating Holy Trinity. Ngayon ang ang kapistahan ng Banal na Santalo: Ama, Anak at Espiritu Santo. Pagkatapos ng mahabang panahon ng pagpapahayag ng Diyos sa tao, masasabi natin na sa pamamagitan ng Misteryong ito ang pagpapahayag ng Diyos ay "All is given!" Natapos na at pinaging ganap na ang pagpapahayag ng Diyos. Bagama't hindi diretsahan ay ito ang pilit na ipinapahayag ni Jesus katulad ng ating narinig sa Ebanghelo ngayon. Binanggit ni Jesus ang Ama, Anak at Espiritu Santo bilang pagpapahayag ng mga Misteryo ng Diyos bagamat hindi pa rin natin lubos na mauunawaan: “Marami pa akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon." (Jn. 16:12) Bagama't hindi natin lubos na matatalos ang kahulugan ng Banal na Santatlo dahil ito'y "Misteryo", hindi ibig sabihin na hindi na natin ito maaring makatagpo. Ayaw ng Diyos na pilit natin Siyang unawain bagkus mas nais Niyang Siya'y ating mahalin! Tanging ang mga taong marunong magmahal ang makakaunawa kung sino ba talaga ang Diyos! Kaya't pansinin ninyo na ang mga taong mapagpatawad, mapag-aruga at mapagmahal ang mga taong tunay na masaya sapagkat nararanasan nila ang Diyos bilang pag-ibig. Samantalang ang mga taong puno ng poot, mapaghiganti, mapagsamantala sa kapwa ay mga taong walang saysay ang buhay at kailanman ay hindi makikilala ang Diyos. Kaya nga't sa Kapistahang ito ng Banal na Santatlo ay inaanyayahan tayong iparanas ang pagmamahal ng Diyos sa ating kapwa. Hindi man natin maipaliwanag ng husto ang Misteryo ng Banal na Santatlo sapat ng maipadama natin ang Kanyang pagmahahal sa bawat taong ating nakakatagpo.








Linggo, Mayo 9, 2010

MAG-IBIGAN SA HALALAN: Reflection for 6th Sunday of Easter - Year C : May 9, 2010

Isang ngo-ngo ang despiradong nagdasal sa loob ng Simbahan. Lagi na lang siyang niloloko ng kanyang mga kasama dahil sa kanyang kapansanan kaya't naisip niyang tanungin ang Diyos kung talagang mahal pa siya nito. Sabi niya: "Mainoon, maal mo ma ao? Mait ao niloloko ng mga tao? Umaot ka kun indi, magpapaamatay ao!" May nakarinig pala sa kanya... isang ngo-ngo rin na nakasimpatya sa kanyang abang kalagayan kaya't sumagot siya na patago. "Ngo-ngo... maal na maal ita. Iniiip nilay indi maalaa. Maal ita maing ino a man..." Sagot si ngo-ngo: "Mainoon... ngo-ngo a rin?" May tama si ngo-ngo! Sobrang mahal siya ng Diyos. Sa sobrang pagmamahal na ito ay nakiramay siya sa ating abang kalagayan. Kinuha niya ang ating pagka"ngo-ngo"... ang ating kahinaan bilang tao. Kaya nga't tama si San Pablo ng ipinaliwanag niya kung ano ang pag-ibig: "Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak..." Isa lang ang hangarin ng Diyos para sa atin: ang manatili tayo sa Kanyang pag-ibig. Ano ang kanyang kundisyon? "Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig." At ano ang kanyang utos? Para ng sirang plaka na lagi nating naririnig: "....mag-ibigan kayo!" Nangyayari ba ito sa ating kapaligiran ngayon? Patuloy pa rin ang bangayan sa pulitika. Patuloy pa rin ang pandaraya at panlalamang sa kapwa. Patuloy pa rin ang paggamit at pagsasamantala sa mga mahihirap. Patuloy pa rin ang pagkamakasarili ng mga tao... Natapos na kagabi ang pangangampanya para sa halalan. Sana ay natapos na rin ang paninira, pag-alipusta sa kapwa, pag-aakusa, pagsasamantala sa mga mahihina. Sana ang mga maihahalal na pinuno ay magpakita ng tunay na malasakit at pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng mapagkumbabang paglilingkod at ang mga hindi papalarin naman ay magpakita ng makataong pagtanggap ng kagustuhan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagkamaginoo sa kabila ng pagkatalo. Siguro nga, dapat pang ulit-ulitin ang utos ni Jesus. Ulit-ulitin hanggang ang mundo ay mabalot ng kanyang pag-ibig!

Sabado, Abril 17, 2010

Believe in A God BELIEVE IN A GOD WHO BELIEVES IN YOU! : Reflection for 3rd Sunday of Easter Year C - April 18, 2010

Usong-uso ngayon ang mga "cheezy text" kung tawagin! Sa katunayan sa dami ng ganitong uri ng texts ay nakagawa at napasikat ang isang kanta na pinamagatang "Mahal kita... kasi!" Ganito ang ilang banat ng kanta: "Bangin ka ba kasi... nahuhulog na ang puso ko sa 'yo kasi! Unggoy ka ba kasi sumasabit na ang puso ko naman kasi! Pustiso ka ba... You know I can't smile without you..." May nagtext pa nga sa akin: "Alam mu feeling ko d ako magaling pag target... lagi kasi kitang NAMIMISS!" Namiss din ba kaya ng mga alagad si Jesus? Ayon sa Ebanghelyo, pagkatapos mamatay ni Jesus ay hindi naman agad sila naniwala na siya ay muling nabuhay. Sa katunayan ay nagdesisyon silang ituloy ang kanilang normal na buhay... ang pangingisda. Dito nagpakita si Hesus sa kanila at muling pinukaw ang kanilang natutulog na pananampalataya! Nang maibulalas ni Juan na "Ang Panginoon iyon!" ay agad-agad na lumusong si Pedro ay nilapitan si Jesus. Namiss ni Pedro ang kanyang bossing! Namiss niya ang kanyang kaibigan. Namiss niya ang kanyang Panginoon! At dito nga naganap, pagkatapos nilang kumain ang "cheezing" pag-uusap ng Panginoon at alagad! “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Tatlong beses tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal siya nito. Lubhang nasaktan si Pedro sa ikatlong pagtatanong ni Jesus sapagkat marahil ay bumalik sa kanyang ala-ala kung paano niyang maikatlong ulit na itinatwa ang kanyang Panginoon! Ngunit sa kabila ng karupukan ni Pedro ay nakita ni Jesus ang isang "bato"... matatag, di matitinag, lubos ang katapatan! Kaya nga ibinigay sa kanya ni Jesus ang pamamahala sa kanyang mga "tupa". May Pedro rin sa bawat isa sa atin. Madaling magkamali, mahina at kung minsan pa nga ay paulit-ulit sa ating kamalian. Ngunit ang Diyos ay naniniwala na mayroon din tayong katatagan, na kaya rin nating maging tapat at umahon sa ating pagkakadapa! Naniniwala siya na kaya rin nating bumalik at itama ang ating pagkakamali. Sabi ng isang librong aking nabasa: "Believe in a God who believes in you!" May tiwala ang Diyos sa atin kaya dapat lang na hindi mawala ang ating pagtitiwala sa Kanya!