Biyernes, Setyembre 26, 2008

OPO! : Reflection for the 26th Sunday in Ordinary Time Year A - September 28, 2008

Actions speak louder than voice! Isa ito sa mga kasabihang natutunan ko noong ako ay nasa elementarya pa lamang. Tunay nga naman! Lalo na sa aking ministro bilang pari, ay lagi kong naiisip ang mga katagang ito sa tuwing ako ay nangangaral o nagbibigay ng homiliya sa Misa. Baka naman ang mga sinasabi ko ay hindi tugma sa aking ginagawa... tatawanan lang ako ng mga nakikinig sa akin. Hindi ko sila mapapaniwala! Katulad ng kuwento ng isang negosyanteng nagbebenta ng "ballpen" sa isang paaralan. Kinausap niya ang administrator at masigasig na prinomote ang kanyang produkto. Halos isang oras siyang nagsalita at nagpaliwanag tungkol sa galing at ganda ng kanyang paninda. Buo na ang loob ng administrator ng school na kumuha ng 1,000 pirasong ballpen. Kaya lang nang isinusulat na ng negosyante ang order sa kanyang kuwaderno ay biglang napasigaw ang bumibili: "Teka, wag na lang! Ayaw ko na! Hindi na ako oorder!" Laking pagkagulat ng negosyante at tinanong niya kung bakit. "Alam mo, isang oras mo akong nililigawan para bilhin ang produkto ninyong ballpen. Ang dami mong magagandang sinabi. Napaniwala mo ako. Pero nang isinusulat mo na ang order ko... e nakita kong ibang brand ng ballpen ang ginamit mo! Ang ikinilos mo ay hindi tugma sa iyong panagsasabi! Ang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay isang mensahe ng babala at pag-asa para sa ating lahat. Babala na huwag tayong maging kumpiyansa sa pagsasabing "Ako'y Kristiyano!" Ang kasabihan nga nating mga Plipino ay: "Ang tao ay nakikila sa kanyang gawa hindi sa kanyang salita!" Hindi sapat ang "Amen! Alleluia! o Praise the Lord!" Ang mahalagang tanong ay: Kinakikitaan ba ako ng pag-uugali na tulad ng kay Kristo? Ang isang mensahe rin ay pag-asa... Na may pagkakataon tayong itama ang ating mga pagkakamali dala marahil ng ating kahinaan. Siguro ay katulad tayo ng nakatatandang kapatid na nagsabi ng "ayoko po!" Sa tuwing nilalabag natin ang mga utos ng Diyos ay ito ang ating sinasabi. Ngunit sa ating pagbasa, ipinakita sa atin na maaring baguhin ang pagtangging ito. Sa kahuli-hulihan ay nagawang sumunod ng nakatatandang kapatid. Tayo rin, ay laging may pag-asa na itama ang ating mga maling desisyon sa buhay! Hindi tayo alipin ng kasalanan. Tinubos na tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang dugo. Kaya nga may pag-asa tayong magbagong buhay. Kung bibigyan ako ng kalayaang dugtungan ang Talinhaga ay maglalagay ako ng ikatlong anak. Siya ang magsasabi ng "opo" at pagkatapos ay susunod sa utos ng kanyang ama! Sana ay tayo 'yon. Sinagot na natin siya ng "opo" noong tayo ay nangako sa binyag at kumpil. Ang kulang na lamang ay pagsunod...

Walang komento: