Linggo, Disyembre 30, 2012

PAMILYANG BANAL PAMILYANG MARANGAL : Reflection for Feast of the Holy Family Year C - December 30, 2012 - Year of Faith

Nagkaroon ng survey nitong nakaraang mga taon tungkol sa phenomenon ng mga isinisilang na "kambal". Nagtataka sila kasi kung bakit marami ang ipinapanganak na kambal. "Bakit kaya?" ang kanilang tanong. Maraming theorya nang lumabas ngunit kakaiba ang isang sagot na ibinigay: "Dahil takot ang batang isilang na mag-isa sa mundo!" Marahil ay hindi siyentipiko ang kasagutan ngunit kung pag-iisipan ay may katwiran at malalim na kahulugan... sa dami ng problemang bumabagabag sa bawat pamilya ngayon ay parang nakakatakot nang isilang sa mundo na mag-isa! Tingnan na lamang natin kung anung uring mundo mayroon tayo.  Mahirap mang tanggapin ang katotohanan ngunit tama ang sinabi ng ating namayapang butihing Santo Papa Juan Pablo II na laganap na sa ang ating mundo ang "kultura ng kamatayan".  Huwag na tayong magpatumpik-tumpik pa.  Mainit pa rin ngayon at sa palagay ko ay hindi pa rin mamanatay ang usapin ng RH Bill na sa huling balita ay pinirmahan na ng pangulo at ngayon ay isa ng ganap na batas.  Nakakalungkot sapagkat marami ang pumirma at sumang-ayon sa pagpasok ng "kultura ng kamatayan" sa ating bansa.  Ngayong legal na ang paggamit ng contraceptive medicines, maraming sanggol ang hindi na makasisilay ng liwanag ng mundong ito.  Mapalad kang nagbabasa nito at humihinga ka pa. May mga batang bago pa lamang isisilang ay pagakakaitan na ng buhay.  Nakakatakot ang kahihinbatnan ng pagsasabatas nito.  Para itong isang "Trojan Horse" na parang isang malaking regalo na ang kapalit pala ay kaahamakan sa hinaharap. Tingnan ninyo ang takbo ng pag-iisip ng ilang sa nagsabatas nito, "divorce" naman daw ang kanilang issusunod na tatalakayin. Siguro sa susunod ay "abortion" naman o "Euthanasia" naman ang isasabatas. At higit na nakakatakot ay ag paglaganap ng "sexual promiscuity" lalo na sa mga kabataan. Ang pagtuturo ng sex education ay hindi sapat upang hindi ito lumaganap sapagkat bale wala ang kaalaman kung ang kultura naman o gawi ng pamumuhay ay walang paggalang sa buhay ng tao.  Talagang nakakatakot ng ipanganak sa mundong ito.  Idagdag pa natin ang maraming disfunctional families, kahirapan ng pamumuhay, pagsasamantala sa karapatan ng mga bata, at marami pang ibang sulirin na direktang tinatamaan ang buhay-pamilya. Inuulit ko... nakakatakot talaga na isilang sa mundo ngayon!  Kaya nga't natataon na tinatapos natin ang taong ito sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose. Pinapaalala sa atin kung "ano dapat maging" ang isang pamilya. Ginawang banal ng Diyos ang bawat pamilya noong siya ay magkatawang tao... at pinabanal pa niya ito nang pinili niyang mabuhay sa loob ng isang pamilya. Hindi sapagkat "holy family" ay perpekto na! Kahit ang Banal na Pamilya ay nakaranas ng sakit at pagkukulang. Sa ebanghelyo ngayon ay makikita natin ang pagkawala ng batang Jesus sa templo. Tatlong araw na "humiwalay" si Jesus sa kanyang mga magulang.  Siguradong nagdulot ito ng takot at pangamba sa kanila.  At ng matagpuan nila si Jesus sa templo na kausap ang mga guro ay sila pa ang napagsabihan!  Kaya nga't makikita natin na bilang tao, may taglay ding kakulangan ang Banal na Pamilya.  Ngunit ang isang katangian ng banal na pamilya ay ang marunong itong magmahal sa kabila ng maraming pagkukulang ng bawat isa. Ito ang maaari nating mapulot sa Banal na Mag-anak. Sila ay Banal sapagkat sila ay nagmamahalan sa kabila ng kanilang pagkukulang. Minamahal ko rin ba ang pamilyang kinabibilangan ko? Ano ang magagawa ko pa upang maitaguyod ang aking sariling pamilya?  Paano ko mapupunuan ang pagkukulang ng bawat isa sa amin? Tularan natin ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose!  Hingin din natin ang pamamgitan ng Banal na Pamilya upang mapanatili ang mga pinahahalagahan (moral values) ng ating pamilyang Pilipino; na sa kabila ng pagpasok ng "kultura ng kamatayan" ay mapanatili pa rin ang karangalan at kabanalan ng tao.  Sapagkat ang PAMILYANG BANAL AY PAMILYANG MARANGAL!

Martes, Disyembre 25, 2012

SALITANG NAGKATAWANG-TAO: Reflection for the Solemnity of Christmas Year C - December 25, 2012 - Year of Faith

Maligayang Pagkakatawang-tao ng "Verbo" sa inyong lahat!  Kakaibang pagbati di ba? Nakakasawa na kasi ang pagbating "Maligayang Pasko" o "Merry Christmas!"  Kaya't ibahin naman natin "for a change" ika nga!  Ngunit kung ating titingnan ay ito naman talaga ang kahulugan ng Pasko.  Ang pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos na ang tawag din natin ay "the mystery of Incarnation."  Sa Misa ng araw tuwing Pasko ay laging ipinaalala sa atin ng Ebanghelyo ang katotohanang ito. "Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos... Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin."  Ito ang pahayag ni San Juan sa pasimula ng kanyang Ebanghelyo.  Ang Salita na Diyos ay nagkatawang-tao.  Mahirap maunawaan ang katotohanang ito!  May kuwento na minsan ay may lalaking nagdasal sa Panginoon sapagkat nagkandamamatay ang kanyang mga alagang baboy.  Ito pa naman ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya kaya't nagsumamo siya sa Diyos na iligtas ang kanyang mga baboy sa kamatayan.  Sumagot naman ang Diyos at sinabing: "Sige, bukas na bukas din ay gagaling ang iyong mga alagang baboy ngunit may isang kundisyon, bukas pagkagising mo ay makikita mo ang iyong sarili sa kulungan ng mga baboy.  Kasama ka nilang kakain, matutulog at magpapagulong-gulong sa kanilang dumi, sa madaling salita... magiging baboy ka rin!"  Napaisip ang lalaki at pagkatapos ng ilang sandali ay nagdasal:  "Lord, kunin mo na lang ang mga baboy ko!" hehehe... Ikaw kaya ang malagay sa kanyang sitwasyon, papayag ka ba na maging baboy?  Kung ating iisipin ang tao at baboy ay parehong hayop.  Mas mataas lang ang tao sapagkat siya ay hayop na nag-iisip! Tanggalin mo ang kanyang kakayahang mag-isip at mag-aasal hayop siya!  Kaya nga't hindi ganun ka-imposible ang tao na magiging baboy.  Ngunti ang Diyos na maging tao ay hindi saklaw ng tamang pag-iisip.  Paanong ang MANLILIKHA ay ibaba ang kanyang sarili at magiging isang nilikha?  Tanging Diyos lang ang makapag-isip ng ganyan!  Bakit ninais ng Diyos na maging isang nilikha sa kabila ng kanyang kadakilaan?  Ang sabi ni San Juan ay ito... "Gayon na lamang ang PAG-IBIG ng DIYOS sa mundo kaya't ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak."  (Jn 3:16)  Kung gayon ay ito ang dahilan ng paggiging nilikha ng Diyos:  dahil sa laki ng pagmamahal Niya sa ating mga makasalanan!  Mga kapatid tuwing Pasko ay ipinaaalala ng Diyos sa atin ang kanyang dakilang regalo: ang kanyang bugtong na anak... si Jesus na nagkatawang-tao!  Ano naman ang regalo ko sa kanya?  Kung ang Diyos ay nagsakripisyo para sa akin ay nararapat lang siguro na ako rin ay magsakripisyo para Kanya.  Ang kanyang katapatan ay dapat ko ring suklian ng katapatan, ang kanyang pagmamahal ng aking pagmamahal.  May nagawa na ba akong kabutihan sa aking kapwa ngayong Pasko?  Naglaan ba ako ng oras sa aking pamilya upang makapiling sila ngayong Kapaskuhan?  Binati ko na ba ang mga taong may sama ako ng loob? Nagpatawad na ba ako sa mga nagkasala sa akin?  Ang Salitang nagkatawang-tao ay humahamon sa atin na gawin nating makatotohan ang ating pagmamahal.  Ipakita sa gawa ang pagkakatawang-tao ng Salita!

Sabado, Disyembre 22, 2012

AMBASSADORS OF JOY: Reflection for 4th Sunday of Advent Year C - December 23, 2012 - Year of Faith

Ano ba ang kaibahan ng MILAGRO sa MISTERYO?  Kapag nabuntis ang babaeng kuwarenta anyos (80 years old) ang tawag ay MILAGRO.  Pero kapag nabuntis naman ang disiotso anyos (18 years old) na dalaga, ang tawag ay MISTERYO! hehehe... Sa ating Ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Adbiyento ay narinig natin ang pagtatagpo ng isang milagro at isang misteryo.  Ang pagkabuntis ni Elizabeth, sa kabila ng kanyang katadaan ay isang milagro para sa kanyang mga kamag-anak, kapitbahay at kakilala.  Ang pagdadalantao ni Maria ay naman ay balot ng misteryo para sa kanyang asawang si Jose.   Ano ang nangyari ng magtapo ang milagro at misteryo?  Isang kaligayahang hindi maipaliwanag ang naghari kay Elizabeth kaya't kanyang naibulalas: "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!"  Banal na kaligayahan ang dala ni Maria sa pagbisita niya sa kanyang pinsan.  Sa katunayan maging ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabeth ay naglulukso sa tuwa ng madama ang presensiya ng Panginoon.  Tayong lahat din, bilang mga Kristiyano, tinatawag na maging tagapagdala ng kaligayahan sa ating kapwa.  Tayo ay dapat maging "Ambassadors of Joy" sa mga taong ating nakakatagpo araw-araw.  Naghahatid ka ba ng kaligayahan sa mga kasama mo sa bahay?  O baka naman sa halip na kaligayahan ay dahilan ka pa ng pag-aalitan at hindi pagkakaunawaan sa iyong pamilya?  Ano ang dating mo sa mga taong nakakasalimuha mo araw-araw? Napapangiti mo ba sila o napapasimangot sila sa tuwing makakasalubong mo?  Ang tagapagdala ng kaligayahan ay dapat lang na maging tagapaghatid din ng pag-asa!  Pag-asa sa mga taong nalulumbay, pag-asa sa mga taong nabibigatan sa buhay, pag-asa sa mga taong biktima ng kahirapan at kasalatan!  Nitong nakaraaang mga araw ay saksi tayo sa maraming taong naghirap dala ng bagyong Pablo.  Kung minsan naitatanong ko sa aking sarili ang kahalagahan ng pagbibigay ng relief goods na kung titingnan ay kakarampot lang naman at hindi naman talaga ganoon kalaki ang halaga, simpleng bigas, delata, noodles, tubig, kumot at damit.  Ngunit naunawaan ko na hindi lang "relief goods" ang natatanggap nila.  Kasama ng mga ito ay ang PAG-ASA na dala-dala ng mga taong nagbabahagi ng kanilang oras at ng kanilang kaunting nakayanan para sa kanilang nangangailangan.  Ang dala-dala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ay ang PAG-ASA ng sanlibutang nasadlak sa kadiliman.  Pag-asa na nagbibigay ng tunay na KALIGAYAHAN!  Magiging masaya ang ating Pasko kung dadalhin din natin si Kristo sa iba.  Ibahagi natin ang liwanag ni Kristo.  Pasayahin natin ang ating kapwa tao!

Sabado, Disyembre 15, 2012

MAGALAK! : Reflection for 3rd Sunday of Advent Year C - December 16, 2012 - Year of Faith

Minsan, sa isang klase ng "homiletics" (kung saan ay pina-aaralan naming mga pari kung paano magbigay ng homily) ay sinabi ng isang propesor. "Kapag kayo'y nagtuturo tungkol sa langit, hayaan ninyong magliwanag ang inyong mga mukha! Ipakita ninyong kayo ay masaya! Kung kayo naman ay nagtuturo tungkol sa impiyerno... ay sapat na ang pagmumukha ninyo ngayon!"hehehe... Ano ba ang pagmumukha mo ngayon? Langit ba o impiyerno? May ilang nagsasabing ang relihiyon daw natin ay isang "malungkot na relihiyon." Kapag naging seryosong Kristiyano ka raw ay marami na ang bawal na dapat mong iwasan. Bawal na ang alak, babae, sugal at iba pang masasamang bisyo! Totoo nga naman! Kung seryoso ka sa pagiging Kristiyano mo ay dapat mong iwanan at iwasan ang mga ito. Pero hindi ibig sabihin na dapat kang maging malungkot! Ang sinasabing kasiyahan na dulot ng mga bisyo at makamundong bagay ay panandalian lamang.  Kaya nga't kung tunay na kaligayahan ang hanap mo ay hindi mo matatagpuan sa mga inaalok sa iyo ng mundo. Ang tunay na kaligayahan ay sa Diyos lamang matatagpuan. Kaya nga't ang panawagan sa ikatlong Linggo ng ating paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ay: "Magalak kayong lagi sa Panginoon!" Ang kasiyahan ng Pasko ay wala sa magagarang dekorasyon, masarap na noche buena o maingay na pagdiriwang. Ang kasiyahan ng Pasko ay matatagpuan lamang kay Kristo! Kaya't wag kang mangamba kung labindalawang araw na lang ay wala pang laman ang iyong bulsa. 'Wag kang matakot kung wala ka pa ring regalong naihahanda. Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay!" Ano ang dahilan dapat ng hindi natin pagkabalisa? Sinagot ito ni Propera Zofonias sa unang pagbasa: “Huwag kang matakot, Sion; huwag manghina ang iyong loob. Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos..." At ano ang dapat nating gawin upang maipakitang ang Diyos nga ay nasa ating piliing? Maipapapakita natin ito sa paggawa ng kabutihan at pamumuhay na makatarungan. Mamuhay tayo bilang mga tunay na Kristiyano. Pangatawanan natin ang pagtataglay ng pangalan ni Kristo. Praktikal ang mga salitang binitawan ni Hesus sa Ebanghelyo: “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin... Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo!" Dito nakasasalalay ang tunay na kasiyahan ng Pasko. May isang text akong natanggap: "Sa mga friends ko na hindi umiinom, nagyoyosi, nagbibisyo. Mabubuhay kang malungkot. Patay na kaming lahat... buhay ka pa! " Hindi naman ganoon kasaklap ang mabuhay ng mabuti . Ang masayang pamumuhay ay wala sa gawaing masasama. Ang masayang pamumuhay ay pamumuhay kasama ni Kristo! Kaya nga ang panawagan sa atin: "Magalak kayong lagi sa Panginoon, inuulit ko, MAGALAK KAYO!"

Sabado, Disyembre 8, 2012

PAGKATALO: Reflection for the 2nd Sunday of Advent Year C - December 9, 2012 - Year of the Faith

Mahirap tanggapin ang isang pangyayari na hindi pinaghandaan.  Mabigat sa kalooban kapag nangyari ang isang bagay na hindi mo inaasahan.  Ganyan naman talaga ang kalakaran sa buhay.  Ang isang nanay na asang-asa na gagraduate ang kanyang anak at pagkatapos ay mababalitaan na lang na buntis ito at di na makapagpapatuloy sa pag-aaral ay nakapanlulumo.  Hindi kasi iyon ang kanyang inaasahang dapat mangyari.  Katulad din ng pagkatalo ni Manny Paquiao laban kay Marquez sa ikaapat nilang paghaharap.  Siguradong marami ang nanlumo at nasa "state of shock"  kung tawagin sa ingles sapagkat hindi iyon ang inaasahang dapat na mangyari.  Masyado kasi tayong naging kumpiyansa na mananalo siya.  Masyado tayong umasa na di matitinag ang ating pambansang kamao.  Hindi natin pinaghandaan ang masamang pangitain na siya ay matatalo!  Talagang mahirap ang pagtanggap kapag walang paghahanda.  Ang ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nag-aanyaya sa ating MAGHANDA!  “Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: 'Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas! Tatambakan ang bawat lambak, at titibagin ang bawat burol at bundok. Tutuwirin ang daang liku-liko, at papatagin ang daang baku-bako. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos! ' Maaaring ang mga mga lambak ay ang kakulangan natin sa ating pagiging mabuting Kristiyano. Kasama dito ang patuloy nating paggawa ng kasalana at masamang pag-uugali na sumisira sa ating mabuting pagkatao .  Ang mga burol at bundok naman ay ang ating kayabangan na nagiging sanhi ng ating pagkakasala at pagiging bingi sa panawagan ng Diyos na magbalik-loob at magsisi. Ang daang bako-bako ay ang maraming makamundong alalahanin na nagiging sagabal upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap ng Diyos. Ang liko-likong landas ay ang mga maling pagdedesisyon na kalimitan ay pansariling kapakanan ang inuuna kaysa kapakanan ng iba.   Marami tayong dapat ayusin sa ating sarili kung nais nating maging masaya at makahulugan ang ating paghahanda sa darating na Pasko.   Habang ginagawa ko ang pagninilay na ito ay parang karayom na sinusundot-sundot pa rin ng pagkatalo ni Pacquaio ang aking kalooban sapagkat isa ako sa mga hindi makatanggap ng kanyang pagkatalo.  Isa rin ako sa mga hindi naging handa. Ganito siguro ang mangyayari kung bibiglain ako ng pagdating ng Panginoon at hindi ko ito napaghandaan.  Ang Adbiyento ay hindi lamang paghihintay natin sa Panginoon darating.  Higit sa lahat, ito ay ang paghihintay ng Diyos sa atin na patuloy na dumarating sa ating buhay.  Kaya nga ang panawagan ni San Pablo sa mga taga-Filipos ay panawagan Niya rin sa atin: "Mag-ibayo ang inyong pag-ibig at masangkapan ng malinaw na pagkilala at malawak na pagkaunawa upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat bagay!"  At sino ba ang pinakamahalaga sa lahat kundi ang Diyos na patuloy na dumarating sa ating piling?  Paghandaan mo ang kanyang pagdating at hindi ka magsisisi sa huli.  Maging kumpiyansa ka at magugulat ka na lang sa kahihinatnan ng pagpapabaya mo. Tandaan mo... masakit harapin at tanggapin ang pagkatalo.  Ngunit mas mahirap tanggapin na hindi mo pinaghandaan ang pagkatalo mo.  

Sabado, Disyembre 1, 2012

MARANATHA! : Reflection for 1st Sunday of Advent Year C - YEAR OF FAITH - December 2, 2012

Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay inilalaan nating panahon para "paghandaan" ang pagdating ni Jesus.  Tatlong uri ang pagdating na ito na na nag-aanyaya sa ating maghanda:  Una ay ang kanyang unang pagdating noong Siya ay nagkatawang tao na ginugunita natin tuwing Pasko.  Ikalawa ay ang kanyang patuloy na pagdating sa ating piling sa misteryosong paraan katulad ng pagtanggap ng mga Sakramento at paggawa ng kabutihan sa kapwa.  At ikatlo ay ang kanyang muling pagdating na hindi natin alam kung kailan ang araw at oras; at sa pagdating na ito ay huhusgahan Niya tayo ayon sa kabutihang ating ipinakita noong tayo ay nabubuhay pa.  Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party.  Siguro kailangan ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ngunit hindi lang ito ang paghahanda para sa isang masaya at makahulugang Pasko. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin. Si San Pablo ay nagpapaalala sa atin: "Kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus."Sa Ebanghelyo naman ay pinapaalalahanan tayo ni Hesus: "Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa loob at wala sa labas: Tanggalin ang masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso!  Ang Taon ng Pananampalatay ay nag-aayaya sa 'tin ng tatlong uri ng paghahanda ayon sa Kanyang tatlong uri ng pagdating;  Una, ay ang "muling pagtanggap" kay Jesus na una na nating tinanggap noong tayo ay bininyagan.  Ikawala ay ang "bukas-pusong pagtanggap" sa kanyang araw-araw na pagdating sa ating piling.  At pangatlo ay ang ating "handang pagtanggap" na kung saan ay susulitin Niya tayo sa ating mga ginawang kabutihan o kasamaan.  Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Hindi tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Nararapat lang sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo nating pagninilayan ang katangi-tanging presensiya ni Jesus sa ating buhay. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating siimbahan bagkus magsilbing paalala sa atin na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. MARANATHA! Halina Hesus! Manatili ka sa aming piling!

Sabado, Nobyembre 24, 2012

AMALAYER? MAGPAKATOTOO KA! : Reflection for the Solemnity of Christ the King Year B - November 25, 2012 - Year of Faith

Napakaraming kinikilalang hari ngayong panahong ito.  Nangunguna na sa listahan ang Hari ng Boxing na walang iba kundi ang ating pambansang kamaong si Manny Pacquiao na nagpapatigil sa mundo sa tuwing siya ay aakyat ng boxing ring. Naririyan din ang tinanghal na Hari ng Komedya na walang iba kundi ang yumaong si Dolphy.  Siyempre hindi natin makakalimutan ang Hari ng Pelikulang Pilipinong si Da King Fernando Poe Jr. Pero hindi natin kinakailangang lumayo.  Dito sa ating lugar ay mayroon tayong "Asiong Salongga" na tinaguriang Hari ng Tundo!  Ano nga ba ang kakaiba sa mga taong ito at nabansagan silang hari?  Mula noon hanggang ngayon ang pamantayan pa rin ng mundo sa pagiging hari ay kasikatan, kayamanan at kapangyarihan!  Kaya nga't napakahirap kay Pilatong tanggapin si Jesus bilang hari sapagkat wala sa kanya ang tatlong ito.  "Ikaw ba ang hari ng mga Judio?"  Ang tanong ni Pilato kay Jesus.  Ngunit hindi lamang si Pilato. Maging ang mga Judiong nagdala sa kanya ay hindi matanggap na siya ang hinihintay nilang Mesias o tagapagligtas.  Ngunit totoong hari si Jesus.  Yun lang nga ay iba ang kanyang paghahari sapagkat ang Kanyang kaharian ay wala sa mundong ito. “Kayo na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig  ang sinumang nasa katotohanan.” ang sagot ni Jesus sa tanong ni Pilato.  Si Jesus ay Hari ng Katotohanan!  Ibig sabihin si Jesus ay naparito upang maging saksi sa katotohanan at anyayahan ang taong pumanig sa katotohan.  Nitong mga nagdaang araw ay sumikat ang katagang AMALAYER!  Hango ito sa salitang binitiwan ng isang dalaga sa MRT na pasigaw na bumubulyaw sa isang security guard ng "I'm a liar?  I'm a liar?"  Nakakalungkot aminin na tayong lahat ay may AMALAYER sa ating sarili.  Lahat tayo ay may kasinungalingang taglay sapagkat hirap tayong tanggapin ang katotohan sa ating buhay.  Nangunguna na d'yan ang katotohanang dapat tayong magbago, na dapat nating tanggalin ang ating nakagawiang masamang pag-uugali. Ang pinakamahirap gawin ay aminin natin sa ating sarili na mayroon tayong pagkakamali.  Walang pagbabago kung walang pag-amin o pagiging totoo sa ating sarili.  Ang demonyo ang hari ng kasinungalingan.  Siya ang tunay na AMALAYER!  Ang kanyang pangunahing layunin ay ilayo tayo a Katotohanan na walang iba kundi ang Diyos!  Ang ibig sabihin ng diyabolos sa Griego na kung saan ay hango ang salitang diablo ay "manloloko" o "deceiver!"  Sa tuwing tayo ay nabubuhay sa kasinungalingan ay nagiging tagasunod tayo ng demonyo.  Tandaan natin na kung saan umiiral ang katotohanan ay doon naghahari si Jesus.  Dalawang bagay ang maari nating gawin upang tayo ay pagharian Niya.  Una ay ang makinig sa Kanya sa pamamagitan ng isang malalim na buhay panalangin.  Magiging totoo tayo sa ating sarili kung marunong tayong magdasal.  Hindi ko tinutukoy ang mga sinaulo nating panalangin.  Ang panalangin ay hindi lang pagdarasal gamit ang bibig.  Ito rin ay pagdarasal gamit ang pandinig. Pakinggan mo ang binubulong ng Diyos sa katahimikan ng iyong puso.  Pangalawa ay ang pagsunod sa ating budhi o pagkakaroon ng tuwid na konsiyensiya.  Nakikinig tayo sa ating konsiyensiya kung sinusunod natin ang tama at totoo.  Gamitin natn ito sa ating pagdedesisyon, sa pakikinig sa mga "moral issues", sa paghimay sa mga araw-araw na pangyayari sa ating lipunan, sa paggamit ng mass media tulad ng TV, radio, internet.  Napakagandang mabuhay sa mundo na walang pandaraya, panlalamang at kasinungalingan.  Ang mundong pinaghaharian ng Diyos ay mundong nabubuhay sa katotohanan.  Magpakatotoo ka!   



Sabado, Nobyembre 17, 2012

DOOMSDAY 2012: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year B - Year of Faith - November 18, 2012

Noong isang taon ay may lumabas na propesiya na nagsasabing magugunaw na daw ang mundo sa December 21, 2012.  Ito raw ang araw na tinatawag na DOOMSDAY!  Hindi ka ba natatakot?  Kung bibilangin mo ang araw sa kalendaryo ay may tatlumpu't tatlong araw ka na lamang na nalalabi sa mundong ito! Kung hindi ka pa rin natatakot ay may isang dapat ka pang katakutan. Tatlumpu't anim  na araw na lang ay Pasko na!  May pera ka na ba?  Kung wala pa e dapat ka na sigurong mag-alala at manginig sa takot! hehehe...  Bakit nga ba kapag katapusan ng mundo ang pinag-uusapan ay natatakot tayo?  Ang sagot ay kapareho rin sa kung bakit natatakot ang mga taong walang pera sa paparating na Pasko... kasi hindi natin napaghandaan!  Ang sangkatutak na gastusin sa Pasko at ang mga isang pulutong na inaanak na susugod sa iyo ay nakakapangilabot.  Kaya naman marami sa mga ninong at ninang ay TnT (tago ng tago) kapag lumalapit na ang Pasko.  Ibig sabihin ang ating takot ay dahil sa kawalan o kakulangan natin sa paghahanda. Ano ba ang dapat na pananaw ng isang Kristiyano sa "katapusan ng mundo?"  Alam natin na ang buhay natin sa mundo ay may katapusan. Ngunit ang katapusang ito ay simula lamang ng ating magiging tunay na buhay. Ito ang tinatawag nating "Araw ng Paghuhukom"the time of reckoning, the day of justice... na kung saan ay gagantimpalaan ng Panginoon ang mga taong nanatiling tapat sa Kanya at paparusahan ang mga namuhay na masama. Kaya ang isang krisitiyano ay hindi dapat masiraan ng loob kung nakikita nating parang baliktad ata ang takbo ng mundo: na ang nagpapakabuti ay naghihirap at ang mga nagpapakasama ay gumiginhawa ang buhay! May katapusan ang lahat ng pagpapakasarap sa mundo. Hindi naman ata makaratarungan sa mga nagpapakabuti kung pareho lang ng mga masasama ang kanilang gantimpalang tatanggapin sa "huling araw". Ang hinihingi ng Panginoon ay ang ating pagtitiyaga kung paanong pinagtitiyagaan n'ya ang ating pagiging makasalanan. Wala tayong dapat ikatakot kung mabuti naman tayong namumuhay bilang mga Kristiyano. May isang batang naglalaro ng basketball at ng tanungin siya kung ano ang kanyang gagawin kung sa mga sandaling yaon ay magugunaw na ang mundo, ang kanyan sagot ay ito: "Ipagpapatuloy ko po ang paglalaro ko ng Basketball!" Nais lang sabihin ng bata na wala siyang dapat ikatakot sapagkat handa siya anumang oras siyang matagpuan ng oras ng paghuhukom. Kaya nga't wala tayong dapat katakutan sa araw at oras na iyon na kung saan ay susulitin ng Diyos ang ating buhay. Hindi Niya gawain ang manakot bagkus ang lagi niyang ginagawa ay magpaalala sa atin sa mga bagay na dapat nating pinaghahandaan at pinahahalagahan. Mahalaga ang ating buhay sa mundo. Mahalaga rin ang ating buhay na naghihintay sa kabila. Pareho natin silang bigyan ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng pamumuhay ng mabuti.


Sabado, Nobyembre 10, 2012

TAOS-PUSONG PAGBIBIGAY: Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year B - Year of Faith - November 11, 2012

Lahat ba ng pagbibigay ay pagakakawang-gawa?  Minsan may isang pulubi na nagdarasal sa likod ng simbahan. Siya ay umiiyak at humihingi ng tulong sa Diyos. "Panginoon, sana  naman po ay bigyan mo ako ng limandaang piso upang ipambili ng gamot sa aking amang may sakit.  Mahal na mahal ko po siya.  Huwang Mo sana kaming pabayaan!"  Narinig siya ng isang pulis na nagkataong nagdarasal din sa likod.  Naawa ang pulis sa kanya at dumukot ng pera sa kanyang wallet.  Nagkataong dalawang daan lang ang kanyang cash sa wallet ngunit minabuti niyang ibigay na rin ito sa pag-iisip na kahit papaano ay makakatulong din sa kaawa-awang bata.  Laking gulat ng bata ng iniabot sa kanya ng pulis ang dalawang daang piso.  Tiningnan niya ang pulis mula ulo hanggang paa at muling nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po. Ang bilis niyo namang sumagot, parang 'Express-padala!'  Pero sana next time, 'wag n'yo sanang ipaabot kay mamang pulis.  Ayun, nagkulang tuloy ng tatlong daan!"  hehehe...  Bakit nga ba kapag may nagbigay sa atin ay agad-agad nating tinitingnan kung sino ang nagbigay?  Kasi nga naman hindi lahat ng pagbibigay ay tunay na pagkakawang-gawa!  Tandaan natin na hindi nasusukat ng laki ng halagang ibinigay ang kabutihan ng taong nag-abot nito. Tingnan ninyo ang ibang pulitiko, malapit na naman ang eleksiyon, siguradong marami ang magpapamudmod ng pera.  Ang intensiyon nila ay hindi para makatulong kundi upang makabili ng boto ng mga taong mahihirap. At saan ba nanggaling ang perang ipinamimigay nila?  Hindi ba sa buwis din ng mga mahihirap?  O kaya naman, dahil malapit na naman ang Pasko, marami na naman ang magpapakain sa mga bata, mamimigay ng nga laruan at ibang kagamitan, mamimigay ng pera.  Ang tanong ano ba ang kanilang ibinibigay?  Baka naman "mumo" lang ng kanilang kayamanan.  Baka naman mga damit, gamit o damit na pinaglumaan na halos hindi na magamit ng taong tatanggap.  Ibig sabihin, hindi lahat ng pagtulong ay pagkakawang-gawa!  Ano ba ang tunay na pagbibigay?  May sagot si Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo.  Bakit kinalugdan ni Jesus ang babaeng dukhang balo sa talinhaga?  “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”  Ang tunay na pagbibigay ay nanggagaling hindi sa kamay kundi sa puso!  Hindi ang laki ng halaga kundi ang laki ng puso ang sukatan ng tunay na pagbibigay!  Ito ay ipinakita mismo ni Jesus ng ibinigay Niya ang kanyang sarili sa krus upang mailigtas tayong mga makasalanan.  Ito ay patuloy niyang ipinapakita sa bawat pagdiriwang ng Eukaristiya na kung saan sa anyong tinapay at alak ay ibinibigay ni Jesus ang Kanyang sarili sa atin bilang pagkain ng ating kaluluwa.  Ito'y patuloy niyang ipinadarama sa atin sa pamamagitan ng maraming taong taos sa puso ang pagtulong sa mga mahihirap.  Taos sa puso ba ang aking pagbibigay?  Mararamdaman natin ito kung may kahalong sakit ang ating ginawang pagtulong sapagkat ang tunay na pagbibigay ay may kasamang sakripisyo.  Masasaktan ka kung tunay kang nagbibigay sapagkat may nawawala sa iyo sa bawat pagbibigay mo.  At dahil ang pagbibigay ay isang sakripisyo, ito ay nagpapaging-banal sa mga taong naghahandog nito.  Bakit hndi mo subukang taos-pusong magbigay?  Pagbibigay ng oras sa iyong asawa at mga anak, paglalaan ng oras ng mga anak para sa kanilang magulang, pagtulong sa isang kaibigang may problema, ay ilan lamang sa pagbibigay na hindi nangangailan ng salapi.  At bakit hindi, kung mayroon kang kakayahan, tumulong ka sa mga mahihirap o nasalanta ng kalamidad, makibahagi sa mga proyekto ng Simbahan para sa mahihirap. Mag-abuloy sa simbahan.  Napakaraming paraan para makatulong sa kapwang nangangailangan. Kailan ka huling nagbigay na nasaktan ka dahil may ibinahagi ka na nagmumula sa iyong sarili?  Magandang pagnilayan natin ito. Baka mababaw pa rin ang ating motibo sa pagtulong. Baka kailangan pa ring salain ang ating motibasyon at intensiyon kapag tayo'y nagbibigay. Ang sabi nga ni Mother Teresa ng Calcutta na tinaguriang "living saint" noong siya ay nabubuhay pa, "We love and love until it hurts... until we realize and feel that there is no more hurt but love..."










Sabado, Nobyembre 3, 2012

PAG-ALALA SA PATAY... PAG-IBIG SA BUHAY: Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year B - November 3, 2012 - Year of the Faith

Ngayong Nobyembre ay inaalala natin ang ating mga mahal na yumao. Sa katunayan sa buong buwan na ito ay aalayan ng misa ang mga kaluluwang ang mga pangalan ay nakasulat sa mga sobreng ito na nasa harap ng altar.  Bumisita ba kayo sa inyong mga patay noong araw ng undas?  Kung hindi ay 'wag kayong mag-alala sapagkat hi-tech na ang ating panahon ngayon. Maari ninyo silang i-text.  Just text DALAW send to 2366 at presto... sila mismo ang dadalaw sa inyo!  hehe. Me options pa 'yan: PRESS 1: hihilahin ka sa paa, PRESS 2: hahawakan ng malamig na kamay sa pisngi, PRESS 3: isasama ka sa kabilang buhay! hehehe... Ang maraming taong dumagsa sa sementeryo ay patunay lamang na mahal na mahal natin ang ating mga yumao.  May ilang sementeryo nga na kahit lubog sa baha ay dinalaw pa rin ng mga tao.  Bakit nga ba kapag patay na ang isang tao ay doon lamang nating ipinapakita na mahal natin sila?  Ang ating pagbasa ngayon sa Ebanghelyo ay nagsasabing habang buhay pa ang ating kapwa ay dapat alayan natin sila ng pagmamahal.  Tinanong si Jesus ng isang eskriba kung ano ang pinakamahalaga sa lahat ng mga utos?  Ang sagot ni Jesus ay ang tinatawag ng mga Judio na SHEMA ISRAEL o makinig ka Israel!  ‘Pakinggan mo, Israel! Ang 
Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong  pag-iisip, at nang buong lakas.’  Wala namang bago sa sinabi ni Jesus sapagkat ito ay alam na alam ng isang tapat na Judio.  Ang bago sa kanyang sagot ay idinugtong niya ang isang utos na hango sa aklat ng Levitiko 19, 18.  Ang taludtod na nagsasabing: ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Madaling mahalin ang Diyos sapagkat hindi naman natn Siya nakikita. Mas mahirap mahalin ang kapwa na araw-araw nating nakakasama.  Ngunit kung titingnan natin ay hindi natin maaring paghiwalayin ang dalawang utos na ito.  Sabi nga sa ingles, "they are two sides of the same coin!"  Tunay sapagkat ang pagmamahal sa Diyos na walang pagmamahal sa kapwa ay pagsambang pakitang tao lamang.  Ang pagmamahal naman sa kapwa na walang pagmamahal sa Diyos ay purong "social work" at siguradong hindi magtatagal sapagkat walang tunay na basehan.  Ang tawag natn dito ay VERTICAL at HORIZONTAL dimension of our faith.  Sa taong ito ng pananampalataya, itukod natin ang ating buhay sa isang malalim na pagkilala sa Diyos. Mas mamahalin natin Siyang tunay kung Siya ay ating munang kilala.  Idugtong naman natin dito ang ating paglilingkod sa kapwa sapagkat sa bawat pagtulong sa kapwang nangangailangan ay kabutihan na ginagawa natin sa Kanya.  Ang ala-ala ng mga yumao ay dapat magbigay sa atin ng inspirasyon na habang tayo ay may buhay pa ay ipadama natin ang ating pagmamahal sa sa ating kapwa, maging mas matulungin, mas maalalahanin, mas mapang-unawa, mas mapagpatawad tayo sa isa't isa.  Mahalin natin ang mga buhay at hindi lamang ang mga patay!  

Sabado, Oktubre 27, 2012

BULAG-BULAGAN: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year B - October 28, 2012 - Year of the Faith

Gusto mo ba ng maraming kita?  Siyempre naman!  Sino bang may ayaw?  May natanggap akong text joke na nais kong i-share sa inyo.  "Mapalad daw ang mga taong duling.. kasi DOBLE ang kanilang KITA! Pinakamalas naman daw ang mga BULAG... kasi WALANG KITA! Pero pinakasuwerte daw ang mga BOLD STARS kasi LAHAT KITA! hehe... Ipinanganak na malas nga ba ang mga bulag? Ang sabi ni Ka Freddie sa kanyang kanta: "Madillim ang 'yong paligid hating-gabing walang hanggan. Anyo at kulay ng mundo sa 'yo'y pinagkaitan. Wag mabahala kaibigan isinilang ka mang ganyan. Isang bulag sa kamunduhan... ligtas ka sa kasalanan."  Kaawa-awa man ang kalagayan ng mga bulag ay masasabi nating masuwerte pa rin!  Kung itinuturing man nating malas sila ay alalahanin nating mayroon pang mas malas sa kanila! Ang mga taong NAGBUBULAG-BULAGAN!  Sila ang mga taong hindi matanggap ang mga nangyayari sa kanilang palagid at ayaw malaman ang mahirap na katotohanan ng buhay. May mga taong hindi alam kung saan sila patungo. Nabubuhay na walang kabuluhan. Walang saysay na sinasayang ang mga pagkakataong ipinagkaloob ng Diyos sa kanila!  Ganito ang naging buhay ni Bartimeo sa simula.  Bagamat hindi nasasaad sa Ebanghelyo ay nakasisigurado tayong hindi nagign kasiya-siya ang kanyang buhay.  Hindi siya tanggap ng lipunan at dahil dito ay napakababa rin ng pagtinging niya sa kanyang sarili. Kadiliman ang bumabalot sa kanyang buhay kaya't ang pagdaan ni Jesus ay nagbigay sa kanya ng bagong pag-asa! Tayo rin ay mga "Bartimeo" kung atin lamang susuriin ang ating sarili. May kanya-kanya tayong pagkabulag na dapat nating harapin.  Marahil ay pagkabulag sa masasamang pag-uugali na ayaw nating baguhin. Pagkabulag sa bisyo. Pagkabulag sa ambisyon na masama na ang kinahihinatnan sa labis nating pagnanasang maabot ito. Pagkabulag sa kayaman at ari-arian na pumipigil sa atin sa pagtulong sa mga mahihirap. Ngunit kung "Bartimeo" man tayong naturingan ay dapat magawa rin natin ang nagawa niya. Naglakas loob siyang lumapit kay Hesus. Hindi naging hadlang ang mga tao sa kanyang paligid. Hindi naging hadlang ang kanyang kapansanan. Pansinin ninyo ang sigaw ni Bartimeo: "Hesus, Anak ni David! Maawa ka sa akin!" Isa itong pagpapahayag ng pananampalataya. Ang Anak ni David ang tawag nila sa pangakong Mesias! Iwinaksi ni Bartimeo ang kanyang balabal, ang kahuli-hulihang gamit ng isang pulubi na panlaban niya sa lamig ng gabi. Alam niyang pagagalingin siya ni Hesus! At ito nga ang nangyari. Nakita ni Hesus ang kanyang malaking pananampalataya at pinanumbalik ang kanyang paningin.Tanging pananampalataya ang makapagpapagaling sa ating pagkabulag. Sa pagsisimula ng Taon ng Pananampalataya, sana ay maging atin din ang mga salitang binitiwan ni Bartimeo: "Guro, gusto kong makakita!" Gusto kong magkaroon ng katuturan ang buhay ko. Gusto kong makita kung saan ako papunta. Gusto kong makita kung ano ang ibig sabihin ng mga hindi magagandang pangyayari sa aking buhay!  Tanging si Hesus ang makapagbibigay sa atin ng liwanag! Bulag man tayong naturingan ay mapalad pa rin tayo sapagkat may Diyos na nagsisilbing ilaw na gumagabay sa atin at handang hanguin tayo sa kadiliman ng buhay! Sapat lang na handa tayong lumapit at itaya ang ating buhay sa Kaya.  Ito ang tunay na pananampalataya:  "Ano man ang mangyari sa buhay ko... sa Diyos ko lang itataya ng buong-buo!"

Sabado, Oktubre 20, 2012

SAN PEDRO DE CEBU, Huwaran sa Mapagkumbabang Paglilingkod : Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year B - October 21, 2012 - Canonization fo St. Pedro Calungsod

Kapag sinabing kabataan agad ang pumapasok sa ating isipan ay facebook, twitter, chat, text, internet, gadgets, gimik, party, barkada at marami pang iba na tanging sila lamang ang makakaintindi.  Bakit nga ba hindi? Ito ang kasalukuyang mukha ng mga kabataan ngayon.  Moderno. Makabago. Mabilis.  Kaya nga't mahirap ipaunawa sa kanilang naiibang pag-iisip ang disiplina, sakripisyo, pagtitiis, pag-aalay ng sarili.  Hindi sapagkat ayaw nila ng mga ito.  Nagkataon lang na ang mundong kanilang ginagalawan ay iba ang alituntunin o patakarang pinaiiral.  Kaya nga marami sa kanila ang lito, tuliro ang pag-iisip, mahina sa desisyon, takot sa "commitment", at hindi lubos na kilala ang sarili.  Ano ang kinakailangan nila upang makasabay sila sa naiibang takbo ng mundo ngayon?  Isang modelo. Isang modelong maari nilang maging batayan at inspirasyon ang pamumuhay.  Dito papasok ang santong pinararangalan natin ngayon.  Una sa lahat siya ay isang kabataan, labing pitong taon noong inalay niya ang kanyang buhay para kay Kristo.  Ikalawa, siya ay Pilipino, kadugo natin, kalahi natin, kaisa natin.  Si San Pedro Calungsod ang ikalawang santong martir nating mga Pilipino.  Isa siyang misyonerong kabataan na nagtalaga ng kanyang buhay upang maipalaganap ang Mabuting Balita ng kaligtasan.  Taong 1668 nang sumama siya sa mga misyonerong Heswita patungong isla ng Ladrones sa hilaga ng Pacifico na ngayon ay tinatawag nating Guam.  Nagsilbi siyang tagapaglingkod ng mga paring misyonero at katulong na rin sa pagtuturo ng katesismo sa mga katutubo ng lugar ding iyon.  Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang ilang katutubo at mga misyonero. Isinisi nila sa mga misyonero ang  paglaganap ng sakit sa kanilang lugar lalo na sa mga batang kanilang binibinyagan.  Nangyari ang kanyang pagkamartir ng minsang nabinyagan nila ang anak ng isang katutubong galit na galit sa kanila.  Nagtawag ito ng mga kasama at pinagkaisahang paslangin ang mga misyonero.  Nauna si Pedro Calungsod na nagbuwis ng  kanyang buhay para ipagsanggalang ang kanyang kasamang pari.  Tinamaan siya ng sibat sa dibdib na kanyang ikinamatay. Ang kanyang katawan, kasama ng paring misyonero, ay inihulog sa karagatan. Nangyari ito noong April 2, 1672.  Sa panahon ngayon na kung saan ay hindi pinahahalagahan ang pagpapakasakit at paglilingkod, ang imahe ni San Pedro Calungsod ay magandang halimbawa upang iharap sa ating mga Kristiyano, lalo na sa mga kabataan, na posible pala ang sukdulang pag-aalay ng buhay para sa iba!  Sa mata ng mundo ang kadakilaan ay nakasalalay sa taas ng posisyon o sa kasikatan.  Walang pinagkaiba sa magkapatid na Santiago at Juan na labis na inaasam ang makaupo sa kanan at kaliwa ni Jesus.  At dahil dito ay binitawan ni Jesus ang isang prinsipyong kabalintunaan sa pag-iisip ng makamundo: "ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat."  Ito ay unang pinatunayan ni Jesus sa pag-aalay ng kanyang buhay sa krus.  Ito ay pinangalawahan ng maraming taong nag-alay ng kanilang buhay para sa Diyos.  Isa na rito si San Pedro Calungsod.  Sa mundo ngayon na ang sikat ay ang maraming "likes" sa Facebook, o kaya naman ay maraming "following" sa tweeter, ang ating kabataang martir ay nagsasabi sa atin na ang pagiging sikat ay ang mapagpakumbabang pagpapakasakit at paglilingkod.  Mabuhay ka San Pedro de Cebu! Mabuhay ka Patron ng mga Kabataang Pilipino!

Sabado, Oktubre 13, 2012

GUSTO KO... HAPPY KA! : Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year B - October 14, 2012

"Gusto ko.. happy ka!"  Ito ang ninanais ng marami sa atin, ang maging masaya!  Lalo na sa ating mga Pilipino na sadlak sa kahirapan ang buhay, nais nating maging maligaya at makaranas kahit man lang saglit na kaginhawaan!  Kaya nga patok sa atin ang mga "malls" at "shopping centers" kasi kahit paano ay naiibsan ang ating problema sa maikling oras ng paggala kahit wala namang bibilhin.  Pagmasdan mo ang mga nakakasulubong mo, halos lahat nakangiti, parang may mga pera sila; sa totoo lang marami sa kanila palakad-lakad, patingin-tingin, pahawak-hawak sa mga damit, tapos iiwang magulo hindi naman pala bibili. Ngunit sapat na yan upang makalimutan panandali ang marami nating problema at kahirapan sa buhay.
"Paano ba ako magiging tunay na masaya?" Siguro isa rin ito sa mga tanong mo... Tanong din ito ng marami. Magbabad ka sa National Bookstore at makikita mong napakaraming librong naisulat tungkol dito. Tanong din ito ng binatang mayaman sa ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito. “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Ang pakahulugan ng "buhay na walang hanggan" kung isasalin sa ating modernong pananalita ay "kaligayahan".  Mabuting tao ang lalaki. Sa katunayan sinabi sa Ebanghelyo na siya ay masunurin sa batas at walang inaargabyadong tao. Nalugod si Hesus sa kanya. Tiningnan siya ng magiliw at may paghanga. Ngunit may nakita pang kulang si Jesus sa kanya. "Gusto mong lumigaya, ipagbili mo lahat ng ari-arian mo, ibigay mo sa mahihirap at sumunod ka sa akin..." Nagulat ang lalaki sa kundisyon ni Jesus sapagkat sya'y mayaman.  Pero hindi nagbago ng sagot ni Jesus... para sa Kanya ito ay isang "deal or no deal! Malungkot ang katapusan ng pagtatagpong iyon. Tumalikod na malungkot ang binata at wala ng narinig pa tungkol sa kanya. Saan ba nakasalalay ang ating kaligayahan? Sa kayamanan ba? Sa pagiging masunurin ba sa batas ng Diyos? Sa pagiging "masunuring Kristiyano" ba? Ang sagot ni Hesus: pagtalikod sa lahat ng mga sagabal sa ating pagsunod sa Kanya!  Hindi Niya sinasabing kawawa ang mayayaman dahil marami silang kayamanan.  Hindi sinasabi ni Jesus na masama ang mga ito,  Ang kanyang nais bigyang diin ay wala dapat maging hadlang sa pagnanais nating sumunod sa kanya.  Hindi lang para sa mayayaman ito sapagkat kahit ang mahirap man ay maari ring matali sa mga materyal na bagay sa simpleng maling pagnanasa sa mga ito. Ang nais niyang sabihin ay alam dapat natin ang ating pinahahalagahan sa buhay. Ang kayamanan o ari-arian ay hindi dapat inuuna sa ating pagmamahal sa Diyos at kapwa.  Ang Diyos pa rin dapat ang una sa ating buhay. Ang pagtupad sa Kanyang kalooban ang dapat nating pahalagahan sa lahat.  Nais Niyang masaya tayong lahat sa ating pagiging kristiyano. Pahalagahan natin Siya at magiging masaya tayo sa ating buhay.  Sapagkat GUSTO NIYA... HAPPY KA! 

Biyernes, Oktubre 5, 2012

PASTORAL LETTER ON THE YEAR OF FAITH by Archbishop Luis Antonio Tagle : October 7, 2012


My dear Brothers and Sisters in Christ,
Pope Benedict XV, in his Apostolic Letter Porta Fidei, announced a Year of Faith that will begin on October 11, 2012 and conclude on November 24, 2013, the Solemnity of Christ the King.  The whole Church is invited to celebrate the precious gift of faith, to receive it again and to transmit it joyfully.  Our beloved Archdiocese of Manila is one with the Church worldwide in welcoming the Year of Faith.
The Rationale for the Year of Faith
The date of the opening of the Year of Faith was chosen carefully.  It also partly explains the Pope’s intentions.  October 11, 2012 marks the fiftieth anniversary of the opening of the Second Vatican Council (1962) and the twentieth anniversary of the promulgation of the catechism of the Catholic Church (1992).  The significance of these two events determines considerably the spirit of the Year of Faith.
In our time, the Second Vatican Council is the great moment of renewal in faith.  Blessed John XXIII desired that through the Council “the Church will become greater in spiritual riches and gaining the strength of new energies therefrom, she will look to the future without fear.”  The renewal of the Church comes from a rediscovery of its spiritual heritage.  By ‘renewal’ Vatican does not mean the emergence of a totally new Church that is cut off from the past.  A proper interpretation of the Council does not allow a view of the “post-Vatican II Church” that disparages and “corrects” the “pre-Vatican II Church” by disregarding the Tradition, simplistically exalting what came after the council as good and criticizing what went before it as bad.  Neither does a proper hermeneutic of Vatican II allow the reverse that is, judging the “post Vatican II Church” as a deviation from the Apostolic Faith as though the true Church stopped existing after Vatican II.  A mere glance at the sources used in the sixteen documents of the Council shows that there exists a profound continuity in the Church, the continuity of faith assured by the Holy Spirit.  The Year of Faith invites us to study again the Second Vatican Council and the Catechism of the Catholic Church that is its fruit in order to rediscover the vitality of the faith we have inherited.
Aside from celebrating Vatican II and the Catechism of the Catholic Church, the Year of Faith invites us to look closely at the contemporary world, its beauty and wounds.  The continuity of the Church through the ages allows various forms of renewal.  The Church receives, celebrates and lives the faith in different historical settings with their unique demands and challenges.  Vatican II is one such renewal, engaging the phenomena that make up the modern world.  Within the Year of Faith a Synod of Bishops will be convoked to reflect on the New Evangelization.  In a span of fifty years after Vatican II, the world has seen dramatic changes that pose new challenges, even threats, to faith and its transmission.  The Philippines, specifically the area covered by the Archdiocese of Manila, is not exempt.  But we also believe that the contemporary world, especially the youth and the poor, expresses its search for God in ways that the Church must also discover.  Thus the Year of Faith invites us to listen to the deep cries and aspirations of the people and societies of our time so that we can proclaim Jesus Christ to them with new methods, new expressions and new fervor.  It is a year of listening and mission as well.
The Dynamics of Faith and the Year of Faith
Faith is a dynamic reality.  God initiates a relationship with us.  God opens the door of faith, to a life of communion with the Father, the Son and the Holy Spirit.  This life-long encounter and intimacy with the Triune God happens within the Church.  The Church is a community of faith, a fruit and an agent of faith and a missionary of the Gospel in the world.

As we immerse ourselves in the faith of the Church and its mission in our world in this Year of Faith, we are called to engage in an integral development in faith with the following components:
a)      A deeper understanding of what we believe in through an intensified Biblical apostolate program, review of documents of Vatican II and teachings emanating from it like the Second Plenary Council of the Philippines and the Second Provincial Council of Manila and the Catechism of the Catholic Church,
b)      A renewed appreciation and celebration of the mystery of the faith in sacrament, liturgy and prayer,
c)      A joyful living of the faith expressed especially through conversion, a moral life governed by justice and charity, solidarity with and service of the poor, and courageous witness to what we believe in,
d)     A rediscovery of ecclesial communion where the diverse gifts of the Holy Spirit are offered and developed to strengthen the Church and serve its mission here and even abroad.
We believe that as Christians we are urged on by the love of Christ to help construct a world of truth, justice, harmony and peace.  The Year of Faith also opens for the Church in the Philippines a nine-year preparation for the commemoration of the 500th anniversary of the arrival of the Christian Faith on our shores.  With Mary as our model and guide, let us welcome the Year of Faith in the Archdiocese of Manila and trust that it would bear much fruit for the Church and for humanity.
Given on 28 September 2012, Memorial of san Lorenzo Ruiz de Manila and companions.

+ Luis Antonio G. TagleArchbishop of Manila

Sabado, Setyembre 29, 2012

KATOK+LIKO = KATOLIKO: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year B - September 30, 2012


Ano nga ba ang ibig sabihin pag sinabing Katoliko ka? Sabi raw nila... tayong mga Katoliko ay may "katok" na "liko" pa! Papayag ka ba? May mga ilan-ilan sa atin na nagsasasabing sila ay "Katoliko-sarado," ano ang ibig sabihin n'yon?  Maraming Katoliko ang binansagang KBL sapagkat makikita mo lang sila sa simbahan sa tatlong sandali ng kanilang buhay: sa kasal, binyag at libing.  Ano ba ang kahulugan ng ating pagiging "katoliko?"   Isang mayamang matandang biyuda ang lumapit sa pari at hiniling na misahan ang kanyang namatay na alagang aso sapagkat mahal na mahal niya ito at itinuturing na tunay n'yang anak.  Tumanggi ang pari at sinabing hindi maaaring alayan ng misa ang isang hayop. "Ganoon po ba Father, sayang... Sampung libo pa naman ang iaalay kong donasyon para sa Misa . Di bale, d'yan na lang sa kabilang simbahan ng Aglipay ko siya pamimisahan." Biglang napasigaw ang pari: "Misis... hindi puwede yan!!! Isa kang Katoliko kaya't Katoliko rin dapat ang aso mo!  Tara! Misahan na natin siya!  hehehe...  Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang "Katoliko" na nakakabit sa ating pangalang Kristiyano? Makikita ba ito sa Bibiliya? Kung si Bro. Eli ang tatanungin, ang sagot ay hindi! Hindi naman kasi tagalog ang salitang Katoliko. Ito ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay "universal" o para sa lahat!  Sapagkat malakas ang ating paninindigan na ang kaligtasan ay ibinigay ni Kristo ay para sa lahat... Kristiyano ka man o hindi. Ang langit ay hindi lamang para sa ilang grupo katulad ng pag-aangking ginagawa ng ibang sekta na sila lamang ang maliligtas. Bagamat hindi tahasang makikita sa Bibliya ang salitang Katoliko, makikita naman natin ang "pangkalahatang" pananaw na walang pinipili ang gawaing mabuti at kalugod-lugod sa Diyos.  Sa unang pagbasa at Ebanghelyo makikita natin ang tema na ang biyaya ng Diyos ay malaya niyang ibinibigay kahit kanino. Ang sabi ni Moises ng may nagprotestang mayroong nangangaral na hindi naman nila kasama sa grupo: "Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat ng Israelita at mapuspos sila ng espiritu ng Panginoon.” Sa Ebanghelyo ay ganito rin ang winika ni Hesus ng ibalita ni Juan na may gumagamit ng kanyang pangalan sa pagpapalayas ng demonyo: “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin." Hindi ba't napakabuti ng Diyos? Napakalawak ng Kanyang pagmamahal at pang-unawa. Ang kanyang kaligtasang handog ay walang pinipili! Para sa lahat! "KATOLIKO!"  Sana ganito rin tayo sa ating pagpapakita ng pagmamahal sa iba... walang pinipili! Ang magmahal ay para sa lahat! Hindi lang para sa mga kaibig-ibig pero sa mga kapos sa pag-ibig! Hindi lang para sa mga kaibigan pero para rin sa mga kaaway. Nawa maging bukas ang ating isipan at puso sa pagtanggap sa iba at sa pagpapakita ng ating pagmamahal sa kanila. May pinipili ba ang pag-ibig mo? Kung gayon isang kang certified na "katok na liko pa!" Magmahal ka ng walang kinikilingan at hinihintay na kapalit at magiging karapat-dapat ka sa pangalan mo... KATOLIKO!

Sabado, Setyembre 22, 2012

KAYABANGAN AT KADAKILAAN: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year B - September 23, 2012

Sino ba ang masasabi nating taong dakila?  Saan ba nakasalalay ang kadakilaan ng isang tao?  Sa mga nag-aakalang sa kagandahan o kasikatan nakasalalay ang kadakilaan, pakinggan ninyo ang kuwentong ito: May isang ligaw na bulaklak sa kabukiran na masyadong mataas ang pagtingin sa kanyang sarili.  Lagi niyang nilalait ang mga damong nakapaligid sa kanya. "Kayong mga nagpapangitang mga damo, bakit hindi kayo tumulad sa akin? Maganda, makulay, at higit sa lahat... mabango!"  Napapailing lamang ang mga damo na nagsasabing, "Wag kang masyadong mayabang! Darating ang araw na iisa lang ang ating patutunguhan.  Lilipas din ang kagandahan mo!"  At dumating nga ang araw na iyon.  Isang pulutong ng mga baka nanginain sa bukid t sinuyod ang malawak na damuhan.  Walang pintawad ang mga gutom na hayop maging ang mga ligaw na bulaklak ay pinatulan.  Naramdaman ng palalong bulaklak na siya ay nginunguya ng dahan-dahan. Pumasok siya sa isang madilim na lagusan, at ramdam niya ang unti-unti niyang pagdaloy sa madilim na "tunnel" na tinatawag nating esophagus.  Bigla niyang naramdam ang kanyang pagkalagkit at unti-unting pagkatunaw.  Nagpatuloy siya sa paglalakbay hanggang mabanaagan niya ang isang animoy ilaw na na nagmumula sa isang lagusan.  Unti-unti siyang dinadala dito at habang unti-unti siyang lumalabas sa butas ay napansin niyang umaalingasaw ang kanyang amoy.  Hanggang bigla na lamang siyang bumagsak sa lupa bilang isang tumpok na tae.  Naglapitan ang mga langaw at pinagpiyestahan siya narinig niya sa kanyang mga katabing tae na, "Kita mo na na, sabi ko naman sa 'yo... iisa lang ang ating patutunguhan!"  Totoo nga namang walang katuturan ang lahat, maging ito man ay kagandahan, katalinunan, angking kakayahan, kapangyarihan o maging kayamanan. "Vanity of vanities, everythng is vanity!" sabi nga sa aklat ng Eclesiastes (Ec 1:1)  Kaya nga ang sukatan ng mundo sa pagiging dakila ay isang malaking kasinungalingan!  Mayaman man tayo o mahirap, may kapangyarihan o mahina, may angking kagandahan man o wala, iisa lang ang ating patutunguhan!  Kung gayon ay saan ngayon nakasalalay ang tunay na kadakilaan?  Maliwanag ang paalala sa atin ng Panginoon: “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”  (Mk 9:35)  Hindi pa rin matanggap ng mga alagad na si Jesus, ang kanilang kinikilalang dakilang pinuno ay maghihirap at mamamatay sa kamay ng mga matatanda ng bayan.  Hindi pa rin nila matanggal sa kanilang isipan ang isang Mesiyas na marangya!  Upang mas lubos nilang maunawaan ay ginamit ni Jesus ang imahe ng isang bata na sa kanilang kultura noong panahong iyon ay mababa ang katayuan sa lipunan. Larawan ang isang bata ng kababang-loob at kapayakan ng pamumuhay.  At ito ang nais ni Jesus na matutunan ng kanyang mga alagad: Ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod ng may pagpapakumbaba! Kaya nga ito rin ay paalaa para sa ating lahat na iwaksi ang kayabangan at kapalaluan.  Kapag tayo ay puno ng kayabangan ay mas lalo tayong nagiging makasarili at mapanlait sa kapwa. At dahil dito ay hindi natin nakikita ang kabutihan ng iba at sa halip na makatulong ay nakasisira pa tayo ng buhay nila.  Ang mga taong mapagkumbaba ay maraming bunga samantalang ang taong mayabang ay wala!  Masdan ninyo ang uhay ng mga palay sa bukid.  Ang mga uhay na may palay ay nakayuko at mababa samantalang ang mga walang palay ay nakatayo at matayog.  Mag-ingat tayo at baka katulad tayo ng mga uhay na nakatayo at matuwid  ang tingin sa sarili.  Ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod.  Ang tunay na kasikatan ay nasa pagpapakumbaba!

Biyernes, Setyembre 14, 2012

ANG BIDA NG BUHAY KO: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year B - September 16, 2012


Sa panonood ng pelikula ay nakasanayan na nating ang bida ang palaging panalo sa huli! Ayaw natin ang bidang naaargabyado at kinakawawa. Kaya nga kapag namatay ang bida sa katapusan ng palabas ay madalas nating sabihing "pangit ang ending"... malungkot sapagkat "namatay ang bida!" Isipin mo na lang ang ending ng "Expendables 2" na namatay sina Sylvester Stallone at ang kanyang mga kasama, KILL JOY hindi ba? Ayaw nating ang bida ay nasasaktan. Hindi tayo sanay na siya'y maghihirap at mamatay sa huli. Kaya nga patok si FPJ sa ating mga Plipino kasi sa lahat ng pelikula niya ay siya ang panalo. Ang bida hindi dapat nasasaktan at kung masaktan man, ang BIDA HINDI DAPAT MAMATAY! Ganito ang ating natunghayan sa Ebanghelyo. Ginawang "bida" ni Pedro si Hesus ng tanungin niya sila kung "sino ba siya sa mga tao." Ibinigay ni Pedro ang tamang kasagutan: "Ikaw ang Kristo!" Ngunit nang marinig mismo ni Pedro sa bibig ni Hesus na siya bilang bida ay maghihirap, itatakwil ng mga pinuno ng bayan at mamamatay ay agad niyang pinagsabihan si Hesus. Hindi niya matanggap na ang kanyang bida ay mamamatay! Dahil dito ay napagwikaan siya ni Hesus: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao." Hindi ba't kung minsan ay ganito rin tayo mag-isip tungkol sa Diyos? Sino ba ang Diyos para sa atin? Para sa marami ang ating Diyos ay ang "Diyos ng kaginhawaan!" Ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kaunlaran sa pamumuhay. OK ang Diyos kapag maganda ang takbo ng ating buhay. Ayaw natin ang "Diyos ng kahirapan!" Kaya nga't kapag nakaramdam na tayo ng kaunting kahirapan sa buhay ay nagbabago na ating pagtingin Diyos. Ang ating mga "aleluya" at "praise the Lord" ay napapalitan ng "Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako ginaganito?" Tandaan natin: Ang ating Diyos ay hindi lang Diyos ng kaginhawaan ngunit Siya rin ay Diyos ng kahirapan! Kung ang ating Diyos mismo ay dumaan sa paghihirap, dapat tayo rin ay handang magbata ng anumang kahirapan sa buhay... matuto tayong magpasan ng ating mga "krus." Kaya nga't ibinigay niya ang kundisyon sa mga nagnanais na maging kanyang alagad: "Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin." Paano ko ba tinatanggap ang mga paghihirap na dumarating sa aking buhay? Isa rin ba ako sa mga ayaw makaramdam ng sakit at paghihirap? May mga taong tinatawag nating "pabigat" sa atin, paano ko sila "binubuhat?" Minsan ay may lalaking umuwi sa kanilang bahay. Ang una niyang ginawa ay hanapin ang kanyang asawa. Nang makita niya ito ay agad-agad niya itong bihuhat at isinayaw. Nagulat tuloy ang babae at nagtanong: "Dear, anong nangyari sa iyo? Hindi ko naman birthday. Lalo namang hindi natin anniversary. Anung nakain mo?" Ang sagot ng lalaki: "Kasi dear... nagsimba ako kanina at tinamaan ako sa sinabi ng pari. Ang sabi niya: ang dapat daw na alagad ni Hesus ay matutong magbuhat ng kanyang krus!" Meganun??? Sino ba ang mga pabigat sa buhay ko? Marahil ang asawa kong lasenggo, sugarol at babaero. Siguro ang kapatid kong mabisyo. Siguro ang anak kong pabaya sa pag-aaral. Siguro ang kapitbahay kong walang ginawa kundi ang magtsismis at manghimasok sa buhay ng iba. Siguro ang kaibigan kong traidor at manghuhuthot! Siguro ang teacher kong laging naninigaw at hindi marunong magturo... napakarami nating tinuturing na pabigat sa ating buhay. Sana ay ganito ang ating maging panalangin: "Panginoon, hindi ko pinagdarasal na tanggalin mo ang mga pabigat na ito sa aking buhay, bagkus bigyan mo ako ng lakas upang mabuhat ko sila ng may pagmamahal..." Sa ganitong paraan, kapag nagtanong si Jesus sa atin ng "Sino ako para sa iyo?" ay masasagot natin Siya ng "Panginoon, ikaw ang Kristo! Ikaw ang BIDA NG BUHAY KO!"

Sabado, Setyembre 8, 2012

EFFATA! MABUKSAN KA! :Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year B - September 9, 2012


Saan ba nakasalalay ang pananampalataya mo? Napakarami nating paniniwala na kung titingnan ay wala sa lugar o kung di naman ay wala sa tamang hulog. Halimbawa, isang basketball player na mag-aantanda ng krus bago i-shoot ang bola sa freethrow line at pag di pumasok magmumura, isang manang na halos pahiran na ang kanyang buong katawan ng isang panyong ipinahid sa estatwa ng Mahal na Birhen at di man lang napansin na nalipat na sa kanya ang alikabok ng estatwa, isang nanay na ipinamamanhik sa paring buhusan ng tubig ang kanyang sanggol sapagkat ibabiyahe daw papuntang probinsiya ngunit ayaw namang pabinyagan ang bata sapagkat wala pa raw panghanda! Pakinggan ang kuwentong ito: "Isang batang retarded na pipi at bingi ang umakyat sa isang mataas na puno ng niyog. Nakita siya ng maraming tao at pilit siyang pinabababa sa pangambang siya ay mahulog. Ngunit ayaw bumaba ng bata. Tumawag sila ng tulong sa mga baranggay tanod pero bale wala lang bata. Tinawag na nila ang kapitan ng baranggay ngunit nagmistulang tanga lamang ang kapitan... ayaw bumaba ng bata. Nagkataong napadaan ang parish priest ng lugar. "Father, kayo na nga ang magpababa. Baka sa inyo sumunod." Napilitang sumunod ang pari. Lumapit sa puno. Tumingala sa itaas at iwinasiwas ang kamay na tila nagbabasbas sabay bulong ng ilang salita. Agad-agad ay bumaba ang bata. Laking gulat ng mga tao at manghang-mangha sa pari. "Ang banal talaga ni Father! Binasbasan lang ang bata napasunod na!" Tugon ng pari: "Anung binasbasan? Sinenyasan ko lang ang bata ng ganito, ikaw baba o putol puno... baba o putol puno!" hehehe. Kung minsan ay masyado taong natatali sa panlabas na ritwal ng ating pananampalataya. Para tayong mga Hudyo na manghang-mangha sa kapangyarihan ni Jesus na nagpanauli ng pandinig ng isang bingi ngunti di naman nakilala kung sino Siya. Nakita nila ang ritwal na paglura ni Jesus at paghipo sa dila ng bingi ngunit hindi naman naintindihan ang ipinahihiwatig nito. Kaya nga ang sigaw ni Jesus ay "Effata!" Ibig sabihin ay "Mabuksan!" Hindi lamang ito para sa taong bingi ngunit ito rin ay para sa mga Hudyong nakapaligid sa Kanya. Nais ni Jesus na buksan ang kanilang mga pag-iisip at makitang Siya ang katuparan ng sinasabi ng mga propeta sa Lumang Tipan katulad ng panandang ibinigay ni Propeta Isaias sa pagdating ng Mesias, "Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi; katulad ng usa, ang pilay lulundag, aawit sa galak ang mga pipi." Nakilala ba Siya ng mga tao bilang Mesiyas? Hindi! Ipinagkalat lamang nila ang nangyari ngunit hindi ang kanyang pagdating sa kanilang piling bilang Panginoon. Mag-ingat din tayo sa ating pagiging Kristiyano. Baka katulad rin tayo ng mga Hudyong ang pagkilala kay Jesus ay panlabas lamang at nananatili pa ring mga pipi at bingi sa pagtanggap sa Kanya bilang ating Tagapagligtas. Mas masaklap ang lagay ng taong nakakarinig ngunit bingi naman sa panawagan ni Jesus na manindigan sa katotohanan at mamuhay na banal. Kasing saklap din ang lagay ng mga taong nakapagsasalita ngunit iba ang kanilang isinasagawa sa kanilang ipinahahayag! Mamuhay tayong tapat bilang mga Krisitiyano. Buksan natin ang ating puso at isipan sa mga aral ni Jesus na makikita sa Bibliya at ipinapaliwanag naman sa atin sa mga turo ng Simbahan. Isabuhay nating ang tunay na "Effata!"

Sabado, Setyembre 1, 2012

ANG TUNAY NA MAPALAD: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year B - September 2, 2012


Paano ba nausukat ang pagiging relihiyoso ng isang tao? Sapagkat nagsisimba ba ay maituturing ng relihiyoso? Nakagawian na ni "Pepeng Mandurukot" ang dumaan sa Simbahan ng Quiapo at magdasal sa kanyang paboritong patrong Poong Nazareno pagkatapos ng maghapong pagtratrabaho. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng matalas na mata! Nakadukot ako ng cellphone sa katabi ko kanina sa bus na walang kahirap-hirap!" Bigla siyang may narinig na mahiwagang tinig: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulat siya sa sagot na kanyang tinanggap. Hindi niya ito gaanong binigyang pansin. Kinabukasan pagkatapos ng kanyang "trabaho" ay muli siyang dumaan sa simbahan. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng mabilis na kamay at paa. Hindi ako inabutan ng pulis na humahabol sa akin!" Muling lumabas ang mahiwagang tinig na ang wika: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulumihanan si Pepe at sa puntong ito ay di na napigilang magtanong. "Panginoon, ikaw ba yan? Anung ibig sabihin mong mapalad ako?" At sumagot ang tinig: "Mapalad ka Pepe at mabigat itong krus na pasan-pasan ko. Kung hindi ay ibinalibag ko na ito sa iyo!" hehehe... Marahil ay kuwento lamang ito ngunit may inihahatid sa ating mahalagang aral: Ang tunay na relihiyon ay wala sa panlabas na pagpapapakita ngunit nasa panloob na paniniwala at pagsasabuhay nito. Ano ang sabi ni Hesus tungkol sa mga Pariseo? “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat: ‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal." Paano ko ba ipinapakita ang pagiging Kristiyano? Baka naman natatali lang ako sa mga ritwal na panlabas na pagsamba at nakakalimutan ko ang higit na mahalaga? Mahalaga ang pagrorosaryo, pagsama sa prusisyon, pagdedebosyon sa mga santo, pagsisimba tuwing Linggo. Ngunit dapat nating tandaan na hindi lamang ito ang ibig sabihin ng relihiyon. May mas mahalagang hinihingi si Hesus sa atin. Ang sabi nga ng isang sikat na mangangaral na obispo: "Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse... ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad matatawag na Kristiyano." Hindi sapagkat nagsimba ka ay Kristiyano ka na! Hindi garantiya ang litanya ng mga debosyon, ang paulit na ulit na pagsambit ng panalangin, ang araw-araw na pagtitirik ng mga kandila kung ang lumalabas naman sa ating bibig ay paglapastangan sa kapwa, masasamang salita, paninira, paghuhusga sa kamalian ng iba. Sikapin nating magpakatotoo sa ating pagiging Kristiyano! Unawain natin at sundin ng matapat ang mga utos ng Diyos. Pakikinig na may pagkilos ang tunay na pagpapakita na tayo ay sumusunod sa Kanya. Ang sabi nga ni apostol Santiago: "Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili." Ang tunay na "mapalad" ay ang mga nakikinig sa Panginoon at nagsasabuhay ng Kanyang Salita. Ang sarap marinig sa Panginoon ang mga katagang: "Mapalad ka (pangalan mo)... MAPALAD KA!"

Biyernes, Agosto 24, 2012

SUNDIN ANG LOOB MO: Reflection for 21st Sunday in Ordinary time Year B - August 26, 2012


May isang pari na nangangaral tungkol sa sampung utos ng Diyos. "Huwag kang papatay!" ma-emosyong sigaw ng pari. Bigla na lamang may sumagot ng "AMEN, Father! AMEN!" Ginanahan ang pari at nagpatuloy, "Wag kang magnanakaw!"AMEN! Father! Masama talaga ang magnakaw!", sigaw muli ng parehong lalaki. Mas lalo pang ginanahan ang pari at isinigaw: "Wag kang makikiapid at 'wag mong pagnasahan ang di mo asawa!" Sa puntong ito ay biglang sinabi ng lalaki, "Aba! Father... dahan-dahan ka sa pagsasalita mo! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ng may buhay! Pabayaan mo na lang kami!" Bakit nga ba ganoon? Bakit parang pinipili natin ang gusto nating maintindihan? Bakit namimili ang ating tenga sa mga gusto lamang nating mapakinggan? Bakit maraming Katoliko ang lumalaban sa aral ng Simbahan tungkol sa abortion, contraception, live-in, same-sex marriages, at marami pang usapin tungkol sa moralidad? Bakit may mga Katolikong sumasalungat sa turo ng Simbahan kapag ang pinag-usapan na ay RH Bill? Kasi nga ay hindi ito sang-ayon sa kanilang gusto. Para sa kanila ay panghihimasok ito sa kanilang personal na buhay! Totoong mahirap maintindihan ang pag-iisip ng Diyos at mas mahirap isabuhay ito. Nang sabihin ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Buhay at ang kumakain ng Kanyang laman at uminom ng Kanyang dugo ang magkakamit ng buhay na walang hanggan ay marami sa kanyang mga tagasunod ang tumiwalag sa Kanya. Marami ang hindi na sumunod at nagsabing "Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?" Ngunit hindi nagpatinag si Jesus o binawi man ang Kanyang mga binitiwang salita. At ang tanging tanong Niya sa mga alagad ay "Dahil ba rito’y tatalikuran na ninyo ako?" Sa mga pagkakataong nalalagay tayo sa pag-aalinlangan at kinakalaban ng ating pag-iisip ang "pag-iisip ng Diyos", sana ay masabi rin natin ang mga salitang binitiwan ni Pedro: “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan!" Ang buhay na walang hanggan ang katumbas ng tunay na kaligayahan at kapayapaan ng pag-iisip tuwing sinusunod natin ang kalooban ng Diyos. Maisabatas man ang panukalang RH Bill ay hindi pa rin ito naayon sa kalooban at utos ng Diyos, at dahil diyan ay hindi pa rin mararanasan ng tao ang kaligayahan at kapayapaan ng kanyang pag-iisip. Tanging si Jesus lamang ang "Daan. Katotohanan, at Buhay!" Hindi masama ang magduda. Hindi kasalanan ang mag-alinlangan sapagkat ito ang paraan upang marating natin ang katotohanan. Ang kinakailangan natin ay "bukas na pag-iisip" at mas malawak na pananaw na pinaghaharian ng kalooban ng Diyos. Sa mga sandaling pinangungunahan tayo ng pag-aalinlangan at hindi matanggap ng ating kalooban ang aral at turo ng Diyos na matapat namang ipinapahayag ng Simbahan ay ipahayag natin ang ating pananampalataya sa Diyos at sabihin nating: "Sundin ang loob Mo, dito sa lupa kapara ng sa langit!"

Biyernes, Agosto 17, 2012

EAT AND LIVE! : Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year B - August 19, 2012


Sabi ng isang kantang ginawa namin sa isang Musicale: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die just the same, so why not EAT and DIE!" Puwede rin itong gawing motto ng mga taong ang tanging kahulugan ng buhay ay "kumain." Ang kumain ang isa sa mga mahahalagang gawain natin bilang tao. Lalo na tayong mga Pilipino, ang pagkain ay bahagi na ng ating kultura. Halos lahat ng pagdiriwang natin ay may kainan: binyag, kasal, blessing ng bahay, fiesta at di mabilang na mga okasyon malaki man o maliit. Kahit nga ang huling lamay ng patay ay hindi rin pinapatawad, dapat may bonggang kainan! Kung ito ay mahalaga para sa atin nararapat lamang na ito ay ating bigyan ng kaukulang pansin. Alam mo bang kakaibang nangyayari kapag ikaw ay kumakain? Ang pagkain ay isang "psychomotor activity" kaya't marahil ay hindi natin lubos na pinag-iisipan kapag ating ginagawa. Subo lang tayo ng subo. Lunok lang ng lunok. Kain lang ng kain. Kaya tuloy, palaki tayo ng palaki, palapad ng palapad, pataba ng pataba. Pataas ng pataas ang ating bilbil hanggang umabot na sa ating kili-kili. May parang "magic" na nangyayari sa tuwing tayo'y kumakain. Nagiging kabahagi natin ang ating kinakain. Pinapasok natin sa ating katawan ang isang bagay na patay at binibigyan natin ito ng buhay! Kaya nga kung nais mong maging malusog ang iyong pangangatawan ay dapat na masusustanyang pagkain ang kainin mo sapagkat nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain! Alam marahil ni Hesus ang prinsipyong ito kaya't ginamit niya ang simpleng halimbawa ng pagkain upang iparating ang kahalagahan ng pakikiisa sa kanya. “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Sa unang pagkarining ay parang kahibangan ang sinasabi ni Hesus. Sa katunayan, marami ang hindi nakaintindi sa kanya. Maging sa panig ng kanyang mga tagasunod ay may umalis at tumiwalag dahil sa bigat ng kanyang mga pananalita. Para nga namang kanibalismo ang nais niyang ituro sa kanila: "Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya." Ngunit alam nating hindi ito ang kanyang pakahulugan. Mapalad tayo sapagkat ngayon ay alam nating ang Sakramentto ng Eukaristiya ang kanyang tinutukoy. Tunay na katawan at dugo ni Hesus ang tinatanggap natin sa Eukaristiya at hindi lang simbolismo. Kaya nga't kung naniniwala tayo sa prinsipyong "nagiging kabahagi natin ang ating kinakain" ay dapat maunawaan natin ang ibig sabihin ng pananahan ni Hesus sa atin bilang Kristiyano. Sa tuwing tinatanggap ko si Hesus sa Banal na Komunyon, naniniwala ba akong nagiging kabahagi ko Siya? Ako ba'y nagiging mas mapagkumbaba, mas mapagpatawad, mas maalalahanin, mas matulungin sa aking kapwa? Marahil ay "marami pa tayong kakaining bigas" sa pagiging tunay na Kristiyano. Ngunit ang lahat ay nagsisimula sa unang subo. Maniwala tayo na ang ating tinatanggap sa Banal na Komunyon ay ang TUNAY NA KATAWAN ni KRISTO! Tanggapin natin siya at magkakamit tayo ng "buhay na walang hanggan!" Hindi ibig sabihing mabubuhay tayo magpakailanman. Ang buhay na walang hanggan ay ang "Buhay-Diyos" na ating tinatanggap kapag nanatili tayo kay Jesus. Isang buhay na masaya, mapayapa, walang inaalala sa kabila ng maraming kaguluhan at alalahanin sa buhay. Kaya nga sa pagtanggap natin sa katawan ni Jesus sa Banal na Misa, hindi tayo "eat and die!" Sa halip "we EAT AND LIVE!"

Martes, Agosto 14, 2012

ANG MAGAANG... TUMATAAS! (Revised) : Reflection for the Solemnity of the Assumption - August 15, 2012


"Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... magaang tulad ng isang lobo." Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII , "si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan."Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad ng kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang 15 taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Ang pag-aakyat kay Maria sa kalangitan ay dapat maging paalala sa atin na ang buhay natin sa lupa ay may kahahantungan. Ang langit ang ating patutunguhan at ang Diyos ang ating hantungan. Maging tapat lamang tayo katulad ni Maria sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. At ano ang Kanyang kalooban, na tayong lahat ay maging mga tapat Niyang mga anak. Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"

Sabado, Agosto 11, 2012

PAGKAGUTOM: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year B - August 12, 2012


Saksi tayo sa mga nangyari nitong nakaraang mga araw. Kung paanong tila naulit na naman ang bangungot ni Ondoy. Wala namang bagyo ngunit ang hanging habagat ay nagdala ng ilang araw na pag-ulan at kasama nito ay ang nakapipinsalang baha! Sinasabing sa isang banda ay mas nahigitan nito ang bagsik ni Ondoy sapagkat mas matagal ang perwisyong idinulot nito sa mas maraming tao! Ang resulta mas maraming kumakalam na sikmura, mas maraming taong gutom at walang makain. "Pagkain" ang sigaw ng ating mga kababayan sa maraming relocation center. Ang iba ay mas pinili pang manlimos sa kalsada para lamang may pantawid gutom sa kanilang pamilya. Kung babasahin mo ang mga mukha ng marami nating kababayang lagi na lamang nasasalanta ng ganitong trahedya ay parang sinasabi nilang: "Tama na! Sobra na! Pagod na kami!" Ngunit ito'y isang uri lamang ng pagkagutom. May pagkagutom na hindi inaangal ng sikmura. May pagkagutom na hindi pisikal. May kuwento ng isang batang lumapit sa kanyang tatay na abalang-abala sa trabaho. "Tatay laro tayo!" Sabi ng bata sa kanyang tatay na abala sa trabaho. "Hindi muna ngayon anak marami akong ginagawa." "Anung ginagawa mo?" "Nagtratrabaho." "E bakit ka nagtratrabaho?" Pakulit na tanong ng anak. "Para yumaman tayo." "E bakit gusto mong yumaman tayo?" Tanong uli ng anak. "Para marami tayong pera." Sagot ng tatay na medyo nakukulitan na. "E bakit gusto nyong magkapera?" Nagtaas na ng boses ang tatay: "Para may makain tayo!" Tanong uli ang anak: "E bakit tayo dapat kumain?" Sumigaw na ang tatay: "Para di tayo magutom!" Tumahimik sandali ang bata at pagkatapos ay sinabi: "Tatay... hindi po ako nagugutom! Laro tayo!" Bagamat hindi gutom ang bata sa pagkain, may pagkagutom pa rin siyang nadarama! Ang pagkagutom ay hindi lang pisikal. May pagkagutom ding espirituwal tulad ng pagkagutom sa katotohanan at justisya, pagkagutom sa kapayapaan, pagkagutom sa pagmamahal... Ngunit ang higit sa lahat ng pagkagutom ay ang "pagkagutom sa Diyos." Batid ni Hesus ang pagkagutom na ito kaya't inialok niya ang kanyang sarili upang maging pagkaing nagbibigay buhay! "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Anung ibig pakahulugan ni Jesus na ang tatatanggap ng pagkaing ito ay "mabubuhay magpakailanman?" Hiindi ito nangangahulugang "walang pagkamatay!" Ang mabuhay magpakailanman ay nangangahulagan ng pakikibahagi sa "buhay ng Diyos!" Isang buhay na sa kabila ng kalungkutan ay may kasiyahan, sa kabila ng pagkabigo ay may pag-asa, sa kabila ng pagkadapa ay may pagbangon! Marahil ito ang kinakailangan ng ating maraming kababayan ngayon. Ito ang kailangan nating mga Pilipinong lagi na lamang ginugupo ng kahirapan at trahedya. Kailangan natin ang "buhay-Diyos!" Sa ating paglalakbay sa buhay na kung saan ay mas marami ang hirap sa ginhawa, ay tanging ang Diyos lamang ang maari nating sandalan at maging sandigan. Si Jesus ang Tinapay ng Buhay na nagbibigay sa atin ng pag-asa! Tanggapin natin ang kanyang paanyaya. Makibahagi tayo sa alok niyang buhay ng sa gayon tayo naman ang magbibigay din nito sa iba. Ang Eukaristiya rin ay komunyon o pakikiisa. Ito ay pakikiisa sa ating kapwa na dumaranas ng paghihirap. Damayan natin ang kanilang pangangailan. Ibahagi natin kung ano ang meron tayo at huwag tayong magdalawang isip sa pagtulong sa kanila. Walang taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong ng iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba. Ito ang ibig sabihin na maging buhay kang "Eukaristiya" ka sa kapwa mo. Subukan mong magbigay at mararanasan mo ang tunay na kahulugan ng kaligayahan!

Sabado, Agosto 4, 2012

MGA BUTIHING PASTOL: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time B - Linggo ng Mga Kura Paroko - August 5, 2012


Mayroong kuwento na minsan daw sa labas ng pintuan ng langit ay naghihintay na tawagin ang isang pari kasama ang kanyang mga parokyano. Asang-asa ang pari na siya ang unang tatawagin sapagkat siya "daw" ang pinakabanal sa lahat. Unang tinawag ang babaeng nagtitinda ng sampaguita sa labas ng gate ng Simbahan. Tahimik lang ang pari. "Di bale, siguro naman, ako na ang susunod!" Laking pagkagulat niya nang ang sunod na tinawag ay ang matandang manang na laging nagtitirik ng kandila sa estatwa ng Mahal na Birhen. "Aba, di na ata makatarungan ito. Nalagpasan na naman ako!" At lalong nag-init ang pari nang biglang tinawag ang kanyang sakristan! Bigla siyang sumingit sa pila at sinabi: "San Pedro, hindi ata tama ang ginagawa ninyo! Bakit ako nauunahan ng mga parokyano ko? Ano ba ang ginawa nila at dapat silang mauna sa akin?" "Simple lang", sagot ni San Pedro... "Pinagdasal ka nila!" hehe... Ngayon ang araw ng mga Kura Paroko. Kahapon ang kapistahan ni San Juan Maria Vianney at ngayon ay inaalala at pinagdarasal natin ang mga paring nangangalaga sa ating parokya. Ipinagdarasal natin na sana sila ay matulad sa ating Mabuting Pastol na si Jesus. Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang mga taong labis ang paghahangad na muling makita si Jesus pagkatapos ng mahimala niyang pagpaparami ng tinapay. Bagamat "materyal na kadahilan," ang nagbunsod sa kanila upang hanapin si Jesus ay naroon pa rin ang katotohanan na para silang mga tupang walang pastol na nangangailangan ng pagkalinga. Kaya nga nais ni Jesus na palalimin nila ang kanilang pag-intindi sa kanya. "Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan." May mga sandali din ba sa aking buhay na hinahanap ko rin ang Panginoon? O baka naman sa sobrang kaabalahan ko sa makamundong bagay ay di ko na pansin ang pangangailangan sa Diyos? Ang mga Kura-Paroko ay nabigyan ng mahalagang responsibilad na gabayan at ihatid ang kanyang kawan sa "pastulang mainam." Hindi mangyayari ito kung walang pakikiisa ng bawat tupang kanyang ginagabayan. Tungkulin nilang ihatid tayo kay Kristo bilang mga nakababatang pastol. Ngunit tungkulin di nating ipagdasal sila upang sila ay mahubog ayon sa puso ng ating butihing Pastol na si Jesus. Ipagdasal natin sila sa paggabay sa kanilang kawan tungo sa isang moral na pamumuhay! Marami ang mga bumabatikos sa kanila lalo na sa kasalukuyang isyu ng RH Bill dahil sa kanilang paninindigan sa turo ng Simbahan na tapat nilang ipinapahayag sa kanilang nasasakupan. Hindi sila mabubuting pastol kung hindi nila ito gagawin. Ipagdasal din natin ang isa't isa na maging bukas sana ang ating isipan kapag itinuturo sa ating ang mga utos ng Simbahan. Iba man ang ating pananaw, hindi man tayo sa sang-ayon dahil sa iba ang takbo ng ating pag-iisip, at taliwas man ang ating paniniwala sa usaping ito, ay manaig pa rin sana ang ating pagsunod sa kalooban ng Diyos na ipinapahayag sa atin ng mga turo ng Simbahan. Walang ibang layunin ang Simbahan kundi upang ihatid tayo sa "pastulang mainam." Nawa ay maging mabubuti tayong kawan sa pamumuno ng ating mga butihing pastol at ng ating Mabuting Pastol... ang ating Panginoong Jesus!