Sabado, Marso 26, 2022

ANG BUTIHING AMA: Reflection for 4th Sunday of Lent Year C - March 27, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES - LENTEN SEASON

Ang ika-apat na Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag na Laetare Sunday.  Ang "laetare" ay salitang Latin na ang ibig sabihin ay MAGSAYA.  Nararapat lang na tayo ay magsaya sapagkat ang Diyos ay nagpakita sa atin ng kanyang malaking pagmamahal sa pamamagitan ng pagsusugo ng kanyang bugtong na Anak para tayo ay mailigtas sa pagkakaalipin ng kasalanan.  Sa gitna ng malamlam na panahon ng Kuwaresma, inaanyayahan tayo ng Simbahan na magalak sapagkat ang pagliligtas ng Anak ng Diyos ay malapit na!  Kaya nga't kulay ROSAS ang kulay ng Kuwaresma sa Linggong ito.

Sa bawat kuwento o telenobela ay parating may tinatanghal na bida at kontrabida.  Ang mga bida ay karaniwang ang mga taong may mabuting kalooban at ang mga kontrabida naman ay ang may masamang pag-uugali.  Hindi ito naiiba sa ating kuwento ngayon sa Ebanghelyo, ang talinhaga ng ALIBUGHANG ANAK.  Siya ba ang bida sa kuwentong ito o isa siyang kontrabida?  Kung hindi siya ang bida ay sino? Pakinggan ninyo ang isa pang kuwentong ito:  

Naassign sa "Bario Sirang-Tulay" si Padre Kuliling. Yun ang tawag sa kanya ng mga tao sapagkat sa tuwing siya ay nagpapa- kumpisal ay gumagamit siya ng ng maliit na "bell" at pagkatapos mong sabihin ang kasalanan mo ay makakarinig ka ng "kuliling... kuliling..." ng maliit na bell depende sa bilang ng iyong kasalanan. Nagkataong nangumpisal ang kinikilalang pinakamakasalanan sa bayan. Parang may shooting ng mga artista na dinagsa ng mga tao ang simbahan upang marinig kung ilang kuliling ng bell ang gagawin ng pari. Dalawampung minuto na ang nakalipas... walang kuliling. Tatlumpu... apatnapu... wala pa rin. "Hinimatay na ata si Fr. Kuliling sa dami ng kasalanang kanyang narinig" sabi ng mga tao. Pagkatapos ng isang oras ay patakbong lumabas si Fr. Kuliling. Nagtungo sa kampanaryo ng Simbahan at hinila ang tali... "boom! boom! boom!...." Ganyan kalaki ang pagpapatawad ng Diyos. Hindi lang "kuliling ng maliit na kampana" ngunit "boom ng kampanaryo" ang nakalaan sa isang makasalanang tunay na nagsisisi. 

Sa aking palagay, ang talinhaga ay mas angkop na pamagatang "The parable of the Good Father" sa halip na "Prodigal Son" sapagkat ang bida ay ang tatay hindi ang anak. Hindi naayon sa tamang pag-iisip ang kanyang ginawa sa kabila ng maraming pagkakamali ng kanyang anak. Hindi siya nirespeto, pinagsamantalahan ang kanyang kabaitan, nilustay ang kanyang kayamanan ngunit sa huli ay nakuha niya pa ring magpatawad. Ganyan kabuti ang ating Diyos... Kahit halos abusuhin na natin Siya sa dami at paulit-ulit nating kasalanan ay nakahanda pa rin Siyang magpatawad at tanggapin muli tayo bilang kanyang mga anak!  

Hindi natapos ang kanyang pagiging mabuti sa kanyan bunsong anak.  Mas ipinakita niya ito sa kanyang panganay na isang ring "alibugha".  Totoong siya ay nagsilbi sa kanyang ama ngunit pagsisilbi na walang tunay na pagmamahal.  Ipinakita pa rin nya ang kanyang pagiging makasarili sapagkat hindi niya matanggap ang kapatid niyang nagsisisi at ang kabutihan ng kanyang ama.  Siya rin ay nangangailangan ng pang-unawa at pagpapatawad at hindi iyon ipinagkait ng kanyang ama.  

"Open-ended" ang kuwento.  Walang ending.  Hindi natin alam kung pumasok ba ang panganay sa bahay.  Hindi pa tapos ang kuwento sapagkat mayroon pang ikatlong alibughang anak at iyon ay walang iba kundi... TAYO!  Ikaw ang gagawa ng katapusan sa talinhangang ito. Tatanggapin mo ba ang kabutihang patuloy na ipinapakita sa iyo ng Diyos?  

 "Laetare Sunday" ang tawag sa araw na ito.  "Laetare" na ang ibig sabihin ay ay magsaya! Bagamat ang kulay ng Kuwaresma ay "violet" na sumasagisag sa pagsisisi ay inaanyayahan tayong magbalik-loob na may kagalakan sa ating puso sapagkat may Diyos tayong mahabagin at magpagpatawad.  Pasalamatan natin ang kabutihan ng ating Diyos ngunit isapuso rin natin ang tungkuling mahalin Siya ng lubos kahit na tayo ay kanyang mga alibughang anak.  1

Sabado, Marso 19, 2022

OUR PATIENT GOD: Reflection for 3rd Sunday of Lent - March 20, 2022 - Lenten Season

Ang Panahon ng Kuwaresma ay pagkakataong ibinibigay sa atin ng Simbahan upang manalangin, magnilay, at magsisisi sa ating mga kasalanan.  Kaya nga ang kulay ng Kuwaresma ay "violet" na sumasagisag sa "repentance" o pagsisisi sapagkat tayong lahat ay mga makasalanang nangagailangan ng pagbabalik-loob sa Diyos.  Ako, ikaw, tayong lahat ay may tulay na kinalalaglagan sa ating buhay.
May isang batang nagtanong sa akin sa kumpisal: "Father, mapapatawad po ba talaga ako ng Diyos?" Ang kanyang tanong ay tanong din ng marami sa atin:  "May hangganan ba ang awa ng Diyos?"  Sa paulit-ulit nating pagkukumpisal at patuloy din nating paggawa ng kasalanan ay hindi natin maiiwasang itanong ito.  Pakinggan ninyo ang kuwentong ito:  

"May isang liblib na barrio na ang pangalan ay "Barrio Sirang Tulay  sapagkat bago mo marating ang lugar na ito ay dadaan ka sa isang tulay na sira at tila pabagsak na.  Ang 'Barrio Sirang Tulay' ay kilala sa mga taong ang kasalanan ay "adultery".  Ang matandang paring naassign doon ay gumawa ng kasunduan sa mga tao na kapag ikukumpisal nila ang ganitong kasalanan ay sabihin na lamang na sila ay nalaglag sa tulay at alam na n'ya yon. Ginawa niya ito sapagkat sawang-sawa na siya sa pakikinig sa kanilang kasalanan.  Sa kasamaang palad ay napalitan ang pari at agad sumabak sa pagpapakumpisal ang pumalit. Tulad ng inaasahan ang kanyang narinig ay: "Padre, patawarin mo po ako at ako ay nalaglag sa tulay!"  Hindi makapaniwala ang pari na marami ang nalalaglag sa tulay. Hanggang sa asawa ng baranggay captain ang nagkumpisal at nagsabing siya rin daw ay nalaglag sa tulay.  Agad-agad siyang sumugod sa baranggay hall na kung saan ay nagmemeeting ang konseho. "Kapitan, wala ka bang magagawa sa tulay natin? And daming nalalaglag! Nagtawanan ang lahat pati ang kapitan. Galit na sinabi ng pari: "Hoy kapitan, wag kang tumawa... ang asawa mo... nalaglag rin sa tulay!" hehehe... 

Marami tayong tulay na kinalalaglagan: mga kasalanang paulit-ulit, masamang pag-uugali, mga bisyo tulad ng sugal, pag-inom, paninigarilyo, pambabae, sa mga kabataan pagbababad sa computer games at marami pang iba. Ang "Good News" maari pa tayong umahon sa ating pagkakalaglag. Sa Diyos lagi tayong may second chance upang bumawi at patunayang sa kabila ng ating kahinaan ay kaya nating bumangong muli at ituwid ang ating pagkakamali.  Hindi siya nagsasawa at bumibigay sa ating kahinaan. 

Para tayong puno ng igos sa Ebanghelyo, walang bunga... ngunit ang Panginoon ay nagtitiyaga sa atin.  Inaalagaan niya tayo upang makapamunga. Siya ang namamanhikan sa Ama upang bigyan ng pagkakataong makaahon ang kanyang mga anak at "mamunga ng sagana! "Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti, ngunit kung hindi, putulin na natin. " Ngunit mag-ingat din tayo na huwag nating aabusuhin ang kabutihan ng Diyos sapagkat ang lahat din ay may hangganan. Kung taos ang ating pagsisisi ay gagawin natin ang lahat ng paraan upang maituwid ang ating baluktot na pamumuhay at tahakin ang landas ng pagbabago. 

Sa ating pagbabago tandaan natin na may Diyos na tapat sa atin.  At sapagkat may Diyos na mapagpasensiya at matiyaga sa atin ay dapat din tayong maging mapagpasiyensiya at matiyaga sa ating mga sarili.   Yung batang nagtanong sa akin kung mapapatawad ba tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan ay marahil nagdududa sa kabutihan ng Diyos.  "Father, paulit-ulit lang naman ang kinukumpisal ko! Pagkatapos kung magkumpisal, mamaya magkakasala na naman ako! Para saan pa ang pagkukumpisal?"  ang tanong niya sa akin.  Ito ang sagot ko sa kanya: "Nagsipilyo ka ba kanina pagkagising sa umaga?"  "Siyempre naman Fads!  Mabaho ang hininga ko pagkagising eh!" sagot niya sa akin. Sinabi ko sa kanya: "Bukas, pagkagising mo, huwag ka ng magsisipilyo! Kasi babaho din naman ang hininga mo! At ganun din sa susunod na araw!"  Pareho rin sa pagkukumpisal.  Hindi kailanman mawawala ang "baho ng hininga" natin,  Babalik at babalik yan.  Ang kasalanang ating nagawa ay maaring bumalik muli.  Kung minsan nga paulit-ulit.  Kaya nga't mas kinakailangan natin ang pagkukumpisal sapagkat sa paglapit dito ay pinahahayag natin ang pag-amin sa ating kahinaan at ang pangangailangan natin sa kalakasan ng Diyos!  Ang paglapit sa Sakramento ng Kumpisal ay ang pagtugon natin sa mga "warning signs" dahil kung hindi ay maari itong ikapahamak ng ating kaluluwa.  

Kung minsan ay kulang tayo sa pagtitiyaga kung kaya't hindi natin magawang magbago. Ang paulit-ulit nating paggawa ng kasalanan ay parang nagiging kalyo na sa ating pagkatao at nawawalan na tayo ng pag-asang umahon pa sa ating pagkakasadlak sa masamang pamumuhay.  Magtiwala tayo sa kabutihan ng ating Diyos.  Our God is a patient God.  Ang ating Diyos na puspos ng awa ay nagtitiyaga sa ating masasamanag pag-uugali at hindi Siya magsasawang hintayin ang ating pagbabalik-loob. Kaya wag tayong masiraan ng loob. 'wag tayong mawalang ng pag-asa.  Ang sabi nga ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Jeremias: "Come back, says the Lord, ang I will frown on you no more, since I am merciful and I shall not keep my resentment for ever.  Come back, disloyal children, says the Lord."  (Jer 3:12,14)  

Kaya nating magbago.  Kaya nating maging tapat sa Diyos!  "Be patient because God is patient with you!"

Sabado, Marso 12, 2022

MAG-ANYONG KRISTO: Reflection for 2nd Sunday of Lent Year C - March 13, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES - LENTEN SEASON

Ang panahon ng Kuwaresma ay pagkakataon para sa ating magbalik-loob, magbagong buhay... magbagong-anyo.  Hinihikaya't tayong sa isang pagbabago na hindi lamang sa ating panlabas na kaanyuan, ngunit higit sa lahat, isang pagbabago na kung saan ay nawawala ang ating pagiging makasarili at nagiging katulad tayo ni Kristo.  Sa panahon ngayon ay napadali ang magbagong anyo.  Sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya ay napakadali mong baguhin ang iyong itsura.  Kung may budget ka ay naririyan ang plastic surgery ka kung saan ay puwedeng patangusin ang pango mong ilong, pakinisin ang bako-bako mong pisngi,  lagyan ng hugis ang iyong at gawing kahali-halina ang iyong katawan.  Kung wala ka namang budget ay makuntento ka na lang sa "image filtering" ng facebook o ng instagram!  

May kuwento na minsan ay may isang matandang dalaga, tipikal na "manang ng simbahan" na napasaisip tungkol sa kanyang kasalukuyang katayuan.  Matanda na siya.  Halos buong buhay n'ya ay ibinuhos niya sa paglilingkod sa simbahan. Sa katunayan, ay nagmimistulang antigo imahen na ang kanyang anyo at nangangamoy kandila na ang halimuyak ng kanyang katawan. Pag-uwi sa bahay ay humarap siya salamin at sa kauna-unahang pagkakataon naglakas loob siyang lumabas, pumunta sa isang derma clinic upang magpabanat ng mukha, magpaayos ng buhok sa isang parlor at mamili ng mga modernong damit at kasuotan. Sa madaling salita, isang total make-over ang kanyang ginawa kaya't sa muli niyang paglabas ng bahay ay isang bagong nilalang na ang naglalakad sa lansangan. Hindi mo na sya makikilala.  Nagbagong-anyo ang manang ng simbahan!  Yun lang nga sa pagtawid niya sa kalsada ay hindi niya napansin ang rumaragasang sasakyan. Siya ay nabangga at namatay.  Sa kabilang buhay ay galit na galit siyang humarap kay San Pedro.  "Hindi ito makatarungan San Pedro.  Nagsisimula pa lang akong mag-enjoy at kinuha mo na agad ako sa mundo!"  Napatingin si San Pedro sa kanya at agad-agad tinanong ang kanyang pangalan. Hinanap niya ito sa listahan ng mga dapat nang magsulit ng kanilang buhay sa araw na iyon.  At laking pagpapaumain na sinabi ni San Pedro kay manang na: "Pasensiya na po lola, abay hindi namin kayo namukhaan... sobrang NAGBAGONG ANYO kayo!"  

Ang anumang uri ng pagbabago ay hindi madali sapagkat ito ay nangangailangang dumaan sa isang proseso.  Change is a process and it takes time... Ibig sabihin ay hindsi ito minamadali.  Kung ito ay totoo sa ating panlabas anyo ay mas lalo itong totoo sa ating buhay espirituwal. Kung may pagbabago mang inaasahan sa atin ang Panginoon sa panahong ito ng Kuwaresma ay ang pagbabagong totoo na dapat magpatulad sa atin kay Kristo!  Ang pagbabagong ito ay hindi agaran at isang sandali lamang.  Ito ay pinagsusumikapan at pinaghihirapan.  Ang pagbabago ay isang proseso na dapat nating daanan bilang Kristiyano.  Pagbabagong dumadaan sa paghihirap, sakripisyo at pagkamatay sa ating lumang sarili upang makamit natin ang bagong anyong katulad ng kay Kristo.

Natural sa ating mga tao na iwasan ang paghihirap kung maari nga lamang.  Ngunit hindi ito ang dapat na nangyayari sa isang kristiyanong nagnanais ng tagumpay.  Ang paghihirap na pinagdaanan ni Jesus upang makamit ang kaluwalhatian ng muling pagkabuhay ang parehong daan na dapat tahakin ng kanyang mga tagasunod.  Sa isang Kristiyano, walang Linggo ng Muling Pagkabuhay na hindi dadaan sa Biyernes Santo.  Kaya nga sa panahon ng Kuwaresma ay nakikibahagi tayo sa paghihirap ni Jesus nang sa gayon ay makasama rin natin siya sa Kanyang Muling Pagkabuhay!  

"Guro, mabuti pa'y dumito na tayo!" ang sabi ni Pedro pagkatapos niyang makita ang pagbabagong anyo ni Jesus. Marahil ay manghang-mangha si Pedro sa kanayang nasaksihan at ayaw na n'yang magising sa pagkamangha. Ngunit pagkatapos ng pangitain ay bumaba uli sila sa bundok upang ipaunawa sa kanila ni Jesus na dapat nilang harapin ang mapait na katotohan na ang kanilang kinikilalang "Panginoon" ay nararapat maghirap at mamatay sa krus. Kailangan daanan muna ni Jesus ang daan ng Krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay.  "No cross... no glory!"

Ito rin ang daan na nais ni Jesus na ating tahakin lalo na sa pagnanais nating magbago. Huwag nating ayawan ang mga paghihirap na ibinibigay ng Diyos sa atin. "A Christian without a Cross is a contradiction!"  Ang pagbabago ay isang krus na dapat nating pasanin araw-araw kung nais nating makasama si Jesus.  Madali ba ito?  Bakit mahirap ang pagbabago?  Una, sapagkat ito ay isang proseso na sabi natin kanina ay hindi minamadali.  Pangalawa, ito ay nangangahulugan na may dapat tayong ibigay mula sa ating lumang sarili. Tatanggalin mo ang iyong masamang pag-uugali.  Iiwanan mo ang masama mong pamumuhay.  Mahirap ito kung ang titingnan lamang natin ay ang mga dapat nating tanggalin o iwanan.  Bakit hindi natin pagtuunan ng pansin kung ano ang ating makukuha sa halip na kung ano ang mawawala sa atin?  Ang sabi nga: "One reason people resit change is because they focus on what they have to give up, instead of what they have to gain."  Hindi ba't walang katumbas na kaligayahan ang naghihitay sa atin kung mababago natin ang ating masamang pag-uugali?  Isipin natin ang pagnanais nating magbago ay mas higit sa nating pagnanais na manatiling kapareho ng dati nating sarili.  

May kaluwalhatiang naghihintay tulad ng ipinaranas ni Jesus sa mga alagad sa kanyang pagbbagong anyo ngunit hindi nito tinatanggal ang mga kahirapang dapat nating harapin.  Ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay isang magandang paalala sa atin na huwag panghinaan ng loob kapag nahaharap tayo sa malalaking problema at suliranin sa buhay at sa pagnanais nating baguhin ang ating sarili.  Huwag tayong mawalan ng pag-asa kapag sa harap ng maraming pagkabigo.  Huwag tayong masadlak sa kadiliman sapagkat may liwanag na naghihintay sa Muling Pagkabuhay ni Kristo!  Magbagong anyo tayo katulad ni Kristo.  Ang magbagong-anyong tulad niya ay maging katulad niya!

Sabado, Marso 5, 2022

PAGLABAN SA TUKSO: Reflection for 1st Sunday of Lent Year C - March 6, 2022 - LENTEN SEASON - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ang Kuwaresma ay ang apatnapung araw na paghahanda natin para sa pagdiriwang ng Misteryo Paskuwa ni Jesus: ang kanyang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay.  Ngunit hindi lang ito mga araw ng paghahanda.  Ito rin ay mga araw ng pagdidisiplina sa ating sarili sapagkat "malakas ang ating kalaban".  Sa katanuyan ang Kuwaresma ay maaring tawaging "taunang pagsasanay sa pagiging mabuting Kristiyano."  Pansinin na sa Panahon ng Kuwares-ma tayo ay hinihikayat na magdasal, mag-ayuno at magkawangga.  Sinasanay natin ang ating mga sarili sa tatlong gawaing ito upang mailayo natin ang ating sarili sa kasalanan at nang sa gayon ay mapalapit naman tayo sa Diyos.  Hindi ba't ito ang ibig sabihin ng pagiging mabuting Kristiyano?  Pagtatakwil sa kasalanan at pagsampalataya sa Diyos na siyang ipinangako natin sa binyag.  Ano bang malakas na kalaban ang ating pinaghahandaan?  Walang iba kundi ang TUKSO ng demonyo na mahirap tanggihan o labanan kapag ito ay nasa atin ng harapan.

May kuwento na minsan ay may isang pastor na namasyal sa mall.  May nakita siyang magandang babae. Nagdasal siya sa Panginoon na sana ay iadya siya sa tukso. "Anak, ipikit mo ang iyong mga mata" sabi ng isang mahiwagang tinig. Sinunod naman niya ngunit pagkadilat niya ay may dumaan na naman sa kanyang babaeng balingkinitan ang katawan  Muling siyang nagdasal at muli niyang narinig ang mahiwagang tinig na "Anak, ipikit mo uli ang iyong mga mata." Paglipas ng ilang sandali, sa di kalayuan, ay nakita niyang papalapit ang isang seksing babae na naka-micro-mini, seksi, tisay at ubod ng ganda.  Hindi na niya nakuhang magdasal at nagsabi na lamang ng "Lord, puwede ba, pikit mo muna ang iyonng mata?"   

Ang tao talaga, madaling bumigay sa tukso!  Likas sa tukso ang lumapit. Lalapit at lalapit ito sa atin hanggang mahalina niya tayo sa paggawa ng kasalanan.  Kaya nga't mali ang sinasabi ng kantang "O tukso layuan mo ako!" sapagkat kailanman ay hindi lumalayo ang tukso sa atin.  Sa halip tayo ang dapat na lumayo dito!  Tama nga ang kasabihang "Kung ayaw mong SUNDAN ng TUKSO, wag kang UMARTE na parang INTERISADO!"

Si Hesus nga na anak na ng Diyos ay nilapitan din ng tukso.  Ang malaking pagkakaiba lang ni Hesus sa atin ay alam niya kung paano labanan at pagtagumpayan ang tukso. Dalawang paraan ang ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma para mapagtagumpayan ang tukso: ang PANALANGIN at PAG-AAYUNO.  Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita! Apatnapung araw at gabi ang ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno. Ang panunukso ng diablo ay nangyari nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus. Ngunit sa kahinaan ng kanyang katawan ay naroon naman ang kalakasan ng kanyang espiritu na pinatatag ng panalangin at pag-aayuno.  

Tayo rin ay pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga oras na tayo ay mahina.  Ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno o paggawa ng sakripisyo tulad ng ginawa ni Jesus.  Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin natin ang ating buhay panalangin at sanayin natin ang ating sarili sa paggawa ng mga sakripisyo.  Tapatin natin ang ating mga sarili at tanungin: "Ilang oras ba ang ginugugol ko sa pagdarasal sa isang araw?"  Magugulat tayo na kakaunti kung ikukumpara natin sa ibang gawain ang ginugugol natin sa pagdarasal.  At lalo na siguro ang paggawa ng sakrispisyo dahil hindi natural sa ating pagkatao ang hanapin ang kahirapan at yakapin ito.  Mas nais natin ang buhay na masaya, magaang at maaliwalas!   Tingnan natin dalawang gawaing ito:

Una ay ang pagdarasal.  Ito ay ang paglalaan natin ng oras para sa Diyos.  Sa pagdarasal ay binibigyan natin ang Diyos ng puwang sa ating maabalang pamumuhay.  Ano ang prating dahilan natin paghindi tayo nakapagsimba? "Nawalan po ako ng oras sa dami ng aking ginagawa!" Ngunit kung iisipin ay hindi naman dapat tayo nawawalan ng oras para sa pagdarasal sapagkat hindi naman nababawasan ang ating ginagawa magsimba man tayo o hindi.  Ang problema marahil ay ang ating "priorities" o pinahahalagahan sa buhay.  Kung talagang mahalaga sa  'yo ang panalangin ay maglalaan ka ng oras para dito. Ang panalangin ay hindi lamang pakikipag-usap sa Diyos. Ito rin ay pakikinig sa Kanya. Madalas kapay ag nagdarasal tayo ay tayo parati ang nagsasalita. Bakit hindi naman nating subukang ang Diyos ang magsasalita sa atin? Magandang ugaliin na sa maraming kaabalahan natin sa buhay ay binibigyan natin Siya ng puwang para mangusap sa atin.

Pangalawa ay pag-aayuno na isang paraan ng pagsasakripisyo. Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan.  Hindi kinakailangang malaki: simpleng pagbawas sa panonood ng mga bagay na nakapagbibigay sa atin ng kasarapan sa buhay tulad ng pagkain, libangan, hilig o bisyo.  Kapag gumagawa tayo ng pag-aayuno o abstinensiya ay tinatanggihan natin ang kasarapan ng katawan at dahil d'yan ay napapalakas ang ating kaluluwa.  Ngunit hin lang nito napapalakas ang ating kaluluwa, nagiging banal din tayo kapag tayo ay gumagawa ng sakripisyo. Sa katunayan ay ito ang kahulugan ng pinanggalingan ng salitang sacrifice sa latin:  "sacrum facere" na sa ingles ay "to make holy".   Ang paggawa ng sakripisyo ay maghahatid sa atin sa kabanalan!

At anung uring pag-aayuno ang maari kong gawin ngayong Kuwaresma?  May kakaibang panukala ang ating butihing Santo Papa, Pope Francis tungkol dito:  
      "Fast from hurtin words and say kind words.
        Fast from sadness ang be filled with gratitude.
        Fast from anger ang be filled with patience.
        Fast from pessimism amd be filled with hope.
        Fast from worries and trust in God.
        Fast from complaints and contemplate simplicity
        Fast from pressures and be prayerful.
        Fast from bitterness and fill your heart with joy."

  'Wag na nating hintayin pang kumatok ang tukso sa pintuan ng ating puso, patuluyin at pagkapehin! Huwag natin siyang bigyan ng pagkakataon na aliwin tayo. Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at panalangin ay mapagtatagumpayan natin ang anumang pang-aakit ng diyablo!  At dahil diyan ay mas madali nating masasamahan si Jesus sa ating paglalakbay sa panahon ng Kuwaresma.