Sabado, Setyembre 24, 2022

KRISTIYANONG PAKIKIALAM: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year C - September 25, 2022 - 4TH SUNDAY OF SEASON OF CREATION

Madalas tayong makakita ng sign boards sa mga daanan.  Kalimitan, makikita natin sa mga malalaking kalsada ang karatulang: "BAWAL TUMAWID! NAKAMAMATAY!" Ngunit kakaiba itong nakita ko minsang ako ay tumawid sa isang kalsada.  Ganito ang nakasulat:  BAWAL "MAKIALAM, NAKAMAMATAY!" Ayaw natin sa mga pakialamero at pakialamera di ba?  Ayaw nating may nanghihimasok sa ating buhay!  

May kuwento ng isang pari na masyadong passionate sa kanyang pagbibigay ng homiliya.  Minsan ay ipinapaliwanag niya ang sampung utos.  Ang sabi niya: "Mga kapatid, sinasabi sa ika-limang utos, "huwag kang papatay!"  Kaya't masama ang pumatay!"  Biglang sigaw ang isa sa mga nagsisimba? "Amen! Father! Amen!"  Itinuloy ng pari: "Sinasabi ng ika-pitong utos, huwag kang magnanakaw!  Masama ang kumuha ng pag-aari ng iba!"  "Amen! Father! Amen!" sigaw muli ng lalaki.  Ginanahan tuloy ang pari at sinabing: "Huwag kang makikiapid!  Kaya bawal, ang magkaroon ng relasyon sa hindi mo asawa! Bawal ang may-kabit!"  Biglang sigaw ang lalaki: "Aba, padre! Hindi na ata tama yan! Sumusobra ka na! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ko! Wag mo 'kong pakiaalaman!"  

May nabasa akong mga post sa FB para mga mahilig makialam sa buhay ng iba: "Dear PAKIALAMERA, May sarili kang buhay di ba? Bakit pati sa buhay ko nakikisawsaw ka?"   Eto pang isa; "Alam mo, napapabayaan mo na ang sarili mo. Wala ka kasing ibang inintindi kung ang PAKIALAMAN ANG BUHAY NG IBANG TAO!"  May mga tao kasing kina-career na ang pakikialam sa buhay ng iba.  Nauso ang mga Marites, Marissa, Mariposa at iba pa na pareho lang ang tinutumbok: ang pakialaman ang buhay ng iba!  

Kung ganun, masama ba ang pakikialam?  Hindi lahat ng pakikialam ay masama o kaya naman hindi lahat ng hindi nakikialam ay mabuti!  Sa katunayan ay ito ang kasalanan ng mayaman sa talinhagang isinalaysay ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo.  Masama ba ang mayaman dahil sa nilait niya si Lazaro? Walang sinabi sa Ebanghelyo na masamang tao ang mayaman.  Ang kanyang kasalanan ay ang kanyang pagwawalang-bahala kay Lazaro na nasa labas lamang ng kanyang bahay at namamatay sa gutom samantalang siya ay sagana sa damit at pagkain sa hapag kainan.  Walang pakialam ang mayaman sa kalunos-lunos na kalagayan ni Lazaro.  Wala siyang ginawa upang maibsan, kahit kaunti lamang, ang paghihirap ng isang tao.  Kaya nga't hindi lahat ng hindi pakikialam ay mabuti. Ang tawag sa ganitong uri ng pagkakasala ay sin of omission.  May mga kasalanan tayong naako dahil sa ating pagtahimik at hindi pagkilos sa kabila ng ating kakayahang makagawa ng mabuti.  

Tayong mga Kristiyano ay tinawag ni Jesus na makialam sapagkat ang Diyos mismo ang unang nakialam sa atin.  Ipinamalas niya ang kanyang malasakit sa atin sa pamamagitan ng kanyang pagliligtas sa pagbibigay sa atin ng kanyang bugtong na Anak.  Nakialam Siya sa ating abang kalagayan sapagkat mahal Niya tayo at ayaw Niya tayong mapahamak. Ang sabi ni San Juan:  "Gayon na lamang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak..." (Jn 3:16)  Ngunit ang ganitong pakikialam ay posible lamang kung mayroong kasamang PAGKABAGABAG! Nagpakita ng habag ng Diyos sa atin sapagkat nabagabag siya sa ating abang kalagayan.  Ang tawag natin sa ganitong uri ng panghihimasok ay MABUTING PAKIKIALAM!  Tandaan natin na tayo ay magkakapatid sa pananampalataya.  Ang kabutihan ng isa ay kabutihan ng lahat at ang kapahamakan ng isa ay kapahamakan ng lahat.

Ano ang hinihingi nito sa atin?  Una, ito ay nangangahulugan ng pagtatama sa mali! Ang mabuting pakikialam ay may lakas ng loob upang ituwid ang kanyang kapatid na napapariwara. Ang kanyang layunin ay kabutihan at hindi kasiraan ng kanyang kapwa.  Ang tawag din dito ay fraternal correctionAng isang Kristiyano ay dapat nababagabag kapag nakikita niya ang kanyang kapatid na nagkakasala o hindi gumagawa ng tama.  Ngayon marahil ay maiintindihan natin kung bakit ang Simbahan ay kailangang makialam kapag may nakikita siyang mali sa ating lipunan.  Hindi siya maaring manahimik kapag may paglabag sa kalooban ng Diyos at paglapastangan sa Kanyang mga utos.  Hindi siya maaaring manahimik kapag nayuyurakan ang karapatang pantao o ang dignidad ng isang tao lalo na ang mga walang kalaban-laban at mahihirap.    Naniniwala ang Simbahan na sapat lamang na isang mabuting Kristiyano ang manahimik sa harap ng maraming pagkakamali, at ito ay sapat na upang lumaganap ang kasamaan sa mundo.  

Ikalawa, ang mabuting pakikialam ay ang atin ding pakikiisa sa mga mahihirap.  Hindi kinakailangang gumawa ng malalaking bagay para sa kanila.  Kung minsan ay sinisisi natin ang Diyos sa mga kahirapang nangyayari sa ating paligid, ngunit sino ba ang may kagagawan nito?  Ang sabi ni St. Mother Teresa ng Calcutta: "Poverty is not made by God, it is created by you and me when we don't share what we have."  Huwag sanang maging manhid ang ating budhi sa pangangailangan ng iba.  Huwag tayong maramot sapagkat kung ano man ang mayroon tayo ay galing naman ang mga ito sa Panginoon.  Sa katunayan ay katiwala lamang tayo ng mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin.

Ikatlo, makialam din tayo para sa kapakanan ng ating kapaligiran, ng ating mundo, na siyang ating nag-iisang tahanan, "our common home!"  Ang pakikialam na ito ay dapat magdala sa atin sa tamang "Ecological Education" na kung saan ay pinalalalim natin ang ating kaalaman sa tamang ugnayan natin sa sangnilikha sa pamamagitan ng pag-aaral, pagninilay at pagsasabuhay ng ating tungkulin bilang mabuting katiwala ng Panginoon.  Kasama rin dito ang pagpapalganap ng kamalayang ekolohikal at mapagpapabagong pagkilos upang mapahalagahan at mapangalagaan natin ang mga nilikha ng Diyos.  Makialam tayo kung nakikita natin ang unti-unting pagsira ng ating kalikasan at kapaligiran. Ito'y nangangailangan ng ating sama-samang pagkilos upang manindigan sa ating pagiging katiwala ng Panginoon.  

Sa padiriwang ng Panahon ng Paglikha, magkaroon tayo sana tayo ng mabuting pakikialam upang pangalagaan ang kalikasang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.  Magkaroon tayo ng MABUTING PAKIKIALAM sa ating kapwa!  Isang pakikialam na dala ng ating pagkabagabag sa mga kamaliang nakikita natin sa ating paligid.  Isang pakikialam na may malasakit sa kapakanan ng mga mahihirap.

Tanungin natin ang ating mga sarili:  Isa ba ako sa mga nasasa-walang kibo o walang pakialam kapag nilalapastangan ang ating kalikasan o ang ating mundong tahanan?  

Sabado, Setyembre 17, 2022

MATALINONG KATIWALA: Reflection for the 25th Sunday in Ordinary Time Year C - September 18, 2022 - 3rd SUNDAY OF SEASON OF CREATION

Bakit nga ba tumatalino ang tao kapag pera ang pinag-uusapan, lalo na siguro kapag kuwentahan ng sukli o babayaran?  Minsang sumakay ako ng pampasaherong jeep.  Ibinigay ko ang aking bayad at isang bata ang tumatanggap nito at nagbalik ng sukli.  Sa pakiwari ko ay anak siya ng driver ng jeep at hindi pa siguro graduate ng elementarya ang batang iyon ngunit manghang-mangha ako sa galing niyang magkuwenta ng sukli.  May nagbayad na pasahero isandaang piso ang ibinigay.  "Isang senior yan, dalawang estudyante, at isang ordinaryo!" Gamit ang utak bilang calculator, ay agad niyang natuos kung magkano ang dapat bayaran at agad-agad ibinigay ang sukli! Ang galing!  Pero pasang-awa ang grade n'yan sa Mathematics!  

Bakit kapag pera ang pinag-usapan, marami sa atin ang tuso? Ang mga bobo ay nagiging matalino. Ang walang pinag-aralan nagiging henyo!  Halimbawa ang kuwentong ito:  Isang lalaki ang pumasok ng simbahan at nagdasal kay Santiago Apostol. "Poong Santiago, bigyan mo ako ng isang malaking kabayo at ipagbibili ko. Ang pagkakakitaan ay paghahatian natin ng pantay. Kalahati sa 'yo at kalahati sa simbahan. Laking pagkagulat niya ng pag-uwi niya sa bahay ay nakakita siya ng malaking kabayo sa harap ng kanyang bahay. Nilapitan niya ito at sinakyan at kataka-takang hindi ito umalma. "Ito na nga ang kabayong kaloob ni poong Santiago!" Kayat dali-dali niya itong dinala sa palengke. Sa daan ay nakakita siya ng isang manok na pilay. Hinuli n'ya ito upang ipagbili. Pagdating sa palengke ay nilagyan niya ng presyo ang kanyang mga paninda. Ang lahat ng nakakita ay tumatawa. Nakasulat: Manok = 100,000 pesos, Kabayo = 20 pesos. Pero may pahabol na ganito ang sinasabi:  "Puwede lang bilhin ang kabayo kung bibilhin din ang manok!" Isang mayaman ang nagkainteres sa kabayo kaya't napilitan din itong bilhin ang manok. Dali-daling bumalik sa simbahan ang lalaki. Dumukot sa kanyang wallet ng pera at sabay sabing: "Poong Santiago... eto na ang parte mo!" At naglabas siya ng 10 piso at inilaglag sa collection box! 

May tawag sa ganitong uri ng tao... SWITIK!  Magaling dumiskarte! Matalino! Tuso! Ganito rin ang kuwento ni Hesus sa talinhaga. Ngunit huwag tayong magkakamali. Hindi pandaraya ang itinuturo ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon. Hindi pinuri ni Jesus ang pandarayang ginawa niya. "Pinuri ng Panginoon ang magdarayang katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito."  Alam nating walang pandaraya sa bokabularyo ng isang tagasunod ni Kristo.  Bakit dapat tayong maging matalinong katiwala ni Kristo?  "Sapagkat amg mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa maka-Diyos."  Ang nais niya lang bigyang diin ay dapat tayo rin, bilang mga Kristiyano, ay matalino pagdating sa mga espirituwal na gawain at alalahanin.  At paano tayo magiging matalinong Kristiyano?  Ang isang matalinong Kristiyano ay dapat may takot sa Diyos!  

Ang sabi sa aklat ng Ecclesiastico: "Ang takot sa Panginoon ay Karunungan at kaalaman. (Ecc. 1:27) Kung bakit laganap ngayon ang masasamang gawain  o kaya naman ay nasasadlak ang ating lipunan ngayon sa problema ng droga at maraming imoral na gawain ay sapagkat marami na sa atin ang walang takot sa Diyos!  Sapagkat ang taong may takot sa Diyos ay unang-una, may pagpapahalaga sa kanyang buhay.  Hindi s'ya gagawa ng mga bagay na makasisira sa kanyang katawan at kaluluwa at katawan tulad ng pagkalulon sa bisyo.  Ngunit marami pa rin sa atin ang hangal sapagkat pagkatapos ng maraming paalala at pangaral ay tuloy pa rin sa labis na paninigarilyo, pag-inom at paggamit ng salot na droga!    

Pangalawa, ang Kristiyanong may takot sa Diyos ay may pagpapahalaga rin sa buhay ng iba!  Alam niya na ang tao ay hindi parang lamok na puwede mong patayin kapag nakita mong dumapo o kahit nagbabalak pa lang na dumapo sa 'yo!  Isipin sana ng mga gumagawa nito na ang mga taong kanilang pinapatay ay may pamilya rin, may asawa, anak at mga mahal sa buhay na kanilang maiiwan. Ang mga taong nagsasagawa ng "extra-juducial killing" ay masasabi nating mga taong walang takot sa Diyos! 

Pangatlo ang mga taong walang takot sa Diyos ay hindi sumasamba at nagmamahal sa Kanya. Malinaw ang sabi ni Hesus:"Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Hindi ninyo mapagliling-kuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”  Kung may pera man tayo o kayamanang taglay, minana man o pinaghirapan, lagi nating pakatandaang ito ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos at dapat gamitin sa tamang paraan. Kung kaya nating mag-aksaya ng oras at pera sa gimik at galaan, sa computer, o kaya ay magbabad sa harapan ng telebisyon o sinehan, dapat kaya rin nating maglaan ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Biblia, pagsisimba t pagkakawang-gawa.  Tayo ay katiwala lamang ng mga biyaya na Kanyang kaloob.  

Isama na rin natin ang matalinong pagggamit ng biyaya ng kalikasan na kanyang ipinagkaloob sa atin.  Kung ituturing lamang nating iisang tahanan, "Our Common Home" ang mundong ating tinitirhan ay marahil mas magiging matalino ang ating pag-aalaga dito.  Hindi tayo gagawa ng anumang bagay o desisyon na makakasira sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.  Hindi natin hahayaang maghari ang kasakiman at kayabangan na nagsasabing: "Akin lang ang mundong ito at gagamitin ko ito sa nais kong pamamaraan!"   Maging matalino sana tayo at lagi nating isiping mga katiwala lamang tayo sa kaloob ng Diyos.  Kung may angkin tayong kayamanan, talino at galing, ay isipin nating ito ay hindi lamang para sa atin kundi para rin sa iba. "Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkaka-tiwalaan din sa malaking bagay..." sabi ni Hesus.  

Ang ikatlong Linggo ng Panahon ng paglikha ya nanawagan sa atin na ugaliin ang isang simple at sustinableng pamumuhay na nakaugat sa kasapatanIpinangako ng Diyos na ang lahat na Kaniyang nilikha ay sapat para sa  lahat na mabuhay sa sustenableng pamumuhay.  Ang kasalukuyang mga paghihirap na ating nararanasan ay  madalas bunga ng maling paggamit ng mga teknolohiya na dikta ng maaksayang istilo ng pamumuhay na lubos na nagpapahalaga sa mga bagay na materyal at nagtutulak sa tao sa kasakiman at pagkamakasarili.  Marami sa atin ang nangangarap ng mas simpleng buhay – isang buhay na walang kaguluhan.  Ang simpleng buhay ay maaaring simulan sa paglingon sa Diyos at pag alis ng anumang espirituwal na paghahangad na nagdudulot ng kasakiman sa ating buhay.  Ang paghahangad ng simpeng buhay ay maghahatid sa atin ng tamang pagpapahalaga sa mga bagay na kaloob sa atin ng Diyos lalong-lalo na sa biyaya ng kalikasan. 

Huwag tayo maging bobong Kristiyano.  Sa halip ay i-level up natin ang ating pagiging alagad n ni Kristo.  Gamitin natin ang ating angking galing at talino upang maging mga tunay na matatalinong katiwala ni Kristo!  Tanungin natin ang ating mga sarili:  Nabubuhay ba akong payak na may pagpapahalaga sa mga nilikha ng Diyos?

Sabado, Setyembre 10, 2022

ANG PABORITO NG DIYOS: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year C - September 11, 2022 - SEASON OF CREATION

May paborito ba ang Diyos? Marahil, sa ating mga tao ay natural na ang may itinatangi, may pinapanigan, may espesyal sa paningin... may "apple of the eye" kung tawagin. Ngunit ang Diyos... na lubos na makatarungan at pantay kung magmahal... may paborito rin kaya S'ya?  Hanapin ang sagot sa kuwentong ito... 

May isang pari sa isang parokya na binansagang "Padre Kuliling".  Hindi dahil sa may pagkakulang-kulang s'ya kundi dahil sa kanyang kakaibang 'gimik" kapag siya ay nagpapakumpisal.  May dala-dala s'yang maliit na "bell" na kanyang pinapatunog upang sabihin sa mga taong tapos na ang nagkukumpisal at pinatawad na ang kanyang kasalanan. Eto ang mas nakakaintriga, napansin nila na ang haba ng tunog ng "bell" ay depende sa dami ng kasalanan ng nagkumpisal!  Minsan, ay nagkumpisal ang tinuturing nilang "pinakamakasalanan sa parokya!"  Isa siyang kilalang babaero, sugarol, lasenggero, at halos taglay na niya ata ang lahat ng "bisyo".  Nag-abang ang mga tao kung gaano kahaba ang kanilang maririnig na tunog ng bell. Nagtaka sila sapagkat nakakatrenta minutos na ay wala pa silang naririnig. "Baka, hindi na nakayanan ni Father... baka hinimatay na s'ya!" ang sabi nila. Laking pagkagulat nila ng biglang lumabas si Father sa kumpisalan at karipas na tumakbong palabas ng simbahan. Nagtungo siya sa kampanaryo ng simbahan at narinig ang sunod-sunod na tunog ng kampana... "Booong! boong! bong! booong!" 

Kung mayroon mang paborito ang Diyos sila ay walang iba kundi ang mga makasalanan na handang magbalik-loob sa Kanya.  Ang pagbabalik-loob ng isang taong makasalanan ay kagalakan para sa ating Diyos at dahilan upang magdiwang Siya ng isang tagumpay!  Sa Ebanghelyo ay ikinumpara Siya sa isang pastol na naghanap at nakasumpong sa kanyang nawawalang tupa o kaya naman ay sa isang babaeng nakasumpong sa kanyang nawawalang salaping pilak. Lubos ang kanilang kagalakan sapagkat nagbunga ang kanilang ginawang paghahanap.  Pansinin natin ang sinabi sa talinhaga na ang ang pastol ang naghanap sa kanyang nawawalang tupa.  Gayundin ang ang babae ang masusing naghanap sa kanyang nawawalang salaping pilak. 

Ito ang isang katotohanan na dapat nating maunawaan: tayong lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan, ay pinagtitiyagaan ng Diyos! Lagi Niya tayong hinahanap at hinihintay Niya ang araw na tayo ay Kanyang masusumpungan.  Ang Banal na Kasulatan, mapaluma o bagong tipan  ay punong-puno ng mga paglalarawan ng pagkamahabagin ng Diyos sa mga makasalanan.  Sa Ebanghelyo ay may mga tagpo na kung saan ay ipinapakita ang pagkiling ng Diyos sa mga kasalanan.  Naririyan ang pagpasok ni Jesus sa bahay ni Zakeo at pakikisalo sa  kanila sa hapag kainan.  Naririyan din ang tagpo ng babaeng makasalanang lumapit sa kanyang paanan upang hugasan ang kanyang paa ng luha bilang tanda ng kanyang pagsisisi at marami pang kaparehong tagpo.  Lahat sila ay nagpapakitang may pagkiling ang Diyos sa mga makasalang handang magsisi at magbalik-loob sa kanya.  Siya ay puno ng pagpapasensiya at pagpapatawad sa kabila ng katigasan ng ating puso.

Sa tuwing lumalapit tayo sa Sakramento ng Pagbabalik-loob, ito ay hindi sapagkat ginusto natin. Ito ay sapagkat may Diyos na naghihintay sa atin at Siya ang nagtutulak sa ating magbago at magbalik-loob.  Kailan na ba ang huling kumpisal mo?  Ano ang pumipigil sa iyo para magsisi at lumapit sa kumpisalan?  Kung ikaw man ay nakakaramdam ng pagkahiya o pagkamaliit dahil sa marami mong kasalanan ay lagi mong isipin na ang Diyos ay mapagtimpi at alam Niya ang iyong kahinaan at kakulangan.  Sapat lamang na tayo ay magpakumbaba at aminin ang ating kakulangan at pagkakamali tulad ng ginawa ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa.  Naunawaan ni San Pablo na "paborito" siya ng Diyos kaya't hindi niya nahiyang aminin ang kanyang pagiging makasalanan: "At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga..."  

Kung ang Diyos ay mapagpasensiya sa atin ay dapat tayo rin ay maging mapagpasensiya sa ating mga sarili.  "Be patient because God is patient with you."  May tatlong hakbang para makamit natin ang kapayapaan sa ating mga sarili: pag-amin sa ating pagkakamali, pagpapasensiya at pagpapatawad.  Ito ay totoo sa usapin ng pagiging responsableng katiwala ng Diyos para sa kanyang mga nilikha.  Hanggat wala tayong pag-amin sa patuloy nating pagsira sa mundo ay hindi natin maisasaayos ang mga suliranin natin sa pagpapanatili nito bilang ating tahanan.  Ang ikalawang Linggo ng Panahon ng Paglikha ay nanawagan sa ating harapin ng buong tapang ang "ecological crisis" na gawa ng pagpapabaya nating mga tao sa pag-aalaga sa ating inang kalikasan at nag-aanyaya sa ating pairalin ang isang responsableng "ecological economics"  na naglalayong pairalin ang maayos na pagpapatakbo ng ating kabuhayan na hindi nagdudulot ng pagkasira ng ating mundo.  Ito ang ibig sabihin ng pagiging responsableng katiwala ng Diyos sa kanyang mga nilikha.  

Pakinggan natin ang panaghoy ng ating kalikasan na siyang tinig ng Diyos na naghahanap sa atin upang muli tayong ibalik sa tamang landas ng pagiging mabuting katiwala ng mundo.  Huwag nating kalilimutan na ang Diyos ay laging handang tumanggap sa atin sa kabila ng marami nating pagkakamali at pagkukulang.  Huwag tayong masiraan ng loob.  Sa halip ay magkaroon tayo ng tapang na harapin ang ating kasakiman kayabangan at pagiging makasarili.

Tanungin ang ating mga sarili: Pinakikinggan ko ba ang tinig ng Diyos na nanawagan sa aking alagaan ng mabuti ang kanyang mga nilikha? 

Sabado, Setyembre 3, 2022

PANAGHOY NG KALIKASAN: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year C - September 4, 2022

Pumasok na tayo sa tinagurian nating BER months.  Bakit nga ba BER MONTHS ang tawag sa mga buwang darating?  Ito raw ang dahilan: Sa September daw kasi ay pinagdiriwang natin ang BERtday ni Mama Mary, Ang October naman daw ay ang buwan ng BERhen ng Santo Rosaryo.  Sa November naman daw ay we rememBER the faithful departed. At sa December ang ang BERtday ng Panginoong Jesus!  Astig di ba?  Ngunit marahil, marami sa atin ang iniisip na kapag pumasok na ang BER MONTHS ay malapit na ang Pasko.  Sa katunayan ay marami sa atin ang naghintay sa pagsulpot ng kinagigiliwan nating caroler ng Pasko... si Jose Mari Chan! Namiss n'yo ba sya? hehehe...

Ang buwan ng Setyembre ay ang itinalaga rin ng Simbahan na "Panahon ng Paglikha" o Season of Creation.  Ang Panahon ng Paglikha o Season of Creation ay ang paglalaan ng Simbahan ng panahon sa ating Liturgical Calendar upang parangalan ang ating Diyos na Manlilikha at upang paalalahanan din tayo ng ating kaugnayan sa mga nilikha ng Diyos bilang kanyang mga anak. Tatagal ang pagdiriwang na ito hanggang sa ika-apat ng Oktubre, na kapistahan ni San Francisco ng Asisi. Ito ang ating kasagutan bilang mga Kristiyano sa mga suliranin na ating kinakaharap sa ating kapaligiran at kalikasan.  

Ano ba Panahon ng Paglikha?  Una sa lahat, ang Panahon ng Paglikha ay pagbibigay pugay at parangal sa Diyos na Manlilikha na patuloy na nangangalaga sa atin.  Ito ang unang pinapahayag natin sa ating Pananampalataya sa tuwing tayo ay nagsisimba pagkatapos ng homiliya ng pari.  Nararapat lang na ibalik natin sa Diyos ang lahat ng pasasalamat at papuri sapagkat nilikha Niya ang lahat ng "mabuti".  Ikalawa, ang Panahon ng Paglikha ay nagbibigay sa atin ng pagninilay na dapat tayong maging mapagkumbaba. Tayo ay ginawa lamang ng Diyos na kanyang mga katiwala o "stewards" kaya wala dapat tayong ipagmalaki o ipagyabang.  Kayabangan ang dahilan kung bakit dumaranas tayo ngayon ng pagkasira ng kalikasan at ang masidhing epekto nito sa ating pamumuhay.  Isang "kayabangan" na ating ipinapakita ay ang "throw-away culture!"  Ito ay ang walang hambas na pagtatapon ng basura kung saan-saan.  Huwag nating isisi sa Diyos ang pagbaha sa tuwing bumubuhos ang malakas ng ulan.  Hindi ang Diyos ang nagtatapon ng mga basurang bumabara sa ating mga estero at mga tubig daluyan kundi tayong "mayayabang na tao!"  Isama na natin sa ating kayabangan ang pagdura o pagdumi kung saan-saan!  Tandaan natin na hindi tayo ang may-ari ng kalsada o ng daanan kung kaya wala tayong karapatang dumihan ang mga ito!  Panatilhin nating malinis ang ating paligid bilang pagpaparangal sa ating Diyos na Manlilikha.  

Ito ang konkretong katibayan ng pagiging tunay na mga anak ng Diyos at alagad ni Kristo, ang pagiging STEWARDS of the "mysteries of God". Dahil mahal Niya tayo kaya't nagtitiwala Siya sa bawat isa sa atin na pangangalagaan natin ang kanyang mga nilikha.  Isa pang katangian ng tunay na alagad ni Jesus ay ang pagiging tapat na lingkod na handang magsakripisyo o "magbuhat ng kanyang krus" para kay Kristo.  Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay tumutukoy sa pagiging alagad ni Jesus, na handa niyang iwan ang lahat sa kanyang buhay upang sumunod sa Kanya.  Ito ang paalala sa atin ni Jesus ngayon sa Ebanghelyo: "Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko."  Ibig sabihin ang pagiging alagad ni Jesus ay hindi madali, walang "short cut"... pinaghihirapan!  Ano ba o sino ba ang mga itinuturing kung krus sa aking buhay?  Maari itong mga tao, o mga sitwasyon sa buhay tulad ng mga problema sa trabaho, pamilya, pag-aaral. At bakit hindi? Maari ring ito ang mga obligasyon at responibilidad natin sa pag-aalaga ng ating kapaligiran!  

Ang tapat na katiwala ng Panginoon ay marunong makinig at umunawa.  Marunong siyang makinig sa panaghoy ng kalikasan na unti-unting sinisira ng taong dapat ay nangangalaga sa kanya.  Napakaraming "environmental destruction" na nangyayari sa kasalukuyan tulad ng pagpuputol ng mga puno sat pagtitibag ng kabundukan, pagtatapon ng plastik sa karagatan, pagtatambak ng mga basura sa daanan at marami pang pagpapabaya at pagsira na ating ginagawa sa mundo na dapat ay tinuturing nating "common home"  o nag-iisang tahanan.  Alagaan natin ang mundong ating tahanan at siya naman siguradong mag-aalaga sa atin.  Piliin lang nating makinig sa halip na magwalang bahala.  

Ang mga krus na ito ay mabubuhat natin kung lalagyan natin ng pagmamahal ang ating ginagawa.  Ang sabi muli ni St. Mother Theresa ng Calcutta: Not of all us can do great things, but we can do small things with great LOVE!"  Maglingkod tayo sa Diyos at sa kanyang mga nilikha, bilang kanyang mga tapat na katiwala, na may pagmamahal.  Tandaan natin na ang tunay na pagmamahal ay may kasamang sakripisyo. Handa dapat nating talikuran ang ating nakagawiang pag-uugali kahit na ito ay mahirap. Magkaroon tayo ng "metanoia" o pagbabago ng isip, puso at kahit ng ating dating pagkatao. Maging mga responsable tayong katiwala ni Kriso!  

Tumahimik tayo sandali at tanungin ang ating mga sarili:  "Ako ba ay nagbibingi-bingihan sa panaghoy ng kalikasan na dapat nating pahalagahan at alagaan?"