Linggo, Oktubre 31, 2021

TODOS LOS SANTOS (Reposted) : Reflection for All Saints' Day - Year B - November 1, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ngayon ay ang pagdiriwang ng ALL SAINTS DAY!  Pinararangalan natin ang lahat ng mga BANAL sa kalangitan.  kilala man natin sila o hindi natin kilala.  Ang araw ding ito ay ARAW NG MGA BANAL at hindi ARAW NG MGA PATAY.  Bukas pa ang pag-alala natin sa kaluluwa ng ating mga mahal na yumao!  Kaya mamyang hating gabi ay hindi "gabi ng lagim" o GABI NG KATATAKUTAN kundi GABI NG KABANALAN! Ilan ba ang mga banal na ating ipinagdiriwang.  Hindi lang isa, dalawa, sampu o kahit isang daan pa man!  Pakinggan n'yo ang kuwentong ito:  

Isang araw si Pedro ay umuwi ng bahay na umiiyak at hawak-hawak ang kanyang ulong wala nang buhok.  "Anung nangyari sa ulo mo? Bakit nagpakalbo ka?  tanong ng kanyang nanay. "Paano po kasi naglaro kami ng bunutan ng buhok ng kaibigan kong si Juan.  Kada banggit ng pangalan ng isang Santo ay bubunutan ng buhok! Halimbawa po, San Juan Bosco, isang buhok po yun!  Banal na mag-anak na Jesus Maria at Jose... tatlo po yun!  Labindalawang apostol... labindalawang buhok po yun!"  sagot ni Pedro.  "O eh bakit naman buong buhok mo ang naubos?" tanong ng nanay.  "Kasi po ng naubusan na siya ng maibibigay na pangalan ng santo bigla ba namang sinigaw niya ang TODOS LOS SANTOS! Ayun sa barbero ang tuloy ko!  

Tama nga naman, dahil ang todos delos santos ay nangangahulugan ng "lahat ng mga banal."   Sa katunayan nga ay kulang pa ang lahat ng buhok natin upang mabilang ang lahat ng mga banal sa langit.  Mas marami kasi sa kanilang mga "nasa itaas" ang wala sa opisyal na listahan ng Simbahan na tinatawag natin ngayon sa titulong Santo o Santa.  Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa.  Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?"  

Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!"  Nasa itaas ang duktor!

Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na hindi kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na marahil marami sa kanila ay hindi natin kilala. Sila ang mga "unsung heroes" ng ating Simbahan na naging tapat at nag-alay ng kanilang buhay para kay Kristo.  Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin.  Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Sila ang mga "mapapalad" na tinukoy ni Jesus sa Ebanghelyo.  Marahil sa mata ng mundo sila ang mga aba, nagugutom, tumatangis, inuusig, inaapi. Ngunit sa mata ng Diyos, sila ang tinuturing Niyang "mapapalad" sapagkat noong sila ay nabubuhay pa ay lubos ang kanilang pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos.  

Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang maging banal!  Kaya nga't ang kapistahang ito ay hindi lamang para sa kanila. Sa katunayan, ito ay para sa atin.  Tayo ang nangangailangan ng kanilang panalangin.  Tayo ang nangangailangan ng kanilang inspirasyon upang matulad tayo sa kanila at isang araw ay mapabilang din sa hanay ng mga banal.  Sikapin nating magpakabuti habang tayo ay naririto pa sa lupa.  Ang kasalanan ang hadlang sa ating pagiging banal.  Sa tuwing tayo ay gumagawa ng kasalanan ay nalilihis tayo sa pagtawag ng Diyos na maging banal.  Ang kabanalan ay pagtawag para sa lahat.  Akuin natin ang pagiging banal.  Isabuhay natin ang mga aral ni Kristo. Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti at balang araw ay makakamit din natin ang gantimpala ng kalangitan.  Balang araw ay makakasama rin tayo sa kalipunan ng mga Banal o TODOS LOS SANTOS!

Sabado, Oktubre 30, 2021

PAG-ALALA SA PATAY... PAGMAMAHAL SA BUHAY: Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year B - October 31, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Nobyembre na bukas aalalahanin na naman natin ang ating mga mahal na yumao. Kakaiba lang nga ngayon ang ating pag-alala sa kanila.  Sarado at tahimik ang sementeryo.  Katulad noong isang taon, marami sa atin ay magtitirik na lamang ng kandila sa kanilang mga bahay o magsisimba na lang bukas para alayan ng Misa ang kanilang mga mahal sa buhay na pumanaw.  Mabuti na lang at isinara ang dolomite beach dahil kung hindi ay magiging paglapastangan ito sa ating nakagawian ng tradisyon... ang pagdalaw sa mga patay.  

Pero dahil nga nasa alert level 3 pa rin tayo ay bawal pa rin ang dalawin sila bukas at sa susunod na araw.  Pero huwag kayong malungkot, maari namang sila ang dumalaw sa inyo!  Just text DALAW send to 2366 at presto... sila mismo ang dadalaw sa inyo!  hehehe. May options pa 'yan: PRESS 1: hihilahin ka sa paa, PRESS 2: hahawakan ng malamig na kamay sa pisngi, PRESS 3: isasama ka sa kabilang buhay!  Siyanga pala, pakisabihan na lang na dapat ay nakasuot din sila ng facemask at faceshield!  

Ang nakaugalian nating pagdalaw sa mga patay ay patunay lamang na mahal na mahal natin ang ating mga yumao.  Bakit nga ba kapag patay na ang isang tao ay doon lamang natin ipinapakita na mahal natin sila?  Ang ating pagbasa ngayon sa Ebanghelyo ay nagsasabing habang buhay pa ang ating kapwa ay dapat alayan natin sila ng pagmamahal.  Tinanong si Jesus ng isang eskriba kung ano ang pinakamahalaga sa lahat ng mga utos?  Ang sagot ni Jesus ay ang tinatawag ng mga Judio na SHEMA ISRAEL o makinig ka Israel!  ‘Pakinggan mo, Israel!  Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong  pag-iisip, at nang buong lakas.’  Wala namang bago sa sinabi ni Jesus sapagkat ito ay alam na alam ng isang tapat na Judio.  Ang bago sa kanyang sagot ay idinugtong niya ang isang utos na hango sa aklat ng Levitiko 19, 18.  Ang taludtod na nagsasabing: ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ 

Madaling mahalin ang Diyos sapagkat hindi naman natn Siya nakikita. Mas mahirap mahalin ang kapwa na araw-araw nating nakakasama.  Ngunit kung titingnan natin ay hindi natin maaring paghiwalayin ang dalawang utos na ito.  Sabi nga sa ingles, "they are two sides of the same coin!"  Tunay sapagkat ang pagmamahal sa Diyos na walang pagmamahal sa kapwa ay pagsambang pakitang tao lamang.  Ang pagmamahal naman sa kapwa na walang pagmamahal sa Diyos ay purong "social work" at siguradong hindi magtatagal sapagkat walang tunay na basehan.  Ang tawag din natin dito ay VERTICAL at HORIZONTAL dimension of our faith.  

Sa taong ito na ipinagdiriwang natin ang ika-limandaang taon ng ating pananampalatayang kristiyano ay, itukod natin ang ating buhay sa isang mas malalim na pagkilala sa Diyos. Mas mamahalin natin Siyang tunay kung Siya ay ating munang kilala.  Idugtong naman natin dito ang ating paglilingkod sa kapwa sapagkat sa bawat pagtulong sa kapwang nangangailangan ay kabutihan na ginagawa natin sa Kanya.  

Ang ala-ala ng mga yumao ay dapat magbigay sa atin ng inspirasyon na habang tayo ay may buhay pa ay ipadama natin ang ating pagmamahal sa sa ating kapwa, maging mas matulungin, mas maalalahanin, mas mapang-unawa, mas mapagpatawad tayo sa isa't isa.  Marahil ay magandang paalala ang iniwan sa atin ng yumaong singer na si Rico Puno.  Ang sabi ng isang kanyang pinasikat niya:  "Kung ano ang di mo gusto 'wag gawin sa iba. Kung ano ang 'yung inutang... ay siya ring kabayaran. Sa mundo ang buhay ay mayroong hangganan dahil tayo ay lupa lamang.  Kaya't pilitin mong ika'y magbago, habang may panahon ika'y magbago.  Pagmamahal sa kapwa ay... isipin mo!"  Kaya ngayong buwan ng Nobyembre ay mahalin natin ang mga buhay habang ating inaalala ang ating mga patay.

Sabado, Oktubre 23, 2021

AKO AY MISYONERO NI KRISTO: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year B - October 24, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES / WORLD MISSION SUNDAY / SYNOD IN SYNODALITY

Ngayon ang Linggo ng Misyong Pandaigdig o World Mission Sunday na kung saan ay inaalala natin ang mga kapatid nating nagpapalaganap at nagpapatotoo sa Mabuting Balita ni Kristo sa labas ng ating bansa.  Nagpapasalamat tayo sa kanilang sakripisyo at pag-aalay ng sarili sa "paglilingkod"  lalong-lalo na sa mga dukha at napapabayaan.  

Dalawa ang kinikilalang Patron ng Misyon. Una, ay si San Francisco Xavier, isang paring Heswita na nagpakita na kakaibang sipag at dedikasyon sa pamamagitan ng paglalakbay sa malalayong lupain.  Nangaral siya at maraming nahikayat sa ating pananampalatayang Katoliko at ginugol niya ang kanyang buhay hanggang sa huli niyang hininga sa pagpapalaganap ng kanyng Mabuting Balita.  Ang pangalawa naman ay Santa Teresita ng Batang Jesus.  Hindi siya kasing sigasig ni San Francisco na naglakbay sa maraming bansa.  Sa katunayan ay nakakulong lamang siya sa apat na sulok ng kanilang kumbento, ngunit sa kanyang pag-iisa ay mas marami pa siyang kaluluwang nakatagpo at naihatid kay Kristo sa pamamagitan ng kanyang sakripisyo at panalangin. 

Marahil ay sinadya ng Simbahan na ideklara siyang Patron ng Misyon upang ipaalala sa atin na tayong lahat ay MISYONERO!  Katulad nga ng sinabi ng banal na Santo Papa Juan Pablo II, "Ang mamatay para sa pananampalataya ay pagtawag lamang para sa ilan, ngunit ang ISABUHAY ang pananampalataya ay pagtawag sa LAHAT!"  Ibig sabihin, kahit sino ay maaring magpatotoo kay Kristo. Lahat tayo ay maaaring maging MISYONERO.   

Ito ang pagiging misyonero na maari nating gawin. Ito ang pagiging misyonero na nais ni Jesus para sa atin.  Siya na naparito "hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod" at nag-alay ng kanyang buhay para sa lahat ay nag-aanyaya sa atin sa isang buhay paglilingkod.  Ano ba ang magagawa ko para sa misyon?  Una sa lahat ay ang pag-aalay ng panalangin para sa kanila.  Malayo ang mararating ng ating mga panalangin at marami ang matutulungan nito sa ating mga misyonero.  Pangalawa ay ang pagtulong sa gawain ng misyon.  Maraming paraan upang gawin ito. Mula tulong pinansiyal hanggang pagboboluntaryo para sa gawain ng misyon ang maari nating isakatuparan ang ating pagtulong.  At pangatlo ay ang pagsasabuhay ng ating bokasyon bilang mga misyonero. Tayong lahat ay isinugo ng ating Panginoon: "Sumainyo ang kapayapaan... kung paanong isinugo ako ng Ama gayundin naman ay isinusugo ko kayo."

Ang pagsusugong ito ay hindi lamang personal na pagtawag.  Ito rin ay ginagampanan natin bilang isang Simbahan.  Sama-sama tayong naglalakbay upang isakatuparan ang misyong iniatang sa atin ng Panginoon at hinihingi nito ang ating pakikibahagi.  Ang tawag dito ng ating Inang Simbahan ay SYNODALITY.  Ang sama-samang paglalakbay na ito bilang isang Simbahan ay maisasakatuparan natin sa pamamagitan ng pakikinig, pag-unawa, at pakikibahagi.  Maglaan tayo ng ating panahon, oras at kakayahan upang magampanan ito.  Kung bukas ang ating palad sa pagtanggap ng mga biyayang mula sa Diyos ay dapat maging bukas din ang ating palad sa pagbibigay ng ating sarili... ang pagbibigay ng ating sarili ay paglilingkod.  Tandaan natin parati na tayong lahat ay misyonero.  At tanungin natin ang ating mga sarili:  "Kumbinsido ba ako sa aking pagtawag bilang misyonero? Paano ko ito isinasabuhay?"

Sabado, Oktubre 16, 2021

SERVANT LEADER: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year B - October 17, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Kahapon, sa ating parokya ay sinimulan na natin ang Voters Education para sa Halalan 2022.  Naging tagapagsalita si Fr. Jerome Secillano,  Executive Secretary, CBCP Permanent Council on Public Affairs, at ipinaliwanag niya ang ibig sabihin ng "One Godly Vote" para sa darating na halalan.  Mas maaga natin itong sinimulan sapagkat nakikita natin ngayon na naglilinyahan na ang mga nais kumandidato sa darating na halalan.  Nag-uunahan silang makamit ang matataas na posisyon sa pamahalaan katulad din ng dalawang alagad ni Jesus na sina Santiago at Juan na nagnanais na maupo sa kanan at kaliwa ni Jesus.  Nagalit pa nga ang mga kapwa nila alagad ng malaman ito, sapagkat sila rin marahil ay may pagnanais din.  Ngunit nilinaw ni Jesus ang ibig sabihin ng pag-upo sa kanyang kaliwa at kanan.  Ipinaliwanag niya na ang kadakilaan ay wala sa kataasan ng posisyon kundi ito ay makikita sa mapagkumbabang paglilingkod.  "Ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat."  

Ganito ang kadakilaang ipinakita ni Jesus.  Siya ang masasabi nating tunay na "Servant Leader" o "Pinunong Lingkod" sapagkat siya ay dumating hindi upang paglingkuran bagkus ay upang maglingkod.  Siya ay isinilang upang maglingkod at magbigay buhay sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay sa krus. Ibang-iba sa ating pag-iisip kung sino ba talaga ang tunay na pinuno.  Ang lagi nating iniisip ay ang malakas, makapangyarihan at kinatatakutan. Mayroong isang kuwentong pabula tungkol dito: 

Isang isang araw ay nagpulong-pulong daw ang mga hayop sa gubat.  Ibig nila na magkaroon ng leader para manguna sa kanila.  Madali kasi silang mahuli ng mga tao dahil sa wala silang pagkakaisa at walang tagapagtanggol.  Nagbotohan sila at tatlong kandidato ang lumabas - ang leon, ang kuwago at ang usa. Gusto ng ilan ang usaq, sapagkat ito ay mabilis.  Mabilis siyang makapagbabalita sa lahat sa pagdating ng tao at makatatakas sila.  Ibig ng ilan ang kuwago sapagkat ito ay matalino.  Makagagawa siya ng plano para maiwasan ang tao.  Ngunit ang karamihan ay pumili sa leon, siya ay malakas at mabangis, maipagtatanggol niya ang mga hayop.  Nanalo nga ang leon.  Noong naging hari na ang leon, tuwang-tuwa sila.  Sa wakas may haharap na sa mga tao.  Pero ang sabi ng leon, "Paano ko mahaharap ang mga to kung mahina ako dahil sa gutom ako? Kailangang maging palaging busog ako para pagdating ng tao, mahaharap ko sila."  Kaya mula noon araw-araw siyang kumakain ng isa sa mga hayop. Sa halip na makatulong, naging salot pa ang leon sa mga kahayupan. 

Ganyan ang mangyayari sa atin kung ang pipiliin nating lider ay ang malakas at makapangyarihan sa halip na ang may mababang loob at mapagbigay.  Tandaan natin na ang kayamanan o kapangyarihan ay hindi kumikilala ng hangganan.  Walang mayaman o makapangyarihan na magsasabing sapat na ang  kanyang kayamanan o kapangyarihan. Mas lalo pa siyang maghahangad nito.  Kaya nga't ang kababang-loob ni Jesus at ang kanyang pagiging lingkod ang ating dapat na maging batayan sa pagpili ng ating mga namumuno.

Habang lumalapit ang halalan at nagpapakilala sa atin ang mga maging lider ng ating bansa ay kilatisin natin sila sa pamantayan ng isang "Kristiyanong Lider" at ito ay ang pagiging "pinunong-lingkod" na tulad ng kay Jesus.  Siya ay hindi kumabig, siya ay nagbigay.  Hindi mahalaga sa kanya ang posisyon.  Hindi mahalaga sa kanya ang pangunahing puwesto o ang parangal ng mga tao.  Ang mahalaga sa kanya ay ang pagpapakumbaba at paglilingkod.  Bilang pinuno nauunawaan niya ang ating kalagayan sapagkat dinanas din niya ang ating kalagayan.  Talgang ginusto niya ang ginawa niyang makiisa sa atin. Kaya nga't ang tawag natin sa kanya ay Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin.  Si Jesus ang ating tularan sa pagpili ng magiging mga pinuno natin kung gusto nating magkaroon ng maka-Kristiyanong pamunuan.  Piliin natin ang isang pinunong-lingkod o Servant Leader.

Sabado, Oktubre 9, 2021

MASAYANG BUHAY: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year B - October 10 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Masaya ka ba sa buhay mo ngayon?  Sa totoo lang, tanungin mo ang iyong sarili... Hindi naman siguro masamang tanungin natin ang ating sarili sapagkat dito nakasalalay ang kahulugan at kabuluhan ng ating buhay.  Ito ang ninanais ng marami sa atin, ang maging masaya!  At ito rin ang gusto ng marami sa atin para sa ating mga minamahal sa buhay: "Gusto ko... HAPPY KA!"  

Lalo na sa ating mga Pilipino na sadlak sa kahirapan ang buhay ngayong panahon ng pandemya, dala ng pagkawala ng mapapasukang trabaho at dala ng pagtaas ng inflation rate at dahil d'yan ay ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, ay nais nating maging maligaya at makaranas kahit man lang saglit na kaginhawaan!  Kaya nga patok sa atin ang mga "malls" at "shopping centers", na kahit na naririyan ang banta ng Covid19 ay patuloy pa rin ang operasyon, kasi kahit paano ay naiibsan ang ating problema sa maikling oras ng paggala kahit wala namang bibilhin.  Pagmasdan mo ang mga nakakasulubong mo, halos lahat nakangiti, parang may mga pera sila; sa totoo lang marami sa kanila palakad-lakad, patingin-tingin, pahawak-hawak sa mga damit, tapos iiwang magulo hindi naman pala bibili.  At kitang-kita rin ito sa haba ng mga taong pumipila upang tumaya sa "ultra lotto" lalo na kung  umabot na ng mahigit isang bilyon ang premyo!  Ikaw, anung gagawin mo kapag nanalo ka ng isang bilyon sa lotto?  

May isang kuwento na minsan daw ay may isang lola ang walang kaalam-alam na nanalo s'ya sa ultra-lotto ng isang bilyong piso.  Ang problema ng kanyang mga kasambahay ay kung paano nila ito sasabihin sa kanya sa kadahilanang may sakit siya sa puso at matanda na!  Naisip nilang imbitahan ang kanilang kura-paroko dahil kaibigang matalik ito ng kanilang lola at isa pa ay matagal din siyang naglingkod sa simbahan bilang isang Legion of Mary.  Hiniling  nila sa pari na s'ya na ang magbukas ng balita sa kanilang lola sa maingat na paraan na hindi niya ikabibigla.  Sumangayon naman ang pari at isang gabi ay dumalaw ang pari sa bahay at kinausap ang matanda: "Lola, kamusta na ang lagay ninyo?" Sagot ng matanda: "Mabuti naman po padre..." At nagkuwentuhan sila ng matagal. Nang mapansin ng pari na nalilibang na at relax na ang matanda ay tinanong niya ito: "Lola, kung sakaling manalo kayo ng isang bilyon sa lotto... anung gagawin ninyo sa pera?" "Aba padre," sabi ni lola, "kung ako ang mananalo ng isanf bilyon ay ibibigay ko ang kalahati sa Simbahan." Nang marinig ito ng pari ay inatake siya sa puso at namatay! hehehe...  

Mahirap din nga naman ang sobrang kasiyahan! Nakamamatay!  "Paano nga ba ako magiging tunay na masaya?" Tanong din ito ng binatang mayaman sa ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito.   "Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Ang pakahulugan ng "buhay na walang hanggan" kung isasalin sa ating modernong pananalita ay "kaligayahan".  Mabuting tao ang lalaki. Sa katunayan sinabi sa Ebanghelyo na siya ay masunurin sa batas at walang inaargabyadong tao. Sa katunayan ay nalugod si Hesus sa kanya. Tiningnan siya ng magiliw at may paghanga. Ngunit may nakita pang kulang si Jesus sa kanya. "Gusto mong lumigaya, ipagbili mo lahat ng ari-arian mo, ibigay mo sa mahihirap at sumunod ka sa akin..." Nagulat ang lalaki sa kundisyon ni Jesus sapagkat sya'y mayaman.  Malungkot ang katapusan ng pagtatagpong iyon. Tumalikod na malungkot ang binata at wala ng narinig pa tungkol sa kanya.  

Saan ba nakasalalay ang ating kaligayahan? Sa kayamanan ba? Sa pagiging masunurin ba sa batas ng Diyos? Sa pagiging "masunuring Kristiyano" ba? Ang sagot ni Hesus: pagtalikod sa lahat ng mga sagabal sa ating pagsunod sa Kanya!  Hindi Niya sinasabing kawawa ang mayayaman dahil marami silang kayamanan.  Ang kanyang nais bigyang diin ay wala dapat maging hadlang sa pagnanais nating sumunod sa kanya.  Hindi lang para sa mayayaman ito sapagkat kahit ang mahirap man ay maari ring matali sa mga materyal na bagay sa simpleng maling pagnanasa sa mga ito.  Ang nais niyang sabihin ay alam dapat natin ang ating pinahahalagahan sa buhay.  Ang kayamanan o ari-arian ay hindi dapat inuuna sa ating pagmamahal sa Diyos at kapwa.  Ang Diyos pa rin dapat ang una sa ating buhay. Ang pagtupad sa Kanyang kalooban ang dapat nating pinahahalagahan sa lahat.  

Sa katunayan, ang ating sarili ang dapat na pinakahuli sa lahat.  "I am third" ang sabi ng isang estudyante ng tanungin siya tungkol sa kanyang motto sa buhay.  "Anung ibig sabihin nun?" sabi ng kanyang guro.  "Sir, ito po ang nagpapaalala sa 'kin ng dapat kong pahalagahan sa aking buhay: God first, others second, I am third."  Ito ang magbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan.  Ito ang "Gospel of Joy" ng isang tagasunod ni Kristo.  Dito siya magiging tunay na buhay.  Kahit na sa mga hindi mabuting pangyayari sa buhay ay makikita niyang ito pa rin ay biyaya ng Diyos na "blessing in disguise"  sapagkat alam niyang lahat ay dahil sa malaking pagmamahal Niya.  

Ngayon ding araw na ito, kasabay ng pagdiriwang ng Linggo ng mga Katutubo ay ipinagdiriwang din natin ang Araw ng Pagpapagaan ng Lubhang Kahirapan o Extreme Poverty Alleviation Day.  Pagkatapos ng ating pagpapahalaga sa Diyos ay susunod naman ang ating pagpapahalaga sa ating kapwa, lalong lano na sa mga kapatid nating sadlak sa kahirapan.  Kung talagang pangalawa sila sa ating pinahahalagahan ay dapat lang na mayroon tayong ginagawa kahit na maliit para sa kanila.  Ang sabi ni St. Mother Teresa ng Calcutta: "If you cannot feed one hundred people then feed at least one..."  Tama nga naman, sapagkat ang kaligayahan sa pagtulong sa iba ay hindi nasusukat sa laki ng halagang ibinigay kundi sa laki ng puso ng nagbibigay.  

Nais ng Diyos na masaya tayong lahat sa ating buhay.  Nais niyang maligaya tayong kristiyano.  Pahalagahan natin Siya ng higit sa lahat at magiging masaya tayo sa ating buhay.  Dahil ang gusto ng Diyos ay HAPPY tayong lahat!

Sabado, Oktubre 2, 2021

PAMILYANG LAUDATO SI: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year B - October 3, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES - SEASON OF CREATION

Ang buwan ng Oktubre ay buwang ng pandaigdigang Misyon o World Mission na kung saan ay pinaalalahanan tayo na ang bawat isa sa atin "misyonero."  Sa katunayan ay sinimulan natin ito sa Kapistahan ni Santa Teresita ng Batang Jesus na kinilalang Patron ng Misyon bagaman hindi siya nakalabas ng kumbento upang ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo.  Ang pagiging misyonero ay dalawang uri.  May mga tinawag upang ipalaganap ang Mabuting Balita sa ibang panig ng mundo.  May mga misyonero ring tinawag upang isabuhay ang mensahe ni Kristo sa lugar na kanyang ginagalawan tulad ni Santa Teresita.  

Marami sa atin ang nabibilang sa ikalawang uri at tinatawag tayong magpalaganap ng Mabuting Balita ni Kristo sa pamamagitan ng araw-araw na pagsaksi sa ating pananampalataya. At ano ba ang pinakamaliit na institusyon na ating kinabibilangan? Walang iba kundi ang PAMILYA.  Ano nga ba ang misyon natin sa pamilya?  Ang misyong ito ay nakabatay sa huling habilin ni Jesus sa ating lahat bago niya tayo lisanin: "Magmahalan kayo!"  At ano naman ang ugat ng misyon ng pagmamahalan sa loob ng tahanan?  Masasagot natin ang mga katanungang ito kung muli nating babalikan ang orihinal na plano ng Diyos sa pagtatatag ng pamilya.  

Sa tuwing ako ay nagkakasal ay lagi kong itinatanong sa mga mag-asawa ang dahilan kung bakit nila pinili ang isa't isa?  Ang karaniwang sagot na aking natatanggap ay sapagkat "mahal namin ang isa't isa!"  Wala naming mali sa kasagutang ito ngunit kung mas malalim nating susuriin ang tanong ay parang may kulang sa mga matatamis na salitang "Dahil mahal ko siya."  Ngunit kung ating tatanungin ang maraming mag-asawang matagal ng nagsasama ay sasabihin nilang hindi sapat ang pagmamahal sa isang matibay na relasyon.  Ang pag-ibig ay maaring magbago.  Ang init ng pagmamahal ay maaring manlamig sa paglipas ng panahon. Ngunit ang katotohanan na forever mananatili ito ay ang paniniwala ng mag-asawa na sila ay itinalaga ng Diyos sa isa't isa!  Ito ang plano ng Diyos para sa mag-asawa, na sila ay pag-isahin sa kanilang pagsasama at walang maaaring makapaghiwalay sa pagsasamang ito.  

Ito ang sinabi ni Jesus ng tanungin siya kung maaring hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa: "Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa."  At para tuldukan ang usapin ng paghihiwalay ay nagbigay siya ng paalala sa atin: "Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”  Kaya nga't matatag ang paninidigan ng Simbahan kapag usapin ng divorce ang pinagtatalunan.  Sapagkat ang Kasal o pagtataling-puso ng lalaki at babae ay imbensiyon ng Diyos at hindi ng tao.  Walang karapatan ang taong baguhin ang isang sagradong bagay na itinatag ng Diyos.  Kaya nga ito ay tinatawag din ng Simbahang sakramento na ibig sabihin ay banal.  

Kaya gayon na lamang ang paala-ala ng Simbahan sa mga may nais na pasukin ang Sakramentong ito. Sa panahon na lahat ay minamadali ay pinapaalalahanan tayong gamitin ang isip talino at oras sa pagpapasiya.  Dapat kilalaning mabuti ng magkasintahan ang isa't isa.  At para naman sa mga nagsasama nang kasal, laging sanang pakaisipin ng mag-asawa na kung ang Diyos ang nagbuklod sa kanila, ay hindi sila pababayaan ng Diyos sa mga problemang kanilang kinakaharap.  Kaya nga't napakahalga ang pagtitiwala sa Diyos na nagbuklod sa kanila. Ang problema ay kapag nakalimot na ang mag-asawa sa Diyos at hindi na sila nagdarasal ng magkasama. Ang sabi nga ng isang nabasa kong quote ay: "The couple that prays together stays together!"  Maganda sigurong tanungin ng mga mag-asawa kung ang Diyos ba ay kasama pa nila sa kanilang pagsasama?  Tanggapin natin ang masakit na katotohanan na marami sa mga mag-asawa ngayon ay hindi na nagdarasal o nagsisimba ng sabay!  At nawala na rin sa kanilang pag-iisip ang Diyos na nagbuklod sa kanila.  

Ipagdasal natin ang Pamilyang Pilipino upang mapanumbalik ang kanilang pananampalataya sa Diyos.  Ang Oktubre rin ay ang buwan ng Santo Rosaryo at ngayong buwan ng Santo Rosaryo ay magandang simulan muli ng mga miyembro ng pamilya ang pagdarasal ng sama-sama.  Ang paalala ng Rosary Family Crusade ay "The family that prays together... pero hindi lang stays together!  Mas malalim pa ang mangyayari... they will love each other!  

Sa pagtatapos ng Panahon ng Paglikha, ipinapaalala sa atin na ang muling pagtatatag ng mundong ating tahanan ay nakasalalay sa pagakakaisa ng pamilya.  Ang "Laudato Si Family" ay naglalayong ipabatid sa pamilya na mayroon silang pananagutan sa pangangalaga at pagpapayaman ng handog ng Diyos na kalikasan.  Sa pamamagitan ng isang simpleng pamumuhay na nilalaman ng prinsipyong "less is more" ay maari nilang makamit ang kaligayahang kanilang minimithi.  Ang kaligayahan ng pamilya ay nakasalalay hindi lamang sa kung ano ang mayroon tayo kundi ang pagpapahalaga sa maliilit na mayroon tayo at tamang paggamit nito.  Ito ang paalala ni Pope Francis:  "Christian spirituality proposes a growth marked by moderation and to be happy with little. It is a return to that simplicity which allows us to stop and appreciate the small things, to be grateful for the opportunities which life affords us, to be spiritually detached from what we possess, and not to succumb to sadness for what we lack."  (Laudato Si #222)   Nawa ay makamit ng bawat pamilyang Kristiyano ang kaligayahan at pagkakaisa sa pamamagitan ng isang simpleng pamumuhay na nakasentro sa Diyos.  Isang pamilyang matatawag na "Laudato Si Family!"