Sabado, Hulyo 28, 2012

WALANG SILBI! WALANG KUWENTA! : Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year B - July 29, 2012


Ngayon ay ang Linggo ng Misyong Pilipino na kung saan ay binibigyan natin ng natatanging atensiyon ang gawaing misyon ng ating mga kapwa Pilipinong misyonero. Sa kabila ng ating pagiging maralitang bansa ay apaw biyaya naman tayo sa ating pananampalatayang Kristiyano kayat nararapat lamang na ibahagi natin ito sa mga taong nangangailangan pa ng liwanag ni Kristo! Ngunit dahil sa pagkasadlak natin sa kahirapan kung minsan ay nadarama natin ang pagiging hikahos sa buhay at natatanong tuloy natin ang ating sarili kung mayroon ba tayong maibabahagi sa iba. Kaya nga't hindi malayong sumagi sa isipan natin na tayo ay walang silbi... walang kuwenta... walang halaga! Sumagi na ba sa isip mo na wala kang kuwenta? Walang silbi? Sabi ng text na natanggap ko "Kung sa palagay mo ay wala lang silbi ay wag' kang malungkot, may pakinabang ka pa rin. Puwede kang gawing "masamang halimbawa!" hehehe... Ngunit kung titingnan natin, dito kumikilos at gumagawa ng kababalaghan ang Diyos... sa mga walang silbi at walang kuwenta! Limang tinapay... dalawang isda... pagkain ng mga mahihirap noong panahon ni Jesus. Walang silbi! Walang kuwenta! Limang tinapay at dalawang isda na galing sa isang bata. Ano ba ang bata noong panahon ni Jesus? Walang karapatan, walang boses sa lipunan, walang silbi! Walang kuwenta! Limang tinapay at dalawang isda para sa maihigit kumulang na limang libong madla. Ang Panginoon nga naman... mapagbiro! Sinabihan niya ang mga alagad na paupuin ang mga tao. Sumunod naman sila... kahit marahil nagtataka kung ano ang gagawin niya. At nangyari ang isang himala. Nakakain ang lahat at may labis pa... Ito naman talaga ang "modus operandi" ng Diyos kapag nais Niyang ipadama sa tao ang Kanyang kapangyarihan. Gumagamit Siya ng maliliit... mahihina... walang kwenta! Upang ipakita na sa Kanya lamang nagmumula ang kapangyarihan! Kung minsan, nanonood ako ng balita sa telebisyon. Nakikita ko ang paghihirap ng napakaraming tao. Nitong nakaraang mga araw punong-puno ng "bad news" ang kaganapan sa ating paligid. May mga mga taong nabiktima ng karahasan at walang saysay na krimen. May mga taong nasalanta ng bagyo at ibang kalamidad. May mga tao rin akong nakitang namamatay sa gutom dala ng kahirapan. Lagi kong tinatanong ang aking sarili... "anung magagawa ko para sa kanila?" Ako'y isang karaniwang mamamayan... maliit... mahina... walang kwenta! Tandaan mo ang modus operandi ng Diyos. Isang katulad mo ang paborito Niyang gamitin! Kaya wag ka lang manood sa isang tabi... may magagawa ka! Simulan mo silang isama sa iyong panalangin. Pairalin mo ang pagkukusa sa pagtulong sa mga nangangailangan. Iwasan mo ang pagiging makasarili at sa halip ay pairalin mo ang pagiging mapagbigay... Tandaan mo tayong lahat ay parang "limang tinapay at dalawang isda… walang silbi, Walang kuwenta ngunit sa kamay ng Diyos ay may malaking magagawa! Makagagawa tayo ng himala!

Sabado, Hulyo 21, 2012

MAPAGMALASAKIT NA PAGLILINGKOD: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year B - July 21, 2012


Ayon sa paniniwala nating mga Kristiyano ay may tatlong "lugar" tayong pinupuntahan kapag tayo ay nasa kabilang buhay na. Langit ang gantimpala para sa mga taong nagsumikap na maging mabuti at di nagpabaya sa kanilang tungkulin bilang Kristiyano. Purgatoryo naman ang katapat ng mga taong may pagkukulang pang dapat pagbayaran dahil sa kanilang kahinaan at maraming pagkakamaling nagawa noong sila'y nabubuhay pa. At impiyerno naman ang naghihintay sa mga taong nagpabaya sa kanilang buhay at piniling mamuhay sa kasamaan. Sinasabing sa kabilang buhay daw ay maraming sorpresang naghihintay! May kuwento na minsan daw ay nakita ng isang kaluluwa ang kanyang sarili sa purgatoryo. Laking pagkagulat niya ng makita niya ang kanyang "parish priest" na naroroon din. Tinawag niya ang pansin nito halos pasigaw na binati "Hello Father! Dito ka rin pala napunta! Akala ko pa naman ay naroon ka na sa itaas! Kung sabagay, marami kang pagkukulang sa amin at hindi namin naramdaman ang malasakit mo bilang mabuting pastol! Gaano ka na katagal dito Padre?" "Shhhhhhh... wag kang masyadong maingay! Babaan mo ang volume ng boses mo" pabulong na sabi ng pari. "Baka magising yung mga obispong natutulog sa ibaba!" hehehe... Talagang ang langit ay "full of surprises!" Walang makapagsasabi kung sino naroon sa itaas, sa ibaba o sa gitna! Hindi sapagkat namumuno ka ay automatic ang kalalagyan mo sa itaas. Malinaw ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias: "Parurusahan ng Panginoon ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito’y mangalat at mamatay." (Jer 23:1) Bilang isang mabuting pastol ay alam ng Panginoon ang malasakit na dapat na taglay ng isang namumuno sa kanyang nasasakupan. Ang malasakit na ito ang ipinakita ni Jesus sa kanyang mga alagad at sa mga taong kanyang nakakasalamuha araw-araw. Nang makita ni Jesus ang kapaguran ng mga alagad ay hinikayat Niya silang pumunta sa isang ilang na pook at magpahinga ng kaunti. Nang makita ni Jesus ang napakaraming taong naghihintay sa kanila sa pampang ay nahabag Siya sa kanila. "...nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol!" (Mk. 6:34} At sila ay tinuruan Niya sa kabila ng kanyang kapaguran at kawalan ng pahinga. Ito ang katangian ni Jesus na dapat ay taglayin din natin bilang kanyang mga alagad. Hindi lang naman ito para sa mga pari na kanyang hinirang para maging mabuting pastol. Sinabi natin noong nakaraan na kahit na ang mga laiko ay tinatawag ng Diyos sa paglilingkod. Ang pagpapakita ng malasakit sa iba, lalong-lalo na sa mga nangangailan ay para sa lahat ng Kristiyano. Ipinapakita natin ito kapag nagbibigay tayo ng panahon at oras para sa kanila. Mga magulang, may oras ba kayong inilaan para sa inyong mga anak? Ang pagtratrabaho n'yo ba ay pagpapakita ng malasakit sa kanila o baka naman nagiging dahilan pa nga ito ng paglayo ng loob nila sa inyo? Ngunit hindi lamang ang mgaulang ang dapat magpakita ng malasakit, dapat ang mga anak din ay nagpapakita nito sa kanilang magulang. Mga kabataan, ilang oras ba ang ibinibigay mo sa iyong pamilya? Baka naman mas marami pang oras ang inilaan mo sa barkada o sa mga kaibigan mo kaysa sa kanila? Baka naman sinasayang mo ang perang ibinibigay ng magulang mo na bunga ng kanilang pawis at pagod at nagpapabaya ka sa pag-aaral? At sa mga katulad naman naming naatasang mamuno sa mas maraming "kawan" ay malaki ang inaasahan ng Panginoon. Ang katapatan sa aming bokasyon bilang mga pari at masipag na pagtupad ng aming tungkulin ang maari naman naming ibigay sa Panginoon bilang pagtulad sa Kanyang mapagpastol na pagmamahal. Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin tungo sa isang mapagmalasakit na pagmamahal at paglilingkod. Ipinakita niya ang halimbawa sa atin at inaasahan naman Niya ang ating pagsunod. Kung maisasakatuparan lamang sana natin ito ng tapat ay wala na tayong sorpresang makikita pa sa langit! Lahat tayo ay nasa itaas at masayang kapiling ang Diyos.

Sabado, Hulyo 14, 2012

MAGPASAYA! MAGPALIGAYA! : Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year B - July 15, 2012


Tatlong magkakaibigang pari ang masayang nag-uusap at pinagkukwentuhan nila ang kanilang mga tatanga-tangang sakristan. Sabi ng isa: "Naku, kung patangahan lang ng sakristan eh wala ng tatalo sa sakristan ko! Gusto n'yo ng sample?" Tinawag niya ang sakristan at sinabi "Manong, ito ang isandaang piso, Ibili mo ako ng kotse ha? Gusto ko yung sports car na kulay pula!" Agad-agad namang sumunod ito. Nagtawanan sila at di naman nagpatalo ang isa. Tinawag din ang kanyang sakristan at inutusan. "Iho, ito ang sampung piso. Pumunta ka nga sa Hongkong at ibili mo ako ng masarap na Hongkong fried noodles!" Agad-agad ding tumalima ito. Tawanan na naman ang tatlo ngunit biglang yabang na sinabi ng pangatlong pari: "Ano ba yang mga sakristan niyo? Hindi nag-iisip? Tingnan n'yo itong sakristan ko at sabay tawag sa kanya. "Iho, pumunta ka nga sa labas at tingnan mo kung naroroon ako!" Tumalikod ang sakristan at natigilan. Sa wakas mayroon isang nag-iisip and sa loob-loob nila. "Padre", sabi niya, "may ipapasabi ba kayo sa inyong sarili?" Malakas na tawanan ang sumunod. Ang hindi alam ng tatlong pari ay nagkitakita pala sa labas ang tatlo nilang sakristan. Sabi ng isa: "Ang tanga-tanga talaga ng pari namin. Biruin mo, binigyan ako ng isandaan piso para bumuli ng kotseng sports car? Eh ni manibela di kasya ito!" "Ay mas tanga, ang pari namin, binigyan ako ng isandaan piso para pumunta sa Hongkong eh Divisoria lang eh kulang ito sa pagbalik!" "Ay wala yan sa pari namin, pinapahanap ba naman ang sarili niya sa labas eh magkausap kami!" hehehe. Datirati, ang mga pari ang "hari" at ang utos nila ay ang dapat masusunod, makatwiran man ito o hindi. Ang laiko, mga karaniwang Kristiyano, ay parang hindi nag-iisip na sunod-sunuran lamang . Kasi nga naman, kapag binanggit ang salitang alagad ng Diyos, agad-agad ang nasaisip ng tao ay ang mga paring nangangaral sa pulpito ng simbahan. Parang sila lang ang may tungkulin at karapatang ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo. Ngunit taliwas ito sa kalooban at plano ng Diyos. Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ng kaligtasan ay misyon na hindi lamang iniatang sa mga pari. Sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag, ang lahat ng Kristiyano ay nagkararoon ng misyong maging tagapagdala ng Ebanghelyo. Paano ito isinasagawa ng isang laiko. Bukod sa gawaing pangangaral, na kakaunti lamang ang napagkalooban ng ganitong kakayahan, ang bawat isa ay tinatawag na mangaral sa pamamagitan ng pagiging tapat na saksi ng kanilang buhay Kristiyano. Sa papaanong paraan? Ito ang turo ng Simbahan: "... ang kanilang MABUTING GAWA, ay may kapangyarihang makaakit ng tao upang maniwala at mapalapit sa Diyos." (Vatican II Decree on the Laity, 6) Kaya nga't ano man ang katayuan mo sa buhay, bata ka man o matanda, may kaya man o wala, nakatalaga man sa Diyos o hindi, ang paggawa ng mabuti ay dapat isapuso ng bawat isa. Matuto tayong magpasaya ng ating kapwa. Nagiging makabuluhan ang ating buhay kung nakapagbibigay tayo ng kaligayahan sa iba. Para tayong mga kandila na may katuturan lamang kung nasisindihan at nakapagbibigay ng liwanag! Nakapagbigay ka na ba ng liwanag ng kasiyahan sa iyong pamilya? Baka naman sanhi ka pa ng di pagkakasundo o kaguluhan sa kanila? Nakapagbibigay ka ba ng liwanag ng kapayapaan sa iyong trabaho o paaralan? Baka naman sa iyo nagmumula ang inggitan at alitan? Ito ang ibig sabihin ng pagiging alagad ni Kristo: ang maging kamay ng pag-ibig ng Diyos para ibang tao.

PAHABOL: Ngayon din pala ang libing ng Hari ng Komedya. Maraming salamat Mang Dolphy sa maraming taon ng pagpapatawa at pagpapaligaya! isinabuhay mo ang pagiging "Kiliti-ng-Diyos" sa maraming taong iyong napasaya. Mabuhay ka! Long live comedy!

Sabado, Hulyo 7, 2012

PICK-UP LINE NG KRISTIYANO: Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year B - July 8, 2012


In-na-in ngayon ang mga pick-up lines! Ngunit hindi lahat ay nakakakilig. May mga pick-up lines na nakakaasar! Nasabihan ka na ba ng mga ganitong banat: "Relief goods ka ba? Bakit? Amoy sardinas ka kasi!" "Earthquake ka ba? Bakit? Umaalog kasi ang bilbil mo!" "Unan ka ba? amoy panis na laway ka kasi!"Selecta ka ba? Bakit? Kasi ang pisngi at noo mo parang Rocky Road!" At higit sa lahat: "Tao ka ba? Bakit... naniniguro lang! BOOOM!" hehehe... Ano'ng feeling mo habang binabasa ko ang mga pick-up lines? Siguro ang iba natatawa, nangingiti. Pero sa mga tinamaan... BOOM! Sabi nga nila "Bato-bato sa langit. Tamaan wag magalit!" Ngunit masama talaga ang pakiramdam kapag na-reject ka ng iba. Masakit mareject. Mas masakit kung ang gumagawa nito ay ang mga kakilala mo o ang mga taong hindi mo inaasahan na gagawa nito sa 'yo. Minsan may paring nagsesermon at sinabi nyang: "Ang lahat ng ginawa ng Diyos ay mabuti. Wala siyang ginawang masama! Lahat ay perfect!" May isang kuba na nagtaas ng kamay at nagsabing "Father, bakit ako ganito? Tingnan mo ang likod ko perfect ba ako?" Natahimik ang lahat at ang pari. At malakas niyang sinabi. "Oo lahat ay perfect! Tingnan mo ang likod mo perfect cone ang shape!" hehe. Bakit nga ba may mga taong mahilig mangreject? Huwag na tayong magulat kung may ganitong mga tao. Mga ganitong tao rin ang nakaharap ni Hesus nang sinubukan n'yang mangaral sa kanyang sariling bayan. Tandaan natin na si Hesus ay tanyag na bago pa siya mangaral sa kanyang bayang pinanggalingan. Marami na ang humahanga sa kanyang katalinuhan at galing. Kaya't marahil ay inaasahan niyang mainit din siyang tatanggapin ng kanyang mga kababayan. Ngunit nagkamali siya. Nang marinig siyang mangaral ng kanyang kababayan ay hindi sila makapaniwala sa kanyang katalinuhan. Ang tanong pa nga nila ay: "Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At hindi nila siya tinanggap. Kaya't malungkot din ang naging sagot ni Hesus sa kanila. "Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon... Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya." Kung minsan tayo rin ay nahaharap sa ganitong sitwasyon. May mga pagkakataong ipinapahiya din natin si Hesus. Sa mga pagkakataong hindi natin pinangangatawanan ang pagiging Kristiyano at kung minsan ay ikinakahiya pa nga natin ito ay ipinapadama natin ang ating hindi pagtanggap sa kanya. Dyahe ba para sa iyo ang mag-antanda ng krus sa jolibee, o kaya naman ay sa loob ng jeep? Nahihiya ka bang pagsabihan ang kaklase mong nandaraya sa exam? O kaya naman ay ang katrabaho mong patulog-tulog sa oras ng trabaho? Nahihiya ka bang yayain ang mga kasama mo sa bahay para magsimba? Mapanlait ka ba sa kapwa mo? Minamaliit mo ba ang kakayanan at katangian ng iba? Mag-isip-isip ka, baka katulad ka rin ng mga kababayan ni Hesus na ayaw tumanggap sa Kanya? Marahil ito ang pick-up na di dapat marinig sa isang Kristiyano: "Katoliko ka ba? Bakit? Doble kara ka kasi!"