Sabado, Mayo 29, 2021

BANAL NA SANTATLO: DIYOS NG PAGMAMAHAL: Reflection for the Solemnity of the Blessed Trinity Year B - May 30, 2021 - YEAR OF MISIO AD GENTES

Kapistahan ngayon ng Banal na Santatlo: ang sinasamba nating ISANG DIYOS SA TATLONG PERSONA.  
Ang kapistahang pinagdiriwang natin ngayon ay katotohanang mahirap bigyan ng paliwanag.  Hindi ito katulad ng kapistahan ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus tulad ng kanyang pagsilang o muling pagkabuhay.  Hindi rin ito kapistahan ng pagkatao ng mga banal tulad ng mga santo at santa.  Ang kapistahang ito ay isang "doktrina" na ating sinasampalatayanan.  Bagama't ito ay napagtibay lamang noong 325 AD sa Konseho ng Nicea bilang artikulo ng ating pananampalataya, ang katotohanang ito ay nakaugat sa Banal na Kasulatan at noon pa man ay pinahahayag na ng ating pananampalatayang Kristiyano. Alam natin ang doktrina ay mas malapit sa ating pag-iisip kaysa sa ating emosyon o sa ating puso.  Ngunit ito nga ang malaki nating pagkakamali, isip ang ating ginagamit sa pag-unawa sa Banal na Santatlo.

May isang batang nasa ika-tatlong baitang ang nagtanong sa akin habang ako ay nagtuturo ng katesismo tungkol sa kabutihan at kadakilaan ng Diyos: "Father, bakit isa lang ang Diyos at hindi tatlo? Di ba Siya ay Ama, Anak, at Espritu Santo? Di ba 1+1+1=3? " Ito ang sagot ko sa kanya: "Iho, ang Diyos ay lubhang napakadakila kaya't hindi Siya puwedeng gamitan ng mathematics! Kasi puwede rin na 1x1x1= 1 di ba?  Napakamot siya ng ulo kaya’t sinabi ko na lang na... hindi mo talaga maiintindhihan ang Diyos dahil Siya ay isang malaking misteryo!

Ang pinagdiriwang natin ngayon ay katotohanang mahirap bigyan ng paliwanag, isang malaking misteryo!  Hindi ito katulad ng kapistahan ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus tulad ng kanyang pagsilang o muling pagkabuhay  Hindi rin ito kapistahan ng pagkatao ng mga banal tulad ng mga santo at santa.  Ang kapistahang ito ay isang "doktrina" na ating sinasampalatayanan bagama't ito ay napagtibay lamang noong 325 AD sa Konseho ng Nicea bilang artikulo ng ating pananampalataya.  At alam natin ang doktrina ay mas malapit sa ating pag-iisip kaysa sa ating emosyon o sa ating puso.  Ngunit ito ang malaki nating pagkakamali... isip ang ating ginagamit sa pag-unawa sa Banal na Santatlo.

Lubos ang kadakilaan ng Diyos kung kaya't hindi Siya maaring bilangin ng ating mga daliri sa kamay. Lubos ang Kanyang kadakilaan na hindi Siya maaring pagkasyahin sa ating maliit na isipan. Siya ang Manlilikha. Siya ang walang simula at  walang katapusan. Siya ang hari ng sanlibutan! Ang problema marahil ay pilit nating inuunawa kung sino ba talaga Siya. Ang napakatalinong taong si Santo Tomas Aquino, na nagsulat ng maraming aklat tungkol sa Diyos, pagkatapos ng kanyang mahabang pagsusulat at pagtuturo, ay nagsabing ang lahat ng kanyang inilahad tungkol sa Diyos ay maituturing na basura lamang kung dadalhin sa Kanyang harapan. Ibig sabihin ni Santo Tomas ay hindi natin lubos na mauunawan ang Diyos!  Kahit ang taong pinakamatalino ay kapos sa kaalaman kung ang "misteryo ng Diyos" ang pag-uusapan.

Bagamat walang sino mang tao ang lubos na makakaunawa sa Kanya ay pinili Niya pa ring magpahayag sa atin. Ang pagpapahayag ng Diyos ay lubos na mahiwaga sapagkat inihayag niya ang katotohanan ng kanyang sarili hindi sa mga palalo ang pag-iisip kundi sa mga taong payak at mapagkumbaba.  Kaya't ang mga salitang narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ay mauunawan lamang ng mga taong may kababang-loob at payak na pag-iisip:  "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."  

Ipinahayag ng Diyos na Siya ay pag-ibig. Kaya nga't masasabi natin na ang Diyos ay mauunawaan lamang ng taong marunong magmahal!  Ang Banal na Santatlo ay pagmamahalan!  Dahil dito masasabi nating ang Banal na Santatlo ay isang komunidad na pinaghaharian ng pagmamahalan.  The Holy Trinity is a community persons that is governed by love!  At ang pag-ibig na ito ay nagbabahagi,  Hindi makasarili.  Kaya nga't nagawang ibigay ng Diyos Ama ang kanyang bugtong na Anak upang makamit natin ang buhay na walang-hanggan!  At ang pag-ibig na ito ay nag-aanyaya rin sa ating magbahagi ng pagmamahal kung paanong ang Diyos ay pagmamahal at patuloy na nagmamahal.

Kaya nga't maari mong "maunawaan" ang Diyos kung marunong kang magpatawad. Nauunawaan mo ang Diyos kung matulungin ka sa mga nangangailangan. Nauunawaan mo ang Diyos kung ang hanap mo ay ang kabutihan ng iyong kapwa!  Subukan nating magmahal at makikita natin na ang kakulangang ng ating pag-iisip ay mapupuno ng isang payak at malinis na puso.

May isa akong kaibigan na ang motto sa buhay ay: "I am number three!" Ipinaliwanag niya sa akin: "I am number three" sapagkat nais ko laging ipaalala sa aking sarili na ang Diyos dapat ang number one sa buhay ko. Ang aking kapwa naman ang number two. Ang aking sarili ay pangatlo lamang!"  Totoo nga naman na dapat din nating mahalin ang ating mga sarili.  Ngunit ang labis na pagmamahal sa sarili na nakakalimot na may Diyos at kapwa na dapat ko ring mahalin ay mapanganib.

Ngayong panahon ng pandemia ay sikapin nating unahin ang kapakanan ng iba bago ang ating mga sarili.  Hindi ito madali sapagkat lalabanan natin ang ating pagkamakasarili at magsasakripisyo tayo para sa iba katulad ng patuloy na ginagawa ng maraming taong nagsasakripisyo upang  mapagtagumpayan ang malaking pagsubok na ito.  Ngunit ito naman talaga ang kahulugan ng tunay na pag-ibig... handang mag-alay ng buhay para sa kanyang kaibigan!

Ang Banal na Santatlo ay ang ating huwaran sa tunay na pagmamahal.  Ang pag-ibig ng Diyos Ama na nagbigay sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang pag-ibig na Anak na nag-alay ng kanyang buhay upang sundin ang kalooban ng Ama na tayo ay maligtas, at ang pag-ibig ng Espiritu Santo na patuloy na humiihimok sa ating magmahal upang maging isang Sambayanan tayong pinaghaharian ng Kanyang pag-ibig.  Kaya nararapat lang na ang aking Diyos na Santatlo ay aking papurihan at mahalin.  Hindi man Siya maintindihan ng aking isipan... kaya naman Siyang damhin ng puso kong marunong magmahal!

Sabado, Mayo 22, 2021

ANG MABUHAY SA ESPIRITUNG BANAL: Reflection for the Solemnity of Pentecost Year B - May 23, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Kapistahan ngayon ng Pentekostes.  Ngayon din ang kaarawan ng pagkakatatag ng ating Simbahan.  1988 na taon na ang lumipas simula ng ang ating inang Simbahan ay "iniluwal" sa pamamagitan ng pagpanaog ng Banal na Espiritu noong Araw ng Pentekostes! Ang Pentekostes ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay ika-limampung araw, sapagkat ito ang ika-limampung araw pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo.  Ito ang araw na pinili ng Panginoon upang ipadala sa atin ang Banal na Espiritu.  Marahil hindi ganoon kadaling maunawaan ang kanyang pananatili sa ating piling sapagkat una ay wala tayong malinaw na paglalarawan sa kanya sapagkat siya ay isang "Espiritu." Di katulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan.  Naririyan ang simbolo ng hangin, ang ibon na anyong kalapati, at dilang apoy.  Ngunit ano nga ba talaga ang nagagawa ng Banal na Espiritu lalo na sa kasalukuyang panahon ng ating Simbahan?  

Isang bata na may bagong mountain bike ang nagpark sa isang Simbahan at hinanap ang Parish Priest. Nang makita ito ay magalang na nagpakilala at nagsabi: "Father, puwede ko po bang ipark dito ang bike ko... kasi po baka mawala. Bagong-bago pa naman!" "Sige, anak" sagot ng pari, "magtiwala ka na walang mangyayaring masama sa bike mo." "Sure po ba kayo Father? Wala kasi akong nakikitang security guard dito." nagdududang tanong ng bata. Huminga ng malalim ang pari at sinabi: "Ay meron, ang pangalan ng "sikyo" namin dito ay "Holy Spirit." Sigurado ako, Babantayan Niya yan kaya't hindi yan mananakaw. Kung gusto mo magdasal tayo..." "Sige po Father... In the name of the Father, and of the Son. Amen!" Singit ng pari: "Teka me kulang ata sa dasal mo... bakit wala ang Holy Spirit?" Sagot ng bata: "Wag na nating abalahin Father, binabantayan niya ngayon ang bike ko! "

Totoo nga naman, ang Espiritu ang "sikyo" nagbabantay sa bisekleta ng bata kung paanong Siya rin ang "sikyo" na nagbabantay sa Simbahan simula pa lamang noong ito ay itinatag. Sa katunayan ngayon ay "birthday" ng Simbahan!  Ipinanganak ang Simbahan sa pagpanaog ng Espiritu Santo at ito ang patuloy na gumagabay sa kanya. Napakaraming pagsubok ang dinaanan ng Simbahan sa kasaysayan. Napakaraming pag-uusig, pag-aaway, pagsuway kahit sa mga pinuno at miyembro nito. Ngunit sa kabila nito ay patuloy na ginagabayan at ipinagtatanggol ng Espiritu Santo ang Simbahan.  Pagkakaisa ang bunga ng pananatili ng Banal na Espiritu sa ating Inang Simbahan.  Nang napuspos ng Banal na Espiritu ang mga alagad ay lumabas sila sa kanilang pagkakatago at nangaral.  Bagama't iba't iba ang pinanggalingang lugar ng mga taong nakikinig kay Pedro ay namangha sila sapagkat iisa ang kanilang pagkakaintindi sa kanyang mga sinabi.  Pagkakaisa at hindi pagkakawatak-watak at biyaya ng Banal na Espritu.  Isang pang biyaya ng Banal na Espiritu ay kapayapaan.  Ang dating mga alagad na takot at puno ng pagkabagabag at pagkabalisa ay nakaranas ng kapayapaan nang manahan ang Banal na Espiritu sa kanilang piling.   Kabanalan ang naman ang bunga ng isang taong namumuhay ayon sa Banal na Espiritu.  Pinananatili Niyang banal ang Simbahan sa kabila ng maraming makasalanan na bumubuo nito. Noong tayo ay bininyagan at kinumpilan ay pinaging banal tayo ng Espiritu Santo.  Naging templo o tahanan Niya ang ating katawan.  Kaya nga't may pananagutan tayong panatilihing banal ang templong ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa kasalanan at sa mga gawaing sumisira sa kabanalan nitong taglay.  

Nadarama mo ba ang paggabay ng Espiritu Santo sa iyong buhay? Tinanggap mo ito nung ikaw ay bininyagan at kinumpilan. May epekto ba S'ya sa buhay mo ngayon? Palagi kong ginagamit ang paglalarawan na pagtitimpla ng kape upang ipaliwanag ang pananatili ng Banal na Espiritu sa ating buhay.  Sa pagtitimpla ng kape, ay mahalaga ang asukal maliban na lang kung "black cofee" ang gusto mo.  Ngunit pansinin ninyo na kahit na gaano karami pang asukal ang ilagay mo sa iyong kape ay hindi ito tatamis kung hindi mo hahaluin.  Ganito rin ang pananatili ng Banal na Espritu sa atin.  Kahit na gaano karami pang "baptism of the Spirit" ang pagdaanan mo ngunit wala ka namang ginagawang paraan upang "haluin" ito at hayaang maging bahagi ng iyong buhay ay hindi lalabas ang epekto nito sa atin.  Kinakailangan talaga ng kaunting paghalo, pagkamulat at paggising sa ating natutulog na sarili upang makapagtrabaho ang Banal na Espiritu sa ating buhay.  Kung nanlalamig ka ngayon sa pananampalataya, hingin mo ang tulong Niya. 

Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape, walang ring matigas na puso ang di kayang palambutin ng mainit Niyang pagmamahal. Hayaan nating pagharian ng Banal na Espiritu ang ating buhay.  Maging bukas tayo sa kanyang paggabay at pagkalinga.  Gisingin ang natutulog nating diwa at isabuhay natin ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo: karunungan, pang-unawa, pagpapayo, katapangan, kaalaman, pagpapabanal at banal na pagkatakot sa Panginoon.  Mabuhay tayo sa ayon Banal na Espiritu!

Sabado, Mayo 15, 2021

LANGIT NA ATING HANTUNGAN AT TAHANAN: Reflection for the Solemnity of the Lord's Ascension Year B - May 16, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Totoo bang may langit?  Saan ba ito matatagpuan?  Bata pa lang ako ay ito na ang katanungang gumugulo sa isip ko.  Ngayong ako'y malaki na at may sapat ng pag-iisip hindi pa rin nagbago ang tanong kong ito.  Sa tuwing masasaksihan natin ang mga trahedya at kaguluhan sa ating paligid tulad ng walang saysay na kamatayang gawa ng Covid19 pandemic lalo na ngayon sa India, ang di matapos-tapos na alitan ng mga Isaraeli at Palestino na kumitil ng maraming inosenteng buhay, ay ilan lamang sa mga pangyayaring pilit na kumakatok sa ating pag-iisip at dahil dito ay napagdududahan natin ang katotohanan ng kalangitan.  At dahil dito ay napagduduhan na rin natin ang pagmamahal ng Diyos sa atin.  

Isang pari ang inis na inis kapag nagmimisa sapagkat laging may matanda sa kanyang harapan na tinutulugan ang kanyang sermon. Minsan ay naisip niyang bawian ang matanda at turuan iton ng leksiyon. Habang siya ay nagsesermon at naghihilik naman ang matanda ay pabulong niyang sinabi sa mga tao: "Yung nais umakyat sa langit... tumayo ng tahimik." At tahimik namang nagtayuan ang mga tao maliban kay lola na himbing na himbing sa pagkakatulog. Pinaupo niyang muli ang mga tao at napakalakas na sumigaw: "Ang gustong pumunta nang impiyerno... TAYO!!!" Nagulantang ang matandang natutulog at biglang tumayo at laking hiya niya ng mapansing lahat ay nakaupo. Ang pari naman ay tuwang-tuwa dahil sa wakas ay nakabawi na siya. Ngunit nagsalita ang matanda at ang sabi: "Padre, pasensiya na po kayo at hindi ko ata na naintindihan ang huli ninyong sinabi, pero nagtataka ako kung bakit dalawa tayong nakatayo, sabay tingin sa pari! hehehe...

Sino nga ba sa atina ang gustong mapunta sa impiyerno? Marahil ay walang taong matino ang pag-iisip na tatayo.  Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!"  LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN!  Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap na gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit?  Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus.  

Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan.  Narinig natin sa Gawa ng mga Apostol: "Pagkasabi nito siya'y iniakyat sa nagit habang nakatingin sila sa kanya..."  Ngunit ayaw ni Jesus na maiwan lang tayo sa pagkamangha sa kanyang maringal na pag-akyat sa kalangitan.  Habang nakatulala ang mga alagad dahil sa sobrang pagkamangha ay sinabi ng anghel sa kanila: "Mga taga-Galilea," sabi nila, "bakit kayo narito't nakatingala sa langit? Itong si Hesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat niya."  Kaya nga pagkatapos nito ay isinugo na sila ni Jesus upang gampanan ang misyong ibahagi ang pagmamahal ng Diyos.

Pinapaala sa atin ng kapistahan ito na LANGIT  ANG ATING PATUTUNGUHAN.  Kaya nga nararapat na palakasin natin ang pag-asa at pagnanasang makarating sa langit.  Tandaan natin na tayong lahat ay naging mga maninirahan ng kalangitan.  Sa kapangyarihang tinanggap natin sa Binyag at Kumpil ay nabuksan sa ating ang pintuan ng kalangitan. Kung siya  ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan. 

Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! 'Wag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti.  Magbigay saksi tayo sa pamamagitan ng pagmamahal.  Mayroon lamang isang daanan papunta sa kalangitan.  Dito sa lupa ang tawag sa daan na ito ay PAG-IBIG. Kaya nga't kung ganoon ay hindi na kinakailangan pa nating hintayin na tayo ay mapunta sa kabilang buhay para maranasan natin ang ligayang dulot ng kalangitan.  Maari nating gawing langit ang lupa.  Ang sabi ng isang manunulat: "Heaven on Earth is a choice you must make, not a place you must find."  Kaya nga ang paggawa ng mabuti ay isang pagpili.  Ang pagiging maligaya ay isang desisyon.  Kapag gumagawa tayo ng kabutihan ay nararanasan na natin ang ligaya sa kalangitan.  Dapat nating tanungin ang ating sarili:  "Kailan ba akong huling tumulong sa aking kapwang nangangailangan?"  

Huwag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito.  Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay panandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay magpakailanman.  Ang sabi nga ni CS Lewis, isang katolikong manunulat: "If we find ourselves with a desire that nothing in this world can satisfy, the most probable explanation is that we were made for another world."  At ano ang ibang mundo na tinutukoy dito?  Walang iba kundi ang langit na ating hantungan at tunay na tahanan.

Kaya nga sa susunod na may magsabing: "Ang gustong pumunta sa langit... tumayo!" 'Wag kang magdalawang isip na tumayo sapagkat langit ang ating hantungan! 

Sabado, Mayo 8, 2021

ANG DAKILANG PAG-IBIG: Reflection for 6th Sunday of Easter Year B - May 11, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES - MOTHERS' DAY

Una sa lahat ay binabati ko ng isang maligayang kapistahan ni Santo Domingo Savio kayong lahat na nakikibahagi sa pagdiriwang na ito!  Bagamat ang eksaktong petsa ng kanyang kapistahan ay noong nakaraang ika-anim ng Mayo, ang linggong ito ang ating itinalaga bilang araw ng pagdiriwang ng ating parokya.  Maligayang kapistahan sa inyong lahat!

Pangalawa, binabati natin ang lahat ng mga nanay na naririto sa pagdiriwang nitong Mothers' Day.  Batid nating hindi matatawaran ang sakripisyo at pagmamahal ng mga magulang, lalung-lalo na ang mga ina, sa kanilang mga anak.  Bilang mabubuting mga anak, ang pinakamagandang magagawa natin sa kanila ay ang handugan sila ng ating mga panalangin bilang pagpapakita ng ating pagmamahal sa kanila.  Happy Mothers' Day po sa lahat ng mga nanay na naririto at kahit sa kanilang mga namayapa na!  Lubos ang aming pasasalamat sa inyo!

Ano ba ang pakiramdam ng isang taong walang nagmamahal?  Masaklap! Ang sabi nga ng isang mensaheng natanggap ko: ubod ng lungkot... "parang aso na walang amo, parang adik na walang damo, parang dinuguan na walang puto, parang zesto na walang straw, parang tinola na walang sabaw, parang babae na walang dalaw, parang bahay na walang ilaw, parang ako na walang ikaw..." hehehe... 

Kaya siguro bago lisanin ni Jesus ang mundong ito ang kanyang huling habilin ay tungkol sa pag-ibig: "Ito ang iniuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.” Nakakalungkot lang isipin na mula sa mensaheng ito ay lumitaw ang mahigit 22,000 na magkakaibang relihiyon at sekta na namumuhi at nasusuklam sa isa't isa!  At kahit sa atin mismong mga Kristiyano, hindi pa rin nawawala ang bangayan, ang paninira at pagkasuklam sa isa't isa.Bakit nagkaganoon? Nagkamali ba si Jesus sa pagpapaliwanag kung ano ang dapat na katangian ng pag-ibig? 

Malinaw ang mga katagang binitiwan ngayon ni Jesus sa Ebanghelyo. Ang unang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magsakripisyo alang-alang sa kapakanan ng iba. "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan."  May isang lugar sa Chicago na ang tawag ay Oliver Milton's Park. Ito ay ipinangalan sa isang sundalo na dinapaan ang isang granada upang mailigtas ang kanyang mga kasama sa tiyak na kamatayan. Ang tunay na nagmamahal ay inuuna ang kapakanan ng iba bago ang sarili.  Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng sariling oras, kakayahan, karunungan, at kahit kayamanan sa mga taong nangangailangan. Wala sa diksiyonaryo ng taong nagmamahal ang katagang: "Wala akong pakialam!" Tandaan natin na ang Diyos ang unang nakialam sa atin. Hindi naman obligado ang Diyos na isugo ang kanyang bugtong na anak at mag-alay ng kanyang buhay sa krus, ngunit ginawa niya ito upang ipakita ang kadakilaan ng kanyang pag-ibig.  Kaya nga't ang kahulugan ng pag-ibig para kay San Juan apostol ay  "Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan."   

Ang ikalawang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magmahal sa lahat na walang itinatangi. May kuwento ng isang sundalong sumulat sa kanyang mga magulang na uuwi na siya at may dadalhin siyang isang kaibigang sundalo na makikitira sa kanilang bahay. Ipinaliwanag niya na ang sundalo ay walang dalawang paa sapagkat nasabugan ito ng landmine sa kasagsagan ng giyera. Ayaw pumayag ng mga magulang at sinabing 'wag na lang sapagkat magiging pabigat lamang ang taong ito sa kanila. Iyon na ang huling pag-uusap nila. Paglipas ng ilang taon nagkita muli sila sa isang morgue nang mabalitaan nilang namatay ang kanilang anak sa isang aksidente at gayun na lamang ang pagkagulat nila ng makitang ang kanilang anak ay walang dalawang paa.  Ang pagmamahal na walang itinatangi ay nangangahulugan ng pagtanggap sa ating kapwa ng walang kundisyon. Katulad ito ng ipinakita ni Jesus ng nag-alay siya ng kanyang buhay para sa atin lalo na sa ating mga makasalanan. Hindi Niya tiningnan ang ating depekto o pagkukulang, maging ang kapangitan bilang tao dala ng ating patuloy na pagkakasala. Ang kaligtasang ibinigay sa atin ni Jesus sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay ay para sa lahat ng tao: ano man ang relihiyon, lahi, kultura, kasarian, pag-uugali niyang taglay. 

Dapat ang ating pagmamahal ay taglay ang dalawang katangiang ito: handang magsakripisyo at walang itinatangi.  Kalimitan, kinasusuklaman natin ang ating kaaway at malambing lamang tayo sa ating mga kaibigan.  Kung minsan ang ating pagpapakita ng pagmamahal ay may halong pagkamakasarili at hindi natin inuuna ang kapakanan ng iba.  Ngunit hindi ito ang gawi ng Panginoon. Ang Panginoon ay nagpakita ng habag at pagmamahal sa mga taong hindi kaibig-ibig, sa mga taong makasalanan. Sana tayo rin ay kayang maghanap sa mga taong hindi nabibigyang pansin, sa mga kapus-palad, sa mga naliligaw ng landas, sa mga kapos sa pagmamahal.  

Hindi ba't ganito ang pag-ibig ng ating mga magulang lalo na nang ating mga ina?  Handa silang magutom, mauhaw, mapagod, mapuyat basta't huwag lamang maghirap ang kanilang mga anak.  Hindi man lahat ngunit marami pa ring nanay ang handang limutin ang kanilang sarili at gumawa ng sakrispisyo. Ito rin ang makikita natin sa mga santo at santa kasama na ang ating patrong Santo Domingo Savio.  Sa murang edad ay ipinakita niya na ang kabanalan ay hindi imposibleng makamit ng bawat taong marunong magmahal sa Diyos at sa kanyang kapwa. Ang kanyang pagmamahal ay bunga ng kanyang malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos.    

Kung susundin lamang natin ang sinabi ni Jesus mahigit 2,000 taon na ang nakakaraan, ay siguradong mababawasan ang pagkasuklam at pagkagalit sa isa't isa. Ito pa rin ang mensaheng nais niyang iparating sa atin: "Mag-ibigan kayo tulad ng pag-ibig na ipinakita ko sa inyo!" isang pag-ibig na hindi makasarili, isang pag-ibig na nakatuon sa lahat, isang pag-ibig na handang mag-alay ng kanyang sarili para sa kanyang kaibigan. Ito ang pag-ibig na ipinamalas ng Diyos sa atin... isang dakilang pag-ibig!

Sabado, Mayo 1, 2021

MANATILI AT MAMUNGA: Reflection for 5th Sunday of Easter Year B - May 2, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Sino ba ang Kristiyanong Katoliko?  Tayong lahat na nagtitipon-tipon dito ay mga Kristiyanong Katoliko.  Bakit? Siguro sasabihin natin na dahil nabinyagan tayo. O kaya naman ay dahil nagsisimba tayo tuwing Linggo.  O dahil siguro ay iisa ang ating pananampalatayang pinahahayag.  Sapat ba ito upang sabihing tayo ay mga Krisitiyanong Katoliko?  Pagnilayan ninyo ang kuwentong ito:

Tatlong pari ang nag-uusap tungkol sa isang malaking problema sa kanilang mga parokya: na ang kisame ng kanilang mga simbahan ay pinananahanan ng mga paniki.  Ang sabi ng isa: "Ah, ang ginawa ko ay bumuli ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mga paniki para mabulabog sila.  Nag-alisan naman, kaya lang bumalik uli at nagsama pa ng kanilang mga tropa!"  Ang sabi namang pari, "Ako naman, bumili ng pang chemical spray.  ginamit ko ito at simula ay effective naman.  Marami ang namatay ngunit may mga naiwan. Ang masaklap ay na-immune ang mga ito at maging ang kanilang mga naging anak at apo ay di na tinatablan ng chemical."  Pagyayabang na sabi ng pangatlong pari: "Ako simple lang. Di ako ganong gumastos! Kumuha lang ako ng tubig.  Binasbasan ko ito.  Bininyagan ko ang mga paniki at pagkatapos ay nagliparan palabas ang mga paniki at hindi na muling bumalik sa simbahan!"  

Marami sa ating mga Katoliko ay walang pinagkaiba sa mga paniking bininyagan!  Pagkatapos mabinyagan ay palipad-lipad na lamang sa labas ng simbahan at ayaw ng pumasok!  Nakalulungkot ngunit ito ang katotohanan: maraming Katoliko ang kristiyano lamang sa "baptismal certificate", nabinyagan ngunit hanggang doon na lamang, sila ay ang mga "Sacramentalized but not evangelized."  Hindi sapagkat nabinyagan tayo ay katoliko na tayo.  Hindi sapagkat pumasok tayo ng simbahan ay kristiyano na tayo.  Ang sabi nga ng isang sikat na amerikanong obispong pumanaw na na si Bishop Fulton Sheen: "Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse, ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad nagiging Kristiyano."  Kung gayon ay paano nga ba tayo nagiging Kristiyano?  Ang sinasabi ng ating ebanghelyo ngayon ay ang pananatili kay Kristo at pamumungang dapat na dulot nito.  Ibinibigay ni Jesus na pagtutulad ang puno ng ubas at ng mga sanga nito.  Para mas lalo natin itong maintindihan ay dapat nating ilagay natin sa konteksto ng ating pagbasa.

Sa Lumang Tipan, ang ubasan ay laging ipinantutukoy sa bayang pinili ng Diyos, ang Israel, na ang kasaysayan ay tungkol sa katapatan ng Diyos sa kanyang Tipan sa kabila ng maraming pagtalikod at pagtataksil ng tao.  Sila ang ubasan na kung minsan ay hindi nagbibigay ng bunga sa kabila ng masusing pag-aalaga ng Diyos sa kanila.  Sa Bagong Tipan ay inako mismo ni Jesus ang pagiging puno ng ubas upang ipakita ang kahalagahan ng ating pakikipag-ugnayan sa Kanya. "Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana..."  

Totoo na tayong mga "sanga" ay naiugnay kay Jesus sa pamamagitan ng ating Binyag na kung saan tayo ay naging kabahagi ng Katawan ni Kristo. Tayo ay nananatili sa Kanya sa pamamagaitan ng ating buhay panalangin at pagtanggap ng mga Sakramento.  Ngunit ang pananatiling ito ay dapat na magbigay ng bunga sa ating buhay.  Wala ring silbi ang sanga kahit na ito ay malaki kung wala naman itong bunga.  At paano ito namumunga?  Ang sabi ni San Juan sa ikalawang pagbasa ay "Ipakita natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa."   

Kung minsan ay nangangailangan ito ng pagpuputol ng ilang sanga o "trimming" upang lalo pang dumami ang bunga.  Sa ating buhay, ito ay ang maraming pagsubok na ipinadadala ng Diyos sa atin na kapag ating napagtagumpayan ay nagbibigay sa atin ng biyaya at maraming pagpapala.  Maaari nating sabihin na ang kahirapang dulot ng pandemyang ito ay isang uri ng pagpuputol na ginagawa ng Diyos sa atin upang mas lalo pang lumalim ang ating pakikipag-ugnayan sa kanya at magbunga ito ng kabutihan na tumutugon sa pangangailangan ng ating kapwa.  Nakakataba ng puso ang ipinapakitang kabutihan ng marami nating kapatid na nagbibigay ng tulong ayon sa kanilang kakayahan sa mga nagsulputang community pantry.  Ito ay isang pagpapatunay na kayang talunin ng kabutihan ang kasamaan, na kayang pagtagumpayan ng pagbibigay ang pagiging makasarili.  Ito ay isang konkretong pagpapakita ng nais ng Panginoon na mangyari sa atin kung talagang nanatili tayo sa kanya:  Ang mamunga ng sagana!