Sabado, Mayo 31, 2014

LOOK UP! LOOK UP! : Reflection for the Solemnity of the Lord's Ascencion Year A - June 1, 2014 - YEAR OF THE LAITY

"Picture! Picture!"  Napaka-ordinaryo na ngayon ang magpakuha ng picture.  Kahit sino ay puwede ng gumawa nito: bata man o matanda, mayaman man o mahirap, may pinag-aralan man o wala... lahat puwedeng kumuha at magpakuha ng "picture!"  Kahit nga nag-iisa ka ay puwede mong kunan ang iyong sarili. Sa katunayan ang  salitang "selfie" ay isang opisyal nang salita ngayon sa ating bokabularyo at kahit sino ay maaring mag "selfie"! Pahabain mo lang ang pagnguso , papungayin ang mata at pakapalin lang ang mukha... BOOMSELFIE ka na!  May isa pang kakaibang gimik sa picture-picture at iyan ay ang LOOK UP! LOOK UP! Ewan ko ba kung ano ang meron sa itaas at dapat tayong tumingin doon.  Puede namang sa ibaba tumingin, puedeng sa gilid o sa harap o sa likod.  Ano ba ng meron sa itaas? Ito rin ang tanong na ipinukol sa mga alagad pagkatapos umakyat sa langit ni Jesus: “Mga taga-Galilea,” sabi nila, “bakit kayo narito’t nakatingala sa langit? Itong si Hesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat niya.” Naiwan ang mga taong nakatingin sa itaas... naka-LOOK UP! LOOK UP! kahit na hindi pa uso ang camera noong panahong iyon.  Bakit? Marahil ay manghang-mangha pa rin sila sa mga pangyayari nang si Jesus ay umakyat sa langit at unti-unting nawala sa kanilang paningin. Ngunit hindi ito ang nais ni Jesus. Hindi ito ang kahulugan ng Kanyang pag-akyat sa kalangitan. Ang Kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa Langit ay nagsasabi sa ating dapat nating palakasin ang ating pag-asa at pagnanais na marating din ang pangako sa ating kalangitan.  Ngunit tandaan natin na habang tayo ay nag-aantay na pumunta sa langit ay nag-iwan si Jesus sa atin ng assignment o gawain na dapat nating gampanan at ito ay ang maging buhay niyang mga saksi sa lahat ng tao!  Ang saksi ay isang testigo at ang testigo ay nagpapatotoo. Nagpapatotoo tayo sapagkat naranasan natin ang kanyang pagmamahal at pagliligtas. Nagpapatotoo tayo sapagkat naging kabahagi tayo ng Kanyang buhay.  Sa sakramento ng binyag ay tinanggap natin ang "buhay ng Diyos".  Kaya nga ang tagubilin ni Jesus sa atin bago siya umalis ay "Binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-utos ko sa inyo."  Hindi ito madali.  Ang pagsaksi sa ating binyag ay nangangahulugang mabubuhay akong katulad ni Kristo. Madaling maging Krustiyano ngunit mahirap magpakakristiyano lalong lalo na sa panahon ngayon na ang mga pinapahalagahan ay mga bagay na materyal at lumilipas. May kahulugan din naman ang LOOK UP! LOOK UP!  Ibig ipakahulugan nito ay ituon natin ang ating sarili sa bagay na makalangit. Gumawa ng mabuti at iwasan ang masama. Langit ang ating hantungan kayat nararapat lang na mabuhay tayong parang nasa langit na rin ang ating buhay.  Ginawa tayo para sa langit.... mabuhay tayo na parang nasa langit.

Sabado, Mayo 24, 2014

PAG-IBIG AT PAGSUNOD (Reposted & Revised) : Reflection for 6th Sunday of Easter Year A - May 25, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Paano mo malalaman kung tunay ang iyong pagsunod sa mga utos ng Diyos?  Tanungin mo ang iyong sarili... Bakit ka nagsisimba tuwing Linggo?  Marahil sasabihin ng iba ay sapagkat takot silang malabag ang ikatlong utos ng Diyos.  Ang iba naman marahil ay sapagkat may karampatang kapalit ang pagpapakabuti; may langit na naghihintay sa mga sumusunod ng kanyang utos. Tama ba o mali ang ganitong mga dahilan? Mayroong isang kuwento na minsan daw ay may isang taong nakakita sa isang anghel na may dalang sulo sa isang kamay at isang timbang tubig naman sa isa. Tinanong niya ang anghel kung para saan ito. Ito ang sagot ng anghel: "Sa pamamagitan ng sulo ay susunugin ko ang mga "mansiyon" sa langit at sa pamamagitan naman ng tubig ay bubuhusan at pupuksain ko ang apoy ng impiyerno. At makikita natin kung sino talaga ang taong nagmamahal sa Diyos!" Ito ang mensaheng nais ipahiwatig ng anghel: Marami sa ating mga Kristiyano ang sumusunod lang sa utos ng Diyos sapagkat takot sila sa "apoy" o parusa ng impiyerno o kaya naman ay sapagkat nais nilang manirahan sa "mansiyon ng langit." Kakaunti ang nakapagsasabing "sumusunod ako sa utos dahil mahal ko ang Diyos!" Sa Ebanghelyo ay malinaw ang mga salitang binitiwan ni Hesus: "Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos!" Mali ang pagsunod ng dahil sa takot at mali rin ang pagsunod dahil may hinihintay na kapalit. Ang tunay na pagsunod sa utos ng Diyos ay sapagkat mahal natin Siya. Walang takot. Walang hinihintay na kapalit. Ibig sabihin, nagsisimba ka hindi sapagkat takot kang magkaroon ng kasalanang mortal. Matulungin ka sa mahihirap hindi sapagkat may hinihintay kang gantimpala sa langit. Umiiwas ka sa masamang gawain hindi sapakat takot kang mapa-impiyerno! Nagpapakabuti ka sapagkat MAHAL MO ANG DIYOS! Hindi madali ang magkaroon ng ganitong pananaw at pag-iisip. Kaya nga ipinangako ni Hesus ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo, ang Patnubay na ipinangako ni Hesus, ang s'yang tutulong sa atin upang masunod natin ng may pagmamahal ang Kanyang mga utos. Ang Banal na Espiritu ang Syang dadalisay sa ating mga adhikain at pagnanais na maging mabuti.  Hingin natin ang Kanyang pamamagitan upang paglinawin ang ating mga isipan kung bakit ba tayo nagpapakabuti at umiiwas sa paggawa ng masama.  Tandaan natin na ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... mas nais Niyang Siya'y ating mahalin.  Ngayong Taon ng ma Layko ay piliin nating maging matapang at sundin ng may pagmamahal ang mga utos ng Diyos.  Ang taong tunay na nagmamahal ay walang takot sa pagsunod sa Kanyang mga utos.

Biyernes, Mayo 23, 2014

Reflection for the SOLEMNITY OF MARY HELP OF CHRISTIANS (Reposted & Revised): MAY 24, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Bakit ba ganun na lamang kalaki ang ating pagpipitagan sa ating Mahal na Inang si Maria?  Totoong iisa lamang ang namamagitan sa atin sa Diyos Ama.  Iisa lamang ang ating tagapagligtas... si JESUS!  Ngunit matibay ang ating pananampalataya na pinili nang Diyos ang Mahal na Birheng Maria at binigyan ng natatanging biyaya upang tulungan tayong dalhin sa Kanyang Anak na si Jesus.  Mayroong isang kuwento na minsan daw sa langit ay naglalakad ang Panginoong Hesus at nakakita siya ng mga di kilalang kaluluwa na gumagala sa Kanyang kaharian. Agad niyang tinawag si San Pedro upang tanungin kung sino ang mga bagong "migrants" na iyon. Walang masabi si San Pedro kaya't katakot-takot na sermon ang inabot niya sa Panginoon. "Hindi ba sabi ko na sa iyong isarado mong mabuti ang pinto upang walang makakapasok dito na hindi natin nalalaman?" Sabi ni Hesus. Tugon ni San Pedro: "Sinasarado ko naman po... kaya lang ang nanay ninyo binubuksan naman ang bintana at doon ipinupuslit ang mga migranteng ito!" hehehe... Marahil isang kuwento lamang ngunit kapupulutan natin ng aral tungkol sa ating Mahal na Birhen. Tandaan natin: hindi Tagapagligtas ang Mahal na Birhen. Iisa lamang ang ating tagapagligtas, ang ating Panginoong Jesus. Ang pagbubukas ng bintana ay hindi nangangahulugang may kapangyarihang magligtas si Maria. Ang nais ipahiwatig nito ay maari siyang makatulong sa atin upang mas mapadali ang ating pagpasok sa langit. Tunay ngang siya ay "tulong ng mga Kristiyano" o "Help of Christians". Ang kasaysayan ang ating patunay na si Maria ay laging tumutugon sa pangangailanan ng Simbahan. October 7, 1571 ng magapi ng mga mandirigmang Kristiyano ang mga turko sa malamilagrong "Battle of Lepanto. May 24, 1814 ng nakalaya si Pope Pius VII sa pagkakabihag ni Napoleon at nawala ang pagtatangkang sirain ang Simbahan. Noong panahon ni Don Bosco (1815-1888) ay talamak at hayagan ang pagbatikos sa Simbahan ng mga "Anti-clericals". Lahat ng pagsubok na yan ay nalagpasan ng Simbahan sa pamamagitan ng pamimintuho at debosyon sa kanya. Kaya nga't hindi nagdalawang isip si Don Bosco upang kunin siyang patron ng kanyang gawain. Hanggang ngayon ay patuloy ang paggawa ni Maria ng himala at namamagitan siya sa pangangailangan ng Simbahan. Marami pa rin ang sumisira at tumutuligsa sa ating pananampalataya. Hingin natin ang kanyang makapangyarihang pamamagitan upang mapangalagaan ang ating Simbahan.  Ang ating buhay dito sa lupa ay paglalakbay... PATUNGO KAY JESUS KASAMA ANG MAHAL NA BIRHENG MARIA!  TO JESUS THROUGH MARY...!

Linggo, Mayo 18, 2014

ANG SIGURADONG DAAN (Revised & Reposted) Reflection for 5th Sunday of Easter Year A - May 18, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Sa tuwing ako ay nagbabasbas ng patay ay laging agaw-pansin sa aking ang nasa loob ng kabaong.  Hindi ang patay na nasa kabaong ang tinutukoy ko, ang sinasabi kong agaw-pansin ay ang mga inilalagay nating "kakaiba" sa patay.  Halimbawa ay ang perang nakaipit sa kamay.  Pamasahe ba ito ng patay para makarating sa kabilang buhay?  Kung minsan naman ay may sisiw sa ibabaw ng kabaong.  Biktima pala anbg patay ang patay ng karahasan at bawat pagtuka daw ng sisiw ay pag-uusig ng budhi sa taong nakagawa ng karahasan.  Minsan naman ay may pagkaing inabot na ng isang linggo sa ibabaw ng ataol.  Ayun... BOOM PANIS! hehehe... Kung nakadalo ka na sa burol ng mga intsik ay mamamngha ka naman sa mga kagamitang nasa tabi ng kabaong:  may laruang kotse o eroplano, may bahay-bahayan, may pera-perahan, may masasarap na pagkain, etc... Ito raw ay kailangan ng namatay upang may dadalhin siya sa kabilang buhay at magagamit sa kanyang pananatili doon. Bagamat naniniwala din tayo sa "buhay sa kabila" ay naiiba naman ang ating pananaw sa ating patutunguhan. Hindi na natin kinakailangan ang magdala ng ano pa man sapagkat naniniwala tayo na ang Diyos na mismo ang maghahanda sa atin ng "matitirhan" kapag tayo ay sumakabilang buhay na.  Sabi nga ng Panginoon sa ating pagbasa: "Huwag kayong mabalisa... sa bahay ng aking Ama ay maraming silid.  Paroroon ako upang iapghanda ko kayo ng matitirhan..."  Ito ang nagbibigay sa atin ng pag-asa at dahilan kung bakit namumuhay tayo bilang mabubuting Kristiyano... may naghihintay kasing gantimpala sa atin kung tayo ay mananatiling matapat na alagad ni Jesus at kung lagi nating tinatahak ang daan patungo sa Ama.  At ano ba ang daang ito?  Saan ba ito matatagpuan?  Isang bagong pari ang nadestino sa isang liblib na baryo ang matiyagang naghanap ng kanyang bagong parokya. Dahil baguhan sa lugar ay hindi niya matunton ang simbahan kaya't nagtanong siya sa isang batang tagaroon. "Iho, saan ba dito ang daan papuntang Simbahan?" Hindi sumagot ang bata kaya't naisipan ng paring baguhin ang kanyang tanong. "Iho, kung sasabihin mo sa akin kung saan ang daan papuntang parokya ay ituturo ko sa iyo ang daan papuntang langit!" Sagot ang bata: "E kung yung daan nga pong papuntang parokya ay di n'yo alam, papaano pa kaya ang daan papuntang langit?" hehehe... Saan nga ba ang daan papuntang langit? Ang sabi ni Bro. Eli ay sa pamamagitan ng "Dating Daan". Ang sabi naman ni Ka Bularan (mga Iglesia ni Manalo) ay sa "Tamang Daan". Tahimik lang tayong mga Katoliko sapagkat alam natin na nasa atin ang "Siguradong Daan"... Si Hesus! Siya ang "Daan, ang Katotohanan at Buhay!" Sa Kanya lamang natin matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Taliwas sa itinuturo ng mundo na ang daan sa kaligayahan ay nasa kayamanan, salapi, katanyagan, kasarapan sa buhay. Si Hesus bilang "daan" ay nagpakita sa atin na ang tunay na kaligayahan ay nasa pagtitiis ng hirap, pagpapakumbaba, pagsasakripisyo... At ang tanging hinihingi Niya sa atin ay malakas na pananampalataya. Ang sabi Niya nga sa Ebanghelyo ngayong Linggo, "Manalig kayo sa Diyos Ama, at manalig din kayo sa Akin." Sinasabihan Niya tayong "manalig" sapagkat ang daan patungo sa kapahamakan ay napakalawak. Walang hirap. Pa-easy-easy! Papetiks-petiks! Samantalang ang daan patungo sa langit ay mahirap! Puno ng pagtitiis! May kasamang pag-uusig at pagkamatay sa sarili! Madaling magsinungaling mas mahirap magsabi ng totoo. Madaling magnakaw, mas mahirap magtrabaho. Madaling mag-cheat sa exam mas mahirap mag-aral. Madaling magcomputer games mas mahirap gumawa ng homework sa school. Ngunit kahit mahirap man ay hindi tayo magkakamali kung si Hesus ang daan na ating tatahakin sapagkat Siya lang naman talaga ang ating "SIGURADONG DAAN" tungo sa ating kaligtasan! Sa kanya lamang nagmumula ang GANAP NA KATOTOHANAN na ating minimithi. At higit sa lahat siya lang ang makapagbibigay ng BUHAY NA WALANG HANGGAN sa mga nagnanais magkamit nito!

Sabado, Mayo 10, 2014

ANG MABUTING PASTOL (Reposted) : Reflection for 4th Sunday of Easter Year A - May 11, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Ang ika-apat na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay laging inilalaan ng Simbahan upang ipagdasal ang pagpapalaganap sa bokasyon ng pagpapari at pagiging relihiyoso (madre at lay brother). Ang ebanghelyo ay parating patungkol sa Mabuting Pastol upang paalalahanan tayo ng masidhing pangangailangan ng Simbahan ng mabubuting pastol na naayon sa halimbawa ni Jesus, ang ating Butihing PastolSiya ang Mabuting Pastol na talagang may malasakit para sa kanyang mga tupa. Sa modernong takbo ng pamumuhay ngayon at malakas na impluwensiya ng komersiyalismo at materyalismo ay tila napakahirap ng mag-anyaya ng mga kabataang nais sumunod sa yapak ni Jesus. Ngunit mas mahirap itong ipaliwanag kung hindi muna natin naiintindihan ang ibig sabihin ng salitang "bokasyon". Ano ba ang ibig sabihin ng bokasyon? Sagot sa aking ng isang bata: "Father ang pinto pag hindi nakasara... bukas yon!" hehehe... May tama ang batang iyon at tunay namang may punto ang kanyang sagot. Ang isang pintong bukas ay naghihintay... nag-aanyaya! Ang bokasyon ay ang paghihintay ng Diyos sa kanyang paanyaya sa atin. Ito ay ang ating pagtugon sa Kanyang pagtawag. Ang unang pagtawag ng Diyos ay ang tayo ay mabuhay bilang tao (human vocation). Sinasagot natin ito kung nabubuhay tayo ng mabuti at kapag pinagyayaman natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos. Ang ikalawang pagtawag ay ang ating pagiging Kristiyano (Christian vocation). Sinasagot natin ito kapag tayo ay nabubuhay na katulad ni Kristo (Christ-like). Ang resulta ay ang pinakamataas na pagtawag ng Diyos sa atin... ang pagiging banal (Call to Holiness!). Isinasagawa natin ang mga ito sa iba't ibang estado ng ating buhay bilang may asawa, single o walang asawa, at bilang pari o relihiyoso. Lahat ay daan tungo sa kabanalan. Bukas ang pintuang nag-aanyaya at ang pintuan ay walang iba kundi si Jesus! Siya ang pintuan na kung saan ay dapat dumaaan ang Kanyang mga tupa. Nakasalalay ang ating kaligayahan sa pagpasok sa tamang 'pintuan'... sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kapag tinawag ka ng Diyos sa pagpapari o pagmamadre ay wag ka ng mag-atubili pa! Wag magpatumpik-tumpik! Wag kang matakot o mag-alinlangan sapagkat hindi pinababayaan ng Diyos ang kanyang tinawag. Paano na ang pamilya ko? Sino na ang mag-aalaga sa aking mga magulang at mga kapatid? Paano na ang career ko? Paano na ang mga kaibigan ko? Iiwanan ko ba silang lahat? Kung minsan din ay pinangungunahan tayo ng ating "kakulangan" at naiisip nating di tayo karapat-dapat sa pagtawag ng Diyos. Ang Diyos na tumatawag sa atin ang magpupuno ng ating kakulangan. Hindi dapat maging hadlang ang anumang bagay upang sumunod sa Kanya! Pamilya, kaibigan, kayamanan, "career", kakayahan at kakulangan ay di dapat hadlang sa pagpasok sa "Pintuan". Isa lang ang pintuan... si Jesus! At sa Kanya nakasalalay ang ating kaligayahan. Kung nais mong tunay na lumigaya ay sagutin mo ang paanyaya ng Mabuting Pastol.

Sabado, Mayo 3, 2014

KALAKBAY SA BUHAY: Reflection for 3rd Sunday of Easter Year A - May 4, 2014 - YEAR OF THE LAITY

"Natutulog ba ang Diyos?"  Ito ang katanungang tumutukso sa ating isipan kapag tayo ay nakararanas ng maraming paghihirap sa ating buhay.  May mga pagkakataong parang hindi natin madama ang Kanyang presensiya.  May mga pagkakataong parang iniwan Niya tayo, pinabayaan, hinayaang masadlak sa dilim.  "Nasaan ba ang Diyos?" Tanong ng isang katekista sa kanyang mga batang tinuturuan ng katesismo. Sagot ang isa: "Sister, nandun po siya sa Simbahan, nakatago sa tabernakulo." "Very good!" sagot ni sister. "Sister", sabi naman ng isa: "Nandun po siya sa Banal na Komunyon na tinatanggap namin sa Misa." "Very good!" sabi uli ni sister. Nagtaas ng kamay ang pinkapasaway niyang estudyante. "Sister, ang Diyos po ay nasa banyo namin!" "Haaa? Panung nangyari yun?" tanong ni sister. Kasi po, kaninang pagkagising ko ay narinig ko ang tatay ko na kinakalabog ang pintuan ng banyo namin at sinasabing: "Diyos ko... Diyos ko... ang tagal mo naman! Late na ako sa trabaho! Kelan ka lalabas d'yan?" hehe... Nasaan ba ang Diyos? Ito ang tanong ng marami sa atin kapag hindi natin mabigyan ng magandang paliwanag ang mga masasamang pangyayari sa ating buhay. Sa mukha ng kagutuman, karahasan, kawalan ng katarungan at kahit kamatayan ay lagi nating naitatanong kung may Diyos bang naninirihan sa piling natin. Para sa dalawang alagad na pabalik ng Emaus, ang kanilang kinikilalang Mesias at Panginoon ay wala na. Kaya nga 't balot ng lungkot at pighati ang kanilang paglisan sa Jerusalem, ang lugar nang kanilang "pagkabigo". Ngunit ang kanilang pagkabahala ay pinawi ni Jesus. Siya mismo ang tumagpo sa kanila sa daan upang iparamdam na hindi sila iniwan ng kanilang Panginoon. Nakisabay si Jesus sa kanila; ipinaliwanag ang Kasulatan at binuksan ang kanilang isipan sa "Paghahati ng Tinapay." Doon nila naunawaang ang Diyos pala ay "kapiling nila!" Ito rin marahil ang tanong ng marami sa atin. Nasaan ba ang Diyos? Kapag nahaharap tayo sa ating mga "Jerusalem", ang ating mga krisis, ay napakadali nating pagdudahan ang Kanyang pananatili at tinatahak agad natin ang ating mga "Emaus"... lugar ng kawalan ng pag-asa. Isa lang ang nais ipahiwatig sa atin ni Jesus... hindi Niya tayo binigo! Siya ay nanatili pa rin kapiling natin! Sa tuwing binubuklat natin ang Salita ng Diyos at nagsasalo sa paghahati ng tinapay sa Banal na Misa ay naroon Siya sa ating piling. Sa tuwing nagsasabi tayo ng "Amen!" sa pagtanggap natin sa Kanya sa Komunyon ay nanatilli siya sa ating pagkatao at dahil dito ay matatagpuan din natin Siya sa ating kapwa. Hingin natin sa Panginoon ang biyayang makita Siya at madama ang Kanyang pag-ibig. Lisanin natin ang ating "Emaus" at harapin natin ang ating "Jerusalem" upang makasama tayo sa kaluwalhatian ng muling pagkabuhay ni Jesus! Ngayon Taon ng mga Layko ay piliin nating maging matapang! "Choose to be brave!"  Ang ating Diyos ay Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay!  Ang biyaya ng Kanyang muling pagkabuhay ay dapat magbigay sa atin ng bagong pag-asa na may Diyos na nagmamahal sa atin at patuloy na nakikilakbay kasama natin.