Sabado, Mayo 30, 2015

DIYOS NA 3 in 1 : Reflection for the Solemnity of the Blessed Trinity Year B - May 31, 2015 - Year of the Poor

May isang batang nagtanong sa akin: "Father, bakit isa lang ang Diyos at hindi tatlo? Di ba Siya ay Ama, Anak, at Espritu Santo? Di ba 1+1+1=3? " Ito ang sagot ko sa kanya: "Iho, ang Diyos ay hindi puwedeng gamitan ng arithmetic! Kasi puede rin na 1x1x1=1!" Lubos ang kadakilaan ng Diyos kung kaya't hindi Siya maaring bilangin ng ating mga daliri sa kamay. Lubos ang Kanyang kadakilaan na hindi Siya maaring pagkasyahin sa ating maliit na isipan. Siya ang Manlilikha... Siya ang walang simula at walang katapusan... Siya ang hari ng sanlibutan! Ang problema marahil ay pilit nating inuunawa kung sino ba talaga Siya. Ang napakatalinong taong si Santo Tomas Aquino, na nagsulat ng maraming aklat tungkol sa Diyos (halimbawa ang Summa Theologia), pagkatapos ng kanyang mahabang pagsusulat at pagtuturo ay nagsabing ang lahat ng kanyang inilahad tungkol sa Diyos ay maituturing na basura lamang kung dadalhin sa Kanyang harapan. Ibig sabihin ni Santo Tomas ay hindi natin lubos na mauunawan ang Diyos! Kahit ang taong pinakamatalino ay kapos sa kaalaman kung ang "misteryo ng Diyos" ang pag-uusapan. Bagamat walang sino mang tao ang lubos na makakaunawa sa Kanya ay pinili Niya pa ring magpahayag sa atin. Ang pagpapahayag ng Diyos ay napakasimple na kahit na ang walang pinag-aralang tao ay maaring makaunawa sa Kanya: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."  Ipinahayag ng Diyos na Siya ay pag-ibig. Kaya nga't masasabi natin na ang Diyos ay mauunawaan lamang ng taong marunong magmahal! Ang Banal na Santatlo ay pagmamahalan! Nauunawaan mo ang Diyos kung marunong kang magpatawad. Nauunawaan mo ang Diyos kung matulungin ka sa mga mahihirap. Nauunawaan mo ang Diyos kung ang hanap mo ay ang kabutihan ng iyong kapwa! Marahil hindi natin maiintindihan kung bakit ang 1+1+1 para sa atin ay 1. Huwag tayong mag-isip... sa halip subukan nating magmahal at makikita natin na ang kakulangang ng ating pag-iisip ay mapupuno ng isang payak at malinis na puso. May isa akong kaibigan na ang motto sa buhay ay: "I am number three!" Ipinaliwanag niya sa akin: "I am number three sapagkat nais ko laging ipaalala sa aking sarili na ang Diyos dapat ang mumber one sa buhay ko. Ang aking kapwa naman ang number two. Ang aking sarili ay pangatlo lamang!"  Totoo nga naman na dapat din nating mahalin ang ating mga sarili.  Ngunit ang labis na pagmamahal sa sarili na nakakalimot na na may Diyos at kapwa na dapat ko ring mahalin ay mapanganib.  Ngayong Taon ng Dukha ay sikapin natin unahin ang kapakanan ng iba bago ang ating mga sarili.  Hindi ito madali sapagkat lalabanan natin ang ating pagkamakasarili at magsasakripisyo tayo para sa iba.  Ngunit ito naman talaga ang kahulugan ng tunay na pag-ibig... nag-aalay ng buhay para sa kanyang kaibigan!  Ang Diyos na "three in one" ay ang ating huwaran sa tunay na pagmamahal.  Ang pag-ibig ng Diyos Ama na nagbigay sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang pag-ibig na Anak na nag-alay ng kanyang buhay upang sundin ang kalooban ng Ama na tayo ay maligtas, at ang pag-ibig ng Espiritu Santo na patuloy na humiihimok sa ating magmahal upang maging isang Sambayanan tayong pinaghaharian ng Kanyang pagt-ibig.  Kaya narrapat lang na ang aking Diyos na Santatlo ay aking papurihan at mahalin.  Hindi man Siya maintindihan ng aking isipan... kaya naman Siyang damhin ng puso kong marunong magmahal!

Sabado, Mayo 23, 2015

MAY FOREVER! : Reflection for the Solemnity of Pentecost Year B - May 24, 2015 - YEAR OF THE POOR

Kapistahan ngayon ng Pagpanaog ng Espiritu Santo o Pentekostes.  May isang "Rabbi" (gurong Hudyo) ang minsang nagsabi: "Naiintindihan ko ang inyong pagtawag sa Diyos bilang "Ama", at kilala rin namin si Jesus na tinatawag ninyong "Diyos Anak", ngunit ang hindi ko talaga maintindihan ay ang "mahiwagang ibon" na tinatawag ninyong Espiritu Santo!"  Totoo nga naman, kahit sa kasalukuyang panahong ito ay marami pa rin, kahit sa ating mga Katoliko, ang kulang ang pang-unawa sa Espiritu Santo kahit lagi natin itong binabanggit sa ating mga panalangin.  Sino nga ba ang Espritu Santo?  Kung ang Diyos Ama ay ang lumikha ng lahat ng bagay at ang Diyos Anak naman ang tumubos sa ating mga kasalanan, ay ano naman ang papel na ginagampanan ng Diyos Espritu Santo sa kasaysayan ng ating kaligtasan?  Kung ako ang tatanungin, ang Espiritu Santo ang nagpapahayag at nagpapatunay na ang pagmamahal sa atin ng Diyos ay may "forever!"  Mayroon bang forever?  Mga taong "bitter" lang ang nagsasabing walang forever!  Para sa ating mga Kristiyano tayo ay nilikha ng Diyos dahil sa pag-ibig. Iniligtas Niya tayo sa ating pagkakasala dahil sa laki ng pagmamahal Niya sa atin.  At patuloy Niya tayong inaalagaan, ginagabayan at pinababanal sa pamamagitan ng pag-ibig na nagmumula sa Banal na Espiritu!  Hindi ba "forever" ang tawag sa ganung uri ng pagmamahal na magpakailanman at magpasawalanghanggan?   Ang Espiritu Santo ang gumagabay at pumapatnubay sa Simbahan mula pa ng ito ay isilang at magpasahanggang ngayon. Kung mahalaga ang kanyang papel na ginagampanan sa ating Simbahan ay lalong ng higit pa sa ating mga Kristiyano.   Ang Espiritu Santo ang nagpapabanal sa atin! Noong tayo ay bininyagan ay napuspos tayo ng Espiritu Santo. Sa Kumpil ay tinanggap naman natin ang kaganapan ng Kanyang mga biyaya hindi sapagkat kulang ito noong tayo ay binyagan kundi sapagkat hindi pa nakahanda ang ating pisikal na katawan noong sanggol pa lamang tayo. Ngayong tayo ay nakapag-iisip na ay nararapat lamang na ipakita natin ang pananahan ng Espiritu Santo sa ating buhay! Gisingin natin ang ating mga tulog na sarili!  Maging mulat tayong lahat na tayo ay ang mga buhay na "Templo ng Espiritu Santo!" Maging mga saksi tayo ng kanyang kapangyarihan sa ating buhay!  Ang "kapayapaan" ang tanda na tayo ay mga taong puspos ng Espiritu Santo. Kapayapaan ang ibinahagi ni Jesus sa kanyang mga alagad noong Siya ay muling mabuhay. Kapayapaan din ang patuloy niyang ibinabahagi sa ating pinananahanan na ng Banal na Espiritu.  Ang Espiritu Santo ay nag-uugnay, hindi naghihiwalay! Kapag may pag-kakaisa.. may pagmamahal.  Patuloy tayong minamahal ng Diyos sapagkat hinahangad Niya ang ating pagkakaisa.  Umasa tayong patuloy na tayong mamahalin at pag-iisahin sapagkat ang Kanyang pagmamahal ay may forever!

Sabado, Mayo 16, 2015

LANGIT NA HANTUNGAN: Reflection for the Solemnity of the Ascension - Year B - May 17, 2015 - YEAR OF THE POOR

Totoo bang may langit?  Saan ba ito matatagpuan?  Bata pa lang ako ay ito na ang katanungang gumugulo sa isip ko.  Ngayong ako'y malaki na at may sapat ng pag-iisip hindi pa rin nagbago ang tanong na ito.  Sa tuwing masasaksihan natin ang mga trahedya sa ating paligid tulad ng mga namatay sa sunog sa pagawaan ng tsinelas sa Valenzuela,  mga biktima ng lindol sa Nepal, mga Kristiyanong pinatay sa Syria, ay pilit na kumakatok ang katanungan ng katotohanan ng langit.  At ang mas malalim na tanong ay may mga tao bang gustong makarating dito?  Isang pari ang inis na inis kapag nagmimisa sapagkat laging may matanda sa kanyang harapan na tinutulugan ang kanyang sermon. Minsan ay naisip niyang bawian ang matanda at turuan iton ng leksiyon. Habang siya ay nagsesermon at naghihilik naman ang matanda ay pabulong niyang sinabi sa mga tao: "Yung nais umakyat sa langit... tumayo ng tahimik." At tahimik namang nagtayuan ang mga tao maliban kay lola na himbing na himbing sa pagkakatulog. Pinaupo niyang muli ang mga tao at napakalakas na sumigaw: "Ang gustong pumunta nang impiyerno... TAYO!!!" Nagulantang ang matandang natutulog at biglang tumayo at laking hiya niya ng mapansing lahat ay nakaupo. Ang pari naman ay tuwang-tuwa dahil sa wakas ay nakabawi na siya. Ngunit nagsalita ang matanda at ang sabi: "Padre, pasensiya na po kayo at hindi ko ata na naintindihan ang huli ninyong sinabi, pero nagtataka ako kung bakit dalawa tayong nakatayo, sabay tingin sa pari! hehehe... Sino nga ba sa atina ang gustong mapunta sa impiyerno? Marahil ay walang taong matino ang pag-iisip na tatayo. Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!" LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN! Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap na gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit? Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus.  Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Kung siya ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan. Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! 'Wag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 'Wag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito. Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay panandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay magpakailanman. Kaya nga sa susunod na may magsabing: "Ang gustong pumunta sa langit... tumayo!" 'Wag kang magdalawang isip na tumayo sapagkat langit ang ating hantungan! 

Sabado, Mayo 9, 2015

MAY FOREVER! : Reflection for 6th Sunday of Easter Year B - May 10, 2015 - YEAR OF THE POOR

Naniniwala ka bang "walang forever?"  Kung isa ka sa mga miyembro ng W.F.T.  (Wala Talagang Forever) ay isa ka sa mga taong "bitter"... kasimpait ng ampalaya ang iyong buhay!  Ipinagpalit lang ng boyfriend sa iba wala na agad forever... bitter ka lang te!  Sa halip na maging bitter dapat siguro mas maging "better" ang ating pagtingin sa buhay... may forever!   Lalo na sa ating mga Kristiyano ay dapat maniwala tayong MAY FOREVER!  May forever sapagkat ang ating Diyos ay PAG-IBIG tulad ng sabi ni San Juan sa kanyang unang sulat at ang Kanyang pagmamahal sa atin ay... FOREVER!   Ito rin ang binigyang diin ni Jesus nang sinabi niyang "Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo, manatili kayo sa aking pag-ibig!"  Manatili magpakailanman, magpasawalanghanggan... FOREVER!  Ano ang katangian ng pag-ibig na ito? Ang unang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magsakripisyo alang-alang sa kapakanan ng iba. "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan." May isang lugar sa Chicago na ang tawag ay Oliver Milton's Park. Ito ay ipinangalan sa isang sundalo na dinapaan ang isang granada upang mailigtas ang kanyang mga kasama sa tiyak na kamatayan. Ang tunay na nagmamahal ay inuuna ang kapakanan ng iba bago ang sarili. Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng sariling oras, kakayahan, karunungan, at kahit kayamanan sa mga taong nangangailangan. Wala sa diksiyonaryo ng taong nagmamahal ang katagang: "Wala akong pakialam!" Ang ikalawang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magmahal sa lahat na walang itinatangi.  May kuwento ng isang sundalong sumulat sa kanyang mga magulang na uuwi na siya at may dadalhin siyang isang kaibigang sundalo na makikitira sa kanilang bahay. Ipinaliwanag niya na ang sundalo ay walang dalawang paa sapagkat nasabugan ito ng landmine sa kasagsagan ng giyera. Ayaw pumayag ng mga magulang at sinabing wag na lang sapagkat magiging pabigat lamang ang taong ito sa kanila. Iyon na ang huling pag-uusap nila. Paglipas ng ilang taon nagkita muli sila sa isang morgue nang mabalitaan nilang namatay ang kanilang anak sa isang aksidente at gayun na lamang ang pagkagulat nila ng makitang ang kanilang anak ay walang dalawang paa. Ang pagmamahal na walang itinatangi ay nangangahulugan ng pagtanggap sa ating kapwa ng walang kundisyon. Katulad ito ng ipinakita ni Jesus ng nag-alay siya ng kanyang buhay para sa atin lalo na sa ating mga makasalanan. Hindi Niya tiningnan ang ating depekto o pagkukulang, maging ang kapangitan bilang tao dala ng ating patuloy na pagkakasala. Ang kaligtasang ibinigay sa atin ni Jesus sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay ay para sa lahat ng tao: ano man ang relihiyon, lahi, kultura, kasarian, pag-uugali niyang taglay. Dapat ang ating pagmamahal ay gayun din. Kalimitan, kinasusuklaman natin ang ating kaaway at malambing lamang tayo sa ating mga kaibigan. Ngunit hindi ito ang gawi ng Panginoon. Ang Panginoon ay nagpakita ng habag at pagmamahal sa mga taong hindi kaibig-ibig, sa mga taong makasalanan. Sana tayo rin ay kayang maghanap sa mga taong hindi nabibigyang pansin, sa mga kapus-palad, sa mga naliligaw ng landas, sa mga kapos sa pagmamahal.  Ito pa rin ang mensaheng nais niyang iparating sa atin: "Mag-ibigan kayo tulad ng pag-ibig na ipinakita ko sa inyo!" isang pag-ibig na hindi makasarili, isang pag-ibig na nakatuon sa lahat, isang pag-ibig na handang mag-alay ng kanyang sarili para sa kanyang kaibigan. Ito ang pag-ibig na ipinamalas ng Diyos sa atin at nais niyang ipakita at iparamdam natin sa iba... isang pag-ibig na nagsasabing may FOREVER!

Sabado, Mayo 2, 2015

MAMUNGA PARA KAY KRISTO : Reflection for 5th Sunday of Easter Year B - May 3, 2015 - YEAR OF THE POOR

 "Isang bayan para kay Pacman!"  Ito ang maririnig mo ngayon sa bibig ng mga Pilipino.  Muli ang bayang Pilipino ay pinagbuklod ng ating "Pambansang Kamao".   Manalo man o matalo, nakamit na nito ang kanyang layuning pagbuklurin ang bansang Pilipino.  Katulad din ng ating pagiging Kristiyano na pinagbubuklod ng ating pananampalataya kay Kristo.  "Siya ang puno ng ubas at tayo ang mga sanga!"  Ano ba ang ibig sabihin ng "pinagbuklod ni Kristo?"  Maari bang mahiwalay ang isang Kristiyano sa Kanya?  May tatlong magkakaibigan na nagpapayabangan sa kanilang pananampalataya: isang Muslim, isang Hindu at isang Kristiyano. Nagpunta sila sa isang mataas na gusali at nagpasiklaban sa kanilang sinasambang "diyos." "Sige, tatalon tayo sa gusali at hihingi tayo ng tulong sa ating diyos at ang makakaligtas ang siyang may pinakamakapangyarihang diyos!" Unang tumalon ang muslim. Sa kalagitnaan ng kanyang pagbulusok ay isinigaw niyang "Allah.. iligtas mo ako!" Lumagpak siya sa lupang bali-bali ang buto. Sumunod naman ang Buddhist. Nakapikit siyang nagmeditate at pagkatapos ay tumalon. Sa kaligitnaan ng kanyang pagbulusok ay sumigaw siya ng "Buddha iligtas mo ako!" At nang malapit na siyang lumagpak sa lupa ay parang himalang dinala siya ng hangin na animo'y bulak at dahan-dahang bumaba sa lupa. At sa kahuli-hulihan ay tumayo ang Kristiyano. Nagtanda ng krus at sabay talon. Sa kalagitnaan ng pagbulusok ay sumigaw siya ng "Hesus, Anak ni David, iligtas mo ako!" Aba... lalo pang bumilis ang kanyang pagbulusok! (9.8 m/sec2) Nang malapit na syang lumagpak ay biglang sigaw ng: "Buddha... Buddha... tuloooong!!!" Tayong mga Katoliko nga naman, madaling kumalas sa ating pananampalataya kapag nahaharap sa kagipitan. Ano nga ba ang nagbibigay ng kasiguruhan sa ating pananampalataya? Sa ating Ebanghelyo ngayon ay gumamit ang Panginoong Jesus ng isang paglalarawan: ang sangang nakakabit sa puno! Ang sanga ay mabubuhay lamang kung ito ay nakakabit sa puno.  Ang ating pananamapalatayang Kristiyano ay mananatili kung ito ay nakaugnay kay Kristo!  Noong tayo ay bininyagan ay tinanggap natin ang pananampalatayang ito. Iniugnay tayo kay Jesus. Sa katunayan ay tinaglay natin ang Kanyang pangalan... KRISTIYANO! Ngunit hindi lang sapat na nakakabit sa puno. Dapat din ay namumunga ang sangang ito! Ang ating pagiging Kristiyano ay hindi lamang "baptismal certificate." Ito ay ang matapat na pagsasabuhay ng ating sinasampalatayanan sa pamamagitan sa pagsunod sa utos at kalooban ng Diyos. Sa panahon ngayon na nababalot ng materyalismo, komersiyalismo at hedonismo ay hinahamon tayong mamunga bilang mga Kristiyano. Hindi madali sapagkat ang pinaiiral ng mundo ay kasarapan at kaginhawaan ng pamumuhay. Ayaw ng mundo na kahirapan. Ngunit kailangan ang pagtitiis kung nais nating mamunga. Sabi ng Panginoon: "Pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga." Tanggapin natin ang kahirapan ng buhay bilang pagpuputol at paglilinis ng Diyos sa atin. Kapalit ng pagtitiis na ito ay ang masaganang bunga naman para sa ating may pananampalataya. Manatili tayo kay Jesus. Mamunga tayo ng sagana sa pamamagitan ng mabuting gawa. Ito ang ang tanging paraan upang tayo ay maging mga "buhay na Kristiyano" na may kaugnayan kay Kristo!  Sa unang pagbasa ay ipinakita sa atin kung paanong ang "paglilinis" kay Pablo ay naging daan upang siya ay "mamunga" at magdala ng maraming tagasunod ni Jesus.  Ang kanyang pagkakamali sa nakaraan ay hindi naging hadlang  upang maging isa siyang masigasig na apostol ng Panginoon.  Kaya nga't ang mamunga para kay Kristo ay pagtawag sa ating lahat na taglay ang pangalang KRISTIYANO.