Sabado, Disyembre 28, 2013

PAMILYANG MARANGAL AT BANAL: Reflection for the Feast of the Holy Family Year A - December 29, 2013

"SUSMARYOSEP!" Kalimitan nating naririnig at ginagamit ang mga katagang ito kapag tayo ay nagugulat. Alam ba ninyong ito ay hango sa tatlong banal na pangalan nina JeSUS MARia at JOSEPH? Kaya nga kung minsan nakakalungkot na nawawalan na ng tamang paggalang ang paggamit ng salitang ito.Minsan sa isang religion class ay nagtuturo ang isang madre: "Mga bata, alam ba ninyong tayong lahat ay nilikha ng Diyos? Galing tayo sa Kanya!" Sagot ang isang batang pangit, "Sister, ang sabi po ng nanay ko ay galing daw tayo sa unggoy!" "Iho", sagot ni sis, "hindi natin pinag-uusapan ang pamilya mo dito!" Papayag ka bang ang pamilya mo ay galing sa unggoy? Pero ito ang nangyayari ngayon... "INUUNGGOY" ang pamilya! Hindi na nabibigyan ng sapat na respeto ang karapatan nito. Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay... ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin. Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya!  Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL.  Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi.   Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago.  Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO."  Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito.  Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya.  Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA.  Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga.  Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya.  May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA.  Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga.  Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang.  Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA!  At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN.  "The family that prays together, stays together!"  Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL.  Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban.  Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan.  Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig  ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA!

Martes, Disyembre 24, 2013

SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO! (SMP) Reposted and Revised : Reflection for Christmas Day - Year A - December 25, 2013

Naitanong mo na ba kung bakit may Pasko? Bakit nga ba pinili ng Diyos na maging tao gayong kaya naman Niya tayong iligtas sa isang pitik lamang ng Kanyang kamay? May kuwento ng isang grupo ng mga bibe na tuwang-tuwang nagtatampisaw sa ilog. Sa kanilang katuwaan ay di nila namalayan ang papalapit na unos. May isang magsasakang nagmagandang loob na dalhin sila sa isang kuweba upang mailigtas sa paparating na bagyo. Ngunit sa halip na magpuntahan doon ay nagkanya-kanya sila at hindi sumunod sa pambubugaw na ginawa ng magsasaka. Ang tanging nasabi ng magsasaka ay: "Sana, maging katulad din ako nila, makapagalita sa kanilang lengguwahe ng maintindihan nila ako at mailigtas ko sila!" Bakit nga ba naging tao ang Diyos? Simple lang ang sagot: dahil mahal Niya tayo! Nais niya tayong mailigtas sa pamamagitan ng pag-ari sa ating pagkatao at ng sa ganoon ay maipadama sa ating ang kanyang pagmamahal. Ang bawat pagdiriwang ng Pasko ay pagdiriwang ng malaking pag-ibig ng Diyos sa tao. Sa pananalita ni San Juan: "Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa mundo kaya't ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na anak upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan!" (Jn. 3:15) Kung mauunawaan natin ito ay mas magiging makahulugan ang ating Pasko. Magiging kakaiba sa mga nagdaang Pasko na ating naipagdiwang. Kung nais mong maging kakaiba ang Pasko mo ay isama mo si Kristo sa iyong pagdiriwang. Ang mga nagsasabing matamlay ang kanilang Pasko, tulad ng mga miyembro ng SMP ay may maling pag-intindi ng masayang Pasko. Hindi lang ang mga materyal na bagay ang nakapagsasaya sa atin sa Pasko. Hindi masaya ang Pasko sapagkat marami kang pera, may bago kang jowa, may bag o kang damit, o maraming nagregalo sa 'yo. Ang sukatan ng isang masayang Pasko ay kung si Kristo ba ay nasa puso mo! At kung si Kristo ay nasa puso mo, nararapat lang na ibahagi natin naman Siya sa iba.  Ngayong Pasko, subukan mong mas maging mabait sa mga taong mga makakasalubong mo.  Wala naman masama kung ikaw ay ngingiti at babatio ng Merry Christmas!  Wala namang masama kung kakausapin mo ang mga taong hindi mo nabibigyang pansin sa mga karaniwang panahon.  At wala rin namang msama kung magpapatawad ka sa mga taong nakasamaan mo ng loob nitong taon.  Tandaan mo, ikaw lang ang makakapagdesisyon kung nais mong maging masaya ngayong Pasko.  Kung magagawa mo ito ay makakasama ka sa mga tunay na SMP... ang SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO! Masaya ang Pasko sapagkat kasama natin si Kristo!

Sabado, Disyembre 21, 2013

KATAPATAN AT PAG-AALINLANGAN: Reflection for the 4th Sunday of Advent - Year A - December 22, 2013

Ang Pasko ay ang pagdiriwang ng "katapatan ng Diyos!"  Ito ang ating pinagninilayan sa tuwing sumasapit ang araw ng Kapaskuhan:  May isang Diyos na naging tapat sa atin sa kabila ng ating pagiging salawahan.  Isinugo niya ang Kanyang bugtong ng Anak dala ng Kanyang malaking pagmamahal sa sangkatauhan.  Ngunit paano ba natin sinasagot ito bilang mga tao?  Isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso. " Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Pinagdududahan mo ba ako? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako... Yung dalawa, kay kumpare 'yun!" Inatake sa puso ang mister! May karapatang magduda ang lalaki kung papaanong si Jose rin ay may karapatang magduda sa kanyang asawang si Maria. Bago sila magsama ay naratnan niyang nagdadalang-tao ito. Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa syang taong matuwid at ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria ay nagdesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik. Katulad ng sino mang tao, si Jose ay pangarap sa buhay. Pangarap niya marahil ang magtayo ng pamilya. Isa siyang taong matuwid at alam ang kanyang gusto sa buhay. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina! Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari: Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabho. Nasunugan ka ng bahay. Namatayan ka ng mahal sa buhay.... Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Tandaan mo, ang Diyos ay lubos na nagtitiwala sa iyo tulad ng pagtitiwalang ipinamalas Niya kay Jose.   "Believe in a God who believes in you!"

Sabado, Disyembre 14, 2013

SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO (S.M.P.) : Reflection for 3rd Sunday of Advent Year A - December 15, 2013

Siyam na tulog na lang at Pasko na! Excited ka ba? Marami sa atin ang siguradong masaya sa araw ng Pasko. Ngunit di mapagkakaila na may ilan-ilan sa atin ang  magiging malungkot ang paskong darating. Hindi ko tinutukoy ang mga naging biktima ng earthquake sa Bohol o supertyphoon Yolanda sa Tacaloban.  Ang mga taong tinutukoy ko ay yung masahol pa sa bagyo at lindol ang pinagdaraanan.  Mga taong patuloy na nadudurog ang puso at gumuguho ang pagkatao dahil sa lungkot at pagdadalamhati. Sila ang mga bumubuo ng SMP... ang Samahan ng Malalamig ang Pasko!  Isa ka rin ba sa mga kasapi ng grupong ito? Kung sabagay, unti-unti nga namang lumalamig ang paligid. Masarap matulog. Masarap maghilik sa kama. Masarap namnamin ang malamig na simoy ng hangin. Ngunit pati rin ba ang nararamdaman mo ay palalamigin mo? Para sa akin ay sapat na ang lamig ng paligid. Ang Pasko ay araw na dapat tayong lahat ay maligaya! Bawal ang nakasimangot! Bawal ang malungkot! Bawal ang SMP ngayong Pasko! Sa katunayan sa lahat ng Simbahan ngayong Linggo ay sisindihan ang kandilang kulay "pink" ng Korona ng Adbiyento. Sumasagisag sa kaligayahang ating nadarama dahil papalapit na ang pagdiriwang ng Pasko. Ang tawag sa pagdiriwang natin ngayon ay "Gaudete Sunday".  Ibig sabihin ay "Magsaya!" Dapat tayong magsaya sapagkat si Kristo ay naririto na!" Siya ang dahilan ng ating pagdiriwang. He is the reason of the season! Kaya nga't mayroon tayong lahat na dahilan upang magdiwang! Sa Ebanghelyo ngayon ay nagtanong si Juan Baustista kung si Jesus na nga ba ang kanilang hinihintay na Mesiyas.  Magandang katanungan din na dapat nating itanong sa ating mga sarili: "Sino ba ang hinihintay ko ngayong Pasko?" Kung ang hinihintay ko ay ang pagbabalik ng jowa kong ipinagpalit ako sa iba ay certified member nga ako ng SMP. Kung ang hinihintay ko ay ang darating na 13 month pay o Christmas Bonus na pinatatagal ibigay ng amo kong kuripot ay siguradong magiging certified SMP member ako. Kung ang hinihintay ko lang ay regalong matatanggap ngayong Pasko ay malamang na isa rin akong SMP. Kung ang hinihintay ko ay ang paghingi ng patawad ng kagalit ko certified SMP din ako. Bakit di mo hintayin si Jesus na darating sa iyong puso? Maging maunawain, mapagpatawad, mapagkawang gawa, matulungin at maalalahanin sa kapwa! Magagawa mo lang ito kapag si Jesus ay nasa puso mo. Sapagkat tanging ang Diyos lang ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan na hindi kailanman maibibigay ng mundong ito.  Simulan mo ng lininisin ang puso mo upang makapasok si Jesus at maibigay sa iyo ang "Gaudete" o LIGAYA ng Pasko! Kapag ginawa mo ito ay magiging TUNAY KANG S.M.P. Hindi na Samahan ng Malalamig ang Pasko ang grupong kabibilangan mo kundi... SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO!

Linggo, Disyembre 8, 2013

SA LAKAS NG DIYOS POSIBLE: Reflection for the Solemnity of Immaculate Conception - December 8, 2013

Minsang pumasyal ako sa Bicol at pinuntahan ko ang matayog at magandang Mayon volcano. Swerte ako at maganda ang panahon. Maaliwalas ang kalangitan kitang-kita ang "perfect cone" ng bulkan. Ang sabi ng ilang tagaroon: "May paniniwala na tanging ang mga birhen lang ang nakakakita ng perfect cone ng bulkan." Nang sumunod na araw ay naroroon uli ako at napansin kong may grupo ng mga madreng tinatanaw ang bulkan at ang sabi nila: "Ay sayang! Maulap di natin makita ang perfect cone ng bulkang Mayon!" hehehe! Uso pa ba ang pagiging birhen ngayon? Sa ibang progresibong pag-iisip ay makaluma na ang kahinhinan at kalinisan. Ngunit ang kapistahang ipinagdiriwang ngayon ay nagsasabing posible pa rin ang kalinisan! May ilan pa ring nalilito sa kapistahang ito: ang "Immaculate Coneception". Akala ng iba, ito ay ang mahimalang paglilihi ni Maria kay Jesus o ang tinatawag nating "virgin birth" ni Jesus. Sino ba talaga ang ipinaglihi? Si Jesus o si Maria? Ang Immaculate Conception ay ang "kalinis-linisang paglilihi kay Maria" na pinaniniwalaan nating totoo bilang mga Kristiyano. Paano nangyari na ang isang tao ay ipinaglihing walang kasalanan gayung lahat ng taong isinisilang sa mundo ay nababahiran ng "original sin?" Marahil imposible para sa ating mga tao, ngunit hindi sa Diyos! Kung hihiramin ko ang slogan ng Globe telecom: "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!" Isang natatanging pribelihiyo ang ibinigay ng Diyos kay Maria na ipinaglihi siyang walang kasalanang mana sapagkat siya ang magdadala sa Anak ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Hindi ata tama ang maglagay ng maputing bigas sa maruming kaldero! Dapat malinis muna ang paglalagyan! Ang sinapupunan ng Mahal na Birhen ay ihinihanda na ng Diyos sapul pa nung ipaglihi siya ng kanyang mga magulang. At ang kalinisang ito ay kanyang pinanatili! Kaya nga ang tawag natin din sa kanya ay "Ever-virgin!" Isang magandang paalala sa ating lahat. Marahil ay hindi natin mapapantayan ang kalinisan ng Mahal na Birhen. Ngunit inaanyayahan tayong mabuhay ng may malinis na puso! Nakakalungkot sapagkat kalat na sa mundo ang kalaswaan at sinisira ang murang pag-iisip ng ating mga kabataan. Hingin natin na sana ay protektahan ng Mahal na Birhen ang bawat isa sa atin. Wag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat kaya din nating maging malinis tulad niya. Tandaan natin... "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!"

Sabado, Disyembre 7, 2013

MAGPANIBAGO: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year A - December 8, 2013

Kailan ba ang huli mong pagkukumpisal? Marami sa atin ang tumatanggap ng "Katawan ni Kristo" sa Banal na Komunyon kapag nagmimisa ngunit ilan kaya ang palaging nagkukumpisal? "Next time na lang po Father... kapag malapit na akong mamatay! Bata pa naman ako. Mahaba pa ang buhay ko!" Tingnan natin kung may katotohanan ito. Mayroong isang lumang kwento na minsan daw ay nagkaroon ng pagpupulong ang kalipunan ng mga demonyo, isang Devils' Assembly na ipinatawag ni Lucifer. Ang layunin ng pagpupulong ay upang humanap ng pinakamagandang paraan upang makahikayat pa sila ng maraming tagasunod. Nagtaas ng kamay ang isa at ang sabi: "Boss Luci, bakit hindi tayo bumaba na lang sa lupa at sabihin sa mga tao na wag na silang magpakabuti sapagkat wala namang langit?" Sinigawan siya ni Lucifer na ang sabi: "Talagang demonyo ka! Di ka nag-iisip! Sinong maniniwala sa 'yong walang langit? Di mo ba nakikita ang napakaraming taong nagsisimba pag Linggo? Tanga!" Sabad naman ng isa: "E bakit di na lang natin sabihin sa kanila na wala namang impiyerno kaya wag silang matakot na gumawa ng masama?" "Isa ka pa!" Sagot ni Luci, "Sinong maniniwala sa yong walan impiyerno? E saan tayo titira? Sa langit? Tanga!" Walang makapabigay ng magandang panukala hanggang isang bagitong demonyo ang nagsalita: "Bossing, sabihin natin sa mga tao na ganito: totoong may langit at may impiyerno, pero... wag n'yo munang intindihin yun! Mahaba pa ang buhay n'yo sa mundo. Magpakasarap muna kayo habang buhay pa!" At umani siya ng masigabong palakpakan! Ang ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin ng agarang pagtugon sa tawag ng Diyos na magbalik-loob at magbagong buhay!Ito ang isinisigaw ni Juan Baustista sa ilang: "Magpanibagong-buhay kayo. Malapit ng dumating ang kaharian ng Diyos... Ngayon pa'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punongkahoy." Wag sana tayong padala sa malaking kasinungalingang ikinakalat ng demonyo na mahaba pa ang ating buhay... marami pa tayong oras! Mas mabuti na lagi tayong handa. Baka bukas hindi na tayo magising. Baka yung kinain natin ay huling hapunan na. Walang makapagsasabi. Ngunit wag sanang takot ang magtulak sa atin sa pagbabalik- loob. Tandaan natin, ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... ang nais Niya ay atin Siyang mahalin! Tatalikuran ko ang aking masamang pag-uugali dahil mahal ko ang Diyos. Mabubuhay ako ng mabuti dahil mahal ko Siya! Ito ang pagbabagong-loob na kinalulugdan N'ya.  Ang pagnanais magbago ay hindi dapat ipinagpapaliban sapagkat hindi natin maiiwasan ang muling pagdating ni Jesus.  Kaya nga ang diwa ng Adbiyento ay hindi lang paghahanda para sa Kapaskuhan kundi ito rin ay paghahanda kay Kristong muling darating sa atng piling at ang pagbabago ang pinakamagandang paghahanda na magagawa natin.  Kapag Pasko naghahangad tayo ng maraming bago.  Bagong damit, bagong sapatos, bagong gadgets, at marami pang iba.  Bakit hindi naman natin hangarin na magbago ang ugali natin?  Huwag natin munang hangarin na magbago ang kapwa natin.  Simulan natin ito sa ating mga sarili. Ang sarili lamang natin ang mapanghahawakan natin at tayo lang ang makapagpapabago sa ating sarili.  Ano ang magagawa natin?  Una ay ang pagsusuri ng ating sarili kung ano ba ang ating mga nagawang mali at pagkukulang.  Pangalawa ay ang pag-ako o pag-amin nito.  At pangatlo ay ang pagsisisi sa ating mga kasalanan.  Kung kinakailangang magkumpisal at may pagkakataon ay gawin natin ito.  "Baguhin ninyo ang inyong pamumuhay sapagkat nalalapit na ang paghahari ng Diyos"  Iti ang panawagan ni Juan Bautista at pinakamahusay na paghahanda sa pagtanggap kay Jesus.

Biyernes, Nobyembre 29, 2013

BAGONG TAON... BAGONG PAG-ASA... BAGONG BUHAY! : Reflection for 1st Sunday of Advent Year A - December 1, 2013


BAGONG TAON... BAGONG PAG-ASA... BAGONG BUHAY!  Para sa ating mga kababayang kasalukuyang bumabangon mula sa pagkadapa dahilan sa sunod-sunod na trahedyang nangyari sa ating bansa, tunay nga na ang pagsisimula ng panahon ng Adbiyento ay tila isang ilaw na tumatanglaw mula sa kadiliman.  Pagbangon ang namamayaning diwa ngayon sa marami nating mga kababayan at pagsisimulang muli para sa isang masaganang kinabukasan ang nagkakaisang pagkilos.  Ngunit hindi ito madali.  Batid natin ang maraming araw, buwan at taon na maaring pang gugulin upang maisakatuparan ito.  Batid natin ang maraming pang sakripisyo, pagtitiis at pagtitityaga ang kinakailangan pang gawin ng bawat isa.  Batid natin na mahaba pa ang daan ng paghihirap na kailangan nating tahakin bilang isang bansa.  Maghihintay tayo, aasa,  kikilos... babangon!  Hindi tayo magpapabaya. Sa halip ay gagamitin natin ang bawat pagkakataon taglay ang matatag na pag-asa at pananampalataya na hindi tayo pinababayaan ng Diyos!  Ito ang kahulugan ng ADBIYENTO... paghihintay na may ginagawa, umaasa taglay ang lakas ng loob at pagtitityaga na hindi nanghihinawa.  Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nilalaan din nating panahon para "paghandaan" ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoong Jesus. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party... Siguro kailangan din naman ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ng Pasko ngunit hindi lang ito ang paghahanda para sa isang masaya at makahulugang Pasko. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin: Si Propeta Isaias ay nag-aanyaya: "Halina kayo... at tayo’y lumakad sa liwanag ng Panginoon!" Gayun din si San Pablo: "Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti." Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa loob at wala sa labas: Tanggalin ang masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Di tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Dapat lang... sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Masyado ng na-commercialized ang pagdiriwang ng Pasko! Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo ang ibinibigay sa atin ng Simbahan upang itahimik ang ating mga puso. Apat na linggo nating pagninilayan ang paghahanda sa pagsilang ni Jesus. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan upang ipakita ang ating matiyagang paghihintay. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating tahanan o simbahan bagkus magsilbing paalala na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Bagong taon... bagong buhay.. bagong pag-asa! Bagong pag-asa ang ibinibigay sa atin sa pagdating ni Jesus! Halina, Emmanuel... manatili ka sa aming piling!

Sabado, Nobyembre 23, 2013

PAGBANGON! : Reflection for the Solemnity of Christ the King Year C - November 24, 2013 - End of YEAR OF FAITH

PAGBANGON!  Ito ngayon ang namamayani sa puso ng mga kapatid nating nasalanta ng bagyong Yolanda.  Pagkatapos idapa ng bagyo ang kanilang bahay at buhay handa na uli silang bumangon na punong-puno ng pag-asa.  Nagkataon na ito rin ang inaasahan natin bilang mga Pilipino para sa ating nag-iisang hari ng BOXING na si Manny Pacquiao... ang kanyang MULING PAGBANGON!  Pagkatapos ng ng kanyang malaking pagkabigo at literal na pagkadapa at paghilata sa kanyang huling laban ay naririto siya muli na nagnanais tumayo at ipakitang ang pagkadapa ay hindi pagkatalo! Kaya nga ang isa sa mga motto na pinanghahawakan ko sa buhay ay "Falling down does not make one a failure,,, staying down does!"   Pagkadapa...pagbangon!  Pagkalugmok... pagtayo! Pagkabigo... pag-asa!  Ito rin ang ating makikita ngayon sa pagbasa.  Sa pagkatao ng magnanakaw na nasa tabi ni Jesus ay nakita natin ang pagnanais ng isang taong bumangon muli at bumawi sa maraming pagkakamali niya sa buhay.  Paano niya nagawa ito ng may lakas ng loob sa kabila ng kahinaan ng kanyang katawan?  Napagtanto ng taong iyon na nasa kanyang tabi ang isang kinikilalang hari na hindi mapanghusga kundi mapagpagpatawad.  Isang Hari na handang umalalay sa kanyang PAGBANGON.   Ngayon ang Kapistahan ni Jesus na Kristong Hari na siyang hudyat din ng pagtatapos ng taong liturhiko. Ano ba ang uri ng paghaharing ito? Ang isang hari ay pinagpipitagan at iginagalang ng mga tao kapalit ng paniniwalang pamumunuan sila nito ng may katarungan at pag-aaruga. Ang isang hari sa wikang ingles ay dapat na maging isang "gracious king!" Doon lamang siya makakakuha ng rispeto at pagsunod sa kanyang mga nasasakupan. Ito marahil ang nakita at nadama ng magnanakaw na nasa kanyang tabi kaya't nassabi nitong: "Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na!" Tunay ngang si Jesus na ating hari ay puno ng kagandahang-loob! Jesus is a gracious king! Kung kaya't wala rin tayong dapat katakutan kung tatawagin na Niya tayong tumayo sa Kanyang harapan at magsulit ng ating buhay. Manginig tayo sa takot kung tayo ay nagpabaya at natagpuan niyang hindi handa! Kaya nga't sa muling pagbabalik ni Kristong hari ay inaasahan tayong paghandaan ng mabuti ang kanyang pagdating. Paghandaan natin ito sa pamamagitan ng isang mabuting pamumuhay at tapat na paglilingkod sa kapwa. Si Kristong Hari ay hari sapagkat bukas palad ang kanyang pagilingkod.Paglilingkod na walang itinatangi at pinipili. Paglilingkod na nakatuon sa ikabubuti ng iba at hindi ng sarili. Paglilingkod ng ng isang tunay na SERVANT-LEADER! Hinihintay nating lahat ang kanyang muling pagbabalik. Darating muli ang ating Hari. Paghandaan natin ang araw na ito.  Tinatapos din natin sa araw na ito ang YEAR OF FAITH.  Muli ang Diyos ay nag-aanyaya sa ating pumasok at makibahagi sa Kanyang buhay.  Nais Niyang MAGPASAKOP tayo sa Kanyang paghahari.  Masasabi ko bang tunay na akong pinaghaharian ng Diyos?  Ang Taon ng Pananampalataya ay dapat nagbigay sa atin ng katatagan ng kalooban at inspirasyon upang magpasakop tayo sa Diyos at sa Kanyang paghahari.  Kung saka-sakaling mas marami ang ating pagkadapa sa ating buhay Kristiyano ay huwang tayong masiraan ng loob.  Lagi tayong may tinatawag na PAGBANGON!

Sabado, Nobyembre 16, 2013

KATAPUSAN AT PAGTITIYAGA: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year C - November 17, 2013

Sa isang malaking mall na kung saan ay dagsa ang mga tao dahil sa papalapit na Pasko ay bigla na lamang may sumigaw.  Isang taong nakadamit na kakaiba at may karatulang hawak-hawak na nakalagay na "The end of the world is near!"  Sumisigaw siya ng malakas na "KATAPUSAN NA! KATAPUSAN NA!"  Nang bigla na lamang may sumagot ng: "TANGA! KINSENAS PA LANG!"  Kung minsan ay nakakarinig tayo ng ganitong mga kataga na nagsasabing malapit na ang katapusan ng panahon.  Kung sabagay ay hindi na ito bago sapagkat noong taong 1914, si Charles Russel, na tagapagtatag ng Jehova's Witnesses ay nagsabing magugunaw na ang mundo ngunit di naman nangyari  Noong pagpapalit ng muilenyo, taong 2000 ay kinatakutan ang Y2K at sinabing ito na rin ang magtatapos sa mundo, ngunit wala ring nangyari.  Taong 2012, isa na namang prediksiyon ang lumabas na nagsabing magugunaw na ang mundo ayon sa Mayan calendar, ngunit wala ring nangyar.  Ano ang sinasabi nito?  Pinabubulaanan ba nito ang maundo ay walang may katapusan?  Sa ating pananampalatay ay ipinahahayag natin ang WAKAS NG PANAHON.  Sa katunayan aylagi nating sinasabi sa Misa na "Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay!  SI KRISTO'Y BABALIK SA WAKAS NG PANAHON!  Ibig sabihin, naniniwala tayo na may tinatawag na katapusan ng mundo.  Paano ba ating Kristiyanong pag-intindi dito?   Sa ating mga pagbasa lalo na a Ebanghelyo ay nagbabala ang Paningoon na darating ang "katapusan", hindi upang takutin tayo bagkus ay upang tulungan tayong maghanda sa pagdating ng araw na ito.  Totoo, walang nakakaalam ng araw, oras at lugar kung saan ito mangyayari.  Ngunit hindi ito mahalaga.  May mas mahalaga pang nais ipabatid si Jesus sa atin at iyon ay ang ating inakailangang paghahanda paghahanda.  Sa ikalawang sulat sa San Pablo sa mga taga-Tesalonika ay pinagsabihan niya ang mga ito namaghintay sa pagdating ni Jesus na may "ginagawa".  Hindi maaring magwalang-bahala na lamang sa mga araw-araw na gawain.  Ang tunay na paghahanda ay dapat may pagkilos.  Sa Ebanghelyo naman ay binigyang diin ni Jesus ang pagtitiis sa mga hirap na ating dinaranas ngayon habang hinihintay natin ang kanyang pagdating.  Paulit-ulit niyang sinasabi na "huwag tayong mabalisa!"  Totoo nga naman, wala tayong dapat ikatakot kung handa naman tayo sa pagharap sa kanya upang sulitin ang ating mga ginawa dito sa lupa.  May mga nararanasan tayo ngayong mga kaguluha,, kairapang dulot ng kalamidad tulad ng lindol at bagyo, pagkagutom ng maraming tao... para bagang lahat ay tumutukoy sa sinasabi ni Jesus.  Huwag tayong mabahala.  Sa halip ay sikapin nating mabuhay ng mabuti at marangal.  Ang Diyos ang maggagawad sa atin ng katarungan!  Ngunti kinakailangan munang tayong magtiis at magtiyaga.  

Sabado, Nobyembre 9, 2013

DIYOS NA BUHAY... DIYOS NG BUHAY; Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 10, 2013 - YEAR OF FAITH

Pagkatapos ng lindol sa Bohol at super typhoon Yolanda ano na naman kaya ang susunod na delubyo na darating sa atin?  Nagkakatotoo na ata ang project Genesis! Bakit nga ba paborito tayong bisitahin ng mga kalamidad?  May kinalaman ba rito ang ating pagiging "hospitable"?  May maganda akong narinig na kumento sa CNN tungkol sa ating mga Pilipino sa paghagupit sa atin ng bagyong Yolanda.  Sabi ng isang commentator:  "Time to get to know the Filipino people...unbelievably resilient, long suffering, good natured, uber friendly, loyal, ingenius, and a bunch of survivors.  At the end of the day, the Filipinos will just shake off the dirt from their clothes and go about their business... and SMILE.  They do not complain much, they will bear as long as they can..."  Saan ba natin hinuhugot ang ganitong lakas ng loob na pagharap sa mga pagsubok na dumarating sa ating buhay?  Marahil ay hindi natin maipagkakaila na ito ay dahil sa ating PANANAMPALATAYA SA DIYOS NA BUHAY!  Naniniwala tayong may Diyos na buhay na tutulong sa atin upang muling bumangon mula sa ating pagkadapa sa anumang kahirapan sa buhay.  Naniniwala tayo na ang ating Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi DIYOS NG MGA BUHAY!  Ito rin ang sinasabi ng ating mga pagbasa ngayon.  Sa Aklat ng Maccabeo ay narinig natin ang katatagan ng pananampalataya ng mga magkakapatid na Hudyo na ayaw sumunod sa utos ng hari na kumain ng pagkaing ipinagbabawal sa kanilang kautusan.  Maging kamatayan ay hindi naging hadlang sa kanila: “Ako’y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos."   Sa Ebanghelyo ay muling pinaalala sa atin ni Jesus ang katotohanan ng muling pagkabuhay sa pagsasabing "... ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay – sa kanya’y buhay ang lahat.”   Marahil ay wala ng mas higit pang makapagbibigay sa atin ng pag-asa na may Diyos tayong buhay at dahil sa Kanya ay nabubuhay tayong lahat.  Kaya kahit sa kamatayan ay buhay ang ating pag-asa. Pansinin ninyo na marami sa atin ay nagdiriwang ng Undas sa unang araw ng Nobyembre na kung saan ay ginugunita natin ang Araw ng mga Banal.  Hindi ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2?  Ang aking paliwanag dito ay sapagkat marahil ay napaka-positibo ang ating pagtingin sa kamatayan at dahil dito ay buhay ang ating pag-asang sila ay nasa piling na ng ating Diyos na Buhay kaya't isinasama na natin sila sa hanay ng mga banal. Sa pagtatapos ng Taon ng Pananampalataya, ay panatilihin nating buhay ang ating pag-asa.  Walang sinumang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.  Ito man ay kalamidad, kaguluhan, o kahirapan... ang lahat nang ito ay hindi mapapantayan ng Kanyang pagmamahal.  Ang Diyos na buhay ay Diyos ng buhay!

Sabado, Oktubre 26, 2013

DASAL-EPAL: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year C - October 27, 2013 - YEAR OF FAITH

Lahat ba ng panalangin ay kinalulugdan ng Diyos? Ang sagot ay hindi! Ayaw Niya ng dasal ng mayayabang. Ayaw Niya sa mga taong ma-epal! Hindi Niya lubos na kinalulugdan ang DASAL-EPAL!  Minsan may taong nagdarasal na palaging ibinibida ang kanyang sarili. Ganito parati ang laman ng kanyang panalangin: "Panginoon, maraming salamat po at ginawa mo akong mabuting Kristiyano hindi katulad ng iba d'yan na maraming bisyo at hindi nagsisimba, tapat ako sa asawa ko at hindi ako katulad ng kapitbahay namin na maraming kabit, nag-aabuloy ako sa Simbahan, tumutulong ako sa kawang-gawa di tulad ng iba d'yan na madamot at walang pakialam sa iba at higit sa lahat nagkukumpisal ako ng isang beses sa isang buwan di tulad ng ibang mahigit isang taon ng hindi nagkukumpisal..." Laking gulat n'ya ng sumagot ang Diyos: "Mapalad ka anak... mapalad ka!" " Tuwang-tuwa siyang tumingala sa malaking krusipihiyo na kung saan ay pinanggalingan ng mahiwagang tinig. "Talaga po Panginoon? Pero anung ibig mong sabihin Panginoon na mapalad ako?" Sagot ng mahiwagang tinig: "Mapalad ka at nakapako ang mga paa ko, kung hindi ay tinadyakan na kita!"hehehe... Kuwento lang naman ngunit may sinasabing malaki sa ating paraan ng pananalangin. Hindi naman nananadyak ang Diyos! Ayaw Niya lang talga sa panalangin ng mga palalo at mayayabang. Bakit? Sapagkat ang panalangin ng mga palalo ay hindi kumikilala sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Hindi bida ang Diyos sa kanilang panalangin bagkus ang sarili ang itinataas! Ang pagpapakumbaba ay mahalagang kundisyon sa tunay na pagdarasal. Tanging ang mga taong katulad ng publikano sa talinhaga, na handang umamin ng kanyang pagkakamali ang kinalulugdan ng Diyos sa kanilang panalangin. Kaya nga ang pagpapakumbaba ay isang mahalagang kundisyon sa tuwing tayo ay lumalapit sa Diyos. Pansinin ninyo ang gawi ng publikano: "Samantala, ang publikano’y nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalan!" Ang mapagkumbabang panalangin ay nagpapakita ng ating pangangailangan sa awa ng Diyos at nagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Sino ba ang bida sa panalangin mo? Baka naman puro "Ako" ang laman ng ating panalangin at nakakalimutan natin "Siya" (ang Diyos) at "sila" (ang ating kapwa). Ang panalanging kinalulugdan ng Diyos ay ang panalanging nagbubunga ng paggalang at pagmamahal sa ating kapwa. Habang nalalapit ang pagtatapos ng Taon ng Pananampalataya ay isapuso natin ang tunay na diwa ng panalangin. Maging mapagkumbaba sa pagdarasal.  Tandaan natin na ang kahinaan ng Diyos ay ang panalangin ng taong mapagkumbaba.  Kaya't wag maging epal sa pagdarasal!

Biyernes, Oktubre 18, 2013

PREXTING: Prayer in Texting! : Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year C - October 20, 2013 - YEAR OF FAITH

Kakatapos lamang ng tatlong araw na Philippine Conference on New Evangelization na ginanap sa University of Sto. Tomas.  Naanyayahan akong magfacilitate ng ng isang prayer session sa unang araw at ang naassign sa akin ay ang stream na Downloading God Through the New Media, particulary texting. Tama! Di kayo nagkakamali ng basa... TEXTING! Dahil daw ito sa hilig kong magpadala ng mga "Kiliti-ng-Diyos" through text messages at dahil addict daw ako sa pagtetext! hehe.  Pinamagatan ko ang aking session na PREXTING, coined words for PRAYER IN TEXTING! Biruin mo puwede pala iyon: ang gawing panalangin ang iyong text!  Bilang pari ay marami ang lumalapit sa akin upang ipagdasal ang kanilang mga kahilingan. Ang iba ay personal na nakikipag-usap. Ang iba naman ay mas hi-tech na at sa "Facebook" ipinadadala ang kanilang mga prayer requests.  Ngunit higit na marami ang gumagamit ng mobile phone through texting.  Mas simple nga naman ang magtext kaysa mag-internet, mas mura at mas praktikal.  Hindi ko alam kung natugunan ang kanilang mga kahilingan. Marahil ay nabigyan naman ng kasagutan ang kanilang mga panalangin sapagkat wala pa naman ni isang nagreklamo na dinedma siya ng Panginoon. Papaano kaya kung hindi naibigay ang matagal mo ng hinihiling sa pagdarasal? Ano ang gagawin mo? Isang bata ang malapit ng magbirthday at hiniling niya kay Hesus na sana ay regaluhan siya ng isang mountain bike. Dahil noon ay buwan ng Oktubre ay araw-araw siyang nagrosaryo sa Simbahan upang hingin sa Diyos ang hiling niyang "birthday gift". Laking pagkadismaya niya sapagkat tila nagbibingi-bingihan ang Diyos sa kanyang panalangin. Malapit na ang katapusan ng buwan at wala ni gulong ng mountain bike na dumarating. Pagsapit ng katapusan ng buwan, na kung saan ay idinaraos ang "Rosary Rally" ng parokya, ay nagkaroon ng kaunting kaguluhan sa Simbahan. Nawawala ang estatwa ng Mahal na Birhen na itatanghal sana sa living rosary! Sa halip ay isang text message ang natanggap ng kura paroko. Binasa niya ang text at ganito ang nakasaad. "Padre, pakisabi kay Jesus na... kapag hindi N'ya ibinigay ang hiling kong mountain bike ay hindi ko rin ibabalik ang nanay N'ya!" Kahanga-hanga ang "simpleng pananampalataya" ng bata sa kuwento. Ang araw-araw niyang pagsusumamo na sana ay maipagkaloob sa kanya ang kanyang hinihiling ay nagpapakita lamang ng katotohanang sinasabi sa Ebanghelyo ngayon: huwag tayong manghinawa sa ating panalangin at paghingi sa Diyos ng ating mga kinakailangan. Kung minsan ay nagtatagal ang Diyos sa pagsagot sa ating mga kahilingan. Kung minsan ay iba ang sagot Niya sa ating mga kahilingan, Hindi ito dahilan upang panghinaan tayo sa ating paghingi. Mas madaling tanggapin ang kasagutan ng Diyos kung ito ay hinihingi ng isang puso na marunong magpasalamat. Kapag kaya nating pasalamatan ang Diyos sa mabuti at masamang kaganapan sa ating buhay ay mas madaling matanggap anuman ang ibibigay Niya sa atin. Kaya nga bago humingi ay dapat marunong muna tayong magpasalamat sa Kanya! Humiling tayo ng may pagpupursigi at pagpapakumbaba. Kung minsan ay sinusubukan lamang Niya ang ating pananampataya. Kung ang masamang hukom sa talinhaga ay pinagbigyan ang kahilingan ng babaeng balo ay paano pa kaya ang ating Diyos na lubos ang kabutihan! Kaya wag tayong magsawang humingi lalo na kung ito ay makabubuti sa ating kapwa at hindi lamang para sa ating sariling kapakanan. Huwag tayong magsawang "kulitin" ang Diyos sapagkat gusto Niya ang ganitong uri ng panalangin. Ngayon din ay Linggo ng Pandaigdigang Misyon o World Mission Sunday. Hiliningin natin sa Diyos na pagpalain niya ang gawain ng misyon at ng mga misyonero. Ang gawain ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa maraming bansa ay hindi maisasakatuparan kung wala ang mga misyonero. Tandaan natin na tayong lahat din ay mga "misyonero". Sa pamamagitan ng ating mapursiging pananalangin ay malayo ang ating mararating at maraming kaluluwa ang ating maliligtas!  Gamitin natin ang PREXTING upang ipagdasal  ating mga misyonero.  Si Santa Teresa ng Batang Jesus ay naging patron ng misyon kahit siya ay nasa loob lamang ng kumbento sapagkat araw-araw niyang pinagdarasal ang mga misyonero.  Sa makabagong panahon ngayon ay makabagong pamamaraan din ang pagpapalaganap ng Ebanghelyo ni Jesus.  Gamitin natin ang teknolohiya upang maiparating natin ang pangangailan. ng makulit na panalangin. Magprexting na!

Sabado, Oktubre 12, 2013

THANKS-GIVING: Reflection for 28th Sunday in Ordinary time Year C - October 13, 2013 - YEAR OF FAITH

Kailan ka huling nagsabi ng "thank you" sa Diyos? Kung nakakalimot ka na ay para sa iyo ang kuwentong ito: Minsan daw sa langit ay tinuturuan ang mga bagitong anghel. Sila ang mga anghel nasa OJT (On the Job Training) o SIPT (Supervised In Plant Training). Inilibot sila sa kalangitan at nakita nila ang tatlong malalaking bodega na kung saan ay maraming anghel na abalang-abala sa pagtratrabaho. Pinasok nila ang unang bodega na punong-puno ng mga anghel na nakatutok sa kanilang mga computers na parang nasa call centers. "Ano ang tawag sa lugar na ito?" Tanong ng isang anghel sa kanilang trainer. "Ah, ito ang "requesting department", dito kasi pumapasok ang lahat ng kahilingan ng mga tao sa lupa."  Lumipat naman sila sa kabilang bodega at nakita nila ang mas marami pang bilang ng mga anghel na nagkakagulong nagbabalot ng mga kahong panregalo. "Ano naman ang tawag sa lugar na ito?" Tanong naman ng isa pang anghel. "Ahhh... ito ang tinatawag naming packaging department, dito kasi inihahanda ang mga kahilingang ibibigay sa mga tao." Sagot ng anghel. Lumipat sila sa pangatlong bodega. Laking gulat niya sapagkat napakatahimik ng lugar. Isang anghel lang ang nakita niya at ito ay nanood pa ng telebisyon. Anong palabas? Tamaaa! "My Husband's Lover" na ngayon ay nasa huling linggo na. "Eh anong tawag naman dito sa lugar mo?" tanong ng kaluluwa. Sagot ang anghel: "Ito ang thanksgiving department, dito dapat bumabalik ang mga kahilingang nabigyang tugon mula sa lupa... pero nakakalungkot. Kakaunti ang nagbabalik ng kanilang "Thank You!" Katulad ng kuwento sa Ebanghelyo, nakakalungkot na mula sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus, ay iisa lamang ang naglakas-loob na magpalasalamat! At ang higit na nakalulungkot ay isang Samaritano, na mortal na kaaway ng mga Hudyo, ang tanging nakaalalang magbigay ng pasasalamat. Bakit kaya ganyang tayong mga tao? Kay bilis nating makalimot! Ang Diyos, kung magpadala sa atin ng biyaya ay "siksik, liglig, at nag-uumapaw," ngunit bakit kung minsan ay nakakalimot tayong magpasalamat? Tingnan natin ang laman ng ating mga panalangin, magugulat tayo na ang karaniwang uri ng ating pagdarasal ay "paghingi". Kadalasan ang lagi nating sinasambit ay "PENGI NOON... PENGI NOO!" sa halip na PANGINOON, PANGINOON!" Ang lakas nating humingi sa Diyos, ang hina naman nating magpasalamat. Hindi ako naniniwalang wala tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos. Sapagkat lahat ay biyaya na nagmumula sa Kanya! "Everything is grace!" ayon kay San Pablo. Kahit nga ang masasamang nangyayari sa atin ay maari nating tawaging "blessing in disguise" sapagkat ang "Diyos ay nakapagsusulat ng diretso sa baku-bakong linya." Ibig sabihin ay laging may mabuting dahilan ang Diyos sa masasamang pangyayari sa ating buhay. "Gratitude is the language of the heart" sabi nga sa Ingles. Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng kalikasan.  Pasalamatan natin Siya sa biyaya ng "pamilya".  Pasalamatan natin Siya sa biyaya ng "buhay".  Mamaya, bago ka matulog, bilangin mo ang mga biyaya mo... magpasalamat ka sa kanya.  Kapag araw ng Linggo magsimba ka, ang Santa Misa ang pinakamataas na pasasalamat na maari nating ibigay sa Kanya. Kapag may pagpapala ka ay ibahagi mo. Isang paraan yan ng pagsasabing ang iyong biyayang natanggap ay hindi sa iyo kundi ito ay kaloob ng Diyos. Magpasalamat ka tuwina! Walang mawawala sa 'yo, bagkus ay magkakamit ka pa nga ng biyaya sapagkat kinalulugdan ng Diyos ang taong marunong magpasalamat!  Ngayong Taon ng Pananampalataya ay lagi nating isaisip na ang taong marunong magpasalamat sa Diyos ay taong marunong magbigay.  Kaya nga "thanksgiving" ang ingles ng salitang pasasalamat ay sapagkat may  kasamang pagbibigay ang pasasalamat sa Diyos.  Pagbibigay na higit pa sa salapi. Pagbibigay ng buong pusong pananalig, pagtitiwala at pagsunod sa Kanya.  Sa isang salita... PANANAMPALATAYA!

Sabado, Oktubre 5, 2013

PANANAMPALATAYANG MAPAGKUMBABA: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year C - October 6, 2013 - YEAR OF FAITH

Lumalapit na tayo sa pagtatapos ng Taon ng Pananampalataya.  Kaya nga magandang tanungin natin ang ating mga sarili kung lumalim ba ang ating pananampalataya pagkatapos ng halos isang taon na pagninilay at pagsasabuhay nito.  O baka naman ang ating pananampalataya ay tulad pa rin ng dati, hiwalay sa ating pang-araw-araw na buhay at walang kinalaman sa ating karaniwang gawain.  Anung uring pananampalataya ba ang ipinapahayag ko bilang isang Kristiyano?   May kuwento ng isang muslim, buddhist monk, at paring katoliko na nagpaligsahan kung sino sa kanila ang may mas malakas na Diyos. Umakyat sila sa isang mataas na tore at nagkasundong mapagpatihulog at tumawag sa kanyang Diyos. Ang Diyos na dirinig sa kanilang pagtawag ang tatanghaling "malakas" na Diyos. Naunang tumalon ang mongha. Habang nahuhulog ay sumigaw siya ng "Buddha... tulungan mo ako!" Lumagpak siya na parang sako ng bigas sa sahig! Sumunod namang tumalon ang Muslim at sumigaw "Allah... tulungan mo ako!" Laking pagkagulat niya nang bigla siyang lumutang at bumagsak na parang bulak sa lupa. Ngayon naman ay ang pari. Tumalon siya at puno ng kumpiyansang sinabing: "Panginoong Hesus tulungan mo ako!" Walang nangyayari! Bumilis ng bumilis ang kanyang pagbulusok paibaba. Nang malapit na siya sa lupa ay bigla niyang naibulalas: "Allah... Allah iligtas mo ako!" Me tawag sa ganitong uri ng tao: balimbing! Marami sa atin ang "balimbing sa pananampalataya." Panay "praise the Lord" kapag lubos-lubos ang pagpapala, ngunit kapag nakakaranas na ng kahirapan ay "goodbye Lord" na! Kaya nga ang panalangin ng mga alagad ay atin ding panalangin: "Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!" Kailangan natin ng mas malakas na pananampalataya upang sabihing "kung wala ang Grasya ng Diyos... wala rin tayo!" Madalas sinasabi nating "bahala na!" kapag hindi tayo sigurado sa ating desisyon o pagkilos. Sana ang pakahulugan natin ay "Bathala na!" - Siya na ang bahala sa atin! Ipagpasa-Diyos natin ang hinaharap ngunit kumilos tayo sa kasalukuyan. Sabi nga ng ating kasabihang gasgas na sa pandinig: "Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!" Totoong kung minsan ay mahirap tanggapin ang utos ng Diyos lalo na't ito ay taliwas sa ating kagustuhan. Hindi natin maunawaan kung bakit natin susundin ang isang bagay lalo na't hindi tayo sang-ayon sa ating kalooban. Dito natin kinakailangan ang pagpapakumbaba bilang mga tapat na alipin ng ating Panginoon. Ang tapat na alipin ay handang maglingkod kahit na ito ay nangangahulugan ng kahirapan sa pagsunod. Walang siyang maipagmamalaki sa kanyang sarili! Ginagawa lamang niya ang dapat niyang gawin. Sa kahuli-hulihan ito lamang ang kanyang masasabi pagkatapos niyang sundin ang kalooban at utos ng kanyang panginoon: "Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin."  Ito ang pananampalatayang mapagkumbaba na tulad ng butil ng mustasa, maliit ngunit kayang gumawa ng himala.  Hingin natin ito sa Panginoon ngayong malapit na nating tapusin ang Taon ng Pananampalataya sapagkat hinding hindi matatanggihan ng Diyos ang panalangin ng isang taong may pananampalatayang mapagkumbaba.

Sabado, Setyembre 28, 2013

PAKIALAMERONG KRISTIYANO: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year C - september 29, 2013 - YEAR OF FAITH

"Wala kang pakialam!" Madalas nating marinig ang mga salitang ito kapag pinupuna natin ang ibang tao.  Isa ito sa masama nating pag-uugali bilang mga Pilipino.  Ayaw na ayaw nating pinakikialaman ang ating buhay. Sabi nga ng ilang postings sa Facebook na nakita ko: "Alam mo, napapabayaan mo na ang sarili mo.  Wala ka kasing ibang inintindi kundi ang PAKIALAMAN ANG BUHAY NG IBANG TAO!"  At ito pa ang isa: "Dear PAKIALAMERA, may sarili buhay ka naman di ba? Bakit pati sa buhay ko nakikisawsaw ka?"  Kaya nga marahil ay napipigilan tayo sa pakikialam sa iba.  Ang pakikialam agad-agad ay nagiging masama!  Totoo, dapat nating respetuhin ang "privacy" ng ating kapwa. May mga bagay na hindi natin dapat panghimasukan. Ngunit kung ang nakasalalay ay ang ikasasama nila at naroroon lamang tayong nakatayo na walang ginagawa, ay may malaki tayong pagkukulang at pananagutan. Kalimitan sa kumpisal ang sinasabi natin ay mga nagawang kasalanan o "sins of commission". Ngunit kung ating iisipin, may mga kasalanan din na ang tawag ay "sins of omission", mga kabutihan na dapat ay nagawa natin ngunit hindi natin ginawa. Dito natin makikita ang pagkakamali ng mayaman sa talinhaga ng ating Ebanghelyo. Marahil, mabuti siyang tao: Hindi nagnanakaw. Hindi nangangalunya. Hindi naninira ng kapwa. Pero meron sya'ng nakaligtaan... yung taong nasa labas lang ng kanyang pinto na namamatay sa gutom. Maaari n'yang ibsan ang paghihirap ni Lazaro ngunit mas pinili n'ya ang magwalang bahala... "wag makialam." Sayang! Nakagawa sana s'ya ng mabuti! Sa kahuli-hulihan ay nabaliktad ang kanilang kapalaran pagdating sa kabilang buhay. Nabulid ang mayaman sa "apoy ng kapahamakan." Magsilbi sana itong babala sa ating lahat! Maging pakialemero tayo sa ating kapwa kapag ang nakasalalay ay ang kanilang kabutihan at kapakanan. Sapagkat ang Diyos mismo ay nakialam sa ating kalagayan noong siya ay nagkatawang-tao upang iligtas tayo sa kasalanan. Sa katunayan ay wala namang obligayson ang Diyos na "maging tao at makipamayan sa atin!" Lalo nang wala siyang obligasyong dumanas at mamatay para sa atin. Ngunit, dahil sa kanyang walang kapantay na kabutihan ay niloob niyang pakialaaman ang ating abang kalagayan upang ibalik ang naputol nating kaugnayan sa Diyos. Tayo ay magkakapatid sa pananampalataya.  Ang kabutihan ng isa ay kabutihan ng lahat at ang kapahamakan ng isa ay kapahamakan ng lahat.  Paano tayo makikialam bilang mga Kristiyano? Una, ay ang ating pakikisa sa mga naghihirap.  Ang kahirapan ay bunga ng pagkamakasarili ng ilang tao na tanging kapakanan nila ang inuuna at iniisip.  Makiisa tayo sa paghihirap ng iba at limutin ang ating sarili.  Ikalawa ay huwag tayong matakot na itama ang pagkakamali ng iba! Ang kasamaan ay lumalaganap sapagkat may mga taong ayaw manindigan sa tama.  At pangatlo ay ang pagpapalaganap ng kabutihan. Kapag tayo ay nagpapalaganap ng kabutihan ay siguradong hindi tayo magkakamali.   Makialam tayo para kay Kristo! Ang tunay na Kristiyano ay PAKIALAMERO!

Sabado, Setyembre 21, 2013

TALINONG-KRISTIYANO : Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year C - September 22, 2013 - YEAR OF FAITH

Bakit kapag pera ang pinag-usapan, marami sa atin ang tuso? Ang mga bobo ay nagiging matalino. Ang walang pinag-aralan nagiging henyo! Isang lalaki ang pumasok ng simbahan at nagdasal kay Santiago Apostol. "Poong Santiago, bigyan mo ako ng isang malaking kabayo at ipagbibili ko. Ang pagkakakitaan ay paghahatian natin ng pantay. Kalahati sa 'yo at kalahati sa simbahan. Laking pagkagulat niya ng pag-uwi niya sa bahay ay nakakita siya ng malaking kabayo sa harap ng kanyang bahay. Nilapitan niya ito at sinakyan at kataka-takang hindi ito umalma. "Ito na nga ang kabayong kaloob ni poong Santiago!" Kayat dali-dali niya itong dinala sa palengke. Sa daan ay nakakita siya ng isang manok na pilay. Hinuli n'ya ito upang ipagbili. Pagdating sa palengke ay nilagyan niya ng presyo ang kanyang mga paninda. Ang lahat ng nakakita ay tumatawa. Nakasulat: Manok = 100,000 pesos, Kabayo = 20 pesos. Pero may pahabol na ganito ang sinasabi:  "Puwede lang bilhin ang kabayo kung bibilhin din ang manok!" Isang mayaman ang nagkainteres sa kabayo kaya't napilitan din itong bilhin ang manok. Dali-daling bumalik sa simbahan ang lalaki. Dumukot sa kanyang wallet ng pera at sabay sabing: "Poong Santiago... eto na ang parte mo!" At naglabas siya ng 10 piso at inilaglag sa collection box! May tawag sa ganitong uri ng tao... SWITIK! Magaling dumiskarte! Matalino! Tuso! Ganito rin ang kuwento ni Hesus sa talinhaga. Ngunit huwag tayong magkakamali. Hindi pandaraya ang itinuturo ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang nais niya lang sabihin ay dapat tayo rin bilang mga Kristiyano ay matalino pag dating sa mga espirituwal na gawain. Na dapat ay kaya nating gamitin ang "kayamanan" ng mundong ito para sa ikaliligtas ng ating kaluluwa at hindi tayo ang ginagamit ng kayaman tungo sa ating ikapapahamak! Malinaw ang sabi ni Hesus:"Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Hindi ninyo mapagliling-kuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.” Kung may pera man tayo o kayamanang taglay, minana man o pinaghirapan, lagi nating pakatandaang ito ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos at dapat gamitin sa tamang paraan. Kung may angkin tayong talino at galing isipin nating ito ay hindi lamang para sa atin kundi para rin sa iba. "Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay..." sabi ni Hesus. Kung kaya nating mag-aksaya ng oras sa gimik at galaan, sa computer at pagtetext o kaya ay magbabad sa harapan ng telebisyon o sinehan, dapat kaya rin nating maglaan ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Biblia, pagsisimba... Sana ang pagka-switik natin ay itaas natin sa "next level!" Habang may panahon pa tayo ay umiwas tayo sa mga gawaing masama at pairalin ang paggawa ng mabuti. Gamitin ang ating angking galing at talino upang maging mga tunay na "switik" na tagasunod ni Kristo!  Ngayong Taon ng Pananampalataya, ipakita natin ang ating talinong-kristiyano.   

Sabado, Setyembre 14, 2013

PABORITO NG DIYOS (Reposted & Revised) : Reflection for 24th Sunday in Ordinary 'Time Year C - September 14, 2013 - YEAR OF FAITH

May paborito ba ang Diyos? Marahil, sa ating mga tao ay natural na ang may itinatangi, may pinapanigan, may espesyal sa paningin... may "apple of the eye" kung tawagin. Ngunit ang Diyos... na lubos na makatarungan at pantay kung magmahal... may paborito rin kaya? Hanapin ang sagot sa kuwentong ito... May isang paring kung magpakumpisal ay may kakaibang 'gimik". May dala-dala s'yang maliit na "bell" na kanyang pinapatunog upang sabihin sa mga taong tapos na ang nagkukumpisal at pinatawad na ang kanyang kasalanan. Eto ang mas nakakaintriga, napansin nila na ang haba ng tunog ng "bell" ay depende sa dami ng kasalanan ng nagkumpisal! Minsan, ay nagkumpisal ang tinuturing nilang "pinakamakasalanan sa parokya!" Isa siyang kilalang babaero, sugarol, lasenggero, at halos taglay na niya ata ang lahat ng "bisyo". Nag-abang ang mga tao kung gaano kahaba ang kanilang maririnig na tunog. Nagtaka sila sapagkat nakakatrenta minutos na ay wala pa silang naririnig. "Baka, hindi na nakayanan ni Father... baka hinimatay na s'ya!" ang sabi nila. Laking pagkagulat nila ng biglang lumabas si Father sa kumpisalan at karipas na tumakbong palabas ng simbahan. Nagtungo siya sa kampanaryo ng simbahan at narinig ang... "Booong! boong! bong! booong!" Ganito kagalak ang Diyos sa mga kasalanang nagsisisi. Kung mayroon mang paborito ang Diyos sila ay walang iba kundi ang mga makasalanan na handang magbalik-loob sa Kanya. Ang pagbabalik-loob ng isang taong makasalanan ay kagalakan para sa ating Diyos at dahilan upang magdiwang Siya ng isang tagumpay! Sa Ebanghelyo ay ikinumpara Siya sa isang pastol na naghanap at nakasumpong sa kanyang nawawalang tupa o kaya naman ay sa isang babaeng nakasumpong sa kanyang nawawalang salaping pilak. Lubos ang kanilang kagalakan sapagkat nagbunga ang kanilang ginawang paghahanap. Ito ang isang katotohanan na dapat nating maunawaan: tayong lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan ay paborito ng Diyos! At sapagkat paborito Niya tayo ay lagi Niya tayong hinahanap at hinihintay Niya ang araw na tayo ay Kanyang masusumpungan.  Kung ikaw man ay nakakaramdam ng pagkahiya o pagkamaliit dahil sa marami mong kasalanan ay lagi mong isipin na ang Diyos ay mapagtimpi. Sapat lamang na tayo ay magpakumbaba at aminin ang ating kakulangan at pagkakamali tulad ng ginawa ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Naunawaan ni San Pablo na "paborito" siya ng Diyos kaya't hindi niya nahiyang aminin ang kanyang pagiging makasalanan: "At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga..."   Sa mga kaguluhang nangyayari ngayon sa ating bansa ay ito lamang ang epektibong solusyon na ibinibigay sa atin ni Jesus.  Kung paano siya nagtiyga at naghanap sa atin upang tayo ay ibalik sa Kanya ay dapat mayroong din tayong pagtitiyaga at pagpapatawad sa mga taong nanghahasik ng kaguluhan.  HIndi dahas o armas ang kasagutan sa kapayapaan.  Magkaroon man tayo nito ay panandalian lamang at hindi magtatagal uusbong na naman ang karahasan.  Ang pangmatagalang solusyon sa ating minimithing kapayaan ay ang ating pagtitiyaga na isulong  ito at pag-amin sa ating mga sariling pagkukulang at pagkakamali.  At kung may pagkakamali man ay dapat magtuloy-tuloy ito sa pagpapatawad.  Ito ang ipinakita ni Jesus para sa atmg mga makaalanan.  Ito rin ang nais niyang ipakita natin sa mga taong naghahasik ng  karahasan at kaguluhan.  Maging instrumento tayo ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagtitiyaga at pagpapatawad at siguradong lalo tayong magiging mga PABORITO NG DIYOS.

Biyernes, Setyembre 6, 2013

KAARAWAN NG INA... KATAPATAN NG AMA: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year C - September 8, 2013 - YEAR OF FAITH

Bagamat araw ng Linggo ay inaalala pa rin natin ang kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria. Bilang isang "bayang sumisinta kay Maria" ay hindi natin maisasantabi ang pagdiriwang na ito. Nakababatid na ang tunay na debosyon kay Maria ay dapat maghatid sa atin kay Jesus,  naglalaan pa rin tayo ng pagkakataon upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan. Paano nga ba naging Sept. 8 ang kanyang kaarawan? Simple lang. Daanin ko sa isang kuwento ang sagot: "May isang turistang Amerikano ang sumakay ng bus papuntang Macabebe, Pampanga. Medyo nainip siya sa haba ng biyahe kaya tinanong ang kundoktor: "Hey Joe, how long to Makabaybe?" Ang pagkaintindi ng kundoktor ay "how long to make a baby", kaya tinawanan niya ang Amerikano. Natural, napikon ang Kano at sinigawan ang kundoktor: "Hey! Don't laugh at me! I'm asking you a serious question: "how long to Makabaybe?" Pagalit na sumagot ang kundoktor: "Ahhhh... don't you shouting at me ha? I'm no ignorant. Ok, I will tell you... it's nine months to "make a baby!" Napatalon sa kinauupuan ang kano, "Nine months??? Gosh... it's too far!" hehehe... Ang sagot sa tanong ko kanina kung bakit Sept. 8 natin ipinagdiriwang ang birthday ni Mama Mary ay ito... wala sa historical o theological explanation ang kasagutan. Ang sagot ko lang ay katulad ng sagot ng kundoktor: "Nine months to make a baby." Bilangin mo mula Dec. 8, ang araw ng kalinislinisang paglilihi kay Maria (Immaculate Conception) hanggang Sept. 8, ang kanyang kapanganakan, at makikita mong siyam na buwan ang haba noon! Hindi naman mahalaga ang eksaktong petsa ng kapanganakan ng Mahal ng Birhen. Ang mahalaga ay isinilang siya bilang tao dito sa lupa upang mabigyang daan ang katuparan ang plano ng Diyos.Ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birhen ay dapat magpaalala sa atin ng kagandahang loob at katapatan ng Diyos. Sa simula palang na nagkasala ang tao ay ninais na ng Diyos na sagipin ang tao sa pagkakasala. Napakahabang paghahanda ang nangyari. Kasing haba ng tala-angkanan na nakasulat sa Ebanghelyo ni Mateo. Mahabang panahon ang hinintay ng sangkatauhan, ngunit sa gayunpaman ay hindi tinalikuran ng Diyos ang kanyang pangako. Pinili niya ang isang babaeng taga-Nazaret upang maging ina ng Kanyang Anak. Lubos ang kabutihan at katapatan ng Diyos. Ang Diyos ay laging tapat sa atin. Sa kabila ng ating araw-araw na pagtalikod at paglimot sa kanya ay tuloy pa rin ang alok Niyang kaligtasan. Pinahahalagahan ko ba ito? O baka naman, binabalewala ko lang ang Kanyang kabutihan sa patuloy na paggawa ng kasalanan at pagpapairal ng masamang pag-uugali.  Ang  Ebanghelyo ngayong Linggo ay nagpapaalala sa atin na seryosohin ang ating pagsunod kay Kristo.  Dapat ay may masusi rin tayong pagpaplano ng ating mga dapat gawin upang maging ganap ang ating pagiging Kristiyano.  Ang talihaga ng pagtatayo ng tore at haring makikipagdigma ay babala sa atin na huwag magpakakampante sa ating buhay espirituwal.  Kung ang Diyos nga ay pinaghandaang mabuti ang Kanyang planong kaligtasan ay dapat tayo rin,  may mga hakbangin at layunin upang ipakita ng seryoso tayo sa kahulugan ating bautismo.  Ang kapanganakan ng Mahal na Birhen ay hindi lang dapat magpaalala sa atin ng katapan ng Diyos.  Dapat ito rin ay magtulak sa ating maging tapat at radikal sa ating pagsunod kay Kristo. "Hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.”  O Maria... tulungan mo kaming maging tapat na katulad mo... Maligayang kaarawan sa iyo aming Ina!

Sabado, Agosto 31, 2013

SEASON OF CREATION: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year C - September 1, 2013

Nitong nakaraang buwan lamang ay saksi tayong muli sa mga trahedyang dulot ng malawakang pagbaha. Hindi naman ito ang una ngunit parang sirang plakang paulit-ulit na lang ang problemang dulot tuwing darating ang malakas na buhos ng ulan.  Ang may kagagawan?  Hindi isang malakas na bagyo ngunit ang hanging HABAGAT.  Sabi nga ng isang post na nakita ko sa facebook patungkol kay Habagat:  "Dear Habagat, kalma lang please, hangin ka lang. Hindi ka bagyo. Wag kang ASSUMING!"  Ngunit si Habagat lang nga ba ang dapat sisihin?  Bakit nga ba sa kanya natin ibinubunton ang sisi?  Kung susuriin nating mabuti, tayong mga tao ang talagang may sala. Ang walang hambas na pagsira ng mga puno sa mga bundok at pagtatapon ng mga basura sa mga ilog at estero ay ilan lamang sa paglapastangan sa kalikasan na ngayon ay ibinabalik sa atin sa anong trahedya at delubyo.  Kaya nga napapanahon na upang pagnilayan natin ang ating mga "kasalanan laban sa kalikasan".  Ngayong buwan ng Setyembre ay sinisumulan ng Arkediyosesis ng Maynila ang Season of Creation o ang Panahon ng Paglikha. Ito ang ating kasagutan bilang mga Kristiyano sa mga suliranin na ating kinakaharap sa ating kapaligiran at kalikasan. Ano ba Panahon ng Paglikaha? Una sa lahat, ang Panahon ng Paglikha ay pagbibigay pugay at parangal sa Diyos na Manlilikha na patuloy na nangangalaga sa atin.  Ito ang unang pinapahayag natin sa ating Pananampalataya sa tuwing tayo ay nagsisimba pagktapos ng homiliya ng pari.  Nararapat lang na ibalik natin sa Diyos ang lahat ng pasasalamat at papuri sapagkat nilikha Niya ang lahat ng "mabuti".  Ikalawa, ang Panahon ng Paglikha ay nagbibigay sa atin ng pagninilay na dapat tayong maging mapagkumbaba. Tayo ay ginawa lamang ng Diyos na kanyang mga katiwala o "stewards" kaya wala dapat tayong ipagmalaki o ipagyabang.  Tandaan natin ang sinasabi ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayong Linggo na ang "nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”  Ang kalikasan ay hindi natin pag-aari. Tagapag-alaga lamang tayo nito kaya nararapat lang na ito ay ating igalang, protektahan at alagaan.  Ang mga taong walang pakundangan sa paglapastangan sa kalikasan ay mga taong mayayabang!  Ikatlo, sinasabi sa atin ng Panahon ng Paglikha na tayo ay may pananagutan sa kalikasang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos bilang tagapamahala.  Ecology is our responsibility.  Kung ang lahat lamang ay kikilos at magsusumikap na pangalagaan ang kalikasang ibinigay Niya sa atin ay mas magiging maginhawa ang ating pamumuhay. Katulad rin ito ng pag-aalaga natin sa ating katawan.  Huwag abusuhin.  Bawal ang lahat ng sobra o labis na pagtrato.  Bawal ang makasariling pagmamahal.  Ang Inang Kalikasan" ay dapat din nating pakitunguhan kung paano natin tinatrato ang ating sarili, pakikitungo na may paggalang at pagmamahal.  Mga kapatid, ang Panahon ng Paglikha ay tatagal lamang ng humigit kumulang na isang buwan, mula September 1 hanggang October 6.  Ngunit ang ating pag-ako ng responsibilidad na pangalagaan ang mga ibinigay sa atin ng Diyos ay hambambuhay nating gagawin.  Sana, sa Taong ito ng Pananampalataya, na kung saan ay sinisimulan natin ang Panahon ng Paglikha ay mapukaw ang ating tulog na damdamin at maging mulat tayo sa hinanaing ng ating Inang Kalikasan na patuloy na dumaraing sapagkat atin itong pinababayaan at pinagsasamantalahan. Sabi ng tema ng Panahon ng Paglikha: "Caring for God's creation is Faith in Action!"

Biyernes, Agosto 23, 2013

ANG MAKIPOT NA PINTUAN: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year C - August 25, 2013 - YEAR OF FAITH

Ang langit daw ay gantimpala para sa mga taong nabuhay ng mabuti. Ang impiyerno naman ay para sa mga masasama. Ang purgatoryo... para sa mga nasa gitna: mabuting-masama o masamang-mabuti! Kumbaga sa isang apartment na may tatlong palapag, ang langit ay top floor, ang purgatoryo ay middle floor at ang impiyerno ay ang ground floor. May isang lumang kuwento na minsan daw ay may mga kaluluwang napunta sa purgatoryo. Laking pagkagulat nila ng makita ang kanilang kura-paroko doon. "Hala! Padre! Dito ka rin pala... kelan ka pa dito? Akala pa naman namin nasa top floor ka!  Dapat ay nasa top floor ka! Kura paroko ka namin!" Sigaw ng kanyang parokyano. "Shhhh... wag kayong maingay! Baka magising ang obispo. Natutulog s'ya sa ibaba!" hehehe. Pasantabi po sa mga obispo. Pero sa ebanghelyo ngayon ay maliwanag ang sinasabi ni Jesus na may mga "nauunang mahuhuli at nahuhuling mauuna." Sabi nga nila, ang langit daw ay puno ng surpresa! Ngunit katulad nga ng sabi ng Panginoon, isa lang naman ang daan papasok sa langit... ang makipot na pintuan! Kaya nga kung ang hanap natin sa pagiging Kristiyano ay "good time" at "pa-easy-easy" lang tayo sa pagsasabuhay ng ating mga tungkulin bilang tagasunod ni Kristo ay nagkakamali tayo... Hindi puwedeng maligamgam tayo sa harapan ng Diyos. Sala sa init... sala sa lamig! Ang pagiging Kristiyano ay isa lang ang hinihingi... ang maging katulad ni Kristo! Ang makipot na pintuan ay dinaraanan natin araw-araw. Laging bukas... nag-aanyaya ngunit dahil nga sa makipot ay ayaw nating daanan. Mahirap magpatawad. Mahirap maging tapat sa trabaho. Mahirap umunawa. Mahirap magbigay. Mahirap magpakatao. Mas madalli ang sumuway sa utos ng magulang.  Mas madali ang magnakaw.  Mas madali ang mangopya sa exam.  Mas madali ang gumala kaysa mag-aral.  Mas madali ang mangaliwa kaysa maging tapat sa asawa.  Mas madali ang gumawa ng kasalanan kaysa kabutihan. Mas masarap ang alok nito. Walang hirap. Walang pasakit. Ngunit alam din natin ang patutunguhan ng pintuang maluwag... walang hanggang kapahamakan! Maging matalinong kang Kristiyano.  Ngayong Taon ng Pananampalataya ay palakasin natin ang ating paniniwala na may gantimpalang naghhintay sa atin kung tayo ay magpapatuloy sa pagiging mabuti.  May gantimpalang naghihintay sa atin kung magtitiwala tayo sa kabutihan ng Diyos na hindi tayo pababayaan sa ating pagsisikap dahil mahal Niya tayo.  May "langit" tayong mararating kung magsisikap tayong sumunod sa kanyang kalooban.   Tandaan mo... isa lang ang daang patungo kay Kristo... at ang hahantungan mo ay nakasalalay sa pintuang pipiliin mo.

Sabado, Agosto 17, 2013

PAGPANIG SA TOTOO, PAGPILI KAY KRISTO: Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year C - August 18, 2013 - YEAR OF FAITH

Ano ba ang simbolo ng krus para sa iyo?  Marahil ang sagot na agad pumnapasok sa ating pag-iisip ay paghihirap, problema, pasanin sa buhay...  Walang masama. Tunay nga namang ang daan ng krus ay daan ng paghihirap.  Ngunit hindi lamang ito ang ibig sabihin ng krus.  Pakinggan ninyo ang kuwentong ito: "May isang batang umakyat sa isang mataas na puno at parang unggoy na lumalambitin sa mga sanga nito.  Takot na takot ang mga tao ng makita ito at pilit nilang pinabababa ang bata ngunit ayaw naman niyang makinig. Sunubukan nilang tawagin ang mga magulang ng bata ngunit ayaw pa rin nitong bumaba.  Nang biglang napadaan ang isang pari at hiningian nila ng tulong para maibaba ang bata.   Pumayag naman ang pari at agad agad ay tiningala ang bata.  Itinaas nito ang kanang kamay at pa-krus na binasbasan ang bata.  Nang makita ito ng bata ay agad-agad itong bumaba sa puno.  Laking pasasalamat ng mga tao sa pari dahil sa kanyang ginawa.  Nang kausapin ang bata kung bakit siya bumaba agad ay ito ang kanyang sagot,  "Eh, kasi ang pagkakaintindi ko kay Father ay: Ikaw baba o putol puno! Baba o putol puno!"  sabay pa-krus na iwinasiwas ang kamay."  Ikaw? Ano ang pagkakaintindi mo sa krus?  Para sa isang Kristiyano, ang krus ay hindi lamang simbolo ng paghihirap, kamatayan, pagkatalo. Sa pamamagitan ng pagkakatawang tao ng Anak ng Diyos ay pinalitan niya ang masamang kahulugan ng krus.  Sa pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus ay pinalittan niya ang pangit na sinasabi nito.  Ang Krus ay naging simbolo ng tagumpay,  bagong pag-asa at kaligtasan. Sabi nga sa ikalawang pagbasa sa sulat sa mga Hebreo, "Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo’y nakaluklok sa kanan ng trono ng  Diyos."   Ngunit sa pag-akong ito ng krus ay nakaranas si Jesus ng pag-uusig at kahirapan.  Marahil ay ito rin talaga ang kinahihinatnan ng mga taong nagpapakatotoo sa pagsunod kay Jesus at  sa pagpanig sa katotohanan. Ang sinapit ni Propeta Jeremias sa kamay ng mga namumuno ay isang halimbawa ng sinasabi nating pag-uusig.  Ngunit hindi lahat ay ganito ang karanasan.  May mga pag-uusig na dala ng ating paninindigan bilang mabubuting Kristiyano. Hindi ba't kung minsan ay tayo pang gumagawa ng tama ang napapasama sa ating mga kaibigan, kabarkada o maging kapamilya?  Kung minsan ay parang lalamunin ka ng mga taong liko ang pag-iisip dahil nais nilang mabuhay sa kasinungalingan at pagsasamantala sa iba.  Kaya nga't napakahirap manindigan sa katotohan. Mahirap manindigan kay Kristo!  Ngunit ito ang kahulugan ng "apoy" na nais pag-alabin ni Jesus sa ating buhay!  Huwag tayong mahiyang manindigan para sa Katotohanan.  Huwang nating itatwa si Kristo upang mapagbigayan lamang ang kaluguran ng iba.  Tunay na ang pagpanig kay Jesus ay magdadala sa atin ng pagpili.  Handa ka bang magsakripisyo para kay Kristo?

Miyerkules, Agosto 14, 2013

ANG MAGAANG TUMATAAS: Reflection for the Solemnity of the Assumption: August 15, 2013 Year C - YEAR OF FAITH

"Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... magaang tulad ng isang lobo." Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Kapistahan ngayon ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII , "si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan." Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad ng kalooban ng Diyos at di nabahiran ang kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Ito ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!"Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang 15 taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanyan sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat na kasalanan sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Ugaliin ang paggawa ng mabuti. Balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Iaakyat din tayo sa itaas. Tandaan: ang magaang tumataas!  Maria, birheng iniakyat sa langit katawan at kaluluwa... ipanalangin mo kami!

Sabado, Agosto 10, 2013

BUHAY NA PANANAMPALATAYA: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year C - August 11, 2013 - YEAR OF FAITH

Ngayong Taon ng Pananampalataya, inaanyayahan tayo na huwag lamang palalimin ang ating pananampalataya kundi isabuhay din natin ito.  Minsan ay naanyayahan ako sa burol ng anak ng isang kaibigan. Isa siyang Born Again Christian.  Paglapit niya pa lang sa akin ay agad agad na sinabi niyang, "Father, I know that my daughter is saved! Ligtas na siya sapagkat sumampalataya siya kay Kristo!"  Napansin kong nagtaasan ng kilay ang mga naroroon at ang iba ay nagbulong-bulungan.  Napag-alaman kong ang namatay ay nagpatiwakal dahil hindi na niya nakayanan ang kanyang buhay na naging pariwara.  Iniwan siya ng kanyang boyfriend na nakabuntis sa kanya.  Bago 'yon ay nalulon siya sa maraming bisyo at sa droga at maraming kinasamang lalaki. Hndi niya naipagpatuloy ang kanyang kolehiyo sa kadahilanang nabuntis siya ng kanyang boyfriend na paglipas ng ilang araw ay iniwan naman siya.  At ito ang naging mitsa upang kitilin niya ang kanyang sariling buhay. Sa kabila nito patuloy na sumasagi sa aking isip ang sinasabi ng kanyang ina na "My daughter is saved because she accepted Christ as her personal Savior!" Kasabay nito ay ang mga mukha rin ng mga manang na nagbubulong-bulungan na ngayon ay batid ko na ang nilalaman ng kanilang pinag-uusapan.  Bagamat hindi tayo nararapat na maghusga sa isang tao, lalong-lalo na kung ang pinag-uusapan ay ang kanyang kaligtasan, ay mapapaisip naman tayo ng dalawang ulit kung pag-uusapan ay ang pagiging tapat na pamumuhay ng iang kristiyano.  Ang pananampalatayang ating tinanggap sa Binyag ay nangangailangan ng pagpapatunay o pagibibigay saksi kung tunay ba tayong mga tagasunod ni Kristo.  Ang pananampalataya pagkatapos angkinin ay dapat isinasabuhay.  Ang tawag natin dito ay PRAKTIKAL NA PANANAMPALATAYA.  Kailan natin masasabing praktikal ang isang pananampalataya? Alam natin ang kahulugan nito: paniniwala... pagtitiwala. Pero kalimitan ay nakakaligtaan natin ang ikatlong katangian ng praktikal na pananampalataya at ito ay ang... pagsunod! Kaya nga't madalas ay nakakakita tayo ng mga "doble-karang Kristiyano", magaling sa salita ngunit kulang naman sa gawa, saulado ang kapitulo at bersikulo ng Bibliya ngunit hindi naman isinasabuhay ito.  Ano ba ang nais ng Diyos sa atin? Simple lang, ang isabuhay mo ang pinaniniwalaan mo! Maging tulad tayo ng aliping laging handang naghihintay sa pagdating ng Panginoon. Hindi patulog-tulog, tamad, walang ginagawa, nagsasamantala sa kapwa. Ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay! Pananampalatayang hindi lamang laman ng mga isinaulong panalangin o kaalaman sa katesismo, ngunit isang pananampalatayang nakikita sa ating pagsaksi bilang mga tagasunod ni Kristo. Huwang lang nating ipangaral ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap... isagawa natin ito.  Tandaan natin na sa ating pinagkalooban nito ay mas higit ang inaasahan sa atin ng Panginoon. Buhay ba ang pananampalataya mo?

Sabado, Agosto 3, 2013

KASAKIMAN : Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year C - August 4, 2013 - YEAR OF FAITH

Sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang kapistahan ni St. John Maria Vianney.  Siya ang kinikilalang patron ng mga pari kaya;t sa araw na ito ay atin ding inaalala at pinaparangalan ang mga pari lalong-lalo na ang mga naglilingkod sa ating mga parokya.  Ang pagpapari ay isang bokasyon o pagtawag ng Diyos na nangangahulugan ng buong pusong pag-aalay ng sarili sa Diyos.  Sa mundong ating ginagalawan ngayon ay napakahirap magtalaga ng buong sarili sa Diyos. Ang lumiliit na bilang ng mga kabataang nais magpari o magmadre ay isang pagpapatunay nito. Ang pagkalulon ng mundo sa komersyalismo at materyalismo na kung saan ay mas nabibigyang halaga ang mga bagay na panadalian at lumilipas ay nagbubusod sa tao sa kasakiman at pagiging makasarili. Isang matandang negosyanteng intsik ang naghihingalo sa kanyang kama. Napapalibutan siya ng kanyang mga kasambahay na lubha naman ang pagkalungkot. Umuungol na tinawag niya ang mga nasa paligid: "Asawa ko, nand'yan ka ba? " Sagot si misis: "Oo mahal, nandito ako." "Ang panganay ko nand'yan ba?" Sagot si kuya: "Opo dad, nandito ako..." Tawag uli siya: "Ang bunso kong babae nan'dyan din ba?" Sagot si ate: "Yes dad, me here!" Biglang napasaigaw ang matanda: "Mga lintek kayo! Nandito kayong lahat... sino ngayon ang tumatao sa tindahan?" hehehe... Tingnan mo nga naman, mamamatay na lang e negosyo pa rin ang iniisip! Taliwas sa mga narinig natin sa mga pagbasa ngayon. Sa unang pagbasa sinabi ng mangangaral: "Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay!" Hindi niya sinasabing huwag na tayong mabuhay!  Kailangan nating magtrabaho para mabuhay. Kailangan nating mag-ipon ng kayamanan para sa ating seguridad. Ngunit ang ipinapaalala sa atin ay mag-ingat sa labis na paghahangad nito at dahil diyan ay hindi na natin alam ang dapat nating pahalagahan.  Mag-ingat sa kasakiman! Sa ating Ebanghelyo ngayon ay sinasabihan tayo sa sasapitin ng taong nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos! Muli ay ibinabalik tayo ni Jesus na suriin ang ating sarili at tingnan kung ano ba ang pinahahalagahan natin sa ating buhay. Marahil ay ipinanganak tayong may kaya. Marahil nagsikap tayo upang umunlad ang buhay natin.  Pasalamatan natin ang Diyos! Ngunit hindi natatapos doon. Tingnan din natin kung papaano natin magagamit ang mga ito sa tamang paraan upang mapaunlad ang ating kabuhayan at makatulong din sa mga taong nangangailangan. Tayo ay tagapag-alaga lamang ng mga bagay na bigay sa atin ng Diyos. Sa sandali ng ating kamatayan ay magsusulit tayo sa mga bagay na ipinagkatiwala niya sa atin. Nakakatakot na matawag niya rin tayong "Hangal!" sapagkat naging sakim tayo!  Ngayong Taon ng Pananampalataya pagsumikapan nating palalimin ang pagtitiwala sa mga bagay na hindi kumukupas.  Sa halip ay pahalagahan natin ang magdadala sa atin sa walang hanggang kaligayahan.  Ituon natin ang ating pagitiwala sa Diyos na Siyang simula at katapusan ng na ating buhay.  Siya lamang ang makakasupil sa kasakiman ng buhay!

Sabado, Hulyo 27, 2013

AMA NAMING NASA LANGIT: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year C - July 28, 2013 - YEAR OF FAITH

Sa araw na ito ay idinaraos ang pagtatapos ng World Youth Day sa Rio, Brazil na kung saan ay milyon-milyong kabataan ang nagkakatipon upang ipahayag sa buong munmdo ang pagkakapatiran sa kabila ng iba't ibang lahi at kultura ng bansang kanilang pinanggalingan.  Iisang Diyos Ama ang nagbubuklod sa Kanyang mga anak.  Ano ba ang ibig sabihin na tayo ay pinagbubuklod ng iisang Ama?  Sa isang ospital, hindi mapalagay na nag-uusap apat na lalaki sa labas ng maternity ward. Biglang lumabas ang nurse at sinabi: "Mr. Reyes, kambal ang anak n'yo! Congrtulations!" Sagot si Mr. Reyes, "Wow! Ang galing naman! Dalawa ang anak ko! Parang lugar ng pinagtratrabahuhan ko... Kapamilya ABS-CBN 2!" After five minutes, lumabas uli ang nurse: "Mr. dela Cruz! Congratulations po! Triplet ang anak n'yo!" Napasigaw si Mister: "Ha? It's a miracle! Sa Triple-V ako nagtratrabaho at tatlo ang anak ko! Amazing!"  Napanganga ang pangatlo sa magkakabigan ng lumabas muli ang nurse at sinabing:  Mr. De Leon, congratulation! Quadruplet ang anak mo! Apat na malulusog na lalaki!" "Sabi na nga ba eh, kaya ayaw ko ng magtrbaho sa PTV 4!  Napansin ng tatlo na namumutla ang pang-pat nilang kaibigan. "Pare anung nangyari at putlang-putla ka?" Sagot ng lalaki... "Mga pare, pano'ng di ako mamumutla... ang trabaho ko sa 168 Mall!" Talaga nga namang nakakatakot ang maging ama kung ganun karaming anak ang palalakihin mo. May trabahador kami sa Don Bosco Pampanga na may labindalawang anak at nung rumagasa ang lahar ay litong-lito siya kung sino ang uunahin niyang iligtas! May isa pa nga akong kilala na sa dami ng kanyang anak ay litong-lito na siya sa kanilang mga pangalan! Ngunit iba ang ating Diyos Ama! Kilala at mahal N'ya tayong lubos. Tayong lahat ay tinuring n'yang anak kahit na marami sa atin ay pariwara at walang utang na loob sa Kanyang ipinapakitang kagandahang loob sa atin. Kaya nga sa ating pagdarasal nais ni Jesus na tawagin natin Siya sa pangalang nararapat sa Kanya... "Ama namin..." Nararapat lang sapagkat ito ang unang biyayang tinanggap natin noong tayo ay biniyangan, naging "anak tayo ng Diyos!" At dahil dito ay nagkakaroon tayo ng karapatang tawagin siyang "Abba"... Papa... Daddy. Nais ni Jesus na tawagin natin ang ating Ama sa ganitong kataga lalong-lalo na sa ating pagdarasal. Nais Niyang kulitin natin ang ating "tatay" sa ating mga pangangailangan sapagkat hindi Niya mapaghihindian ang pngungulit ng kanyang mga anak tulad ng lalaking nanghihingi sa Ebanghelyo.   Bilang mapagmahal na Ama ay alam Niya ang ating mga pangangailangan bago pa natin ito hingiin sa Kanya. "Humingi ka at ikaw ay bibigyan. Humanap ka at ikaw ay makatatagpo.Huwag tayong panghinaan ng loob kung hindi minsan natutugunan ang ating mga panalangin. Kung matagal man niyang ibigay ang ating mga kahilingan ay marahil nais Niya tayong maging matiyaga sa paghingi. Kung hindi man Niya ibigay ito ay marahil may ibang plano Siya sa atin at ibang paraan ang Kanyang pagsagot. Ang Diyos laging sumasagot ngunit sa Kanyang sariling pamamaraan. Tayong lahat ay Kanyang mga anak... sana matanim natin ito ng malalim sa ating isipan. At ngayong Taon ng Pananampalataya,  ang hamon sa atin ay magkaroon ng matibay na pagtitiwala sa ating Diyos. Siya ay Amang mapagmahal, mapag-aruga at mapagpatawad! Tawagin natin Siya sa paraang nais ni Jesus na itawag natin sa Kanya... AMA NAMIN!

Linggo, Hulyo 21, 2013

PAKIKINIG AY PAGTANGGAP: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year C - July 21, 2013 - YEAR OF FAITH

Tayong mga Pilipino ay may isang natatangi at maipagmamalaking katangian.  Tayo raw ay mga taong naturally hospitable o likas na mainit tumanggap ng mga panauhin.  Dito man sa ating bayan o sa ibang bansa ay likas ang ating pagiging 'hospitable".  Personal ko itong naranasan noong ako ay nakasama sa World Youth Day na ginanap sa Canada.  Sa pagdating pa lamang namin doon at nalaman ng mga Pilipinong naninirahan sa Vancouver na may mga delegates na galing sa Pilipinas ay bumaha ng pagkain sa aming tinutuluyang parokya at parang may pistang naganap.  Noong ako naman ay naitalagang Asst. Parish Priest ng parokya ng Mayapa sa Laguna ay naranasan ko ang di mapapantayang hospitality ng mga taong taga-barrio. Kapag may pista sa isang barrio ay dapat mo ng ihanda ang iyong sarili sa buong araw na kainan.  May sampung bahay akong binasbasan noon at lahat ay nagpakain.  Nakakainis sapagkat bawal ang tumanggi sapagkat sasama ang kanilang loob at ang mas nakakagalit ay pare-pareho ang luto ng kanilang ulam!  Gayunpaman ay nakakatuwa ang kanilang "hospitality".   Hindi lang naman sa ating mga Pilipino ang ganitong katangian.  Ang mga Hudio ay mas higit pa nga kaysa sa atin.  Sa unang pagbasa ay narinig natin ang pagtanggap ni Abraham sa tatlong anghel na nag-anyong tao at bumisita sa kanya.  Ipinagghanda sila ni Abraham ng makakain at lugar na mapaghihingahan at nagantimpalaan naman ang kabutihang ito sapagkat ibinigay ng Diyos sa kanya si Isaac bilang kanyang anak sa kabila ng katandaan nilang mag-asawa. Sa Ebanghelyo ay nakita rin natin ang mainit na pagtanggap kay Jesus ng magkapatid na Marta at Maria.  May pagkakabiba lang nga sa kanilang ginawang pagtanggap.  Si Marta, na mas nakatatandang kapatid, ay abalang-abala sa mga gawaing bahay samantalang si Maria ay piniling makinig sa tabi ni Jesus.  Sa kahuli-hulihan ay naging mas kalugod-lugod si Maria sa paningin ni Jesus sapagkat pinili niya ang higit na "mas mahalaga!"  Tayo rin ay tinatawagang tanggapin si Jesus sa ating buhay.  Sa pagtanggap na ito ay dapat marunong tayong makinig sapgkat ito ang pagtanggap na kinalulugdan ng Panginoon.  Ang karaninwang sakit nating mga Kristiyano ay KSP: Kulang Sa Pakikinig.  Kalimitan sa ating pagdarasal ay tayo lang ang nagsasalita.  Bakit di natin ang bigyan ng puwang ang tinig ng Diyos sa ating buhay?  Ang Diyos din ay nagsasalita sa ating kapwa kaya dapat ay marunong din tayong makinig sa kanila. Kailan ka huling nakinig sa payo ng iyong mga magulang?  Mga magulang, nabigyan n'yo na rin ng pagkakataong magsalita at pakinggan ang inyong anak?  Ang tunay na pakikinig ay pagtanggap kay Jesus.  At ang pagtanggap sa Kanya ay nagbibigay ng kaligayahang walang hanggan.

Sabado, Hulyo 13, 2013

KAPWA KO MAHAL KO: Reflection for 15th Sunday in Ordinary time Year C - July 14, 2013 - YEAR OF FAITH

Sa tuwing ako ay nagpapakilala sa aking sarili ay maingat ako sa pagsagot kapag ang tanong ay ang lugar ng aking bahay.  Kapag sinabi kong "Tundo"  agad-agad ang sasabihin ng iba, naku KRIMINAL yan!  Me ganun?  Sapagkat Tundo ba, kriminal agad?  Di ba puwedeng "holdaper" o "snatcher" muna? hehehe...  Kung minsan madali tayong ma-bias sa isang tao dahil sa kanyang anyo, estado sa buhay o lugar na pinanggalingan.  Pakinggan n'yo ang kwentong ito:  Isang pulubi ang nagdarasal sa likod ng Simbahan: "Panginoon, tulungan mo naman po ako. May sakit ang aking anak. Wala kaming kakainin mamya. Kung maari bigyan mo naman ako kahit na limandaang piso." Lingid sa kanyang kaalaman ay may isang pulis na nakarinig sa kanyang panalangin. Nahabag ito at dumukot sa kanyang wallet. Binilang niya ang laman at umabot lamang ito ng apat na daang piso. Gayun pa man, iniabot niya ito sa pulubi. Tuwang-tuwa ang pulubi at binilang ito. Muli siyang lumuhod at nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po! Pero sana sa susunod, wag mo nang padaanin sa pulis... nagkulang tuloy ng isang daan!" Kalimitan ay hirap tayong makita ang kabutihan ng iba sapagkat nakakahon na ang kanilang pagkatao sa ating isipan. Kapag nakakita ng pulis, kotong cop yan! Kapag nakakita ng politician, trapo yan! Kapag nakakita ng artista, maraming asawa yan! Ganito rin ang pagtingin ng mga Hudyo sa mga Samaritano nang panahon ni Jesus. Kapag Samaritano... kaaway yan! Nang tinanong si Jesus ng dalubhasa sa batas kung ano ang pinakamahalaga sa mga utos ay sinagot niya ito sa huli ng isa ring tanong: "Sino ang nagpakita ng pakikipagkapwa sa taong hinarang ng tulisan?" Hindi masagot ng eskriba si Jesus ng diresto sapagkat kaaway nila ang mga Samaritano. Kung minsan ay ganito rin ang ating pag-uugali. Hirap tayong magpakita ng pagmamahal sa ating mga kaaway. Hirap tayong magpatawad sa ating mga kasamaang-loob. Hindi natin matanggap na sila rin ay ang ating "kapwa". Malinaw ang mensaheng nais paratingin ni Jesus sa atin: Ang ating kapwa ay ang mga taong nangangailangan, nangangailangan ng tulong, ng awa, ng pag-aaruga at higit sa lahat...ng pagpapatawad.  Ang utos ng Panginoon na mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat at ang ating kapwa gaya ng pagmamahal sa ating sarili ay hindi lamang utos na nakalimbag sa Bibliya o sa ating Katesismo. Ito ay nakalimbag hindi sa papel kundi sa ating mga puso. Ibig sabihin ay napakalapit sa atin sapagkat ito ay nasa ating kalooban, kabahagi ng ating pagiging tao at ng pagiging anak ng Diyos natin. Kaya't wala tayong maidadahilan upang hindi natin maisakakatuparan ang mga utos na ito. Sabi nga nating mga Pilipino: "Kung gusto mo, may paraan, kung ayaw mo may dahilan!"  Ngayong Taon ng Pananampalataya, sikapin nating tingnan ng naiiba ang ating kapwa.  Subukan nating aninagin ang mukha ni Jesus sa bawat isa sa kanila lalong lalo na sa ating mga kaaway o sa mga taong ating kinaiinisan.  Sana masabi natin palagi... KAPWA KO, MAHAL KO! KAPWA KO, SI KRISTO!

Linggo, Hulyo 7, 2013

KRISTIYANONG PANIKI: Reflection for 14th Sunday in Ordinary time Year C - July 7, 2013 - YEAR OF FAITH

Tatlong pari ang nag-uusap tungkol sa isang malaking problema sa kanilang mga parokya: na ang kisame ng kanilang mga simbahan ay pinananahanan ng mga paniki.  Ang sabi ng isa: "Ah, ang ginawa ko ay bumuli ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mga paniki para mabulabog sila.  Nag-alisan naman, kaya lang bumalik uli at nagsama pa ng kanilang mga tropa!"  Ang sabi namang pari, "Ako naman, bumili ng pang chemical spray.  ginamit ko ito at simula ay effective naman.  Marami ang namatay ngunit may mga naiwan. Ang masaklap ay na-immune ang mga ito at maging ang kanilang mga naging anak at apo ay di na tinatablan ng chemical."  Pagyayabang na sabi ng pangatlong pari: "Ako simple lang. Di ako ganong gumastos! Kumuha lang ako ng tubig.  Binasbasan ko ito.  Bininyagan ko ang mga paniki at pagkatapos ay nagliparan palabas ang mga paniki at hindi na muling bumalik sa simbahan!"  Marami sa ating mga Katoliko ay walang pinagkaiba sa mga paniking bininyagan!  Pagkatapos mabinyagan ay palipad-lipad na lamang sa labas ng simbahan at ayaw ng pumasok!  Nakalulungkot ngunit ito ang katotohanan: maraming Katoliko ang kristiyano lamang sa "baptismal certificate", nabinyagan ngunit hanggang doon na lamang. "Sacramentalized but not evangelized!"  Ngayong Taon ng Pananampalataya" ay idinaos din ang "New Evangelization".  Sa katunayan ay nagkaroon pa ng pagtitipon ang mga obispo sa buong mundo upang pag-usapan ang pangangailangang ito ng Simbahan na maglunsad muli ng makabagong paraan ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita ni Kristo.  Ngunit hindi lamang ito gawaing iniatas sa mga obispo, pari o mga relihiyoso.  Sa ating Ebanghelyo ay narinig natin ang pagsusugo sa pitumpu't dalawang alagad.  Isinugo sila ni Jesus upang tulungan Siya sa pagpapalagananp ng Mabuting Balita.  Tayong lahat din, sa bisa ng ating Binyag ay isinusugo rin ni Jesus.  Hindi natin kinakailangang lumayo sapagkat sa ating mga tahanan ay maari na nating siumulan ang gawaing ito.  Isinusugo tayo ni Jesus na ilapit sa Kanya ang ating mga magulang, anak, kapartid, kapitbahay at ang ating mga kaibigan. Ibahagi natin si Jesus sa paraang kakaiba.  Ipakilala natin si Jesus sa paraang naangkop sa makabagong takbo ng panahon.  Mula sa paggamit ng cellphone hanggang sa internet, social networking sites at iba pang hi-tech na pamamaraan ay maaari nating ipalaganap ang Mabuting Balita ni Kristo.  Tingnan mo ang nilalaman ng mga pakikipagtalakayan ninyo. Pasok ba si Kristo sa mga pinag-uusapan ninyo?  May lakas ng loob ka bang magbanggit ng mga espirituwal na bagay sa mga kasama mo sa bahay o sa iyong mga kaibaigan? O baka naman ikinahihiya mo ang iyong pagiging Kristiyano?  Ngayong Taon ng Pananampalataya ay mangako tayo na pagsisikapan nating ipahayag si Kristo sa iba.  Mangako tayo na magdadala tayo ng kaibigan kay Kristo lalo na ang mga "kristiyanong-paniki" na patuloy pa rin sa paglipad-lipad sa labas ng simbahan.