Lunes, Oktubre 31, 2011

ANG MGA NASA ITAAS: Reflection for ALL SAINTS DAY - November 1, 2011

Kapistahan ngayon ng lahat ng mga banal sa langit. Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa. Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?" Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na ngunit marahil ay hindi kilala. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal!Sana ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor: " (pangalan mo) is up!"

Linggo, Oktubre 30, 2011

BANAL NA ASO, SANTONG KABAYO: Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year A - October 30, 2011


"Banal na aso, santong kabayo!" ang turing natin sa mga taong panlabas lamang ang pagpapakita ng pananampalataya. Minsan ay may isang lalaking deboto ng Nazareno na ang pangalan ay Mando (a.k.a."Mandurugas" hehe). Mahilig siyang magsimba kapag Biyernes at palagi syang sumasama sa prusisyon ng Poong Nazareno na nakapaa. May kakaibang gawain itong si Mando. Ang trabaho nya ay magsnatch sa Quiapo. Minsan siya ay nang-snatch ng cellphone at humarurot ng takbo. Dahil hinabol ng pulis ay naisipan niyang magtago sa simbahan. Nagtago siya sa tabi ng Santo Entiero at hingal na hingal na bumulong. "Panginoon, mabuti na lang at hindi ako naabutan ng mga pulis! Salamat Po Panginoon!" Laking gulat niya ng biglang sumagot ang nakahigang estatwa ni Jesus: "Mapalad ka Mando, MAPALAD KA!" Nagulumihanan si Mando at nagtanong: "Panginoon, hindi ko maintindihan... paano ako naging mapalad!" At sumagot muli si Jesus: "Mapalad ka Mando at nakahiga ako dito sa loob, kung hindi... sinapak na kita!" Marahil isang kuwento lamang ngunit kapupulutan natin ng mahalagang aral: Hndi natutuwa ang Panginoon sa mga taong ang pagsasabuhay ng pananampalataya ay hanggang salita lamang at wala sa gawa! Ito ang pagkakamali ng mga Pariseo, mas higit nilang pinahalagahan ang kanilang posisyon bilang mga guro at tagapagpaliwanang ng Kautusan kaysa pagsasabuhay nito. Kaya nga't ang payo ni Jesus ay "sundin ninyo ang kanilang iniuutos nguit huwang tularan ang kanilang gawa!" Bakit? Sapagkat hindi nila isinabubuhay ang kanilang itinuturo. Kung minsan ay may Pariseo rin sa bawat isa sa atin. Gaano ba tayo kaseryoso sa ating pagiging Kristiyano? Isinasabuhay ba natin ang mga aral na ating tinanggap kay Kristo? Baka naman tayo rin ay walang pinagkaiba sa mga Kristiyanong "banal na aso at santong kabayo?" Simba ng simba, dasal ng dasal ngunit ang puso naman ay malayo sa Diyos. Hingin natin sa Panginonn ang biyaya ng pagpapakumbaba na aminin ang ating kakulangan sa tapat na pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Baka naman may dapat pa tayong baguhin sa ating mga sarili upang mabawasan ang pagpapaimbabaw sa ating buhay Kristiyano? Tandaan natin na tayo ay Kristiyano sa salita at gawa!

Linggo, Oktubre 23, 2011

ANG MAS MAKAPANGYARIHAN PA SA DIYOS: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year A - October 23, 2011

"Nanay, ano po ba sampung utos ng Diyos?" tanong ng bata sa kanyang ina. "Anak, iyan ang mga utos na ibinigay ng Diyos kay Moises. Ipinapakita ng sampung utos na MAKAPANGYARIHAN ang Diyos!" Sagot ng nanay. "Talaga po? Kung gayon mas makapangyarihan pa pala kayo sa Diyos?" Nakangiting sabi ng bata. "Bakit naman?" nagtatakang tanong ng nanay. "Kasi po... ang dami n'yong utos eh! hehehe!" Totoo nga naman, may mga taong ang pag-iisip ay mas makapangyarihan pa sa Diyos. Ang tinutukoy ko ay ang mga Hudyo na pagkatapos tanggapin ang sampung utos ng Diyos kay Moises ay pinarami ito ng pinarami hanggang umabot sa 613 na kautusan. Kaya't tama lang marahil ang tanong kay Jesus ng isang dalubhasa sa batas. "Ano po ba ang pinakamahalaga sa kautusan?" Sa dinami-dami ng mga utos na kanilang sinusunod ay marahil naisip nilang bakit hindi na lang sundan ang pinakamahalaga sa kanila. Ang sagot ni Jesus ay di naman talaga bago sa kanila, "Ibigin mo ang ang Diyos ng buo mong puso, kaluluwa at pag-iisip." Ang mga Hudyo ay likas na maka-Diyos. Ngunit ang idinugtong niya ang tila bago sa kanilang pag-isiip, "Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili". Bago sapagkat ito ay inilagay ni Jesus na kasing halaga ng pag-ibig sa Diyos. Ang pagkakamali nila, na marahil ang pagkukulang din natin, ay pinaghihiwalay natin ang dalawang kautusang ito. Marami sa ating mga Kristiyano na ang akala nila sa sarili ay matuwid sila sapagkat lagi silang nagsisimba at nagdarasal. Ngunit kung titingnan mo naman ang pagkilos ay kulang sa pagmamahal sa kapwa. Nariyan na ang mga taong nanlalait, nanlalamang at naninira sa iba pero hawak-hawak ang rosaryo at nagdarasal. Tandaan natin na ang tunay na pagiging maka-Diyos ay dapat maghubog sa atin upang maging tunay na maka-tao! Para saan pa ang pananampalataya sa Diyos na hindi mo nakikita kung ang kapwang nasa tabi mo lang ay hindi mo iginagalang? Para saan pa ang mahahabang panalangin kung nagwawalang bahala ka naman sa mga pangangailangan ng iba? Iisa lang ang kautusan at iyan ay ang batas ng pag-ibig! Kung tunay nating mahal ang Diyos, dapat ay nasasalamin din nito ang pagmamahal sa ating kapwa. Ang mga taong nag-aakalang "mas makapangyarihan sa Diyos" ay ang mga taong ang pagsamba ay nasa salita lamang at walang kasamang gawa! Sila ay nabulagan na ng kanilang pagiging relihiyoso at hindi na makita si Jesus sa mukha ng kanilang kapwang nangangailangan. Tingnan natin ang ating mga sarili, baka naman isa na tayo sa mga taong "mas makapangyarihan pa sa Diyos!"

Linggo, Oktubre 16, 2011

GOOD CHRISTIANS & HONEST CITIZENS: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time

Isang pari ang may alagang parrot at tinuruan niya itong kumanta. Ngunit kakaiba ang pagtuturo n'ya rito. Kapag hinila mo ang kanang paa nito ay kakanta ito ng "Lupang Hinirang" at kapag kaliwa naman ay "Ama Namin". Minsang dumalaw ang obispo sa kanilang simbahan at buong yabang na pinagmalaki ng pari ang kanyang alaga. Tuwang-tuwa ang obispo at sinubukan niyang hilahin ang kanang paa ng ibon. Kumanta naman ito ng "Bayang, magiliw..." at sinunod naman nitong hilahin ang kaliwang paa. "Ama namin sumasalangit ka..." Namangha ang obispo at naglaro ang kanyang isip. "Ano kaya ang kakantahin nito kapag hinila kong sabay ang paa?" sabay hila sa paa ng ibon. At biglang bulalas ng ibon: "Hoy tanga! malalaglag ako!" Puwede nga bang pagsabayin ang Ama Namin at Lupang Hinirang? Puwedeng bang pagsabayin ang pagiging Maka-Diyos at Maka-bayan? Maraming nagsasabing hindi! Kung paano ang langis at tubig ay hindi mapaghahalo ay ganun din daw ang Simbahan at pulitika. Ano ba ang pananaw ni Jesus dito? Nang tinanong si Jesus kung karapat-dapat bang magbayad ng buwis sa Cesar (Emperador ng Roma) ay napakasimple ng kanyang sagot: "Ibigay sa Cesar ang sa Cesar at ang Diyos naman ay dapat ibigay sa Diyos!" Sinasabi sa 'tin ni Jesus na hindi dapat natin kaligtaan ang ating tungkulin sa Diyos kahit na tayo ay naglilingkod sa lipunan at gayundin naman ay di dapat kaligtaaan ang tungkulin sa lipunan kung tayo naman ay naglikingkod sa Diyos! Malimit gamitin ng mga kalaban ng Simbahan ang "separation of Church and State" para hindi sila pakialaman ng Simbahan sa mga maling pamamalakad nito. Ngunit hindi ganito ang turo ng Diyos. Ang Simbahan ay may pananagutan kapag ang itinuturo ng estado ay labag sa pananampalataya at buhay moral! Hinihikayat din tayong maging mabubuting Kristiyano at mga tapat na mamamayan sa pamamagitan ng masusing pagtupad ng ating tungkulin sa Diyos at sa ating bayan. Ang pagiging mabuting Kristiyano ay pagiging maka-Diyos at maka-tao at ang pagiging tapat na mamayan naman ay maipapakita sa pagiging maka-bayan at maka-mamamayan. Ang lahat ng ito ay sapagkat may iisa tayong Diyos na sinasamba at pinaniniwalaan. Anuman ang ating lahi o kultura, iisang Diyos ang kumakalinga at nag-aalaga sa atin. Kaya nga't pagsilbihan natin Siya sa pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan ngunit huwag din nating kalilimutang mabuhay na mabubuting mamamayan ng Kanyang kaharian. Be good Christians and honest citizens!

Sabado, Oktubre 8, 2011

PAANYAYA AT PAGTANGGAP: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year A - October 9, 2011

Linggo na naman! Magsisimba ka ba? Baka naman katulad ka ng taong ito sa kuwento: "Pare, Linggo ngayon... magsimba ka naman!" Sabi ng kumpare nya sa kanya. "Hmmp...! Dami kong gagawin, mga anak at misis ko na lang!" Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: "Simba tayo bukas ha?" Ang kanyang sagot: "Hmmmp...! Ang misis at ang mga anak ko na lang! Me pupuntahan pa ako." Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura paroko: "Anak, Linggo bukas. Magsimba ka." Sagot n'ya: "Padre, wala naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Hmmmp! Ang misis at ang mga anak ko na lang!" Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi ni San Pedro: "Pamilya Dimagiba... pasok sa loob!" Nang s'ya na ang papasok ay hinarang sya ni San Pedro. "Oooops... san ang punta mo?" "Sa loob! Kasama ng pamilya ko!" Sagot n'ya. Sabi ni San Pedro" "Hmmmp... ang misis at anak mo na lang!" Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan natin ng mahalagang aral. Patuloy ang Diyos na nag-aanyaya sa ating makibahagi sa kanyang "piging" ngunit kalimitan ay wala tayong panahon para sa Kanyang paanyaya! Ang dami nating dahilan. Pero tulad nga ng kasabihan: "Kung gusto mo may paraan, kung ayaw mo may dahilan!" Kung ilalapat natin sa Ebanghelyo ay makikita nating ayaw lang talaga ng mga taong naimbitahan na dumalo sa kasalan. Marami silang dahilang ibinigay ngunit kung iisa lang naman ang gusto nilang sabihin: "Wala akong panahon para d'yan!" Hinalintulad ni Jesus ang mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa mga taong ito. Sila ang unang naimbitahan na makibahagi sa Kaharian ng Diyos ngunit dahil sa katigasan ng kanilang ulo ay ilang ulit nilang tinanggihan ang paanyaya ng Diyos. Marami sa mga propeta ay kanilang inusig at ipinapatay. Kaya nga't ibinaling ng Diyos ang Kanyang paanyaya sa mga "Hentil". Ibinaling ni Jesus ang paanyaya sa atin! Ang katanungan ngayon ay: "Tatanggihan mo rin ba?" Nagsabi na tayo ng "Oo" noong tayo ay nabinyagan at nakumpilan. Ngunit sa tuwing nilalabag natin ang utos ng Diyos at hindi tayo nagpapakita ng pagiging mabuting kristiyano ay isang masakit na pagtanggi ang ating ginagawa sa kanyang imbitasyon. Ilang beses na rin marahil na atin siyang iniwasan. Ang dahilan, halos pareho rin: marami pa akong gagawing mas mahalaga! Kung ang Diyos ay importante sa ating buhay ay bibigyan natin siya ng puwang sa ating buhay, handa tayong maglaan ng oras para sa Kanya! Isang praktikal na aplikasyon nito ay ang ating ginagawang pagsisimba tuwing Linggo. Sa ating buhay, marami tayong ginagawa. Hindi tayo mauubusan ng dapat gawin. Huwag sana nating ipagpalit ang ilang sandali na dapat ay para sa Diyos. Sa loob ng isang araw ay may 24 na oras. Sa isang Linggo ay 168. Ang sabi ng Diyos kunin mo na ang 167 at yung isa... ibigay mo naman sa akin. Ang "suwapang" mo naman kung di mo ito maibigay sa Kanya! Baka isang araw kapag nasa harap na tayo ng pintuan ng langit at nagpupumilit na pumasok ay magulat na lang tayo at marinig ang mga salitang: "Hmmmmmp... Wala kang lugar dito! Sila na lang!"