Sabado, Oktubre 21, 2017

KATOLIKONG PINOY: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year A - October 22, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Sino ba ang Katolikong Pinoy?  Kapag nahaharap ang Simbahang Katoliko sa usapin na may kinalaman sa pamamalakad ng gobyerno ay agad-agad na ipinapasok ng kanyang mga kritiko ang usapin ng "separation of Church and State" na para bagang sinasabing walang karapatang makialam ang Simbahan sa mga usapin ng lipunan.  Meron ba talaga?  Mapaghihiwalay ba natin ang ating pagiging Kristiyano sa ating pagiging Pilipino. Pakinggan ninyo ang kuwentong ito:  "Isang pari ang may alagang parrot at tinuruan niya ito na hindi lamang magsalita kundi rin kumanta. Ngunit kakaiba ang pagtuturo n'ya rito. Kapag hinila mo ang kanang paa nito ay kakanta ito ng "Lupang Hinirang" at kapag kaliwa naman ay "Ama Namin". Minsang dumalaw ang obispo sa kanilang simbahan at buong yabang na pinagmalaki ng pari ang kanyang alaga.  Tuwang-tuwa ang obispo at sinubukan niyang hilahin ang kanang paa ng ibon. Kumanta naman ito ng "Bayang, magiliw..." at sinunod naman nitong hilahin ang kaliwang paa. "Ama namin sumasalangit ka..." Namangha ang obispo at naglaro ang kanyang isip. "Ano kaya ang kakantahin nito kapag hinila kong sabay ang kanan at kaliwang paa?" sabay lapit sa ibon na tila hahawakan na ang dalawang paa nito. Biglang bulalas ng ibon: "Hoy tanga! Huwag subukan gawin yan! Malalaglag ako!" Puwede nga bang pagsabayin ang Ama Namin at Lupang Hinirang? Puwedeng bang pagsabayin ang pagiging Maka-Diyos at Maka-bayan?  Maraming nagsasabing hindi! Kung paano ang langis at tubig ay hindi mapaghahalo ay ganun din daw ang Simbahan at pulitika.  Ano ba ang pananaw ni Jesus dito?  Nang tinanong si Jesus kung karapat-dapat bang magbayad ng buwis sa Cesar (Emperador ng Roma) ay napakasimple ng kanyang sagot: "Ibigay sa Cesar ang sa Cesar at ang Diyos naman ay dapat ibigay sa Diyos!" Sinasabi sa 'tin ni Jesus na hindi dapat natin kaligtaan ang ating tungkulin sa Diyos kahit na tayo ay naglilingkod sa lipunan at gayundin naman ay di dapat kaligtaaan ang tungkulin sa lipunan kung tayo naman ay naglilingkod sa Diyos!  Malimit gamitin ng mga kalaban ng Simbahan ang artikulong "separation of Church and State" na nakasaad sa ating Saligang Batas para hindi sila pakialaman ng Simbahan sa mga maling pamamalakad nito. Ngunit hindi ganito ang turo ng Diyos. Ang Simbahan ay may pananagutan kapag ang itinuturo ng estado ay labag sa pananampalataya at buhay moral! Ibig sabihin, ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang turo at aral ay maaring magsilbing "propeta" upang magbigay babala sa mga mamamayan kung ang tinatahak na landas ng pamamahala ng gobyerno ay taliwas sa aral ni Kristo at ikinasasama na ng moral na pamumuhay ng mga mamamayan. Hinihikayat din tayong maging mabubuting Kristiyano sa pamamagitan ng masusing pagtupad ng ating tungkulin sa Diyos at sa ating bayan. Ang pagiging mabuting Kristiyano ay pagiging maka-Diyos at maka-tao at ang pagiging tapat na mamayan naman ay maipapakita sa pagiging maka-bayan at maka-mamamayan. Ang lahat ng ito ay sapagkat may iisa tayong Diyos na sinasamba at pinaniniwalaan. Anuman ang ating lahi o kultura, iisang Diyos ang kumakalinga at nag-aalaga sa atin. Kaya nga't pagsilbihan natin Siya sa pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan ngunit huwag din nating kalilimutang mabuhay na mabubuting mamamayan ng Kanyang kaharian.  Maging matapang sa pagharap at pagtutol sa mga katiwaliang sumisira sa dangal ng ating pagkatao bilang Kristiyano at bilang Pilipino.  Ang namayapa na Santo Papang si Pope Paul VI na ngayon ay isa ng "Blessed", na bumisita dito sa atin noong 1970, ay nagmistulang propeta sa pagsasabi sa tungkuling dapat gampanan ng Simbahan sa mga darating na taon na kung saan ang Simbahan ay haharap sa maraming pagsalungat.  Pagkatapos ng limampung taon ay tila nagkakatotoo nga ang kanyang ipinahayag kung ano dapat ang "identity" ng Simbahan sa ating kasalukuyang panahon.  Una, ay ang pagiging Simbahang Makatarungan.  Ang sabi ng Santo Papa, "If you want peace, work for justice."  Ito ay totoong totoo sa atin ngayon.  Kung bakit hindi natin makamit ang kapayapaang ating minimithi ay sapagkat hindi pa rin maibigay sa lahat ang katarungang nakalaan para sa lahat.  Isa na d'yan ang pagyurak sa ating "human rights".  Hindi ba't nagkaroon pa nga ng panukula na gawing Php 1,000 lang ang budget ng Human Rights Commission?  Ito ba ang pagpapahalaga natin sa ating pansariling katarungan?  Kasama din dito ang hindi makatarungang mga pagpatay o "extra juducial killing" na hanggang ngayon ay hindi pa rin makilala at mahuli ang mga gumagawa nito.  Pangalawa ay ang pagiging Simbahang Maawain.  Pinagnilayan natin ito noong Year of Mercy.  Sa mga nangyayari sa ating lipunan ngayon ay nakikita ng ibang mas madaling paraan ang pagpatay sa mga taong masasama.  Mas madali ang maghusga kaysa umunawa.  Kaya nga ang paanyaya sa atin ni Pope Francis ay ibahagi natin ang awa at malasakit ng Panginoon lalo na sa mga taong hindi kaibig-ibig at nakakaligtaang kalingain ng lipunan.  At ang pangatlo ay ang pagiging Simbahang Misyonero.  Ang sabi ng Santo Papa, "the Church exist in order to evangelize!"  Ibig sabihin ay mawawalan ng saysay ang Simbahan kapag hindi niya magampanan ang tungkuling magpahayag ng Mabuting Balita ni Kristo.  Sa ating kasalukuyang panahon ay ginagawa ito ng Simbahan sa walang takot na paninindigan at pagtuturo ng aral ni Kristo sa mga usapin tulad ng death penalty, extra juducial killing, abortion at contraception, divorce at same sex marriage, at marami pang iba.  Kalimitan ay natutuligsa ang Simbahan at tila baga nagiging kalaban ng makabagong isipan at pag-unlad.  Ngunit nananatiling matatag ang paninindigan ng Simbahan sa mga paniniwala nito kahit ito pa man ay hindi popular sa mas nakararaming tao. Sa nalalapit na pagtatapos ng Taon ng Parokya, bilang "Communion of Communities" ay maipapakita natin ang pagiging iisang Simbahan sa pagiging mabuting anak ng Diyos at pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan.  Be good Christians and honest citizens!  Ito ang pagiging Katolikong Pinoy!

Sabado, Oktubre 14, 2017

MAKALANGIT NA PIGING : Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year A - October 15, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Ang sarap maimbitahan sa isang salo-salo!  Masarap kumain lalo na't libre!  Lalo na tayong mga Pilipino, mahilig magpakain kapag may okasyon.  Mahilig tayong maghanda kapag may pagdiriwang.  May pakain tayo kapag may bininyagang bata.  May pakain din sa araw ng kaarawan, sa araw ng pagtatapos, sa kasal, at kahit maging sa patay, wala tayong pinatatawad basta't paghahanda ng salo-salo.  At dahil ito ay "salo-salo" ay nag-iimbita tayo ng mga bisita. Mas marami mas masaya!  Dito ay walang pagkakaiba ang mahirap sa mayaman.  Nais nating mapasaya ang maraming tao sa ating pagsasaluhang handaan.  Naalala ko noong ako ay isang bagong pari pa lamang at nagmisa sa kapistahan ng isang barrio.  Pagkatapos ng Misa ay kaliwa't kanan ang nag-imbita sa akin na kumain sa kanilang bahay.  Ako naman, upang mapasaya ang mga taong iyon, ay nangakong pupunta sa kanilang mga bahay.  Nakakalimang bahay pa lang ako ay parang sumusuko na ang aking sikmura! Paano ba naman, sa limang bahay na pinuntahan ko ay pare-pareho ang handa,  parepareho ang luto ng ulam: menudo, kaldereta, dinuguan, pansit.  Ikaw kaya ang kumain sa limang bahay na pare-pareho ang lasa ng pagkain?  Pero gayun pa man ay hindi ko sila binigo! Tinikman ko lahat ang kanilang inihanda.  Masama ang loob ng hari na naghanda ng piging para sa kasal ng kanyang anak na lalaki sapagkat sa huling sandali ay umatras ang kanyang mga inimbitahan sa salo-salo.  Paano nga naman itong tatawing salo-salo kung walang kasalo?  Magiging SOLO-SOLO sa halip na SALO-SALO ang kainan. Kaya't napalitan siyang tawagin ang mga tao sa lansangan upang maipagpatuloy pa rin ang dapat na masayang piging!  Ang talinhangang ito ay unang patungkol ni Jesus sa mga Hudyo na unang nabiyayaan ng imbitasyon na makibahagi sa piging ng kaharian ng Diyos, ngunit hindi nila tinanggap ang kanyang paghahari noong isinugo niya nag kanyang Anak.  Kaya't ibinaling ng Diyos ang kanyang paanyaya sa kanyang bagong bayang hinirang!  Tayo ang bayang iyon na tumanggap kay Jesus bilang ating Diyos at tagapagligtas.  Ang paanyayang ito ay nagpapatuloy magpahanggang ngayon.  Ang salo-salo na ating ginagawa sa tuwing tayo ay nagsisimba at dumadalo sa Santa Misa ay nagpapahayag ng ating pakikiisa at pagtugon sa paanyaya ng Diyos na makibahagi ng masaya sa Kanyang inihandang piging. Ito ay sumasalamin sa tunay na piging na kung saan ay makakapiling nating Siya magpakailanman at magpasawalang hanggan.  Kaya't ang Banal na Eukaristiya ay tinatawag din nating "heavenly banquet", isang makalangit na pagsasalo na kung saan ay tinatanggap natin ang biyaya ng kaligtasan.  Ugaliin sana natin ang pagtanggap ng Katawan ni Kristo sa Banal na Komunyon kung wala namang sagabal o hadlang sa ating mga sarili.  Mas nagiging ganap ang ating pakikiisa sa Misa kung nakikisalo tayo sa iisang Katawan ni Kristo.  Ngunit tandaan natin na ang Katawan ni Kristo ay hindi lang naman ang Banal na Ostiang ating tinatanggap.  Ito rin ay ang Katawan ni Kristong nananahan sa ating kapwa.  Kaya nga kung nagpahayag tayo ng "amen" sa ating pagtanggap kay Jesus, na nangangahulugan ng ating pagsang-ayon, dapat lang na tanggapin din natin ang ating kapwa anuman ang kanilang katayuan sa buhay.  Marahil madaling tanggapin ang mga kaaya-aya sa atin subalit ang hamon sa atin ay mahalin din ang mga "unlovables" kung tawagin.  Kasama na rito ang mga taong may sama tayo ng loob at ang ating mga kaaway.  Kaya din ba natin silang tanggapin?  Magiging masaya ang pagsasalo-salo sa Banal na Piging kung tatanggapin natin ang lahat tulad ng pagtanggap sa atin ng Diyos.  Ngayong Taon ng Parokya ay ipakita natin ang pagkakaisa sa pamamagitan ng buong pusong pagtanggap sa bawat isa lalong-lalo na sa mga nalalayo sa ating Simbahan at sa mga taong naisasantabi ng lipunan.  Ang Banal na Piging ay para sa lahat. Wala itong itinatangi sapagkat tayo ay iisang Simbahang nagsasalo-salo sa PIGING NI KRISTO!

Sabado, Oktubre 7, 2017

LIFE IS UNFAIR: Reflection for 27th Sunday in Ordinary TimeYear A - October 8, 2017 - SEASON OF CREATION

"Life is not perfect!"  Kung paanong walang perpektong tao ay gayun din naman, wala ring perpektong buhay!   May isang lalaking pilit na hinahananp ang perpektong babae para sa kanya.  May nakilala siyang magandang babae sa FB.  Pero ng maka-eyeble nya ay di naman pala ganun kakinis ang mukha.  Naduktor lang pala ng apps na pampaganda.  May nakilala uli siyang maganda na at seksi pa! Akala niya ay siya na ang perfect girl para sa kanya.  Nang lapitan niya ay ang angas naman ng pag-uugali.  Sa huli ay nakilala niya ang isang babaeng "nasa kanya na ang lahat", maganda, seksi, mahinhin kumilos at magsalita.  Siya na nga ang perfect gitrl na hinahanap niya! Ngunit laking pagkalungkot niya ng pagkatapos lamang ng ilang araw na pagpapakilala sa isa't isa ay bigla na lamang umalis at hindi na nagpakita sa kanya ang kanyang "perfect girl",  Ang dahilan? Hindi daw siya ang perfect boy na hinahanap n'ya!  Totoong walang perpektong tao sa mundo.  Wala ring perpektong buhay!  May mga taong ginagawa ang lahat para maging perpekto ang kanilang anyo.  May mga "Xander Ford" na gusto ng iwan ang pagiging "Marlou" sa ngalan ng katanyagan at kasikatan.  Ang sabi ng mga natural na guwapo "Life is unfair! Paano naman kaming ipinanganak na gwapo o maganda?"  Pero dapat nating tandaan: "Life doesn't have to be perfect to be wonderful."  Posible talaga ang pagiging "UNFAIR" ng buhay!  Sa unang pagbasa at ebanghelyo ay ipinapakita sa atin ang pagiging unfair ng tao sa kanyang pagsagot sa kagandahang loob ng Diyos.  Sa aklat ni Propeta Isaias ay narinig natin na ginawa ng lahat ng may-ari ng ubasan upang magkaroon ng magandang bunga ang kanyang mga tanim na ubas ngunit ang ibinunga nito ay maaasim na prutas .  Sa Ebanghelyo naman ay narinig natin ang hindi patas na trato ng mga kasama ng may-ari ng ubasan sa mga isinugo ng may-ari upang kunin ang parte niya sa inani.  Pagkatapos ng kanyang mga ginawa para mapaganda ang ani ng ubasan ay karahasan sa mga isinugo at pagpatay sa kanyang sariling anak ang kanilang isinukli.  Talaga nga namang hindi pantay ang nangyayari sa buhay.  Ang sabi ni Bill Gates: "Life is unfair; get used to it!"  Bagamat hinahangaan ko si Bill Gates ay hindi naman ako sang-ayon sa sinabi niya.  Ang pagkakawalang bahala sa mga maling nangyayari sa ating lipunan ay lumilikha ng "Culture of impunity", na kung saan ay pinababayaan na lang nating maghari ang kasamaan sa ating paligid at nagiging katanggap-tanggap sa atin ito.  Nariyan na ang mga di makatarugang pagpatay na dala ng War on Drugs. Bakit nga ba ang karamihan sa mga pinapatay ay mahihiirap?  Pareho din sa kasalanan laban sa kapaligrian.  May mga taong kayang sumira ng kalikasan at kabuhayan ng tao sa ngalan ng pag-unlad at personal na interes tulad ng makasariling pagpapayaman.  Ang mga taong ito ay walang kaalam-alam na sila ay nagkakagaw ng "ECOCIDE"  o ecologial suicide na kung saan ay ikapapahamak ng ating mundo.  Ang panawagan ng Santo Papa Francisco sa kanyang sulat na "Laudato Si"  ay sikapin nating magkaroon ng ECOLOGICAL EDUCATION at ECO-SPIRITUALITY upang magkaroon tayo ng kaalaman sa pagsolusyon sa ating dinaranas na ECOLOGICAL CRISIS.  Sa pagtatapos ng Panahon ng Paglikha o Season of Creation ay hinahamon tayong huwag balewalain ang pagdaing ng ating Inang Kalikasann.  "Life is not always fair, but God is always faithful."  Sikapin nating huwag magwalang bahala sa harap ng maraming kamalian sa ating paligid.  Isabuhay natin ang pagiging RESPONSIBLE STEWARDS na naatasan ng Diyos na alagaan at pagyamanin ang kanyang mga nilikha.

Sabado, Setyembre 30, 2017

THE GOOD SON: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year A - October 1, 2017 - SEASON OF CREATION

Sino ba ang "The Good Son" sa talinhagang isinalaysay ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayon?  Siya ba ang nagsabi ng OPO at hindi sumunod sa kanyang ama o siya ba na nagsabi ng HINDI PO at sumunod?  Ang aking pangalawang tanong: masama ba ang anak na hindi sumunod at bakit kaya siya hindi sumunod? Anyare???  Ilagay mo ang iyong sarili sa kuwentong ito:  May pinag-ipunan kang bilhin at ito ay ang pangarap mong sapatos na panlaro, kulay puti, high cut at may ilaw sa ilalim.  Nang makaipon ka na ng sapat na halaga ay pumunta ka ng mall upang bilhin ang iyong "dream shoes".  Nagkataong may BIG SALE sa mall at agad-agad na bumungad sa iyo ang stall ng pizza na napakamura at mukhang masarap.  Kahit na gutom at takam na takam ka ay nasabi mo sa iyong sarili "Hindi ako bibiili ng pizza ito!  Ang perang dala-dala ko ay para sa aking dream shoes na panlaro, kulay puti, high cut at may ilaw sa ilalim!"  Pag-akyat mo ng 2nd Floor ay bumungad sa iyo ang naggagandahang bags na naka-SALE din sa napakamurang halaga... 70% OFF!  Muli mong sinabi sa iyong sarili na "Hindi, ang perang pinag-ipunan ko ay para sa aking dream shoes na panlaro...."  Nagpunta ka sa section ng mga sapatos.  May nakita kang kulay puti pero hindi naman panlaro. Hindi mo ito binili.  May nakita kang panlaro na kulay puti na panlaro pero di naman "high cut" at hindi mo rin binili.  May nakita ang high cut na panlaro at kulay puti pero wala namang ilaw sa ilalim.  Hanggang sa makita mo sa isang sulok ang sapatos mong pinapangarap: panlaro, puti, high cut at higit sa lahat... may ilaw sa ilalim!  Binili mo ito, sinubukan at isinuot sa iyong mga paa.  Sigurado akong ikaw na ang pinakamasayang nilalang sa oras na iyon sapagkat sa wakas ay napasaiyo na ang iyong dream shoes na... panlaro, kulay puti, high cut at may ilaw sa paa!  Ang tanong ko kanina ay kung ano ba ang nangyari sa anak na nagsabi ng OPO ngunit hindi naman sumunod.  Marahil ay hindi malinaw sa kanya ang dapat niyang gawin.  Marahil ay maraming "distractions" sa daan at nalihis ang kanyang landas sa kanyang layunin.  Marahil ay nagkulang siya sa "focus"  at hindi siya seryoso sa kanyang pagsasabi ng opo!  Bagamat ang talinhaga ay itinukoy ni Jesus sa mga Hudyo na hindi tumanggap sa panawagan ni Juan Bautistang magsisi sa kanilang mga kasalanan, ito rin ay ipinatutukoy niya sa atin na minsan ng nagsabi ng OPO sa ating pagsunod kay Kristo.  Ito ay nangyari noong tayo ay bininyagan at kinumpilan.  Huwag nating sabihing wala pa tayong muwang ng mangyari ito sapagkat taon-taon ay sinasariwa natin ang pangako sa ating binyag kapag panahon ng Muling Pagkabuhay ni Jesus.  Ang ipinangako natin ay ating tatalikuran ang kasamaan at kasalanan at tayo ay sasampalataya kay Kristo.  Sa tuwing tayo ay  nakagagawa ng paglabag sa utos ng Diyos na ang tawag din natin ay kasalanan, ay binabawi natin ang ating OPO sa Diyos.  Sa tuwing sinasalungat natin ang turo ng Simbahan tulad ng pagsang-ayon sa pagpatay, pagsasama ng hindi kasal sa Simbahan, abortion, divorce, same sex marriage, death penalty, etc... ay binabawi rin natin ang ang OPO sa Diyos. Sikapin nating itama ang ating mga maling pag-iisip, salita at gawa.  Ngayong buwang ng Oktubre, ang Buwang ng Santo Rosaryo, ay magandang gawing mabuting halimbawa ang Mahal na Birheng Maria sapagkat siya ang tunay na nagsabi ng OPO sa paanyaya ng Diyos at ipinakita ito sa kanyang buhay.  Sa ikalimang Linggong ito sa Panahon ng Paglikha ay hinihikayat tayong magtalaga ng ating sarili sa pangangala sa ating kalikasan at ipakita ito sa paghahanap ng solusyon at naayong aksiyon upang maisakatuparan ang kaloobang ito ng Diyos na protektahan ang ating iisang tahanan!  Dito ay mahalagang maisabuhay natin ang katagang ACTION SPEAKS LOUDER THAN WORDS.  Ang tunay na "THE GOOD SON" ay ang taong kayang magsabi ng OPO at pagkatapos gagawa ng pagkilos upang maisakatuparan ito!

Linggo, Setyembre 24, 2017

ANG KABUTIHAN NG DIYOS AT ANG KABUUANG EKOLOHIYA (INTEGRAL ECOLOGY) : Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year A - September 24, 2017 : SEASON OF CREATION

Isa sa mga ritwal na ating ginagawa sa pagdiriwang ng Misa ay ang pagbibigayan ng tanda ng KAPAYAPAAN bago ang pagtanggap ng komunyon.  Noong ako ay bata pa, ito ang aking pinakaaabangang bahagi ng Misa sapagkat pagkakataon ito upang makaalis sa aking lugar na kinalalagyan at lumapit sa mga taong nais kung lapitan upang sabihan ng malakas na "Peace be with you!"  Ngunit ngayong ako ay matanda na, sapat na sa akin ang lumingon sa kanan, kaliwa, likuran at iyuko ang aking ulo ng bahagya habang pabulong na sinasabi ang "Peace be with you!"   Anyare?  Ganun ka rin ba?  Tila baga nagiging mekaniko na ang bahaging ito ng Misa at nawawala na ang tunay na kahulugan ng pagbibigay ng mahalagang tandang ito.  Sa Hebreo ang kapayapaan ay ang salitang SHALOM.  Karaniwang itong sinasabi ng isang Hudyo kapag may nakakasalabong siya sa kayang paglalakad o kaya naman ay kapag magbibigay siya ng kanyang paunang pagbati sa isang kalipunan. Ngunit ang "shalom" ay hindi lang simpleng pagbati ng "Peace be with you!"  Ang salitang "shalom" ay nangangahulugan ng kaganapan, wholeness, completeness.  Ito ang sitwasyon na kung saan ay nangyayari ang kalooban ng Diyos sa ating buhay.  Ibig sabihin ang kapayapaan ay nakakamit natin kung mabuti ang ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, sa ating kapwa, sa ating sarili at maging sa ating kapaligiran dahil ito ang kalooban ng Diyos para sa ating lahat!  Ang lahat ay magkakaugnay at ito ang nagpapakita ng kabutihan ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga nilikha.  Ang Diyos ay lubos na mabuti at kailanman ay hindi matatanto ng tao ang kanyang kabutihan.  Hindi natin maiintindihan ang Kanyang pag-iisip.  Hindi natin mauunawaan kung bakit patuloy Niyang pinasisikat ang kanyang araw sa mga taong mabubuti at masasama.  Ito ay sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao: "For my thoughts are not your thoughts, nor are your ways my ways." (Isaiah 55:6)  At sa ganitong konteksto dapat intindihin ang Talinhaga ng mga Manggagawa sa ubusan.  Ang dapat bigyang pansin ay hindi ang kawalang-katarungan ng may ari ng ubasan sa pagbibigay ng pare-parehong sahod sa kanyang mga mangagawa kahit na iba-iba ang haba ng kanilang paglilingkod at pagod na kalakip ng kanilang paggawa.  Ang dapat bigyang pansin ay ang kabutihang-loob ng may-ari ng ubasan nagbigay ng arawang sahod kahit sa mga huling nagtrabaho at kaunting oras lamang na nagpagod.  "Are you envious because I am generous?" (Mt. 20:15)  ang tanong niya sa mga umaangal sa kanilang sahod na tinanggap.  Ang ating Diyos ay lubos na mabuti at mapagbigay.  He is a generous God!  Sa halip na tayo ay umangal at magmaktol sa kanyang mga ibinibigay sa atin, ay dapat magpasalamat na lamang tayo sa ating mga biyaya.  Marami tayong dapat pasalamatan sa Kanya. Naririyan na ang biyaya ng kalusugan, tahanan, pamilya, mga kaibigan, pagkain araw-araw,  at kasama na rin ang biyaya ng kalikasanan.  Kung paanong ang Diyos ay mapagbigay dapat tayo rin ay matutong magbigay ng ating panahon, kakayahan at kayamanan upang pagyamanin ang mga biyaya ng Diyos sa atin.  Iwasan antin ang maaksayang pamumuhay. Huwang nating sayangin ang ating oras sa walang kuwentang gawain.  Huwag aksayahin ang ating pagkain.  Maging maingat sa pagbili ng mga bagay at gamitin ng mabuti kung ano ang meron sa atin.  Ito ang pagpapakita natin ng pasasalamat sa kabutihan ng ating Diyos.  Ingatan natin ang ating mundo na marupok: "Fragile, handle with care!"  Ang "Integral Ecology" ay nangangahulugan ng "integral approach" upang matugunan ang krisis na unti-unting sumisira sa ating iisang tahanan na ipinagkaloob ng Diyos sa atin.  

Sabado, Setyembre 16, 2017

UGAT NG PANG-EKOLOHIKAL NA KRISIS: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year A - September 17, 2017 - SEASON OF CREATION

Sa unang linggo ng Panahon ng Paglikha ay pinagnilayan natin ang biyaya ng pagkakaroon ng "iisang tahanan" o "common home" na ang tawag natin ay mundo.  Sa ikalawang linggo naman ay ang responsibilidad na kaagapay ng biayayang "iisang tahanan" na ipinagkaloob ng Diyos sa atin.  Ngayon namang ikatlong linggo ng Panahon ng Paglikha ay nais ng ating Simbahan na pagnilayan natin ang "ugat ng krisis na pang-ekolohikal" o "roots of ecological crisis."  Tunay ngang isang malaking krisis ang ating kinakaharap ngayon.  Isang krisis na kapag hindi natugunan ay maaring magbunga ng pagkasira nating lahat!  Ano ba ang pinagmulang nito?  Sa kabila ng pag-unlad ng teknolohiya ay tila kasabay naman ang pagbagsak ng ating pagpapahalagang pan-tao na makikita natin sa unti-unting pagsira sa ating kapalagiran.  May kuwento ng isang minero na ang kanyang trabaho ay ang pagtatapyas ng bato.  Isang araw, habang siya ay nagtatapyas ng bato ay napansin niyang lubhang napakainit ng sikat ng araw.  Sobrang init na halos ikahimatay niya! Dahil dito, nasabi niya sa kanyang sarili: "Sana naging araw na lang ako upang hindi ko nagdurusa sa init na ito!"  Laking gulat niya ng makita niya ang kanyang sariling nasa itaas at nagbibigay ng init sa ibaba. Tuwang-tuwa siya sapagkat naging araw siya!  Ngunit panandalian lang pala ang ganitong pakirmdam.  Bigla na lamang may makapal na ulap na tumabing sa kanya.  Naharang ang kanyang init sa lupa kaya't  nasabi nya sa kanyang sarili: "Sana, naging ulap na lang ako! May malakas pa pala sa araw!" At muli nakita niya ang ang kanyang sarili bilang ulap na tumatabing sa araw.  Nang bigla na lang umihip ang malakas na hangin.  Itinaboy siya sa malayo at wala syang magawa para labanan ito kaya't muli niyang sinabi sa kanyang sarili: "Sana naging hangin na lang ako!"  At gayun nga ang nangyari.  Napakalaka niya bilang hangin. Lahat ay yumuyuko sa kanya sa tuwing siya ay dadaan ngunit may isang hindi natinag sa kanyang lakas.  Isang bundok ang humarang sa kanya at hindi niya ito mapagalaw man lang. Kaya't muli niyang sinabi: "Sana, naging bundok na lang ako!"  Nang maging bundok siya ay natuwa siya sapagkat di makapanaig sa kanya ang hangin. Ngunit laking pagkalungkot niya ng may maramdaman siyang tila may tumatapyas sa kanyang paanan.  At nakita niya ang isang minero na unti-unting inuubos ang kanyang paanan. Nasaan kaya ang problema ng taong iyon? Wala sa araw, ulap, hangin at maging bundok.  Ang problema ay nasa kanyang sarili.  Hindi siya masaya sa kanyang sarili kaya't hindi niya rin magawang magpasalamat kung anung mayroon siya at kaya n'yang gawin!  Balikan natin ang tanong na kung ano ba ang ugat ng tinatawag nating "Ecological Crisis".   Walang kasalanan ang kalikasan sa mga kahirapang nararanasan natin ngayon.  Ang ugat ng pagkakasala ay ang tao mismo.  Matigas ang kanyang ulo.  May kayabangan siya.  Hindi siya marunong magpasalamat sa mga ipinagkatiwala ng Diyos. At dahil dayan ay hindi siya naging MABUTING KATIWALA!  Sa talinhaga ng Ebanghelyo, ano marahil ang dahilan kung bakit hindi nagawang magpatawad ng aliping pinatawad ng kanyang hari? Wala siyang pusong marunong magpasalamat!  Sa laki ng pagkakautang na pinatawad sa kanya ay dapat nagkaroon siya ng making pagtanaw ng utang na loob sa kanyang panginoon at dahil diyan ay magagawa niya ring magpatawad sa iba.  Ang ugat ng Ecological Crisis na kinasasangkutan ng mundo natin ngayon ay ang tao rin na hindi marunong magpasalamat sa Diyos.  Ito ay nagdadala sa atin ng kawalan ng utang na loob at dahil dito ay hindi natin magampanan ang tungkulin ng pagiging mabuting katiwala ng Diyos para sa Kanyang mga nilikha.  Ito ang nagdadala sa atin upang maging makasarili at mawalan ng pananagutan sa Kanya.  Kaya nga't nawika ni San Pablo sa mga taga-Roma na "Walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa sarili lamang..."  Ang ugat ng Ecological Crisis ay ang kawalan ng pananagutan ng tao sa mga ipinagkatiwala ng Diyos sa kanya.  Sa ikatlong linggo ng ating Panahon ng Paglika ay magbalik-loob tayo sa Diyos.  Baguhin natin ang ating puso at pag-iisip upang matugunan natin ang krisis ng pagwawalang bahala at matupad natin ang hinihingi ng ating pagiging mabuting katiwala ng Diyos.  

Sabado, Setyembre 9, 2017

PAKIKIALAM PARA SA KALIKASAN: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year A - September 10, 2017 - SEASON OF CREATION & YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Ikalawang Linggo na ngayon ng PANAHON NG PAGLIKHA o Season of Creation.  Sa Linggong ito ay pinapaalalahanan tayong mga Kristiyano na magkaroon ng "pakikialam" sa ating kapaligiran at kalikasan.  Kung bakit dumaranas tayo ng maraming trahedya at kalamidad ay gawa na rin ng ating walang pakikialam at paglapastangan sa mga nilikha ng Diyos na dapat ay ating pinamamahalaan. Isa sa maraming natutunan ko sa seminaryo habang kami ay hinahanda upang maging relihiyosong Salesiano ay huwag na huwag naming babanggitin ang  "Salesian blasphemy".  Laking pagkagulat ko nang marinig ko na meron pala kaming sariling blasphemy. Ang akala ko ay katulad ito ng paglait o pagkutya sa ngalan ng Diyos o kaya naman ay kawalan ng paggalang sa Kanya. Ang sabi ng aming Novice Master, ang paring nangangalaga sa aming paghubog bilang mga seminaristang nobisyano, na ngayon ay isa ng obispo, ay hindi dapat ito kailanman marinig na lumalabas ang mga salitang ito sa aming bibig.  Hindi kami mabuting Salesiano kapag binabanggit namin ito at lalo na't nagiging kabahagi na ito ng aming pagkatao.  Ano ba ang "blasphemy" na ito?  Simple lang. Ito ay ang kataga sa wikang ingles na "It's none of my bussiness!"  Sa orihinal na lingguwaheng Itaiano ay "Non tocca a me!" Sa ating wika ay mas malakas ang dating: "Wala akong pakialam!" Ang akala natin ang mabuting pamumuhay ay ang pag-iwas lamang sa kasalanan o paggawa ng masama. Tama naman ngunit hindi lang iyon. Hindi sapagkat hindi ka gumagawa ng masama ay mabuting Kristiyano ka na. Ang kasalanan ay hindi lang "commission". Ito rin ay "omission".  Anong ibig sabihin nito?  Nagkakasala din tayo kapag hindi natin nagawa ang isang kabutihan kapag nabigyan tayo ng pagkakataong gawin ito.  Halimbawa, nakita mong nandaraya ang kasama mo sa trabaho, at pinabayaan mo lang dahilan sa kaibigan mo siya ay nagkakasala ka na rin. Nakita mo ang kaklase mong nangongopya sa exam at hindi mo pinagsabihan, nagkakasala ka rin. Nagpupunta ang barkada mo sa isang masamang lugar, napipilitan ka lang na sumama pero wala kang ginagawang pagwawasto... kasalanan mo rin!  Ibig sabihin may pananagutan tayo sa maling ginagawa ng ating kapwa! Ito ang sinasabi ni Jesus sa kanyang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Ito rin ang pahiwatig ng Panginoon sa unang pagbasa sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel: "Kapag sinabi ko sa taong masama na siya’y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan."  May pananagutan tayo sa ating kapwa. Hindi madali ang pagiging Kristiyano. Kinakailangan nating maging totoo sa harap ng kamalian. Marahil, marami tayong masasaktan at masasagasaan ngunit kinakailangan. Hindi tayo sisikat. Mawawala ang "bango" ng ating pangalan sa iba. Kalimitan tayo pa ang magiging mali. Ngunit hindi ito dahilan upang magwalang kibo na lamang tayo habang ang masamang gawain ay nangyayari sa ating harapan. Ang isang Kristiyano ay "pakialamero."  Ito rin ang dahilan kung bakit ang Simbahan sa mga panahon ngayon ay "nakikialam" sa mga nangyayari sa ating lipunan.  May kaibigan akong nagpahayag sa Facebook ng kanyang pagkadismaya sa Simbahang Katoliko sapagkat patuloy daw ang pagbatikos sa programa ng pamahalaan laban sa droga o "War of Drugs".  Sinabi ko sa kanya na ito ay kasama sa tungkulin ng Simbahan.  Ang Simbahan ay isang propeta, katulad ng mga propeta sa Lumang Tipan nagpapahayag ng kanilang mensahe mula kay Yahweh, kapag ang isang hari o namumuno ay hindi na gumaganap sa kanyang tungkulin at tumatalikod na sa Diyos.  Dahil dito ang propeta ay hindi tanggap sa kanyang sariling bayan sapagkat hindi tangap ng mga tao ang mapait na katotohan.  At ang Simbahan ay hindi kailanman tatalikod sa tungkuling ito na iniatang sa kanyan ni Kristo lalo na't ang niyuyurakan ay ang tungkol sa mabuting pamumuhay at pananampalataya.  Kaya nga wag nating batikusin ang ating mga namumuno sa Simbahan kapag nagpapahayag sila ng paninindigan laban sa pagpatay, death penalty, korapsiyon sa pamumuno, paglapastangan sa dignidad at karapatan ng tao.  Ginagawa lang nila ang kanilang tungkulin!  Hindi ito pangingi-alam sa pamahalaan.  Ito ay mabuting pangingialam upang maituwid ang kamalian.  Magalit tayo kapag ang Simbahan ay piniling manahimik na lamang sa mga kamaliang nangyayari sa ating lipunan!  Ngunit ang ating pakikialam bilang mga Kristiyano ay hindi upang ibaba ang dignidad ng iba o upang ipahamak sila. Ang ating pakikialam ay katulad ng pakikiaalam ng Diyos sa atin: pakikialam na may masuyong pagmamahal. Ibig sabihin ang layunin natin ay upang ituwid ang ating kapwa at tulungan silang mauwaan ang kanilang maling ginagawa.  Hindi tayo dapat magbulag-bulagan at magbingi-bingihan. Ang sabi nga ni Edmund Burke:"All that is needed for evil to prosper is for good people to remain silent."  At dahil nasa panahon din tayo ng Paglikha o Season of Creation ay magandang isama na rin natin ang ating pakikialam sa ating kapaligran at kalikasan sapagkat ito ay kabahagi naman talaga ng ating pamumuhay. Iwasto natin ang ating mga kapatid na mga walang pakialam sa kalinisan at kaayusan ng kapaligiran.  Marami pa rin ang walang konensiyang nagtatapon ng basura kung saan-saan.  Marami pa rin ang mga taong pinagsasamantalahan ang kalikasan sa ngalan ng pag-unlad at pagpapayaman (tulad ng illegal logging, reclamation of sea bays, illegal mining, etc.) Nangangailangan ito ng pagbuhay ng ating "social conscience" na mangyayari lamang kung ang bawat isa sa atin ay may "informed conscience".  Kaya nga ang pakikipaglaban para sa kalikasan ay dapat magsimula muna sa ating lahat,  Ngayong Taon ng mga Praokya ay sama-samang ipakita natin na may buong tapang na may pakialam tayo sa isa't isa para sa kapakanan ng ating kalikasan. Ang tema ng Season of Creation ngayong taong ito ay naakma:  "Let us celebrate and care for the earth as our "common home" as communion of communities!"  

Sabado, Setyembre 2, 2017

MANLILIKHA O MANINIRA? : Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year A - September 3, 2017 - SEASON OF CREATION

Pumasok na ang "ber months" at ito ay naghuhudyat sa atin na papalapt na ang Panahon ng Kapaskuhan.  Sa katunayan ay may mga maririnig ka ng Christmas carols na pinatutugtog sa mga radyo o kaya naman ay makakikita ka na ng mga Christmas decors sa mga shopping malls.  Ngunit huwag tayong magmadali sapagkat bago ang Panahon ng Kapaskuhan ay mayroon muna tayong Panahon ng Adbiyento o Paghahanda.  At bago ang Panahon ng Adbiyento, sa ating arkediyosesis ay may sinimulan na "bagong panahon" sa kalendaryong liturhikal ng Simbahan.  Ito ang PANAHON NG PAGLIKHA o ang SEASON OF CREATION.  Nagsisimula ito sa unang araw ng Setyembre at magtatapos sa kapistahan ni San Fransisco ng Asisi sa ika-apat ng Oktubre. Ang Panahon ng Paglikha ay apat na linggong pagdiriwang, pagninilay at panalangin na nakatuon sa pagpapahalaga sa inang kalikasan na ipinagkatiwala ng Diyos sa atin.  Ang Diyos bilang Manlilikha ay ginawa ang mundo at ibinigay sa atin bilang ating "common home" na dapat nating ingatan, pangalagaan at pagyamanin.  Dahil dito ay ginawaran N'ya rin tayo ng kapangyarihan maging manlilikha ngunit sa kasawiang palad ay hindi natin ito nagagampanan ng mabuti.  Sa halip na maging "manlilikha" ay mas nangigibabaw ang ating pagiging "maninira" ng ating kapaligiran at ng ating kalikasan.  Sa Encyclical Letter ng ating Santo Papa Francisco na pinamagatang "Laudato Si" ay tinatanong niya ang bawat isa sa atin kung ano na ang nangyayari sa "tahanang" ipinagkatiwa ng Diyos sa atin: What is happening to our common home?"  Kitang-kita naman natin at ramdam na ramdam ang pagbabagong nagaganap sa ating kapaligran.  Ang pabago-bagong panahon at klima, ang sobrang init at malakas na ulan, ang malawakang pagbaha at pagdumi ng mga ilog at karagatan, ang nagbibigay sa atin ng signos o hudyat na unti-unti ng nasisira ang ating "common home".  Kailan kaya tayo matututo? Tuloy pa rin kasi ang masasamang gawain tulad ng iresponsableng pagmimina at pagsira ng natural na eco-system sa ngalan daw ng pag-unlad.  Laganap pa rin ang "throw-away culture" sa bawat isa sa atin na kitang-kita sa pagsasayang ng pagkain at pagtatapon ng mga basura sa ating paligid.  Wala pa rin tayong pakialam sa pagkasira ng ating "tahanan".  Oras na marahil upang baguhin natin ang ating pananaw sa mga nangyayari sa ating paligid.  Sabi nga ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma: "Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito.  Mag-iba na kayo at magbago ng isip..."  At ano ba ang takbo ng makamundong pag-iisip?  Ito ang ipinakita ni Pedro ng pinagsabihan niya si Jesus na huwag nawang itulot ng Diyos na siya ay maghirap.  Ano ang sagot ni Jesus kay Pedro?  "Lumayo ka, Satanas!  Hadlang ka sa aking landas.  Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao."  Ang makamundong pag-iisip ay ang pag-iwas sa paghihirap at sakripisyo.  Ang pag-aalaga sa ating tahanan o common home, ay nangangailangan ng malaking sakripisyo sa ating mga sarili. Ang simpleng tamang pagtatapon ng basura ay pagdidisiplina sa ating sarili.  Ang pagpapanatiling malinis ang mga daluyan ng tubig ay hindi madaling gawin at nangangailangan ng pakikiisa at pagtutulungan nating mga mamamayan.  Tandaan natin na tayo ang nakatira sa mundong ito.  Nasa ating mga kamay ang pag-aalaga at pag-iingat sa mga biyaya ng kalikasan na ipinagkatiwala lamang sa atin ng Panginoong Diyos.  Nawa ay magising na tayo sa katotohanan bago pa mahuli ang lahat.  Sa unang Linggong ito ng Panahon ng Paglikha ay maging mabubuti tayong katiwala ng ating iisang tahanan o common home!  Sa ating pangangalaga sa inang kalikasan ang Diyos ang ating pinapupurihan. "Laudato Si!"

Linggo, Agosto 27, 2017

ANG SUSI SA KAHARIAN NG LANGIT: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year A - August 27, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Nitong nakaraang mga araw ay naging mas maingay ang Simbahan sa pagdami ng mga napapatay sa War on Drugs.  Sunod sunod ang pahayag ng ating mga obispo kung ano ba ang saloobin ng Simbahan sa mga nangyayari.  Marami ang natuwa ngunit may ilan din namang nagtaas kilay at muling inilalabas ang pagkiling ng simbahan sa mga drug addict sa halip na sa mga naging biktima ng karahasan.  Alam naman nating hindi ito totoo.  Kailanman ay hindi pinapanigan at sinasang-ayunan ng Simbahan ang anumang masasamang gawain.  Ang pagtatanggol sa dignidad ng tao at sa pagiging sagrado ng buhay ang pinapahayag nito na bahagi ng kanyang iniingatang aral na tinanggap mula kay Kristo.  At saan nagmula ang karapatan ng Smbahang magturo at magpasya sa usapin ng pamumuhay moral nating mga tao?  Ang ating mga pagbasa ngayon ay tumatalakay tungkol sa nkapangyarihang taglay ng "susi."  Alam naman natin kung para saan ang susi.  Ginagamit natin ito sa pagsasara o pagbubukas.  Ang susi ay sumisimbolo sa kapangyarihang taglay ng nagdadala nito.  Ang may susi ay maaring lumabas at pumasok sa isang bahay.  Nagbibigay ito ng pahintulot, karapatan at kapangyarihan.  Noong panahon ni Propeta Isaias,  ginamit ang simbolo ng pagbibigay ng susi upang upang palitan si Sabna bilang katiwala ng templo at ibinigay ito kay Eliakim.  Sa ating Ebanghelyo ay ginamit ni Jesus ang simbolo ng susi upang italaga si Simon bilang Pedro, ibig sabihin ay bato, na kung saan ay itatatag ang kanyang Simbhaan.  "Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit."  At ang kapangyarihang ito ay ang ipinasa ni Pedro sa kanyang mga kahalili, ang Santo Papa at ang mga obispo.  Kapag ang ating Santo Papa at ang mga obispo na kanyang kinatawan sa bawat diyosesis ay nagtuturo sa atin tungkol sa pananampalataya at pamumuhay moral ay ginagampanan nila ang kanilang tungkulin bilang tagapangalaga ng aral ni Kristo.  Kaya maari nating sabihin na ang kapangyarihan ng susi ng langit ay hindi lang para kay Pedro, ito rin ay para sa Simbahan.  Kaya nga't bilang mga Kristiyanong Katoliko ay hinihikaya't tayong ipagdasal ang ating mga namumuno, simula sa ating Santo Papa at mga obispo upang magampaman nila ng tapat at masigasig ang tungkuling pangalagaan ang Simbahan.  Ngunit hindi lang sapat ang panalangin, tayo rin ay inaasahang maging tapat at susunod sa kanilang mga aral kahit na ito ay hindi maging katanggap-tangap sa ating sariling paniniwala.  At isa na nga rito ang pagpapahalaga at paggalang sa buhay.  Naninindigan ang Simbahana na igalang natin ang buhay mula sinapupunan hanggang kamatayan.  Kaya nga ang pagpatay ay walag puwang sa bokabularyo ng isang Kristiyano.  Sa huling liham ng ating mahal na pastol, Arsobispo Luis Antonio Cardinal Tagle, a hinihimok niya ang mga nagpapakalat ng droga na tigilan na ang kanilang masasamang gawain at gayundin naman ang mga nagpapatupad ng batas na isaalang-alang ang paggalang sa karapatang pangtao.  Makakatulong din sabi niya ang pagkakaroon ng "multi-sectoral dialogue" upang pag-usapan ng mabuti ang problema ng droga at ituring itong hindi bilang isang usaping politikal o kriminal kundi isang usaping pangtao na nakakaapekto sa ating lahat!  Isa lamang ito sa maraming isyu na kung saan ay hinamon ang ating Simbahan sa kanyang pagiging propeta!  Ang propeta ay naghahatid ng mensahe ng katotohanan at nagbibigay saksi dito.  Ito ay masakit na mensahe na dapat lunukin nating mga tao ay hindi mangigiwi ang Simbahan kahit na ito ay hindi popular sa marami.  Sana ang bawat isa din sa atin ay gampanan ang ating pagkapropeta. Wag sanang mangyari na ang isang bagay na mali tulad ng pagpapatay ay maging katanggap-tanggap at normal na lamang sa ating mga Kristiyano.  Tandaan natin na tayo pa rin ang Simbahang itinatag ni Kristo at nasa atin pa rin ang susi ng kaharian ng langit!

Sabado, Agosto 19, 2017

ANG KILITI NG DIYOS: Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year A - August 20, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Alam mo bang ang bawat tao ay may kanya-kanyang kiliti?  Kapag nakuha mo raw ang kiliti ng isang tao ay madali mong makukuha ang kanyang kalooban. May katotohanan ito.  May mga taong mababaw lang ang kiliti tulad ng pagkain.  Pakainin mo lang ng kanyang paborito at kuha mo na siya! Sa iba naman ay mataas tulad ng  "pride" o kayabangan.  Purihin mo lang ng kaunti ang kanyang anyo o ugali at magiging BFF na kayo!  Ang iba naman at malambot ang puso,  kaunting iyak lang at mapapa-oo mo na sa gusto mo.  Pero may ibang ang kiliti ay "salapi".  Tulad ng kuwento ng isang taga BOC (Bureau of Customs) na nakahuli ng smuggler na nagpupuslit ng mga imported na damit.  "Sir, baka puwede naman po nating pag-usapan ito. Magbibigay na lang po kami ng regalo sa inyo, ok na ba ang Php 1,000?  alok ng smuggler.  "Hindi ako tumatanggap ng lagay!" sabi ng taga BOC. "Sige na po, gagawin ko nang Php 5,000, okey na ba sa inyo?" panunuyo ng smuggler.  "Ano ba? Sinabing di ako nasusuhulan eh!" muling niyang tanggi.  "Wag na kayong magalit, Php 10,000 na ang ibibigay namin," huling alok ng smuggler. Biglang bumunot ng baril ang opisyal ng BOC , at itinutok sa smuggler, at saka sinabi, "Talaga bang di mo ako titigilan? Malapit na akong bumigay.  Sige, makakaalis na kayo, iwan n'yo na lang 'yung regalo ko d'yan sa ilalim ng mesa."
Kung ang tao ay may kiliti eh paano kaya ang Diyos?  Mayroon ba Siyang kiliti?  Ano ba ang dapat nating gawin upang mahulog ang loob ng Diyos sa atin?  Ano ba ang kiliti ng Diyos?  Sa ating Ebanghelyo ngayon ay sinasabi sa ating ang kanyang kiliti ay ang panalangin ng isang taong puno ng pananampalataya!  At ito ang panalanging pinakikinggan ng Diyos. Kung minsan dasal tayo ng dasal para sa isang kahilingan ngunit parang hindi tayo pinakikinggan ng Diyos. Malamang ay sapagkat hindi pa natin nakukuha ang Kanyang kiliti! Ang panalanging puno ng pananampalataya ang nakakahulog ng Kanyang kalooban upang maipagkaloob niya sa atin ang ating hinihingi. Mayroon itong dalawang katangian. Ang una ay ang ating pagtitiyaga at pagpupumilit.  Nais ng Diyos na kinukulit natin Siya kapag meron tayong hinihingi sa ating panalangin.   "Ask and you will receive. Seek and you shall find. Knock and the door will be opened!"  Pansinin ninyo ang pagiging makulit ng babaeng Cananea sa ating Ebanghelyo.  Panay ang sunod niya kay Jesus at pilit na hinihinging pagalingin ang kanyang anak na inaalihan ng demonyo.  Maging ang mga alagad ay nakulitan na sa kanya.  Ngunit dahil sa kanyang kakulitan ay nakuha niya ang kanyang hiling mula kay Jesus.  Kung minsan tayo rin ang may kasalanan sapagkat kulang tayo sa pagtitiyaga sa ating paglapit sa Diyos. Masyado tayong mainipin. Gusto agad natin na maipagkaloob ang ating kahilingan. Ang turing natin sa Diyos ay parang vendo machine na kapag naglagay ka ng pera ay dapat may lalabas na softdrink sa iyong harapan. Ngunit ang Diyos ay may sariling oras na kalimitan ay hindi tugma sa ating orasan.  Pangalawa ay ang pagpapakumbaba. Ang babaeng Cananea ay nagpakababa sa harapan ni Jesus. Tinawag siyang "tuta" na walang karapatang makisalo sa hapag ng kanyang panginoon ngunit sumagot siya na kahit ang tuta man ay kumakain sa mga mumong nalalaglag sa hapag!  Napakalaking pagpapakita ng pagpapakumbaba. Tinanggap niya at minaliit ang kanyang sarili upang ipakita ang laki ng kanyang pagtitiwala kay Jesus na kaya nitong ipagkaloob ang kanyang kahilingan.  Kaya nga't namangha si Jesus sa kanya at ipanagkaloob ang kanyang ito. Ang ganitong uri ng pananampalataya ay nagdadala sa atin sa pagsusuko ng ating mga sarili sa kalooban ng Diyos. "Sundin ang loob mo dito sa lupa at para ng sa langit..." Ganito ba ang ating mga panalangin? Suriin natin ang ating mga sarili sa tuwing tayo ay lumuluhod sa Kanyang harapan. Manalangin tayo ng may pagtitiyaga at pagpapakumbaba. Ang ganitong uri ng panalanging puno ng pananampalataya ang kalakasan nating mga tao at ang kahinaan naman ng Diyos. Tunay na may kahinaan ang Diyos sa mga taong nagdarasal ng may pagtitiyaga at pagpapakumbaba.  Ito ang KILITI NG DIYOS!

Sabado, Agosto 12, 2017

ANG BAKAS NG DIYOS AY KAPAYAPAAN: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year A - August 13, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Saan nga ba matatagpuan ang Diyos?  Alam nating nasa langit ang Diyos at hinihintay Niya tayong lahat na makapiling Niya sa kaluwalhatian at kaligayahang  walang hanggan.  Pero dito sa lupa, saan ba natin matatagpuan ang Diyos?  Kapag sumasakay ako ng jeep, minsan may nakikita akong nag-aatanda ng krus kapag dumaraan ang jeep sa simbahan.  Dito sa ating parokya, ang mga kabataan ay sanay ng bumisita sa simbahan upang dalawin si Jesus sa Banal na Sakramento bago umuwi sa kanilang mga bahay.  Kaya nga't ang Diyos din ay matatagpuan sa Kanyang tahanan - sa tabernakulo ng ating mga simbahan.  Ngunit ang Diyos din ay matatagpuan sa mga sitwasyon na hindi natin inaasahan.  May isang bata ngang nagsabi na ang Diyos daw ay nasa kanilang bahay, sa loob ng kanilang banyo. Tinanong siya kung paano nangyari yun.  Ang sabi niya: "Kasi mo tuwing umaga lagi ko na lang naririnig ang tatay kong sumisigaw sa harap ng pintuan ng aming banyo ng 'Diyos ko! Diyos! Anung oras ka lalabas d'yan?  Maleleyt na ako sa trabaho!'"  Sitwasyong di inaasahan, ito ang naranasan ni Propeta Elias ng katagpuin niya ang Diyos sa bundok ng Horeb.  Hindi niya nakatagpo ang Diyos sa malakas na hangin, lindol, kidlat at kulog kundi sa isang banayad na tinig.  Ang Diyos ay matatagpuan sa katahimikan at kapayapaan.  Sa ating Ebanghelyo,  natagpuan ng mga alagad si Jesus sa sitwasyon ng takot at pangamba.  Madaling araw noon ng saniban ng takot ang mga alagad sa bangka ng makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. "Multo!" ang sigaw nila, sapagkat karaniwang paniniwala ng mga tao noon ang ang mga espiritu ay naglalakbay at nanahan sa ibabaw ng tubig.  Ngunit pinawi ni Jesus ang kanilang takot at pangamba at sinabi niyang "Huwag kayong matakot si Jesus ito!"  Sa ating paglalakbay ay karaniwang din tayong pinangungunahan ng takot at pangamba lalo na't nahaharap tayo sa maraming suliranin at kahirapan sa buhay.  Naririyan pa rin ang pangamba ng karahasan dala ng terorismo at patayang dala ng problema sa droga.  Nariyan ang pangambang dala ng hagupit ng kalikasan tulad ng lindol, bagyo at malakas na pag-ulan.  Sa kabila ng maraming pangambang ito ay sinasabihan tayo ni Jesus na wala tayong dapag ikatakot.  Manalig tayo Diyos. Manalig tayo sa kanya.  Nagawa ni Pedrong lumakad sa ibabaw ng tubig palapit kay Jesus sapagkat nakatuon ang kanyang pansin sa kanyang Panginoon.  Ngunit ng mapansin niya ang malakas na alon at hangin, nawala ang kanyang pagtuon kay Jesus naging dahilan iyon ng kanyang unti-unting paglubog.  Inabot ni Jesus ang kanyang kamay at sinabi.: "Napakaliit ng iyong pananampalataya! Bakit ka nag-alinlangan?"   Kapag hinayaan nating gambalain tayo ng ating maraming alalahanin sa buhay at malingat tayo sa ating pagtitiwala sa Panginoon ay unti-unti nating mararanaan ang "paglubog" sa buhay!  Tandaan nating malapit lang sa atin ang Diyos kapag tinalo tayo ng ating kahinaan.  Hindi niya tayo pababayaan.  Sapat lang na sambitin nating: "Sagipin ninyo ako, Panginoon!" at makakaranas tayo ng kapayapaang nagmumula kay Kristo.  Patuloy na dumarating ang Diyos sa ating buhay.  Sa kaguluhan sa ating paligid at maging sa ating sarili ay paghariin natin Siya.  Ang Diyos ay dumarating sa kapayapaan.  Kapayapaan ang bakas ng Kanyang presensiya!

Sabado, Agosto 5, 2017

MGA ANAK NA KINALULUGDAN NG DIYOS: Reflection for the Feast of Transfiguration Year A - August 6, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Kapistahan ngayon ng Pagbabagong Anyo ni Jesus o ang mas kilalang "Transfiguration of the Lord" na pinagninilayan natin sa tuwing dinarasal natin ang ika-apat na Misteryo ng Liwanag.  Bakit ba kinakailangang magbagong-anyo ni Jesus?  Dahil "trip-trip" n'ya lang ba?  Dahil para lang ba ito sa "photo-op" sapagkat magandang makita siyang kasama nina Moises at Elias?  Hindi.  May mas mahalagang dahilan kung bakit kinakailangang magbagong-anyo ni Jesus.  Una, ito ay para sa mga alagad, lalo na sa tatlong malapit sa kanya na kinikilala siya bilang "Mesiyas" - the Annointed One, ang pinili ng Diyos na kanilang tagapagligtas!  Ang kanyang pagbabagong-anyo ay upang bigyan sila ng sulyap o "glimpse" ng kanyang kaluwalhatian upang magsilbing lakas nila kapag sila ay pinanghinaan na ng loob sa sandaling makita nilang naghihirap si Jesus.  Si Moises ang kumakatawan sa "Mga Batas" at si Elias naman ang sa "Mga Propeta", ang dalawang haligi ng pananampalataya ng mga Hudyo.  At ang tinig na kanilang narinig mula sa alapaap na nagsasabing "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan..." ang nagpapatunay na siya nga at wala ng iba pa ang Kristo at Anak ng Diyos.  Ikalawa, ito ay para rin sa ating lahat na itinampok na "mga anak ng Diyos" noong tayo ay bininyagan.  Kung paanong si Jesus ay nagbagong-anyo, dapat tayo rin, bilang "mga anak na ampon ng Diyos" ay kakitaan ng "bagong anyo" na kung saan ay sinasalamin natin si Jesus sa ating pag-iisip, salita at gawa.  Totoo na tayo ay marupok bilang mga tao.  Bagamat naging mga "anak ng Diyos" ay taglay pa rin nating ang kahinaan kaya't tayo ay patuloy pa rin sa paggawa ng masama at pagsuway sa kalooban ng Diyos.  Ngunit hindi dapat manaig ang ating kahinaan sa ating tunay na katauhan... na tayo ay mga anak na hinirang ng Diyos!  Ito rin ay totoo sa mga taong hinirang ng Diyos na kanyang maging mga alagad, lalo na sa aming mga pari.  Ngayon ang Linggo ng mga Pari na kung saan ay pinagdarasal natin ang mga kaparian lalo na ang mga kura-paroko.  Ito ay kasunod sa pagdiriwanng ng Kapistahan ni San Juan Maria Vianney, ang patron ng mga pari.  Pinagdarasal natin ang mga pari sapagkat sila rin ay may kahinaan at karupukang taglay.  Hindi lingid sa ating kaalaman ang nangyari lamang makailan na isang pari ang nahuli at ikinulong sa salang pang-aabuso sa isang menor de edad!  Nakakalungkot ang ganitong balita ngunit kinakailangan natin itong harapin bilang isang Simbahan sapagkat ito naman talaga ang katotohan na tayong lahat ay makasalan at nagkakamali.  Hindi ito ipinagwawalang bahala ng Simbahan. Hindi magiging hadlang ang Simbahan upang bigyang katarungan ang nagawang nagkamali ng kaniyang anak, ito man ay pagpaparusang legal (ayon sa batas ng lipunan) o kanonikal (ayon sa batas ng Simbahan).  Ngunit hinihikayat tayo ng Simbahan na maging bukas ang pag-iisip na sa kabila ng iilang nagkamaling mga alagad ng Simbahan ay ang mas marami naman na nananatiling tapat sa kanilang bokasyon at buong buhay na nag-aalay ng kanilang sarili sa paglilingkod.  Hindi tamang sabihing masama na ang lahat ng mga pari sapagkat may isang paring gumawa ng eskandalo at naging masama sa mata ng mga tao.  Mas nabibigyan lang ng pansin ang iilang masama sapagkat ganito magbalita ang mundo:  Ang isang eroplanong bumagsak ay siguradong nasa balita ngunit ang mas maraming eroplanong lumilipad at nakalalapag ng maayos ay hindi naibabalita!  Ibig ko lang bigyang diin na kung may ilang paring tiwali ay mas marami naman ang mabubuti.  Sa halip na pagpiyestahan sila sa mga tsismis, balita at social media, ay ipagdasal na lang natin sila.  Ang araw na ito ay inilalaan para intensiyong ito na sana ay mas marami pang pari ang magiging tapat sa kanilang bokasyon at maging masigasig na tagapagpahayag ng Mabuting Balita katulad ni San Juan Maria Vianney.  Nawa ay masabi sa kanila at sa ating lahat ang mga katagang narinig ng mga alagad ng magbagong-anyo si Jesus: " Ito ang (mga) minamahal kong anak na lubos kong kinalulugdan!"

Sabado, Hulyo 29, 2017

ANG MISYON NG PAGHAHARI NG DIYOS: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year A - July 30, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Kasalukuyan ngayong idinaraos ang PCNE 4 (Philippine Conference on New Evangelization) na may temang "Of One Heart and Soul" na hango sa Gawa ng mga apostol (Acts 4:32).  Ipinagdririwang din ng ngayong araw ang Linggo ng Misyong Pilipino na kung saan ay ating ipinagdarasal ang gawing misyon ng ating mga Pilipinong misyonero.  Ang dalawang pagdiriwang na ito ay nagpapaalala sa ating ng kahalagahan ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon sa kasalukuyang panahon.  Isa sa mga nakakaantig ng damdaming programa ng PCNE ay ang  "Heart to Heart with the Cardinal"  sa unang araw, hindi sapagkat naging pannauhin niya sina Alden Richard at si Dingdong Dantes kundi sa pagbabahagi ng isang miyembro ng Couple for Christ sa Zamboanga.  Isinalaysay nito ang kuwento ng kanyang buhay na punung-puno ng trahedya at karahasan, poot at galit, pagpapatawad at pagmamahal.  Nasaksihan niya ang pagpatay sa kanyang tatay noong siya ay siyam na tagong gulang.  Tinaga ng itak sa kanyang harapan ang kanyang tatay at dahil dito ay naghari ang poot at galit sa kanyang puso na makaganti.  Kinalaunan ay nakapag-asawa siya at nagkaroon ng anak na naging biktima naman ng hazing, na naging sanhi ng kanyang kamatayan, sa paaralang kanyang pinapasukan. Lalong nadagdagan ang galit at poot sa kanyang puso sa pagnanais na makapaghiganti.  Sa mga trahedyang ito ay nakialam ang Diyos sa kanyang buhay.  May nag-imbita sa kanilang mag-asawa na sumali sa CLP ng Couples for Christ.  Sa mga pagbabahagi at paguturo na kanyang narinig, lalong -lalo na tungkol sa kahalagahan ng pagpapatawad at pagmamahal sa kapwa, ay parang may liwanag na pumukaw sa kanyang pagkabulag na dala ng poot at galit sa kanyang puso.  Nagpatuloy siya sa pagiging Couples for Christ, naitalagang leader ng isang "household"  at laking pagkagulat niya ng malamang ang isa sa magiging miyembro ng kanyang grupo ay ang pumatay sa kanyang ama.  Sa maniwala kayo't sa hindi, ang naghaharing poot at galit sa kanyang puso ay napalitan ng pagpapatawad at pagmamahal! Nagpakilala siya sa taong iyon at nagpatawad! At ganoon din ang ginawa niya sa mga nakapatay sa kanyang anak.  Ibinahagi niya ang pagpapatawad sa kanila.  Dahil dito ay naranasan niya ang tunay na kapayapaan at tunay na naghari ang Diyos sa kanyang puso.  Ang Ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa talinhaga ng Kaharian ng Diyos o Paghahari ng Diyos. Inihalintulad ito ni Jesus sa isang taong nakatagpo ng kayaman sa bukid at mamahaling perlas.  Kapuwa nila isinakripisyo ang kanilang mga pag-aari upang mabili lamang ang mga kayamanang iyon.  Ang Kaharian ng Diyos ay hindi isang lugar.  Ang kaharian ng Diyos ay ang plano ng Diyos sa sangkatauhan at ang kanyang paghahari ay ang ating pakikiisa sa palanong ito. Ang plano ng Diyos sa atin ay mabuhay tayo ng masayang kasama siya dito sa mundong ito at sa kabilang buhay na kung saan ay makakapiling natin Siya magpakailanman sa kaluwalhatian.   Ang pagpapatawad at pagmamahal ay pakikiisa sa plano ng Diyos para sa atin.  Mahirap mauwaan at ipaliwanag ng isang taong nabubuhay sa batas ng "mata sa mata" at "ngipin sa ngipin".  Tanging mga tao lamang na may karunungang tulad ng kay Solomon ang makakaunawa nito.  Sa unang pagbasa ito ang hiniling ni Solomon kay Yahweh sa halip na kayamanan at kapangyarihan: "isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling."  Hingin din natin sa Panginoon ng ganitong puso upang tayo ay pagharian niya.  Ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita ay pananagutan nating lahat, hindi lamang ng mga misyonerong pari, brother o madre.  Lahat tayo ay misyonero na tinatawag na magmahal.  Lahat tayo ay mga misyonero sa makabagong panahon.  

Sabado, Hulyo 22, 2017

GOD'S PATIENCE: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year A - July 23, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNTIES

Nakatanggap ka na ba ng imbitasyon sa isang pagdiriwang na may nakalagay na RSVP?  Ang RSVP ay mga salitang Pranses na "repondez s'il vous plait" na ang ibig sabihin sa ingles ay "respond as you please",  upang malaman kung ikaw ba ay makakadalo o hindi. Kinakailangan mong sumagot sapagkat sayang ang inilaang lugar para sa iyo! Papaano kung ang Diyos mismo ang magbigay sa iyo ng RSVP?  Sasagutin mo ba?  May isang kuwento na minsan daw ay inutusan ng Diyos ang isang anghel upang pumunta sa lupa at bilangin kung ilan ang mga taong masasama. Agad itong sumunod upang gampanan ang kanyang misyon ngunit pagkatapos lang ng ilang araw ay agaran din itong bumalik. Nang tanungin siya ng Diyos Ama ay sinabi n'ya: "Panginoon, masyado pong marami ang taong masasama sa lupa. Isang lugar pa lang ang napuntahan ko, sa Tundo ata iyon at nahirapan na akong magbilang. Ang daming halang ang kaluluwa! Puwede bang yung mabubuti na lang ang bilangin ko?" Sagot ng Diyos sa kanya: "Sige, mas mabuti pa nga para , mas mapabilis ang trabaho mo at agad din nating mabigyan ng imbitasyon ang mga iyon!" Muli siyang nagbalik at tulad ng inaasahan ay maaga niyang natapos ang pagbibilang. "Ngayon", sabi ng Diyos Ama,"papadalhan natin ng sulat ang mga taong mabubuti. May surpresa akong ihahanda para sa kanila.. Bibigyan mo ng sulat ang bawat taong mabuti! Ang masasama ay huwag mong bigyan. Hindi sila kasali sa gagawin kong piging!" At gayon nga ang ginawa ng anghel, binigyan ng sulat ang lahat ng taong mabuti sa lupa RSVP! Alam n'yo ba kung ano ang nakalagay sa sulat? Hindi? Hindi n'yo alam kung ano ang nakasulat? hahaha! Kung gayon ay hindi kayo nabigyan! hehehe...Marahil isang kuwento lamang ngunit nagsasabi ito sa atin ng katotohanan. Tunay ngang may mga taong masasama sa ating mundo! Hindi natin ito maipagkakaila. Ang mas masaklap na katotohanan ay ito. Tila ang mga tao pang ito ang "nag-eenjoy" at nanagana sa kanilang pamumuhay samantalang ang mga mabubuti ay naghihirap! Ano ba ito? Bakit ang masasamang damo ang matagal mamatay? Bakit pinababayaan ng Diyos mangyari ito? Ang talinhaga sa ating Ebanghelyo ay may kasagutan.  Una, hindi ang Diyos ang pinagmumulan ng kasamaan.  Ang Diyos ay lubos na mabuti.  God is good all the time! And all the time God is good!  Sa ating talinhaga ay "mabuti" ang mga binhing inihasik ng may ari ng triguhan.  Ang kanilang "kaaway" (ang demonyo) ang siyang pinagmulan nito.  Pangalawa, ang Diyos ay mapagtimpi. Hindi niya ninanais ang kamatayan ng mga taong makasalanan ngunit ang kanilang pagbabalik-loob. "Life is so unfair!" maari nating sabihin. Ngunit tandaan natin na iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Iba ang kanyang pamantayan sa ating pamantayan. Iba Siyang magmahal sa atin!  Pangatlo, ang tao rin ay maaring maging sanhi ng kasamaan sa mundo.  Sa katunayan, hindi tinanggal ng pagiging "anak ng Diyos" ang pagnanais ng taong gumawa ng masama.  Naglalaban pa rin sa ating katauhan ang mabuti at masama.  Ang mabuting balita para sa atin ay sa kabila ng ating kahinaan at kasamaan ang Diyos ay mapagtimpi sa atin.  Magising sana tayong mga makasalanan! Huwag nating balewalain o pagsamantalahan ang malaking pag-ibig ng Diyos. Bawat hininga natin ay dapat magpaalala sa atin na ang Diyos ay nagbibigay ng pagkakataong mahalin natin Siya, pagkakataong magbago at magbalik-loob, pagkakataon upang suklian natin ang kanyang pagmamahal... Kung alam mo ito ay parang nakatanggap ka na rin ng Kanyang sulat. Mapalad ka. Isa ka sa mga minamahal ng Diyos! Sagutin mo agad sapagkat RSVP 'yun!

Sabado, Hulyo 15, 2017

PAKIKINIG AT PAGIGING MABUTING LUPA: Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year A - July 16, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Ayaw man nating aminin, isang kapansanan nating mga tao ay ang pagiging KSP.  Hindi "Kulang Sa Pansin" kundi "KULANG SA PAKIKINIG" ang tinutukoy ko.  Karamihan kasi sa atin ay mas gusto ang magsalita kaysa makinig.   Ang problema nang kakulangan sa pakikinig ay kapag sabay-sabay lahat na nagsasalita. Sa mga taong ito ang pakikipagtalastasan ay "more talking... less listening"  Pero kung iisipin mo, tayo ay biniyayaan ng Diyos ng isang bibig at dalawang tenga upang mas makinig kaysa magsalita, kaya nga ang dapat ay "less talking more lsitening!"  Mahalaga ang pakikinig sapagkat makapangyarihan ang salita.  Bagamat natural na sa atin ang magsalita ngunit hindi natin napagtatanto ang epekto nito sa taong ating kinakausap.  Kung minsan ay nakapagpapasaya tayo ng mga tao kapag ang lumalabas sa ating bibig ay pagpupuri o pasasalamat sa kanila.  Kung minsan naman ay nakapagbibigay tayo ng loob dahil sa ating pangungutya at paggamit ng mga nakapipinsalang salita sa ating kapwa.  Kung ito ay totoo sa mga salitang lumalabas sa ating bibig ay mas malaki ang inaasahan sa atin kapag ang ipinapahayag sa atin ay ang SALITA NG DIYOS.  Sa unang pagbasa, sa Akalat ni Propeta Isaias ay inilalarawan ang Salita ng Diyos na parang ulan at niyebe na bumaba sa lupa upang ito ay pagyamanin at nagpapakita ito ng kapangyarihan ng Salita na nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga nilikha ng Diyos.  Sa ebanghelyo naman ay ikinumpara ang Salita ng Diyos sa binhi na inihasik sa iba't urin ng lupa.  Wala ang problema sa binhi o maging sa manhahasik ng binhi.  Hindi nanghihinayang ang manghahasik sa mga binhing bumagsak sa hindi magandang lupa sapagkat alam naman niyang may mga mabubuting lupang tatanggap sa binhi at dahil dito ay magbibigay ng masaganang bunga.  Ang talinhaga ng maghahasik ay nagsasabi sa ating  maging "mabubuting lupa" na nagbibigay ng pagkakataon sa "binhi" (Salita ng Diyos) upang tumubo, lumago at mamunga ng marami sa ating buhay!  Ang pagiging mabuting lupa ay nasa "pakikinig" natin at pagtupad sa kalooban ng Diyos.  Sa ating pakikinig sa Salita ng Diyos ay hindi lamang tenga ang ating ginagamit.  Pansinin ninyo na sa salitang hEARt ay napapaloob ang salitang EAR.  Upang lubos na mamunga ang binhi ng Salita ng Diyos, dapat ay handa nating buksan ang ating puso sa kanyang pagmamahal.  Naglalaan ba ako ng sandali upang itahimik ang aking sarili at hayaang pagharian ng Diyos ang aking buhay? Sa pagdiriwang ng mga sakramento, lalo na sa Santa Misa, ay direktang nakikipag-usap ang Diyos  sa atin.  Sa mahiwgang paraan ay nakikipag-usap din siya sa atin sa pamamagitan ng ating mga mahal sa buhay, sa ating pamilya, kamag-anak, kaibigan at maging sa ating mga kaaway.  Ginagamit ko ba ang mga pagkakataong ito upang mapakinggan ang Salita ng Diyos na ipinahahayag sa akin?  Sana ay matuto tayong makinig gamit ang ating puso.  Sana ay matuto tayong tumahimik . Sana ay hayaan nating maghari ang kalooban ng Diyos sa ating ginagawa araw-araw at mamunga ito ng maraming biyaya upang maibhagi natin sa ating kapwa.  Tama ang sabi ni Jesus sa katapusan ng talinhaga: "Ang may pandinig ay makinig!"  

Sabado, Hulyo 8, 2017

PASALORD: Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year A - July 9, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Nasubukan mo na bang mag "PASALORD?"  "Father, share-a-load po ang ginagamit ko. Pero ang alam ko ay ganito ang pag-pasaload. Tanggalin mo ang  0  sa unahan ng padadalhan mong mobile phone number at palitan mo ng 2 at magsend ka ng load sa kanya. Presto... nagpasaload ka na!"  Pero hindi ito ang  pagpapasa na tinutukoy ko.  Marami ka bang dinadalang pasanin sa buhay?  Nabibigatan ka na ba sa mga suliranain at problemang hinaharap mo ngayon?  Paano mo ba hinaharap ang maraming paghihirap na dumarating sa iyo araw-araw?  Bakit di mo subukang magPASALORD?  Kahapon,  ay sinimulan ang  PASALORD PRAYER.  Ito ay ang sama-samang pagdarasal tuwing alas-dose ng tanghali para sa kapayapaan ng ating bansa.  Maganda ang nais ipahiwatig ng salitang "PASALORD".  Sinasabi nito na may mga bagay na hindi natin kayang gawin, may mga prolemang hindi natin kayang lutasin at may mga pasaning di natin kayang buhatin.  Kaya ang Panginoon ay nag-aanyaya sa ating "ipasa" sa Kanya ang mga nagpapahirap sa ating buhay.  "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat ng napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin ko.  Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako'y maamo mababang-loob, at makakasumpong kayo ng kapahingaan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaaan ang pasaning ibibigayko sa inyo."  Pansinin ninyo na hindi nangako si Jesus na tatanggalin niya ang ating paghihirap at siya na lang ang magpapasan nito para sa atin.  Bagkus ibibigay niya sa atin ang kanyang "pamatok" upang ating gamitin upang mapagaan ang ating pasanin.  Ang pamatok ay ang kahoy na inilalagay sa batok ng hayop upang mapagaan ang kanyang paghila ng mga bagay. Kung tama ang pamatok hindi mnahihirapan ang hayop. At ano ang pamatok na ito? Walang iba kundi ang Kanyang tapat at walang sawang pag-ibig! Ang nais ng Panginoon ay dalhin natin ng may "pag-ibig" ang ating mga pasanin sa buhay. Kung lalagyan lang natin ng pagmamahal ang ating mga ginagawa araw-araw ay mapapagaan natin ito. Kaunting pagngiti, pagbati, pagkamusta ay sapat na upang makapawi ng pagod, sakit, at kalungkutan. Tandaan natin na hindi nagbibigay ang Diyos ng pasanin na hindi natin kayang buhatin. Ang Diyos ay kasama natin sa ating paghihirap at mga suliranin natin sa buhay. Ganito dapat ang panalangin ng isang tagasunod ni Kristo kapag siya ay nahaharap sa mga pagsubok sa buhay:  "Panginoon, wag mong tanggalin ang mga pasanin ko ngayon, bagkus bigyan mo ako ng lakas na mabuhat ito sa pamamagitan ng iyong pagmamahal."  Sa pagdarasal natin ng PASALORD PRAYER para sa ating bansa ay ipinapasa natin kay Jesus ang mithiiin nating magkaroon ng kapayapaan sa ating bansa.  Siya lang naman talaga ang maaring bumago sa puso ng bawat tao.  Kung paanong "walang matigas na tinapay sa mainit na kape"  ay masasabi rin nating "walang matigas na puso sa init ng kanyang pagmamahal.  Ipagdasal natin na maghari ang pag-ibig sa puso ng bawat tao upang malabanan ang karahasan at mapawi ang galit at poot sa puso ng bawat tao. Sa pagPASALORD naman natin ng ating mga suliranin, kahirapan at pagsubok sa buhay,  hingin natin sa Panginoon na punuin niya ng pag-ibig ang ating mga puso upang ang lahat ng ating iisipin, wiwikain at gagawin ay bunga ng kanyang pagmamahal at siguradong mapapagaaan nito ang ating mga pasanin.  Ano pang hinihintay mo? MagPASALORD ka na!

Sabado, Hulyo 1, 2017

MAKA-TAO... MAKA-KRISTO: Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year A - July 1, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Isang tatak ng ating pagiging Pilipino ang pagiging MAKA-TAO.  Karaniwan nating naririnig kapag may kumakataok sa ating pintuan ang ang mga katagang: "Tao po... may tao po ba?"  Hindi ko alam kung may nakarinig na sa inyo ng "Hayop po..."  o kaya naman, "Multo po..."  Nais kasi natin na iparating sa kanila na dapat ay maayos at bukas-palad ang kanilang pagtanggap dahil "tao" ang nakatayo sa kanilang harapan.  Kaya nga't kung tao kang tinanggap sa isang bahay ay dapat asal tao rin ang isusukli mo sa kanila.  Sa Lumang Tipan ay may mas malalim pang dahilan ang kanilang pagtanggap bukod sa pagiging maka-tao.  Ang kanilang paniniwala ay may mga pagkakataong ang mga sugo o alagad ng Diyos, tulad ng mga anghel, ay nag-aanyong tao kaya dapat ay laging malugod at bukas-palad ang kanilang pagtanggap kung may dumarating na bisita sa kanilang tahanan.  Tulad na lamang ng panahon ni Abraham na s'ya sy bisitahin ng mga anghel upang iparating sa kanya na gugunawin na ang mga lungsod ng Sodom at Gomorra.  Sa ating Unang Pagbasa, ay malugod na tinaggap si propeta Eliseo ng mag-asawang taga-Sunem sapagkat naniniwala silang siya ay lingkod ng Diyos.  Dahil dito sila ay pinangakuaan ni Eliseo ng anak sa kabila ng kanilang katandaan.  Ngunti para sa ating mga Kristiyano, may mas malalim na dahilan kung bakit dapat ay bukas-loob ang ating pagtanggap sa mga taong kumakatok sa ating puso.  Hindi lang sapagkat maka-tao tayo.  Hindi lang sapagkat naniniwala tayong lingkod ng Diyos ang nasa pintuan ng ating tahanan.  Bukas-palad ang ating pagtanggap sa ating kapwa sapagkat nakikita natin si Jesus sa mukha ng bawat isa sa kanila.  Ang pagiging Kristiyano ay MAKA-KRISTO!  Nung si St. Mother Theresa ng Calcutta ay tinanong ng isang reporter kung paano niya nagagawang yakapin at halikan ang mga taong may sakit at namamatay sa lansangan ay isa lang ang kanyang tugon: "Sapagkat nakikita ko ang mukha ni Jesus sa kanila!"  Sa ating Ebanghelyo ay ito ang ipinapaalala sa atin ni Jesus: "Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay  tumatanggap sa nagsugo sa akin... At sinumang magbigay ng kahit isang baosng tubig na malamig sa isa sa maliit na ito dahil sa ito'y alagad ko - tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala."  Isa lang sinasabi sa atin ng mga pahayag na ito, na buhay si Kristo sa ating kapwa!  Sa panahon ngayon na tila baga naghahari ang karahasan sa ating paligid, na kung minsan ay hindi nabibigyang halaga ang paggalang sa karapatan at dignidad ng tao dahil sa pang-aabuso at pagkitil ng buhay ng iba, ay mas kinakailangan nating isabuhay ang turo ni Kristo.  May kaabihan tayong mga Pilipino na "kapag binato ka ng bato ay batuhin mo naman siya ng tinapay!"  May mga iba na ang tinapaty na pambato ay nakalagay pa sa loob ng garapon.  Sapagkat hindi naman talaga madaling suklian ng kabutihan ang kasamaan.  Kapag minura ka, ang natural na reaksyon ay murahin mo rin ang ang nagmura sa sa iyo.  Hindi ko alam kong mayroong sa inyong pagkatapos siyang murahin ay nakangiti pa at nagsasabi ng "thank you!" Ngunit ito ang aral ni Kristo.  Suklian mo ng kabutihan ang anumang kasamaang ibinayad sa iyo.  Ang sukatan ng ating pagiging Kristiyano ay si Kristo na nagmahal at nagpatawad sa ating mga pagkkukulang at pagkakasala.  Kaya't nararapat lang na sikapin nating makita ang mukha ni Kristo sa ating kapwa lalong -lalo na sa ating mga kaaway at mga taong may kaamaan tayo ng loob.  Ito ang susi kung nais nating magkaroon ng kapayapaan sa ating bansa.  Hindi armas ang makapagtatahimik sa mga terorista o mga rebelde.  Ang sandata ng isang Kristiyano ay paggalang at pagpapatawad.  Ito ay magagawa lamang ng isang taong nakikita ang mukha ni Jesus sa iba.  Tayo ay hindi lamang dapat maging maka-tao,  Tayo ay dapat maging MAKA-KRISTO!

Sabado, Hunyo 24, 2017

SA KANYANG MGA KAMAY : Reflection for 12th Sunday in Ordinary Time Year A - June 25, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNIION OF COMMUNITIES

May isang lalaking nagkumpisal sa pari: "Padre, patawarin mo po ako... ako'y nagkasala!"  Sumagot naman ang pari: "Anung kasalanan mo iho?  Huwag kang matakot sabihin. Papatawarin ka ng Diyos.  Nag-aalangang sabi ng lalaki: "Father, isa po akong serial killer.  Marami na po akong napatay at pakiramdam ko ay masusundan pa ito!"  "At bakit ka naman pumapatay? Anung dahilan at nagagawa mo ito?"  Kinakabahang tanong ng pari.  "Padre...!" Pasigaw na sagot ng lalaki, "Sapagkat silang lahat ay naniniwala sa Diyos! Ikaw ba padre... NANINIWALA KA BA SA DIYOS???!!!  Nanginginig na sumagot ang pari, "Naku iho... wag kang maniniwala sa sinasabi ng iba!  Syempre HINDEEEE!"   Tunay ngang madaling maging Kristiyano ngunit mahirap magpakakristiyano!  Madaling magpahayag na "Kristiyano ako!" ngunit mukhang naiiba na ang usapan kapag hinihingi na ang ating buhay bilang kapalit nito.  Maliwanag ang binitiwang salita ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon: "Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa."  Naaalala ko tuloy ang mga ilang Kristiyanong bihag pa ng mga Maute terrorist sa Marawi.  Marahil may iba sa kanilang sinubukan na ang katatagan ng kanilang pananampalataya.  Marso 20, 2000 noong mabihag ng mga Abu Sayyaf ang isang paring Claretian na ang pangalan ay Fr. Rhoel Gallardo kasama ang ilang guro ng kanilang paaralan.  "Ang Diyos ay naririto! Huwag tayong matakot!" ang lagi niyang paalala sa kanyang mga kasama sabi ng pinalayang prinsipal.  Natagpuan siya pagkatapos ng 43 araw ng pagkakabihag kasama ang ilang lalaki na patay na. May tatlo siyang tama ng baril sa ulo at katawan at tinanggal ang mga kuko sa kanyang paa, tanda ng pagpapahirap na dinanas niya sa bandidong grupo.  Ilang ulit palang pinapili siya kung handa niya bang itatwa ang kanyang buhay kapalit ng kanyang kalayaan ngunit naging matatag siya sa harap ng pagsubok ng ito.  Pinili niya si Kristo ng buong tapang!  Marahil ang mamatay para sa pananampalataya ay pagtawag lamang para sa iilan, ngunit ang isabuhay ang pananampalatay ng buong tapang ay pagtawag para sa lahat!  Ito ang mukha ng pagiging bagong martir sa kasalukuyang panahon: ang manindigan sa ating paniniwala bilang mga Kristiyano kahit na ito ay nangangahulugan ng hindi pagtanggap ng makamundong paniniwala at pagtuligsa ng mga taong nabubulagan sa katotohanan.  Huwag tayong matakot sapagkat kapanig natin ang Diyos sa tuwing ating ipinapahayag ang totoo ng buong tapang!  Kung tayo ay kapanalig Niya, wala tayong dapat ipangamba.  Sa kasalukuyang panahon ngayon na paboritong laitin at lapastanganin ang ating Simbahan at ang mga namumuno nito ay huwag tayong masisiraan ng loob.  Sa huli ay mananaig din ang katotohanan at mabubunyag ang kamalian ng mga sumisira sa imahe ng Simbahang itinatag ni Kristo.  Sa mga sandaling nakasalalay ang ating karangalan at maging ating kabuhayan ay huwag nating panigan ang kasinungalingan.  Wag tayong matakot sapagkat hindi tayo pababayaan ng Diyos kung paanong inaalagaan niya ang mga ibon sa himpapawid at hindi hinahayaang mapahamak ang mga ito.  Kilalanin natin si Jesus sa harap ng mga tao upang tayo rin ay kilalanin niya sa ating pagharap sa Diyos Ama.  Manindigan tayo para kay Kristo!  Huwag matakot! Nasa kamay Niya tayo!

Linggo, Hunyo 18, 2017

SAKRIPISYO NG SUPERHERO: Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year A - June 18, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Ano nga ba ang katangian ng isang Superhero?   Sa isang  commercial add sa tv ng isang sikat na fast food chain na pinamagatang "Superhero",  ay ipinakita ng pangunahing tauhan, ang tatay ng bata na labis na iniidolo ang kanyang ama at binansagan niyang superhero, na ang isang natatanging katangian ay ang kakayahan niyang magsakripisyo!  Hindi lakas, bilis, galing mag-isip ang nagbibigay ng pagka-superhero sa kanya kundi ang kanyang pagtitiis, paghihirap, pagpapakapagod upang maitaguyod ang kapakanan ng kanyang anak.  Kung ito ay totoo sa isang superhero ay mas lalo itong totoo sa ating pinaka-superhero bilang mga Kristiyano.  Ang kakayahang magsakripisyo ang nagbigay daan sa atin upang makamit natin ang ating kaligtasan.  Ang sakripisyong ginawa ng Anak ng Diyos na nag-alay ng kanyang buhay sa krus ay sakripisyong nangyari at nagpapatuloy sa tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa.  Sa katunayan ang Banal na Misa ay tinatawag ding Holy Sacrifice.  Mas mauunawan natin ito kung ikukumpara ang sakripisyo sa panahon ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan.  Sa Lumang Tipan ang ginagamit na sakripisyo ay ang mga susunuging handog tulad ng kordero o batang tupa.  Sa Bagong Tipan, sa pamamagitan ng pag-aalay ng buhay ni Jesus ay naihandog na ang natatanging sakripisyo.  Siya ang "Kordero ng Diyos" na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan!  Ang sakripisyong ginawa ni Jesus sa krus ay katulad din ng sakripisyo ng Lumang Tipan, isang madugong pag-aalay ng sarili.  Nais ni Jesus na ipagpatuloy natin ang paggunita sa sakripisyong ito ngunit sa paraan na hindi madugo.  Sa huling hapunan ay isinagawa ito ni Jesus, ang pag-aalay ng kanyang sarili sa isang paraan na hindi madugo!  "Ito ang aking katawan" at pianghati-hati niya ang tinapay at ibinahagi sa mga alagad. "Ito ang aking dugo, ang dugo ng walang hanggang tipan"  at gayun din ang kanyang ginawa, ibinigay ang kalis sa kanyang mga alagad.  At ito ay nagpapatuloy sa tuwing tayo ay nagdiriwang ng Santa Misa.  Muli nating isinasabuhay sa kasalukuyan ang sakripisyong minsan ng ginawa ni Jesus sa krus ngunit hindi sa madugong paraan.  Ang Banal na Eukaristiya (pasasalamat) ay naging "selfless sacrifice" na ipanararanas sa atin at nagiging daluayan ng biyaya ng ating kaligtasan!  Nais ni Jesus na tayo rin ay maging Eukaristiya sa isa't isa at magpakita ng hindi makasariling pag-aalay ng sarii o "selfless sacrifice".  At ngayong Father's Day ay isang magandang paala-ala sa atin ang pagsasakripisyong ibinibigay sa atin ng ating mga magulang lalo na ng ating ama.  Hindi ko makalilimutan ang kuwento ng isang amang nag-viral minsan sa facebook.  Nakunan siya ng litrato sa Jolibee kasama ang kanyang dalawang maliit na anak na babae at masaya silang pinapanood silang kumakain.  Kapansin pansing hindi kumakain ang tatay, iyon  pala ay sapagkat sapat lang ang kanyang pera para sa dalawa upang ibili sila ng simpleng chicken joy!  At ng usisain ang buhay ng taong ito ay napag-alamang siya pala ay paralisado pagkatapos ma-stroke at iniwan ng kanyang asawa dahil sa hirap ng pag-aalaga sa kanya.  Mag-isa niyang itinaguyod ang kanyang mga anak kahit na siya ay hirap sa pagsasalita at paggalaw bukod sa kawalan niya ng hanap-buhay.  Ngunit hindi niya hinayaang maging hadlang ang kanyang kapansanan upang tuparin ang kanyang tungkulin sa kanyang mga anak.  Isang larawan at magandang halimbawa ng selless sacrifice!  Nawa ang bawat isa rin sa atin ay magpakita nito sa ating kapwa.  Mga magulang ipakita at ipadama ang inyong pagmamahal sa mga anak sa mabuting pagpapalaki sa kanila. Maglaan ng oras at panahon para sa inyong mga anak. Magsakripisyo para sa kanila.  Ang mga mga anak naman ay dapat magsakripisyo para sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti at pag-aalaga sa kanila sa kanilang katandaan.  Ang selfless sarifice ay dapat maging self-less giving!  Mangyayari lamang ito kung tayo ay paghaharian ng pag-ibig ni Kristo sa ating pag-isip, pananalita at pagkilos.  Maging mga buhay tayong sakripisyo ng Banal na Eukaristiya!

Sabado, Hunyo 3, 2017

SIMBOLISMO NG BANAL NA ESPIRITU: Reflection for the Solemnity of Pentecosts Year A - June 4, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Ngayon ay ang dakilang kapistahan ng Banal na Espiritu.  Paano nga ba natin mailalarawan ang ikatlong Persona ng Banal na Santatlo?  Madaling bigyan ng paglalarawan ang Diyos Ama at ang Diyos Anak, ngunit hindi ata ganito kadali kapag ang pinag-uusapan na natin ay ang Banal na Espiritu.  Di tulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan. Nariyan na ang simbolo ng hangin tulad ng ating narinig sa unang pagbasa, ang dilang apoy na nanahan sa ulo ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, ang tila kalapati o ibon na lumabas mula sa langit ng mabinyagan si Jesus sa ilog ng Jordan. Ang hangin o hininga ay simbolo ng buhay. Ang apoy ay simbolo naman ng init at ningas ng pagmamahal.  Ang ibon o kalapati naman ay ang tagapaghatid ng kapayapaan.  Kaya nga ang simbolo ay dapat nagpapakita ng katotohanang ipinapahayag nito sapagkat kung hindi ay magmimistulang "peke" o katawa-tawa ang ipapahayag nito.  Halimbawa ay ang mga fake news na naglipana sa social media.  Mayroong isang blog posting na humihingi ng panalangin sa  para sa ating mga sundalong lumalaban sa Marawi, ngunit ang larawan namang kasama nito ay mga sundalo ng "Honduras".  Hindi ba katawa-tawa ito? Lalo na't ang paliwanag ay isa raw itong "symbolism."  Hindi maaring maging symbolism ang ganung maling paglalarawan sapagkat mali ang katotohanang ipinapakita nito.  Isang napapanahong simbolismo ng Banal na Espiritu ay ang kalapati na simbolo ng kapayapaan.  Sa mga kaganapang nangyayari ngayon sa ating bansa ay marahil ito ang pinakamimithi nating inaasam, ang mapanumbalik ang kaayusan at mapanatili ang kapayapaan!  Ang kagaganap lamang na kaguluhan sa Resorts World , ang patuloy na digmaan sa Marawi, ang halos araw-araw na mga karahasang nangyayari sa ating lipunan at banta ng terorismo ay mga halimbawa lamang na nagpapakita nang malaking pangangailangan natin ng biyaya ng tunay na kapayapaan.  Hindi ito katulad ng kapayapaan inaalok ng mundo na pansamantala lamang na pinipigil ang kaguluhan at karahasan.  Ito ay ang kapayapaang nagmumula mismo kay Kristo tulad ng kapayapaan ibinigay niya sa mga alagad na humilom sa kanilang pusong puno ng takot at pangamba.  "Sumainyo ang kapayapaan!"  ang bati ni Jesus sa mga alagad noong siya ay magpakita sa kanila.  Pagkatapos ay hiningahan sila at sinabing "tanggapin ninyo ang Espiritu Santo!"  Ang Espiriung bigay sa atin ni Jesus ay nagdadala ng kapayapaan sa ating puso.  Ito rin ang nagbibigay daan sa pagkakaisa katulad ng nangyari sa unang pagbasa na pinag-isa ng Espiritu Santo ang pagkakaintindi ng mga tao sa pangangaral ni Pedro bagamat sila ay nagmula sa iba't ibang lupain. Ito rin ang Espritung nag-uugnay sa atin bilang isang katawan ni Kristo bagama't iba't iba ang kanyang mga biyayang kaloob sa atin.  Wag tayong matakot tumawag sa Banal na Espritu upang pagbuklurin niya ang ating pagkakanya-kanya na naghihiwalay sa atin sa isa't isa.  Hingin natin ang biyayang maging instrumento ng kanyang kapayapaan at pagmamahal upang humilom sa ating sarili, sa ating pamilya, sa ating komunidad na kinabibilangan at sa ating bayang sinisira ng karahasan, galit at pagkamuhi sa kapwa.  Hayaan nating ang simbolong dala ng Banal na Espiritu na kapayapaan at pagkakaisa ay talagang mabigyang buhay at maibahagi natin sa iba.  "Halina Banal na Espritu, pag-isahin mo kami sa pagmamahal!"

Sabado, Mayo 27, 2017

KAPAYAPAAN AT HANTUNGAN: Reflection for the Solemnity of the Lord's Ascencion Year A - May 28, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Hindi lingid sa ating kaalaman ang kaguluhang nangyayari ngayon sa Marawi at isama na rin natin ang buong Mindanao na ngayon ay nasa ilalim ng Batas Militar o Martial Law.  Marami sa ating mga kapatid doon ay nakararanas ngayon ng pagkatakot at pangamba at sa katunayan ay marami na nga ang lumikas sa kanilang mga tahanan upang maiwasang madamay sa digmaang nagaganap sa panig ng mga puwersa ng ating pamahalaan at ng mga teroristang Maute.  Bagamat humigit kumulang na limang porsiyento lamang ang mga Kristiyano sa Marawi, atin pa ring ipinagdarasal ang mga tao roon sapagkat kapag may ganitong digmaan ang lubos na naapektuhan ay ang mga bata at mga matatanda Kristiyano man o Muslim.  Ipagdasal natin na sana sa madaling panahon ay manumbalik ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang lugar.  Lahat naman tayo, anuman ang ating relihiyong kinabibilangan ay naghahangad ng buhay na maunlad at mapayapa. Ngunit bakit parang mailap ang kapayapaan sa atin?  May kuwento na minsan daw ay nagpanggap na propeta ng kapayapaan ang demonyo.  Pumasok siya sa isang sinagoga at nagsalita sa mga tao at inalok sa kanila ang "kalapati ng kapayapaan."  Sinabi niyang ang sinumang makahuhuli sa ibon ay makararanas ng tunay na kapayapaan sa kanyang buong buhay!  Pinakawalan niya ang ibon at nagkagulo ang mga nasa sinagoga.  May mga nagkainitan, nagbangayan, nagsuntukan hanggang sila-sila na ang nag-away-away sa loob ng sinagoga para lamang mahuli ang mailap na ibon ng kapayapaan. Hanggang nakalabas ang ibon sa sinagoga.  Ang mga tao naman ay nagbuo ng kanilang mga hukbo upang hulihin ang ibon.  Nagkaroon ng digmaan ang pamilya laban sa pamilya, angkan laban sa angkan.  Lumaki na nga ang kaguluhan sa lungsod at nauwi na nga ang digmaan ng mga bayan.  Lahat naglalaban sa ngalan ng kapayapaan.  Ngunit hindi nila alam na ang tunay na "ibon ng kapayapaan" ay hindi matatagpuan sa kaguluhan at karahansan.  Sapagkat ang tunay na kapayapaan ay naghahari sa katahimikan ng puso ng bawat tao!  Kaya nga si Jesus, pagkatapos niyang muling nabuhay at nagpakita sa mga alagad, ang kanyang bati ay "kapayapaan!"  Batid ni Jesus na ang tunay na kapayapaan ay mararanasan lamang ng taong pinaghaharian ng Diyos kaya ngat bago ang kanyang pag-akyat sa kaluwalhatian ng langit ay ipinangako niya ang Banal na Espiritu at sinabing siya ay sasakanila hanggang sa wakas ng panahon.  Ipinangako rin niya na ipaghahanda sila ng matitirhan sa langit na kung saan ay mararanasan nila ang tunay na kapayapaan at kaligayahan.  Ngunit habang wala pa sila rito ang isang misyon muna ang kanyang iniutos sa kanila: "Humayo kayo at gawin ninyong mga alagad ko ang lahat ng bansa. Binyagan... at turuang sumunod sa mga pinag-uutos ko."  Kaya ngat tayong mga Kristiyano, habang pinaghahandaan ang pagpunta sa ating dapat na hantungan sa piling ng Ama sa kalangitan, ay dapat magsabuhay at ipalaganap ang pagsunod sa mga utos ni Kristo.  Ang kanyang pag-akyat sa langit ay hindi lamang paala-ala na tayo ay may "hantungan sa kabila" kundi ito rin ay pagpapaala-ala sa atin ng ating misyon bilang mga tagasunod ni Kristo na ibahagi ang Kanyang Mabuting Balita.  Ibahagi natin ang pagmamahal ng Diyos kung nais nating makamit ang kapayapaang nagmumula kay Kristo.

Sabado, Mayo 20, 2017

MAHAL KO ANG DIYOS: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year A - May 21, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Paano mo malalaman kung tunay ang iyong pagsunod sa mga utos ng Diyos?  Tanungin mo ang iyong sarili... Bakit ka nagsisimba tuwing Linggo?  Marahil sasabihin ng iba ay sapagkat takot silang malabag ang ikatlong utos ng Diyos.  Ang iba naman marahil ay sapagkat may karampatang kapalit ang pagpapakabuti; may langit na naghihintay sa mga sumusunod ng kanyang utos. Tama ba o mali ang ganitong mga dahilan? Mayroong isang kuwento na minsan daw ay may isang taong nakakita sa isang anghel na may dalang sulo sa isang kamay at isang timbang tubig naman sa isa. Tinanong niya ang anghel kung para saan ito. Ito ang sagot ng anghel: "Sa pamamagitan ng sulo ay susunugin ko ang mga "mansiyon" sa langit at sa pamamagitan naman ng tubig ay bubuhusan at pupuksain ko ang apoy ng impiyerno. At makikita natin kung sino talaga ang taong nagmamahal sa Diyos!" Ito ang mensaheng nais ipahiwatig ng anghel: Marami sa ating mga Kristiyano ang sumusunod lang sa utos ng Diyos sapagkat takot sila sa "apoy" o parusa ng impiyerno o kaya naman ay sapagkat nais nilang manirahan sa "mansiyon ng langit." Kakaunti ang nakapagsasabing "sumusunod ako sa utos dahil mahal ko ang Diyos!" Sa Ebanghelyo ay malinaw ang mga salitang binitiwan ni Hesus: "Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos!" Mali ang pagsunod ng dahil sa takot at mali rin ang pagsunod dahil may hinihintay na kapalit. Ang tunay na pagsunod sa utos ng Diyos ay sapagkat mahal natin Siya. Walang takot. Walang hinihintay na kapalit. Ibig sabihin, nagsisimba ka hindi sapagkat takot kang magkaroon ng kasalanang mortal. Matulungin ka sa mahihirap hindi sapagkat may hinihintay kang gantimpala sa langit. Umiiwas ka sa masamang gawain hindi sapakat takot kang mapa-impiyerno! Nagpapakabuti ka sapagkat MAHAL MO ANG DIYOS! Hindi madali ang magkaroon ng ganitong pananaw at pag-iisip. Kaya nga ipinangako ni Hesus ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo, ang Patnubay na ipinangako ni Hesus, ang s'yang tutulong sa atin upang masunod natin ng may pagmamahal ang Kanyang mga utos. Ang Banal na Espiritu ang Syang dadalisay sa ating mga adhikain at pagnanais na maging mabuti.  Hingin natin ang Kanyang pamamagitan upang paglinawin ang ating mga isipan kung bakit ba tayo nagpapakabuti at umiiwas sa paggawa ng masama.  Tandaan natin na ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... mas nais Niyang Siya'y ating mahalin.